Pagsisisi ng Isang Doktor

Hunyo 1, 2022

Ni Yang Fan, Tsina

Noong nagsimula akong magsanay ng medisina, lagi akong nagsisikap nang husto na maging mabait at propesyonal. Trinato ko nang mabuti ang mga tao, at gumawa ng mga tumpak na pagsusuri. Hindi nagtagal, nakuha ko ang tiwala ng lahat sa aming lugar. Makalipas ang maraming taon, natuklasan kong bumili ng mga bagong kotse at bahay ang mga kasama kong doktor, pero nakatira pa rin sa luma naming bungalow ang pamilya ko, at bisikleta pa rin ang gamit ko. Mabilis na lumalaki ang kambal kong anak na lalaki at napakaraming kailangang bayaran, pero wala akong gaanong pera. Pag iniisip ko ang pananalapi namin, hindi ako makakain o makatulog. Naisip ko: “Bakit halos hindi ako makaraos sa buhay, samantalang kumikita ng napakaraming pera ang ibang mga doktor na ito?”

Hanggang isang araw, sa isang pagpupulong ng mga panlalawigang doktor, nakikipagkuwentuhan ako sa ilang kapwa ko doktor na mga kaibigan ko. Tinanong ko kung paano sila kumikita ng napakaraming pera, at sinimulan nilang sabihin sa akin. Sinabi ng isa sa kanila na si Doctor Sun, “Sinabi ng mga punong awtoridad: ‘Hindi mahalaga kung puti man o itim ang isang pusa, basta’t hinuhuli nito ang daga.’ Pera ang lahat sa lipunan ngayon. Ang pagkita ng pera ay isang kasanayan. Pero kung hahayaan mong hadlangan ka ng iyong konsiyensiya, habambuhay kang magiging mahirap!” Sinabi nang isa pa na si Doctor Li: “Kung gusto mong kumita ng mas marami, kailangan mong mapanatili ang mga pasyente. Habang ginagamot mo sila, bigyan mo sila ng ilang hormones. Mabilis sila pagagalingin ng mga iyon, at maaaring dalhin ng mga pasyente ang mga iyon. Magkakaroon ka ng magandang reputasyon, mas maraming pasyente ang darating, at kikita ka ng mas maraming pera.” Sinabi ng isa pang doktor na si Doctor Jin: “‘Gamutin ang maliliit na sakit ng malalaking lunas.’ Kapag may dumating na may ubo dahil sa sipon, hindi ka gaanong kikita sa normal na lunas, at matatagalan iyon. Gamutin mo iyon na parang pulmonya. Eepekto ang gamot, kikita ka ng mas maraming pera, at masisiyahan din ang pasyente. Lahat panalo.” Lahat sila ay may sariling mga paraan para kumita ng pera. Medyo naalarma ako. Ang pagkita ng pera nang ganito mula sa mga pasyente, nang walang konsiyensiya, ganito ba dapat ang iasal ng mga doktor? Hindi ba ito talagang masamang pag-uugali? Pero inisip ko rin ang mga bahay na tinitirhan nila, at ang mga kotseng minamaneho nila, at kung gaano kakompiyansa sila kung magsalita. Samantalang bisikleta pa rin ang sinasakyan ko, at napakadukha. Kung hindi ko gagawin ang sinabi nila, paano ako kikita ng mas maraming pera? Paano ko mabibigyan ng magandang buhay ang pamilya ko? Bukod doon, parang gano’n din naman ang ginagawa ng lahat. Kahit patuloy akong etikal na magsagawa ng medisina, hindi ko mababago ang lipunan. At sa pangako ng mas maraming pera, hindi ko na narinig ang konsiyensya ko. Nagpasya akong subukan ang mga pamamaraan na itinuro sa akin ng mga kasamahan ko. Sinobrahan ko ang paggamot sa mga pasyente, binibentahan sila ng labis-labis na gamot.

Isang araw, may dumating na isang pasyenteng masakit ang ngipin. Gingivitis iyon, na magagamot naman sana ng mumurahing gamot. Pero, nang makita ko ang tindi ng sakit na tinitiis ng pasyente, naisip ko ang sinabi ni Doctor Jin: “Gamutin ang maliliit na sakit ng malalaking lunas.” Kaya, nagreseta ako ng kapwa Western at tradisyunal na Chinese medicine, at ilang intramuscular injections. Natakot ako na tatanggihan ng pasyente ang napakaraming gamot, kaya nagkunwari akong naaawa at sinabing: “Maraming gamot ito, pero gagamutin nito ang ugat ng mga sintomas mo.” Hinawakan lang ng pasyente ang pisngi niya at tumango, tapos ay nagbayad at umalis nang walang salita. Habang pinapanood siyang paalis, nagsimulang gumaan ang pagkabalisa na naramdaman ko. Kumita ako ng mas maraming pera kaysa sa karaniwan, at bagaman nakonsiyensya ako sa simula, di nagtagal ay nawala ang pakiramdam na iyon. Isa pang araw, dumating ang isang ina at ang limang taong gulang niyang anak na lalaki. Nagkasipon ang bata at inuubo, kaya kailangan lang niya ng mumurahing gamot para sa loob ng ilang araw. Pero naalala ko na hindi ako kikita sa ganitong uri ng paggamot. Kaya, sinabi ko sa nanay ng bata: “May tracheitis ang anak mo. Kailangan niya agad ng IV drip, kung hindi ay magiging pulmonya ito.” Nabigla siya, pero pinaniwalaan niya ang lahat ng sinabi ko nang walang tanong, at nilagyan ko ng IV drip ang anak niya sa loob ng apat na araw. Pag-alis nila sa ospital, ang perang ibinayad nila ay maraming beses ang laki kaysa sa dating ibinabayad sa akin para sa ganitong uri ng paggamot. Nakonsiyensya ako, pero, naisip ko uli ang sinabi ng ibang mga doktor, “Hindi makababayad ng mga bayarin o makabibili ng pagkain ang konsiyensya. Kung pakikinggan mo ito, palagi kang magiging mahirap.” Nang maisip ko ang sinabi nila sa akin, nawala ang pagkakonsiyensya ko. Minsan kailangang magsinungaling ng mga tao para kumita ng pera, para mabuhay sa lipunang ito. Wala akong ibang mapagpipilian.

Kalaunan, pinuntahan ako ng isang pasyenteng may chronic bronchitis. Sa kondisyon niya, nangangailangan lang siyang uminom ng ilang simpleng gamot. Pero, siyempre, hindi ako kikita ng pera roon. Kaya, sinabi ko sa kanyang: “Kailangan mong maglagay ng IV, kung hindi puwede iyang maging emphysema, na sa malulubhang kaso ay puwedeng magdulot ng sakit sa puso.” Sa panghihimok ko, masaya siyang nagpalagay ng IV sa loob ng pitong araw. Natatandaan ko na sa huling araw ng panggagamot, hinawakan niya ang kamay ko at sinabing: “Salamat, Doktor. Mas mabuti na ang pakiramdam ko ngayon matapos ang paggamot na ito. Kung naging emphysema ito o sakit sa puso, talagang magdurusa ako.” Tinamaan ang konsiyensya ko nang marinig ko ito, at namula ang aking mukha. Pero inisip ko uli, “Sino ang hindi nagsisinungaling o nandaraya sa lipunang ito? Isang kasanayan ang pagkita ng pera.” Habang iniisip ito, ang pakiramdam ko na hindi mapakali at lahat ng aking pag-aalala ay nagsimulang maglaho. Sa ganitong paraan, mas lalo ko pang dinumihan ang aking sarili sa paghahanap ko ng pera. Matapos ang ilang taon, marami na akong kinitang pera. May mas malaking bahay na ako, may asawa na ang mga anak ko, at maayos ang buhay. Pero madalas akong nasasaktan at nakokonsiyensya. Wala akong madamang kapayapaan. Nasa kalagayan ako ng patuloy na pagkabalisa. Nag-alala ako na baka may nakatuklas sa kung anong ginagawa ko at sinasabi iyon sa lahat nang hindi ko nalalaman. Napakahirap tiisin ng isiping iyon.

Isang araw, isang sister sa nayon namin ang nangaral sa akin ng ebanghelyo ng kaharian ng Makapangyarihang Diyos, at nagsimula akong basahin ang mga salita ng Diyos nang madalas. Minsan, sa isang pagtitipon, binasa namin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa katapatan. “Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga tapat. Sa diwa, matapat ang Diyos, kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos ang mga lubos na tapat sa Kanya. Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, pagiging totoo sa Diyos sa lahat ng bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga totoong impormasyon, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay para lamang magpalakas sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit doble ang hirap nito para sa inyo. Maraming tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang tapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi tapat. … Kung ano ang mangyayari sa kapalaran ng isang tao sa huli ay nakasalalay sa kung mayroon siyang pusong tapat at kasimpula ng dugo, at kung may dalisay siyang kaluluwa. Kung isa kang taong lubhang hindi tapat, isang taong may pusong masama ang hangarin, isang taong marumi ang kaluluwa, tiyak na hahantong ka sa lugar kung saan pinarurusahan ang tao, tulad ng nakasulat sa talaan ng tadhana mo. Kung inihahayag mong lubha kang tapat, ngunit hindi mo kailanman nagawang kumilos alinsunod sa katotohanan o magsabi ni isang totoong salita, naghihintay ka pa rin bang gantimpalaan ka ng Diyos? Umaasa ka pa rin bang ituturing ka ng Diyos na lubos Niyang minamahal? Hindi ba kahibangan ang ganitong pag-iisip? Nililinlang mo ang Diyos sa lahat ng bagay; paanong tatanggapin sa sambahayan ng Diyos ang isang tulad mo, na marumi ang mga kamay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na tapat ang diwa ng Diyos, at gusto Niya ang mga tapat na tao. Hinihingi sa atin ng Diyos na maging bukas tayo sa Kanya sa ating pagsasalita at mga kilos. Lantaran man o palihim, dapat nating tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, at huwag magsinungaling sa Diyos o sa iba. Dapat tayong maging matapat at mapagkakatiwalaan, dahil ang mga gayong tao lang ang maliligtas at makapapasok sa kaharian ng Diyos. Sa pag-iisip tungkol sa kung ano’ng hinihingi sa atin ng Diyos, napagtanto ko kung paanong, bilang isang doktor, hindi ko inisip kung paano pagagalingin ang mga pasyente ko o papawiin ang paghihirap nila, kundi kung paano ako kikita ng mas maraming pera para sa sarili ko. Niloko ko ang mga tao para sa pera nila samantalang dapat ginagamot ko sila. Sinamantala ko ang takot ng mga tao, pinalalabas na malala ang maliliit na kondisyon at ginagamit iyon para magbenta ng mamahaling mga gamot at patagalin ang gamutan. Pinagwaldas ko sila ng pera, pero pinasalamatan pa rin nila ako para doon. Kasuklam-suklam iyon at kahiya-hiyang pag-uugali! Kahit na nagkaroon ako ng komportableng pamumuhay sa paggawa nito, palagi akong napapraning at ninenerbiyos, at hindi ko magawang kumalma. Lubos akong kumilos nang walang konsiyensya. Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na kinamumuhian ng Diyos ang mga taong nagsisinungaling at nanlilinlang ng iba, at na hindi magkakaroon ng masayang katapusan ang mga taong ito. Ang mga matapat na tao lang ang makakatanggap ng papuri ng Diyos at ng Kanyang pagliligtas. Simula noon, hinangad kong maging isang matapat na tao. Nagpasya akong hindi ko na uli dadayain ang sinuman kailanman, na titigil na ako sa sobrang paggamot sa mga pasyente. Gusto kong magsagawa ng medisina nang marangal at matapat.

Kalaunan, napagtanto ko na, simula nang tumigil ako sa panloloko at sobrang panggagamot ng mga pasyente, mas lumiit na ang kita ko. Noong panahong iyon, ang performance ng namamahalang ospital ay konektado sa benta ng gamot ng mga klinika. Isang araw, nagpatawag ang ospital ng isang performance evaluation meeting. Pinagbintangan ako ng chairman na hinihila ko pababa ang ospital, at ibinaba ang plake na nagbabansag sa amin bilang isang “advanced clinic.” Nagsimula rin ang ospital na mamigay ng mga insentibo sa mga tauhan. Buwan-buwan, kung nagawa ng doktor na malampasan ang buwanang kota ng benta ng gamot, limampung porsyento ng sobrang kita ay ibibigay sa kanya bilang komisyon. Naisip ko na kapag bumalik ako sa sobrang panggagamot sa mga pasyente, makakakuha ako ng mahigit 4,000 yuan na ekstra bawat buwan, na nangangahulugan ng ekstrang 50,000 yuan bawat taon. Pero, kung hindi ko itutuloy ang sobrang panggagamot ng mga pasyente, hindi ko maaabot kailanman ang mga target na itinalaga nila para sa amin, at mawawalan ako ng napakaraming pera. Habang lalo ko iyong iniisip, lalo kong nararamdaman na ang pagiging isang matapat na tao ay imposible sa aking trabaho. Kailangan kong mandaya ng mga tao para kumita ng pera. At kaya, sumalungat akong muli sa kung ano ang hinihingi sa akin ng Diyos, hindi ko pinansin ang konsiyensya ko at bumalik sa dati kong gawi.

Isang araw, isang mag-asawa ang nagdala ng anak nilang lalaki sa akin. Nagkasipon siya, na humantong sa isang respiratory infection, at puwedeng malunasan sa kaunting gamot lang. Nagkukunwaring nag-aalala, nilabas ko ang stethoscope ko at pinakinggan ang dibdib at likod ng bata. Matapos ang kunwaring pagsusuri na ito, istrikto kong sinabi sa mga magulang: “May pediatric pneumonia ang anak ninyo. Kumalat na ito. Dapat pumunta kayo rito nang mas maaga! Kung nahuli pa nang isang araw, tiyak na mas malala na siya! Sa kabutihang-palad, may oras pa. Lalagyan natin siya ng IV drip sa loob ng ilang araw, at magiging ayos na siya.” At, ganoon lang, bumalik ako sa panghihikayat ng mga pasyente para sa pera nila. Sinadya kong pagmukhaing malala ang sakit ng bata. Kalaunan, sinisi ko ang sarili ko. Natakot ako na baka malantad ang ginawa ko, kaya araw-araw akong ninenerbyos. Minsan, sinasabi ko sa sarili ko na ito na ang huling beses, at pagkatapos noon ay titigil na ako. Pero hindi ko malabanan ang tukso ng pera, at hindi ko mapigilan ang sarili ko sa paggawa ng mga kasalanang ito. Naging isang pakikipagbuno ang buhay ko. Alam kong humihingi ang Diyos ng katapatan mula sa atin, pero hindi ko makontrol ang sarili ko o mahinto ang panloloko ko sa mga pasyente ko.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Isinilang sa gayong napakaruming lupain, labis nang naimpluwensiyahan ng lipunan ang tao, naimpluwensiyahan na siya ng mga etikang pyudal, at naturuan na siya sa ‘mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.’ Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, masamang pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa pamumuhay, lubos na hungkag na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang nagpahina at sumalakay sa kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya. Lalong nagiging mas mabangis ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang sumunod sa Diyos, ni, higit pa rito, isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, sa ilalim ng sakop ni Satanas, walang ginawa ang tao kundi maghangad ng kalayawan, ibinibigay ang sarili sa katiwalian ng laman sa lupain ng putik. Marinig man nila ang katotohanan, hindi nag-iisip ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, ni nakahandang hanapin ang Diyos kahit na nasaksihan na nila ang Kanyang pagpapakita. Paano magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan ang isang sangkatauhang napakasama? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang sangkatauhang labis nang namumulok?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). “Makalipas ang ilang libong taon ng katiwalian, ang tao’y manhid at mapurol ang isip; siya’y naging demonyong kumakalaban sa Diyos, hanggang naitala na sa mga aklat ng kasaysayan ang pagiging mapanghimagsik ng tao tungo sa Diyos, at kahit ang tao mismo ay hindi kayang magbigay ng buong ulat ng kanyang ugaling mapanghimagsik—sapagka’t ang tao ay nagawang tiwali na nang husto ni Satanas, at nailigaw na ni Satanas, na anupa’t hindi niya nalalaman kung saan tutungo. Kahit sa ngayon, pinagtataksilan pa rin ng tao ang Diyos: Kapag nakikita ng tao ang Diyos, nagtataksil siya sa Kanya, at kapag hindi niya nakikita ang Diyos, Siya’y pinagtataksilan pa rin niya. Mayroon pa ngang iba na, bagaman nasasaksihan na ang mga sumpa ng Diyos at poot ng Diyos, pinagtataksilan pa rin Siya. Kung kaya’t sinasabi Kong nawala na ng katinuan ng tao ang orihinal nitong gamit, at na ang konsensiya ng tao, gayundin, ay nawalan ng orihinal nitong gamit(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). Inihayag sa akin ng mga salita ng Diyos na ang lipunang tinitirahan natin at ang edukasyong natanggap natin ay nagawang tiwali ni Satanas. “Walang kayamanan kung walang katusuhan,” “Una ang pera,” at “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba”—nagmumula kay Satanas ang lahat ng mga pilosopiyang ito. Dahil naimpluwensyahan at nalason ng mga pananaw na ito, nagiging baluktot ang mga pagpapahalaga natin. Inuuna natin ang pera higit sa lahat, tinatalikdan natin ang konsiyensya at moralidad alang-alang sa pagpapalaki ng sarili nating mga pakinabang. Nagsisinungaling at nandaraya tayo, nagiging mas lalong makasarili, mapanlinlang, sakim at masama, mas lalong nawawalan ng ating pagkatao. Tungkulin ng isang doktor ang pagalingin ang mga pasyente nila at magsagawa ng etika ng medisina. Ito ang kabuuan ng konsiyensya ng tao. Pero, sa ilalim ng gayuma ng pera, sobrang ginagamot ng karamihan sa mga doktor ang mga pasyente at labis na nagrereseta ng mga gamot, nililinlang pa nga ang mga pasyente na gumamit ng hormones. Bagaman hindi pa nila nakikita ang panganib sa una, ang labis na paggamit ng gamot at hormone treatment sa paglipas ng panahon ay lubhang makasisira ng katawan. Naiipon sa katawan ng pasyente ang mga lason na nasa gamot, at kalimitan ay nagdudulot ng malalalang sakit. Isa iyong uri ng mabagal na pagpatay. Habang lalo akong nag-iisip, mas lalo akong natatakot. Naisip ko noong bata ako at nagpasyang maging isang doktor. Sa simula, gusto kong tumulong sa mga karaniwang tao. Pero ang mga satanikong pananaw na ito, “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Una ang pera,” at “Hindi mahalaga kung puti o itim ang isang pusa, basta hinuhuli nito ang daga,” ay nagsimulang kumontrol sa akin, at dahan-dahan akong nawalan ng konsiyensya at katwiran. Ang mga pang-tatlong araw na sakit ay ginawa kong pang-limang araw, para lang kumita ng pera. Kung malulunasan ang sakit ng limang sentimos, pinagaling ko iyon nang sampung sentimos. Ginawa akong tiwali ni Satanas hanggang sa puntong nawalan ako ng lahat ng konsiyensya at katwiran. Mas lalong naging masama ang aking disposisyon. Naging isa akong lobo na nakadamit pang-tupa, na mas nagpapahalaga sa pera kaysa sa konsiyensya. Matapos tanggapin ang gawain ng Diyos, nalaman ko na hinihingi ng Diyos na maging matapat na tao tayo. Pero hindi ko pa rin matagalan ang pang-aakit ng pera o personal na pakinabang, at, muli kong sinimulan ang pandaraya sa mga pasyente ko. Nakita ko kung paano naging bahagi ng kalikasan ko ang mga lason ni Satanas. Kung hindi dahil sa paghatol ng mga salita ng Diyos na pumapatnubay sa akin para makita ang pagiging kamuhi-muhi at panganib ng mga kasinungalingan ko, magpapatuloy ako sa pamumuhay bilang isang mandaraya. Magiging balisa ako at nagsisisi buong buhay ko, at mapupunta sa impyerno bilang kaparusahan sa masamang ugali ko. Naunawaan ko na sa wakas kung gaano kahalaga na hinihingi sa atin ng Diyos na maging matapat. Ang pagiging matapat at paggawa ng matatapat na gawain ay nagbibigay sa atin ng integridad at dignidad. Ang pagiging matapat lang ang paraan para matanggap ang papuri ng Diyos at mapayapa ang mga puso natin. Sa sandaling naunawaan ko ang kalooban ng Diyos, nanalangin ako sa Kanya. Handa akong magsimula nang panibago, na talikdan ang sarili ko, para isagawa ang katotohanan, at maging isang matapat na tao.

Isang araw, pinuntahan ako ng isang pasyente mula sa ibang nayon. Matapos ang isang maingat na pagsusuri, natiyak ko na mayroon siyang isang venous leg ulcer. Oo. Mahirap alisin iyon at mahirap gamutin. Pero may alam akong isang sikretong gamot na makatatanggal agad doon sa kaunting halaga lang. Sinabi sa akin ng pasyente na nanggaling na siya sa mga doktor sa lalawigan, pati na sa ilang albularyo, at nakagastos na ng libu-libong yuan pero walang nangyari. Pagkarinig nito, naisip ko: “Mahigit isanlibong yuan na ang nagastos niya, kaya kung sisingilin ko siya ng ilandaan para sa lunas, hindi na iyon ganoon kasama, tama? Nakapanghihinayang naman kung masasayang ang pagkakataong ito.” Habang iniisip ko ito, lumundag ang puso ko. “Itong huling taong ito na lang ang dadayain ko, at mula noon, magiging matapat na ako.” Pero, habang hinahanda ko na ang pagbibigay sa kanya ng reseta, naisip ko ang pagpapasya na ginawa ko sa harap ng Diyos. Nagsimula akong manalangin: “Diyos ko, may udyok pa rin akong magsinungaling. Alam kong hindi ko dapat patuloy na pinagtataksilan ang pangako ko at binibigo Ka. Diyos ko, pakiusap, tulungan mo akong iisantabi ang mga personal kong interes at maging isang tapat na tao.” Isang sipi ng mga salita ng Diyos ang pumasok noon sa isip ko: “Ang Diyos ay palaging nasa puso ng mga taong tunay na naniniwala sa Kanya, at palagi silang may pusong nagpipitagan sa Diyos, isang pusong nagmamahal sa Diyos. Dapat gawin ng mga naniniwala sa Diyos ang mga bagay-bagay nang maingat at masinop, at lahat ng ginagawa nila ay dapat maging alinsunod sa mga kinakailangan ng Diyos at makalugod sa Kanyang puso. Hindi dapat maging matigas ang kanilang ulo, na ginagawa ang anumang gusto nila; hindi iyan nababagay sa banal na kaangkupan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Ipinakita sa akin ng siping ito ng mga salita ng Diyos na ang mga tunay na mananampalataya ay iginagalang ang Diyos sa puso nila, mga tapat at maaasahan. Lantaran nilang ginagawa ang mga bagay, tinatanggap ang pagsusuri ng Diyos, at hindi nila nililinlang ang iba. Ginagawa nila ang lahat nang may banal na kaangkupan, at kumikilos gaya ng hinihingi ng Diyos. Hindi nila hinihiya ang Diyos, naghihimagsik laban sa Kanya, o gumagawa ng mga bagay na kinamumuhian Niya. Naging malay ako na sinusubukan ni Satanas na gamitin ang pera para akitin ako at gawin na naman akong tiwali, para ipagpatuloy ko ang masasamang kasinungalingan ko. Pero alam kong hindi ako pwedeng patuloy na maghimagsik sa Diyos at sumalungat sa mga kahilingan Niya. Lubos akong nagpapasalamat sa patnubay at kaliwanagan ng mga salita ng Diyos, at nanalangin ako uli sa Diyos: “O Diyos! Dinala Mo rito ang pasyenteng ito ngayon para subukin ako. Noon, nagsinungaling ako at nandaya alang-alang sa pera, at isinabuhay ko ang wangis ni Satanas. Pero simula ngayong araw, gusto kong maging isang matapat na tao, para mapalugod Ka at maipahiya si Satanas.” Matapos manalangin, taimtim kong sinabi sa pasyente: “Bagaman mahirap gamutin ang sakit na ito, mayroon akong reseta na sigurado akong makapagpapagaling sa iyo, at nagkakahalaga lang iyon ng 30 sentimos.” Kung nangyari ito noon, at kinailangan kong ibenta ang resetang ito, ilang patong ng halagang ito ang hihingiin ko. Pero ngayon binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng kompiyansa para isagawa ang katotohanan, para maging isang matapat at may paninindigang tao. Hindi na uli ako mandaraya ng mga tao para sa pera nila. Ang araw na iyon, nang umalis ang pasyente dala ang gamot niya, nakaramdam ako ng napakalaking kasiyahan at kapayapaan sa puso ko.

Makalipas ang sampung araw, bumalik ang pasyente, at buong pasasalamat na sinabing: “Kung saan-saan na ako nagpunta para makakuha ng gamot sa sakit na ito, pero hindi ako sinuwerte. Ni hindi ko nagamit ang lahat ng gamot na binigay mo sa akin, at magaling na ang sugat ko! Isa iyong mahimalang panlunas! Maraming salamat! Sasabihin ko sa lahat ng kakilala ko ang tungkol sa iyo. Hindi ka lang lubos na may kasanayan, abot-kaya ka rin.” Nang marinig ko ang pasasalamat niyang ito, alam ko na ang maliit na pagbabagong ito sa akin ay dahil sa pinatnubayan ako ng mga salita ng Diyos.

Naalala ko kung paanong iniisip ko noon: “Una ang pera,” “Walang kayamanan kung walang katusuhan,” at “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Alipin ng mga lasong ito, nawala ang konsiyensya ko, integridad ko, at ang aking moralidad. Naging masama akong tao. Ang mga salita at pagliligtas ng Diyos ang nagbalik ng konsiyensya at katwiran ko, at tumulong sa akin na mapabalik ang mga prinsipyo ko. Simula noon, matapat kong ginamot ang bawat pasyenteng pumunta sa akin. Binigyan ko sila ng kung ano lang ang kailangan nila, at naging tapat tungkol sa kondisyon nila. Sinunod ko ang pamantayan ko ng pagiging matapat. Matapos ang ilang panahon ng pagsasagawa sa ganitong paraan, nakita ko ang mga pagpapala ng Diyos. Ramdam kong tahimik ang loob ko, payapa, at walang pagkabalisa. At saka, sinabi sa iba ng mga pasyenteng ginamot ko ang tungkol sa karanasan nila sa akin. Gusto ng mga tao mula sa nakapaligid na mga nayon na gamutin ko sila. Ramdam ko na ang pagsasabi lang ng katotohanan at pagiging matapat ang gumagawa sa isang tao na isang tunay na tao. Ang pagtanggi sa mga kasinungalingan at pagsasabi ng katotohanan ang unang hakbang sa pagiging isang matapat na tao, at alam kong kailangan ko pa ring magsikap alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, at hangarin na maging isang tunay na matapat na tao.

Sinundan: Ang Tamang Desisyon

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Tamang Desisyon

Ni Shunyi, Tsina Ipinanganak ako sa isang liblib na nayon sa bundok, sa isang pamilya ng ilang henerasyon ng mga magsasaka. Noong nag-aaral...

Ang Pagsisisi ng Isang Opisyal

Ni Zhenxin, TsinaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Mula nang likhain ang mundo hanggang ngayon, lahat ng nagawa ng Diyos sa Kanyang gawain...

Leave a Reply