Pagsasagawa (3)

Dapat kayong magkaroon ng kakayahan na mabuhay nang mag-isa, upang magawang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang mag-isa, upang maranasan ang mga salita ng Diyos nang kayo lamang, at upang mamuhay ng isang normal na buhay espirituwal nang walang pangunguna ng iba. Dapat magawa ninyong umasa sa mga salita ng Diyos sa kasalukuyan upang mabuhay, makapasok sa tunay na karanasan, at makatamo ng tunay na mga kaunawaan. Sa gayon lamang kayo makapaninindigan. Sa kasalukuyan, maraming tao ang hindi ganap na nauunawaan ang panghinaharap na mga kapighatian at mga pagsubok. Sa hinaharap, ang ilang tao ay makararanas ng mga kapighatian, at ang ilan ay makararanas ng kaparusahan. Ang kaparusahang ito ay magiging lalong matindi; ito ang magiging pagdating ng mga katunayan. Sa kasalukuyan, ang lahat ng iyong nararanasan, isinasagawa, at ipinapakita ay inilalatag ang saligan para sa mga pagsubok ng hinaharap, at kahit papaano, dapat mong magawa na mabuhay nang mag-isa. Ngayon, ang sitwasyon tungkol sa marami sa iglesia sa pangkalahatan ay ang mga sumusunod: Kung may mga pinuno at manggagawa na gagawa ng gawain, sila ay masaya, at kung wala, sila ay hindi masaya. Hindi nila pinagtutuunan ng pansin ang gawain ng iglesia, ni ang kanilang sariling mga buhay espirituwal, at wala ni katiting na pasanin—sila ay gumagawa nang walang layunin kagaya ng ibong Hanhao.[a] Sa totoo lang, ang gawain na Aking ginawa sa maraming tao ay gawain lamang ng paglupig, sapagka’t marami ang pangunahin nang hindi karapat-dapat na gawing perpekto. Isang maliit na bahagi lamang ng mga tao ang maaaring gawing perpekto. Kung, sa pagkarinig sa mga salitang ito, iniisip mong “dahil ang gawain na ginagawa ng Diyos ay para lamang lupigin ang mga tao, susunod lamang Ako nang walang interes,” papaano magiging katanggap-tanggap ang gayong ugali? Kung ikaw ay tunay na nagtataglay ng konsiyensya, ikaw ay dapat mayroong pasanin, at pagkadama ng pananagutan. Dapat mong sabihin: “Ako man ay lulupigin o gagawing perpekto, dapat kong pasanin nang maayos ang hakbang na ito ng patotoo.” Bilang isang nilikha ng Diyos, ang isa ay maaaring ganap na malupig ng Diyos, at sa huli, nagagawa niyang mapalugod ang Diyos, tinutumbasan ang pag-ibig ng Diyos ng pusong nagmamahal sa Diyos at sa ganap na paglalaan ng sarili sa Diyos. Ito ang pananagutan ng tao, ito ang tungkulin na dapat gampanan ng tao, at ang pasanin na dapat dalhin ng tao, at dapat matapos ng tao ang tagubilin na ito. Sa gayon lamang siya tunay na naniniwala sa Diyos. Sa kasalukuyan, ang ginagawa mo ba sa iglesia ay ang katuparan ng iyong pananagutan? Ito ay nakasalalay sa kung ikaw ay may pinapasan, at sa sarili mong kaalaman. Sa pagdanas sa gawaing ito, kung ang tao ay nalupig at mayroong tunay na kaalaman, makakaya niya ang pagsunod maging anuman ang kanyang sariling mga inaasahan o kapalaran. Sa ganitong paraan, ang dakilang gawain ng Diyos ay magkakatotoo sa kabuuan nito, sapagka’t kayong mga tao ay walang kakayahang hihigit dito, at hindi kayang tumupad ng anumang mas malaking mga kahilingan. Gayunman sa hinaharap, ang ilang tao ay gagawing perpekto. Ang kanilang kakayahan ay mapabubuti, sa kanilang espiritu sila ay magkakaroon ng isang mas malalim na kaalaman, at ang kanilang mga buhay ay lalago…. Nguni’t ang ilan ay ganap na walang kakayahan na makamit ito, at sa gayo’y hindi maliligtas. Mayroong dahilan kung bakit sinasabi Kong hindi sila maliligtas. Sa hinaharap, ang ilan ay lulupigin, ang ilan ay aalisin, ang ilan ay gagawing perpekto, at ang ilan ay gagamitin—at gayundin ang ilan ay makararanas ng mga kapighatian, ang ilan ay makararanas ng kaparusahan (kapwa mga natural na kalamidad at mga kasawiang gawa ng tao), ang ilan ay maaalis, at ang ilan ay makaliligtas. Sa ganito, ang bawa’t isa ay pagbubukud-bukurin ayon sa uri, na ang bawa’t grupo ay kumakatawan sa isang uri ng tao. Hindi lahat ng tao ay aalisin, ni ang lahat ng tao ay gagawing perpekto. Ito ay dahil ang kakayahan ng mga Tsino ay napakababa, at mayroon lamang maliit na bilang sa kanila ang nagtataglay ng uri ng kamalayang pansarili na mayroon noon si Pablo. Sa inyo, kakaunti ang mayroong determinasyong ibigin ang Diyos katulad ng mayroon noon si Pedro, o kagaya ng uri ng pananampalataya noon ni Job. Walang gaano sa inyo ang natatakot at pinaglilingkuran si Jehova gaya ng ginawa ni David, na may ganoong kaparehong antas ng katapatan. Kaawa-awa kayo!

Sa kasalukuyan, ang usapin sa pagpeperpekto ay isang aspeto lamang. Anuman ang mangyari, dapat ninyong pasanin nang maayos ang hakbang na ito ng patotoo. Kung hihilingin sa inyo na maglingkod sa Diyos sa templo, paano ninyo ito gagawin? Kung ikaw ay hindi isang saserdote, at walang katayuan ng mga panganay na anak na lalaki o mga anak ng Diyos, makakaya mo pa rin bang maging matapat? Makakaya mo pa rin ba na gugulin ang lahat ng iyong pagsisikap sa gawain ng pagpapalaganap ng kaharian? Makakaya mo pa rin bang gawin ang gawain ng tagubilin ng Diyos nang mahusay? Gaano man ang iniunlad ng iyong buhay, magagawa ng gawain sa kasalukuyan na papaniwalain ka nang lubos sa loob, at isantabi ang lahat ng iyong mga pagkaintindi. Taglay mo man o hindi ang kailangan upang magtaguyod sa buhay, magagawa ng gawain ng Diyos na papaniwalain ka nang lubos. Sinasabi ng ilang tao: “Ako ay naniniwala lang sa Diyos, at hindi ko nauunawaan ang kahulugan ng pagtataguyod sa buhay.” At sinasabi ng ilan: “Litung-lito ako sa aking paniniwala sa Diyos. Nalalaman ko na hindi ako maaaring magawang perpekto, at kaya ako ay nakahandang makastigo.” Kahit na ang mga taong kagaya nito, na handang makastigo o mawasak, ay dapat ding magawang kilalanin na ang gawain sa kasalukuyan ay ipinatutupad ng Diyos. Sinasabi rin ng ilang tao: “Hindi ko hinihiling na magawang perpekto, nguni’t, ngayon, nakahanda akong tanggapin ang lahat ng pagsasanay ng Diyos, at ako ay nakahandang isabuhay ang normal na pagkatao, paunlarin ang aking kakayahan, at sundin ang lahat ng mga pagsasaayos ng Diyos….” Sa ganito, sila rin ay nalupig at nagpatotoo na, na nagpapatunay na mayroong kaunting kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos sa loob ng mga taong ito. Ang yugto ng gawaing ito ay naipatupad nang napakabilis, at sa hinaharap, ito ay ipatutupad nang lalong mas mabilis sa ibang bansa. Sa kasalukuyan, ang mga tao sa ibang bansa ay hindi na makapaghintay, silang lahat ay nagmamadali papuntang Tsina—at kaya kung hindi kayo maaaring gawing ganap, paghihintayin ninyo ang mga tao sa ibang bansa. Sa sandaling iyon, gaano man kahusay kayo nakapasok o ano mang klase kayo, kapag dumating ang oras ang Aking gawain ay magwawakas at makukumpleto. Ang Aking gawain ay hindi ninyo maaantala. Ginagawa Ko ang gawain ng buong sangkatauhan, at hindi Ko na kailangang gumugol pa ng anumang panahon sa inyo! Masyado kayong walang pagganyak, masyadong kulang sa kamalayang pansarili! Hindi kayo karapat-dapat na gawing perpekto—halos wala kayong anumang potensyal! Sa hinaharap, kahit na ang mga tao ay magpatuloy sa pagiging masyadong maluwag at pabaya, at manatiling walang kakayahan na pagbutihin ang kanilang kakayahan, hindi nito mahahadlangan ang gawain ng buong sansinukob. Kapag dumating ang panahon para matapos ang gawain ng Diyos, matatapos ito, at kapag dumating ang panahon para alisin ang mga tao, sila ay aalisin. Siyempre, yaong dapat magawang perpekto, at mga karapat-dapat na magawang perpekto, ay gagawin ding perpekto—nguni’t kung wala talaga kayong pag-asa, ang gawain ng Diyos ay hindi maghihintay sa inyo! Sa huli, kung ikaw ay nalupig, ito ay maaari ring ituring na pagpapatotoo. Mayroong mga hangganan sa kung ano ang hinihingi ng Diyos sa inyo; gaano man kataas ang tayog na magagawang makamit ng tao ay gayon din ang taas ng patotoo na hinihingi sa kanya. Hindi ito kagaya ng iniisip ng tao na nararating ng gayong patotoo ang pinakamataas na mga hangganan at ito ay aalingawngaw—walang pag-asa na ito ay maaaring matamo sa inyo mga Tsino. Nakipag-ugnayan Ako sa inyo sa buong panahong ito, at kayo mismo ay nakita na ito: nasabi Ko na sa inyong huwag lumaban, huwag maging mapanghimagsik, huwag gumawa ng mga bagay na nakaaantala o nakagagambala sa Aking likuran. Tuwiran Ko nang pinuna ang mga tao dito nang maraming beses, nguni’t maging iyon ay hindi sapat—sa sandaling sila’y tumalikod sila ay nagbabago, habang ang ilan ay lihim na lumalaban, nang walang anumang pagsisisi. Iniisip mo ba na wala Akong alam tungkol dito? Iniisip mo ba na maaari kang makagawa ng kaguluhan para sa Akin at walang idudulot ito? Iniisip mo ba na hindi Ko nalalaman kapag tinatangka mong sirain ang Aking gawain sa Aking likuran? Iniisip mo ba na ang iyong hamak na mga panlalansi ay maaaring kumatawan para sa iyong ugali? Ikaw ay palaging parang masunurin nguni’t lihim na taksil, nagtatago ka ng masasamang saloobin sa iyong puso, at maging ang kamatayan ay hindi kaparusahang sapat para sa mga taong kagaya mo! Iniisip mo ba na ang ilang maliit na gawain ng Banal na Espiritu sa iyo ay maaaring ipalit sa iyong paggalang para sa Akin? Iniisip mo ba na nagtamo ka ng kaliwanagan sa pamamagitan ng pagtawag nang malakas sa Langit? Wala kang kahihiyan! Napakawalang-halaga mo! Iniisip mo ba na ang iyong “magagandang gawa” ay pumupunta sa Langit, at na, bilang kapalit gumawa Siya ng isang pagtatangi at pinagkalooban ka ng kaunting talento, na ginagawa kang mahusay sa pagsasalita, pinahihintulutan ka na linlangin ang iba, at linlangin Ako? Napakawalang-katwiran mo! Nalalaman mo ba kung saan nanggagaling ang iyong kaliwanagan? Hindi mo ba nalalaman kung kaninong pagkain ang iyong kinain habang lumalaki ka? Masyado kang imoral! Ang ilan sa inyo ay ni hindi man lang nagbago pagkatapos ng apat o limang taon na pinakikitunguhan, at malinaw sa inyo ang tungkol sa mga bagay na ito. Dapat din kayong maging malinaw tungkol sa inyong kalikasan, at huwag tumutol kapag, isang araw, kayo ay talikdan. Ang ilan, na lumilinlang sa kapwa mga nasa itaas o sa ibaba nila sa kanilang paglilingkod, ay napakitunguhan na nang maraming beses; ang ilan, sapagka’t sila ay gahaman sa salapi, ay napakitunguhan na rin sa hindi maliit na halaga; ang ilan, sapagka’t hindi nila pinananatili ang malinaw na mga hangganan sa pagitan ng mga lalaki at mga babae, ay napakitunguhan na rin nang madalas; ang ilan, sapagka’t sila ay tamad, iniisip lamang ang laman, at hindi kumikilos alinsunod sa mga prinsipyo kapag pumupunta sila sa mga iglesia, ay sumailalim na sa maraming pakikitungo; ang ilan, sapagka’t bigo silang magpatotoo saanman sila magpunta, kumikilos nang mapanadya at walang habas, at sinasadya pang magkasala, ay maraming beses nang pinaalalahanan; ang ilan na nangungusap lamang ng mga salita at mga doktrina sa mga pagtitipon, kumikilos na parang nakahihigit sa lahat, at walang taglay ni katiting na realidad ng katotohanan, at nagtatangka ng masama at nakikipagpaligsahan sa mga kapatid na lalaki at babae—sila ay madalas nang nalantad dahil dito. Nasabi Ko na ang mga salitang ito sa inyo nang maraming beses, at ngayon, hindi na Ako magsasalita ulit tungkol dito—gawin ninyo ang gusto ninyo! Gumawa kayo ng inyong sariling mga desisyon! Maraming tao ang hindi lamang sumailalim sa ganitong pakikitungo sa loob ng isa o dalawang taon, para sa ilan ito ay tatlo o apat na taon, habang ang ilan ay naranasan na ito nang higit sa isang dekada, sumasailalim sa pakikitungo nang sila ay naging mga mananampalataya, nguni’t hanggang sa ngayon ay kakaunti lamang ang pagbabago sa kanila. Ano ang masasabi mo, hindi ka ba kagaya ng mga baboy? Maaari bang di-patas sa iyo ang Diyos? Huwag ninyong isipin na ang gawain ng Diyos ay hindi matatapos kung hindi ninyo kayang maabot ang isang tiyak na antas. Maghihintay pa rin ba ang Diyos sa inyo kung hindi ninyo kayang tuparin ang Kanyang mga hinihiling? Malinaw Kong sinasabi sa iyo—hindi ito ganoon. Huwag magkaroon ng gayong kagandang pananaw sa mga bagay-bagay! Mayroong takdang panahon sa gawain sa kasalukuyan, at ang Diyos ay hindi nakikipaglaro lamang sa iyo! Noon, pagdating sa pagdanas sa pagsubok ng mga taga-serbisyo, iniisip ng mga tao na kung sila ay manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos at malupig Niya, kailangan nilang umabot sa isang tiyak na antas—kailangan nilang maging taga-serbisyo nang kusa at nang masaya, at kailangang nilang magpuri sa Diyos araw-araw, at kahit na katiting ay huwag maging walang-pagpipigil o walang-ingat. Iniisip nilang sa gayon lamang sila magiging isang tunay na taga-serbisyo, nguni’t totoo nga ba? Sa panahong iyon, iba’t ibang uri ng mga tao ang ibinunyag; nagpakita sila ng lahat ng klase ng mga pag-uugali. Ang ilan ay nagreklamo, ang ilan ay nagpakalat ng mga pagkaintindi, ang ilan ay tumigil sa pagdalo sa mga pagtitipon, at ang ilan pa nga ay nagpamudmod ng salapi ng iglesia. Ang magkakapatid ay nagbalak laban sa isa’t isa. Ito ay isa talagang malaking paglaya, nguni’t mayroong isang bagay na maganda tungkol dito: Walang sinuman ang umatras. Ito ang pinakamatibay na punto. Sila ay nakapagpatotoo sa harap ni Satanas dahil dito, at kalaunan ay nakamit ang pagkakakilanlan ng bayan ng Diyos at nakatagal hanggang sa kasalukuyan. Ang gawain ng Diyos ay hindi ipinatutupad gaya ng iyong iniisip, sa halip, kapag oras na, ang gawain ay magwawakas, anuman ang puntong naabot mo. Maaaring sabihin ng ilang tao: “Sa pagkilos na katulad nito hindi Mo inililigtas ang mga tao o iniibig sila—hindi Ikaw ang matuwid na Diyos.” Malinaw Kong sinasabi sa iyo: Ang puso ng Aking gawain sa kasalukuyan ay ang paglupig sa iyo at ang gawin kang magpatotoo. Ang pagliligtas sa iyo ay isa lamang karagdagan; kung maliligtas ka man o hindi ay nakasalalay sa iyong sariling paghahangad, at wala itong kinalaman sa Akin. Nguni’t dapat kitang lupigin; huwag mong palaging subukan na Ako ay pasunurin—Ako ngayo’y gumagawa at inililigtas ka, hindi ang kabaligtaran!

Sa kasalukuyan, ang inyong naunawaan na ay mas mataas kaysa sa naunawaan ng sinumang tao sa buong kasaysayan na hindi nagawang perpekto. Maging ang iyong kaalaman sa mga pagsubok o ang pananalig sa Diyos, lahat ng ito ay mas mataas kaysa sa mayroon ang sinumang nananalig sa Diyos. Ang mga bagay na inyong nauunawaan ang siyang inyong nalalaman bago kayo sumailalim sa mga pagsubok ng mga kapaligiran, nguni’t ang inyong tunay na tayog ay ganap na hindi naaayon sa kanila. Ang inyong nalalaman ay mas mataas kaysa sa inyong isinasagawa. Bagaman sinasabi ninyo na ang mga taong naniniwala sa Diyos ay dapat ibigin ang Diyos, at dapat magsikap hindi para sa mga pagpapala kundi para lamang mapalugod ang kalooban ng Diyos, ang ipinapakita sa inyong mga buhay ay masyadong malayo mula rito, at nadungisan na nang husto. Ang karamihan sa mga tao ay naniniwala sa Diyos alang-alang sa kapayapaan at iba pang mga kapakinabangan. Kapag hindi ito sa iyong kapakinabangan, hindi ka naniniwala sa Diyos, at kung hindi ka makatatanggap ng mga biyaya ng Diyos, ikaw ay nagtatampo. Paanong ang iyong nasabi ay ang iyong tunay na tayog? Pagdating sa di-maiiwasang mga pangyayari sa pamilya gaya ng pagkakasakit ng mga anak, mga mahal sa buhay na naoospital, salat na ani, at pag-uusig ng mga miyembro ng pamilya, maging ang mga madalas mangyaring ito, pang-araw-araw na mga bagay ay sobra-sobra para sa iyo. Kapag nangyayari ang gayong mga bagay, ikaw ay natataranta, hindi mo alam kung ano ang gagawin—at kadalasan, nagrereklamo ka tungkol sa Diyos. Inirereklamo mo na nilinlang ka ng mga salita ng Diyos, na kinukutya ka ng gawain ng Diyos. Wala ba kayong ganoong mga saloobin? Iniisip mo ba na ang ganoong mga bagay ay nangyayari sa inyo nang madalang lamang? Ginugugol ninyo ang bawa’t araw sa gitna ng gayong mga pangyayari. Ni katiting ay hindi ninyo iniisip ang tagumpay ng inyong pananampalataya sa Diyos, at kung paano mapalulugod ang kalooban ng Diyos. Ang inyong tunay na tayog ay napakababa, mas mababa pa kaysa doon sa maliit na sisiw. Kapag ang negosyo ng inyong pamilya ay nalulugi kayo ay nagrereklamo tungkol sa Diyos, kapag natatagpuan ninyo ang inyong sarili sa isang kapaligiran na walang pag-iingat ng Diyos nagrereklamo pa rin kayo tungkol sa Diyos, at nagrereklamo rin kayo kahit ang isa sa inyong mga sisiw ay namatay o ang isang matandang baka sa kulungan ay nagkasakit. Nagrereklamo kayo kapag panahon na upang ang inyong anak na lalaki ay magpakasal nguni’t ang inyong pamilya ay walang sapat na salapi; nais ninyong gampanan ang tungkulin ng pagpapatuloy, nguni’t hindi ninyo kayang gastusan ito, at sa gayo’y nagrereklamo ka rin. Ikaw ay nag-uumapaw sa mga reklamo, at may mga pagkakataon na hindi ka dumadalo sa mga pagtitipon o kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos dahil dito, minsan ay nagiging negatibo sa napakahabang panahon. Walang anuman na nangyayari sa iyo sa kasalukuyan ang may kinalaman sa iyong mga inaasahan o kapalaran; ang mga bagay na ito ay mangyayari rin kahit hindi ka naniwala sa Diyos, nguni’t sa kasalukuyan ipinapasa mo ang iyong pananagutan para sa kanila sa Diyos, at pilit na sinasabing inalis ka na ng Diyos. Alin sa paniniwala mo sa Diyos? Talaga bang inihandog mo na ang iyong buhay? Kung dinanas ninyo ang mga pagsubok na kagaya ng kay Job, wala ni isa man sa inyong sumusunod sa Diyos sa kasalukuyan ang makapaninindigan, lahat kayo ay babagsak. At mayroon, sa simpleng pananalita, na isang gamundong pagkakaiba sa pagitan ninyo at ni Job. Sa kasalukuyan, kung kalahati sa inyong mga ari-arian ang sinamsam mangangahas kayong ikaila ang pag-iral ng Diyos; kung ang inyong anak na lalaki o babae ay kinuha mula sa inyo, magtatatakbo kayo sa mga lansangan na sumisigaw nang napakasama; kung ang iyong tanging paraan para kumita ay wala nang patutunguhan, makikipagtalo ka sa Diyos; itatanong mo kung bakit Ako nagsabi ng napakaraming salita sa simula upang takutin ka. Walang bagay na hindi ninyo pangangahasang gawin sa gayong mga pagkakataon. Ipinakikita nito na hindi kayo nakatamo ng anumang tunay na pagkaunawa, at walang totoong tayog. Kaya, ang mga pagsubok sa inyo ay napakalaki, sapagka’t napakarami ninyong nalalaman, nguni’t ang inyong tunay na naiintindihan ay ni hindi isa sa isanlibo ng kung ano ang inyong nababatid. Huwag tumigil sa pagkaunawa at kaalaman lamang; pinakamainam ninyong tingnan kung gaano karami ang totoo ninyong maisasagawa, kung gaano sa kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu ang natamo sa pamamagitan ng katas ng inyong sariling pagsisikap, at ilan sa inyong mga pagsasagawa ang napagtanto ninyo ang inyong sariling kapasyahan. Dapat mong seryosohin ang iyong tayog at pagsasagawa. Sa iyong paniniwala sa Diyos, hindi ka dapat nagtatangkang magpatianod na lamang para kaninuman—kung makapagkakamit ka o hindi sa huli ng katotohanan at buhay ay nakasalalay sa iyong sariling paghahangad.

Talababa:

a. Ang kuwento ng ibong Hanhao ay labis na kapareho ng pabula ni Aesop tungkol sa langgam at tipaklong. Pinili ng ibong Hanhao na matulog sa halip na gumawa ng isang pugad habang ang panahon ay mainit—sa kabila ng paulit-ulit na mga babala mula sa kanyang kapitbahay, na isang magpie. Nang dumating ang taglamig, ang ibon ay nanigas sa lamig hanggang mamatay.

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger