Ang Tao ang Pinakamalaking Nakikinabang sa Pamamahala ng Diyos (Unang Bahagi)

Sa kasalukuyan, sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, ang karamihan sa mga tao ay nagagawang tuparin ang kanilang mga tungkulin, nang hindi gumagawa ng masama, ngunit sila ba ay matapat? Nagagawa ba nila ang kanilang mga tungkulin sa isang katanggap-tanggap na pamantayan? Labis pa rin silang nabibigo. Kung kaya o hindi ng mga tao na gampanan nang mabuti ang kanilang mga tungkulin ay may kaugnayan sa usapin ng pagkatao. Kaya paano nila magagawa nang mabuti ang kanilang mga tungkulin? Ano ang dapat nilang taglayin upang magawa nang mabuti ang kanilang mga tungkulin? Anuman ang tungkuling kanilang ginagampanan o anuman ang kanilang ginagawa, dapat maging metikuloso at marubdob ang mga tao, at dapat nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad; saka lang makararamdam ng katatagan at kapayapaan ang kanilang puso. Ano ang ibig sabihin ng tuparin ang mga responsabilidad ng isang tao? Ang ibig sabihin nito ay ang maging masipag, ang ibigay mo ang iyong buong puso sa iyong mga responsabilidad, at gawin ang lahat ng bagay na dapat mong gawin. Halimbawa, sabihin nang itinalaga ka ng isang lider ng iglesia na gumawa ng isang tungkulin, at ibinahagi niya sa iyo ang mga simpleng prinsipyo nito, ngunit hindi ito gaanong idinetalye—paano ka dapat kumilos upang magawa mo nang mabuti ang tungkuling ito? (Umasa sa aming konsensiya.) Kahit paano man lang, dapat kang umasa sa iyong konsensiya upang magawa mo ito. “Umasa ka sa iyong konsensiya”—paano mo maipatutupad ang mga salitang ito? Paano mo gagamitin ang mga salitang ito? (Sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi paggawa ng anuman na magbibigay-kahihiyan sa Diyos.) Isa itong aspekto. Bukod dito, kapag gumawa ka ng isang bagay, dapat ay paulit-ulit mo itong pag-isipang mabuti, sukatin mo ito alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung walang kapayapaan ang iyong puso pagkaraan mo itong tapusin, at pakiramdam mo ay para bang may problema pa rin dito, at matapos itong suriin, isang problema nga talaga ang natuklasan, ano ang dapat mong gawin sa puntong ito? Dapat mong agad na ayusin ito at lutasin ang problema. Anong uri ng saloobin ito? (Ito ay pagiging metikuloso at pagiging mabusisi.) Ito ay pagiging metikuloso at pagiging mabusisi, na isang marubdob at masidhing saloobin. Ang paggawa ng iyong tungkulin ay nakabatay dapat sa isang marubdob at responsableng saloobin, na nagsasabing: “Ibinigay sa akin ang gawaing ito, kaya dapat kong gawin ang anumang makakaya ko upang magawa ko ito nang mabuti ayon sa abot ng aking kayang malaman at makamit. Hindi ako maaaring makagawa ng anumang mga pagkakamali.” Hindi ka maaaring magkaroon ng pag-iisip na “puwede na ang puwede na.” Kung palagi kang may pabasta-bastang paraan ng pag-iisip, magagawa mo ba nang mabuti ang iyong tungkulin? (Hindi.) Ano ang dahilan ng pagiging pabasta-basta? Hindi ba’t ang iyong sataniko at tiwaling disposisyon? Ang pagiging pabasta-basta ay pagpapamalas ng isang tiwaling disposisyon; umuusbong ito kapag nauudyukan ang mga tao ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Direkta itong nakaaapekto sa nakukuha nilang mga resulta sa kanilang mga tungkulin, nagiging dahilan pa nga upang maging magulo ang kanilang gawain, at nakaaapekto ito sa gawain ng iglesia. Napakalala ng resultang ito. Kung palagi kang pabasta-basta sa iyong tungkulin, anong uri ng problema ito? Ito ay isang problema na may kinalaman sa iyong pagkatao. Tanging mga taong walang konsensiya at pagkatao ang palaging pabasta-basta. Sa tingin ba ninyo ay maaasahan ang mga taong palaging pabasta-basta? (Hindi.) Sila ay lubhang hindi maaasahan! Ang isang taong pabasta-basta kung gumawa ng kanyang tungkulin ay isang taong iresponsable, at ang isang taong iresponsable sa kanyang mga kilos ay hindi isang matapat na tao—siya ay isang taong hindi mapagkakatiwalaan. Anumang tungkulin ang ginagawa niya, ang isang taong hindi mapagkakatiwalaan ay pabasta-basta, dahil ang kanyang karakter ay hindi umaabot sa isang katanggap-tanggap na pamantayan, hindi niya minamahal ang katotohanan, at talagang hindi siya isang matapat na tao. Maipagkakatiwala ba ng Diyos ang anumang bagay sa mga taong hindi mapagkakatiwalaan? Hinding-hindi. Dahil sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao, hinding-hindi Niya ginagamit ang mga taong mapanlinlang upang gumawa ng mga tungkulin; ang mga tapat lang ang pinagpapala ng Diyos, at gumagawa lamang Siya sa mga tapat at nagmamahal sa katotohanan. Sa tuwing gumaganap sa tungkulin ang isang mapanlinlang na tao, isa itong pagsasaayos na ginawa ng tao, at ito ay pagkakamali ng tao. Ang mga taong mahilig maging pabasta-basta ay walang konsensiya o katwiran, mababa ang kanilang pagkatao, hindi sila mapagkakatiwalaan, at sila ay labis na hindi maaasahan. Gagawa ba ang Banal na Espiritu sa gayong mga tao? Hinding-hindi. Kaya, ang mga mahilig maging pabasta-basta sa kanilang mga tungkulin ay hindi gagawing perpekto ng Diyos kailanman, at hindi Niya sila gagamitin kailanman. Ang mga mahilig maging pabasta-basta ay mapanlinlang lahat, puno ng masasamang motibo, at lubos na walang konsensiya at katwiran. Kumikilos sila nang walang mga prinsipyo o walang mababang limitasyon; kumikilos sila batay lamang sa sarili nilang mga kagustuhan, at may kakayahan silang gumawa ng lahat ng uri ng masasamang bagay. Ang lahat ng kanilang kilos ay nababatay sa lagay ng kanilang kalooban: Kung maganda ang kanilang timpla, at sila ay nasisiyahan, medyo bubuti ang kanilang paggawa. Kung masama naman ang kanilang timpla, at hindi sila nasisiyahan, magiging pabasta-basta sila. Kung galit sila, maaari silang maging arbitraryo at walang ingat, at maaari nilang maantala ang mahahalagang bagay. Wala talaga ang Diyos sa kanilang puso. Hinahayaan lang nilang lumipas ang mga araw, nang walang ginagawa at naghihintay ng kamatayan. Kaya, gaano man hikayatin ang mga taong gumagawa ng kanilang mga tungkulin nang pabasta-basta, wala rin itong saysay, at walang silbi na magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan. Ayaw nilang ayusin ang kanilang mga gawi sa kabila ng paulit-ulit na mga pangaral, sila ay walang puso; maaari lang silang paalisin, iyon ang pinakaangkop na gawin. Ang mga taong walang puso ay walang mababang limitasyon sa kanilang mga kilos; walang makapipigil sa kanila. Kaya bang pamahalaan ng mga gayong tao ang mga bagay-bagay batay sa konsensiya? (Hindi.) Bakit hindi? (Hindi sila nagtataglay ng mga pamantayan ng konsensiya, wala rin silang pagkatao, o mababang limitasyon.) Tama iyan. Wala silang mga pamantayan ng konsensiya sa kanilang mga kilos; kumikilos sila batay sa kanilang mga kagustuhan, ginagawa ang anumang kanilang naisin, batay sa kanilang timpla. Nakadepende sa kanilang timpla kung mabuti o masama ang mga resultang nakukuha nila sa kanilang mga tungkulin. Kung maganda ang kanilang timpla, maganda ang mga resulta, ngunit kung masama ito, masama ang mga resulta. Maaari bang maabot ang isang katanggap-tanggap na pamantayan sa pamamagitan ng paggawa ng tungkulin sa ganitong paraan? Ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin batay sa kanilang timpla, hindi sa mga katotohanang prinsipyo; kaya, napakahirap para sa kanila na maisagawa ang katotohanan, at napakahirap para sa kanila na makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang mga kumikilos batay sa pansariling mga pisikal na kagustuhan ay talagang hindi naisasagawa ang katotohanan.

Ang anumang ginagawa ng mga tao ay may kaugnayan sa paghahanap sa katotohanan at sa pagsasagawa ng katotohanan; ang anumang may kaugnayan sa katotohanan ay may kaugnayan sa kalidad ng pagkatao ng mga tao, at sa saloobin nila sa paggawa ng mga bagay-bagay. Kadalasan, kapag gumagawa ang mga tao ng mga bagay-bagay sa isang walang prinsipyong paraan ito ay dahil sa hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyo sa likod nito. Ngunit sa maraming pagkakataon, hindi lang hindi nauunawaan ng mga tao ang mga prinsipyo, ayaw din nilang unawain ang mga ito. Bagaman maaaring may kaunti na silang alam tungkol sa mga ito, ayaw pa rin nilang mas mapabuti. Wala sa kanilang puso ang pamantayang ito, at gayon din ang pangangailangang ito. Kaya, lubos na mahirap para sa kanila ang gawin nang mabuti ang mga bagay-bagay, lubos na mahirap para sa kanila ang gawin ang mga bagay-bagay sa isang paraan na naaayon sa katotohanan at nagpapalugod sa Diyos. Ang susi sa kung nagagawa ba ng mga tao nang katanggap-tanggap ang kanilang mga tungkulin ay nakadepende sa kung ano ang kanilang pinagsisikapan, kung hinahangad ba nila ang katotohanan o hindi, at kung mahal ba nila ang mga positibong bagay o hindi. Kung hindi minamahal ng mga tao ang mga positibong bagay, hindi madali para sa kanila na tanggapin ang katotohanan, na lubos na nakaliligalig—bagaman gumaganap sila sa isang tungkulin, nagtatrabaho lang sila. Kahit nauunawaan mo man o hindi ang katotohanan, at kung nagagawa mo mang unawain o hindi ang mga prinsipyo, kung ginagampanan mo ang iyong tungkulin batay sa iyong konsensiya, kahit papaano, ay magkakamit ka ng katamtamang mga resulta. Ito lamang ang katanggap-tanggap. Kung nagagawa mong hangarin ang katotohanan at gawin ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, magagawa mong ganap na matupad ang mga hinihingi ng Diyos at maging alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Ano ang mga hinihingi ng Diyos? (Na ibigay ng mga tao ang kanilang buong puso at lakas sa maayos na pagganap sa kanilang mga tungkulin.) Paano dapat unawain ang “pagbibigay ng kanilang buong puso at lakas”? Kung inilalaan ng mga tao ang kanilang buong isip sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, ibinibigay nila ang kanilang buong puso. Kung ginagamit nila ang lahat ng kanilang lakas sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, ibinibigay nila ang kanilang buong lakas. Madali bang ibigay ang lahat ng iyong puso at lakas? Hindi ito madaling matamo nang walang konsensiya at katwiran. Kung ang isang tao ay walang puso, kung wala siyang pag-iisip at walang kakayahang magbulay-bulay, at kung, nahaharap sa isang problema, ay hindi niya alam kung paano hanapin ang katotohanan, at wala siyang mga paraan o daan upang gawin ito, kaya ba niyang ibigay ang kanyang buong puso? Tiyak na hindi. Kung gayon, kung may puso ang isang tao, may kakayahan ba siyang ibigay ang kanyang buong puso? (Oo.) Kung ang isang tao ay may puso, ngunit hindi niya ito ginagamit upang gawin ang kanyang tungkulin, at sa halip ay mga kasuklam-suklam at buktot na landas lamang ang iniisip niya, at ginagamit niya ito sa paggawa ng mga bagay na hindi tama, magagawa ba niyang ibigay ang kanyang buong puso sa kanyang tungkulin? (Hindi.) Sabihin nating nararanasan niyang mapungusan, at nagagawa niyang malaman ang kanyang tiwaling disposisyon, at sumusumpa siya sa Diyos na handa siyang magsisi, at mayroon siyang kapasyahan na gawin nang mabuti ang kanyang tungkulin, ngunit kapag nahaharap siya sa mga paghihirap o tukso, nayayanig ang kanyang puso, walang sigla niyang ginagawa ang kanyang tungkulin, o umuusbong sa kanya ang pagiging negatibo at lumalayo siya—sa oras na ito, kaya ba niyang ibigay ang kanyang buong puso? (Hindi.) Kasasabi lang ninyo na kung ang isang tao ay may puso, may kakayahan siyang ibigay ang kanyang buong puso. Totoo ba ang pahayag na iyon? (Hindi.) Anuman ang inyong gawin, hindi kayo dapat umasa sa inyong mga simbuyo o imahinasyon, lalo na sa inyong nag-aalab na damdamin; hindi ka dapat magpatuloy batay sa iyong mga nararamdaman, o maging sa pagsunod sa mga ideya ng mga tao—sa halip, kailangan mong patuloy na hanapin at isagawa ang katotohanan. Ang pag-asa sa sigasig at mga nararamdaman, o sa nag-aalab na damdamin at pansamantalang mga simbuyo, ay hindi makatitiyak na gagawin mo nang mabuti ang iyong tungkulin. Ito ay kagaya ng kung paanong, kapag napakabata pa ng lahat ay gusto nilang magpakita ng paggalang sa kanilang mga magulang sa kanilang paglaki. Kapag lumaki ka na nga, at dumating na ang oras upang tuparin mo ang hangaring iyon, anong mga paghihirap ang maaaring humadlang sa iyo sa paggawa niyon? May kaugnayan ito sa mga totoong problema; sa bawat tao, ang realidad ay mas malaki ang kanilang mga paghihirap kaysa sa kanilang mga minimithi. Halimbawa, kapag nagtapos ka na sa kolehiyo at nagsisimula ka nang kumita ng pera, iniisip mong, “Ngayong kumikita na ako ng pera, dapat muna akong bumili ng magagandang damit na maisusuot ng aking ina at ama, at bilhan sila ng ilang produktong pangkalusugan, at simula ngayon ay dapat akong maging mabuting anak sa kanila. Bibigyan ko sila ng perang panggastos, upang mapalipas nila ang bawat araw nang masaya.” Ngunit matapos mong matanggap ang iyong sahod at magkuwenta, matapos mong ibawas ang iyong pang-upa, pang-araw-araw na gastusin, at iba pang mga gastusin, halos wala nang natira, at kailangan mo pang bilhan ng ilang magandang damit ang iyong sarili. Kapag nagastos na ang lahat ng iyong pera, hindi ka mapakali, dahil nalabag mo ang pangakong iyong binitiwan na kikita ka ng pera upang maging isang mabuting anak sa iyong mga magulang sa iyong paglaki. Iniisip mong, “Hindi ako nagiging isang mabuting anak sa aking mga magulang, kailangan kong mag-ipon ng pera sa susunod na buwan.” Pagkatapos, pagdating ng susunod na buwan, hindi pa rin sapat ang perang iyong kinita, kaya iniisip mong, “Marami pang panahon upang maging mabuting anak ako sa aking mga magulang.” Unti-unti, sa paglipas ng panahon, makahahanap ka ng kapareha, magsisimula ng isang pamilya, magkakaroon ng mga anak, at mas lalong magkukulang ang pera. Batay sa iyong sitwasyon at mga pangyayari sa buhay, nagiging napakahirap na isakatuparan ang iyong pagnanais na maging mabuting anak sa iyong mga magulang, dahil kailangan mo ring itaguyod ang iyong pamilya at makaraos, at paglaanan ang edukasyon ng iyong mga anak; upang mabuhay, kailangan mo ring makisalamuha sa mga lokal na pinunong malupit at sa mga tiwaling opisyal, na nagpapahirap sa iyo. Kahit na gusto mong maging isang mabuting anak sa iyong mga magulang, wala itong saysay; napangingibabawan ka ng iba’t ibang paghihirap sa totoong buhay, at ang iyong pagnanais na maging mabuting anak sa iyong mga magulang ay dahan-dahang sinisira ng realidad. Kung gayon, mapaninindigan ba ang iyong intensyon na maging mabuting anak? (Hindi.) Kung gayon, totoo ba o peke ang iyong pagnanais na maging mabuting anak sa iyong mga magulang noong bata ka pa? (Totoo.) Noong panahong iyon, ito ay totoo, ngunit ito rin ay pagiging walang-muwang, hangal, at mangmang; hindi ito maaasahan. Alin doon ang iyong totoong sarili? Ang mga bagay na dumadaloy mula sa iyo at ang mga bagay na ipinamamalas mo sa iyong totoong buhay ang iyong totoong pagkatao at ang iyong totoong saloobin sa pagtrato mo sa iyong mga mahal sa buhay. Patuloy mong ipinagpapabukas ang pagiging mabuting anak sa iyong mga magulang, hanggang sa hindi sinasadya ay hindi mo na nararamdaman ang iyong konsensiya, ang iyong paninisi sa sarili, at hindi ka na nakakaramdam ng mga responsabilidad at obligasyon. Pagkatapos ay iniisip mong: “Ang lahat ay ganito. Hindi ako mas malala kaysa sa iba, at saka, mayroon din akong mga totoong paghihirap!” Ang iyong bawat palusot, argumento, at idinadahilan—ano ang mga ito? Bahagi ang mga ito ng iyong tiwaling disposisyon. Gaano man kahirap ang realidad para sa iyo, gaano ka man nito binibigyan ng mga dahilan at palusot upang maiwasan ang mga responsabilidad na dapat mong harapin, at gaano man katibay ang iyong mga argumento at palusot, sa huli, ang mga bagay na iyong ipinamamalas ay ang iyong ganap at totoong sarili. Kaya paano mo matutupad ang isang positibong mithiin? Sa totoong buhay, bago maunawaan o makamit ang katotohanan, ano ang mga bagay na ipinamamalas ng mga tao? Ang mga ito ba ay makatarungan at positibo? (Hindi.) Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, gaano man kabuti ang iyong mga kilos o gaano man kawasto ang iyong mga ideya, mga tiwaling disposisyon pa rin ang mga ito, at hindi naaayon sa katotohanan ang mga ito. Kaya, kung hindi mo hinahangad o nauunawaan ang katotohanan, magiging napakahirap para sa iyo na isagawa ang katotohanan, at pagkatapos, ang iyong isasabuhay ay mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Gaano man kabuti ang tingin mo sa iyong sarili, gaano man kadakila, gaano man katuwid, ang mga bagay na iyong ginagawa sa pundasyong ito ay imposibleng maging naaayon sa katotohanan. Nauunawaan mo ba? (Nauunawaan ko nang kaunti.) Ano ang inyong nauunawaan? (Gusto ng lahat ng tao na gawin nang wasto ang kanilang mga tungkulin, ngunit dahil sila ay kinokontrol ng kanilang mga tiwaling disposisyon, kahit na gusto nilang gawin ang kanilang mga tungkulin alinsunod sa kanilang konsensiya, hindi nila ito maisakatuparan. Samakatwid, dapat nilang lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon upang magawa nila nang mabuti ang kanilang mga tungkulin.) Iyong iba, ano pa ang inyong nauunawaan? (Ang mga bagay na ginagawa ng isang tao kapag hindi niya nauunawaan ang katotohanan, paano man nakikita ng mga tao ang mga ito, ay hindi ang pagsasagawa ng katotohanan. Kahit pa iniisip ng mga tao na ang mga kilos na ito ay napakabuti, ang mga kilos na iyon ay imposibleng maging naaayon sa mga layunin ng Diyos, kaya nakita kong napakahalaga na maunawaan ang katotohanan.) Napakahusay ng iyong sinabi! Mukhang kayong lahat ay nagkaroon ng kaunting pag-unlad sa pagkakataong ito. Hindi madaling makamit ang katotohanan; marami ang dapat ibayad ng mga tao para dito. Bukod sa paghihimagsik laban sa laman at paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan, dapat ding pagdusahan ng mga tao ang maraming pasakit at pagpipino, at dapat silang dumanas ng pang-uusig at brutal na pang-aabuso sa mga kamay ni Satanas—hindi man sila mamatay, dapat pa rin silang maghirap—saka lamang nila maaalis ang kanilang mga tiwaling disposisyon at makakamit ang katotohanan. Masasabing ang pagtatamo sa katotohanan ay isang proseso ng pagdanas ng paghatol at pagkastigo, at sa gayon ay pagiging nalinis. Maaaring kinikilala mo na mayroon kang isang tiwaling disposisyon, at kinikilala mo rin ang katotohanan, ngunit kapag iyong isinagawa ang katotohanan, hindi ba’t lalabas ang iyong tiwaling disposisyon upang ikaw ay hadlangan at guluhin? (Oo.) Anong mga bagay ang umuusbong sa puso ng mga tao sa oras na iyon? (Sila ay nagtatalo at naghahanap ng mga maidadahilan. Nagbubunyag sila ng pagkamakasarili, at isinasaalang-alang nila ang sarili nilang pagpapahalaga sa sarili at banidad.) Ito ay isang problema sa mga disposisyon ng mga tao. May ilang taong hindi nagsasabi o nagbubunyag ng anuman, ngunit kapag tiningnan mo ang kanilang disposisyon, malinaw mong makikita na may paghihimagsik sa kanilang puso. Ang paghihimagsik ay isang uri ng tiwaling disposisyon. Sila man ay nagtatalo o naghahanap ng mga maidadahilan, ginagawa ang lahat ng ito upang panatilihin ang sarili nilang mga interes, pagpapahalaga sa sarili, katayuan, at banidad, upang magkamit ng isang uri ng hangarin o layunin. Kung ang isang tao ay may ganitong uri ng mapaghimagsik na disposisyon sa kanyang kalooban, ito ay magsasanhi ng lahat ng uri ng tiwaling kalagayan na laban at salungat sa Diyos. Ano ang paghihimagsik? Sa madaling salita, ito ay kapag may paglaban sa puso ng isang tao, kapag ginagawa niya ang sarili na kalaban ng Diyos, sinasabing: “Bakit iba sa aking iniisip ang mga salitang Iyong sinasabi? Bakit hindi ko gusto ang mga iyon? Hindi ko gusto ang mga iyon, kaya hindi ko iyon matatanggap, at ayaw kong makinig sa Iyong pagsasalita.” Ginagawa nilang kalaban ng Diyos ang kanilang puso, at sila ay hindi masunurin, hanggang sa puntong sinasalungat na nila ang realidad, sinasalungat nila ang lahat ng ginawa ng Diyos at ang Kanyang mga hinihingi sa kanila. Dito nagiging mapaghimagsik ang mga tao, at ito ang pinakamalaking paghihirap ng mga tao sa pagtanggap at pagsasagawa ng katotohanan. Ikaw man ay naghahanap ng mga maidadahilan o naghahanap ng iba’t ibang obhetibong argumento o kondisyon, sa anumang kaso, ito ang mapaghimagsik na disposisyon na umiiral sa loob mo na nagdudulot ng kaguluhan sa iyo. Ipagpalagay na kaya mong lutasin ang mapaghimagsik na disposisyong ito, na baligtarin ang ganitong uri ng kalagayan, at anumang mangyari sa iyo, sinasabi mong, “Nangyari ito sa akin, at hindi ko nauunawaan ang katotohanan, at hindi ko rin alam kung paano ito isagawa. Ang magagawa ko lamang ay manalangin sa Diyos at umasa sa pagbabasa ng salita ng Diyos upang makahanap ng landas ng pagsasagawa, o maghanap mula sa isang taong nakauunawa sa katotohanan. Kung matututo ako kung paano magsagawa sa isang paraan na naaayon sa katotohanan, na gusto ng Diyos, at nakalulugod sa Kanya, magsasagawa ako nang ganoon.” Tama na magkaroon ng gayong pag-iisip; ito ay isang taong nagmamahal sa katotohanan. Kung hinahangad mo ang katotohanan sa ganitong paraan, sinusubukang bumuti sa kabila ng lahat ng dagok, nang hindi nagiging negatibo o mahina ang loob, magagawa mong alisin ang iyong tiwaling disposisyon at matamo ang pagliligtas ng Diyos.

Noong unang sinubok ng Diyos si Job, nagawa ba ni Job na malaman nang tama ang layunin ng Diyos batay sa pagkaunawa niya noong panahong iyon? (Hindi.) Kung gayon, ano ang ipinamalas ni Job? Nagpasakop ba siya, o siya ba ay naghimagsik, lumaban, at nagreklamo? (Siya ay nagpasakop.) Mula loob hanggang labas, nasa anong uri ng kalagayan siya? Nagpakita ba siya kailanman ng kahit katiting na pag-ayaw o paglaban? Hindi. Bagaman isang simpleng paglalarawan lang ang makikita sa tala sa Bibliya, hindi makikita na kailanman ay nagpakita si Job ng isang mapaghimagsik na kalagayan. Mula sa mga salitang ito, maaari mo bang makita na maraming katotohanan ang naunawaan ni Job? (Hindi.) Sa realidad, anong katotohanan ang naunawaan ni Job noong panahong iyon? Nagsalita ba ang Diyos tungkol sa katotohanan ng pagpapasakop? Nagsalita ba Siya tungkol sa kung paanong hindi dapat maghimagsik ang mga tao laban sa Kanya? Hindi Siya nagsalita tungkol sa alinman sa mga bagay na ito. Ano ang kalagayan ni Job? Bagaman noong panahong iyon ay hindi niya tinaglay bilang pundasyon ang salita ngayon ng Diyos, ang asal niya at ang lahat ng ginawa niya ay nagtulot sa mga tao na makita ang mga iniisip ng puso niya at ang kalagayang nasa loob ng puso niya. Hindi ba’t isa itong bagay na kayang makita at maramdaman ng mga tao? (Ganoon nga.) Sinasabi ng ilang tao na: “Hindi namin alam kung ano ang iniisip niya sa kanyang puso.” Hindi mo kailangang malaman iyon; dapat magawa mong makita ang mga panlabas niyang kilos. Nang makaranas siya ng mga pagsubok, ipinakita niya ang mga kilos ng isang taong lubos na walang paghihimagsik at ganap na nagpasakop sa Diyos: pinunit niya ang kanyang mga damit at dumapa. Ang kanyang pagdapa ay nagmula sa kanyang puso, at lubos na umayon ito sa lahat ng kanyang kaisipan at sa lahat ng gusto niyang ipahayag noong panahong iyon. Kinatawan nito ang kanyang paghahangad at ang kanyang saloobin sa Diyos. Kung gayon ano ang kanyang saloobin sa Diyos? Ano ang reaksyon niya sa mga bagay na ginawa ng Diyos sa kanya? Ang una niyang reaksyon ay ang tumanggap at magpasakop, nang walang pagtutol at walang pagsalungat. May pag-aatubiling sinasabi ng ilang taong walang espirituwal na pang-unawa na: “Paano magkakaroon ng gayong tao sa mundo? Hindi ba’t isa siyang santo? Siguradong peke ito.” Ang realidad ay totoong may mga taong gaya ni Job, ngunit iisa lamang si Job, at sa tingin Ko ay hindi na magkakaroon ng isa pa kailanman. Ang kalagayan ni Job ay ang tinatawag ng mga walang pananampalataya na “hindi makasarili at walang pagnanais.” Nang dumating sa kanya ang mga pagsubok ng Diyos, wala siyang sinabi; sa halip, ipinahayag niya ang kanyang saloobin sa Diyos sa kanyang mga kilos. Pinatunayan ng kanyang pagdapa na nang dumating sa kanya ang mga pagsubok, siya ay totoong tumatanggap at totoong nagpapasakop, at hindi siya lumalaban man lang. Hindi siya nagpapakitang-gilas o nagpapanggap; hindi niya ito ginawa para makita ng ibang tao, ginawa niya ito para makita ng Diyos. Kung gayon paano natamo ni Job ang ganitong uri ng pagpapasakop? Hindi niya natamo ang ganitong uri ng pagpapasakop sa pagdanas lang ng isang pagsubok at pag-unawa sa pagpapasakop. Ang bawat isa sa mga miyembro ng tiwaling sangkatauhan na naninirahan sa lupa ay nagawa nang tiwali ni Satanas; silang lahat ay may mapaghimagsik na mga disposisyon. Ang mga tao ay makasarili, at lahat sila ay naghihimagsik laban sa Diyos. Ito ay isang kalikasang ginawang tiwali ni Satanas; ang buong tiwaling sangkatauhan ay may ganitong kalikasan. Ngunit nagawa ba ni Job na magpasakop sa Diyos sa ganitong antas nang biglaan? Tiyak na hindi. Kinailangan niyang maghangad, at bukod pa roon, kinailangan niyang magkaroon ng isang malinaw na layunin na pagsisikapan, at isang tamang landas. Kasabay nito, kinailangan niya ring magkaroon ng patnubay ng Diyos, at hayaan ang Diyos na alagaan at protektahan siya. Dahil lang hinangad ni Job na tahakin ang tamang landas, hinangad na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan kung kaya’t nagawa niyang magkamit ng biyaya, habag, at mga pagpapala mula sa Diyos; pagkatapos, patuloy niyang nakita ang kamay at patnubay ng Diyos, at patuloy niyang natanggap ang pag-aalaga ng Diyos. Doon lamang niya nagawang lumago. Sa tingin ninyo, bakit hindi binigyan ng Diyos ng gayong pagsubok si Job noong siya ay dalawampung taong gulang? (Wala pa siyang tayog noong panahong iyon.) Hindi pa dumarating ang panahon noon. Bakit hindi siya nagkaroon ng gayon kalaking pagsubok noong siya ay apatnapu? Hindi pa rin dumarating ang panahon noon. Bakit sinubok lang siya ng Diyos noong pitumpu na siya? (Dumating na ang panahon ng Diyos.) Tama iyan, dumating na ang panahon. Ngayon, kailangan ba ninyong lahat na maghintay hanggang kayo ay pitumpu? (Hindi.) Bakit hindi? (Ngayon ay napakikinggan namin ang mga salita ng Diyos gamit ang sarili naming mga tainga. Napakalinaw na ipinaliliwanag ng Diyos sa amin ang Kanyang mga layunin at ang Kanyang mga hinihingi.) Ang gawain sa kapanahunang iyon at ang gawain sa kapanahunang ito ay magkaiba. Sa kapanahunang iyon, hindi nagsalita sa tao ang Diyos, at hindi naunawaan ng tao ang katotohanan; gumawa lang ang Diyos ng ilang simple at kumakatawang gawain. Sinunod lang ng mga nananampalataya sa Diyos ang mga salita ng Diyos na ipinarating ng mga propeta, at ang mga may takot sa Diyos ay nagtamo ng Kanyang mga pagpapala. Ang mga hindi totoong nananampalataya sa Diyos ay magugulo ang isip; sa pinakasukdulan, nagsakripisyo sila at nanalangin, at hindi na iyon masama. Noong panahong iyon, hindi ba’t mga mananampalataya rin ng Diyos ang mga kaibigan ni Job? Hindi ba’t higit na mas mahina ang kanilang pananampalataya kaysa kay Job? Sila at si Job ay mula sa parehong kapanahunan, pero hindi ba’t higit na mas mabuti si Job kaysa sa kanila? (Ganoon nga.) Bakit may gayon kalaking pagkakaiba? (May kinalaman iyon sa kalikasan at paghahangad ng mga tao.) Tama iyan, may kinalaman iyon sa paghahangad ng mga tao. Ang iyong itinanim ang iyong aanihin. Kung wala kang itinatanim, pagdating ng panahon, wala ka man lang aanihin. Hindi naghangad ang iilang taong iyon na magugulo ang isip; kagaya sila ng mga hindi mananampalataya sa iglesia ngayon. Pinanatili lang nila ang mga patakaran, at mahilig silang sumunod sa mga patakaran sa lahat ng bagay. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at akala nila ay palagi silang tama, na nauunawaan nila ang lahat. Nang dumating kay Job ang mga pagsubok, sinabi nila sa kanya: “Dapat kang magtapat agad. Tingnan mo, dumating na ang mga kaparusahan ng Diyos.” Sa huli, ano ang saloobin ng Diyos sa kanila? Sabi ng Diyos: “Nabuhay kayo sa dakilang kapanahunang ito, ngunit hindi ninyo malinaw na makita ang Aking mga kilos o ang Aking saloobin sa mga tao, o ang disenyo ng Aking pagkilos. Talagang mga tao kayong magugulo ang isip; nakakita nang malinaw si Job.” Kaya, nagpakita ang Diyos kay Job, ngunit hindi sa kanila; hindi sila karapat-dapat. Hindi sila naghangad na makilala ang Diyos, at hindi rin sila natakot sa Diyos o umiwas sa kasamaan, kaya hindi nagpakita sa kanila ang Diyos.

Ngayon, gusto ng lahat na maging isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Kung gayon, ano ang kahulugan ng daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Masasabing may kinalaman dito ang paghahanap at pagpapasakop sa Diyos, at pagpapasakop sa Kanya nang ganap at lubusan. May kinalaman ito sa pagiging tunay na may pangamba at takot sa Diyos, nang walang anumang elemento ng panlilinlang, paglaban, o paghihimagsik. Ito ay pagiging ganap na dalisay sa puso at lubos na tapat at mapagpasakop sa Diyos. Ang katapatan at pagpapasakop na ito ay dapat ganap, hindi medyo lang; hindi ito nakadepende sa oras o lugar, o kung gaano katanda ang isang tao. Ito ang paraan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Sa proseso ng ganitong paghahanap, unti-unti mong makikilala ang Diyos at mararanasan ang Kanyang mga gawa; mararamdaman mo ang Kanyang pag-aalaga at proteksyon, madarama ang katotohanan ng Kanyang pag-iral, at mararamdaman ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Sa wakas, talagang mararamdaman mo na ang Diyos ay nasa lahat ng bagay, at Siya ay nasa tabi mo lamang. Magkakaroon ka ng ganitong uri ng realisasyon. Kung hindi mo sinusunod ang daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, kung gayon ay hindi ka kailanman magkakamit ng kaalaman tungkol sa mga bagay na ito. Sabi ng mga tao na, “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay; Siya ay nasa lahat ng dako at makapangyarihan sa lahat.” Ganap mo itong kinikilala sa iyong puso, pero hindi mo makita o maranasan ang mga bagay na ito, kaya paano mo makikilala ang Diyos? Ano ba ang ginagawa mo sa lahat ng taon mo ng pananampalataya sa Diyos? Madalas kang dumalo sa mga pagtitipon at makinig sa mga sermon, at palagi mong ginagawa ang iyong tungkulin; marami ka nang napuntahan, at nakahikayat ka na ng ilang tao sa pagpapalaganap mo ng ebanghelyo. Kaya bakit hindi mo nauunawaan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat? Talagang hindi mo nauunawaan ang katotohanan! Ganap ka bang hindi nakakakita? Malinaw mong nalalaman na ito ang tunay na daan, ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan. Bagaman dumadalo ka sa mga pagtitipon, nakikinig sa mga sermon, at namumuhay ng isang buhay iglesia, hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at hindi ka man lang nagbago. Labis kang nakaaawa! Ito ang kalagayan ng mga hindi mananampalataya, na para bang hindi sila mula sa sambahayan ng Diyos; sa mga mata ng Diyos, ikaw ay isang taong bayaran, isang trabahador. Maaaring sabihin mong: “Ginagawa ko ang aking tungkulin. O Diyos, kailangan Mo akong kilalanin!” At sasabihin ng Diyos na: “Wala man lang Ako sa iyong puso, at hindi mo tinatanggap ang anuman sa katotohanan. Isa kang taong gumagawa ng masama. Lumayo ka sa Akin!” Ito ang mga kaisipan sa kaloob-looban ng Diyos. Hindi mo mahal ang katotohanan, hindi mo nauunawaan na ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at wala kang kaalaman mula sa karanasan. Hindi mo kayang maglabas ng anumang tunay na mga karanasan para magpatotoo na ang Diyos na sinasampalatayanan mo ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Kung gayon makakamit mo ba ang pagsang-ayon ng Diyos? Hindi ka makapagpatotoo sa Diyos. Nabubuhay ka pa rin alinsunod sa isang satanikong disposisyon, ginagawa anuman ang gusto mo; walang malinaw na kaibahan sa pagitan mo at ng isang walang pananampalataya. Halos hindi mo magawang maghimagsik laban sa makasarili at kasuklam-suklam na kababawang mayroon ka, at nahihirapan kang lutasin ang iyong mga kuru-kuro at paghihimagsik. Sa tuwing nagsasaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para sa iyo, hindi mo natututunan ang iyong aral, at wala kang malinaw na napala matapos ang ilang taon ng karanasan, kaya imposibleng malinis ang iyong tiwaling disposisyon. Dalawampung taon, tatlumpung taon, o higit ka pa mang manampalataya sa Diyos, kung ang iyong paghihimagsik, paglaban, at ang iyong tiwaling disposisyon ay hindi man lang nalutas o nalinis, isa kang matandang diyablong hindi pa nahahawakan, na talagang hindi pa rin nagbabago. Ito ay sapat na upang patunayan na isa kang hindi mananampalataya, at madali kang matitiwalag.