Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan | Sipi 351
Ako ay naghanap ng marami sa mundo upang maging Aking mga alagad. Kabilang sa kanila ay iyong mga nagsisilbing mga pari, iyong mga...
Tinatanggap namin ang lahat ng naghahanap na nasasabik sa pagpapakita ng Diyos!
Ang pagbabagong-anyo ng disposisyon ng tao ay hindi pagbabago ng pag-uugali, o pakunwaring panlabas na pagbabago o pansamantalang pag-iiba na ibinunga ng sigasig. Gaano man kabuti ang mga pagbabagong ito, hindi mapapalitan ng mga ito ang mga pagbabago sa disposisyon sa buhay, dahil ang mga panlabas na pagbabagong ito ay maaaring makamtan sa pamamagitan ng mga pagsisikap ng tao, pero hindi makakamtan ang mga pagbabago sa disposisyon sa buhay sa pamamagitan lang ng pagsisikap ng isang tao. Kailangang maranasan ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos para makamtan ito, gayundin ang pagpeperpekto ng Banal na Espiritu. Kahit nagpapakita ng kaunting mabubuting pag-uugali ang mga taong nananalig sa Diyos, wala ni isa man sa kanila ang tunay na sumusunod sa Diyos, tunay na nagmamahal sa Diyos, o nakagagawa ng kalooban ng Diyos. Bakit ganito? Ito ay dahil kailangan nito ng pagbabago sa disposisyon sa buhay, at ang pagbabago lang sa ugali ay hinding-hindi sasapat. Ang pagbabago sa disposisyon ay nangangahulugan na mayroon kang kaalaman at karanasan sa katotohanan, at na naging buhay mo na ang katotohanan, na maaari nitong patnubayan at pangibabawan ang iyong buhay at lahat ng tungkol sa iyo. Ito ay isang pagbabago sa disposisyon mo sa buhay. Ang mga tao lamang na nagtataglay sa katotohanan bilang buhay ay mga taong nagbago na ang mga disposisyon. Dati, maaaring mayroong ilang katotohanan na hindi mo maisagawa kapag naunawaan mo ang mga iyon, pero ngayon naisasagawa mo na ang anumang aspeto ng katotohanang nauunawaan mo nang walang mga sagabal o paghihirap. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, natutuklasan mong napupuno ka ng kapayapaan at kasayahan, pero kung hindi mo maisagawa ang katotohanan, nasasaktan ka at nababagabag ang konsensya. Nakapagsasagawa ka ng katotohanan sa lahat ng bagay, nakakapamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, at mayroon kang pundasyon sa pamumuhay. Nangangahulugan ito na nagbago na ang iyong disposisyon. Madali mo nang napapakawalan ngayon ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, ang iyong mga kagustuhan at hangarin ng laman, at ang mga bagay na hindi mo mapakawalan dati. Nadarama mo na ang mga salita ng Diyos ay totoong mabuti, at na ang pagsasagawa ng katotohanan ang pinakamainam na gawin. Nangangahulugan ito na nagbago na ang iyong disposisyon. Parang napakasimple ng isang pagbabago sa disposisyon, pero ang totoo ay isang proseso ito na nangangailangan ng maraming karanasan. Sa panahong ito, kailangang dumanas ng maraming hirap ang mga tao, kailangan nilang pigilan ang sarili nilang katawan at talikdan ang kanilang laman, kailangan din nilang dumanas ng paghatol, pagkastigo, pagpupungos, pagwawasto, mga pagsubok, at pagpipino, at kailangan din nilang dumanas ng maraming kabiguan, pagbagsak, pagtatalo ng kalooban, at paghihirap sa kanilang puso. Pagkatapos nilang maranasan ang mga ito, saka lang magkakaroon ng kaunting pagkaunawa ang mga tao sa sarili nilang likas na pagkatao, pero ang kaunting pagkaunawa ay hindi agad-agad na nagbubunga ng lubos na pagbabago; kailangan nilang dumaan sa mahabang panahon ng karanasan bago nila maiwaksi nang paunti-unti ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya nga kinakailangan ng habambuhay para mabago ang disposisyon ng isang tao. Halimbawa, kung naglalantad ka ng katiwalian sa isang bagay, maisasagawa mo ba kaagad ang katotohanan kapag natanto mo iyon? Hindi. Sa yugtong ito ng pag-unawa, tinatabas ka ng iba at iwinawasto ka, at pagkatapos, ang iyong kapaligiran ay pinipilit ka at pinupwersa ka na kumilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kung minsan, hindi mo pa rin matanggap na gawin iyon, at sinasabi mo sa sarili mo, “Kailangan ko bang gawin ito nang ganito? Bakit hindi ko ito pwedeng gawin sa paraang gusto ko? Bakit lagi akong sinasabihang isagawa ang katotohanan? Ayaw kong gawin ito, sawa na ako!” Ang pagdanas ng gawain ng Diyos ay nangangailangan ng pagdaan sa sumusunod na proseso: mula sa pag-aatubiling isagawa ang katotohanan, tungo sa kahandaang isagawa ang katotohanan; mula sa pagiging negatibo at mahina, tungo sa kalakasan at kakayahang talikdan ang laman. Kapag naabot ng mga tao ang isang tiyak na punto ng karanasan at pagkatapos ay dumaan sa ilang pagsubok, pagpipino, at sa huli ay naunawaan ang kalooban ng Diyos at ilang katotohanan, magiging masaya na sila kahit paano at handang kumilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Sa pasimula, ang mga tao ay atubiling magsagawa ng katotohanan. Gawing halimbawa ang matapat na pagtupad sa mga tungkulin: May kaunti kang pagkaunawa sa pagtupad sa mga tungkulin at pagiging matapat sa Diyos, at mayroon ka ring kaunting pagkaunawa sa katotohanan, subalit kailan mo ganap na iuukol ang iyong sarili sa Diyos? Kailan mo magagawang tuparin ang iyong mga tungkulin sa ngalan at gawa? Mangangailangan ito ng proseso. Sa prosesong ito, maaaring dumanas ka ng maraming hirap. Maaaring iwasto ka ng ilang tao, maaaring punahin ka ng iba. Matutuon ang lahat ng mata sa iyo, susuriin ka ng mga ito, at doon mo lamang masisimulang matanto na ikaw ay nasa mali at na ikaw ang nakagawa nang hindi maayos, na hindi katanggap-tanggap ang kakulangan ng debosyon sa pagtupad sa iyong tungkulin, at hindi ka dapat maging padalos-dalos at mapagwalang-bahala! Liliwanagan ka ng Banal na Espiritu mula sa loob, at sasawayin ka kapag ikaw ay nagkamali. Sa prosesong ito, mauunawaan mo ang ilang mga bagay tungkol sa iyong sarili, at malalaman mo na masyado kang maraming karumihan, nagkikimkim ka ng napakaraming personal na motibo, at may napakaraming pagnanasa habang tinutupad ang iyong mga tungkulin. Sa sandaling naunawaan mo na ang diwa ng mga bagay na ito, kung makakaya mo nang lumapit sa Diyos sa panalangin at magkaroon ng tunay na pagsisisi, malilinis sa iyo ang mga tiwaling bagay na iyon. Kung, sa ganitong paraan, madalas mong hinahanap ang katotohanan upang malutas ang iyong mga sariling praktikal na problema, unti-unting tatapak ka sa tamang landas ng pananampalataya; magsisimula kang magkaroon ng mga tunay na karanasan sa buhay, at magsisimulang unti-unting madalisay ang iyong tiwaling disposisyon. Kapag mas nadadalisay ang iyong tiwaling disposisyon, mas magbabago ang disposisyon ng iyong buhay.
Kahit maraming tao ang gumaganap na ngayon sa kanilang tungkulin, sa diwa, ilang tao ang iniraraos lang ang kanilang tungkulin? Ilang tao ang kayang tumanggap sa katotohanan at gumanap sa kanilang mga tungkulin ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan? Ilang tao ang tumutupad sa kanilang mga tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos matapos magbago ang kanilang mga disposisyon? Sa pamamagitan ng higit na pagsusuri sa mga bagay na ito, malalaman mo kung talagang umabot ka sa pamantayan sa pagtupad sa iyong tungkulin, at makikita mo rin nang malinaw kung nagbago na ang iyong disposisyon. Ang pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon ng isang tao ay hindi isang simpleng bagay; hindi ito nangangahulugan ng pagkakaroon lamang ng ilang mga pagbabago sa pag-uugali, pagkakamit ng ilang kaalaman sa katotohanan, kakayahang makapagsabi ng kaunting kaalaman ukol sa karanasan sa bawat aspeto ng katotohanan, o pagkakaroon ng kaunting pagbabago o bahagyang pagiging masunurin pagkaraang madisiplina. Ang mga bagay na ito ay hindi bumubuo ng pagbabagong-anyo ng disposisyon sa buhay ng isang tao. Bakit Ko sinasabi ito? Bagama’t maaaring medyo nagbago ka na, hindi mo pa rin totoong isinasagawa ang katotohanan. Marahil dahil ikaw ay nasa isang pansamantalang angkop na kapaligiran, at pinahihintulutan ito ng sitwasyon, o napilit ka ng mga kasalukuyang pangyayari, umaasal ka sa ganitong paraan. Dagdag pa riyan, kapag maganda ang pakiramdam mo, kapag normal ang kalagayan mo, at kapag may gawain ka ng Banal na Espiritu, maisasagawa mo ang katotohanan. Pero ipagpalagay nang nasa gitna ka ng isang pagsubok, kapag nagdurusa ka na tulad ni Job sa gitna ng iyong mga pagsubok, o nahaharap ka sa pagsubok ng kamatayan. Kapag dumating ito, magagawa mo pa rin bang isagawa ang katotohanan at manindigan sa patotoo? May masasabi ka bang tulad ng sinabi ni Pedro, “Kahit mamatay ako matapos Kang makilala, paanong hindi ako mamamatay nang may labis na galak at saya?” Ano ang pinahalagahan ni Pedro? Ang pinahalagahan ni Pedro ay ang pagsunod, at itinuring niyang pinakamahalagang bagay ang pagkilala sa Diyos, kaya nagawa niyang sumunod hanggang kamatayan. Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi nangyayari sa loob ng magdamag; kinakailangan ng habambuhay na karanasan para makamtan ito. Medyo mas madaling maunawaan ang katotohanan, pero mahirap maisagawa ang katotohanan sa iba’t ibang konteksto. Bakit laging nahihirapan ang mga tao na isagawa ang katotohanan? Sa katunayan, ang mga paghihirap na ito ay direktang may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at sagabal ang lahat ng iyon na nagmumula sa mga tiwaling disposisyon. Samakatuwid, kailangan mong magdusa nang husto at magbayad ng halaga para maisagawa ang katotohanan. Kung wala kang mga tiwaling disposisyon, hindi mo kakailanganing magdusa at magbayad ng halaga para maisagawa ang katotohanan. Hindi ba ito isang malinaw na katunayan? Minsan, mukhang isinasagawa mo ang katotohanan, ngunit ang totoo, ang ikinikilos mo ay hindi nagpapakita na isinasagawa mo ang katotohanan. Sa pagsunod sa Diyos, maraming tao ang nagagawang isantabi ang kanilang pamilya at trabaho at tuparin ang kanilang mga tungkulin, na dahil dito naniniwala silang isinasagawa nila ang katotohanan. Gayunpaman, hindi nila kailanman nagagawang magbigay ng tunay na patotoo batay sa kanilang karanasan. Ano ba talaga ang nangyayari dito? Kung susukatin sila ayon sa mga haka-haka ng tao, mukhang isinasagawa nila ang katotohanan, subalit hindi kinikilala ng Diyos ang ginagawa nila bilang pagsasagawa ng katotohanan. Kung ang mga bagay na ginagawa mo ay may personal na mga motibo sa likod nito at hindi puro, malamang na lumihis ka sa mga prinsipyo, at hindi masasabing nagsasagawa ka ng katotohanan; isa lamang itong uri ng pag-uugali. Ang totoo, malamang na isumpa ng Diyos ang ganitong klase ng pag-uugali mo; hindi Niya ito pupurihin o ipagdiriwang. Kung mas susuriin pa ang diwa at ugat nito, ikaw ay isang tao na gumagawa ng masama, at ang mga ipinapakita mong pag-uugali ay sumasalungat sa Diyos. Kung titingnan mula sa labas, hindi ka nakagagambala sa anumang bagay at hindi ka nakagawa ng totoong pinsala. Mukhang makatwiran at makatarungan iyon, subalit sa loob nito, naroon ang mga karumihan at intensiyon ng tao, at ang diwa nito ay ang paggawa ng kasamaan at paglaban sa Diyos. Samakatuwid, dapat kang magpasya kung mayroon nang pagbabago sa iyong disposisyon at kung isinasagawa mo ang katotohanan gamit ang mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagtingin sa mga motibo sa likod ng iyong mga sariling pagkilos. Hindi iyon nakasalalay sa kung ang mga kilos mo ba ay base sa mga imahinasyon at iniisip ng tao, o kung ito ba ay angkop sa iyong panlasa; ang mga bagay na ito ay hindi mahalaga. Bagkus, nakadepende iyon sa pagsasabi ng Diyos kung sumusunod ka o hindi sa Kanyang kalooban, kung ang iyong mga kilos ay mayroong realidad ng katotohanan o wala, at kung tumutugon ang mga ito o hindi sa Kanyang mga hinihingi at pamantayan. Ang pagsukat lamang ng iyong sarili ayon sa mga hinihingi ng Diyos ang tama. Ang pagbabago sa disposisyon at pagsasagawa ng katotohanan ay hindi kasingpayak at kasindali ng inaakala ng tao. Nauunawaan mo na ba ito ngayon? May karanasan ka ba rito? Pagdating sa diwa ng isang suliranin, maaaring hindi ninyo ito maunawaan; labis na mababaw ang inyong pagpasok. Paroo’t parito kayo sa maghapon, mula bukang-liwayway hanggang takipsilim, bumabangon nang maaga at natutulog nang gabing-gabi na, subalit hindi pa ninyo nakakamit ang pagbabago sa inyong disposisyon sa buhay, at hindi ninyo maintindihan kung ano ang disposisyonal na pagbabago. Ibig sabihin ay napakababaw ng inyong pagpasok, hindi ba? Gaano katagal man kayo naniniwala sa Diyos, maaaring hindi ninyo madama ang diwa at malalalim na bagay na may kinalaman sa pagbabago sa disposisyon. Masasabi bang nagbago na ang iyong disposisyon? Paano ninyo malalaman kung pinupuri kayo ng Diyos o hindi? Kahit paano, madarama mo ang natatanging katatagan hinggil sa lahat ng iyong ginagawa, at madarama mo na ginagabayan at nililiwanagan ka ng Banal na Espiritu at gumagawa Siya sa iyo habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin, ginagawa ang anumang gawain sa sambahayan ng Diyos, o sa pangkalahatan. Ganap na aakma sa mga salita ng Diyos ang iyong pag-uugali, at kapag nagtamo ka na ng ilang antas ng karanasan, madarama mo na naaangkop kahit papaano kung paano ka kumilos noong araw. Gayunman, kung makaraang magtamo ng karanasan sa loob ng ilang panahon, nadarama mo na hindi angkop ang ilan sa mga bagay na ginawa mo noong araw, at hindi ka nasisiyahan sa mga iyon, at nadarama mo na hindi naaayon ang mga ito sa katotohanan, pinatutunayan nito, kung gayon, na ang lahat ng iyong nagawa ay ginawa bilang paglaban sa Diyos. Katunayan ito na ang iyong paglilingkod ay puno ng pagkasuwail, paglaban, at mga paraan ng pagkilos ng tao, at na lubos kang nabigong makamtan ang mga pagbabago sa disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao
Ako ay naghanap ng marami sa mundo upang maging Aking mga alagad. Kabilang sa kanila ay iyong mga nagsisilbing mga pari, iyong mga...
Bagama’t malaking tulong sa inyo ang Aking gawain, ang Aking mga salita ay laging hindi ninyo napapansin at balewala sa inyo. Mahirap...
Kagila-gilalas at di-maarok ang gawain ng Diyos sa bansa ng malaking pulang dragon. Gagawin Niyang perpekto ang isang grupo ng mga tao at...
Ang higit mong pagsasagawa ng katotohanan, mas higit kang magmamay-ari ng katotohanan; ang higit mong pagsasagawa ng katotohanan, mas higit...