Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan | Sipi 344
Agosto 26, 2020
Bagama’t malaking tulong sa inyo ang Aking gawain, ang Aking mga salita ay laging hindi ninyo napapansin at balewala sa inyo. Mahirap makahanap ng mga bagay na gagawin Kong perpekto, at ngayon ay muntik na Akong mawalan ng pag-asa sa inyo. Ilang taon na Akong naghanap sa gitna ninyo, ngunit mahirap makahanap ng isang maaari Kong pagtapatan. Pakiramdam Ko parang wala Akong tiwala na patuloy na gumawa sa inyo, at wala na Akong pagmamahal na magagamit para patuloy pa kayong mahalin. Dahil ito sa matagal na Akong nasusuklam sa inyong “mga nakamit,” na napakaliit at kahabag-habag; para bang hindi pa Ako kailanman nakapangusap at nakagawa sa inyo. Masyadong nakakasuka ang inyong mga nakamit. Lagi ninyong sinisira at pinahihiya ang inyong sarili, at halos wala kayong halaga. Nahihirapan Akong makahanap ng wangis ng isang tao sa inyo, ni hindi Ko maamoy ang samyo ng isang tao. Nasaan ang inyong sariwang amoy? Nasaan ang halagang ibinayad ninyo sa loob ng maraming taon, at nasaan ang mga resulta? Wala pa ba kayong nakitang anuman kailanman? Ang Aking gawain ngayon ay may bagong panimula, isang bagong simula. Isasagawa Ko ang Aking mga dakilang plano at nais Kong magsakatuparan ng mas dakila pang gawain, subalit nakalublob pa rin kayo sa putik gaya ng dati, nabubuhay sa maruruming tubig ng nakaraan, at halos hindi ninyo mapalaya ang inyong sarili mula sa inyong orihinal na masamang kalagayan. Kung gayon, wala pa rin kayong natamong anuman mula sa Aking mga salita. Hindi pa rin ninyo napapalaya ang inyong sarili mula sa orihinal na lugar ninyo na putikan at maruming tubig, at ang alam lamang ninyo ay ang Aking mga salita, ngunit sa katunayan hindi pa kayo nakapasok sa daigdig ng kalayaan ng Aking mga salita, kaya hindi pa kailanman nabuksan ang Aking mga salita sa inyo; para silang isang aklat ng propesiya na libu-libong taon nang selyado. Nagpapakita Ako sa inyo sa inyong buhay ngunit palaging hindi ninyo iyon namamalayan. Ni hindi ninyo Ako namumukhaan. Halos kalahati ng mga salitang Aking sinasabi ay para hatulan kayo, at kalahati lamang ng nararapat ang nagiging epekto nito, na magkintal ng labis na takot sa inyong kalooban. Ang natitirang kalahati ay binubuo ng mga salita upang turuan kayo tungkol sa buhay at kung paano kayo kikilos. Gayunman, mukhang pagdating sa inyo ay hindi man lang umiiral ang mga salitang ito, o parang nakikinig kayo sa mga salita ng mga bata, mga salitang lagi ninyong pinakikitaan ng tagong ngiti, ngunit hindi ninyo ginagawa kailanman. Hindi kayo nag-alala kailanman tungkol sa mga bagay na ito; palaging dahil lang talaga gusto ninyong mag-usisa kaya ninyo inobserbahan ang Aking mga kilos, kaya ngayon ay nasadlak na kayo sa kadiliman at hindi ninyo makita ang liwanag, kaya nga nakakaawa ang iyak ninyo sa dilim. Ang nais Ko ay ang inyong pagsunod, ang inyong walang-kundisyong pagsunod, at higit pa riyan, hinihingi Kong ganap kayong maging tiyak sa lahat ng sinasabi Ko. Hindi kayo dapat magpabaya at lalo nang hindi kayo dapat mamili sa mga bagay na sinasabi Ko, ni ipagwalang-bahala ang Aking mga salita at Aking gawain, gayundin ang inyong ugali. Isinasagawa ang Aking gawain sa gitna ninyo at marami sa Aking mga salita ang naipagkaloob Ko na sa inyo, ngunit kung tatratuhin ninyo Ako nang ganito, maibibigay Ko na lamang sa mga pamilyang Gentil yaong hindi ninyo natamo o naisagawa. Sino sa lahat ng nilikha ang hindi Ko hawak sa Aking mga kamay? Karamihan sa inyo ay “matatanda na,” at wala kayong lakas na tanggapin ang klaseng ito ng Aking gawain. Para kayong isang ibong Hanhao, na bahagya lamang nakakaraos sa buhay, at hindi ninyo sineryoso kailanman ang Aking mga salita. Ang mga kabataan ay masyadong hambog at mapagmalabis at lalong hindi inaalintana ang Aking gawain. Wala silang interes na magpakabusog sa masasarap na pagkain sa Aking piging; para silang isang munting ibon na nakalipad palabas ng kulungan nito upang makipagsapalaran sa malayo. Paano makakatulong sa Akin ang ganitong klaseng mga kabataan at matatanda?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita para sa mga Kabataan at Matatanda
Iba pang mga Uri ng Video