Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi) Ikaanim na Seksiyon
Ano pa ang interes ng mga anticristo, bukod sa kanilang pagnanais at ambisyong kontrolin ang mga tao? Wala naman talaga. Hindi sila masyadong interesado sa anumang bagay. Kung ginagawa man ng bawat tao ang nararapat na tungkulin, kung naisasaayos man nang angkop ang mga tauhan, kung mayroon mang sinumang gumagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, kung umuusad man nang maayos ang bawat aspekto ng gawain ng iglesia, aling bahagi ng gawain ang may problema, aling bahagi ang mahina pa rin, aling bahagi ang hindi pa napag-iisipan, kung saan hindi nagagawa nang maayos ang gawain—hindi isinasangkot ng mga anticristo ang kanilang sarili sa anumang gayong mga bagay, ni hindi sila nagtatanong tungkol sa mga ito. Wala silang pakialam kailanman sa mga ito; hindi nila ginagawa ang kongkretong gawaing ito. Halimbawa, gawaing pagsasalin, gawaing pag-eedit ng bidyo, gawaing paggawa ng pelikula, gawaing nakabatay sa teksto, gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at iba pa—hindi nila masikap na sinusubaybayan ang anumang aspekto ng gawain. Hangga’t hindi naaapektuhan ng isang bagay ang kanilang kasikatan, pakinabang, o katayuan, para bang wala itong kinalaman sa kanila. Kaya, anong bagay lang ba ang ginagawa nila? Inaasikaso lang nila ang ilang pangkalahatang gawain—mababaw na gawain na binibigyang-pansin at nakikita ng mga tao. Nagtatapos sila riyan, pagkatapos ay ipinangangalandakan ito bilang isa nilang kalipikasyon, at pagkatapos ay magsisimula silang tamasahin ang mga benepisyo ng kanilang katayuan. May pakialam ba ang mga anticristo sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos? Wala; may pakialam lang sila sa kanilang reputasyon at katayuan, sa mga bagay kung saan sila ay puwedeng mapansin, at udyukan ang mga taong igalang at sambahin sila. Kaya, anumang problema ang lumitaw sa gawain ng iglesia, hindi sila nag-aalala sa mga ito o nagtatanong tungkol sa mga ito; gaano man kaseryoso ang isang problema, gaano man kalaki ang kawalang idinudulot nito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi nila nararamdamang isa itong problema. Sabihin mo sa Akin, may puso man lang ba sila? Sila ba ay mga taong may katapatan? Sila ba ay mga taong nagmamahal at tumatanggap sa katotohanan? Dapat guhitan ng mga tandang pananong ang mga bagay na ito. Puwes, ano ba kaya ang ginagawa nila buong araw, para masira nila ang gawain ng iglesia? Sapat na ito para ipakitang hindi nila isinasaalang-alang kahit katiting ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila ginagawa ang mahalagang gawain na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, kundi nagpapakaabala lang sila sa mabababaw na pangkalahatang gawain, para magmukha silang gumagawa sa ibang tao; sa panlabas, abala sila sa paggawa ng isang tungkulin, para ipakita sa mga tao na sila ay masigasig at may pananalig. Nalilinlang nito ang ilang tao. Pero wala silang ginagawa ni isang aspekto ng mahalagang gawain ng iglesia—wala silang ginagawa sa gawain ng pagdidilig at pagbibigay ng katotohanan. Hindi nila kailanman ginagamit ang katotohanan para lutasin ang mga problema; inaasikaso lang nila ang ilang pangkalahatang gawain, at gumagawa ng kaunting gawain na nagpapaganda ng kanilang imahe. Sa mahalagang gawain ng iglesia, pabasta-basta at iresponsable lang sila—wala silang ni kaunting pagpapahalaga sa responsabilidad. Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema, gaano man karami ang lumitaw, at pabasta-basta sila sa kanilang mga tungkulin. At dahil nakapag-asikaso na sila ng ilang mababaw na pangkalahatang gawain, iniisip nilang nakagawa sila ng aktuwal na gawain. Habang ginagawa ng mga anticristo ang mga tungkulin nila, nag-aamok sila sa paggawa ng di-mabubuting bagay at kumikilos nang arbitraryo at diktatoryal. Ginugulo at tuluyan nilang sinisira ang gawain ng iglesia. Walang isang aspekto ng gawain ang nagagawa sa isang sapat na pamantayan at nang walang pagkakamali; walang aspekto ng gawain ang nagagawa nang maayos nang hindi kinakailangang mamagitan ng Itaas, at mag-usisa rito, at pangasiwaan ito. At gayon pa man, may ilang punong-puno ng hinaing at pagsuway matapos mapalitan; gumagawa sila ng mga mapanlinlang na argumento para sa sarili nila, na ipinapasa ang responsabilidad sa mga lider at manggagawa sa mataas na antas. Hindi ba’t ito ay ganap na hindi makatwiran? Hindi makikita ang tunay na saloobin ng isang tao sa katotohanan kapag walang nangyayari, pero kapag pinungusan at pinalitan sila, nabubunyag ang kanilang tunay na saloobin sa katotohanan. Magagawa ito ng mga taong tumatanggap sa katotohanan sa anumang mga sitwasyon. Kung mali sila, kaya nilang aminin ang kanilang pagkakamali; kaya nilang harapin ang mga katunayan at tanggapin ang katotohanan. Hindi aaminin ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan na mali sila, kahit nalantad na ang pagkakamali nila; lalong hindi rin nila tatanggapin ang pag-aasikaso sa kanila ng sambahayan ng Diyos—at ano pa nga ang ikakatwiran ng ilan sa kanila? “Nilayon kong gumawa nang maayos—hindi ko lang nagawa. Hindi ako masisisi ngayon sa nagawa kong masama. Mabuti ang nilayon ko, at nagdusa ako at nagbayad ng halaga, at ginugol ko ang aking sarili—ang hindi paggawa nang maayos ay hindi katulad sa paggawa ng kasamaan!” Para gamitin ang pangangatwirang ito, itong palusot na ito, para tanggihang pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos—tama ba iyon? Anumang mga pangangatwiran at pagpapalusot ang ibinibigay ng isang tao, hindi nila maikukubli ang saloobin nila sa katotohanan at sa Diyos. Nauugnay ito sa kanilang kalikasang diwa, at ito ang pinakaindikatibong bagay. May nangyari man o wala, ang iyong saloobin sa katotohanan ay kumakatawan sa iyong kalikasang diwa. Ito ang iyong saloobin sa Diyos. Makikita kung paano mo tinatrato ang Diyos sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa kung paano mo tinatrato ang katotohanan.
Ano ang sinaklaw natin sa ating talakayan tungkol sa pag-uugali ng mga anticristo sa pagkontrol sa mga tao? (Interesado lamang ang mga anticristo sa pagkontrol sa mga tao.) Tama iyon. Ang mga taong partikular na mayabang at may partikular na pagmamahal sa katayuan ay may sapat na “interes” sa pagkontrol sa mga tao. Hindi positibo ang “interes” na ito—isa itong pagnanais at ambisyon, negatibo ito, at nakasisira ito. Bakit magiging interesado sila sa pagkontrol sa mga tao? Mula sa isang obhetibong perspektiba, lito ang kalikasan nila, pero may isa pang dahilan: Ang mga taong kumokontrol sa iba ay may espesyal na pagkahilig at pagkagiliw sa katayuan, kasikatan, pakinabang, labis na pagmamalaki, at kapangyarihan. Puwede Ko ba itong sabihin nang ganyan? (Oo.) At hindi ba’t katulad nang kay Satanas ang espesyal na pagkahilig at pagkagiliw na iyan? Hindi ba’t iyan ang diwa ni Satanas? Buong araw na pinag-iisipan ni Satanas kung paano ililigaw at kokontrolin ang mga tao; araw-araw, itinuturo nito sa mga tao ang mga nakalilinlang na ideya at pananaw, sa pamamagitan man ng pagtuturo at edukasyon, o sa pamamagitan ng tradisyonal na kultura, o sa pamamagitan ng agham, matayog na kaalaman, at mga katuruan—at habang mas itinuturo nito ang mga bagay na ito sa mga tao, mas sinasamba nila ito. Ano ang layunin ni Satanas sa pagtuturo ng mga bagay na ito sa mga tao? Kapag nagawa na nito ito, tataglayin ng mga tao ang mga ideya nito; tataglayin nila ang mga pilosopiya at paraan ng pag-iral nito. Katumbas ito ng pag-uugat ni Satanas sa puso ng mga tao. Nabubuhay sila kay Satanas, at ang pamumuhay nila ay pamumuhay ni Satanas—ito ang pamumuhay ng mga demonyo. Hindi ba’t ganoon iyon? Hindi ba’t ito rin ang kalikasan ng mga anticristo na kumokontrol sa mga tao? Gusto nilang gawing mga taong katulad nila ang lahat ng iba pa; gusto nilang mabuhay ang lahat para sa kanila, na maging handa para sa paggamit nila, at gumawa ng mga bagay para sa kanila. At ang lahat ay dapat mapasailalim sa kontrol nila: Ang mga kaisipan at pananalita ng mga tao, ang kanilang estilo ng pananalita, mga ideya, at pananaw, ang perspektiba at saloobin sa kanilang pagkilos, maging ang kanilang saloobin sa Diyos, ang kanilang pananalig, at ang kalooban at adhikain nila na gawin ang mga tungkulin nila—ang lahat ng ito ay dapat mapasailalim sa kontrol nila. Gaano kalalim ang pagkontrol na iyon? Bine-brainwash at iniindoktrinahan muna nila ang mga tao, pagkatapos ay pinagagawa nila sa lahat ng tao ang mga katulad na bagay na ginagawa nila mismo. Nagiging “ninong” sila. Para gawing ganito ang mga tao, gumagamit ng maraming kaparaanan ang mga anticristo: May panlilihis, pagtuturo, pananakot, at ano pa? (Mga sikolohikal na pag-atake.) Bahagi iyon ng panlilinlang. Ano pa? (Pamimilit at panunuhol sa mga tao.) Paano nila sinusuhulan ang mga tao? Nag-aamok ang ilang tao sa paggawa ng di-mabubuting bagay habang ginagawa ang mga tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos. Malinaw ba itong nakikita ng mga anticristo? Masyadong malinaw itong lahat sa kanila. Pinapangasiwaan ba nila ito, kung ganoon? Hindi nila ito pinangangasiwaan. At bakit hindi nila ito ginagawa? Ninanais nilang gamitin ang usapin para suhulan ang mga taong iyon; sinasabi nila sa mga iyon, “Ang hindi pag-aasikaso sa iyo ay isang pabor na ginawa ko para sa iyo. Kailangan mo akong pasalamatan. Nakita kitang gumawa ng isang masamang bagay, pero hindi kita iniulat, at hindi kita pinangasiwaan. Naging maluwag ako. Hindi ba’t may utang na loob ka sa akin mula ngayon?” Ang mga taong iyon ay nagpapasalamat sa kanila pagkatapos at itinuturing silang mga tagapagtaguyod nila. Kung gayon, ang mga anticristo at ang mga taong iyon ay parang mga baboy na naglulublob sa iisang kural. Habang nasa kapangyarihan sila, masusuhulan ng mga anticristo ang gayong mga tao: ang mga gumagawa ng kasamaan, na pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, na humuhusga sa Diyos sa pribado, at na sumisira sa gawain ng sambahayan ng Diyos sa pribado. Ito ang uri ng gang ng masasamang tao na pinoprotektahan ng mga anticristo. Hindi ba’t ito ay isang uri ng pagkontrol? (Isang uri ito.) Ang katunayan ay na alam ng mga anticristo sa kaibuturan ng puso nila na ang mga taong ito ay hindi ang mga nangangalaga sa interes ng sambahayan ng Diyos. Alam nilang lahat ito—may lihim na pang-unawa—at kaya, nagtutulungan sila. “Magkapareho tayo. Hindi mo isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng diyos. Niloloko mo ang diyos, at ganoon din ako; hindi mo hinahangad ang katotohanan, at hindi ko rin ito hinahangad.” Sinusuhulan ng mga anticristo ang gayong mga tao. Hindi ba’t panunuhol ito sa kanila? (Panunuhol ito.) Wala silang pag-aalala na pabayaang magdusa ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kapalit ng halaga ng mga interes ng sambahayan ng Diyos, kinukunsinti nila ang mga taong ito na nag-aamok sa paggawa ng di-mabubuting bagay, at nagiging pasanin sa sambahayan ng Diyos. Para bang tinutustusan nila ang mga taong ito, at ang mga taong ito ay walang kamalay-malay na nagpapasalamat sa kanila. Kapag dumating na ang panahon para pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang masasamang taong ito, paano nila tinitingnan ang mga anticristo? Sinasabi nila sa sarili nila, “Hay naku. Tinanggal na sila. Kung hindi pa sila tinanggal, nakapagsaya pa sana tayo nang mas matagal—dahil sa suporta nila, walang sinuman ang nakapangasiwa sa akin.” Nakararamdam pa rin sila ng labis na pagiging malapit sa mga anticristo! Malinaw na ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay mga paggambala at panggugulo, mga bagay na nanliligaw sa mga tao, at masasamang gawa na sumasalungat sa Diyos. At sinumang tao na hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi mamumuhi sa masasamang gawang ito, at pagtatakpan pa nila ang mga ito. Halimbawa, may isang partikular na lider na nagtanggol sa mga anticristo. Tinanong siya ng Itaas kung sinuman sa iglesia ang nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, o nag-aamok sa paggawa ng di-mabubuting bagay, o kung may mga anticristo na nanlilihis sa mga tao. Sinabi ng lider, “Buweno, magtatanong-tanong ako sa paligid. Hayaan mong tingnan ko ito para sa iyo.” Hindi ba’t bahagi iyon ng trabaho niya? Sa himig na iyon—“Hayaan mong tingnan ko para sa iyo”—hinarap niya ang Itaas, at wala na silang narinig pa tungkol dito pagkatapos. Hindi niya tiningnan—ayaw niyang salungatin ang mga taong iyon! At nang tinanong muli siya ng Itaas, “Tiningnan mo na ba?” Sinabi niya na, “Tiningnan ko na—walang kahit ano.” Totoo ba iyon? Siya ang pinakamalaking anticristo sa lahat, ang pangunahing salarin sa panggugulo sa gawain ng iglesia, at sa pamiminsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Siya mismo ay isang anticristo—ano ang naroon para tingnan niya? Dahil naroon siya, anumang masasamang bagay na ginawa ng mga taong nasa ilalim niya, anumang paggambala at panggugulo na idinulot nila, walang sinumang makapagsiyasat sa mga bagay na ito. Hinarang niya sila sa paggawa nito. Bilang implikasyon, sa ganoong kalagayan, hindi ba’t inihiwalay niya sa Diyos ang mga taong nasa ilalim niya? Ganoon na nga. At sino ang pinakinggan ng mga taong iyon, na nahiwalay sa Diyos sa pamamagitan niya? Hindi ba nila siya pinakinggan? At kaya, siya ang naging hari-harian sa bayan, ang lider ng bandido, pinunong malupit—napasailalim niya sa kanyang kontrol ang mga taong iyon. Anong kaparaanan ang ginamit niya? Nilinlang niya ang Itaas at dinaya niya ang mga nasa ilalim niya. Sa mga taong nasa ilalim niya, sinuhulan niya ang mga ito at sinabihan ng mga kaaya-ayang salita, at sa Itaas, gumamit siya ng panlilinlang—hindi niya ipinaalam sa Itaas ang nangyayari sa ibaba. Wala siyang sinabi sa Itaas tungkol dito, at gumawa rin siya ng huwad na kaanyuan. Anong huwad na kaanyuan ang ginawa niya? Sinabi niya sa Itaas, “May isang tao sa ating iglesia na iniuulat ng lahat ng mga kapatid na may mababang pagkatao, na sobrang malisyoso, at na walang kakayahan sa anumang tungkulin. Ano ang masasabi mo—maaari ko ba siyang pangasiwaan?” Ang marinig siyang sabihin ito, malinaw mula sa mga pagpapamalas ng taong iyon na siya ay isang masamang tao na dapat pangasiwaan. Kaya, sinabi ng Itaas, “Kung ganoon, puwede mo siyang pangasiwaan. Pinangasiwaan mo na ba siya?” Sinabi niyang, “Pinangasiwaan namin siya noong nakaraang buwan at pinaalis.” Ang mga katunayan ba ay totoo talaga gaya nang sinabi niya? Ano ba talaga ang nangyari pagkatapos ng mas detalyadong pagtatanong? Hindi niya nakasundo ang taong iyon. At may dahilan kung bakit hindi sila nagkasundo: Hindi gumawa ng aktuwal na gawain ang lider na ito, at palagi siyang bumubuo ng mga gang at maliliit na grupo mula sa mga kapatid—ipinakita niya ang mga pagpapamalas ng isang anticristo, at ang taong iyon ay may pagkilatis sa kanya, at iniulat at isiniwalat ang mga problemang iyon. Sa sandaling ginawa niya ang ulat na iyon, napag-alaman ito ng mga kasamang kampon ng lider, at dahil dito ay pinarusahan at pinaalis siya nito. Nagtagumpay ang anticristo na ito na makumbinsi ang lahat ng nasa ilalim niya na maghimagsik laban sa taong iyon at tanggihan ito, at sa huli, pinangasiwaan niya ang taong iyon at pinaalis, at pagkatapos ay iniulat niya ang “mabuting balita” na ito sa Itaas. Hindi iyon ang totoong nangyari, sa katunayan. Nangyayari ba ang gayong mga bagay sa iglesia? Nangyayari. Sinusupil ng mga anticristo na ito ang mga kapatid; sinusupil nila iyong mga nakakikilatis sa kanila at nag-uulat ng kanilang mga problema, gayundin ang mga nakauunawa sa kanilang kalikasang diwa. Sila pa ang nauunang magsampa ng mga reklamo laban sa mga biktima nila, iniuulat sa Itaas na ang mga taong iyon ang nagdudulot ng kaguluhan. Sino ba talaga ang nagdudulot ng kaguluhan? Ang mga anticristo ang nanggugulo at kumokontrol sa iglesia.
Ano ang mga teknik ng mga anticristo para maudyukan ang mga tao na magpasakop sa kanila? Ang isang gayong teknik ay ang paggamit ng iba’t ibang pamamaraan para kontrolin ka—para kontrolin ang iyong mga kaisipan, ang iyong mga pamamaraan, ang landas na iyong tinatahak, at maging, sa pamamagitan ng kapangyarihang hawak nila, ang tungkuling ginagawa mo. Kung mapapalapit ka sa kanila, bibigyan ka nila ng madaling tungkulin na magbibigay-kakayahan sa iyong umangat; kung palagi kang sumusuway sa kanila, at palaging itinuturo ang kanilang mga pagkakamali, at isinisiwalat ang problema ng kanilang katiwalian, isasaayos nila para sa iyo na gumawa ka ng isang trabahong hindi gusto ng mga tao—halimbawa, pagawain ang isang batang kapatid ng ilang marumi at nakapapagod na trabaho. Isinasaayos nila ang madadali at malilinis na trabaho para sa sinumang magiging malapit sa kanila, mambobola sa kanila, at palaging magsasabi ng gusto nilang marinig. Ganito tinatrato at kinokontrol ng mga anticristo ang mga tao. Ibig sabihin, pagdating sa kapangyarihan sa pagtatalaga at paglilipat ng mga tauhan, na ginagawa ang lahat ng depende sa kanila, sila ang tanging may kontrol. Isang uri lang ba ito ng ambisyon at pagnanais? Hindi, hindi ito ganoon. Hindi ba’t eksakto itong tumutugma sa ikawalong aytem ng mga pagpapamalas ng mga anticristo: “Hinihimok nila ang iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos”? Ano ang tinutukoy ng “Hinihimok nila ang iba na sa kanila lang magpasakop, hindi sa katotohanan o sa Diyos”? Ano ang mali sa pagpapamalas na ito? Paano ito naging mali? Ito ay na ang pinasusunod nila sa mga tao ay ganap na salungat sa katotohanan. Hindi ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ganap itong salungat sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at salungat sa mga layunin ng Diyos; walang ni katiting nito ang nangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at walang ni katiting na bahagi nito ang ayon sa katotohanan. Ang gusto nilang ipasunod sa mga tao ay ganap na ang mga sarili nilang ambisyon, pagnanais, kagustuhan, interes, at kuru-kuro. Hindi ba’t ito ang diwa ng problema? Isang paraan ito ng pagpapamalas ng diwa ng mga anticristo. Hindi ba’t ito ang pinakabuod ng usapin? Dapat madaling makilatis ang pagkilos na ito ng mga anticristo. May ilang lider at manggagawa na naghahayag ng mga wasto at tamang pananaw, at bagaman hindi kumbinsido ang ilang tao at hindi matanggap ang mga ito, nagagawa ng mga lider na ito na magtiyaga sa pagpapatupad ng mga tamang pananaw na iyon at sa pagsasagawa ng mga ito. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pag-uugaling ito at ng sa mga anticristo? Tila magkatulad ang dalawa sa panlabas, pero may pagkakaiba sa diwa ng mga ito. Ang ginagawa ng mga anticristo ay sadyang sumalungat sa katotohanan at sa mga prinsipyo ng gawain ng sambahayan ng Diyos, pinagagawa sa mga tao ang sinasabi nila sa pagkukunwaring ginagawa nila ang isang tungkulin para sa sambahayan ng Diyos at pagpapasakop sa katotohanan. Mali ito—napakalaking, kakatwang kamalian. Ang ilang lider at manggagawa ay nagtataguyod ng mga tamang pananaw. Dapat itaguyod ang ayon sa mga katotohanang prinsipyo; hindi ito pagmamataas at pagmamagaling, at hindi rin ito pagpigil sa mga tao—pagtataguyod ito sa katotohanan. Tila magkatulad ang dalawang pag-uugali sa panlabas, pero magkaiba ang mga diwa ng mga ito: Ang isa ay nagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo, at ang isa ay nagtataguyod sa mga maling pananaw. Ang ginagawa ng mga anticristo ay paglabag lahat sa katotohanan, sa pagkamapanlaban dito, at ganap na bunsod ng kanilang mga personal na ambisyon at pagnanais—kaya sa kanila lamang pinasusunod ng mga anticristo ang mga tao at hindi sa katotohanan o sa Diyos. Iyon ang pinakabuod ng aytem na ito. Ang pinag-usapan natin ngayon lang ay isang kinikilalang katunayan. Ano ang tinutukoy rito ng mga pagnanais at ambisyon? Tumutukoy ang mga ito sa ilang taong hindi gumagawa ng mga halatang bagay na gagawin ng isang anticristo, pero mayroon pa rin ng mga tendensiyang ito. Mayroon sila ng mga tendensiya at pagpapamalas na ito, ibig sabihin, mayroon sila ng mga pagnanais at ambisyon na ito. Anumang grupo sila kabilang, gusto nilang palaging inuutusan ang mga tao tulad nang isang opisyal: “Ikaw, gumawa ka ng pagkain!” “Ikaw, abisuhan si ganito-at-si-ganyan!” “Magsikap ka sa tungkulin mo, at magkaroon ng higit na katapatan—nakamasid ang diyos!” Kailangan ba nilang sabihin ang mga bagay na iyon? Anong uri ng tono iyon? Sino sila para palaging umasta na parang isang panginoon at amo? Wala silang halaga, gayumpaman ay nangangahas silang magsabi ng gayong mga bagay—hindi ba’t iyon ay kawalan ng katwiran? Puwedeng sabihin ng ilan na, “Mga hangal sila.” Pero hindi sila mga ordinaryong hangal—mga espesyal sila. Espesyal paano? Kapag nakikipagtalo o pinag-iisipan nila ang isang usapin kasama ang sinuman, tama man sila o hindi, dapat silang manaig sa huli; tama man sila o hindi, dapat nasa kanila ang huling salita, na sila ang mamahala, at gagawa ng mga desisyon. Anuman ang katayuan nila, ninanais nilang gumawa ng mga desisyon. Kung mananaig ang ibang tao sa pagpapahayag ng tamang opinyon, magagalit sila; isusuko nila ang kanilang posisyon at ititigil ang kanilang trabaho—nagbibitiw sila, nagsasabing: “Sabihin ninyo na ang anumang gusto ninyong sabihin—hindi ninyo naman talaga ginagawa ang sinasabi ko!” Wala ba sila ng ambisyon at pagnanais na iyon? Ano ang mga kahihinatnan ng gayong mga tao na nagiging mga panginoon at amo, sila na nagiging mga namamahala, sila na nagiging mga lider? Nagiging mga karaniwang anticristo sila. Mayroon ba kayong ganoong mga pagpapamalas? Hindi iyon magiging mabuting bagay! Hindi ba’t magiging isang napakalaking kalamidad kung hindi makakamit ng isang mananampalataya ng Diyos ang katotohanan, at sa halip ay magiging isang anticristo?
Paano tinitingnan ng mga walang pananampalataya ang mga tao? Kapag nakatatagpo sila ng isang tao, tinitingnan muna nila ang hitsura at pananamit nito; kapag pinakikinggan nilang nagsasalita ang iba, palagi nilang gustong makita kung nagtataglay ba ito ng karunungan. Kung makikita nila na ang iyong hitsura at pananamit ay hindi kaakit-akit, at wala kang masyadong pinag-aralan o hindi ka masyadong marunong, hahamakin ka nila, at gugustuhing lamangan ka kapag nakikipag-usap sila sa iyo. Sinasabi Ko, “Kung gusto mong makipagtalo, sige—magsalita ka.” Ititikom Ko ang bibig Ko; pagbibigyan kita. Karamihan ng mga tao sa sambahayan ng Diyos ay nakikinig sa Akin, saanman Ako magpunta. Kaya, naghahanap Ako ng mga pagkakataong marinig ang iba na magsalita, para hayaan ang iba na mas lalo pang magsalita—sinisikap Kong hayaan ang lahat na magsalita mula sa puso, at magsalita tungkol sa mga paghihirap sa kalooban nila, at sa kaalaman nila. Habang nakikinig Ako, nakakarinig Ako ng ilang paglihis. Naririnig Ko ang ilan nilang problema at pagkukulang, anong mga problema ang lumitaw sa landas na tinatahak nila, at kung aling bahagi ng gawain ng iglesia ang hindi nagagawa nang maayos, anong mga problema ang nananatili rito, at kung kailangang lutasin ang mga ito. Nakatuon Ako sa pakikinig sa mga bagay na ito. Kung pinagtatalunan natin ang anumang isyu—kung sasabihin Ko, halimbawa, na papel ang isang tasa, at ipagpipilitan mong sabihin na plastik ito, sasabihin Kong, “Sige. Tama ka.” Hindi Ako makikipagtalo sa iyo. Iniisip ng ilang tao, “Kung tama Ka, bakit hindi Ka makipagtalo?” Depende ito sa isyu. Kung ito ay isang bagay na may kinalaman sa katotohanan, tama lang para sa iyo na pakinggan Ako; kung ito ay isang panlabas na usapin, hindi Ako makikialam anuman ang sabihin ninyo—ang gayong mga bagay ay walang kinalaman sa Akin. Walang silbi ang makipagtalo tungkol sa gayong mga bagay. May ilang tao na tumatalakay sa ilang usapin ng kalagayan. Sa kanila, sinasabi Ko, “Sa pagkakaunawa Ko rito, ganito ang bagay na iyon.” Idinagdag Ko ang “sa pagkakaunawa Ko rito” sa simula; may kaunting kaalaman sa sarili riyan. Ipinapakita Ko ang isang katunayang alam Ko para ilarawan ang bagay na iyon, sinasabi na, “Ito ang sitwasyon ngayon, pero kung may ilang espesyal na pangyayari, hindi Ko alam ang tungkol sa mga iyon.” Ito lang ang magagawa Ko para suriin ang usapin nang may gayong katunayan, pero hindi Ko ipinagmamalaki kung gaano karami ang nalalaman Ko. Binibigyan Ko lang sila ng kaunting impormasyon bilang sanggunian—hindi Ko nilalayong ituring ang sarili Ko na mas mataas kaysa sa kanila at pigilin sila, para ipakita sa kanila kung gaano Ako katalino, na alam Ko ang lahat, na wala silang alam. Hindi iyon ang Aking perspektiba. Kapag may ilang taong nakikipag-usap sa Akin, nagbabanggit Ako ng kaunting impormasyong hindi nila alam, at sinasabi nilang, “Buong araw kang nasa loob—ano ang alam mo?” Hindi nila alam ang impormasyong iyon, pero gusto nilang makipagtalo at makipag-away sa Akin tungkol dito. Sinasabi Ko, “Tama iyan. Hindi Ako lumalabas, pero alam Ko ang isang bagay na ito. Sinasabi Ko lang sa iyo ang tungkol dito, at iyon lang iyon—maniwala ka man o hindi.” Ano ang dapat pagtalunan doon? Ang pagtatalo tungkol sa ganitong uri ng bagay ay isang disposisyon. May ilang tao na gusto pa ngang makipagkompetensiya para sa pagiging superyor pagdating sa isang panlabas na usapin, sinasabi na: “Paano mo nalaman ang tungkol dito? Bakit hindi ko alam ang tungkol dito? Bakit kaya mong talakayin ang lahat ng kailangang talakayin tungkol dito, samantalang hindi ko kaya?” Halimbawa, sinasabi Ko, “Sa mga taon nang pananatili Ko rito, may natuklasan Akong kakaiba tungkol sa klima: Medyo mahalumigmig ito.” Ito ay isang obserbasyong natuklasan Ko pagkatapos ng pananatili sa lugar na ito nang mahabang panahon—isa itong katunayan. Pero naririnig iyon ng ilang tao at sinasabi, “Ganyan ba talaga ang mga bagay? Paanong hindi ko naramdaman ang halumigmig, kung gayon?” Dahil lang hindi mo naramdaman ang halumigmig, hindi ibig sabihin niyon na hindi ito mahalumigmig. Hindi ka lang dapat basta bumatay sa nararamdaman mo—dapat kang bumatay sa datos. Nagbibigay ng maraming detalye ang mga pang-araw-araw na pagtataya ng lagay ng panahon, at sa sandaling sapat na ang nakita mo, malalaman mo na, sa katunayan, ay mahalumigmig dito. Hindi ito isang bagay na inisip Ko lang, at hindi Ako nagsasalita batay sa isang pakiramdam. At bakit ganoon? Palaging may lumot sa mga malilim na base ng pader sa buong taon; sa tagsibol, may ilang lugar na hindi Ako mangangahas lakaran, masyadong madulas ang mga ito. Ang obserbasyong ito ay nagmula sa Akin na napagdaraanan ito, nararanasan ito, nakikita ito ng sarili Kong mga mata, at personal na nararamdaman ito. Ang pagsasalita nang ganito ay hindi labag sa mga katunayan, tama ba? Pero may ilang tao na humahamon sa Akin sa mga bagay na ito kapag nakikipag-usap sila sa Akin—sinasabi Kong mahalumigmig dito, at sinasabi lang nila na hindi. Hindi ba’t mga tao silang may magulong pag-iisip? (Ganoon nga sila.) Ang ilang pahayag ay ginawa batay sa realidad, dahil ang mga ito ay nagmula sa karanasan, at hindi bunga ng imahinasyon. Bakit nasabi Kong hindi mga imahinasyon ang mga ito? Dahil inilalatag ng mga ito nang malinaw, lubusan, at sistematiko ang mga detalye, at kapag nakita at naranasan ng isang tao ang inilarawan sa mga pahayag na iyon, eksaktong tumutugma ito sa mga nasabi. Hindi ba’t tumpak ang mga pahayag na iyon? (Tumpak ang mga ito.) Pero kahit na sa mga tumpak na pahayag na ito, may ilang tao na palaging nakikipagtalo, at nakikipagtalo sila sa Akin sa ganitong paraan. Para saan sila nakikipagtalo? Mortal na labanan ba ito? Nakikipaglaban ba sila para sa buhay nila? Hindi sila nakikipagtalo para roon, gusto lang nilang makipagkompetensiya sa kung sino ang mas nakakaalam. Gusto lang nilang makipagtalo—isa itong disposisyon. Paano sa palagay mo dapat tratuhin ang gayong mga tao? Kailangan ba nilang mailantad, at makipagtalo hanggang sa namumula ka na sa galit? (Hindi.) Walang silbing makipagtalo sa gayong mga ka-ignoranteng tao. Nakabababa ito. Hayaan mo lang sila. Hindi ba sapat iyon? Ano ang silbi ng pakikipagtalo sa gayong mga hangal at padalos-dalos na tao? Kung may argumento o debate dahil hindi nauunawaan ng isang tao ang ilang usaping may kinalaman sa katotohanan, ayos lang iyon—pero hindi ba’t kahangalan ang makipagtalo tungkol sa mga panlabas na gawaing ito? Ang disposisyon ng mga anticristo, pangunahin, ay ang hindi pagtanggap sa katotohanan, ang pagiging mayabang at mapagmagaling, ang pagiging tutol sa katotohanan. Hindi man lang tinatanggap ng mga anticristo ang anumang tamang salita, o mga komento at kasabihan na ayon sa mga katunayan, at sasaliksikin nila ang mga ito, at makikipag-alitan at makikipagtalo sa iyo tungkol sa mga ito—at wala iyong sinasabing katotohanan. Hindi ba’t iyon ay isang disposisyon? (Disposisyon iyon.) Anong disposisyon ito? Kayabangan. Ang ibig nilang sabihin ay, “Nauunawaan mo lang nang kaunti ang katotohanan, hindi ba? Hindi mo nauunawaan ang mga panlabas na usapin, kaya tama lang na makinig ka sa akin tungkol sa mga ito! Huwag ka nang masyadong magsalita—ginagalit talaga ako nito. Ang mga panlabas na gawaing ito ay hindi sa iyo para pangasiwaan. Sa mga responsabilidad mo, sa pagsasabi ng katotohanan, makikinig ako sa iyo—pero tigilan mo ang pagsasalita tungkol sa mga panlabas na bagay na ito. Manahimik ka, puwede? Hindi mo pa kailanman naranasan ang mga bagay na ito, kaya ano ang alam mo? Kailangan mong makinig sa akin!” Sa lahat ng bagay, pinakikinig nila ang mga tao sa kanila. Gusto nilang sakupin ang lahat, nang hindi tinitingnan kung sino ito. Anong disposisyon iyon? Mayroon bang anumang katwiran dito? (Wala.)
Sabihin mo sa Akin, madali ba o mahirap ang makisama sa Akin? (Madali.) Paano mo ito malalaman? Bakit sinasabi mong madali ito? Sasabihin Ko sa inyo, at makikita ninyo kung tama at tumpak ang pagpapaliwanag Ko sa Aking sarili. Una, normal ang Aking pagkamakatwiran. Paano maipaliliwanag ang pagiging normal na ito? Ibig sabihin nito na may mga tumpak Akong pamantayan at tumpak na perspektiba tungkol sa lahat ng usapin. Sa ganoong paraan, hindi ba’t ang Aking mga pananaw at pahayag tungkol sa bawat uri ng bagay, at ang Aking saloobin sa bawat uri ng bagay, ay normal lahat? (Oo.) Normal ang mga ito—kahit papaano, ang mga ito ay nakaayon sa mga pamantayan para sa normal na pagkatao. Pangalawa, pinipigilan Ako ng katotohanan. Ito ang dalawang bagay na kahit papaano ay tinataglay ng normal na pagkamakatwiran. At may isa pang aspekto rito: Ang dahilan kung bakit nakikita ninyong madaling makisama sa Akin ay dahil may tamang sukat Ako at alam Ko ang mga pamantayan pagdating sa bawat uri ng tao. May tamang sukat Ako, gayundin ng mga paraan at pinagkukunan para sa kung paano Ko tinatrato ang mga lider at ordinaryong kapatid, para sa kung paano Ko tinatrato ang matatanda at kabataan, para sa kung paano Ko tinatrato ang mayayabang na tao na sa malamang ay magpapasikat, at para sa kung paano Ko tinatrato ang mga mayroon at walang espirituwal na pang-unawa, at iba pa, para sa bawat uri ng tao. Ano una sa lahat ang tamang sukat na ito, at ang mga paraan at pinagkukunang ito? Sumusunod sila sa mga katotohanang prinsipyo, hindi gumagawa ng mga bagay nang hindi pinagpaplanuhan. Ipagpalagay, halimbawa, na pahahalagahan kita dahil sa pagiging isang estudyante sa unibersidad, o hahamakin ka dahil sa pagiging isang magsasaka—hindi iyon ang mga prinsipyo. Kaya, paano Ko maaarok ang mga prinsipyong ito? Sa pamamagitan ng pagtingin sa kakayahan at pagkatao ng isang tao, sa tungkuling ginagawa niya, sa pananalig niya sa Diyos, at sa saloobin niya sa katotohanan. Itinuturing Ko ang mga tao batay sa kombinasyon ng iba’t ibang aspektong ito. May isa pang dahilan kung bakit nakikita ninyong madali Akong pakisamahan, na isang bagay na marahil ay may maraming kuru-kuro ang mga tao at hindi nila magawang tanggapin. Iniisip nilang, “May katayuan Ka, pero bakit parang isang tao Kang walang katayuan? Hindi Mo iginigiit ang Iyong katayuan; hindi Ka umaastang mataas at makapangyarihan. Sa isip ng mga tao, iniisip nilang dapat Ka nilang tingalain—pero bakit kapag nakikita Ka ng mga tao, naiisip nilang mas angkop na ituring Ka mula sa parehong antas, o maging ang maliitin Ka?” At kaya, iniisip nilang madali Akong pakisamahan, at nagrerelaks sila. Hindi ba’t ganoon iyon? Ganoon iyon. Dahil dito, iniisip nilang hindi Ako dapat katakutan, at ang pakisamahan Ako sa ganitong paraan ay napakainam. Sabihin mo sa Akin, kung pipigilan Ko kayo sa bawat pagkakataon, at pupungusan kayo nang walang magandang dahilan, at sasawayin at pangangaralan kayo buong araw na may madilim na ekspresyon sa Aking mukha, magiging iba ba ang mga bagay-bagay? Iisipin ninyong, “Napakahirap Mong pakisamahan, dahil sa kakaiba Mong personalidad at sa pabago-bago Mong damdamin!” Hindi Ako magiging madaling pakisamahan kung ganoon. Tiyak na dahil tila normal Akong tingnan sa inyo sa lahat ng Aking aspekto, sa Aking personalidad, sa Aking mga kasiyahan at galit, sa Aking mga kalungkutan at kagalakan, at dahil sa inyong isipan, iniisip ninyong ang mga tao na may reputasyon at mataas na katayuan ay dapat na maging mataas at makapangyarihan, pero ang Ako na nakikita ninyo ngayon ay napakakaraniwan lamang—iyon mismo ang dahilan kung bakit hindi na kayo nag-iingat at iniisip na madali Akong pakisamahan. Bukod dito, napapansin ba ninyong gumagamit Ako ng burukratikong jargon kapag nagsasalita Ako? (Hindi.) Hindi Ko iyon ginagawa—pagdating sa mga bagay na hindi ninyo nauunawaan, tinutulungan Ko kayo sa abot ng Aking makakaya nang anumang makakaya Ko, at bihira Ko kayong nililibak. Bakit bihira Kong gawin iyon? May mga pagkakataong labis Akong nagagalit at hindi Ko maiwasang magsabi ng ilang salitang nanlilibak sa inyo, subalit dapat Ko ring isaalang-alang na maaari kayong manghina, at kaya hangga’t maaari ay madalang Akong makipag-usap sa inyo nang ganoon. Sa halip, mapagtimpi, mapagpatawad, at matiyaga Ako. Tinutulungan Ko kayo sa abot ng Aking makakaya, kung saan Ko kaya, at tinuturuan kayo sa abot ng Aking makakaya, nang kung ano ang Aking makakaya—ito ang ginagawa Ko sa kadalasan. At bakit ganoon? Ito ay dahil karamihan ng mga tao ay higit na nagkukulang pagdating sa mga usapin ng pagpapatotoo sa Diyos at pag-unawa sa katotohanan—pero pagdating sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, o pananamit at pampaganda, o paglalaro, o anumang makamundong bagay, alam ng mga tao ang lahat ng tungkol sa mga bagay na ito. Sa kabilang banda, hinggil sa mga usapin ng pananampalataya sa Diyos, at mga usaping may kinalaman sa katotohanan, ignorante ang mga tao; pagdating sa pagpapatotoo sa Diyos, at paggamit ng mga propesyonal na kasanayan nila, mga kalakasan nila, at mga kaloob nila para gumawa ng kaunting gawain ng pagpapatotoo sa Diyos, para gumawa ng ilang gawaing nagpapatotoo sa Diyos, wala silang masasabi. Ano ang gagawin Ko, kapag nakikita Ko ang gayong sitwasyon? Dapat Ko kayong turuan, turuan kayo nang paunti-unti, at turuan kayo sa abot ng Aking makakaya. Pinipili Ko ang mga bagay na nauunawaan Ko, at alam Ko, at magagawa Ko, at itinuturo Ko ang mga ito sa inyo, nang tuloy-tuloy, hanggang sa matapos ang isang gawain. Itinuturo Ko sa inyo ang lahat ng makakaya Ko, hangga’t kaya Ko. Para sa mga may mahinang kakayahan na hindi matuturuan, unawain ninyo ang hanggang sa makakaya ninyo, at hayaan ang natural na takbo ng mga bagay-bagay, hindi Ko kayo pupuwersahin. Sa huli, may ilang nagsasabi, “Kaming mga nakauunawa sa isang propesyon ay nalupig ng isang ordinaryong tao. Kaming may kaalaman sa larangang ito ay walang magawang kahit ano, at kailangan pa rin namin ang ordinaryong taong ito na turuan at tulungan kami para may magawa kami—labis itong nakakahiya!” Ang totoo, hindi ito nakakahiya, dahil ang pagpapatotoo sa Diyos sa pananampalataya ng isang tao ay kinasasangkutan ng katotohanan, at ang katotohanan ay isang teritoryong hindi pa nababagtas ng sangkatauhan. Walang tiwaling tao ang ipinanganak na nakakaunawa na sa katotohanan; sa pamamagitan lang ng personal na gawain ng Diyos na gawing perpekto ang mga tao nila mauunawaan ang katotohanan. Kung ipinanganak ang mga tao na may kakayahang makapagpapatotoo sa Diyos, wala nang sinuman ang sasalungat sa Kanya! Dahil ang mga tao ay kauri ni Satanas at may kalikasang diwa na mapanlaban sa Diyos kaya hindi nila magawa ang mga bagay na may kinalaman sa katotohanan at pagpapatotoo tungkol sa Diyos. Kaya, ano ang dapat gawin ng mga tao, kung ganoon? Hangga’t lubos silang nagsisikap na gawin ang makakaya nila, sapat na iyon. Kung mayroon Akong lakas na mag-alok ng tulong at pagtuturo, tutulong Ako. Kung hindi Ko ito ginagawa, o kung abala Ako sa iba pang mga bagay at hindi makapaglaan ng oras, gawin lang ninyo ang inyong makakaya. Naaayon iyon sa mga prinsipyo, hindi ba? Ito lang ang tanging maaaring paraan. Hindi Ko kayo pinipilit na gumawa nang higit sa inyong kakayahan. Wala itong silbi—hindi ito magagawa. Sa huli, iniisip ng mga tao na: “Sadyang madali Kang pakisamahan, at madaling makamit ang Iyong mga hinihingi. Sabihin Mo sa amin kung ano ang gagawin, at gagawin namin ang sinabi Mo.” Maaaring mapungusan ang ilang tao paminsan-minsan. Karamihan sa kanila ay ayos lang naman pagkatapos noon, na may tamang pagkaarok. Isinusuko ng ilang tao ang kanilang trabaho, at ang ilan ay palihim na nagdudulot ng mga kaguluhan, hindi nagsisikap na gawin ang kanilang tungkulin, at hindi gumagawa ng aktuwal na gawain. Ang gayong mga tao ay pinapalitan. Kung hindi mo gustong gawin ang gawain, bumaba ka sa puwesto. Bakit kailangang ikaw ang ginagamit para dito? Papalitan ka namin—iyon lang iyon. Simple, hindi ba? Kung sa hinaharap, magsisisi, magbabago, at gagawin ng mga taong iyon ang kanilang gawain nang maayos, bibigyan sila ng isa pang pagkakataon—at kung magdudulot pa rin sila ng mga pagkagambala at kaguluhan sa parehong paraan, hindi na sila kailanman gagamiting muli. Mas mabuting gumamit Ako ng taong masunurin. Anong silbi ng palaging pakikisalamuha sa ganoong mga tao? Tama? Magiging mahirap iyon para sa kanila at nakapapagod para sa Akin. May mga prinsipyo para sa kung paano Ko pinangangasiwaan ang mga bagay na ito, at may mga prinsipyo rin para sa kung paano Ako makikisama sa iba. Ang isa pang dahilan kung bakit madali Akong pakisamahan ay dahil sa pakikisama sa mga tao, hindi Ako kailanman nanghihingi ng mga bagay na masyadong nakapapagod sa kanila. Gawin mo ang anumang makakaya mo; para sa mga bagay na hindi mo kayang gawin, ituturo Ko sa iyo ang mga ito, isa-isa. Gawin mo ang makakaya mo nang buong puso mo; kung hindi mo ito gagawin nang buong puso mo, hindi kita pipiliting gawin ito. Pagdating sa iba pa, ibig sabihin, kung paano ka nananampalataya sa Diyos, sariling usapin mo iyon. Kung wala kang makakamit sa huli, wala kang masisisi. Anong palagay mo sa mga prinsipyo Ko sa kung paano Ko tinatrato ang mga tao? Nararamdaman mo bang medyo mapagpalayaw ang mga ito? Talagang hindi iyon ang kaso—ang paraan ng pag-aasikaso Ko rito ay ganap na alinsunod sa mga prinsipyo. Anong mga prinsipyo ang mga iyon? Makinig sa Akin, at mauunawaan ninyo.
Ako, ang Diyos na nagkatawang-tao, ay gumagawa sa loob ng pagkatao—kaya Ko bang ganap na palitan ang Banal na Espiritu, o ang Espiritu ng Diyos, sa paggawa ng gawain? Hindi, hindi Ko kaya. Kaya, hindi Ko sinusubukang lumampas sa Aking mga limitasyon, sinasabing gusto Kong palitan ang Diyos sa langit at gawin ang lahat ng Kanyang gawain. Iyon ay pagdakila sa sarili Ko—hindi Ko kaya iyon. Isa Akong ordinaryong tao. Anuman ang kaya Kong gawin, ginagawa Ko. Ginagawa Ko kung ano ang magagawa Ko nang maayos; ginagawa Ko ito hanggang matapos, at ginagawa Ko ito nang maayos. Inilalagay Ko ang Aking puso at lahat ng Aking lakas sa paggawa nito. Sapat na iyon. Iyon ang gawaing napupunta sa Akin. Subalit kung hindi Ko ito nauunawaan, at nakaramdam Ako ng pagsuway sa katunayang ito, at hindi Ko ito kinilala, subalit palaging sinusubukang magpanggap na mahusay, palaging sinusubukang magpasikat, palaging sinusubukang magpakita ng ilang hindi kapani-paniwalang kasanayan, magiging ayon ba iyon sa mga prinsipyo? Hindi. Iniisip mo bang nauunawaan Ko ang usaping ito? Nauunawaan Ko, napakaayos! Ang saklaw ng kung ano ang masasabi ng katawang-tao ng Diyos at kung anong gawain ang magagawa ng katawang-tao ay ang saklaw ng gawain na Kanyang ginagawa sa katawang-tao. Higit pa sa saklaw na ito, ang mga taong lihim na nararanasan ang pagdidisiplina at pagpupungos ng Diyos, at ang kaliwanagan at pagpatnubay ng Banal na Espiritu, at maging ang pagkakaloob ng Diyos ng mga pangitain, at kung sino ang peperpektuhin ng Diyos at kung sino ang ititiwalag Niya, at kung anong pananaw at saloobin mayroon ang Diyos tungkol sa lahat ng tao—ang mga bagay na ito ay gawaing lahat ng Diyos. Kung may malapit kang pakikipag-ugnayan sa Akin, nakikita Ko rin ang mga bagay na ito—subalit kahit paano ko man tingnan, gaano karami sa mga ito ang nakikita Ko? May limitasyon sa bilang ng mga taong nakikita Ko, at ang bilang ng nakasasalamuha Ko—paano posibleng makasama rito ang bawat isang tao? Imposible iyon. Hindi ba’t dapat na maging malinaw sa iyo ang bagay na ito? Sabihin mo sa Akin, malinaw ba sa Akin ang bagay na ito? Malinaw sa Akin. Ito ang dapat gawin ng isang normal na tao. Hindi Ko iniisip ang mga bagay na hindi Ko dapat gawin. May kakayahan ba ang mga tao para dito? Wala silang kakayahan—wala sila ng pagkamakatwirang iyon. Tinatanong Ako ng ilang tao, “Hindi ba’t palagi Kang palihim na tumitingin sa mga bagay-bagay? Hindi ba’t palagi Kang nagtatanong tungkol sa kung sino ang gumagawa ng kung ano at anong masasamang bagay ang sinasabi nila tungkol sa Iyo nang pribado, o kung sino ang palihim na nanghuhusga sa Iyo at nagsasaliksik sa Iyo?” Magiging matapat Ako sa iyo. Hindi Ako kailanman nagtanong tungkol sa mga bagay na iyon. Sino ang namamahala sa mga bagay na iyon? Ito ay ang Espiritu ng Diyos—sinusuri ng Diyos ang lahat; sinisiyasat Niya ang buong mundo at sinisiyasat Niya ang puso ng mga tao. Kung hindi ka naniniwala sa pagsisiyasat ng Diyos, hindi ba’t abnormal ang iyong katwiran? (Oo, abnormal ito.) Kung ganoon ay hindi ka isang taong tunay na nananampalataya sa Diyos, pinaiiral mo ang maling posisyon, at isang malaking problema ang naganap. Hinihingi Kong manampalataya kayo sa Diyos, at lubos Akong naniniwala rito. Kaya, ang Aking mga salita at gawa ay itinayo sa pundasyong ito. Hindi Ako gumagawa ng mga bagay na lampas sa Aking mga hangganan; hindi Ako gumagawa ng mga bagay na lampas sa saklaw ng Aking mga kakayahan. Hindi ba’t iyon ay isang disposisyon? (Isa itong disposisyon.) Hindi ito nakikita ng ilang tao nang ganoon. Iniisip nila na mayroon Akong ganitong pagkakakilanlan, ganitong katayuan, at ganitong kapangyarihan, kaya’t nagtataka sila kung bakit hindi Ako kumikilos nang ganoon. Iniisip nila na kailangan Kong maunawaan ang marami pang bagay, at maarok ang marami pang bagay, para lumabas na mayroon Akong higit na reputasyon, higit na katayuan, higit na kapangyarihan, at higit na awtoridad. Gaano man kalaking awtoridad at gaano man karaming kapangyarihan ang ibinibigay sa Akin ng Diyos, iyon ang tinataglay Ko. Hindi ito mga bagay na pinaghihirapan Ko, o mga bagay na inaagaw Ko. Ang awtoridad ng Diyos, ang Kanyang kapangyarihan, at ang Kanyang pagkamakapangyarihan sa lahat ay hindi mga bagay na maaaring katawanin ng isang hindi mahalagang laman. Kung hindi iyon malinaw sa iyo, may mali sa iyong katwiran. Kung hindi mo maunawaan ang bagay na ito pagkatapos ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, masyado kang hangal at ignorante. Hindi Ako nagtatanong ng tungkol sa maraming bagay—subalit alam Ko ba ang mga ito sa Aking puso? (Alam Mo.) Ano ang alam Ko? Alam Ko ba ang pangalan ng lahat? Alam Ko ba kung ilang taon nang nananampalataya ang bawat tao sa Diyos? Hindi Ko kailangang malaman ang mga bagay na iyon. Sapat na para sa Akin na malaman ang mga kalagayan ng lahat, kung anong kulang sa lahat, ang antas kung saan nakamit nila ang buhay pagpasok, at kung anong mga katotohanan ang dapat marinig ng lahat, at madiligan, at matustusan. Ang malaman ang mga bagay na ito ay sapat. Hindi ba’t ito ang napupunta sa Akin? Para malaman kung ano ang napupunta sa Akin—kung ano ang dapat Kong sabihin at ang gawain na dapat Kong gawin—hindi ba’t pagkamakatwiran iyon? (Pagkamakatwiran ito.) Paano nagkakaroon ng gayong pagkamakatwiran? Kung ang Diyos na nagkatawang-tao ay wala man lang ng pagkamakatwirang ito, kung wala man lang Siya ng pamantayang iyon sa pagsukat ng lahat ng bagay at lahat ng pangyayari, anong katotohanan ang kailangan Niyang sabihin? Kung ang Diyos na nagkatawang-tao ay makikipaglaban sa Espiritu ng Diyos at makikipagkompetensiya sa Kanya para sa katayuan, hindi ba’t may nangyaring mali? Hindi ba’t mali iyon? Maaari bang maging ganyan ang mga bagay-bagay? Hindi—iyon ay isang bagay na hindi kailanman maaaring mangyari.
Ang ilang tao ay palaging nag-aalala at nagsasabing, “Palagi Ka bang nagtatanong tungkol sa amin at palaging palihim na nagsasaliksik tungkol sa amin? Palagi bang sinusubukan ng Diyos na sukatin kung ano ang iniisip natin tungkol sa Kanya at kung paano natin Siya tinitingnan sa ating puso?” Hindi Ko iniisip ang gayong mga bagay. Sumusobra sila! Anong silbi ng pag-iisip tungkol sa mga bagay na iyon? Ang lahat ng ito ay nasasakop ng pagsisiyasat ng Diyos. May saklaw sa mga pagkilos ng Espiritu ng Diyos, at mas lalo pa sa mga pagkilos ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay Diyos, Siya ang daluyan at pagpapahayag ng katotohanan, at ang gawaing ginagawa Niya sa yugtong ito ay kumakatawan sa yugtong ito, hindi sa huli. Magagawa lang ng Diyos na nagkatawang-tao ang gawain na nasa loob ng panahong ito at ng saklaw na ito. Maaari bang katawanin ng gawaing ito ang susunod na yugto, kung ganoon? Buweno, hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Sariling usapin iyon ng Diyos. Hindi Ako sosobra. Ginagawa Ko ang dapat Kong gawin; ginagawa Ko ang mga bagay na dapat at kaya Kong gawin. Hindi Ko kailanman pinipilit ang sarili Kong lampasan ang Aking mga limitasyon, sinasabing, “Ako ay makapangyarihan! Ako ay dakila!” Iyon ang Espiritu ng Diyos; kinakatawan lang ng Diyos na nagkatawang-tao ang pagpapahayag at daluyan para sa gawaing ginagawa ng Diyos sa panahong ito. Itinakda na ng Diyos ang saklaw ng Kanyang gawain at kung anong gawain ang Kanyang gagawin. Kung sasabihin mong, “Si Cristo na nagkatawang-tao ay makapangyarihan,” tama ka ba o mali? Kalahating tama, kalahating mali. Makapangyarihan ang Espiritu ng Diyos; hindi masasabing makapangyarihan si Cristo. Dapat mong sabihing makapangyarihan ang Diyos. Tama at tumpak na paraan iyon ng pagsasabi, at isa na nakaayon sa mga katunayan. Anong pagkamakatwiran ang dapat Kong taglayin? Sinasabi ng lahat na Ako ay Diyos, Diyos mismo, na Ako ay Diyos na nagkatawang-tao, kaya naniniwala ba Ako na kaya Kong humalili sa Diyos mismo, para sa Kanyang Espiritu? Hindi Ko kaya. Kahit na ibinigay sa Akin ng Diyos ang kapangyarihan at kakayahang iyon, hindi Ko maisasakatuparan iyon. Kung kaya Kong humalili sa Diyos sa ganoong paraan, hindi ba’t iyon ay magiging isang uri ng katumbas na kalapastanganan laban sa Kanyang disposisyon at diwa? Napakalimitado ng katawang-tao! Hindi iyon ang paraan para maunawaan ito; hindi iyon ang anggulo para harapin ang paksang ito. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Kaya, dahil tinataglay Ko ang mga kaisipang ito, ang mga prinsipyong ito sa paggawa ng mga bagay, at mga pagsasaalang-alang sa paggawa ng bawat bagay, hindi Ako parang Diyos sa maraming tao, at may ilan pa nga na, bago sila makipag-ugnayan sa Akin, ay nagkikimkim ng ilang pantasya, imahinasyon, at kuru-kuro, na maingat at mapagmatyag sa mga kilos nila, at pagkatapos sa sandaling makita nila Ako, iniisip nilang, “Tao lang siya, hindi ba? Walang nakatatakot sa kanya.” Pagkatapos nito, kumikilos na sila nang walang pagpipigil—nagiging mapangahas sila, at nangangahas silang mag-amok sa paggawa ng di-mabubuting bagay. Ano ang tawag sa kanila? Mga hindi mananampalataya. Kung nananampalataya ka lang sa Diyos na nagkatawang-tao, at hindi sa Espiritu ng Diyos, isa kang hindi mananampalataya; at kung nananampalataya ka lang sa Espiritu ng Diyos, at hindi sa Diyos na nagkatawang-tao, isa ka ring hindi mananampalataya. Ang Diyos na nagkatawang-tao at ang Espiritu ng Diyos ay iisa—iisa Sila. Hindi Sila nakikipaglaban sa isa’t isa, lalong hindi Sila hiwalay sa isa’t isa, at mas lalong hindi na ang bawat isa ay ang sarili Nilang katauhan. Iisa Sila—kaya nga lang ay dapat harapin ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain at ang Diyos mula sa perspektiba ng katawang-tao. Iyan ang gawain ng katawang-tao, at wala itong kinalaman sa inyo—gawain ito ni Cristo, at wala itong kinalaman sa sangkatauhan. Hindi mo maaaring sabihin na, “Kaya iniisip mo na isang ordinaryong tao ka rin. Sige, parehong uri tayo ng tao, kung ganoon—magkapareho lahat tayo.” Ayos lang bang sabihin iyon? Isa itong pagkakamali. Sinasabi ng ilang tao na, “Mukhang madali kang pakisamahan, kaya huwag na tayong maging pormal. Tratuhin natin ang isa’t isa na parang magkakabarkada, na parang magkakaibigan; maging katapatang-loob tayo ng isa’t isa—maging magkaibigan tayo.” Ayos lang ba iyon? Ang mga taong iyon ay walang espirituwal na pang-unawa; sila ay mga hindi mananampalataya. Habang mas ibinabahagi mo ang iyong damdamin sa kanila, at nakikipag-usap sa kanila tungkol sa katotohanan, mga katunayan, at sa katotohanang realidad, mas lalo ka nilang hinahamak—mga hindi mananampalataya ang mga taong ito. Habang mas nagsasalita ka tungkol sa malalalim na misteryo, at nagsasabi ng mga islogan, doktrina, at abstraksiyon, at habang mas iginigiit mo ang iyong katayuan, nagpapasikat, at nagpapakitang-gilas, mas pinapahalagahan ka nila—ang mga ito ay mga hindi mananampalataya. Kapag nakakikita sila ng isang tao na may prinsipyo at maingat sa kanyang mga pagkilos, na ang mga pagkilos ay nakaayon sa katotohanan, na kayang harapin ang mga positibo at negatibong bagay nang may mga malinaw na hangganan at pagkilatis—habang mas katulad niyon ang isang tao, mas lalo nila siyang minamaliit, at iniisip na hindi nila siya karapat-dapat bigyang-pansin—ito ay mga hindi mananampalataya.