Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikaapat na Bahagi) Ikatlong Seksiyon

Isaalang-alang at kilatisin ninyo kung alin sa mga nabanggit na mga pagpapamalas ng mga anticristo ang sumusunod na sitwasyon. May isang lider na gumagawa araw-araw mula bukang-liwayway hanggang dapit-hapon, na tila responsable. Ngunit bihira siyang makita, na nagbibigay ng impresyon na siya ay abala sa trabaho at hindi tamad, tila nagbabayad siya ng halaga upang gawin ang kanyang tungkulin. Kalaunan, noong may gawain na kailangang gawin sa kanilang tirahan at bakuran, nagsaayos kami ng isang tao upang gabayan sila sa trabaho. Kapag wala kami, dapat sana ay siya ang humalili upang tumulong sa paggabay at maging responsable sa gawain; dapat sana ay nagkusa siya. Hindi ba’t makatwiran at naaangkop ito? Kailangan bang palagi Akong naroon upang pangasiwaan ang mga gawaing bahay at mga tungkulin? (Hindi.) Kadalasan, ang ganitong uri ng mga trabahong pisikal ay wala talagang kaugnayan sa katotohanan. Ang mga tao ay kailangan lamang magtrabaho nang masigasig, huwag makisali sa mga mapanirang kilos, maging masunurin, at gawin ang hinihiling sa kanila—ito ay simple lang at madaling maisakatuparan. Kalaunan, nang ang mga gawain sa lugar na iyon ay tapos na, ngunit kailangan pa rin ng tuloy-tuloy na pamamahala, ipinasa Ko ang responsabilidad sa lider na ito. Sinabi Ko sa kanya na panatilihing malinis ang lugar, na siguraduhin niyang maayos ang lahat ng kailangang pangalagaan. Mayroong dalawang pangunahing bagay: Una, panatilihing malinis at maayos sa loob at labas ang lahat ng lugar. Pangalawa, alagaan nang mabuti ang mga halaman; halimbawa, diligan ang mga bagong tanim upang hindi mamatay ang mga ito, tabasan ang mga ito ayon sa panahon at sa paglaki ng mga ito, at lagyan ng pataba ang mga ito kapag kailangan. Ito lamang dalawang gawaing ito—sa tingin ba ninyo ay marami iyon? Nakakapagod ba iyon? (Hindi.) Ang dalawang gawaing ito ay hindi marami; kaya itong tapusin sa pamamagitan lamang ng paglalakad pagkatapos kumain. Bukod dito, hindi ba’t kailangan mo ring pangalagaan ang iyong sariling kapaligiran? Ganito lang talaga ang pamumuhay bilang tao; ang ganitong uri ng mga gawain ay mahalaga sa normal na buhay ng tao. Kailangan mong pamahalaan ang iyong sariling kapaligiran. Kung hindi, hindi ka naiiba sa mga hayop. Matatawag ka pa rin bang tao kung gayon? Ang mga hayop ay hindi pinamamahalaan ang kanilang mga kapaligiran; wala silang mga itinalagang lugar para sa mga pangangailangan ng kanilang katawan, ni wala silang mga itinalagang lugar para sa kanilang pagkain at pagtulog. Ang mga tao ay mas mataas kaysa sa mga hayop sa aspektong ito; pinamamahalaan ng mga tao ang kanilang kapaligiran, nagmamalasakit sila sa kalinisan, at may mga pamantayan para sa kanilang kapaligiran. Kaya, hindi labis ang hinihingi Ko sa kanya, hindi ba? (Tama.) Matapos italaga ang mga gawaing ito, umalis Ako patungo sa ibang lugar, at ang lider ang dapat na magpatuloy ng mga partikular na gawain. Isang araw, bumalik Ako upang suriin kung paano pinamamahalaan ang kapaligiran, at habang papunta Ako, nakaramdam Ako ng pasakit, pagkainis, at galit! Ano sa tingin ninyo ang nangyari? Ano ang maaaring maging dahilan ng ganitong mga emosyon? (Hindi niya isinakatuparan ang mga utos at pagsasaayos ng Diyos.) Mismo, iyon lang ang tamang paraan ng paglalarawan dito—hindi niya isinakatuparan ang mga ito. Sa panahon na wala Ako, ang panahon ay hindi naman masyadong tuyo, ngunit marami sa mga bagong tanim na puno ang nanilaw na ang mga dahon, ang ilan ay nalalagas pa. Ang nakakagalit pa, mula sa malagong berde, ang mga dahon ng dalawang sikat na puno ng bulaklak ay naging kulay ube na pula, halos naninilaw na. Nagagalit ba kayo kapag naririnig ito? Ang mas nakakagalit pa, ang malinis na sementadong tuntungan sa may pasukan ay may mga kalat na basket, plastic bag, basura, mga piraso ng kahoy mula sa natapos na trabaho, mga pako, mga kasangkapan—lahat ay nakakalat, kaya marumi at magulo ang kapaligiran! Sino ba ang hindi magagalit sa ganitong tanawin? May isang uri lamang ng tao ang hindi magagalit—iyong mga parang hayop, na walang pamantayan o hindi sensitibo sa kanilang kapaligiran, walang pakialam sa amoy, kalinisan, o ginhawa, at ganap na walang alam kung ano ang mabuti o masama. Ang sinumang may normal na pagkatao, na may pamantayan para sa kanilang kapaligiran at may kakayahang mag-isip, ay magagalit kapag nakakita ng gayong kondisyon. Isang malaking grupo ng mga tao ang naninirahan doon, ngunit hindi nila magawang asikasuhin ang ganito kaliit na gawain. Anong uri ng mga tao sila? Matapos Kong magbigay ng mga tagubilin, ganito nila tinrato ang lugar, ganito ang ginawa nila rito. Ang pamamahala sa kapaligiran dito at pag-aasikaso sa ilang bagay na ito ay hindi nakakapagod, hindi ba? Hindi ito nakakahadlang sa alinman sa iyong mga aktibidad, hindi ba? Hindi nito naaapektuhan ang iyong mga pagtitipon, panalangin, o pagbabasa ng salita ng Diyos, hindi ba? Kaya bakit hindi ito magawa? Kapag narito Ako, na nangangasiwa at nagbabantay, gumagawa ang mga taong ito, ngunit sa sandaling umalis Ako, tumitigil sila; walang umaako ng responsabilidad. Ano ang nangyayari dito? Itinuturing ba nila ang lugar na ito bilang kanilang tahanan? (Hindi.) Sinasabi pa rin nila na ang kaharian ni Cristo ang kanilang mainit na tahanan, ngunit ganoon ba talaga ang iniisip nila? Ganoon ba talaga sila kumikilos? Hindi. Hindi man lang nila pinamamahalaan ang kapaligirang tinitirhan nila. Kahit na nagbilin Ako sa kanila, walang umaako ng responsabilidad, at walang nagmamalasakit. Kapag sinabi sa kanila na magtrabaho, gumagawa sila ng kaunti, ngunit pagkatapos ng trabaho, basta na lang nilang itatapon sa tabi ang mga kasangkapan, iniisip nila, “Kung sinuman ang may pakialam, siya na ang bahala rito, hindi ko na problema ito. Hangga’t may pagkain at tirahan ako, ayos na ako.” Anong klaseng pagkatao ito? Anong uri ng moralidad? Ang gayong tao ba ay may kaunting normal na pagkatao man lang? Ang manampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon nang walang anumang pagbabago ay tunay na hindi kapani-paniwala! Labis ang naging pagsisikap Ko upang gawin ang mga bagay na ito para sa inyo, inayos Ko ang lahat nang napakaganda. Hindi Ako naninirahan dito, hindi Ko tinatamasa ang anuman sa mga ito—lahat ito ay para sa inyo. Hindi ninyo kailangang maging mapagpasalamat; pamahalaan lang ninyo ang inyong sariling kapaligiran at ayos na iyon—bakit napakahirap gawin niyon? Kalaunan, napagtanto Ko na may dahilan ang ganitong pag-uugali. Ang mga tao ay pumupunta sa sambahayan ng Diyos, iniwan man nila ang kanilang mga pamilya at propesyon o iniwan ang kanilang mga pag-aaral at mga plano sa hinaharap, upang gawin ang kanilang tungkulin, hindi upang maging mga pangmatagalang manggagawa para sa Akin. Bakit? Hindi sila tumatanggap ng kahit isang kusing, kaya bakit dapat silang makinig sa Akin? Bakit dapat nilang pamahalaan ang kapaligiran para sa Akin? Bakit dapat nilang gugulin ang ganitong pagsusumikap para sa Akin? Ganito sila mag-isip. Pakiramdam nila, ang paggawa ng kanilang sariling gawain nang mabuti at pagtupad sa kanilang mga tungkulin ay sapat na, na ang pag-aasikaso sa mga bagay na saklaw ng kanilang gawain ay kumukompleto na sa kanilang mga responsabilidad. Anumang iba pa na Aking hinihiling, basta’t nauugnay ito sa kanilang mga tungkulin at propesyon, ay maaari nilang isaalang-alang, ngunit ang iba ay dapat Kong hanapan ng ibang tao na gagawa. Ang ipinahihiwatig na mensahe ay, “Kami ay mga tao ng kaharian; paano namin magagawa ang ganito karumi at kanakakapagod na gawain? Kami ay mga tao na mataas ang uri; ang palaging pagpapagawa sa amin ng mga mababa at nakakahamak na gawain ay nakakasira sa aming imahe! Kami ay mga tao ng isang partikular na pagkakakilanlan, bakit mo kami laging pinahihirapan?” Pagkatapos Kong maunawaan ito, nagkaroon Ako ng ilang kabatiran kung bakit karamihan sa mga tao ay tutol, laban sa pagtatrabaho, at ayaw magtrabaho, kung bakit nila ikinukumpara ang sarili nila sa iba at kung bakit sila nanlalansi upang iwasan ang kanilang mga tungkulin kapag sila ay gumagawa—ito ay dahil karamihan ay hindi hinahangad ang katotohanan. Ang hindi paghahangad sa katotohanan ay isang pangkaraniwang kasabihan, ngunit sa realidad, maraming tao ang likas na gustong maging komportable at kinamumuhian nila ang paggawa. Dagdag pa na kontrolado sila ng mentalidad na makaraos lang, naniniwala sila na ang paghahangad sa katotohanan ay nangangahulugan ng pagtitipon, pag-uusap, at pagtatalakay, tulad lamang sa bansa ng malaking pulang dragon kung saan ang mga tao ay palaging nagpupulong, nagbabasa ng mga diyaryo, at umiinom ng tsaa—iyon, sa kanilang palagay, ang pananampalataya sa Diyos at paggawa sa kanilang tungkulin. Sa sandaling mapag-usapan ang tungkol sa paggawa at pagtatrabaho nang tulad ng mga magsasaka, marami ang naniniwala na ang pamumuhay nang ganito ay walang kinalaman sa atin bilang mga Kristiyano. Ang buhay ng isang Kristiyano ay hiwalay sa “mabababang kasiyahan.” Sa loob-loob nila, naniniwala sila na hindi para sa kanila ang mga pangkaraniwang gawain sa mundo—ang paglilinis, pagkontrol ng peste, pagsasaka, pagtatabas, pagtatanim ng mga bulaklak, at iba pa ay pawang walang kinalaman sa kanila; matagal na nilang nalampasan ang gayong mabababang uri ng pamumuhay. Hindi ba’t ganito ang kalagayan ng karamihan sa mga tao? (Oo.) Madali bang ituwid ang ganitong uri ng kalagayan? May ilang tao, na kapag inatasang pag-aralan ang pagpapatakbo ng makina, ay hindi ito sineseryoso at sadyang ginagamit nang mali ang makina, kaya nasisira ang makina sa loob lamang ng ilang araw. Ang mga bagong biling makina ay nasisira, at hindi maliit ang gastos sa pagpapaayos ng mga ito. Iniisip nila: “Hindi ba’t sinabihan mo ako na mag-aral? Ngayong nasira ko na ang makina at wala nang makinang natitira, mayroon na akong dahilan upang magpahinga, hindi ba? Hindi ko na kailangang magtrabaho, hindi ba? Palagi mong hinihingi sa akin na matuto, at ito ang resulta. Ito ba ang gusto mong makita?” Ang gastos sa pagpapaayos ng ilang makina ay halos katumbas ng pagbili ng bago. Ang ilang tao ay hindi nalulungkot o nakokonsensiya man lang pagkatapos na magkamali nang gayon. Kapag ikinumpara mo ito sa naunang nabanggit na kuru-kuro ng “hindi paggastos ng kahit isang kusing sa pera ng sambahayan ng diyos, dahil ito ay isang handog sa diyos,” aling pahayag ang sinalita nang taos, at aling pag-uugali ang realidad? Sinisira nila ang makina, at ang gastos sa pagpapaayos ay sapat na upang bumili ng bagong makina. Ang maaksayang pag-uugali na ito ang realidad, habang ang pahayag tungkol sa hindi pag-aaksaya ng mga handog ay huwad, mapanlinlang, at mapanlihis. Kaugnay sa halimbawa na tinalakay kanina, kung ikakategorya natin ito sa ilalim ng disposisyon o diwa ng isang anticristo, sa aling aspekto ng talakayan ngayon ang may kaugnayan dito? Sa aling aspekto ito maililista? Sinasabi nila, “Narito ako upang gawin ang aking tungkulin, hindi upang maging pangmatagalang trabahador mo.” Tama ba ang pahayag na ito? Narito ka upang gawin ang iyong tungkulin, ngunit sino ang tumukoy kung ano ang saklaw at hindi saklaw ng tungkuling iyon? Hindi ba’t ang mga gawaing ito ay bahagi ng dapat mong gawin? Tulad lamang sa pang-araw-araw na buhay, ang paglabas upang kumita ng pera para suportahan ang iyong pamilya ay iyong responsabilidad. Kung gusto mo ng mga gulay at nagdesisyon kang ikaw mismo ang magtatanim, desisyon mo iyon, ngunit ibig bang sabihin nito na hindi mo na responsabilidad ang iba pang mga gawaing bahay? Ang pahayag na narito ka upang gawin ang iyong tungkulin ay tama, ngunit may problema ang pagsasabing hindi ka naririto upang maging pangmatagalang trabahador. Ano ang ibig sabihin ng “pangmatagalang trabahador”? Sino ang tumatrato sa iyo nang ganoon? Walang nagtuturing sa iyo bilang isang pangmatagalang trabahador, at hindi ka nagiging pangmatagalang trabahador dahil sa mga gawaing ito o dahil sa paggugol mo ng kaunting pagsisikap. Hindi kita nakikita bilang pangmatagalang trabahador, at hindi ka rin ginagamit nang ganoon ng sambahayan ng Diyos. Ginagawa mo ang mga gawaing responsabilidad mo; lahat ng ito ay nasa saklaw ng iyong tungkulin. Sa mas maliit na saklaw, ito ay tungkol sa pagpapanatili ng iyong pang-araw-araw na buhay, na tinitiyak ang iyong pisikal na kalusugan at normal na takbo ng katawan, na tinitiyak na ikaw ay namumuhay nang maayos. Sa mas malaking saklaw, ang bawat gawain ay may kinalaman sa pagpapalawak ng gawain ng Diyos. Kaya bakit handa kang gawin ang ilang gawaing ito ngunit hindi ang iba? Bakit ka namimili? Bakit mo itinuturing na ang paggugol ng kaunting pagsisikap, paglilinis, at pamamahala sa kapaligiran ay gawain ng isang pangmatagalang trabahador, bilang mababang trabaho? Narito ang isang dahilan: Pagdating sa mga utos ni Cristo at sa lahat ng Kanyang mga kahilingan, itinuturing ng mga tao ang mga gawaing nais nilang gawin bilang bahagi ng kanilang tungkulin, habang ang mga gawain na ayaw o tinatanggihan nilang gawin ay itinuturing bilang gawain ng isang pangmatagalang trabahador. Hindi ba’t ito ay pagbabaliko sa mga katunayan? Ito ay nagpapakita ng isang pag-unawa na may pagkiling. Ano ang sanhi ng ganitong pag-unawa na may pagkiling? Ang mga kagustuhan ng mga tao. At saan nakahilig ang mga kagustuhang ito? Nakasalalay ito sa kung ang laman ay nahihirapan. Kung ang laman ay hindi makapagtamasa ng kaginhawaan, kung ito ay nagtitiis ng hirap o pagod, ang mga tao ay nagiging mapanlaban. Ang mga gawain na handa silang gawin, ang mga gawaing glamoroso at karespe-respeto, ay tinatanggap nang may pag-aalinlangan at itinuturing bilang paggawa sa kanilang tungkulin. Maaari bang ituring ang ganitong saloobin bilang pagsalungat kay Cristo? Ang mga tao ay mahigpit na sumasalungat at tumatanggi sa paggawa ng mga gawaing ayaw nilang gawin; gaano man kahusay ang iyong argumento, sadyang tumatanggi at sumasalungat sila. Madali bang lutasin ang mga kalagayan at problemang ito ng mga tao? Nakasalalay ang lahat ng ito sa kung gaano kamahal ng isang tao ang katotohanan. Kung ang isang tao ay walang pagmamahal sa katotohanan at tutol siya rito, hindi siya magbabago kailanman. Gayumpaman, kung mayroon kang kahandaang magdusa, kung kaya mong maghimagsik laban sa laman, at magtaglay ng tunay na pagpapasakop at ng isang saloobin ng pagpapasakop, kung gayon, ang mga isyung ito ay madaling malulutas, hindi ba? (Tama.) Sa buhay ng isang tao, hindi maaari na walang paggawa ng anumang trabaho. May ilang taong nagsasabi, “Ang mga emperador dati ay hindi gumawa ng anumang trabaho.” Totoo ba talaga iyon? Karamihan sa mga emperador ay hindi ginugol ang kanilang mga araw nang nagsasaya lamang sa buhay sa palasyo. Ang ilan ay nagsimulang mag-aral ng tula at panitikan sa murang edad, nagtatrabaho mula bukang-liwayway hanggang dapit-hapon. Pagkatapos umupo sa trono, sila ay bumibisita nang palihim upang maunawaan ang mga hinaing ng mga tao, at sa mga panahon ng pambansang krisis, ang ilan ay pumunta pa sa digmaan. Bagaman hindi marami ang mga emperador na tulad nito, talagang may ilan na ganito. Kahit na mayroon mang mga emperador na halos walang ginawa, tulad ng sinasabi ng ilang tao, napakakaunti ng ganoon. Ang isang taong hindi gumagawa ng anumang tamang aktibidad ngunit nangangarap pa rin ng pagtatamasa lamang ng pinakamagandang bagay ay nagpapantasya lamang.

Maraming tao ang palaging iniisip na ang paggugol ng kanilang sarili sa manu-manong trabaho ay isang bagay na walang dignidad. Tama ba ang pananaw na ito? Mayroon ding mga tao na nakikita ang gayong pagsusumikap bilang pagtatrabaho, naniniwala sila na tanging ang mga lider at manggagawa na gumagawa ng gawaing iglesia ang nakokonsidera bilang pagganap ng isang tungkulin—tama ba ang ganitong uri ng pag-unawa? (Hindi.) Dapat mong maunawaan ang bagay na ito sa ganitong paraan: Kailangang magampanan ng mga tao ang lahat ng hinihingi ng Diyos sa mga tao, at ang lahat ng iba’t ibang uri ng gawain sa sambahayan ng Diyos—ang mga bagay na ito ay pawang maituturing bilang mga tungkulin ng mga tao. Kahit ano pang gawain ang gawin ng mga tao, ito ang tungkuling dapat nilang gampanan. Napakalawak ng saklaw ng mga tungkulin, at kinapapalooban ng maraming aspekto, pero kahit ano pang tungkulin ang ginagampanan mo, sa madaling sabi, ito ay obligasyon mo at isang bagay na dapat ginagawa mo. Hangga’t pinagsisikapan mong gampanan ito nang mabuti at nang may puso, sasang-ayunan ka ng Diyos, at kikilalanin ka Niya bilang isang taong tunay na nananampalataya sa Diyos. Kahit sino ka pa, kung lagi mo na lang sinusubukang iwasan o pagtaguan ang iyong tungkulin, may problema nga. Sa magaan na pananalita, masyado kang tamad, masyadong tuso, batugan ka, at mahilig ka sa kalayawan at namumuhi ka sa paggawa. Sa mas seryosong pananalita, ayaw mong gampanan ang iyong tungkulin, at wala kang katapatan o pagpapasakop. Kung hindi mo man lang magugol nang pisikal ang sarili mo upang pasanin ang kaunting gawaing ito, ano ang kaya mong gawin? Ano ang kaya mong gawin nang wasto? Kung ang isang tao ay may katapatan at may pagpapahalaga sa responsabilidad sa kanyang tungkulin, kung gayon, hangga’t hinihingi ito ng Diyos, at hangga’t kailangan ito ng sambahayan ng Diyos, gagawin niya ang anumang hilingin sa kanya, nang hindi namimili ng gusto niya. Hindi ba’t isa sa mga prinsipyo ng pagganap sa isang tungkulin ay ang akuin at gawin nang mabuti ang anumang makakaya at nararapat gawin ng isang tao? (Oo.) Hindi sang-ayon ang ilang gumagawa ng manu-manong trabaho sa labas, at sinasabing, “Ginugugol ninyo ang buong maghapon sa paggawa ng inyong tungkulin sa inyong silid, na protektado mula sa ihip ng hangin at init ng araw. Wala man lang kahirap-hirap doon, mas madali ang inyong tungkulin kaysa sa amin. Ilagay ninyo ang sarili ninyo sa sitwasyon namin, tingnan natin kung kakayanin ninyong magtrabaho nang ilang oras sa labas, kung saan may hangin at ulan.” Sa katunayan, bawat tungkulin ay may kasamang kaunting hirap. Ang pisikal na trabaho ay may kasamang pisikal na hirap, at ang trabahong pang-isipan ay may kasamang hirap sa isipan; bawat isa ay may mga paghihirap. Lahat ay mas madaling sabihin kaysa gawin. Kapag talagang ginampanan ng mga tao ang isang gawain, sa isang banda, ang mahalaga ay ang kanilang karakter, at sa isa pang banda, kailangan mong tingnan kung minamahal ba nila ang katotohanan o hindi. Pag-usapan muna natin ang tungkol sa karakter. Kung ang isang tao ay may mabuting mga katangian, nakikita niya ang positibo sa lahat ng bagay, at nagagawa niyang tanggapin at unawain ang mga bagay mula sa positibong pananaw at batay sa katotohanan; ibig sabihin, ang kanyang puso, karakter, at espiritu ay matuwid—mula ito sa pananaw ng karakter. Sunod, pag-usapan natin ang isa pang aspekto—kung mahal ba ng isang tao ang katotohanan o hindi. Ang pagmamahal sa katotohanan ay tumutukoy sa kakayahang tanggapin ang katotohanan, na ibig sabihin, naiintindihan mo man ang mga salita ng Diyos o hindi, at kung nauunawaan mo man ang layunin ng Diyos o hindi, kung naaayon man sa katotohanan ang iyong pananaw, opinyon, at perspektiba sa trabaho, sa tungkuling dapat mong gampanan, nagagawa mo pa rin itong tanggapin mula sa Diyos; kung ikaw ay mapagpasakop at sinsero, sapat na ito, ginagawa ka nitong karapat-dapat na gampanan ang tungkulin mo, at ito ang pinakamababang hinihingi. Kung ikaw ay mapagpasakop at sinsero, kapag isinakatuparan mo ang isang gawain, hindi ka magiging pabaya, at hindi ka magiging tamad nang may paglilinlang, sa halip, ibubuhos mo ang iyong buong puso at lakas dito. Kung ang panloob na kalagayan ng isang tao ay mali, at ang negatibong damdamin ay lumitaw sa kanya, nawawala ang kanyang gana at ginugusto niyang maging pabaya; alam na alam niya sa puso niya na hindi tama ang kanyang kalagayan, ngunit hindi pa rin niya ito sinisikap na ayusin sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Ang mga ganitong tao ay walang pagmamahal sa katotohanan at bahagya lamang na gustong gampanan ang kanilang tungkulin; hindi sila mahilig magsumikap o magdusa ng hirap at palagi nilang sinusubukang magpakatamad nang may paglilinlang. Sa katunayan, nasiyasat na ng Diyos ang lahat ng ito—kaya bakit hindi Niya pinapansin ang mga taong ito? Ang Diyos ay naghihintay lamang na ang Kanyang hinirang na mga tao ay magising, na kilatisin at ilantad ang mga taong iyon, at itiwalag ang mga iyon. Gayumpaman, iniisip pa rin ng gayong mga tao, “Tingnan ninyo kung gaano ako katalino. Parehas tayo ng kinakain, pero pagkatapos magtrabaho ay pagod na pagod kayo, samantalang hindi man lang ako napagod. Ako ang matalino rito. Hindi ako nagtatrabaho nang husto; ang sinumang nagtatrabaho nang husto ay isang mangmang.” Tama ba na tingnan nila ang matatapat na tao sa ganitong paraan? Hindi. Sa katunayan, ang mga taong nagtatrabaho nang husto habang ginagampanan ang kanilang tungkulin ay isinasagawa ang katotohanan at pinalulugod ang Diyos, kaya sila ang pinakamatalino sa lahat. Ano ang nagpapatalino sa kanila? Sinasabi nila, “Hindi ako gumagawa ng anumang bagay na hindi hinihingi ng Diyos na gawin ko, at ginagawa ko ang lahat ng hinihingi Niyang gawin ko. Ginagawa ko ang anumang hinihingi Niya, ibinibigay ko ang buong puso at lakas ko rito, at hinding-hindi ko iniraraos lang ang mga ito. Hindi ko ito ginagawa para sa sinumang tao, ginagawa ko ito para sa Diyos. Mahal na mahal ako ng Diyos; dapat kong gawin ito upang mapalugod ang Diyos.” Ito ang tamang pag-iisip. Bilang resulta, kapag nag-aalis ng mga tao ang iglesia, ang mga tuso sa pagganap ng kanilang tungkulin ay pawang itinitiwalag, habang ang mga matapat na tao na tumatanggap sa pagsisiyasat ng Diyos ay nananatili. Ang mga kalagayan ng mga matapat na taong ito ay patuloy na bumubuti, at sila ay pinoprotektahan ng Diyos sa lahat ng mga nangyayari sa kanila. At ano ang nagbibigay sa kanila ng proteksyong ito? Ito ay dahil, sa kanilang puso, sila ay matapat. Hindi sila natatakot sa hirap o pagod kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, at hindi sila mapili sa anumang iniaatas sa kanila; hindi sila nagtatanong kung bakit, ginagawa lang nila kung ano ang sinabi sa kanila, sumusunod sila, nang walang anumang imbestigasyon o pagsusuri, o pagsasaalang-alang sa anumang bagay. Wala silang mga kalkulasyon, at kaya nilang sumunod sa lahat ng bagay. Ang kanilang panloob na kalagayan ay laging napakanormal. Kapag nahaharap sa panganib, pinoprotektahan sila ng Diyos, kapag sumasapit sa kanila ang karamdaman o salot, pinoprotektahan din sila ng Diyos, at sa hinaharap ay magtatamasa lamang sila ng mga pagpapala. May ilang tao na sadyang hindi maunawaan ang bagay na ito. Kapag nakakakita sila ng mga matapat na tao na kusang nagtitiis ng hirap at pagod sa paggampan ng kanilang tungkulin, iniisip nila na ang matatapat na taong ito ay mga mangmang. Sabihin ninyo sa Akin, ito ba ay kamangmangan? Ito ay sinseridad, ito ay tunay na pananalig. Kung walang tunay na pananalig, maraming bagay na hindi talaga maiintindihan o maipapaliwanag. Ang mga nakakaunawa lamang sa katotohanan, ang mga palaging namumuhay sa harap ng Diyos at may normal na mga ugnayan sa Kanya, at ang mga tunay na nagpapasakop at tunay na natatakot sa Diyos, ang siyang may pinakamalinaw na pagkaalam sa kanilang puso kung ano ang tunay na nangyayari. Bakit alam nila samantalang ang iba ay hindi? Ito ay nagmumula sa kanilang pagkakaroon ng karanasan sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan at pagiging matatapat na tao. Ang karanasang ito ay hindi maibibigay ng sinumang tao, hindi rin ito mananakaw o makukuha ng sinuman. Hindi ba’t ito ay isang pagpapala? Ang gayong pagpapala ay hindi maaaring makuha ng mga karaniwang tao. At bakit ganito? Ito ay dahil ang mga tao ay labis na mapanlinlang at buktot; wala silang pagkamatapat, hindi nila kayang maging matatapat na tao, at wala silang taos na puso, kaya ang kanilang natatanggap ay limitado. Tungkol naman sa mga anticristo, lalong hindi na kailangang banggitin pa sila. Batay sa kanilang mga saloobin sa iba’t ibang bagay, pati na rin sa kanilang kalikasang diwa, at lalo na batay sa kanilang saloobin kay Cristo, ang mga taong tulad ng mga anticristo ay hindi kailanman tatanggap ng pagpapalang ito. Bakit ganito? Ito ay dahil ang kanilang puso ay labis na buktot at mapanlinlang! Iba-iba ang kanilang pagtrato depende sa tao, nagbabago sila ng kulay tulad ng isang hunyango, at palaging tumatakbo ang kanilang isipan, hindi pakakawalan ang lawin hangga’t hindi nakikita ang kuneho, hindi sila nagiging sinsero sa Diyos, wala silang pagpapasakop sa Kanya, nakikipagtransaksiyon lamang sila sa Kanya. Ano ang kahihinatnan ng gayong mga saloobin at diwa? Ito ay na, sa anumang bagay, hindi nila nakikita o naiintindihan ang diwa ng iba’t ibang tao at sitwasyon, pati na rin ang mga katotohanang sangkot sa mga sitwasyong ito. Ang mga salita ng Diyos ay inilatag sa harap nila, at sila ay edukado, marunong silang magbasa at magsuri, mayroon silang talino, at marunong silang magsiyasat, kaya bakit hindi sila makaintindi? Kahit gaano man sila katagal mabuhay, kahit umabot pa sila sa 80 taon, hindi pa rin sila makakaintindi. Bakit hindi sila makakaintindi? Ang pinakamahalagang dahilan ay sapagkat ang kanilang mga mata ay nakapiring. Sinasabi ng ilang tao, “Ngunit hindi pa namin nakitang nakapiring ang kanilang mga mata.” Ang kanilang puso ang napiringan. Ano ang ibig sabihin ng napiringan? Ibig sabihin, ang kanilang puso ay hindi nabibigyang-liwanag; ang mga ito ay palaging nababalot. Noon, sinabi na “ang puso ng mga tao ay manhid.” Kaya, sino ang nagpamanhid sa puso ng mga anticristo? Sa realidad, ang Diyos ay hindi nagbigay-liwanag sa kanila. Hindi Niya nilalayong gawin silang perpekto o iligtas sila. Siya ay nakikialam lamang sa tamang oras, sa mga kritikal at mahalagang sandali, upang pigilan sila nang kaunti at maiwasan ang pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ngunit kadalasan, pagdating sa mga usapin ng mga salita ng Diyos, sa katotohanan, pagpapasakop sa Kanya, pagkilala sa kanilang sarili, at pagkilala sa Kanya, hindi Niya sila kailanman binibigyang-liwanag. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi iyan tama. Paano Mo nasasabing hindi Niya sila binibigyang-liwanag? Ang ilan sa mga naklasipika na bilang mga anticristo ay napakatalino. Pagkatapos marinig ang isang sermon, kung ikaw ay magsasalita sa loob ng tatlong oras, kaya nilang magsalita sa loob ng anim na oras. Hindi ba’t iyon ay kaliwanagan?” Kahit ilang oras silang nakakapagsalita, kahit na 30, iyon ay pawang mga salita at doktrina lamang. Mas mahusay bang magsalita ang mga Pariseo at mga eskriba kaysa sa mga ito? Ang bawat isa sa kanila ay eksperto sa pangangaral, at ang bawat isa sa kanila ay mahusay magsalita, ngunit anong kabutihan ang naidulot nito? Nang dumating ang Diyos, nilabanan at kinondena pa rin nila Siya. Anong idinulot nito sa kanila? Ito ay nagdulot sa kanila ng pagkawasak, kapahamakan, at malaking sakuna. Sa panlabas, ang bawat tao sa sambahayan ng Diyos ay tila gumagampan ng kanilang tungkulin, ang bawat isa ay kumakain nang tatlong beses sa isang araw, gumaganap ng kanilang mga tungkulin sa araw, at nagpapahinga sa gabi. Gayumpaman, pagkatapos ng ilang taon, ang mga pagkakaiba sa pagitan ng iba’t ibang uri ng tao ay nagiging malinaw, at ang mga kinalabasan ng iba’t ibang uri ng tao ay nabubunyag at natutukoy. May ilang taong nagsasabing sila ay nananampalataya sa Diyos ngunit hindi naman sila sumusunod sa tamang daan, at sa halip ay nagmamadali sila tungo sa impiyerno. Ang iba ay nagmamahal sa katotohanan at patuloy na nagsisikap para dito, kaya unti-unti silang nakakapasok sa katotohanang realidad. May ilang palaging gustong mamuhay nang komportable at lalo pa silang nagiging tuso sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at sa huli ay natitiwalag sila. May ilan na kayang tanggapin ang katotohanan, lalong nagiging matapat sa kanilang puso, at nakakaranas ng pagbabago sa kanilang buhay disposisyon, kaya minamahal sila ng Diyos at ng mga tao. May ilan na laging nakatuon sa pangangaral ng mga salita at doktrina, at pagkatapos ng lahat ng kanilang pangangaral, sila ay itinataboy ng Diyos at sa gayon ay nasisira. May mga walang espirituwal na pang-unawa, at habang sila ay mas nakikinig sa mga sermon, lalo silang nalilito, nawawalan ng interes sa katotohanan, at lalong hindi nagiging mapagpasakop, nais nilang kumilos nang walang pakundangan at nang mapusok, palaging hinahangad na matugunan ang sarili nilang mga pagnanais at nag-aasam ng katanyagan, pakinabang, at katayuan—ito ay mapanganib. Sumusunod ang ilang tao sa Diyos sa loob ng ilang taon, at pagkatapos kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at maranasan ang maraming bagay, nauunawaan nila ang maraming katotohanan, nagkakaroon ng higit pang pananalig sa Diyos, at nakukuha ang Kanyang pagsang-ayon. Lahat ng taong ito ay nananampalataya sa Diyos, namumuhay ng buhay iglesia, at gumagampan ng kanilang mga tungkulin, kaya bakit, pagkatapos ng walo o sampung taon, ang kanilang mga resulta ay magkakaiba, ang bawat resulta ay ayon sa kanilang uri? Ano ang ipinapakita nito? Hindi ba’t may mga pagkakaiba-iba sa kalikasang diwa ng mga tao? (Oo.)

Narito ang isa pang usapin na dapat ninyong pakinggan at isaalang-alang sa kung aling kategorya ito nabibilang sa mga pagpapamalas ng mga anticristo na ating natalakay. Sa ilang iglesia, malinaw na may masasamang taong kumikilos nang mapang-api at hindi makatwiran. Hindi sila makagawa ng anumang kongkretong gawain, ngunit palagi nilang gustong humawak ng kapangyarihan. Sa anumang gawain na kanilang ginagawa, lumilikha sila ng mga kaguluhan at pagkawasak at hindi sumusunod sa mga prinsipyo, at sa anumang bagay na kanilang ginagawa, hindi nila kailanman nais na magbayad ng halaga ngunit palagi nilang nais na pakinggan sila ng iba. Sa madaling salita, hangga’t nasa iglesia ang gayong tao, maraming tao ang magugulo niya, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang kaayusan ng iglesia ay maaapektuhan at masisira. Bagama’t ang mga gayong tao ay hindi gumawa ng anumang lantad na malaking kasamaan o hindi pininsala ang mga kapatid, kapag tiningnan mo ang kanilang pagkatao, ang kanilang diwa, ang kanilang pananaw sa iba’t ibang bagay, pati na rin ang kanilang saloobin sa mga kapatid, sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at sa kanilang sariling tungkulin, sila ay lubos na kabilang sa hanay ng masasama. Paano Ko dapat pangasiwaan ang gayong tao kung makahaharap Ko siya bago pa siya mapansin ng mga kapatid? Dapat ba Akong maghintay hanggang sa makagawa siya ng malaking pagkakamali o makapagdulot ng malaking sakuna bago siya paalisin, papalayasin siya kapag nagdulot siya ng malaking kaguluhan? Kailangan bang ganoon? (Hindi.) Kung gayon, ano ang dapat Kong gawin? Sa pinakamababa, dapat Ko siyang tanggalin sa kanyang tungkulin. Kasunod nito, dapat Ko siyang ibukod o paalisin, upang hindi na niya gawin ang kanyang tungkulin at maiwasang maapektuhan ang iba. Sa mahalagang gawain ng sambahayan ng Diyos, ang presensya ng mga gayong masasamang tao ay hindi pinapayagan—tama ba ang prinsipyong ito? Kung hindi pa sila nabubunyag, hayaan na lang na ganoon, ngunit sa sandaling sila ay nabunyag, malinaw na nakita, at naklasipika bilang masasamang tao, tama bang paalisin sila? (Oo.) Maaaring sabihin ng ilang tao, “Hindi iyan uubra. Nakilatis mo na sila, ngunit hindi pa sila nakilatis ng iba. Ang pag-aalis sa kanila ay makakaapekto sa iba. Kung aalisin mo sila dahil lamang nakilatis mo na sila, hindi ba’t ibig sabihin nito ay ikaw lamang ang nagpapasya? Iyon ba talaga ang pagtulot na ang katotohanan ang maging nasa kapangyarihan? Dapat tayong magtipon at makipagbahaginan sa mga kapatid, himayin ito kasama sila, gumawa ng ideolohikal na gawain sa kanila, mag-ipon ng mga materyales at kuhain ang pagsang-ayon ng lahat bago magpatuloy. Kailangan mong sundin ang mga proseso, at kung hindi mo susundin, hindi ba’t nilalabag mo ang mga pagsasaayos ng gawain ng iglesia? Hindi ba’t magiging mali ito? Ikaw mismo ay dapat munang sumunod sa mga pagsasaayos ng gawain ng iglesia; hindi mo puwedeng isabotahe ang mga ito. Bukod dito, hindi ba’t ang lahat ng bagay, anuman ito, ay ginagawa nang may pagsasaalang-alang sa mga kapatid? Kung ganoon, kailangan mong ipaalam sa lahat ng kapatid ang tungkol dito at linawin sa kanila ang aspektong ito ng katotohanan. Hindi mo puwedeng hayaan na nalilito sila; kailangan mong bigyan ang lahat ng kapatid ng kakayahang makakilatis.” Kung ang mga prosesong ito ay hindi nasunod at sinabi Kong alisin ang isang tao, paano kayo magpapatuloy? Maguguluhan kayo, hindi ba? Dahil kayo ay naguguluhan, iyon ay nagpapatunay na umiiral ang mga gayong pananaw sa inyo. Ang sinasabi Ko ay nangyari na. Sa isang mahalagang gawain, may isang diyablo na may masamang pagkatao, na, habang ginagawa ang kanyang tungkulin, ay mapanlinlang na nagtatamad-tamaran, sinusubukang makaiwas sa hirap at pagod. Palagi siyang nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, at nang siya ay pinungusan, naging suwail siya, ganap na tinatanggihan ang katotohanan. Palagi niyang nais na humawak ng posisyon at magdesisyon, habang inuutusan din ang iba, at hindi niya kailanman isinaalang-alang ang mga interes ng iglesia o sinunod ang mga prinsipyo, kumikilos lamang siya ayon sa kanyang mga kagustuhan. Sa panahon ng kanyang pamamahala sa gawain, binalewala niya ang ilang bagay na inutos Kong gawin niya, tinrato niya ang Aking mga salita na parang hangin lang sa kanyang mga tainga. Bukod sa hindi paggawa sa kanyang mga gawain, nagdulot pa siya ng mga kaguluhan. Ang iglesia ay isang mahalagang lugar para gawin ng isang tao ang kanyang mga tungkulin—kung inisip niyang pumarito siya hindi para gawin ang kanyang tungkulin kundi para mamuhay nang marangya o magretiro nang maaga, nagkakamali siya. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi isang institusyong pangkawanggawa o isang kanlungan. Ang gayong uri ng tao ay walang silbi saan man siya pumunta; hindi siya tapat kailanman sa anumang tungkulin niya, palagi siyang pabaya at walang direksyon. Kaya, sinabi Ko na agad siyang alisin. Madali bang isagawa ito? (Oo.) Gayumpaman, para sa isang uri ng tao, mahirap ipatupad kahit na ang gayon kasimpleng bagay. Tatlong buwan matapos Kong sabihin ito, saka pa lamang sapilitang pinalayas ang masamang taong ito. Ano ang dahilan nito? Matapos Kong mag-utos na alisin ang taong ito, sinimulan ng lider ng iglesiang iyon na “ipatupad” ang gawain. Paano niya ito ipinatupad? Nagpatawag siya ng pagpupulong para makaboto ang lahat sa magiging desisyon. Matapos ang mahabang talakayan, sa wakas ay sumang-ayon ang karamihan na alisin ang taong ito, ngunit may isang bumoto laban dito, kaya’t ipinagpaliban ang usapin. Sinabi ng lider na kailangan nilang kumbinsihin ang taong hindi sumang-ayon, upang makipagtalakayan dito at makuha ang pag-sang-ayon nito. Samantala, dalawang beses Kong tinanong kung naalis na ang naturang tao, at sinabi ng lider na hindi pa, na patuloy pa rin silang nagtitipon at nagbubuod ng mga materyales. Sa likod Ko, sinabi rin nila, “Hangga’t may isang taong hindi sumasang-ayon, hindi natin siya maaaring alisin.” Ang ibig sabihin nila sa pagsasabi nito ay ayaw nilang alisin ang taong ito, kaya’t nakahanap sila ng ganitong katawa-tawang dahilan. Sa realidad, nilalansi nila ang iba; natatakot silang masaktan ang taong ito at hindi sila naglalakas-loob na alisin siya. Sa wakas, naglabas ng ultimatum ang Itaas: “Ang taong ito ay dapat na alisin. Kung hindi siya aalis, ikaw ang aalis. Isa sa inyo ang kailangang umalis; mamili ka!” Nang marinig niya ito, naisip niya, “Hindi ako maaaring umalis; hindi ko pa nasusulit ang aking posisyon!” Saka lamang niya pinaalis ang diyablong ito. Sabihin ninyo sa Akin, bakit pinoprotektahan ng lider na ito ang diyablo? Hindi ba’t ito ang pamamaraan ng isang anticristo? Ito mismo ang pag-uugali ng isang anticristo.