Ikaanim na Ekskorsus: Pagbubuod sa Karakter ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Ikatlong Bahagi) Ikatlong Seksiyon

g. Pagkakaila, Pagkondena, Panghuhusga, at Paglapastangan

Sunod, magbahaginan tayo tungkol sa mga termino ng pagkakaila, pagkondena, panghuhusga, at paglapastangan. Dahil puno ng mga pagdududa tungkol sa Diyos, walang ipinapakitang interes ang mga anticristo sa anumang katotohanang ipinahayag ng Diyos. Puno ng pagtutol at pagkamuhi ang puso nila, at hindi nila kailanman kinikilala na si Cristo ang katotohanan, lalong hindi sila nagpapakita ng anumang pagpapasakop. Dahil madalas nilang pinagdududahan at pinaghihinalaan ang Diyos sa puso nila, madalas silang bumubuo ng mga kuru-kuro at iba’t ibang ideya tungkol sa mga kilos ng Diyos, nagsusuri sila palagi at nang di-namamalayan, iniisip nila, “Talaga bang umiiral ang diyos? Ano ang ibig niyang sabihin sa sinasabi niya? Kung susuriin ang mga ito mula sa mga pananaw ng kaalaman at doktrina, paano dapat unawain ang mga salitang ito? Ano ang ibig sabihin ng diyos sa pagsasabi ng mga bagay na ito? Ano ang ibig niyang sabihin sa paggamit ng terminong ito? Kanino niya ito sinasabi?” Nagsasaliksik sila nang nagsasaliksik, at matapos ang maraming taon ng gayong pag-iimbestiga, hindi pa rin nila makita ang pinakamahalagang katotohanan sa mga salitang ipinapahayag ng Diyos at sa gawaing ginagawa Niya: na ang Diyos ang katotohanan, ang buhay, at ang daan—hindi nila maunawaan o makita ito. Kapag sinasabi ng mga tao na lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, nagninilay-nilay ang mga anticristo at iniisip nila, “Lahat ng salita niya ay ang katotohanan? Hindi ba’t mga ordinaryong salita lang ang mga ito? Mga pangkaraniwang pahayag lang? Walang malalim tungkol sa mga ito.” Kapag tinitingnan nila ang gawain ng Diyos, iniisip nila, “Hindi ko nakikita ang awra ng diyos mula sa ginagawa niya sa iglesia o sa mga taong hinirang niya. Sinasabi nilang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ang diyos, pero hindi ko ito nakikita. Kahit gumamit ako ng magnifying glass o ng teleskopyong pang-astronomiya, hindi ko makita ang anyo ng diyos, at kahit paano ako tumingin, hindi ko matuklasan ang mga gawa niya. Kaya, sa ngayon ay hindi ko kayang kumpirmahin nang 100% kung talagang umiiral ang diyos. Pero kung sasabihin kong hindi umiiral ang diyos, narinig ko ang tungkol sa pag-iral ng ilang kakatwa at paranormal na bagay sa mundo; kaya kung gayon, dapat na umiiral ang diyos. Pero ano ba ang aktuwal na hitsura ng diyos? Paano kumikilos ang diyos? Hindi ko alam. Ang pinakasimpleng paraan ay ang tingnan kung ano ang ginagawa at sinasabi ng diyos sa mga sumusunod sa kanya.” Sa pamamagitan ng pagmamasid, nakikita nila na madalas na pinupungusan ng sambahayan ng Diyos ang mga tao, madalas nitong iniaangat at tinatanggal ang mga tao, at madalas na nakikipagbahaginan, nakikipagtalakayan, nakikipag-usap, at iba pa sa mga tao tungkol sa iba’t ibang tungkulin at tungkol sa gawaing kaugnay ng iba’t ibang propesyon. Iniisip nila, “Hindi ba’t lahat ito ay mga bagay na ginagawa ng mga tao? Walang sobrenatural sa mga ito; napakanormal ng lahat ng ito, at hindi ko makita o maramdaman kung paano gumagawa ang espiritu ng diyos. Kung hindi ko ito maramdaman, hindi ba’t masasabi na hindi umiiral ang gawain ng banal na espiritu? Hindi ba’t imahinasyon lang ang lahat ng ito sa kamalayan at isipan ng mga tao? Kung hindi umiiral ang gawain ng banal na espiritu, umiiral ba talaga ang espiritu ng diyos? Mukhang kuwestiyonable rin iyon. Kung hindi umiiral ang espiritu ng diyos, umiiral ba talaga ang diyos? Mahirap sabihin.” Pagkatapos ng limang taon ng karanasan, hindi pa rin nila ito nakukumpirma, at pagkatapos ng sampu o kahit pa labinlimang taon ng karanasan, hindi pa rin nila kaya. Anong uri ng mga tao ang mga ito? Nabunyag na sila—sila ay mga hindi mananampalataya. Patambay-tambay lang sa sambahayan ng Diyos ang mga hindi mananampalatayang ito, sumasabay lang sa agos. Kung nangangaral ng ebanghelyo ang iba, ginagawa rin nila ito; kung gumagawa ng mga tungkulin ang iba, gayon din ang ginagawa nila. Kung nagkaroon sila ng pagkakataong maiangat, iniisip nilang puwede silang “magkaroon ng opisyal na posisyon” sa sambahayan ng Diyos, at alang-alang sa katayuan, kaya nilang gumugol ng kaunting pagsisikap. Kasabay nito, kaya rin nilang walang pakundangang gumawa ng mga maling gawa, na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan; kung sila ay mga ordinaryong miyembro ng iglesia na walang anumang katayuan, makakahanap sila ng mga paraan para i-shortcut ang gawain, gumagawa ng ilang gawain para magpakitang-tao. Ito ang ibig sabihin ng patambay-tambay. Bakit Ko sinasabing “patambay-tambay”? Sa puso nila, nagkikimkim sila ng mga pagdududa at pagkakaila sa Diyos, nagpapanatili ng saloobin ng pagkakaila sa pag-iral at diwa ng Diyos, na nagbubunsod sa kanila na gawin ang mga tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos nang may pag-aatubili. Hindi sila nakakaarok at palagi nilang iniisip, “Ano ang silbi ng paggawa ng tungkulin ko at pagsunod sa diyos sa ganitong paraan? Hindi ako kumikita ng pera sa isang trabaho o namumuhay nang normal. Inaalay pa ng ilang kabataan ang buong buhay nila sa paggugol ng sarili nila para sa diyos, pero ano ang makakamit nila? Kaya, magmamasid muna ako. Kung talagang matutuklasan ko ang katunayan tungkol sa mga bagay-bagay at makikita ko ang pag-asa ng pagtanggap ng mga pagpapala, hindi mawawalan ng saysay ang pagsisikap at paggugol ng sarili ko. Kung hindi ko matatanggap ang tumpak na mga salita ng diyos o matutuklasan ang katunayan tungkol sa mga bagay-bagay, kung gayon ay hindi kawalan ang pagiging patambay-tambay. Dahil kung tutuusin, hindi ako mapapagod, at hindi masyadong marami ang ibibigay ko.” Hindi ba’t pagiging patambay-tambay lang ito? Hindi bukal sa loob nila ang anumang ginagawa nila, hindi nila kayang magpatuloy o maging mahusay sa anumang bagay, at hindi nila kayang tunay na magbayad ng halaga. Ito ang ibig sabihin ng magpatambay-tambay. Kahit na patambay-tambay sila, ang isipan nila ay hindi tumitigil sa pag-iisip—napakaabala nito. Puno sila ng mga kuru-kuro at ideya tungkol sa maraming bagay na ginagawa ng Diyos, at para sa maraming bagay na hindi umaayon sa sarili nilang mga kuru-kuro, sinusuri nila ang mga ito sa puso nila gamit ang kaalaman, mga batas, moralidad ng lipunan, tradisyonal na kultura, at iba pa. Sa kabila ng lahat ng pagsusuri nila, hindi lang sila nabibigong makita ang katotohanan sa pamamagitan ng pagsusuri nila o paghahanap ng mga prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan, sa halip ay nauuwi pa sila sa pagbubuo ng lahat ng uri ng pagkondena, panghuhusga at maging paglapastangan laban sa Diyos at sa Kanyang gawain. Ano ang unang hinuhusgahan ng mga anticristo? Sinasabi nila, “Ang gawain ng sambahayan ng diyos ay pawang pinagpapasyahan ng mga tao; lahat ito ay ginagawa ng mga tao. Hindi ko nakikita ang diyos na gumagawa o ang banal na espiritu na umaakay at gumagabay, o kung ano pa man.” Hindi ba’t ito ang pahayag ng mga hindi mananampalataya? Ang pagsasabi na ginawa ng mga tao ang lahat ng bagay ay nagbubunyag ng maraming isyu. Halimbawa, kung maghahalal at maglilinang ang sambahayan ng Diyos ng isang taong hindi nila gusto, ayaw sumuko ng puso nila. Kaya ba ng mga anticristo na tunay na magpasakop? (Hindi.) Kaya, ano ang gagawin nila? Susubukan nilang isabotahe ito. Kung mabibigo silang isabotahe ito, at walang kapatid na nakikinig o sumusuporta sa kanila, sisimulan nila itong kondenahin, sinasabi nila, “Ang sambahayan ng diyos ay hindi patas at walang mga prinsipyo sa pakikitungo nito sa mga tao. Maraming maliliksing kabayo, pero iilan lang ang nakakakilala sa mga ito.” Ano ang ibig sabihin nito? Ipinahihiwatig nito na maliliksing kabayo ang mga ito, pero sa kasamaang palad, walang nakakakilala sa mga ito sa sambahayan ng Diyos. Matapos kondenahin ang usaping ito na ginawa ng sambahayan ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro nila, magsisimula silang magpakalat ng mga bagay-bagay tulad ng walang batayang mga tsismis, kuru-kuro, at pagkanegatibo. Siyempre, magiging malupit ang lahat ng salita nila. Baka sabihin pa ng ilan, “Ang mga taong ito ay edukado, may hitsura, elegante ang pananamit, at mula sa lungsod; kami ay mga probinsyano, may kaunti kaming talento pero hindi namin kayang ipahayag ang sarili namin, o hindi namin kayang makipag-usap sa ang itaas—hindi madali para sa amin na maiangat. Ang mga naiaangat sa sambahayan ng diyos ay pawang magaling magsalita, mahusay sa pambobola, at may mga diskarte. Sa kabilang banda, hindi ako magaling o mahusay magsalita, at walang silbi ang pagkakaroon lang ng mga panloob na talento. Kaya, sa sambahayan ng diyos, ang kasabihang ‘Maraming maliliksing kabayo, pero iilan lang ang nakakakilala sa mga ito’ ay totoo tulad sa mundo.” Ano ang ibig sabihin ng pahayag na ito? Hindi ba’t panghuhusga ito? Hinuhusgahan nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos at palihim nilang ipinapakalat ang mga panghuhusga nila. Sa kanilang pamamaraan sa Diyos, sa Kanyang gawain, sa Kanyang mga pahayag, sa Kanyang mga salita, sa Kanyang disposisyon, at sa Kanyang iba’t ibang paraan ng paggawa, gumagamit ang mga anticristo ng kaalaman at pilosopiya para suriin, saliksikin, at pangatwiranan ang mga ito. Sa huli, nakakabuo sila ng isang maling kongklusyon. Samakatwid, hindi nila kailanman seryosong tinatanggap, inaarok, o pinagninilay-nilayan sa puso nila ang anumang salita na sinabi ng Diyos. Sa halip, itinuturing lang nila ang mga salita ng Diyos bilang isang uri ng teorya o isang uri ng mga salita na magandang pakinggan. Kapag lumilitaw ang mga usapin, hindi nila ginagamit ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon at prinsipyo sa kung paano nila tinitingnan, tinutukoy, at sinusukat ang bawat usapin. Sa halip, ginagamit nila ang mga perspektiba ng tao at ang pilosopiya at mga teorya ni Satanas para husgahan ang mga usaping ito. Ang mga kongklusyong nabubuo nila ay na walang umaayon sa sarili nilang mga kuru-kuro, at na hindi nila gusto ang bawat salita na ipinapahayag ng Diyos at ang bawat kilos na ginagawa Niya. Sa huli, mula sa perspektiba ng mga anticristo, ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kinokondena.

Palaging nagnanais ang ilang anticristo na humawak ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos, pero wala silang kakayahan at mga espesyal na kasanayan, kaya hindi naiiwasan na sa huli ay nauuwi sila sa paggawa ng di-mahahalagang gampanin sa sambahayan ng Diyos, tulad ng paglilinis, pamamahagi ng mga aytem, at iba pang simple, kinaugaliang mga gampanin. Sa madaling salita, ang mga ganitong tao ay tiyak na hindi puwedeng maging mga lider ng iglesia, mangangaral, o mga katulad nito. Gayumpaman, hindi sila nasisiyahan sa pagiging mga ordinaryong tagasunod o sa paggawa ng itinuturing nilang pangkaraniwang gawain, dahil puno sila ng ambisyon. Paano naipapamalas ang pagiging puno ng ambisyon? Gusto nilang mag-usisa, magtanong, mag-alam, at lalong gusto nilang makialam sa bawat malaki o maliit na usapin sa sambahayan ng Diyos. Kung may ilang gawaing nangangailangan ng pagtatrabaho nila, palagi silang nag-uusisa, “Kumusta na ang pag-iimprenta ng mga aklat para sa ating sambahayan ng diyos? Kumusta ang pagpili ng direktor ng pelikula sa iglesia natin? Sino ang kasalukuyang direktor? Sino ang nagsusulat ng mga iskrip? Sino ang lider ng distrito rito, at kumusta naman sila?” Ano ang ibig nilang sabihin sa pagtatanong tungkol sa mga bagay na ito? Dapat ba silang magtanong o makisangkot sa mga usaping ito? (Hindi, hindi dapat.) Ang lahat ng ito ay mga pangkalahatang usapin na walang kinalaman sa katotohanan. Bakit palaging nagtatanong-tanong itong “mga taong may magandang intensiyon”? Dahil ba ito sa tunay na malasakit, o wala lang talaga silang mas magandang magawa? Wala sa dalawang iyon—ito ay dahil may mga ambisyon sila at gusto nilang tumaas ang ranggo nila at magkaroon sila ng kapangyarihan. Kaya ba nilang mapagtanto na ambisyon at isang pagnanais ito na magkaroon ng kapangyarihan? Hindi, hindi nila kaya; wala sila ng ganoong katwiran. Dahil sa karumal-dumal nilang pagkatao at mahina nilang kakayahan, wala silang anumang nakakamit o hindi nila nagagawa nang maayos kahit ang pinakasimpleng tungkulin. Sa buong panahon ng paggawa ng mga tungkulin nila, palagi silang umaasal nang hindi maganda, tamad, mahilig silang maglibang, at nagtatanong-tanong pa nga sila tungkol sa iba’t ibang usapin. Sa huli, pinapaalis sila dahil sa mga pagpapamalas na ito. Tama bang paalisin sila ng sambahayan ng Diyos? (Oo.) Pinapaalis ba sila dahil masyado silang mapag-alala at matanong? (Hindi.) Ito ay dahil hindi nila inaasikaso ang mga marapat na bagay at gusto nila ay palagi silang palamunin sa sambahayan ng Diyos, kaya sila pinalayas at hindi pinayagang tumambay. Hindi sila nakagawa ng anumang bagay nang maayos, kaya hindi na sulit na panatilihin pa sila—hindi ba’t sila ay mga hindi mananampalataya? Hindi ba’t dapat silang paalisin? Nang dumating na ang oras na paaalisin na sila, nabalisa sila at saka lang nila hinanap ang mga katotohanang prinsipyo, at nagtatanong sila, “Kailangan kong hanapin kung ano talaga ang mga prinsipyo para paalisin at patalsikin ng sambahayan ng diyos ang mga tao: Ano ang batayan ng pagpapaalis sa akin?” Dapat mo silang sagutin: “Ang isang taong katulad mo, na mahilig maglibang at namumuhi sa gawain, nagdudulot ng mga kaguluhan at pagkawasak sa lahat ng ginagawa niya, ay ganap na akma sa mga prinsipyo ng pagpapaalis.” Hindi ba’t tila labis na katawa-tawa na hanapin nila ang mga prinsipyo ng pagpapaalis sa mga tao pagkatapos nilang gumawa ng napakaraming masamang bagay nang hindi nauunawaan kung anong uri sila ng tao? (Oo, katawa-tawa ito.) Ang ilan sa mga taong ganito ay napaalis na, habang ang iba naman ay ipinadala sa mga ordinaryong iglesia. Hindi sila angkop sa paggampan ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos at wala sila ng mga kondisyon para gampanan ang mga tungkulin nila. Kaya bang mapagtanto ng mga ganitong uri ng indibidwal na naaayon sa katotohanan ang ginawa ng Diyos? Mangangahas Akong sabihin na hindi ito kailanman mapagtatanto ng mga anticristo, dahil sila ay mga hindi mananampalataya, at kinokondena at hinuhusgahan nila ang anumang positibong bagay na umaayon sa katotohanan. Ang anticristo, na palaging sabik na magtanong-tanong, puno ng ambisyon, at palaging naghahangad na umangat, habang walang anumang sinseridad at katapatan sa paggampan ng sarili niyang mga tungkulin, ay umuupo sa lupa at pumapalahaw nang malakas kapag pinapalayas siya. Sinasabi niya, “Walang nakakaunawa sa puso kong may magandang layunin, sa sinseridad at katapatan ko. Bakit ako pinapalayas? Inagrabyado ako, at ayaw ko! Walang nag-aalala nang ganito para sa diyos, at walang kasing-tapat ko sa sambahayan ng diyos. Ang dakilang kasigasigan at dakilang kabaitan ko ay itinuturing na may masamang hangarin—labis na hindi patas ang diyos!” Hindi ba’t pagsusumamo ito na inosente siya? Ang alinman ba sa mga salita niya ay mga bagay na dapat sabihin ng mga tao? Naaayon ba sa mga katunayan ang alinman sa mga ito? (Hindi.) Lahat ng ito ay walang katwiran, katawa-tawa, mga salita ng mga hindi mananampalataya, puno ng mga reklamo, hinaing, at pagkondena. Ito ang pagkakabunyag niya. Kung hindi siya papalayasin, ipagpapatuloy niya ang pagkukunwari niya at mag-aasam siya na maging amo ng sambahayan ng Diyos. Kikilos ba nang ganito ang isang amo? Magmamaktol ba nang ganito ang isang amo? Pamamahalaan ba nang ganito ng isang amo ang sambahayan ng Diyos? Inutusan siyang maglinis, pero nagpalakad-lakad lang siya kung saan-saan at hindi siya gumawa ng anumang gawain. Inutusan siyang maghanda ng pagkain, pero ayaw niyang maghanda ng pagkain kahit para sa dalawang tao lang. Takot siyang mapagod at inisip niya na mababang uri ito—kaya ano pa ba ang kaya niyang gawin? May kaya ba siyang gawin maliban sa pagiging lider at pag-uutos? Hindi ba’t makatwiran para sa sambahayan ng Diyos na paalisin siya? (Oo.) Lubos itong makatwiran, pero patuloy siyang nagmumura nang palihim, nagmamaktol at umaasal na parang magugulong babae. Hindi ba’t mga anticristo ito? Ito ang pagpapamalas ng disposisyong diwa ng isang anticristo. Kapag nahaharap sa mga usaping hindi umaayon sa mga interes o kagustuhan niya, kapag nahaharap sa mga bagay na hindi tumutugon sa mga kahilingan o pagnanais niya, nagpapasakop ba siya kahit kaunti? Kaya ba niyang hanapin ang katotohanan? Kaya ba niyang kumalma, ikumpisal ang mga kasalanan niya, at magsisi? Hindi, hindi niya kaya. Ang agarang reaksiyon niya ay tumindig at magprotesta laban sa Diyos, puno siya ng mga salita ng pagkondena, paghusga, paglapastangan, at pagmumura. Iniisip niya, “Kung ayaw sa akin ng sambahayan ng diyos, ayos lang. Wala kang awa, kaya huwag mo akong sisihin kung wala akong puso. Sige, magkasubukan na tayo at tingnan natin kung sino ang mas walang awa!” Isa ba itong pagpapamalas ng paghahanap sa katotohanan? Isa ba itong pagpapamalas na dapat tinataglay ng isang normal na nilikha? (Hindi.) Kung gayon, anong uri ng pagpapamalas ito? Paano dapat tratuhin ng mga tunay na nananampalataya at sumusunod sa Diyos ang Diyos? Dapat silang tunay at walang kondisyong magpasakop sa Diyos. Tanging ang mga kaaway ng Diyos—si Satanas at ang mga diyablo—ang magkakaila, magkokondena, manghuhusga, maglalapastangan, at magmumura sa Diyos, umaabot pa sa punto ng pagpoprotesta at pangongontra sa Kanya. Kahit na hindi mo kayang tanggapin ang katunayang ito ngayon at kaya mong mag-isip ng isandaang dahilan na nagsasabing hindi ka tinrato nang patas ng sambahayan ng Diyos, kung mayroon kang pagkamakatwiran, pagkatao, at kahit ng pinakamaliit na takot sa Diyos, matatrato mo ba ang Diyos sa ganitong paraan? Talagang hindi! Kung kaya iyong gawin ng isang tao, mayroon pa ba siyang kahit katiting na konsensiya? Mayroon ba siyang anumang pagkatao? Mayroon ba siyang anumang takot sa Diyos? (Wala, wala siya ng mga iyon.) Malinaw na hindi siya isa sa mga tupa ng Diyos. Hindi niya kailanman tinrato ang Diyos bilang kanyang Master; hindi niya kailanman itinuring ang Diyos bilang Diyos niya. Sa puso niya, ang Diyos ay kaaway niya, hindi ang Diyos niya. Ang mga kaaway ng Diyos ay mga anticristo at si Satanas; sa kabaligtaran, ang mga anticristo ay mga kaaway ng Diyos—mga Satanas at mga diyablo sila. Hindi kailanman tatanggapin ng mga anticristo ang anumang ginagawa ng Diyos at hindi sila kailanman magsasabi ng amen sa anumang salitang sasabihin ng Diyos. Ito ang diwa ng kaaway ng Diyos—si Satanas—at ito ang likas na diwa ng mga anticristo. Nang walang katwiran, mapanlaban sila sa Diyos, at nang walang katwiran, kaya nilang kondenahin ang Diyos. Hindi ba’t kabuktutan ito? Lubos na kabuktutan ito.

Ang mga disposisyong ito ng isang anticristo ay nasa bawat tao sa iba’t ibang antas, pero sa pamamagitan ng pagbubunyag ng mga disposisyong ito at sa landas na pinipili ng mga tao kapag nananampalataya sila, mahuhusgahan ba ninyo kung sino ang isang anticristo, sino ang isang trabahador, at sino ang isa sa hinirang na mga tao ng Diyos na puwedeng maligtas? (Habang nagbubunyag silang lahat ng anticristong disposisyon, ang ilang tao, pagkatapos ibunyag ang tiwaling disposisyon nila, ay nakokonsensiya, nakakaramdam sila ng pagkabagabag ng konsensiya, kaya nilang magsisi, at kaya nilang isagawa ang katotohanan—sila ang mga taong puwedeng maligtas. Gayumpaman, iyong mga walang pakiramdam ng konsensiya, na iniisip na tama sila kahit nakagawa sila ng mga pagkakamali, ay matigas ang ulo na tumatangging magsisi, at ganap nilang tinatanggihan ang katotohanan—ang mga taong ito ay mga anticristo at wala silang pagkakataon sa kaligtasan.) Tama ba ang dalawang pahayag na ito? (Oo.) Tama naman ang sinabi kanina, pero hindi ito sapat na partikular. Bagama’t mayroon din silang anticristong disposisyon, kapag nahaharap ang ilang tao sa mga sitwasyon, kaya nilang hanapin ang katotohanan, maghimagsik laban sa laman, makaramdam ng pagsisisi pagkatapos nilang makilala ang tiwaling disposisyon nila, makaramdam ng pagkakautang, magbago, magsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, piliin ang tamang landas, piliing isagawa ang katotohanan, at sa huli ay makamit ang pagkaunawa sa katotohanan at makapasok sa katotohanang realidad, nagkakamit ng pagpapasakop sa Diyos. Ang mga gayong tao ay puwedeng maligtas at sila ang hinirang na mga tao ng Diyos. May isa pang uri ng tao na alam na mayroon siyang disposisyon ng isang anticristo, pero hindi niya sinusuri ang sarili niya kapag nahaharap siya sa mga sitwasyon. Kapag natutuklasan niyang may nagawa siyang mali, wala siyang anumang tunay na pag-unawa, hindi siya makabuo ng matinding damdamin ng pagkakautang sa loob niya, wala siyang kakayahang magsisi o magbago, at naguguluhan siya tungkol sa katotohanan at kaligtasan. Sa sambahayan ng Diyos, handa at bukas-loob siyang magtrabaho, kaya niyang gawin anuman ang iutos sa kanya, pero hindi niya ito siniseryoso; kung minsan, puwedeng nakapagdudulot siya ng mga pagkagambala at kaguluhan, pero hindi siya masamang tao. Kaya niyang tanggapin ang pagpupungos, pero hindi niya kailanman maagap na hinahanap ang katotohanan kapag gumagawa ng mga bagay-bagay o sinusunod ang mga katotohanang prinsipyo kapag pinapangasiwaan ang mga usapin. Wala siyang ipinapakitang interes sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Bagama’t kaya niyang maglaan ng pagsisikap sa mga tungkulin niya nang katanggap-tanggap, wala siyang sigla pagdating sa paghahangad sa katotohanan at wala siyang interes na gawin ito. Hindi siya nagpapakita ng anumang katapatan sa paggampan ng tungkulin niya; medyo ipinapakita niya ang kaunting kahandaan at sinseridad. Kaya niyang malaman ang iba’t ibang tiwaling disposisyon, pero hindi niya kailanman pinagninilayan ang sarili niya kapag nahaharap sa mga sitwasyon, at hindi niya hinahangad na maging isang taong nakakaunawa at nakapagsasagawa sa katotohanan. Ito ang mga trabahador. Ang huling kategorya ay binubuo ng mga anticristo. Mga kaaway sila ng Diyos, ng katotohanan, at ng mga positibong bagay. Puno ang puso nila ng kabuktutan, pagpoprotesta laban sa Diyos, pagkontra sa Diyos, at pagkondena, panghuhusga, at paglapastangan laban sa katarungan, sa mga positibong bagay, at sa katotohanan. Hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at lalong ayaw nilang hayaang magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa kapalaran ng sangkatauhan. Hindi nila kailanman nauunawaan ang sarili nila, at gaano man karami ang mga pagkakamali o pagsalangsang na ginagawa nila, hindi nila kailanman inaamin ang mga ito, hindi sila kailanman nagsisisi, o nagbabago. Wala silang anumang pagsisisi sa puso nila, at ganap nilang tinatanggihan ang katotohanan. Mga anticristo ang mga ito. Ang pagsusuri kung ang isang tao ay may saloobin ng pagtanggap sa katotohanan ay karaniwang tumpak sa pagtukoy kung anong kategorya sila ng tao. Saang kategorya kayo nabibilang? Kabilang ba kayo sa hinirang na mga tao ng Diyos na puwedeng maligtas, o isa ba kayong anticristo, o trabahador? Nagtatransisyon ba kayo patungo sa unang kategorya, o hindi ba kayo kabilang sa alinman sa mga kategoryang ito? Walang sinuman ang hindi kabilang sa alinman sa mga kategoryang ito: Ang bawat tao ay nabibilang sa isa sa tatlong ito. Ang masasamang tao na walang pagkatao ay iyong may diwa ng mga anticristo; ang mga may kaunting pagkatao, may konsensiya at katwiran, pati na ang mga may medyo mabuting karakter, na kayang maghangad sa katotohanan, magmahal sa mga positibong bagay, magmahal sa katotohanan, at may takot sa Diyos at kayang magpasakop sa Kanya, ay puwedeng maligtas—sila ang hinirang na mga tao ng Diyos. Iyong mga may karakter na katamtaman, hindi masyadong mabuti o hindi masyadong masama, na walang anumang interes sa katotohanan at ayaw na ayaw itong hangarin, pero ginagampanan ang mga tungkulin nila nang may kaunting sinseridad, ay ang mga trabahador. Ito ang pamantayan para sa pagsusuri. Puwede bang maging isang trabahador ang isang anticristo? (Hindi.) Kung gayon, mayroon bang kategorya ng mga tao sa hanay ng mga trabahador na puwedeng maging hinirang na mga tao ng Diyos? (Oo.) Ano ang puwang para sa pagbabago rito? (Kailangan nilang hangarin ang katotohanan.) Marahil, kapag mas marami nang taon ng pananalig, mas maraming karanasan at tagpo, at pag-unawa sa mas maraming katotohanan, unti-unti silang aalis sa yugto ng pagtatrabaho papunta sa pagiging hinirang na mga tao ng Diyos. Dahil sa ngayon, maliit ang pag-unawa nila sa katotohanan at lalong kakaunti ang pananalig nila sa Diyos, maliit lang ang interes nila sa paggawa ng mga tungkulin nila at sa pagsasagawa sa katotohanan. Wala silang tayog para hangarin ang katotohanan at hindi nila mabitiwan ang mga ambisyon at pagnanais nila, kasama ang iba’t ibang pangangailangan ng laman. Kaya, sa ngayon, kaya lang nilang manatili sa yugto ng pagtatrabaho. Gayumpaman, kumpara sa iba, may konsensiya at pagmamahal sa mga positibong bagay ang mga taong ito; habang unti-unti nilang nauunawaan ang katotohanan, nagbabago ang kapaligiran nila, mas tumatagal ang pananampalataya nila sa Diyos, mas lumalalim ang mga karanasan nila, at nagkakaroon sila ng tunay na pananalig sa Diyos, unti-unti rin nilang nakikita ang katotohanan at mga positibong bagay nang mas malinaw, nagiging mas malinaw sa kanila ang landas na dapat nilang hangarin, nagkakaroon sila ng interes sa katotohanan, at mas lalo nilang minamahal ang katotohanan. Ang mga gayong tao ay maaaring unti-unting magsimula sa landas ng kaligtasan at maging hinirang na mga tao ng Diyos; mayroon silang puwang para sa pag-unlad at pagbabago. Sa kabilang banda, ang sabihing iyong mga may diwa ng mga anticristo ay puwedeng maging hinirang na mga tao ng Diyos at maligtas ay hindi totoo, dahil ang diwa ng mga anticristo ay iyong sa mga diyablo at mga kaaway ng Diyos—hindi kailanman makapagbabago ang mga anticristo.

Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa pagkakaila, pagkokondena, panghuhusga, at paglalapastangan mula sa buktot na disposisyong diwang ibinubunyag nila sa kung paano nila tinatrato ang Diyos at ang Kanyang gawain. Sa tuwing may isang bagay na kumokontra sa mga kuru-kuro nila o pumipinsala sa mga interes nila, ang agad na reaksiyon ng mga anticristo ay tumindig, lumaban, at kondenahin ito, sinasabi nila: “Mali ito, mga tao ang may gawa nito, at hindi ako susuko rito. Maghahain ako ng reklamo at hahanap ako ng ebidensiya para linawin ang usaping ito. Idedeklara ko ang posisyon ko, ipagtatanggol ang sarili ko, aalamin ko ang lahat ng detalye ng usaping ito, at titingnan ko kung sino ang gumagawa ng kaguluhan dito, ang sumisira sa maganda kong reputasyon at sa magagandang bagay na mayroon ako.” Ang pariralang “Ang mabubuting layunin ng Diyos ay nasa lahat ng bagay” ay nagiging walang kabuluhang pahayag sa puso ng mga anticristo, hindi nito magawang gabayan o baguhin ang kanilang mga diskarte, pamamaraan, at prinsipyo ng pagkilos. Sa kabaligtaran, umaasa sila sa kung ano ang likas sa kanila kapag nahaharap sila sa anumang sitwasyon, iniisip nila ang bawat pamamaraan at ginagamit ang lahat ng abilidad at estratehiya nila sa pagkilos. Walang duda na ang ginagawa nila ay pagkondena, panghuhusga, at paglapastangan sa Diyos. Ang kaisipan ng mga tao ay punong-puno ng lohika at mga ideya ni Satanas, walang anumang masasabing katotohanan. Samakatwid, kapag nahaharap sa mga gayong bagay, ang mga pagpapamalas ng mga anticristo ay katulad ng kay Satanas: Paano man tinatrato ni Satanas ang Diyos, ganoon din ang trato ng mga anticristo sa Diyos, at anumang mga paraan o salita ang ginagamit ni Satanas patungkol sa Diyos, ganoon din ang ginagamit ng mga anticristo. Sa ganitong paraan, ang buktot na diwa ng mga anticristo bilang mga kaaway ng Diyos ay napakalinaw. Kahit pa isang tao ito na sumampalataya sa Diyos sa loob lang ng isa o dalawang araw, nauunawaan ba nila ang pagkakaiba sa pagitan ng mga tao at ng Diyos sa kanilang normal na pag-iisip at pagkamakatwiran bilang tao? (Oo, nauunawaan nila.) Bilang isang taong nasa hustong gulang na may normal na pagkatao, alam ba nila sa puso nila kung paano tratuhin ang Diyos? (Oo.) Mayroon bang pamantayan sa pagkamakatwiran ng tao para sa pinakaangkop at pinakamainam na paraan ng pagtrato sa isang tao na sinasamba niya? (Mayroon.) Ang mga tao ay may tendensiyang maging labis na magpakumbaba, magsabi ng mga kaaya-ayang salita, at mambola; kahit pa binubugbog o minumura sila ng taong iyon, nakakahanap sila ng paraan para tumalima at maging masunurin. Kaya, pagdating sa mga magulang nila, alam ba ng mga tao kung paano magpakita ng pagrespeto at pagmamahal, at kung ano ang ugali na kapahamakan at pagkamuhi? Mayroon bang pamantayan para sa pagsusuri nito? (Mayroon.) Pinapatunayan nito na ang mga tao, mga nabubuhay na nilalang na nababalot ng balat ng tao, ay naiiba sa mga hayop at mas mataas kaysa sa mga hayop. Alam mo kung paano respetuhin at mahalin ang mga magulang mo, kaya bakit hindi mo alam kung paano tratuhin ang Diyos nang may pagmamahal at respeto? Paano mo nagagawang tratuhin ang Diyos nang ganito? Ang kaswal na pagkondena at panghuhusga, ang pangangahas na kaswal na lumapastangan at magmura—iyon ba ang ginagawa ng mga normal na tao? (Hindi.) Maging ang mga hayop ay hindi umaasal nang ganito. Kung ang isang tao ay nag-aalaga ng isang hayop, kahit pa ligaw na hayop ito, at maglaan ng oras ang tao kasama ito, basta’t alam nito kung sino ang amo nito, lagi itong magpapakita ng respeto sa among iyon, ituturing ang amo bilang kamag-anak nito, bilang kapamilya, na iba sa pagtrato nito sa ibang mga hayop o tao. Ipagpalagay na ikaw ang dating amo nito: Pagkatapos nitong mapunta sa dalawa o tatlong ibang tahanan, kapag muli kayong nagtagpo, kailangan lang nitong maamoy ang amoy mo at agad itong magiging malambing sa iyo. Kahit na isa itong mabangis na hayop, hindi ka nito kakainin. Likas ang kabangisan nito, nagmumula sa paglikha at paunang pagtatakda ng Diyos. Isa itong survival instinct na ibinigay ng Diyos dito, hindi isang malupit o buktot na disposisyon—iba ito sa kasamaan ng mga anticristo. May dalawang tao na umampon ng isang batang leon. Habang lumalaki ang leon, naging mahirap tustusan ang diyeta nito na halos puro karne, kaya nang isang taong gulang na ito, pinakawalan nila ito pabalik sa natural nitong kapaligiran. Pagkaraan ng tatlong taon, muli nilang nakita ang leon. Mula sa malayo, nakita sila ng leon at sabik itong tumakbo palapit sa kanila. Nag-alala sila noong una, iniisip nila, “Kakainin kaya kami nito? Isa itong leon.” Subalit, lumapit ang leon, niyakap sila tulad ng kaibigan, at niyakap at hinaplos-haplos nila ang leon bilang tugon. Pagkatapos ay ipinakilala ng leon sa kanila ang mga kapamilya nito, at nang kailangan na nilang umalis, nag-aatubili itong magpaalam. Makikita mo ang ganitong uri ng eksena kapag ang pinakamabangis sa mga ligaw na hayop, isang karniboro, ay nakikisalamuha sa mga tao. Hindi ba’t labis na nakakaantig ito? (Oo.) Maging sa mababangis na hayop, makikita ng mga tao ang palakaibigang bahagi ng mga ito, pero wala ito sa mga anticristo. Dahil nagtataglay ang mga anticristo ng disposisyon ni Satanas at sila ay mga taong may satanikong disposisyong diwa, dahil dito, kaya nilang husgahan, kondenahin, at lapastanganin ang Diyos. Ang mga gayong saloobin ay humahantong sa kaukulang mga pagpapamalas at lalo na sa mga pamamaraan. Hindi ba’t masahol pa ang mga anticristo kaysa sa mga hayop? Alam ng mga tao kung paano magpakita ng pagrespeto at mapagmahal na malasakit sa mga taong sinasamba nila at sa kanilang pinakamalalapit na kamag-anak at sa kanilang mga magulang, at alam nila kung alin sa mga kilos nila ang makakasakit at makakapinsala sa mga ito. Kaya nilang suriin ang mga bagay na ito. Gayumpaman, kayang magpakita ng mga anticristo ng mga gayong pag-uugali sa Diyos, na talagang nakakagalit. Ipinapahiwatig nito na ang likas na katangian ng mga gayong indibidwal ay ang diwa ng mga anticristo. Sa tumpak na pananalita, ang mga indibidwal na ito ang mga kumakatawan kay Satanas, sila ay mga buhay na Satanas, sila ay mga diyablo—hindi sila tupa ng Diyos. Mumurahin ba ang Diyos ng mga tupa Niya? Kokondenahin ba ang Diyos ng mga tupa Niya? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil nakikinig sila sa Diyos at nagpapasakop sa Kanya.) Nakikinig at nagpapasakop sila—isang aspekto iyon. Ang susi ay ang tunay nilang pananampalataya sa Diyos. Kung tunay kang naniniwala sa pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng Diyos, kung gayon, anuman ang ginagawa ng Diyos o paano man Niya ito ginagawa, kahit na nakakapinsala ito, hindi mo Siya kokondenahin. Tanging iyong mga tunay na nananampalataya sa Diyos, na may tunay na pananampalataya sa Kanya, ang naglalagay sa sarili nila sa posisyon ng isang nilikha, palaging tinatrato ang Diyos bilang Diyos. Isa itong katunayan.

Nagbahaginan na tayo sa pagmumura, pangongontra, at pagpoprotesta ng mga anticristo laban sa Diyos. Ang ilan ay hayagan Siyang kinokontra, nagtatatag ng mga paksiyon, bumubuo ng mga alyansa, at lumilikha ng mga nagsasariling kaharian. Ang iba ay palihim Siyang minumura sa pribado, ang ilan ay minumura Siya sa puso nila, at kumokontra at nagpoprotesta laban sa Kanya sa puso nila. Hayagan o palihim man nilang minumura ang Diyos, mga anticristo silang lahat; hindi sila tupa ng Diyos. Sila ay kauri ni Satanas, at walang dudang hindi sila mga normal na tao o mga nilikhang pasok sa pamantayan. Kapag ang karamihan ng tao ay nahaharap sa mga sitwasyon na hindi naaayon sa sarili nilang mga kuru-kuro o nakakaranas ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, nakakaramdam lang sila ng lungkot, pagkalito, at hindi nila ito matanggap. Sila ay nagpapahayag ng mga hinaing, o nagpapakita ng pagkamatigas ng kalooban; maaari pa nga silang maging negatibo o magpakatamad, pero hindi sila umaabot sa puntong kumokontra at nagpoprotesta sila. Sa paglipas ng panahon, sa pamamagitan ng panalangin, sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, sa tulong ng mga kapatid, at sa kaliwanagan, paggabay, at pagdidisiplina ng Banal na Espiritu, magagawa nilang unti-unting magbago. Ito ang pagpapamalas ng mga ordinaryong tiwaling tao kapag may mga bagay na nangyayari sa kanila. Sa kabilang banda, ang mga anticristo ay walang mga ganitong positibong pagpapamalas, at hindi nila babaguhin ang landas nila. Kung hindi naaayon sa mga pagnanais nila ang isang sitwasyon, nagmumura sila. Kung hindi pa rin naaayon sa mga pagnanais nila ang susunod na sitwasyon, nagmumura din sila. Ang pagmumura ay kasabay ng pagkontra at pagpoprotesta. Sinasabi pa nga ng ilang anticristo, “Kung hindi maliligtas ang mga taong katulad ko, sino pa kaya ang maliligtas?” Hindi ba’t pagpoprotesta ito? Hindi ba’t pagkontra ito? (Oo.) Pagkontra ito. Wala silang bakas ng pagpapasakop, at nangangahas silang magprotesta at kumontra sa Diyos—mga Satanas ang mga ito. Tapusin na natin dito ang pagbabahaginan tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng isang buktot na disposisyon.