Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 10

Mayo 19, 2020

Ang Hindi Matakot sa Diyos at Umiwas sa Kasamaan ay Paglaban sa Diyos

Kaharap ninyo ang Diyos sa mga panahong ito, at kaharap ninyo ang mga salita ng Diyos; mas marami kayong alam tungkol sa Diyos kaysa kay Job. Bakit Ko sinasabi ito? Bakit Ko sinasabi ang mga bagay na ito? Gusto Kong ipaliwanag ang isang katunayan sa inyo, ngunit bago Ko gawin iyan, nais Ko munang tanungin kayo: Kakaunti ang alam ni Job tungkol sa Diyos, subalit nagawa pa rin niyang magkaroon ng takot sa Kanya at iwasan ang kasamaan; bakit nabibigo ang mga tao na gawin ito sa mga panahong ito? (Malalim ang kanilang katiwalian.) “Malalim ang katiwalian”—ito ang mababaw na pangyayari na nagsasanhi ng problema, ngunit hindi Ko titingnan iyon sa gayong paraan kailanman. Madalas ay kinukuha ninyo ang madalas gamiting mga doktrina at kataga, tulad ng “malalim na katiwalian,” “paghihimagsik laban sa Diyos,” “pagtataksil sa Diyos,” “pagsuway,” “pag-ayaw sa katotohanan,” at kung anu-ano pa, at ginagamit ninyo ang mga kilalang pariralang ito upang ipaliwanag ang diwa ng bawat isang isyu. Mali ang paraang ito ng pagsasagawa. Ang paggamit ng iisang sagot para ipaliwanag ang mga bagay tungkol sa iba’t ibang kalikasan ay tiyak na pupukaw sa lapastangang mga hinala tungkol sa katotohanan at sa Diyos; ayaw Kong marinig ang ganitong klaseng sagot. Pag-isipan ninyong mabuti ito! Walang isa man sa inyo ang nakapag-isip tungkol sa bagay na ito, ngunit nakikita Ko ito bawat araw, at bawat araw ay nadarama Ko ito. Sa gayon, habang kumikilos kayo, nakamasid Ako. Kapag may ginagawa kayo, hindi ninyo madama ang diwa nito, ngunit kapag nakamasid Ako, nakikita ko ang diwa nito, at nadarama Ko rin ang diwa nito. Kaya, ano ang diwang ito, kung gayon? Bakit walang takot sa Diyos ang mga tao sa panahong ito at hindi sila umiiwas sa kasamaan? Ang inyong mga sagot ay malayong maipaliwanag ang diwa ng problemang ito, ni hindi ito kayang lutasin ng mga ito. Ito ay dahil may isang pinagmulan ito na hindi ninyo alam. Ano ang pinagmulang ito? Alam Kong gusto ninyong marinig ang tungkol dito, kaya sasabihin Ko sa inyo ang pinagmulan ng problemang ito.

Mula nang magsimulang gumawa ang Diyos, paano Niya itinuring ang mga tao? Sinagip sila ng Diyos; nakita na Niya ang mga tao bilang mga miyembro ng Kanyang pamilya, bilang mga pakay ng Kanyang gawain, bilang mga taong nais Niyang lupigin at iligtas, at bilang mga taong nais Niyang gawing perpekto. Ito ang saloobin ng Diyos sa sangkatauhan sa simula ng Kanyang gawain. Ngunit ano ang saloobin ng sangkatauhan sa Diyos noon? Hindi pamilyar ang Diyos sa mga tao, at itinuring nila ang Diyos bilang isang estranghero. Masasabi na ang kanilang saloobin sa Diyos ay hindi umani ng mga tamang resulta, at wala silang malinaw na pagkaunawa kung paano nila dapat tratuhin ang Diyos. Sa gayon, itinuring nila Siya ayon sa gusto nila, at ginawa nila ang anumang gusto nila. May mga opinyon ba sila tungkol sa Diyos? Noong una, wala; ang tinatawag na mga opinyon ay binuo lamang ng ilang kuru-kuro at sapantaha tungkol sa Kanya. Tinanggap nila kung ano ang umayon sa kanilang mga kuru-kuro, at kapag may isang bagay na hindi umayon sa kanilang mga kuru-kuro, pakunwari nila itong sinunod, ngunit lubhang nagtalo ang kanilang kalooban at kinontra nila ito. Ganito ang relasyon sa pagitan ng Diyos at ng mga tao sa simula: Itinuring sila ng Diyos bilang mga miyembro ng pamilya, subalit itinuring Siya ng tao bilang isang estranghero. Gayunman, pagkaraan ng ilang panahon ng gawain ng Diyos, naunawaan ng mga tao kung ano ang sinisikap Niyang makamit, at nalaman nila na Siya ang tunay na Diyos; nalaman din nila kung ano ang maaari nilang matamo mula sa Diyos. Paano itinuring ng mga tao ang Diyos sa panahong ito? Ang tingin nila sa Kanya ay isang mahihingan ng tulong, at inasam nilang mapagkalooban ng Kanyang biyaya, mga pagpapala, at mga pangako. Sa panahong ito, paano itinuring ng Diyos ang mga tao? Itinuring Niya sila bilang mga layon ng Kanyang paglupig. Nais ng Diyos na gumamit ng mga salita upang hatulan sila, suriin sila, at isailalim sila sa mga pagsubok. Gayunman, para sa mga tao noon, ang Diyos ay isang bagay na maaari nilang gamitin upang makamtan ang sarili nilang mga layunin. Nakita ng mga tao na ang katotohanang inilabas ng Diyos ay maaari silang lupigin at iligtas, na nagkaroon sila ng isang pagkakataong matamo ang mga bagay na nais nila mula sa Kanya, at matamo rin ang mga hantungang nais nila. Dahil dito, nabuo ang katiting na katapatan sa kanilang puso, at naging handa silang sundan ang Diyos na ito. Lumipas ang ilang panahon, at dahil nagtamo sila ng kaunting mababaw at doktrinal na kaalaman tungkol sa Diyos, masasabi pa na nagsisimula nang maging “pamilyar” ang mga tao sa Diyos at sa mga salitang Kanyang sinabi, Kanyang pangangaral, sa mga katotohanang Kanyang inilabas, at Kanyang gawain. Sa gayon ay nagkamali sila sa pagkaintindi na kilala na nila ang Diyos, at na nagsimula na silang lumakad sa landas ng pagiging kaayon ng Diyos. Sa ngayon, nakarinig na ang mga tao ng napakaraming sermon tungkol sa katotohanan at nakaranas na ng malaking bahagi ng gawain ng Diyos. Magkagayunman, dahil sa panghihimasok at paghadlang sanhi ng iba’t ibang kadahilanan at mga sitwasyon, hindi maaaring magtagumpay ang karamihan sa mga tao sa pagsasagawa ng katotohanan, ni hindi nila mapapalugod ang Diyos. Lalong naging matamlay at lalong nawalan ng tiwala ang mga tao. Nag-iibayo ang pakiramdam nila na walang nakakaalam sa sarili nilang mga kahihinatnan. Hindi sila nangangahas na mag-isip ng anumang magara na mga ideya, at wala silang hangad na umunlad; nag-aatubili lamang silang sumusunod, sumusulong, sa paisa-isang hakbang. Patungkol sa kasalukuyang kalagayan ng mga tao, ano ang saloobin ng Diyos sa kanila? Nais lamang Niyang ipagkaloob ang mga katotohanang ito sa kanila at pagtibayin ang mga ito sa Kanyang daan, at pagkatapos ay magpaplano Siya ng iba-ibang sitwasyon upang subukan sila sa iba’t ibang paraan. Ang Kanyang layunin ay gamitin ang mga salitang ito, ang mga katotohanang ito, at ang Kanyang gawain, at magdulot ng isang kahihinatnan kung saan may kakayahan ang mga tao na magkaroon ng takot sa Kanya at umiwas sa kasamaan. Karamihan sa mga taong nakita Ko ay itinuturing lamang ang mga salita ng Diyos bilang mga doktrina, mga titik lamang na nakasulat sa papel, mga regulasyong susundin. Sa kanilang mga kilos at pananalita, o habang nahaharap sa mga pagsubok, hindi nila itinuturing ang daan ng Diyos bilang daan na dapat sundan. Lalong totoo ito kapag nahaharap ang mga tao sa malalaking pagsubok; wala pa Akong nakitang tao na nagsasagawa sa direksyon ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Sa gayon, ang saloobin ng Diyos sa mga tao ay puno ng matinding pagkamuhi at pag-ayaw! Sa kabila ng Kanyang paulit-ulit na pagbibigay sa kanila ng mga pagsubok, kahit daan-daang beses pa, wala pa rin silang anumang malinaw na saloobin upang maipamalas ang kanilang determinasyon: “Gusto kong magkaroon ng takot sa Diyos at iwasan ang kasamaan!” Dahil hindi taglay ng mga tao ang pasyang ito at hindi nila ito ipinapakita, ang kasalukuyang saloobin ng Diyos sa kanila ay hindi katulad noong araw, kung kailan ipinaabot Niya sa kanila ang Kanyang awa, pagpaparaya, pagtitimpi, at pagpapasensya. Sa halip, bigung-bigo Siya sa sangkatauhan. Sino ang nagsanhi ng kabiguang ito? Kanino nakasalalay ang saloobin ng Diyos sa mga tao? Nakasalalay ito sa bawat taong sumusunod sa Kanya. Sa maraming taon ng Kanyang gawain, maraming hinihingi ang Diyos sa mga tao at nagsaayos Siya ng maraming sitwasyon para sa kanila. Gayunman, paano man sila nagsagawa, at anuman ang saloobin nila sa Diyos, nabigo ang mga tao na magsagawa nang may malinaw na pagsunod sa layuning magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Sa gayon, ibubuod Ko ito sa isang parirala, at gagamitin Ko ang pariralang ito para ipaliwanag ang lahat ng kasasabi pa lamang natin kung bakit hindi makalakad ang mga tao sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ano ang pariralang ito? Ito iyon: Itinuturing ng Diyos ang mga tao bilang mga layon ng Kanyang pagliligtas at mga layon ng Kanyang gawain; itinuturing ng mga tao ang Diyos bilang kanilang kaaway at kanilang kakontra. Malinaw na ba sa iyo ngayon ang bagay na ito? Napakalinaw ng saloobin ng sangkatauhan, ng saloobin ng Diyos, at ng relasyon sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Gaano mang pangaral ang napakinggan ninyo, yaong mga bagay na pinaghugutan ninyo ng sarili ninyong mga konklusyon, tulad ng pagiging tapat sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, paghahanap ng daan para maging kaayon ng Diyos, pagkagustong gugulin ang buong buhay para sa Diyos, at pagnanais na mabuhay para sa Diyos—para sa Akin, ang mga bagay na iyon ay hindi mga halimbawa ng sadyang paglakad sa daan ng Diyos, ang magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, kundi sa halip, mga daluyan lamang ang mga ito tungo sa inyong pagtatamo ng ilang layunin. Para matamo ang mga iyon, nag-aatubili kayong sumunod sa ilang regulasyon, at ang mga regulasyong ito mismo ang naglalayo sa mga tao mula sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at minsan pang inilalagay niyan ang Diyos bilang kakontra ng sangkatauhan.

Medyo mabigat ang paksa ngayon, ngunit ano’t anuman, umaasa pa rin Ako na kapag dumaan kayo sa mga karanasang darating, at sa mga panahong darating, magawa ninyo ang kasasabi Ko pa lamang sa inyo. Huwag ninyong ituring ang Diyos na walang halaga—na para bang umiiral Siya kapag may silbi Siya sa inyo, ngunit hindi Siya umiiral kapag wala Siyang silbi sa inyo. Kapag nagkaroon ka ng gayong ideya nang wala kang kamalay-malay, napagalit mo na ang Diyos. Marahil ay may mga taong nagsasabing, “Hindi ko itinuturing ang Diyos na walang halaga. Lagi akong nagdarasal sa Kanya at lagi kong sinusubukang bigyang-kasiyahan Siya, at lahat ng ginagawa ko ay nasa loob ng saklaw, pamantayan, at mga prinsipyong kinakailangan ng Diyos. Talagang hindi ako nagsasagawa ayon sa sarili kong mga ideya.” Oo, tama ang paraang ito ng iyong pagsasagawa! Magkagayunman, ano ang iniisip mo kapag nahaharap ka sa isang problema? Paano ka nagsasagawa kapag nahaharap ka sa isang isyu? Nadarama ng ilang tao na umiiral ang Diyos kapag nagdarasal sila sa Kanya at nagsusumamo sa Kanya, ngunit tuwing nahaharap sila sa isang problema, bumubuo sila ng sarili nilang mga ideya at nais nilang sundin ang mga ito. Ang ibig sabihin niyan ay itinuturing nila ang Diyos na walang halaga, at dahil sa gayong sitwasyon, hindi umiiral ang Diyos sa kanilang isipan. Naniniwala ang mga tao na dapat umiral ang Diyos kapag kailangan nila Siya, ngunit hindi kapag hindi nila Siya kailangan. Iniisip ng mga tao na ang pagsasagawa batay sa sarili nilang mga ideya ay sapat na. Naniniwala sila na magagawa nila ang anumang gusto nila; hindi talaga sila naniniwala na kailangan nilang hanapin ang daan ng Diyos. Para sa mga taong kasalukuyang nasa ganitong uri ng sitwasyon at hindi sila makaalpas, hindi ba nila inilalagay ang sarili nila sa panganib? Sabi ng ilang tao, “Inilalagay ko man ang sarili ko sa panganib o hindi, sumampalataya na ako sa loob ng maraming taon, at naniniwala ako na hindi ako pababayaan ng Diyos, dahil hindi Niya ako matitiis.” Sabi ng iba, “Naniwala na ako sa Panginoon noon pa mang nasa sinapupunan ako ng aking ina. Apatnapu o limampung taon na ang nakalipas, kaya sa tagal ng panahon, lubha akong karapat-dapat na iligtas ng Diyos at lubha akong karapat-dapat na patuloy na mabuhay. Sa nakalipas na apat o limang dekada, tinalikuran ko na ang aking pamilya at aking trabaho at naisuko ko na ang lahat ng mayroon ako—tulad ng pera, katayuan, kasiyahan, at oras para sa aking pamilya. Hindi ako kumain ng maraming masasarap na pagkain, hindi ako nagpakasaya sa maraming libangan, hindi ko nabisita ang maraming interesanteng lugar, at naranasan ko pa ngang maghirap na hindi kayang tiisin ng mga ordinaryong tao. Kung hindi ako maililigtas ng Diyos sa kabila ng lahat ng ito, hindi makatarungan ang pagtrato sa akin, at hindi ako maniniwala sa ganitong uri ng Diyos.” Marami bang taong ganito ang pananaw? (Marami.) Kung gayon, ipauunawa Ko sa inyo ngayon ang isang katunayan: Lahat ng taong gayon ang pananaw ay binabaril ang kanilang sariling paa. Ito ay dahil tinatakpan nila ang kanilang mga mata sa sarili nilang mga imahinasyon. Ang mga imahinasyong ito mismo, pati na ang sarili nilang mga konklusyon, ang pumapalit sa pamantayang pinatutugunan ng Diyos sa mga tao at pumipigil sa kanila na tanggapin ang tunay na mga layunin ng Diyos. Dahil dito, hindi nila madama ang Kanyang tunay na pag-iral, at nawawalan din sila ng pagkakataong magawang perpekto ng Diyos, na tinatalikuran ang anumang bahagi o kabahagi nila sa pangako ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Tingnan ang iba pa

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

I-share

Kanselahin