Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paghatol sa mga Huling Araw | Sipi 85

Agosto 29, 2020

Bagama’t maaaring mabagsik ang Aking mga salita, ipinapahayag ang lahat ng iyon para sa kaligtasan ng tao, dahil nagpapahayag lamang Ako ng mga salita at hindi Ko pinarurusahan ang laman ng tao. Ang mga salitang ito ay nagiging dahilan upang mabuhay ang tao sa liwanag, upang malaman nila na mayroong liwanag, upang malaman nila na ang liwanag ay mahalaga, at, higit pa rito, upang malaman kung gaano kalaki ang pakinabang ng mga salitang ito sa kanila, gayundin upang malaman na ang Diyos ay kaligtasan. Bagama’t nagpahayag na Ako ng maraming salita ng pagkastigo at paghatol, ang kinakatawan ng mga ito ay hindi pa talaga nagagawa sa inyo. Naparito Ako upang gawin ang Aking gawain at ipahayag ang Aking mga salita, at bagama’t maaaring mahigpit ang Aking mga salita, ipinapahayag ang mga ito sa paghatol sa inyong katiwalian at pagkasuwail. Ang layunin ng Aking paggawa nito ay nananatiling upang iligtas ang tao mula sa sakop ni Satanas; ginagamit Ko ang Aking mga salita upang iligtas ang tao. Ang Aking layunin ay hindi upang saktan ang tao gamit ang Aking mga salita. Ang Aking mga salita ay mabagsik upang makamit ang mga resulta sa Aking gawain. Sa pamamagitan lamang ng gayong gawain makikilala ng tao ang kanilang sarili at makakahiwalay sa kanilang suwail na disposisyon. Ang pinakadakilang kabuluhan ng gawain ng mga salita ay ang pagtutulot sa tao na isagawa ang katotohanan matapos itong maunawaan, na mabago ang kanilang disposisyon, at magtamo ng kaalaman tungkol sa kanilang sarili at sa gawain ng Diyos. Sa paggawa lamang ng gawain sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga salita maaaring magawang posible ang komunikasyon sa pagitan ng Diyos at ng tao, at mga salita lamang ang maaaring magpaliwanag sa katotohanan. Ang paggawa sa ganitong paraan ang pinakamahusay na paraan ng paglupig sa tao; bukod sa pagbigkas ng mga salita, wala nang iba pang pamamaraan ang may kakayahang magbigay sa tao ng mas malinaw na pagkaunawa sa katotohanan at sa gawain ng Diyos. Sa gayon, sa huling yugto ng Kanyang gawain, nangungusap ang Diyos sa tao upang ipahayag sa kanila ang lahat ng katotohanan at hiwaga na hindi pa nila nauunawaan, na nagtutulot na matamo nila mula sa Diyos ang tunay na daan at ang buhay, at sa gayo’y masunod ang Kanyang kalooban. Ang layunin ng gawain ng Diyos sa tao ay upang masunod nila ang kalooban ng Diyos, at ginagawa ito upang dalhan sila ng kaligtasan. Kung gayon, sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao, hindi Niya ginagawa ang gawain ng pagpaparusa sa kanila. Habang naghahatid ng kaligtasan sa tao, hindi pinarurusahan ng Diyos ang masama o ginagantimpalaan ang mabuti, ni hindi Niya ibinubunyag ang mga hantungan ng iba’t ibang klase ng mga tao. Sa halip, pagkatapos ng huling yugto ng Kanyang gawain, saka lamang Niya gagawin ang gawain ng pagpaparusa sa masama at paggantimpala sa mabuti, at saka pa lamang Niya ibubunyag ang mga katapusan ng lahat ng uri ng mga tao. Yaong mga pinarurusahan ay yaong hindi talaga nagagawang iligtas, samantalang yaong mga inililigtas ay yaong mga nagkamit ng pagliligtas ng Diyos sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao. Habang ginagawa ang gawain ng pagliligtas ng Diyos, bawat isang tao na maaaring iligtas ay ililigtas hangga’t maaari, at walang isa man sa kanila ang itatapon, dahil ang layunin ng gawain ng Diyos ay iligtas ang tao. Lahat sila, sa panahon ng pagliligtas ng Diyos sa tao, na hindi nagagawang magkamit ng pagbabago sa kanilang disposisyon—pati na lahat ng hindi nagagawang lubos na magpasakop sa Diyos—ay magiging mga pakay ng kaparusahan. Ang yugtong ito ng gawain—ang gawain ng mga salita—ay bubuksan sa mga tao ang lahat ng paraan at hiwaga na hindi nila nauunawaan, upang maunawaan nila ang kalooban at mga ipinagagawa ng Diyos sa kanila, at upang mapasakanila ang mga kinakailangan upang maisagawa ang mga salita ng Diyos at magkamit ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon. Ang Diyos ay gumagamit lamang ng mga salita upang gawin ang Kanyang gawain at hindi pinarurusahan ang mga tao dahil sa pagiging medyo mapanghimagsik; ito ay dahil ngayon na ang panahon ng gawain ng pagliligtas. Kung parurusahan ang sinumang kumilos nang mapanghimagsik, walang sinumang magkakaroon ng pagkakataon na maligtas; lahat ay parurusahan at babagsak sa Hades. Ang layunin ng mga salita na humahatol sa tao ay upang tulutan silang makilala ang kanilang sarili at magpasakop sa Diyos; hindi ito para parusahan sila sa gayong paghatol. Sa panahon ng gawain ng mga salita, malalantad ang pagkasuwail at paglaban ng maraming tao, gayundin ang kanilang pagsuway sa Diyos na nagkatawang-tao. Gayunpaman, hindi Niya parurusahan ang lahat ng taong ito dahil dito, kundi sa halip ay itatakwil lamang yaong mga tiwali sa kaloob-looban at hindi maaaring iligtas. Ibibigay Niya ang kanilang laman kay Satanas, at sa ilang sitwasyon, wawakasan ang kanilang laman. Yaong mga natira ay patuloy na susunod at mararanasang pakitunguhan at tabasan. Kung, habang sumusunod, hindi pa rin kayang tanggapin ng mga taong ito na pakitunguhan at tabasan, at lalong sumama nang sumama, mawawalan sila ng pagkakataong maligtas. Bawat taong nagpasakop na sa paglupig ng mga salita ay magkakaroon ng sapat na pagkakataon para maligtas; ang pagliligtas ng Diyos sa bawat isa sa mga taong ito ay magpapakita ng Kanyang lubhang kaluwagan. Sa madaling salita, pakikitaan sila ng lubos na pagpaparaya. Hangga’t tumatalikod ang mga tao mula sa maling landas, at hangga’t nakakapagsisi sila, bibigyan sila ng Diyos ng mga pagkakataong makamtan ang Kanyang pagliligtas. Sa unang pagsuway ng mga tao sa Diyos, wala Siyang hangad na patayin sila; sa halip, ginagawa Niya ang lahat upang iligtas sila. Kung wala talagang paraang mailigtas ang isang tao, itatakwil sila ng Diyos. Kaya mabagal ang Diyos sa pagparusa sa ilang tao ay dahil nais Niyang iligtas ang lahat ng maaaring mailigtas. Hinahatulan, nililiwanagan, at ginagabayan Niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salita lamang, at hindi Siya gumagamit ng pamalo para patayin sila. Ang paggamit ng mga salita upang iligtas ang mga tao ay ang layunin at kabuluhan ng huling yugto ng gawain.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao

Tingnan ang iba pa

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

I-share

Kanselahin