Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 436

Nobyembre 7, 2020

Upang mapanumbalik ang wangis ng isang normal na tao, iyon ay, upang magkaroon ng normal na pagkatao, hindi basta na lamang mapapalugod ng mga tao ang Diyos gamit ang kanilang mga salita. Pinipinsala lamang nila ang kanilang sarili sa paggawa nito, at wala itong dalang pakinabang sa kanilang pagpasok o pagbabago. Samakatuwid, upang matamo ang pagbabago, dapat magsagawa nang paunti-unti ang mga tao. Kailangang pumasok sila nang dahan-dahan, maghanap at magsaliksik nang paunti-unti, pumasok mula sa positibo, at isabuhay ang isang praktikal na buhay ng katotohanan; ang buhay ng isang banal. Pagkatapos noon, ang mga tunay na bagay, pangyayari, at kapaligiran ay tutulutan ang mga tao na magkaroon ng praktikal na pagsasanay. Hindi nila kinakailangang magsalita nang mapagkunwari; sa halip, kinakailangan nilang magsanay sa tunay na mga kapaligiran. Nauunawaan muna ng mga tao na mahina ang kanilang kakayahan, at pagkatapos ay normal na nilang kinakain at iniinom ang mga salita ng Diyos, at pumapasok sila at normal ding nagsasagawa; sa paraang ito lamang sila makapagtatamo ng realidad, at ganito lalong mapapabilis ang pagpasok. Upang baguhin ang mga tao, dapat magkaroon ng kaunting praktikalidad; dapat silang magsanay sa mga tunay na bagay, pangyayari, at kapaligiran. Maaari bang matamo ang tunay na pagsasanay kung aasa lamang sa buhay iglesia? Makakapasok ba ang mga tao sa realidad sa pamamagitan lang nito? Hindi! Kung hindi makakapasok ang mga tao sa tunay na buhay, hindi rin nila mababago ang dati nilang pamumuhay at mga pamamaraan ng paggawa sa mga bagay. Hindi ito dahil lamang sa katamaran ng mga tao at mataas na antas ng pagpapakandili, sa halip ito ay dahil wala talagang kakayahan ang mga tao para mabuhay, at bukod pa rito, wala silang pagkaunawa sa pamantayan ng Diyos sa wangis ng isang normal na tao. Noong una, palaging nag-uusap, nagsasalita, at nagtatalastasan ang mga tao—at sila ay naging “mga mananalumpati” pa—ngunit walang sinuman sa kanila ang naghangad ng pagbabago sa disposisyon sa buhay; sa halip, naghanap lamang sila ng malalalim na teorya. Kaya, dapat baguhin ng mga tao ngayon ang ganitong relihiyosong paraan ng paniniwala sa Diyos sa kanilang buhay. Kinakailangang pumasok sila sa pagsasagawa sa pamamagitan ng pagtutuon sa isang pangyayari, isang bagay, isang tao. Dapat nila itong gawin nang may pagtutuon—sa gayon lamang sila magkakamit ng mga resulta. Ang pagbabago ng mga tao ay nagsisimula sa pagbabago ng kanilang diwa. Dapat ituon ang gawain sa diwa ng mga tao, sa kanilang buhay, sa kanilang katamaran, pagpapakandili, at pagkaalipin—sa ganitong paraan lamang sila maaaring baguhin.

Bagama’t ang buhay iglesia ay makapagdudulot ng mga resulta sa ilang aspeto, ang pinakamahalaga pa rin ay na maaaring baguhin ng tunay na pamumuhay ang mga tao. Ang dating likas na pagkatao ng isang tao ay hindi mababago kung walang tunay na pamumuhay. Ipaghalimbawa natin ang gawain ni Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya. Nang buwagin ni Jesus ang naunang mga kautusan at itatag ang mga kautusan ng bagong kapanahunan, nagsalita Siya gamit ang mga aktwal na halimbawa mula sa tunay na pamumuhay. Nang pangunahan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo sa taniman ng trigo isang araw ng Sabbath, nagutom ang Kanyang mga disipulo at namitas ng mga butil ng trigo para kainin. Nakita ito ng mga Fariseo at sinabi na hindi nila iginagalang ang Sabbath. Sinabi rin nila na hindi maaaring iligtas ng mga tao ang mga guyang nahulog sa isang hukay sa araw ng Sabbath, na sinasabi na hindi maaaring magtrabaho sa araw ng Sabbath. Binanggit ni Jesus ang mga pangyayaring ito upang unti-unting ipahayag ang mga kautusan ng bagong kapanahunan. Sa oras na iyon, gumamit Siya ng maraming praktikal na bagay para tulungan ang mga tao na makaunawa at magbago. Ito ang prinsipyong sinusunod ng Banal na Espiritu sa pagganap sa Kanyang gawain, at ito ang tanging paraan para mabago ang mga tao. Kung walang praktikal na mga bagay, maaari lamang magtamo ang mga tao ng teoretikal at intelektuwal na pagkaunawa—hindi ito isang epektibong paraan para magbago. Kaya paano nagkakamit ng karunungan at kabatiran ang isang tao sa pamamagitan ng pagsasanay? Maaari bang magkamit ng karunungan at kabatiran ang mga tao mula lamang sa pakikinig, pagbabasa, at pagpapalago ng kanilang kaalaman? Paano ito maaaring mangyari? Kailangang maunawaan at maranasan ng mga tao ang tunay na pamumuhay! Samakatuwid, kailangang magsanay ang isang tao, at hindi niya maaaring lisanin ang tunay na pamumuhay. Kailangang bigyang-pansin ng mga tao ang iba’t ibang aspeto at makapasok sa iba-ibang aspeto: antas ng edukasyon, pagpapahayag, kakayahang makita ang bagay-bagay, paghiwatig, kakayahang maunawaan ang mga salita ng Diyos, sentido kumon at mga panuntunan ng sangkatauhan, at iba pang mga bagay na may kaugnayan sa sangkatauhan na kailangang isangkap sa mga tao. Matapos magtamo ng pag-unawa, kailangang magtuon ang mga tao sa pagpasok, at saka lamang magkakaroon ng pagbabago. Kung nagkamit ng pag-unawa ang isang tao, subalit kinaliligtaan nilang magsagawa, paano magkakaroon ng pagbabago? Sa kasalukuyan, maraming nauunawaan ang mga tao, ngunit hindi nila isinasabuhay ang realidad; sa gayon, kakaunti ang taglay nilang makabuluhang pag-unawa sa mga salita ng Diyos. Bahagya ka pa lamang naliwanagan; nakatanggap ka na ng kaunting pagliliwanag mula sa Banal na Espiritu, subalit wala kang pagpasok sa tunay na pamumuhay—o maaaring wala ka man lamang pakialam tungkol sa pagpasok—sa gayon ay nabawasan ang iyong pagbabago. Pagkaraan ng napakahabang panahon, maraming nauunawaan ang mga tao. Nagagawa nilang magsalita nang husto tungkol sa kanilang kaalaman sa mga teorya, ngunit ganoon pa rin ang kanilang panlabas na disposisyon, at ganoon pa rin ang kanilang orihinal na kakayahan, walang pagsulong ni katiting. Kung ganito ang nangyayari, kailan ka makakapasok sa huli?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagtalakay sa Buhay Iglesia at sa Tunay na Buhay

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger