Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob: Kabanata 18

Ang lahat ng salita ng Diyos ay naglalaman ng isang bahagi ng Kanyang disposisyon; ang Kanyang disposisyon ay hindi lubusang maipapahayag sa mga salita, kaya ipinakikita nito kung gaano ang kasaganaan na nasa Kanya. Kung ano ang nakikita at nahihipo ng mga tao ay, tutal, limitado, gaya ng kakayahan ng mga tao. Bagaman malinaw ang mga salita ng Diyos, hindi kayang lubusang maunawaan ng mga tao. Katulad ng mga salitang ito: “Sa isang siklab ng kidlat, ibinubunyag ang bawat hayop sa tunay na anyo nito. Gayundin naman, dahil sa pagpapalinaw ng Aking liwanag, nabawi na ng sangkatauhan ang kabanalang minsan nilang tinaglay. O, na sa wakas ang tiwaling mundo ng nakaraan ay nabuwal na tungo sa maruming tubig at, habang lumulubog pailalim, naglaho sa putikan!” Naglalaman ang lahat ng salita ng Diyos ng kung ano Siya, at kahit na batid lahat ng tao ang mga salitang ito, hindi nila kailanman nalalaman ang mga kahulugan nito. Sa mga mata ng Diyos, lahat yaong lumalaban sa Kanya ang kaaway Niya, iyan ay, yaong mga nabibilang sa masasamang espiritu ay mga hayop. Mula rito ay namamasdan ang aktuwal na situwasyon ng iglesia. Nang hindi sumasailalim sa mga pangangaral o pagkastigo ng mga tao, nang hindi dumaraan sa tuwirang pagtitiwalag o isang bahagi ng mga pamamaraan ng tao o pagtukoy ng mga tao, sinusuri ng lahat ng tao ang kanilang mga sarili sa ilalim ng pagpapalinaw ng mga salita ng Diyos, at napakalinaw na nakikita sa ilalim ng pangmalas ng isang “mikroskopyo” kung gaano kalala ang sakit na talagang nasa loob nila. Sa mga salita ng Diyos, pinagsama-sama ang bawat uri ng espiritu at ang orihinal na anyo ng bawat espiritu ay ibinubunyag. Ang mga espiritu ng mga anghel ay nagiging pinaliliwanag nang pinaliliwanag at nililiwanagan, kaya ang sinabi ng Diyos, na “nabawi na ng sangkatauhan ang kabanalang minsan nilang tinaglay,” ay nakabatay sa mga pinakahuling resulta na nakamit ng Diyos. Siyempre pa ngayon hindi pa ito lubusang matatamo—isang patikim lamang ito. Ang kalooban ng Diyos ay nakikita sa pamamagitan nito at ipinakikita nito na babagsak sa mga salita ng Diyos ang isang malaking bahagi ng tao at matatalo sa pamamaraan ng unti-unting pagiging banal ng lahat ng tao. Ang “naglaho sa putikan” na binanggit dito ay hindi salungat sa pagwasak ng Diyos sa mundo gamit ang apoy, at ang “kidlat” ay tumutukoy sa poot ng Diyos. Kapag inilalabas ng Diyos ang Kanyang matinding poot, mararanasan ng buong mundo ang lahat ng uri ng sakuna bunga nito, tulad ng pagputok ng isang bulkan. Nakatayo sa ibabaw ng himpapawid, makikita na sa daigdig lumulukob ang lahat ng uri ng kapahamakan sa buong sangkatauhan, araw-araw. Pinagmamasdan mula sa itaas, parang isang sari-saring mga tagpo ang daigdig bago ang isang lindol. Rumaragasa sa lahat ng dako ang nag-aapoy na tubig, umaagos ang kumukulong putik sa lahat ng paligid, umiisod ang mga bundok, at kumikislap sa lahat ng dako ang malamig na liwanag. Napapasadlak sa apoy ang buong mundo. Ito ang tagpo ng paglalabas ng Diyos ng Kanyang poot, at ito ang panahon ng Kanyang paghatol. Lahat ng may laman at dugo ay hindi makakatakas. Kaya ang mga digmaan sa pagitan ng mga bayan at mga alitan sa pagitan ng mga tao ay hindi kakailanganin para wasakin ang buong mundo, kundi “tatamasahin nito nang namamalayan” ang duyan ng pagkastigo ng Diyos. Walang sinumang makakatakas dito at daraan silang isa-isa rito. Pagkatapos niyon ang buong sansinukob ay muling kikinang sa banal na kaningningan at ang buong sangkatauhan ay magsisimula muli ng isang bagong buhay. At magiging nasa kapahingahan ang Diyos sa ibabaw ng sansinukob at pagpapalain ang buong sangkatauhan bawat araw. Hindi na magiging lubhang mapanglaw ang langit, kundi mapapanumbalik ang sigla na hindi nito nataglay simula noong paglikha ng mundo, at ang “ikaanim na araw” ay magiging kung kailan nagsisimula ng isang bagong buhay ang Diyos. Ang Diyos at tao ay papasok lahat sa kapahingahan at ang sansinukob ay hindi na magiging malabo o marumi, kundi matatamo nito ang pagpapanibago. Kaya nga sinabi ng Diyos: “Hindi na payapa at tahimik ang mundo, hindi na mapanglaw at malungkot ang langit.” Sa kaharian ng langit ay hindi kailanman nagkaroon ng di-pagkamatuwid o mga damdamin ng tao, o anuman sa mga tiwaling disposisyon ng sangkatauhan dahil wala ang panggugulo ni Satanas. Kayang maunawaan lahat ng tao ang mga salita ng Diyos, at ang buhay sa langit ay isang buhay na puno ng kaligayahan. Lahat niyaong nasa langit ay may karunungan at dignidad ng Diyos. Dahil sa mga pagkakaiba sa pagitan ng langit at lupa, ang mga mamamayan ng langit ay hindi tinatawag na “mga tao”; sa halip, tinatawag sila ng Diyos na “mga espiritu.” May mahahalagang pagkakaiba ang dalawang salitang ito—yaong mga tinatawag ngayon na “mga tao” ay nagawang tiwali ni Satanas, samantalang ang “mga espiritu” ay hindi. Sa huli, gagawin ng Diyos ang mga tao sa lupa na mga nilalang na may mga katangian ng mga espiritu sa langit, at sa gayon ay hindi na sila mapapailalim sa panggugulo ni Satanas. Ito ang tunay na kahulugan ng mga salitang “Ang Aking kabanalan ay umabot na sa buong sansinukob.” “Ang mundo sa una nitong kalagayan ay pag-aari ng langit, at ang langit ay kaugnay ng lupa. Ang tao ang tali na nag-uugnay sa langit at lupa, at dahil sa kabanalan ng tao, dahil sa pagpapanibago ng tao, hindi na nakatago ang langit mula sa lupa, at hindi na tahimik ang lupa ukol sa langit.” Sinasabi ito patungkol sa mga taong may mga espiritu ng mga anghel, at sa puntong ito, muling magagawa ng “mga anghel” na sama-samang umiral nang payapa at mabawi ang kanilang orihinal na kalagayan, hindi na nahahati ng katawang-tao sa pagitan ng mga dako ng langit at lupa. Magagawang makipag-ugnayan ng “mga anghel” sa lupa sa mga anghel sa langit, malalaman ng mga tao sa lupa ang mga hiwaga ng langit, at malalaman ng mga anghel sa langit ang mga lihim ng mundo ng tao. Magkakaisa ang langit at lupa, at walang agwat sa pagitan ng mga ito. Ito ang kagandahan ng kaganapan ng kaharian. Ito ang kukumpletuhin ng Diyos, at isang bagay ito na inaasam ng lahat ng tao at espiritu. Ngunit walang alam ang mga nasa relihiyosong mundo tungkol dito. Naghihintay lamang sila kay Jesus na Tagapagligtas na dumating sakay ng isang puting ulap at kunin ang kanilang kaluluwa, na iniiwan ang “basura” na nakakalat sa buong daigdig (ang “basura” ay tumutukoy rito sa mga bangkay). Hindi ba ito isang kuru-kuro ng lahat ng tao? Kaya nga sinabi ng Diyos: “Ah, ang relihiyosong mundo! Paanong hindi ito maaaring wasakin ng Aking awtoridad sa lupa?” Dahil nagawa nang ganap ang mga tao ng Diyos sa lupa, mababaligtad ang relihiyosong mundo. Ito ang tunay na kahulugan ng “awtoridad” na binanggit ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Mayroon ba, sa Aking panahon, na nagbibigay ng kahihiyan sa Aking pangalan? Mapitagang nakatingin sa Akin ang lahat ng tao, at sa puso nila, lihim silang nananawagan sa Akin.” Ito ang Kanyang sinabi tungkol sa mga bunga ng pagkawasak ng relihiyosong mundo. Magpapasakop ito nang buung-buo sa harap ng luklukan ng Diyos dahil sa Kanyang mga salita, at hindi na maghihintay pang bumaba ang isang puting ulap o tumingin sa langit, kundi sa halip ay malulupig sa harap ng luklukan ng Diyos. Kaya ang mga salitang “sa puso nila, lihim silang nananawagan sa Akin”—ito ang kalalabasan ng relihiyosong mundo, na lulupiging lahat ng Diyos. Ito ang tinutukoy ng pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos—pagpapabagsak sa lahat ng relihiyosong tao, ang pinakasuwail sa sangkatauhan, upang hindi na sila muling kumapit kailanman sa sarili nilang mga kuru-kuro upang makilala nila ang Diyos.

Bagama’t paulit-ulit nang nakinita sa mga salita ng Diyos ang kagandahan ng kaharian, nabanggit ang iba’t ibang aspeto nito at inilarawan ito mula sa iba’t ibang mga pananaw, hindi pa rin lubos na maipapahayag ng mga ito ang bawat kalagayan ng Kapanahunan ng Kaharian dahil ang kakayahang tumanggap ng mga tao ay kulang na kulang. Nasambit na ang lahat ng salita ng Kanyang mga pahayag, ngunit hindi pa nasusuri nang husto ng mga tao ang mga ito, gamit ang mga X-ray, ika nga, at sa gayon ay hindi nila ito malinawan at maunawaan, at naguguluhan pa nga sila. Ito ang pinakamalaking depekto ng laman. Bagama’t sa kanilang puso, nais ng mga tao na mahalin ang Diyos, nilalabanan nila Siya dahil sa panggugulo ni Satanas, kaya pinupukaw na ng Diyos maya’t maya ang manhid at hangal na puso ng mga tao upang magising sila. Ang inilalantad lamang ng Diyos ay ang kapangitan ni Satanas, kaya kapag mas marahas ang Kanyang mga salita, mas napapahiya si Satanas, mas lumuluwag ang gapos sa puso ng mga tao, at mas mapupukaw ang pagmamahal ng mga tao. Ganito kung gumawa ang Diyos. Dahil nailantad na si Satanas at dahil nakita ang kalooban nito, hindi na ito nangangahas na sakupin ang puso ng mga tao, at sa gayon ay hindi na naliligalig ang mga anghel. Sa ganitong paraan, minamahal nila ang Diyos nang kanilang buong puso’t isipan. Sa pagkakataong ito malinaw na makikita na, sa kanilang tunay na pagkatao, ang mga anghel ay pag-aari ng Diyos at mahal nila ang Diyos. Sa landas na ito lamang matutupad ang kalooban ng Diyos. “Sa kaibuturan ng puso ng lahat ng tao, mayroon nang puwang para sa Akin. Hindi Ko na tutugunan ng pagkamuhi o pagtatakwil ang mga tao, sapagkat naisakatuparan na ang Aking dakilang gawain, at wala nang humahadlang.” Ito ang kahulugan ng inilarawan sa itaas. Dahil sa panliligalig ni Satanas, walang oras ang mga tao para mahalin ang Diyos at lagi silang napupuluputan ng mga bagay ng mundo at nalilinlang ni Satanas kaya kumikilos sila dahil sa kalituhan. Kaya nga sinabi na ng Diyos na ang sangkatauhan ay “sumailalim na sa napakaraming hirap ng buhay, napakaraming kawalang-katarungan ng mundo, napakaraming pagkabagabag sa mundo ng tao, ngunit ngayon ay nananahan sila sa Aking liwanag. Sino ang hindi umiiyak sa mga kawalang-katarungan ng nakaraan?” Nang marinig ng mga tao ang mga salitang ito, pakiramdam nila ay parang kapareha nila ang Diyos sa kalungkutan, nakikiramay sa kanila at, sa sandaling iyon, ibinabahagi ang kanilang mga reklamo. Bigla nilang nadarama ang pasakit ng mundo ng tao at iniisip nila: “Totoo talaga iyan—hindi ako nasiyahan kailanman sa anumang bagay sa mundo. Mula nang lumabas ako mula sa sinapupunan ng aking ina hanggang ngayon, naranasan ko na ang buhay ng tao at wala akong napalang anuman, kundi labis akong nagdusa. Hungkag talaga ang lahat! At ngayon ay labis akong ginawang tiwali ni Satanas! Ah! Kung hindi dahil sa pagliligtas ng Diyos, pagsapit ng oras ng aking kamatayan, hindi ba walang kabuluhan ang buhay ko? Mayroon bang anumang kahulugan ang buhay ng tao? Kaya pala sinabi ng Diyos na lahat na nasa ilalim ng araw ay hungkag. Kung hindi ako naliwanagan ng Diyos ngayon, nasa kadiliman pa rin sana ako. Nakakaawa!” Sa puntong ito, may nabuong pangamba sa kanilang puso: “Kung hindi ko makakamtan ang pangako ng Diyos, paano ako patuloy na mabubuhay?” Lahat ng nagbabasa sa mga salitang ito ay talagang mapapaiyak habang nagdarasal. Ganyan ang sikolohiya ng tao. Imposibleng basahin ito ng isang tao nang hindi nagkakaroon ng anumang reaksyon, maliban kung hindi matino ang kanilang pag-iisip. Araw-araw, inihahayag ng Diyos ang mga kalagayan ng lahat ng klase ng mga tao. Kung minsan, naglalabas Siya ng mga hinaing para sa kanila. Kung minsan, tinutulungan Niya ang mga tao na tagumpay na malampasan ang isang partikular na sitwasyon. Kung minsan, itinuturo Niya ang “mga pagbabago” ng mga tao para sa kanila. Kung hindi, hindi malalaman ng mga tao kung gaano na sila lumago sa buhay. Kung minsan, itinuturo ng Diyos ang mga karanasan ng mga tao sa realidad, at kung minsan, itinuturo Niya ang kanilang mga kakulangan at kapintasan. Kung minsan, nagbibigay Siya ng mga bagong kahilingan sa kanila, at kung minsan, itinuturo Niya ang antas ng kanilang pagkaunawa sa Kanya. Gayunman, sinabi na rin ng Diyos: “Narinig Ko na ang taos-pusong mga salitang sinambit ng napakaraming tao, mga kuwento mula sa napakaraming tao tungkol sa kanilang masasakit na karanasan sa gitna ng pagdurusa; napakarami Ko nang nakita, na napakagrabe ng kalagayan, na walang maliw na naghahandog ng kanilang katapatan sa Akin, at napakarami Ko nang namasdan, nang tahakin nila ang mabatong landas, na naghanap ng daan para makalabas.” Ito ay isang paglalarawan ng mga positibong tauhan. Sa bawat kabanata ng “drama ng kasaysayan ng tao,” hindi lamang mga positibong tauhan ang naroon kundi pati na mga negatibong tauhan. Samakatuwid, patuloy na inihahayag ng Diyos ang kapangitan ng mga negatibong tauhang ito. Sa gayon, sa pamamagitan lamang ng kaibhan nila sa “mga traydor” nabubunyag ang di-natitinag na katapatan at walang-takot na katapangan ng “mga taong matuwid.” Sa buhay ng lahat ng tao, mayroong mga negatibong bagay at, walang eksepsyon, mayroon ding mga positibong bagay. Ginagamit sila pareho ng Diyos upang ihayag ang katotohanan tungkol sa lahat ng tao, upang magyuko ng ulo ang mga traydor at umamin sa kanilang mga kasalanan, at upang sa paghihikayat ay patuloy na maging matapat ang mga taong matuwid. Ang mga implikasyon ng mga salita ng Diyos ay napakalalim. Kung minsan, binabasa ng mga tao ang mga ito at nag-aalumpihit sa katatawa, samantalang sa ibang mga pagkakataon, tahimik lamang silang nagyuyuko ng ulo. Kung minsan ay ginugunita nila ang nakaraan, kung minsan naman ay umiiyak sila nang may kapaitan at inaamin ang kanilang mga kasalanan, kung minsan ay nangangapa sila, at kung minsan ay naghahanap sila. Sa kabuuan, may mga pagbabago sa mga reaksyon ng mga tao dahil sa iba’t ibang sitwasyon kung saan nagsasalita ang Diyos. Kapag binabasa ng isang tao ang mga salita ng Diyos, kung minsan ay maaari pa ngang mapagkamalan ng mga istambay na sira ang ulo ng taong iyon. Pag-isipan ang mga salitang ito: “Kaya nga, wala na ang mga kontrahang pagtatalo sa lupa, at, kasunod ng paglabas ng Aking mga salita, inalis ang sari-saring ‘mga armas’ ng modernong panahon.” Ang salitang “mga armas” ay sapat na upang magpasimula ng tawanan sa buong maghapon, at kung sakaling maalaala ng isang tao ang salitang “mga armas,” hahagalpak sila ng tawa sa kanilang sarili. Hindi ba ganoon? Paanong hindi ka matatawa rito?

Kapag tumatawa ka, huwag mong kalimutang unawain ang mga hinihiling ng Diyos sa sangkatauhan, at huwag mong kalimutang tingnan ang tunay na kalagayan ng iglesia: “Nakabalik na ang buong sangkatauhan sa normal na kalagayan at nagsimula na sa isang bagong buhay. Nananahan sa mga bagong kapaligiran, inililibot ng maraming tao ang kanilang tingin sa paligid, na nadarama na para silang nakapasok sa isang lubos na panibagong mundo, at dahil dito, hindi sila makaangkop kaagad sa kanilang kasalukuyang kapaligiran o makapasok kaagad sa tamang landas.” Ito ang kasalukuyang tunay na kalagayan ng iglesia. Huwag kang masyadong mag-alala na makapasok kaagad ang lahat ng tao sa tamang landas. Kapag nakasulong na ang gawain ng Banal na Espiritu sa isang partikular na punto, papasukin ito ng lahat ng tao nang hindi nila namamalayan. Kapag nauunawaan mo ang pinakadiwa ng mga salita ng Diyos, malalaman mo kung hanggang saang punto na ang nagawa ng Kanyang Espiritu. Ang kalooban ng Diyos ay: “Nangangasiwa lamang Ako, ayon sa kasamaan ng tao, ng isang angkop na sukat ng ‘pagtuturo,’ upang mas magawa ng lahat na tumahak sa tamang landas.” Ito ang paraan ng pagsasalita at paggawa ng Diyos, at ito rin ang partikular na landas ng pagsasagawa ng sangkatauhan. Pagkatapos nito, itinuro Niya para sa mga tao ang isa pa sa mga kalagayan ng sangkatauhan: “Kung ayaw ng mga tao na tamasahin ang lubos na kaligayahang nasa Akin, makakaayon lamang Ako sa kung saan nila naituon ang kanilang puso at ipadadala Ko sila sa walang-hanggang kalaliman.” Puspusang nagsalita ang Diyos at iniwan ang mga tao na wala kahit kapirasong pagkakataon para magreklamo. Ito mismo ang pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at tao. Palaging nagsasalita nang hayagan at malaya ang Diyos sa tao. Sa lahat ng sinasabi ng Diyos, nakikita ng isang tao ang Kanyang pusong taos, na nagiging dahilan para ikumpara ng mga tao ang sarili nilang puso sa Kanyang puso at nagagawa nilang buksan ang kanilang puso sa Kanya, upang makita Niya kung saang kulay ng bahaghari sila kasama. Hindi napuri ng Diyos ang pananampalataya o pagmamahal ng sinumang tao kailanman, kundi palagi na Niyang hinihilingan ang mga tao at inilalantad ang kanilang kapangitan. Ipinapakita nito kung gaano kaliit ang “tayog” ng mga tao at gaano kalaki ang kulang sa kanilang “pangangatawan.” Kailangan nila ng mas maraming “ehersisyo” para mapunan ang mga kakulangang ito, kaya nga palaging “naglalabas ng Kanyang galit” ang Diyos sa mga tao. Balang araw, kapag naihayag na ng Diyos ang buong katotohanan tungkol sa sangkatauhan, magagawang ganap ang mga tao, at mapapanatag ang Diyos. Hindi na aamuin ng mga tao ang Diyos, at hindi na Niya sila “tuturuan.” Mula sa sandaling iyon, ang mga tao ay magagawa nang “mamuhay nang mag-isa,” ngunit hindi pa ngayon. Marami pa ring matatawag na “huwad” sa kalooban ng mga tao, at ilang ulit pang pagsusuri ang kailangan, ilang ulit pang “mga pagsisiyasat” kung saan maaaring bayaran nang wasto ang kanilang “mga buwis.” Kung mayroon pa ring mga huwad na produkto, kukumpiskahin ang mga ito para hindi maibenta, at pagkatapos ay sisirain ang bunton ng mga kontrabandong produktong iyon. Hindi ba magandang paraan ito ng paggawa ng mga bagay-bagay?