Mga Sagot ng Ang Itaas sa mga Tanong ng Hinirang na mga Tao ng Diyos Mula sa Buong Mundo (4)

Ang Pagbabahagi Mula sa ang Itaas na Brother – Hulyo 1, 2025 (Ikalawang Bahagi)

Tanong 2: Mula nang ibahagi mo, brother, ang dalawampung matatalinong paraan ng pangangaral ng ebanghelyo, ang ilang tagapangaral ng ebanghelyo ay bahagyang lumihis sa kanilang pagsasagawa. Madali nilang kinaklasipika ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na nakarinig na sa lahat ng sermon ngunit hindi pa rin nakakaunawa bilang mga walang abilidad na umarok, at sinusukuan lang nila ang mga ito. Gayundin, kapag nakakatagpo sila ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na mahina ang kakayahan, hindi na nila gaanong binibigyang-pansin ang pagsubaybay sa mga ito. Nais naming humingi ng pagbabahaginan kung paano mapag-iiba ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na mahina ang kakayahan at ang mga walang abilidad na umarok. Paano namin dapat tratuhin ang mahihina ang kakayahan?

Sagot: Ang isyu ng pagiging mahina ang kakayahan ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ay isang karaniwang problema, ngunit ang pagiging mahina ang kakayahan ay hindi katulad ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa. Hindi ito nangangahulugang wala silang espiritu ng tao o na mayroon silang espiritu ng hayop, ni hindi ito nangangahulugang wala silang anumang abilidad na umarok. Ang mga taong mahina ang kakayahan ay kadalasang mabagal lang makaarok ng mga bagay-bagay; medyo mabagal o mababaw ang kanilang pag-arok kapag nakikinig sa mga sermon. Hindi nila kayang makilatis ang mga komplikadong isyu, at wala silang sariling mga opinyon at hindi makapagpasya. Ito ang ibig sabihin ng pagiging mahina ang kakayahan. Ngunit ang kawalan ng espirituwal na pang-unawa ay iba sa pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Ang kawalan ng espirituwal na pang-unawa ay nangangahulugan ng ganap na kawalan ng kakayahang makakilatis o makaunawa ng mga espirituwal na bagay, mga usapin ng buhay, at lalo na ng mga usapin sa espirituwal na mundo; bukod pa riyan, hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Kapag nagsasalita ka tungkol sa mga bagay sa espirituwal na mundo at mga espirituwal na bagay sa buhay, hindi nila kinikilala ang mga ito. Naniniwala sila na hindi umiiral ang mga bagay na hindi nila nakikita. Halimbawa, hindi nila kinikilala ang pag-iral ni Satanas, ng masasamang espiritu, ng Hades, ng palasyo ng hari ng impiyerno, o ng aklat ng buhay at kamatayan sa espirituwal na mundo. Sinasabi nila, “Hindi ko nakikita ang mga bagay na ito, kaya hindi ko kinikilala ang pag-iral ng mga ito.” Ito ay isang taong walang espirituwal na pang-unawa. Ano ang problema sa isang taong walang espirituwal na pang-unawa? Ang problema ay nasa kanyang espiritu. Hindi siya ang reinkarnasyon ng espiritu ng tao, kundi ng espiritu ng isang hayop. Ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay walang espirituwal na pang-unawa. May isa pang uri ng tao—iyong mga nagreinkarnasyon mula sa masasamang espiritu. Ang ilan sa mga taong ito ay walang espirituwal na pang-unawa, habang ang iba naman ay mayroon nang kaunti, ngunit labis na tumututol sa katotohanan at namumuhi sa Diyos. Ang mga ito ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa masasamang espiritu o mga demonyo. Ang mga taong reinkarnasyon ng masasamang espiritu o mga demonyo ay pawang tumututol at namumuhi sa katotohanan. Walang kasapatan ang kasakiman nila, at ang buong buhay nila ay ginugugol sa pakikipaglaban para sa kapangyarihan at pakinabang, nang walang anumang pagsasaalang-alang sa buhay o kamatayan ng iba. Sinasalungat nila ang anumang bagay na hindi nila ikabubuti, gaano man ito kamakatarungan, at kumakapit sila sa anumang bagay na kapaki-pakinabang sa kanila, gaano man ito kamali. Ang mga ito ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa masasamang espiritu o mga demonyo. Ang gayong mga tao ay pawang tumututol sa katotohanan at hindi ito tatanggapin kahit kaunti. Tingnan ninyo ang lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos. Sino sa mga tanyag na tao, dakilang tao, o politiko sa mundo ang tumanggap sa mga ito? (Wala.) Bakit ganito? Una, wala sa kanila ang nagmamahal sa katotohanan; silang lahat ay mga taong tumututol sa katotohanan. Wala itong kaduda-duda. Ngunit may mga pagkakaiba sa mga sitwasyon ng mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Ang ilan ay nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, at hindi nila minamahal ang katotohanan dahil hindi nila ito abot. Ang iba naman ay nagreinkarnasyon mula sa masasamang espiritu, at hindi lang nila hindi minamahal ang katotohanan, kundi namumuhi din sila sa katotohanan at namumuhi sa Diyos. Kapag nakakakita sila ng mga taong nakauunawa sa katotohanan, nakakaramdam sila ng pagkamuhi; kapag nakakakita sila ng mga taong sumusunod sa Diyos, inuusig nila ang mga ito; at kapag nakakakita sila ng mga taong nagpapatotoo sa Diyos, nag-aalab sa galit at mapamaslang na layunin ang kanilang mga mata. Sabihin ninyo sa akin, hindi ba’t buktot ang mga taong ito? (Buktot sila.) Samakatwid, sinumang hindi tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, kahit sino pa sila—maging sila man ay isang tanyag na politiko, o isang kilalang doktor ng teolohiya o lider ng relihiyon—ay hindi isa sa mga tupa ng Diyos, at hindi ililigtas ng Diyos. Malinaw na ba sa inyong lahat ang bagay na ito ngayon? (Malinaw na.) Matapos mong makita nang malinaw ang bagay na ito, sasambahin mo pa rin ba ang mga tinatawag na tanyag na tao, dakilang tao, at politiko? (Hindi na.) Sinumang namumuhi sa katotohanan ay isang diyablo. Sinasabi ng ilang tao, “Napakasikat ng lahat ng taong ito. Kung maipapasok natin sila sa iglesia, tiyak na uunlad ang ebanghelyo!” Tama ba ang ganitong pag-iisip? (Hindi.) Bakit hindi? (Namumuhi ang mga taong ito sa katotohanan. Kahit pa maipasok sila sa iglesia, hindi nila tatanggapin ang katotohanan, at magkakalat din sila ng mga walang batayang tsismis at maling kaisipan para gambalain at guluhin ang gawain ng Diyos.) Ang pagpasok nila sa iglesia ay makapipinsala sa gawain ng Diyos na paggawa ng mga mananagumpay. Karamihan sa kanila ay nilalabanan ang Diyos sa mundo, kaya titigil ba sila sa paglaban sa Diyos kung papasok sila sa iglesia? Posible ba iyon? (Hindi.) Ang kanilang kalikasang diwa ay lumalaban sa Diyos. Saanman sila magpunta, nilalabanan nila ang Diyos, at mas mabangis pa nilang lalabanan ang Diyos sa loob ng iglesia. Hindi ba’t ganoon iyon? (Oo.) Kung kamag-anak mo ang gayong tao, ang pananampalataya mo sa Diyos ay magdudulot sa kanila na usigin, husgahan, at kondenahin ka, at maaari ka pa nga nilang paglaruan, dahil ang mga tumututol at namumuhi sa katotohanan ay mga diyablo!

Ngayon, tungkol sa tanong kung paano mapag-iiba ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na mahina ang kakayahan at sa mga walang espirituwal na pang-unawa, kailangan mong malaman na hindi kayang maarok o maunawaan ng mga tao ang mga salita ng Diyos sa isang beses lang na pakikinig; nangangailangan ito ng isang proseso. Patuloy mo lang silang basahan ng mga salita ng Diyos at patuloy na makipagbahaginan ng katotohanan sa kanila. Minsan, pagkatapos mong makipagbahaginan nang isang beses, maaaring tulala sila at walang reaksiyon, na para bang hindi nila ito maarok. Sabihin ninyo sa akin, normal ba ito? (Oo.) Walang sinuman ang talagang nakakaunawa sa mga salita ng Diyos sa unang beses na marinig nila ang mga ito; ganoon din ako. Noong unang magsimulang ipahayag ng Diyos ang Kanyang mga salita, narinig ko ang mga ito at sinabi, “Ang mga ito ay mga salita ng paghahayag mula sa Banal na Espiritu; ang mga ito ang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu. Napakalalim ng mga salitang ito!” Ngunit ano ang tingin ninyong lahat sa pagkaunawang ito? Masyadong mababaw; hindi ito sapat na malalim. Kaya, kung kayang makilala ng isang tao ang mga salita ng Diyos bilang tinig ng Diyos, bilang ang katotohanan, at bilang nagmumula sa Banal na Espiritu mula pa lang sa simula, kahanga-hanga na iyon. Karamihan ng mga tao ay walang ganoong abilidad na umarok, hindi ba? (Wala nga.) Ngayon, kung makikipagbahaginan ka nang dalawa o tatlong beses at magsisimula na silang magpakita ng reaksiyon—nagniningning ang kanilang mga mata, sumisilay ang ngiti sa kanilang mukha, nararamdaman nilang tama ang sinasabi mo, at habang lalo silang nakikinig, mas marami silang nauunawaan—sabihin ninyo sa akin, may espirituwal na pang-unawa ba ang gayong tao? (Mayroon.) Iyon ay isang taong may espirituwal na pang-unawa. Samakatwid, kung tulala ang isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo sa unang beses na marinig niya ang ating pagbabahagi, hindi mo siya dapat agad na iklasipika. Huwag mong sabihin, “Ay, walang espirituwal na pang-unawa ang taong ito, hindi siya potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, hindi ko na siya papangaralan.” Masyadong maaga para sabihin iyan. Kung unti-unti na siyang tumutugon pagkatapos mong makipagbahaginan nang dalawa o tatlong beses, o apat o limang beses, mayroon siyang espirituwal na pang-unawa. Kung, pagkatapos ng dalawa o tatlong beses, o tatlo hanggang limang beses ay talagang gusto na niya ito at partikular siyang nakakaramdam ng paglaya sa kanyang espiritu, at sinasabi niya, “Sa pagkakataong ito, nakahanap na ako ng isang taong tunay na nakauunawa sa katotohanan. Nakakilala ako ng isang taong kayang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan. Marami akong natutuhan sa pakikinig sa iyong pagsasalita. Dapat akong makipag-ugnayan at makihalubilo sa iyo,” sabihin ninyo sa akin, anong uri ng tao ito? (Isang taong may medyo mahusay na espirituwal na pang-unawa.) Hindi lang siya may espirituwal na pang-unawa, kundi isa rin siyang taong nagmamahal sa katotohanan. Tiyak ba iyon? (Oo.) Makakapagpakita ba ng gayong interes ang isang taong nagmamahal sa katotohanan pagkatapos lang makarinig sa ating pagbabahagi nang isang beses? (Hindi.) Kung gayon, ilang beses ba karaniwang kailangang bahaginan siya bago makamit ang resultang ito? Kailangan ng hindi bababa sa tatlo hanggang limang beses. Kaya huwag kang humingi ng masyadong mataas na mga pamantayan sa mga tao. Kung makita mo na hindi pa rin gaanong malinaw ang reaksiyon ng isang tao pagkatapos makarinig sa ating pagbabahaginan nang tatlo o apat na beses, at sasabihin mo, “Marahil ay walang espirituwal na pang-unawa ang taong ito, at ang mga walang espirituwal na pang-unawa ay hindi ililigtas ng Diyos, kaya dapat ko na siyang sukuan,” tama ba ang ganitong pag-iisip? (Hindi.) Sa sitwasyong ito, dapat mong alalahanin ang sarili mong reaksiyon noong unang ipangaral sa iyo ang ebanghelyo sa loob ng tatlo hanggang limang araw. Kung sasabihin mo, “Ang reaksiyon ko noon ay marahil mas malala pa kaysa sa kanya. Mas mapurol at manhid pa ako kaysa sa kanya. Ang reaksiyon niya ay medyo mas mabuti pa nga kaysa sa reaksiyon ko noon,” kung gayon ay magkakaroon ka ng mapagparayang saloobin sa kanya at hindi mo siya agad-agad na ikaklasipika bilang walang espirituwal na pang-unawa. Iyon ang tamang paraan. Kailangan mong ilagay ang sarili mo sa kanyang kalagayan, hindi ba? (Oo.) Ang ilang tao, kapag naghahanap ng kasintahan, ay palaging iniisip na pangit ang ibang tao. Pero pagkatapos ay tumitingin sila sa salamin at iniisip, “Ay, mas pangit pa pala ako, kaya bakit palagi akong nagrereklamo na pangit ang iba?” Pagkatapos ay pinagsisisihan nila na sinabi nilang pangit ang iba. Malinaw na mas pangit sila kaysa sa ibang tao pero hindi nila ito nakikita. Hindi ba’t ito ay kawalan ng kamalayan sa sarili? Hindi ba’t ito ay kahangalan? (Oo.) Samakatwid, hindi natin maaaring iklasipika ang isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo bilang mahina ang kakayahan o walang espirituwal na pang-unawa at magpasyang sukuan sila pagkatapos lang ng isa o dalawang pagtitipon. Dapat natin siyang obserbahan sa loob ng maraming pagtitipon. Kung nauunawaan ng karamihan ngunit hindi pa rin niya nauunawaan, kung gayon ay maaaring may problema. Dagdag pa rito, sabihin mo sa akin—kahit na wala siyang gaanong espirituwal na pang-unawa at hindi niya gaanong naaarok o nauunawaan ang iyong pagbabahagi, ngunit sumasang-ayon siya sa sinasabi mo, naniniwalang tama ang lahat ng ito, at handa siyang tanggapin ito, dapat ba natin siyang sukuan? (Hindi.) Bakit hindi? Kahit papaano, ang gayong mga tao ay may kaunting pagkatao at nagsasalita nang may katwiran. Kahit na wala siyang abilidad na umarok pagdating sa katotohanan, hangga’t hindi siya nasusuklam dito at hindi ito kinamumuhian, sapat na iyon. Mabuti siyang tao. Sinabi ng Panginoong Jesus ang mga salitang ito sa Kapanahunan ng Biyaya: “Ang hindi laban sa inyo, ay sumasa inyo(Lucas 9:50). Ano ang tingin ninyong lahat sa mga salitang ito? (Mabuti ang mga ito.) Bakit ito sinabi ng Panginoon? (Sa masamang kapanahunang ito, ang sangkatauhan ay lubhang tiwali, ang kanilang kalikasan ay partikular na malupit, at partikular silang namumuhi sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Kapag nangangaral tayo ng ebanghelyo, kung hindi sila sumasalungat, lumalaban, o umuusig sa atin, maituturing na silang mabuting tao.) Ang ibig sabihin ng Panginoong Jesus dito ay napakabihira ng gayong mga tao; hindi madaling magkamit ng kahit isa sa kanila. Napakakaunting tao sa masamang sangkatauhang ito ang kayang tumanggap sa katotohanan. Kapag nangangaral ka ng ebanghelyo sa isang tao, hangga’t hindi niya ito sinasalungat o kinokondena at handa siyang tumanggap, isa siyang taong may mabuting pagkatao. Dapat mo siyang pangaralan nang taimtim at hinding-hindi siya dapat sukuan. Kahit na hindi siya magtamo ng katotohanan sa huli, kahit papaano ay makakapagserbisyo siya. Kung isa siyang masamang tao, isang taong namumuhi sa katotohanan, huwag mo siyang pangaralan. Kahit pa maakay mo siya sa iglesia, hindi man lang siya makakapagserbisyo. Kaya, kapag nangangaral ng ebanghelyo, huwag tumuon sa kung mabuti ba o hindi ang kakayahan ng isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, o kung mayroon ba siyang espirituwal na pang-unawa o kung gaano kahusay ang kanyang pagkaarok. Hangga’t handa siyang makinig at tumanggap, dapat natin siyang tratuhin nang may pagmamahal at kamtin nang may pananagutan. Ayos ba iyon? (Ayos.) Kung gayon, ano ang tingin mo sa ibinahagi ko tungkol sa tanong na ito? (Mabuti, malinaw na ito ngayon.)

Tanong 3: Naniniwala ang ilang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, “Ang Diyos ay pag-ibig; hindi Niya tayo hahatulan.” Kapag binabanggit namin na ang mga sakuna ay paghatol ng Diyos sa sangkatauhan, sinasabi nila, “Palaging nangyayari ang mga sakuna; wala itong kinalaman sa paghatol ng Diyos.” Paano namin maibabahagi ang isyung ito nang mas epektibo?

Sagot: Taglay ng karamihan sa mga tao sa relihiyon ang kuru-kurong ito. Kung ganoon, dapat mo silang tanungin: “Sabihin ninyo sa akin, binabanggit ba sa mga propesiya sa Bibliya ang paghatol sa mga huling araw? Ipinropesiya ba sa Aklat ng Pahayag ang paghatol sa mga huling araw? Ipinopropesiya ba sa mga aklat ng mga propeta ang paghatol sa mga huling araw?” Ang mga bagay na pinakamadalas na ipinopropesiya sa Bibliya ay, una, ang pagbabalik ng Diyos—ibig sabihin, ang pagkakatawang-tao ng Diyos at pagparito sa gitna ng mga tao bilang ang Anak ng tao—at pangalawa, ang paghatol sa mga huling araw. Ang paghatol na ito ay tumutukoy sa gawain ng Diyos sa mga huling araw; kapwa ang mga aklat ng mga propeta sa Lumang Tipan at ang Aklat ng Pahayag sa Bagong Tipan ay nagpropesiya na darating ang Diyos upang gawin ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Ipinropesiya sa Bibliya na ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay magiging tulad ng pagpipino ng ginto at pilak, na sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagpipino ay lilinisin at ililigtas Niya ang sangkatauhan. Malinaw itong ipinropesiya sa Bibliya. Sabi sa Bibliya: “At Aking dadalhin sa apoy ang ikatlong bahagi, at sila ay dadalisayin Ko na parang pilak na dalisay, at sila ay susubukin Ko na parang pagsubok sa ginto(Zacarias 13:9). Kaya, nangangahas ka pa rin bang sabihin na hindi gagamitin ng Diyos ang paghatol para iligtas ang sangkatauhan? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na hindi hahatulan ng Diyos ang mga tao? Sa anong batayan mo nililimitahan ang Diyos sa pagsasabing hindi Niya hahatulan ang mga tao? Naniniwala ka na dahil ang Diyos ay pag-ibig, hindi Niya hahatulan ang mga tao. Kung gayon, ano ang pagkaunawa mo sa pag-ibig ng Diyos? Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol upang dalisayin at iligtas ang mga tao. Kaya, kung makakamit ng paghatol ang resulta ng pagdadalisay at pagliligtas sa mga tao, hindi ba’t pag-ibig iyon? (Oo.) Kung may ganitong kuru-kuro ang isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, dapat mo itong itanong sa kanya: “Nangangahas ka bang sabihin na dahil ang Diyos ay pag-ibig, hindi Niya hahatulan ang mga tao? Sa mga huling araw, ginagawa ng Makapangyarihang Diyos ang gawain ng paghatol at nadalisay at nailigtas na Niya ang isang grupo ng mga tao. Nakaalpas ang mga taong ito mula sa impluwensiya ni Satanas at naligtas na, at sa huli, dadalhin sila ng Diyos sa kaharian. Kaya, sabihin mo sa akin, hindi ba’t pag-ibig ang paghatol ng Diyos sa tao? Hindi ba’t kaligtasan ito?” Kapag tinanong mo ito sa kanya, wala na siyang masasabi. Ang paghatol ng Diyos ay tunay na pag-ibig. Kung walang paghatol ng Diyos, hindi makakamit ng mga tao ang kaligtasan. Kaya, bakit ang pag-ibig ng Diyos sa tao ngayon ay nagbago mula sa habag at mapagmahal na kabaitan ng Kapanahunan ng Biyaya tungo sa paghatol at pagkastigo? Ito ay dahil ang sangkatauhan ay lubhang nagawang tiwali ni Satanas, at ang kanilang paglaban at pagkakanulo sa Diyos ay sukdulang malubha. Kung walang paraan ng paghatol at pagkastigo, walang paraan para mailigtas ang sangkatauhan. Kaya, sabihin ninyo sa akin, pag-ibig ba ang paghatol at pagkastigo? (Oo.) Gumamit tayo ng isang halimbawa. Lahat ng magulang ay mahal ang kanilang mga anak. Sa anong mga paraan minamahal ng mga magulang ang kanilang mga anak? Ang pag-aalaga sa kanila nang may pagmamahal ay pag-ibig, at ang mabubuting salita ng panghihikayat ay pag-ibig din. Kung gayon, ang mahigpit na pagdidisiplina ba ay pag-ibig? Ang pagtutuwid at pagpaparusa ba sa kanila ay pag-ibig? (Oo.) Nakikita mo, maraming anyo ang pag-ibig ng mga magulang sa kanilang mga anak. Maaari ba talagang maging kasingsimple ng inaakala mo ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan? Maaari ba talagang ito ay habag at mapagmahal na kabaitan lamang, nang walang matuwid na paghatol? Makakamit ba niyan ang resulta ng pagdadalisay at pagliligtas sa mga tao? (Hindi.) Kung, pagkatapos mong makipagbahaginan sa kanila nang ganito, ay babanggitin mo ang mga propesiya mula sa mga aklat ng mga propeta sa Bibliya at sa Aklat ng Pahayag, at babasahan sila ng ilang salita ng Makapangyarihang Diyos, at malinaw na ibabahagi kung paano ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol upang iligtas ang mga tao sa mga huling araw, ang kabuluhan ng Kanyang gawain ng paghatol, at ang mga resultang nakakamit nito—kung pagkatapos mong maibahagi nang malinaw ang lahat ng ito sa kanya ay hindi pa rin niya ito tinatanggap, kung gayon siya ay isang taong walang espirituwal na pang-unawa. Talagang matigas ang ulo niya! Walang saysay makipag-usap sa gayong mga tao, kaya huwag mo na lang silang kausapin.

Tanong 4: Kamakailan, ang ilang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ay ayaw nang magpatuloy na makinig sa aming mga sermon pagkatapos marinig ang aming pangangaral. Ang pananaw nila ay: “Pakiramdam ko ay mabuti ang ipinapangaral ninyo, at medyo interesado ako, pero hindi tayo magkapareho ng iglesia, kaya ayaw ko nang makinig.” Ilang beses na ring pumunta sa kanila ang mga tagapangaral ng ebanghelyo, ngunit magalang silang lahat na tumanggi. Paano kami makikipagbahaginan nang mas epektibo sa sitwasyong ito?

Sagot: Kung gayon, sabihin ninyo sa akin, ano ang sanhi ng sitwasyong ito? Bakit sila magalang na tumatanggi sa iyo? Ano ang pangunahing dahilan dito? Sige, suriin ninyo. (Maaaring nakarinig ang ilan sa kanila ng ilang negatibong propaganda online o mula sa kanilang mga pastor at elder, kaya naging mapagbantay na sila.) Pagdating sa mga bagay na tulad nito, kailangan muna ninyong kilatisin ang diwa ng isyu. Kung mahahanap mo ang ugat na sanhi, malalaman mo kung paano ito lulutasin, tama ba? (Tama.) Gumamit tayo ng isang halimbawa. Ipagpalagay na may nagsaayos na makipag-date ka, at sinabi mo sa ka-date mo ang lahat ng tungkol sa iyong sarili, kabilang ang iyong mga interes, personalidad, at kung ano ang iyong hinahangad. Pagkatapos makinig, sinabi niya, “Mabuti kang tao, pero tingin ko ay sadyang hindi ako mapapaibig sa iyo. Hindi tayo bagay na magsama.” Magalang ka niyang tinanggihan. Sabihin mo sa akin, ano ang problema rito? (Hindi siya interesado; hindi ka talaga niya gusto.) Napakatumpak ng pagkaunawa mo riyan. Gayundin, kapag nangangaral ka ng ebanghelyo at natalakay mo na ang lahat ng dapat mong talakayin, kung nauunawaan ng isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang iyong pagbabahagi ngunit sinasabi pa rin niya ang gayong mga bagay, kung gayon, iisa lang ang dahilan: hindi niya minamahal ang katotohanan. Maaari ba nating sabihin ito sa ganitong paraan? (Oo.) Medyo pangkalahatang pahayag iyon. Hindi natin masasabi na lahat ng taong ito ay hindi nagmamahal sa katotohanan. Ang ilan ay maaaring ayaw makinig dahil mahina ang kanilang kakayahan at wala silang abilidad na umarok, at hindi nila nauunawaan ang kabuluhan ng ating ibinabahagi. Ngunit kung sinasabi pa rin ito ng isang taong may abilidad na umarok, kung gayon, iisa lang ang dahilan: Hindi niya minamahal ang katotohanan. Tama ba ang pagkilatis na ito? (Oo.) Ngayon, mayroon bang mga tao na, pagkatapos marinig ang iyong sinabi, ganap na inaamin sa kanilang puso na tama ka at na ang sinasabi mo ay naaayon sa Bibliya, ngunit sadyang ayaw nilang tanggapin ito? Mayroon bang mga ganoong tao? (Mayroon.) Ano ang problema rito? Malinaw nilang inaamin na ang mga salitang ito ay naaayon sa Bibliya, kaya kung taos-puso silang nananampalataya sa Diyos, bakit hindi nila ito tinatanggap? Hindi ba’t ito ay isang kontradiksyon? Nangangahulugan lamang ito na hindi nila minamahal ang katotohanan. Masasabi ba natin ito? (Oo.) Kaya, ano ang dapat mong gawin kapag magalang silang tumatanggi sa iyo? Halimbawa, inaanyayahan mo silang makinig sa isang sermon, at sinasabi nila, “Ayaw ko nang makinig; masyado akong abala.” Ano ang dapat mong sunod na sabihin? Dapat mo silang tanungin: “Sabihin mo sa akin, mayroon bang anumang bagay sa pakikipagbahaginan ko sa iyo na nakakapinsala sa iyo? Nakasasama ba ito sa iyong kinabukasan? Sa iyong pananalig sa Panginoon? Kung naniniwala ka na ang sinabi ko ay nakasasama sa iyong pananalig sa Panginoon o sa iyong paglago sa buhay, maaari kang tumanggi, at hindi ko na ito muling sasabihin sa iyo. Gayumpaman, kung kinikilala mo na ang sinabi ko ay kapaki-pakinabang sa iyong pananalig sa Panginoon, sa iyong paghahangad sa katotohanan, at sa iyong kalalabasan at hantungan, hindi ka dapat tumanggi.” Pagkatapos mong sabihin ang ganoong bagay sa kanila, tingnan mo kung paano sila tutugon. Kung sasabihin nila, “Pasensya na, pero masyado akong abala; ayaw ko lang talagang makinig,” at hindi sila makikinig anuman ang sabihin mo, kung gayon, sa sitwasyong iyon, dapat ka nang sumuko. Huwag sayangin ang iyong mga pagsisikap sa kanila; walang kabuluhan iyon. Kung gayon, ano ang tingin mo sa paglutas sa isyu sa ganitong paraan? (Mabuti.)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.