Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 8 (Ikalawang Bahagi)

Ngayong araw, magpatuloy tayo sa pamamagitan ng pagbabahaginan at pagsusuri sa susunod na pahayag tungkol sa moral na asal na: “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Naglalarawan ito ng isang pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa iba na ikinintal ni Satanas sa mga tao. Nangangahulugan ito na kapag nakikipag-ugnayan ka sa iba, dapat mo silang bigyan ng kaunting laya. Hindi ka dapat maging masyadong malupit sa iba, hindi mo puwedeng ungkatin ang mga dati nilang pagkakamali, kailangan mong panatilihin ang kanilang dignidad, hindi mo maaaring sirain ang magandang pakikitungo mo sa kanila, dapat kang maging mapagpatawad sa kanila, at iba pa. Ang kasabihang ito tungkol sa moralidad ay pangunahing naglalarawan ng isang uri ng pilosopiya sa pamumuhay na nagdidikta sa pakikipag-ugnayan sa mga tao. May isang doktrina sa mga pilosopiya sa pamumuhay na nagsasabing, “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.” Nangangahulugan ito na para maingatan ang isang pagkakaibigan, dapat manahimik ang isang tao tungkol sa mga problema ng kanyang kaibigan, kahit malinaw niyang nakikita ang mga iyon—na dapat niyang sundin ang mga prinsipyo ng hindi paghampas sa mga tao sa mukha o pagpuna sa kanilang mga pagkukulang. Lilinlangin nila ang isa’t isa, pagtataguan ang isa’t isa, iintrigahin ang isa’t isa; at bagama’t alam na alam nila kung anong klaseng tao ang isa’t isa, hindi nila iyon sinasabi nang tahasan, kundi gumagamit sila ng mga tusong pamamaraan para maingatan ang kanilang maayos na samahan. Bakit nanaisin ng isang tao na ingatan ang gayong mga relasyon? Tungkol iyon sa hindi pagnanais na magkaroon ng mga kaaway sa lipunang ito, sa loob ng grupo ng isang tao, na mangangahulugan na madalas na malalagay ang sarili sa mapanganib na mga sitwasyon. Dahil alam mong magiging kaaway mo ang isang tao at pipinsalain ka niya matapos mong punahin ang kanyang mga pagkukulang o matapos mo siyang saktan, at dahil ayaw mong ilagay ang sarili mo sa gayong sitwasyon, ginagamit mo ang doktrina ng mga pilosopiya sa pamumuhay na nagsasabing, “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Batay rito, kung gayon ang relasyon ng dalawang tao, maituturing ba silang tunay na magkaibigan? (Hindi.) Hindi sila tunay na magkaibigan, lalong hindi sila magkatapatang-loob. Kaya, ano ba talagang klaseng relasyon ito? Hindi ba’t isa itong pangunahing relasyong panlipunan? (Oo.) Sa gayong mga relasyong panlipunan, hindi naihahandog ng mga tao ang kanilang damdamin, ni wala silang malalalim na pag-uusap, ni sinasabi ang anumang gusto nila. Hindi nila masabi nang malakas ang nasa puso nila, o ang mga problemang nakikita nila sa isa’t isa, o ang mga salitang makakatulong sa isa’t isa. Sa halip, pumipili sila ng magagandang bagay na sasabihin, para patuloy silang magustuhan ng iba. Hindi sila nangangahas na sabihin ang totoo o itaguyod ang mga prinsipyo, dahil baka maging sanhi pa ito para mapoot sa kanila ang iba. Kapag walang sinumang banta sa isang tao, hindi ba’t mamumuhay ang taong iyon nang medyo maginhawa at payapa? Hindi ba’t ito ang layon ng mga tao sa pagtataguyod sa kasabihang, “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” (Oo.) Malinaw na ito ay isang tuso at mapanlinlang na paraan ng pag-iral, na may elemento ng pagtatanggol sa sarili, na ang layon ay pangalagaan ang sarili. Ang mga taong ganito ang pamumuhay ay walang mga katapatang-loob, walang matatalik na kaibigan na mapagsasabihan nila ng kahit anong gusto nila. Maingat sila laban sa isa’t isa, at tuso, at madiskarte, kinukuha ang kailangan nila mula sa relasyon. Hindi ba ganoon iyon? Sa ugat nito, ang layon ng “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” ay para hindi mapasama ang loob ng iba at hindi magkaroon ng mga kaaway, para protektahan ang sarili sa pamamagitan ng hindi pamiminsala sa sinuman. Isa itong diskarte at pamamaraan na ginagamit ng isang tao para hindi siya masaktan. Kung titingnan ang ilang aspetong ito ng diwa nito, marangal ba na igiit sa moral na asal ng mga tao na, “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila”? Positibo ba ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang itinuturo nito sa mga tao? Na kailangan ay hindi mo mapasama ang loob o masaktan ang sinuman, kung hindi, sa huli ay ikaw ang masasaktan; at gayundin, na hindi ka dapat magtiwala kaninuman. Kung sasaktan mo ang sinuman sa iyong mabubuting kaibigan, unti-unting magbabago ang inyong pagkakaibigan: Mula sa pagiging mabuti at matalik mong kaibigan ay magiging estranghero siya o isang kaaway. Anong mga problema ang malulutas ng pagtuturo sa mga tao na kumilos nang ganito? Kahit na, sa pamamagitan ng pagkilos sa ganitong paraan, hindi ka nagkakaroon ng mga kaaway at nawawalan pa nga ng iilan, dahil ba dito ay hahangaan at sasang-ayunan ka ng mga tao, at palagi kang ituturing na kaibigan? Ganap ba nitong nakakamit ang pamantayan para sa moral na asal? Hindi na ito hihigit pa sa isa lamang pilosopiya sa pamumuhay. Maituturing bang mabuting moral na asal ang pagsunod sa pahayag at kaugaliang ito? Hinding-hindi. Ganito magturo ang ilang magulang sa kanilang mga anak. Kung mabubugbog ang kanilang anak habang nasa labas, sasabihin nila sa anak nila, “Ang lampa mo naman. Bakit hindi ka lumaban? Kung susuntukin ka niya, sipain mo lang siya!” Ito ba ang tamang paraan? (Hindi.) Ano ang tawag dito? Pang-uudyok ang tawag dito. Ano ang layunin ng pang-uudyok? Ang maiwasan na maging lugi at ang manamantala ng iba. Kung susuntukin ka ng isang tao, sasakit iyon nang ilang araw, sa pinakamatagal; kung pagkatapos ay sisipain mo siya, hindi ba’t magiging mas malubha ang mga kalalabasan? At sino ang nakapagsanhi nito? (Ang mga magulang, dahil sa kanilang pang-uudyok.) Kaya hindi ba’t bahagya itong katulad ng kalikasan ng pahayag na “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila”? Tama bang kumilos ayon sa pahayag na ito? (Hindi.) Hindi, hindi tama. Kung titingnan ito mula sa anggulong ito, hindi ba’t isa itong paraan ng pang-uudyok sa mga tao? (Oo, ganoon nga.) Tinuturuan ba nito ang mga tao na maging matalino kapag nakikisalamuha sa iba, na matukoy ang pagkakaiba-iba ng mga tao, na makita nang tama ang mga tao at bagay-bagay, at na makisalamuha sa mga tao sa matalinong paraan? Itinuturo ba nito sa iyo na kung makakikilala ka ng mabubuting tao, ng mga taong may pagkatao, dapat mo silang tratuhin nang may sinseridad, bigyan sila ng tulong kung kaya mo, at kung hindi naman, dapat kang maging mapagparaya at tratuhin mo sila nang maayos, matuto kang palampasin ang kanilang mga pagkukulang, pagtiisan ang mga maling pagkaunawa at panghuhusga nila sa iyo, at matuto mula sa kanilang mga kalakasan at mabuting katangian? Iyon ba ang itinuturo nito sa mga tao? (Hindi.) Kaya, ano ang nagiging resulta ng itinuturo ng kasabihang ito sa mga tao? Ginagawa ba nitong mas matapat ang mga tao, o mas mapanlinlang? Nauuwi ito sa pagiging mas mapanlinlang ng mga tao; lalong napapalayo ang puso ng mga tao sa isa’t isa, lumalawak ang distansya sa pagitan ng mga tao, at nagiging kumplikado ang relasyon ng mga tao; katumbas ito ng komplikasyon sa panlipunang relasyon ng mga tao. Nawawala ang tapatang pag-uusap ng mga tao, at umuusbong ang maingat na pag-iisip ng mga tao sa isa’t isa. Magiging normal pa rin ba ang relasyon ng mga tao sa ganitong paraan? Gaganda ba ang mga pananaw sa lipunan? (Hindi.) Kaya nga malinaw na mali ang kasabihang “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Ang pagtuturo sa mga tao na gawin ito ay hindi makatutulong na makapamuhay sila ng isang normal na pagkatao; bukod pa riyan, hindi nito magagawang malinis, matuwid, o prangka ang mga tao. Hinding-hindi ito makapagtatamo ng anumang positibo.

Ang kasabihang “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” ay tumutukoy sa dalawang kilos: ang isa ay ang paghampas, at ang isa naman ay ang pagpuna. Sa mga normal na pakikisalamuha ng mga tao sa iba, tama ba o mali na hampasin ang isang tao? (Mali.) Ang paghampas ba sa isang tao ay pagpapakita at pag-uugali ng normal na pagkatao sa pakikisalamuha ng isang tao sa iba? (Hindi.) Talagang mali na hampasin ang mga tao, sa mukha man o sa ibang bahagi mo sila hampasin. Kaya, ang pahayag na “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha” ay likas na mali. Ayon sa kasabihang ito, lumilitaw na hindi tamang hampasin ang isang tao sa mukha, ngunit tama na manghampas sa ibang bahagi, dahil pagkatapos mahampas ang mukha ay namumula, namamaga, at napipinsala ito. Nagiging masama at hindi presentable ang hitsura ng tao, at ipinakikita rin nito na masyadong bastos, magaspang, at di-marangal ang paraan ng pagtrato mo sa mga tao. Kaya, marangal ba na hampasin ang mga tao sa ibang bahagi? Hindi—hindi rin iyon marangal. Sa katunayan, hindi nakatuon ang kasabihang ito sa kung saan dapat hampasin ang isang tao, kundi sa salitang “hampasin” mismo. Kapag nakikisalamuha sa iba, kung palagi kang nanghahampas ng iba bilang paraan ng pagharap at pagtugon sa mga problema, mali ang mismong pamamaraan mo. Nagagawa ito dahil sa pagiging padalos-dalos at hindi ito nakabatay sa konsiyensiya at katwiran ng pagkatao ng isang tao, at siyempre, lalong hindi ito pagsasagawa ng katotohanan o pagsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan. May ilang tao na hindi nang-aatake ng dangal ng iba kapag kaharap ang mga ito—maingat sila sa kanilang sinasabi at iniiwasan nilang manghampas ng iba sa mukha, ngunit lagi naman silang gumagawa ng masasamang pakana kapag hindi kaharap ang mga ito, kinakamayan ang mga ito sa ibabaw ng mesa ngunit sinisipa naman ang mga ito sa ilalim niyon, nagsasabi ng mabubuting bagay sa harapan ng mga ito ngunit nakikipagsabwatan naman laban sa mga ito kapag nakatalikod ang mga ito, humahanap ng kasiraan at ginagamit iyon laban sa mga ito, naghihintay ng mga pagkakataon upang maghiganti, nagpaparatang ng mali at nagpapakana, nagpapakalat ng mga sabi-sabi, o gumagawa ng mga alitan at gumagamit ng ibang tao upang atakihin ang mga ito. Ano ang higit na ibinuti ng mga mapaminsalang pamamaraang ito kaysa sa paghampas sa isang tao sa mukha? Hindi ba’t higit pang malubha ang mga iyon kaysa sa paghampas sa isang tao sa mukha? Hindi ba’t higit pang mapaminsala, malupit at hindi makatao ang mga iyon? (Oo, ganoon nga.) Kung gayon, ang pahayag na “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha” ay likas na walang saysay. Mismong ang perspektibong ito ay isang pagkakamali, na may pahiwatig ng pagkukunwari. Isa itong mapagpaimbabaw na pamamaraan, na ginagawa ito na lalo pang karima-rimarim, kasuklam-suklam, at kamuhi-muhi. Ngayon ay malinaw na sa atin na ang mismong paghampas sa mga tao ay nagagawa dahil sa pagiging padalos-dalos. Ano ang basehan mo para manghampas ng isang tao? Ipinahihintulot ba ito ng batas, o karapatan ba itong ibinigay sa iyo ng Diyos? Parehong hindi. Kaya, bakit ka manghahampas ng mga tao? Kung kaya mong normal na makisama sa isang tao, makagagamit ka ng mga tamang paraan para makasundo siya at makisalamuha sa kanya. Kung hindi mo siya makasusundo, maaari kayong maghiwalay ng landas nang hindi kinakailangang kumilos nang padalos-dalos o magkasakitan. Sa loob ng saklaw ng konsiyensiya at katwiran ng pagkatao, isa itong bagay na dapat gawin ng mga tao. Sa sandaling kumilos ka nang padalos-dalos, kahit pa hindi mo hampasin ang tao sa mukha kundi sa ibang bahagi, isa itong malubhang problema. Hindi ito normal na paraan ng pakikisalamuha. Ganito makisalamuha ang magkakaaway, hindi ang normal na paraan ng pakikisalamuha ng mga tao. Hindi ito katanggap-tanggap na katinuan ng pagkatao. Ang salita bang “punahin” sa kasabihang “kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” ay mabuti o masama? Ang salita bang “punahin” ay may antas kung saan tumutukoy ito sa pagkahayag o pagkalantad ng mga tao sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Mula sa Aking pagkaunawa sa salitang “punahin” batay sa pag-iral nito sa wika ng tao, wala itong gayong kahulugan. Ang diwa nito ay isang medyo mapaminsalang uri ng paglalantad; nangangahulugan ito na ibunyag ang mga problema at pagkukulang ng mga tao, o ang ilang bagay at pag-uugali na lingid sa kaalaman ng iba, o ilang intriga, ideya, o pananaw na nasa likod. Ito ang kahulugan ng salitang “punahin” sa kasabihang “kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Kung ang dalawang tao ay magkasundo at magkatapatang-loob, na walang mga hadlang sa pagitan nila, at kapwa sila umaasa na maging pakinabang at tulong sa isa’t isa, magiging pinakamainam para sa kanila na umupo nang magkatabi at ilantad ang mga problema ng isa’t isa nang bukas at taos-puso. Ito ay nararapat, at hindi ito pagpuna sa mga pagkukulang ng iba. Kapag natuklasan mo ang mga problema ng ibang tao ngunit nakita mong hindi pa niya kayang tanggapin ang payo mo, huwag ka na lang magsalita ng kahit ano, para maiwasan ang away o alitan. Kung gusto mo siyang tulungan, maaari mong hingin ang kanyang opinyon at tanungin muna siya, “Nakikita kong medyo may problema ka, at nais kong bigyan ka ng kaunting payo. Hindi ko alam kung makakaya mo itong tanggapin. Kung makakaya mo, sasabihin ko sa iyo. Kung hindi mo makakaya, sasarilinin ko muna ito sa ngayon at hindi ako magsasalita.” Kapag sinabi niyang “Pinagkakatiwalaan kita. Anuman ang sasabihin mo ay magiging katanggap-tanggap; kaya ko itong tanggapin,” ang ibig sabihin niyon ay nabigyan ka ng pahintulot, at maaari mo nang isa-isang ipaalam sa kanya ang kanyang mga problema. Hindi lamang niya lubusang tatanggapin ang sasabihin mo, kundi makikinabang din siya mula rito, at maaari pa ring mapanatili ninyong dalawa ang isang normal na relasyon. Hindi ba iyan pagtrato sa isa’t isa nang may sinseridad? (Oo.) Ito ang tamang pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa iba; hindi ito pagpuna ng mga pagkukulang ng iba. Ano ang ibig sabihin ng huwag “punahin ang mga pagkukulang ng iba,” gaya ng sabi ng kasabihang pinag-uusapan? Nangangahulugan ito na huwag magsalita tungkol sa mga kakulangan ng iba, na huwag magsalita tungkol sa mga pinakamaselan nilang problema, na huwag ilantad ang diwa ng kanilang problema, at na huwag masyadong maging lantaran sa pagpuna. Nangangahulugan ito na magbigay lang ng ilang mabababaw na komento, sabihin ang mga bagay na karaniwang sinasabi ng lahat, sabihin ang mga bagay na naiintindihan na ng tao mismo, at huwag magbunyag ng mga pagkakamaling nagawa ng tao dati o mga sensitibong isyu. Anong magiging pakinabang nito sa tao kung kikilos ka nang ganito? Marahil ay hindi mo sila nainsulto o naging kaaway, pero ang nagawa mo ay hindi nakakatulong o nakakabuti sa kanila. Kaya, ang mismong pariralang “huwag mong punahin ang mga pagkukulang ng iba” ay hindi tuwiran at isang uri ng panlilinlang na hindi hinahayaan na tratuhin ng mga tao ang isa’t isa nang may sinseridad. Maaaring sabihin ng isang tao na ang pagkilos sa ganitong paraan ay pagkimkim ng masasamang layunin; hindi ito ang tamang paraan ng pakikipag-ugnayan sa iba. Itinuturing pa nga ng mga hindi mananampalataya ang “kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” bilang isang bagay na dapat gawin ng isang taong may marangal na moralidad. Malinaw na isa itong mapanlinlang na pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa iba, na ginagamit ng mga tao para protektahan ang kanilang sarili; hindi talaga ito isang tamang sistema ng pakikipag-ugnayan. Ang mismong hindi pagpuna sa mga pagkukulang ng iba ay kawalan ng sinseridad, at marahil ay may lihim na intensyon sa pagpuna sa mga pagkukulang ng iba. Sa anong mga sitwasyon mo karaniwang nakikita na pinupuna ng mga tao ang mga pagkukulang ng isa’t isa? Heto ang isang halimbawa: Sa lipunan, kung tumatakbo ang dalawang kandidato para sa isang partikular na katungkulan, pupunahin nila ang mga pagkukulang ng isa’t isa. Sasabihin ng isa, “Nakagawa ka ng isang masamang bagay, at nangdispalko ka ng magkano mang halaga ng pera,” at sasabihin naman ng isa pa, “Nakapinsala ka ng gaano man karaming tao.” Ibinubunyag nila ang ganoong mga bagay tungkol sa isa’t isa. Hindi ba’t pagpuna ito sa mga pagkukulang ng isa’t isa? (Oo, ganoon nga.) Ang mga pumupuna sa mga pagkukulang ng isa’t isa sa politikal na entablado ay magkakalaban sa pulitika, samantalang kapag mga ordinaryong tao ang gumagawa niyon, sila ay magkakaaway. Sa simpleng pananalita, masasabi na hindi magkasundo ang dalawang taong ito. Sa tuwing magkikita sila, magsisimula silang magtalo, punahin ang mga pagkukulang ng isa’t isa, husgahan at kondenahin ang isa’t isa at palakihin pa nga ang maliliit na bagay at magparatang ng mga kabulaanan. Hangga’t may anumang kahina-hinala sa ginagawa ng kalaban niya, ilalantad niya ito at kokondenahin ang kalaban niya dahil doon. Kung maraming pinupuna ang mga tao tungkol sa isa’t isa pero hindi ang mga pagkukulang ng iba, marangal ba na gawin iyon? (Hindi.) Hindi marangal, ngunit itinuturing pa rin ng mga tao na marangal na moral na asal ang prinsipyong ito at pinupuri nila ito, na talagang kasuklam-suklam! Ang kasabihang “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” ay nabibigo sa ganang sarili nito sa pagtataguyod ng anumang positibo. Naiiba ito sa mga kasabihang “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan,” at “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal,” na kahit papaano ay nagtataguyod ng kapuri-puring moral na asal. Ang sawikaing “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” ay isang pahayag tungkol sa moral na asal na nag-uudyok ng negatibong pag-uugali at na walang anumang positibong pakinabang sa mga tao. Hindi nito sinasabi sa mga tao kung ano ang mga tamang paraan o prinsipyo para kumilos sa buhay sa mundong ito. Hindi ito nagbibigay ng anumang gayong impormasyon. Ang tanging ginagawa nito ay sabihan ang mga tao na huwag hampasin ang iba sa mukha, na para bang ayos lang na hampasin sila kahit saan maliban sa mukha. Hampasin ninyo sila hangga’t gusto ninyo; iwanan ninyo silang bugbog-sarado, baldado, o agaw-buhay pa nga, basta’t humihinga pa sila. At kapag may alitan ang mga tao, kapag nagkikita ang magkakaaway o magkakalaban sa pulitika, puwede nilang punahin ang anumang naisin nila tungkol sa isa’t isa, basta’t hindi nila pupunahin ang mga pagkukulang ng isa’t isa. Anong uri ng pamamaraan iyon? Dati ba ay hindi kayo gaanong sumasang-ayon sa kasabihang ito? (Oo.) Ipagpalagay ninyong nagkaroon ng alitan ang dalawang tao at nagsimulang magtalo. Sabi ng isa sa kanila, “Alam kong hindi ang asawa mo ang ama ng anak mo,” at sabi naman ng isa, “Alam ko ang mga pandarayang ginagamit sa negosyo ng pamilya ninyo para magkapera.” Magkokomento ang ilang tao tungkol sa nilalaman ng kanilang away, sinasabing, “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila. Panoorin ninyo silang ungkatin ang ilang pagkukulang at nakahihiyang lihim ng isa’t isa at palakihin ang mga iyon. Mababaw na pag-uugali! At malaking kawalan din ng integridad. Magpakita man lang sana kayo ng kaunting respeto sa mga tao, kung hindi ay paano na sila aasal sa hinaharap?” Tama ba o mali na magbigay ng ganitong mga komento? (Mali.) Mayroon ba itong ni katiting na positibong epekto? Kahit bahagya ba ay naaayon sa katotohanan ang alinman dito? (Hindi.) Anong uri ng mga ideya at perspektibo ang kailangang taglayin ng isang tao upang magbigay ng gayong mga komento? Nagmumula ba ang gayong mga komento sa isang taong may diwa ng pagiging matuwid na nakauunawa sa katotohanan? (Hindi.) Sa anong batayan nagmumula ang gayong mga komento? Ibinigay ba ang mga iyon dahil lubusan silang naiimpluwensyahan ng ideya ng tradisyonal na kultura na “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila”? (Oo.) Ang mga komentong ito ay lubos na nakabatay sa ideya at perspektibong ito sa tradisyonal na kultura.

Tungkol sa alitan ng dalawang taong pinag-usapan natin, kung titingnan ninyo ang bagay na ito mula sa perspektibo ng isang taong sumasampalataya sa Diyos, paano ito dapat harapin, alinsunod sa mga salita ng Diyos at gamit ang katotohanan bilang pamantayan? Hindi ba’t isa itong bagay na dapat pagnilayan ng mga tao? (Oo, ganoon nga.) Isa itong bagay na dapat ninyong pagnilayan. Ano ang mga prinsipyo na dapat sundin ng mga mananampalataya? Kailangan nilang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos sila, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang kanilang pamantayan ay ang katotohanan. Kung magkakaroon ng alitan sa pagitan ng mga kapatid, kailangan nilang maging mapagparaya at mapagpasensya sa isa’t isa, at tratuhin ang isa’t isa nang may pagmamahal. Kailangan muna nilang magnilay-nilay at magtamo ng kamalayan sa sarili, pagkatapos ay lutasin ang problema alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, nang makilala nila ang mga sarili nilang pagkakamali at matalikdan nila ang laman, at matrato ang iba alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan. Sa ganitong paraan, malulutas nila ang problema sa pinakaugat nito. Dapat kayong magtamo ng lubos na pagkaunawa sa problemang ito. Ang kasabihang “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” ay hindi isang pamantayan sa pagsukat ng pagkatao, kundi isa lamang batayang pilosopiya sa pamumuhay, isa na hindi talaga makalilimita sa tiwaling pag-uugali ng mga tao. Talagang walang saysay ang kasabihang ito, at hindi kinakailangang sundin ng mga mananampalataya ang gayong panuntunan. Dapat na makisalamuha ang mga tao sa isa’t isa alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa mga prinsipyo ng katotohanan. Ang mga iyon ang dapat na sundin ng mga mananampalataya. Kung sumasampalataya ang mga tao sa Diyos ngunit naniniwala pa rin sa mga tradisyonal na kultural na pananaw at satanikong pilosopiya, at gumagamit ng mga ideya ng tradisyonal na kultura na tulad ng “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” upang sukatin ang mga tao at limitahan ang iba, o upang magpataw ng mga kahilingan sa kanilang mga sarili, katawa-tawa at hibang sila, at sila ay mga walang pananampalataya. Ang kasabihang “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” ay isang satanikong pilosopiya para sa pakikisalamuha sa mga kaibigan ng isang tao, na hindi makalulutas ng mahahalagang pinag-uugatang problema ng mga ugnayan sa pagitan ng mga tao. Samakatuwid, ang kasabihang ito ay isang napakababaw na panuntunan, isang napakababaw na pilosopiya sa pamumuhay. Labis nitong hindi naaabot ang mga pamantayan ng mga prinsipyo ng katotohanan, at walang anumang makakamit sa pagsunod sa gayon kababaw na panuntunan at wala talaga itong saysay. Makatarungan bang sabihin ito? (Oo, makatarungan.) Kapag nagkakaroon ng alitan sa pagitan ng mga kapatid, ano ba ang dapat na maging prinsipyo sa pagtingin at paglutas dito? Ito ba ay ang sundin ang mga panuntunan ng tradisyonal na kultura, o ang gamitin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan bilang prinsipyo? Sabihin ninyo sa Akin ang inyong pananaw. (Una sa lahat, dapat nating suriin at malaman ang kalikasan ng kanilang alitan at ang mga padalos-dalos nilang paratang laban sa isa’t isa alinsunod sa mga salita ng Diyos, nang kinikilala na ang mga ito ay mga pagpapakita ng mga tiwaling disposisyon. Pagkatapos, dapat tayong magbahagi sa kanila tungkol sa nauugnay na landas ng pagsasagawa. Dapat nilang tratuhin ang isa’t isa nang may pagmamahal, dapat silang magtaglay ng konsiyensiya at katwiran, at ang kanilang sinasabi at ginagawa ay dapat na makabuti sa kabilang panig sa halip na makasakit dito. Kung ang kabilang panig ay may mga kakulangan o nakagawa ng mga pagkakamali, dapat nila itong harapin nang tama sa pamamagitan ng pagtulong kung kaya nila, sa halip na atakihin, husgahan, o kondenahin ito.) Isa itong uri ng pagtulong sa mga tao. Kaya, ano ang maaaring sabihin upang matulungan sila at malutas ang kanilang alitan? (Nagtatalo sila sa loob ng iglesia, at ito mismo ay hindi karapat-dapat sa mga banal at hindi naaayon sa mga hinihingi ng Diyos. Kaya puwede tayong magbahagi sa kanila sa pamamagitan ng pagsasabi na, “Kapag natuklasan ninyong may mga problema ang isang tao, tumulong kayo kung kaya ninyo. Kung hindi kayo makatutulong, hindi kinakailangang makipagtalo, kung hindi ay magugulo nito ang buhay ng iglesia, at kung magpapatuloy kayo sa kabila ng paulit-ulit na pagpapayo, tutugunan ito ng iglesia alinsunod sa mga atas administratibo nito.”) Mukhang alam na ninyong lahat kung paano pakikitunguhan ang mga taong nanggugulo sa buhay ng iglesia alinsunod sa mga prinsipyo, ngunit hindi pa rin ninyo gaanong alam kung paano haharapin ang mga alitan sa pagitan ng mga tao, o kung alin sa mga salita ng Diyos ang dapat gamitin para harapin ang mga iyon—hindi pa rin ninyo alam kung paano gagamitin ang mga salita ng Diyos at ang mga prinsipyo ng katotohanan upang lumutas ng mga problema. Sa bagay na ito, ano ang mga problemang mayroon mismo ang bawat partido? Pareho ba silang mayroong mga tiwaling disposisyon? (Oo.) Yamang pareho silang mayroong mga tiwaling disposisyon, tingnan ninyo kung ano ang mga tiwaling disposisyong ipinakita ng bawat tao noong maganap ang alitan, at kung ano ang mga pinagmumulan niyon. Tukuyin ninyo ang mga naipakitang tiwaling disposisyon, at pagkatapos ay gamitin ang mga salita ng Diyos upang ilantad at suriin ang mga iyon, upang pareho silang bumalik sa harap ng Diyos at magtamo ng kamalayan sa sarili alinsunod sa mga salita ng Diyos. Kaya, anu-ano ang mga pangunahing bagay na dapat ninyong ibahagi sa kanila? Maaari mong sabihin ang katulad nito: “Kung kinikilala ninyong dalawa na mga tagasunod kayo ng Diyos, huwag kayong magtalo, dahil hindi makalulutas ng mga problema ang mga pagtatalo. Huwag ninyong tratuhin nang ganyan ang mga taong sumasampalataya at sumusunod sa Diyos, at huwag ninyong tratuhin ang mga kapatid tulad ng pagtrato ng mga hindi mananampalataya sa mga tao. Ang paggawa niyon ay hindi alinsunod sa kalooban ng Diyos. Paano hinihingi ng Diyos na tratuhin ng mga tao ang iba? Napakalinaw ng mga salita ng Diyos: Maging mapagpatawad, mapagparaya, at mapagpasensya, at mahalin ninyo ang isa’t isa. Kung nakikita mo na may malulubhang problema ang taong iyan at hindi ka nasisiyahan sa nagawa niya, dapat kang magbahagi tungkol dito sa isang makatwiran at epektibong paraan, nang may mapagpatawad, mapagparaya, at mapagpasensyang saloobin. Mas makabubuti kung matatanggap ito ng taong iyon at matatanggap niya ito mula sa Diyos. Kung hindi niya magagawa iyon, natupad mo pa rin ang responsibilidad mo, at hindi mo kailangang maglunsad ng mga padalos-dalos na atake laban sa kanya. Kapag nagtatalo ang magkakapatid at pinupuna nila ang mga pagkukulang ng isa’t isa, pag-uugali iyon na hindi karapat-dapat sa mga banal, at hindi ito nakaayon sa kalooban ng Diyos. Hindi dapat ganoon ang asal ng mga mananampalataya. At para naman sa taong pinararatangan, kahit na sa palagay mo ay kumilos ka nang makatwiran at hindi ka dapat punahin ng taong iyon, kahit gayon pa, dapat mong bitiwan ang mga personal mong pagkiling, at harapin ang problema at ang mga paratang ng kabilang partido nang mahinahon at bukas-loob. Hinding-hindi ka dapat lumaban nang padalos-dalos. Kung pareho kayong magiging padalos-dalos at hindi ninyo mapipigilan ang inyong mga sarili, dapat kayong magsimula sa pamamagitan ng pag-alis sa sitwasyong iyon. Kumalma kayo at huwag na ninyong ipagpatuloy na harapin ang problemang iyon, upang hindi kayo mahulog sa patibong ni Satanas at matukso ni Satanas. Maaari kayong magdasal nang sarilinan, humarap sa Diyos upang hingin ang Kanyang tulong, at pagsikapang gamitin ang mga salita ng Diyos upang lutasin ang inyong mga problema. Kapag pareho na ninyong kayang kumalma at tratuhin ang isa’t isa nang mahinahon at makatwiran, nang hindi kumikilos o nagsasalita nang padalos-dalos, maaari na kayong magsama para magbahaginan tungkol sa mga pinagtatalunang problema, hanggang sa magkasundo kayo, magkaisa sa mga salita ng Diyos, at magkamit ng solusyon sa problema.” Hindi ba’t angkop na sabihin iyon? (Oo.) Ang katunayan, kapag nagtatalo ang dalawang tao, pareho silang nagpapakita ng mga tiwaling disposisyon, at pareho silang nagpapakita ng pagiging padalos-dalos. Pawang satanikong pag-uugali iyon. Wala sa kanila ang tama o mali, at wala sa pag-uugali ng dalawa ang naaayon sa katotohanan. Kung tiningnan at hinarap mo sana ang problema alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, hindi kayo magkakaroon ng alitan. Kung ang isang partido ay tiningnan lang sana ang mga tao at bagay-bagay, umasal at kumilos alinsunod sa mga salita ng Diyos, hindi magkakaroon ng alitan. Samakatuwid, kung pupunahin ng dalawang tao ang mga pagkukulang ng isa’t isa at hahampasin ang isa’t isa sa mukha, pareho silang padalos-dalos na siga. Walang mabuti tungkol sa kanila; walang tama sa kanila, at walang mali sa kanila. Ano ang batayan sa pagsukat ng tama at mali? Nakasalalay ito sa perspektibo at paninindigang gagamitin mo ukol sa bagay na ito, kung ano ang mga motibo mo, kung taglay mo ba ang batayan ng mga salita ng Diyos, at kung ang ginagawa mo ba ay naaayon sa katotohanan. Malinaw na ang motibo sa likod ng alitan ninyo ay ang supilin at daigin ang kabilang partido. Ibinubunyag at sinasaktan ninyo ang isa’t isa gamit ang masasakit na salita. Hindi mahalaga kung ang ibinubunyag ninyo ay tama, ni kung tama o mali ba ang punto ng alitan ninyo—dahil hindi ninyo hinaharap ang bagay na ito alinsunod sa mga salita ng Diyos, gamit ang katotohanan bilang inyong pamantayan, at ang ipinakikita ninyo ay ang inyong pagiging padalos-dalos, at ang pamamaraan at mga prinsipyo ng inyong mga kilos ay lubos na nakabatay sa pagiging padalos-dalos, matapos maudyukang gawin iyon ng mga tiwaling satanikong disposisyon, samakatuwid, kahit sino pa ang nasa tama, ni sino ang nakalalamang at sino ang nalulugi, ang katunayan ay pareho kayong mali at may pananagutan. Ang paraan ng pagharap ninyo sa bagay na ito ay hindi nakabatay sa mga salita ng Diyos. Dapat ay huminahon kayong pareho at maingat ninyong pag-isipan ang sarili ninyong mga problema. Kapag kaya na ninyo parehong maging payapa sa harap ng Diyos at harapin ang problema nang malamig ang ulo ay saka lamang kayo maaaring maupo at magbahaginan tungkol doon sa isang kalmado at mahinahong paraan. Basta’t ang mga pananaw ng parehong tao ukol sa mga tao at bagay-bagay, at ang kanilang mga asal at pagkilos, ay nakabatay sa mga salita ng Diyos at sa mga prinsipyo ng katotohanan, gaano man magkaiba ang kanilang mga ideya at perspektibo sa isang partikular na bagay, wala talagang tunay na pagkakaibang masasabi, at walang problema. Basta’t hinaharap nila ang kanilang mga pagkakaiba gamit ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan bilang kanilang prinsipyo, sa huli, tiyak na magkakasundo sila at malulutas ang kanilang mga di-pagkakaunawaan. Ganito ba ninyo harapin ang mga problema? (Hindi.) Sadyang hindi ninyo alam kung paano gamitin ang katotohanan upang lumutas ng mga problema, maliban sa pamamaraan ninyo ng paggamit ng mga parusang administratibo. Kung ganoon, ano ang pangunahing aral sa pagharap sa kabuuan ng bagay na ito? Hindi ito tungkol sa paghiling sa mga tao na kalimutan na ang kanilang mga di-pagkakaunawaan, kundi tungkol sa paglutas sa mga iyon sa tamang paraan at pagtatamo ng pagkakaisa. Ano ang batayan sa paglutas ng mga di-pagkakaunawaan? (Ang mga salita ng Diyos.) Tama iyan: Hanapin ninyo ang batayan sa mga salita ng Diyos. Hindi ito tungkol sa pagsusuri kung sino ang tama at kung sino ang mali, kung sino ang nakatataas at sino ang nakabababa, o kung sino ang may katwiran at sino ang wala. Bagkus, tungkol ito sa paglutas sa problema ng mga ideya at perspektibo ng mga tao, na nangangahulugang paglutas sa mga maling ideya at perspektibo at mga maling paraan ng mga tao sa pagharap sa isang partikular na problema. Tanging sa paghahanap ng batayan sa mga salita ng Diyos, at tanging sa pag-unawa sa mga prinsipyo ng katotohanan, na tunay na malulutas ang mga problema at tunay na makapamumuhay ang mga tao nang magkakasundo, nang may pagkakaisa. Kung hindi, kung gagamit ka ng mga pahayag ng tradisyonal na kultura at mga pamamaraang tulad ng “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” para harapin ang mga bagay-bagay, hindi kailanman malulutas ang mga problema, o kahit papaano, hindi malulutas ang mga pagkakaiba ng mga ideya at perspektibo ng mga tao. Samakatuwid, kailangang matutuhan ng lahat na maghanap ng batayan sa mga salita ng Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay pawang katotohanan, at walang nagkakasalungatan sa mga iyon. Ang mga iyon ang tanging pamantayan sa pagsukat sa lahat ng tao, usapin, at bagay-bagay. Kung ang lahat ay nakahahanap ng batayan sa mga salita ng Diyos, at ang kanilang mga pananaw sa mga bagay-bagay ay nagkakaisa sa mga salita ng Diyos, hindi ba’t madali na para sa mga tao na humantong sa kasunduan? Kung kayang tanggapin ng lahat ang katotohanan, magkakaroon pa rin ba ng mga di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga tao? Magkakaroon pa rin ba ng mga alitan? Kakailanganin pa rin bang gumamit ng mga ideya at perspektibo at pahayag na tulad ng “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” bilang mga limitasyon sa mga tao? Hindi na, dahil kayang lutasin ng mga salita ng Diyos ang lahat ng problema. Anumang di-pagkakasunduan ng mga tao, o gaano man karami ang iba’t ibang perspektibo, dapat maiharap ang lahat ng iyon sa Diyos, at makilatis at masuri alinsunod sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos ay magiging posible nang matukoy kung alinsunod ang mga iyon sa katotohanan. Kapag naunawaan na ng mga tao ang katotohanan, makikita nila na karamihan sa mga ideya at perspektibo ng tiwaling sangkatauhan ay nagmumula sa tradisyonal na kultura, mula sa mga luminaryo at dakilang taong sinasamba ng mga tao—subalit sa ugat ng mga iyon, nagmumula ang mga iyon sa mga satanikong pilosopiya. Samakatuwid, ang mga maling ideya at perspektibong ito ay madali lang talagang lutasin. Bakit Ko sinasabing madaling lutasin ang mga iyon? Dahil, kung susukatin mo ang mga ideya at perspektibong ito ng tao gamit ang mga salita ng Diyos, makikita mo na pawang katawa-tawa, di-mapaninindigan, at di-makatwiran ang mga ito. Kung kayang tanggapin ng mga tao ang katotohanan, madaling bitiwan ang mga bagay na ito, at sa gayon ay malulutas ang lahat ng problema. Ano ang natatamo pagkatapos malutas ang mga problema? Mabibitiwan na ng lahat ang kanilang mga opinyon at mga personal at pansariling ideya at perspektibo. Gaano man karangal at kawasto sa palagay mo ang mga iyon, gaano man katagal nang lumalaganap ang mga iyon sa mga tao, basta’t hindi naaayon ang mga iyon sa katotohanan, dapat mong tanggihan at itigil na ang mga iyon. Sa huli, sa sandaling tanggapin na ng lahat ng tao ang mga salita ng Diyos bilang kanilang batayan at tanggihan na ang lahat ng nanggagaling sa mga tao, hindi ba’t magkakaisa na ang kanilang mga ideya at perspektibo? (Oo.) Kapag pawang nagkakaisa na ang mga ideya at perspektibong tumutukoy sa mga pananaw ng mga tao ukol sa mga tao at bagay-bagay, pati na ang kanilang asal at mga kilos, ano pa ang mga magiging di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga tao? Pinakamalaki na na magkakaroon ng kaunting pagkakaiba sa pagkain at paraan ng pamumuhay. Ngunit pagdating sa mga bagay na may kinalaman talaga sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, sa landas na kanilang tinatahak, at sa diwa ng sangkatauhan, kung tatanggapin ng lahat ng tao ang mga salita ng Diyos bilang ang kanilang batayan at ang katotohanan bilang ang kanilang pamantayan, magkakasundo-sundo sila. Hindi mahalaga kung ikaw ay taga-Silangan o taga-Kanluran, matanda o bata, lalaki o babae, o kung isa kang intelektuwal, isang manggagawa, o isang magsasaka: Basta’t kaya mong makisalamuha sa iba alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, magkakaroon pa rin ba ng mga pag-aaway at alitan sa pagitan ng mga tao? Hindi na. Kaya, maipapanukala pa rin ba ang mga pambatang utos tulad ng “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” bilang solusyon sa mga alitan ng mga tao? Maaari pa rin ba ang mga iyong maging mga salawikaing susundin ng mga tao sa mga pakikisalamuha nila sa isa’t isa? Ang gayong mabababaw na panuntunan ay walang halaga sa sangkatauhan, at hindi maaapektuhan ng mga iyon ang mga pananaw ng mga tao ukol sa mga tao at bagay-bagay, pati na ang kanilang asal at mga kilos, sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Pag-isipan mo: Hindi ba’t ganoon nga? (Oo, ganoon nga.) Dahil talagang napakalayo ng mga iyon sa katotohanan, at walang anumang epekto sa mga pananaw ng mga tao ukol sa mga tao at bagay-bagay, o sa kanilang asal at mga kilos, dapat nang itakwil ang mga iyon, sa wakas.

Kung titingnan ang pinagbahaginan natin sa itaas, hindi ba’t masasabi nang may katiyakan na ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ang pamantayan kung saan masusukat ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay-bagay, at na ang tradisyonal na kultura at mga moral na kasulatan ng sangkatauhan ay di-mapaninindigan at walang halaga sa harap ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan? (Oo.) Tungkol naman doon sa “marangal” na moral na utos na “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” na iginagalang ng sangkatauhan, anong uri ng pananaw at perspektibo ang dapat gamitin ng mga tao para tingnan ito ngayon? Dapat bang ipagpatuloy ng mga tao ang pagsamba at pagsunod sa gayong mga salita? (Hindi.) Paano dapat itakwil ang mga iyon, kung ganoon? Magsimula sa pagiging hindi padalos-dalos o pabigla-bigla kapag may mga nangyayari sa iyo. Tratuhin nang tama ang lahat ng tao at lahat ng bagay, huminahon, humarap sa Diyos, hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, at maghanap ng landas ng pagsasagawa, upang matrato mo nang tumpak ang mga tao at pangyayari batay sa mga salita ng Diyos, sa halip na maigapos o malimitahan ka ng kasabihan tungkol sa moral na asal na nagsasabing, “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Hindi ba’t magiging mas madali at mas kagalak-galak para sa iyo ang pamumuhay nang ganoon? Kung hindi tatanggapin ng mga tao ang katotohanan, imposible para sa kanila na makawala sa pagpipigil ng mga tiwaling disposisyon, at mahirap para sa kanila na makisalamuha sa iba sa grupong kinabibilangan nila. Maaaring may tao na hindi mo inaapi, ngunit gusto ka niyang apihin. Gusto mong makasundo ang isang tao, ngunit palagi siyang nagdudulot ng problema sa iyo. Nag-iingat ka sa mga partikular na tao at iniiwasan sila, ngunit sa kabila niyon ay patuloy sila sa panggugulo at pangungulit sa iyo. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan at wala kang batayan sa mga salita ng Diyos, ang tanging magagawa mo ay ang magpatuloy sa pakikipaglaban sa kanila hanggang sa huli. Kung magkakataong makaharap ka ng isang nakasisindak na nang-aapi, mararamdaman mong wala kang magagawa kundi sundin ang kasabihang, “Para sa maginoo hindi lubhang huli ang maghintay bago maghiganti.” Maghihintay ka ng tamang pagkakataon para maghiganti sa kanya, gamit ang mauutak na pamamaraan para pabagsakin siya. Bukod sa maipahahayag mo na ang iyong hinaing, mahihikayat mo pa ang lahat na purihin ka dahil sa iyong diwa ng pagiging matuwid, at mapaiisip mo sa kanila na ikaw ang maginoo at siya ang kontrabida. Ano ang palagay ninyo sa pamamaraang ito? Ito ba ang tamang paraan ng pag-asal sa mundo? (Hindi.) Ngayon ay nauunawaan na ninyo. Kaya, sino ang mabuting tao: ang maginoo o ang kontrabida? (Wala sa kanila ang mabuti.) Ang mga maginoong tinitingala ng mga hindi mananampalataya ay kulang ng pang-uri: “huwad.” Sila ay “mga huwad na maginoo.” Kaya, anuman ang gawin ninyo, huwag kayong maging maginoo, dahil ang lahat ng maginoo ay nagpapanggap lamang. Kaya, paano kailangang kumilos ang isang tao upang makapanatili sa tamang landas? Ayos lang ba na kumilos na tulad ng isang “tunay na maginoo” na, “kung manghahampas siya ng iba, hindi niya sila hahampasin sa mukha; at kung pupuna siya ng iba, hindi niya pupunahin ang mga pagkukulang nila”? (Hindi.) Lahat ng mga maginoo at tanyag na taong iyon ay peke at mapanlinlang, at mga huwad na maginoo sila. Maaari na silang lahat mapunta sa impiyerno! Kung ganoon ay paano dapat umasal ang isang tao? Sa pamamagitan ng pagiging isang taong naghahangad sa katotohanan, na tinitingnan ang mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Sa gayong pag-asal lamang nagiging tunay na tao ang isang tao. Ito ba ang tamang paraan o hindi? (Ito nga.) Ano ang dapat mong gawin kung patuloy na pinupuna ng isang tao ang iyong mga pagkukulang? Maaari mong sabihing, “Kung pupunahin mo ako, pupunahin din kita!” Mabuti bang puntiryahin ang isa’t isa nang ganoon? Ganoon ba ang dapat na asal, pagkilos, at pagtrato ng mga tao sa iba? (Hindi.) Maaaring alam ng mga tao na hindi nila dapat gawin ito dahil sa doktrina, subalit maraming tao pa rin ang hindi mapagtagumpayan ang gayong mga tukso at patibong. Maaaring hindi mo pa naririnig na pinuna ninuman ang iyong mga pagkukulang, o pinuntirya ka, o hinusgahan ka habang hindi ka nakaharap—ngunit kapag narinig mo nang magsabi ng gayong mga bagay ang isang tao, hindi mo ito matitiis. Bibilis ang tibok ng iyong puso at lalabas ang pagiging mainitin ng ulo mo; sasabihin mo, “Ang lakas ng loob mong punahin ako! Kung hindi ka mabait sa akin, gagawan kita ng masama! Kung pupunahin mo ang mga pagkukulang ko, huwag mong isiping hindi ko pupunahin ang mga kahinaan mo!” Sasabihin ng iba, “May kasabihang nagsasabing, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,’ kaya hindi ko pupunahin ang mga pagkukulang mo, ngunit maghahanap ako ng ibang mga paraan para harapin at pahiyain ka. Tingnan natin kung sino ang matibay!” Mabuti ba ang mga pamamaraang ito o hindi? (Hindi.) Para sa halos kahit sino, kapag nalaman niyang may isang taong pumuna sa kanya, nanghusga sa kanya, o nagsabi ng masamang bagay tungkol sa kanya habang hindi siya nakaharap, ang unang reaksyon niya ay ang magalit. Magpupuyos siya sa matinding galit, hindi makakakain o makatutulog—at kung makatutulog man siya, kahit sa mga panaginip niya ay magmumura siya! Walang hangganan ang pagiging padalos-dalos niya! Napakaliit na bagay nito, subalit hindi niya ito makalimutan. Ito ang epekto ng pagiging padalos-dalos sa mga tao, ang masasamang resulta na ibinubunga ng mga tiwaling disposisyon. Kapag naging buhay na ng isang tao ang isang tiwaling disposisyon, saan ito pangunahing nakikita? Nakikita ito kapag nakahaharap ang taong iyon ng isang bagay na para sa kanya ay hindi kanais-nais, unang naaapektuhan ng bagay na iyon ang kanyang damdamin, at pagkatapos ay lalabas ang pagiging padalos-dalos ng taong iyon. At sa paglabas niyon, mabubuhay ang taong iyon sa pagiging padalos-dalos niya at titingnan niya ang bagay na iyon mula sa kanyang tiwaling disposisyon. Uusbong ang mga pilosopikal na pananaw ni Satanas sa kanyang puso, at sisimulan niyang pag-isipan kung aling mga paraan at diskarte ang gagamitin niya upang maghiganti, sa gayon ay inilalantad ang kanyang tiwaling disposisyon. Ang mga ideya at perspektibo ng mga tao sa pagharap sa mga problemang tulad nito, at ang mga paraan at diskarteng naiisip nila, at pati na ang mga damdamin at pagiging padalos-dalos nila ay nagmumulang lahat sa mga tiwaling disposisyon. Kaya, ano ang mga tiwaling disposisyong lumalabas sa pagkakataong ito? Ang una ay tiyak na masamang hangarin, sinusundan ng pagmamataas, panlilinlang, kasamaan, pagmamatigas, pag-ayaw sa katotohanan, at pagkapoot sa katotohanan. Sa mga tiwaling disposisyong ito, maaaring ang pagmamataas ang pinaka-hindi maimpluwensya. Ano, kung ganoon, ang mga tiwaling disposisyon na pinakakayang mangibabaw sa mga damdamin at kaisipan ng isang tao, at ang tumutukoy kung paano niya haharapin ang bagay na ito sa huli? Ang mga iyon ay ang masamang hangarin, pagmamatigas, pag-ayaw sa katotohanan, at pagkapoot sa katotohanan. Napakahigpit na iginagapos ng mga tiwaling disposisyong ito ang isang tao, at malinaw na nabubuhay siya sa lambat ni Satanas. Paano ba nabubuo ang lambat ni Satanas? Hindi ba’t mga tiwaling disposisyon ang nagdudulot nito? Naghabi ang iyong mga tiwaling disposisyon ng lahat ng uri ng satanikong lambat para sa iyo. Halimbawa, kapag nabalitaan mong may isang taong gumagawa ng bagay na tulad ng panghuhusga sa iyo, pagmumura sa iyo, o pagpuna sa mga pagkukulang mo kapag hindi ka nakaharap, hinahayaan mo ang mga satanikong pilosopiya at tiwaling disposisyon na maging buhay mo at mangibabaw sa iyong mga kaisipan, pananaw, at damdamin, sa gayon ay nagdudulot ng sunud-sunod na mga kilos. Ang mga tiwaling kilos na ito ay pangunahing resulta ng pagkakaroon mo ng satanikong kalikasan at disposisyon. Anuman ang mga sitwasyon mo, hangga’t ikaw ay nakagapos, kontrolado, at pinangingibabawan ng tiwaling disposisyon ni Satanas, ang lahat ng isinasabuhay mo, lahat ng ibinubunyag mo, at lahat ng ipinakikita mo—o ang mga damdamin mo, ang mga iniisip at pananaw mo, at ang pamamaraan at diskarte mo ng paggawa sa mga bagay-bagay—ay satanikong lahat. Ang lahat ng ito ay lumalabag sa katotohanan at laban sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Habang mas napapalayo ka sa salita ng Diyos at sa katotohanan, mas lalo kang kontrolado at nasisilo ng lambat ni Satanas. Kung sa halip, kaya mong makawala sa mga gapos at kontrol ng iyong mga tiwaling disposisyon, at tumalikod sa mga iyon, humarap sa Diyos, at kumilos at lumutas ng mga problema gamit ang mga pamamaraan at prinsipyong sinasabi sa iyo ng mga salita ng Diyos, unti-unti kang makakawala sa lambat ni Satanas. Pagkatapos makawala, ang isasabuhay mo pagkatapos ay hindi na ang dati pa ring wangis ng isang satanikong taong kontrolado ng kanyang mga tiwaling disposisyon, kundi ng isang bagong taong tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang kanyang buhay. Magbabago ang buong paraan ng pamumuhay mo. Ngunit kung padadaig ka sa mga damdamin, kaisipan, pananaw, at kaugaliang idinudulot ng mga satanikong disposisyon, susunod ka sa isang kalipunan ng satanikong pilosopiya at iba’t ibang pamamaraan, tulad ng “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” “Para sa maginoo hindi lubhang huli ang maghintay bago maghiganti,” “Mas mabuti nang maging tunay na kontrabida kaysa huwad na maginoo,” “Hindi lalaki ang hindi naghihiganti.” Ang mga ito ang magiging laman ng puso mo, ang magdidikta ng iyong mga kilos. Kung gagamitin mo ang mga satanikong pilosopiyang ito bilang batayan ng iyong mga kilos, magbabago ang kalikasan ng iyong mga kilos, at gagawa ka ng kasamaan, at lalaban sa Diyos. Kung gagamitin mo ang mga negatibong kaisipan at perspektibong ito bilang batayan para sa iyong mga kilos, malinaw na napalayo ka na sa mga turo at salita ng Diyos, at nahulog ka na sa lambat ni Satanas at hindi ka na makawala. Sa halos buong pang-araw-araw na buhay ninyo ay nabubuhay kayo sa gitna ng mga satanikong disposisyon—nabubuhay kayo sa lambat ni Satanas. Ang ugat ng paghihirap ng mga tao ay dahil kontrolado sila ng kanilang mga satanikong disposisyon hanggang sa puntong hindi na sila makawala. Nabubuhay sila sa kasalanan, at nagdurusa kahit ano pa ang gawin nila. Naghihirap ka kahit pa natalo mo na ang iyong kalaban, dahil hindi mo alam kung sino ang susunod na kaaway na haharapin mo, ni kung matatalo mo ito sa parehong paraan. Natatakot at nahihirapan ka. At paano naman ang taong natalo? Siyempre, nahihirapan din siya. Matapos maapi, pakiramdam niya ay wala na siyang dignidad o integridad sa buhay. Mahirap tanggapin ang maapi, kaya palagi siyang naghihintay ng angkop na sandali para umatake at naghahanap ng pagkakataong makaganti—mata sa mata, at ngipin sa ngipin—upang parusahan ang kalaban niya. Ang gayong pag-iisip ay pagpapahirap din. Sa maikling salita, ang taong gumaganti at ang taong ginagantihan ay parehong nabubuhay sa lambat ni Satanas, palaging gumagawa ng kasamaan, palaging naghahanap ng mga paraan upang makaalis sa mapanganib nilang sitwasyon, at habang ginagawa iyon ay nagnanais na makahanap ng kapayapaan, kaligayahan, at kapanatagan. Sa isang banda, ang mga tao ay kontrolado ng mga tiwaling disposisyon at namumuhay sa lambat ni Satanas, ginagamit ang iba’t ibang pamamaraan, kaisipan, at perspektibong ibinigay sa kanila ni Satanas para lutasin ang mga isyung nangyayari sa paligid nila. Sa kabilang banda, umaasa pa rin ang mga tao na matamo ang kapayapaan at kaligayahan mula sa Diyos. Gayunpaman, dahil palagi silang iginagapos ng tiwaling disposisyon ni Satanas at nakakulong sa lambat nito, na hindi magawang kusang lumaban upang matalikdan ito at makalabas dito, at dahil napapalayo sila sa salita ng Diyos at sa mga prinsipyo ng katotohanan, hindi kailanman nakakamit ng mga tao ang kaginhawahan, kasiyahan, kapayapaan, at kaligayahang nagmumula sa Diyos. Sa anong kalagayan namumuhay ang mga tao, sa huli? Hindi nila kayang hangarin ang katotohanan, bagama’t nais nila, at hindi nila kayang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos, kahit na gusto nilang gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Hindi sila makaalis sa kinaroroonan nila. Isa itong matinding pagdurusa. Nabubuhay ang mga tao sa tiwaling disposisyon ni Satanas, kahit hindi nila gusto. Mas tila mga demonyo sila kaysa mga tao, madalas na naninirahan sa madidilim na sulok, naghahanap ng mga kahiya-hiya at masasamang pamamaraan para lutasin ang maraming paghihirap na kinakaharap nila. Ang katunayan ay na sa kaibuturan ng kanilang kaluluwa, handa ang mga tao na maging mabuti at hangarin ang liwanag. Umaasa sila na mamuhay bilang mga tao, nang may dignidad. Umaasa rin sila na magagawa nilang hangarin ang katotohanan at umasa sa salita ng Diyos para mabuhay, at gawing buhay at realidad nila ang salita ng Diyos, subalit hindi nila kailanman kayang isagawa ang katotohanan, at sa kabila ng maraming doktrina na kanilang nauunawaan, hindi nila malutas ang kanilang mga problema. Naiipit ang mga tao sa mahirap na kalagayang ito, hindi makasulong at ayaw umatras. Hindi sila makaalis sa kinalalagyan nila. At ang nararamdaman kapag “naiipit” ay paghihirap—matinding paghihirap. Gusto ng mga tao na hangarin ang liwanag, at ayaw nilang iwanan ang salita ng Diyos at ang tamang landas. Gayunpaman, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, at hindi nila kayang isagawa ang mga salita ng Diyos, at nananatili silang hindi makawala sa gapos at kontrol ng kanilang tiwaling satanikong disposisyon. Sa huli, maaari lamang silang mamuhay sa paghihirap, nang walang anumang tunay na kaligayahan. Hindi ba’t ganito ang mga bagay-bagay? (Ganoon nga.) Anuman ang mangyari, kung gusto ng mga taong isagawa ang katotohanan at matamo ang katotohanan, kailangan nilang maranasan nang paunti-unti ang mga salita ng Diyos, simula sa maliliit na bagay upang maalis ang impluwensya ng mga kasabihang ito tungkol sa moral na asal sa kanilang mga ideya at perspektibo, at sa kanilang paghahangad sa katotohanan. Ito ang pinakamahalaga; kailangang malutas ang mga problemang ito.