Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 6 (Ikalawang Bahagi)

Ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” ay ang pinakamapagpaimbabaw sa mga kinakailangan ng tradisyunal na kultura tungkol sa wastong asal. Bagamat isinulong at itinuro ng lahat ng lipunan ng tao ang ganitong uri ng ideya, dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at dahil sa pag-iral ng masasamang kalakaran ng sangkatauhan, kahit na naisasagawa ng mga tao ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” o nagtataglay sila ng ganitong uri ng mabuting asal sa loob ng ilang panahon, hindi nito nababago ang katunayan na ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao ay palaging pinangingibabawan ang kanilang mga iniisip at pag-uugali, habang pinangingibabawan at kinokontrol din ang kanilang asal at mga paghahangad. Ang mga panandaliang insidente ng mabuting asal ay walang kinalaman sa paghahangad ng isang tao, at talagang hindi mababago ng mga ito ang pag-idolo, paghanga, at pagsunod ng tao sa masasamang kalakaran. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Kaya, ang awit na kinanta ng mga tao noong araw, “Sa tabi ng daan, napulot ko ang isang sentimo sa lupa,” ay isang pambatang tula na lamang. Ito ay naging isang alaala. Hindi man lang nga makasunod ang mga tao sa batayang mabuting pag-uugali ng hindi pagbubulsa sa perang napulot nila. Nais ng mga tao na baguhin ang mga paghahangad at tiwaling disposisyon ng sangkatauhan sa pagsusulong ng mabuting asal, at sinusubukan nilang pigilan ang pagsama ng sangkatauhan, at ang pang-araw-araw na pagkatiwali ng lipunan, ngunit sa huli ay nabigo silang maisakatuparan ang mga mithiing ito. Maaari lamang umiral ang moralidad ng “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” sa ideyal na mundo ng tao. Tinatrato ng mga tao ang moralidad na ito bilang isang uri ng ideyal, bilang isang hangarin para sa mas maayos na mundo. Umiiral ang moralidad na ito sa espirituwal na mundo ng tao. Isa itong uri ng pag-asa na inilalagay ng tao sa mundo ng hinaharap, ngunit hindi ito tumutugma sa realidad ng buhay ng tao at sa aktuwal na pagkatao ng mga tao. Salungat ito sa mga prinsipyo ng pag-asal ng tao at sa mga landas na tinatahak ng mga tao, pati na sa kung ano ang kanilang hinahangad, at kung ano ang nararapat nilang taglayin at matamo. Hindi ito tumutugma sa mga pagpapamalas at pagbuhos ng normal na pagkatao, at sa mga prinsipyo ng mga relasyon sa pagitan ng mga tao at ng pag-aasikaso ng mga gawain. Kaya, ang pamantayang ito para sa paghusga sa wastong asal ng sangkatauhan ay walang bisa noon pa man, mula noong sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan. Ang ideya at pananaw na ito ng “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” na isinusulong ng tao ay partikular na walang kabuluhan, at binabalewala ito ng karamihan sa mga tao, dahil hindi nito mababago ang direksyon ng kanilang asal, o kanilang mga paghahangad, at talagang hindi nito mababago ang kasamaan, pagkamakasarili at pansariling interes ng mga tao, o ang kanilang tumitinding gawi na sumugod sa kasamaan. Naging nakakatawa at mapanuyang biro ang pinakamapagpaimbabaw na kinakailangang ito ng “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Ngayon, kahit ang mga bata ay ayaw kantahin ang, “Sa tabi ng daan, napulot ko ang isang sentimo sa lupa”—hindi ito makahulugan ni bahagya. Sa mundong puno ng mga kurakot na politiko, naging lubos na mapang-uyam ang awit na ito. Ang realidad, na alam na alam ng mga tao, ay maaaring ibigay ng isang tao ang isang nawawalang sentimo sa pulis, ngunit kung makapulot siya ng isang milyong yuan, o sampung milyong yuan, mapupunta iyon sa mismong bulsa niya. Mula sa kaganapang ito, makikita nating nabigo ang mga pagtatangka ng mga taong isulong sa sangkatauhan ang kinakailangang ito tungkol sa wastong asal. Nangangahulugan ito na walang kakayahan ang mga taong isagawa ang kahit man lang batayang mabubuting pag-uugali. Ano ang ibig sabihin ng walang kakayahang isagawa ang kahit man lang batayang mabubuting pag-uugali? Nangangahulugan ito na walang kakayahan ang mga tao na isagawa ang kahit man lang mga batayang bagay na dapat nilang gawin—tulad ng hindi pagkuha sa isang bagay na napulot nila kung pagmamay-ari ito ng iba. Dagdag pa rito, kapag gumagawa ng mali ang mga tao, hindi sila magsasalita ng isang matapat na salita tungkol dito, mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa umamin sa kanilang pagkakamali. Hindi man lang nga sila makasunod sa isang bagay na kasingsimple ng hindi pagsisinungaling, kaya tiyak na hindi sila naaangkop na magsalita tungkol sa moralidad. Hindi man lang nga nila ninanais na magtaglay ng konsiyensiya at katwiran, kaya paano sila makapagsasalita tungkol sa moralidad? Nag-iisip nang husto ang mga opisyal at ang mga nasa kapangyarihan ng mga paraan upang makapiga at makakuha ng higit pang kita mula sa ibang tao, at makasunggab ng mga bagay na hindi sa kanila. Kahit ang batas ay hindi sila mapigilan—bakit ganito? Paanong umabot ang tao sa puntong ito? Ang lahat ng ito ay dahil sa mga tiwaling satanikong disposisyon ng mga tao, at ang kontrol at pangingibabaw sa kanila ng kanilang satanikong kalikasan, na nagdudulot ng lahat ng uri ng mga mapanlinlang at mapaminsalang pag-uugali. Gumagawa ang mga mapagpaimbabaw na ito ng maraming kasuklam-suklam at walang kahihiyang bagay habang nagkukunwaring “naglilingkod sa mga tao.” Hindi ba’t ganap na silang nawalan ng kahihiyan? Sa panahon ngayon, napakaraming mapagpaimbabaw na tao. Sa mundo kung saan talamak ang masasamang tao at sinusupil ang mabubuting tao, ang isang doktrinang tulad ng “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” ay talagang walang kakayahang pigilan ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at hindi talaga nito mababago ang kanilang kalikasan at diwa, o ang landas na kanilang tinatahak.

Naunawaan ba ninyo ang mga bagay na sinabi Ko sa pagbabahaging ito sa paksa ng “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot”? Ano ang kabuluhan para sa mga tiwaling tao ng kasabihang ito? Paano nga ba dapat unawain ng isang tao ang moralidad na ito? (Walang kinalaman ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” sa asal ng mga tao o sa landas na kanilang tinatahak. Hindi nito mababago ang landas na tinatahak ng tao.) Tama iyan, hindi angkop para sa mga tao na suriin ang pagkatao ng isang tao batay sa kasabihang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Hindi maaaring gamitin ang kasabihang ito para sukatin ang pagkatao ng isang tao, at mali ring gamitin ito upang sukatin ang mga moralidad ng isang tao. Isa lang itong panandaliang pag-uugali ng tao. Hindi talaga ito maaaring gamitin upang suriin ang diwa ng isang tao. Ang mga taong nagsulong ng kasabihan tungkol sa wastong asal na “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot”—ang mga tinatawag na iskolar at guro na ito—ay mga ideyalista. Hindi nila nauunawaan ang pagkatao o diwa ng tao, at hindi nila naiintindihan kung gaano na naging masama at tiwali ang tao. Kung kaya, ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal na isinusulong nila ay lubos na walang kabuluhan, hindi talaga ito praktikal, at hindi ito angkop sa mga totoong kalagayan ng tao. Wala ni katiting na kaugnayan ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal sa diwa ng tao o sa iba’t ibang tiwaling disposisyon na inilalabas ng mga tao, o sa mga kuru-kuro, pananaw, at pag-uugali na maaaring ilabas ng mga tao habang napangingibabawan ng mga tiwaling disposisyon. Ito ang isang aspeto. Ang isa pang aspeto ay na ang hindi pagbubulsa ng perang napupulot ng isang tao ay isang bagay lang na nararapat gawin ng normal na tao. Halimbawa, ipinanganak ka at pinalaki ng iyong mga magulang, ngunit noong wala ka pang muwang at musmos pa, ang ginagawa mo lang ay humingi sa iyong mga magulang ng pagkain at damit. Gayunpaman, sa sandaling nasa hustong gulang ka na at mas nauunawaan na ang mga bagay-bagay, natural mong natututunan na mahalin nang husto ang iyong mga magulang, na iwasang pag-alalahanin o galitin sila, na subukang huwag dumagdag sa kanilang dami ng trabaho o pagdurusa, at na gawin ang lahat ng kaya mong gawin nang mag-isa. Natural mong nauunawaan ang mga bagay na ito at hindi kailangan ang sinuman para turuan ka. Isa kang tao, mayroon kang konsiyensiya at katwiran, kaya nagagawa at nararapat mong gawin ang mga bagay na ito—ni hindi ito kabanggit-banggit. Sa pagtataas sa “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” sa antas ng marangal na moral na karakter, pinapalaki ng mga tao ang isang bagay na hindi naman dapat palakihin at masyadong nagmamalabis; hindi dapat tukuyin ang pag-uugaling ito sa ganoong paraan, hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Ano ang maaaring matutunan mula rito? Ang paggawa ng kung ano ang nararapat gawin at kayang gawin sa saklaw ng normal na pagkatao ay isang tanda ng pagkakaroon ng isang tao ng normal na pagkatao. Nangangahulugan ito na kung ang isang tao ay may normal na katwiran, kaya niyang gawin ang mga bagay na iyon na maiisip at mapagtatanto ng mga taong may normal na pagkatao na nararapat nilang gawin—hindi ba’t napakanormal na pangyayari nito? Kung gumagawa ka ng isang bagay na kayang gawin ng sinumang may normal na pagkatao, matatawag ba talaga itong mabuting asal? Kinakailangan ba talagang udyukan ito? (Hindi, hindi kinakailangan.) Maituturing ba talaga itong marangal na pagkatao? Maituturing ba itong pagtataglay ng pagkatao? (Hindi, hindi ito maituturing na ganoon.) Ang pagpapakita ng mga gayong pag-uugali ay hindi nagtataas sa isang tao sa antas ng pagtataglay ng pagkatao. Kung sasabihin mong may pagkatao ang isang tao, nangangahulugan ito na ang perspektibo at posisyon ng pagtingin niya sa mga problema ay medyo positibo at aktibo, pati na rin ang kanyang mga paraan at diskarte sa pagharap sa mga problema. Ano ang tanda ng pagiging positibo at aktibo? Makokonsiyensiya at makararamdam ng pagkapahiya ang taong iyon. Ang isa pang tanda ng pagiging positibo at aktibo ay ang pagkaunawa sa pagiging matuwid. Maaaring ang taong ito ay may ilang masasamang gawi tulad ng pagtulog nang gabing-gabi na at paggising nang tanghali na, pagiging mapili sa pagkain, o pagkagusto ng mga pagkaing matapang ang lasa, ngunit bukod sa masasamang gawing ito, mayroon siyang ilang partikular na magagandang katangian. Magkakaroon siya ng mga prinsipyo at limitasyon pagdating sa kanyang asal at mga kilos; makararamdam siya ng pagkapahiya at magkakaroon ng pagkaunawa sa pagiging matuwid; at magkakaroon siya ng mas maraming positibong katangian at mas kaunting negatibong katangian. Kung matatanggap at maisasagawa niya ang katotohanan, mas lalong magiging mainam iyon at magiging madali para sa kanyang tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Taliwas dito, kung ang isang tao ay gustong-gusto ang kasamaan; naghahangad ng kasikatan, kita, at katayuan; mahilig sa pera; gustong namumuhay ng marangyang buhay; at ikinasisiya ang pagsasayang ng kanyang oras sa paghahangad ng kasiyahan, ang perspektibong ipinangtitingin niya sa mga tao at bagay, at ang kanyang pananaw sa buhay at sistema ng pinahahalagahan ay magiging pawang negatibo at madilim, at mawawalan siya ng pakiramdam ng pagkapahiya at pagkaunawa sa pagiging matuwid. Hindi magtataglay ng pagkatao ang ganitong uri ng tao, at tiyak na hindi magiging madali para sa kanya na tanggapin ang katotohanan o tamuhin ang pagliligtas ng Diyos. Isa itong simpleng prinsipyo para sa pagsusuri ng mga tao. Ang isang pagsusuri ng wastong asal ng isang tao ay hindi isang pamantayang ipinangsusukat kung nagtataglay ba siya ng pagkatao o hindi. Upang masuri kung ang isang tao ay mabuti o masama, dapat mo siyang husgahan batay sa kanyang pagkatao, hindi sa kanyang wastong asal. Kadalasang mapagpaimbabaw ang wastong asal, at naiimpluwensiyahan ito ng kalagayang panlipunan, pinagmulan, at kapaligiran ng isang tao. Palaging nagbabago ang ilang pamamaraan at pagpapamalas, kaya mahirap matukoy ang kalidad ng pagkatao ng isang tao batay lang sa kanyang wastong asal. Halimbawa, maaaring ang isang tao ay lubos na gumagalang sa mga moralidad na panlipunan, at sumusunod sa mga patakaran saan man siya pumunta. Maaaring nagpapakita siya ng pagpipigil sa lahat ng ginagawa niya, pinanghahawakan niya ang mga batas ng pamahalaan, at iniiwasang gumawa ng gulo sa publiko o panghimasukan ang mga interes ng ibang tao. Maaari ring magalang at matulungin siya, at maalaga sa mga bata at nakatatanda. Ang katunayan bang may napakaraming mabubuting katangian ang taong ito ay nangangahulugang isinasabuhay niya ang normal na pagkatao at na isa siyang mabuting tao? (Hindi.) Maaaring isinasagawa nang mabuti ng isang tao ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot,” maaaring palagi siyang sumusunod sa moralidad na ito na isinusulong at itinataguyod ng sangkatauhan, ngunit kumusta ang kanyang pagkatao? Walang anumang sinasabi tungkol sa kanyang pagkatao ang katunayan na isinasagawa niya ang hindi pagbubulsa sa perang pinupulot niya—hindi maaaring gamitin ang wastong asal na ito upang suriin kung ang pagkatao niya ay mabuti o masama. Paano dapat sukatin ang kanyang pagkatao? Dapat mong tanggalin sa kanya ang balot ng wastong asal na ito, at alisin ang mga pag-uugali at wastong asal na itinuturing ng tao na mabuti, at na pinakamababang kayang makamit ng sinumang taong may normal na pagkatao. Pagkatapos niyon, tingnan ang kanyang pinakamahahalagang pagpapamalas, gaya ng mga prinsipyo ng kanyang asal, at ang mga linyang hindi niya tatawirin sa kanyang asal, pati na ang kanyang saloobin sa katotohanan at sa Diyos. Ito lang ang paraan upang makita ang diwa ng kanyang pagkatao, at ang kanyang kaloob-loobang likas na katangian. Ang pagtingin sa mga tao sa ganitong paraan ay medyo obhektibo at tumpak. Hanggang dito na lang ang ating talakayan sa moralidad na: “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Naunawaan ba ninyong lahat ang pagbabahaging ito? (Oo.) Madalas Akong nag-aalala na hindi talaga ninyo nauunawaan ang sinabi Ko, na kaunting doktrina lang tungkol dito ang naiintindihan ninyo, ngunit hindi pa rin ninyo nauunawaan ang mga bahaging nauugnay sa diwa nito. Kaya, ang tanging magagawa Ko ay ipaliwanag pa nang kaunti ang ideya. Mapapanatag lang Ako kapag nadama Kong naunawaan na ninyo. Paano Ko masasabing naunawaan na ninyo? Kapag may nakita Akong kagalakan sa inyong mga mukha, malamang na naunawaan na ninyo ang sinasabi Ko. Kung makakamit Ko iyon, sulit ang pagsasalita nang kaunti pa tungkol sa paksang ito.

Halos natapos Ko na ang Aking pagbabahagi tungkol sa “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Bagama’t hindi Ko direktang sinabi sa inyo kung paano sumasalungat ang moralidad na ito sa katotohanan, o kung bakit hindi ito maaaring itaas sa antas ng katotohanan, o sa kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa pag-uugali at wastong asal ng mga tao, hindi ba’t natalakay Ko naman ang lahat ng bagay na ito? (Natalakay Mo nga.) Nagsusulong ba ang sambahayan ng Diyos ng mga moralidad na tulad ng “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot”? (Hindi.) Kung gayon, paano tinitingnan ng sambahayan ng Diyos ang kasabihang ito? Maaari ninyong ibahagi ang inyong pagkaunawa. (Ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” ay isang bagay lang na nararapat sundin at gawin ng sinumang may normal na pagkatao, kaya hindi ito kailangang isulong. Isa pa, ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” ay isang pagpapamalas lang ng moralidad ng tao, wala itong kinalaman sa mga prinsipyo ng asal ng mga tao, sa mga pananaw na mayroon sila tungkol sa kanilang mga paghahangad, sa mga landas na kanilang tinatahak, o sa kalidad ng kanilang pagkatao.) Tanda ba ng pagkatao ang wastong asal? (Hindi ito tanda ng pagkatao. Ang ilang aspeto ng wastong asal ay mga bagay lang na nararapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao.) Kapag tinatalakay ng sambahayan ng Diyos ang pagkatao at pagkilatis sa mga tao, ginagawa nito iyon sa saklaw ng pangunahing konteksto ng paghahangad sa katotohanan. Sa pangkalahatan, hindi susuriin ng sambahayan ng Diyos kung kumusta ang wastong asal ng isang tao—ni hindi man lang susuriin ng sambahayan ng Diyos kung ang isang tao ay nakasusunod sa kasabihang: “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Hindi ito sisiyasatin ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, sisiyasatin ng sambahayan ng Diyos ang kalidad ng pagkatao ng taong iyon, kung minamahal ba niya ang mga positibong bagay at ang katotohanan, at kung anong uri ng saloobin sa katotohanan at sa Diyos ang mayroon siya. Maaaring hindi ibulsa ng isang tao ang perang napulot niya habang nasa sekular na lipunan siya, ngunit kung hindi man lang niya pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos matapos maging isang mananampalataya—kung kaya niyang nakawin, lustayin, o ibenta pa nga ang mga handog kapag binigyan siya ng pagkakataong pamahalaan ang mga ito—kung kaya niyang gumawa ng lahat ng uri ng masasamang bagay, ano siya? (Isang masamang tao.) Hindi siya kailanman naninindigan upang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kapag may mga nangyayaring isyu. Hindi ba’t may mga taong katulad niya? (Mayroon nga.) Kung gayon, magiging angkop bang gamitin ang kasabihang, “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” upang suriin ang kanilang pagkatao? Hindi ito magiging angkop. Sinasabi ng ilang tao: “Mabuti silang tao noon. Mayroon silang marangal na moral na karakter at sinasang-ayunan sila ng lahat noon. Kaya bakit sila nagbago matapos mapunta sa sambahayan ng Diyos?” Nagbago ba talaga sila? Ang totoo, hindi sila nagbago. Nagtataglay sila ng kaunting wastong asal at mabuting pag-uugali, ngunit bukod doon, ito ang diwa ng kanilang pagkatao noon pa man—hindi talaga iyon nagbago. Saan man sila pumunta, palagi silang umaasal nang ganito. Nagkataon lang na noon, sinusuri sila ng mga tao gamit ang pamantayan ng wastong asal, sa halip na gamitin ang katotohanan upang husgahan ang kanilang pagkatao. Iniisip ng mga tao na sumailalim sila sa kung anong uri ng pagbabago, pero ang totoo ay hindi. Sinasabi ng ilan, “Hindi sila ganoon dati.” Hindi sila ganoon dati dahil hindi sila naharap sa mga sitwasyong ito noon at wala sila sa ganitong uri ng kapaligiran noon. Dagdag pa rito, hindi naunawaan ng mga tao ang katotohanan, at hindi sila nagawang kilatisin. Ano ang pinakakahihinatnan ng pagtingin at paghusga ng mga tao sa iba batay sa isang mabuting pag-uugali sa halip na sa diwa ng pagkatao ng mga ito? Bukod sa hindi makikita nang malinaw ng mga tao ang iba, mabubulag at malilinlang din sila ng panlabas na mabuting asal ng iba. Kapag hindi nakikita nang malinaw ng mga tao ang iba, magtitiwala, magsusulong, at magtatalaga sila ng mga maling tao, at malilinlang at maloloko sila ng ibang tao. Madalas na nagagawa ng ilang lider at manggagawa ang pagkakamaling ito kapag pumipili at nagtatalaga ng mga tao. Nalilinlang sila ng mga taong sa panlabas ay nagtataglay ng ilang mabubuting pag-uugali at mabubuting asal, at isinasaayos nila na tumanggap ang mga ito ng mahalagang gawain o magtabi ng ilang mahahalagang bagay. Bilang resulta, nagkakaproblema, at nagiging sanhi ito para dumanas ng ilang kawalan ang sambahayan ng Diyos. Bakit nagkaproblema? Nagkaproblema dahil hindi nahalata ng mga lider at manggagawa ang likas na pagkatao at diwa ng mga taong ito. Bakit hindi nila nahalata ang likas na pagkatao at diwa ng mga ito? Dahil hindi nauunawaan ng mga lider at manggagawang ito ang katotohanan, at hindi nila nagagawang suriin at kilatisin ang mga tao. Hindi nila mahalata ang likas na pagkatao at diwa ng mga tao, at hindi nila alam kung anong uri ng saloobin sa Diyos, sa katotohanan, at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos ang taglay ng mga tao. Bakit ganoon? Dahil tinitingnan ng mga lider at manggagawang ito ang mga tao at bagay mula sa maling pananaw. Tinitingnan lang nila ang mga tao batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, hindi nila tinitingnan ang diwa ng mga ito ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga prinsipyo ng katotohanan—sa halip, tinitingnan nila ang mga tao batay sa wastong asal at mga panlabas na pag-uugali at pagpapamalas ng mga ito. Walang prinsipyo ang kanilang pagtingin sa mga tao kaya pinagkakatiwalaan nila ang mga maling tao, itinatalaga ang mga maling tao, at dahil dito, sila ay nalilinlang, naloloko, at nagagamit ng mga taong iyon, at sa huli ay nagdurusa ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ang mga kinahihinatnan ng kawalan ng kakayahang mahiwatigan ang mga tao o mahalata ang mga ito. Kaya, kapag may isang taong gustong hangarin ang katotohanan, ang unang leksyong dapat niyang matutunan ay kung paano kilatisin at tingnan ang mga tao—matagal matutunan ang leksyong ito, at isa ito sa mga pinakabatayang leksyong dapat matutunan ng mga tao. Kung gusto mong malinaw na makita ang isang tao at matutunang matukoy siya, dapat mo munang maunawaan kung anong mga pamantayan ang ginagamit ng Diyos upang suriin ang mga tao, kung anong mga baluktot na kaisipan at pananaw ang kumokontrol at nangingibabaw sa paraan kung paano tinitingnan at sinusuri ng mga tao ang iba, at kung sumasalungat ba ang mga ito sa mga pamantayang ginagamit ng Diyos upang suriin ang mga tao, at kung paano sumasalungat ang mga ito. Batay ba sa mga hinihingi ng Diyos ang mga pamamaraan at pamantayang ipinangsusuri mo sa mga tao? Batay ba ang mga ito sa mga salita ng Diyos? Pinagbatayan ba ng mga ito ang katotohanan? Kung hindi, at kung lubos kang umaasa sa iyong mga karanasan at imahinasyon upang suriin ang iba, o kung umaabot ka pa sa puntong ibinabatay mo ang iyong mga pagsusuri sa mga moralidad na panlipunan na isinusulong sa loob ng lipunan, o sa mga naoobserbahan mo gamit ang sarili mong mga mata, mananatiling hindi malinaw sa iyo ang taong sinusubukan mong kilatisin. Hindi mo siya mahahalata. Kung pagkakatiwalaan mo siya at magtatalaga ka ng mga tungkulin sa kanya, haharap ka sa isang partikular na antas ng panganib, at sa huli, may posibilidad na magdudulot ito ng pinsala sa mga handog sa Diyos, sa gawain ng iglesia, at sa pagpasok sa buhay ng hinirang ng Diyos. Ang pagkilatis sa mga tao ay ang unang leksyong dapat mong matutunan kung gusto mong hangarin ang katotohanan. Siyempre pa, isa rin ito sa mga pinakabatayang aspeto ng katotohanan na dapat taglayin ng mga tao. Ang matutong kilatisin ang mga tao ay hindi maihihiwalay sa paksa ng pagbabahaginan ngayon. Dapat mong matukoy ang kaibahan sa pagitan ng mabuting asal at mga katangian ng tao, at ng mga bagay na dapat taglayin ng isang taong may normal na pagkatao. Napakahalagang matukoy ang kaibahan sa pagitan ng dalawang ito. Saka mo lang makikilala at tumpak na mahihiwatigan ang diwa ng isang tao, at sa huli ay matutukoy kung sino ang may pagkatao at kung sino ang wala. Ano ang dapat munang mayroon ang isang tao upang matukoy ang mga bagay na ito? Dapat maunawaan ng isang tao ang mga salita ng Diyos, pati na ang aspetong ito ng katotohanan, at maabot ang puntong tinitingnan niya ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan niya ay ang katotohanan. Hindi ba’t isa itong prinsipyo ng katotohanan na dapat isagawa at taglayin ng isang tao habang hinahangad ang katotohanan? (Oo.) Kaya, kinakailangan nating magbahaginan tungkol sa mga paksang ito.

Katatapos Ko lang magbahagi tungkol sa unang kasabihang, “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot,” na malinaw na isang uri ng wastong asal ng tao. Isa itong uri ng moral na karakter at panandaliang pag-uugali na nag-iiwan ng magandang impresyon sa mga tao, ngunit, sa kasamaang-palad, hindi ito maaaring magsilbi bilang pamantayang ipinangsusuri kung ang isang tao ay nagtataglay ba ng pagkatao o hindi. Ganoon din ang pangalawang kasabihang, “Maging masaya sa pagtulong sa iba.” Batay sa paggamit ng mga salita ng pahayag, malinaw na isa rin itong bagay na gusto ng mga tao at itinuturing nilang mabuting pag-uugali. Ang mga nagpapakita ng mabuting pag-uugaling ito ay lubos na pinahahalagahan bilang mga taong nagtataglay ng mabuting asal at marangal na katangian—bilang buod, itinuturing silang mga taong sumasaya sa pagtulong sa iba at may napakahusay na moral na karakter. May ilang pagkakapareho ang “Maging masaya sa pagtulong sa iba” sa “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Isa rin itong mabuting pag-uugali na umuusbong sa mga tao sa ilang partikular na kalagayang panlipunan. Ang literal na kahulugan ng “Maging masaya sa pagtulong sa iba” ay ang masiyahan sa pagtulong sa ibang tao. Hindi ito nangangahulugang tungkulin ng isang tao na tumulong sa mga tao—ang kasabihan ay hindi “Responsabilidad mong tulungan ang iba”—ito ay “Maging masaya sa pagtulong sa iba.” Mula rito, makikita natin kung ano ang nag-uudyok sa mga tao na tumulong sa iba. Hindi nila ito ginagawa para sa ibang tao, kundi para sa kanilang sarili. Puno ng pag-aalala at pasakit ang mga tao, kaya naghahanap sila ng ibang nangangailangan ng tulong at binibigyan ang mga ito ng kawanggawa at pagdamay; tumutulong sila, at ginagawa nila ang anumang mabubuting bagay na kaya nilang gawin upang maiparamdam sa kanilang sarili ang kaligayahan, kasiyahan, kapayapaan, at kagalakan, at upang mapuno ng kabuluhan ang kanilang mga araw, nang sa gayon ay hindi sila makaramdam ng lubos na kahungkagan at kapighatian—pinag-iigi nila ang kanilang wastong asal upang matamo ang kanilang layong dalisayin at itaas ang saklaw ng kanilang puso at isip. Anong klaseng pag-uugali ito? Kung titingnan ninyo ang mga taong sumasaya sa pagtulong sa iba mula sa perspektibo ng paliwanag na ito, hindi sila mabubuting tao. Ni hindi man lang sila nauudyukan ng kanilang moralidad, konsiyensiya, o pagkatao na gawin kung ano ang nararapat nilang gawin, o tuparin ang kanilang mga responsabilidad sa lipunan at pamilya; bagkus, tumutulong sila sa mga tao upang magtamo ng kasiyahan, espirituwal na pampalubag-loob, emosyonal na kaginhawahan, at upang mamuhay nang masaya. Ano ang dapat maging opinyon sa ganitong uri ng wastong asal? Kung titingnan ninyo ang likas na katangian nito, mas malala pa ito kaysa sa “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Kahit papaano, walang makasariling aspeto sa “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Paano naman ang: “Maging masaya sa pagtulong sa iba”? Ipinahihiwatig ng salitang “masaya” na naglalaman ang pag-uugaling ito ng mga elemento ng pagiging makasarili at mabababang-uring intensyon. Hindi ito tungkol sa pagtulong sa mga tao para sa kapakanan ng mga ito o bilang hindi makasariling handog, ginagawa ito alang-alang sa sariling kasiyahan ng isang tao. Hindi talaga ito nararapat na udyukan. Halimbawa, sabihin na nakakita ka ng isang matandang natumba sa isang pangunahing kalsada at naisip mo: “Nalulungkot ako sa mga araw na ito. Magandang pagkakataon ang pagkatumba ng matandang ito—magiging masaya ako sa pagtulong sa iba!” Lalapit ka at tutulungang makatayo ang matanda, at kapag nakatayo na siya, pupurihin ka niya, sinasabing: “Napakabuting tao mo, anak. Nawa ay maging ligtas at masaya ka at mabuhay ka nang matagal!” Pupuspusin ka niya ng magagandang salita, at matapos marinig ang mga ito, mawawala ang lahat ng iyong mga alalahanin at masisiyahan ka. Iisipin mong mabuti ang tumulong sa mga tao, at magpapasya kang lalakad sa mga kalsada sa libre mong oras at tutulungang makatayo ang sinumang matutumba. Nagpapakita ng ilang mabubuting pag-uugali ang mga tao sa ilalim ng impluwensiya ng ganitong uri ng pag-iisip, at tinukoy ito ng lipunan ng tao bilang mainam na tradisyon ng pagiging masaya sa pagtulong sa iba, at bilang isang uri ng marangal na moral na karakter na ipinapasa ang dakilang tradisyong ito. Ang kahulugan sa likod ng pagiging masaya sa pagtulong sa iba ay na ang mga taong gumagawa ng pagtulong ay karaniwang itinuturing ang kanilang sarili na pinakatugatog ng moralidad. Ipinepresenta nila ang kanilang sarili bilang mga dakilang pilantropo, at kapag mas pinupuri sila ng mga tao, mas handa silang tumulong, magbigay ng kawanggawa, at gumawa ng higit pa para sa iba. Natutugunan nito ang kanilang pagnanasang maging bayani at tagapagligtas ng sangkatauhan, pati na ang kanilang pagnanasang makakuha ng isang uri ng kasiyahan mula sa pagiging kailangan ng iba. Hindi ba’t ang lahat ng tao ay gustong maramdaman na kailangan sila? Kapag nararamdaman ng mga tao na kailangan sila ng iba, iniisip nila na partikular silang kapaki-pakinabang at na may kahulugan ang kanilang buhay. Hindi ba’t isang uri lang ito ng paghahanap ng atensyon? Ang paghahanap ng atensyon ay ang tanging bagay na nagbibigay ng kasiyahan sa mga tao—ito ang kanilang paraan ng pamumuhay. Sa katunayan, sa anumang perspektibo natin tingnan ang usapin ng pagiging masaya sa pagtulong sa iba, hindi ito isang pamantayan para sa pagsusuri sa mga moralidad ng tao. Kadalasan, kaunting pagsisikap lang ang kailangan sa pagiging masaya sa pagtulong sa iba. Kung handa kang gawin ito, natupad mo na ang iyong responsabilidad sa lipunan; kung ayaw mo itong gawin, walang magpapanagot sa iyo, at hindi ka kokondenahin ng publiko. Pagdating sa mabubuting pag-uugaling pinupuri ng tao, maaaring piliin ng isang tao na isagawa ang mga ito o hindi gawin ang mga ito, alinman ay ayos lang. Hindi na kailangang pigilin ang mga tao gamit ang kasabihang ito, o ipaaral sa kanila kung paano maging masaya sa pagtulong sa iba, dahil isa lang itong panandaliang mabuting pag-uugali. Nauudyukan man ang isang tao ng pagnanasang tuparin ang kanyang responsabilidad sa lipunan o kung isinasagawa man niya ang mabuting pag-uugaling ito dahil sa pagkaunawa sa pampublikong moralidad, ano ang kahihinatnan sa huli? Matutugunan lang niya ang pagnanasa niyang maging mabuting tao at katawanin ang diwa ni Lei Feng sa isang pagkakataong ito; masisiyahan at magiginhawahan siya sa paggawa nito, at sa gayon ay itataas ang saklaw ng kanyang pag-iisip sa mas mataas na antas. Iyon lang. Ito ang diwa ng ginagawa niya. Kung gayon, ano ang pagkakaunawa ninyo sa kasabihang “Maging masaya sa pagtulong sa iba” bago ang pagbabahaginang ito? (Hindi ko nakilala dati ang mga makasarili at kasuklam-suklam na intensyon sa likod nito.) Halimbawa may isang sitwasyon kung saan mayroon kang tungkuling gumawa ng isang bagay, isang responsabilidad na hindi mo dapat iwasan, isang bagay na medyo mahirap, at kailangan mong pagtiisan ang kaunting pagdurusa, talikuran ang ilang bagay, at magbayad ng halaga upang maisakatuparan ito, ngunit nagagawa mo pa ring tuparin ang responsabilidad na ito. Hindi ka lubos na masisiyahan habang ginagawa mo ito, at pagkatapos magbayad ng halaga at tuparin ang responsabilidad na ito, hindi magdadala sa iyo ng anumang kasiyahan o kaginhawahan ang mga resulta ng pinagpaguran mo, ngunit dahil responsabilidad at tungkulin mo ito, ginawa mo pa rin ito. Kung ikukumpara natin ito sa pagiging masaya sa pagtulong sa iba, alin ang nagpapakita ng higit na pagkatao? (Ang mga taong tumutupad sa kanilang mga responsabilidad at tungkulin ay mas mayroong pagkatao.) Ang pagiging masaya sa pagtulong sa iba ay hindi tungkol sa pagtupad ng responsabilidad—isa lang itong kinakailangan tungkol sa wastong asal at mga responsabilidad sa lipunan ng mga tao na umiiral sa ilang partikular na kontekstong panlipunan; nagmumula ito sa popular na opinyon, mga moralidad na panlipunan, o kahit mga batas ng isang bansa, at nagsisilbi itong pangsuri kung ang isang tao ay may mga moralidad at kung ano ang kalidad ng kanyang pagkatao. Sa madaling salita, ang “Maging masaya sa pagtulong sa iba” ay isang kasabihan lang na naglilimita sa pag-uugali ng mga tao, na isinulong ng lipunan ng tao upang itaas ang saklaw ng pag-iisip ng tao. Ginagamit lang ang ganitong uri ng kasabihan upang himukin ang mga taong magsagawa ng kaunting mabubuting pag-uugali, at ang mga pamantayan para sa pagsusuri sa mabubuting pag-uugaling iyon ay mga moralidad na panlipunan, opinyon ng publiko, o kahit ang batas. Halimbawa, kung makakita ka ng isang taong nangangailangan ng tulong sa isang pampublikong lugar at ikaw ang unang taong nararapat na tumulong sa kanya, ngunit hindi mo ginawa, ano ang iisipin ng ibang tao sa iyo? Pagagalitan ka nila dahil sa kawalan mo ng modo—hindi ba’t iyon ang ibig nating sabihin sa opinyon ng publiko? (Oo.) Ano kung gayon ang mga moralidad na panlipunan? Mga positibo at optimistang bagay at gawi ang mga ito na isinusulong at inuudyukan ng lipunan. Natural na maraming kasamang partikular na kinakailangan ang mga ito, halimbawa: pagsuporta sa mahihinang tao, pagtulong kapag nahaharap ang iba sa mga paghihirap, at hindi pagtayo lang nang walang ginagawa. Dapat ay isinasagawa ng mga tao ang ganitong uri ng wastong asal, iyon ang ibig sabihin ng pagtataglay ng mga moralidad na panlipunan. Kung nakakita ka ng isang taong nagdurusa at nagbulag-bulagan ka rito, hindi siya pinansin, at wala kang ginawa, wala kang moralidad na panlipunan. Ano ang mga hinihingi ng batas sa wastong asal ng tao? Isang espesyal na kaso ang China sa bagay na ito: Walang anumang malinaw na itinatakda ang batas ng China tungkol sa mga responsabilidad sa lipunan at moralidad na panlipunan. Natututunan lang nang kaunti ng mga tao ang tungkol sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagpapalaki sa kanila ng kanilang pamilya, pag-aaral sa paaralan, at kung ano ang naririnig at naoobserbahan nila sa lipunan. Sa kabaligtaran, sa mga kanluraning bansa, nakasaad sa batas ang mga bagay na ito. Halimbawa, kung makita mong natumba sa kalsada ang isang tao, dapat ay lumapit ka man lang sa kanya at itanong, “Ayos ka lang ba? Kailangan mo ba ng tulong?” Kung sumagot ang taong iyon ng, “Ayos lang ako, salamat,” hindi mo siya kailangang tulungan, hindi hinihingi sa iyong tuparin ang responsabilidad na iyon. Kung sabihin niyang, “Kailangan ko ng tulong,” kung gayon kailangan mo siyang tulungan. Kung hindi mo siya tutulungan, legal kang mananagot. Isa itong espesyal na kinakailangan na ipinapanukala ng ilang partikular na bansa tungkol sa wastong asal ng mga tao; hinihingi nila ito sa mga tao sa pamamagitan ng malinaw na pagtatakda sa kanilang mga batas. Ang mga hinihinging ito sa wastong asal ng mga tao ng opinyon ng publiko, mga moralidad na panlipunan, at kahit ng batas ay limitado lang sa pag-uugali ng mga tao, at ang mga pangunahing pamantayan sa pag-uugali na ito ay ang mga pamantayang ipinangsusuri sa wastong asal ng isang tao. Sa panlabas, mukhang sinusuri ng mga pamantayan ng moralidad na ito ang pag-uugali ng mga tao—sa madaling salita, kung natupad ba o hindi ng mga tao ang kanilang mga responsabilidad sa lipunan—ngunit sa diwa ng mga ito, sinusuri ng mga ito ang panloob na kalidad ng mga tao. Ito man ay opinyon ng publiko, mga moralidad na panlipunan, o batas, ang sinusukat o hinihingi lang ng mga bagay na ito ay ang tungkol sa mga bagay na ginagawa ng mga tao, at limitado ang mga pagsukat at hinihinging ito sa pag-uugali ng mga tao. Hinuhusgahan ng mga ito ang kalidad at wastong asal ng isang tao batay sa pag-uugali ng taong iyon—iyon ang saklaw ng pagtataya ng mga ito. Iyon ang likas na katangian ng pahayag na: “Maging masaya sa pagtulong sa iba.” Pagdating sa pagiging masaya sa pagtulong sa iba, naglalagay ang mga bansang kanluranin ng mga kinakailangan sa mga tao sa pamamagitan ng mga itinatakda ng batas, habang sa China, ginagamit ang tradisyunal na kultura upang ituro at ikondisyon ang mga tao sa mga ideyang ito. Bagamat may ganitong kaibahan sa pagitan ng Silangan at ng Kanluran, pareho ang kalikasan ng mga ito—kapwa gumagamit ang mga ito ng mga kasabihan upang pigilan at kontrolin ang pag-uugali at moralidad ng mga tao. Gayunpaman, ito man ay mga batas ng mga bansang kanluranin o tradisyunal na kultura sa Silangan, pawang mga hinihingi at regulasyon lang ang mga ito na inilalagay sa pag-uugali at wastong asal ng tao, at kinokontrol lang ng mga pamantayang ito ang pag-uugali at wastong asal ng mga tao—ngunit tumutuon ba ang alinman sa mga ito sa pagkatao ng tao? Magagamit ba bilang mga pamantayan para sa pagsusuri sa kanyang pagkatao ang mga regulasyong nagtatakda lang kung anong mga pag-uugali ang dapat isagawa ng isang tao? (Hindi.) Kung titingnan natin ang kasabihang “Maging masaya sa pagtulong sa iba,” nagagawa ng ilang masasamang tao na maging masaya sa pagtulong sa iba, ngunit nauudyukan sila ng kanilang mga sariling intensyon at layon. Kapag gumagawa ang mga diyablo ng ilang maliit na mabubuting gawa, mas malamang na mayroon silang mga sariling intensyon at layon sa paggawa ng mga iyon. Iniisip ba ninyong lahat ng nagiging masaya sa pagtulong sa iba ay matuwid na nagmamahal sa katotohanan? Halimbawa, iyong mga tao sa China na diumano ay nagiging masaya sa pagtulong sa iba, tulad iyong magigiting na tao, o mga taong ninanakawan ang mayayaman at nagbibigay sa mahihirap, o iyong palaging tumutulong sa mahihinang grupo at may mga kapansanan, at iba pa—lahat ba sila ay mayroong pagkatao? Minamahal ba nilang lahat ang mga positibong bagay at nakadarama ba sila ng pagkamatuwid? (Hindi.) Sa pinakamainam, mga tao lang sila na mayroong medyo mas mahusay na karakter. Dahil pinamamahalaan sila ng diwang ito ng pagiging masaya sa pagtulong sa iba, gumagawa sila ng maraming mabubuting gawa na nagdudulot sa kanila ng kasiyahan, kaginhawahan, at nagtutulot sa kanilang matamasa nang husto ang pakiramdam ng kaligayahan, ngunit ang pagsasagawa sa gayong mga pag-uugali ay hindi nangangahulugang mayroon silang pagkatao, dahil parehong hindi malinaw ang kanilang pananampalataya at kung ano ang kanilang hinahangad sa espirituwal na antas, hindi alam ang mga ito. Kung gayon, maituturing ba silang mga taong may pagkatao at konsiyensiya batay sa mabuting asal na ito? (Hindi.) Ang ilang institusyon tulad ng mga foundation at welfare agency na diumano ay nagiging masaya sa pagtulong sa iba, na tumutulong sa mahihinang grupo at may mga kapansanan, ay tumutupad, sa pinakasukdulan, ng kanilang kaunting responsabilidad sa lipunan. Ginagawa nila ang mga bagay na ito upang mapaganda ang kanilang imahe sa mata ng publiko, mas makilala sila, at matugunan ang kaisipan ng pagiging masaya sa pagtulong sa iba—hinding-hindi ito umaangat sa antas ng pagpapahiwatig na sila ay “nagtataglay ng pagkatao.” Dagdag pa rito, nangangailangan ba talaga ng tulong ang mga tao na tinutulungan nila para maging masaya sila? Matuwid ba ang pagiging masaya sa pagtulong sa iba? Hindi tiyak na ganoon nga. Kung sisiyasatin mo ang lahat ng iba’t ibang malalaki at maliliit na kaganapan na nangyayari sa buong lipunan sa loob ng mahabang panahon, makikita mong ang ilan sa mga ito ay purong pagtulong sa iba ng mga tao upang maging masaya sila, habang sa maraming iba pang kaso, mas maraming tagong sikreto at madidilim na aspeto ng lipunan ang nababalot sa mga insidente kung saan ang mga tao ay nagiging masaya sa pagtulong sa iba. Ano’t anuman, may mga intensyon at layon sa likod ng pagiging masaya sa pagtulong sa iba, ito man ay upang maging sikat at makaangat sa lahat, o upang sumunod sa mga moralidad na panlipunan at hindi lumabag sa batas, o upang magkamit ng mas positibong ebalwasyon mula sa lipunan sa pangkalahatan. Paano man ito tingnan ng isang tao, ang pagiging masaya sa pagtulong sa iba ay isa lang sa mga panlabas na pag-uugali ng tao, at, sa pinakasukdulan, katumbas ito ng isang uri ng mabuting asal. Walang-wala itong kinalaman sa normal na pagkatao na hinihingi ng Diyos. Ang mga may kakayahang maging masaya sa pagtulong sa iba ay maaaring karaniwang mga tao na walang anumang tunay na ambisyon, o maaaring sila ay mga kilalang tao sa lipunan; maaaring sila ay medyo mababait na tao, ngunit maaari ding sila ay malisyoso sa loob-loob nila. Maaari silang maging anumang uri ng tao, at lahat ng tao ay may kakayahang isagawa ang pag-uugaling ito nang panandalian. Kaya, ang pahayag tungkol sa wastong asal na, “Maging masaya sa pagtulong sa iba,” ay talagang hindi kwalipikado bilang pamantayan para sa pagsusuri sa pagkatao ng mga tao.

“Maging masaya sa pagtulong sa iba”—ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal, sa katunayan, ay hindi kinakatawan ang diwa ng pagkatao ng mga tao, at halos wala itong kaugnayan sa likas na pagkatao at diwa ng mga tao. Samakatuwid, hindi ito naaangkop na gamitin upang suriin ang kalidad ng pagkatao ng isang tao. Ano kung gayon ang naaangkop na paraan upang suriin ang pagkatao ng isang tao? Kahit papaano, hindi dapat magpasya ang isang taong may pagkatao kung tutulong ba siya sa isang tao o tutuparin ba niya ang kanyang mga responsabilidad batay sa kung magiging masaya ba siya kung gagawin ito o hindi; sa halip, ang kanyang desisyon ay dapat batay sa kanyang konsiyensiya at katwiran, at hindi niya dapat isaalang-alang kung ano ang mapapala niya, o kung ano ang kahihinatnan na maidudulot sa kanya ng pagtulong sa taong iyon, o kung ano ang maaaring maging epekto nito sa kanya sa hinaharap. Hindi niya dapat isaalang-alang ang mga bagay na ito, at dapat niyang tuparin ang kanyang mga responsabilidad, tulungan ang iba, at pigilang makaranas ng pagdurusa ang iba. Dapat niyang tulungan ang mga tao sa dalisay na paraan, nang walang anumang makasariling mithiin—iyon ang gagawin ng isang taong tunay na nagtataglay ng pagkatao. Kung ang layon ng isang tao sa pagtulong sa iba ay upang bigyang-kasiyahan ang kanyang sarili o bumuo ng sarili niyang magandang reputasyon, may makasarili at mababang-uring katangian dito—hindi kikilos sa ganitong paraan ang mga tunay na nagtataglay ng konsiyensiya at katwiran. Ang mga taong tunay na may pagmamahal para sa iba ay hindi kumikilos para lang tugunan ang kanilang pagnanasa na may partikular na maramdaman, sa halip, kumikilos sila upang tuparin ang kanilang mga responsabilidad, at gawin ang lahat ng makakaya nila para tumulong sa iba. Hindi sila tumutulong sa mga tao upang makakuha ng gantimpala, at wala silang anupamang intensyon o motibo. Kahit na maaaring mahirap kumilos sa ganitong paraan, at kahit na puwede silang husgahan ng iba o maharap pa nga sa kaunting panganib, kinikilala nila na isa itong tungkuling dapat tuparin ng mga tao, na responsabilidad ito ng mga tao, at na kung hindi sila kikilos sa ganitong paraan, magkukulang sila sa kung ano ang pananagutan nila sa iba at sa Diyos, at maiiwan silang may panghabangbuhay na pagsisisi. Dahil dito, nagpapatuloy sila nang walang pag-aalinlangan, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila, sinusunod nila ang kalooban ng Langit, at tinutupad nila ang kanilang responsabilidad. Paano man sila husgahan ng iba, o kung pinasasalamatan at pinahahalagahan man sila ng iba o hindi, basta’t natutulungan nila ang taong iyon na gawin ang anumang kailangan niyang gawin, at nagagawa nila iyon nang buong puso nila, masisiyahan na sila. May konsiyensiya at katwiran ang mga taong nagagawang kumilos sa ganitong paraan, tinataglay nila ang mga pagpapamalas ng pagkatao, at hindi lang isang uri ng pag-uugali na limitado sa saklaw ng moral na karakter at wastong asal. Ang pagiging masaya sa pagtulong sa iba ay isang uri lang ng pag-uugali, at kung minsan, isa lang itong pag-uugaling lumilitaw sa ilang partikular na konteksto; ang desisyon ng isang taong isagawa ang ganitong uri ng panandaliang pag-uugali ay ginagawa batay sa kanyang lagay ng loob, mga emosyon, kapaligirang panlipunan, pati na sa agarang konteksto, at kung anong mga pakinabang o desbentaha ang maaaring idulot ng pagkilos sa ganoong paraan. Hindi isinasaalang-alang ng mga taong may pagkatao ang mga bagay na ito kapag tumutulong sila sa mga tao—nagdedesisyon sila batay sa isang pamantayan ng paghusga na mas positibo, at mas naaayon sa konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Kung minsan, nagagawa pa nilang magpatuloy sa pagtulong sa mga tao kahit na ang paggawa nito ay kumokontra at sumasalungat sa mga pamantayan ng moralidad. Ang mga pamantayan, ideya, at pananaw ng moralidad ay maaari lamang pigilan ang mga panandaliang pag-uugali ng mga tao. At kung ang mga pag-uugaling ito ay mabuti ba o masama ay magbabago depende sa lagay ng loob ng tao, sa kanyang mga emosyon, sa kabutihan at kasamaan sa loob-loob niya, at sa kanyang mga pansamantalang mabubuti o masasamang layunin; natural na magkakaroon din ng epekto rito ang kalagayan at kapaligirang panlipunan. Maraming karumihan sa mga pag-uugaling ito; pawang mapagpaimbabaw na pag-uugali ang mga ito, at hindi maaaring husgahan ng mga tao kung ang isang tao ay may pagkatao o wala gamit ang mga ito. Sa kabaligtaran, higit na mas tumpak at praktikal na husgahan kung ang isang tao ay may pagkatao o wala batay sa diwa ng kanyang pagkatao, kung ano ang kanyang hinahangad, ang kanyang pananaw sa buhay at sistema ng pagpapahalaga, ang landas na kanyang tinatahak, at ang pinagbabatayan ng kanyang asal at mga kilos. Sabihin mo sa Akin, alin ang naaayon sa katotohanan: ang mga batayan para sa pagsusuri ng pagkatao o ang mga batayan para sa pagsusuri ng wastong asal? Ang mga pamantayan ba para sa pagsusuri ng wastong asal ang naaayon sa katotohanan, o ang mga pamantayan para sa pagsusuri kung ang isang tao ay may pagkatao? Alin sa mga pamantayang ito ang naaayon sa katotohanan? Ang totoo, ang naaayon sa katotohanan ay ang mga pamantayan para sa pagsusuri kung ang isang tao ay nagtataglay ba ng katotohanan o hindi. Wala itong kaduda-duda. Ang dahilan kung bakit hindi maaaring magsilbing mga pamantayan ang mga bagay na ginagamit para suriin ang wastong asal ng mga tao ay dahil pabago-bago ang mga ito. Puno ng maraming karumihan ang mga ito, tulad ng mga transaksyon, interes, kagustuhan, paghahangad, emosyon, masasamang kaisipan, at tiwaling disposisyon ng mga tao, at iba pa. Sadyang napakaraming pagkakamali at karumihan sa mga ito—hindi tuwiran ang mga ito. Samakatuwid, hindi maaaring magsilbi ang mga ito na mga pamantayan para sa paghusga sa mga tao. Puno ang mga ito ng lahat ng uri ng mga bagay na ikinikintal ni Satanas sa tao at mga karagdagang kondisyong lumilitaw dahil sa tiwaling satanikong disposisyon ng tao, at dahil doon, ang mga ito ay hindi ang katotohanan. Bilang buod, itinuturing man ng mga tao ang mga pamantayang ito ng wastong asal na madali o mahirap matugunan, o kung tinatantiya man ng mga tao ang mga ito na mataas, mababa, o katamtaman ang halaga, ano’t anuman, pawang kasabihan lang ang mga ito na pumipigil at kumokontrol sa pag-uugali ng mga tao. Umaangat lang ang mga ito sa antas ng moral na kalidad ng tao; walang kahit kaunting kaugnayan ang mga ito sa hinihingi ng Diyos na gamitin ang katotohanan upang husgahan ang pagkatao ng isang tao. Ni hindi kasama sa mga ito ang mga pinakabatayang pamantayan na dapat taglayin at tuparin ng mga may pagkatao; kulang ang mga ito ng mga bagay na iyon. Kapag tinitingnan ang ibang tao, tumutuon lang ang mga tao sa pagsusuri sa mga pagpapakita ng mga ito ng wastong asal; tinitingnan at sinusuri nila ang ibang tao nang ganap na ayon sa mga hinihingi ng tradisyunal na kultura. Hindi tinitingnan ng Diyos ang mga tao batay lang sa kanilang mga pagpapakita ng wastong asal—tumutuon Siya sa diwa ng kanilang pagkatao. Ano ang kasama sa diwa ng pagkatao ng isang tao? Ang kanyang mga kagustuhan, pananaw sa mga bagay-bagay, pananaw sa buhay at sistema ng pagpapahalaga, kung ano ang kanyang hinahangad, kung mayroon ba siyang nadaramang pagkamatuwid, kung minamahal ba niya ang katotohanan at mga positibong bagay, ang kanyang kakayahang tanggapin ang katotohanan at magpasakop dito, ang landas na kanyang pinipili, at iba pa. Tumpak na husgahan ang diwa ng pagkatao ng isang tao ayon sa mga bagay na ito. Dito na nagtatapos ang Aking pagbabahagi tungkol sa pagiging masaya sa pagtulong sa iba. Sa pagbabahaging ito sa dalawang hinihinging ito tungkol sa wastong asal, mayroon na ba kayo ngayong pagkaunawa sa mga batayang prinsipyo ng pagkilatis tungkol sa kung paano suriin ang wastong asal, pati na ang kaibahan sa pagitan ng mga pamantayan ng Diyos para sa pagsusuri ng mga tao at ng wastong asal na sinasabi ng tao? (Oo.)

Katatapos Ko lang magbahagi tungkol sa dalawa sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura sa wastong asal ng tao, “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” at “Maging masaya sa pagtulong sa iba.” Ano ang natutunan ninyo mula sa Aking pagbabahagi tungkol sa dalawang kasabihang ito? (Natutunan kong walang kinalaman ang wastong asal ng mga tao sa diwa ng kanilang pagkatao. Sa pinakasukdulan, ang mga taong nagpapakita ng mga ganitong uri ng wastong asal ay nagtataglay ng ilang mabubuting pag-uugali at pagpapamalas sa usapin ng kalidad ng kanilang moralidad. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugang mayroon silang pagkatao o na isinasabuhay nila ang wangis ng tao. Nagkamit ako ng medyo mas malinaw na pagkaunawa sa isyung ito.) Ang mga taong nagpapakita ng mabuting asal ay hindi masasabing talagang may pagkatao—nababatid ito ng lahat, at ito talaga ang lagay ng mga bagay-bagay. Sinusunod ng lahat ng tao ang masasamang kalakaran ng lipunan at unti-unti nilang nawala ang kanilang konsiyensiya at katwiran—ilan lang ang nakapagsasabuhay ng wangis ng tao. Mabuting tao ba ang bawat taong nagsauli sa pulis ng isang sentimong nakita niya sa gilid ng daan? Hindi masasabing ganoon nga. Ano ang kinahinatnan kalaunan ng mga taong minsang pinuri bilang mga bayani? Sa kanilang puso, alam ng lahat ng tao ang mga sagot sa mga tanong na ito. Ano ang nangyari sa mga huwaran ng panlipunang moralidad at mga dakilang pilantropo na madalas na nasisiyahan sa pagtulong sa iba, na pinalamutian ng mga pulang bulaklak, at pinuri ng tao? Karamihan sa kanila ay hindi naman pala mabubuting tao. Sadya lang silang gumawa ng ilang mabubuting gawa upang sumikat. Ang totoo, karamihan sa kanilang aktuwal na pag-uugali, buhay, at karakter ay hindi naman talaga mabuti. Sa pagsisipsip at pambobola lang sila talagang magaling. Kapag inalis nila ang kanilang mga pulang bulaklak at ang mapagpaimbabaw na pakitang-tao ng pagiging huwaran ng panlipunang moralidad, hindi man lang nila alam kung paano umasal o kung ano ang dapat nilang gawin sa buhay nila. Ano ang problema rito? Hindi ba’t nabitag sila ng korona ng “huwaran ng moralidad” na iginawad sa kanila ng lipunan? Hindi talaga nila alam kung ano sila—labis-labis na silang pinuri na naisip na nilang napakagaling nila, at na hindi na sila maaaring maging mga normal na tao. Sa huli, hindi man lang nila alam kung paano mabuhay, ganap na naging magulo ang kanilang pang-araw-araw na pag-iral, at ang ilan ay humantong pa nga sa pagiging lasenggero, nagkakaroon ng depresyon, at nagpapakamatay. Tiyak na may mga taong nabibilang sa kategoryang ito. Palagi silang may hinahabol na pakiramdam, ninanais na maging mga bayani at huwaran, na maging sikat, o maging tugatog ng moral na kahusayan. Hinding-hindi sila makabalik sa totoong mundo; palagi silang nayayamot at nagdurusa sa mga pang-araw-araw na kinakailangan ng tunay na buhay. Hindi nila alam kung paano aalisin sa kanila ang pasakit na ito o kung paano pipiliin ang tamang landas sa buhay. Sa paghahanap ng kasasabikan, ang ilan ay gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, habang ang iba ay pinipiling magpakamatay upang matakasan ang pakiramdam ng kahungkagan. Ang ilan na hindi nagpapakamatay ay madalas na namamatay dahil sa depresyon. Hindi ba’t maraming halimbawa nito? (Marami nga.) Ito ang uri ng pinsalang idinudulot ng tradisyonal na kultura sa mga tao. Hindi lang nito hindi tinutulutan ang mga tao na magkamit ng tumpak na pagkaunawa sa pagkatao o hindi sila ginagabayan tungo sa landas na dapat nilang sundan—hindi lang iyon—ang totoo ay inililigaw sila nito, iginigiya sila tungo sa mundo ng delusyon at imahinasyon. Nakakapinsala ito sa mga tao, sa napakalalim na paraan. Maaaring sabihin ng ilan: “Hindi iyan totoo sa lahat ng sitwasyon! Ayos lang naman kami, hindi ba?” Hindi ba resulta lang ng proteksyon ng Diyos ang katunayan na maayos ang lagay ninyo ngayon? Dahil lang pinili kayo ng Diyos at taglay ninyo ang Kanyang proteksyon kaya mapalad kayong tinatanggap ninyo ang Kanyang gawain, at nababasa ninyo ang Kanyang mga salita, nakadadalo sa mga pagtitipon, nagagawang makipagbahaginan, at natutupad ang inyong tungkulin dito; dahil lang sa Kanyang proteksyon kaya nakapamumuhay kayo ng buhay ng normal na tao, at nagtataglay ng normal na katwiran upang harapin ang lahat ng aspeto ng inyong pang-araw-araw na buhay. Gayunpaman, hindi maipagkakailang sa kaibuturan ng inyong isipan, mayroon pa ring mga ideya at pananaw na tulad ng: “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” at “Maging masaya sa pagtulong sa iba.” At kasabay nito, ikinukulong pa rin kayo ng mga ideyolohikal at moral na pamantayang ito na nagmumula sa sangkatauhan. Bakit Ko sinasabi na ikinukulong kayo ng mga bagay na ito? Dahil ang landas na pinipili ninyong tahakin sa buhay; ang mga prinsipyo at direksyon ng inyong mga kilos at asal; at ang mga prinsipyo, pamamaraan, at pamantayang ginagamit ninyo upang tingnan ang mga tao at bagay; at iba pa ay naiimpluwensiyahan pa rin, o ginagapos at kinokontrol pa nga, ng mga ideyolohikal at moral na pamantayang ito, sa iba’t ibang antas. Samantala, ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ay hindi pa rin nagiging batayan at pamantayan para sa inyong pagtingin sa mga tao at bagay, at sa inyong asal at mga kilos. Sa ngayon, pinili pa lang ninyo ang tamang direksiyon sa buhay, at mayroon kayong kagustuhan, hangarin, at pag-asam na tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Subalit, sa tunay na buhay, karamihan sa inyo ay hindi pa talaga nakarating sa landas na ito—sa madaling salita, ni hindi pa kayo nakakatapak sa tamang landas na inihanda ng Diyos para sa tao. Sasabihin ng ilan, “Kung hindi pa kami nakatapak sa tamang landas, bakit natutupad pa rin namin ang aming mga tungkulin?” Resulta ito ng pagpili, pakikiisa, konsiyensiya, at kagustuhan ng tao. Sa ngayon, nakikiisa ka sa mga hinihingi ng Diyos at sinusubukan ang iyong makakaya upang humusay, pero ang pagsubok mo na humusay ay hindi nangangahulugan na nakatapak ka na sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Ang isang rason nito ay dahil naiimpluwensiyahan pa rin kayo ng mga ideya na ikinintal sa inyo ng tradisyonal na kultura. Halimbawa, maaaring naunawaan ninyo nang mabuti ang diwa ng mga pahayag na, “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” at “Maging masaya sa pagtulong sa iba,” pagkatapos ninyo Akong marinig na magbahagi tungkol sa mga ito at ilantad ang mga ito, ngunit sa loob ng ilang araw, posibleng magbago ang isip ninyo. Posibleng maisip ninyo: “Ano ba ang masama sa ‘Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot’? Gusto ko ang mga taong hindi nagbubulsa ng perang napulot nila. Mabuti nga, hindi sila ganid. Anong mali sa ‘Maging masaya sa pagtulong sa iba’? Kahit papaano, kapag nangangailangan ka, maaasahan mong may tutulong sa iyo. Mabuting bagay ito at isa itong bagay na kailangan ng lahat! Isa pa, paano mo man ito tingnan, ang pagiging masaya ng mga tao sa pagtulong sa iba ay isang mabuti at positibong bagay lang. Obligasyon natin ito at hindi ito dapat pinipintasan!” Kita mo, ilang araw lang matapos mamulat, sapat na ang isang gabing tulog para baguhin ka; ibabalik ka nito sa kung nasaan ka dati, at ibabalik ka ulit sa pagkakakulong sa tradisyonal na kultura. Sa madaling salita, naiimpluwensiyahan ng mga bagay na ito na nakasiksik sa kaibuturan ng isip mo ang iyong mga iniisip at pananaw paminsan-minsan, pati na ang mga landas na pinipili mo. At hindi maiiwasan na habang naiimpluwensiyahan ka ng mga ito, palagi ka ring pinipigilan ng mga ito, hinahadlangan kang tuparin ang iyong pagnanais na tumapak sa tamang landas sa buhay, na tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, at tahakin ang landas sa buhay kung saan ang mga salita ng Diyos ang iyong batayan, at ang katotohanan ang iyong pamantayan. Kahit na handang-handa kang tahakin ang landas na ito, kahit na inaasam mong gawin ito, at nababalisa ka tungkol dito, at ginugugol mo ang mga araw mo na nag-iisip at nagpaplano, gumagawa ng mga pagpapasya, at ipinagdarasal ito, hindi pa rin mangyayari ang mga bagay-bagay na gaya sa hinihiling mo. Ito ay dahil napakalalim na nakaugat ng mga aspetong ito ng tradisyonal na kultura sa kaibuturan ng iyong puso. Maaaring sabihin ng ilan: “Hindi iyan tama! Sinasabi Mong napakalalim na nakaugat ng tradisyonal na kultura sa puso ng mga tao, ngunit sa palagay ko ay hindi iyan totoo. Lampas bente anyos pa lang ako, wala pang lampas sitenta o otsena, kaya paanong malalim nang nakaugat ang mga bagay na ito sa aking puso?” Bakit Ko sinasabi na malalim nang nakaugat ang mga ideyang ito sa iyong puso? Isipin mo: Mula sa panahon ng iyong mga pinakaunang alaala, hindi ba’t palagi mong hinahangad na maging isang marangal na tao, kahit na hindi naman ikinintal sa iyo ng mga magulang mo ang gayong mga ideya? Halimbawa, gusto ng karamihan ng mga tao na manood ng mga pelikula at magbasa ng mga nobela tungkol sa mga bayani, at lubos silang nakikisimpatya sa mga biktima sa mga kuwentong ito, habang kinamumuhian nila ang mga kontrabida, at malulupit na tauhang nananakit ng ibang tao. Kapag lumaki ka sa ganitong uri ng senaryo, hindi mo namamalayang tinatanggap mo ang mga bagay na pangkalahatang sinang-ayunan ng karamihan sa lipunan. Kung gayon, bakit mo tinanggap ang mga bagay na iyon? Dahil hindi ipinapanganak ang mga tao na taglay ang katotohanan at wala silang likas na kakayahang kumilatis ng mga bagay-bagay. Hindi mo taglay ang likas na gawing ito—ang likas na gawing taglay ng mga tao ay isang likas na ugaling magustuhan ang ilang mabuti, positibo, at aktibong bagay. Ang mga aktibo at positibong bagay na ito ay nag-uudyok sa iyong hangaring maging mas mahusay, na maging mabuti, magiting, at dakilang tao. Unti-unting nagsisimulang mabuo ang mga bagay na ito sa iyong puso kapag nakakakita ka ng mga kasabihang umuusbong mula sa opinyon ng publiko at mga panlipunang moralidad. Sa sandaling mapasok ka ng mga pahayag na nagmumula sa moralidad ng tradisyonal na kultura, at mapasok ng mga ito ang iyong kaloob-looban, mag-uugat ang mga ito sa iyong puso, at magsisimula ang mga itong pangibabawan ang iyong buhay. Kapag nangyayari ito, hindi mo kinikilatis, nilalabanan, o tinatanggihan ang mga bagay na ito, at sa halip ay lubos mong nararamdaman na kailangan mo ang mga ito. Ang una mong hakbang ay kunsintihin ang mga kasabihang ito. Bakit ganoon? Dahil angkop na angkop ang mga kasabihang ito sa mga panlasa at kuru-kuro ng mga tao, umaayon ang mga ito sa mga pangangailangan ng mga espirituwal na mundo ng mga tao. Bilang resulta, natural mong tinatanggap ang mga pahayag na ito at hindi ka man lang nag-iingat laban sa mga ito. Unti-unti, sa pamamagitan ng pagpapalaki ng iyong pamilya, pag-aaral sa eskuwela, at pagkondisyon at pagtuturo ng doktrina ng lipunan, kasama ng iyong mga sariling imahinasyon, lubos kang nakukumbinsi na mga positibong bagay ang mga kasabihang ito. Sa pagpipino ng panahon, at habang unti-unti kang tumatanda, nagsisikap kang sundin ang mga kasabihang ito sa lahat ng uri ng konteksto at sitwasyon, at sundin ang mga bagay na ito na likas na gusto at pinaniniwalaan ng mga tao na mabuti. Lalong nabubuo ang mga ito sa loob mo, at mas malalim na nagkakaugat sa loob mo. Kasabay nito, pinangingibabawan ng mga bagay na ito ang iyong pananaw sa buhay at ang mga mithiing hinahangad mo, at ang mga ito ay nagiging mga pamantayan mo sa panghuhusga sa mga tao at bagay. Sa sandaling magkahugis sa loob ng mga tao ang mga kasabihang ito mula sa tradisyonal na kultura, nasa puwesto na ang lahat ng batayang kondisyong nagtutulak sa kanilang labanan ang Diyos at ang katotohanan; para bang nakahanap ang mga tao ng kanilang mga sariling dahilan at batayan para gawin ito. At kaya, kapag inilalantad ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon at diwa ng mga tao, at pinauulanan sila ng pagkastigo at paghatol, kung anu-ano ang nagiging mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Kanya. Iniisip nila: “Madalas na sinasabi ng mga tao, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,’ at ‘Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari,’ kaya paanong nakapagsasalita nang ganoon ang Diyos? Diyos ba talaga iyon? Hindi magsasalita ang Diyos sa ganoong paraan—dapat Siya ang pinakamaprinsipyo, at kausapin Niya ang mga tao nang may malumanay na tono, ang tono ni Buddha na nagliligtas sa lahat ng tao mula sa pagdurusa, ang tono ng isang Bodhisattva. Ganoon ang Diyos—isang lubos na malumanay at kahanga-hangang Diyos.” Ang seryeng ito ng mga ideya, pananaw, at kuru-kuro ay patuloy na lumalabas sa iyong puso nang patindi nang patindi, at sa huli, hindi mo na talaga matitiis at gagawa ka ng isang bagay para maghimagsik at lumaban sa Diyos kahit na ayaw mo. Sa ganitong paraan, nawawasak ka ng iyong mga kuru-kuro at imahinasyon. Mula rito, makikita natin na ano man ang iyong edad, basta’t natanggap mo ang edukasyon ng tradisyonal na kultura, at taglay mo ang kapasidad ng pag-iisip ng isang nasa hustong gulang na, mapupuno ang puso mo ng mga aspetong ito ng moralidad ng tradisyonal na kultura, at unti-unting mag-uugat ang mga ito sa loob mo. Napangibabawan ka na ng mga ito, at namuhay ka na ayon sa mga bagay na ito sa loob ng maraming taon. Ang iyong buhay at ang iyong mismong likas na pagkatao ay matagal nang inokupa ng mga aspetong ito ng moralidad ng tradisyonal na kultura. Halimbawa, mula lima o anim na taong gulang, natutunan mo nang maging masaya sa pagtulong sa iba, at hindi ibulsa ang pera na iyong napulot. Naimpluwensiyahan ka ng mga bagay na ito at ganap na nadiktahan ng mga ito kung paano ka kumilos. Ngayon, bilang isang taong matanda na, namuhay ka na ayon sa mga bagay na ito sa loob ng maraming taon; nangangahulugan itong napakalayo mo sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa tao. Mula nang tanggapin mo ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal na isinusulong ng tradisyonal na kultura, napalayo ka na nang napalayo sa mga hinihingi ng Diyos. Lumaki na nang lumaki ang agwat sa pagitan ng iyong mga sariling pamantayan ng pagkatao at ng mga pamantayan ng pagkatao na hinihingi ng Diyos. Bilang resulta, napalayo ka na nang napalayo sa Diyos. Hindi ba’t ganoon iyon? Huwag kayong magmadali at pagnilayan ang mga salitang ito.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.