Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 15 (Ikalawang Bahagi)

Noong huli, natapos nating pagbahaginan ang kasabihan tungkol sa wastong asal: “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Sunod naman nating pagbabahaginan ang kasabihan na “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Una sa lahat, dapat natin subukang malaman kung paano suriin ang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw sa kasabihang ito tungkol sa wastong asal, at kung ano ang layunin ni Satanas sa paggawa nito. May idyoma sa Tsina na nagsasabing, “Mahirap malaman ang mga totoong layunin ng isang tao,” kaya ano ang mga totoong layunin ni Satanas? Ito ang kailangan nating ilantad at suriin. “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya” ay isa pang kaisipan at pahayag na ginagawa ni Satanas sa mga tao, at sa panlabas ay tila ba marangal ito; ito ay nakapupukaw at makapangyarihan. Kaya, bakit masyadong kahanga-hanga ang kasabihang ito? Sulit ba na pahalagahan at isapuso ito? Sulit bang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa kaisipan at pananaw na ito? Mayroon bang anumang mabuti rito? Isa ba itong positibong kasabihan? Kung hindi ito isang positibong bagay o tamang kaisipan at pananaw, ano ang negatibong epekto nito sa mga tao? Ano ang layunin ni Satanas kapag gumagawa ito ng ganitong kasabihan at ikinikintal sa mga tao ang kaisipan at pananaw na ito? Paano natin ito dapat kilatisin? Kung kaya mo itong kilatisin, tatanggihan at aayawan mo ang pariralang ito mula sa kaibuturan ng iyong puso, at hindi ka na nito maiimpluwensiyahan. Bagamat sasagi sa isip mo ang pariralang ito at guguluhin ka sa kaloob-looban paminsan-minsan, kung kaya mo itong kilatisin, hindi ka nito magagapos o matatali. Sa tingin ba ninyo ay may anumang mabuti sa pahayag na “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya”? Isa ba itong kasabihan na may positibong epekto sa mga tao? (Hindi.) Nais ba ninyong maging maginoo? Mabuting bagay ba o masamang bagay ang maging maginoo? Mas mabuti bang maging isang maginoo o isang huwad na maginoo? Mas mabuti bang maging isang maginoo o isang kontrabida? Hindi ba ninyo napag-isipan ang mga isyung ito? (Hindi.) Bagamat hindi ninyo napag-isipan ang mga bagay na ito, isang bagay ang natitiyak: Madalas ninyong ginagamit ang salitang “maginoo,” sinasabi ang mga bagay na gaya ng, “Mas mabuti nang maging tunay na kontrabida kaysa sa isang huwad na maginoo,” at “Ang totoong maginoo ay masyadong mapagbigay-loob na kung may sasalungat sa kanya, hindi siya maghihinanakit at mapapatawad niya ang taong iyon. Iyan ang tinatawag na maginoo!” Ano ang pinatutunayan tungkol sa iyo ng katunayang kaya mong sabihin ang mga bagay na ito? Pinatutunayan ba nito na ang maginoo ay may isang partikular na katayuan sa iyong mga kaisipan at pananaw, at na umiiral sa iyong isipan ang mga kaisipan at kasabihan tungkol sa maginoo? Masasabi ba natin na ganito? (Oo.) Sinasang-ayunan at hinahangaan mo ang mga taong iyon sa lipunan na umaasal na parang maginoo o na tinatawag na maginoo, at nagsusumikap kang maging isang maginoo at maituring na maginoo, sa halip na isang kontrabida. Kung may magsasabing, “Isa kang tunay na kontrabida,” sobra kang malulungkot. Subalit, kung may magsasabing, “Isa kang tunay na maginoo,” matutuwa ka. Ito ay dahil pakiramdam mo, kung pinuri ka ng isang tao sa pamamagitan ng pagtawag sa iyo na maginoo, naiangat na ang iyong dangal, at naaprubahan na ang iyong mga pamamaraan at metodo sa pag-asal at sa pangangasiwa sa mga bagay-bagay. Siyempre, matapos mong makakuha ng ganitong pag-apruba sa lipunan, pakiramdam mo ay mayroon kang marangal na katayuan at hindi ka isang tao na mababang uri o mas mababa kaysa sa iba. Ang matuwid na maginoo, siya man ay kathang-isip lang o talagang umiiral, ay may tiyak na puwang sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Kaya, nang tanungin Ko kayo kung alin ang mas mabuti, ang maginoo o ang kontrabida, wala sa inyo ang nangahas na sumagot. Bakit? Dahil naisip ninyo, “Bakit Mo naitanong iyan? Siyempre mas mabuti na maging maginoo kaysa sa kontrabida. Hindi ba’t ang isang maginoo ay mabuti, matuwid, at may mataas na moralidad? Ang sabihin na hindi mabuting maging maginoo ay taliwas sa sentido komun, hindi ba? Magiging taliwas ito sa normal na pagkatao, hindi ba? Kung ang isang maginoo ay hindi mabuti, anong uri ng tao ang mabuti?” Kaya hindi kayo nangahas na sumagot, hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Kinukumpirma ba nito na may malinaw na pagpipilian ang puso ninyo sa pagitan ng maginoo at ng kontrabida? Alin ang mas gusto ninyo? (Ang maginoo.) Kung gayon, malinaw ang layunin natin. Tumuon tayo sa pagtukoy at pagsuri sa isang maginoo. Walang may gusto sa kontrabida, malinaw iyon. Kaya ano ba mismo ang isang maginoo? Kung itatanong ninyo na, “Mas mabuti bang maging isang maginoo o isang kontrabida?” Para sa Akin, malinaw ang kasagutan: Parehong masama ang mga ito, dahil parehong hindi positibong katangian ang maginoo at ang kontrabida. Iyon nga lang, hinuhusgahan ng mga tao ang pag-uugali, mga pagkilos, katangian at moralidad ng kontrabida bilang masama, kaya ayaw ng mga tao sa kanya. Kapag ang batayang moralidad at katangian ng kontrabida ay hayagang nakikita, mas lalong itinuturing siya ng mga tao bilang mas kontrabida. Subalit, mas madalas na ipinapakita ng isang maginoo ang kanyang eleganteng paraan ng pagsasalita at pagkilos, ang kanyang mabuting moralidad at magandang katangian, at nirerespeto siya ng mga tao at pakiramdam nila ay nabibigyang-inspirasyon sila. Bilang resulta, tinatawag nila siya na maginoo. Kapag ganito humaharap sa iba ang maginoo, siya ay pinupuri, hinahangaan, at pinahahalagahan. Samakatuwid, gustung-gusto ng mga tao ang isang maginoo at ayaw nila sa isang kontrabida. Subalit, ano ang basehan ng pagtukoy ng mga tao kung ang isang tao ay maginoo o kontrabida? (Batay sa panlabas na pag-uugali nito.) Hinuhusgahan ng mga tao bilang marangal o mababa ang isang tao batay sa pag-uugali ng taong iyon, pero bakit hinuhusgahan ng mga tao ang iba batay sa kanilang pag-uugali? Ito ay dahil ang kakayahang taglay ng karamihan sa mga tao ay hanggang sa ganitong antas lamang. Kaya lang nilang makita kung mabuti ba o masama ang pag-uugali ng isang tao; hindi nila kayang makita nang malinaw ang diwa ng taong iyon. Bilang resulta, kaya lang nilang tukuyin kung ang isang tao ay maginoo o kontrabida batay sa pag-uugali nito. Kung gayon, tama ba ang paraang ito ng pagkilatis? (Hindi.) Mali talaga ito. Kung gayon, tumpak bang tingnan ang isang maginoo bilang isang taong nagtataglay ng magandang katangian at mabuting moralidad? (Hindi.) Tama, hindi iyon tumpak. Hindi tumpak na bigyang-pakahulugan ang mga maginoo bilang mayroong magandang katangian, moral, marangal at malinis. Kaya, kung titingnan ito ngayon, positibo ba ang katawagang “maginoo”? (Hindi.) Hindi ito positibo. Ang isang maginoo ay hindi mas marangal kaysa sa isang kontrabida. Kaya, kung may magtatanong, “Mas mabuti bang maging isang maginoo o isang kontrabida?” Ano ang kasagutan? (Pareho silang masama.) Tumpak iyan. Kung may magtatanong kung bakit pareho silang masama, simple lang ang kasagutan. Ang maginoo at ang kontrabida ay kapwa hindi positibong katangian; wala sa kanila ang tunay na mabuting tao. Puno sila ng tiwaling disposisyon at lason ni Satanas. Kinokontrol at nilalason sila ni Satanas, at namumuhay sila ayon sa lohika at mga batas nito. Kaya, masasabi nang may katiyakan na, kahit na hindi isang mabuting tao ang kontrabida, hindi rin maaaring maging isang positibong tao ang maginoo. Kahit pa itinuturing ng iba ang maginoo bilang isang mabuting tao, nagpapanggap lang siya na isang mabuting tao. Hindi siya isang matapat na taong sinasang-ayunan ng Diyos, lalong hindi siya isang taong natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Sadyang mas madalas na umaasal nang medyo maayos ang maginoo at medyo mas madalang na umaasal nang masama samantalang ang kontrabida ay medyo mas madalas na umaasal nang masama at medyo mas madalang na umaasal nang maayos. Ang maginoo ay medyo mas nirerespeto samantalang ang kontrabida ay medyo mas kinamumuhian. Ito lang ang pagkakaiba sa pagitan ng isang maginoo at isang kontrabida. Kung huhusgahan sila ng mga tao ayon sa kanilang pag-uugali, ito ang tanging resultang makakamit nila.

Natutukoy ng mga tao kung ang isang tao ay maginoo o kontrabida batay sa pag-uugali nito. Maaari nilang sabihin, “Maginoo ang taong ito dahil marami siyang nagawa para sa ikabubuti ng lahat. Ganito ang naiisip ng lahat. Kaya, siya ay maginoo at isang taong may mataas na moralidad.” Kung sinasabi ng lahat na maginoo ang isang tao, nangangahulugan ba iyon na mabuting tao at may positibong karakter ang taong iyon? (Hindi.) Bakit hindi? Dahil ang lahat ng tao ay tiwali, may mga tiwaling disposisyon at hindi nagtataglay ng mga katotohanang prinsipyo. Kaya, sinuman ang magsabi na maginoo ang isang tao, ang pahayag ay nagmumula kay Satanas, at nagmumula sa isang tiwaling tao. Ang pamantayan ng mga tao sa pagsusuri ay hindi tama, at kaya, hindi rin tama ang resulta nito. Hindi kailanman nangungusap ang Diyos nang batay sa mga maginoo o kontrabida. Hindi Niya hinihingi sa mga tao na maging isang tunay na maginoo sa halip na isang huwad na maginoo, ni sinasabi kailanman na “Lahat kayo ay mga kontrabida. Ayaw Ko ng kontrabida, gusto Ko ng maginoo.” Sinasabi ba ito ng Diyos? (Hindi.) Hindi Niya sinasabi. Hindi kailanman sinusuri o tinutukoy ng Diyos kung mabuti ba o masama ang isang tao batay sa mga salita at kilos nito. Sa halip, sinusuri at tinutukoy Niya iyon ayon sa diwa nito. Ano ang ibig sabihin nito? Una, nangangahulugan ito na hinahatulan ang mga tao ayon sa kalidad ng kanilang pagkatao, at kung sila ba ay may konsensiya at katwiran. Pangalawa, hinahatulan sila batay sa kanilang saloobin sa katotohanan at sa Diyos. Ganito sinusuri at tinutukoy ng Diyos kung ang isang tao ay mas mataas ba o mas mababa kaysa sa iba. Samakatuwid, walang maginoo o kontrabida sa mga salita ng Diyos. Sa iglesia, sa mga taong inililigtas ng Diyos, hindi Niya hinihingi sa kanila na maging maginoo, o isinusulong ang ideya na maging maginoo, at hindi Niya hinihiling sa mga tao na punahin ang mga kontrabida. Tiyak namang hindi hinuhusgahan ng sambahayan ng Diyos kung sino ang may mataas na moralidad batay sa mga tradisyonal na kasabihang pangkultura tungkol sa wastong asal. Hindi nito isinusulong at pinalalago ang sinumang maginoo, at pinaaalis at itinitiwalag ang sinumang kontrabida. Isinusulong, pinalalago, pinaaalis o itinitiwalag ng sambahayan ng Diyos ang mga tao ayon sa sarili nitong mga prinsipyo. Hindi nito tinitingnan ang mga tao ayon sa mga pamantayan at kasabihan tungkol sa wastong asal, at hindi nito isinusulong ang sinumang maginoo at itinatakwil ang sinumang kontrabida. Sa halip, pinangangasiwaan nito ang lahat ng tao nang ayon sa salita ng Diyos at sa katotohanan. Ano ang tingin ninyo sa ilang tao sa iglesia na palaging nagsisikap na maging maginoo? (Hindi sila mabuti.) Palaging hinuhusgahan ng ilang bagong mananampalataya ang mga tao nang ayon sa pamantayan ng isang maginoo o kontrabida. Kapag nakikita nilang pinupungusan ng mga lider ng iglesia ang mga taong nagdudulot ng mga pagkagambala at pagkakagulo, sinasabi nila, “Hindi maginoo ang lider na ito! Kapag nakagawa ng maliit na pagkakamali ang isang kapatid, sinusunggaban niya ito at hindi niya ito pinalalampas. Hindi mag-aabala rito ang isang maginoo. Ang isang maginoo ay magiging mapagparaya, mapagpatawad at mapagpayapa pa nga—siya ay magiging higit na mapagtanggap! Masyadong mahigpit sa mga tao ang lider na ito. Halatang siya ay kontrabida!” Sinasabi ng mga taong ito na ang mga nagtatanggol sa mga interes ng sambahayan ng Diyos ay hindi maginoo. Sinasabi nila na ang mga gumagawa nang seryoso, metikuloso at responsable ay mga kontrabida. Ano ang tingin ninyo sa mga taong ganito ang tingin sa iba? Tinitingnan ba nila ang mga tao nang ayon sa katotohanan o sa salita ng Diyos? (Hindi.) Hindi nila tinitingnan ang mga tao nang ayon sa katotohanan at sa salita ng Diyos. Bukod pa roon, kinukuha nila ang mga ideya, pananaw, metodo at kaparaanang ginagamit ni Satanas para suriin ang mga tao, at ipinalalaganap at inilalabas sa iglesia ang mga ito. Malinaw na ang mga ito ay mga kaisipan at pananaw ng mga walang pananampalataya at ng mga hindi mananampalataya. Kung wala kang pagkakilatis, at iniisip mong ang isang maginoo ay isang mabuting tao na may mataas na moralidad, at isang taong sandigan ng iglesia, maaari kang malihis ng taong ito. Dahil magkapareho kayo ng mga kaisipan at pananaw, kapag may gumagawa ng mga pahayag o kasabihan tungkol sa mga maginoo, tiyak na maaakit at malilihis ka nang hindi mo namamalayan. Subalit, kung may pagkakilatis ka sa mga gayong bagay, tatanggihan mo ang mga gayong pahayag at hindi ka malilihis ng mga ito. Sa halip, magpupumilit kang suriin ang mga tao at bagay at na husgahan ang tama at mali, nang ayon sa salita ng Diyos at mga katotohanang prinsipyo. Pagkatapos ay makikita mo nang tumpak ang mga tao at bagay, at kikilos ka nang alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Ang mga hindi mananampalataya na hindi naghahangad sa katotohanan, at ang mga walang pagkakilatis at hindi handang sumunod sa mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos, ay madalas nagbabanggit ng mga kaisipan at pahayag na nagmumula kay Satanas at na karaniwan sa mga walang pananampalataya, para ilihis ang mga kapatid at guluhin ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan. Kung walang pagkakilatis ang mga tao, bagamat maaaring hindi sila inililihis o ginugulo ng mga taong iyon, madalas ay mapipigilan sila ng mga pahayag ng mga taong iyon, at iiwas silang kumilos o magsalita. Hindi sila mangangahas na itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi sila mangangahas na magpumilit na kumilos nang ayon sa mga hinihingi ng salita ng Diyos, lalo nang hindi sila mangangahas na ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Dahil ba ito sa kawalan ng pagkilatis sa mga kaisipan at pahayag ni Satanas? (Oo.) Halatang ito ang dahilan. Ang mga katawagang “maginoo” at “kontrabida” ay walang bisa sa iglesia. Magaling magpanggap at magbalatkayo ang mga walang pananampalataya. Isinusulong nila na maging maginoo kaysa kontrabida, at ginagamit nila ang mga pagkukunwaring ito sa kanilang buhay. Ginagamit nila ang mga bagay na ito upang mapatanyag nila ang kanilang sarili sa gitna ng mga tao, upang malansi ang ibang tao na ituring silang bantog at may mabuting reputasyon, at upang magkamit sila ng kasikatan at kayamanan. Sa sambahayan ng Diyos, ang lahat ng bagay na ito ay kailangang alisin at ipagbawal. Hindi dapat hayaang kumalat ang mga ito sa sambahayan ng Diyos o sa mga taong hinirang ng Diyos, at hindi rin dapat mabigyan ng pagkakataon ang mga ito na guluhin at ilihis ang mga hinirang ng Diyos. Ito ay dahil ang lahat ng ito ay nagmumula kay Satanas, walang basehan sa salita ng Diyos, at tiyak na hindi mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao pagdating sa kung paano nila tingnan ang mga tao at bagay, kung paano sila umasal at kumilos. Samakatuwid, ang “maginoo,” “huwad na maginoo,” at “kontrabida” ay hindi ang mga tamang katawagan para tukuyin ang diwa ng isang tao. Malinaw Ko bang naipaliwanag ang katawagang “maginoo”? (Oo.)

Tingnan nating muli ang kasabihang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya” para makita natin kung ano ba talaga ang ibig sabihin nito. Ang literal na kahulugan ng pariralang ito ay na kailangang seryosohin ng isang maginoo ang kanyang sinasabi. Gaya nga ng sinasabi ng kasabihan, ang isang tao ay kasingbuti lang ng kanyang salita; ang isang maginoo ay dapat sineseryoso ang kanyang sinasabi at tinutupad ang kanyang mga pangako. Samakatuwid, para maging isang ginoong may mataas na moralidad, na gusto ng marami at pinahahalagahan, kailangang kumilos ang isang tao nang ayon sa kasabihang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Ibig sabihin, ang maginoo ay dapat mapagkakatiwalaan. Kailangan niyang umako ng responsabilidad para sa sinasabi at ipinapangako niya, at siguraduhin na tutuparin niya iyon. Hindi siya pwedeng umatras sa kanyang sinabi o mabigong tuparin ang kanyang mga pangako sa iba. Ang isang taong madalas na nabibigong tuparin ang kanyang mga pangako sa iba ay hindi isang maginoo o mabuting tao, kundi isang kontrabida. Ganito maipapakahulugan ang pariralang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Pangunahin nitong binibigyang-diin ang mga salita at kilos ng isang maginoo pagdating sa moralidad at pagiging mapagkakatiwalaan. Una, hayaan ninyo Akong magtanong, ano ang ibig sabihin ng “salita” sa “salita ng isang ginoo”? Nangangahulugan ito ng dalawang bagay: isa niyang pangako, o isang panata na gawin ang isang bagay. Gaya ng sinabi Ko noong nakaraan, ang mga maginoo ay hindi mabubuting tao, kundi mga ordinaryong tao na malalim nang nagawang tiwali ni Satanas. Kaya, pagdating sa diwa ng mga tao, ano ang mga pangunahing paraan na naipamamalas ng mga tao ang kanilang sarili sa mga bagay na kanilang ipinapangako? Ang pagsasalita nang mapagmataas, ang pagmamalabis, pagpuri sa kanilang sarili, pagsasabi ng mga hindi totoong bagay tungkol sa kanilang sarili, pagsasabi ng mga bagay na hindi tumutugma sa mga katunayan, pagsisinungaling, pagsasalita nang marahas at pagbubulalas ng sama ng loob. Ang lahat ng ito ay matatagpuan sa mga bagay na sinasabi at ipinapangako ng mga tao. Kaya, matapos sabihin ng isang tao ang mga bagay na ito, hinihiling mo sa kanya na gawin ang kanyang ipinangako, tuparin ang kanyang sinabi, at hindi umatras sa kanyang sinabi, at kung tutupad siya, iniisip mo na isa siyang maginoo at mabuting tao. Hindi ba’t katawa-tawa iyon? Kung maingat na sisiyasatin at susuriin ang mga sinasabi ng mga tiwaling tao sa araw-araw, matutuklasan mong ang lahat ng iyon ay mga kasinungalingan, hungkag na salita, o bahagyang katotohanan lamang. Wala ni isang salita ang tumpak, totoo o may katunayan. Sa halip, binabaluktot ng kanilang mga pahayag ang mga katunayan, nalilito sa kung alin ang tama at mali, at ang ilan pa nga sa mga iyon ay nagkikimkim ng masasamang intensiyon o mga satanikong panlalansi. Kung tutuparin ang lahat ng salitang ito, magdudulot ito ng matinding kaguluhan. Huwag na nating pag-usapan kung ano ang mangyayari sa isang malaking grupo ng mga tao, pag-usapan na lang natin kapag mayroong diumano’y maginoo sa isang pamilya, na palaging gumagawa ng mga walang-pasubaling komento, at naglilitanya ng maraming walang katuturang teorya at mga mapagmataas, mali, masama, at malupit na salita. Kung sineseryoso niya ang kanyang sinasabi at ang kanyang salita ang kanyang garantiya, ano ang magiging mga kahihinatnan? Magiging gaano kagulo ang pamilyang ito? Kagaya lang ito ng haring diyablo ng bansa ng malaking pulang dragon. Gaano man kakatawa-tawa o kasama ang mga patakaran nito, isinusulong pa rin nito ang mga iyon, at mahigpit na isinasakatuparan at ipinatutupad ng mga nasasakupan nito ang mga patakaran—walang nangangahas na kontrahin o pigilan ang mga ito, na humahantong sa kaguluhan ng bansa. Bukod pa roon, kaliwa’t kanan ang iba’t ibang sakuna sa bansa, at nagsimula na ang paghahanda para sa digmaan, ang buong bansa ay lubusan nang naligalig. Kung matagal na maghahari sa isang bansa o bayan ang isang diyablong lider, malalagay sa matinding gulo ang mga tao sa bansang iyon. Magiging gaano kagulo ang mga bagay-bagay? Kung isasakatuparan at ipatutupad ng mga tao ang lahat ng di-makatwirang kalokohan, maling paniniwala at kasinungalingang inilalabas ng mga haring diyablo, may maidudulot ba itong anumang mabuti para sa sangkatauhan? Lalo at lalo lamang magiging magulo, madilim at masama ang sangkatauhan. Sa kabutihang palad, ang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya” ay walang iba kundi mga hungkag na salita; isa lamang itong retorika, hindi kaya ni Satanas na isakatuparan ito, at hindi nito kayang matamo ang sinasabi nito. Kaya, may kaunti pang kaayusan sa mundo at medyo matatag pa ang mga tao. Kung hindi ganito, ang bawat sulok ng mundo ng tao, saanman na may mga “maginoo,” ay magiging magulo. Isa ito sa mga bagay na nakalilinlang sa kasabihang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Mula sa perspektiba ng diwa ng mga tao, makikita natin na ang kanilang mga pahayag, mga sinasabi, at mga pangako ay hindi maaasahan. Ang isa pang mali rito ay na ang sangkatauhan ay na pinipigilan ng kaisipan at pananaw na “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Iniisip nila, “Kailangan nating tuparin ang ating sinabi at gawin ang sinasabi nating gagawin natin dahil ganito ang pagiging isang maginoo.” Nangingibabaw ang kaisipan at pananaw na ito sa isipan ng mga tao at ito ang nagiging pamantayan kung paano nila tinitingnan, hinuhusgahan at inilalarawan ang isang tao. Ito ba ay angkop at tumpak? (Hindi, hindi ito tumpak.) Bakit ito hindi tumpak? Una, dahil ang sinasabi ng mga tao ay walang gaanong halaga at mga hungkag na salita, kasinungalingan at pagmamalabis lamang. Pangalawa, hindi makatarungang gamitin ang kaisipan at pananaw na ito upang kontrolin ang mga tao at hingin sa kanilang tuparin ang kanilang sinabi. Madalas na ginagamit ng mga tao ang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya” para sukatin ang pagiging mas mataas o mas mababa ng isang tao. Madalas na nag-aalala ang mga tao kung paano nila tutuparin ang kanilang mga pangako at napipigilan sila nito, nang hindi nila namamalayan. Kung hindi nila kayang tuparin ang kanilang mga pangako, sila ay dinidiskrimina at pinagagalitan ng iba, at mahirap para sa kanila na mapatanyag ang sarili nila sa komunidad kung hindi nila kayang tuparin ang isang maliit na bagay. Hindi ito makatarungan para sa mga taong ito at hindi ito makatao. Dahil sa kanilang mga tiwaling disposisyon, nagsasalita ang mga tao nang ayon sa mga kagustuhan nila, sinasabi ang anumang gusto nilang sabihin; wala silang pakialam kung gaano kakatawa-tawa o kasalungat sa mga katunayan ang kanilang mga pahayag. Ganito ang mga tiwaling tao. Natural para sa lahat na kumilos nang ayon sa sarili nitong disposisyon: Kailangang matutong kumurok ang isang manok, kailangang matutong tumahol ang isang aso at na umalulong ang isang lobo. Kung ang isang bagay ay hindi tao, ngunit mahigpit pa rin itong pinagsasalita at pinagagawa ng mga pantaong bagay, labis itong mahihirapan. Taglay ng mga tao ang tiwaling disposisyon ni Satanas, isang disposisyon na mapagmataas at mapanlinlang, kaya natural para sa kanila na magsinungaling, magmalabis at mangusap ng mga hungkag na salita. Kung nauunawaan mo ang katotohanan at marunong kang kumilatis ng mga tao, ang lahat ng ito ay dapat mukhang normal at karaniwan sa iyo. Hindi mo dapat gamitin ang nakalilinlang na kaisipan at perspektiba na “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya” para tingnan ang mga tao at bagay, at para husgahan at ilarawan kung ang mga tao ay mabuti o mapagkakatiwalaan ba o hindi. Ang paraang ito ng pagsusuri ay hindi tama, at hindi ito dapat gamitin. Ano ang tamang paraan? May tiwaling disposisyon ang mga tao, kaya normal para sa kanila na magmalabis at magsabi ng mga bagay na hindi sumasalamin sa kanilang aktuwal na sitwasyon. Kailangan mo itong harapin nang tama. Hindi mo dapat hingin sa isang tao na tuparin ang kanyang mga pangako nang ayon sa mga pamantayan ng isang maginoo, at lalong hindi mo dapat igapos ang iba o ang iyong sarili sa kaisipan na “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Hindi ito tama. Dagdag pa rito, ang husgahan ang pagkatao at moralidad ng isang tao batay sa kung siya ba ay maginoo o hindi ay isang pangunahing pagkakamali, at hindi ito ang tamang pamamaraan. Ang batayan nito ay mali at hindi umaayon sa salita ng Diyos o sa katotohanan. Samakatuwid, anong uri man ng mga kaisipan at pananaw ang ginagamit ng mundo ng mga walang pananampalataya upang husgahan ang isang tao, at kung isinusulong man ng mundo ng mga walang pananampalataya na maging maginoo o kontrabida, sa sambahayan ng Diyos, ang kasabihang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya” ay hindi isinusulong, hindi inirerekomenda na maging maginoo ang sinuman at tiyak na hindi hinihingi sa iyo na kumilos nang ayon sa kasabihang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Kahit pa mahigpit mong hinihingi sa iyong sarili na maging maginoo, at katawanin ang kasabihang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya,” ano naman ngayon? Maaaring napakahusay mo itong ginagawa at isa kang mapagpakumbabang ginoo na tumutupad sa kanyang mga pangako at hindi kailanman nabibigong gawin ang kanyang sinabi. Subalit, kung hindi mo kailanman tinitingnan ang mga tao at bagay, kung hindi ka kailanman umaasal at kumikilos nang ayon sa mga salita ng Diyos, o sumusunod sa mga katotohanang prinsipyo, isa kang ganap na hindi mananampalataya. Kahit pa maraming tao ang sumasang-ayon at sumusuporta sa iyo, na nagsasabing maginoo ka, na hindi ka kailanman nabibigong tuparin ang iyong sinabi at na sineseryoso mo ang iyong mga pangako, ano naman ngayon? Nangangahulugan ba iyon na nauunawaan mo ang katotohanan? Nangangahulugan ba iyon na sinusunod mo ang daan ng Diyos? Gaano man kahusay at kaangkop mo sinusunod ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya,” kung hindi mo nauunawaan ang salita ng Diyos, at hindi ka sumusunod at kumikilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi mo matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.