Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 14 (Ikaapat na Bahagi)
May isa pang aspeto sa pahayag tungkol sa moralidad na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” na kailangang kilatisin. Kung ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ay hindi masyadong kumokonsumo ng iyong oras at enerhiya, at nasa saklaw ito ng iyong kakayahan, o kung mayroon kang tamang kapaligiran at mga kondisyon, kung gayon, dahil sa konsiyensiya at katwiran ng tao, maaari kang gumawa ng ilang bagay para sa iba sa abot ng iyong makakaya at tumugon sa kanilang mga makatwiran at naaangkop na hinihingi. Subalit, kung ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ay nangangailangan ng marami mong oras at enerhiya, at masyadong kumakain ng iyong oras, hanggang sa puntong dahil dito ay isinasakripisyo mo na ang iyong buhay, at ang iyong mga responsabilidad at obligasyon sa buhay na ito at ang iyong mga tungkulin bilang nilikha ay mawawala na at mapapalitan, ano ang gagawin mo? Dapat kang tumanggi dahil hindi mo ito responsabilidad o obligasyon. Pagdating naman sa mga responsabilidad at obligasyon sa buhay ng isang tao, maliban sa pag-aalaga sa mga magulang at pagpapalaki ng mga anak, at pagtupad sa mga responsabilidad sa lipunan at sa ilalim ng batas, ang pinakamahalagang bagay ay na dapat igugol ang enerhiya at oras, at buhay ng isang tao sa pagtupad sa tungkulin ng isang nilikha, sa halip na ang mapagkatiwalaan ng gawain ng sinuman, na kumokonsumo ng kanyang oras at enerhiya. Ito ay dahil nililikha ng Diyos ang isang tao, binibigyan siya ng buhay, at dinadala siya sa mundong ito, at hindi ito para gumawa sila ng mga bagay at tumupad ng mga responsabilidad para sa iba. Ang pinakadapat tanggapin ng mga tao ay ang ipinagkatiwala ng Diyos. Tanging ang ipinagkatiwala ng Diyos ang tunay na ipinagkatiwala, at ang pagtanggap sa ipinagkatiwala ng tao ay hindi pag-aasikaso sa nauukol nilang mga tungkulin. Walang sinumang kwalipikadong humingi sa iyo na igugol mo ang iyong katapatan, enerhiya, oras, o maging ang iyong kabataan at buong buhay para sa gawaing ipinagkakatiwala nila sa iyo. Ang Diyos lamang ang kwalipikadong humingi sa mga tao na tuparin nila ang kanilang tungkulin bilang mga nilikha. Bakit ganoon? Kung ang anumang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ay nangangailangan ng maraming oras at enerhiya mo, hahadlangan ka nito sa pagtupad ng iyong tungkulin bilang isang nilikha at maging sa pagtahak sa tamang landas sa buhay. Babaguhin nito ang direksyon at mga mithiin mo sa buhay. Hindi ito isang mabuting bagay, isa itong hindi kanais-nais na bunga. Kung kumokonsumo ito ng maraming oras at enerhiya mo, at ninanakaw pa nito ang iyong kabataan, pinagkakaitan ka ng mga pagkakataong matamo ang katotohanan at ang buhay, ang anumang ipinagkakatiwala na may ganitong kalikasan ay nagmumula kay Satanas at hindi lamang mula sa sinumang indibidwal. Isang paraan pa ito para maunawaan ang usapin. Kung ipinagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawaing kumokonsumo at nagsasayang ng marami mong oras at enerhiya, at nagsasanhi pa nga na isakripisyo mo ang iyong kabataan at ang kabuuan ng iyong buhay, inaagaw ang oras na dapat mong igugol sa pagtupad ng iyong tungkulin bilang isang nilikha, maliban sa hindi mo kaibigan ang taong iyon, maituturing pa siyang iyong kaaway at iyong kalaban. Sa iyong buhay, bukod pa sa pagtupad mo ng mga responsabilidad at obligasyon mo sa iyong mga magulang, mga anak, at pamilya na ibinigay sa iyo ng Diyos, ang lahat ng iyong oras at enerhiya ay dapat ialay at igugol sa pagtupad ng iyong tungkulin bilang isang nilikha. Walang sinuman ang kwalipikadong kumonsumo o umagaw ng iyong oras at enerhiya, sa pagkukunwaring ipinagkakatiwala na gawin mo ang anuman. Kung hindi mo susundin ang payo at tatanggapin mo ang ipinagkakatiwala ng isang tao, na kumokonsumo ng maraming oras at enerhiya mo, medyo mababawasan ang oras na mayroon ka para sa pagtupad ng iyong tungkulin bilang isang nilikha, at baka mawala at makonsumo pa ito. Ano ang ibig sabihin kung pagkakaitan ka ng oras at enerhiya para tuparin ang iyong tungkulin? Ang ibig sabihin nito ay na mababawasan ang iyong pagkakataong hangarin ang katotohanan. Kapag nabawasan ang pagkakataong hangarin ang katotohanan, hindi ba’t nangangahulugan din iyon na mas maliit ang pagkakataon mong maligtas? (Oo.) Isa ba itong pagpapala o sumpa para sa iyo? (Isang sumpa.) Walang dudang isa itong sumpa. Gaya ito ng isang babae na may nobyo, at sasabihin sa kanya ng kanyang nobyo, “Pwede kang manalig sa Diyos, pero kailangan mo akong hintayin hanggang sa maging matagumpay, mayaman, at maimpluwensya ako, at hanggang sa kaya na kitang ibili ng kotse, bahay, at ng singsing na may malaking diyamante, pagkatapos ay pakakasalan kita.” Sasabihin ng babae, “Kung gayon sa ilang taon na ito, hindi ako mananalig sa Diyos o gaganap ng aking mga tungkulin. Magsisikap muna ako kasama mo at hihintayin ko na maging mayaman ka, magkaroon ng mataas na posisyon, na matupad mo ang mga kahilingan mo, at pagkatapos niyon ay gagampanan ko ang mga tungkulin ko.” Matalino ba o hangal ang babaeng ito? (Hangal.) Napakahangal niya! Tinulungan mo siyang magtagumpay, maging mayaman at makapangyarihan, at magkaroon ng kasikatan at kayamanan, pero sino ang babawi ng oras na nawala sa iyo? Hindi mo pa natutupad ang tungkulin mo bilang isang nilikha, kaya sino ang babawi para sa kawalang ito; sino ang magbabayad nito? Sa ilang taong ito ng pananalig sa Diyos, hindi mo pa natatamo ang katotohanang dapat mong taglayin, at hindi mo pa natatamo ang buhay na dapat mong taglayin. Sino ang babawi ng katotohanang ito at ng buhay na ito? Nananalig ang ilang tao sa Diyos pero hindi nila hinahangad ang katotohanan. Sa halip, gumugugol sila ng ilang taon ng kanilang oras sa pagtupad sa isang ipinagkatiwalang gawain, kahilingan, o hinihingi ng ibang tao. Sa huli, hindi lamang sila walang natatamo kundi napapalampas din nila ang pagkakataong matupad nila ang kanilang tungkulin para matamo ang katotohanan. Hindi nila natatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos; napakalaki ng naging kawalan, at napakalaki ng naging kabayaran! Hindi ba’t labis na kahangalan ang isuko ang pananalig sa Diyos at pagtupad sa tungkulin ng isang nilikha para lamang maiwasan nila na masira ang tiwala ng iba, para magsabi ang mga tao ng mabubuting bagay tungkol sa kanila, at para maituring sila na isang taong may mabuting pagkatao, na maganda ang reputasyon at mapagkakatiwalaan, at para matagumpay na “magawa nila ang lahat ng makakaya nila para matapat nilang pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao”? Nariyan din ang mga taong sinusubukang magawa ang parehong bagay, pinalulugod ang mga tao sa isang banda habang naglalaan ng kaunting enerhiya sa pagganap ng kaunting tungkulin, at pinalulugod ang iba at kasabay nito ay ninanais na mapalugod ang Diyos. Ano ang nangyayari sa huli? Maaaring mapalugod mo ang mga tao, pero ang tungkulin mo bilang isang nilikha ay hindi natutupad, hindi mo nauunawaan ang katotohanan ni kaunti, at malaki ang nawawala sa iyo! Bagamat nagawa mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang mga bagay-bagay para sa mga tao, bagamat nakatanggap ka ng papuri nang sabihin nilang tinutupad mo ang iyong salita at na isa kang taong may mabuting pagkatao, hindi mo natamo ang katotohanan mula sa Diyos, o nakamit ang pagsang-ayon o pagtanggap ng Diyos. Ito ay dahil ang paggawa mo ng lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang mga bagay-bagay para sa mga tao ay hindi ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, at hindi rin ito isang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Ang paggawa mo ng lahat ng iyong makakaya para matapat na pangasiwaan ang mga bagay-bagay para sa mga tao ay wala sa tamang landas, hindi ito pag-aasikaso sa iyong nauukol na mga tungkulin, at wala itong anumang halaga o kabuluhan. Hinding-hindi ito isang mabuting gawa na dapat gunitain. Gumugol ka ng maraming enerhiya at oras sa iba, at sa paggawa nito ay hindi ka lamang hindi ginugunita ng Diyos, nawalan ka pa ng pinakamagandang pagkakataon na hangarin ang katotohanan at ng napakahalagang oras para tuparin mo ang iyong tungkulin bilang isang nilikha. Kapag nagbago ka at gusto mo nang hangarin ang katotohanan at gampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin, matanda ka na, wala ka nang enerhiya, lakas ng katawan, at marami ka nang karamdaman. Sulit ba iyon? Paano mo maigugugol ang sarili mo para sa Diyos? Nakakapagod na gamitin ang natitira mong oras para hangarin ang katotohanan at tuparin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha. Hindi na kaya ng lakas ng iyong katawan, humihina na ang iyong memorya, at mababa na ang iyong enerhiya. Madalas kang nakakatulog sa mga pagtitipon, at palaging may mga paghihirap at karamdaman ang iyong katawan kapag sinusubukan mong tuparin ang iyong mga tungkulin. Sa panahong iyon, pagsisisihan mo iyon. Sa “paggawa mo ng lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” ano ang iyong natamo? Ang pinakamainam mo nang natamo ay kaya mong suhulan ang iba at matamo ang kanilang mga papuri. Pero ano ang silbi ng papuri ng mga tao? Kaya ba nitong katawanin ang pagsang-ayon ng Diyos? Hindi nito kinakatawan ang pagsang-ayon ng Diyos ni katiting. Kung ganoon, walang halaga ang pangungusap na iyon ng papuri mula sa isang tao. Sulit ba na magtiis ng gayong kalaking pasakit para lang magtamo ng papuri habang nawawalan ng pagkakataong maligtas? Kaya, ano ang kailangang maunawaan ng mga tao ngayon? Kung pagkakatiwalaan ka ninuman ng isang gawain, anuman iyon, basta’t wala iyong kinalaman sa pagtupad ng iyong tungkulin bilang isang nilikha o sa isang bagay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, may karapatan kang tumanggi dahil hindi mo iyon obligasyon, lalo nang hindi mo iyon responsabilidad. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Kung tatanggi ako, sasabihin ng iba na masama ang moralidad ko, o sasabihin nilang hindi ako sapat na mabuting kaibigan o sapat na matapat.” Kung inaalala mo ito, sige gawin mo iyon, at pagkatapos, tingnan mo kung ano ang mga kalalabasan. Mayroon ding mga tao na hindi pa tapos gumawa ng mga bagay-bagay para sa iba at hindi makapagpatuloy na gumawa ng mga bagay-bagay para sa iba dahil gumaganap sila ng kanilang mga tungkulin. Iniisip nila, “Hindi mabuti na iwan ko ang gawaing ito nang hindi pa tapos. Bilang isang tao, dapat ay mayroon akong kredibilidad. Kailangang gawin ng isang tao ang mga bagay-bagay mula simula hanggang katapusan at hindi ang magsimula nang masigasig pero magtapos nang matamlay. Kung ang mga gawaing ipinangako kong gagawin ko para sa iba ay nasa kalahati pa lamang at hindi ko gagawin ang natitira pa, hindi ko ito mapangangatwiranan sa iba, wala itong integridad!” Kung mayroon kang mga gayong kaisipan at hindi mo mapakawalan ang iyong pagpapahalaga sa sarili, pwede kang magpatuloy at gumawa ng mga gawain para sa iba, at kapag natapos ka na ay tingnan mo kung ano ang natamo mo at kung may anumang halaga ba na tuparin mo ang iyong sinabi at magkaroon ka ng ganitong uri ng integridad. Hindi ba’t pag-aantala ito sa isang mahalagang bagay? Kung maaantala nito ang pagganap mo sa iyong mga tungkulin at makaaapekto ito sa pagtatamo mo ng katotohanan, katumbas ito ng pagbubuwis ng iyong buhay, hindi ba? Kung itinuturing mo ang mga pahayag at hinihingi na ito ng wastong asal bilang mas mahalaga kaysa sa pagtupad sa iyong tungkulin bilang isang nilikha at sa paghahangad sa katotohanan, hindi mo mapapalaya ang sarili mo sa pagkakakulong at pagkakagapos ng mga pahayag na ito. Kung makikilatis mo ang mga ito at malinaw na makikita ang tunay na diwa ng mga ito, kung makapagpapasya kang talikdan ang mga ito, at hindi mamuhay ayon sa mga bagay na ito, mayroon kang pag-asang makawala sa pagkakakulong at pagkakagapos ng mga pahayag na ito tungkol sa wastong asal. Mayroon ka ring pag-asa na matupad ang iyong tungkulin bilang isang nilikha at matamo ang katotohanan.
Pagkatapos ng maraming pagbabahaginan, mayroon na ba kayo ngayong kaunting pagkakilala tungkol sa pahayag at pamantayan ng paghusga sa moralidad ng isang tao na, “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao”? (Oo.) Bilang pagbubuod, mula sa ilang aspeto natin dapat na kilalanin kung ang pangungusap na ito ay tama ba o mali? Una, malinaw na hindi umaayon ang pahayag na ito sa katotohanan o sa mga salita ng Diyos, at hindi ito isang katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao. Paano mo dapat harapin ang bagay na ito kung gayon? Sinuman ang nagkakatiwala sa iyo ng isang gawain, mayroon kang karapatang tumanggi at sabihing, “Ayaw kitang tulungan; hindi ako obligadong maging matapat sa iyo.” Kung tinanggap mo noong panahong iyon ang kanyang ipinagkatiwala, pero ngayong nauunawaan mo na ang usapin ay ayaw mo nang tumulong at pakiramdam mo ay walang pangangailangan o obligasyon, doon na nagtatapos ang usaping iyon. Isa ba itong prinsipyo ng pagsasagawa? (Oo.) Maaari kang magsabi ng “hindi” at tumanggi. Pangalawa, ano ang mali sa pahayag na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao”? Kung ipinagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang simpleng gawain na madaling gawin, isa lang itong normal na bagay sa pakikipag-ugnayan at pakikitungo ng mga tao. Hindi masasabi kung matapat ka ba o kung mayroon ka bang mabuting pagkatao, hindi ito magagamit bilang pamantayan upang sukatin ang moralidad ng isang tao. Ipinapakita ba ng pagtulong sa isang tao sa isang bagay na napakadaling gawin na may moralidad at kredibilidad ang isang tao? Hindi palagi, dahil maaaring maraming nagawang masamang bagay ang taong iyon na hindi nalalaman ng iba. Kung marami siyang nagawang masama, pero may nagawa siyang bagay na napakadaling gawin para makatulong sa iba, itinuturing ba itong mabuting pagkatao? (Hindi.) Kung gayon, ang halimbawang ito ay pinabubulaanan ang pahayag na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Hindi ito tama at hindi ito magagamit na pamantayan para sukatin ang pagkatao ng isang tao. Ito ang paraan para harapin ang ilang ordinaryong bagay. Kaya, paano mo dapat harapin ang ilang espesyal na bagay? Kung ipagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang espesyal at mahalagang gawain na higit sa iyong mga kakayahan, at ito ay nakakapagod at mahirap para sa iyo at hindi mo ito kayang gawin, maaari kang tumanggi nang hindi bumibigat ang loob mo. Bukod pa rito, kung ipagkakatiwala sa iyo ng isang tao na gawin ang isang bagay na hindi makatwiran, na ilegal, o nakapipinsala sa mga interes ng iba, lalo nang hindi mo ito dapat gawin para sa kanya. Kaya, kapag ipinagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawain, ano ang pangunahing bagay na dapat mong kilatisin? Sa isang banda, kailangan mong kilatisin kung ang ipinagkatiwalang gawain ba ay iyong responsabilidad o obligasyon at kung dapat mo itong tanggapin. Sa isa pang banda, matapos mo itong tanggapin, kung ginagawa mo ba ito o hindi, at kung maayos mo ba itong inaasikaso o hindi, may kinalaman ba rito ang pagiging matapat at ang moralidad ng isang tao? Ito ang pinagtutuunan ng pagkilatis. Ang isa pang aspetong dapat kilatisin ay ang kalikasan ng ipinagkatiwalang gawain, kung ito ba ay makatwiran, legal, positibo, o negatibo. Kikilatisin mo ito sa pamamagitan ng tatlong aspetong ito. Ngayon, pag-isipan at ibuod ninyo ang kakatapos lang pagbahaginan at talakayin ninyo ang inyong mga opinyon at pananaw. (Hinggil sa pahayag tungkol sa moralidad na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” una, hindi obligado ang mga tao na gumawa ng mga bagay-bagay para sa iba, pwede silang tumanggi, karapatan ito ng lahat. Pangalawa, kahit pa tanggapin nila ang isang gawaing ipinagkatiwala ng iba, gawin man nila ito o hindi at gawin man nila ito nang maayos o hindi ay walang kinalaman sa kanilang moralidad, at hindi ito magagamit na pamantayan para sukatin ang karakter ng isang tao. Bukod pa riyan, kung ang ipinagkatiwalang gawain sa isang tao ay ilegal at isang krimen, talagang dapat na hindi niya iyon isagawa. Kung gagawin niya iyon, isa iyong krimen at mahaharap siya sa kaparusahan. Sa pamamagitan ng mga puntong ito, mapabubulaanan nga natin ang pananaw na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.”) Ang pinakamahalagang punto ay na mali ang pahayag na ito. Saan ito mali? Una, ang prinsipyong itinataguyod nito sa pagtrato at pangangasiwa ng mga gayong bagay ay mali. Bukod pa roon, mali rin na gamitin ang pahayag na ito upang husgahan ang moral na karakter ng isang tao. Dagdag pa roon, ang paggamit ng pahayag na ito para sukatin ang moral na karakter ng isang tao, para igapos at kontrolin siya, para gamitin siya sa paggawa ng mga bagay-bagay, at para pagbayarin siya ng kanyang oras, enerhiya, at halaga sa pagganap ng mga responsabilidad na hindi niya dapat pasanin o na ayaw niyang pasanin ay isang uri ng pag-agaw ng kontrol at mali rin ito. Ang ilang kamaliang ito ay sapat na para pabulaanan ang halaga at pagiging tama ng pahayag na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Ibuod natin ito nang maiksi. Una sa lahat, sinasabi sa mga tao ng pahayag na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” kung paano pangasiwaan ang mga gawaing ipinagkatiwala sa kanila. Ipinahihiwatig nito na kapag ipinagkatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawain, makatwiran man ito o hindi, mabuti man o masama, o positibo man o negatibo, basta’t ipinagkatiwala sa iyo ang gawain, kailangan mong tuparin ang iyong salita. Obligado kang isakatuparan nang maayos at nang kumpleto ang gawain upang mapalugod siya. Ang ganitong uri lang ng tao ang maaaring magkaroon ng kredibilidad. Dahil dito ay isinasakatuparan ng mga tao ang gawain nang walang pagkilatis, na una sa lahat ay isang maling bagay, isang maling bagay na sumasalungat sa mga prinsipyo. Pangalawa, ang pamantayan na kung magagawa ng mga tao na “gawin ang lahat ng makakaya nila para matapat nilang pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao” ay ginagamit bilang batayan para sukatin ang kanilang pagkatao. Hindi ba’t ang pamantayang ito ng pagsukat ay paggawa ng isa pang pagkakamali? Kung gagawin ng lahat ang lahat ng makakaya nila para matapat na pangasiwaan ang masasama o buktot na mga gawaing ipinagkatiwala sa kanila, hindi ba’t magkakagulo ang lipunang ito? Bukod pa riyan, kung palaging ginagamit ang pahayag na ito bilang pamantayan para sukatin ang pagkatao ng mga tao, likas itong lilikha ng isang kapaligirang panlipunan, opinyon ng publiko, at panggigipit ng lipunan na igapos at limitahan ang kaisipan ng mga tao. Anu-ano ang magiging bunga nito? Dahil sa pag-iral ng pahayag na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” at sa presensya ng gayong opinyon ng publiko sa lipunan, sumasailalim ka sa panggigipit ng lipunan at naoobliga kang kumilos nang ganito sa gayong mga sitwasyon. Hindi kusang-loob ang pagkilos mo, wala ito sa saklaw ng sarili mong mga kakayahan, at hindi ito pagtupad sa iyong mga obligasyon. Napipilitan kang gawin ito, at hindi ito hinihingi ng kaibuturan ng iyong puso, at hindi rin ito hinihingi ng normal na pagkatao, at hindi ito hinihingi para mapanatili ang malalapit mong personal na relasyon. Idinudulot ito ng panggigipit ng lipunan, na para na ring pag-agaw ng kontrol sa moralidad. Kung mabibigo kang gawin ang mga gawaing pumayag kang gawin para sa iba, pipintasan ka ng iyong mga magulang, ng iyong pamilya, mga kasamahan, at kaibigan, at sasabihin nilang, “Ano sa tingin mo ang ginagawa mo? Gaya nga ng sinasabi ng kasabihan, ‘Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.’ Dahil pumayag ka, bakit hindi mo iyon ginawa? Kung pumayag ka, dapat ay ginawa mo iyon nang maayos!” Matapos mo itong marinig, pakiramdam mo ay ikaw ang mali, kaya masunurin mong isinasakatuparan ang gawain. Habang ginagawa mo ito, ayaw mo pa rin itong gawin; wala kang kakayahan, at hindi mo ito magawa, pero kailangan mo pa ring magtiis at gawin ito. Sa huli, tinutulungan ka ng buong pamilya mo na gawin ito, at nangangailangan ito ng maraming pera, enerhiya, at pagdurusa at halos hindi pa rin ito natapos. Masaya ang taong nagkatiwala sa iyo, pero labis kang nagdusa sa iyong puso at pagod na pagod ka. Bagamat ginagawa mo ito nang mabigat ang iyong puso at nang umaayaw ang iyong kalooban, hindi ka susuko, at sa susunod na pagkakataong maharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon, ganoon na naman ang gagawin mo. Bakit ganito? Dahil gusto mong magkaroon ng respeto sa sarili mo, minamahal mo ang banidad, at kasabay nito, hindi mo makayanan ang panggigipit ng opinyon ng publiko. Kahit pa walang naghahanap sa iyo ng kamalian, pipintasan mo ang iyong sarili, sinasabing, “Hindi ko ginawa ang sinang-ayunan kong gawin para sa iba. Ano ba ang ginagawa ko? Namumuhi pa nga ako sa sarili ko. Hindi ba’t imoral ito?” Maging ikaw ay inaagawan ng kontrol ang sarili mo; nakulong na ba ang iyong isipan? (Oo.) Sa katunayan, walang anumang kinalaman sa iyo ang gawaing iyon. Wala kang natatamong pakinabang o magandang aral sa paggawa niyon. Ganap na ayos lang kung hindi mo iyon gagawin, at iilang indibidwal lang ang pupuna sa iyo. Pero ano bang kaibahan ang magagawa niyon? Hindi niyon mababago ni katiting ang iyong tadhana. Anuman ang hilingin sa iyo ng mga tao, basta’t hindi ito umaayon sa mga hinihingi ng Diyos ay maaari kang tumanggi. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa pahayag na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” batay sa tatlong puntong ito, nauunawaan mo ba ang diwa ng pahayag na ito? (Oo.)
Kapag ipinagkatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawain, anong mga prinsipyo ang dapat mong sundin? Hindi ba’t dapat ay may mga prinsipyo sa pagsasakatuparan nito? Ano ang batayan para dito sa usapin ng katotohanan? Ngayon-ngayon lang, binanggit Ko ang pinakamahalagang punto, na sa buong buhay ng isang tao, maliban sa pagsuporta sa mga magulang, pagpapalaki ng mga anak, at pagtupad ng mga responsabilidad sa lipunan ng isang tao sa loob ng saklaw ng batas, walang obligasyon na tanggapin ang ipinagkatiwala ninuman o na magtrabaho para kaninuman at hindi kailangang mabuhay para sa mga usapin o ipinagkakatiwala ninuman. Ang halaga at kabuluhan ng buhay ng tao ay matatagpuan lamang sa pagganap ng tungkulin ng isang nilikha. Maliban doon, wala ni katiting na kabuluhan ang gumawa ng mga bagay-bagay para kaninuman; lahat ng ito ay walang silbing paggawa. Kaya, ang pahayag na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay isang bagay na itinatakda ng mga tao sa mga tao at wala itong kaugnayan sa Diyos. Ang pahayag na ito ay ganap na hindi hinihingi ng Diyos sa mga tao. Nagmumula ito sa pananamantala sa iyo ng iba, pag-agaw ng kontrol sa iyong moralidad, at pagkontrol at paggapos sa iyo. Wala itong ni katiting na kaugnayan sa ipinagkakatiwala ng Diyos o sa pagganap ng iyong tungkulin bilang isang nilikha. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Sa mundong ito, sa buong sansinukob, bilang isang nilikha, maliban sa pagiging matapat sa Diyos at sa ipinagkakatiwala ng Diyos, at pagiging matapat sa tungkulin ng isang tao bilang isang tao, walang bagay o tao na karapat-dapat sa iyong katapatan. Malinaw na ang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay hindi isang prinsipyo sa pag-asal. Isa itong bagay na mali at lumalabag sa mga prinsipyo. Kung ipagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawain, ano ang dapat mong gawin? Kung ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ay isang bagay na madali lang gawin, kung saan kailangan mo lang na magsalita o gumawa ng isang maliit na pagkilos, at sapat ang iyong kwalipikasyon, pwede kang tumulong nang mula sa iyong pagkatao at pagmamalasakit; hindi ito itinuturing na mali. Isa itong prinsipyo. Subalit, kung ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ay kokonsumo ng marami mong oras o enerhiya, o kung sasayangin pa nga nito ang malaki-laking bahagi ng iyong oras, may karapatan kang tumanggi. Kahit pa mga magulang mo ito, may karapatan kang tumanggi. Hindi kinakailangan na maging matapat ka sa kanila o na tanggapin mo ang ipinagkakatiwala nila, ito ay iyong karapatan. Saan nagmumula ang karapatang ito? Ito ay ipinagkakaloob sa iyo ng Diyos. Ito ang pangalawang prinsipyo. Ang pangatlong prinsipyo ay na kung ipagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawain, kahit pa hindi ito kumokonsumo ng maraming oras at enerhiya, pero makagugulo ito o makaaapekto sa pagganap mo ng tungkulin, o makasisira ito sa kagustuhan mong gampanan ang iyong tungkulin pati na rin sa iyong katapatan sa Diyos, dapat mo rin itong tanggihan. Kung ipagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang bagay na makaaapekto sa iyong paghahangad sa katotohanan, makagagambala at makagugulo sa kagustuhan mong hangarin ang katotohanan at sa bilis ng iyong paghahangad sa katotohanan, at makapagpapasuko sa iyo bago ka pa matapos, lalo mo pa itong dapat tanggihan. Dapat mong tanggihan ang anumang nakaaapekto sa pagganap mo ng tungkulin o sa paghahangad mo sa katotohanan. Karapatan mo ito; may karapatan kang humindi. Hindi kinakailangan na igugol mo ang iyong oras at enerhiya. Pwede mong tanggihan ang lahat ng bagay na walang kabuluhan, halaga, magandang aral, tulong, o pakinabang sa iyong pagganap ng tungkulin, paghahangad sa katotohanan, o kaligtasan. Maituturing ba itong isang prinsipyo? Oo, isa itong prinsipyo. Kaya kung magsusukat kayo ayon sa mga prinsipyong ito, saan maaaring magmula ang mga ipinagkatiwalang gawain na dapat tanggapin ng mga tao sa kanilang buhay? (Mula sa Diyos.) Tama iyan, sa Diyos lamang maaaring magmula ang mga iyon. Ang mga salitang “mula sa Diyos” ay medyo hungkag at abstrakto, kaya ano talaga dapat ang ipinagkatiwalang ito? (Ang gampanan ang aming tungkulin.) Tama iyan, ang ibig sabihin niyon ay ang gampanan ang iyong tungkulin sa iglesia. Imposibleng personal na sabihin sa iyo ng Diyos na, “Ipalaganap mo ang ebanghelyo,” “Pamunuan mo ang iglesia,” o “Gumanap ka ng gawaing pang-teksto.” Imposibleng personal na sabihin ito sa iyo ng Diyos, pero ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ang iyong tungkulin sa pamamagitan ng pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Ang lahat ng pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos ay nagmumula sa Diyos at nanggagaling sa Diyos, kaya kailangan pa bang sabihan ka nang personal ng Diyos? Naranasan mo na ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay na mula sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangasiwa ng Diyos at mayroon kang mga totoong damdamin. Ang naranasan mo ay may kaugnayan sa gawain ng Diyos, sa katotohanan, at sa Kanyang plano ng pamamahala. Hindi ba’t pagganap ito sa tungkulin ng isang nilikha? Ito ay mula sa aspeto ng pagtanggap sa ipinagkatiwala. Sa isa pang banda, bukod sa ipinagkatiwala ng Diyos, wala nang iba pang bagay kung saan dapat maging matapat ang mga tao. Ang Diyos lamang ang karapat-dapat sa hindi natitinag na katapatan; hindi karapat-dapat ang mga tao. Walang sinuman, maging ang iyong mga ninuno, magulang, o nakatataas, ang karapat-dapat. Bakit? Ang pinakamataas na katotohanan ay na isa itong bagay na inorden ng Langit at kinikilala ng lupa na maging matapat sa Lumikha ang mga nilikha. Kailangan ba ninyong suriin ang katotohanang ito? Hindi, dahil ang lahat ng tungkol sa mga tao ay nagmumula sa Diyos, isa itong bagay na inorden ng Langit at kinikilala ng lupa na maging matapat sa Lumikha ang mga nilikha. Isa itong kataas-taasang katotohanan na dapat laging isaisip ng mga tao! Ang pangalawang katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao ay na sa pagiging matapat sa Diyos, ang lahat ng natatamo ng mga tao mula sa Diyos ay ang katotohanan, ang buhay, at ang daan. Ang kanilang mga natatamo ay marami at masagana, labis-labis ang bilang, at nag-uumapaw. Kapag natamo ng mga tao ang katotohanan, ang buhay, at ang daan, nagiging mahalaga ang kanilang buhay. Kaya, kapag matapat ka sa Diyos, positibong gagantimpalaan ang iyong oras, enerhiya, at mga isinakripisyo mo, at kailanman ay wala kang pagsisisihan. Hanggang sa kasalukuyan, dalawampu o tatlumpung taon nang sumusunod sa Diyos ang ilang tao, ang ilan ay tatlo hanggang limang taon o sampung taon nang sumusunod sa Diyos. Naniniwala Ako na ang karamihan sa kanila ay walang pagsisisi at mayroon naman nang natamo. Para sa mga nagmamahal sa katotohanan, habang lalo nilang sinusunod ang Diyos, lalo nilang nadarama na masyadong marami ang kulang sa kanila at na mahalaga ang katotohanan. Tumitindi ang pagnanais nilang hangarin ang katotohanan, at nadarama nilang masyadong huli na nang tinanggap nila ang Diyos at na kung tinanggap lang sana nila Siya nang mas maaga nang tatlo hanggang limang taon o nang sampung taon, ang daming katotohanan na sana ang nauunawaan nila! Ngayon, nagsisisi ang ilang tao na masyadong huli na nang tinanggap nila ang Diyos, nagsisisi na ilang taon silang nanalig sa Diyos nang hindi hinahangad ang katotohanan at inaksaya nila ang kanilang oras, at nagsisisi na ilang taon silang nanalig sa Diyos nang hindi maayos na ginagampanan ang kanilang tungkulin. Sa madaling salita, gaano katagal man nananalig sa Diyos ang isang tao, lahat sila ay may natatamo at nadarama nila na napakahalagang hangarin ang katotohanan. Ito ang pangalawang katotohanan: na sa pagiging matapat sa Diyos, ang lahat ng natatamo ng mga tao mula sa Diyos ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at maaari silang maligtas, hindi na namumuhay pa sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ang pangatlong katotohanan ay na kung kayang matamo ng mga tao ang walang-hanggang katapatan sa Diyos, ano ang kanilang magiging panghuling hantungan? (Ang maligtas at manatili para makapasok sa kaharian ng Diyos.) Kapag sinusunod ng mga tao ang Diyos at sa huli ay inililigtas sila, ang nagiging hantungan nila ay ang hindi maitapon sa kapahamakan at mawasak, kundi ang manatili bilang isang bagong tao, ang makapagpatuloy mabuhay. Kung patuloy na mabubuhay ang mga tao, may pag-asa silang makita ang Diyos. Napakagandang pagpapala nito! Sa usapin ng pagiging matapat sa Diyos, sapat na ba na maunawaan ng mga tao ang tatlong katotohanang ito? (Oo.) Anu-anong pakinabang ang naroroon kung susunod ang mga tao sa iba at magiging matapat sa mga iyon? Kung matapat ka sa iba, sinasabi ng mga tao na mabuti ang iyong moralidad. Mayroon kang magandang reputasyon, at itong maliit na pakinabang lamang ang natatamo mo. Natamo mo ba ang katotohanan at buhay? Hinding-hindi mo ito natatamo. Ano ang maibibigay sa iyo ng sinumang tao kapag matapat ka sa kanya? Ang pinakamalaki na ay na maaari kang makinabang sa pakikihalubilo sa kanya habang mabilis siyang nagtatagumpay sa kanyang propesyon, iyon lang. Ano ang halaga niyon? Hindi ba’t hungkag iyon? Ang mga bagay na walang kaugnayan sa katotohanan ay walang silbi gaano karami man niyon ang matamo mo. Bukod pa roon, kung sumusunod ka sa mga tao at matapat ka sa kanila, maaaring magkaroon ng kahihinatnan. Maaari kang maging isang biktima, isang handog. Kung ang tao na pinapakitaan mo ng katapatan ay hindi tumatahak sa tamang landas, ano ang mangyayari kung susundan mo siya? Tatahak ka ba sa tamang landas? (Hindi.) Kung susundan mo siya, hindi ka rin tatahak sa tamang landas; susundin mo pa nga siya na gumawa ng masama at mapupunta ka sa impiyerno para maparusahan, at pagkatapos ay katapusan mo na. Kung matapat ka sa isang tao, kahit pa gumawa ka ng maraming mabuting gawa, hindi mo matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung matapat ka sa mga haring diyablo, kay Satanas, o sa mga anticristo, nagiging kasabwat at kampon ka ni Satanas. Ang kalalabasan mo ay maililibing ka katabi ni Satanas, magiging isang handog kay Satanas. Sinasabi ng mga hindi mananampalataya, “Ang pagiging malapit sa hari ay kasingmapanganib ng pagsama sa tigre.” Gaano ka man katapat sa mga haring diyablo, sa huli, kapag nagamit ka na nila, lalamunin ka nila at gagawin kang isang biktima. Palaging manganganib ang iyong buhay. Iyan ang tadhana ng pagiging matapat sa mga haring diyablo at kay Satanas. Hindi kailanman ituturo sa iyo ng mga haring diyablo at ni Satanas ang tamang direksyon at layunin para sa buhay mo, at hindi ka gagabayan ng mga ito sa tamang landas sa buhay. Hindi mo kailanman matatamo ang katotohanan o ang buhay mula sa mga ito. Ang magiging pagwawakas ng iyong katapatan sa mga ito ay ang mamatay ka kasama ng mga ito at maging handog ng mga ito, o ang ikulong, lurayin, at lamunin ng mga ito; ang lahat ng ito ay ang pangwakas na resulta ng pagpunta sa impiyerno. Isa itong hindi maipagkakailang katunayan. Kaya, ang sinumang tao, gaano man siya kasikat at katanyag o kabantog na tao, ay hindi karapat-dapat sa iyong katapatan at sa pagsasakripisyo mo ng iyong buong buhay para sa kanya. Siya ay hindi karapat-dapat, at wala siyang kapangyarihan na isaayos o manipulahin ang iyong tadhana. Sapat na ba ang maunawaan ang katotohanang prinsipyong ito para malutas ang mga problema gaya ng pagsunod sa mga tao at pagiging matapat sa mga tao? (Oo.) May tatlong prinsipyo na dapat sundin kapag pinangangasiwaan ang mga gawaing ipinagkatiwala sa iyo ng iba, at tatlong prinsipyo ang pinagbahaginan tungkol sa halaga at kabuluhan ng katapatan ng mga tao sa Diyos—malinaw ba ninyong nauunawaan ang lahat ng prinsipyong ito? (Oo.) Sa madaling salita, ang layunin ng pagsusuri sa pahayag na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay ang matulungan kayong malinaw na makita na ito ay katawa-tawa at mali para mabitawan ninyo ito. Subalit, hindi sapat na bitawan ito; kailangan din ninyong maunawaan at maintindihan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa na dapat taglayin ng mga tao, pati na rin ang kalooban ng Diyos sa mga gayong bagay. Hinggil sa pahayag tungkol sa moralidad na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” ang pangunahing laman ay ito na. Sinuri Ko lamang ito mula sa magkakaibang aspeto at pananaw, at pagkatapos ay partikular Akong nagbahagi tungkol sa mga prinsipyo ng pagsasagawa na ibinunyag ng Diyos sa mga tao, kung ano ang kalooban ng Diyos, at kung anong mga katotohanan ang dapat maunawaan ng mga tao. Pagkatapos maunawaan ang mga puntong ito, dapat ay nauunawaan na ng mga tao ang diwa ng kung paano kilatisin ang pahayag tungkol sa moralidad na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.”
Ang pagsusuri sa paksang ito na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay napakasimple naman talaga, at madali itong makikilatis at mauunawaan ng mga tao. Ang pariralang ito ay isa ring pahayag na isinusulong ng mga moralista para maparalisa ang mga tao, malito ang isipan ng mga tao, at magambala ang normal na pag-iisip, at hindi ito batay sa isang normal na konsiyensiya, katwiran, o mga pangangailangan ng tao. Ang mga gayong ideya ay binuo ng mga diumano’y intelektwal at moralista, na pinalalabas na mabubuti. Hindi lamang walang basehan at walang katuturan ang mga iyon, kundi imoral din ang mga iyon. Bakit ito itinuturing na imoral? Dahil hindi ito nagmumula sa mga pangangailangan ng normal na pagkatao, hindi ito makakamit sa saklaw ng mga kakayahan ng tao, at hindi ito isang obligasyon o tungkulin na dapat gampanan ng mga tao. Ginagamit ng mga diumano’y moralistang iyon ang pariralang ito na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” bilang pamantayan sa pag-asal na mahigpit nilang iginigiit sa mga tao, at sa gayon ay bumubuo ng isang uri ng kapaligirang panlipunan at opinyon ng publiko. Pagkatapos ay nasusupil ng opinyong ito ng publiko ang mga tao, at napipilitan silang mamuhay nang ganito. Sa ganitong paraan, hindi napapansing nagagapos ng ganitong uri ng satanikong pag-iisip ang mga kaisipan ng mga tao. Sa sandaling magapos ang mga kaisipan ng isang tao, malinaw na nagagapos din ng pahayag na ito at ng opinyon ng publiko ang kanyang mga kilos. Ano ang ibig sabihin ng magapos? Ang ibig sabihin nito ay na hindi maaaring piliin ng mga tao ang gagawin nila, hindi nila malayang masusunod ang mga ninanais at hinihingi ng kalikasan ng tao, at hindi nila masusunod ang mga hinihingi ng kanilang konsiyensiya at katwiran para magawa ang nais nilang gawin. Sa halip, napipigilan at nagagapos sila ng isang baluktot na kaisipan, ng isang uri ng ideolohikal na teorya at opinyon ng lipunan na hindi kayang matukoy ng mga tao at kung saan hindi sila makawala. Walang kamalayan na namumuhay ang mga tao sa ganitong uri ng panlipunang kapaligiran at atmospera at hindi sila makawala. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, kung hindi nila malinaw na maunawaan ang mga maling paniniwala at mga kamalian sa mga pahayag na ito, at kung hindi nila kayang mapagtanto ang pinsala at mga kalalabasang idinudulot ng mga pahayag na ito na gumagapos sa kanilang mga kaisipan, hindi nila kailanman magagawang makawala sa mga limitasyon, gapos, at panggigipit na idinudulot ng tradisyonal na kultura at opinyon ng lipunan. Makapamumuhay lang sila sa pamamagitan ng pag-asa sa mga bagay na ito. Ang dahilan kung bakit namumuhay ang mga tao sa pamamagitan ng pag-asa sa mga bagay na ito ay hindi nila alam kung ano ang tamang landas, kung ano ang direksyon at layunin ng kanilang pag-asal, ni ang mga prinsipyo kung paano sila dapat umasal. Likas at pasibo silang nililito ng iba’t ibang pahayag tungkol sa moralidad na nasa tradisyonal na kultura, inililigaw at kinokontrol ng mga maling teoryang ito. Kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, nagiging madali para sa kanila na kilatisin at tanggihan ang mga maling pananampalataya at maling paniniwalang ito. Hindi na sila nagagapos, naaagawan ng kontrol, o nasasamantala ng opinyon ng publiko, ng atmospera, at kapaligirang panlipunan na nilikha ni Satanas. Sa ganitong paraan, ganap na nagbabago ang direksyon at layunin ng kanilang buhay, at makapamumuhay at makaiiral sila nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos at mga salita ng Diyos. Hindi na sila nalilito o naigagapos ng iba’t ibang satanikong teorya at ng iba’t ibang maling paniniwala ng tradisyonal na kultura. Kapag ganap na tinatalikdan ng mga tao ang iba’t ibang pahayag sa tradisyonal na kultura tungkol sa wastong asal, iyon ang panahon na ganap nilang mapalalaya ang sarili nila mula sa katiwalian, panlilinlang, at paggapos ni Satanas. Sa batayang ito, kapag nauunawaan mo ang katotohanan at kapag nauunawaan mo ang mga prinsipyo ng pagsasagawa na hinihingi ng Diyos at na ibinibigay Niya sa mga tao, lubusang nagbabago ang iyong layunin sa buhay at mayroon ka nang bagong buhay. Kapag mayroon kang bagong buhay, isa kang bagong silang na tao at isa kang bagong tao. Dahil ang mga kaisipang nasa iyong isip ay hindi na puno ng iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwala na ikinintal sa iyo ni Satanas, at sa halip ay napalitan na ng katotohanan ang mga satanikong bagay na ito, pagkatapos niyon, sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, ang katotohanan ay nagiging buhay sa kalooban ng mga tao, ginagabayan at pinamamahalaan kung paano nila tingnan ang mga tao at bagay, at kung paano sila umasal at kumilos. Tinatahak nila ang tamang landas ng buhay ng tao at nakapamumuhay sila sa liwanag. Hindi ba’t gaya ito ng pagiging muling maisilang sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos? Sige, dito natin tapusin ang pagbabahaginan ngayong araw.
Hulyo 2, 2022