Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 12 (Ikalawang Bahagi)

Kung titingnan ito batay sa mga kasabihan ng wastong asal at sa diwa ng mga ito na pinagbahaginan natin noong huli, itinatago ng gayong mga kasabihan sa tradisyonal na kultura ang mga tiwaling disposisyon at ang diwa ng sangkatauhan, at siyempre tinatago rin ng mga ito ang katunayan na ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang mga depinisyon ng mga lalaki at babae sa tradisyonal na kultura na pinagbahaginan natin ngayong araw ay malinaw na naglalarawan ng isa pang mahalagang aspeto ng mga kasabihan sa wastong asal. Anong diwa iyon? Ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay hindi lamang nakalilito, nanglilihis, at nanglilimita ng pag-iisip ng mga tao, kundi siyempre nagtatanim din ang mga ito sa mga tao ng mga maling konsepto at pananaw tungkol sa iba’t ibang tao, usapin, at bagay. Ito ay isang katunayan, at isa pang mahalagang aspeto sa mga kasabihan sa wastong asal na isinusulong ni Satanas. Paano mapatutunayan ang salaysay na ito? Hindi pa ba sapat ang mga depinisyon ng mga lalaki at babae sa mga kasabihan tungkol sa wastong asal na pinagbahaginan natin ngayon-ngayon lang para mailarawan ang puntong ito? (Sapat na.) Sapat na nga ang mga ito para mailarawan ang puntong ito. Ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay nagtatalakay lamang tungkol sa tama at maling pag-uugali, at sa mabubuti at masasamang pagsasagawa, at mababaw lamang na nagtatalakay tungkol sa mabuti at masama, tama at mali. Hindi ipinaaalam ng mga ito sa mga tao kung ano ang positibo at negatibo, mabuti at masama, tama at mali pagdating sa mga tao, usapin, at mga bagay-bagay. Ang mga bagay na pinapasunod nila sa mga tao ay hindi mga tamang batayan o prinsipyo para sa pag-uugali at asal na sang-ayon sa sangkatauhan o kapaki-pakinabang sa mga tao. Nilalabag man ng mga kasabihang ito sa wastong asal ang mga likas na batas ng sangkatauhan, o handa mang sumunod ang mga tao rito o hindi, pinipilit nito ang mga tao na kumapit nang mahigpit sa dogma nang hindi kinikilala kung ano ang tama at mali, mabuti at masama. Kung mabibigo kang sundin ang mga ito, lalaitin at kokondenahin ka ng lipunan, at lalaitin mo pa nga ang iyong sarili. Tunay ba itong larawan ng kung paano kinukulong ng tradisyonal na kultura ang pag-iisip ng tao? Ito ay tumpak na tunay na sumasalamin sa kung paano kinukulong ng tradisyonal na kultura ang pag-iisip ng tao. Sa sandaling lumikha ang tradisyonal na kultura ng mga bagong kasabihan, hinihingi, at panuntunan, o humubog ng pampublikong opinyon, o magtatag ng isang kalakaran o kagawian sa lipunan, hindi maiiwasang madadala ka sa kalakaran o kagawiang ito, at hindi ka maglalakas-loob na humindi o tumanggi, lalong hindi ka mag-aalinlangan at magkakaroon ng ibang mga opinyon. Maaari mo lang ilaan ang sarili mo rito, kung hindi, kukutyain at kakastiguhin ka ng lipunan, at lalaitin pa nga ng pampublikong opinyon at kokondenahin ng sangkatauhan. Ano ang mga kahihinatnan ng paglait at pagkondena? Hindi mo na magagawang harapin ang pagiging nasa paligid ng mga tao, dahil mawawalan ka ng dignidad, dahil hindi ka makasusunod sa etika ng lipunan, wala kang mga kabutihang-asal, at wala kang wastong asal na hinihingi ng tradisyonal na kultura, at kaya hindi ka magkakaroon ng posisyon sa lipunan. Ano ang mga kahihinatnan ng kawalan ng posisyon sa lipunan? Na hindi ka magiging karapat-dapat na mamuhay sa lipunang ito, at ang lahat ng aspeto ng iyong mga karapatang pantao ay aalisin, maging hanggang sa punto na ang iyong karapatang mabuhay, karapatang magsalita, at karapatang gampanan ang iyong mga obligasyon ay pipigilan at paghihigpitan. Ganito ang epekto at pagbabanta ng tradisyonal na kultura sa sangkatauhan. Lahat ay biktima nito, at siyempre ang lahat ay tagapagpatupad din nito. Nagiging biktima ka ng mga pampublikong opinyon na ito, natural ka ring nagiging biktima ng lahat ng iba’t ibang tao sa lipunan, at kasabay niyon ay nagiging biktima ka rin ng sarili mong pagtanggap sa tradisyonal na kultura. Sa huling pagsusuri, nabibiktima ka sa mga bagay na ito ng tradisyonal na kultura. May malaking epekto ba sa sangkatauhan ang mga bagay na ito sa tradisyonal na kultura? (Mayroon.) Halimbawa, kung ang isang babae ay paksa ng mga tsismis na hindi raw siya malinis, mabait, malumanay, at wala siyang mabuting asal, at na hindi siya isang mabuting babae, kung gayon, sa tuwing papasok siya para simulan ang isang bagong trabaho o sumali sa anumang grupo, sa sandaling malaman ng mga tao ang mga kuwento tungkol sa kanya, at makinig sa mga tsismosa at husgahan siya, hindi siya ituturing na mabuting babae sa mga mata ng sinuman. Sa sandaling lumitaw ang sitwasyong ito, mahihirapan siyang mamuhay sa lipunan. Ang ilang tao pa nga ay walang ibang mapagpipilian kundi ang itago ang kanilang identidad at lumipat sa ibang lungsod o kapaligiran. Makapangyarihan ba ang opinyon ng publiko? (Oo.) Ang di-nakikitang puwersang ito ay maaaring sumira at magwasak ng sinuman at yumurak sa kanila. Halimbawa, kung nananampalataya ka sa Diyos, malinaw na mahirap para sa iyo na mamuhay sa kapaligirang panlipunan ng Tsina. Bakit napakahirap mamuhay? Dahil sa sandaling manampalataya ka sa Diyos, gampanan mo ang iyong tungkulin at gugulin ang iyong sarili para sa Kanya, minsan ay hindi maiiwasang hindi mo maaasikaso ang iyong pamilya, at ang mga hindi mananampalatayang diyablo ay magpapakalat ng tsismis na ikaw ay “hindi namumuhay nang normal,” “inaabandona ang iyong pamilya,” “nakikipagtanan sa iba,” at iba pa. Bagamat hindi tumutugma sa mga katunayan ang mga pahayag na ito, at lahat ay haka-haka at maling tsismis, sa sandaling ikaw ang paksa ng mga akusasyong ito, malalagay ka sa napakahirap na suliranin. Sa tuwing aalis ka para mamili, titingnan ka ng mga tao nang kakaiba, at magbubulung-bulungan at magkokomento sila sa likod mo, sasabihing, “Relihiyoso ang taong ito, walang kalinisan ng isang babae, namumuhay nang hindi disente, at ginugugol ang buong araw sa pagpunta sa kung saan-saan. Ito ay isang babaeng hindi itinutuon ang kanyang lakas sa pamumuhay nang normal. Ano ang ginagawa niya’t kung saan-saan siya pumupunta? Dapat sundin ng mga babae ang Confucian code ng tatlong pagsunod at apat na kabutihan, at sundin ang kanilang asawa at turuan ang kanilang mga anak.” Ano ang mararamdaman mo kapag narinig mo iyon? Magagalit ka ba nang husto? Ano ang pakialam nila kung nananampalataya ka sa Diyos at ginagampanan mo ang iyong tungkulin? Wala na silang pakialam dito, at gayon pa man, nagagawa nila itong ituring na parang isang paksa ng usapan pagkatapos ng hapunan, at nagkokomento at nagtsitsismisan sila tungkol dito na parang isa itong mahalagang usapin. Hindi ba’t isa itong penomeno sa lipunan? Hindi ba’t isa itong penomenong makikita sa lahat ng dako? Halimbawa, mayroon kang kasamahan na dati ay maayos ang pakikitungo sa iyo, ngunit nang mabalitaan niyang nananampalataya ka sa Diyos, nagpakalat siya ng lahat ng uri ng tsismis tungkol sa iyo sa likod mo, kaya ngayon ay maraming tao na ang umiiwas sa iyo, at hindi na maganda ang pakikitungo nila sa iyo. Bagamat ang saloobin mo sa iyong trabaho ay tulad pa rin ng dati, sa sandaling marinig ng karamihan sa mga tao ang tsismis na ito, magiging madali pa rin ba sa iyo na gawin ang trabahong ito? (Hindi, hindi ito magiging madali.) Mag-iiba ba sa dati ang saloobin ng mga tao sa iyo? (Oo.) Ano ang pag-uusapan nilang lahat? “Ang babaeng ito ay hindi itinutuon ang kanyang lakas sa pamumuhay nang normal. Bakit niya naisipang manampalataya sa relihiyon?” at “Bakit nananampalataya ang mga lalaki sa relihiyon? Mga talunan lang ang nananampalataya sa relihiyon! Iyan ay isang bagay na ginagawa ng mga babae, samantalang ang mga tunay at malakas na lalaki ay dapat tumuon sa kanilang propesyon!” May nagsabi na ba ng mga bagay na ito? (Mayroon.) Saan nagmumula ang mga salitang ito? Ano ang pakialam nila kung nananampalataya ka sa Diyos at ginagampanan mo ang iyong tungkulin? Malaya ang mga tao na manalig sa gusto nila, at walang karapatang manghimasok ang iba. Kaya bakit nagagawa ka nilang pag-usapan? Bakit basta-basta ka na lang nilang pinupuna sa sandaling manampalataya ka sa Diyos? Sa isang antas, ang sanggunian nila sa kanilang mga komento ay hindi maiiwasang nakabase sa mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura, at sa saloobin ng pambansang gobyerno sa pananampalataya. Bagamat sa panlabas ay pinag-uusapan ka nila, ang totoo ay basta-basta ka nilang pinupuna, ginagawan ng mga kuwento, at walang pakundangang kinokondena. Anu’t anuman, ang batayan sa mga komento at panghuhusga ng mga tao, pati na rin sa kanilang mga pananaw at saloobin sa iyong pananampalataya, ay lubos na naimpluwensyahan ng tradisyonal na kultura at ateistikong ideolohiya. Dahil bukod sa pagtuturo sa mga tao sa kung paano maging isang babae at paano maging isang lalaki, ano ang mahahalagang ideya ng tradisyonal na kultura? Na walang Langit at walang Diyos. Sa madaling salita, ito ay mga ateistikong ideya at pananaw. Kaya naman, tinatanggihan nila ang mga taong may pananalig, lalo na ang mga nananampalataya sa tunay na Diyos. Kung nakikibahagi ka sa mga mapamahiing aktibidad, nabibilang sa isang kulto, o nakikibahagi sa anumang aktibidad ng relihiyon, maaari ka nilang balewalain. Kung ikaw ay mapamahiin, maaari pa rin silang makisama sa iyo, ngunit sa sandaling sumampalataya ka sa Diyos, magbasa ng Kanyang mga salita araw-araw, magpalaganap ng ebanghelyo, gumanap ng iyong tungkulin, at sumunod sa Diyos, hindi sila magiging tugma sa iyo. Ano ang pinagmulan ng kanilang pagiging hindi tugma sa iyo? Upang maging tumpak, ang isang aspeto ay dahil sila ay mga hindi mananampalataya at lahat sila ay sumusunod at nabibilang kay Satanas; ang isa pang aspeto ay na tinitingnan nila ang mga bagay ayon sa mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura, at ayon sa mga patakaran at batas ng malaking pulang dragon—ito ay mga obhektibong katunayan. Sa tuwing nakikita nila ang mga tao, pangyayari, at bagay na hindi umaayon sa mga ideya ng tradisyonal na kultura, at sa tuwing nakikita nila na ang mga mananampalataya ang mga pinupuntirya ng panunupil ng estado at inaaresto ang mga ito, kinamumuhian nila ang mga ito, basta-bastang pinupuna, hinuhusgahan at kinokondena ang mga ito, at nakikipagtulungan sila sa gobyerno para subaybayan at iulat ang mga taong nananampalataya sa Diyos. Ano ang batayan nila sa paggawa nito? Pangunahing nakabatay ito sa tradisyonal na kultura, ateistikong ideolohiya, at masasamang patakaran ng malaking pulang dragon. Halimbawa, hinuhusgahan nila ang mga taong nananampalataya sa Diyos, sinasabing: “Ito ay isang babaeng hindi itinutuon ang kanyang lakas sa pamumuhay nang normal. Bakit kung saan-saan siya nagpupunta?” at “Ito ay isang lalaking hindi naghahangad ng wastong propesyon. Bakit siya nananampalataya sa relihiyon? Ang wastong mga lalaki ay may matatayog na ambisyon. Ang mga tunay at malakas na lalaki ay dapat tumutok sa kanilang mga propesyon!” Pag-isipan ito, hindi ba’t ang lahat ng karaniwang pahayag na ito ay malinaw na nagmula sa tradisyonal na kultura? (Oo.) Lahat ito ay nagmula sa tradisyonal na kultura. Ang karaniwan at makamundong mga tao na ito ay hindi naghahangad ng anumang pananampalataya, kundi naghahangad lamang ng pagkain, pag-inom at mga kasiyahan ng laman. Ang kanilang isipan ay hindi lamang puspos ng masasamang kalakaran, kundi malalim ding nakagapos at nakakulong sa mga bagay na ito ng tradisyonal na kultura, sila ay namumuhay sa ilalim ng impluwensiya nito nang hindi nila namamalayan, kaya’t natural para sa kanila na panghawakan ang mga pananaw na ito kapag nakikitungo sa sinuman at anumang bagay. Isa itong bagay na maaaring mangyari saanmang sulok ng modernong lipunan, at normal talaga ito. Ganito ang mga bagay-bagay sa mundong kontrolado ni Satanas, at sa panahon ng kasamaan at pakikiapid.

Ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay hindi lamang nagtatanim ng mga maling konsepto at pananaw sa mga tao, kundi hinihikayat at hinihimok din sila na sundin ang ilang matinding kaisipan at panghawakan ang ilang matinding pag-uugali sa mga partikular na konteksto at sitwasyon. Halimbawa, gaya ng nabanggit kanina, “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan” ay ang uri ng hinihingi na isinusulong ni Satanas habang nagkukunwari na inaayos ang wastong asal ng mga tao pagdating sa pakikitungo sa kanilang mga kaibigan. Malinaw na ang mga kasabihan sa aspetong ito ng wastong asal ay naglalayon na magkaroon ang mga tao ng mga hindi makatwirang pag-iisip at pananaw kapag nakikitungo sa kanilang mga kaibigan, at nang-uudyok pa nga sa kanila na walang ingat na ialay ang kanilang buhay para sa kanilang mga kaibigan. Ito ay isang sukdulan at kalabisan na hinihingi ni Satanas sa mga tao kaugnay ng wastong asal. Ang totoo ay na mayroong iba pang kasabihan tungkol sa wastong asal na katulad ng “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” na nagtatakda rin sa mga tao na kumilos nang labis-labis. Ang lahat ng ito ay hindi makatao at hindi makatwiran na kasabihan. Kasabay ng pagkintal sa mga tao ng mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura, hinihingi rin ni Satanas sa mga tao na sumunod sa mga hindi makatwirang kaisipan at hindi makataong kasabihan, at mahigpit din silang pinapasunod sa mga ideya at gawaing ito. Masasabing katumbas ito ng paglalaro at paninira sa sangkatauhan! Ano ang mga kasabihang iyon? Halimbawa, ang dalawang kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” at “Ang mga silkworm ng tagsibol ay naghahabi hanggang sa mamatay ang mga ito, at ang mga kandila ay nauubos hanggang matuyo ang mga luha ng mga ito” ay nagsasabi sa mga tao sa mas tahasang paraan kaysa sa “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan”—na huwag pahalagahan ang buhay, at na dapat sayangin ang buhay sa ganitong paraan. Kapag hinihingi sa mga tao na isuko ang kanilang buhay, hindi nila dapat masyadong pahalagahan ang buhay, at sa halip ay dapat silang sumunod sa mga kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” at “Ang mga silkworm ng tagsibol ay naghahabi hanggang sa mamatay ang mga ito, at ang mga kandila ay nauubos hanggang matuyo ang mga luha ng mga ito.” Halos nauunawaan na ninyong lahat ang literal na kahulugan ng dalawang kasabihang ito sa wastong asal, ngunit ano nga ba ang ipinapahayag at isinusulong ng mga ito? Para kanino ka dapat “sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan”? Para kanino dapat “ang mga uod ng seda ng tagsibol humabi hanggang sa sila ay mamatay, at maupos ang mga kandila hanggang sa ang kanilang mga luha ay matuyo”? Dapat tanungin at pagnilayan ng mga tao ang sarili nila: Makabuluhan bang gawin ang iminumungkahi ng mga kasabihang ito? Ang ganitong mga kasabihan ay unang nililinlang at pinapamanhid ang isipan mo, ginugulo ang iyong paningin, at pagkatapos ay tinatanggal ang iyong mga karapatang pantao, inaakay ka sa maling direksyon, binibigyan ka ng mga maling depinisyon at pananaw, at pagkatapos niyon ay hinihimok kang isuko ang iyong kabataan at buhay para sa bansa, lipunan, at bayang ito, o para sa isang propesyon o para sa pag-ibig. Sa ganitong paraan, hindi namamalayang isinusuko ng mga tao ang kanilang buhay kay Satanas sa isang naguguluhan, nalilitong kalagayan, at higit pa rito, ginagawa nila ito nang kusa at nang walang reklamo o panghihinayang. Sa mismong sandaling isuko nila ang kanilang buhay ay saka lang nila nauunawaan ang lahat, at nararamdaman na dinaya sila sa paggawa nito para lang sa mga walang kabuluhang kadahilanan, ngunit huli na, at walang nang natitirang oras para magsisi. Kaya, ginugugol nila ang kanilang buhay nang nalilinlang, naloloko, nawawasak, nasisira, at nayuyurakan ni Satanas, at sa huli, ang pinakamahalagang bagay na mayroon sila—ang buhay—ay kinuha rin. Ito ang kahihinatnan ng mga tao na tinuruan ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura, at ganap itong nagpapatunay kung ano ang kahabag-habag na kapalaran na naghihintay sa mga namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at mga nalinlang at naloko nito. Anong mga salita ang makapaglalarawan sa iba’t ibang taktikang ginagamit ni Satanas sa pagtrato sa sangkatauhan? Para simulan, mayroong “magpamanhid,” “manlinlang,” at ano pa? Sabihin sa Akin ang ilan. (Lokohin, sirain, yurakan, wasakin.) Mayroon ding “udyukan,” “akitin,” “hingin ang buhay ng isang tao,” at panghuli, “paglaruan ang mga tao at lamunin sila.” Ito ang resulta ng pagtitiwali ni Satanas sa mga tao. Ang mga tao ay namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at ayon sa mga disposisyon ni Satanas. Kung hindi dahil sa pagpapahayag ng Diyos sa katotohanan at paggawa sa gawain ng paghatol at pagkastigo upang iligtas ang mga tao, hindi ba’t lahat ng sangkatauhan ay wawasakin, lalamunin at lilipulin ni Satanas?

Anong mga bagay sa tradisyonal na kultura ang ipinapahayag ng sangkatauhan? Ano ang ibig sabihin ng “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan”? Ang pangunahing hinihingi ng kasabihang ito ay na sa tuwing ang mga tao ay gumagawa ng mga bagay-bagay, dapat silang maging sinsero at masigasig, ibigay ang kanilang lahat, at gawin ang kanilang makakaya hanggang sa sila ay mamatay. Sino nga ba ang pinaglilingkuran ng mga tao sa pamamagitan ng paggawa nito? Siyempre ito ay ang lipunan, ang kanilang katutubong lupain, at ang bayan. Kaya sino ang may hawak ng kontrol sa lipunang ito, sa katutubong lupain, at sa bayang ito? Walang duda na ito ay si Satanas at ang mga diyablong hari. Kaya ano ang mga layon na gustong makamit ni Satanas at ng mga diyablong hari sa paggamit ng tradisyonal na kultura para linlangin ang mga tao? Ang isa ay ang gawing makapangyarihan ang bansa at maunlad ang bayan, at ang isa pa ay ang hikayatin ang mga tao na bigyang-karangalan ang kanilang mga ninuno at maalala sa mga susunod na henerasyon. Sa ganoong paraan, mararamdaman ng mga tao na wala nang hihigit pang karangalan kaysa sa gawin ang lahat ng bagay na ito, at magpapasalamat sila sa mga diyablong hari, at magiging handang isuko ang kanilang buhay para sa bayan, para sa lipunan, at para sa lupang tinubuan. Ang totoo, ang ginagawa lang nila ay paglingkuran si Satanas at ang mga diyablong hari, at pinaglilingkuran ang mga nangingibabaw na posisyon ni Satanas at ng mga diyablong hari, at isinusuko ang kanilang mahalagang buhay para sa mga ito. Kung, imbes na sabihin sa mga tao na gampanan ang kanilang tungkulin bilang nilikha nang buong puso, isip, at lakas, at isabuhay ang pagkakawangis ng isang tao, sa halip ay hinihiling ng mga kasabihan ng tradisyonal na kultura sa mga tao na mamatay alang-alang sa bansa, para sa mga diyablong hari, o para sa ibang kadahilanan, kung gayon, nililinlang ng mga ito ang mga tao. Sa panlabas, sinasabihan nito ang mga tao na gawin ang kanilang parte para sa bansa at bayan, gamit ang mga salitang tila importante at makatwiran, ngunit ang totoo ay pinipilit nito ang mga tao na mag-alay ng buong buhay na pagsisikap, at isakripisyo pa nga ang buhay nila, upang paglingkuran ang mga nangingibabaw na posisyon ni Satanas at ng mga diyablong hari. Hindi ba’t nililinlang, niloloko, at pinapahamak nito ang mga tao? Ang iba’t ibang kasabihan na isinusulong ng tradisyonal na kultura ay hindi humihingi sa mga tao kung paano nila dapat isabuhay ang normal na pagkatao sa totoong buhay, o kung paano gampanan ang kanilang mga responsabilidad at tungkulin, kundi sa halip, hinihingi ng mga ito sa mga tao kung anong uri ng wastong asal ang dapat nilang ipakita sa loob ng balangkas ng lipunan sa pangkalahatan, o sa madaling salita, sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Gayundin, ang kasabihan sa wastong asal na “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” ay isa ring paniniwala na inihain para pilitin ang mga tao na maging tapat sa lipunan, sa bayan, at lalo na sa kanilang katutubong lupain. Ang ganitong uri ng paniniwala ay humihingi sa mga tao na magsikap sa paglilingkod sa bansa, sa kanilang katutubong lupain, at lipunan, at magsikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa kanilang kamatayan. Tanging ang mga masigasig at nagbibigay ng lahat nila hanggang sa araw ng kanilang kamatayan ang itinuturing na marangal, malinis, at karapat-dapat na igalang at gunitain ng mga susunod na henerasyon. Ang unang bahagi ng kasabihang ito, “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo,” ay nangangahulugang maging masigasig at ibigay ang lahat mo. Mayroon bang anumang problema sa pariralang ito? Kung titingnan natin ito mula sa perspektiba ng likas na gawi ng tao at sa saklaw ng kung ano ang maisasakatuparan ng sangkatauhan, walang malalaking isyu sa pariralang ito. Hinihingi nito sa mga tao na maging masipag at ibigay ang kanilang lahat kapag gumagawa ng mga bagay o nagsasagawa ng isang layon. Sa esensya ay walang mali sa ganitong saloobin, na medyo naaayon naman sa pamantayan ng normal na pagkatao, at dapat magkaroon ng ganitong uri ng saloobin ang mga tao kapag ginagawa ang mga bagay-bagay. Ito ay medyo positibong bagay. Ibig sabihin, kapag gumagawa ng isang bagay, kailangan mo lang maging masigasig, ibigay ang lahat mo, gampanan ang iyong mga responsabilidad at obligasyon, at mamuhay ayon sa iyong konsiyensiya. Para sa sinumang may normal na pagkatao, konsiyensiya at katinuan, wala nang mas normal kaysa rito, at ang hinihinging ito ay hindi isang kalabisan. Pero ano ang kalabisan? Ito ang parte na humihingi sa mga tao na huwag huminto “hanggang sa araw ng kanilang kamatayan.” May problema sa pariralang “hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” na, hindi ka lamang dapat na maging masigasig at ibigay ang iyong lahat, kundi dapat mo ring ialay ang iyong buhay, at maaari ka lamang huminto kung mamamatay ka, kung hindi ay hindi ka maaaring huminto. Ibig sabihin nito ay dapat mong isakripisyo ang iyong buhay at ang isang habambuhay na pagsisikap. Hindi ka maaaring magkaroon ng mga makasariling motibo, at hindi ka maaaring sumuko hangga’t nabubuhay ka. Kung susuko ka sa kalagitnaan sa halip na magtiyaga hanggang kamatayan, hindi ito maituturing na mabuting wastong asal. Ito ay isang pamantayan sa pagsukat ng wastong asal ng mga tao sa tradisyonal na kultura. Kung, sa paggawa ng isang bagay, ang isang tao ay masigasig na at ibinigay ang lahat niya sa loob ng saklaw ng kung ano ang kaya niyang makamit at hangga’t handa siyang gawin ito, ngunit hindi lang niya ito patuloy na ginawa hanggang kamatayan, at sumuko siya sa kalagitnaan at piniling magsagawa ng isa pang layon o magpahinga at pangalagaan ang kanyang sarili hanggang sa kanyang pagtanda, hindi ito “pagsunod sa ipinapagawa at pagsisikap gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” kaya’t ang taong ito ay walang taglay na mabuting wastong asal. Ano ang tingin mo roon bilang isang pamantayan? Tama ba ito o mali? (Mali.) Malinaw na hindi naaayon ang pamantayang ito sa likas na gawi ng normal na pagkatao at sa mga karapatang nararapat para sa mga normal na tao. Hindi lamang nito hinihingi sa mga tao na maging masigasig, na ibigay ang lahat nila, at wala nang iba pa, kundi sa halip ay inoobliga nito ang mga tao na magpatuloy at huwag huminto hanggang sa mamatay sila—ito ang hinihingi nito sa mga tao. Gaano ka man kamasigasig, o gaano ka man nagsisikap na ibigay ang lahat mo kapag ginagawa ang isang bagay, sa sandaling sumuko ka sa kalagitnaan dahil ayaw mong magpatuloy, kung gayon, hindi ka isang taong may mabuting wastong asal; samantalang, kung katamtaman lang ang iyong kasipagan at hindi ibinibigay ang iyong lahat, pero nagpapatuloy ka hanggang kamatayan, kung gayon, isa kang taong may mabuting wastong asal. Ito ba ay isang pamantayan sa pagsukat ng wastong asal ng mga tao sa tradisyonal na kultura? (Oo.) Ito nga ay isang pamantayan sa pagsukat ng wastong asal ng mga tao sa tradisyonal na kultura. Kung titingnan ito sa ganitong paraan, natutugunan ba ng hinihinging “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” ang mga pangangailangan ng normal na pagkatao? Ito ba ay patas at makatao para sa mga tao? (Hindi, hindi ito patas at hindi makatao.) Bakit mo nasabi iyan? (Hindi ito isang hinihingi na inihain sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao, ito ay isang bagay na ayaw piliin ng mga tao, at sumasalungat din ito sa konsiyensiya at katinuan.) Ang pangunahing kahulugan ng pamantayang ito ay na hinihingi nito sa mga tao na isuko ang mga pansariling kapasyahan, at mga pansariling hangarin at mithiin. Kung ang iyong mga katangian at talento ay makapaglilingkod sa lipunan, sa sangkatauhan, sa bayan, sa iyong katutubong lupain, at sa mga pinuno, dapat kang sumunod nang walang kondisyon, at dapat wala kang ibang pagpipilian. Dapat mong ialay ang buhay mo sa lipunan, sa bayan, sa iyong katutubong lupain, at maging sa mga pinuno, hanggang sa mamatay ka. Walang maaaring ibang mapagpipilian sa adhikaing kailangan mong gawin sa buhay na ito—wala ka nang ibang maaaring gawin pa. Maaari ka lamang mamuhay para sa kapakanan ng bayan, sangkatauhan, lipunan, sa iyong katutubong lupain, at maging sa mga pinuno. Maaari mo lamang silang paglingkuran, at hindi ka dapat magkaroon ng anumang mga personal na hangarin, lalo na ng mga makasariling motibo. Bukod sa kailangan mong isuko ang iyong kabataan at ilaan ang iyong lakas, kailangan mo ring ialay ang iyong buhay, at iyon ang tanging paraan para maging isa kang taong may mabuting wastong asal. Ano ang tawag ng sangkatauhan sa gayong mabuting wastong asal? Higit na pagiging matuwid. Ano, kung gayon, ang isa pang paraan ng pagpapahayag ng “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan”? Paano naman ang kasabihang “Ginagawa ng mararangal na bayani ang kanilang parte para sa kanilang bansa at mga tao,” na karaniwang naririnig? Isinasaad nito na dapat gawin ng diumano’y mararangal na bayani ang kanilang parte para sa kanilang bansa at mga tao. Kailangan ba nilang gawin ito para sa kanilang pamilya, magulang, asawa, mga anak, at mga kapatid? Kailangan ba nilang gawin ito para magampanan ang kanilang mga responsabilidad at tungkulin bilang isang tao? Hindi. Sa halip, dapat silang maging tapat at ilaan nila ang kanilang sarili sa bansa at sa bayan. Ito ay isa pang paraan ng pagsasabing “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan.” Ang pagiging masigasig at pagbibigay ng lahat mo, na siyang tinatalakay ng hinihinging “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan”, ay isa lamang kasabihan na maaaring tanggapin ng mga tao, at na ginagamit para udyukan ang mga tao na kusang-loob na “gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan.” Sino ang pakay ng panghabambuhay na dedikasyong ito? (Ang bansa at ang bayan.) Kaya sino ang kumakatawan sa bansa at sa bayan? (Ang mga pinuno.) Tama, ito ay ang mga pinuno. Hindi maaaring kumatawan ang isang tao o nagsasariling grupo sa bansa at sa bayan. Tanging ang mga namumuno ang matatawag na tagapagsalita para sa bansa at sa bayan. Sa panlabas, ang kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” ay hindi nagsasabi sa mga tao na kailangan nilang masigasig na gawin ang kanilang parte para sa bansa, bayan, at mga pinuno, at ibigay ang lahat nila hanggang sa sila ay mamatay. Gayunpaman, ang totoo ay na inoobliga nito ang mga tao na ialay ang kanilang buhay sa mga pinuno at diyablong hari hanggang sa mamatay sila. Ang kasabihang ito ay hindi nakapuntirya sa anumang hindi importanteng bagay sa lipunan o sa sangkatauhan; ito ay nakapuntirya sa lahat ng taong maaaring gumawa ng malalaking kontribusyon sa lipunan, sa sangkatauhan, sa kanilang katutubong lupain, sa bayan, at lalo na sa mga pinuno. Sa anumang dinastiya, panahon, at bayan, palaging may ilang taong may mga espesyal na kaloob, abilidad, at talento na “iniaangkop” ng lipunan, at pinagsasamantalahan at iginagalang ng mga pinuno. Dahil sa kanilang mga espesyal na talento at abilidad, at dahil mapapakinabangan ang kanilang mga talento at lakas sa loob ng lipunan, sa bayan, sa kanilang katutubong lupain at sa nasasakupan ng mga pinuno, sa mga mata ng mga pinunong ito, madalas silang itinuturing bilang ang uri ng taong makatutulong sa kanila na mas epektibong mapamumunuan ang sangkatauhan, at para mas mapatatag ang lipunan at mapatahimik ang damdamin ng publiko. Ang ganitong uri ng tao ay madalas na pinagsasamantalahan ng mga pinuno, na umaasa na ang gayong tao ay walang “mas mababang sarili” kundi isang “mas dakilang sarili” lamang, at na magagamit nila sa kapaki-pakinabang na paraan ang kanilang marangal na diwa at sila ay magiging mararangal na bayani na ang tanging laman ng puso ay ang bansa at ang mga tao, at na nagagawa nilang palaging mag-alala sa bansa at mga tao, at kaya pa nga nilang sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya nila hanggang sa araw ng kanilang kamatayan. Kung talagang magagawa nila ito, kung masigasig nilang mapagsisilbihan ang bansa at ang mga tao nang buong lakas, at handa pa ngang gawin ito hanggang kamatayan, walang duda na sila ay naging isang may kakayahang katulong ng isang pinuno, at kinikilala pa nga bilang ang karangalan ng bayan o lipunan, o maging ng buong sangkatauhan, sa isang partikular na panahon. Sa tuwing may gayong grupo ng mga tao sa lipunan sa isang partikular na panahon, o mayroong ilang matuwid na loyalista na ipinagdiriwang bilang mga dakila at mararangal na bayani, at mga kayang sumunod sa ipinapagawa para sa paglilingkod sa lipunan, sangkatauhan, sa kanilang katutubong lupain, sa bayan, at sa pinuno, nagsisikap na gawin ang lahat ng kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan, kung gayon, ang panahong ito ay itinuturing ng sangkatauhan bilang isang maluwalhating panahon ng kasaysayan.

Gaano karaming marangal na bayani sa kasaysayan ng Tsina ang nagawang sumunod sa ipinapagawa para sa paglilingkod sa kanilang bansa at mga tao, at nagsikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan? Maaari ba ninyong pangalanan ang ilan sa kanila? (Qu Yuan, Zhuge Liang, Yue Fei, at iba pa.) Sa kasaysayan ng Tsina, mayroon talagang iilan na kilalang tao na nagawang mag-alala tungkol sa bansa at sa mga tao, sumunod sa ipinapagawa para sa paglilingkod sa kanilang bansa at bayan at pagtitiyak sa kaligtasan ng mga tao, at sinisikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan. Sa bawat panahon ng kasaysayan, sa Tsina at labas pa rito, sa larangan man ng pulitika o sa pangkalahatang populasyon, mayroong mga tao—maging mga pulitiko man o mga naglalakbay na kabalyero—na sumusunod sa mga kasabihan ng tradisyonal na kultura gaya ng “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan.” Ang gayong mga tao ay may kakayahang maingat na tumalima sa hinihinging “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” at nagagawa ring mahigpit na sumunod sa ideyang ito ng paglilingkod sa bansa at mga tao, at pag-aalala tungkol sa bansa at mga tao. Nagagawa nilang sumunod sa gayong mga kasabihan ng wastong asal, at mahigpit na hinihingi sa kanilang sarili na gawin ang mga bagay na ito. Siyempre, ginagawa nila ito para sa kanilang kasikatan, para maalala sila ng mga tao sa hinaharap. Isang aspeto iyon. Ang isa pang aspeto na kailangang mabanggit ay na lumitaw ang mga pag-uugaling ito bilang resulta ng mga ideya ng tradisyonal na kultura na naitanim sa isip at nakaimpluwensiya sa mga tao. Kaya, naaangkop ba mula sa perspektiba ng sangkatauhan ang mga hinihinging ito ng tradisyonal na kultura sa mga tao? (Hindi.) Bakit hindi angkop ang mga ito? Gaano man kalaki ang abilidad ng isang tao, o gaano man siya katalino, kagaling, o kamarunong, ang kanyang pagkakakilanlan at likas na gawi ay iyong sa isang tao, at imposibleng makalagpas siya sa saklaw na ito. Medyo mas matalino at mas may kalidad lang siya kaysa sa iba, at mas nakatataas sa karaniwang tao kung ang pag-uusapan ay ang kanyang mga pananaw sa mga bagay-bagay, at mas may samot-sari at madaling makaangkop na mga paraan sa paggawa ng mga bagay-bagay, at mas mahusay, at nagkakamit ng mas magagandang resulta—iyon lang. Ngunit gaano man sila kahusay, o gaano man kaganda ang kanilang mga resulta, hindi pa rin sila nakahihigit sa mga karaniwang tao kung ang kanilang pagkakakilanlan at katayuan ang pag-uusapan. Bakit Ko sinasabing karaniwang mga tao pa rin sila? Sapagkat ang isang taong namumuhay sa laman, gaano man katalas ang kanyang pag-iisip, o gaano man siya katalino o gaano man kahusay ang kanyang kakayahan, ay palaging sumusunod lamang sa mga batas ng kaligtasan ng mga nilikhang tao, at hindi na humihigit pa rito. Gamitin nating halimbawa ang mga aso. Gaano man katangkad, kapandak, kataba o kapayat ang mga ito, o anuman ang lahi ng mga ito, o gaano man katanda ang mga ito, sa tuwing nakikisalamuha ang mga ito sa ibang aso, kadalasang natutukoy ng mga ito ang kasarian, personalidad, at saloobin ng asong iyon sa mga ito sa pamamagitan ng pag-amoy sa asong iyon. Ang ganitong paraan ng komunikasyon ay ang likas na gawi ng mga aso para mabuhay, at isa rin ito sa mga batas at panuntunan sa buhay ng mga aso, na binuo ng Diyos. Katulad nito, namumuhay rin ang mga tao sa loob ng mga batas na binuo ng Diyos. Gaano ka man katalas o kamarunong, gaano ka man kahusay o marami ka mang talento, gaano ka man kagaling, o gaano man kadakila ang iyong mga pagsusumikap, kailangan mo pa ring matulog nang anim hanggang walong oras, at kumain nang tatlong beses araw-araw. Magugutom ka kung makakaligtaan mong kumain, at mauuhaw ka kung hindi ka iinom nang sapat. Kailangan mo ring mag-ehersisyo nang regular upang manatiling malusog. Sa iyong pagtanda, magiging malabo ang paningin mo at kung ano-anong karamdaman ang maaaring kumapit sa iyo. Ito ang normal, natural na batas ng kapanganakan, pagtanda, sakit at kamatayan, at ito ay inorden ng Diyos. Walang sinuman ang maaaring lumabag sa batas na ito, o makatatakas dito. Batay rito, gaano ka man kahusay, at anuman ang iyong kakayahan at talento, isa ka pa ring karaniwang tao. Kahit na magkapakpak ka at lumipad-lipad sa langit, sa huli ay kailangan mo pa ring bumaba pabalik sa lupa at maglakad gamit ang dalawang paa, at magpahinga kapag napapagod, kumain kapag nagugutom, at uminom kapag nauuhaw. Ito ay likas na gawi ng tao, at ang likas na ugaling ito ay ang inorden ng Diyos para sa iyo. Hinding-hindi mo ito mababago, ni matatakasan. Gaano man kahusay ang mga abilidad mo, hindi mo maaaring labagin ang batas na ito, at hindi ka pwedeng lumampas sa saklaw na ito. Samakatuwid, gaano man kahusay ang mga tao, hindi nagbabago ang pagkakakilanlan at katayuan nila bilang mga tao, at hindi rin nagbabago ang pagkakakilanlan at katayuan nila bilang mga nilikha. Kahit pa makagawa ka ng mga kontribusyon sa sangkatauhan na medyo espesyal at katangi-tangi, isa ka pa ring tao, at sa tuwing makatatagpo ka ng panganib, makararamdam ka pa rin ng takot at pagkataranta, manghihina ang mga tuhod mo, at mawawalan ka pa nga ng kontrol sa iyong katawan. Bakit kaya ganito ang iyong magiging asal? Dahil ikaw ay tao. Dahil ikaw ay tao, mayroon ka nitong mga pag-uugali na dapat taglayin ng mga tao. Ito ang mga batas ng kalikasan, at walang makatatakas sa mga ito. Hindi dahil marami kang nagawang namumukod-tanging kontribusyon ay nangangahulugan na agad na superhuman o pambihira ka na, o hindi ka na normal na tao. Lahat ng iyon ay imposible. Kaya, kahit ipagpalagay na kaya mong sumunod sa ipinapagawa para sa paglilingkod sa bansa at bayan, at magsikap na gawin ang iyong makakaya hanggang sa araw ng iyong kamatayan, dahil namumuhay ka sa saklaw ng normal na pagkatao, kakailanganin mong tiisin ang matinding bigat sa kaibuturan ng puso mo! Hinihingi mo sa sarili mo na mag-alala tungkol sa bansa at sa mga tao buong araw, at magbigay-puwang sa buong populasyon at bansa sa puso mo, sa paniniwalang ang laki ng entablado ay natutukoy batay sa laki ng iyong puso—ngunit iyon ba ang kaso? (Hindi.) Ang isang tao ay hindi kailanman magiging iba sa mga ordinaryong tao sa pamamagitan lamang ng pag-iisip nang naiiba, at hindi rin sila magiging iba o nakatataas sa mga ordinaryong tao, o mapahihintulutang lumabag sa mga panuntunan ng normal na pagkatao at sa mga batas ng buhay dahil lamang sila ay may mga espesyal na kaloob o talento, o dahil nakagawa sila ng mga namumukod-tanging kontribusyon sa sangkatauhan. Samakatuwid, ang hinihinging ito sa sangkatauhan na “sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” ay sobrang hindi makatao. Kahit na ang isang tao ay may mas mahuhusay na talento at ideya kaysa sa mga ordinaryong tao, o mas mahusay na pananaw sa kinabukasan at paghuhusga, o mas mahusay kaysa sa mga ordinaryong tao sa pagharap sa mga bagay-bagay, o mas mahusay sa pagtingin at pag-unawa sa mga tao—o gaano man siya mas mahusay kaysa sa mga ordinaryong tao—namumuhay siya sa laman at kailangan pa rin niyang sumunod sa mga batas at panuntunan ng buhay ng normal na pagkatao. Dahil dapat siyang sumunod sa mga batas at panuntunan ng buhay ng normal na pagkatao, hindi ba’t hindi makatao ang gumawa ng mga hindi makatotohanang kahilingan sa kanya, na hindi umaayon sa pagkatao? Hindi ba’t pagtapak ito sa kanyang pagkatao kung tutuusin? (Pagtapak nga ito.) Sinasabi ng ilang tao: “Sa mga kaloob at talentong ito na ibinigay sa akin ng Langit, ako ay pambihira, at hindi ordinaryong tao. Dapat kong panatilihin sa aking puso ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit—ang mga tao, ang bayan, ang aking katutubong lupain, at ang mundo.” Hayaan mong sabihin Ko sa iyo na ang pagpapanatili ng mga bagay na ito sa puso mo ay isang karagdagang pasanin, na ipinataw sa iyo ng mga naghaharing uri at ni Satanas, kaya’t sa paggawa nito ay inilalagay mo ang sarili mo sa landas ng kapahamakan. Kung gusto mong papanatilihin ang mundo, ang mga tao, ang bayan, ang iyong katutubong lupain, at ang mga mithiin at pagnanais ng mga namumuno sa puso mo, mamamatay ka nang maaga. Kung papanatilihin mo ang mga bagay na ito sa puso mo, katulad lang ito ng paglalagay sa sarili mo sa isang napakamapanganib na sitwasyon. Napakadelikadong gawin ang bagay na ito, at talagang walang kabuluhan. Kapag pinanghahawakan mo ang mga bagay na ito sa puso mo, mataas ang hinihingi mo sa iyong sarili, sa pag-iisip na “Kailangan kong sumunod sa ipinapagawa at magsikap na gawin ang makakaya ko hanggang sa araw ng aking kamatayan. Dapat akong mag-ambag sa dakilang layon ng bayan at ng sangkatauhan, at dapat kong ialay ang aking buhay sa sangkatauhan.” Ang pagkakaroon ng gayong dakila at matayog na mga ambisyon ay magdadala lamang sa iyo sa isang maagang katapusan, sa hindi likas na kamatayan, o sa ganap na pagkawasak. Isipin mo ito, ilan sa mga sikat na makasaysayang tao na iningatan ang mundo sa kanilang puso ang namatay nang masaya? Ang ilan ay nagpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa ilog, ang ilan ay pinatay ng mga pinuno, ang ilan ay pinugutan ng ulo sa gilotina, at ang ilan ay sinakal ng lubid hanggang sa mamatay. Posible bang papanatilihin ng mga tao ang mundo sa kanilang puso? Ang mga dakilang layon ng katutubong lupain, ang kasaganahan ng bayan, ang kapalaran ng bansa, at ang tadhana ng sangkatauhan ay mga bagay ba na kayang pasanin ng isang tao sa kanyang mga balikat at mabigyang-puwang sa kanyang puso? Kung mabibigyan mo ng puwang sa puso mo ang iyong mga magulang at mga anak, ang mga pinakamalapit sa iyo at pinakamamahal mo, ang sarili mong mga responsabilidad at ang misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng Langit, kung gayon ay nagtatagumpay ka na, at natutupad mo na ang iyong mga responsabilidad. Hindi mo na kailangang alalahanin ang bansa at ang mga tao, at hindi mo na kailangang maging isang marangal na bayani. Sino ang mga taong laging gustong papanatilihin sa puso nila ang mundo, ang bayan, at ang kanilang katutubong lupain? Lahat sila ay sobrang ambisyosong mga tao na labis ang bilib sa kanilang mga abilidad. Napakabusilak ba talaga ng puso mo? Hindi ka ba nagiging sobrang ambisyoso? Saan mismo nagmumula ang iyong ambisyon? Ano ang maaari mong gawin sa sandaling pinananatili mo ang mga bagay na ito sa iyong puso? Kaninong tadhana ang maaari mong manipulahin at kontrolin? Hindi mo nga man lang makontrol ang sarili mong tadhana, pero gusto mong papanatilihin ang mundo, bayan, at sangkatauhan sa puso mo. Hindi ba’t ito ang ambisyon ni Satanas? Kaya, para sa mga itinuturing ang kanilang sarili bilang mga taong may kakayahan, ang maingat na pagtalima sa hinihinging “sumunod sa ipinapagawa at magsikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan” ay ang pagtahak sa landas tungo sa kapahamakan, ito ay paghahangad ng kamatayan! Ang sinumang gustong mag-alala tungkol sa bansa at sa mga tao, at sumunod sa ipinapagawa para sa paglilingkod sa mga tao at sa kanyang katutubong lupain, at magsikap na gawin ang lahat ng kanyang makakaya hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, ay patungo sa kanyang kapahamakan. Kaibig-ibig ba ang mga taong ito? (Hindi, hindi sila kaibig-ibig.) Bukod sa hindi kaibig-ibig ang mga taong ito, medyo kahabag-habag at katawa-tawa pa nga sila, at talagang sobrang hangal!

Bilang isang tao, dapat mong tuparin ang iyong mga obligasyon at responsabilidad sa loob ng pamilya, gampanan nang tama ang iyong papel at mga responsabilidad sa anumang panlipunan o etnikong grupo, tumalima sa mga batas at regulasyon ng lipunan, at kumilos nang makatwiran, sa halip na magsabi ng tila mga importanteng bagay. Ang gawin kung ano ang magagawa at dapat gawin ng mga tao—ito ang nararapat. Tungkol naman sa pamilya, lipunan, bansa, at mga tao, hindi mo kailangang sumunod sa ipinapagawa para sa paglilingkod sa mga ito at sikaping gawin ang lahat ng iyong makakaya hanggang sa araw ng iyong kamatayan. Kailangan mo lang gawin ang iyong tungkulin sa pamilya ng Diyos nang buong puso, isip, at lakas mo, at wala nang iba pa. Paano mo dapat gawin ang iyong tungkulin kung gayon? Sapat na ang sundin ang mga salita ng Diyos at tumalima sa mga katotohanang prinsipyo ayon sa hinihingi ng Diyos. Hindi mo kailangang papanatilihin sa puso mo nang buong araw ang kalooban ng Diyos, ang Kanyang mga hinirang, ang Kanyang plano ng pamamahala, ang Kanyang tatlong yugtong gawain, at ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Hindi kinakailangang panghawakan ang mga bagay na ito sa puso mo. Bakit hindi ito kinakailangan? Dahil isa kang ordinaryong tao, isang hindi importanteng tao, at dahil isa kang nilikha sa mga kamay ng Diyos, ang paninindigan na dapat mong panghawakan at ang responsabilidad na dapat mong pasanin ay ang matapat na gampanan ang iyong tungkulin, tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, magpasakop sa lahat ng pangangasiwa ng Diyos, at sapat na iyon. Sobra ba ang hinihinging ito? (Hindi, hindi ito sobra.) Hinihiling ba sa iyo ng Diyos na isakripisyo mo ang buhay mo? (Hindi.) Hindi hinihingi ng Diyos na isakripisyo mo ang buhay mo, samantalang ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay humihingi na “hangga’t mayroon kang kahit na pinakamaliit na kakayahan, puso, at marangal na diwa, dapat kang sumulong at sumunod sa ipinapagawa para sa paglilingkod sa iyong katutubong lupain, at sa paglilingkod sa bayan. Ialay mo ang buhay mo, abandonahin ang iyong pamilya at mga kamag-anak, abandonahin ang iyong mga responsabilidad. Ilagay ang iyong sarili sa gitna ng lipunang ito, kasama ng sangkatauhang ito, at isulong ang dakilang layon ng bayan, ang dakilang layon ng muling pagbuhay sa bansa, at ang dakilang layon ng pagliligtas sa buong sangkatauhan, hanggang sa mamatay ka.” Napakalaki ba ng hinihinging ito? (Oo.) Sa sandaling tanggapin ng mga tao ang napakalalaking ideya tulad ng mga ito, pinaniniwalaan nilang matayog ang kanilang sarili. Lalo na sa kaso ng ilang tao na may mga espesyal na talento at talagang malalaking ambisyon at pagnanais, hinahangad nilang gumawa ng makasaysayang bagay, at maalala sa mga susunod pang henerasyon, at hinihingi nila sa kanilang sarili na magsagawa ng isang layon sa buhay na ito, kaya lalo nilang pinahahalagahan at sinasamba ang mga pananaw ng tradisyonal na kultura. Katulad lang ng mga kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” at “Ang kamatayan ay maaaring mas matimbang kaysa sa Bundok ng Tai, o mas magaan kaysa sa isang balahibo,” na isinusulong ng tradisyonal na kultura, ang gayong mga tao ay determinadong maging mas matimbang kaysa sa Bundok ng Tai. Ano ang ibig sabihin ng kasabihang “Ang kamatayan ay maaaring mas matimbang kaysa sa Bundok ng Tai”? Ito ay hindi tungkol sa pagkamatay para sa mga walang kabuluhang pakinabang, o para sa kapakanan ng pamumuhay bilang isang ordinaryong tao, o pagtupad sa tungkulin ng isang nilikha, o pagsunod sa mga batas ng kalikasan. Sa halip, ito ay ang mamatay para sa dakilang layon ng sangkatauhan, para sa muling pagkabuhay ng bayan, para sa kasaganahan ng bansa, at para sa pag-unlad ng lipunan, at upang patnubayan ang takbo ng sangkatauhan. Ang mga hindi makatotohanang kaisipang ito ng mga tao ang nagtulak sa kanila sa napakahirap na sitwasyon. Sa anumang paraan ba ay makapamumuhay nang masaya ang mga tao dahil dito? (Hindi.) Hindi sila mamumuhay nang masaya. Kapag ang mga tao ay namumuhay sa napakahirap na sitwasyon, iba sila mag-isip at kumilos sa mga ordinaryong tao, at ibang bagay din ang hinahabol nila. Nais nilang ipatupad ang kanilang mga ambisyosong plano, isakatuparan ang malalaking gawain at mga dakilang gawa, at tamuhin ang malalaking bagay sa isang kumpas lamang ng kanilang kamay. Unti-unting pumapasok ang ilang tao sa pulitika, dahil tanging ang larangang pampulitika ang makatutugon sa kanilang mga hangarin at ambisyon. Sinasabi ng ilang tao: “Masyadong madilim ang larangan ng pulitika, hindi ako makikisali sa pulitika, pero taglay ko pa rin ang pagnanais na may maiambag sa makatarungang layon ng sangkatauhan.” Kaya’t sumasali sila sa isang organisasyon na hindi politikal. Sabi ng iba: “Hindi ako sasali sa isang organisasyon na hindi politikal. Magiging nag-iisang bayani ako, gagamitin ko ang aking kadalubhasaan sa pinakamahusay na paraan sa pamamagitan ng pagnanakaw sa mayayaman para matulungan ang mahihirap, at sa pagiging dalubhasa sa pagpatay ng mga tiwaling opisyal, lokal na maniniil, mga nakatataas na masasamang tao, masasamang pulis, mga bandido at maton, at sa pagtulong sa mga karaniwang tao at mahihirap.” Anuman ang landas na tinatahak nila, ginagawa nila ito sa ilalim ng impluwensya ng tradisyonal na kultura, at wala sa mga ito ang tamang landas. Gaano man naaayon ang ekspresyon ng mga tao sa mga kalakaran ng lipunan at mga popular na uso, hindi maiiwasang maiimpluwensyahan ang mga ito ng tradisyonal na kultura, dahil palaging isinasaalang-alang ng sangkatauhan ang mga ekspresyon tulad ng “alalahanin ang bansa at ang mga tao,” “panatilihin sa puso ng isang tao ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit,” “dakilang mararangal na bayani,” at “ang makatarungang layon ng katutubong lupain” bilang mga mithiin na kanilang hahangarin at paglalaanan ng kanilang sarili, sumusunod sa ipinapagawa at sinisikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan. Ito ang realidad ng sitwasyon. May nakapagsabi na bang, “Ang gusto ko sa buhay ay maging isang magsasaka, sumusunod sa ipinapagawa at sinisikap na gawin ang makakaya ko hanggang sa araw ng aking kamatayan”? May nakapagsabi na ba na, “Magpapastol ako ng mga baka at tupa sa buong buhay ko, sumusunod sa ipinapagawa at sinisikap na gawin ang makakaya ko hanggang sa araw ng aking kamatayan?” Mayroon bang gumamit ng kasabihang ito sa mga ganitong sitwasyon? (Wala.) Ginagamit ng mga tao ang kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” nang may isang uri ng ambisyon at hindi makatotohanang hangarin, ginagamit ang kaaya-ayang retorika na ito para itago ang mga hangarin at ambisyon sa loob ng kanilang sarili. Mangyari pa, ang kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” ay nagbunga rin ng gayong hindi makatotohanan at baluktot na mga kaisipan at gawain gaya ng pag-aalala sa bansa at sa mga tao, at pagpapanatili sa puso ng isang tao ng lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit, na nakapinsala sa maraming idealista at bisyonaryo.