Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 11 (Ikalawang Bahagi)
Kaugnay sa mga kasabihan tungkol sa moral na pag-uugali sa tradisyonal na kultura, aling mga kasabihan ang pinagbahaginan natin nitong huli? (Nagbahaginan tayo tungkol sa tatlong kasabihan, “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” at “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan.”) Nitong huli, nagbahaginan tayo sa tatlong mga hinihingi at kasabihan na ito tungkol sa moral na pag-uugali, at gayundin sa diwa ng mga kasabihan sa moral na pag-uugali. Ano ang ating pinagbahaginan tungkol sa diwa ng mga kasabihan tungkol sa moral na pag-uugali? (Tinalakay ng Diyos ang kaibahan ng mga kasabihan sa moral na pag-uugali at ng katotohanan. Ang mga kasabihan sa moral na pag-uugali ay naghihigpit lamang sa pag-uugali ng mga tao at pinasusunod sila sa mga panuntunan lamang, samantalang sinasabi ng katotohanan ng mga salita ng Diyos sa mga tao ang mga katotohanang prinsipyo na dapat nilang maunawaan, at itinuturo nito ang ilang landas ng pagsasagawa para sa kanila, upang magkaroon sila ng mga prinsipyo at ng direksyon sa kanilang pagsasagawa sa tuwing may nangyayari sa kanila. Ito ang mga aspeto kung saan ang mga kasabihan ng moral na pag-uugali ay naiiba sa katotohanan.) Nitong huli, nagbahaginan tayo na ang pangunahing hinihingi ng mga kasabihan tungkol sa moral na pag-uugali ay ang sumunod ang mga tao sa ilang partikular na pagkilos at panuntunan, at ang mas bigyang-diin ang paggamit ng mga panuntunan upang paghigpitan ang pag-uugali ng mga tao. Samantala, ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao ay pangunahing tumuturo sa mga landas ng pagsasagawa para sa kanila batay sa kung ano ang maaaring makamit ng normal na pagkatao, at itong malalawak na landas ng pagsasagawa ay tinatawag na mga prinsipyo. Nangangahulugan ito na, sa tuwing may problemang dumarating sa iyo, sasabihin sa iyo ng Diyos ang tumpak at positibong landas ng pagsasagawa, at sasabihin Niya sa iyo ang mga prinsipyo, layon, at direksyon para sa iyong pagsasagawa. Ayaw Niyang sumunod ka sa mga panuntunan, kundi ay sumunod sa mga prinsipyong ito. Sa ganitong paraan, isinasabuhay ng mga tao ang katotohanang realidad, at magiging tama ang landas na tinatahak nila. Ngayon, higit pa nating tingnan kung ano ang iba pang mahahalagang problema sa mga kasabihan tungkol sa moral na pag-uugali. Ang kaisipan ng mga tao ay hindi lamang nalilimitahan ng maraming kasabihan tungkol sa moral na pag-uugali, kundi nalilito at pumupurol din ang kanilang pag-iisip dahil dito. Kasabay nito, may ilang mas radikal na kasabihan na kumokontrol sa buhay ng mga tao. Halimbawa, ang nakatatakot na kasabihan sa ating huling pagbabahaginan na, “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” ay hindi lamang kumokontrol at naglilimita sa mga kaisipan ng mga tao, kundi kinokontrol din nito ang kanilang buhay, sa pamamagitan ng hindi lamang pag-alis ng kanilang kakayahang pahalagahan ang sarili nilang buhay, kundi itinutulak din sila nitong basta-bastang isuko ang kanilang buhay dahil sa mga di-makatwirang dahilan, sa mapusok at walang ingat na paraan. Hindi ba’t pagkontrol ito sa buhay ng mga tao? (Oo.) Bago pa man maunawaan ng mga tao kung ano ang kabuluhan ng buhay, at matagpuan ang tamang landas sa buhay, basta-basta nila itong isinusuko para sa diumano’y isang kaibigan bilang kapalit ng katiting na kabaitan, at itinuturing nila ang sarili nilang buhay bilang napakababa at walang halaga. Ito ang bunga ng isang uri ng pag-iisip na itinuturo ng tradisyonal na kultura sa mga tao. Kung titingnan kung paano nalilimitahan ng mga kasabihan tungkol sa moral na pag-uugali ang kaisipan ng mga tao, wala ni isang positibong bagay tungkol sa mga ito, at kung titingnan kung paano basta-bastang kinokontrol ng mga ito ang buhay ng mga tao, tiyak na walang mga positibong epekto o pakinabang ang mga ito sa mga tao. Bukod doon, ang mga tao ay nalilinlang at ginagawang manhid ng mga ideyang ito. Alang-alang sa sarili nilang banidad at pride, at upang hindi sila kondenahin ng pampublikong opinyon, napipilitan silang kumilos ayon sa mga hinihingi ng moral na pag-uugali. Ang mga tao ay ganap nang nagapos, nahigpitan, at napigilan ng iba’t ibang kasabihan at ideya tungkol sa moral na pag-uugali, kaya wala na silang ibang magagawa pa. Ang sangkatauhan ay handang mamuhay sa ilalim ng mga gapos ng mga kasabihan sa moral na pag-uugali at walang kalayaang magpasya dahil lamang sa mga layon na makapamuhay ng isang mas kagalang-galang na buhay, magmukhang mabuti sa harap ng iba, lubos na mapahalagahan at makakuha ng mga kanais-nais na komento mula sa mga tao, pati na rin ang maiwasang maging puntirya ng paninira, at para magdala ng karangalan sa kanilang pamilya. Sa mga ideya at pananaw na ito ng mga tao, pati na sa mga penomenang ito na kontrolado sila ng mga kasabihan tungkol sa moral na pag-uugali, bagamat medyo nililimitahan at pinipigilan ng gayong mga kasabihan ang pag-uugali ng tao, lubusang itinatago ng mga ito ang katunayan na ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, at ang katunayan na ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon at satanikong kalikasan. Gumagamit sila ng panlabas na pag-uugali upang pagtakpan ang mga tao para magmukha silang namumuhay ng isang kagalang-galang, may pinag-aralan, elegante, mabuti, tanyag, at marangal na buhay. Samakatuwid, matutukoy lamang ng iba kung anong uri sila ng tao—kung sila ay marangal o mababa, mabuti o masama—sa pamamagitan ng kanilang panlabas na pag-uugali. Sa gayong mga sitwasyon, sinusukat at hinuhusgan ng lahat kung mabuti o masama ang isang tao batay sa iba’t ibang hinihingi ng moral na pag-uugali, ngunit walang sinuman ang nakakakita sa tiwaling diwa ng mga tao sa likod ng kanilang paimbabaw na moral na pag-uugali, ni hindi nila malinaw na nakikita ang lahat ng iba’t ibang panlilinlang at kalupitan na nakatago sa likod ng moral na pag-uugali. Sa ganitong paraan, ginagamit ng mga tao ang moral na pag-uugali bilang panakip para mas maitago ang kanilang tiwaling diwa. Halimbawa, may isang babae na mukhang malinis, mabait, malumanay, at moral, tumatanggap siya ng papuri at paghanga mula sa mga taong nakapaligid sa kanya. Siya ay may wastong pag-uugali, magandang asal, talagang mapagpasensya sa kanyang pakikisalamuha sa iba, hindi nagkikimkim ng sama ng loob, masunurin sa kanyang mga magulang, ginagampanan niya ang papel ng isang mabuting asawa at ina, kaya niyang magtiis ng mga paghihirap, at itinuturing siyang isang huwaran para sa ibang babae. Walang makikitang mga problema sa kanyang panlabas na anyo, ngunit walang nakakaalam kung ano ang iniisip niya o kung paano siya nag-iisip sa kaibuturan ng kalooban niya. Hindi niya kailanman sinasabi kung ano ang kanyang mga hangarin at ambisyon, at hindi rin siya naglalakas-loob na magsabi. Bakit hindi siya naglalakas-loob na magsabi? Dahil gusto niyang umasal bilang isang babaeng malinis, mabait, malumanay, at moral. Kung tunay siyang magtatapat at ilalantad niya ang kanyang puso at kapangitan, hindi niya magagawang maging isang malinis, mabait, malumanay, at moral na babae, at pupunahin at kukutyain pa nga siya ng iba, kaya’t maaari lamang niyang pagtakpan at pagmukhaing mabait ang kanyang sarili. Ang pagtatago sa likod nitong panlabas na pag-uugali ng pagiging malinis, mabait, malumanay, at moral ay nangangahulugan na nakikita lamang ng mga tao ang kanyang mabubuting gawa at pinupuri siya ng mga ito, at kaya nakamit na niya ang kanyang layon. Ngunit gaano man siya magbalatkayo at manlinlang ng iba, kasingbait ba talaga siya ng gaya ng inaakala ng mga tao? Talagang hindi. Mayroon ba talaga siyang tiwaling disposisyon? Mayroon ba siyang diwa ng katiwalian? Mapanlinlang ba siya? Mayabang? Mapagmatigas? Masama? (Oo.) Tiyak na siya ang mga bagay na ito, ngunit lahat ng ito ay nakatago—totoo ito. Ang ilang makasaysayang tao sa Tsina ay iginagalang bilang mga sinaunang santo at pantas. Ano ang batayan sa pagpapahayag na ito? Pinupuri sila bilang mga santo at pantas batay lamang sa ilang limitado, walang katibayan na mga tala at alamat. Ang totoo, walang nakakaalam kung ano mismo ang kanilang lihim na mga kilos at pag-uugali. Mayroon ba kayong malalim na pagkaunawa sa mga problemang ito ngayon? Ang ilan sa inyo ay malamang na mayroong malalim na pagkaunawa, dahil napakinggan na ninyo ang napakaraming sermon, at nakita ninyo nang napakalinaw ang diwa at katotohanan ng katiwalian ng tao. Hangga’t nauunawaan ng mga tao ang ilang katotohanan, nagagawa nilang magkamit ng malalim na pagkaunawa sa ilang tao, usapin, at bagay. Ang isang malinis, mabait, malumanay, at moral na babae—gaano man kapuri-puri ang kanyang panlabas na pag-uugali at moral na pag-uugali, at gaano man siya kahusay magbalatkayo at magpanggap na mabuting tao—ay magbubunyag ba ng kanyang mayabang na disposisyon? (Oo.) Talagang magbubunyag siya. Kaya, mayroon ba siyang mapagmatigas na disposisyon? (Oo.) Iniisip niya na tama siya at nararamdaman niyang siya ay malinis, mabait, malumanay, at moral, at na isa siyang mabuting tao, na nagpapatunay na siya ay masyadong mapagmagaling at sobrang mapagmatigas din. Ang totoo ay, sa kaloob-looban niya, nakikilala niya ang kanyang tunay na sarili at kung ano ang mga pagkukulang niya, pero nagagawa pa rin niyang ipahayag ang sarili niyang mga kabutihan. Hindi ba’t pagmamatigas ito? Hindi ba’t kayabangan ito? Bukod doon, ang pagproklama niya sa kanyang sarili bilang isang malinis, mabait, malumanay, at moral na tao ay ganap na alang-alang sa pag-iwan ng magandang reputasyon at pagdadala ng karangalan sa kanyang pamilya. Hindi ba’t ang gayong mga kaisipan at hangarin ay kalokohan at masama? Pinupuri siya ng mga tao at nakakakuha ng magandang reputasyon, pero sa loob-loob ay patuloy niyang itinatago ang kanyang mga layunin, iniisip, at mga kahiya-hiyang bagay na nagawa niya, at wala siyang pinagsasabihan tungkol sa mga ito. Natatakot siya na kapag nahalata siya ng mga tao, pupunahin, huhusgahan, at tatanggihan siya ng mga ito. Anong disposisyon ito? Hindi ba’t mapanlinlang ito? (Oo.) Kaya, gaano man kawasto at kakagalang-galang ang kanyang panlabas na pag-uugali, o gaano man karangal ang kanyang moral na pag-uugali, talaga ngang umiiral ang kanyang tiwaling disposisyon, kaya lang, hindi ito maunawaan o malaman ng mga hindi mananampalatayang kailanman ay hindi nakarinig sa mga salita ng Diyos at hindi nakauunawa sa katotohanan. Maaaring malinlang niya ang mga hindi mananampalataya, ngunit hindi niya kayang linlangin ang mga nananalig sa Diyos at nakauunawa sa katotohanan. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Ito ay dahil napasailalim na siya sa katiwalian ni Satanas, at siya ay may tiwaling disposisyon at tiwaling diwa. Isa itong katunayan. Gaano man kapuri-puri ang kanyang moral na pag-uugali, o gaano man kataas ang pamantayang naaabot niya, hindi maikakaila at hindi mababago ang katunayang siya ay may tiwaling disposisyon. Sa sandaling maunawaan ng mga tao ang katotohanan, malalaman na ng mga ito kung ano talaga siya. Gayunpaman, sinasamantala ni Satanas ang mga kasabihang ito tungkol sa moral na pag-uugali para linlangin ang mga tao, at siyempre para gawing mapurol at limitahan ang kanilang mga isipan, kaya’t nagkakamali sila sa pag-aakala na kung matutugunan nila ang mga hinihingi at pamantayan ng moral na pag-uugali, sila ay mabubuting tao at tumatahak sa tamang landas. Pero ang kabaligtaran talaga ang totoo. Kahit pa magpakita ng ilang mabubuting pag-uugali ang ilang tao, na naaayon sa mga kasabihan sa moral na pag-uugali, hindi pa nila natahak ang tamang landas sa buhay. Sa halip, natahak nila ang maling landas at namumuhay sila sa kasalanan. Natahak nila ang landas ng pagpapaimbabaw, at nahulog sila sa patibong ni Satanas. Ito ay dahil ang mga tiwaling disposisyon at tiwaling diwa ng mga tao ay hindi mababago kahit kaunti dahil lamang sa pagkakaroon nila ng kaunting mabuting moral na pag-uugali. Ang panlabas na moral na pag-uugali ay palamuti lamang, ito ay palabas lamang, at ang kanilang tunay na kalikasan at tunay na disposisyon ay mabubunyag pa rin. Naglalayon si Satanas na higpitan at kontrolin ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang pag-uugali at panlabas na anyo, na siyang nagtutulak sa mga tao na magbalatkayo at magpanggap na mabait sa pamamagitan ng mabuting pag-uugali, habang ginagamit ang mabuting pag-uugali ng mga tao para itago ang katunayang ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at siyempre, para itago rin ang katunayang may mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Sa isang banda, ang pakay ni Satanas, ay ipasailalim ang mga tao sa kontrol ng mga kasabihang ito ng moral na pag-uugali, upang itulak silang gumawa ng mas maraming mabubuting gawa at mas kaunting masasamang gawa, at lalong hindi gumawa ng mga bagay na salungat sa naghahari-harian. Ito ay higit na kapaki-pakinabang sa kapamahalaan at pagkontrol ng mga naghahari-harian. Sa kabilang banda naman, matapos tanggapin ng mga tao ang mga kasabihang ito ng moral na pag-uugali bilang teoretikal na batayan ng kanilang asal at mga kilos, may tendensiya silang ilayo ang kanilang sarili sa katotohanan at mga positibong bagay at labanan ang mga ito. Siyempre, pagdating sa mga salitang binigkas ng Diyos, at sa mga positibong bagay o katotohanan na itinuturo ng Diyos sa mga tao, nagiging mahirap para sa kanila na maunawaan o maarok ang mga ito, o maaaring nagkakaroon sila ng lahat ng uri ng pagtutol at mga kuru-kuro. Sa sandaling taglayin ng mga tao ang mga ideyang ito sa moral na pag-uugali, nagiging mas mahirap para sa kanila na tanggapin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, at siyempre, nagiging mas mahirap din para sa kanila na maunawaan ang mga tiwaling disposisyon at baguhin ang mga ito. Samakatuwid, ang lahat ng iba’t ibang kasabihan at ideya tungkol sa moral na pag-uugali ay lubos na nakahadlang sa pagtanggap at pag-unawa ng mga tao sa mga salita ng Diyos, at siyempre nakaapekto rin ang mga ito sa lawak ng pagtanggap ng mga tao sa katotohanan. Ginagamit ni Satanas ang pamamaraan ng pagdodoktrina sa mga tao ng mga kasabihan sa moral na pag-uugali upang makaisip sila ng lahat ng uri ng mali at negatibong mga ideya at pananaw, upang tingnan nila ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos batay sa mga ideya at pananaw na ito. Kapag pinanghahawakan ng mga tao ang mga ideya sa likod ng mga kasabihang ito tungkol sa moral na pag-uugali bilang teoretikal na batayan at pamantayan para sa kanilang mga pananaw sa mga tao at mga bagay, at sa kanilang asal at mga kilos, hindi lamang maaaring maibsan o mabago ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ngunit sa kabaligtaran, ay lalong titindi, at mas lalala pa ang kanilang pagsuway at paglaban sa Diyos. Kaya, kapag inililigtas ng Diyos ang mga tao, kapag ipinagkaloob sa kanila ang mga salita ng Diyos, ang pinakamalaking hadlang ay hindi ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, kundi ang iba’t ibang satanikong pilosopiya, kasabihan tungkol sa moral na pag-uugali, at ang iba’t ibang satanikong ideya at pananaw na nagmumula kay Satanas. Ito ay bunga ng katiwalian ni Satanas sa sangkatauhan, at ito rin ang negatibong epekto ng iba’t ibang kasabihan ng moral na pag-uugali sa tiwaling mga tao. Ito ang tunay na pakay na gustong makamit ni Satanas sa pamamagitan ng pangangaral at pagsusulong ng mga kasabihan tungkol sa moral na pag-uugali.
Sa huli nating pagtitipon, pangunahin tayong nagbahaginan tungkol sa tatlong kasabihan sa moral na pag-uugali, na tulad ng “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” at “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan.” Ngayon, magbabahaginan tayo tungkol sa “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa.” Ang kasabihang ito tungkol sa moral na pag-uugali ay lumitaw rin sa sangkatauhan, na nagmula sa mga ideya at pananaw ng mga tiwaling tao. Mangyari pa, ito ay mas tiyak na nagmumula sa katiwalian at panlilinlang ni Satanas sa sangkatauhan. Ito ay may parehong epekto at kalikasan sa mga kasabihan tungkol sa moral na pag-uugali na pinagbahaginan natin kamakailan, bagamat iba ang pamamaraan nito. Ang mga ito ay parehong mapangahas at engrande na mga pahayag, napakataimtim, maalab, at magiting. Kung hindi pa narinig ng mga tao ang mga salita ng Diyos at hindi pa naunawaan ang katotohanan, mararamdaman nila na lubhang nakaaantig ang mga pahayag na ito at nakapapanabik. Matapos marinig ang mga salitang ito, agad lalakas ang kanilang loob at ikukuyom nila ang kanilang mga kamao. Hindi na sila mapapakali o makapagpipigil ng pananabik sa loob-loob nila, at mararamdaman nila na ito ang kabuluhan ng kulturang Tsino at espiritu ng mga dragon. Ganito pa rin ba ang nararamdaman ninyo ngayon? (Hindi.) Ano ang nararamdaman ninyo ngayong naririnig ninyo ang mga salitang ito? (Ngayon ay nararamdaman ko na ang mga salitang ito ay hindi mabuti o positibo.) Bakit iba na ang pakiramdam ninyo ngayon kumpara sa dati? Dahil ba kapag tumanda na ang mga tao at dumanas ng labis na pagdurusa, nawawala na ang kanilang kabataan at kasiglahan? O dahil ba sa sandaling maunawaan ng mga tao ang ilang katotohanan, nakikilatis na nila na ang mga kasabihang ito tungkol sa moral na pag-uugali ay masyadong walang kabuluhan, hindi makatotohanan, at walang silbi? (Higit sa lahat, ito ay dahil na ang mga kasabihang ito ay hindi naaayon sa katotohanan at hindi praktikal.) Sadya ngang ang mga kasabihang ito sa moral na pag-uugali ay masyadong walang kabuluhan at hindi makatotohanan. Kaya, suriin at himay-himayin naman natin kung ano ang mali sa kasabihan sa moral na pag-uugali na “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa,” habang isinasaalang-alang ang mga prinsipyong pinagbahaginan natin kamakailan, upang partikular na mailantad ang kahangalan ng kasabihang ito at ang mga tusong pakana ni Satanas na nakatago rito. Alam ba ninyo kung paano himay-himayin ito? Sabihin sa Akin kung ano ang mismong kahulugan ng pangungusap na ito. (Ito ang tatlong pamantayan na iminungkahi ni Mencius para maging isang tunay at malakas na lalaki. Ang modernong interpretasyon ay: Ang kaluwalhatian at kayamanan ay hindi makakagulo sa kapasyahan, kahirapan at ang mabababang kalagayan ay hindi makapagpapabago sa matibay na kalooban ng isang tao, at ang banta ng kapangyarihan at karahasan ay hindi mauudyukan ang isang tao na magpasakop.) Ang kasabihan sa moral na pag-uugali na binanggit natin dati—“Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal”—ay nakatutok sa mga babae, ngunit ang isang ito ay halatang nakatutok sa mga lalaki. Ito man ay isang buhay ng kaluwalhatian at kayamanan, o mahihirap na kalagayan, o ang maharap sa kapangyarihan at karahasan, ang mga hinihingi ay ipinapataw sa mga lalaki sa lahat ng uri ng kapaligiran. Gaano karami ang hinihingi sa mga lalaki, sa kabuuan? Ang mga lalaki ay kinakailangang magkaroon ng matibay na kalooban, matatag na pagpapasya, at hindi sumusuko sa harap ng kapangyarihan at karahasan. Isipin kung isinasaalang-alang ng mga hinihinging ito ang normal na sangkatauhan, at kung isinasaalang-alang ng mga ito ang mga kapaligiran kung saan namumuhay ang mga tao sa tunay na buhay. Sa madaling salita, isipin kung ang mga hinihinging ito sa mga lalaki ay walang kabuluhan at hindi makatotohanan. Ang mga hinihingi ng tradisyonal na kultura sa moral na pag-uugali ng kababaihan ay ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal; ang ibig sabihin ng “malinis” ay pagtataglay ng mga kabutihan na pambabae, ang “mabait” ay nangangahulugan ng kabutihan ng puso, ang ibig sabihin ng “malumanay” ay pagiging isang mahinhing babae, at ang ibig sabihin ng “moral” ay pagiging isang moral na tao at pagkakaroon ng magandang moral na pag-uugali. Masyadong katamtaman lang ang bawat isa sa mga hinihinging ito. Ang mga lalaki ay hindi kailangang maging malinis, mabait, malumanay, o moral, samantalang ang mga babae ay hindi kailangang magkaroon ng matibay na kalooban at matatag na pagpapasya, at maaari silang sumuko sa tuwing nahaharap sila sa kapangyarihan at karahasan. Ibig sabihin, ang hinihinging ito tungkol sa moral na pag-uugali na, “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa,” ay nagbibigay ng luwag sa kababaihan, lalo na’t mapagparaya at may pagsasaalang-alang ito sa kanila. Ano ang kahulugan ng pagpaparaya at pagsasaalang-alang na ito? Maaari bang maintindihan ang mga ito sa magkaibang paraan? (Ang mga ito ay isang uri ng diskriminasyon.) Ganoon din ang tingin Ko. Ang totoo, ito ay diskriminasyon laban sa kababaihan, ang paniniwala na ang kababaihan ay walang matibay na paghahangad, na sila ay duwag, mga sobrang mahiyain, at na sapat na ang asahan silang magkaanak, gumanap ng papel ng isang mabuting asawa at ina, mag-asikaso sa gawaing bahay, at huwag makipag-away sa iba o makipagtsismisan. Imposibleng hingin sa kanila na bumuo ng isang propesyon at magkaroon ng isang matibay na kalooban—hindi nila kaya iyon. Kaya, kung titingnan mula sa ibang perspektiba, ang mga hinihinging ito sa kababaihan ay talagang mapangdiskrimina at mapanghamak. Ang kasabihang ito tungkol sa moral na pag-uugali, “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa,” ay nakatutok sa mga lalaki. Hinihingi nito na ang mga lalaki ay magkaroon ng matibay na kalooban at hindi mapipigilang pagpapasya, pati na ng isang espiritu na lalaking-lalaki at malakas na hindi sumusuko sa kapangyarihan at karahasan. Tama ba ang hinihinging ito? Makatwiran ba ito? Ang mga hinihinging ito sa mga lalaki ay nagpapakita na ang taong nagmungkahi ng kasabihang ito tungkol sa moral na pag-uugali ay mataas ang tingin sa mga lalaki, dahil ang kanyang mga hinihingi sa mga lalaki ay mas mataas kaysa sa mga hinihingi sa mga kababaihan. Maaari itong maunawaan na nangangahulugang, batay sa parehong diwa ng kanilang kasarian, at ng kanilang katayuan sa lipunan at mga likas na gawi ng lalaki, ang mga lalaki ay dapat na nakatataas sa mga babae. Ang kasabihang ito sa moral na pag-uugali ay nabuo ba mula sa pananaw na ito? (Oo.) Malinaw na ito ang bunga ng isang lipunan na kung saan ang mga lalaki at babae ay hindi pantay. Sa lipunang ito, ang mga lalaki ay patuloy na dinidiskrimina at minamaliit ang mga kababaihan, nililimitahan ang mga oportunidad sa buhay ng mga kababaihan, binabalewala ang halaga ng pag-iral ng mga kababaihan, palaging pinapalabis ang kanilang sariling halaga, pinahuhusay ang kanilang sariling katayuan sa lipunan, at hinahayaan ang kanilang sariling mga karapatan na mangibabaw sa kababaihan. Ano ang mga epekto at bunga nito sa lipunan? Ang lipunang ito ay pinamumunuan at pinangingibabawan ng mga lalaki. Ito ay isang patriyarkal na lipunan, kung saan ang kababaihan ay dapat na nasa ilalim ng pamumuno, panunupil, at kontrol ng kalalakihan. Kasabay nito, maaaring pumasok sa anumang linya ng trabaho ang mga lalaki, samantalang ang saklaw ng mga trabaho na maaaring gawin ng kababaihan ay dapat bawasan at limitahan. Dapat na ganap na tamasahin ng mga lalaki ang lahat ng karapatan sa lipunan, samantalang ang saklaw ng mga karapatang tinatamasa ng kababaihan ay talagang limitado. Ang mga trabahong ayaw o hindi pinipiling gawin ng mga lalaki, o kung saan sila ay madidiskrimina, ay maaaring iwan na lang sa mga babae. Halimbawa, ang paglalaba, pagluluto, mga industriya ng pagseserbisyo, at ilang trabaho na medyo may mababang kita at mababang katayuan sa lipunan o dinidiskrimina ng mga tao, ay nakalaan para sa kababaihan. Sa madaling salita, maaaring tamasahin ng mga lalaki ang kanilang mga karapatan bilang lalaki, pagdating sa pagpili ng trabaho at sa katayuan sa lipunan, at tamasahin ang mga espesyal na karapatan na ipinagkakaloob ng lipunan sa mga lalaki. Sa gayong lipunan, ang mga lalaki ang mas mahalaga samantalang ang mga babae ay nasa mas mababang uri, maging sa puntong wala na silang pagkakataong magpasya, o karapatang pumili. Maaari lamang silang pasibong maghintay na mapili, at sa huli ay itinataboy at itinatapon sila ng lipunang ito. Samakatuwid, ang mga hinihingi ng lipunang ito sa kababaihan ay katamtaman kung ikukumpara sa mahihigpit at malulupit na hinihingi sa mga lalaki. Gayunpaman, nakatutok man ang mga ito sa mga lalaki o babae, ang motibo at pakay sa pagmumungkahi ng mga hinihinging ito sa moral na pag-uugali ay upang mas mahusay na mapaglingkuran ng mga tao ang lipunan, bayan, bansa, at siyempre, sa huli, ay mapaglingkuran ang naghahari-harian at ang mga pinuno. Madali itong makita mula sa kasabihang ito na “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa” na ang taong nagmungkahi ng hinihinging ito sa moral na pag-uugali ay may pagkiling laban sa mga lalaki. Sa mga mata ng taong iyon, dapat magkaroon ang mga lalaki ng matibay na kalooban, isang matatag na pagpapasya, at isang espiritu na hindi sumusuko sa kapangyarihan at karahasan. Mula sa mga hinihinging ito, nakikita ba ninyo kung ano ang pakay ng taong nagmungkahi ng kasabihang ito? Ito ay upang gawing mas mahusay na makapaglingkod sa lipunan, sa bayan, at sa bansa ang mga kapaki-pakinabang at matitibay ang loob na mga lalaki sa lipunang ito, at sa huli ay mas mahusay nilang mapagsilbihan ang mga nasa kapangyarihan, at mapakinabangan ang mga kahusayan at kakayahan ng mga kalalakihan sa lipunang ito. Ang ganitong mga lalaki lamang ang matatawag na tunay na lalaki at malakas. Kung hindi matugunan ng mga lalaki ang mga hinihinging ito, kung gayon, sa mga mata ng mga moralista at pinunong ito, hindi sila matatawag na tunay at malakas na lalaki, kundi matatawag lamang sila na mga karaniwang tao at mga itinakwil at sila ay dinidiskrimina. Ibig sabihin, kung ang isang lalaki ay walang matibay na kalooban, matatag na pagpapasya, at isang espiritu na hindi sumusuko sa kapangyarihan at karahasan na gaya ng hinihingi nila, kundi ay isa lang siyang ordinaryong tao na walang mga natamo, at kaya lamang mamuhay ng kanyang sariling buhay, at hindi makapag-ambag ng kanyang halaga sa lipunan, sa bayan, at sa bansa, at hindi maaaring italaga sa ilang mahalagang posisyon ng mga pinuno, ng bansa o bayan, kung gayon, hindi tatanggapin at pahahalagahan ng lipunan ang gayong tao, ni hindi siya pahahalagahan ng mga nasa kapangyarihan, at ituturing siya ng mga pinuno o mga moralistang ito bilang isang karaniwang tao, isang itinakwil, at isang mababang-uri ng tao. Hindi ba’t ganito nga? (Oo.) Sumasang-ayon ba kayo sa kasabihang ito? Angkop ba ang kasabihang ito? Makatarungan ba ito sa mga lalaki? (Hindi ito makatarungan.) Dapat bang asamin ng mga lalaki ang buong mundo, ang bansa, at ang mga dakilang gawain para sa bansa? Hindi ba sila maaaring maging ordinaryong tao at masunuring lalaki lamang? Hindi ba sila maaaring umiyak, masawi sa pag-ibig, magkimkim ng mga makasariling motibo sa maliliit na paraan, o mamuhay ng simpleng buhay sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay? Dapat bang asamin nila ang mundo para masabing sila ay tunay at malakas na lalaki? Dapat ba silang tawaging tunay at malakas na lalaki para talagang maituring na lalaki? Ang depinisyon ba ng isang lalaki ay dapat na maging tunay at malakas kang lalaki? (Hindi.) Ang mga ideyang ito ay isang insulto sa mga lalaki, katumbas ang mga ito ng isang personal na pag-atake sa mga lalaki. Mayroon ba sa inyo ang ganito rin ang nadarama? (Oo.) Ayos lang ba na hindi magkaroon ng matibay na kalooban ang mga lalaki? Ayos lang ba na hindi matatag ang pagpapasya ng mga lalaki? Kapag nilalabanan ng mga lalaki ang kapangyarihan at karahasan, ayos lang ba na sumuko at humingi sila ng kompromiso para mabuhay? (Oo, ayos lang ito.) Ayos lang din ba na hindi magkaroon ang mga lalaki ng anumang bagay na wala ang mga babae? Ayos lang ba na magpahinga ang mga lalaki mula sa pagiging tunay at malakas na lalaki, at sa halip ay maging ordinaryong lalaki lang? (Oo, ayos lang.) Sa ganoong paraan, magiging malaya ang mga tao, lalawak ang landas sa pagiging isang lalaki, at hindi na masyadong mapapagod sa buhay ang mga lalaki, bagkus ay makapamumuhay na sila nang normal.
Mayroon pa ring ilang bansa kung saan ang mga lalaki ay kinukulong pa rin sa mga ideya ng tradisyonal na kultura tulad ng “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa”. Ang mga bansang ito ay mga patriyarkal na lipunan pa rin kung saan ang mga lalaki ang nasusunod at naghahari, mula sa pamilya hanggang sa lipunan at sa buong bansa, at sila ang binibigyang-prayoridad sa lahat ng bagay, at ang namamayani sa bawat sitwasyon, at pakiramdam nila ay nakatataas sila sa lahat ng aspeto. Kasabay nito, ang gayong mga lipunan, bayan, at bansa ay may matataas na hinihingi sa mga lalaki, na naglalagay sa kanila sa malaking kagipitan at nagdudulot ng maraming masamang kahihinatnan. Ang ilang lalaki na nawawalan ng trabaho ay hindi man lang naglalakas-loob na magsabi sa kanilang pamilya. Araw-araw ay binibitbit nila ang kanilang bag at nagkukunwaring papasok sa trabaho, pero ang totoo ay lumalabas sila at naglalakad-lakad lang sa mga lansangan. Minsan, umuuwi sila nang gabing-gabi na at nagsisinungaling pa sa mga kapamilya nila na nagtatrabaho sila sa opisina nang lagpas sa oras. Pagkatapos, sa susunod na araw, nagpapatuloy sila sa pagkukunwari at muling lalabas para maglalakad-lakad sa mga lansangan. Ang mga ideyang ito ng tradisyonal na kultura, gayundin ang mga responsabilidad at posisyon ng mga lalaki sa lipunan, ay nagsasanhi ng kagipitan at maging ng kahihiyan, at binabaluktot din nito ang pagkatao ng mga lalaki, na nagiging sanhi ng pagkabalisa, depresyon, at madalas na halos pagkakalugmok ng maraming lalaki sa tuwing nasasadlak sila sa mga paghihirap. Bakit ganito ang nangyayari? Sapagkat iniisip nila na sila ay mga lalaki, na ang mga lalaki ay dapat kumita ng pera para maitaguyod ang kanilang pamilya, na dapat nilang gampanan ang kanilang mga responsabilidad bilang lalaki, at na hindi dapat umiyak o maging malungkot ang mga lalaki, at na ang mga lalaki ay hindi dapat walang trabaho, kundi dapat na maging haligi ng lipunan, at ang punong suporta ng pamilya. Gaya ng sinasabi ng mga hindi mananampalataya, “Ang mga lalaki ay hindi madaling mapaluha,” ang isang lalaki ay hindi dapat magkaroon ng mga kahinaan, o ng anumang pagkukulang. Ang mga ideya at pananaw na ito ay dulot ng maling pagkakategorya ng mga moralista sa mga lalaki, gayundin ang patuloy na pagtataas ng mga ito sa katayuan ng mga lalaki. Ang mga ideya at pananaw na ito ay hindi lamang nagsasailalim sa mga lalaki sa lahat ng uri ng gulo, pagkayamot, at dalamhati, ngunit nagiging mga tanikala din ang mga ito sa loob ng kanilang isipan, na nagiging dahilan para lalong maging mahirap ang kanilang posisyon, sitwasyon at mga pakikipagharap sa lipunan. Habang tumitindi ang panggigipit sa mga lalaki, tumitindi rin ang mga negatibong epekto ng mga ideya at pananaw na ito sa mga lalaki. Ang ilang lalaki ay ikinakategorya pa nga ang kanilang sarili bilang mga dakilang tao dahil sa maling interpretasyon sa posisyon ng kasarian ng lalaki sa lipunan, iniisip na ang mga lalaki ay dakilang mga lalaki at ang mga babae ay mabababang babae, at na ang mga lalaki ang dapat na manguna sa lahat ng bagay at maging mga amo sa bahay, at na kapag hindi nagiging maayos ang mga bagay-bagay, maaari silang gumawa ng karahasan sa tahanan laban sa kababaihan. Ang mga problemang ito ay lahat nauugnay sa kung paano maling ikinategorya ng sangkatauhan ang kasarian ng lalaki, hindi ba? (Oo.) Makikita mo na sa karamihan ng mga bansa sa mundo, ang katayuan ng mga lalaki sa lipunan ay mas mataas kaysa sa kababaihan, lalo na sa pamilya. Walang kailangang gawin ang mga lalaki kundi ang magtrabaho at kumita ng pera, samantalang ginagawa ng mga babae ang lahat ng gawaing bahay, at hindi sila pwedeng makipagtalo o magreklamo, o mangahas na sabihin sa iba ang tungkol dito, gaano man ito kahirap o nakakapagod. Gaano kababa ang katayuan ng kababaihan? Halimbawa, ang mga lalaki ang unang nakakapili sa pinakamasarap na pagkain sa hapag-kainan, samantalang pangalawa lang ang mga babae, at sa mga booklet ng pagpaparehistro ng sambahayan, ang lalaki ay itinakda bilang pinuno ng pamamahay, at ang babae bilang isang miyembro ng pamilya. Kahit sa maliliit na bagay na ito, makikita natin ang pagkakaiba sa katayuan ng lalaki at babae. Ang hatian sa trabaho ng mga lalaki at babae ay magkaiba dahil sa mga kaibahan sa kasarian, ngunit hindi ba’t hindi makatarungan na masyadong malaki ang pagkakaiba ng katayuan ng lalaki at babae sa pamilya? Hindi ba’t sanhi ito ng edukasyon sa tradisyonal na kultura? Sa lipunan, maliban sa iniisip ng kababaihan na ang mga lalaki ay higit na kilala at marangal, maging ang mga lalaki ay nag-iisip na sila ay marangal at may mataas na ranggo kumpara sa kababaihan, dahil ang mga lalaki ay mas makabuluhan ang maiaambag at mas mapapakinabangan ng lipunan, bayan, at bansa ang kanilang mga kakayahan, samantalang ang mga babae ay hindi iyon magagawa. Hindi ba’t binabaluktot nito ang mga katunayan? Paano nangyari ang gayong pagbabaluktot sa mga katunayan? Direkta ba itong nauugnay sa turo at sa impluwensya ng edukasyon ng lipunan at tradisyonal na kultura? (Oo.) Ito ay direktang nauugnay sa edukasyon ng tradisyonal na kultura. Sa sangkatauhan, sa totoong lipunan man, o sa isang bayan o bansa, anuman ang mga lumilitaw na di-pangkaraniwang problema, ang lahat ng ito ay sanhi ng ilang maling ideya na isinusulong ng ilang sosyologo o pinuno, at direktang nauugnay sa mga maling ideya na isinusulong ng mga lider ng isang lipunan, bayan, o bansa. Kung ang mga ideya at pananaw na isinusulong nila ay mas positibo, at malapit sa katotohanan, magiging mas kaunti ang problema sa sangkatauhan; kung ang mga ideyang isinusulong nila ay may kinikilingan, mali at binabaluktot ang pagkatao, maraming di-pangkaraniwang bagay ang mangyayari sa loob ng lipunan, sa loob ng isang etnikong pangkat, o sa loob ng isang bansa. Kung isusulong ng mga sosyologo ang mga karapatan ng mga lalaki, itataas ang halaga ng mga lalaki, at mamaliitin ang halaga at dignidad ng kababaihan, kung gayon, sa lipunang ito, malinaw na magkakaroon ng malaking pagkakaiba sa katayuan sa lipunan sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan, kalakip na ang iba’t ibang hindi pagkakapantay-pantay tulad ng hindi pagkakapantay-pantay ng trabaho, katayuan sa lipunan, at kapakanang panlipunan, pati na ang malaking pagkakaiba sa katayuan ng mga kasarian sa pamilya at ang lubos na magkakaibang pagkakahati ng trabaho—kung saan ang lahat ay hindi pangkaraniwan. Ang paglitaw ng mga di-pangkaraniwang problemang ito ay nauugnay sa mga taong nagsusulong ng mga ideya at pananaw na ito, at idinudulot ng mga pulitiko at sosyologong ito. Kung may wastong pananaw at tamang mga kasabihan ang sangkatauhan ukol sa mga bagay na ito mula pa sa simula, relatibong mababawasan ang mga di-pangkaraniwang problemang ito sa iba’t ibang bansa o nayon.
Kaugnay sa pinagbahaginan natin ngayon lang, ano dapat ang tamang pananaw sa pagtrato sa mga lalaki? Anong uri ng mga pag-uugali, pagkatao, mga hangarin, at katayuan sa lipunan ang dapat taglayin ng mga lalaki upang maging normal? Paano dapat harapin ng mga lalaki ang kanilang mga responsabilidad sa lipunan? Bukod sa mga pagkakaiba ng kasarian, dapat bang magkaroon ng mga pagkakaiba sa mga lalaki at babae pagdating sa responsabilidad at katayuan sa lipunan? (Wala dapat.) Kaya paano dapat tratuhin ang mga lalaki sa paraan na tama, obhektibo, makatao, at naaayon sa mga katotohanang prinsipyo? Ito mismo ang dapat nating maunawaan ngayon. Pag-usapan natin, kung gayon, kung paano dapat tratuhin ang mga lalaki. Dapat bang pag-ibahin ang mga responsabilidad sa lipunan ng kalalakihan at kababaihan? Dapat bang magkaroon ng pantay na katayuan sa lipunan ang mga lalaki at babae? Makatarungan ba na masyadong itaas ang katayuan ng mga lalaki at maliitin ang kababaihan? (Hindi, hindi ito makatarungan.) Kaya, paano nga ba dapat pangasiwaan ang katayuan sa lipunan ng kalalakihan at kababaihan sa paraang patas at makatwiran? Ano ang prinsipyo para dito? (Na ang mga lalaki at babae ay pantay at dapat tratuhin nang patas.) Ang patas na pagtrato ay ang teoretikal na basehan, ngunit paano ito dapat isagawa sa paraang nagpapakita ng pagiging patas at makatwiran? Hindi ba’t may kinalaman ito sa mga praktikal na problema? Una sa lahat, dapat nating matukoy na ang katayuan ng kalalakihan at kababaihan ay pantay—hindi ito mapag-aalinlanganan. Samakatuwid, ang hatian sa trabaho sa lipunan ng kalalakihan at kababaihan ay dapat ding maging pantay, at dapat isaalang-alang at isaayos ayon sa kanilang kakayahan at abilidad na gawin ang trabaho. Dapat magkaroon ng pagkakapantay-pantay lalo na pagdating sa karapatang pantao, kung saan dapat natatamasa din ng mga babae ang natatamasa ng mga lalaki, upang matiyak ang pantay na katayuan ng mga kalalakihan at kababaihan sa lipunan. Ang sinumang kayang gumawa sa trabaho, o sinumang may kakayahang maging lider ay dapat tulutang gawin ito, lalaki o babae man siya. Ano ang palagay mo sa prinsipyong ito? (Mabuti ito.) Sinasalamin nito ang pagkakapantay-pantay ng kalalakihan at kababaihan. Halimbawa, kung mayroong dalawang lalaki at dalawang babae na nag-a-apply para sa trabaho bilang isang bombero, sino ang dapat makuha? Ang patas na pagtrato ay ang teoretikal na batayan at ang prinsipyo. Paano nga ba dapat harapin ng isang tao ang ganitong sitwasyon? Gaya ng kasasabi Ko ngayon lang, hayaan na gawin ito ng sinuman na kaya ang trabaho, ayon sa kanyang abilidad at kakayahan. Pumili ayon sa prinsipyong ito, sa pamamagitan ng pagsusuri kung sino sa mga kandidatong ito ang may maayos na pangangatawan at hindi malamya. Ang mahalaga sa pag-aapula ng apoy ay ang mabilis na pagkilos sa panahon ng kagipitan. Kung masyado kang malamya, mabagal mag-isip, at matamlay, tulad ng isang pagong o ng isang matandang baka, maaantala mo ang mga bagay-bagay. Matapos matiyak ang mga katangian ng bawat kandidato, batay sa kanilang kakayahan, abilidad, karanasan, antas ng kakayahan sa pag-aapula ng apoy, at iba pa, ang naging konklusyon ay talagang angkop ang isang lalaki at isang babae: Ang lalaki ay matangkad, malakas ang katawan, may karanasan sa pag-apula ng apoy, at lumahok siya sa ilang operasyon sa pag-apula ng sunog at pagsagip; ang babae ay maliksi, sumailalim sa mahigpit na pagsasanay, maalam siya tungkol sa pag-apula ng apoy at mga kaugnay na pamamaraan sa trabaho, may kakayahan siya, at naging kilala siya sa ibang trabaho at nakatanggap ng mga parangal. Kaya, sa huli, pareho silang napili. Tama ba iyon? (Oo.) Ito ay tinatawag na pagpili sa pinakamahusay sa lahat, nang hindi pinapaboran ang sinuman. Nangangahulugan ito na kapag pumipili ng ganitong uri ng tao, ang hindi isipin na dapat siyang maging isang lalaki o babae—ang mga lalaki at babae ay pare-pareho lahat, at kung sino ang kayang gumawa sa trabaho ay ayos na. Samakatuwid, kapag nagpapasya kung pipili ba ng isang lalaki o isang babae sa paggawa ng anuman, bukod sa pangunahing prinsipyo ng patas na pagtrato, ang partikular na prinsipyo na dapat isagawa ay ang ipagawa ito sa sinumang may abilidad at kakayahan sa trabaho, siya man ay lalaki o babae. Sa paggawa nito, hindi ka na napipigilan o naigagapos ng ideya na “Ang mga lalaki ay nakatataas sa mga babae,” at walang mga lumang ideya na makakaapekto sa iyong paghusga o pagpapasya sa bagay na ito. Sa iyong pananaw, ang sinuman na kayang gawin ang trabaho ay dapat pahintulutang gawin ito, siya man ay lalaki o babae—hindi ba’t pagiging patas iyon? Unang-una sa lahat, kapag pinangangasiwaan ang isang bagay, wala kang pagkiling laban sa mga lalaki o babae. Naniniwala ka na maraming namumukod-tangi at mahuhusay na babae, at marami kang kilalang gayong mga tao. Kaya, nakukumbinsi ka ng iyong kabatiran na ang abilidad ng kababaihan na magtrabaho ay hindi mas mababa sa abilidad ng mga lalaki, at na ang halaga ng iniaambag ng kababaihan sa lipunan ay hindi mas mababa kaysa sa mga lalaki. Sa sandaling magkaroon ka ng ganitong kabatiran at pagkaunawa, gagawa ka ng mga tumpak na paghatol at pagpapasya batay sa katunayang ito sa tuwing kikilos ka sa hinaharap. Sa madaling salita, kung hindi mo papaboran ang sinuman, at wala kang anumang pagkiling sa alinmang kasarian, magiging normal ang pagkatao mo sa aspetong ito, at makakakilos ka nang patas. Ang mga pagbabawal ng tradisyonal na kultura, sa paraan na ang mga lalaki ay itinuturing na mas mataas kaysa sa mga babae, ay aalisin, hindi na makukulong ang iyong mga kaisipan, at hindi ka na maiimpluwensyahan ng aspetong ito ng tradisyonal na kultura. Anuman ang mga nananaig na kalakaran ng pag-iisip o mga kaugalian sa lipunan, sa madaling sabi ay malalampasan mo na ang mga kaugaliang ito, at hindi ka na makukulong at maiimpluwensyahan ng mga ito, at makakaya mo nang harapin ang mga katunayan at ang katotohanan. Ang mas mainam pa roon, siyempre, ay na maaari mong tingnan ang mga tao at mga bagay, maaari kang umasal at kumilos alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, na ang resulta ay na ang mga ideya at pananaw tulad ng “ang mga lalaki ay dapat maging tunay na lalaki at malakas, samantalang ang mga babae ay mahiyain” ay hindi umiiral kung ikaw ang tatanungin. Kaya, progresibo ba ang iyong mga kaisipan at pananaw kung ikukumpara sa mga tao? (Oo.) Kung ikukumpara, ito ay isang pag-usad. Lalaki man o babae, matanda o bata, lahat ay maaaring makatanggap ng patas na pagtrato kapag lumapit sila sa iyo. Kung ito ay isasagawa, makabubuti ito sa mga tao sa halip na makakasama. Kung kumakapit ka pa rin sa mga pananaw ng tradisyonal na kultura, sa pamamagitan ng pagpapahayag na “Mula noong sinaunang panahon, ang mga lalaki ay may mas mataas nang katayuan kaysa sa mga babae, at sa lahat ng antas ng pamumuhay, mas marami ang namumukod-tangi at mahuhusay na lalaki kaysa sa mga babae. Kaya, maaaring igiit na ang mga lalaki ay mas malakas kaysa sa mga babae, at na mas mahalaga ang mga lalaki sa lipunan kaysa sa mga babae. Kung mas malaki ang kanilang halaga sa lipunan, hindi ba’t dapat mas mataas ang kanilang katayuan sa lipunan? Samakatuwid, sa lipunang ito, ang mga lalaki ang dapat masunod at ang mangibabaw, samantalang ang mga babae ay dapat makinig sa mga lalaki, at kontrolin at pamunuan ng mga lalaki”—kung gayon ang ganitong uri ng pag-iisip ay masyadong paurong at mababa, at hindi umaayon sa mga katotohanang prinsipyo kahit kaunti. Kung mayroon ka ngang mga ideya at pananaw na tulad nito, magagawa mo lamang na diskriminahin at supilin ang kababaihan, at makokondena at mapalalayas ka ng mga panlipunang kalakaran. Ang pagkakapantay-pantay ng lalaki at babae ay isang tamang pananaw na kinikilala na sa lahat ng dako, at ganap itong naaayon sa kalooban ng Diyos. Ang mga tao ay dapat na tratuhin nang patas, ang mga lalaki ay hindi dapat tinitingala, ang mga babae ay hindi dapat minamaliit, at ang halaga ng kababaihan ay hindi dapat binabalewala, at ang kanilang abilidad at kakayahan sa trabaho ay hindi dapat binabalewala. Ito na ang pangunahing napagkasunduan ng mga may alam na populasyon ng bawat bansa. Kung ang mga nangingibabaw mong ideya ay naiimpluwensyahan pa rin ng tradisyonal na kultura, at iniisip mo pa rin na ang mga lalaki ay kinikilala samantalang ang mga babae ay mababa, kung gayon, sa tuwing kikilos ka, malamang na papaboran ng iyong pananaw at mga pagpapasya ang lalaking kasarian, at bibigyan mo ang mga lalaki ng mas maraming oportunidad. Iisipin mo na kahit pa medyo kulang sa kakayahan ang ilang lalaki, mas malakas pa rin sila kaysa sa mga babae, at na hindi mapapantayan o makakamit ng mga babae ang kayang gawin ng mga lalaki. Kung ganito ka mag-isip, magkakaroon ng pagkiling ang pananaw mo, at kaya malilihis ang iyong paghusga at mga pinal na desisyon dahil sa iyong paraan ng pag-iisip. Halimbawa, tungkol sa pagpili ng mga bombero na kakabanggit lang natin, nagiging palaisipan ito sa iyo, napapaisip ka “Kaya ba ng mga babae na umakyat ng hagdan? Gaano karami ang kayang gawin ng mga babae? Ano ang silbi ng liksi sa isang babae? Kahit pa dumaan siya sa mahigpit na pagsasanay, wala naman itong silbi.” Ngunit pagkatapos ay naiisip mo ang tungkol sa pagtrato sa mga tao nang patas, kaya’t sa wakas ay pumili ka ng dalawang lalaki at isang babae. Ang totoo, sa pagpili ng isang babae sa sitwasyong ito, iniraraos mo lang ang proseso at nagpapakitang-tao ka para palubagin ang loob ng babae at hindi masaktan ang kanyang damdamin. Kumusta ang ganitong paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay? Hindi ka lang pumipili ng mga tao sa ganitong paraan, kundi kapag nagtatalaga ka ng trabaho, pinanghahawakan mo rin ang isang pananaw na nangmamaliit sa babae, nagtatalaga ka pa nga sa kanya ng maliliit at magagaan na gawain. Iniisip mo pa rin na mayroon kang magandang pakikitungo at inaalagaan mo ang babae sa pamamagitan ng espesyal na pagtrato at pagpoprotekta sa kanya. Ang totoo, mula sa pananaw ng babae, lubha mong nasaktan ang kanyang pagpapahalaga sa sarili. Paano mo ito nasaktan? Dahil iniisip mo na ang mga babae ay mahihina at walang kalaban-laban, na ang mga babae ay mahiyain at ang mga lalaki ay tunay na lalaki, kaya dapat lang na protektahan ang mga babae. Paano nabuo ang mga ideyang ito? Dahil ba ito sa impluwensya ng tradisyonal na kultura? (Oo.) Naririto ang pinakadahilan. Anuman ang sabihin mo tungkol sa pagtrato sa mga tao nang patas, kung titingnan ito mula sa mga kilos mo, hindi maikakaila na nakagapos at nakakulong ka pa rin sa ideyang ito ng tradisyonal na kultura na “Ang mga lalaki ay nakatataas sa mga babae.” Malinaw na makikita mula sa mga kilos mo na hindi pa naalis sa iyo ang ideyang ito. Tama ba? (Oo.) Kung nais mong makalaya sa mga gapos na ito, dapat mong hanapin ang katotohanan, ganap na unawain ang diwa ng mga ideyang ito, at huwag kumilos sa ilalim ng impluwensya o kontrol ng mga ideyang ito ng tradisyonal na kultura. Dapat mong tuluyang abandonahin at talikuran ang mga ito, at huwag nang tingnan ang mga tao at mga bagay, at umasal at kumilos alinsunod sa mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura, o gumawa ng anumang panghuhusga at pagpapasya batay sa tradisyonal na kultura; sa halip, tingnan ang mga tao at mga bagay, umasal at kumilos alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Sa ganitong paraan, tatahak ka sa tamang landas, at magiging isang tunay na nilikha na sinang-ayunan ng Diyos. Kung hindi, makokontrol ka pa rin ni Satanas, at patuloy kang mamumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at hindi mo magagawang mamuhay sa mga salita ng Diyos: Ito ang mga katunayan ng usapin.
Ngayon naiintindihan na ba ninyo ang diwa ng kasabihang ito tungkol sa moral na pag-uugali, “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa”? At naiintindihan na rin ba ninyo ang kontekstong panlipunan kung saan itinaguyod ang kasabihang ito? (Oo.) Upang mapabuti ang katayuan sa lipunan ng mga lalaki at mabigyan sila ng higit na mga karapatan, kinakailangang taasan ang mga hinihingi sa mga lalaki, itatag ang imahe ng mga lalaki sa isipan ng mga tao, at hubugin ang imaheng iyon tungo sa pagiging isang tunay at malakas na lalaki. Ito ang imaheng ipinapahiwatig ng kasabihang “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa” na sinasabi ng mga tao. Ang isang aspeto na sinasabi sa mga tao ng mga moralistang nagtataguyod ng kasabihang ito ng moral na pag-uugali, ay na ang mga namumuhay ayon sa kasabihang ito ay mga tunay na lalaki, na ibig sabihin ay sinasabi nila sa mga tao ang kahulugan ng isang lalaki; ang isa pang aspeto ay na isinusulong nila na ang mga lalaki ay dapat magpahayag ng kanilang mga paninindigan sa lipunan, magpakita ng pagiging hindi pangkaraniwan, magkaroon ng matatag na katatayuan sa lipunan, at impluwensyahan ang kalakaran sa lipunan. Ang kaisipang ito na “Ang mga lalaki ay nakatataas sa mga babae” ay nananatili hanggang ngayon. Kahit may pag-unlad na sa usaping ito ang ilang bansa o etnisidad, ang gayong pag-iisip ay nananaig pa rin sa maraming ibang bansa at bayan, kung saan kinokontrol at pinangingibabawan pa rin nito ang mga pambansa at panlipunang kalakaran, at pinangingibabawan ang pagkakahati ng trabaho sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan sa lipunan, gayundin ang kanilang katayuan at halaga sa lipunan, at kahit hanggang ngayon ay wala pang gaanong nagbago. Ibig sabihin, sa maraming bansa at bayan, dinidiskrimina pa rin at ibinubukod ang kababaihan. Sobrang nakakalungkot ang sitwasyong ito, at ito ang pinakamalaking kawalan ng pagkakapantay-pantay sa mundo. Ang katunayan ng kung dinidiskrimina ba at ibinubukod ang kababaihan o hindi, o sa halip ay kapantay sila ng kalalakihan, ay isang malinaw na marka para masukat kung ang isang bansa o bayan ay progresibo o paurong.
Ngayon lang ay nagbahaginan tayo tungkol sa kung paano dapat ituring ang mga lalaki at babae na nilikha ng Diyos, at kung anong mga tamang pananaw ang dapat mayroon ang isang tao tungkol sa kanila. Ang mga lalaki at babae ay parehong may normal na pagkatao at nagtataglay ng normal na konsiyensiya at katwiran ng tao—ang mga bagay na ito ay kapwa tinataglay ng mga lalaki at babae. Maliban sa mga pagkakaiba sa kasarian, sa diwa ay magkapantay ang mga lalaki at babae kung ang pag-uusapan ay ang kanilang pag-iisip, likas na gawi, ang kanilang pagtugon sa iba’t ibang bagay, ang kanilang kakayahan at abilidad, at iba pang uri ng aspeto. Hindi masasabing eksaktong magkapareho sila, pero sa diwa, halos magkapareho sila. Parehong-pareho ang kanilang mga gawi sa buhay at mga tuntunin sa pamumuhay, gayundin ang kanilang mga ideya, pananaw at saloobin sa lipunan, mga kalakaran sa mundo, mga tao, pangyayari, bagay, at lahat ng nilikha ng Diyos, pati na ang kanilang mga tugon sa ilang partikular na bagay, kabilang na ang kanilang pisikal at mental na mga tugon. Bakit parehong-pareho ang mga bagay na ito? Dahil ang kapwa lalaki at babae ay nilikha ng nag-iisang Lumikha, at ang hininga ng kanilang buhay, ang kanilang malayang kalooban, pati na ang lahat ng iba’t ibang aktibidad na maaari nilang gawin, ang kanilang mga nakagawian sa buhay at iba pa, ay lahat nagmumula sa Lumikha. Kung iisipin ang mga penomenang ito, walang pagkakaiba ang mga lalaki at babae maliban sa kaibahan sa kasarian, at gayundin sa ilang iba’t ibang bagay o mga propesyonal na kasanayan kung saan sila mahusay. Halimbawa, maraming trabaho na kayang gawin ng mga lalaki ang kaya ring gawin ng mga babae. May mga babaeng siyentista, piloto, at astronaut, at pati na rin mga babaeng presidente at opisyal ng gobyerno, na nagpapatunay na ang mga trabahong kayang gawin ng mga lalaki at babae ay halos magkakapareho, sa kabila ng kaibahan ng kanilang kasarian. Pagdating sa tibay ng katawan at pagpapahayag ng mga emosyon, halos pareho lang ang mga lalaki at babae. Kapag namatay ang kamag-anak ng isang babae, iiyak siya hanggang sa mahapo nang husto dahil sa nakakadurog-pusong pighati; kapag namatay ang mga magulang o kasintahan ng isang lalaki, nananaghoy rin siya nang napakalakas na nakapangyayanig sa lupa; kapag nahaharap ang mga babae sa diborsyo, nalulumbay, nanlulumo, at nalulungkot sila, at maaaring magpakamatay pa nga, samantalang ang mga lalaki ay nanlulumo rin kapag iniwan sila ng kanilang asawa, at ang ilan ay umiiyak pa nang palihim sa ilalim ng kumot. Dahil sila ay lalaki, hindi sila naglalakas-loob na magreklamo tungkol sa pagdurusang ito sa harap ng iba, at dapat silang magpanggap na sila ay malakas, ngunit kapag walang tao sa paligid, umiiyak sila tulad ng isang normal na tao. Sa tuwing may mga partikular na bagay na nangyayari, ang mga lalaki at babae ay kapwa nagiging emosyonal gaya ng inaasahan, iyon man ay pag-iyak o pagtawa. Bukod doon, sa mga tauhan na gumaganap ng iba’t ibang tungkulin at trabaho sa sambahayan ng Diyos, ang mga babae ay may mga oportunidad na maitaas ang ranggo, masanay, at maitalaga sa mahahalagang posisyon, samantalang ang mga lalaki ay mayroon ding parehong mga oportunidad na maitaas ang ranggo, masanay, at mabigyan ng mahahalagang trabaho—ang mga oportunidad ay pareho at pantay. Ang iba’t ibang katiwalian na ibinubunyag ng kababaihan sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at sa pagganap ng kanilang mga tungkulin ay walang pinagkaiba sa mga ibinubunyag ng mga lalaki. Maging sa kababaihan ay may masasamang tao at mga anticristo na gumugulo at gumagambala sa gawain ng iglesia—hindi ba’t ganoon din sa mga lalaki? Iyon ay dahil magkakapareho ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kung sila ay masasamang tao na gumagawa ng masama, gumagambala at gumugulo sa gawain ng iglesia, at nagsisikap na magtatag ng kanilang nagsasariling kaharian, kung gayon, kapag naalis na sila, magkakaroon ba ng anumang pagkakaiba sa pagitan ng mga lalaki at babae? Hindi, lahat sila ay aalisin sa parehong paraan. Sa palagay ba ninyo mas maraming lalaki ang napaalis kaysa sa mga babae? Halos pareho lang. Lahat ng gumagawa ng masama, gumagambala at gumugulo, at maituturing na mga anticristo at masasamang tao, maging lalaki o babae man sila, ay dapat na alisin. Sinasabi ng ilang tao na: “Ang mga babae ay hindi maaaring gumawa ng mga bagay na nakagagambala at nakagugulo, sobrang kahiya-hiya na gumawa ng gayong mga bagay ang mga babae, dapat mas alalahanin ng mga babae ang pagpoprotekta sa kanilang dignidad! Paanong magagawa ng maliliit na babae ang gayong malalaking kasamaan? Hindi nila kaya, dapat silang bigyan ng pagkakataong magsisi. Ang mga lalaki ay mapangahas, ipinanganak sila para gumawa ng masasama, ipinanganak sila para maging mga anticristo at gumawa ng kasamaan. Kahit na nakagawa lang sila ng kaunting kasamaan, at kahit na wala tayong malinaw na pagkaunawa sa mga pangyayari, dapat pa rin silang itiwalag.” Ginagawa ba ito ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Hindi ito ginagawa ng sambahayan ng Diyos. Inaalis ng sambahayan ng Diyos ang mga tao batay sa mga prinsipyo. Walang kaibahan ang pagtrato nito sa mga lalaki at babae, at hindi nito inaalala ang pagpoprotekta sa dignidad ng mga babae o lalaki, bagkus ay tinatrato ang mga ito nang patas. Kung isa kang lalaking nakagawa ng kasamaan at tumutugma sa iyo ang mga prinsipyo para sa pagpapaalis at pagtitiwalag, kung gayon ay aalisin ka ng sambahayan ng Diyos ayon sa mga prinsipyo; kung isa kang babaeng nagsanhi ng kaguluhan at pagkagambala, at isa kang masamang tao o isang anticristo, aalisin ka rin o ititiwalag, at hindi ka makakaligtas dahil lamang sa ikaw ay babae at ikaw ay umiiyak o lumuluha. Dapat pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Ang mga babaeng mananampalataya ay naghahabol sa mga pagpapala, at may pagnanais at layunin na pagpalain. At ganoon din ba ang mga lalaki? Oo ganoon din sila, hindi mas maliit ang ambisyon at pagnanais ng mga lalaki na mapagpala kaysa ng sa mga babae. Kaninong paglaban sa Diyos ang mas malubha, ang sa mga lalaki o sa mga babae? Pareho lang lahat. May ilan na magsasabing: “Naiintindihan ko na ngayon sa wakas ang katotohanan, pare-pareho lang palang tiwali ang mga lalaki at babae! Akala ko noon na ang mga lalaki ay matatapang at malalakas, at na dapat silang maging maginoo, at gawin ang lahat nang makatarungan at marangal, at matapat, hindi tulad ng mga babae, na karamihan ay makitid ang pag-iisip, pinalalaki nang pinalalaki ang mga walang kuwentang bagay, palaging pinagtsitsismisan ang mga tao nang palihim, at hindi kumikilos nang matapat. Ngunit hindi ko naisip na marami-rami sa masasamang tao ay mga lalaki, at na ang masasamang bagay na ginagawa nila ay mas malaki at mas marami pa.” Ngayon ay nauunawaan mo na ang mga bagay na ito. Sa madaling salita, lalaki man o babae, pare-pareho lang ang tiwaling disposisyon ng lahat, ang pagkatao lang ng mga tao ang magkakaiba—ito lang ang patas na paraan sa pagturing ng mga lalaki at babae. Mayroon bang anumang pagkiling sa pananaw na ito? (Wala.) Naiimpluwensyahan ba ito ng ideya na ang mga lalaki ay nakatataas sa mga babae? (Hindi.) Hindi ito naiimpluwensyahan ng mga bagay na ito. Sa pagsukat kung ang isang tao ay mabuti o masama, dapat tingnan muna ang pagkatao ng taong iyon, hindi kung siya ay isang lalaki o babae, at pagkatapos ay husgahan ang kanyang diwa batay sa mga pagpapamalas ng kanyang tiwaling disposisyon sa lahat ng iba’t ibang aspeto nito—ganito ang tumpak na pagtingin sa mga tao.
Kung titingnan ito mula sa mga penomenang pinagbahaginan natin kanina, bukod sa mga kaibahan sa kasarian, walang anumang pagkakaiba sa pagitan ng mga lalaki at babae, maging sa pagpapamalas ng kanilang mga likas na gawi, o sa pagbubunyag ng kanilang iba’t ibang tiwaling disposisyon, o sa kanilang kalikasang diwa. Kung diwa ng katawan ng mga tao ang pag-uusapan at ang kanilang mga disposisyon, pati na ang likas na gawi, lakas ng loob, at malayang kalooban na ipinagkaloob ng Diyos sa mga tao noong nilikha Niya sila, walang pagkakaiba ang mga tao. Samakatuwid, kapag tinitingnan ng mga tao ang mga lalaki at babae, dapat nilang tingnan ang mga ito nang hindi batay sa hitsura, lalong hindi batay sa mga ideya ng tradisyonal na kultura na itinuturo ng mundong ito sa mga tao, at sa halip ay batay sa mga salita ng Diyos. Bakit dapat tingnan ng isang tao ang mga lalaki at babae batay sa mga salita ng Diyos? Bakit hindi sila dapat tingnan batay sa mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura? May ilan na nagsasabing: “Sa loob ng libu-libong taon ng kasaysayan ng sangkatauhan, napakaraming pahayag ang nagawa at naisulat sa mga aklat. Wala ba sa mga pananaw at kasabihan ng sangkatauhan ang tama? Wala ba talagang katotohanan sa mga ito?” Sa anong paraan kakatwa ang mga salitang ito? Ang mga tao ay nabibilang sa mga nilikha, sila ay ginawang tiwali ni Satanas sa loob ng libu-libong taon, at puno sila ng mga satanikong disposisyon, na siyang dahilan ng kadiliman at kasamaan sa lipunan ng tao. Walang sinuman ang malinaw na nakakakita sa mga ugat na dahilan, o nakakakilatis kay Satanas, o tunay na nakakakilala sa Diyos. Samakatuwid, ang mga pananaw ng tiwaling sangkatauhan ay hindi naaayon sa katotohanan, at tanging ang Lumikha ang nakakaalam ng lahat tungkol dito. Ito ay isang tiyak na katunayan. Ang katotohanan ay matatamo lamang mula sa mga salita ng Diyos, samantalang ang kultura ng mundo ng tao ay gawa ng katiwalian ni Satanas. Hindi pa kailanman naranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, at walang sinuman ang kayang makakilala sa Diyos, kaya imposibleng makagawa ng katotohanan sa tradisyonal na kultura ng sangkatauhan, dahil ang lahat ng katotohanan ay nagmumula sa Diyos at ipinapahayag ni Cristo. Dahil sa pagtitiwali ni Satanas, ang lahat ng tao ay may satanikong kalikasan at mga satanikong disposisyon. Lahat sila ay sumasamba sa mga kilalang tao at mga dakilang tao, at lahat ay sumusunod kay Satanas. Ang mga tao ay may sariling lihim na mga motibo at pakay kapag tinitingnan o tinutukoy ang ilang bagay. Para kanino man ang mga motibo at pakay na ito, o anuman ang nilalayon ng mga ito, lahat ito ay pinamumunuan ng mga tiwaling disposisyon. Samakatuwid, ang mga bagay na tinutukoy ng tiwaling mga tao at ang mga kaisipang isinusulong nila ay malamang na naimpluwensyahan ng mga tusong pakana ni Satanas. Iyon ay isang aspeto nito. Ang isa pang aspeto, mula sa isang obhektibong pananaw, ay na gaano man kahusay ang mga tao, walang nakakaunawa sa mga silbi, likas na gawi, at diwa ng mga nilikhang tao. Dahil ang mga tao ay hindi nilikha ng sinumang tao, hindi nilikha ng kung sinumang dakilang mga personahe, mga haring diyablo, Satanas, o masasamang espiritu, hindi nauunawaan ng mga tao ang mga likas na gawi, mga silbi, at diwa ng mga tao. Kaya, sino ang pinakanakakaalam sa mga likas na gawi, mga silbi, at diwa ng mga tao? Tanging ang Lumikha lang ang pinakanakakaalam. Sinuman ang lumikha sa mga tao ay ang pinakanakakaalam sa kanilang mga silbi, mga likas na gawi, at diwa at siyempre pa, ang pinakakuwalipikadong tumukoy sa mga tao at magdetermina sa halaga, identidad, at diwa ng mga lalaki o babae. Hindi ba’t isa itong obhektibong katunayan? (Oo.) Ang ginagamit ng Diyos upang likhain ang mga tao, ang mga likas na gawing ibinibigay Niya sa mga tao kapag nililikha Niya sila, ang mga silbi at batas ng kanilang katawan, kung ano ang angkop o hindi angkop na gawin nila, at maging kung gaano katagal ang kanilang buhay—lahat ito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Ang Diyos lamang ang may pinakamalalim na pagkaunawa sa mga taong nilikha Niya, at wala nang iba pang mas nakakaunawa sa mga taong nilikha. Hindi ba’t ito ang katunayan? (Oo.) Kaya, ang Diyos ang pinakakuwalipikadong tumukoy sa mga tao, at magdetermina sa identidad, katayuan, halaga, at silbi ng mga lalaki o babae, pati na sa tamang landas na dapat tahakin ng mga tao. Ang Diyos ang pinakanakakaalam kung ano ang kailangan ng mga taong nilikha Niya, kung ano ang kaya nilang makamit, at kung ano ang makakaya nila. Sa ibang perspektiba, ang pinakakinakailangan ng mga nilikhang tao ay ang mga salitang binibigkas ng Lumikha. Tanging ang Diyos ang personal na makapamumuno, makapagtutustos, at makapagpapastol sa mga tao. Ang lahat ng kasabihang iyon ng tiwaling sangkatauhan na hindi nagmumula sa Diyos ay mapanlinlang, lalo na ang mga kasabihan ng tradisyonal na kultura, na lahat ay nanlilihis, nagpapamanhid, at nagkukulong sa mga tao, at siyempre ay nagsisilbing isang uri ng pagpigil at kontrol. May isa pang aspeto, na kung saan nilikha ng Diyos ang mga tao, at ang pinakamalaking inaalala ng Diyos para sa mga tao ay kung kaya nilang tahakin ang tamang landas sa buhay. Samantalang isinasaalang-alang lamang ng mga lipunan, bayan, at bansa ang mga interes ng mga naghahari-harian at ang katatagan ng rehimeng pampulitika, nang walang pagmamalasakit sa buhay ng mga nasa mababang uri. Bilang resulta, nangyayari ang ilang matindi at magulong bagay. Hindi nila ginagabayan ang mga tao sa tamang landas, upang makapamuhay ang mga tao ng isang buhay na may halaga at kalinawan, at makapagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, sa halip, gusto nilang pagsamantalahan ang mga tao para sa kapakanan ng sarili nilang pamumuno, ng sarili nilang mga propesyon, at ng sarili nilang mga ambisyon at hangarin. Anumang pahayag, o anumang ideya at pananaw ang itinataguyod nila, ang layunin ng lahat ng ito ay ang linlangin ang mga tao, ikulong ang kanilang mga kaisipan, at kontrolin ang sangkatauhan, para paglingkuran sila ng mga tao at maging tapat sa kanila ang mga ito. Hindi nila isinasaalang-alang ang kinabukasan o ang mga inaasam ng sangkatauhan, o kung paano mas makakaligtas ang mga tao. Ngunit ang ginagawa ng Diyos ay ganap na naiiba dahil ito ay naaayon sa Kanyang plano. Pagkatapos likhain ang mga tao, ginagabayan Niya sila tungo sa pag-unawa ng marami pang katotohanan at prinsipyo para sa pag-asal, at malinaw Niyang ipinapakita sa kanila ang mga katunayan ng pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Sa pundasyong ito, ayon sa mga katotohanang prinsipyong ito na itinuturo ng Diyos sa mga tao at ginagamit Niya upang paalalahanan sila, nagagawa na nilang tumahak sa tamang landas sa buhay.
Ang mga regulasyon at kaugaliang ito ng moral na pag-uugali sa tradisyonal na kultura ay napakalawak at nakakaimpluwensya sa pag-iisip ng mga tao mula sa lahat ng uri ng aspeto, nililito at kinukulong nito ang pag-iisip ng mga tao. Ang pinagbahaginan natin ngayon ay ang ilang kakatwa at huwad na mga kasabihan at pananaw ng tradisyonal na kultura tungkol sa kasarian, na labis na nakaimpluwensya sa mga tamang pananaw ng mga tao sa kasarian, at isinailalim din nito ang mga lalaki at babae sa napakaraming tanikala, gapos, hadlang, diskriminasyon, at iba pa. Lahat ito ay mga katunayan na nakikita ng mga tao, at ang mga ito rin ang epekto at kahihinatnan ng tradisyonal na kultura sa mga tao.
Mayo 14, 2022
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.