Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin? (Unang Bahagi)

Sa huling pagtitipon, ang pangunahing paksa ng pagbabahagi ay ang apat na batayang kondisyon para magawang perpekto ang isang tao sa pamamagitan ng pagtanggap sa paghatol at pagkastigo. Ano-ano ang apat na batayang kondisyong ito? (Ang unang kondisyon ay ang pagtupad ng sapat sa tungkulin. Ang pangalawa ay ang pagkakaroon ng mentalidad ng pagpapasakop sa Diyos. Ang pangatlo ay ang simpleng pagiging isang matapat na tao. At ang pang-apat ay ang pagkakaroon ng nagsisising puso.) May ilang detalyeng nakapaloob sa bawat isa sa apat na kondisyong ito, gayundin ang mga kongkretong pagsasagawa at partikular na mga sanggunian. Sa katunayan, tinalakay na ang apat na paksang ito sa loob ng maraming taon. Kung muli nating pag-uusapan ang mga ito ngayon, maituturing ba iyong pagbabalik-tanaw sa nakalipas? (Hindi.) Bakit hindi ito maituturing na ganoon? Dahil ang mga nilalaman ng bawat isa sa apat na mga kondisyong ito ay may kinalaman sa realidad ng katotohanan at buhay pagpasok, hindi nauubos ang pagtalakay sa mga paksang ito. Karamihan sa mga tao ay hindi pa nakaaabot sa punto ng pagpasok sa realidad ng katotohanan; nauunawaan lamang nila ang mababaw na kahulugan ng katotohanan, nauunawaan lamang nila ang ilang simpleng doktrina. Bagaman nakapagbabahagi sila ng ilang realidad, hindi pa rin nila magawang makapasok sa mga katotohanang realidad. Kaya, anumang aspekto ng katotohanan ang nakapaloob, dapat madalas itong pinagbabahaginan at madalas na pinakikinggan. Sa ganitong paraan, mas lalalim ang pang-unawa ng mga tao sa iba’t ibang katotohanan sa pamamagitan ng kanilang mga tunay na karanasan, at ang kanilang mga karanasan ay mas lalong magiging tumpak.

Kabubuod lamang natin sa apat na batayang kondisyon para magawang perpekto sa pamamagitan ng pagtanggap sa paghatol at pagkastigo. Sunod, simulan natin ang ating pagtalakay sa unang kondisyon: ang pagtupad sa tungkulin nang sapat. Sinasabi ng ilang tao: “Ang mga talakayan nitong nakaraang dalawang taon ay tungkol lahat sa pagtupad sa tungkulin; partikular na sa kung paano tuparin ang tungkulin, paano ito tuparin nang maayos, aling mga prinsipyo ang dapat sundin sa pagtupad nito—sa aking puso, alam na alam ko ang mga bagay na ito gaya ng likod ng aking kamay, wala nang mas ililinaw pa ang mga ito. At sa mga nakalipas na ilang taon, ang aking pang-araw-araw na buhay ay pawang tungkol sa mga katotohanang kaugnay sa pagtupad sa aking tungkulin. Simula nang una kong gampanan ang aking tungkulin, naghanap ako, kumain at uminom, at nakinig sa mga katotohanang kaugnay rito, at kahit hanggang ngayon ay tinatalakay pa rin ang paksang ito. Matagal ko na itong nauunawaan sa aking puso; hindi ba’t ito ang pagtupad lamang nang sapat sa iyong tungkulin? Hindi ba’t ang pagtupad nang sapat sa tungkulin ay tungkol lamang sa pagsunod sa mga prinsipyong nabanggit dati? Mahalin ang Panginoon mong Diyos ng iyong buong puso, ng iyong buong kaluluwa, ng iyong buong isip, at ng iyong buong lakas; hanapin ang mga prinsipyo, huwag umasa sa iyong mga sariling kagustuhan, at makipag-ugnayan nang maayos habang tinutupad ang iyong tungkulin; pagsabayin ang pagtupad sa iyong tungkulin at ang buhay pagpasok—iyon na ang lahat-lahat.” Ang mga bagay na inyong kinahaharap at dinaranas sa pang-araw-araw na buhay ay ang mga paksa lamang na ito, kaya pawang ang mga iyon lamang ang nauunawaan ninyo. Gaano man karami ang nauunawaan ninyo, kailangan pa rin nating talakayin ang katotohanang ito ngayon. Kung may anumang naulit, iyon ay magiging kapaki-pakinabang din sa inyo, at magagawa ninyong pag-isipan itong muli; kung isa itong bagay na hindi pa natalakay noon, tanggapin ninyo ito. Paulit-ulit man ito o hindi, kailangan ninyong makinig nang mabuti. Isaalang-alang kung ano ang mga katotohanang sangkot dito, kung ang mga katotohanang ito ay may anumang pakinabang sa inyong buhay pagpasok, at kung matutulungan ba kayo ng mga ito na tuparin ang inyong tungkulin nang sapat. Kaya, talagang kailangang pag-usapan muli ang paksa kung paano ang pagtupad nang sapat sa tungkulin.

Tungkol sa sapat na pagtupad sa tungkulin, isantabi muna natin ang kahulugan ng “sapat” at sa halip ay pag-usapan ang tungkol sa kung ano ang tungkulin. Sa huli, malalaman ninyo kung ano ang tungkulin, kung ano ang maituturing na sapat, at kung paano dapat isakatuparan ang tungkulin; magkakaroon kayo ng isang landas ng pagsasagawa para sa pagtupad ng tungkulin nang naaayon sa pamantayan. Kung gayon, ano ang tungkulin? (Ang tungkulin ay ang ipinagkatiwala ng Diyos na gawin ng tao, ito ang dapat gawin ng isang nilikha.) Ang pahayag na ito ay kalahating tama lamang. Sa teorya, walang mali rito, subalit sa masusing pagsusuri, hindi kompleto ang paliwanag na ito; mayroon dapat na paunang kondisyon. Suriin natin ang paksang ito. Para sa bawat mananampalataya at walang pananampalataya, kung paano sila namumuhay, ano ang ginagawa nila sa mundong ito, at ang kanilang kapalaran—hindi ba’t ang lahat ng ito ay itinakda na ng Diyos? (Oo, itinakda Niya ito.) Halimbawa, sa mundong ito may ilang tao na nasa larangan ng musika. Ang paggawa ng musika ang misyon nila sa buhay; maituturing bang tungkulin nila ang misyong ito? (Hindi.) May ilang tao ang nakagawa ng mga pambihirang bagay sa mundong ito, na nakaaapekto sa buong sangkatauhan, gumagawa ng mga kontribusyon, at nakapagpabago pa nga ng isang panahon; ito ang misyon ng kanilang buhay. Matatawag ba ang misyon sa buhay na ito na kanilang tungkulin? (Hindi.) Subalit hindi ba’t ang misyon sa buhay na ito at kung ano ang kanilang ginawa sa kanilang buhay ay isang bagay na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos? Hindi ba’t isa itong bagay na dapat gawin ng isang nilikha? (Oo.) Tama iyan. Binigyan sila ng Diyos ng isang misyon, ipinagkatiwala sa kanila ang atas na ito, at, sa kabuuan ng sangkatauhan, bilang bahagi ng sangkatauhan mismo, may bagay sila na dapat nilang gawin, isang responsabilidad na dapat nilang gampanan. Saanmang larangan sila naroon—ito man ay sa sining, pagnenegosyo, politika, ekonomika, siyentipikong pananaliksik, at iba pa—ang lahat ng ito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Subalit may isang pagkakaiba lamang; paano man ito inorden ng Diyos, ang mga taong ito ay nasa labas ng gawaing pamamahala ng Diyos. Itinuturing silang mga walang pananampalataya, at ang kanilang ginagawa ay labas sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Kung gayon, matatawag ba na tungkulin ang kanilang mga responsabilidad, ang atas ng Diyos na kanilang tinanggap, at ang kanilang misyon sa buhay? (Hindi.) Hindi sila nagsasakatuparan ng tungkulin, dahil ang kanilang ginagawa ay walang kaugnayan sa plano ng pamamahala ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Ang lahat ng tao sa mundong ito ay pasibong tumatanggap sa atas ng Lumikha at sa misyong Kanyang ibinigay, subalit ang misyong tinatanggap ng mga taong hindi nananalig sa Diyos, at ang mga responsabilidad na kanilang tinutupad, ay hindi tungkulin, sapagkat ang mga ito ay walang kaugnayan at walang bahagi sa plano ng pamamahala ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Hindi nila tinatanggap ang Diyos, at hindi gumagawa sa kanila ang Diyos, kaya anumang responsabilidad ang kanilang ginagawa, at anumang atas ang kanilang tinatanggap o anumang misyon ang kanilang naisasakatuparan sa buhay na ito, hindi masasabi na sila ay tumutupad sa kanilang tungkulin. Kung gayon, ano nga ba ang tungkulin? Anong uri ng mga pang-unang kailangan ang dapat na idagdag para malinaw, tama, at komprehensibong maipaliwanag ang konseptong ito at ang katotohanan sa bagay na ito? Nauunawaan ba ninyo ang isang konsepto mula sa ating pagbabahaginan ngayon lang? Anong konsepto? Na para sa sinumang indibidwal sa sangkatauhan, gaano man kadakila ang misyong kanilang tinanggap, o ang antas ng pagbabago na kanilang naidulot, o ang lawak ng kanilang kontribusyon sa sangkatauhan, ang gayong misyon at atas ng Diyos ay hindi matatawag na mga tungkulin. Ito ay dahil walang kaugnayan ang mga ito sa plano ng pamamahala ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan; mga misyon lamang ang mga ito. Kumilos man sila nang aktibo o pasibo, ang ginagawa nila ay pawang pagkompleto lamang sa isang misyon; pauna na itong itinakda ng Diyos. Sa madaling salita, hangga’t walang kinalaman ang kanilang mga pagkilos sa plano ng pamamahala ng Diyos, at walang kinalaman sa gawaing pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, kung gayon, ang pagtupad sa mga naturang misyon ay hindi matatawag na pagtupad sa tungkulin. Wala itong kaduda-duda. Kung gayon, ano ang tungkulin? Ganito dapat ito maunawaan: Ang tungkulin ay ang atas at misyong ibinigay ng Diyos na saklaw ng Kanyang gawain ng pamamahala upang iligtas ang sangkatauhan. Hindi ba’t ang paglalahad sa ganitong paraan ay kompleto at tumpak? Ang tumpak lamang ay ang katotohanan; ang hindi tumpak at may kinikilingan ay hindi ang katotohanan, kundi isang doktrina lamang. Kung hindi ganap na nauunawaan at lubusang nakikilala kung ano ang tungkulin, hindi mo talaga malalaman ang mga katotohanan na kaugnay sa tungkulin. Dati, maaaring maraming maling pagkaunawa ang mga tao tungkol sa tungkulin. Iyon ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, na nagdulot sa kung anu-anong kuru-kuro at di-malinaw na pagkaunawa. Pagkatapos ay ginamit ng mga tao ang mga kuru-kuro at kawalan ng di-malinaw na pagkaunawang ito upang ipaliwanag ang tungkulin, at pagkatapos ay itinuring ito batay sa mga ideyang ito. Halimbawa, iniisip ng ilang tao na dahil pauna nang itinakda ng Diyos ang buong buhay ng isang tao—sa kung anong uri siya ng pamilya isinilang, mayaman o mahirap man siya sa buhay, at kung anong propesyon ang kanyang hinahangad ay pawang pauna nang itinakda ng Diyos—kung gayon, anuman ang gawin ng isang tao sa buong buhay niya at ang mga bagay na kanyang naisasakatuparan ay pawang mga atas na ibinigay ng Diyos at ang kanyang misyon. Dahil lamang may kinalaman ito sa isang misyon, iniisip na niyang ito ay isang tungkulin. Ganito sila nagiging pabasta-basta sa kanilang pagkaunawa sa tungkulin. Hindi ba’t maling pagkaunawa ito? Ang ilang tao, na nagpakasal at nagkaanak, ay nagsasabing: “Ang pagkakaroon ng mga anak ay ang atas ng Diyos na ipinagkatiwala Niya sa atin, ito ang ating misyon. Tungkulin nating palakihin ang ating mga anak hanggang sa marating nila ang hustong gulang.” Hindi ba’t isa itong maling pagkaunawa? At may ibang nagsasabing: “Inilagay tayo sa mundong ito para magsaka. Dahil iyon ang tadhana natin, dapat nating paghusayan ito, dahil ito ang atas at misyong ibinigay sa atin ng Diyos. Gaano man tayo maghirap o magdusa, hindi tayo maaaring magreklamo. Ang pagsasaka nang maayos sa buong buhay na ito ang ating tungkulin.” Itinutumbas nila ang tadhana ng isang tao sa misyon at tungkulin nito. Hindi ba’t isa itong maling pagkaunawa? (Oo.) Isa nga itong maling pagkaunawa. At may ilang tao rin na nagnenegosyo sa mundo, na nagsasabing, “Hindi ako nagtagumpay sa kahit na ano noon, subalit pagkatapos magnegosyo, naging medyo maayos at matatag ang buhay. Tila itinadhana ng Diyos na magnegosyo ako sa buong buhay na ito, para masuportahan ang aking pamilya sa pamamagitan nito. Kaya, kung sa buong buhay na ito ay gagalingan ko sa pagnenegosyo at palalawakin ang aking mga operasyon, magtutustos para sa bawat miyembro ng aking pamilya, kung gayon, ito ang aking misyon, at marahil ang misyong ito ang aking tungkulin.” Hindi ba’t isa itong maling pagkaunawa? Itinuturing ng mga tao ang kanilang pang-araw-araw na usapin, ang kanilang paraan ng paghahanap-buhay, ang natamo nilang pamumuhay, at ang kalidad ng buhay na kanilang tinatamasa—lahat ng bagay na may kinalaman sa kanilang misyon—bilang kanilang tungkulin. Hindi ito tama; isa itong baluktot na pagkaunawa kung ano ang tungkulin.

Kung gayon, ano nga ba ang tungkulin? Karamihan sa mga tao ay may ilang baliko at baluktot na pagkaarok sa bagay na ito. Kapag isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na magtanim ka ng mga butil at gulay, paano mo ituturing ang pagsasaayos na ito? Maaaring hindi ito mauunawaan ng ilang tao, sasabihing, “Ang pagsasaka ay para sa pagsuporta sa pamilya ng isang tao; hindi ito isang tungkulin. Hindi kasama sa konsepto ng tungkulin ang aspektong ito.” Bakit ganito ang pagkaunawa nila sa mga bagay-bagay? Ito ay dahil hindi nila nauunawaaan ang mga katotohanan na may kinalaman sa pagtupad sa tungkulin, at hindi nila nauunawaan kung ano ang tungkulin. Kung nauunawaan ng isang tao ang aspektong ito ng katotohanan, magiging handa siyang trabahuhin ang lupa. Malalaman niya na sa sambahayan ng Diyos, ang pagsasaka ay hindi ginagawa para sa kapakanan ng pagsuporta sa kanyang pamilya, kundi para bigyang-daan iyong mga gumaganap sa kanilang tungkulin nang buong-oras na patuloy na tuparin ito nang normal. Sa katunayan, ito ay isa ring atas ng Diyos; ang mismong gawain ay maaaring hindi mas makabuluhan sa isang linga, o marahil maging sa isang butil ng buhangin, subalit ano man ang kabuluhan nito, isa itong trabahong ginawa sa loob ng saklaw ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Sinasabi sa iyo ng Diyos ngayon na kinakailangan mong kompletuhin ang trabahong ito—paano mo ito nauunawaan? Dapat mo itong tanggapin bilang iyong tungkulin, at dapat mo itong tanggapin nang walang anumang palusot. Kung magpapasakop ka lamang sa pasibong paraan at magsasaka ka dahil iyon ang isinaayos para sa iyo, hindi iyon tama. May prinsipyo rito na dapat mong maunawaan: Ang pagsasaayos ng iglesia na ikaw ay magsaka at magtanim ng mga gulay ay hindi para maging mayaman ka, o hindi para makaraos ka at matustusan ang iyong pamilya; ito ay para matugunan mo ang mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos sa mga oras ng sakuna. Ito ay para matiyak na ang lahat ng mga tumutupad sa tungkulin sa sambahayan ng Diyos nang buong-oras ay magkakaroon ng pang-araw-araw nilang panustos, para maisakatuparan nila ang kanilang mga tungkulin nang normal nang hindi naaantala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kaya, ang ilang taong nagsasaka sa bukid ng iglesia ay itinuturing na tumutupad ng kanilang tungkulin; iba ang kalikasan nito sa mga ordinaryong magsasaka na nagsasaka. Ano ang kalikasan ng pagsasaka para sa mga ordinaryong magsasaka? Ang mga ordinaryong magsasaka ay nagsasaka para sa kanilang mga pamilya at para mabuhay; ito ang inorden ng Diyos para sa kanila. Ito ang kanilang tadhana, kaya patuloy silang nagsasaka sa bawat sali’t salinlahi nila; wala itong anumang kinalaman sa kanilang tungkulin. Ngayon, dumating ka sa sambahayan ng Diyos at nagsasaka rin, subalit ito ay hinihingi ng gawain sa sambahayan ng Diyos; isa itong uri ng paggugol para sa Diyos. Iba ang kalikasan nito kumpara sa pagsasaka sa sarili mong lupa. Ito ay tungkol sa pagtupad sa iyong mga responsabilidad at obligasyon. Ito ang tungkuling dapat gampanan ng isang tao; ito ang atas at responsabilidad na ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Ito, para sa iyo, ang iyong tungkulin. Kaya, kapag ikinukumpara ang tungkuling ito sa iyong makamundong misyon, alin ang mas mahalaga? (Ang aking tungkulin.) Bakit ganoon? Ang tungkulin ang hinihingi ng Diyos na gawin mo, ito ang Kanyang ipinagkatiwala sa iyo—ito ay bahagi ng dahilan. Ang isa pang pangunahing dahilan ay na kapag umaako ka ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos at tumatanggap ng atas ng Diyos, nagiging makabuluhan ka sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, sa tuwing may isinasaayos na gawin mo, mahirap man ito o nakapapagod na gawain, at gusto mo man ito o hindi, tungkulin mo ito. Kung maituturing mo itong isang atas at responsabilidad na ibinigay sa iyo ng Diyos, sa gayon ay may kabuluhan ka sa Kanyang gawain ng pagliligtas sa tao. At kung ang ginagawa mo at ang tungkuling ginagampanan mo ay may kabuluhan sa gawain ng Diyos ng pagliligtas sa tao, at kaya mong taimtim at taos-pusong tanggapin ang atas na ibinigay ng Diyos sa iyo, paano ka Niya ituturing? Ituturing ka Niya bilang isang miyembro ng Kanyang pamilya. Isa ba iyong pagpapala o isang sumpa? (Isang pagpapala.) Isa itong malaking pagpapala. Nagrereklamo ang ilang tao kapag humaharap sila sa kaunting paghihirap habang tumutupad ng tungkulin, nang hindi pinapahalagahan ang napakalaking biyayang kanilang natanggap nang walang kamalay-malay. Hindi ba’t sadyang kahangalan ang magreklamo tungkol sa Diyos pagkatapos makapagkamit ng napakaraming pakinabang? Sa puntong ito, napakahalagang maunawaan ang katotohanan, na makilala na ito ang iyong tungkulin at dapat na tanggapin ito mula sa Diyos. Ngayon, mayroon ba kayong panibagong pagkaunawa o panibagong kabatiran sa kung ano ang tungkulin? Malalim na ba ninyo itong nauunawaan? Mahalaga ba ang tungkulin para sa pagtanggap sa kaligtasan? (Oo.) Gaano ito kahalaga? Masasabing may direktang kaugnayan sa pagitan ng pagtupad sa tungkulin at pagkamit ng kaligtasan. Anumang misyon ang iyong natapos sa buhay na ito, kapag hindi mo isinasakatuparan ang iyong tungkulin, wala kang kinalaman sa pagkamit ng kaligtasan. Sa madaling salita, gaano man kadakila ang mga gawaing naisakatuparan mo sa buhay na ito kung ihahambing sa ibang tao, kinokompleto mo lamang ang iyong misyon; hindi mo pa natupad ang tungkulin ng isang nilikha, kaya’t wala kang kinalaman sa pagtanggap ng kaligtasan o sa gawain ng Diyos ng pamamahala sa sangkatauhan.

Sa sambahayan ng Diyos, palaging nababanggit ang pagtanggap sa atas ng Diyos at pagganap nang maayos sa tungkulin ng isang tao. Paano nabubuo ang tungkulin? Sa malawak na pananalita, nabubuo ito bilang bunga ng gawaing pamamahala ng Diyos na naghahatid ng kaligtasan sa sangkatauhan; sa partikular na pananalita, habang nahahayag sa sangkatauhan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, lumilitaw ang sari-saring gawain na nangangailangan na magtulungan ang mga tao at tapusin ito. Dahil dito, umusbong ang mga responsabilidad at mga misyon na dapat tuparin ng mga tao, at ang mga responsabilidad at mga misyon na ito ang mga tungkuling iginagawad ng Diyos sa sangkatauhan. Sa sambahayan ng Diyos, ang iba’t ibang gawain na nangangailangan ng pagtutulungan ng mga tao ay ang mga tungkuling dapat nilang gampanan. Kaya’t may mga pagkakaiba ba sa pagitan ng mga tungkulin kung ang pag-uusapan ay kung alin ang higit na mabuti at higit na masama, mataas at mababa, malaki at maliit? Hindi umiiral ang ganoong mga pagkakaiba; hangga’t ang isang bagay ay may kinalaman sa gawain ng pamamahala ng Diyos, isang pangangailangan sa gawain ng Kanyang sambahayan, at kinakailangan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos, ito ay tungkulin ng isang tao. Ito ang pinagmulan at kahulugan ng tungkulin. Kung wala ang gawain ng pamamahala ng Diyos, magkakaroon kaya ang mga tao sa lupa—paano man sila namumuhay—ng mga tungkulin? Hindi. Ngayon ay malinaw mo nang nakikita. Saan nauugnay ang tungkulin ng isang tao? (Nauugnay ito sa gawain ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan.) Tama iyan. Direktang magkaugnay ang mga tungkulin ng sangkatauhan, ang mga tungkulin ng mga nilikha, at ang gawain ng pamamahala ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Masasabing kapag wala ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, at kapag wala ang gawain ng pamamahala ng nagkatawang-taong Diyos na inilunsad Niya sa mga tao, walang magiging anumang tungkulin ang mga tao. Nagmumula ang mga tungkulin sa gawain ng Diyos; ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kung titingnan ito mula sa perspektibang ito, mahalaga ang tungkulin para sa lahat ng mga tao na sumusunod sa Diyos, hindi ba? Ito ay napakahalaga. Sa pangkalahatan, nakikibahagi ka sa gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos; sa mas partikular, tumutulong ka sa iba’t ibang uri ng trabaho ng Diyos na hinihingi sa iba’t ibang oras at sa iba’t ibang grupo ng tao. Kahit ano pa ang iyong tungkulin, ito ay isang misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos. Minsan ay maaaring hinihingi sa iyo na bantayan o pangalagaan mo ang isang mahalagang bagay. Maaaring ito ay isang medyo maliit na bagay na masasabi lamang na iyong responsabilidad, subalit isa itong gawain na ibinigay sa iyo ng Diyos, tinanggap mo ito mula sa Kanya. Tinanggap mo ito mula sa mga kamay ng Diyos, at ito ang iyong tungkulin. Kung pag-uusapan ang pinaka-ugat ng usapin, ang iyong tungkulin ay ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Pangunahin na kabilang dito ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, pagpapatotoo, paggawa ng mga bidyo, pagiging isang lider o manggagawa ng iglesia, o maaaring ito ay isang gawain na mas mapanganib pa at mas mahalaga. Ano’t anuman, hangga’t may kinalaman ito sa gawain ng Diyos at sa pangangailangan ng gawain para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat tanggapin ito ng mga tao bilang isang tungkulin na mula sa Diyos. Ang tungkulin, sa pangkalahatan, ang misyon ng isang tao, isang atas na ipinagkatiwala ng Diyos; sa mas partikular, ito ang iyong responsabilidad, ang iyong obligasyon. Dahil ito ang iyong misyon, isang atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at ang iyong responsabilidad at obligasyon, ang pagtupad sa iyong tungkulin ay walang kinalaman sa iyong mga personal na usapin. Walang kinalaman ang tungkulin sa mga personal na usapin—bakit nababanggit ang paksang ito? Dahil dapat maunawaan ng mga tao kung paano ituring at kung paano unawain ang kanilang tungkulin. Ang tungkulin ang atas na tinatanggap ng mga nilikha at ang misyon na dapat nilang kompletuhin sa loob ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Alam ng mga tao ang pangkalahatang konsepto, subalit paano ang mas maliliit na detalye? Paano dapat harapin ng isang tao ang kanyang mga tungkulin para maituring na mayroon siyang tamang pagkaunawa? Itinuturing ng ilang tao ang kanilang tungkulin bilang kanilang mga personal na usapin; ito ba ang tamang prinsipyo? (Hindi.) Bakit ito mali? Ang paggawa ng mga bagay para sa iyong sarili ay hindi pagganap sa iyong tungkulin. Ang pagganap sa iyong tungkulin ay hindi tungkol sa paggawa ng mga bagay para sa iyong sarili, bagkus ay ang paggawa ng gawaing ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos—may pagkakaiba ang dalawa. Ano ang prinsipyo pagdating sa paggawa ng mga bagay para sa iyong sarili? Ito ay ang paggawa ng anumang iyong naisin nang hindi kumokonsulta sa iba, at nang hindi nagdarasal o naghahanap sa Diyos; ito ay pagkilos nang ayon sa iyong sariling mga kapritso at nang walang pagsasaalang-alang sa mga kahihinatnan hangga’t nakikinabang ka rito. Katanggap-tanggap ba ang prinsipyong ito sa pagganap ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao na, “Ni hindi ko sineseryoso ang aking mga sariling usapin o hindi ko ito masyadong pinagsusumikapan. Itinuturing ko ang aking tungkulin na tila ito ang sarili kong usapin, at ang prinsipyong ito ay tiyak na naaangkop.” Ito ba ang tamang paraan ng pagtanggap sa tungkulin? Talagang hindi. Kung gayon, ano ang dapat na maging tamang saloobin ng isang tao sa tungkulin? (Tanggapin ito mula sa Diyos.) “Tanggapin ito mula sa Diyos.” Madaling sabihin ang limang salitang ito, subalit ang aktuwal na pagsasagawa sa katotohanan na nakapaloob sa mga ito ay nakabatay sa kung paano mo tinatrato ang iyong tungkulin. Ngayon lamang ay tinukoy natin kung ano ang tungkulin. Nagmumula ang tungkulin sa Diyos, isa itong atas na ipinagkatiwala ng Diyos, nauugnay ito sa gawain ng Kanyang plano ng pamamahala at pagliligtas sa tao. Mula sa pananaw na ito, may kinalaman ba ang tungkulin sa iyong mga personal na prinsipyo ng pag-asal? May kahit anong kinalaman ba ito sa iyong mga hilig, kinagawian, o sa iyong mga karaniwang ginagawa? Wala ni katiting. Kung gayon, saan nauugnay ang tungkulin? Nauugnay ito sa katotohanan. Sinasabi ng ilang tao: “Yamang sa akin itinalaga ang tungkuling ito, kung gayon ay sarili ko na itong usapin. At mayroon akong pinakamataas na prinsipyo sa pagtupad ng tungkulin, na wala kayo. Hinihingi ng Diyos sa mga tao na isakatuparan ang kanilang tungkulin nang buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. Subalit, dagdag dito, may mas mataas pa akong prinsipyo, na ituring ang aking tungkulin na para bang malaking alalahanin ko ito, at gawin ito nang masigasig at magsikap para matamo ang pinakamainam na resulta.” Tama ba ang prinsipyong ito? (Hindi.) Bakit ito mali? Kung tinatanggap mo ang iyong tungkulin mula sa Diyos at sa iyong puso ay malinaw sa iyo na ipinagkakatiwala Niya ito sa iyo, paano mo dapat ituring ang atas na ito? Nauugnay ito sa mga prinsipyo ng pagtupad sa tungkulin. Hindi ba’t higit na mas matayog na ituring ang tungkulin ng isang tao bilang atas ng Diyos kaysa bilang sariling usapin ng isang tao? Hindi ito magkapareho, hindi ba? Kung ituturing mo ang iyong tungkulin bilang isang usapin na atas ng Diyos, bilang pagganap sa iyong tungkulin sa harap ng Diyos, at bilang pagpapalugod sa Diyos sa pamamagitan ng pagganap sa tungkulin, kung gayon, ang iyong prinsipyo sa pagtupad sa tungkulin ay hindi lang ang simpleng ituring ito bilang iyong sariling usapin. Ano ang saloobin na dapat mayroon ka sa iyong tungkulin, na matatawag na tama at naaayon sa mga layunin ng Diyos? Una, hindi mo puwedeng suriing mabuti kung sino ang nagsaayos nito, kung ano ang antas ng pamumuno ng nagtalaga nito—dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos. Hindi mo ito maaaring suriin, dapat mong tanggapin ito mula sa Diyos. Ito ay isang kondisyon. Bukod pa riyan, anuman ang tungkulin mo, huwag kang mamili kung ano ang mataas at mababa. Ipagpalagay na sinasabi mong, “Bagama’t ang gawaing ito ay isang atas mula sa Diyos at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kung gagawin ko ito, baka maging mababa ang tingin ng mga tao sa akin. Ang iba ay may gawain na tinutulutan silang mamukod-tangi. Ibinigay sa akin ang gawaing ito, na hindi ako hinahayaang mamukod-tangi kundi pinapagugol ako ng sarili ko nang hindi nakikita, hindi ito patas! Hindi ko gagawin ang tungkuling ito. Ang tungkulin ko ay dapat iyong mamukod-tangi ako sa iba at tinutulutan akong magkapangalan—at kahit na hindi ako magkapangalan o mamukod-tangi, dapat pa rin akong makinabang dito at maging pisikal na maginhawa.” Ito ba ay katanggap-tanggap na saloobin? Ang pagiging maselan ay hindi pagtanggap sa mga bagay mula sa Diyos; ito ay pagpili ayon sa iyong mga sariling kagustuhan. Hindi ito pagtanggap ng iyong tungkulin; ito ay pagtanggi sa iyong tungkulin, isang pagpapamalas sa iyong paghihimagsik laban sa Diyos. Ang ganoong pagkamaselan ay nahahaluan ng mga pansarili mong kagustuhan at pagnanais. Kapag isinasaalang-alang mo ang iyong sariling pakinabang, ang iyong reputasyon, at iba pa, ang saloobin mo sa iyong tungkulin ay hindi mapagpasakop. Anong saloobin ang dapat mayroon ka sa iyong tungkulin? Una, hindi mo ito dapat suriin, sinusubukang tukuyin kung sino ang nagtalaga nito sa iyo; sa halip, dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos, bilang isang tungkuling ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at dapat mong sundin ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at tanggapin ang iyong tungkulin mula sa Diyos. Ikalawa, huwag kang mamili kung ano ang mataas at mababa, at huwag mong abalahin ang sarili mo tungkol sa kalikasan nito, kung tinutulutan ka man nitong mamukod-tangi o hindi, kung ito man ay ginagawa sa harap ng publiko o nang hindi nakikita. Huwag mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Mayroon pang ibang saloobin: pagpapasakop at aktibong pakikipagtulungan. Kung pakiramdam mo ay kaya mong gampanan ang isang partikular na tungkulin, ngunit takot ka ring magkamali at matiwalag, kaya naman ikaw ay kimi, hindi umuusad, at hindi umuunlad, isa ba iyang mapagpasakop na saloobin? Halimbawa, kung hinirang ka ng iyong mga kapatid na maging lider nila, maaari mong madama na obligado kang gampanan ang tungkuling ito dahil ikaw ang hinirang, ngunit hindi mo tinitingnan ang tungkuling ito nang may maagap na saloobin. Bakit hindi ka maagap? Dahil may mga iniisip ka tungkol dito, at pakiramdam mo ay, “Ni hindi man lang magandang bagay ang maging isang lider. Para bang kaunting galaw mo lang ay maaari kang malagay sa alanganin. Kung magiging mahusay ang paggawa ko, wala namang gantimpala, ngunit kung hindi maganda ang trabaho ko, pupungusan ako. At ang mapungusan ay hindi pa ang pinakamalala. Paano kung palitan ako o itiwalag? Kung mangyayari iyon, hindi ba’t katapusan na ng lahat para sa akin?” Sa puntong iyon, nagsisimula kang malito. Ano ang saloobing ito? Ito ay pagiging mapagbantay at maling pagkaunawa. Hindi ito ang saloobing dapat taglayin ng mga tao sa kanilang tungkulin. Ito ay isang demoralisado at negatibong saloobin. Kung gayon, paano ba dapat ang isang positibong saloobin? (Dapat tayong maging bukas-puso at tapat, at magkaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin.) Ito ay dapat na maging saloobin ng pagpapasakop at aktibong pakikipagtulungan. Ang inyong sinasabi ay medyo walang kabuluhan. Paano ka magiging bukas-puso at tapat kung natatakot ka nang ganito? At ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin? Anong mentalidad ang magbibigay sa iyo ng tapang na akuin ang mga pasanin? Kung palagi kang natatakot na may mangyayaring hindi maganda at hindi mo ito mapapangasiwaan, at marami kang pag-aatubili sa iyong kalooban, kung gayon ay pundamental kang mawawalan ng tapang na tanggapin ang mga pasanin. Ang “pagiging bukas-puso at tapat,” “pagkakaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin,” o “hindi pag-atras kailanman kahit pa sa harap ng kamatayan” na sinasabi ninyo, ay tila katulad ng mga islogang isinisigaw ng galit na mga kabataan. Malulutas ba ng mga islogang ito ang mga praktikal na problema? Ang kinakailangan ngayon ay ang tamang saloobin. Para magkaroon ng tamang saloobin, dapat mong maunawaan ang aspektong ito ng katotohanan. Ito ang tanging paraan para malutas ang iyong mga suliranin sa iyong kalooban, at para matulutan kang maluwag na tanggapin ang atas na ito, ang tungkuling ito. Ito ang landas ng pagsasagawa, at ito lamang ang katotohanan. Kung gumagamit ka ng mga salitang tulad ng “pagiging bukas-puso at tapat” at “pagkakaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin” para tugunan ang takot na iyong nararamdaman, magiging epektibo ba ito? (Hindi.) Ipinahihiwatig nito na ang mga bagay na ito ay hindi ang katotohanan, o ang landas ng pagsasagawa. Maaari mong sabihin, “Ako ay bukas-puso at tapat, ako ay may tayog na hindi matitinag, walang ibang kaisipan o karumihan ang aking puso, at mayroon akong tapang na akuin ang mga pasanin.” Sa panlabas ay inaako mo ang iyong tungkulin, ngunit kalaunan, pagkatapos pag-isipan ito nang ilang sandali, nararamdaman mo pa ring hindi mo ito kayang akuin. Maaaring natatakot ka pa rin. Dagdag pa rito, maaari mong makita ang iba na pinupungos, at lalo kang matatakot, tulad ng isang nilatigong aso na takot sa sinturon. Mas mararamdaman mong masyadong mababa ang iyong tayog, at na ang tungkuling ito ay isang pagsubok na napakalaki at mahirap lagpasan, at sa huli ay hindi mo pa rin makakayang akuin ang pasaning ito. Ito ang dahilan kaya hindi nalulutas ng pagbigkas ng mga islogan ang mga praktikal na problema. Kaya paano mo aktuwal na malulutas ang problemang ito? Aktibo mo dapat na hanapin ang katotohanan at magkaroon ng isang nagpapasakop at nakikipagtulungan na saloobin. Ganap na malulutas niyon ang problema. Walang silbi ang pagkamahiyain, takot, at pag-aalala. Mayroon bang anumang kaugnayan sa pagitan ng kung mabubunyag ka at maititiwalag at sa pagiging isang lider? Kung hindi ka isang lider, mawawala ba ang iyong tiwaling disposisyon? Sa malao’t madali, kailangan mong lutasin ang problema ng iyong tiwaling disposisyon. Dagdag pa rito kung hindi ka isang lider, hindi ka magkakaroon ng mas marami pang oportunidad na magsagawa at magiging mabagal ang iyong pag-usad sa buhay, na may kakaunting pagkakataon para magawang perpekto. Bagaman medyo mas marami ang pagdurusa sa pagiging isang lider o manggagawa, nagdudulot din ito ng maraming pakinabang, at kung kaya mong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, maaari kang magawang perpekto. Napakalaking pagpapala niyon! Kaya dapat kang magpasakop at aktibong makipagtulungan. Ito ang iyong tungkulin at ang iyong responsabilidad. Anuman ang daan sa hinaharap, dapat kang magkaroon ng puso ng pagpapasakop. Ito dapat ang iyong saloobin sa pagtupad mo ng iyong tungkulin.

Ang paksa ng pagganap sa tungkulin ng isang tao ay pamilyar sa lahat; hindi ito isang bagong paksa. Gayunpaman, para sa mga tao na nananalig sa Diyos, napakahalaga ng paksang ito; ito ay isang katotohanang dapat unawain at pasukin. Dapat gampanan nang mabuti ng mga nilikha ang kanilang tungkulin bago sila sang-ayunan ng Lumikha. Kaya, napakahalagang maunawaan ng mga tao kung ano ba ang ibig sabihin ng pagganap sa tungkulin. Ang pagganap sa tungkulin ay hindi isang uri ng teorya, ni isang islogan; isa itong aspekto ng katotohanan. Kung gayon ay ano ang ibig sabihin ng pagganap sa tungkulin? At ano-anong problema ang kayang lutasin ng pag-unawa sa aspektong ito ng katotohanan? Kahit papaano man lang ay malulutas nito kung paano mo dapat tanggapin at tratuhin ang ibinigay na gawain ng Diyos, at kung anong uri ng saloobin at resolusyon ang dapat mayroon ka kapag kinukompleto mo ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Masasabi mo ring kasabay na malulutas nito ang ilang hindi normal na relasyon sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Tinitingnan ng ilang tao ang pagganap sa kanilang mga tungkulin bilang kapital, tinitingnan ng ilan ang pagganap sa kanilang mga tungkulin bilang kanilang mga sariling personal na gawain, at tinitingnan ng ilan ang pagganap sa kanilang mga tungkulin bilang kanilang sariling trabaho at mga proyekto, o tinitingnan nila ang isang tungkulin bilang isang uri ng pampalipas oras, aliwan, o libangan para palipasin ang oras. Sa madaling salita, anumang uri ng saloobin mayroon ka sa iyong tungkulin, kung hindi mo ito tinatanggap mula sa Diyos, at kung hindi mo ito itinuturing na isang gawaing dapat isagawa ng isang nilikhang kabilang sa gawain ng pamamahala ng Diyos o isang gawain kung saan dapat siyang makipagtulungan, hindi pagganap ng tungkulin ang iyong ginagawa. Tama bang ituring mo ang iyong tungkulin bilang negosyo ng iyong pamilya? Tama bang ituring mo ito bilang bahagi ng sarili mong trabaho o libangan? Tama bang ituring mo ito bilang isang personal na bagay? Wala sa mga ito ang tama. Bakit kailangang banggitin ang mga paksang ito? Anong problema ang malulutas sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa mga paksang ito? Malulutas nito ang problema ng pagkakaroon ng mga tao ng mga maling saloobin sa kanilang tungkulin, at ang maraming paraan na ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang pabasta-basta. Tanging sa pag-unawa sa aspekto ng katotohanang patungkol sa pagganap sa tungkulin ng isang tao mababago ang saloobin ng mga tao sa kanilang tungkulin. Ang kanilang saloobin ay unti-unting tutugma sa katotohanan, at makatutugon sa mga hinihingi ng Diyos at aayon sa Kanyang mga layunin. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang aspekto ng katotohanan patungkol sa pagganap ng tungkulin ng isang tao, magkakaroon ng mga problema sa kanilang saloobin sa kanilang tungkulin at sa mga prinsipyo sa likod ng kanilang tungkulin, at hindi nila magagawang makamit ang resulta ng pagganap sa tungkulin. Ang mga tungkulin ay mga atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa mga tao; ang mga ito ay mga misyong dapat tapusin ng mga tao. Gayunman, ang tungkulin ay tiyak na hindi mo personal na pamamahala, ni isang kasangkapan para ikaw ay mamukod-tangi. Ginagamit ng ilang tao ang kanilang mga tungkulin bilang mga oportunidad ng sariling pamamahala at bumubuo ng mga pangkat; ang ilan upang tugunan ang kanilang mga pagnanais; ang ilan upang punan ang mga kahungkagang nadarama nila sa kanilang kaloob-looban; at ang ilan upang masapatan ang kanilang mentalidad na tamang magtiwala sa suwerte, iniisip na hangga’t ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, magkakaroon sila ng bahagi sa sambahayan ng Diyos at sa kamangha-manghang hantungang isinasaayos ng Diyos para sa tao. Ang ganoong mga pag-uugali tungkol sa tungkulin ay hindi tama; kinasusuklaman ito ng Diyos at dapat kaagad iwasto.

Tungkol naman sa kung ano ang tungkulin, kung paano dapat ituring ng mga tao ang kanilang tungkulin, at ang mga saloobin at pananaw na dapat mayroon sila sa tungkulin, ang mga bagay na ito ay malawak nang napagbahaginan. Dapat pag-isipan ninyong lahat nang mabuti ang mga ito; ang maunawaan ang mga katotohanan sa mga aspektong ito ay napakahalaga at nangangailangan ng agarang pansin. Ano ang katotohanang pinakakailangan ninyong malaman ngayon mismo? Sa isang banda, dapat mong maunawaan ang mga katotohanang may kaugnayan sa mga pangitain sa aspektong ito; sa kabilang banda, kailangan mong maunawaan kung saan ka may mga buktot na pagkaarok tungkol sa mga katotohanang ito sa pagsasagawa at sa tunay na buhay. Kapag nakatatagpo ka ng mga isyu na may kinalaman sa mga katotohanan ng pagtupad sa tungkulin, kung kayang lutasin ng mga salita at katotohanang ito ang kalagayan ng iyong kalooban, pinatutunayan nitong tunay at lubusan mong naunawaan ang nilalamang pinagbahaginan; kung hindi naman kayang lutasin ng mga ito ang mga paghihirap na kinahaharap mo araw-araw sa mga usapin ng pagganap ng iyong tungkulin, ipinakikita nitong hindi ka nakapasok sa mga katotohanang ito. Pagkatapos ninyong makinig sa mga katotohanang ito, binuod at pinagnilayan ba ninyo ang mga ito? Maaari kayang tuwing nagtatala kayo ay nakauunawa kayo sa panahong iyon, subalit paglipas ng panahon ay nakalilimot kayo, na para bang hindi pa ninyo narinig ang mga iyon? (Oo.) Ito ay dahil kayo mismo ay wala ni katiting na pagpasok; ang mga pundamental ninyong isinasagawa ay walang kinalaman sa mga katotohanang ito at ganap na walang kaugnayan sa katotohanan. Sa katunayan, ang mga katotohanang ito tungkol sa pagganap ng tungkulin ang mga pinakapangunahing katotohanan na dapat maunawaan at mapasok ng isang tao sa proseso ng pananalig sa Diyos. Kung pagkatapos marinig ang mga salita ng katotohanan ay nananatili pa rin kayong lito at gulong-gulo, sadyang napakababa ng inyong kakayahan, at walang-wala kayong tayog. Kaya mo lamang magbasa ng mga salita ng Diyos, magdasal at dumalo sa mga pagtitipon; ginagawa mo ang lahat ng hinihingi sa iyo, tulad lamang ng isang taong may relihiyosong paniniwala. Ibig sabihin nito ay wala kang buhay pagpasok at walang anumang tayog. Ano ang ibig sabihin ng hindi pagkakaroon ng tayog? Nangangahulugan ito na sa proseso ng pananalig mo sa Diyos at pagganap sa iyong tungkulin, sa sandaling linlangin ka ninuman, susunod ka sa kanya at titigil ka sa pananalig sa Diyos; kapag may ginawa kang mali at bahagya kang pinungos ninuman, kinausap sa medyo estriktong paraan, maaaring isuko mo ang iyong pananalig; kapag nakatagpo ka ng mga dagok o iba’t ibang paghihirap sa iyong buhay, maaaring magreklamo ka tungkol sa Diyos, at kapag nakita mong hindi Niya ipinagkakaloob sa iyo ang biyaya o nilulutas ang iyong mga paghihirap, maaaring talikuran mo Siya at lisanin mo ang sambahayan ng Diyos, at tumigil ka sa pananalig. Kung nakapasok ka sa ilang aspekto ng katotohanan ng pagganap ng tungkulin—itong pinakapundamental sa mga katotohanan—pinatutunayan nitong konektado ka na sa katotohanan; konektado ka na sa katotohanang realidad, at nakagawa ka na ng kaunting pagpasok. Kung wala ka ni katiting, ng anumang katotohanang realidad na ito, pinatutunayan nitong hindi pa nag-uugat sa iyong puso ang katotohanan.

Kababahagi Ko lamang tungkol sa kung ano ang tungkulin, gayundin sa kung ano ang pinagmulan at paggawa ng tungkulin, para ipaunawa sa mga tao kung ano ba talaga ang tungkulin. Ano-ano ang pakinabang na malaman ito? Kapag nauunawaan na ng mga tao ang katotohanan tungkol sa kung ano ang tungkulin, malalaman nila kung ano ang kahalagahan ng tungkulin. Kahit papaano man lang, sa kaibuturan, mararamdaman nilang dapat ay may tamang saloobin sila sa tungkulin at na hindi sila maaaring kumilos nang pabasta-basta. Kahit papaano man lang ay mananatili ang konseptong ito sa kanilang isipan. Bagaman ang tungkulin ay ang dapat mong gampanan, at ang gawain at misyong ibinigay sa iyo ng Diyos, hindi mo ito personal na usapin, o iyong sariling gawain. Tila ba magkasalungat ito, subalit ito talaga ang katotohanan. Anuman ang katotohanan ay mayroon itong praktikal na bahagi, na may kaugnayan sa pagsasagawa at pagpasok ng mga tao, gayundin sa mga hinihingi ng Diyos. Hindi ito walang laman. Ganito ang katotohanan; tanging sa pagdanas at pagpasok sa realidad ng katotohanang ito mo mas mauunawaan ang aspektong ito ng katotohanan. Kapag palagi mong kinukuwestiyon ang katotohanan, kapag palagi kang nagdududa, at palaging nagsusuri at nag-aanalisa, hindi kailanman magiging katotohanan sa iyo ang katotohanan. Hindi ito magkakaroon ng kaugnayan sa iyong tunay na buhay at hindi nito mababago ang anuman sa iyo. Kapag taos-pusong tinatanggap ng isang tao ang katotohanan at ginagamit ito bilang gabay sa kanyang pamumuhay at pagkilos, bilang gabay sa kanyang pag-asal at pananalig sa Diyos, babaguhin ng katotohanan ang kanyang buhay. Babaguhin nito ang kanyang mga layunin sa buhay, ang kanyang direksiyon sa buhay, at ang paraan kung paano siya nakikipag-ugnayan sa mundo. Ito ang epekto ng katotohanan. Ang pag-unawa sa kung ano ba ang tungkulin ay tiyak na magiging isang malaking kapakinabangan at tulong sa mga tao sa pagganap sa kanilang tungkulin. Kahit papaano, malalaman ng isang tao na napakahalaga ng tungkulin para sa lahat ng nananalig sa Diyos, at na mas mahalaga ito para sa mga taong interesado o may partikular na mga pangangailangan o hangarin na mailigtas at maging perpekto. Ito ang pinakapundamental na katotohanan na dapat maunawaan ng lahat para mailigtas, at ito rin ang pinakapundamental na katotohanan na dapat pasukin ng isang tao. Kung hindi mo nauunawaan kung ano ang tungkulin, hindi mo malalaman kung paano tutuparin ang iyong tungkulin nang maayos, o kung ano ang tamang saloobin sa pagtanggap at pagturing sa iyong tungkulin. Mapanganib ito—sa isang banda, hindi mo magagawang tuparin ang iyong tungkulin nang mahusay, at kikilos ka nang walang kaayusan at pabasta-basta; sa kabilang banda, maaari kang gumawa ng mga bagay na makagagambala at makagugulo sa gawain ng iglesia, o makagagawa pa nga ng masasamang gawa na labag sa mga atas administratibo ng Diyos. Sa paglalahad nito sa medyo konserbatibong paraan, maaari kang ibukod para magnilay, at sa mas malalalang kaso, maaari kang itiwalag. Samakatuwid, ang pag-unawa sa kung ano ang tungkulin, bagaman ito ay napakapangunahing aspekto ng katotohanan, ay may kaugnayan sa kaligtasan ng isang tao; mayroon itong kabuluhan—napakahalaga nito. Pagkatapos maunawaan kung ano ang tungkulin, hindi na lamang ito basta tungkol sa pagiging pamilyar sa isang doktrina; ang nilalayong resulta ay ang magawa ng mga taong maunawaan ang mga layunin ng Diyos at maitrato ang kanilang tungkulin nang may tamang saloobin. Sa pagtupad ng anumang tungkulin, walang resultang makakamit sa pagsisikap lang; ang palaging pag-iisip na ang tungkulin ay matutupad nang maayos sa pamamagitan lamang ng pagsisikap ay nagpapakita ng kawalan ng espirituwal na pagkaunawa. Sa katunayan, ang pagganap sa tungkulin ay kinapapalooban ng maraming detalye, kabilang na ang pagkakaroon ng tamang pag-iisip, mga prinsipyo ng pagsasagawa at tunay na pagpapasakop, gayundin ang pagkakaroon ng espirituwal na karunungan. Tanging kapag nagtataglay ang isang tao ng mga aspektong ito ng katotohanan matutupad nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin at ganap nilang malulutas ang problema ng pagganap sa tungkulin nang pabasta-basta. Iyong mga walang tamang saloobin sa kanilang mga tungkulin ay mga taong walang katotohanang realidad; sila ay mga taong walang may-takot-sa-Diyos na puso, at walang konsensiya at katwiran. Kaya, para makasunod sa Diyos, dapat maunawaan ng isang tao ang kabuluhan ng pagganap sa tungkulin; ito ay napakahalaga sa pagsunod sa Diyos.

Pagkatapos maunawaan kung ano ang tungkulin at ang mga pinagmulan nito, pag-iibahin mo ang kalikasan ng tungkulin at ang kalikasan ng gawain sa lipunan. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pagtrato sa gawaing ipinagkatiwala sa iyo ng sambahayan ng Diyos bilang isang tungkulin at pagturing dito bilang isang makamundong gawain? Kapag itinuring mo ito bilang isang tungkulin, kailangan mong hanapin ang mga layunin ng Diyos at ang katotohanan. Sasabihin mong, “Ito ang aking tungkulin, kaya’t paano ko ito gagawin? Ano ang hinihingi ng Diyos? Ano ang mga panuntunan ng iglesia? Kailangang maging malinaw sa akin ang mga prinsipyong nasa likod nito.” Tanging ang pagsasagawa sa paraang ito ang tamang saloobin sa pagtrato sa iyong tungkulin; ito lamang ang saloobin na dapat mayroon ang mga tao sa kanilang tungkulin. Subalit anong uri ng saloobin mayroon dapat ang mga tao kapag hinaharap ang mga makamundong trabaho o bagay-bagay sa kanilang personal na buhay? May pangangailangan bang hanapin ang katotohanan o mga prinsipyo kung ganoon? Maaari mo ring hanapin ang mga prinsipyo, subalit ang mga iyon ay para lamang magkamit ng mas maraming pera, mabuhay nang marangyang buhay, magkamal ng yaman, magkamit ng tagumpay, at magtamo ng kapwa katanyagan at karangyaan—ganitong mga prinsipyo lamang. Ang mga prinsipyong ito ay ganap na makamundo, nabibilang sa mga napapanahong kalakaran; mga prinsipyo ito ni Satanas at ng masamang sangkatauhang ito. Ano-ano ang mga prinsipyo ng pagganap sa tungkulin? Dapat talagang matugunan ng mga ito ang mga hinihingi ng Diyos; malapit na nauugnay at hindi maihihiwalay ang mga ito sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos. Sa kabaligtaran, ang mga propesyon at trabaho na ginagawa ng mga tao sa mundo ay walang kinalaman sa katotohanan o sa mga hinihingi ng Diyos. Hangga’t ikaw ay may kakayahan, handang magtiis ng paghihirap, at masikap, masama, at sapat na mapangahas, maaari kang mamukod-tangi sa lipunan at magkaroon pa nga ng isang mataas na propesyon. Gayunpaman, ang mga prinsipyo at pilosopiyang ito ay hindi kinakailangan sa sambahayan ng Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, anumang uri ng tungkulin ang iyong ginagampanan, anuman ang kalikasan ng tungkuling iyon, itinuturing man itong mataas o mababa, maharlika o karaniwan, makapukaw-pansin man ito o hindi, ipinagkatiwala man ito sa iyo ng Diyos o itinalaga ng lider ng iglesia—anumang gawain ang iniatas sa iyo ng sambahayan ng Diyos, ang mga prinsipyong sinusunod mo sa paggawa ng iyong gawain ay hindi dapat humigit sa mga prinsipyo ng katotohanan. Dapat ay konektado ang mga ito sa katotohanan, konektado sa mga hinihingi ng Diyos, at konektado sa mga panuntunan at mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos. Sa madaling salita, ang tungkulin at ang gawaing ginagawa sa mundo ay dapat na pag-ibahin sa isa’t isa.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.