Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos (Ikaapat na Bahagi)
Tinatanong ng ilang tao: “Hinihingi ng mga salita ng Diyos sa tao na kilalanin ang kanyang katayuan bilang isang nilikha at tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Hindi hinihingi sa atin na maging isang superman o dakilang tao, pero lagi akong nakakaramdam ng gayong mga ambisyon at paghahangad. Hindi ako kontento na maging isang ordinaryong tao. Ano ang dapat kong gawin kung gayon?” Napakasimple ng problemang ito. Bakit hindi ka handang maging isang ordinaryong tao? Kung huhukayin mo muna ang ugat ng katanungang ito, madaling malulutas ang iyong problema. Hinihingi ng Diyos sa tao na maging tapat na tao. Ito ang pinakamakabuluhang bagay. Kung nauunawaan mo ang katotohanan ng pagiging isang tapat na tao, malalaman mo na ang pagiging isang tapat na tao ay ang maging isang taong nagtataglay ng normal na pagkatao, isang tunay na tao. Ano ang mga panlabas na palatandaan ng isang tapat na tao? Ang maging tapat na tao ay ang maging normal na tao. Ano ang natural na gawi, isipan, at katwiran ng mga normal na tao? Paano nagpapakita ang mga salita at gawa ng mga normal na tao? Makakapagsalita ang isang normal na tao mula sa kanyang puso. Sasabihin niya anuman ang nasa puso niya nang walang kabulaanan o panlilinlang. Kung mauunawaan niya ang isang bagay na nakaharap niya, kikilos siya nang ayon sa kanyang konsensiya at katwiran. Kung hindi niya ito makikita nang malinaw, magkakamali at mabibigo siya, papasukin siya ng mga maling kaisipan, kuru-kuro, at personal na kathang-isip, at bubulagin siya ng mga ilusyon. Ito ang mga panlabas na palatandaan ng normal na pagkatao. Natutupad ba ng mga panlabas na palatandaang ito ng normal na pagkatao ang mga hinihingi ng Diyos? Hindi. Hindi matutupad ng mga tao ang mga hinihingi ng Diyos kung wala sa kanila ang katotohanan. Ang mga panlabas na palatandaang ito ng normal na pagkatao ay mga pag-aari ng ordinaryo at tiwaling tao. Ito ang mga bagay na taglay ng tao nang siya ay ipinanganak, mga bagay na likas sa kanya. Kailangan mong hayaan ang iyong sarili na ipakita ang mga panlabas na palatandaan at pagbubunyag na ito. Habang hinahayaan mo ang iyong sarili na ipakita ang mga panlabas na palatandaan at pagbubunyag na ito, dapat mong maunawaan na ganoon ang likas na gawi, kakayahan, at kalikasan sa pagkapanganak ng tao. Ano ang dapat mong gawin sa sandaling maunawaan mo ito? Dapat mo itong ikonsidera nang tama. Pero paano mo isasagawa ang tamang pagkonsidera na ito? Ginagawa ito sa pamamagitan ng higit pang pagbabasa ng mga salita ng Diyos, higit pang pagsasangkap ng katotohanan sa iyong sarili, pagbibigay-pansin sa mga bagay na hindi mo nauunawaan, mga bagay na may kuru-kuro ka, at mga bagay kung saan maaari kang magkamali ng paghusga sa Diyos nang mas madalas para pagnilay-nilayan ang mga ito at hanapin ang katotohanan upang lutasin ang lahat ng iyong problema. Kung ganito ka daranas nang ilang panahon, hindi mahalaga kung mabigo o madapa ka nang ilang beses. Ang pinakamahalagang bagay ay na nakikita mo nang malinaw ang mga bagay na ito sa mga salita ng Diyos at marunong kang magsagawa alinsunod sa mga prinsipyo at mga layunin ng Diyos. Ipinapakita nito na may natutunan kang aral. Pagkatapos mong dumaan sa maraming taon ng mga kabiguan at pagkadapa, kung malinaw mong nauunawaan ang diwa ng tiwaling tao, nakikita ang ugat ng kadiliman at kasamaan sa mundo, at nakikilatis ang iba’t ibang uri ng tao, pangyayari at bagay, makakakilos ka nang ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Dahil hindi ka isang superman, ni isang dakilang tao, hindi mo mapapasok at mauunawaan ang lahat ng bagay. Imposible para sa iyo na malinaw na makita sa isang sulyap ang mundo, malinaw na makita sa isang sulyap ang sangkatauhan, at malinaw na makita sa isang sulyap ang lahat ng nangyayari sa paligid mo. Isa kang ordinaryong tao. Dapat kang dumaan sa maraming pagkabigo, maraming panahon ng pagkalito, maraming pagkakamali sa paghusga, at maraming pagkalihis. Lubusang mabubunyag nito ang iyong tiwaling disposisyon, ang iyong mga kahinaan at kakulangan, ang iyong kamangmangan at kahangalan, tinutulutan kang masuring muli at makilala ang iyong sarili, at magkaroon ka ng kaalaman tungkol sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat, lubos na karunungan, at disposisyon ng Diyos. Magkakamit ka ng mga positibong bagay mula sa Kanya, at mauunawaan mo ang katotohanan at makakapasok ka sa realidad. Marami kang mararanasan na hindi aayon sa gusto mo, kung saan mararamdaman mo na wala kang magawa. Pagdating sa mga ito, dapat kang maghanap at maghintay; dapat mong makamit mula sa Diyos ang kasagutan sa bawat bagay, at maunawaan mula sa Kanyang mga salita ang pangunahing diwa ng bawat bagay at ang diwa ng bawat uri ng tao. Ganito umasal ang isang ordinaryo at normal na tao. Dapat matuto kang magsabi ng, “Hindi ko kaya,” “Higit ito sa aking kakayahan,” “Hindi ko ito mapasok,” “Hindi ko pa naranasan ito,” “Wala akong anumang nalalaman,” “Bakit napakahina ko? Bakit wala akong silbi?” “Gayon kababa ang kakayahan ko,” “Napakamanhid at napakahangal ko,” “Napakamangmang ko na anupa’t aabutin ako ng ilang araw bago ko maunawaan ang bagay na ito at maasikaso ito,” at “Kailangan ko munang kausapin ang iba tungkol dito.” Dapat matutunan mong magsagawa sa ganitong paraan. Ito ang panlabas na palatandaan ng pagtanggap mo na isa kang normal na tao at ng hangarin mong maging normal na tao. Iyong mga itinuturing ang kanilang sarili bilang dakila at makapangyarihan, na iniisip na hindi sila ordinaryo kundi nakakaangat at superhuman, hindi nila kailanman sinasabing “Hindi ko kaya,” “Higit ito sa aking kakayanan,” “Hindi ko ito mapasok,” “Hindi ko alam, kailangan kong matuto, kailangan ko itong aralin, kailangan kong maghanap ng mga taong makakabahaginan ko, kailangan kong sumangguni mula sa Itaas.” Hindi nila kailanman sinasabi ang gayong mga salita. Lalo na kapag nagtamo na sila ng katayuan, ayaw ng ganitong tao na isipin ng mga tao na siya ay isang ordinaryong tao at na, gaya ng iba, may mga bagay na hindi niya kaya, malinaw na makita, o maunawaan. Sa halip, gusto niyang lagi siyang mapagkamalan ng mga tao na isang superman. Samakatwid, kapag may nangyayari sa kanya, hindi niya kailangang dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso. Hindi niya kailangang maghanap. Nauunawaan, natututuhan, at nakikita niya nang malinaw ang lahat ng nangyayari sa kanya sa loob lamang ng ilang minuto. Wala siyang katiwalian o kahinaan. Walang bagay na hindi niya malinaw na makikita, at walang bagay na hindi pa niya nararanasan. Kahit may bagay pa siyang hindi naranasan, malinaw niyang makikita ito sa isang sulyap lamang. Talagang isa siyang perpektong superman. Pagpapamalas ba ito ng normal na pagkatao? (Hindi.) Kung ganoon, isa ba siyang normal na tao? Siguradong hindi. Hindi inaamin ng ganitong tao na isa siyang ordinaryong tao, na mayroon siyang mga kahinaan, kapintasan at isang tiwaling disposisyon. Kaya mas madalas ba siyang makakaharap sa Diyos nang may tapat na puso para maghanap at manalangin? Siguradong hindi. Ipinapakita nito na kulang pa rin siya sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, o na hindi niya isinasabuhay ang normal na pagkatao.
Sabihin ninyo sa Akin, paano kayo magiging ordinaryo at normal na mga tao? Gaya ng sinasabi ng Diyos, paano kayo tatayo sa tamang lugar ng isang nilikha—paano ninyo magagawang hindi subukang maging isang pambihirang tao, o maging kung sinong dakilang tao? Paano ka dapat magsagawa upang maging isang ordinaryo at normal na tao? Paano ito magagawa? Sino ang sasagot? (Una sa lahat, kailangan naming aminin na ordinaryong tao kami, na lubha kaming karaniwan. Maraming bagay ang hindi namin nauunawaan, hindi naiintindihan, at hindi malinaw na makita. Dapat naming aminin na kami ay tiwali at may kapintasan. Pagkatapos niyon, kailangan naming magkaroon ng tapat na puso at humarap nang mas madalas sa Diyos para maghanap.) Una, huwag mong bigyan ng titulo ang sarili mo at huwag kang magpagapos dito, na sinasabing, “Ako ang lider, ako ang pinuno ng grupo, ako ang tagapangasiwa, walang nakaaalam sa gawaing ito nang higit sa akin, walang nakauunawa sa mga kasanayan nang higit sa akin.” Huwag kang mahumaling sa titulong ibinigay mo sa sarili. Sa sandaling gawin mo ito, itatali nito ang iyong mga kamay at paa, at maaapektuhan ang iyong sinasabi at ginagawa. Maaapektuhan din ang normal mong pag-iisip at paghusga. Dapat mong palayain ang iyong sarili sa mga limitasyon ng katayuang ito. Ibaba mo muna ang iyong sarili mula sa opisyal na titulo at posisyon na ito at tumayo ka sa lugar ng isang pangkaraniwang tao. Kung gagawin mo ito, magiging medyo normal ang mentalidad mo. Dapat mo ring aminin at sabihin na, “Hindi ko alam kung paano ito gawin, at hindi ko rin iyon nauunawaan—kakailanganin kong magsaliksik at mag-aral nang kaunti,” o “Hindi ko pa ito nararanasan, kaya hindi ko alam ang gagawin.” Kapag kaya mong magsabi ng tunay mong iniisip at magsalita nang tapat, magtataglay ka ng normal na katwiran. Makikilala ng iba ang tunay na ikaw, at sa gayon ay magkakaroon ng normal na pagtingin sa iyo, at hindi mo kakailanganing magpanggap, ni hindi ka magkakaroon ng anumang matinding kagipitan, kung kaya’t magagawa mong makipag-usap nang normal sa mga tao. Ang pamumuhay nang ganito ay malaya at magaan; ang sinumang napapagod mabuhay ay idinulot ito sa kanilang mga sarili. Huwag kang magkunwari o magpanggap. Magtapat ka muna tungkol sa iniisip mo sa iyong puso, tungkol sa tunay mong mga saloobin, upang malaman ng lahat ang mga iyon at maunawaan ang mga iyon. Bilang resulta, ang iyong mga alalahanin at ang mga hadlang at mga hinala sa pagitan mo at ng iba ay mawawala lahat. May iba pang nakahahadlang sa iyo. Palagi mong itinuturing ang sarili mo na pinuno ng grupo, isang lider, isang manggagawa, o isang taong may titulo, katayuan, at posisyon: Kung sasabihin mong mayroon kang hindi nauunawaan, o hindi kayang gawin, hindi ba’t nilalait mo ang iyong sarili? Kapag isinantabi mo ang mga gapos na ito sa iyong puso, kapag tumigil ka na sa pag-iisip na isa kang lider o isang manggagawa, at kapag tumigil ka na sa pag-iisip na mas magaling ka sa ibang tao at naramdaman mo na isa kang pangkaraniwang tao, na katulad ng lahat, at na mayroong ilang aspekto kung saan mas mababa ka sa iba—kapag nagbahagi ka ng katotohanan at mga bagay na may kinalaman sa gawain nang may ganitong saloobin, iba ang epekto, gayundin ang atmospera. Kung sa iyong puso, palagi kang may mga pag-aalinlangan, kung palagi kang namomroblema at nahahadlangan, at kung gusto mong alisin sa iyo ang mga bagay na ito pero hindi mo magawa, dapat ay seryoso kang magdasal sa Diyos, pagnilay-nilayan ang iyong sarili, tingnan ang iyong mga pagkukulang, at pagsumikapan ang katotohanan. Kung maisasagawa mo ang katotohanan, magkakamit ka ng mga resulta. Anuman ang gawin mo, huwag kang magsalita at kumilos mula sa isang partikular na posisyon o gamit ang isang partikular na titulo. Isantabi mo muna ang lahat ng ito, at ilagay mo ang sarili mo sa lugar ng isang pangkaraniwang tao. Kapag sinasabi ng isang tao, “Hindi ba’t ikaw ang lider? Hindi ba’t ikaw ang namamahala sa pangkat na ito? Dapat mong maunawaan ito.” Bilang tugon, sinasabi mo: “Saan sa mga salita ng Diyos sinasabi na, kung isa kang lider o lider ng pangkat, mauunawaan mo ang lahat? Hindi ko ito nauunawaan. Huwag mo akong husgahan gamit ang iyong mga mata. Masyado kang maraming hinihingi. Totoo ngang isa akong lider, pero masyado pa ring mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan at hindi ko alam kung ano ang magiging pasya ko dahil hindi ko pa naranasan ang bagay na ito at hindi ko pa rin ito makita nang malinaw. Kailangan kong manalangin at maghanap. Ang sabi ng Diyos, huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan. Gusto mo laging makaunawa ako kaagad at magdesisyon ako kaagad. Paano kung magkamali ako ng desisyon? Sino ang mananagot? Mapananagutan mo ba ito? Gusto mo bang magkamali ako? Kapag ginawa mo ito, ikaw ba ang mananagot para sa akin? Dapat magtulungan tayo, magkasamang manalangin at maghanap, at pangasiwaan nang mabuti ang bagay na ito.” Kaya mo ba itong gawin? Madali ba itong gawin? Kung kaya mong kausapin ang iba nang taos sa puso, puwede mong sabihin na, “Ang totoo, napakaliit din ng tayog ko. Kung hindi ako maghahanap at mananalangin, maaari akong magkamali anumang oras. Minsan ay hindi ko maiwasang magkamali. Gaano ba kalaki sa tingin mo ang tayog ko? Masyadong naging mataas ang pagtingin mo sa akin.” Kapag narinig ng taong kasama mo ang mga sinasabi mo, mararamdaman niya sa kanyang puso na isa kang napakamatapat na tao na nakakapagsalita nang mula sa puso. Pagkatapos, hindi na siya hihingi nang sobra-sobra sa iyo, bagkus ay makikipagtulungan sa iyo. Kung isasagawa mo ito, mas magiging makatwiran ka sa mga bagay na ginagawa mo, hindi ka mapipigilan o matatalian ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at makakalaya ang puso mo. Makakapagsalita at makakakilos ka nang may bukas na puso, at magagawa mong makipagtulungan nang matiwasay sa iba at tratuhin ang mga kapatid nang tama. Sa pagkakataong ito, lalong magiging normal ang kalagayan mo, at lalong magiging makatwiran ang mga kilos mo. Makikita ito ng lahat at sasabihin nila, “Tunay na nagbago na ang lider na ito. Tunay siyang nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at naisabuhay niya ang normal na pagkatao. Kapag ganitong klase ng tao ang ating lider, magtatamo rin tayo ng maraming kapakinabangan!” Sa pagkakataong ito, kapag muli kang nakibahagi sa gawain, ito man ay sa paghahanap at pananalangin o pagpunta sa iba para makipagbahaginan, ang ginagawa mo ay tama at wasto, at hindi ka magkakaroon ng anumang agam-agam. Sa lahat ng ginagawa mo, magiging matibay at matatag ka. Hindi ka naliligalig na makahanap ng mga solusyon, bagkus ay hinahayaan mong mangyari nang kusa ang mga bagay-bagay. Kahit ano pa ang makaharap mo, madadala mo ito sa harapan ng Diyos at maiaalay mo ang tapat mong puso. Isa itong prinsipyo na maisasagawa mo sa lahat ng bagay. Ang lahat, sila man ay lider at manggagawa o mga kapatid, ay ordinaryong tao. Dapat isagawa nilang lahat ang prinsipyong ito. May bahagi at responsabilidad ang lahat sa pagsasagawa ng salita ng Diyos. Maaaring ikaw ay isang lider, isang manggagawa, ang pinuno ng pangkat, isang taong nangangasiwa, o isang taong lubos na iginagalang sa grupo. Kahit sino ka pa, dapat matuto kang magsagawa sa ganitong paraan. Alisin mo ang katayuan at titulong dala-dala mo, alisin ang mga koronang ipinatong sa iyo ng iba. Pagkatapos, magiging madali sa iyong maging isang normal na tao at, nang walang kahirap-hirap, kikilos ka nang batay sa konsensiya at katwiran. Siyempre, pagkatapos niyon, hindi sapat na aminin lang na hindi mo nauunawaan at hindi mo alam. Hindi ito ang pinakasolusyon na lumulutas sa problema. Ano ang pinakasolusyon? Dalhin ang mga bagay-bagay at paghihirap sa harapan ng Diyos para manalangin at maghanap. Hindi sapat na manalangin lang nang mag-isa ang isang tao. Sa halip, kasama ang lahat, dapat mag-alay ka ng mga panalanging tungkol sa bagay na ito at pasanin ang responsabilidad at obligasyong ito. Isang magandang paraan iyon para gawin ang mga bagay-bagay! Maiiwasan mong tahakin ang landas na subukang maging isang dakilang tao at superman. Kung magagawa mo ito, malalagay ka sa tamang lugar ng isang nilikha nang hindi mo namamalayan at mapapalaya mo ang iyong sarili mula sa mga pagpipigil ng ambisyon at paghahangad na maging isang superman at isang dakilang tao.
Ang pagtayo sa tamang lugar ng isang nilikha at ang maging isang ordinaryong tao: Madali ba itong gawin? (Hindi ito madali.) Ano ang mahirap dito? Ito iyon: Pakiramdam lagi ng mga tao na maraming limbo at titulo ang nakapatong sa kanilang ulo. Binibigyan din nila ang kanilang sarili ng identidad at katayuan ng mga dakilang tao at superman at nakikibahagi sila sa lahat ng pakunwari at huwad na pagsasagawa at pakitang-taong palabas na iyon. Kung hindi mo bibitiwan ang mga bagay na ito, kung laging napipigilan at nakokontrol ng mga bagay na ito ang iyong mga salita at gawa, mahihirapan kang pumasok sa realidad ng salita ng Diyos. Magiging mahirap na huwag kang maligalig na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan at dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso. Hindi mo ito magagawa. Ito ay dahil mismo ang iyong katayuan, mga titulo, identidad, at ang lahat ng gayong mga bagay ay huwad at hindi totoo, dahil sinasalungat at kinokontra ng mga ito ang mga salita ng Diyos, kaya nagagapos ka ng mga bagay na ito para hindi ka makalapit sa harapan ng Diyos. Ano ang idinudulot ng mga bagay na ito sa iyo? Dahil sa mga ito, nagiging mahusay kang magbalatkayo, magkunwaring nakakaunawa, magkunwaring matalino, magkunwaring isang dakilang tao, magkunwaring isang sikat na tao, magkunwaring may-kakayahan, magkunwaring marunong, at magkunwari pa nga na alam mo ang lahat ng bagay, na may kakayahan ka sa lahat ng bagay, at na kaya mong gawin ang lahat ng bagay. Ginagawa mo ito para sambahin at hangaan ka ng iba. Lalapit sila sa iyo dala-dala ang lahat ng kanilang problema, umaasa sa iyo at tinitingala ka. Kaya, para bang isinasalang mo ang iyong sarili sa apoy. Sabihin mo sa Akin, masarap bang masalang sa apoy? (Hindi.) Hindi mo nauunawaan, pero wala kang lakas ng loob na sabihing hindi mo nauunawaan. Hindi mo makita kung ano ang totoo, pero wala kang lakas ng loob na sabihing hindi mo makita kung ano ang totoo. Halata namang nagkamali ka, pero wala kang lakas ng loob na aminin ito. Namimighati ang iyong puso, pero wala kang lakas ng loob na sabihin, “Sa pagkakataong ito ay kasalanan ko talaga, may pagkakautang ako sa Diyos at sa aking mga kapatid. Nakapagdulot ako ng matinding kawalan sa sambahayan ng Diyos, pero wala akong lakas ng loob na tumayo sa harapan ng lahat at aminin ito.” Bakit hindi ka naglalakas loob na magsalita? Naniniwala ka, “Kailangan kong ingatan ang reputasyon at limbo na ibinigay sa akin ng aking mga kapatid, hindi ko maaaring madismaya ang mataas na pagtingin at tiwala nila sa akin, lalo na ang mga inaasahan nila sa akin na pinanghawakan nila sa loob ng maraming taon. Samakatwid, kailangan kong patuloy na magkunwari.” Anong klaseng pagbabalatkayo iyon? Matagumpay mong ginawang dakilang tao at superman ang iyong sarili. Gusto kang lapitan ng mga kapatid para pagtanungan, konsultahin, at hingan pa nga ng payo tungkol sa anumang problemang kinakaharap nila. Tila hindi nila kayang mabuhay nang wala ka. Pero hindi ba’t namimighati ang iyong puso? Siyempre, hindi nararamdaman ng ibang tao ang kapighatiang ito. Hindi nararamdaman ng isang anticristo ang kapighatiang ito. Sa halip, naaaliw siya rito, iniisip na ang kanyang katayuan ay nakahihigit kaninuman. Subalit, ang isang pangkaraniwan at normal na tao ay nakakaramdam ng pighati kapag nasasalang siya sa apoy. Pakiramdam niya ay wala siyang kuwenta, na tulad lamang siya ng isang ordinaryong tao. Hindi siya naniniwala na mas malakas siya kaysa sa iba. Hindi lamang niya iniisip na hindi niya maisakatuparan ang anumang praktikal na gawain, kundi maaantala rin niya ang gawain ng iglesia at maaantala ang mga hinirang ng Diyos, kaya aakuin niya ang sisi at magbibitiw siya. Isa itong taong may katwiran. Madali bang lutasin ang problemang ito? Madali para sa mga taong may katwiran na lutasin ang problemang ito, pero mahirap ito para sa mga walang katwiran. Kung, sa sandaling magkaroon ka ng katayuan, tinatamasa mo nang walang kahihiyan ang mga kapakinabangang dulot ng katayuan na ang resulta ay mabubunyag at matitiwalag ka dahil sa kabiguan mong gumawa ng totoong gawain, ikaw mismo ang may kagagawan nito at nararapat lamang na mangyari ito sa iyo! Ni hindi ka marapat tumanggap ng kahit katiting na awa at habag. Bakit Ko sinasabi ito? Ito ay dahil nagpupumilit kang tumayo sa isang mataas na lugar. Isinasalang mo ang iyong sarili sa apoy. Ikaw ang may gawa ng iyong sugat. Kung ayaw mong masalang sa apoy at maihaw, dapat mong isuko ang lahat ng titulo at limbo na ito at sabihin sa iyong mga kapatid ang tunay na mga kalagayan at mga kaisipan sa iyong puso. Sa ganitong paraan, matatrato ka nang tama ng mga kapatid at hindi mo na kailangang magbalatkayo. Ngayong nasabi mo na ang iyong saloobin at nabigyang linaw mo na ang tunay mong kalagayan, hindi ba’t lalong nakakaramdam ang puso mo ng kapanatagan, at kapahingahan? Bakit ka maglalakad nang may ganoong kabigat na pasan sa iyong likod? Kung ipagtatapat mo ang tunay mong kalagayan, magiging mababa nga ba ang pagtingin sa iyo ng mga kapatid? Talaga bang aabandonahin ka nila? Hinding-hindi. Sa kabaligtaran, sasang-ayunan at hahangaan ka ng mga kapatid dahil sa lakas ng loob mong sabihin kung ano ang laman ng iyong puso. Sasabihin nilang isa kang tapat na tao. Hindi nito hahadlangan ang gawain mo sa iglesia, ni hindi magkakaroon ng bahagya mang negatibong epekto rito. Kung talagang nakikita ng mga kapatid na may mga paghihirap ka, kusa ka nilang tutulungan at sasamahan sa paggawa. Ano ang masasabi ninyo? Hindi ba’t ganito ang mangyayari? (Oo.) Ang palaging magbalatkayo para tingalain ka ng iba ang pinakahangal na bagay. Ang pinakamainam na paraan ay ang maging ordinaryong tao na may karaniwang puso, ang magawang magtapat sa mga hinirang ng Diyos sa dalisay at simpleng paraan, at ang madalas na makibahagi sa mga taos-pusong usapan. Huwag na huwag mong tanggapin kapag ikaw ay tinitingala, hinahangaan, labis na pinupuri, o binobola ng mga tao. Dapat tanggihang lahat ang mga bagay na ito. Halimbawa, maaaring sabihin ng ilang tao: “Hindi ba’t isa kang propesor sa unibersidad? Dahil napakarunong mo, nauunawaan mo siguro nang husto ang katotohanan.” Sabihin mo sa kanila: “Anong klase ba ako na propesor sa unibersidad? Walang anumang kaalaman ang makakapalit sa katotohanan. Nagdulot ng matinding pagdurusa sa akin ang kaalamang ito. Wala itong kakuwenta-kuwenta. Huwag ninyo akong tingalain, isa lamang akong ordinaryong tao.” Siyempre, may ilang taong nahihirapang bitiwan ang kanilang katayuan. Gusto nilang maging ordinaryo, pangkaraniwang tao at tumayo sa tamang lugar ng isang nilikha. Ayaw nilang magdusa nang gayon, pero hindi nila mapigilan ang kanilang sarili. Lagi nilang nakikita ang kanilang sarili bilang nakakataas na tao at hindi nila kayang magpakumbaba. Problema ang dulot nito. Gustong-gusto nila kapag sila ang sentro ng atensyon ng mga tao, kapag minamasdan sila nang mga ito nang may paghanga. Gusto nilang pinupuntahan sila ng mga tao kapag may mga problema ang mga ito, kapag ang mga ito ay umaasa sa kanila, nakikinig sa kanila, at tumitingala sa kanila. Gusto nila na naniniwala ang mga tao na nakakataas silang mga tao na mga eksperto sa lahat ng bagay, na alam nila ang lahat kaya walang bagay na hindi nila nauunawaan, at iniisip pa nga nila na napakabuti at napakaganda kung ituturing sila ng mga tao bilang mga mananagumpay. Wala nang lunas para dito. Tinatanggap ng ilang tao ang mga papuri at koronang ipinagkakaloob ng iba at ginagampanan ang papel ng isang superman at dakilang tao pansamantala. Pero hindi sila komportable at namimighati sila. Ano ang dapat nilang gawin? Sinuman na gustong mambola sa iyo ay isinasalang ka talaga sa apoy, at dapat mo silang layuan. O kung hindi naman, maghanap ka ng oportunidad para ibunyag sa kanila ang katotohanan ng katiwalian mo, makipag-usap sa kanila tungkol sa tunay mong kalagayan, at ilantad ang iyong mga kapintasan at pagkukulang. Sa ganitong paraan, hindi ka nila sasambahin o titingalain. Madali ba itong gawin? Ang totoo, madali itong gawin. Kung hindi mo talaga kayang gawin ito, pinatutunayan nito na masyado kang mapagmataas at palalo. Talagang itinuturing mo ang iyong sarili bilang isang superman, isang dakilang tao, at hindi mo talaga kinamumuhian at kinasusuklaman ang ganitong uri ng disposisyon sa iyong puso. Kapag ganito, naghihintay ka na lang na madapa at mapahiya sa paningin ng iba. Kung isa kang taong tunay na may katwiran, masusuklam at maririmarim ka sa tiwaling disposisyong palaging gustong gumanap na superman at dakilang tao. Kahit papaano man lang, dapat mayroon kang ganitong pakiramdam. Saka ka lamang mamumuhi sa iyong sarili at makapaghihimagsik laban sa laman. Paano ka ba dapat magsagawa para maging isang karaniwang tao, isang ordinaryong tao, isang normal na tao? Una, dapat mong itatwa at bitiwan ang mga bagay na iyon na iniingatan mo na sa tingin mo ay napakabuti at napakahalaga, pati na ang mabababaw, magagandang salita na ginagamit ng iba para hangaan at purihin ka. Kung, sa iyong puso, malinaw sa iyo kung anong klaseng tao ka, kung ano ang diwa mo, kung ano ang iyong mga kapintasan at kung anong katiwalian ang inilalantad mo, dapat mo itong hayagang ibahagi sa ibang tao, upang makita nila kung ano ang tunay mong kalagayan, kung ano ang mga saloobin at opinyon mo, upang malaman nila kung ano ang kaalaman mo sa gayong mga bagay. Anuman ang gawin mo, huwag kang magkunwari o magpanggap, huwag mong itago ang sarili mong katiwalian at mga kapintasan sa iba, nang sa gayon walang sinumang makaalam sa mga iyon. Ang ganitong uri ng huwad na pag-uugali ay isang hadlang sa iyong puso, at isa rin itong tiwaling disposisyon at mapipigilan nito ang mga tao na magsisi at magbago. Dapat kang magdasal sa Diyos, at itaas para mapagnilayan at mahimay ang mga huwad na bagay, tulad ng papuri na ibinibigay sa iyo ng ibang tao, ang karangalang ibinubuhos nila sa iyo, at ang mga koronang ipinagkakaloob nila sa iyo. Dapat mong makita ang pinsalang idinudulot ng mga bagay na ito sa iyo. Sa paggawa niyon ay masusukat mo ang iyong sarili, magkakamit ka ng pagkakilala sa sarili, at hindi mo na makikita ang iyong sarili bilang isang superman, o kung sinong dakilang tao. Sa sandaling magkaroon ka ng gayong kamalayan sa sarili, magiging madali na sa iyong tanggapin ang katotohanan, tanggapin sa iyong puso ang mga salita ng Diyos at kung ano ang hinihingi ng Diyos sa tao, tanggapin ang pagliligtas sa iyo ng Lumikha, matatag na maging isang pangkaraniwang tao, isang tao na matapat at maaasahan, at para magkaroon ng normal na ugnayan sa pagitan mo—na isang nilikha, at ng Diyos—na ang Lumikha. Ito mismo ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, at ito rin ay isang bagay na talagang kaya nilang makamit. Mga ordinaryo at normal na tao lamang ang pinapayagan ng Diyos na lumapit sa harapan Niya. Hindi Siya tumatanggap ng pagsamba mula sa mga nagkukunwari o huwad na tanyag na tao, dakilang tao, at superman. Kapag binitiwan mo ang mga huwad na limbo na ito, inamin na isa kang ordinaryo at normal na tao, at lumapit ka sa Diyos para hanapin ang katotohanan at manalangin sa Kanya, lalong magiging tunay ang pusong mayroon ka para sa Kanya, at lalo kang mapapanatag. Sa gayong pagkakataon, mararamdaman mong kailangan mo ang Diyos para suportahan at tulungan ka, at magagawa mong lumapit sa harapan ng Diyos nang mas madalas para maghanap at manalangin sa Kanya. Sabihin mo sa Akin, sa tingin mo ba ay mas madaling maging isang dakilang tao, isang superman, o isang ordinaryong tao? (Isang ordinaryong tao.) Sa teorya, madaling maging ordinaryong tao, pero mahirap maging isang dakilang tao o superman, na laging nagdudulot ng pighati. Subalit, kapag nagdedesisyong mag-isa ang mga tao at isinasagawa ito, hindi nila maiwasang gustuhing maging isang superman o dakilang tao. Hindi nila mapigilan ang kanilang sarili. Sanhi ito ng kanilang kalikasang diwa. Kaya, kailangan ng tao ang pagliligtas ng Diyos. Sa hinaharap, kapag tinatanong kayo ng isang tao, “Paano mapipigilan ng isang tao na huwag maging superman at dakilang tao?” Masasagot mo ba ang katanungang ito? Ang kailangan lang ninyong gawin ay isagawa ang pamamaraang inilatag Ko. Maging isang ordinaryong tao, huwag magbalatkayo, manalangin sa Diyos, at matutuhang ilantad ang iyong sarili sa isang simpleng paraan at magsalita sa iba nang mula sa puso. Natural na magbubunga ang gayong pagsasagawa. Unti-unti, matututuhan mong maging isang normal na tao, hindi ka na mababagot sa buhay, hindi na mahahapis, at hindi na masasaktan. Ang lahat ng tao ay ordinaryong mga tao. Wala silang pagkakaiba, maliban sa magkakaiba ang kanilang mga personal na kaloob at maaaring magkaiba-iba ang kanilang kakayahan. Kung hindi dahil sa pagliligtas at proteksyon ng Diyos, lahat sila ay gagawa ng kasamaan at magdurusa ng parusa. Kung maaamin mo na ordinaryo kang tao, kung makakalabas ka mula sa mga imahinasyon at hungkag na ilusyon ng tao at kaya mong hangaring maging isang tapat na tao at gumawa ng matatapat na gawa, kung kaya mong magpasakop sa Diyos nang ayon sa iyong konsensiya, hindi ka magkakaroon ng anumang problema at ganap mong maisasabuhay ang wangis ng tao. Ganoon ito kasimple, kaya bakit walang landas? Napakasimple ng bagay na kasasabi Ko lang. Sa katunayan, ganoon lang talaga iyon. Kaya itong tanggapin nang buo ng mga nagmamahal sa katotohanan, at sasabihin din nila, “Ang totoo, hindi masyadong hinahanapan ng Diyos ang tao. Matutugunang lahat ang Kanyang mga hinihingi sa pamamagitan ng konsensiya at katwiran ng tao. Hindi mahirap para sa isang tao na gampanang mabuti ang kanyang tungkulin. Kung kumikilos ang isang tao nang mula sa puso at may lakas ng loob at paghahangad na isagawa ito, madali itong makamit.” Pero hindi ito makamit ng ilang tao. Para sa mga laging may mga ambisyon at hinahangad, sa mga laging gustong maging superman at dakilang tao, bagama’t gusto nilang maging ordinaryong tao, hindi ito madali para sa kanila. Pakiramdam lagi nila na nakakaangat at mas mahusay sila kaysa sa iba, kaya nilalamon ng paghahangad na maging superman o dakilang tao ang kanilang buong puso at isip. Bukod sa hindi sila handang maging ordinaryong tao at manatili sa kanilang katayuan bilang mga nilikha, nangangako rin silang hindi sila kailanman susuko sa paghahangad na maging superman o dakilang tao. Hindi na malulunasan ito.
May ilang tao na hindi naghahanap sa katotohanan at hindi nananalangin sa Diyos kahit ano pa ang makaharap nila. Kumikilos lang sila batay sa sarili nilang mga kagustuhan, kaloob, at kakayahan. Kahit kapag nananalangin sila sa Diyos, walang sigla nila itong ginagawa, at sa kanilang puso, iniisip nila, “Ang Diyos na ang bahala kung bibigyan Niya ako ng kaliwanagan o hindi. Kikilos na lang ako sa paraang iniisip kong pinakamainam.” Pakiramdam nila ay kayang-kaya nilang harapin ang mga bagay na ito nang sila lang at na ganap silang may-kakayahan sa gawaing ginagawa nila. Para sa kanila, ang pananalangin sa Diyos ay isang bagay na iniraraos lang. Anong klase ang gayong mga tao? Kaya ba nilang aminin na sila ay ordinaryo, normal na tao? Makakapasok ba sila sa realidad ng salita ng Diyos? (Hinding-hindi.) Iniisip ba ng gayong mga tao na kaya nilang gawin ang anumang bagay? (Oo.) Naniniwala sila na, kahit hindi pa sila kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, kaya nilang pangasiwaan ang anumang bagay, at magagawa nila ang lahat nang walang anumang aberya o hirap nang hindi hinahanap ang mga salita ng Diyos. Anong landas ang tinatahak ng mga taong ganito? Landas ba ito ng paghahangad na maging superman at dakilang tao? (Oo.) Kahit gaano pa kalaking gulo ang gawin nila o kahit gaano karaming pagsalangsang ang gawin nila, wala lang ito sa kanila. Hangga’t marami silang nagawa, hangga’t may nakakamit sila, at naramdamang nakakaangat sila, pakiramdam nila ay nagtataglay na sila ng mga rekurso at abilidad. Iniisip nila na sila ay mga taong nagsikap at marami nang nakamit para sa sambahayan ng Diyos. Hindi nila kailangan ang mga salita ng Diyos. Hindi nila kailangan ang gawain ng Diyos. Kaya nila mismong gawin ang anumang bagay. Hindi kailanman lalapit ang gayong mga tao sa harapan ng Diyos. Nagyayabang sila na walang bagay na hindi nila kayang gawin. Kapag may nakakaharap silang isang bagay, hindi sila kailanman nananalangin sa Diyos, ni hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, lalo namang hindi sila nakikipagbahaginan kasama ng mga kapatid. Ni hindi sila kailanman naghahanap mula sa Itaas, lalong hindi nila hinahanap ang katotohanan sa mga salita ng Diyos. Iniisip nilang maraming bagay ang hindi natalakay at hindi nabigyan ng kongkretong paliwanag sa mga salita ng Diyos, kaya ayos lang na sila lang ang lumutas sa gayong mga bagay. Nang hindi nila nalalaman, naisantabi na pala nila ang Diyos. Nang hindi nila nalalaman, hinahamak na pala nila ang iba at niyuyurakan ang lahat. Ang daang tinatahak nila ay ang daan tungo sa pagiging isang tanyag na tao, isang dakilang tao, at isang superman. Sa huli, hindi matatag na makatatayo ang ganitong uri ng tao. Kung hihilingin mo sa kanila na matutuhang aminin na ordinaryo silang tao, na posibleng sila ay magkamali, makagawa ng mga pagsalangsang, at mabigo, at na marami silang mga pagkukulang at kapintasan, magagawa ba nila ito? (Hindi nila magagawa.) Kung sinabihan mo silang tanggalin ang mga limbo at koronang iyon, na bitiwan ang mataas na pagtingin sa kanila ng kanilang mga kapatid, at isuko ang kanilang katanyagan at katayuan sa iglesia, papayag ba sila? (Hindi sila papayag.) Sasabihin nila, “Paano ko maisusuko nang ganoon-ganoon lang ang kasikatan at mga koronang pinaghirapan ko? Hindi ako ganoon kahangal!” Gusto pa nila na mas maraming tao ang magturing sa kanila bilang superman at dakilang tao. Ayaw nilang makita ng mga tao ang kanilang mga pagkukulang at kapintasan at tratuhin sila bilang normal na tao. Lalong ayaw nila kapag inilalantad ng mga tao ang kanilang mga pagkakamali, kabiguan, at asal. Makalalapit ba ang gayong mga tao sa harapan ng Diyos nang madalas para manalangin at hanapin ang katotohanan? (Hindi.) Kahit lumapit pa sila sa harapan ng Diyos para manalangin, magkakaroon ba sila ng tapat na puso? Hindi. Lahat ng sabihin at gawin nila ay para sa korona sa kanilang ulo at para sa sarili nilang katanyagan. Ginagawa nila ang mga bagay para makita ng lahat, pero hindi nila tatanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at hindi nila kayang mag-alay sa Diyos ng tapat na puso, dahil wala sila nito. Hindi nila maintindihan sa anupamang paraan ang mga layunin ng Diyos sa salita ng Diyos at hindi sila makakilos alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Samakatwid, kahit gusto pa ng ganitong tao na hanapin ang katotohanan at gusto niyang alisin ang pagnanasang maging tanyag na tao o dakilang tao, hindi siya tapat. Hindi makapaghimagsik laban sa laman, ni hindi niya maisagawa ang katotohanan. Anong klase siya ng tao? Siya ay hindi mananampalataya. Mga anticristo sila. Sa sandaling magkaroon ng katayuan, impluwensiya, at kaunting katanyagan ang mga anticristo sa mga tao, pagsisikapan nilang magtayo ng nagsasariling kaharian, tatahakin nila ang isang landas na wala nang balikan. Kahit ilang beses ka pang makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan o kahit ilang beses mo silang pungusan, mawawalan ito ng saysay. Sa sambahayan ng Diyos, ang pagbabahagi tungkol sa katotohanan, ang pag-usapan ang tungkol sa mga karanasan batay sa patotoo, ang paghahangad na mahalin ang Diyos at magpatotoo sa Diyos, at ang pakikipagbahaginan tungkol sa dalisay na pagkaarok at mga prinsipyo ng katotohanan—epektibo lamang ang mga positibong bagay na ito para sa mga nagmamahal sa katotohanan at may napakalaking paghahangad para sa Diyos. Para sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan, mga naghahangad lamang ng mga pagpapala, at mga mahilig gumanap sa papel ng superman at dakilang tao, wala talagang silbi ang mga ito. Anumang katotohanan, tamang salita, at positibong bagay ay para sa lahat ng nagmamahal sa katotohanan, nagmamahal sa salita ng Diyos, at may napakalaking paghahangad para sa Diyos. Matapos mapakinggan ang katotohanan, sasabihin din ng mga hindi nagtataglay ng mga kwalipikasyong ito na tama ang katotohanan at mabuti ang katotohanan, pero pagbubulay-bulayan nila ito at iisipin, “Para saan at nabubuhay ako? Nabubuhay ako para sa katanyagan, katayuan, mga korona, limbo, at mga gantimpala ng Diyos. Kung wala ang mga ito, may dignidad pa rin ba ako? Ano ang kabuluhan ng buhay ko? Hindi ba’t ang pananalig sa Diyos ay isang paraan lamang para makakuha ng mga gantimpala at korona? Ngayong nagbayad na ako ng halaga nang higit pa sa puso at dugo ko, at matapos maghintay nang napakatagal, dumating na sa wakas ang panahon para gantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at parusahan ang masasama. Ito ang panahong dapat akong koronahan at dapat kong tanggapin ang aking gantimpala. Paano ko ito isusuko sa iba? Ang maging isang normal na tao, isang ordinaryong tao, gaya ng ibang karaniwang tao, ano ang saysay ng mamuhay nang ganoon? Hindi ako ganoon kahangal!” Hindi ba’t wala nang lunas ang gayong tao? (Oo.) Huwag mo nang hangaring himukin ang gayong mga tao. Hindi para sa kanila ang katotohanan, at hindi katotohanan ang gusto nila. Mga pagpapala at korona lang ang hinahangad ng ganitong uri ng tao. Lampas na sa nararapat para sa normal na tao ang kanyang mga hinahangad at ambisyon. Hindi lubos maisip ng ilang tao kung bakit kumakapit ang ganitong uri ng tao sa katayuan at kapangyarihan at ayaw bumitiw. Ito ang diwa at likas na kalikasan ng ganitong uri ng tao. Hindi mo mauunawaan ito dahil iba ang diwa mo sa kanila, at hindi ka rin nila maaarok. Hindi nila alam kung bakit napakahangal mo. Ayaw mo ng mga nakahanda nang korona, limbo, at katanyagan, at sa halip ay gusto mong maging ordinaryong tao. Hindi ka nila lubos na maintindihan. Iniisip ng ganitong uri ng tao, “Masikap mong hinahangad ang katotohanan, isinasagawa mo kung ano ang sinasabi ng Diyos sa iyo, ginagawa mo kung ano ang sinasabi sa iyo ng Diyos, at nagpapasakop ka sa anumang sabihin ng Diyos na gawin mo. Bakit napakahangal mo?” Iniisip nila na ang pagiging isang tapat na tao at ang pagsasagawa ng katotohanan ay kahangalan, kamangmangan, at kapurulan ng utak. Inaakala nila na sila ay matalino sa paghahangad ng kaalaman at sa pagganap ng papel ng isang mataas na tao. Dahil iniisip nilang nauunawaan nila ang lahat ng bagay, ang nagiging kongklusyon nila ay na “walang kabuluhan ang buhay ng isang taong walang katayuan at katanyagan, walang suot na korona sa kanyang ulo, at wala siyang halaga sa mga tao at walang awtoridad na magsalita. Kung hindi namumuhay ang isang tao para sa kasikatan, dapat siyang mamuhay para sa pakinabang. Kung hindi para sa pakinabang, dapat siyang mamuhay para sa kasikatan.” Hindi ba’t lohika ito ni Satanas? Kung namumuhay siya sa lohika ni Satanas, wala nang lunas para sa kanya. Hindi niya kailanman kayang tanggapin ang alinman sa mga salita ng Diyos, positibong bagay, o tamang payo. Kung hindi niya kayang tanggapin ito, may magagawa pa ba? Hindi para sa kanila ang mga salitang ito. Ang mga salitang ito ay para lamang sa mga taong may normal na pagkatao, para lamang sa mga taong may napakalaking paghahangad para sa Diyos. Ang mga ito ay para lamang sa mga taong ito. Ang mga taong ito lamang ang taimtim na makikinig at makapagbubulay-bulay ng mga salita ng Diyos, makapagtatamo ng pagkaunawa sa katotohanan, makakakilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, makakaganap ng kanilang mga tungkulin batay sa hinihingi ng Diyos, makapagsasagawa at makararanas ng mga salita ng Diyos sa mga kapaligirang isinaayos ng Diyos, at unti-unting makapapasok sa katotohanang realidad. Para naman sa mga nagkikimkim ng pag-alipusta at galit sa kanilang puso para sa mga positibong bagay at sa mga salita ng Diyos, hindi sila nakokontento na mamuhay ng isang hindi katangi-tangi at hindi tanyag na buhay, na maging pangkaraniwang tao, lumapit sa harapan ng Diyos nang may konsensiya, at maghangad at maghintay nang buong puso ukol sa mga bagay na hindi nila nauunawaan. Hindi sila kontento na maging gayong tao. Kaya, imposible para sa gayong tao na maligtas. Hindi inihanda ang kaharian ng langit para sa mga taong ito. Nauunawaan ba ninyo? (Nauunawaan namin.) Sinuman na magagawang maging ordinaryo, at normal na nilikha na sinasabi ng Diyos, at tumayo sa tamang lugar ng isang nilikha, sinuman na handang maging ang hangal na taong iyon na hinahamak ng iba, at kayang tanggapin at magpasakop sa mga salita ng Diyos anuman ang sabihin Niya, madalas na lumalapit sa harapan ng Diyos, madalas na naghahangad, at nagtataglay ng tapat na puso, ay maaaring maging isa sa mga mananagumpay na sinasabi ng Diyos. Sinumang magiging isa sa mga mananagumpay na sinasabi ng Diyos ay tatanggap sa wakas ng ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan. Sigurado ito.
Kapag tinitimbang ng Diyos kung mabuti ba o masama ang isang indibidwal, kung hinahangad ba nito ang katotohanan, at kung matatamo ba nito ang pagliligtas ng Diyos, isinasaalang-alang Niya ang pagkaarok nito tungkol sa Kanyang mga salita at ang saloobin nito patungkol sa Kanyang mga salita. Isinasaalang-alang Niya kung kaya ba nitong isagawa ang mga katotohanang nauunawaan nito. Isinasaalang-alang Niya kung kaya ba nitong tanggapin ang katotohanan kapag pinupungusan ito at kapag dumaraan ito sa mga pagsubok. Isinasaalang-alang Niya kung hinahangad at tinatanggap ba nito ang Diyos nang may tapat na puso. Hindi hinuhusgahan ng Diyos ang antas ng edukasyon ng taong ito, ang kakayahan nito, kung gaano karaming kaloob ang taglay nito, kung gaano kalayo na ang nilakbay nito, o kung gaano karaming gawain na ang nagawa nito. Hindi isinasaalang-alang ng Diyos ang mga bagay na ito, ni hindi Niya hinahangad ang mga bagay na ito. Sabihin nang gusto mong laging ilapit ang iyong mga ninanasa at ambisyon sa Diyos at ipagpalit ang mga ito para sa mga gantimpala at korona, pero lagi mong ipinagwawalang-bahala at binabalewala ang mga salita ng Diyos. Bagama’t libu-libong salita na ang sinalita ng Diyos, wala ni isang salitang mula sa Diyos ang nananatili sa iyong puso. Kahit isang salita ng pagpapayo ng Diyos, ng Kanyang mga babala, o Kanyang mga paalala, o kahit Kanyang mga paghatol, pagkastigo, o mga aral—wala kang kahit isa sa mga ito sa iyong puso. Hindi mo ginagamit bilang alituntuning pamatnubay sa iyong puso ang kahit isang salitang sinabi ng Diyos. Hindi naaalala ng puso mo ang kahit isang salitang mula sa Diyos at, kasabay nito, hindi ka rin nagbabayad ng anumang halaga para magsagawa at pumasok sa mga salita ng Diyos. Kung totoo itong lahat, kung gayon, mula sa perspektiba ng Diyos, nakatakda na ang iyong kalalabasan at hantungan. Kung, sa presensiya ng Diyos, sa presensiya ng Lumikha, hindi ka kontento na maging isang ordinaryo o pangkaraniwang tao; kung, sa presensiya ng Lumikha, nangangahas kang kumilos nang walang paggalang; kung gusto mong laging umasta bilang dakilang tao, superman, pambihirang indibidwal, at hindi ka nananatili sa posisyong ibinigay sa iyo ng Diyos, kung gayon, ano pa ba ang gusto mong matamo mula sa Diyos? Ibibigay ba ito sa iyo ng Diyos? Kung gusto ng mga taong matamo ang ipinangako ng Diyos sa tao, dapat muna silang sumunod sa daan ng Diyos. Ito ang pangkalahatang oryentasyon. Para sa partikular na oryentasyon, dapat nilang pakinggan at isagawa ang mga salita ng Diyos. Hindi sila kailanman ililigaw ng landas na ito. Pakinggan at isagawa ang mga salita ng Diyos, gawing realidad ng iyong buhay ang mga salita ng Diyos, gawing batayan, mga prinsipyo, direksyon, at layon ng iyong sinasabi, kung paano ka umaasal, kung paano mo titingnan ang mga bagay-bagay, at kung paano mo gagawin ang mga bagay. Ibig sabihin, dapat batay sa mga salita ng Diyos ang mga sinasabi mo at ang mga paghusga mo. Sa tuwing pinipili mong makisalamuha sa isang uri ng tao at iwasan o tanggihan ang isa pang uri ng tao, dapat ang pagbatayan mo ay ang mga salita ng Diyos. Kahit galit at minumura mo pa ang iba, dapat may mga prinsipyo at konteksto ang iyong mga kilos, at naaayon dapat sa katotohanan. Sa ganitong paraan, isasabuhay mo ang realidad ng salita ng Diyos at tatanggapin ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang paghahangad na makapasok sa katotohanang realidad ay isang proseso ng paghahangad sa katotohanan at pagsasabuhay ng normal na pagkatao para maging isang karapat-dapat na nilikha. Isa rin itong proseso ng pagpapalaya sa iyong sarili mula sa tangkang maging isang superman, isang pambihirang tao, at isang tanyag o dakilang tao. Kung gusto mong makatakas mula sa landas ng pagsusumikap na maging isang superman, isang tanyag na tao, at isang dakilang tao, o mula sa ganitong pamamaraan ng paghahangad, dapat mo munang ibaba ang iyong sarili, dapat kang magpakumbaba, aminin na isa kang tao, isang taong hindi mahalaga, at isang taong walang magagawa kung wala ang patnubay ng Diyos—isang ordinaryong tao lamang. Dapat mong aminin na wala kang halaga kung wala ang Diyos at ang mga salita ng Diyos. Isa kang taong handang tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at pamamatnugot ng Lumikha. Kung wala ang hininga na ibinigay sa iyo ng Diyos—kung wala ang lahat ng ibinigay sa iyo ng Diyos—isa kang bangkay at wala kang kuwenta. Siyempre, habang kinikilala ang mga bagay na ito, dapat kang lumapit sa harapan ng Diyos at tanggapin ang lahat ng salita ng buhay na sinalita Niya. Higit sa lahat, dapat kang pumasok sa realidad ng mga salitang ito na sinalita ng Diyos, gamitin ang mga salita ng Diyos sa iyong buhay, gawing pundasyon at batayan ang mga ito ng iyong buhay at pag-iral, at gamitin ang mga ito bilang pagkukunan at suporta para manatili kang buhay sa iyong buong buhay. Ito ang layunin ng Diyos at ang pinakamataas Niyang hinihingi para sa tao.
Ngayon, ang naging pangunahing paksa ng ating pagbabahaginan ay kung paano ituring ang mga salita ng Diyos, kung paano kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, kung paano dapat pahalagahan ng mga tao ang mga salita ng Diyos, at kung paano nila dapat isagawa ang mga salita ng Diyos para makapasok sa katotohanang realidad at magtamo ng kaligtasan. Pangunahin na nagbahaginan tayo tungkol sa kahalagahan ng salita ng Diyos. Ito mismo ang mga bagay na wala kayo, at ang mga bagay na dapat taglayin ng tao. Kung hindi Ako nagbahagi sa ganitong paraan, hindi ninyo makikita nang malinaw ang gayong mga bagay. Tila may kaunti kayong nalalaman sa kailaliman ng inyong isipan, pero hindi ninyo maipaliwanag nang malinaw kung ano ang alam ninyo. Para itong pagsusulat ng artikulo, kapag nakahanda na ang balangkas pero wala ka pa ring maisulat na nilalaman. Ito ang aktuwal na sitwasyon ninyo. Ang naging pagbabahagi ngayon tungkol sa mga bagay na ito ay isang paalala at babala para sa inyo. Para sa bawat tao, ang mga salita ng Diyos ang pinakamahalagang bagay, at walang kapalit ang katotohanan. Sa sandaling maunawaan na ninyo ang puntong ito, dapat magkaroon kayo ng landas sa kung paano magsasagawa. Lalo kayong dapat magsikap na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at isagawa ang mga salita ng Diyos upang makapasok kayo sa realidad ng mga salita ng Diyos. Ano ang dapat mong gawin kung pakiramdam mo ay masyadong maliit ang tayog mo, kung kulang ang iyong abilidad na makaarok, at hindi mo mapasok o maabot ang malalalim na salita ng Diyos at hindi mo mailapat ang mga ito sa iyong sarili? Magsimula sa pagkain at pag-inom mula sa mabababaw na bahagi. Sa puso mo, kabisaduhin ang mga salitang simple at madaling unawain na kaya mong isagawa nang mag-isa, gawin itong mga prinsipyong sinusunod mo sa pagsasagawa, at kumilos nang ayon sa mga salita ng Diyos. Kung sinasabi ng Diyos na pumunta ka sa silangan, pumunta ka sa silangan. Kung sinasabi ng Diyos na pumunta ka sa kanluran, pumunta ka sa kanluran. Kung sinasabi ng Diyos na manalangin ka pa, manalangin ka pa. Gawin mo ang anumang sinasabi ng Diyos. Mas mabuti pang mapagkamalang hangal ng iba kaysa maituring ni Satanas na isang matalino at marunong na tao. Tanging ang mga nagpapasyang isagawa ang katotohanan na ang tanging layon ay ang makuha ang pagsang-ayon ng Diyos ang siyang tunay na matatalino at marurunong.
Setyembre 25, 2021