Paano Mo Dapat Tahakin ang Huling Bahagi ng Landas (Unang Bahagi)
Kayo ngayon ay nasa huling bahagi ng landas, at ito ay isang kritikal na bahagi ng landas. Marahil ay maraming pagdurusa na ang natiis mo, maraming gawain ka nang nagawa, maraming daan ka nang nalakbay, at maraming sermon ka nang narinig; marahil ay hindi naging madaling marating ang narating mo ngayon. Kung hindi mo matiis ang pagdurusang kinakaharap mo sa kasalukuyan at kung magpapatuloy kang tulad ng ginawa mo noon, hindi ka magagawang perpekto. Hindi layon ng mga salitang ito na takutin ka—totoo ang mga ito. Pagkatapos sumailalim si Pedro sa maraming gawain ng Diyos, nagkaroon siya ng kabatiran sa ilang bagay, gayundin ng malaking pagkahiwatig. Naunawaan niya ang maraming bagay tungkol sa prinsipyo ng paglilingkod, at kalaunan ay nagawa niyang ganap na italaga ang kanyang sarili sa ipinagkatiwala sa kanya ni Jesus. Karamihan sa malaking pagpipinong kanyang tinanggap ay dahil, para sa mga bagay na nagawa niya mismo, naramdaman niya na malaki ang pagkakautang niya sa Diyos, at na hindi niya kailanman magagawang suklian Siya. Napansin din ni Pedro na ang tao ay masyadong tiwali, kaya nabagabag ang kanyang konsiyensya. Maraming nasabi si Jesus kay Pedro, ngunit sa panahong sinabi ang mga bagay na ito, kakaunti lamang ang kaya niyang unawain, at kung minsan ay nagkimkim pa siya ng kaunting paglaban at pagkasuwail. Matapos ipako sa krus si Jesus, nagkaroon siya sa wakas ng kaunting pagkamulat, at sa kanyang kalooban ay nadama niya ang matitinding kirot ng pagsisisi sa kanyang sarili. Sa huli, umabot ito sa punto kung saan nadama niya na hindi katanggap-tanggap na magkaroon ng anumang mga ideya na mali. Alam na alam niya ang sarili niyang kalagayan, at alam din niya ang kabanalan ng Panginoon. Dahil dito, mas nagkaroon siya ng pagmamahal sa kanyang puso para sa Panginoon, at mas nagtuon siya sa kanyang sariling buhay. Dahil dito ay nagdanas siya ng matitinding hirap, at bagama’t paminsan-minsan ay parang nagkaroon siya ng malubhang karamdaman at nagmistula pang patay, matapos siyang mapino nang maraming beses sa ganitong paraan, mas naunawaan niya ang kanyang sarili, at nagkaroon siya ng tunay na pagmamahal para sa Panginoon. Masasabi na ang kanyang buong buhay ay ginugol sa pagpipino, at higit pa rito, sa pagkastigo. Ang kanyang karanasan ay naiiba sa karanasan ng sinumang iba pang tao, at ang kanyang pagmamahal ay higit pa sa kaninumang hindi pa nagagawang perpekto. Kaya siya piniling huwaran ay dahil naranasan niya ang pinakamatinding sakit sa kanyang buong buhay, at ang kanyang mga karanasan ay napakamatagumpay. Kung nagagawa ninyo talagang tahakin ang huling bahagi ng landas na kagaya ni Pedro, walang sinumang nilalang ang makakaagaw sa inyong mga pagpapala.
Si Pedro ay isang taong may konsiyensya, ngunit kahit gayon ang kanyang pagkatao, hindi maiwasang nagkaroon siya ng maraming salungat at masuwaying ideya noong panahon na una siyang nagsimulang sumunod kay Jesus. Ngunit habang sinusunod niya si Jesus, hindi niya sineryoso ang mga bagay na ito, sa paniniwala na talagang ganito lang dapat ang mga tao. Kaya, noong una hindi siya nakadama ng anumang pagsisisi at ni hindi siya pinakitunguhan. Hindi sineryoso ni Jesus ang mga reaksyon ni Pedro, ni hindi Niya pinansin ang mga iyon, kundi nagpatuloy lamang Siya sa gawaing dapat Niyang gawin. Hindi Niya hinanapan ng mali si Pedro at ang iba kailanman. Maaari mong sabihing: “Maaari kayang hindi alam ni Jesus ang mga ideya nilang ito?” Hindi talaga! Ito ay dahil naunawaan Niya talaga si Pedro—totoo, masasabi na mayroon Siyang malaking pagkaunawa tungkol sa kanya—na hindi gumawa ng anumang mga hakbang si Jesus laban sa kanya. Kinasuklaman Niya ang sangkatauhan ngunit nahabag din Siya sa kanila. Hindi ba maraming tao sa inyo ngayon ang lumalaban kagaya lamang ni Pablo, at nagtataglay ng maraming haka-haka na kagaya ni Pedro tungkol sa Panginoong Jesus noong panahong iyon? Sinasabi Ko sa iyo, higit na makabubuti kung hindi ka gaanong maniwala sa iyong ikatlong pandama, sa iyong paghiwatig, na hindi maasahan at matagal nang lubos na winasak ng pagtitiwali ni Satanas. Sa palagay mo ba perpekto at walang mali ang iyong paghiwatig? Maraming beses nilabanan ni Pablo ang Panginoong Jesus, ngunit walang reaksyon si Jesus. Maaari kayang napagaling ni Jesus ang maysakit at napalayas ang mga demonyo, subalit hindi Niya napatalsik ang “demonyo” kay Pablo? Bakit matapos mabuhay na mag-uli si Jesus at umakyat sa langit, habang patuloy na walang-habas na inaresto ni Pablo ang mga disipulo ni Jesus, saka lamang nagpakita si Jesus sa kanya sa daan patungong Damasco at pinabagsak siya? Maaari kayang napakabagal ng pagtugon ng Panginoong Jesus? O dahil wala Siyang anumang awtoridad habang Siya ay nasa katawang-tao? Akala mo ba hindi Ko alam kapag lihim kang mapanira at lumalaban habang nakatalikod Ako? Akala mo ba magagamit mo ang maliliit na piraso ng kaliwanagang nakukuha mo mula sa Banal na Espiritu upang labanan Ako? Noong hindi pa hinog ang isipan ni Pedro, nagkimkim siya ng maraming ideya tungkol kay Jesus, kaya bakit hindi siya sinisi? Sa ngayon, maraming taong gumagawa ng mga bagay nang hindi nasisisi, at kahit malinaw silang sinabihan na mali ang kanilang ginagawa, hindi pa rin sila nakikinig. Hindi ba lahat ng iyan ay dahil sa pagkasuwail ng tao? Marami na Akong nasabi ngayon, ngunit hindi ka pa rin nakokonsiyensya ni katiting, kaya paano mo matatahak ang huling bahagi ng landas, na patuloy na makatahak hanggang sa dulo ng landas? Hindi mo ba nadarama na napakalaking usapin nito?
Matapos malupig ang mga tao, nagagawa nilang sundin ang mga pagsasaayos ng Diyos; mayroon sila kapwa ng pananampalataya at kagustuhang mahalin ang Diyos, at umasa sa mga ito upang sundan Siya. Kaya paano matatahak ang huling bahagi ng landas? Sa mga panahon ng iyong pagdanas ng matinding paghihirap, kailangan mong tiisin ang lahat ng hirap, at kailangan mong gustuhing magdusa; sa paraang ito mo lamang matatahak na mabuti ang bahaging ito ng landas. Akala mo ba napakadaling tahakin ng bahaging ito ng landas? Dapat mong malaman kung anong tungkulin ang dapat mong tuparin; kailangan ninyong dagdagan ang inyong kakayahan at sangkapan ang inyong sarili ng sapat na katotohanan. Hindi natatapos ang gawaing ito sa loob ng isa o dalawang araw, at hindi ito kasindali ng inaakala mo! Ang pagtahak sa huling bahagi ng landas ay nakasalalay sa uri ng pananampalataya at kagustuhang taglay mo talaga. Marahil ay hindi mo makita ang Banal na Espiritu na gumagawa sa iyo, o marahil ay hindi mo nagagawang matuklasan ang gawain ng Banal na Espiritu sa iglesia, kaya negatibo ka at puno ng kawalang-pag-asa sa landas na iyong tatahakin. Partikular na, ang dakilang mga mandirigma noong araw ay bumagsak na lahat—hindi ba lahat ng ito ay isang dagok sa iyo? Paano mo dapat tingnan ang mga bagay na ito? Mayroon ka bang pananampalataya, o wala? Lubos mo bang nauunawaan ang gawain ngayon, o hindi? Ang mga bagay na ito ay maaaring matukoy kung kaya mong tahakin nang husto ang huling bahagi ng landas.
Bakit sinasabi na nasa huling bahagi na kayo ngayon ng landas? Ito ay dahil naunawaan ninyo ang lahat ng bagay na dapat ninyong maunawaan, at dahil sinabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat makamit ng mga tao. Sinabi Ko na rin sa inyo ang lahat ng naipagkatiwala sa inyo. Kaya, ang inyong tinatahak ngayon ay ang huling bahagi ng landas kung saan Ko inaakay ang mga tao. Hinihiling Ko lamang na magkaroon kayo ng kakayahang mabuhay na mag-isa; magkakaroon ka palagi ng landas na tatahakin sa lahat ng oras, daragdagan mo ang iyong kakayahan tulad ng dati, babasahin nang normal ang mga salita ng Diyos, at mamumuhay nang normal. Inaakay kita ngayong mamuhay sa ganitong paraan, ngunit sa hinaharap kapag hindi Kita inaakay, magagawa mo pa rin kaya iyon? Makakaya mo bang magpatuloy? Ito ang naging karanasan ni Pedro: Noong inaakay siya ni Jesus, wala siyang pagkaunawa; palagi siyang walang iniintindi kagaya ng isang bata, at hindi siya seryoso tungkol sa mga bagay na kanyang ginawa. Nang umalis na si Jesus, saka lamang siya nagsimulang mamuhay nang normal bilang tao. Nagsimula lamang ang kanyang makabuluhang buhay nang umalis na si Jesus. Kahit taglay niya ang ilang pandama ng normal na pagkatao at ang ilan sa mga bagay na dapat taglayin ng isang normal na tao, magkagayunma’y hindi nagkaroon ng bagong simula ang kanyang tunay na karanasan at patuloy na pagsisikap hanggang sa umalis si Jesus. Ano ang inyong kasalukuyang sitwasyon? Inaakay kita ngayon sa ganitong paraan, at iniisip mo na kamangha-mangha ito. Walang mga sitwasyon at pagsubok na dumarating sa iyo, subalit sa ganitong paraan walang paraan para makita kung anong uri ng tayog talaga ang taglay mo, ni walang anumang paraan para makita kung talagang ikaw ay isang taong patuloy na naghahanap sa katotohanan. Sinasabi ng iyong bibig na nauunawaan mo ang iyong sariling diwa, ngunit hungkag ang mga salitang ito. Sa hinaharap, kapag sumapit sa iyo ang mga katotohanan, saka lamang mapapatunayan ang iyong pagkaunawa. Ngayon, ganito ang uri ng pagkaunawa mo: “Nauunawaan ko na ang sarili kong laman ay napakatiwali, at ang diwa ng laman ng mga tao ay ang maghimagsik at lumaban sa Diyos. Ang magawang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay ang paraan ng Kanyang pagtataas sa mga tao. Naunawaan ko na iyon ngayon, at handa akong suklian ang pagmamahal ng Diyos.” Ngunit madaling sabihin iyan. Kalaunan kapag sumapit sa iyo ang matinding paghihirap, mga pagsubok, at pagdurusa, hindi magiging madaling pagdaanan ang mga ito. Sinusundan ninyo ang ganitong paraan araw-araw, ngunit hindi pa rin ninyo magawang ipagpatuloy ang inyong karanasan. Magiging mas malala pa ito kung pababayaan Ko kayo at hindi na papansinin; karamihan sa mga tao ay babagsak at magiging isang haligi ng asin, isang tanda ng kahihiyan. Lubhang posible ang gayong mga pangyayari. Hindi ka ba nag-aalala at nababalisa tungkol dito? Pinagdaanan ni Pedro ang ganyang uri ng sitwasyon at naranasan ang ganyang uri ng pagdurusa, ngunit nanindigan pa rin siya. Kung ganoon ang iyong sitwasyon, magagawa mo bang manindigan? Ang mga bagay na sinabi ni Jesus at ang gawaing Kanyang ginawa habang Siya ay nasa lupa ang nagbigay ng pundasyon kay Pedro, at mula sa pundasyong ito siya tumahak sa kanyang landas kalaunan. Maaabot ba ninyo ang antas na iyon? Ang mga landas na natahak mo at ang mga katotohanang naunawaan mo—maaari bang maging pundasyon mo ang mga ito para makapanindigan ka sa hinaharap? Maaari bang maging pangitain mo ang mga ito para makapanindigan kalaunan? Sasabihin Ko sa inyo ang totoo—maaaring sabihin ng isang tao na ang kasalukuyang nauunawaan ng mga tao ay puro mga doktrina. Ito ay dahil wala silang karanasan sa lahat ng bagay na kanilang nauunawaan. Nagagawa mong magpatuloy hanggang ngayon dahil lamang sa naakay ka ng bagong liwanag. Hindi dahil sa nakarating ang iyong tayog sa isang partikular na antas, kundi sa halip ay dahil naakay ka ng Aking mga salita hanggang sa ngayon; hindi dahil sa mayroon kang malaking pananampalataya, kundi sa halip ay dahil sa karunungan ng Aking mga salita, kaya wala kang magagawa kundi sumunod hanggang sa ngayon. Kung hindi Ako magsasalita ngayon, kung hindi Ko iparirinig ang Aking tinig, hindi mo magagawang magpatuloy at agad kang titigil sa pagsulong. Hindi ba ito ang inyong totoong tayog? Wala kayong ideya kung mula saang mga aspeto kayo papasok at kung saang mga aspeto ninyo mapupunan ang inyong kakulangan. Hindi ninyo nauunawaan kung paano magsabuhay ng isang makabuluhang buhay ng tao, kung paano suklian ang pagmamahal ng Diyos, o kung paano magpatotoo sa isang makapangyarihan at matunog na paraan. Lubos kayong walang kakayahang matamo ang mga bagay na ito! Kayo ay kapwa tamad at bobo! Ang nagagawa lamang ninyo ay sumandig sa ibang bagay, at ang sinasandigan ninyo ay bagong liwanag at ang Isa na nasa inyong harapan, na umaakay sa inyo. Kaya mo nagagawang mamalagi hanggang ngayon ay dahil lubos kang umasa sa bagong liwanag at sa pinakabagong mga pahayag. Hindi kayo kagaya ni Pedro, na mahusay sa paghahanap ng tunay na daan, o kagaya ni Job, na nagawang matapat na sumamba kay Jehova at maniwala na si Jehova ang Diyos gaano man siya sinubok ni Jehova, at kung pinagpala man Niya siya o hindi. Kaya mo bang gawin iyon? Paano kayo nalupig? Ang isang aspeto ay paghatol, pagkastigo, at pagsumpa, at ang isa pang aspeto ay ang mga hiwagang lumulupig sa inyo. Kayong lahat ay parang mga asno. Kung hindi sapat ang kadakilaan ng Aking sinasabi para sa inyo, kung walang mga hiwaga, hindi kayo maaaring lupigin. Kung ito ay isang taong nangangaral at iyon at iyon din ang lagi nilang ipinangaral sa loob ng ilang panahon, mag-aalisan at magsisikalat kayong lahat sa loob ng dalawang taon; hindi ninyo magagawang magpatuloy. Hindi ninyo alam kung paano palalimin ang inyong kaalaman, ni hindi ninyo nauunawaan kung paano patuloy na hanapin ang katotohanan o ang daan ng buhay. Ang tangi ninyong nauunawaan ay ang pagtanggap ng isang bagay na tila naiiba para sa inyo, kagaya ng pakikinig tungkol sa mga hiwaga o pangitain, o kung paano dating gumagawa ang Diyos, o tungkol sa mga karanasan ni Pedro, o ang kuwento sa likod ng pagpapako kay Jesus sa krus…. Handa lamang kayong makinig tungkol sa mga bagay na ito, at habang lalo kayong nakikinig, lalo kayong sumisigla. Nakikinig lamang kayo sa lahat ng ito upang mapawi ang inyong kalungkutan at pagkainip! Ang inyong buhay ay tinutustusang lahat ng naiibang mga bagay na ito. Akala mo ba narating mo ang kinalalagyan mo ngayon sa pamamagitan ng iyong sariling pananampalataya? Hindi ba ito ang hamak at kahabag-habag na tayog na taglay ninyo? Nasaan ang inyong dangal? Nasaan ang inyong pagkatao? Taglay ba ninyo ang buhay ng tao? Ilan sa mga elemento ang taglay ninyo para magawang perpekto? Hindi ba totoo ang sinasabi Ko? Nagsasalita Ako at gumagawa sa ganitong paraan, ngunit halos hindi pa rin ninyo Ako pinapansin. Habang kayo ay sumusunod, nanonood din kayo. Palagi kayong nagpapakita ng pagwawalang-bahala, at kailangan pa kayong pilitin palagi. Ganito kayo nagpatuloy na lahat; ang tanging nag-akay sa inyo sa inyong kinaroroonan ngayon ay ang pagkastigo, pagpipino, at pagtutuwid. Kung ilang sermon lamang tungkol sa pagpasok sa buhay ang ipinangaral, hindi kaya matagal na kayong nangawalang lahat? Mas masungit ang bawat isa sa inyo kaysa noon, ngunit ang totoo ay walang ibang laman ang inyong tiyan kundi puro maruming tubig! Nagawa mo lamang mamalagi hanggang ngayon dahil naunawaan mo ang iilang hiwaga, ilang bagay na hindi naunawaan ng mga tao noong araw. Wala kayong dahilan para hindi sumunod, kaya ngayon pa lamang ninyo nagawang patatagin ang inyong sarili at sumunod sa karamihan. Ito lamang ang resultang natamo sa pamamagitan ng Aking mga salita, at tiyak na hindi ito isang gawaing kayo mismo ang nakagawa. Wala kayong maipagyayabang. Kaya, sa yugtong ito ng gawain, kayo ay naakay sa panahong ito una sa lahat sa pamamagitan ng mga salita. Kung hindi, sino kaya sa inyo ang may kakayahang sumunod? Sino kaya ang magagawang magpatuloy hanggang ngayon? Noon pa man ay gusto na ninyong umalis sa unang posibleng sandali, ngunit hindi kayo nangahas; wala kayong lakas ng loob. Hanggang ngayon, bantulot pa rin kayong sumusunod.