Ang Saloobing Dapat Taglayin ng Tao sa Diyos (Ikalawang Bahagi)

Kapag nangyayari ang iba’t ibang bagay sa mga tao, may lahat ng uri ng pagpapamalas sa kanila na nagpapakita ng kaibahan sa pagitan ng mabuting pagkatao at masamang pagkatao. Ano ang mga pamantayan sa pagsukat ng pagkatao? Paano dapat sukatin kung anong uri ng tao ang isang tao, at kung maliligtas ba siya o hindi? Depende ito sa kung mahal ba niya ang katotohanan at kung nagagawa ba niyang tanggapin at isagawa ang katotohanan. Lahat ng tao ay may mga kuru-kuro at paghihimagsik sa loob nila, lahat sila ay may mga tiwaling disposisyon, kaya nga may makahaharap silang mga pagkakataon na salungat ang hinihingi ng Diyos sa sarili nilang mga interes, at kakailanganin nilang mamili—ito ang mga bagay na mararanasan nilang lahat nang madalas, walang sinuman sa kanila ang makaiiwas sa mga ito. Magkakaroon din ang lahat ng mga pagkakataon na magkakamali sila ng pagkaintindi sa Diyos at magkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, o kapag may mga reklamo sila tungkol sa Kanya at manlalaban o maghihimagsik sa Kanya—pero dahil iba-iba ang saloobin ng mga tao sa katotohanan, iba-iba ang paraan ng pagharap nila rito. Ang ilang tao ay hindi binabanggit kailanman ang kanilang mga kuru-kuro, kundi hinahanap nila ang katotohanan at nilulutas ang mga iyon nang mag-isa. Bakit hindi nila binabanggit ang mga iyon? (Mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso.) Tama iyan: Mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso. Natatakot sila na ang pagsasalita ay magkakaroon ng negatibong epekto, at sinisikap lang nilang lutasin iyon sa puso nila, nang hindi naaapektuhan ang sinupaman. Kapag nakahaharap nila ang iba na gayon din ang kalagayan, ginagamit nila ang sarili nilang mga karanasan para tulungan ang mga ito. Ito ay pagiging mabait. Ang mababait na tao ay mapagmahal sa iba, handa silang tumulong sa iba na lutasin ang mga paghihirap ng mga ito. May mga prinsipyo kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay at tumutulong sa iba, tumutulong sila sa iba na ayusin ang mga problema upang maging kapaki-pakinabang sa mga ito, at wala silang sinasabi na hindi kapaki-pakinabang sa mga ito. Ito ang pagmamahal. Ang gayong mga tao ay mayroong may-takot-sa-Diyos na puso, at ang kanilang mga kilos ay maprinsipyo at matalino. Ito ang mga pamantayan sa pagsukat kung ang pagkatao ng mga tao ay mabuti o masama. Alam nila na walang pakinabang kaninuman ang mga negatibong bagay, at na ang mga bagay na ito ay makaaapekto sa iba kung sasabihin nila ang mga iyon nang malakas, kaya pinipili nilang magdasal sa Diyos sa kanilang puso at hanapin ang katotohanan para sa isang solusyon. Anumang uri ng mga kuru-kuro ang mayroon sila, nagagawa nilang harapin at lutasin ang mga iyon nang may pusong nagpapasakop sa Diyos, at pagkatapos ay nagtatamo sila ng pagkaunawa sa katotohanan, at ng kakayahang ganap na magpasakop sa Diyos; sa ganitong paraan, mababawasan nang mababawasan ang kanilang mga kuru-kuro. Pero walang katwiran ang ilang tao. Kapag mayroon silang mga kuru-kuro, gustung-gusto nilang ipinagbabahaginan ang mga iyon kahit kanino at sa lahat. Ngunit hindi nito nilulutas ang problema, at nagiging dahilan para magkaroon ng mga kuru-kuro ang iba—at hindi ba ito nakapipinsala sa kanila? Hindi sinasabi ng ilang tao sa mga kapatid kapag may mga kuru-kuro sila, natatakot sila na malalaman ng iba na mayroon silang mga kuru-kuro, at gamitin ang mga ito laban sa kanila—pero sa bahay, nagsasalita sila nang walang pag-aalangan, sinasabi nila ang anumang gusto nila, tinatrato ang mga walang pananampalataya sa kanilang pamilya na parang ang mga kapatid sa iglesia. Hindi nila iniisip kung anong uri ng mga kahihinatnan ang idudulot ng paggawa niyon. Pagkilos ba ito ayon sa prinsipyo? Halimbawa, sa kanilang mga kamag-anak maaaring may mga nananampalataya sa Diyos at may hindi, o iyong mga medyo nananampalataya at medyo nagdududa; kapag mayroon silang mga kuru-kuro, ipinagkakalat nila ang mga iyon sa mga kapamilya, na ang resulta ay na ang lahat ng tao na ito ay kasama nilang nahihila pababa, at nagsisimulang magkaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa ay likas na nakahahawa, at kapag kumalat ang mga iyon, ang mga taong hindi matukoy kung ano talaga ang mga ito ay maaaring mapahamak. Ang mga taong magulo ang isip, lalo na, ay malamang na mas lalong maguluhan pagkatapos marinig ang mga ito. Tanging ang mga nakauunawa sa katotohanan at nakatutukoy sa mga ito ang kayang tumanggi sa mga salungat na bagay na ito—mga bagay na mga kuru-kuro, negatibo, at maling pagkaunawa—at maprotektahan ng Diyos. Karamihan sa mga tao ay walang gayong tayog. Nararamdaman ng ilan na ang mga bagay na ito ay mali—na medyo kahanga-hanga na—pero hindi talaga nila matukoy kung ano talaga ang mga ito. Samakatwid, kapag may mga tao na madalas magpakalat ng mga kuru-kuro at pagiging negatibo, karamihan sa mga tao ay magugulo ng mga salungat na bagay na ito, at magiging mahina at negatibo. Tiyak ito. Ang mga negatibo at salungat na bagay na ito ay may matinding kapangyarihang lihisin at pinsalain ang mga bagong mananampalataya. Sa mga mayroon nang pundasyon, maliit ang epekto ng mga ito; pagkaraan ng ilang panahon, kapag naunawaan ng gayong mga tao ang katotohanan, lubos silang magbabago. Pero kapag narinig ng mga bagong mananampalataya na walang pundasyon ang mga salungat na bagay na ito, madali silang magiging negatibo at mahina; aatras at titigil pa sa pananampalataya sa Diyos ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan; maaari pa ngang magpakalat ng mga kuru-kuro at manggambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos ang masasamang tao na iyon. Anong uri ng mga tao ang mga nagpapakalat ng pagiging negatibo at mga kuru-kuro nang walang pag-aalangan? Masasamang tao sila, mga demonyo silang lahat, at mabubunyag at matitiwalag silang lahat. Sinasabi ng ilang tao na: “Hindi ko pinalalaganap ang mga bagay na ito sa mga estranghero; nagsasalita lang ako tungkol sa mga ito kapag nasa bahay ako.” Nagsasalita ka man ng tungkol sa mga ito sa labas o sa loob ng bahay, pare-pareho lang lahat ang kalikasan ng usapin. Na nakapagsasalita ka ng tungkol sa mga ito sa bahay ay nangangahulugang may mga kuru-kuro at maling pagkaunawa ka tungkol sa Diyos. Ang kakayahang sabihin ang mga bagay na ito nang malakas ay nagpapatunay na hindi mo hinahanap o minamahal ang katotohanan. Hindi mo hinanap ang katotohanan para tulungan kang iwaksi ang mga kuru-kurong ito, ni hindi mo pinaplanong bitiwan ang mga ito, kaya’t sinuman ang kausap mo, nananatiling pareho ang kalikasan ng iyong pananalita. At may ilang tao na nagpapakalat ng mga kuru-kuro nila saanman sila magpunta, at sa sinumang makatagpo nila. Halimbawa, sabihin nating may isang taong pinauwi dahil nanggagambala at nanggugulo siya habang ginagawa ang kanyang tungkulin. Nang tanungin kung bakit siya pinauwi, sumagot siya: “Likas lang akong prangka. Sinasabi ko kung ano ang nasa isipan ko. Nadulas ako at nagsalita nang tungkol sa ilan sa masasamang bagay na dati kong ginagawa; nang marinig ng mga lider at manggagawa ang tungkol dito, binansagan nila akong isang masamang tao at pinauwi. Dapat matuto kayong lahat mula sa aking karanasan; hindi ka maaaring magsalita nang walang ingat sa sambahayan ng diyos. Sinasabi ng diyos na dapat maging matapat, subalit dapat mong isaalang-alang ang iyong mga tagapakinig. Ayos lang na maging matapat sa iyong pamilya, subalit subukan mong maging matapat sa mga tagalabas at may mawawala sa iyo. Hindi ba’t may kawawala lang sa akin nang dahil dito? Ituring ninyo ito bilang isang aral.” May ilang tao, pagkatapos marinig ito, ang mag-iisip tungkol dito: “Nangyayari ang ganitong bagay sa sambahayan ng Diyos? Siguro ay dapat maging maingat tayo sa mga sinasabi natin mula ngayon!” Hindi ba’t magugulo ang isip ng mga taong ito? Napakarami nang sinabi ang Diyos, subalit pagkatapos nilang makinig nang lagpas sa isang dekada, wala silang matandaan ni isang pangungusap—subalit may sinabi lang na isang bagay ang isang masamang tao at natatandaan nila itong mabuti, itinatanim ito sa kanilang puso, at pagkatapos ay nagiging maingat sa kanilang pananalita at pagkilos. Nailigaw sila at nalason sila. Bakit nagawa silang lasunin? Sa isang banda, mababa ang kakayahan nila, at masyadong magulo ang kanilang pag-iisip, hindi magawang kilatisin ang pananalita at pag-uugali ng ibang tao, at walang sariling paninindigan. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi nila ito napaninindigan. Sa kabilang banda, wala silang pananalig sa Diyos at pundamental na hindi nauunawaan ang paraan ng pagtrato Niya sa mga tao. Dahil sa lahat ng ito, maaari silang mailigaw ng iba. Sila rin ay tiyak na hindi mabubuting tao, nagagawang yakapin ang mga salita ng isang diyablo. Anong mga layon at tunguhin mayroon ang diyablo kapag nagpapalaganap ng mga kuru-kuro? Nais niyang makisimpatiya ang lahat sa kanya. Labis siyang matutuwa kung nagrereklamo ang lahat tungkol sa Diyos. Hindi ba’t ito ay isang taong nanggagambala at nanggugulo? Hindi ba’t walang isip siyang nang-uudyok ng kaguluhan? Paano ba dapat harapin ang gayong mga tao? Kailangan pa bang sabihin ito? Agad na paalisin sila sa iglesia; huwag silang hayaang manatili kahit isang araw pa. Hahantong lang sa kapahamakan ang pananatili ng masasamang tao na tulad nila sa sambahayan ng Diyos; mga nakatago silang panganib, isang sasabog na bomba. Ang pinakamainam na dapat gawin ay paalisin sila. Hayaan silang manampalataya kung paano nila gustuhing manampalataya sa labas ng iglesia—wala iyong kinalaman sa sambahayan ng Diyos. Ang gayong mga tao ay pinakatuso at hindi na matutubos. Sabihin sa Akin, sino sa sambahayan ng Diyos ang kailanman ay pinalayas dahil minsan siyang nadulas sa pananalita? Sino ang kailanman ay pinauwi dahil sa pagiging isang matapat na tao at dahil hayagan niyang kinikilala ang kanyang sarili? Palaging ginagawa ng sambahayan ng Diyos ang gawain ng paglilinis sa iglesia, at sino iyong mga pinaaalis? Ito ay ang lahat ng masasamang taong iyon, mga anticristo, at mga hindi mananampalataya, na palaging hindi gumaganap nang maayos ng kanilang mga tungkulin, at na gumagawa pa nga ng kasamaan at nanggugulo. Wala ni isang tao kailanman ang itinapon dahil sa minsang paglabag o minsang pagbubunyag ng katiwalian, lalong hindi na may isang tao na nilinis paalis dahil sa pagsasagawa ng katotohanan para maging isang matapat na tao. Ito ay isang tanggap na katunayan. Sinasabi ng ilang tao na: “Iyong mga naghahangad sa katotohanan ay minorya sa iglesia. Ang mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan ang bumubuo sa mayorya. Kung paaalisin ang mayorya, sino ang magtatrabaho? Kung paaalisin ang mayorya, gaano karaming tao ang maililigtas pa rin?” Hindi ito ang tamang paraan ng pag-iisip. Tulad nang sinabi noong nakalipas na panahon, “Marami ang tinawag, datapuwa’t kakaunti ang nahirang.” Napakakaunti ng mga taong nagmamahal sa katotohanan dahil sa sobrang pagiging tiwali ng sangkatauhan. Hindi ang malaking bilang ng mga tao ang gusto ng Diyos, kundi ang mga taong may kahusayan. Iyong mga nananatili sa sambahayan ng Diyos ay iyong mga kayang makinig at magpasakop, kayang pangalagaan ang gawain sa sambahayan ng Diyos; karamihan sa kanila ay mga taong kayang tumanggap sa katotohanan. May ilang tao na may mababang kakayahan at maaaring hindi nakauunawa sa katotohanan, subalit nagagawa nilang makinig, sumunod, at umiwas sa maling gawain, kaya’t ang gayong mga tao ay maaaring panatilihin para magtrabaho. Tapat lahat iyong mga nakakapanatili kasama ng iba pang mga trabahador. Gaano man sila nagtatrabaho, hindi sila nagrereklamo; sila ay mga tao na nakikinig at nagpapasakop. Iyong mga hindi nakikinig o sumusunod, hindi ba’t magdudulot lang sila ng mga kaguluhan kung mananatili sila? Kahit nagtatrabaho pa sila nang kaunti, kinakailangan nila palagi ng pangangasiwa; sa sandaling hindi sila binantayan, makagagawa sila ng mga pagkakamali at makalilikha ng mga problema. Ang pagtatrabaho ng gayong mga tao ay mas nakapipinsala kaysa nakagagawa ng mabuti. Dapat paalisin ang mga trabahador na tulad nito, kung hindi ay magagambala ang mga hinirang na mga tao ng Diyos, gayundin ang buhay iglesia. Kung hindi mapaaalis sa iglesia ang masasamang tao, tunay na mapipinsala at mapapahamak ang mga hinirang na tao ng Diyos. Kaya, ang tanging paraan para igarantiya na mararanasan ng mga hinirang na tao ng Diyos ang buhay iglesia nang hindi nagugulo ay ang paalisin ang masasamang tao; ito ang tanging paraan para tiyaking makapapasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos at magkakamit ng kaligtasan ang mga hinirang na tao ng Diyos. Ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos ang pagpapaalis sa masasamang tao.

May isang uri ng tao na mapagmahal at mapagtimpi sa lahat, at handang tumulong sa sinuman. Ang tanging bagay na hindi siya interesado ay ang katotohanan. Palagi siyang salungat sa Diyos at hindi maipagkakasundo sa Kanya. Matinding kaaway siya ng Diyos. Anong uri ito ng tao? Isa siyang hindi mananampalataya at diyablo. Ang diyablo ang siyang pinakasalungat sa katotohanan at pinakanapopoot dito. Hangga’t sangkot ang katotohanan sa isang bagay, o sa sinasabi o hinihingi ng Diyos, hindi lang niya ito hindi tinatanggap, pinagdududahan pa niya ito, nilalabanan niya ito, at nagpapakalat siya ng mga kuru-kuro tungkol dito. Gumagawa rin siya ng maraming bagay na nakasasama sa gawain ng iglesia, naghuhumiyaw pa nga sa publiko laban sa Diyos kapag nasasaktan ang mga personal niyang interes. Mga diyablo ang mga tao na tulad nito; sila ay mga tao na napopoot sa katotohanan at namumuhi sa Diyos. Sa kaibuturan ng kalikasan ng bawat tao ay isang disposisyong napopoot sa katotohanan; kaya, ang bawat isa ay may diwang namumuhi sa Diyos. Ang pinagkaiba lang ay ang tindi ng pagkamuhing ito, kung bahagya o matindi ba ito. May kakayahan ang ilang tao na gumawa ng masama para salungatin ang Diyos, habang ang iba ay naghahayag lang ng tiwaling disposisyon o mga negatibong emosyon. Kaya’t bakit may kakayahan ang ilang tao na kamuhian ang Diyos? Anong papel ang ginagampanan nila? Nagagawa nilang kamuhian ang Diyos dahil may disposisyon silang napopoot sa katotohanan. Ang pagkakaroon nila ng ganitong disposisyon ay nangangahulugang sila ay diyablo at kaaway ng Diyos. Ano ang isang diyablo? Ang mga diyablo ay iyong lahat ng napopoot sa katotohanan at namumuhi sa Diyos. Maaari bang maligtas ang mga diyablo? Tiyak na hindi. Habang inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, maraming tao ang magsisibangon at sasalungat sa Kanya at guguluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Mga diyablo ang mga taong tulad nito. Matatawag din silang mga nabubuhay na demonyo. Saanmang iglesia, ang sinumang nanggugulo sa gawain ng iglesia ay isang diyablo at isang nabubuhay na demonyo. At sinumang naniniil sa iglesia at hindi tumatanggap sa katotohanan sa kahit anong antas ay isang nabubuhay na demonyo. Samakatwid, kung matutukoy ninyo nang tama kung sinong mga tao ang mga nabubuhay na demonyo, dapat kayong kumilos nang mabilis para paalisin sila. Kung may ilang tao na ang saloobin ay tipikal na napakabuti, subalit kung minsan ay masama ang kalagayan nila, o napakababa ng tayog nila at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at may ginagawa silang isang bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at panggugulo subalit hindi nila ito gawi at hindi sila gayong uri ng tao ayon sa kalikasan, maaari silang manatili. Hindi mabuti ang pagkatao ng ilan; kung sinasalungat sila ng isang tao, hindi nila ito palalampasin kailanman. Makikipagtalo sila sa tao na iyon nang walang katapusan, hindi magpapakita ng awa kapag sa tingin nila ay nasa katwiran sila. Subalit, may isa silang kapurihan, na handa silang magtrabaho at magtiis ng paghihirap. Maaaring pansamantalang manatili ang mga tao na tulad nito. Kung ang mga taong ito ay madalas na gumagawa ng masama at gumagambala sa gawain ng iglesia, sila ay sa diyablong Satanas, at tiyak na hindi sila maaaring maligtas. Tiyak iyon nang isandaang porsyento. Kailangang paalisin sa iglesia ang mga taong tulad nito; ganap na hindi sila dapat pahintulutang manatili. Bakit kailangan silang paalisin? Saan batay ang pagpapaalis sa kanila? Pinaaalis ang ilan para bigyan sila ng pagkakataong magsisi, para turuan sila ng aral; ang iba ay pinaaalis dahil nakita kung ano talaga ang mga kalikasan nila, at hindi sila maaaring mailigtas. Kaya nakikita mo, sadyang magkakaiba ang mga tao sa isa’t isa. Ang ilang tao na pinaalis, sa kabila ng labis nilang pagiging negatibo at maitim nilang puso, ang hindi nag-abandona sa kanilang tungkulin at patuloy na ginagampanan ito—wala sila sa katulad na kalagayan ng mga tao na hinding-hindi ginagawa ang kanilang tungkulin pagkatapos paalisin, at ang landas na tinatahak nila ay hindi pareho. Ano ang panloob na kalagayan ng mga patuloy na ginagawa ang kanilang tungkulin pagkatapos paalisin? Ano ang hinahangad nila? Iba ito sa iyong mga tao na hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin. Kung hindi ninyo ito nakikilatis, ibig sabihin na mababa ang inyong kakayahan, wala kayong pang-unawang espirituwal, at hindi ninyo magagawa ang gawain ng iglesia. Kung nakikita ninyo ang kaibahan, tatratuhin ninyo sila nang magkaiba. Nasaan ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang uri ng tao na ito? Ano ang pagkakaiba sa mga landas na tinatahak nila? Ano ang pagkakaiba sa saloobin nila sa pagganap ng tungkulin? Nakikilatis ba ninyo ang mga bagay na ito? (May ilang tao na kayang patuloy na gampanan ang ilang tungkulin pagkatapos paalisin, na nagpapahiwatig na may kaunti pa rin silang konsensiya. Marahil pakiramdam nila ay hindi na rin sila maililigtas, subalit iniisip nila na: “Nananampalataya ako sa Diyos. Nakatitiyak ako na ang Diyos na ito ang Lumikha. Kahit na pinaalis ako ng iglesia, dapat pa rin akong manampalataya sa Diyos. Isa pa rin akong nilikha, at kinikilala ko ang aking Lumikha.” Gumagana pa rin sa kalooban nila ang kaunting konsensiyang ito. Kung ni hindi man lang nila ginagawa ang kanilang tungkulin pagkatapos mapaalis, at hindi man lang nananampalataya sa Diyos, ipinakikita nilang isa silang hindi mananampalataya.) Sino ang gustong sunod na magsalita? (Marahil patuloy pa ring nagagampanan ng ilang tao ang kanilang tungkulin pagkatapos silang paalisin dahil sa puso nila ay napagtanto na nilang may pagkakautang sila sa Diyos sa mga bagay-bagay na dati nilang ginawa, at gustong bayaran ang kanilang pagkakasala. Subalit kung ititigil ng isang tao na gawin ang kanyang tungkulin pagkatapos paalisin, ipinakikita nitong hindi niya ginagawa ang kanyang tungkulin para palugurin ang Diyos, kundi sinusubukang makipagkasunduan sa Diyos sa pag-aasam na makatanggap ng mga pagpapala. At pagkatapos matukoy na wala silang matatanggap na anumang pagpapala, hindi na niya nakikita ang pangangailangang ipagpatuloy ang pagganap ng tungkulin, kaya itinigil na niya ang pagtatrabaho.) Sa dalawang uring ito ng mga tao, sino ang may kaunting konsensiya? (Ang mga tao na ginagawa pa rin ang kanilang tungkulin pagkatapos paalisin.) Ang uri na ipinagpapatuloy ang kanilang tungkulin ay may kaunti pa ring konsensiya at isang batayan sa pagiging isang tao. Bilang isang tao, gaano man sila tinatrato ng Diyos at kung gusto man sila ng Diyos, sila pa rin ay nilikha ng Diyos. Hindi nila matatakasan ang kapangyarihan ng Diyos; saanman sila pumunta, sila pa rin ay isang nilikha, kaya’t dapat pa rin nilang gampanan ang kanilang tungkulin. Ipinapakita nito na may konsensiya pa rin sila at isang batayan sa pagiging isang tao. Bukod pa rito, saanman sila pumunta, kahit papaano ay magagawa nilang aminin na nananampalataya sila sa Diyos at kinikilala nila ang pag-iral ng Diyos. Itong pananalig na ito sa kanilang puso ang nagbibigay-kakayahan sa kanilang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Ang ganitong uri ng tao ay tunay na may kaunting pananalig, at maaaring may kakayahang magsisi. Para sa mga tumitigil sa pagganap ng kanilang mga tungkulin pagkatapos paalisin, ang iniisip nila ay, “Kung ayaw sa akin ng diyos, hindi na ako mananampalataya sa diyos. Wala namang silbi ang pananampalataya ko.” Humihinto sila sa pananampalataya at itinatanggi ang pag-iral ng Diyos, at inaabandona pa nga ang batayan nila sa pagiging isang tao, pinawawalang-saysay ang lahat ng ginawa nila noon. Walang konsensiya at katwiran ang gayong mga tao, at diyan makikita ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang uring ito. Sabihin mo sa Akin, alam ba ito ng Diyos? Alam na alam Niya ito. Nilikha Niya ang lahat ng bagay, kaya Niyang siyasatin ang lahat ng bagay at naghaharing may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng mga ito. Iyong mga hindi mananampalataya na walang konsensiya ay iniisip na, “Nasaan ang diyos? Bakit hindi ko siya nakikita? Kaya’t sinong mag-aalala kung pinaalis ako ng iglesia? Kaya ko pa ring mabuhay kahit saan ako pumunta. Sa tingin mo ba hindi ko kayang mabuhay dahil lang iniwan kita? Ang hindi ko pagganap ng aking mga tungkulin ay nagbibigay lang sa akin ng mas maraming kalayaan!” Ito ang kanilang saloobin, na nagbubunyag sa kanila bilang mga hindi mananampalataya, at pinatutunayang tama ang pagpapaalis sa kanila. Dapat paalisin ang mga hindi mananampalatayang tulad nito—paalam na lang sa kanila. Iba ang pagtugon ng mga taong may pananalig sa Diyos kung pinaaalis sila. Halimbawa, pagkatapos paalisin, maaaring sabihin ng ilang tao na, “Hindi ako mabubuhay nang hindi ginagawa ang aking tungkulin. Hindi ako mabubuhay nang hindi nananampalataya sa Diyos. Hindi ako makapagpapatuloy nang wala ang Diyos. Saanman ako pumunta, nasa ilalim ako ng kapangyarihan ng Diyos.” Kaya’t patuloy nilang ginagawa ang kanilang tungkulin. Hindi bulag na paniniwala o kahangalan ang nagdala sa kanila sa ganitong desisyon; ito ay dahil pinamamahalaan sila ng mga kaisipang ito na nagagawa nilang gampanan ang kanilang tungkulin tulad nito. Mayroon din silang mga hinaing at kuru-kuro, at ilang reklamo, subalit bakit nagagampanan pa rin nila ang kanilang tungkulin? Dahil gumagana pa rin ang kaunting konsensiya sa kanilang pagkatao. Iyong mga hindi gumagana ang konsensiya ay umiiwas sa paggawa ng kanilang tungkulin at sa pananampalataya sa Diyos. Ito ang kaibahan. Magkakaiba ang mga tao; may mga pagkakaiba ang bawat isa. Sa mahahalagang sandali, kung may konsensiya at katwiran man o wala ang isang tao ang makapagtatakda at makaaapekto sa maraming bagay.

Kakatapos Ko ngayon-ngayon lang na magbahagi tungkol sa mga layunin sa kalagayan ng isang tao. Sunod ay magbabahagi ako tungkol sa paninindigan at saloobin. Maging isa man itong aspekto ng terminolohiya o isang aspekto ng katotohanan, maraming detalye ang sangkot dito; hindi ito kasing simple ng mabababaw na salita o ng mga binibigkas na pangungusap. Kung lilimitahan mo ang iyong pagkaunawa sa isang salita, sa isang konsepto, o sa literal na kahulugan ng ilang pangungusap, magiging isang uri lang palagi ito ng doktrina. Gayunman, kung pagsasama-samahin at pagkukumparahin mo ang mga literal na parirala o pangungusap na ito sa mga aktuwal na kalagayan at mga ideya, pananaw, o pamamaraang ibinubunyag ng mga tao sa kanilang tunay na buhay, matutuklasan mo ang marami sa mga sarili mong problema. May ilang problema na sumasalungat sa katotohanan. Ang ilan ay tila naaayon sa doktrina, tila naaayon sa mga regulasyon at kaisipan at pamamaraan ng tao, subalit sa katunayan ay hindi naaayon ang mga ito sa katotohanan o sa mga layunin ng Diyos. Halimbawa, may ilang pananaw at paninindigan ang mga tao na umaayon lang sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, subalit hindi sa mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi sinusukat at kinikilatis ang mga ito alinsunod sa mga salita ng Diyos, magiging katanggap-tanggap ang mga ito sa mga tao. Subalit kapag sinuri ang mga ito laban sa mga salita ng Diyos, nagiging mga maling bagay ang mga kaisipan at pananaw ng tao, nagiging mga negatibong bagay ang mga ito. Ano pang ibang mga problema ang inyong natuklasan? (O Diyos, iniisip ko ang mga ideya at pananaw mula sa tradisyonal na kultura tulad ng “pagiging mapagmahal ng isang tao sa kanyang mga magulang” at “pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina,” na nakikita ng mga tao bilang tama at nararapat, subalit, sa perspektiba ng katotohanan, ay hindi umaayon ang mga ito sa katotohanan.) Hindi umaayon ang mga ito sa katotohanan. Ibig sabihin nito ay sumasalungat ang mga ito sa mga pagnanais ng Diyos. Halimbawa, may ilang tao na nakapagpapakita ng mapagmahal na debosyon sa kanilang mga magulang o naging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina—pagdating sa kanilang pag-uugali at pagganap, tila walang problema rito; subalit makapagpapasakop ba sila sa Diyos? Matatanggap ba nila ang katotohanan? Hindi problema ang panlabas na pagpapakita lang ng dalawang pag-uugaling ito; subalit pagdating sa pagsisiyasat sa kanilang kalikasang diwa, may anumang pagpapasakop ba sila sa paraan ng pagtrato nila sa Diyos? Magagawa ba nilang tanggapin ang katotohanan? Kung may problema sa dalawang aspektong ito, magagawa ba nilang makamit ang kaligtasan? Tiyak na hindi nila makakamit ito. Kaya, kahit lumalabas bilang mga kapurihan ang dalawang pag-uugaling ito, hindi maaaring katawanin ng mga ito ang diwa ng isang tao. Kahit gaano pa kamapagmahal sa magulang o isang mabuting asawa at mapagmahal na ina ang isang tao sa panlabas, hindi ibig sabihin nito na isa siyang tao na nagpapasakop sa Diyos, lalong hindi ibig sabihin nito na nakalaya siya mula sa impluwensiya ni Satanas. Walang kahit anumang kaugnayan ang dalawang kapurihan nilang ito at ang katotohanan. Samakatwid, ang sinumang nagtataglay ng dalawang kapurihang ito ay tiyak na hindi isang taong sinasang-ayunan ng Diyos, at hindi niya naaabot ang pamantayan ng isang matuwid na tao. Nag-uumapaw sa mga pilosopiya ni Satanas ang puso ng mga tiwaling tao. Gusto nilang lahat na tumatanggap ng papuri at pagsang-ayon ng iba. Gusto nilang lahat na panatilihin ang kanilang mga interpersonal na relasyon para protektahan ang kanilang sarili. Gusto nilang lahat na magpapansin at magpakitang gilas para hangaan sila ng iba. Ang pamumuhay batay sa mga satanikong pilosopiyang ito ay nagsisimulang lahat sa isang partikular na simulain. Ano ang layong minimithing makamit ng simulaing ito? (Ang purihin sila ng mga tao bilang mabuting indibidwal at sabihing mapagmahal at may konsiderasyon sila, para suportahan at sang-ayunan sila ng mga tao.) Sa pamumuhay nila sa mga pilosopiya ni Satanas, nagkikimkim ang mga tao ng isang uri ng kuru-kuro at imahinasyon: “Ginagantimpalaan ang mabubuti” at “Payapa ang buhay ng mabubuti.” Subalit walang makapagsasabi nang malinaw kung ano ang ibig sabihin ng “Ginagantimpalaan ang mabubuti” at “Payapa ang buhay ng mabubuti.” Sa kabilang banda, yamang nakikitang hindi nabubuhay nang matagal ang mabubuting tao habang nabubuhay nang matagal ang masasamang tao, wala talagang nakaaalam sa ugat na dahilan ng ganitong kalagayan ng mga bagay-bagay. Subalit may isang karaniwang tinatanggap na panuntunan ang mga tao na nananatiling hindi nagbabago: “Ang kabutihan ay sinusuklian ng kabutihan, at ang kasamaan ng kasamaan.” Sinusuklian ng Diyos ang bawat indibidwal batay sa mga sarili nilang gawa. Ito ay paunang itinakda ng Diyos, at walang sinumang makapagbabago nito, gayumpaman ay hindi ito kinikilala ng maraming tao. Kung gayon, madali ba para sa mga tao ang magbago kapag nabubuhay sila alinsunod sa mga satanikong pilosopiya? (Hindi.) Bakit hindi? (Ang mga pilosopiyang ito ang naging batas nila ng kaligtasan. Mahirap magbago nang hindi hinahanap ang katotohanan at nang hindi nakakikilatis ng mga kuru-kurong ito.) Hindi ito ganito kasimple. Ang totoo, kapag nahaharap sa mga sitwasyong may mga layunin at pagkilos na ito, kung sinasabi mong wala kang nararamdaman, hindi iyon tama. Para sa mga walang pananampalataya, normal ang walang nararamdamang kahit ano dahil ganap silang nabubuhay alinsunod sa mga satanikong pilosopiya at batas. Itinuturing nilang mahalaga ang mga bagay na ito at hindi nila iniisip na mali ang mga ito. Ngayon, napakatagal nang panahon ninyong lahat na nananampalataya sa Diyos at nakapakinig na kayo ng napakaraming sermon; sa kaibuturan, dapat ay may pagtataya na kayo sa mga bagay na ito. Tama ba o mali ang mga ito? Dapat ay makikilala mong mali ang mga bagay na ito; dapat ay negatibo ang saloobin mo sa mga ito, hindi pagsang-ayon. Kaya’t bakit hindi mo mabitiwan ang mga ito kahit alam na alam mong mali ang mga ito? Nasaan ang problema? (Masyado kaming makasarili at kasuklam-suklam, at ayaw naming magrebelde laban sa laman. Kapag nahaharap sa isang bagay, hindi namin iniisip na palugurin ang Diyos at bigyan ng kaunting konsiderasyon ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, sa halip ay isinasaalang-alang lang namin ang mga sarili naming interes. Hindi namin kayang magrebelde laban sa aming panloob na mga layunin.) Ang pag-ayaw na magrebelde laban sa laman—isa itong aspekto. Pagdating sa mga pangunahing interes, nababalisa ka at nahihirapan, at hindi kayang bumitaw. Kaya, sa mga interpersonal na pakikipag-ugnayan sa inyong pang-araw-araw na buhay na hindi kinasasangkutan ng mga pangunahing interes, kahit kailan ba ay siniyasat ninyo ang mga satanikong pilosopiya at batas na ito? Hinanap ba ninyo ang katotohanan para malutas ang mga ito? Nagbago na ba talaga kayo? (Sinisiyasat ko ang ilang bagay, at ang nakikilala ko, ay sinusubukan kong baguhin. Subalit madalas, hindi ko ito tinatrato bilang isang seryosong usapin at hindi ito sinisiyasat.) Kung gayon ay hindi madaling magbago. Ang bawat mong galaw, bawat salita at kilos, maging ang iyong mga sulyap ay mga pagpapahayag lahat ng iyong tiwaling disposisyon, pinamamahalaan lahat ng isang tiwaling disposisyon. Kung hindi mo pa rin hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga isyung ito, magiging napakahirap tumanggap ng kaligtasan. Kung iniisip mo na kinakailangan ng napakalaking pagsisikap at lakas para magrebelde laban sa laman, na para bang hinihingi nitong hatiin mo sa dalawa ang iyong personalidad, may problema ka; hindi magiging madaling magbago. Kung masisiyasat mo ang iyong sarili at mahahanap ang katotohanan—simula sa pang-araw-araw na buhay, sa bawat mong salita at gawa, at lalong higit sa iyong mga bagay-bagay na may kinalaman sa kasikatan, pakinabang, at katayuan—at kung kaya mong magrebelde laban sa iyong sariling laman, magagawa mong magkaroon ng ilang pagbabago. Ngayon, nahihirapan kayong lahat na talikuran ang mga pilosopiya at batas na ito ni Satanas; sa inyong pang-araw-araw na buhay, kung gayon, nagkaroon ba ng anumang tunay na pagbabago sa mga pananaw na ito o sa pag-uugali at pagkilos na hindi naaayon sa katotohanan? (Minsan kapag nagsasalita o kumikilos ako, kinikilala ko na may mga mali akong layunin at gustong ituwid ang mga ito. Pagkatapos magdasal, nauunawaan ko ang mga layunin ng Diyos at naisasagawa ang mga ito, subalit pagkatapos kong gawin ito ay natutuklasan kong hindi talagang nalutas ang mga layunin sa mga pagkilos ko, iyong mga panlabas na pamamaraan ko lang ang nabago. Halimbawa, kung magsisinungaling ako para protektahan ang mga sarili kong interes, pagkatapos kong mapagtanto ito ay agad akong magrerebelde laban sa laman at magiging tapat ako sa iba, sinasabi na, “Mali ang intensyon ko sa aking pagsasalita ngayon lang. Naging mapanlinlang ako.” Subalit sa susunod na makakaharap ko ang isang katulad na sitwasyon, patuloy pa rin akong kokontrolin ng layuning iyon at gugustuhin kong protektahan ang mga sarili kong interes at magsisinungaling. Tila nakaugat nang malalim na malalim ang layuning iyon; kaya’t muli’t muli itong lumilitaw sa aking puso.) Kaya, saan nanggagaling ang layuning ito na tugunan ang iyong mga sariling interes? Produkto ito ng iyong tiwaling disposisyon. Magkakaiba lahat sa kalikasan ang mga layuning nilikha ng iba’t ibang tiwaling disposisyon; ang ilan ay may buktot na kalikasan, ang ilan ay malupit, ang ilan ay kakatwa, ang ilan ay katawa-tawa, at ang ilan ay pabagu-bago. Ang bawat isa ay may kanya-kanyang kalikasan. Kaya, napakanormal na malikha ang parehong layunin sa iba’t ibang sitwasyon, dahil hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon sa iyong kalooban. Kung itong isang disposisyon na ito ay makalilikha ng iba’t ibang layunin sa iba’t ibang sitwasyon, magdudulot iyon ng napakaraming problema sa mga tao at ng kalituhan sa kanilang isipan! Kahit ang isang uri lang ng layunin ay mahirap lutasin, nangangailangan ng mahabang panahon ng transpormasyon; kung ang isang disposisyon ay makalilikha ng maraming uri ng layunin, lalo pang magiging mahirap ang magbago. Kailangan mong tuloy-tuloy na asikasuhin ang iisang uri ng layunin, pinangangasiwaan at nilulutas ito sa iba’t ibang sitwasyon at pangyayari, at sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay-bagay. Pakikipaglaban ito sa isang aspekto ng tiwaling disposisyon. May ilang tao ang nababalisa at nag-aakala pa nga na wala silang kakayahang magbago pagkatapos na magapi sa ilang labanan. Walang silbi ang pagiging balisa; hindi mababago sa isang iglap ang isang tiwaling disposisyon. Maaaring iniisip mo na ang pagrerebelde laban sa laman nang isa o dalawang beses ay dapat na magdulot ng ilang pagbabago, subalit kinalaunan ay malalaman mong palagi mo pa ring nabubunyag ang iyong tiwaling disposisyon, at hindi mo nauunawaan kung bakit. Ipinahihiwatig nito na hindi mo nauunawaan ang proseso ng pagbabagong disposisyonal. Hindi isang simpleng bagay ang pagbabago ng disposisyon. Hindi makasasapat kung mababaw ang pagkaunawa mo sa katotohanan. Kapag tunay mong kinikilala ang diwa ng iyong tiwaling disposisyon, magagawa mong ganap na magrebelde laban dito. Sa kasalukuyang paraan mo ng pagsasagawa, bagaman mabubunyag mo pa rin ang iyong tiwaling disposisyon kapag nahaharap ka sa mga sitwasyon, hindi maitatangging nagbago ka na. Kahit papaano ay mas kaunti na ang nabubunyag mong tiwaling disposisyon, at mas kaunti na ang iyong mga layunin at adulterasyon. Hindi ka na ngayon nagsasalita nang may labis na pagpapaimbabaw at kawalan ng katapatan; sa halip, madalas ka nang nagsasalita nang mula sa iyong puso at nagsasabi ng katotohanan. Pinahihiwatig nitong nagbago ka na. Subalit maaaring isipin mo na, “Nagkaroon lang ng pagbabago sa aking pagsasagawa at mga pamamaraan. Nananatiling hindi nababago ang aking mga layunin, kaya’t hindi talaga ako nagbago, hindi ba? Ibig bang sabihin nito na wala na akong pag-asang mailigtas?” Tama ba ang mga kaisipang ito? (Hindi.) Mga baluktot na kaisipan ang mga ito. Ang pagbabago ng iyong disposisyon ay nangangailangan ng pagdanas ng maraming proseso; tama lang na unang magbago ang iyong pagsasagawa at mga pamamaraan. Para sa mga panloob na layunin ng mga tao, mababago lang ang mga ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga ito. Ang kakayahang magbago pagdating sa pagsasagawa at pamamaraan ay nagpapatunay na nagsimula nang magkaroon ng transpormasyon ang isang tao. Kung patuloy mong hahanapin ang katotohanan para lutasin ang iyong mga pantaong layunin at adulterasyon, paunti nang paunting mabubunyag ang iyong tiwaling disposisyon. Kung nakikilala mo na ang Diyos, mayroong may-takot-sa-Diyos na puso, at kayang magpasakop sa Diyos, pinatutunayan niyan na nagkaroon na ng pagbabago ang iyong buhay disposisyon. Ito ang tamang paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay. Kung tama ang paraan mo ng pagsasagawa, at nagagawa mong isagawa ang katotohanan at kumilos nang may kaunting prinsipyo, ibig sabihin nito na nagbago ka na. Hindi tamang maniwala na hindi ka talaga nagbago dahil lang minsan ay naibubunyag mo pa rin ang iyong katiwalian. Maaari mong sabihin na, “Kung gayon, bakit patuloy akong nagbubunyag ng katiwalian at nagbabalik sa aking mga dating problema? Pinatutunayan nitong hindi ako nagbago.” Maling paraan ito ng pagtingin sa mga bagay-bagay. Ang problema sa pagbubunyag ng katiwalian ay hindi lubos na nalulutas pagkaraan lang ng ilang taong karanasan. Nangangailangan ito ng pangmatagalang pagtitiyaga sa pagsasagawa ng katotohanan para lubusan itong malutas. Ang pagkaunti ng mga pagbubunyag ng iyong katiwalian ay sapat na para patunayang may nagbago sa iyo; ang sabihing walang kahit anumang nagbago ay hindi tumutugma sa aktuwal na sitwasyon. Dapat malinaw ito sa inyong puso, hindi kayo maaaring magkaroon ng baluktot na pagkaunawa. Ang pagkakamit ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagdanas ng gawain ng Diyos ay isang pangmatagalang pagsisikap na ganap na hindi maisasakatuparan sa loob lang ng kaunting taon. Dapat ay may ganito kayong kamalayan.

Katatapos lang natin magbahaginan tungkol sa mga paninindigan, layunin, at saloobin. Dinidikta ng mga pananaw ang mga saloobin, hindi ba? Tunay nga, ang mga paninindigan at pananaw ang nagdidikta ng mga saloobin ng mga tao. Gayundin, ang iyong pananaw kapag nahaharap ka sa isang partikular na pangyayari o sitwasyon ay nakadepende sa kung saan ka nakapanig. Kung hindi ka nakapanig sa Diyos subalit nakapanig ka sa tao, sinisikap na panatilihin ang iyong mga relasyong interpersonal, ang iyong mga pananaw at pamamaraan ay tiyak na magsisilbing lahat para protektahan at tamuhin ang iyong mga sariling interes at dangal, at para mag-iwan para sa sarili mo ng isang daan palabas. Subalit kung ang paninindigan mo ay ang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, gampanan nang maayos ang iyong tungkulin at ipakita ang iyong katapatan, ang iyong magiging saloobin ay ang magsagawa alinsunod sa katotohanan sa bawat sitwasyon, gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, ipakita ang iyong katapatan, at tuparin ang atas ng Diyos—magkakatugma ang lahat ng mga elementong ito. Kapag hindi kayo nagbabahagi, sa inyong pagsasalamuha, tungkol sa mga doktrinang inyong narinig o naalala, o sa mga espirituwal na teoryang inyong naintindihan, kundi sa halip ay nagagawa ninyong magbahagi tungkol sa sarili ninyong mga kalagayan kamakailan, tungkol sa mga paraan kung saan nagbago ang inyong mga pananaw at paninindigan tungkol sa ilang pangyayari at napag-alaman ninyo ang mga bagong tuklas at bagong pang-unawa, sa mga bagay tungkol sa inyo na salungat sa mga hinihingi ng Diyos at sa katotohanan, sa oras na maibahagi ninyo ang gayong mga bagay, magkakaroon kayo ng tayog. Kung hindi pa ninyo nasuri kailanman ang alinmang aspekto ng inyong mga pananaw, paninindigan, intensyon, at iniisip, o kung, matapos suriin ang mga ito, hindi ninyo masabi kung tama o mali ang mga iyon, at magulo ang pagtatasa ninyo tungkol sa mga iyon, kung kayo ang kikilos bilang pinuno ng iglesia, ano ang ipandidilig ninyo sa iba? (Ang mga salita at doktrina.) Sa tingin Ko didiligan ninyo ang iba hindi lamang ng mga salita at doktrina, espirituwal na teorya, at kaalamang teolohikal, kundi, marahil, gamit ang inyong mga baluktot na pananaw at ang inyong mga personal na kuru-kuro at paghusga tungkol sa Diyos, at, higit pa riyan, ang inyong isang-panig na mga pananaw at pag-unawa sa Diyos, nang lubos na salungat sa mga salita at hinihingi ng Diyos. At ano ang nangyayari sa lahat ng dinala sa ilalim ng gayong pamumuno? Nagagawa lamang nilang magsalita tungkol sa mga salita at doktrina. Kung nais ng Diyos na gumawa ng ilang gawain ng pagsubok at pagdadalisay sa kanila, ang hindi nila paglaban dito ay magiging kasiya-siyang kalalabasan; medyo wala silang kakayahang tratuhin ito nang tama, lalong hindi ang tunay na pagpapasakop dito. Ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita nito na ang itinatanim ninyo sa iba ay mga kuru-kuro at imahinasyon. Kung hindi pa nadagdagan ang pagkaunawa ng iba at nabawasan ang mga maling pagkaunawa nila sa Diyos dahil sa inyong pagdidilig at pamumuno, kumusta na kaya ang pagganap ninyo sa inyong tungkulin? Nagawa ba ninyo ito nang sapat o hindi sapat? (Hindi sapat.) Nagagawa ninyo na bang matukoy ngayon kung aling bahagi ng gawaing ginagawa ninyo at alin sa mga katotohanang ibinabahagi ninyo ang tunay na nakatutulong at naghahatid ng benepisyo sa mga tao, na hindi lang nilulutas ang kanilang pagiging negatibo at ang kanilang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos, kundi pinahihintulutan din silang magkaroon ng tunay na pagkaunawa sa Diyos at ng isang normal na relasyon sa Kanya? Kung makakamit ninyo ang mga resultang ito sa inyong gawain, makagagawa kayo ng mga praktikal na gawain at magagampanan nang sapat ang inyong tungkulin. Kung hindi ninyo magagampanan ang gawaing ito, ano lang ang ginagawa ninyo sa loob ng iglesia? Nagagawa ba ninyong sukatin kung aling bahagi ng gawaing inyong ginawa at alin sa mga salitang inyong binigkas ang tunay na naging kapaki-pakinabang at nakapagtuturo sa mga hinirang na tao ng Diyos? Katulad ba ng kay Pablo ang mga ginagampanan ninyong gawain at mga binibigkas ninyong mga salita—nagsasalita lang ng espirituwal na teorya, nagpapatotoo sa inyong sarili at nagpapakitang-gilas—o ang mga ito ba marahil ay mas lantad at kasuklam-suklam pa kaysa sa sinabi ni Pablo? Masusukat ninyo ba ito? Kung talagang masusukat ninyo ito, tunay na nagkaroon na kayo ng paglago. Halimbawa, ang isang tao, na sa ngayon ay isa o dalawang taon pa lang na nananampalataya sa Diyos, ay may mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos na nakakaapekto sa pagganap ng kanyang tungkulin, kaya walang lubay mong sinasabi sa kanya na, “Dapat mong mahalin ang Diyos. Hindi ka maaaring mawalan ng mapagmahal-sa-Diyos na puso. Dapat matuto ka kung paano magpasakop sa Diyos, hindi ka maaaring magkaroon ng mga personal na hinihingi at pagnanais.” Subalit wala rito ang problema nila; ang totoo, ito ay dahil napaalis ang isang taong nananampalataya sa Diyos nang maraming taon, at hindi naarok ng bagong mananampalataya ang diwa ng taong ito, kaya’t nagkaroon siya ng mga pangamba tungkol sa kung paano hinarap ng sambahayan ng Diyos ang bagay na ito. May mga pangamba siya, kaya’t itong mga pangambang ito ang dapat mong lutasin. Hindi ito sa ayaw niyang gampanan ang kanyang tungkulin, o na tatamad-tamad siya o hindi kayang magtiis ng paghihirap, pero palagi mong sinasabi sa kanya na, “Dapat magawa ng mga kabataan na magtiis ng paghihirap at maging masipag, at magkaroon ng pagtitiyaga.” Tama ang mga salitang ito, subalit hindi akma ang mga ito sa kalagayan ng taong ito, kaya’t nananatili siyang walang inspirasyon pagkatapos makapakinig. Ang paglutas sa mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos ay hindi magagawa sa pamamagitan lang ng pagsasalita ng ilang doktrina; dapat mong unawain ang mga katotohanan at linawin ang ugat na dahilan. Ito ang tinatawag na pagtuklas sa puno’t dulo ng usapin. Tanging sa pagtukoy sa kung ano talaga ang nangyayari at sa paghahanap sa katotohanan para malutas ang usapin lang tunay na malulutas ang problema. Maaari mo siyang siyasatin: “Paanong mali ang iyong pagkakaunawa? Ano ang iyong mga maling pagkakaunawa? Napakabuti sa iyo ng Diyos at labis na nagmamalasakit sa iyo, at nagkakamali ka pa rin ng pagkakaunawa sa Kanya; wala kang konsensiya!” Subalit hindi nito malulutas ang problema; pagpapayo at pangangaral ito, hindi pagbabahagi ng katotohanan. Ano ang dapat na sabihin para tunay na magbahagi ng katotohanan? (Tulungan silang manampalataya na matuwid ang Diyos. Sabihin na: “Kahit na hindi mo nauunawaan ang taong napaalis, dapat ay manatili kang may mapagpasakop na puso. Kapag naunawaan mo ang katotohanan, natural mong mauunawaan ang taong iyon.”) Medyo mabuting pamamaraan ito, ito ang pinakasimpleng pamamaraan; malulutas nito ang ilan sa mga problema kahit na hindi nito naipaliliwanag ang lahat. Sabihin mo sa Akin, ano sa pangkalahatan ang iniisip ng mga tao kapag lumilitaw ang mga maling pagkakaunawa sa kanila? Bakit napasasama nito ang loob nila? Dahil nasaling nito ang mga sarili nilang interes; inilagay nila ang sarili nila sa katayuan ng ibang tao at inisip kung paano ito makaaapekto sa kanilang sarili: “Napaalis pa rin sila kahit pagkatapos manampalataya sa Diyos nang napakaraming taon. Hindi ako kasingtagal nilang nananampalataya sa Diyos; hindi rin ba ako gugustuhin ng Diyos?” Lumilitaw sa kanila ang maling pagkakaunawang ito. Maling pagkaunawa ito sa matuwid na disposisyon ng Diyos at sa paraan ng pagtrato Niya sa mga tao. Paano dapat lutasin ang dalawang maling pagkakaunawang ito tungkol sa Diyos? Kapag ang isang tao ay nagkaroon ng maling pagkakaunawa sa Diyos, ano ang kalikasan ng maling pagkakaunawang ito? Pagpapatibay ba ito sa gawain ng Diyos, o isang pangunguwestiyon dito? (Isang pangunguwestiyon dito.) Tama ba o hindi ang pangunguwestiyong ito? Una sa lahat, mali ito. Kung gayon, bibigyang-kakayanan ka ba ng iyong pagkamakatwiran na makilala na nagkaroon ka ng maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at na mali ang ganitong uri ng pag-uugali, saloobin o kalagayan? Kung tinataglay mo ang pagkamakatwirang ito, malinaw mong mapagtatanto na mali ka at na tiyak na tama ang Diyos. Taglay ang pundasyong ito, madali mong matatanggap ang anumang katotohanan na susunod na ibabahagi. Subalit kung hindi mo sinasadyang isipin na, “Maaaring hindi palaging tama ang ginagawa ng Diyos. May mga bahagi rin ang Diyos na maaaring kakitaan ng kapintasan ng mga tao. Nagkakamali rin ang Diyos at tinatrato Niya nang hindi patas ang mga tao; hindi makatarungan ang kawalan Niya ng konsiderasyon sa mga tao;”—kung lumilitaw ang mga kaisipang ito sa iyong kalooban, ibig bang sabihin nito na hindi mo sinasadyang pinagtitibay o tinatanggihan ang ginagawa ng Diyos? (Tinatanggihan.) Tinatanggihan mo ang ginagawa ng Diyos. Kung gayon ay hindi mo ba sinasadyang maniwala na tama o mali ang maling pagkaunawa mo sa Diyos? Kung hindi mo sinasadyang maniwala na tama ka, problema ito, isang problema na hindi kayang tugunan ng kahit anumang halaga ng pagbabahaginan sa anumang aspekto ng katotohanan. Sa dalawang uring ito ng pananaw, ang dalawang uring ito ng di-sinasadyang kaisipan, aling uri ang naglalagay sa iyo sa posisyon ng isang nilikha, isang posisyon na kumikilala na ang Lumikha ay ang Lumikha, ang tao ay tao, at ang Diyos ay Diyos? (Ang unang uri.) At ang ikalawang uri? Matatanggap ba ng isang taong nagtataglay ng ikalawang pananaw na ito ang katotohanang ang Diyos ay ang Lumikha? (Hindi.) Paano ito naipapakita? Ano ang nagpapakilala rito? Hindi sila nagpapanatili ng isang saloobin ng paniniwala, pagpapasakop, at pagtanggap sa Diyos; sa halip ay nagkikimkim sila ng isang saloobin na palaging nagmamasid, nagsisiyasat, nagsusuri, at nangingilatis. Tinitingnan nila ang lahat ng ginagawa ng Diyos mula sa isang posisyon ng pantay na katayuan sa Kanya. Kaya’t kapag bigla nilang natuklasan na may ginawa ang Diyos na hindi sumasang-ayon sa mga sarili nilang kuru-kuro at imahinasyon, nangangahas silang sumubok na magtamo ng isang bagay na magagamit nila laban sa Diyos, at na husgahan ang Diyos at kondenahin ang Diyos. Hindi nila tinatrato ang Diyos bilang Diyos, kundi bilang isang tao, hindi ba? Nangangahas silang sumubok na magkaroon ng isang bagay na magagamit laban sa Diyos, para hanapan Siya ng kapintasan at husgahan Siya—pagsasalita ba ito mula sa posisyon ng isang nilikha? (Hindi.) Kapag may mga maling pagkakaunawa ang isang tao sa Diyos, dapat niyang unawain na ang mga bagay-bagay na ginagawa ng Diyos ay di-maaarok. Bilang isang nilikha, walang dahilan o kuwalipikasyon ang tao para punahin at husgahan ang Diyos. Kapag nangyayari ito, paano kayo makikipagbahaginan sa gayong tao? Dapat mong sabihin ito: “May mga maling pagkakaunawa ka tungkol sa Diyos, na sa sarili nito ay mali. Anuman ang ginawa ng Diyos na hindi umayon sa iyong mga kuru-kuro, dapat ka pa ring magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Kung may isang bagay kang hindi nauunawaan, huwag kang basta-basta na lang manghusga at magkondena; dapat kang magdasal sa Diyos at hanapin ang katotohanan. Dahil mga tao tayo, mga tiwaling tao, at hindi tayo kailanman magiging Diyos. Kahit pa tinanggap natin at naunawaan ang bawat katotohanang ipinahayag ng Diyos, magiging mga tiwaling tao lang pa rin tayo, at palaging magiging Diyos ang Diyos. Kahit matamo natin ang katotohanan at gawing perpekto ng Diyos, kung hindi tayo gusto ng Diyos at kung nais Niyang lipulin tayo, hindi pa rin tayo dapat sumambit ng mga reklamo—dapat magpasakop ang isang nilikha sa bagay na ito. Kung ang isang napakaliit na bagay ay nagdudulot pa rin sa atin na magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at husgahan Siya, pinatutunayan lang nito kung gaano katiwali, kayabang, kabuktot, at kawalang-katwiran tayong mga tao. Una sa lahat, hindi natin kailanman inilagay ang sarili natin sa posisyon ng isang nilikha at pagkatapos ay itinuring ang Lumikha nang ganoon; ito ang unang pagkakamali. Ang ikalawang pagkakamali ay na palagi tayong nagmamasid sa Diyos, nag-iisip ng mga paraan kung paano makakukuha ng isang bagay na magagamit laban sa Kanya, at pagkatapos ay palaging nag-oobserba, nagsisiyasat, at nagsusuri—lalo pa itong mali. Hindi lang sa hindi tayo nananampalataya sa Diyos at hindi tinatanggap ang katotohanan o nagpapasakop sa katotohanan; pumapanig tayo kay Satanas at kumikilos bilang kasabwat nito, nakikipagsanib-puwersa rito para hiyawan ang Diyos, para makipagkompitensiya at komprontahin ang Diyos—hindi ito dapat gawin ng isang nilikha. Kung ano ang ginagawa ngayon ng Diyos, tama man ito o mali sa palagay ng mga tao, alinmang aspekto ng katotohanan ito umaayon, at paano man ito tumutugma sa matuwid na disposisyon ng Diyos, walang kinalaman ang lahat ng iyan sa atin. Tayo ay mga nilikha; ano dapat ang mga responsabilidad, obligasyon, at tungkulin natin? Ang magpasakop at tumanggap nang walang kondisyon. Kung naniniwala tayong mga nilikha tayo, na tama ang anumang ginagawa ng Diyos, at na kung dapat nating tanggapin ito nararamdaman man nating nakatutulong, nakapagkakait, nakapipinsala, o nakasasakit ito sa atin, tinatawag itong pagpapasakop, tinatawag itong pagkakaroon ng isang may-takot-sa-Diyos na puso. Ganito dapat ang isang tunay na nilikha. Paano tayo maikukumpara kay Abraham, kay Job, kay Pedro? Napakalayo natin sa kanila. Kung pag-uusapan natin ang mga kuwalipikasyon, wala tayong kuwalipikasyong makipag-usap sa Diyos, walang kuwalipikasyong magkaroon ng mga maling pagkaunawa sa Diyos, at walang kuwalipikasyong kilatisin o husgahan ang isang bagay na ginagawa ng Diyos.” Siyempre hindi matutuwa ang mga taong marinig na wala sila ng alinman sa mga kuwalipikasyong ito, subalit ito ang dapat mong sabihin sa mga tiwaling tao dahil hindi ka maaaring mangatwiran sa kanila. Ang pangangahas na magsalita tungkol sa mga kuwalipikasyon at dahilan sa Diyos—hindi ba’t kayabangan at pagmamagaling ito, at pagiging manhid sa katwiran? Samakatwid, tanging sa pamamagitan lang ng pagsasalita sa gayong tuwirang paraan sila makauunawa; makakalutas sa ilang problema ang pagbabahaginang tulad nito.