Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay (Ikatlong Bahagi)

Habang nararanasan mo ang gawain ng Diyos, dapat mo munang tanggapin ang mga salita Niya na naglalantad ng kalikasang diwa ng tao. Kung nagagawa mong makita nang malinaw ang tiwaling disposisyon ng mga tao at ang katotohanan ng kanilang katiwalian, at kung tunay mong nakikilala ang iyong sarili, hindi ba’t ito ang daan pasulong para magtamo ka ng kaligtasan? Napakahalaga ng paraan ng kung paano mo hinaharap ang mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa tao. Una sa lahat, dapat mong pag-isipan nang malalim at unawain ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa kalikasan ng tao; kung nakikita mo nang malinaw na ang inilantad ng Diyos ay ganap na alinsunod sa totoo mong kalagayan, aanihin mo ang bunga. Ang ilang tao, matapos nilang basahin ang mga salita ng Diyos, ay laging ikinukumpara ang kanilang sarili sa iba; lagi nilang iniisip na ang iba ang pinatatamaan ng mga ito, at na ang mga salitang sinabi ng Diyos ay walang kinalaman sa kanila, gaano man kahigpit ang mga ito. Problema ito—hindi tinatanggap ng ganitong uri ng tao ang katotohanan. Kung gayon, paano mo ba dapat harapin ang mga salita ng Diyos? Tuwing nagbabasa ka ng alinman sa mga salita ng Diyos, dapat mong ikumpara ang mga ito sa iyong sarili, ikumpara mo ang mga ito sa sarili mong kalagayan, sa sarili mong mga kaisipan at pananaw, at ikumpara ang mga ito sa sarili mong pag-uugali. Kung talagang maikukumpara ka sa mga ito at hinahanap mo ang katotohanan para lutasin ang sarili mong mga problema, kung gayon, aanihin mo ang bunga. Pagkatapos ay dapat mong gamitin ang realidad ng katotohanang nauunawaan mo para puntahan at tulungan ang iba; tulungan silang maunawaan ang katotohanan at lutasin ang mga problema, tulungan silang lumapit sa Diyos, at tanggapin ang Kanyang mga salita at ang katotohanan. Nagpapakita ito ng pagmamahal para sa iba, at maaari kang umani mula rito; kapaki-pakinabang ito sa iyo at sa iba, isang dobleng ani. Kapag ganito ka kumilos, magiging kapaki-pakinabang kang tao sa loob ng sambahayan ng Diyos; kung taglay mo ang gayong katotohanang realidad, magagawa mong magpatotoo sa Diyos. Hindi ba’t makukuha mo ang pagsang-ayon ng Diyos kung gayon? Dapat mong gamitin ang ganoon ding mga pamamaraan para tanggapin at magpasakop sa nalalabing mga salita kung saan inilantad ng Diyos ang mga tao, at pagkatapos ay susuriin mong mabuti ang iyong sarili at kikilalanin ang iyong sarili. Alam mo ba kung paano ikumpara ang iyong sarili sa ganitong paraan? (Medyo.) Kung sasabihin ng Diyos na ikaw si Satanas, na ikaw ay isang diyablo, na mayroon kang tiwaling disposisyon, at na nilalabanan mo Siya, baka maikukumpara mo ang sarili mo sa mas malalaking bagay na ito; pero kapag tinutukoy ng Kanyang mga salita ang iba pang partikular na kalagayan at pagpapamalas para tiyakin kung anong uri kang tao, hindi mo maikukumpara ang mga ito sa sarili mo, at hindi mo matatanggap ang mga ito—napakalaking problema nito. Ano ang ibig sabihin nito? (Ibig sabihin nito ay hindi namin tunay na kilala ang aming sarili.) Hindi mo tunay na kilala ang iyong sarili, at hindi mo tinatanggap ang katotohanan, hindi ba’t ganoon ang kaso? (Ganoon nga.) Kailangang unti-unting maunawaan ng mga tao ang mga salitang ginagamit ng Diyos para ilantad ang mga tao, gaya ng “mga uod,” “maruming demonyo,” “walang kakwenta-kwenta,” “basura,” at “walang silbi.” Ang layon ba ng Diyos sa paglalantad sa mga tao ay para kondenahin sila? (Hindi.) Kung gayon, ano ito? (Para makilala ng mga tao ang kanilang sarili, at para maiwaksi ang kanilang katiwalian.) Tama iyon. Ang layon ng Diyos sa paglalantad ng mga bagay na ito ay para tulutan kang makilala mo ang iyong sarili, para matamo ang katotohanan habang ginagawa mo ito, at para maunawaan ang Kanyang mga layunin. Kung inilalantad ka ng Diyos bilang isang uod, bilang isang mababang-uring tao, bilang walang silbi, paano ka dapat magsagawa? Maaaring sasabihin mo na, “Sinasabi ng Diyos na isa akong uod, kaya magiging uod ako. Sinasabi ng Diyos na wala akong silbi, kaya magiging walang silbi ako. Sinasabi ng Diyos na wala akong kakwenta-kwenta, kaya magiging walang kakwenta-kwentang basura ako. Sinasabi ng Diyos na isa akong maruming demonyo, na ako si Satanas, kaya magiging maruming demonyo ako, magiging Satanas ako.” Ito ba ang paraan para matamo ang katotohanan? (Hindi.) Ang layon ng Diyos sa pagsasabi ng mga salitang ito, ang pinakalayon Niya sa lahat ng Kanyang paghatol, pagkastigo, at paglalantad, ay para tulutan ang mga tao na maunawaan ang Kanyang mga layunin, para tahakin ang landas ng pagsasagawa ng katotohanan, ng pagkilala sa Diyos, at pagpapasakop sa Kanya. Kung laging may maling pagkaunawa ang mga tao sa Diyos habang tinatahak nila ang landas na ito, kung madalas na hindi nila ganap na matanggap ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at kung masyadong matindi ang kanilang paghihimagsik, ano ang maaari nilang gawin? Dapat madalas kang lumapit sa harap ng Diyos, tanggapin ang Kanyang masusing pagsisiyasat, tulutan Siyang gabayan ka sa paulit-ulit na mga pagsubok at pagpipino, at tulutan Siyang magsaayos ng mga sitwasyon para linisin ka. Napakalalim ng katiwalian ng mga tao, kailangan nila ang Diyos para linisin sila! Kung walang lakas ng loob ang mga tao na gawin ito, kung lagi silang nagpapasasa sa kaginhawahan, kung laging magulo ang isip nila, at kung hindi man lang nila hinahanap ang katotohanan, kung gayon, napakaliit ng pag-asa nilang matamo ang katotohanan. May maraming praktikal na pagpapamalas ng masusing pagsisiyasat ng Diyos sa kaibuturan ng puso ng mga tao, na makikita sa maraming bagay ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao na inilalantad ng Diyos. Tanging ang Diyos ang nakakakita ng mga bagay na ito sa loob ng kalikasang diwa ng tao. Kaya, kung hindi ka nakikinig sa mga salita ng Diyos, hindi namumuhay sa paraang sinabi sa iyo ng Diyos, at hindi ka nananampalataya sa Kanya o hindi mo ginagawa ang iyong tungkulin sa paraang sinabi Niya sa iyo, hinding-hindi mo matatahak ang landas ng pagtugon sa mga layunin ng Diyos; hinding-hindi mo matatahak ang tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at magiging napakahirap para sa iyo na matamo ang kaligtasan. Tama ba ang sinasabi Ko? (Tama.) Mapapalugod ba ng mga tao ang Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya ayon sa sarili nilang mga pamamaraan? (Hindi.) Ang mga pamamaraan, imahinasyon, at ang mga paraan at kaparaanang naiisip ng mga tao ay hindi alinsunod sa katotohanan, kaya ang ganitong uri ng pananampalataya sa Diyos ay hindi kailanman makalulugod sa Kanya.

Kasasalita Ko lang tungkol sa ikaapat na pahiwatig ng kung paano susukatin kung nakaranas ba o hindi ng paglago sa pagpasok sa buhay ang isang tao, na siyang antas kung saan nagagawa ng isang tao na magpasakop sa Diyos sa mga tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap nila. Ano ang nagpapasya ng antas kung saan nagagawa mong magpasakop sa Diyos? Kung hindi mo maarok o maunawaan ang mga salita ng Diyos, kung hindi mo man lang maintindihan ang mga bagay na sinasabi at hinihingi ng Diyos, makapagpapasakop ka ba sa Kanya? (Hindi.) Masyado itong mahirap. Kaya’t sa pinakahuling pagsusuri, ano ang kailangan ng isang tao upang makapagpasakop? (Ang maunawaan ang katotohanan.) Kung nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, hindi ba’t katumbas iyon ng pag-unawa sa mga layunin ng Diyos? (Oo.) Sa sandaling maunawaan na nila ang mga layunin ng Diyos, saka lang sila unti-unting makapagpapasakop sa Diyos at makakatugon sa Kanyang mga layunin.

Sa pagpapasya kung nagkaroon ba ang isang tao ng paglago sa kanyang pagpasok sa buhay o hindi, may isa pang mahalagang tagapagpahiwatig nito, ito ay kung nauunawaan mo ba o hindi ang mga layunin ng Diyos at natatamo ang katotohanan sa gitna ng mga bagay-bagay na nakahaharap mo. Ngayon, kapag nahaharap ang karamihan sa inyo sa isang bagay o sitwasyon, gaano karaming katotohanan ang nauunawaan ninyo mula rito? Natatamo ba ninyo ang katotohanan mula rito? Natatamo ba ninyo ang katotohanan sa karamihan ng mga bagay-bagay, o kadalasan ba ay hindi ninyo natatamo ang katotohanan, laging kumikilos nang magulo ang isip at nag-iiwan ng hindi tapos na gawain? (Kadalasan, nag-iiwan kami ng hindi tapos na gawain.) Ito ang tunay ninyong kalagayan: Kadalasan ay hindi ninyo natatamo ang katotohanan. Ano ang ipinakikita nito? Ipinakikita nitong napakaliit ng inyong tayog, at kapag nahaharap kayo sa maraming bagay, hindi ninyo taglay ang kinakailangang tayog o katotohanang realidad para lutasin ang mga problema. Maharap ka man sa mga pagsubok o tukso, hindi ka naninindigan sa iyong patotoo, kaya hindi mo taglay ang katotohanang realidad. Kung hindi mo nakikita nang mabuti ang sarili mong mga problema, at hindi mo alam kung paano hanapin ang katotohanan para lutasin ang sarili mong mga problema, lubusan ka nang nabigo. Kung muli kang mahaharap sa parehong uri ng pagsubok, magiging magulo pa rin ang isip mo, at gagamitin mo ang parehong pamamaraan para lutasin ito at ang parehong saloobin sa pagharap mo rito. Hindi ba’t nagpapakita ito ng kawalan ng paglago? (Oo.) Sa anong antas namamalagi ang inyong tayog ngayon? Kapag may mga nangyayari sa inyo, nalilito kayo, at pagkatapos ay naghahanap kayo ng mga salita ng Diyos, ng mga himno, at mga sermon at pagbabahagi, pati na ng iba’t ibang prinsipyong karaniwang ginagamit ninyo, o kung hindi ay naghahanap kayo ng mga taong makababahaginan ninyo—ito ba ang tayog ninyo sa kasalukuyan? (Oo.) Kung gayon ay malaki ba o maliit ang tayog ninyo? (Maliit.) Kaya ba ninyong mamuhay nang nakapagsasarili sa ganitong uri ng tayog? Kaya ba ninyong lutasin nang mag-isa ang mga problema ninyo? (Hindi.) Kung ganito ang inyong tayog sa kasalukuyan, sa sandaling iwanan ninyo ang buhay-iglesia, iwanan ang inyong mga kapatid, iwanan ang mga sitwasyon at lugar kung saan ginagawa ninyo ang inyong tungkulin, makasusunod pa rin ba kayo sa Diyos? Kaya ba talaga ninyong sumunod sa Kanya hanggang sa kahuli-hulihan? Hindi pa nalalaman ang bagay na ito. Posible ring pagkalipas ng tatlo o limang taon, maaaring sumusunod pa rin kayo sa Diyos, pero ang ugali at asal ninyo, ang mga minimithi ninyo, ang direksyon ng inyong buhay, ang inyong mga perspektibo sa mga bagay-bagay, ang paraan ng inyong pakikitungo sa iba, at ang saloobin kung paano ninyo tinatrato ang mga bagay-bagay, wala sa mga ito ang nagbago, at wala kayong ipinagkaiba sa isang walang pananampalataya. Ang magiging pagkakaiba lamang ay na tinatawag ninyo ang sarili ninyong mananampalataya, sumasampalataya pa rin kayo sa Diyos sa pangalan lamang, at tinatawag pa rin ninyo ang inyong sarili na isa sa Kanyang mga tagasunod. Gayunpaman, sa diwa, wala na ang Diyos sa puso ninyo, hindi na ninyo pinanghahawakan ang Kanyang daan sa inyong puso, at wala na kayong kaugnayan sa Kanya. Dahil madalas kang lumalapit sa harap ng Diyos nang hindi nalalaman kung ano ang sasabihin mo sa panalangin sa Kanya o kung ano ang hahanapin, at wala kang gustong sabihin sa Kanya sa iyong puso, nagsisimula ka nang mapalayo sa Diyos. Kapag nahaharap ka sa mga bagay-bagay, hindi nagsisilbing gabay sa iyo ang mga salita ng Diyos, hindi mo rin alam kung paano hanapin ang katotohanan, at kumikilos ka ayon sa sarili mong mga imahinasyon. Sa gayon, hindi ba’t lubusan ka nang naging isang hindi mananampalataya? Ano ba ang ibig Kong sabihin sa mga salitang ito? Bago matamo ng isang tao ang katotohanan, lagi siyang nalilito kapag may mga bagay na nangyayari sa kanya, hindi niya alam kung paano gamitin ang katotohanan, at hindi niya alam kung paano harapin ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga layunin ng Diyos. Nasa maayos o magulong sitwasyon ka man, tinutukso o sinusubok ka man, laging hindi mo alam kung ano ang gagawin; pasibo mo na lang itong hinaharap, at hindi mo nagagamit ang isang positibong saloobin o ang katotohanan para lutasin ang mga bagay-bagay. Anumang sitwasyon ang makahaharap mo, lubos kang walang kakayahang tiisin ang mga iyon, at hindi ka makapagkukusang gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Kahit pa hanapin mo ang katotohanan sa mismong sandaling iyon para lutasin ang mga ito at subukang tugunan ang mga layunin ng Diyos tungkol sa bagay na ito, hindi mo ito magagawa. Kaya anong porsiyento ng asal at buhay mo ang may kaugnayan sa Diyos, ang may kaugnayan sa asal at buhay na dapat taglayin ng isang mananampalataya? Kung isang porsiyento lang ng pormalidad at mga pansariling pagnanais ng iyong puso ang may kaugnayan sa Diyos, at siyamnapu’t siyam na porsiyento naman ang walang kaugnayan sa katotohanan, kung gayon, katulad ka nga ng sinabi ng Diyos: “Marami kayong ginawang walang kinalaman sa katotohanan.” Hindi ba’t nakatatakot at mapanganib ito? (Oo.) Lubhang nakatatakot ito, at napakamapanganib. Kaya ano ang mga problemang kinahaharap ng mga tao? Kung iiwanan ng mga tao ang mga sitwasyong isinaayos ng Diyos, mawawalan sila ng oportunidad na magawang perpekto ng Diyos, hindi sila magiging karapat-dapat sa maingat na pagsasaalang-alang ng Diyos, at sinusukuan nila ang mga aral na sadyang isinasaayos ng Diyos para sa kanila. Ito ang bagay na pinaka-ikinalulungkot ng Diyos. Nagsasaayos ang Diyos ng mga angkop na sitwasyon para sa mga tao nang sa gayon ay magawa nilang hangarin ang katotohanan. Kung ititigil ng mga tao ang kanilang mga tungkulin, ititigil ang paghahangad sa katotohanan, hindi babasahin ang mga salita ng Diyos, at makakayang lumayo sa Diyos sa anumang oras at lugar, tapat ba silang tagasunod ng Diyos? Talagang hindi. Nakikita na siguro ninyo ito nang malinaw—ito ang tunay ninyong tayog sa ngayon. Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay hindi talaga nakauunawa sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi talaga nauunawaan ng mga tao ang mga sitwasyong isinasaayos ng Diyos para sa kanila, at hindi rin nila alam kung paano manalangin o makipagbahaginan sa Diyos, anong uri ng tayog mayroon ang mga taong ito? Hindi ba’t masyadong maliit ang tayog nila, at hindi nila alam kung paano hangarin ang katotohanan? Kung hindi nila alam kung paano hangarin ang katotohanan, paano nila ito matatamo? Mula sa isang pansariling perspektibo, maaaring isipin mong naiwaksi mo na ang lahat ng bagay at na tunay ang pananampalataya mo sa Diyos, pero ang totoo, hindi mo tinatanggap ang katotohanan, at hindi nakamit ng Diyos ang puso mo—hindi ba’t totoo ito? (Totoo nga.) Hindi nakamit ng Diyos ang iyong puso, na ibig sabihin, sa maraming bagay, may kakayahan ka pa ring lumaban at magtaksil sa Diyos, at lumayo sa Diyos, hanggang sa puntong tatanggihan mo pa nga ang pag-iral ng Diyos. Bukod sa hindi ka makapagpasakop sa Diyos, hindi mo magawang maging tapat sa Kanya, at wala kang takot sa Diyos, kaya mo ring labanan at pagtaksilan ang Diyos sa lahat ng pagkakataon at lugar. Nasa ganitong sitwasyon ang mga tao bago nila natamo ang katotohanan. Ano ang Aking layon sa pagsasabi ng lahat ng ito sa inyo? Bakit Ko sinasabi ang mga salitang ito? Para ba buhusan kayo ng malamig na tubig? (Hindi, ito ay para tulutan kaming malaman ang sarili naming tunay na tayog.) Ang mga salitang ito ay pampagising para sa inyo at mapakikinabangan ninyo. Bilang isang mananampalataya, kung hindi mo matatamo ang katotohanan, kailanman ay hindi mo makakamit ang Diyos, at imposible para sa Kanya na makamit ka. Samakatuwid, ang paghahangad sa katotohanan sa pananampalataya mo sa Diyos ang pinakamahalagang bagay.

Sa paghahangad ng katotohanan, dapat magtuon ang isang tao sa pagsasagawa ng katotohanan, ngunit saan siya dapat magsimulang magsagawa ng katotohanan? Walang mga regulasyon para dito. Dapat mong isagawa ang alinmang mga aspeto ng katotohanan na nauunawaan mo. Kung nasimulan mo ang isang tungkulin, dapat magsimula kang isagawa ang katotohanan sa paggampan ng iyong tungkulin. Sa paggawa ng iyong tungkulin, maraming aspeto ng katotohanan ang dapat isagawa, at dapat mong isagawa kung aling mga aspeto ng katotohanan ang nauunawaan mo. Halimbawa, maaari kang magsimula sa pagiging isang matapat na tao, sa pagsasalita nang tapat, at pagbubukas ng iyong puso. Kung may isang bagay na hiyang-hiya kang sabihin sa mga kapatid mo, dapat kang lumuhod at sabihin iyon sa Diyos sa panalangin. Ano ang dapat mong sabihin sa Diyos? Sabihin mo sa Diyos kung ano ang nasa puso mo; huwag kang sumambit ng mga salitang walang katuturan o magtangkang lokohin Siya. Magsimula sa pagiging matapat. Kung naging mahina ka, sabihin mong naging mahina ka; kung naging buktot ka, sabihin mong naging buktot ka; kung nanloko ka, sabihin mong nanloko ka; kung nagkaroon ka ng masasama at walang-kabuluhang kaisipan, sabihin mo iyon sa Diyos. Kung lagi kang nakikipagkompetensya para sa katayuan, sabihin mo rin iyan sa Kanya. Hayaan mong disiplinahin ka ng Diyos; hayaan mong magsaayos Siya ng mga kapaligiran para sa iyo. Hayaan mong tulungan ka ng Diyos na malampasan ang lahat ng paghihirap mo at tulungan kang lutasin ang lahat ng problema mo. Dapat mong buksan ang iyong puso sa Diyos; huwag mo itong panatilihing nakasara. Kahit pagsarhan mo pa Siya, nasisiyasat pa rin Niya ang kalooban mo. Ngunit kung bubuksan mo ang iyong puso sa Kanya, matatamo mo ang katotohanan. Aling landas ang dapat mong piliin? Dapat mong buksan ang puso mo at sabihin sa Diyos kung ano ang nasa loob nito. Hindi ka dapat magsalita ng anumang hindi totoo sa anumang paraan o magpanggap. Dapat kang magsimula sa pagiging isang matapat na tao. Maraming taon na tayong nagbabahaginan sa katotohanan tungkol sa pagiging isang matapat na tao, subalit sa kasalukuyan ay marami pa ring tao ang nananatiling walang pakialam, na nagsasalita at kumikilos lamang ayon sa sarili nilang mga intensyon, hangarin, at layunin, at hindi kailanman naisipang magsisi. Hindi ito ang saloobin ng mga taong matapat. Bakit ba hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat? Para ba mas padaliin ang pangangasiwa sa mga tao? Siguradong hindi. Hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao dahil minamahal at pinagpapala ng Diyos ang matatapat na tao. Ang ibig sabihin ng pagiging matapat na tao ay pagiging isang taong may konsiyensiya at katwiran. Ang ibig sabihin nito ay pagiging isang taong mapagkakatiwalaan, isang taong mahal ng Diyos, at isang taong kayang magsagawa ng katotohanan at mahalin ang Diyos. Ang pagiging matapat na tao ang pinakapangunahing pagpapamalas ng pagtataglay ng normal na pagkatao at pagsasabuhay ng isang tunay na wangis ng tao. Kung ang isang tao ay hindi naging matapat kailanman, o hindi inisip na maging matapat, hindi niya mauunawaan ang katotohanan, lalong hindi niya makakamit ang katotohanan. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, humayo ka at tingnan mo mismo, o kaya ay humayo ka at ikaw mismo ang makaranas nito. Sa pamamagitan lamang ng pagiging isang matapat na tao maaaring maging bukas ang puso mo sa Diyos, maaari mong matanggap ang katotohanan, maaaring maging iyong buhay sa puso mo ang katotohanan, at maaari mong maunawaan at makamit ang katotohanan. Kung palaging sarado ang puso mo, kung hindi ka nagtatapat o nagsasabi ng kung ano ang nasa puso mo sa sinuman, sa puntong walang nakakaunawa sa iyo, kung gayon ay masyadong matibay ang depensa mo, at ikaw ang pinakamapanlinlang sa mga tao. Kung nananalig ka sa Diyos ngunit hindi mo kayang tunay na buksan ang sarili mo sa Diyos, kung kaya mong magsinungaling sa Diyos o magpalabis upang linlangin ang Diyos, kung hindi mo kayang buksan ang puso mo sa Diyos, at kaya pa ring magpaliguy-ligoy sa pagsasalita at itago ang iyong mga layunin, mapipinsala mo lamang ang iyong sarili, at hindi ka papansinin ng Diyos at hindi gagawa sa iyo. Hindi mo mauunawaan ang alinman sa katotohanan, at hindi mo makakamit ang alinman sa katotohanan. Ngayon, nakikita na ba ninyo ang kahalagahan ng paghahangad at pagtatamo ng katotohanan? Ano ang unang bagay na dapat mong gawin para hangarin ang katotohanan? Dapat kang maging isang matapat na tao. Kung hahangarin ng mga tao na maging matapat, saka lang nila malalaman kung gaano sila katiwali, kung mayroon ba talaga silang anumang wangis ng tao o wala, at malinaw na makakagawa ng sarili nilang hakbang o makakakita ng kanilang mga kakulangan. Kapag nagsasagawa sila ng katapatan, saka lang sila magkakaroon ng kamalayan kung gaano karaming kasinungalingan ang sinasabi nila at kung gaano kalalim nakatago ang panlilinlang at pandaraya nila. Tanging sa pagkakaroon ng karanasan sa pagsasagawa ng pagiging matapat unti-unting malalaman ng mga tao ang katotohanan ng kanilang sariling katiwalian at makikilala ang kanilang sariling kalikasang diwa, at saka lamang tuloy-tuloy na madadalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Tanging sa takbo ng palagiang pagdadalisay ng kanilang mga tiwaling disposisyon magagawang makamit ng mga tao ang katotohanan. Huwag kayong magmadali sa paglasap ng mga salitang ito. Hindi pineperpekto ng Diyos yaong mga mapanlinlang. Kung ang puso mo ay hindi tapat—kung hindi ka isang tapat na tao—kung gayon hindi ka makakamit ng Diyos. Hindi mo rin makakamit ang katotohanan, at hindi rin makakayang makamit ang Diyos. Ano ang ibig sabihin kung hindi mo makakamit ang Diyos? Kung hindi mo makakamit ang Diyos at hindi mo naunawaan ang katotohanan, hindi mo makikilala ang Diyos, kaya’t mawawalan ng paraan na maaari kang maging kaayon ng Diyos, kung magkagayon ay ikaw ang kaaway ng Diyos. Kung hindi ka kaayon ng Diyos, hindi mo Diyos ang Diyos; at kung ang Diyos ay hindi mo Diyos, hindi ka maaaring maligtas. Kung hindi mo hinahangad na matamo ang kaligtasan, bakit ka naniniwala sa Diyos? Kung hindi mo matatamo ang kaligtasan, magiging matinding kaaway ka ng Diyos magpakailanman, at itatakda na ang iyong kahihinatnan. Kaya, kung nais ng mga tao na maligtas, dapat silang magsimula sa pagiging matapat. Sa huli, ang mga nakakamit ng Diyos ay minamarkahan ng isang tanda. Alam ba ninyo kung ano ito? Nasusulat ito sa Pahayag, sa Bibliya: “At sa kanilang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis” (Pahayag 14:5). Sino yaong “sila”? Sila yaong mga naligtas, nagawang perpekto at nakamit ng Diyos. Paano inilalarawan ng Diyos ang mga taong ito? Ano ang mga katangian at mga pagpapahayag ng kanilang pag-asal? Wala silang dungis. Hindi sila nagsasabi ng mga kasinungalingan. Marahil ay nauunawaan at naiintindihan ninyong lahat ang kahulugan ng hindi pagsasabi ng mga kasinungalingan: Nangangahulugan ito ng pagiging matapat. Ano ang tinutukoy ng “walang dungis”? Ang ibig sabihin nito ay hindi paggawa ng kasamaan. At anong pundasyon ang pinagbabatayan ng hindi paggawa ng kasamaan? Walang duda, nakabatay ito sa pundasyon ng pagkatakot sa Diyos. Samakatuwid, ang ibig sabihin ng pagiging walang dungis ay ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Paano inilalarawan ng Diyos ang taong walang dungis? Sa mga mata ng Diyos, tanging ang mga may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan ang perpekto; sa gayon, ang mga taong walang dungis ay yaong mga may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, at tanging ang mga perpekto ang walang dungis. Tama talaga ito. Kung araw-araw na nagsisinungaling ang isang tao, hindi ba iyon isang dungis? Kung nagsasalita at kumikilos siya nang ayon sa sarili niyang kalooban, hindi ba iyon isang dungis? Kung lagi siyang naghahanap ng papuri kapag kumikilos siya, laging humihingi sa Diyos ng gantimpala, hindi ba iyon isang dungis? Kung hindi siya kailanman nagbigay-papuri sa Diyos, laging nagpapatotoo sa kanyang sarili, hindi ba iyon isang dungis? Kung pabasta-basta niyang ginagawa ang kanyang tungkulin, nagiging oportunista, nagkikimkim ng masasamang layunin, at nagpapakatamad, hindi ba iyon isang dungis? Lahat ng pagbubunyag na ito ng mga tiwaling disposisyon ay mga dungis. Hindi lang ito alam ng mga tao bago pa nila maunawaan ang katotohanan. Sa kasalukuyan, alam ninyong lahat na ang mga pagbubunyag ng katiwalian na ito ay mga dungis at karumihan; sa sandaling maunawaan ninyo nang kaunti ang katotohanan, saka lamang kayo magkakaroon ng ganitong uri ng pagkakilala. Lahat ng mga tumutukoy sa mga pagbubunyag ng katiwalian ay may kaugnayan sa mga kasinungalingan; ang mga salita ng Bibliya, na “walang nasumpungang kasinungalingan,” ang mahalagang elemento sa pagninilay-nilay kung may mga dungis ka ba o wala. Kaya, kung susukatin kung nakaranas ba ang isang tao ng paglago sa kanyang buhay o wala, may isa pang pahiwatig, ito ay: kung nakapasok ka ba o hindi sa pagiging isang matapat na tao, kung gaano ba karaming kasinungalingan ang masusumpungan sa mga bagay na sinasabi mo, at kung unti-unti bang nababawasan ang iyong mga kasinungalingan o kung katulad pa rin ba ito ng dati. Kung ang mga kasinungalingan mo, kabilang na ang mapagbalatkayo at mapanlinlang mong mga salita, ay unti-unting nababawasan, pinatutunayan niyon na nagsimula ka nang pumasok sa realidad, at lumalago na ang iyong buhay. Hindi ba’t isa itong praktikal na paraan para tingnan ang mga bagay-bagay? (Oo.) Kung pakiramdam mo ay nakaranas ka na ng paglago, pero hindi man lang nabawasan ang mga kasinungalingan mo, at katulad ka lang din ng isang taong walang pananampalataya, kung gayon, isa ba itong normal na pagpapamalas ng pagpasok sa katotohanang realidad? (Hindi.) Kapag nakapasok ang isang tao sa katotohanang realidad, kahit papaano ay magsasalita siya ng mas kaunting kasinungalingan; magiging isang matapat na tao siya. Kung masyado kang nagsisinungaling at masyadong nadungisan ang mga salita mo, pinatutunayan nito na wala kang anumang ipinagbago, at hindi ka pa isang matapat na tao. Kung hindi ka isang matapat na tao, wala kang pagpasok sa buhay, kaya naman, anong paglago ang maaari mong maranasan? Buong-buo pa rin ang tiwali mong disposisyon, at isa kang walang pananampalataya at isang diyablo. Ang pagiging isang matapat na tao ay isang pahiwatig kung saan masusukat kung nakaranas ba ang isang tao ng paglago sa kanyang buhay o hindi; dapat malaman ng mga tao kung paano ikumpara ang mga bagay na ito sa kanilang sarili at malaman kung paano nila susukatin ang kanilang sarili.

Sa kabuuan, ilang pahiwatig ng kung nakaranas ba ang isang tao ng paglago sa kanyang pagpasok sa buhay ang napagbahaginan natin? (Anim.) Ibuod kung ano-ano ang anim na bagay na ito. (Ang una ay kung naniniwala ba ang isang tao sa kanyang puso na ang landas ng pananalig sa Diyos ay tama, at ganap na likas at may katwiran, kung natukoy na ba niya na ang landas na ito ang tamang landas sa buhay, at kung mayroon ba siyang determinasyon at kagustuhan na sumunod sa Diyos nang hindi nagdadalawang-isip tungkol dito. Ang ikalawa ay kung binago na ba niya ang kanyang mga pananaw tungkol sa mga tao, sa mundo, sa lipunang ito, sa landas ng buhay, mga mithiin, at direksyon ng buhay, at sa kahulugan at halaga ng buhay. Ang ikatlo ay kung may normal bang ugnayan sa Diyos ang mga tao o wala. Ang ikaapat ay kung nagagawa ba nilang magpasakop sa Diyos o hindi sa mga tao, pangyayari, bagay, at sitwasyong nakakaharap nila, at sa kung hanggang saan nila nagagawang magpasakop. Ang ikalima ay kung magagawa ba ng mga tao o hindi na maunawaan ang mga layunin ng Diyos at matamo ang katotohanan kapag may mga nangyayari sa kanila. Ang ikaanim ay kung nakapasok ba sila o hindi sa pagiging isang matapat na tao.) Dapat madalas ninyong suriin ang inyong sarili para makita kung nakapasok ba kayo sa mga bagay na ito o hindi, at nakapagbahaginan sa mga ito sa inyong mga pagtitipon. Kung hindi mo laging pinagtutuunan ang mga bagay na ito, hinding-hindi lalago ang buhay mo, at hinding-hindi magbabago ang disposisyon mo. Nakakakuha ng mga resulta ang mga tao sa alinmang bagay na pinagtutuunan nila, sa kung saanman ibinubuhos ang kanilang pagsisikap. Kung lagi kang nakatuon sa doktrina, doktrina lang ang matatamo mo; kung pinagtutuunan mong makakuha ng katayuan at kapangyarihan, maaaring maging matatag ang katayuan at kapangyarihan mo, pero hindi mo matatamo ang katotohanan, at matitiwalag ka. Kahit ano pa ang tungkuling ginagawa mo, ang pagpasok sa buhay ang mahalagang bagay. Hindi ka maaaring magpahinga ukol sa bagay na ito, ni hindi ka maaaring maging mapagpabaya.

Enero 31, 2017