Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay (Ikalawang Bahagi)
Alam ba ninyo kung ano talaga ang isang Pariseo? Mayroon bang mga Pariseo sa paligid ninyo? Bakit tinatawag na “mga Pariseo” ang mga taong ito? Paano inilalarawan ang mga Pariseo? Sila ay mga taong ipokrito, ganap na huwad, at nagpapanggap sa lahat ng kanilang ginagawa. Anong pagpapanggap ang ginagawa nila? Nagkukunwari silang mabuti, mabait, at positibo. Ganito ba sila talaga? Hinding-hindi. Dahil mga ipokrito sila, lahat ng nakikita at nalalantad sa kanila ay huwad; lahat ito’y pagkukunwari—hindi ito ang kanilang tunay na mukha. Saan nakatago ang tunay nilang mukha? Nakatago ito sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi makikita ng iba kahit kailan. Ang lahat ng nakikita ay isang palabas, lahat ng ito ay hindi totoo, ngunit maaari lamang nilang maloko ang mga tao; hindi nila maloloko ang Diyos. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, kung hindi nila isinasagawa at dinaranas ang mga salita ng Diyos, hindi nila tunay na mauunawaan ang katotohanan, at kaya gaano man kabulaklak ang kanilang mga salita, ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanang realidad, kundi mga salita at doktrina. Ang ilang tao ay nakatuon lamang sa pag-uulit ng mga salita at doktrina, ginagaya nila ang sinumang nangangaral ng pinakamatataas na mga sermon, na ang resulta ay sa loob lamang ng ilang taon, ang kanilang pagbigkas ng mga salita at doktrina ay lalo pang humuhusay, at hinahangaan at iginagalang sila ng maraming tao, pagkatapos nito ay nagsisimula silang ikubli ang kanilang sarili, at labis na binibigyang-pansin ang sinasabi at ginagawa nila, ipinapakita ang kanilang sarili bilang mga katangi-tanging banal at espirituwal. Ginagamit nila ang mga tinaguriang espirituwal na teoryang ito para ikubli ang kanilang sarili. Ang mga ito lamang ang tinatalakay nila saanman sila magtungo, paimbabaw na mga bagay na akma sa mga kuru-kuro ng mga tao, ngunit walang alinman sa katotohanang realidad. At sa pamamagitan ng pangangaral ng mga bagay na ito—mga bagay na nakaayon sa mga kuru-kuro at panlasa ng mga tao—marami silang taong nililihis. Para sa iba, ang mga ganoong tao ay tila napakataimtim at mapagpakumbaba, pero hindi talaga ito totoo; tila mapagparaya, matiisin, at mapagmahal sila, pero pagkukunwari talaga ito; sinasabi nilang mahal nila ang Diyos, ngunit ang totoo ay palabas lamang ito. Iniisip ng iba na ang mga ganoong tao ay banal, pero huwad talaga ito. Saan matatagpuan ang isang taong tunay na banal? Ang kabanalan ng tao ay pawang huwad. Palabas lang ang lahat, isang pagpapanggap. Sa tingin, mukha siyang matapat sa Diyos, ngunit ang totoo ay gumagawa lamang siya para makita ng iba. Kapag walang nakatingin, hindi siya matapat ni katiting, at lahat ng ginagawa niya ay hindi pinag-isipan. Sa panlabas, ginugugol niya ang kanyang sarili para sa Diyos at tinalikuran na niya ang kanyang pamilya at propesyon. Pero ano ang ginagawa niya nang palihim? Nagsasagawa siya ng sarili niyang gawain at nagpapatakbo ng sarili niyang operasyon sa iglesia, kumikita mula sa iglesia at palihim na nagnanakaw ng mga handog sa pagkukunwaring gumagawa para sa Diyos…. Ang mga taong ito ang makabagong-panahong mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Saan nagmumula ang mga Pariseo? Lumilitaw ba sila sa gitna ng mga walang pananampalataya? Hindi, lahat sila ay lumilitaw sa mga mananampalataya. Bakit naging mga Pariseo ang mga taong ito? May tao bang dahilan kaya sila nagkaganyan? Malinaw na hindi. Ano ang dahilan? Ito ay dahil ganito ang kanilang kalikasang diwa, at ito ay dahil sa landas na kanilang tinahak. Ginagamit lang nila ang mga salita ng Diyos bilang kasangkapan upang mangaral at mapakinabangan ang iglesia. Sinasandatahan nila ang kanilang isip at bibig ng mga salita ng Diyos, nangangaral sila ng mga huwad na espirituwal na teorya, at ipinepresenta ang kanilang sarili na banal, at pagkatapos ay ginagamit nila itong kapital upang makamit ang layong mapakinabangan ang iglesia. Nangangaral lamang sila ng mga doktrina, subalit hindi kailanman isinagawa ang katotohanan. Anong uri ng mga tao ang mga patuloy na nangangaral ng mga salita at doktrina kahit hindi nila nasundan ang daan ng Diyos kailanman? Sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Ang kanilang kapos, diumano’y mabubuting pag-uugali at mabuting asal, at ang kaunting naisuko at naigugol nila, ay ganap na natupad sa pamamagitan ng pagpipigil at pagtatago sa sarili nilang kagustuhan. Ganap na huwad ang mga kilos na iyon at lahat iyon ay pagkukunwari lamang. Sa puso ng mga taong ito, wala ni katiting na pagkatakot sa Diyos, ni wala silang anumang tunay na pananampalataya sa Diyos. Higit pa riyan, sila ay mga hindi mananampalataya. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, lalakaran nila ang ganitong uri ng landas, at magiging Pariseo sila. Hindi ba nakakatakot iyon? Ang lugar na panrelihiyon kung saan nagtitipon ang mga Pariseo ay nagiging isang pamilihan. Sa mga mata ng Diyos, ito ay relihiyon; hindi ito ang iglesia ng Diyos, ni hindi ito isang lugar kung saan Siya ay sinasamba. Sa gayon, kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, gaano man karami ang mga literal na salita at mabababaw na mga doktrina tungkol sa mga pagbigkas ng Diyos na isinasangkap nila sa kanilang sarili, ito ay walang silbi. Sinasabi ng ilang tao na: “Walang silbi kahit gaano pa karami ang isangkap ko, kaya hindi ko na lang sasangkapan ang aking sarili.” Ano ba ang pinagsasasabi nila? Hindi ba’t walang katuturan iyon? Hindi ba’t kalokohang pananalita iyon? Ano ang layon Ko sa pagbabahagi tungkol sa mga salitang ito? Ito ba ay para pigilan kang sangkapan ang iyong sarili ng mga salita ng Diyos? (Hindi.) Dapat mong sangkapan ang iyong sarili ng mga salita ng Diyos, pero ang pinakamahalagang bagay na dapat malinaw sa iyo ay na hindi mo dapat gamitin ang mga salita ng Diyos para ipresenta ang iyong sarili sa anupamang paraan, ni hindi mo ito dapat gamitin bilang puhunan para makinabang ka mula sa iglesia, lalong hindi dapat gamitin ang mga ito bilang sandata para atakihin ang iba. Ano ba ang mga salita ng Diyos? Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay na lumulutas sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kung ganap mong gagamitin at isasagawa mo ang mga salitang ito, makakamit mo ang katotohanan; ang katotohanan ay hindi magiging mga doktrina o mga salita lamang para sa iyo, kundi magiging ang buhay realidad mo. Sa sandaling makamit mo na ang katotohanan, nakamit mo na ang buhay.
Tungkol sa paksang sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao, na kasasabi Ko lang, magbabahagi Ako ng isang kuwento: May isang magandang babae noon na ikinasal sa isang mayamang lalaki. Paano ba karaniwang tinitingnan ng mundo ang gayong mga pagpapakasal? Pera lang ng mayamang lalaki ang habol ng magandang babae, at ang angking kagandahan naman ng babae ang habol ng mayamang lalaki; kinukuha ng bawat isa kung ano ang kailangan nila, at walang totoong pagmamahalan—isa itong transaksyonal na pagpapakasal. Ayon sa mga imahinasyon ng mundong ito, tiyak na maglulustay ng pera ang magandang babaeng ito, mamumuhay nang marangya, pero hindi iyon ang ginawa niya. Namuhay siya nang gaya ng isang ordinaryong maybahay, inaasikaso ang mga gawaing-bahay; sa araw-araw, naging masipag at matiyaga siya, naging mabuti siya sa kanyang asawang lalaki at sa kanyang pamilya, na anupa’t matatawag siyang mabait at may magandang loob. Pero paano siya tinrato ng mayamang lalaki? Unang-una, nag-alala siya na hindi totoong magagawa ng magandang babaeng ito na mamuhay kasama niya, at nag-alala siya na hindi magtatagal ang kanilang pagsasama, kaya’t sinarili niya ang kanyang mga kayamanan at mahahalagang bagay. Inilagay niya ang lahat sa ilalim ng sarili niyang pangalan, sa halip na sa ilalim ng kontrol ng kanyang asawa. Pero balewala lang sa magandang babae ang lahat ng ito. Kahit gaano pa siya tinrato ng kanyang asawang lalaki—hindi man siya pinagkatiwalaan nito, o nilimitahan man siya nito sa pinansiyal—hindi siya nagpamalas ng anumang bigat sa kalooban o pagkadismaya. Sa halip, lalo pa siyang naging masipag. Pagkalipas ng ilang taon, nagkaroon ng ilang anak ang magandang babae, at patuloy niyang inalagaan ang kanyang buong pamilya gaya ng dati, bilang isang mabuting asawa at mapagmahal na ina; naging masunurin, mahinahon, at maalalahanin siya sa kanyang asawa. Hanggang sa isang araw, naramdaman ng mayamang lalaki na ang kanyang asawa ay hindi gaya ng inakala niya: Hindi kayamanan niya ang habol nito, ni ang mga materyal na bagay. Wala itong hiningi higit pa sa isang normal na buhay, at bukod doon, gumugol ito nang husto para asikasuhin ang pamilya—ang kabataan nito, ang angkin nitong ganda, at ang oras nito. Naging masipag at matiyaga ito para sa pamilya, hindi kailanman nagreklamo. Naantig ang puso ng mayamang lalaki. Matapos niyang maantig, ano ang unang naisip niya? Hindi ba niya iisiping: “Ah, talagang maaasahan ang asawa ko, pero pinagdudahan ko siya at nag-ingat ako laban sa kanya. Hindi makatarungan na tinrato ko siya nang ganoon. Dapat kong ibigay sa kanya ang lahat ng aking yaman at mga bagay na iingatan, dahil siya ang tunay kong pag-ibig, ang taong pinakanararapat kong pagkatiwalaan, at siyang pinakakarapat-dapat para sa aking pagtitiwala. Kung hindi ako nagtitiwala sa kanya, kung nag-iingat ako laban sa kanya, hindi ako nagiging patas sa kanya. Walang dangal ang gayong pag-uugali. Marami na siyang pinagdaanang pagsubok sa loob ng napakaraming taon, hindi ko na siya maaaring pagdudahan pa.” Hindi ba’t lumitaw ang kaisipang ito matapos makita ang lahat ng katunayan? (Oo.) Ang ganitong uri ng kaisipan ay mula sa pagpapasya ng tao. Ang pag-oobserba sa ugali ng kanyang asawa habang nangyayari dito ang mga bagay-bagay ang naging dahilan ng kanyang pagtukoy rito, na nagbunga sa kanyang depinisyon sa asawa niya. Samakatuwid, nang matauhan ang mayamang lalaki, inilagay niya ang lahat ng kanyang kayamanan sa pangalan ng kanyang asawa, nagpapakita ng kanyang lubos na pagtitiwala rito, at sinusuklian ang maraming taon ng katapatan nito at pagkakaloob nito sa kanya. Para sa karamihan ng tao, nakaayon ito sa konsiyensiya, paghusga, mga moral, at etika ng tao. Natapos na ba ang usaping ito? (Hindi.) Pagkatapos dumaan sa mga legal na hakbang, inilagay ng mayamang lalaki ang lahat ng kanyang kayamanan sa ilalim ng pangalan ng babae. Isang araw, umuwi ng bahay ang mayamang lalaki para kumain, at pagkapasok na pagkapasok pa lang niya sa pintuan, naramdaman niyang parang may mali sa paligid. Hindi siya sinalubong o kinausap ng kanyang asawa, at walang sigla ang bahay. Bakit ang mesa, na karaniwang puno na dapat ng pagkain ngayon, ay walang laman? Lumingon siya sa kanyang likuran, at may nakita siyang isang papel sa ibabaw ng hapag-kainan, kung saan nakasulat ang dalawang malaking salita—Paalam na!
Tapos na ngayon ang kuwento. Kahit papaano ay nauunawaan na siguro ninyong lahat ang punto, kaya, ano ang layon sa likod ng paglalahad ng kuwentong ito? (Para ipaalam sa amin na hindi mapagkakatiwalaan ang mga tao, at masyado silang mahusay magpanggap.) Nalinlang ang mayamang lalaki sa pamamagitan ng isang huwad na anyo. Mahusay na nagpanggap ang magandang babaeng ito; sa loob ng maraming taong iyon, hindi siya kailanman nagpakita ng anumang kapintasan, at sa buong panahong iyon ng pagsasama nila, hindi kailanman nakahalata ni katiting ang mayamang lalaki. Anong uri ng tao ang magandang babaeng ito? (Masama siya at mapanlinlang, at talagang tuso.) May ganito na ba siyang intensyon sa simula pa lang, o binalak lang niyang gawin ito sa bandang huli, matapos niyang makuha ang lahat ng kayamanan? (Sa simula pa lang.) Ano ang mga kauna-unahan niyang intensyon nang pakasalan niya ang mayamang lalaki? Ipinamalas ba niya ang mga ito? (Hindi, itinago niya ang mga ito.) Kaya ano ang hinayaan niyang makita sa panlabas? (Isang huwad na anyo.) Isang ganap na pagpapanggap. Ano ang nasa likod ng huwad na anyong ito, sa kaibuturan nito? (Ginusto niyang magtamo ng kayamanan at pakinabang.) Hindi niya taos sa pusong pinakasalan ang mayamang lalaki, ginusto lamang niya ang kayamanan nito. Kahit abutin pa ng sampu o dalawampung taon, hangga’t magagawa niyang dayain ang mayamang lalaki sa mga kayamanan nito, walang problema sa kanya na kinailangan niyang pakasalan ito, o gugulin ang maraming taong iyon ng kanyang kabataan at pagsusumikap. Iyon ang pinakamalalim na saloobin ng kanyang puso. Ano ang kalikasan ng mga bagay na ginawa niya alang-alang sa saloobing ito? (Pagpapanggap at panlilinlang.) Marapat bang alalahanin ang mga bagay na ginawa niya, o kasuklam-suklam ang mga iyon sa mga tao? (Kasuklam-suklam.) Mabuti ba ito, o masama? (Masama.) Lahat ito ay masama. Ano ang batayan para matukoy na masama ang lahat ng kanyang mga ikinilos at lahat ng panlabas na halagang binayaran niya? Saan nanggagaling ang konklusyong ito? (Batay ito sa mga intensyon at pinagmumulan ng kanyang mga kilos.) Kaya, ano ang nauunawaan ninyo mula sa kuwentong ito? (Tumitingin ang mga tao sa panlabas na kaanyuan, pero tumitingin ang Diyos sa diwa ng mga tao.) Tiyak iyon. Bakit tumitingin ang mga tao sa panlabas na kaanyuan? Malalaman ba ng mga tao ang mga intensyon at motibasyon ng iba mula sa kanilang mga salita at kilos? Alam ba ninyo kung paano kilatisin ang mga ito? (Nakikita namin ang ilang hayag, at mabababaw na bagay.) Makikita ninyo ang ilang panlabas na pagpapamalas, pero kapag nauunawaan mo ang katotohanan at nagtataglay ka ng kaunting katotohanang realidad, hindi ba’t mas malinaw mong makikita ang diwa ng mga tao? (Oo.) Bakit malinaw na malinaw na nakikita ng Diyos ang puso ng mga tao? Ito ay dahil ang Diyos ang katotohanan, Siya ay makapangyarihan, at sinisiyasat Niya ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Sa tingin ba ninyo may tamang pamantayan ng paghatol ang mga tao na kung saan ay magagawa nilang hatulan ang iba gaya ng ginagawa ng Diyos? (Wala, dahil pare-pareho lang ang uri ng mga tao, at ang Diyos naman ang Lumikha.) Pare-pareho ng uri ang lahat ng tao, kaya may pagkakaiba ba sa pagitan ng mga tao? May pagkakaiba ba sa pagitan ng isang taong may katotohanan at isang taong walang katotohanan? May pagkakaiba ba sa pagitan ng isang taong nakakakilala sa Diyos at isang taong hindi? May pagkakaiba ba sa pagitan ng isang taong may takot sa Diyos at sa isang taong wala? (Mayroon.) Anong uri ng tao ang kayang makakita sa diwa ng isa pang tao? (Isang taong nakakakilala sa Diyos at may takot sa Kanya.) Sa huling pagsusuri, paano makakakita ang isang tao sa diwa ng isa pang tao? Sa panig ng mga tao, tanging kapag naunawaan nila ang katotohanan at may katotohanang realidad ay saka nila makikilatis ito. Sa panig naman ng Diyos, bakit Niya nagagawang makita ang diwa ng mga tao? Paano ninyo ipapaliwanag ang bagay na ito? Masasabi bang ang Diyos ang pamantayan sa kung paano huhusgahan ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay, na Siya ang batayan ng paghusga sa lahat ng positibo at negatibong bagay? (Oo.) Ano ang praktikal na elemento ng mga salitang ito? Maaaring mabuti at perpekto ang panlabas na pag-uugali ng isang tao, pero kung mayroon kang katotohanang realidad, makikilala mo kung isinasagawa ba niya ang katotohanan o hindi. Ngunit kung wala kang katotohanang realidad, kapag nakakakita ka ng isang taong may perpektong asal, na magaling magbalatkayo sa kanyang panlabas na anyo, isang mahusay na pagbabalatkayo, makikita mo ba kung isinasagawa niya o hindi ang katotohanan? Hindi mo malalaman kung paano siya kikilatisin. Kung wala ang katotohanang realidad, hindi ka magkakaroon ng pamantayan sa kung saan mahuhusgahan mo ang iba, at hindi mo malalaman kung paano sila husgahan. Kung may nakikita kang isang taong may mabuting ugali sa panlabas, na napakagiliw magsalita, na nagdurusa at gumugugol nang husto, na kung titingnan ay walang mga problema, at walang masasabing anumang kamalian, paano mo susukatin kung mabuti ba siya o masamang tao, kung mahal ba niya ang katotohanan o tutol siya rito? Paano mo kinikilatis ito? Kung wala kang pamantayan sa iyong pagpapasya, madali kang mabubulag ng kanyang panlabas na pag-uugali at mga kilos. Kung nabubulag at nalilinlang ka ng mga ito, makikilatis mo ba kung mabuti siya o masama, kung may magandang loob ba siya o wala? Hindi. Sinasabi ng ilang tao na: “Nagagawa bang siyasatin ng mga taong nakakaunawa sa katotohanan ang puso ng iba katulad ng Diyos?” Walang ganitong kakayahan ang mga tao. Kahit magkaroon pa sila ng mas malalim na pagkaunawa sa katotohanan, hindi ibig sabihin niyon na nagtataglay na sila ng realidad ng katotohanan. Ngunit, kung nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, makikilatis niya kung mabuti o masama ba ang isang tao, kung mahal ba ng isang tao ang katotohanan o hindi, kung matapat ba ito o mapanlinlang, kung may takot ba ito sa Diyos o nagrerebelde at kalaban ng Diyos, at kung taos-puso ba itong sumusunod sa Diyos o isang mapagpaimbabaw. Makikilala mo ang lahat ng bagay na ito. Sa huling pagsusuri, ano ang pinakamahalaga? (Ang pagkakaroon ng katotohanang realidad.) Hindi magagawa ng mga taong walang katotohanang realidad na lubusang maunawaan ang anumang bagay; lagi silang kumikilos na parang hangal, at kumikilos sa mga paraang salungat sa katotohanan, at lumalaban sa Diyos. Kaawa-awa ang gayong mga tao. Tinatalakay nito ang kahalagahan ng kung matatamo ba ng isang tao ang katotohanan at makapapasok sa katotohanang realidad. Paano ba nakikita ng mga tao ang iba kapag sila mismo ay hindi nakakaunawa sa katotohanan? Maaari lamang nilang tingnan ang iba sa pamamagitan ng sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Kapag hinuhusgahan at inuuri nila ang isa pang tao, tinitingnan lang nila ang kakayahan at kaalaman nito; tinitingnan lang nila kung wasto ba ang panlabas nitong ugali, kung nakaayon ba ito sa tradisyunal na kultura at moralidad ng tao, at kung nakikinabang ba ang iba sa mga kilos nito o hindi. Kung nakikita nilang makatwiran naman ang mga salita at gawa ng isang tao, na lubos na umaayon ang mga ito sa mga kuru-kuro ng tao sa etika at moralidad, at umaayon ang mga ito sa gusto ng lahat, uuriin nila ang taong iyon bilang mabuting tao. Pero paano ba inuuri ng Diyos ang mga tao? Ang lahat ba ng pamamaraang ito na ginagamit ng mga tao para makabuo ng mga konklusyon at makarating sa kanilang pinagmumulan ay mga pamantayan kung saan natutukoy ng Diyos ang diwa ng isang tao? (Hindi.) Saan ibinabatay ng Diyos ang kanyang pagtukoy sa diwa ng isang tao? Ibinabatay ng Diyos ang kanyang pagtukoy sa kalikasang diwa ng isang tao sa mga kaisipan at ideya ng puso nito, at sa motibo ng mga salita at gawa nito, na mga motibo at layon nito. Ito ang pinakadahilan kung bakit sinasabing ang Diyos ang Nag-iisang nagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Kaya ba ng isang tao na siyasatin ang kaibuturan ng puso ng ibang tao? (Hindi.) Nakikita lamang ng mga tao ang panlabas na pagpapamalas ng iba, at ang mga layuning ibinubunyag ng mga ito sa pamamagitan ng pananalita o sa pamamagitan ng paghinuha sa ipinapahiwatig nito; ang pinakamasama pa, nakikita ng mga tao ang mga bagay na ito, kaya’t maaari lamang nilang ibatay ang kanilang pagtukoy sa pag-uugali ng iba sa kung ano ang kanilang nakikita at naririnig. Sa kabilang dako, kapag tinutukoy ng Diyos ang mga tao, hindi lang Siya tumitingin sa kanilang mga kilos, sa direksyong tinutungo nila, o sa kalidad ng isang partikular na kilos. Gusto ng Diyos na makita ang kanilang pinakatotoong saloobin, makita kung ano talaga ang kanilang mga intensyon at layon habang gumagawa sila, kung anong mga idinudulot ng kanilang kalikasang diwa, at kung aling landas ang pilit na pinatatahak sa kanila ng mga bagay na iyon. Ito ang mga bagay na tinitingnan ng Diyos. Kaya tinatanong Ko kayo, sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao—ano ang tinutukoy ng “kaibuturan ng puso ng mga tao”? Sa madaling salita, ito ang pinakatotoong saloobin ng puso ng mga tao. Kaya sa harap ng Diyos, gaano ka man magbalatkayo, gaano mo man ikubli ang iyong sarili, o anuman ang ikatha mo para sa sarili mo, malinaw na nauunawaan ng Diyos ang lahat ng pinakatotoo mong saloobin at ang mga bagay na nakatago sa pinakamalalalim, at kaloob-loobang parte mo; walang kahit isang taong may itinatagong saloobin ang makakatakas sa masusing pagsisiyasat ng Diyos. Nauunawaan mo ba ang sinasabi Ko? Sa ilang dekada ng kanyang buhay at pag-uugali, nilinlang ng magandang babaeng iyon ang taong pinakamalapit sa kanya—kung mangyari sa inyo ang ganoon ding bagay, hindi rin kaya kayo malilinlang? (Malilinlang din kami.) Kaya, hindi ba ninyo masasabing hindi lamang niya nilinlang ang kanyang asawa, kundi nilinlang din niya kayo at ang iba? (Oo.) Hindi niya isiniwalat ang pinakatotoong saloobin ng kanyang puso sa sinuman—wala siyang sinumang pinagsabihan—at higit pa roon, napakahusay ng ginawa niyang pagbabalatkayo, at walang sinumang nakahalata nito. Gayunpaman, nakalimutan niya ang isang bagay—nakamasid ang Diyos sa lahat ng ginagawa ng mga tao. Maaaring nalinlang niya ang lahat, pero hindi niya malilinlang ang Diyos. Tila matalino ang mayamang lalaking iyon sa panlabas, nagawa nitong kumita ng maraming pera, pero nabiktima ito ng isang babae. Saglit ba na kapabayaan iyon sa panig nito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang nagsanhi nito? Ito ay dahil hindi nakita ng mayamang lalaki ang tunay na pagkatao ng babae. Anong mga katunayan ang inilalahad Ko sa inyo sa pamamagitan ng kuwentong ito? Sinasabi Ko sa inyo na dapat ninyong tahakin ang tamang landas habang nananampalataya kayo sa Diyos at umaasal, at huwag kayong makisangkot sa mga buktot at masasamang paraan. Ano ang mga buktot at masasamang paraan? Laging gusto ng mga mananampalataya sa Diyos na umasa sa mga munting pakana, sa mga mapanlinlang at tusong laro, at sa panlalansi, para pagtakpan ang sarili nilang katiwalian, mga depekto at kapintasan, at mga problema tulad ng sarili nilang mahinang kakayahan; palagi nilang hinaharap ang mga bagay-bagay ayon sa mga satanikong pilosopiya, iniisip nilang hindi naman ito masyadong masama. Sa mga mabababaw na bagay, binobola nila ang Diyos at ang kanilang mga lider, pero hindi nila isinasagawa ang katotohanan, ni hindi sila kumikilos alinsunod sa mga prinsipyo. Maingat nilang tinitimbang ang mga salita at pagpapahayag ng iba, palaging nag-iisip nang malalim: “Kumusta ang naging pagganap ko nitong mga nakaraan? Sinusuportahan ba ako ng lahat? Alam ba ng Diyos ang lahat ng mabubuting bagay na ginagawa ko? Kung alam Niya, pupurihin ba Niya ako? Ano ang posisyon ko sa puso ng Diyos? Mahalaga ba ako roon?” Ipinapahiwatig nito na, bilang isang taong nananampalataya sa Diyos, magtatamo ba siya ng mga pagpapala, o matitiwalag ba siya? Hindi ba’t buktot at masamang paraan ang laging pag-isipan nang malalim ang mga bagay na ito? Isa nga itong buktot at masamang paraan, at hindi ito ang tamang paraan. Ano kung gayon ang tamang paraan? (Ang hangarin ang katotohanan at maghangad ng pagbabago sa disposisyon.) Tama iyan. Para sa mga nananampalataya sa Diyos, ang tanging tamang paraan ay ang hangarin ang katotohanan, kamtin ang katotohanan, at tamuhin ang isang pagbabago sa disposisyon. Tanging ang daan kung saan inaakay ng Diyos ang mga tao para maligtas ang tunay na daan, at ang tamang daan.
Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao; nakikita Niya ang pinakamalalalim na bahagi ng puso ng mga tao, ang pinakatotoo nilang mga saloobin. Kapag sinasabi ng Diyos na “Ang mga tao ay uod,” ano ang batayan Niya sa pagsasabi nito? (Batay sa kalikasang diwa ng tao.) Ni minsan ba ay nasuri ninyo ang diwa, kalagayan, at mga pagpapamalas ng “mga uod” na sinasabi at nakikita ng Diyos? Anong mga elemento ng diwa ng tao ang nagiging dahilan para sabihin ito ng Diyos sa kanila? Bakit sinasabi ng Diyos na ang mga tao ay uod? Sa paningin ng Diyos, ang tiwaling sangkatauhan ay malinaw na nilikha Niya; pero tinutupad ba ng mga tao ang mga responsabilidad at tungkuling nararapat tuparin ng mga nilikha? Maraming tao ang gumaganap ng kanilang tungkulin, pero kumusta naman ang kanilang pagganap habang ginagawa ito? Wala silang pagkukusa sa paggawa ng kanilang tungkulin; kung hindi sila pinupungusan o dinidisiplina, hindi sila nagpapatuloy na sumulong; kailangan pa nilang laging magkita-kita, magbahaginan at matustusan upang magkaroon ng kahit kaunting pananalig, at ilang munting aktibong elemento—hindi ba’t ito ang kanilang tiwaling disposisyon? (Ito nga.) Hindi alam ng mga tao ang sarili nilang posisyon, ni hindi nila alam kung ano ang dapat nilang gawin, kung ano ang dapat nilang hangarin, o ang landas na dapat nilang tahakin; kadalasan, kumikilos pa nga sila ayon sa sarili nilang mga kagustuhan, at naghuhuramentado sila. Kung hindi dahil sa madalas na pagdidilig at pagpupungos, kung hindi dahil sa palaging pagsasaayos ng Diyos ng mga sitwasyon para gabayan ang mga tao pabalik sa Kanya, ano na kaya ang gagawin ng mga tao? Masasabi mong hindi lamang sa hindi magagawa nang maayos ng gayong tao ang kanyang tungkulin, mabubulok din siya hanggang sa puntong magiging negatibo siya, magpapakatamad, kikilos nang pabasta-basta, at lilinlangin ang Diyos. Kung hindi kayang gawin ng isang tao ang tungkuling marapat niyang gawin, ano kung gayon ang kalidad ng lahat ng kanyang kilos? Masasabi mo na ang lahat ng ito ay masasamang gawa—pawang kasamaan lang ang ginagawa niya! Sa buong maghapon, walang kaugnayan sa katotohanan ang mga naiisip niya, walang kinalaman sa pagsunod sa daan ng Diyos. Araw-araw, kumakain siya nang tatlong beses nang hindi nag-iisip o nagsisikap, kahit pa nga may naiisip siya, hindi ito nakaayon sa mga katotohanang prinsipyo, ni wala itong kahit anumang kaugnayan sa mga hinihingi ng Diyos sa tao. Gumagawa siya ng mga bagay na nakakagambala at nakakagulo, nang hindi nagpapatotoo man lang sa Diyos. Ang kanilang puso ay punong-puno ng mga kaisipan ng kung paano maghangad para sa pisikal nilang kapakanan, kung paano magsikap para sa katayuan at kasikatan, paano manindigan sa gitna ng ibang tao, para magkaroon ng katayuan at kabantugan. Kinakain nila ang pagkaing ipinagkakaloob ng Diyos at tinatamasa ang lahat ng bagay na tinutustos ng Diyos, nang hindi nakikilahok sa mga gawain ng tao. Ayaw ng Diyos sa gayong mga tao—kinasusuklaman Niya ang mga ito. Ginagawa ng ilang tao ang kanilang tungkulin bilang pormalidad lang. Pumupunta sila sa iglesia para obserbahan ang gawain na parang isang walang pananampalatayang lider; nag-iikot sila nang isang beses, bumibigkas ng ilang kasabihan, pinangangaralan ang mga kapatid, pinapakinig ang lahat sa kanila nang masunurin, at pagkatapos ay iyon na. Kapag may nakikita silang isang taong pabasta-basta at iresponsableng gumaganap sa kanyang tungkulin, iniisip nila na: “Walang kinalaman iyon sa akin, at hindi ito isang banta sa aking katayuan, kaya wala akong pakialam dito.” Sa araw-araw, nagpapatangay lang sila nang ganito, hindi kailanman gumagawa ng totoong gawain, hindi kailanman lumulutas ng anumang aktuwal na problema. Anong uri ng tao ito? (Isang taong kumakain nang sapat tatlong beses sa isang araw nang hindi nag-iisip o wala man lang ginagawa.) Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang gawin sa bawat araw, kaya walang ingat na sumasabay na lang siya sa agos, nang hindi alam kung nasisiyahan o nasusuklam ba ang Diyos sa kanya, o kung sinusuri ba siya ng Diyos. Nakaayon ba sa katotohanan ang mga bagay na ginagawa niya? Tinutupad ba niya ang kanyang mga responsabilidad? Tapat ba siya? Nagiging pabasta-basta ba siya? Itinataas ba niya ang kanyang sarili sa mga bagay na ginagawa niya? Nagpapatotoo ba siya sa Diyos? Wala siyang alam dito. Ang isang taong kumakain nang sapat tatlong beses sa isang araw nang hindi nag-iisip o wala man lang ginagawa ay karaniwang inilalarawan bilang isang “pabigat.” Wala siyang ginagawang anumang totoong gawain; sobrang tamad niya na hindi man lang niya mabigyan ang sarili niya ng pagkain, at gusto niyang pagsilbihan pa siya ng mga tao. Anong uri ng tao ito? Nananatili siya saanman siya mapapadpad bawat araw, kumakain siya saanman masarap ang pagkain, pumupunta siya saanman may komportableng matutulugan, at nagpupunta siya saanman may mga taong pupuri sa kanya. Walang pagkakaiba sa pagitan ng gayong tao at ng isang uod, hindi ba? (Wala.) Walang pagkakaiba. Batay sa mga pag-uugaling ito ng tao, mali bang tawaging “uod” ang mga tao? (Walang mali.) Palaging namumuhay ang mga tao sa ganitong uri ng masamang kalikasan; pagkatapos nilang gumawa ng kaunting totoong gawain, gusto nilang kilalanin ang kanilang mga nagawa. Sinasabi ng ilang tao na: “Lima o anim na taon ko nang ginagawa ang tungkulin ko. Nagpupursigi akong gampanan ang aking tungkulin araw-araw, at pumuputi na nga ang buhok ko.” Hindi ba’t nakakasuklam ito na paraan ng pagsasalita? Paano mo nagagawang magsalita gaya ni Pablo? Ano ang layon sa likod ng pagsisikap na umani ng pagkilala para sa iyong mga nagawa? Hindi ba’t iyon ay na gusto mo ng gantimpala mula sa Diyos? Ano ang karaniwang tawag natin sa mga taong gustong makatanggap ng gantimpala? Hindi ba’t “mga manlilimos”? Hindi ba’t walang kahihiyan ang gayong mga tao? Ginagawa mo ang tungkulin ng isang nilikha, at para kanino ang mga pinaghihirapan mo? Para ba ito sa Diyos? Walang halaga sa Diyos ang gayon. Sa katunayan, kumikilos ka lang para sa sarili mong kapakanan, kumikilos nang sa gayon magtamo ka ng kaligtasan, kaya anong pagkilala ang gusto mo, at anong gantimpala ang hinihingi mo? Kaunting biyaya, o kaunting pagpapala lang ba ang ibinigay sa iyo ng Diyos? Ibinigay ba sa iyo ng Diyos ang buhay na ito upang makahingi ka ng gantimpala? Ito ay para ba iunat mo ang iyong kamay para manlimos ka ng pagkain sa Diyos? Sa kasalukuyan, ginagawa mo ang sarili mong tungkulin. Obligasyon at responsabilidad mo ito. Pinagkatiwalaan ka ng Diyos ng isang tungkulin, na kabutihang-loob sa panig Niya, kaya hindi ka dapat manlimos ng anumang bagay; kung gagawin mo ito, kasusuklaman at aayawan ka ng Diyos. Palaging gusto ng mga tao na manlimos ng biyaya at mga gantimpala mula sa Diyos. Anong uri sila ng tao? Hindi ba’t sila ay mga taong walang kahihiyan at may mababang pagkatao? Lahat ba kayo ay nasa gayong kalagayan? (Oo.) Paano ninyo dapat lutasin ang kalagayang ito? Dapat mong makilala kung aling mga salita at gawa mo ang nasa ganitong kalagayan, at pagkatapos, agad kang manalangin sa Diyos, at tanggapin ang Kanyang masusing pagsisiyasat; suriin mong mabuti ang iyong pangit na ugali at kalikasang diwa. Pagkatapos mong magkaroon ng kaunting kaalaman at pagkaunawa, ilapit mo ito sa iyong mga kapatid at magbahaginan kayo tungkol sa mga ito, at ilantad mo ang iyong sarili sa harap nila. Kasabay ng pagbabahagi mo at paglalantad sa iyong sarili sa ganitong paraan, tatanggapin mo ang masusing pagsisiyasat ng Diyos, at sa ganitong paraan, unti-unting malulutas ang iyong kalagayan. Para malutas ang sarili mong tiwaling disposisyon, dapat mo munang malinaw na malaman kung gaano kasama at kasuklam-suklam ang tiwali mong disposisyon; saka mo lamang magagawang kasuklaman at kamuhian ang iyong sarili sa puso mo—kung hindi mo kamumuhian ang sarili mo, hindi mo malulutas ang problema. Kung lagi mong iniisip na hindi masamang mamuhay ayon sa isang tiwaling disposisyon, na magiging ayos lang ito sa ibang tao, at hangga’t wala kang ginagawang anumang masama, wala kang magiging problema—hindi ba’t kalokohan ito? Makakamit ba ng gayong mga tao ang katotohanan? Matatamo ba nila ang pagliligtas ng Diyos? Bakit ba inilalantad ng Diyos ang mga tiwaling kalagayan ng mga tao? Dapat kayong taos-pusong magbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, pag-ugnayin ninyo ang mga tiwaling kalagayan at ang mga pagbubunyag ng katiwalian ng mga tao, at pagkatapos ay ikumpara ang mga ito sa mga salita na kung saan inilalantad ng Diyos na ang tiwaling sangkatauhan ay mga uod—nakikita ba ninyong napakaseryoso ng problemang ito? Magagawa ba ninyong tanggapin ito? (Oo.) Kapag sinabi ng Diyos na ang mga tao ay uod, sino ang pangunahing pinatutungkulan Niya? Alin sa mga kalagayan at tiwaling disposisyon ng tao ang pangunahing tinutukoy Niya? Aling bahagi ng tiwaling kalikasan ng tao ang inilalantad Niya? Unang-una, ang isang taong uod ay walang halaga, wala siyang kahihiyan sa sarili; sa mga mata ng Diyos, wala siyang kakwenta-kwenta! Bakit Ko sinasabing wala siyang kakwenta-kwenta? Nilikha ka ng Diyos at binigyan ka ng buhay, at hindi mo man lang magawa ang pinakamaliit na dapat gawin sa iyong tungkulin; isa kang pabigat. Sa perspektibo ng Diyos, wala kang silbi, at walang saysay ang buhay mo! Hindi ba’t mga uod ang gayong mga tao? (Oo.) Kaya ano ang dapat gawin ng mga tao kung ayaw nilang maging mga uod? Unang-una, dapat mong hanapin ang sarili mong lugar at, sa anumang paraang posible, gumawa ka ng paraan para magampanan mo ang iyong tungkulin, nang sa gayon ay makabuo ka ng normal na ugnayan sa Lumikha, at para makapagpaliwanag ka sa Diyos. Ang susunod, pag-isipan mong mabuti kung paano ka magkakaroon ng katapatan sa pagganap mo ng iyong tungkulin, nang hindi ka nagiging pabasta-basta; dapat mong buong-buong isapuso ito. Huwag mong subukang harapin ang Lumikha nang pabasta-basta. Gawin mo ang anumang hinihingi sa iyo ng Diyos, makinig ka, at magpasakop. Ngayon, may iba pa ba kayong iniisip o pagtutol sa mga salita ng Diyos na tumatawag sa mga tao na uod? Maiuugnay ba ninyo ito sa sarili ninyo? Sinasabi ng ilang tao na: “Matagal ko nang ginagawa ang tungkulin kong ito, kaya hindi naman siguro ako isang uod, hindi ba?” Tama ba sila? (Hindi.) Bakit sila mali? Walang kaugnayan ang ginagawa mo sa panlabas sa kung uod ka man o hindi. Gustong makita ng Diyos kung paano mo ginagawa ang iyong tungkulin, kung nasa anong kalagayan ka habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, kung saan ka umaasa para magawa mo ang iyong tungkulin, kung nagkakamit ka ba ng mga resulta habang ginagawa mo ang iyong tungkulin o hindi, kung tinutupad mo ba ang iyong mga responsabilidad o hindi, at kung nagagawa mo ba ang iyong trabaho o hindi. Kung ginagawa mo ang iyong tungkulin nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, nagkakaroon ka ng katapatan, nagagawa mo ang iyong tungkulin nang pasok sa pamantayan, at napapalugod mo ang Diyos, matatakasan mo na ang katawagang “uod.”