Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay (Unang Bahagi)
Sa kasalukuyan, lahat ba kayo ay may landas at paglago kaugnay sa inyong pagpasok sa buhay? Alam ba ninyo kung ano ang mga palatandaan ng paglago sa pagpasok sa buhay? Aling mga pagbabago sa espirituwal ninyong kalagayan, o aling mga pagpapamalas na iba sa dati mong taglay ang nagpaparamdam sa iyo na mayroon kang paglago sa buhay, o nagpapakita sa mga kapatid na lumago ka na, at na nagsimula nang magbago ang disposisyon mo? Kung titingnan ang espirituwal na kalagayan, kapag nararanasan ng isang tao ang paglago sa kanyang pagpasok sa buhay, hindi na siya nalalabuan tungkol sa pananampalataya sa Diyos, hindi siya nag-aalinlangan, at may landas siyang susundan; alam niyang para sa kaligtasan ang pananampalataya sa Diyos, at alam niya na tanging ang mga naghahangad sa katotohanan ang makapagtatamo ng kaligtasan. Nakapagdudulot ng kapayapaan at kaginhawahan sa puso ng mga tao ang makita nang malinaw at matahak muna ang landas na ito. Mayroon ba kayo ng kapayapaan at kaginhawahang ito sa inyong mga puso ngayon? (Oo. Kapag may nakakaharap kaming mga tao, pangyayari, o bagay, at nagagawa naming maarok ang mga layunin ng Diyos at makita na isinaayos ang mga sitwasyong ito nang partikular para sa mga bagay na wala kami—na ito ang mga bagay na kailangan namin—sa pagkakataong iyon, nakakaramdam kami ng kapanatagan ng isip. Pero kapag nakakatagpo kami ng mga paghihirap at hindi namin alam kung paano harapin ang mga ito, naaalarma kami.) Kahit ano pang kalagayan ang karaniwang mayroon kayo sa loob ninyo kapag nasusuong kayo sa mga paghihirap, lawakan muna ninyo ang inyong paningin: Sa puso ninyo, hindi ba ninyo naiisip na tama ang pagpili sa landas ng pananalig sa Diyos, na ito ay ganap na likas at may katwiran? Hindi pa ba ninyo natukoy na ang landas na ito ang siyang tama para sa buhay? Wala ba kayong paninindigan at tibay ng loob na magpatuloy, nang hindi nagdadalawang-isip? Hindi ba’t ganito ang kalagayan ninyo? (Ganito nga.) Ito ay isang nagbabagong aspeto, kung saan ito ang unang pahiwatig na lumalago ang inyong buhay. Dagdag pa rito, kung pag-uusapan ang maraming bagay—halimbawa, ang mga tao, ang mundo, ang lipunang ito, ang landas ng buhay, ang mga mithiin at direksyon sa buhay, ang kahulugan at mga prinsipyong mayroon ka sa buhay—may anumang pagbabago ba sa inyong mga isipan at pananaw? (May ilan namang pagbabago.) Kapag regular na nakikinig ang mga tao sa mga sermon, nagkakaroon ng ilang pagbabago sa pagganap ng kanilang tungkulin, sa kanilang asta at pag-uugali, at sa kanilang mga kaisipan; pero tunay ba silang nagbabago sa kanilang mga pananaw sa mga tao, bagay-bagay, at mga mithiin at direksyon sa buhay? Kung magbago man sila sa aspetong ito, may kaugnayan dito ang pagpasok sa buhay. Ang antas ng iyong pagbabago ay katibayan ng kung gaano kalaki ang pagpasok sa buhay na mayroon ka. Marami pa ring tao ang naguguluhan tungkol sa aspetong ito ng mga bagay-bagay. Hindi nila alam kung paano tingnan ang mga tao o ang mga bagay-bagay, ni hindi nila alam kung paano danasin ang mga bagay-bagay at ang mga sitwasyong nakakaharap nila. Kumpara noong bago sila manampalataya sa Diyos, sa panlabas tila tinanggap nila ang ilang tamang pananaw, na nakaayon sa katotohanan, pero hindi nila alam kung paano gamitin ang mga ito kapag may nasasagupa silang mga isyu, at hindi nila maiugnay ang mga ito sa mga naturang isyu. Tunay bang pagbabago ito? (Hindi.) Hindi ito tunay na pagbabago. Gaano karami na bang pahiwatig ang nabanggit para malaman kung nakaranas ba o hindi ang isang tao ng paglago sa kanyang pagpasok sa buhay? (Dalawa.) Ito ang unang dalawang pahiwatig, na may kinalaman sa katotohanan ng mga pangitain at teorya.
Kapag pinagpapasyahan kung nakaranas ba ang isang tao ng paglago sa kanyang pagpasok sa buhay o hindi, may ilan pang pahiwatig na may kinalaman sa pagsasagawa. Unang-una, ang pinakapanimula at pinakapangunahing pahiwatig ay ito: Sa araw-araw, kahit ano pa ang pinagkakaabalahan mo o anumang tungkulin ang ginagawa mo, gaano katagal na kalmado ang puso mo sa harapan ng Diyos, at namumuhay sa Kanyang presensiya. Napakahalaga ng proporsyong ito. Kung ginugugol mo halos ang buong maghapon mo sa pagiging abala sa mga panlabas na bagay at sa pagtatrabaho para sa iyong pamumuhay, nang hindi naglalaan ng ilang oras para magbasa ng mga salita ng Diyos o manalangin sa Kanya, at nang hindi inilalaan ang iyong isipan sa pagninilay-nilay sa katotohanan, kung gayon, hindi normal ang ugnayan mo sa Diyos; walang puwang ang Diyos sa puso mo, at hindi mo itinuturing na isang mahalagang bagay ang pananampalataya sa Diyos. Kung palaging namumuhay ang iyong puso sa ganoong kalagayan, lalo kang malalayo sa Diyos, mababawasan nang mababawasan ang pananalig mo sa Kanya, at magiging negatibo at mahina ka kapag may mga bagay na nangyayari sa iyo. Kapag nangyari ito, lalong magiging hindi normal ang panloob mong kalagayan. Ibig sabihin, nasa isang kondisyon ka man ng pananampalataya sa Diyos o wala, taglay mo man o hindi ang normal na kalagayang dapat mayroon ang isang mananampalataya sa Diyos, kung gaano karaming oras kang namumuhay sa ganitong normal na kalagayan, at bukod pa sa maraming isyu ng pisikal na buhay na umuukopa sa iyong puso, kung gaano karaming oras ang ginugugol mo sa harap ng Diyos—ito ang unang pahiwatig sa pagsasagawa. Bukod sa pisikal nilang buhay, napakakaunting oras lamang ang ginugugol ng ilang tao sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos o sa pagbabahagi ng katotohanan. Kadalasan, ginugugol nila ang kanilang buhay sa mga panlabas na gawain, at namumuhay sa kalayawan. Hindi ba’t pamumuhay ito sa tiwaling disposisyon? Kung madalas namumuhay ang isang tao sa tiwaling disposisyon, titindi ang paglaban at pagrerebelde niya sa Diyos, na hahantong sa isang hindi normal na ugnayan sa Diyos, na katumbas ng hindi pagkakaroon ng ugnayan sa Kanya. Kaya, mahalaga ba ang pagpapanatili at pagtataguyod ng normal na ugnayan sa Diyos o hindi? (Mahalaga ito.) Gaano ito kahalaga? Saan ito mahalaga? (Kung walang puwang ang Diyos sa puso ng isang tao habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, kung gayon ay umaasa siya sa kanyang sarili, at hindi ito pagsasagawa ng katotohanan. Hindi siya magkakaroon ng pagpasok sa buhay sa ganitong paraan.) Marahil nauunawaan ninyo ito sa teoretikal na antas, pero hindi kayo makapagsalita nang malinaw sa praktikal na aspeto; ibig sabihin niyon, hindi ito masyadong malinaw sa karamihan ng mga tao at hindi nila nauunawaang mabuti ang aspetong ito ng katotohanan, at kaunting kaalaman lang din ang mayroon ka ukol dito, tama ba? (Tama.) Kung gayon, tatanungin Ko kayong lahat, kung malimit na walang kaugnayan ang isang nananalig sa pananampalataya sa Diyos o sa Diyos Mismo sa kanyang mga kilos, salita, inaasal, o sa pagganap ng kanyang tungkulin, magkakaroon ba ng anumang kinalaman sa katotohanan ang lahat ng ginagawa niya? (Wala.) Para kanino niya ginagawa ang lahat ng ito? Sa anong pundasyon ito nabuo? Saan galing ang kanyang pinagmumulan, mga motibasyon, mithiin, at prinsipyo? Kung walang kakayahan ang isang tao na magkaroon ng normal na ugnayan sa Diyos, at walang kinalaman sa Diyos ang anumang bagay na ginagawa niya, sa ano siya umaasa para kumilos? Ano ang pinagmumulan ng kanyang mga kilos? (Ang mga satanikong pilosopiya.) Umaasa siya sa mga satanikong pilosopiya para kumilos, napakalinaw niyon. Kung walang kinalaman sa Diyos ang ikinikilos at isinasabuhay ng isang tao habang siya ay kumikilos at gumagawa ng kanyang tungkulin—ipinapahiwatig nito na wala siyang kaugnayan sa katotohanan—kung gayon, sa anong bagay siya umaasa habang nagpapakaabala siya araw-araw? Umaasa siya sa mga lason ni Satanas at sa kanyang sataniko at tiwaling disposisyon para kumilos, gumanap ng kanyang tungkulin, mamuhay, at umasal. Ito ang pangatlong pahiwatig para masukat kung may paglago ba sa pagpasok sa buhay ang isang tao o wala—sa madaling salita, ito ay kung may normal na ugnayan ba sa Diyos ang isang tao o wala.
May isa pang pahiwatig ng pagsasagawa na magagamit para matukoy kung naranasan ba ng isang tao ang paglago at pagbabago sa kanyang pagpasok sa buhay. Maiisip ba ninyo kung ano ito? (Hindi ba’t kapag may nangyayari sa kanya, naniniwala siyang pinangangasiwaan at isinasaayos ito ng Diyos, at siya’y may mapagpasakop na puso?) Tama iyon, pagkakaroon ito ng mapagpasakop na puso; napagpapasyahan ito sa pamamagitan ng pagtingin sa kung gaano mapagpasakop ang isang tao sa mga tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap niya, at kung hanggang saan niya kayang magpasakop. Kaya man ng isang taong magpasakop o hindi kapag may nangyayari sa kanya, kung hanggang anong antas siya nakapagpapasakop, at pagkatapos niyang makapagpasakop sa lahat ng pangangasiwa ng Diyos, anong katotohanan ang natatamo niya—aling aspeto ng pagpasok sa buhay ng isang tao ang sinusubok nito? (Sinusubok nito kung may tunay ba siyang pananalig o wala.) Sinusubok nito kung tunay ba siyang nananampalataya sa Diyos, at sinusubok nito kung gaano kalaki ang kanyang pananalig sa Diyos; iyon ay isang parte nito. May iba pa ba? (Ang pagkatakot sa Diyos.) Sinusubok nito kung ang mga tao ay may-takot-sa-Diyos na puso o wala, isa pang parte nito iyon. Ano pa? (Kung mahal ba nila ang katotohanan o hindi.) Tama iyon, sinusubok din nito kung mahal nila ang katotohanan o hindi, kung nagagawa ba nilang isagawa ang katotohanan o hindi. Lahat-lahat, tatlong aspeto iyon. Nagagawa mo mang magpasakop o hindi ay nakadepende sa kung anong saloobin ang mayroon ka kapag may nangyayari sa iyo, kung nilalabanan mo ba o tinatanggap; iyon ang pinakapangunahing bagay. May mga pagkakataon na kapag may nangyari, maaaring may mapagpasakop kang saloobin, pero kung hindi umaayon ang naturang bagay sa iyong mga kuru-kuro, medyo hindi madali para sa iyo na magpasakop; kung umaayon ito sa iyong panlasa at maaaring makinabang ka mula rito, mas madali para sa iyo na magpasakop. Hindi ba’t nangangahulugan itong hindi sapat ang iyong pagpapasakop? Ang paminsan-minsan o pansamantalang pagpapasakop ba’y tunay na pagpapasakop sa Diyos? Kaugnay sa kung ano ang nagmumula sa Diyos at sa mga pagsasaayos ng Diyos, may ilang bagay na nagagawa mong tanggapin, at ibang mga bagay naman na hindi mo kayang tanggapin. Problema ito. Hindi ba’t malinaw na pagrerebelde ito laban sa Diyos? Halimbawa, sabihin na nating sinabihan ka ng Diyos na magulo ang isip, ano ang magiging reaksyon mo? Iisipin mo saglit, “Siguradong hindi nagkakamali ang mga salita ng Diyos,” at tatanggapin mo ito sa iyong puso, at mag-a-amen sa salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, nasa mga walumpu o siyamnapung porsiyento kang mapagpasakop, pero habang nasa prosesong nararanasan mo ito, maaaring nararamdaman mo paminsan-minsan na matalino ka naman, at hindi magulo ang isip—ito iyong sampung porsiyentong natitira, na pumipigil sa iyo na tuluyang magpasakop. Normal ang ganitong uri ng kalagayan. Sa anong punto ng karanasan ganap mong mauunawaan ang kasabihang ito? (Balang araw, kapag nabunyag na tayo, mapagtatanto natin na magulo ang isip natin, at may tunay na pagkakilala sa ating sarili.) Tama iyon. Kapag may kaunti kang pagkakilala sa sarili mong kalikasan, disposisyon, at mga prinsipyo ng kilos, pati na sa kalidad ng iyong pagkatao at iyong kakayahan, atbp., mapagtatanto mo na: “Magulo ang isip ko! Hindi man lang malinaw ang mga iniisip ko, ni hindi ako nagsasalita nang malinaw; hindi ko hinaharap nang maayos ang mga bagay-bagay, at iniraraos ko lang ang mga bagay-bagay na nangyayari sa akin sa magulong paraan; wala akong sineseryosong bagay, at kung magseryoso man ako, hindi ko ito maunawaan—ganoon ang isang taong magulo ang isip!” Habang mas dumaranas ka, lalo mong mararamdaman na tama ang mga salita ng Diyos, na nagsasalita Siya sa iyo; lalo kang magpapasakop sa mga salitang ito. May proseso ng pagtanggap ang mga tao patungkol sa mga salitang ito, pero ano ang unang bagay na nais ng Diyos? Kapag sinabi ng Diyos na magulo ang isip mo, nais ba Niya ng isang saloobing lumalaban, at pabasta-basta, o ng isang saloobing marunong tumanggap mula sa iyo? (Isang saloobing marunong tumanggap.) Nais ng Diyos na ang mga tao ay magkaroon ng saloobing marunong tumanggap. Dapat magkaroon ang mga tao ng ganoong kalagayan, na kung saan kahit gaano pa karami ang nalalaman nila, dapat muna silang matutong tumanggap at magpasakop. Bagamat maaari mong isipin na medyo magulo lang ang isip mo, hindi naman lubos na magulo gaya ng sinasabi ng Diyos sa iyo, gayunpaman ay dapat mong tanggapin ito. Sa proseso ng pagdanas, sa proseso ng paghahangad ng pagbabago sa disposisyon, unti-unti kang magkakaroon ng pagkakilala tungkol sa sarili mong pagkatao, sa mga pagbubunyag ng tiwali mong disposisyon, sa iyong mga saloobin at sa mga resulta ng iyong mga kilos, at sa lahat ng kalagayang mayroon ka habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Mapagtatanto mo na hindi ka lang pala medyo magulo ang isip, kundi talagang magulo ang isip mo, at hindi medyo hangal lang. Sa pagkakataong ito, hindi ka magkakaroon ng mga kaisipan o paglaban sa magulo ang isip na inilantad ng Diyos, ni hindi ka magkakaroon ng anumang kuru-kuro, at magagawa mong tanggapin ito. Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Tinatanggap mo ba bilang katunayan ang paglalantad ng Diyos, o tinatanggap ito bilang pagsumpa sa iyo? (Bilang katunayan.) Kung gayon, tinatanggap mo ba ito bilang katotohanan? Sa realidad, umaayon sa mga katunayan ang mga paglalantad ng Diyos sa tao, ito ang katotohanan, at dapat tanggapin ito ng mga tao bilang ang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao na: “Ang salitang ‘magulo ang isip’ ba ay katotohanan?” Paano ba ipaliwanag ito? Sa realidad, hindi naman ang salitang ito ang katotohanan, kundi ito ang diwa ng salitang ito—ang depinisyon at pagsusuri ng Diyos sa ganitong uri ng disposisyon ang katotohanan. Iyon ang katunayan ukol sa bagay na ito. Ang sabihing magulo ang isip ninyo, matatanggap naman ninyo ito batay sa kasalukuyan ninyong tayog. Nakakasama ba ng loob ang mga salitang “magulo ang isip”? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil totoo naman ito.) Maaaring hindi ganoon ang iniisip ng ilang tao sa kanilang puso, at sinasabi nila na: “Ang mga salitang ‘magulo ang isip’ ay halos elegante at sibilisado, at hindi ito isang sumpa, kaya bakit hindi natin ito tatanggapin? Marami na kaming narinig na mas mararahas na salita kaysa rito—kaya naming tanggapin ang mga iyon, kaya gaano pa kaya namin matatanggap ang ganito kaeleganteng salita?” Hindi ba’t ang ipinapahiwatig nito’y hindi madaling sumama ang loob ninyo, kaya naman tila hindi nakakasakit sa inyo ang ganito kaelegante, at kasibilisadong salita? Ganoon ba talaga iyon? Ang totoo, hindi. Elegante man o marahas ang isang salita, kung iniisip mong hindi ka ganoong tao, kung hindi mo alam kung tama ba o mali ang mga salita ng pagsusuri, kung iyon ba ang diwa mo o hindi, kahit kaaya-aya pa at elegante ang salita, hindi mo magagawang tanggapin ito. Ito ay may kinalaman sa problema ng kung kaya bang tanggapin ng isang tao ang katotohanan o hindi, at gayundin sa problema ng kung may tunay ba siyang pagkakilala sa sarili niyang kalikasang diwa o wala. Nakarinig na kayo ng mas mararahas na salita noon, at tinanggap, tiniis, at sinang-ayunan ninyo ang mas mararahas pa, kaya wala na lang sa inyo ang hindi gaanong marahas na salitang “magulo ang isip,” pero sa realidad, hindi talaga ninyo ginagamit ang salita sa inyong sarili. Hindi ito isang saloobin ng tunay na pagpapasakop at pagtanggap. Kung talagang matatanggap mo ang salitang ito bilang ang katotohanan at ginagamit mo ito sa iyong sarili, lalong lalalim ang pagkakilala mo sa iyong sarili. Kapag tinatawag ka ng Diyos na magulo ang isip, hindi Niya hinihingi sa iyo na tanggapin ang isang pahayag, o salita, o pakahulugan—hinihingi Niya na unawain mo ang katotohanang nakapaloob dito. Kaya kapag may tinawag nga ang Diyos na magulo ang isip, anong katotohanan ang nakapaloob dito? Nauunawaan ng lahat ang mababaw na kahulugan ng salitang “magulo ang isip.” Ngunit pagdating sa mga pagpapamalas at disposisyon ng isang taong magulo ang isip, kung alin sa mga bagay na ginagawa ng mga tao ang dulot ng magulong isipan at alin ang hindi, kung bakit inilalantad ng Diyos ang mga tao sa ganitong paraan, kung maaari bang humarap sa Diyos ang mga magulo ang isip o hindi, kung kaya bang kumilos ng mga magulo ang isip ayon sa prinsipyo o hindi, kung kaya ba nilang maunawaan o hindi kung ano ang tama at ano ang mali, kung kaya ba nilang makilatis o hindi kung ano ang minamahal ng Diyos at ano ang kinasusuklaman ng Diyos—kadalasan, hindi malinaw sa mga tao ang mga bagay na ito; para sa kanila ay malabo ang mga ito at hindi maliwanag, ganap na hindi malinaw. Halimbawa: Kadalasan ay hindi alam ng mga tao—hindi malinaw sa kanila—kung ang paggawa ba ng isang bagay sa isang partikular na paraan ay pagsunod lamang sa mga regulasyon, o pagsasagawa ng katotohanan. Ni hindi nila alam—ni hindi malinaw sa kanila—kung ang isang bagay ba ay minamahal ng Diyos o kinasusuklaman ng Diyos. Hindi nila alam kung ang pagsasagawa sa isang partikular na paraan ay nakakalimita sa mga tao, o normal na pagbabahagi ng katotohanan at pagtulong sa mga tao. Hindi nila alam kung ang mga prinsipyo ba sa likod ng paraan ng pagkilos nila sa mga tao ay tama, at kung sinusubukan ba nilang magkaroon ng mga kakampi, o tumulong sa mga tao. Hindi nila alam kung ang pagkilos ba sa isang partikular na paraan ay pagsunod sa isang prinsipyo at paninindigan sa kanilang posisyon, o pagiging mayabang at mapagmagaling, at pagpapakitang-gilas. Kapag wala silang ibang magawa, mahilig tumitig sa salamin ang ilang tao; hindi nila alam kung ito ba ay narsisismo at banidad, o kung ito ay normal. Ang ilang tao ay mainitin ang ulo at ang mga personalidad nila ay medyo kakatwa; masasabi ba nila kung ito ba ay may kaugnayan sa pagkakaroon nila ng masamang disposisyon? Ni hindi makita ng mga tao ang kaibahan sa pagitan ng mga bagay na ito na karaniwang nakikita, karaniwang nakakaharap—subalit sinasabi pa rin nila na napakarami nilang nakamit sa pananalig sa Diyos. Hindi ba’t ito ay pagiging magulo ng isipan? Kaya matatanggap ba ninyong matawag na magulo ang isip? (Oo.) Sa kasalukuyan, mukhang kaya naman itong tanggapin ng karamihan sa mga tao. Ano ang dapat ninyong gawin pagkatapos na tanggapin ito? Dapat ninyong ikumpara ito sa sarili ninyong kalagayan at partikular na suriin kung sa aling mga bagay nagiging magulo ang isip ninyo, at kung sa alin nagiging malinaw ang inyong pag-iisip. Ikumpara ninyo ito sa sarili ninyong kalagayan, hukayin ang sarili ninyong katiwalian, at pagkatapos ay kilalanin ang inyong sarili sa mga bagay na ito, at pagsumikapang mahanay sa mga magulo ang isip. Ano ang masasabi ninyo sa ganitong uri ng pagsasagawa? Ang kaalamang ito ba ay kabuuan? (Hindi. Dapat naming hanapin ang katotohanan, at makaranas ng pagbabago sa aspetong ito.) Tama iyan. At nais ba ninyong maging magulo ang isip sa buong buhay ninyo? (Hindi.) Walang sinuman ang nais na maging magulo ang isip. Sa katunayan, ang pagbabahagi at pagsusuri sa ganitong paraan ay hindi para pasubukan sa iyo na iklasipika ang sarili mo na isang taong magulo ang isip; paano ka man ilarawan ng Diyos, ano man ang ilantad Niya tungkol sa iyo, paano ka man Niya hatulan, kastiguhin, at pungusan, ang sukdulang layunin ay tulutan kang matakasan ang mga kalagayang iyon, maunawaan mo ang katotohanan, matamo ang katotohanan, at sikaping hindi maging magulo ang isip. Kaya ano ang dapat mong gawin kung ayaw mong maging magulo ang isip? Kailangan mong hangarin ang katotohanan. Una sa lahat, kailangan mong malaman kung saang mga bagay nagiging magulo ang isip mo, kung saang mga bagay ka palaging nangangaral ng doktrina, palaging nagpapaligoy-ligoy tungkol sa teorya at mga salita at doktrina, at natutulala kapag nahaharap ka sa mga katunayan. Kapag nilutas mo ang mga problemang ito at naging malinaw sa iyo ang bawat aspeto ng katotohanan, mababawasan ang mga pagkakataon na nagiging magulo ang isip mo. Kapag mayroon kang malinaw na pagkaunawa sa bawat katotohanan, kapag malaya kang nakakakilos sa lahat ng ginagawa mo, kapag hindi ka napipigilan o nahihigpitan—kapag, may nangyari sa iyo, kaya mong matagpuan ang mga tamang prinsipyo ng pagsasagawa at talagang kaya mong kumilos ayon sa prinsipyo matapos magdasal sa Diyos, hanapin ang katotohanan, o makatagpo ng isang taong makapagbabahagi sa iyo, hindi na magiging magulo ang isip mo. Kung malinaw sa iyo ang isang bagay, at kaya mong isagawa nang tama ang katotohanan, hindi na magiging magulo ang isip mo pagdating sa bagay na iyon. Kailangan lamang maunawaan ng mga tao ang katotohanan para natural na maliwanagan ang kanilang puso.
Sinasabi ng Diyos na magulo ang isip ng ilang tao, at sa simula, maaaring hindi nila magawang tanggapin ito, pero pagkalipas ng ilang panahon, napagtatanto nilang wala nga talaga silang malinaw na nauunawaan; hindi sila marunong kumilatis ng mga huwad na lider at anticristo; pakiramdam nila ay napakagulo ng isip nila, at mababa ang kanilang kakayahan, kaya tinatanggap nila ito at nagpapasakop sila. Medyo kaaya-aya namang pakinggan, at elegante ang salitang “magulo ang isip,” at kailangang lumipas muna ang ilang panahon bago ito matanggap ng mga tao; maaaring mas mahirap para sa kanila na tanggapin ang hindi gaanong kaaya-ayang pakinggan, at hindi eleganteng mga salita. Sa mga salita ng Diyos, ang ilan ay talaga namang tumpak na naglalantad at humahatol sa mga tao; mas marahas pa ang mga ito. Masyadong maliit ang tayog ng karamihan sa mga tao para matanggap ang mga ito. Pagkatapos na marinig ang mga ito, nasasaktan sila at hindi natutuwa; pakiramdam nila ay napinsala ang kanilang dignidad, na naagrabyado at nasugatan ang kanilang pusong kulang pa sa gulang. Aling mga salita ang talagang hindi komportable para sa inyo na marinig, dahilan para mapaisip kayo na hindi dapat sabihin ng Diyos ang mga salitang ito, at hindi ninyo makakayang tanggapin? Halimbawa: basura, uod, masagwang demonyo, mababa pa kaysa sa baboy o mga aso, halimaw, atbp. Tila hindi madali para sa karamihan sa mga tao na tanggapin ang mga salitang ito. Madalas bang nagsasabi ng gayong mga salita ang mga sibilisadong tao? May pinag-aralan kayong lahat. Binibigyang-pansin ninyong lahat ang pagiging pino at payak sa inyong pananalita, at maging sa paraan ng inyong pagsasalita: Maingat kayong magsalita, at natuto na kayong hindi sirain ang dignidad at dangal ng iba. Sa inyong mga salita at kilos, tinutulutan ninyo ang mga tao na makakilos nang malaya. Ginagawa ninyo ang lahat ng makakaya ninyo para mapanatag ang mga tao. Hindi ninyo inilalantad ang kanilang mga pilat o pagkukulang, at sinisikap ninyong huwag silang masaktan o mapahiya. Gayon ang interpersonal na prinsipyong pinagbabatayan ng kilos ng karamihan sa mga tao. At anong klaseng prinsipyo ito? (Ito ang pagiging mapagpalugod sa mga tao; ito ay mapanlinlang at madulas.) Ito ay tuso, madulas, mapanlinlang, at mapanira. Nakatago sa likod ng nakangiting mukha ng mga tao ang maraming malisyoso, mapanira, at kasuklam-suklam na bagay. Halimbawa, kapag nakikihalubilo sa iba, ang ilang tao, pagkakita na may kaunting katayuan ang taong iyon, iniisip nila sa kanilang puso: “Kapag nakikipag-usap ako sa kanila, kailangan kong pumili ng kaaya-ayang pakinggang mga salita, kung hindi, baka mapinsala ko ang kanilang reputasyon—paano kung parusahan nila ako?” Hindi na lang tuloy sila nagsasalita, o kung magsalita man sila, ginagawa nila ito sa mataktika, kaaya-ayang pakinggan, at nambobolang paraan. Kapag nagkikita sila, sinasabi nilang: “Aba! Wala pa akong nakitang kasingganda mo. Diwata ka ba? Napakaganda mo, hindi mo na kailangan ng makeup; kung maglalagay ka ng makeup, lalo ka pang mamumukod-tangi. Tingnan mo ang tindig mo, lahat ng suotin mo ay bagay na bagay sa iyo! Dinisenyo yata talaga para sa mga taong kagaya mo ang ganyang kagandang-tingnan, at kaakit-akit na mga damit!” Talagang nagsasalita sila nang kaaya-aya, kaya sinumang makakarinig sa kanila ay mapapanatag ang loob, pero iniisip ba nila ang mga bagay na iyon sa kanilang puso? (Hindi.) Ano talaga ang iniisip nila? Siguradong may mga intensyon at lihim silang motibo, na tiyak namang kahiya-hiya; maaaring sadyang nakakatakot, buktot, o kasuklam-suklam ang mga ito, dahilan para kamuhian sila ng iba. Sa sandaling maghiwa-hiwalay na sila, nagsasalita sila ng masama sa iba tungkol sa taong iyon, sinasabi ang anumang masasakit at nakakapoot na bagay na maiisip nila tungkol sa taong iyon. Naglalaman ng pambabatikos ang kanilang mga salita, isang kamandag! Ang mga salita ng pambobola na kasasabi lang nila ay nagiging sanhi para maasar sila at hindi pumayag; ikinasisiya nilang maliitin at siraang-puri ang ibang tao. May kadiliman sa puso ng gayong mga tao; makasarili at nakakasuklam sila. Kasuklam-suklam at kamuhi-muhi ang ganitong uri ng asal. Anong uri ng tao ito? Isang mapanlinlang na tao. Masyadong maraming ganoong tao sa gitna ng mga walang pananampalataya, at may ilan pa nga na nasa loob ng sambahayan ng Diyos. Kapag sinasabi nila ang mga kaaya-ayang pakinggang salitang iyon, mayroon silang kahiya-hiya at kasuklam-suklam na intensyon at lihim na motibo; sinasabi nila ang anumang makakatulong sa kanila para makamit ang kanilang layon. Hindi sila nagsasalita alinsunod sa mga katunayan, at pinapalaki nila ang isyu; may mga intensyon at layon sila sa likod ng kanilang kaaya-ayang pakinggang mga salita. Kapag nagsasalita sila nang nakasasama ng loob, nagsasalita sila ng anumang nakakapoot na bagay na kaya nila, at kaya nilang salitain ang lahat ng uri ng makamandag na salita. Anong uri ng tao ito? Higit sa panlabas na mga pagbubunyag ng kanilang mga disposisyon, na mapagpaimbabaw, tuso, at mapanlinlang, ano pa ang mayroon sa kanilang kalikasan? Makamandag sila—masyadong makamandag! Kapag pinupuri nila ang iba, hinihingi ba ito ng iba? (Hindi.) Bakit nila pinupuri ang iba? (May layon sila.) Tama iyan. Patas man o sa maruming paraan, pinaglalaruan nila ang mga tao upang makamit ang kanilang mga intensyon at layon; sasabihin nila ang anumang bagay, kahit gaano pa ito nakakasuka. Hindi ba’t makamandag ito? Pagkatapos, para lutasin ang kawalang balanse sa kanilang puso, tinatraydor nila ang mga tao kapag nakatalikod, sinusumpa, at sinisiraang-puri sila, at sinasabi nila ang anumang masasakit at nakakapoot na bagay na kaya nilang sabihin. Hindi ba’t makamandag ito? Napakamakamandag nito! Mula sa bagay na ito, makikita mo ang kalikasan ng tao. Walang bagay na ginagawa nila sa harap ng mga tao o sa likod man ng mga ito ang totoo o matapat, ni hindi alinsunod sa katotohanan o sa pagkatao ang alinman sa mga ito; pawang masama at nakakalason ang lahat ng ito. Wala bang nakakalasong elemento sa lahat ng sinasabi ng tiwaling sangkatauhan? (Mayroon.) Kaya, maaasahan ba ang mga salita ng mga tao? Mapagkakatiwalaan ba ang kanilang mga salita? Lubhang hindi maaasahan, at lubhang hindi mapagkakatiwalaan ang mga tao! Bakit? Dahil habang nabubuhay sila, ang mga bagay na nabubunyag mula sa kanilang mga kilos at pananalita, sa kanilang bawat gawa at kilos, sa kanilang bawat kaisipan at idea, ay lahat sa isang satanikong disposisyon, na lubusang kumakatawan sa satanikong kalikasang diwa.
Bakit nananampalataya ang mga tao sa Diyos, ngunit hindi naniniwala na ang Kanyang mga salita ang katotohanan? Ito ay dahil bulag ang kanilang mga mata, hindi nila nauunawaan kung ano ang katotohanan, at wala silang pagkakilala sa Diyos. Maraming tao ang nagbabasa ng mga salita ng Diyos at kaya nilang tanggapin na ang Kanyang mga salita ang katotohanan, pero may mga kuru-kuro at pagtutol sila sa mga sinabi ng Diyos tungkol sa “mga uod,” “basura,” “mga diyablo,” at “mga hayop,” hanggang sa puntong hindi nila lubos na matanggap ang mga bagay na ito. Ito ay dahil hindi nila kilala ang sarili nilang kalikasan. Paano ba nakikita ng mga tao ang kalikasang diwa ng tao? (Kinikilala nila ang sarili nilang mga satanikong disposisyon, pero iniisip nila na may mabuting parte pa rin sa kanila, at hindi nila nakikita na sila mismo ay mga buhay na Satanas.) Nauunawaan ba ng mga tao ang sarili nilang kalikasang diwa nang tumpak, malinaw at totoo gaya ng Diyos? (Hindi.) Sa katunayan, ang kalikasang diwa ng tao ay ganap na salungat sa Diyos. Tinitingnan ng Diyos ang diwa at kalikasan ng tao. Hindi Niya tinitingnan kung ano ang sinasabi o ginagawa ng mga tao sa panlabas, tinitingnan Niya ang kanilang puso, diwa, at kalikasan. Saan galing ang mga depinisyon at paraang iyon ng pananalita ng Diyos para sa tao? Natutukoy ang mga ito batay sa kalikasang diwa ng tao, pati na sa mga tiwaling disposisyong ibinubunyag ng tao. Matapos magsalita sa puntong ito, nauunawaan na ba ninyo kung ano ang ibig sabihin ng “sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao”? Laging sinasabi ng mga tao na “sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao,” kaya anong mga karanasan ang mayroon kayo sa mga salitang ito? Naranasan na ba talaga ninyo ang mga ito? Anong kaalaman at pagkaunawa ang mayroon kayo sa mga salitang ito? Ang ilang tao ay naguguluhan; inaakala nilang nangangahulugan ito na alam ng Diyos ang mga kaisipan at ideyang lumalabas mula sa kanila, na alam Niya ang mga bagay na ginagawa nila na hindi nakaayon sa katotohanan, na alam Niya ang karumihan, katiwalian, at magagarbong hangarin ng kanilang puso; kahit gumagawa pa sila ng masasamang bagay nang hindi binabanggit ang mga ito, alam ito ng Diyos. Habang sinisiyasat ng Diyos ang mga tao, sinisiyasat lang ba talaga Niya ang panlabas, ang mga bagay na batid ng mga tao? Matatawag ba iyon na pagsisiyasat ng Diyos sa kaibuturan ng puso ng mga tao? (Hindi.) Ano ang pinakamalalim na bahagi ng puso ng isang tao? (Ang kanyang kalikasang diwa.) May kakayahan ba ang mga tao na magkaroon ng kabatiran sa sarili nilang kalikasang diwa? Kaya ba nilang maramdaman ito? Kaya ba nilang malaman ito? (Hindi nila kaya.) Kung hindi ito maramdaman ng mga tao, paano nila tunay na makikilala ang kanilang sarili? (Makikilala lamang nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos at ng Kanyang pagbubunyag sa kanila.) Sinisiyasat ng Diyos ang kalikasang diwa ng mga tao na hindi nila maramdaman ni malaman; kapag inilalantad ng Diyos ang kalikasang diwa ng mga tao, kapag ibinubunyag ito ng mga katunayan, nagiging kumbinsido talaga sila. Ang mga kaisipan, ideya, at pananaw ng mga tao ay pawang mabababaw na bagay lamang. Minsan ay malakas na binibigkas ang mga ito, at minsan naman, ang mga ito’y isang panandaliang ideya lamang, isang kaisipang mula sa puso, o isang pansamantalang aktibong kaisipan, ngunit lahat ito’y mabababaw na bagay lamang. Kayang impluwensiyahan at gabayan ng mga aktibong kaisipang ito ang iyong mga kilos, ngunit maiimpluwensiyahan o magagabayan ba ng mga ito ang direksyon at mga mithiin ng iyong buhay? Hindi. Kaya, ano ang maaaring makaimpluwensiya o gumabay sa iyong mga kilos, at gumabay sa direksyon at mga mithiin ng buhay mo? Kaya mo bang makita nang malinaw ang bagay na ito? Ito ang nakatago sa pinakamalalalim na bahagi ng puso ng mga tao, at nakatago sa kanilang mga isipan. Ito ang bagay na kumokontrol sa mga iniisip at ikinikilos ng mga tao, ang bagay na nagiging sanhi ng kanilang mga pananaw. Hindi nauunawaan ng ilang tao ang kahulugan ng pariralang “sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao.” Ano ang ibig sabihin dito ng “ang kaibuturan ng puso ng mga tao”? Anong mga bagay ang lumilitaw sa kailaliman ng puso ng isang tao? Ito ba ay ang pinakamalalalim nilang saloobin? Kung titingnan, parang ganoon nga, pero ano ito sa realidad? Ito ang mga bagay-bagay ng kalikasang diwa ng tao na hindi natitinag ng sinuman sa kinalalagyan nito, ang mga pinakatotoong iniisip ng mga tao, na hindi nila kailanman sinasabi kaninuman; may mga pagkakataong kahit sila mismo ay hindi alam kung ano ang mga ito. Nabubuhay ang mga tao ayon sa mga bagay na ito. Iniisip nila na kung mawawala ang mga bagay na ito sa kanila, kung mawawalan sila ng motibasyong dulot ng mga bagay na ito, baka hindi na nila magawang manampalataya pa sa Diyos. Kaya, alam ba ninyo kung ano ang nakapaloob sa kaibuturan ng puso ng mga tao? (Ang pananalig sa Diyos upang magtamo ng mga pagpapala; isa itong bagay na nakahimlay sa puso ng mga tao.) Tama iyan, nananalig ang mga tao sa Diyos upang pagpalain, magantimpalaan, at makoronahan. Hindi ba’t may ganito sa puso ng lahat? Totoo na mayroon nga. Bagamat hindi ito madalas tinatalakay ng mga tao, at pinagtatakpan pa nga ang kanilang motibo at hangaring magtamo ng mga pagpapala, ang paghahangad at motibong ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao ay hindi matinag-tinag noon pa man. Gaano man karaming espirituwal na teorya ang nauunawaan ng mga tao, anumang karanasan o kaalaman ang mayroon sila, anumang tungkulin ang kaya nilang gampanan, gaano mang pagdurusa ang tinitiis nila, o gaano man ang isinasakripisyo nila, hinding-hindi nila binibitawan ang motibasyon para sa mga pagpapala na nakatago sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at laging tahimik na nagpapakapagod para dito. Hindi ba’t ito ang bagay na nakabaon sa pinakakaibuturan ng puso ng mga tao? Kung wala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala, ano ang mararamdaman ninyo? Sa anong saloobin ninyo gagampanan ang inyong tungkulin at susundan ang Diyos? Ano kaya ang mangyayari sa mga tao kung mawawala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala na nakatago sa kanilang puso? Posible na magiging negatibo ang maraming tao, samantalang ang ilan ay mawawalan ng gana sa kanilang mga tungkulin. Mawawalan sila ng interes sa kanilang paniniwala sa Diyos, na para bang naglaho ang kanilang kaluluwa. Magmumukha silang inalisan ng kanilang puso. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang motibasyon para sa mga pagpapala ay isang bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Marahil, habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin o ipinamumuhay ang buhay ng iglesia, nararamdaman nilang nagagawa nilang talikdan ang kanilang mga pamilya at masayang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at na mayroon na silang kaalaman ngayon tungkol sa kanilang motibasyon na tumanggap ng mga pagpapala, at naisantabi na nila ang motibasyong ito, at hindi na sila napamumunuan o napipigilan nito. Pagkatapos, iniisip nilang wala na silang motibasyon pa na mapagpala, pero kabaligtaran ang pinaniniwalaan ng Diyos. Mababaw lang kung tingnan ng mga tao ang mga bagay-bagay. Kapag walang mga pagsubok, maganda ang pakiramdam nila sa kanilang sarili. Basta’t hindi sila umaalis sa iglesia o hindi itinatatwa ang pangalan ng Diyos, at nagpupursigi silang gumugol para sa Diyos, naniniwala silang nagbago na sila. Pakiramdam nila ay hindi na personal na kasiglahan o pabugso-bugsong damdamin ang nagtutulak sa kanila sa pagganap ng kanilang tungkulin. Sa halip, naniniwala silang kaya na nilang hangarin ang katotohanan, at kaya na nilang patuloy na hanapin at isagawa ang katotohanan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, nang sa gayon ay nadadalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nakakamit nila ang ilang tunay na pagbabago. Gayunpaman, kapag may mga nangyayari na tuwirang may kinalaman sa hantungan at kalalabasan ng mga tao, paano sila umaasal? Nahahayag ang katotohanan sa kabuuan nito. Kaya sa bandang huli, kung ang mga tao ang tatanungin, isa bang pagliligtas at pagpeperpekto ang sitwasyong ito, o isang pagbubunyag at pagtitiwalag? Isa ba itong mabuting bagay o masamang bagay? Para sa mga naghahangad sa katotohanan, nangangahulugan ito ng pagliligtas at pagpeperpekto, na isang mabuting bagay; para naman sa mga hindi naghahangad sa katotohanan, nangangahulugan ito ng pagbubunyag at pagtitiwalag, na isang masamang bagay. Sa paglipas ng panahon, hindi ba’t nahaharap naman ang lahat ng tao sa mga sitwasyon ng pagsubok at pagpipino? Bakit ito ginagawa ng Diyos? Tiyak na may kahulugan ito, dahil sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao; alam Niya ang totoong kalagayan ng kaloob-loobang bahagi ng mga tao, nauunawaan Niya ang mga tao, at nakikita Niya nang malinaw at lubusan ang kanilang kalikasang diwa. Paglipas ng panahon, maaaring magtagumpay ang isang tao, maaaring nakagawa siya ng ilang mabubuting bagay, hindi nakagawa ng anumang malalaking pagkakamali, at maaaring magawa niyang tanggapin ang pagpupungos. Kapag may mga nangyayari sa kanya, maaaring mayroon siyang kaunting mapagpasakop na saloobin. Kaya’t iniisip niyang napakahusay na niya, na nasa tamang landas siya ng pananampalataya sa Diyos, na nailigtas at nagawa na siyang perpekto. Kapag kampanteng-kampante na siya at nalulugod sa sarili, darating ang disiplina, paghatol, at pagkastigo ng Diyos. Ibinubunyag ng mga sitwasyong ito ang mga tao, ang kanilang tayog, kanilang mga tiwaling disposisyon, kalikasang diwa, at mga saloobin sa Diyos. Ang totoo, mabuti para sa mga tao ang pagbubunyag na ito. Kung hahangarin nila ang katotohanan, lilinisin sila ng pagbubunyag, at ng sitwasyong ito. Lilinisin sila mula saan? Lilinisin ka nito mula sa iyong mga di-makatwirang hinihingi sa Diyos at sa iyong magagarbong hangarin, at magiging dahilan ito para magkaroon ka ng tamang pananaw; hindi mo na susubukan pang makipagkasundo sa Diyos o humingi ng kung ano-ano mula sa Kanya para sa magagarbo mong hangarin; sa halip, mas lalo kang magkakaroon ng pusong tunay na nagpapasakop sa Diyos. Hindi ka na hihingi ng kahit ano, hahangarin mo lang na hanapin ang katotohanan at palugurin ang puso ng Diyos, na lalong ikadadalisay mo, hanggang sa bandang huli, magagawa mong matamo ang kaligtasan. Hindi ba’t isa itong resultang nakamit ng gawain ng Diyos? (Oo.) Wala bang pakahulugan ang Diyos sa likod ng paggawa nito? Hindi ba nito nalilinis ang mga tao? Kailangan bang linisin ang mga tao sa ganitong paraan? (Oo, kailangan.) Kung hindi ilalantad at lilinisin ng Diyos nang ganito ang mga tao, matatamo ba ng mga tao ang katotohanan? (Hindi.) Hindi nila matatamo ang katotohanan. Batay sa kanilang satanikong kalikasan, anong uri ng daan ang maaaring lakaran ng mga tao? (Ang sundan si Satanas at labanan ang Diyos.) Maaari bang pagpalain ang gayong tao? Hindi maaari, maaari lamang siyang itiwalag.