Mga Salita sa Paghahanap at Pagsasagawa ng Katotohanan (Sipi 15)

Kung mayroong pusong nagmamahal sa katotohanan ang mga tao, magkakaroon sila ng lakas na hangarin ang katotohanan, at makapagsusumikap isagawa ang katotohanan. Matatalikuran nila ang dapat na talikuran, at mabibitiwan ang dapat na bitiwan. Sa partikular, ang mga bagay na may kinalaman sa sarili mong kasikatan, pakinabang, at katayuan ay dapat na bitiwan. Kung hindi mo bibitiwan ang mga ito, nangangahulugan ito na hindi mo minamahal ang katotohanan at wala kang lakas para hangarin ang katotohanan. Kapag may nangyayari sa iyo, dapat mong hanapin ang katotohanan at isagawa ang katotohanan. Kung, sa mga oras na kailangan mong isagawa ang katotohanan, lagi kang may makasariling puso at hindi mo mabitiwan ang iyong pansariling interes, hindi mo maisasagawa ang katotohanan. Kung hindi mo kailanman hinanap o isinagawa ang katotohanan sa alinmang sitwasyon, hindi ka isang tao na nagmamahal sa katotohanan. Kahit gaano karaming taon ka nang nananalig sa Diyos, hindi mo makakamit ang katotohanan. Ang ilang tao ay palaging hinahangad ang kasikatan, pakinabang, at pansariling interes. Anumang gawain ang isinasaayos ng iglesia para sa kanila, lagi silang nag-iisip nang mabuti, “Makikinabang ba ako rito? Kung oo, gagawin ko ito; kung hindi, hindi ko ito gagawin.” Ang ganitong tao ay hindi nagsasagawa ng katotohanan—kaya magagampanan ba niya nang maayos ang kanyang tungkulin? Hinding-hindi. Kahit na hindi ka gumagawa ng masama, hindi ka pa rin isang taong nagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi minamahal ang mga positibong bagay, at anumang mangyari sa iyo, inaalala mo lang ang sarili mong reputasyon at katayuan, ang iyong pansariling interes, at kung ano ang nakabubuti para sa iyo, kung gayon ay isa kang tao na pansariling interes lang ang motibasyon, at isang makasarili at walang dangal. Ang ganitong tao ay nananalig sa Diyos para makapagkamit ng isang bagay na maganda o kapaki-pakinabang sa kanya, hindi para matamo ang katotohanan o ang pagliligtas ng Diyos. Samakatuwid, ang ganitong mga tao ay mga walang pananampalataya. Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay iyong mga kayang hanapin at isagawa ang katotohanan, dahil nakikilala nila sa kanilang mga puso na si Cristo ang katotohanan, at na dapat silang makinig sa mga salita ng Diyos at manalig sa Diyos gaya ng Kanyang hinihingi. Kung nais mong isagawa ang katotohanan kapag may nangyayari sa iyo, ngunit iniisip mo ang sarili mong reputasyon at katayuan, at isinasaalang-alang ang iyong kahihiyan, kung gayon ay magiging mahirap na isagawa ito. Sa sitwasyong gaya nito, sa pamamagitan ng pagdarasal, paghahanap, at pagninilay-nilay sa kanilang sarili at pagkakaroon ng kamalayan sa sarili, yaong mga nagmamahal sa katotohanan ay mabibitiwan kung ano ang kanilang pansariling interes o nakabubuti para sa kanila, maisasagawa ang katotohanan, at makapagpasakop sa Diyos. Ang gayong mga tao ang mga tunay na nananalig sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan. At ano ang kinahihinatnan kapag laging iniisip ng mga tao ang sarili nilang interes, kapag lagi nilang sinusubukang protektahan ang kanilang sariling karangalan at banidad, kapag nagpapakita sila ng isang tiwaling disposisyon pero hindi naman nila hinahanap ang katotohanan para ayusin ito? Ito ay dahil sa wala silang buhay pagpasok, ito ay dahil wala silang mga tunay na patotoo batay sa karanasan. At delikado ito, hindi ba? Kung hindi mo kailanman isinasagawa ang katotohanan, kung wala kang mga patotoong batay sa karanasan, pagdating ng panahon ay mabubunyag at matitiwalag ka. Ano ang silbi ng mga taong walang mga patotoong batay sa karanasan sa sambahayan ng Diyos? Nakatakda silang hindi magawa nang maayos ang anumang tungkulin at hindi makayang gawin nang maayos ang anumang bagay. Hindi ba’t basura lang sila? Kung hindi kailanman isinasagawa ng mga tao ang katotohanan matapos ang maraming taong pananalig sa Diyos, sila ay mga walang pananampalataya; sila ay masasamang tao. Kung hindi mo kailanman isinagawa ang katotohanan, at kung lalo pang dumarami ang mga paglabag mo, nakatakda na ang kalalabasan mo. Makikita nang malinaw na ang lahat ng iyong paglabag, ang maling landas na tinatahak mo, at ang pagtanggi mong magsisi—ang lahat ng ito ay dumadagdag sa sangkaterbang masasamang gawa; kaya naman ang kalalabasan mo ay ang mapupunta ka sa impiyerno—mapaparusahan ka. Iniisip ba ninyo na maliit na bagay lang ito? Kung hindi ka pa naparusahan, hindi mo maiisip kung gaano kanakapangingilabot ito. Pagdating ng araw kung saan talaga ngang naharap ka sa kapahamakan, at naharap ka sa kamatayan, magiging huli na ang lahat para magsisi. Kung, sa pananalig mo sa Diyos, hindi mo tinatanggap ang katotohanan, at kung matagal ka nang naniniwala sa Diyos pero walang nagbago sa iyo, ang kahihinatnan mo sa huli ay ititiwalag at aabandonahin ka. Ang lahat ng tao ay mayroong mga paglabag. Ang susi ay mahanap ang katotohanan upang maayos ang mga paglabag na iyon, at magbibigay ito ng katiyakan na uunti nang uunti ang mga iyon. Anumang oras, kung sakaling maglantad ka ng iyong tiwaling disposisyon, at palagi mong nagagawang magdasal at umasa sa Diyos, hanapin ang katotohanan upang ayusin ito, at dalisayin ang iyong tiwaling disposisyon, kung magkagayon ay hindi ka nakagawa ng masama. Ganito dapat ayusin ng mga mananampalataya ang problema ng isang tiwaling disposisyon, at ganito mararanasan ang gawain ng Diyos. Kung hindi ka kailanman nagdarasal sa Diyos at hindi ka kailanman naghahanap ng katotohanan kapag may nangyayari sa iyo, o kaya naman ay kung nauunawaan mo ang katotohanan ngunit hindi mo ito isinasagawa, ano ang magiging resulta nito sa huli? Hindi na ito kailangang patunayan pa. Gaano ka man katuso at kagaling magsalita, matatakasan mo ba ang mapanuring mata ng Diyos? Makakaiwas ka ba sa mga pangangasiwa ng kamay ng Diyos? Imposible ito. Ang matatalinong tao ay dapat na lumapit sa harap ng Diyos at magsisi, tumitingin sa Kanya, umaasa sa Kanya, inaayos ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at isinasagawa ang katotohanan. Pagkatapos ay mapagtatagumpayan mo ang laman, at mapagtatagumpayan ang mga tukso ni Satanas. Kahit na ilang beses kang mabigo, dapat kang magtiyaga. Kung ikaw ay nagtitiyaga laban sa lahat ng posibilidad, darating ang panahon na magtatagumpay ka, at makakamtan mo ang biyaya ng Diyos, ang Kanyang habag, at ang Kanyang pagpapala, at magagawa mong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, gampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin at palugurin ang Diyos.

Kapag may mga nangyayari sa inyo, gaano ninyo kadalas pinipili na isagawa ang katotohanan at panatilihin ang gawain ng Diyos? (Hindi madalas. Kadalasan, pinipili kong panatilihin ang sarili kong reputasyon o pansariling interes, at napagtatanto ko ito pagkatapos, ngunit hindi madaling maghimagsik laban sa aking sarili. Kung may isang taong nagbabahagi sa akin ng katotohanan, nagbibigay ito sa akin ng kaunting lakas, at kahit paano ay nagagawa kong maghimagsik laban sa aking sarili. Ngunit kapag wala kahit isa na nagbabahagi sa akin ng katotohanan, nagiging malayo ako sa Diyos at palaging namumuhay sa ganitong kalagayan.) Mahirap maghimagsik laban sa laman, at lalong mahirap na isagawa ang katotohanan, dahil mayroon kang satanikong kalikasan na humahadlang sa iyo, at isang tiwaling disposisyon na gumagambala sa iyo, at ang mga ito ay hindi maaayos nang hindi nauunawaan ang katotohanan. Gaano karaming oras sa isang araw ang kaya ninyong gugulin nang tahimik sa presensiya ng Diyos? Ilang araw ang kaya mong palipasin nang hindi nagbabasa ng salita ng Diyos bago mo maramdaman na ikaw ay tigang na sa espiritu? (Pakiramdam ko, hindi ko kayang lumipas ang isang araw nang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Kailangan kong magbasa ng isang sipi ng mga salita ng Diyos sa umaga at pagkatapos ay pagnilayan ito. Sa ganito ay nararamdaman kong mas malapit ako sa Diyos. Kung may isang araw na abala lang akong nakasubsob sa trabaho, ni hindi kumakain o umiinom ng mga salita ng Diyos, o kaya naman ay labis na nananalangin, pakiramdam ko ay napakalayo ko sa Diyos.) Kung nararamdaman ninyo na hindi ninyo kayang malayo sa Diyos, may pag-asa pa para sa inyo. Kung kayo ay isang mananampalataya at nais makamtan ang katotohanan, hindi kayo maaaring maging pasibo at palaging naghihintay ng isang taong magbabahagi sa inyo ng katotohanan. Dapat kayong matuto na aktibong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, manalangin sa Diyos, at hanapin ang katotohanan. Kung maghihintay kayo hanggang sa dumilim ang inyong espiritu at hindi ninyo nararamdaman ang Diyos bago kumain at uminom ng Kanyang mga salita at manalangin sa Kanya, mapananatili mo lamang ang nakasanayan na. Kahit mabuti na panatilihin ang isang nominal na “pananampalataya,” hindi magkakaroon ng paglago sa iyong buhay, at kapag ang iyong espiritu ay natuyot at namanhid, at masyado ka nang naging malayo sa Diyos, malalagay ka sa panganib. Isang tukso ang nangyayari sa iyo, at nahuhulog ka na, napakadali mong nabihag ni Satanas. Kung wala kang anumang karanasan, walang nauunawaang mga katotohanan, hindi nakatuon alinman sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos o kaya naman ay sa pakikinig ng mga sermon, at walang normal na espirituwal na buhay, kung magkagayon ay magiging mahirap para sa iyo na maging matayog, at tiyak na magiging napakabagal ng iyong pag-unlad. Ano-ano ang mga dahilan sa ganitong mabagal na pag-unlad? Ano-ano ang mga kahihinatnan nito? Dapat kang malinawan tungkol sa mga bagay na ito. Sa anumang paraan inilalantad ng Diyos ang tiwaling disposisyon ng mga tao, dapat silang magpasakop dito at tanggapin ito. Dapat nilang pagnilayan ang kanilang mga sarili at ihambing ang kanilang sarili sa mga salita ng Diyos, nang sa gayon ay makamit nila ang kaalaman sa sarili at unti-unting maunawaan ang katotohanan. Ito ang lubos na nakapagpapalugod sa Diyos, at ang Banal na Espiritu ay tiyak na kikilos sa kanila, at tiyak na mauunawaan nila ang kalooban ng Diyos. Dapat mong panatilihin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan sa iyong puso sa lahat ng oras, para kapag nagkaroon ka ng problema sa tunay na buhay, magagawa mong iugnay at ihambing ito sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Pagkatapos, magiging madali nang lutasin ang problema. Halimbawa, gusto ng lahat ng tao ng isang malusog na katawan na walang karamdaman; iyan ay isang bagay na hinahangad ng lahat, ngunit paano mo ito dapat isagawa sa iyong pang-araw-araw na buhay? Una sa lahat, dapat kang magkaroon ng isang regular na pangkaraniwang gawain, huwag kumain ng mga bagay na masama sa katawan o ipinagbabawal, at magkaroon ng sapat na ehersisyo. Kapag pinagsama-sama ang mga pamamaraan na ito, at ang lahat ng ginagawa mo ay umiikot sa layunin ng pisikal na kalusugan, unti-unti mong makikita ang mga resulta. Pagkalipas ng ilang taon, ikaw ay magiging mas malusog kaysa sa iba, at magkakaroon ka ng magagandang resulta. Paano mo nakuha ang mga gayong resulta? Ito ay dahil magkatugma ang iyong mga kilos at layunin, at ang iyong pagsasagawa at teorya ay magkatugma. Pareho rin ito sa paniniwala sa Diyos. Kung sinisikap mong maging isang tao na nagmamahal sa katotohanan at nagsasagawa ng katotohanan, at isang taong nagbago ng disposisyon, kapag may nangyayari sa iyo, dapat mong iugnay ang mga ito sa mga layuning hinahangad mo at sa mga katotohanang sangkot dito. Anuman ang mga layuning hinahangad mo, basta’t ang mga ito ay ang hinihingi ng Diyos sa tao, ang mga ito ay direksyon at layunin na dapat hangarin bilang isang mananampalataya. Halimbawa, ang pagsunod sa daan ng Diyos: pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Sa sandaling mayroon ka ng direksyong ito, ng layuning ito, dapat magkaroon ka ng pamamaraan upang maisagawa ito agad pagkatapos. Kapag sinasasabi Kong “sundin ang daan ng Diyos,” ano ang pinatutungkulan ng “daan ng Diyos”? Ang ibig sabihin ay pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. At ano ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Kapag sinusuri mo ang isang tao, halimbawa—nauugnay ito sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Paano mo sila kinikilatis? (Dapat tayong maging matapat, makatarungan, at patas, at hindi dapat nakabatay sa ating mga damdamin ang ating mga salita.) Kapag sinasabi mo kung ano mismo ang iniisip mo, at kung ano mismo ang nakita mo, nagiging matapat ka. Una sa lahat, ang pagiging matapat ay tugma sa pagsunod sa daan ng Diyos. Ito ang itinuturo ng Diyos sa mga tao; ito ang daan ng Diyos. Ano ang daan ng Diyos? Pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ang pagiging matapat ba ay hindi bahagi ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? At hindi ba ito pagsunod sa daan ng Diyos? (Oo, pagsunod ito.) Kung hindi ka matapat, ang nakikita mo at ang iniisip mo ay hindi tugma sa lumalabas sa bibig mo. May magtatanong sa iyo, “Ano ang opinyon mo sa taong iyon? Responsable ba siya sa gawain ng iglesia?” at sasagot ka, “Magaling siya. Mas responsable siya kaysa sa akin, mas mahusay ang kakayahan niya kaysa sa akin, at mabuti rin ang pagkatao niya. Nasa kahustuhan siya at matatag siya.” Pero ito ba talaga ang iniisip mo sa puso mo? Ang talagang nakikita mo ay bagama’t may kakayahan nga ang taong ito, siya ay hindi maaasahan, medyo mapanlinlang, at napakamapagpakana. Ito talaga ang iniisip mo, pero noong oras nang magsalita, naisip mo na, “Hindi ko puwedeng sabihin ang katotohanan, hindi ko dapat mapasama ang loob ng sinuman,” kaya mabilis kang nagsabi ng ibang bagay, at pinili mong magsalita ng mabubuting bagay tungkol sa kanya, pero wala ni isa sa sinabi mo ang talagang nasa isip mo; ang lahat ng ito ay kasinungalingan at lahat ay pandaraya. Ipinapakita ba nito na sinusunod mo ang daan ng Diyos? Hindi. Ang tinatahak mo ay ang daan ni Satanas, ang daan ng mga demonyo. Ano ang daan ng Diyos? Ito ang katotohanan, ito ang batayan kung saan dapat ibagay ng mga tao ang kanilang pag-uugali, ito ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Bagama’t nakikipag-usap ka sa ibang tao, nakikinig din ang Diyos; pinagmamasdan Niya ang iyong puso at sinisiyasat ito. Nakikinig ang mga tao sa sinasabi mo, pero sinisiyasat ng Diyos ang puso mo. Kaya ba ng mga tao na siyasatin ang puso ng tao? Ang pinakamagagawa nila ay ang makita na hindi ka nagsasabi ng katotohanan; nakikita nila kung ano ang nasa panlabas, pero tanging Diyos lamang ang nakakikita ng nasa pinakakaibuturan ng puso mo. Ang Diyos lamang ang nakakikita ng iniisip mo, ng pinaplano mo, at ng maliliit na pakana, mga mapandayang paraan, at aktibong mga iniisip na mayroon ka sa puso mo. Kapag nakikita ng Diyos na hindi ka nagsasabi ng totoo, ano ang opinyon at ebalwasyon Niya sa iyo? Na hindi mo sinunod ang daan ng Diyos sa bagay na ito dahil hindi ka nagsabi ng totoo. Kung nagsasagawa ka ayon sa mga hinihingi ng Diyos, sinabi mo sana ang totoo: “Isa siyang taong may kakayahan, pero hindi siya maaasahan.” Tumpak man o hindi ang ebalwasyong ito, totoo naman ito at nagmula sa puso, at ito ang pananaw at posisyon na dapat sana ay ipinahayag mo. Pero hindi mo ginawa—kaya sinusunod mo ba ang daan ng Diyos? (Hindi.) Kung hindi mo sinasabi ang totoo, ano ang silbi na ipagdiinan mo na sinusunod mo ang daan ng Diyos at binibigyan mo ng kasiyahan ang Diyos? Pakikinggan ba ng Diyos ang mga salawikain na isinisigaw mo? Tinitingnan ba ng Diyos kung paano ka sumigaw, kung gaano ka kalakas sumigaw, o kung gaano katindi ang kalooban mo? Tumitingin ba Siya sa kung ilang beses kang sumigaw? Hindi ito ang mga bagay na tinitingnan Niya. Ang tinitingnan ng Diyos ay kung isinasagawa mo ba ang katotohanan, at ang mga pinipili mo at kung paano mo isinasagawa ang katotohanan kapag may nangyayari sa iyo. Kung ang pinipili mo ay ang maingatan ang mga relasyon, maingatan ang sarili mong mga interes at imahe, ang lahat ay para mapangalagaan ang sarili mo, at makikita ng Diyos na ito ang pananaw at saloobin mo kapag may nangyayari sa iyo, kung gayon ay kikilatisin ka Niya: sasabihin Niyang hindi ka isang taong sumusunod sa Kanyang daan. Sinasabi mo na nais mong hangarin ang katotohanan at sundan ang daan ng Diyos, kung gayon, bakit hindi mo ito isinasagawa kapag may nangyayari sa iyo? Ang mga salitang sinasabi mo ay maaaring mula sa puso, at maaaring ipinararating ng mga ito ang iyong kalooban at mga kagustuhan, o maaaring ang iyong puso ay naantig, at taos-puso ang mga salitang sinasambit mo habang ikaw ay umiiyak nang buong pait, ngunit ang pagsasalita ba nang taos-puso ay nangangahulugan na isinasagawa mo ang katotohanan? Nangangahulugan ba ito na ikaw ay mayroong tunay na patotoo? Hindi ito kasiguraduhan. Kung ikaw ay isang taong naghahangad ng katotohanan, magagawa mong isagawa ang katotohanan; kung hindi ka mapagmahal sa katotohanan, magsasabi ka lang ng mga bagay na nakalulugod sa pandinig, at iyon na ang katapusan niyon. Ang mga Pariseo ang pinakamagaling sa pangangaral ng doktrina at paghimig ng mga salawikain. Madalas silang tumayo sa mga sulok ng lansangan at sumigaw, “O makapangyarihang Diyos!” o “Diyos na nararapat sambahin!” Sa tingin ng iba, sila ay partikular na maka-Diyos, at walang ginawang anumang bagay laban sa kautusan, ngunit sila ba ay sinang-ayunan ng Diyos? Hindi Niya ito ginawa. Paano Niya sila kinondena? Sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng isang titulo: ang mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Noon, ang mga Pariseo ay isang respetadong uri sa Israel, kaya bakit naging bansag na lamang ang pangalang ito ngayon? Ito ay dahil ang mga Pariseo ay naging kinatawan ng isang uri ng tao. Ano ang mga katangian ng ganitong klase ng tao? Bihasa sila sa pagpapanggap, sa paggayak, sa pagkukunwari; naaapektuhan nila ang dakilang kamaharlikahan, kabanalan, katuwiran, at hayag na kagandahang-asal, at mabuti sa pandinig ang mga salawikain na kanilang isinisigaw, ngunit ang totoo, hindi nila isinasagawa ang katotohanan kahit kaunti. Anong mabuting pag-uugali ang mayroon sila? Nagbabasa sila ng mga kasulatan at nangangaral; itinuturo nila sa iba na sundin ang kautusan at mga regulasyon, at huwag labanan ang Diyos. Lahat ng ito ay mabuting pag-uugali. Lahat ng sinasabi nila ay mabuti sa pandinig, subalit, kapag nakatalikod ang iba, palihim silang nagnanakaw ng mga alay. Sinabi ng Panginoong Jesus na sila ay “nagsasala ng lamok, at lumulunok ng kamelyo” (Mateo 23:24). Nangangahulugan ito na ang lahat ng ikinikilos nila ay tila mabuti sa panlabas—mapagpanggap silang umaawit ng mga salawikain, nagsasalita sila ng mga palalong teorya, at masarap pakinggan ang kanilang mga salita, subalit ang mga gawa nila ay makalat at ganap na laban sa Diyos. Ang mga ikinikilos nila sa panlabas ay pagkukunwaring lahat, panlolokong lahat; sa kanilang mga puso, wala sila kahit katiting na pagmamahal sa katotohanan o sa mga positibong bagay. Tutol sila sa katotohanan, sa mga positibong bagay, at sa lahat ng nagmumula sa Diyos. Ano ang iniibig nila? Iniibig ba nila ang pagkamakatarungan at pagkamakatuwiran? (Hindi.) Paano mo masasabing hindi nila iniibig ang mga bagay na ito? (Ipinakalat ng Panginoong Jesus ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, na hindi lamang nila tinanggihang tanggapin, kundi kinondena rin.) Kung hindi nila ito kinondena, posible bang masabi ito? Hindi. Ang pagpapakita ng Panginoong Jesus at ang Kanyang gawain ay nagbunyag sa lahat ng mga Pariseo, at sa pamamagitan lamang ng pagkondena sa kanila at sa kanilang paglaban sa Panginoong Jesus makikita ng iba ang kanilang pagpapaimbabaw. Kung hindi dahil sa pagpapakita at gawain ng Panginoong Jesus, walang sinumang tunay na makakikilala sa mga Pariseo, at kung titingnan lamang ng mga tao ang panlabas na pag-uugali ng mga Pariseo, maiinggit pa nga sila. Hindi ba kawalan ng katapatan at panlilinlang ng mga Pariseo na gamitin ang mapagkunwaring mabuting pag-uugali upang kunin ang tiwala ng mga tao? Maaari bang ang gayong mapanlinlang na mga tao ay magmahal sa katotohanan? Talagang hindi nila ito magagawa. Ano ang layunin sa likod ng kanilang mga pagpapakita ng mabuting pag-uugali? Sa isang banda, ito ay upang linlangin ang mga tao. Sa kabilang banda, ito ay upang ilihis at makuha ang loob ng mga tao, upang ang mga tao ay tingalain sila at igalang sila. At panghuli, nais nilang magantimpalaan. Anong panloloko ito! Mahuhusay ba itong panlilinlang? Minamahal ba ng gayong mga tao ang pagkamakatarungan at pagkamatuwid? Tiyak na hindi. Ang minahal nila ay ang katayuan, kasikatan at pakinabang, at ang hinangad nila ay isang gantimpala at isang korona. Hindi nila kailanman isinagawa ang mga salita na itinuro ng Diyos sa mga tao, at hindi nila kailanman ipinamuhay ang mga realidad ng katotohanan kahit katiting man. Ang nais lamang nila ay magpanggap na may mabuting pag-uugali, at manlinlang at kunin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga mapagpaimbabaw na pamamaraan upang tiyakin ang kanilang sariling katayuan at reputasyon, na kanila namang ginagamit upang maghanap ng kapital at ng ikabubuhay. Hindi ba ito kasuklam-suklam? Mula sa ganitong pag-uugali nila, makikita mo na, sa kanilang diwa, hindi nila mahal ang katotohanan, at hindi nila ito kailanman isinagawa. Ano ang isang bagay na nagpapakita na hindi nila isinagawa ang katotohanan? Ang pinakadakila sa lahat: na ang ating Panginoong Jesus ay naparito upang gawin ang gawain ng pagtubos, at na ang lahat ng mga salitang sinambit ng Panginoong Jesus ay katotohanan at may awtoridad. Paano tumugon ang mga Pariseo dito? Bagamat kinilala nila na ang mga salita ng Panginoong Jesus ay may awtoridad at kapangyarihan, hindi lamang nila ito hindi tinanggap, kundi kanila rin itong kinondena at nilapastangan. Para saan iyon? Ito ay dahil hindi nila mahal ang katotohanan, at sa kanilang puso, tutol at napopoot sila sa katotohanan. Kinilala nila na ang Panginoong Jesus ay tama sa lahat ng Kanyang sinabi, na ang Kanyang mga salita ay may awtoridad at kapangyarihan, na hindi Siya mali sa kahit anong paraan, at na sila ay walang kahigitan laban sa Kanya. Ngunit nais nilang kondenahin ang Panginoong Jesus, kaya’t nag-usap at nagsabwatan sila, at kanilang sinabi, “Ipako Siya sa krus. Siya o kami,” at ganito sinuway ng mga Pariseo ang Panginoong Jesus. Nang panahon na iyon ay walang sinuman ang nakauunawa sa katotohanan, at walang sinuman ang nakakikilala sa Panginoong Jesus bilang Diyos na nagkatawang-tao. Bagaman sa pananaw ng tao, ang Panginoong Jesus ay nagpahayag ng maraming katotohanan, nagpalayas ng mga demonyo, at nagpagaling ng maysakit. Gumawa Siya ng maraming himala, nagpakain ng 5,000 sa pamamagitan ng limang piraso ng tinapay at dalawang isda, gumawa ng maraming mabubuting gawa, at nagkaloob ng labis-labis na biyaya sa mga tao. Mayroon lamang kaunting mabubuti at matutuwid na tao gaya nito, kaya bakit ninais ng mga Pariseo na kondenahin ang Panginoong Jesus? Bakit napakatindi ng kanilang pagnanais na ipapako Siya sa krus? Na mas pinili nilang palayain ang isang kriminal kaysa sa Panginoong Jesus ay nagpapakita kung gaano kasama at kamalisyoso ang mga Pariseo ng mundo ng relihiyon. Sila ay napakasama! Labis-labis ang kaibahan sa pagitan ng masasamang mukha na ipinagkanulo ng mga Pariseo, at ang kanilang mapagkunwari, panlabas na kabutihan, anupa’t maraming tao ang hindi matukoy kung alin ang totoo at alin ang huwad, ngunit ang pagpapakita at gawain ng Panginoong Jesus ay nagbunyag sa lahat ng ito. Ang mga Pariseo ay madalas na magaling sa pagpapanggap at sa panlabas ay mukhang maka-Diyos, na walang sinuman ang nag-akala na maaari nilang labanan nang napakalupit at usigin ang Panginoong Jesus. Kung hindi nabunyag ang mga katunayan, walang sinuman ang maaaring makaunawa sa mga iyon. Ang pagpapahayag ng katotohanan ng Diyos na nagkatawang-tao ay labis na naglalantad tungkol sa tao!