Sa Paghahanap Lamang ng mga Katotohanang Prinsipyo Magagampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin (Ikatlong Bahagi)

Ang mga hinihingi ng Diyos mula sa bawat tao ay hindi pare-pareho. Sa isang aspeto, nakasalalay ang mga iyon sa kakayahan ng taong iyon; sa isa pa, nakasalalay ang mga iyon sa kanyang pagkatao at mga paghahangad. May ilang taong walang problema sa pagsasalita nang matapat; para naman sa iba, kinakailangan nito ng matinding pagsisikap, ngunit matapos dumanas ng ilang taon ng pagpupungos, sa wakas ay may matapat na bagay na silang masasabi mula sa kanilang puso. Tinitingnan ba ito ng Diyos bilang pagbabago? Resulta ba ito ng Kanyang gawain? Ito ang ninanais na resulta ng gawain ng Diyos. Pagkatapos gawin ang gawaing ito sa loob ng napakaraming taon, kapag sa wakas ay nakita na Niya ang ninanais na resultang ito, pinahahalagahan Niya ito. Kaya, anuman ang naranasan mo noon, anuman ang mga pagkakamaling nagawa mo o maraming beses ka mang nabigo, huwag kang mag-alala. Kailangan mong sumampalataya na matuwid ang Diyos. Sumampalataya kang tama ang magpasakop sa Diyos. Sumampalataya kang tama ang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Ito ang pinakamataas na katotohanan. Sundan mo ang landas na ito sa iyong pagsasagawa at mga kilos, at hindi ka magkakamali! Huwag mo itong pag-alinlanganan o saliksikin. Sinasabi ng ilang tao: “Wala akong masyadong napala mula sa mga isinakripisyo ko noon. Kung mas marami pa akong isasakripisyo ngayon, malulugi na naman ba ako?” Kung gayon, isinagawa mo ba ang katotohanan nang isinakripisyo mo ang mga iyon? Ginawa mo ba ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo? Tinahak mo ba ang tamang landas? Kung tinahak mo ang tamang landas, magiging imposibleng hindi ka magtamo ng katotohanan o mawalan ka ng patotoo. Ngunit kung ang mga nauna mong sakripisyo ay alang-alang lamang sa katayuan, kasikatan, at mga pakinabang, ano kaya ang mapapala mo? Ang tanging mapapala mo ay pagpupungos, at kung hindi ka magsisisi, kaparusahan at pagkawasak lamang ang mapapala mo. Nagsakripisyo ka alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at umasa kang magtatamo ka ng katotohanan—hindi ba’t pagpapantasya ito? Ano kayang mapapala ng isang tao sa laging pagpapakana at pagsubok na mautakan ang Diyos? Pagkatapos ng lahat ng pagkakalkula at pagpapakana, sa huli, ang nauutakan niya ay ang kanyang sarili. Wala siyang anumang napapala, at hindi ba’t nararapat lang ito? Ano, sa paanuman, ang batayang pamantayan sa pagsampalataya sa Diyos? Ito ay ang hindi gumawa ng kasamaan, hindi lumabag sa disposisyon ng Diyos, hindi Siya galitin, hindi makipagkompetensiya sa Kanya; ito ay pagbitiw sa sariling mga intensyon, ambisyon, at pagnanais ng isang tao sa mga kritikal na sandali. Ang totoo, kapag nagpapakana ang mga tao sa iba’t ibang paraan, ang sarili nila ang naloloko nila sa huli. Kung malinaw ito sa lahat, bakit patuloy na nagpapakana ang mga tao? Ito ay dahil sa kanilang kalikasan. Ang mga tao ay may mga utak, kaisipan, at ideya; mayroon din silang kaalaman at pagkatuto. Dahil sa umiiral ang mga bagay na ito, hindi makontrol ng mga tao ang kanilang sarili; isa itong hindi mapipigilang kautusan. Kung mahilig kang magpakana, maaaring hindi gayon kalaking problema ang pagpapakana laban sa ibang tao. Ngunit kung ipagpapatuloy mo ang pagpapakana laban sa Diyos, pinupuntirya Siya ng iyong mga pakana, maidudulot mo lamang ang sarili mong kalalabasan at mawawala ang pagkakataong ibinigay sa iyo ng Diyos dahil sa pagpapakana. Hindi ito sulit. Talagang hindi mo pwedeng tulutang umabot ang iyong pagpapakana sa puntong ito. Kahit paano ka pa magpakana, sa huli ay kailangan mong sumailalim sa pagbabago ng disposisyon at makakuha ng mga resulta, at kailangang maging mabuti at positibo ang mga resultang ito. Kung magpapakana ang isang tao sa iba’t ibang paraan at sa huli ay hindi magtatamo ng katotohanan, bagkus ay hahantong sa kaparusahan, ito ang kahihinatnan ng isang taong mahilig at palaging nagpapakana. Ang gayong tao ay hindi mautak; siya ang pinakahangal sa mga hangal.

Ang lahat ng tao ay may mga karumihan kapag nagsisimula pa lang silang sumampalataya sa Diyos. Pagkalipas ng maraming taon ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, maaaring nawaksi na ninyo ang ilan sa mga tiwaling disposisyon ninyo. May mga pagkakataon pa rin bang nagpapakana at nagpaplano kayo alang-alang sa sarili ninyong mga interes? (Oo.) Madalas kayong malagay sa ganitong mga kalagayan. Kung gayon, paano ninyo dapat tratuhin ang mga iyon? May anumang prinsipyo ba ng pagsasagawa? Nangangailangan ito ng matinding paghahanap. Sa tuwing nadarama mong hindi ka nagiging matapat at namamalayan mong nasasadlak ka sa isang buktot at mapanlinlang na kalagayan, na nag-uumapaw sa puso mo ang mga tiwaling disposisyong ito, kailangan mong magdasal sa Diyos at maghimagsik laban sa iyong laman. Huwag mong balingan ang pangangatwiran o suriin at tratuhin ang bagay na ito ayon sa iyong mga kuru-kuro. Kung kontrolado ka ng iyong mga tiwaling disposisyon at nangingibabaw ang sarili mong mga pagnanais, magiging mahirap ito. Alam mo sa iyong puso kapag aabutin ka na ng malupit na kamay ng kasalanan. Kapag nangyari iyon, kailangan mong kontrolin ang iyong sarili, pigilan ang pagkilos. Kakailanganin mong patahimikin ang iyong isipan, humarap sa Diyos, at magdasal. Ang totoo, hindi mo kakailanganing suriin ang iyong sarili. Matapos makarating sa yugtong ito ng iyong pananampalataya sa Diyos, matapos makarinig ng napakaraming sermon, dapat ay medyo malinaw na sa iyo kung ano ang nasa isip mo, at alam mo na kung ano ang tama at mali. Ang susi ay kailangan mong maghimagsik laban sa iyong laman at hindi ka magpadala rito. Kung gayon, ano ang dapat mong gawin? (Magpasakop.) At paano kung hindi ka makapagpasakop agad-agad? Paano kung gusto mo pa ring makipagtalo, magsiyasat, at magsuri? Kung gayon ay kailangan mong tulutang kumalma at humupa ang iyong mga ambisyon, at kasabay niyon ay humarap at magdasal ka sa Diyos, o makipagbahaginan ka sa iyong mga kapatid. Kakailanganin mo ring magtapat at ilantad ang iyong sarili, at suriin ang sitwasyon gamit ang katotohanan, at pagkalipas ng isa o dalawang araw ay mas bubuti na ang iyong kalagayan. Gawain ito ng Banal na Espiritu. Ang pagbitiw sa mga intensyon ng isang tao ay nangangahulugang, sa isang aspekto, nagagawa niyang paghimagsikan, isuko, at itama ang mga maling kaisipan at ideya niya. Sa isa pang aspekto, kung masyadong matindi ang mga ambisyon at pagnanais ng isang tao at nais niyang kumilos batay sa mga iyon, at hindi niya mabago ang kanyang landas sa kabila ng kaalamang ang pagkilos sa ganitong paraan ay hindi naaayon sa katotohanan at hindi ang tamang landas, kung gayon, nangangailangan ito ng panalangin; kailangan niyang magdasal nang taimtim upang mapahupa ang kanyang mga ambisyon. Halimbawa, maaaring may bagay kang nais gawin, at kung kailan pinakamatindi ang pagnanais na iyon ay pakiramdam mong kailangan mo talaga itong gawin, na para bang hindi ka mabubuhay nang hindi ito ginagawa. Ngunit matapos maghintay nang dalawa o tatlong araw, makikita mong walang kahihiyan, wala sa katwiran, at walang konsiyensiya ang naunang saloobing ito. Ibig sabihin nito ay nakapagbago ka na. Paano ito nangyari? Nangyari ito sa pamamagitan ng pananalangin at ng pagbibigay-liwanag at pag-uusig ng Banal na Espiritu, na nagpahatid ng kaunting kabatiran o damdamin na nakatulong sa iyong tingnan ang problema mula sa ibang anggulo. Ang inakala mong wasto at ang bagay na hindi ka mapakaling hindi gawin ay bigla mong napagtatantong mali pala at na sa paggawa niyon, mauusig ang iyong konsensiya. Ipinahihiwatig nito ang pagbabago ng kalagayan, na nagreresulta sa pagbabago ng isipan. Kung itatama ng isang tao ang kanyang maling kalagayan, patutunayan nitong may pag-asa pa para sa taong iyon. Ibig sabihin nito ay isa siyang taong naghahangad sa katotohanan at nakatatanggap ng proteksyon ng Diyos. Ngunit kung hindi niya itatama ang kanyang maling kalagayan kahit kailan, at magpapatuloy siya kahit na nalalaman niyang mali ang kanyang ginagawa at hindi niya pakikinggan ang payo ng kahit na sino, hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan, at hindi siya makatatanggap ng pagdidisiplina ng Diyos o magtatamo ng gawain ng Banal na Espiritu. Anuman ang hinaharap ng isang taong naghahangad sa katotohanan, kung hindi niya ito naiintindihan, kailangan lang niyang magdasal nang isa o dalawang araw, magbasa ng mga salita ng Diyos, makinig sa mga sermon, o makipagbahaginan—anumang pamamaraan ang kanyang gamitin, unti-unti niyang mauunawaan ang sitwasyon at makahahanap siya ng tamang landas ng pagsasagawa. Ipinakikita nitong natamo na ng taong ito ang gawain ng Banal na Espiritu at inaakay siya ng Banal na Espiritu. Kapansin-pansin ang mga resulta, at sasailalim din sa pagbabago ang mga prinsipyong ginagamit ng taong ito sa paggawa ng mga bagay-bagay. Kung kahit kailan ay hindi ka magbabago, may problema sa iyong paghahangad at saloobin. Kung babaguhin mo ang paraan mo ng pagtingin sa mga bagay, medyo magiging madali sa iyong magsagawa ng katotohanan. Halimbawa, kapag nakakita ka ng kaunting masarap na pagkain ngunit hindi ito ang klase ng pagkaing gusto mo o hindi mo ito gustong kainin sa sandaling iyon, madali bang pigilan ang pagkain dito? (Oo.) At kung gusto mo nga itong kainin ngunit hindi mo ito pwedeng kainin, magiging madali ba itong tanggapin? (Hindi.) Dapat kang maghimagsik laban dito; maghimagsik laban sa sarili mong ganang kumain, ang sarili mong pagnanais. Kung sasabihin mong, “Mahilig ako sa pagkaing iyon, at desidido akong kainin iyon. Sino ang magsasabi sa aking hindi ko dapat kainin iyon?” at ipagpapatuloy mo ang pakikipagtalo at pagmamatigas, hindi ka makabibitiw, at hindi ka makapaghihimagsik laban sa gana mong kumain. Kung gayon ay paano ka makapaghihimagsik laban dito? Kailangan mo munang huminahon at tahimik na magnilay-nilay sa harap ng Diyos. Pagkatapos, magbasa ka ng ilan sa mga salita ng Diyos tungkol sa paksang ito at pag-isipan nang mabuti ang mga iyon: “Paanong naging masyado akong sakim? Sa masyadong pagiging desididong kainin ito, hindi ba’t wala akong kahihiyan? Ano ba talaga ang mapapala ko sa pagkain pa rin dito? Nagmamatigas ako, hindi ba?” Ang pagiging desididong kumain—ano ang disposisyong ito? May kinalaman dito ang pagiging mapilit at pagiging mapagmatigas, pati na ang kahambugan at pagiging hindi makatwiran. Isa itong tiwaling disposisyon. Ito ang disposisyong nagdudulot sa iyong maging hambog, mapanlaban, at hindi makapagpasakop. Kung pagninilayan mo ito, mapagtatanto mong napakalala ng tiwaling disposisyon mo at kayang-kaya nitong magdulot sa iyong magrebelde at lumaban sa Diyos. Kung gagawa ka nang masama, hindi lubos-maisip ang mga magiging kahihinatnan. Kung mapagninilayan mo ang iyong sarili sa ganitong paraan, likas na sisigla ang puso mo, at madali mong maaarok ang diwa ng problema. Sa puntong ito, kapag muli kang nagdasal sa Diyos, magiging normal din ang iyong mentalidad, at iba na ang magiging epekto nito. Hindi ba’t ibang-iba ang kalagayang ito sa naunang mapaghimagsik na kalagayan? Ano ang maiisip mo sa pagkakataong ito? Matutukoy mo kung gaano ka naging mapagmatigas at mapilit. Madarama mong wala kang kahihiyan at halaga. Magiging mas tumpak ang pagkaunawang ito sa iyong sarili, at mas makatwiran kang magsasagawa. Naririnig Kong madalas sabihin ng ilang tao, “Paano ko nagawang kumilos nang lubhang katawa-tawa noon? Paano ko nasabi ang gayon kahangal na mga bagay? Bakit ba napakamapaghimagsik ko? Bakit ba hindi ko alam ang tama?” Para masabi ng isang tao ang mga bagay na ito, pinatutunayan nitong nagbago at lumago na nga siya. Samakatuwid, dahil lamang sa hindi mo kayang isagawa ang katotohanan sa ilang panahon ay hindi nangangahulugang hindi mo na ito magagawa sa buong buhay mo. Ano ba ang ibig sabihin Ko rito? Mapanlinlang, mapilit, mapagmatigas, o mapagmataas man ang isang tao, ang hindi pagbabago nang agaran ay hindi nangangahulugang hindi na talaga siya makapagbabago. Kung minsan, ang pagbabago sa disposisyon ay nangangailangan ng oras; kung minsan, nangangailangan ito ng tamang kapaligiran o ng paghatol at pagkastigo ng Diyos. Gayunpaman, maaari mong sabihing, “Ganito lang talaga ako. Suko na ako. Wala na akong pakialam.” At mapanganib ito; hindi ang Diyos ang nagtitiwalag sa iyo, bagkus ay ikaw ang nagtitiwalag sa sarili mo. Hindi mo pinipili ang landas ng paghahangad sa katotohanan kundi ang landas ng pagtalikod sa iyong sarili. Pagtataksil ito sa Diyos, at sa paggawa nito ay mawawalan ka na ng pagkakataong makatanggap ng kaligtasan magpakailanman. Kung nais ng isang tao na matamo ang katotohanan, kung nais niyang magbago ang kanyang buhay disposisyon, kailangan niyang madalas na magbasa ng mga salita ng Diyos. Sa mga salita ng Diyos ay kailangan niyang suriin at pagnilayan ang kanyang sarili sa lahat ng pagkakataon at sa iba’t ibang aspeto upang unti-unting malutas ang kanyang mga tiwaling disposisyon, layunin at karumihan. Ganito dapat makipagtulungan ang mga tao, ngunit kinakailangan din nito ang gawain ng Diyos. Nagsasaayos ang Diyos ng iba’t ibang kapaligiran at, ayon sa Kanyang panahon, gumagawa Siya ng Kanyang gawain sa iyo. Sa isang aspeto, ibinubunyag Niya ang iyong mga tiwaling disposisyon, tinutulutan kang makaunawa at makapagnilay sa sarili. Sa isa pa, itinatama ng gawain ng Banal na Espiritu ang iyong kalagayan. Ito man ay tiwaling disposisyon o mga nakapanlulumo at negatibong damdamin, palaging may proseso ng pagtatama at pagsisisi. Kung sa gitna ng prosesong ito ay magdarasal ka sa Diyos at hahanapin mo ang katotohanan, maitatama ang iyong negatibong kalagayan at magagampanan mo nang normal ang iyong tungkulin. Kung hindi ka magbabago kahit matapos kang mabigyan ng ilang pagkakataong magsisi, bagkus ay paninindigan mo ang dati mong mga gawi, ipagpapatuloy ang iyong mapilit at mapagmatigas na disposisyon, hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan. Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay nakababahala, at hindi sila makapagtatamo ng kaligtasan. Suriin ninyo ang inyong sarili: Kapag nahaharap sa mga suliraning ito, gaano kalaki ang kaya ninyong ipagbago? Nabago na ba ninyo ang mga bagay-bagay at nakapagsisi na ba kayo? Kung nabago na ninyo ang mga bagay-bagay at nakapagsisi na kayo, may pag-asang makatanggap kayo ng kaligtasan; ngunit kung kahit kailan ay hindi kayo magbabago, hindi magkakaroon ng gayong pag-asa.

Ang ilang tao ay hindi ginagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, lagi silang pabasta-basta, na nagiging sanhi ng mga pagkagambala o kaguluhan, at sa huli, pinapalitan sila. Gayunman, hindi sila pinatatalsik sa iglesia, na pagbibigay sa kanila ng pagkakataong magsisi. Lahat ay may mga tiwaling disposisyon, at lahat ay may mga pagkakataon na naguguluhan sila o nalilito, mga pagkakataon na mababa ang kanilang tayog. Ang layon ng pagbibigay sa iyo ng pagkakataon ay upang mabago mo ang lahat ng ito. At paano mo ito mababago? Dapat mong pagnilayan at malaman ang nakaraan mong mga pagkakamali; huwag kang magdahilan, at huwag kang magpakalat ng mga kuru-kuro. Kung mali ang pagkaunawa mo sa Diyos at basta ipinapasa mo na lang ang mga maling pagkaunawang ito sa iba, upang sila rin ay magkamali ng pagkaintindi sa Diyos na kasama mo, at kung mayroon kang mga kuru-kuro at naglilibot ka na ikinakalat ang mga iyon, upang magkaroon ng mga kuru-kuro ang lahat na kasama mo, at sinisikap na mangatwiran sa Diyos na kasabay mo, hindi ba’t pagpukaw ito sa pagkabagabag ng lahat? Hindi ba ito pagsalungat sa Diyos? At may mabuti bang maidudulot ang pagsalungat sa Diyos? Maliligtas ka pa ba? Inaasam mo na ililigtas ka ng Diyos, ngunit tinatanggihan mong tanggapin ang Kanyang gawain, at nilalabanan at sinasalungat mo ang Diyos, kaya ililigtas ka pa rin ba ng Diyos? Kalimutan mo na ang mga pag-asam na ito. Nang makagawa ka ng pagkakamali, hindi ka pinanagot ng Diyos, ni hindi ka Niya tiniwalag dahil sa nag-iisang pagkakamaling ito. Binigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng pagkakataon, at tinulutan kang patuloy na gampanan ang isang tungkulin, at magsisi, na siyang oportunidad na ibinigay sa iyo ng Diyos; kung mayroon kang konsensiya at katwiran, dapat mong pahalagahan ito. Ang ilang tao ay palaging pabasta-basta kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, at pinapalitan sila; ang ilan ay inililipat. Ibig sabihin ba nito ay tiniwalag na sila? Hindi iyon ang sinabi ng Diyos; may pagkakataon ka pa rin. Kaya ano ang dapat mong gawin? Dapat mong pagnilayan at kilalanin ang sarili mo, at tunay kang magsisi; ito ang landas. Ngunit hindi iyon ang ginagawa ng ilang tao. Lumalaban sila, at sinasabi kung saan-saan na, “Hindi ako pinayagang gampanan ang tungkuling ito dahil mali ang nasabi ko at may napasama ako ng loob.” Hindi nila hinahanap ang problema sa sarili nila, hindi sila nagninilay, hindi nila hinahanap ang katotohanan, hindi sila nagpapasakop sa mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos, at sinasalungat nila ang Diyos sa pamamagitan ng pagkakalat ng mga kuru-kuro. Hindi ba naging Satanas na sila? Kapag ginagawa mo ang mga bagay na ginagawa ni Satanas, hindi ka na isang tagasunod ng Diyos. Naging kaaway ka na ng Diyos—maaari bang iligtas ng Diyos ang Kanyang kaaway? Hindi. Inililigtas ng Diyos ang mga taong may mga tiwaling disposisyon, mga tunay na tao—hindi mga diyablo, hindi ang Kanyang mga kaaway. Kapag nilalabanan mo ang Diyos, at nagrereklamo ka tungkol sa Diyos, at nagkakamali ka ng pagkaintindi sa Diyos, at hinuhusgahan mo ang Diyos, na nagkakalat ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, lubos kang laban sa Diyos; nagpoprotesta ka laban sa Diyos. Ano ang papel na ginagampanan mo kapag sumasampalataya ka sa Diyos subalit nagpapahayag ka rin ng pagtutol sa Kanya? Ginagampanan mo ang papel ni Satanas. Nagawa na ba ninyo ang ganitong uri ng bagay noon? (Oo.) At ano ang naramdaman ninyo pagkatapos ninyong gawin ito? (Nagdilim ang aking puso, at lumala ang aking kalagayan.) Hindi iyon ang tamang daan. Alam ninyong lahat ito, ngunit may ilang taong walang kamalayan. Bakit ba walang kamalayan ang ilang tao? (Wala silang puso at walang espiritu.) Hindi ba’t ang mga taong walang puso at espiritu ay tulad lamang ng mga hayop? Ang mga taong walang kamalayan sa konsensiya ay tiyak na hindi magiging mga tunay na mananampalataya ng Diyos. Sila ay masasamang taong palihim na pumapasok sa sambahayan ng Diyos at naghahangad na makinabang sa Kanyang mga pagpapala. Ang sinumang taong may puso at espiritu ay may kamalayan; kung sila ay mapapalitan o maililipat, mapagninilayan at makikilala nila ang kanilang sarili. Kapag nakita nila kung saan sila nagkamali, kaya nilang magsisi at magbago. May pag-asa pang maligtas ang ganitong uri ng tao.

Ang pagtupad sa tungkulin ng isang tao ang pinakadakila at pinakamahalagang bagay sa buhay niya. Kailangang kumilos ang isang tao alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi kailanman magplano para sa sarili niyang kapakanan, dahil habang mas nagpaplano ang isang tao para sa sarili niyang kapakanan, lalong naaantala ang kanyang paglago sa buhay. May ilang taong laging nagpaplano: “Kailan ba darating ang araw ng Diyos? Hindi pa ako nakahahanap ng kasintahan; kailan ba ako makapag-aasawa? Kailan ba ako magkakaroon ng sarili kong buhay?” Maraming maliliit na alalahanin sa loob ng bawat tao. Kapag maginhawa ang kanilang laman, sinisimulan nilang pagplanuhan ang kanilang buhay, mga pag-asa, tadhana, at hantungan sa hinaharap. Kung makikita mo ang totoo sa lahat ng ito at makabibitiw ka, bubuti nang bubuti ang pagganap mo sa iyong tungkulin, nang hindi ka napipigilan o naaantala. Halimbawa, sabihin nating inutusan kang maghanda ng pagkain o magpadala ng mga liham para sa iyong mga kapatid, kung kaya mong tingnan ang mga simpleng gawaing ito bilang iyong tungkulin at seryosohin ang mga ito, gampanan ang mga ito alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, bubuti nang bubuti ang pagganap mo sa iyong tungkulin—pagganap ito sa iyong tungkulin nang pasok sa pamantayan. Isang aspekto ang paninindigan sa iyong posisyon at pagtupad sa iyong tungkulin; ang isa pang aspekto ay kailangan mo ring malaman kung paano gampanan ang iyong tungkulin at kung ano ang mga prinsipyong susundin. Sa sandaling maarok mo ang mga ito, at kung susundin mo ang mga prinsipyong ito sa mga pang-araw-araw mong gawain, pati na kapag binibigyan ka ng tungkulin o sa proseso ng pagganap dito, sasailalim ka sa isang panloob na pagbabago nang hindi mo man lamang namamalayan. Para itong pag-inom ng gamot kapag may karamdaman ka. Sinasabi ng ilang tao, “Bakit hindi masyadong bumubuti ang pakiramdam ko kahit dalawang araw na akong nakaiinom ng gamot?” Bakit ka nagmamadali? Hindi naman nabuo ang karamdamang ito sa loob lang ng ilang araw, at hindi rin ito magagamot sa loob lang ng ilang araw. Kailangan nito ng oras. Sinasabi ng ilang tao: “Matagal na panahon na akong nagsasagawa ng katotohanan at kumikilos sa isang maprinsipyong paraan; bakit hindi pa ako nakatatanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Bakit hindi ko nararamdamang napupuspos ako ng Banal na Espiritu?” Hindi ka pwedeng umasa sa mga pakiramdam dito. Kaya paano mo malalaman kapag naganap na ang mga pagbabagong ito? Malalaman mo kapag, matapos may mangyari sa iyo, padali na nang padali ang pagpapasakop. Noong una ay kinailangan mong magsikap upang makapagpasakop; palagi kang nangangatwiran, nagsisiyasat, at nagsusuri, nagnanais na maghamon at lumaban, at kailangan mong pigilan ang iyong sarili. Ngunit ngayon ay hindi mo na kailangang pigilan ang iyong sarili. Kapag may nangyayari sa iyo, hindi mo na ito sinisiyasat. Kapag may ilan kang kuru-kuro o ideya, nagdarasal ka at nagbabasa ng mga salita ng Diyos upang mapawi at mabitiwan mo ang mga iyon. Mas mabilis at mas madali mong nalulutas ang iyong mga problema. Pinatutunayan nitong nauunawaan mo ang katotohanan at nagbago ka na. Sa umpisa ay isa itong pagbabago sa pag-uugali, ngunit unti-unti itong nagiging pagbabago sa buhay at disposisyon. Padali nang padali ang pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Bukod pa rito, paunti nang paunti ang iyong mga layunin, intensyon, at plano, unti-unting nababawasan. Gayunman, kung hindi nababawasan ang mga iyon bagkus ay nadaragdagan, mayroong problema. Pinatutunayan nitong sa panahong ito ay hindi ka naghahangad sa katotohanan kundi nagsusumikap lamang. Ang pakiramdam ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay habang mas gumugugol sila ng pagsisikap, mas marami silang makukuhang benepisyo, at mas malaki ang koronang matatanggap nila sa hinaharap. Hindi nila namamalayang sumusunod sila sa landas ni Pablo. Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay palaging interesado sa laki ng korona o sinag sa palibot ng kanilang ulo. Ang laging pagtuon sa mga ito ay humahantong sa pagnanais ng mabilisang tagumpay at agarang mga pakinabang. Palagi nilang ninanais na mas magsumikap, iniisip na habang mas iginugugol nila ang kanilang sarili ay mas marami silang matatanggap na pagpapala, na ang matinding pagsisikap ay magdadala ng malalaking pagpapala, na ang pagganap sa mabigat na tungkulin ay magkakamit ng malalaking benepisyo at gantimpala. Magagampanan ba nila nang maayos ang kanilang tungkulin kung ito ang lagi nilang pinagtutuunan ng pansin? Ang mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan ay hindi makatutupad sa kanilang tungkulin.

Mayroong mga tagapagpahiwatig ng pagkakaroon ng paglago sa buhay sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Nararamdaman mo rin ito sa iyong puso. Ang mga kaisipan at perspektiba ng mga tao ay sumasailalim sa ilang pagbabago matapos makaranas ng isang panahon ng pagpupungos. Halimbawa, maaari mong sabihing, “Hindi na ako interesado sa personal na pakinabang at kawalan. Tila hindi na mahalaga ngayon kung magbibigay ba ang Diyos ng mga gantimpala, at tila hindi na rin masyadong mahalaga kung tatanggap ba ako ng mga pagpapala sa huli; wala nang puwang sa puso ko ang mga alalahaning ito. Ngayon, kung sasabihin ng Diyos na hindi Niya ako pagpapalain, na gusto Niya akong pinuhin, na pagkaitan ng isang bagay, tila nakapagpapasakop ako. Magkakaroon ng kaunting kalungkutan sa aking puso, ngunit magkakaroon din ng kaunting pagpapasakop.” Ano ang pinatutunayan nito? Na medyo mayroon ka nang may-takot-sa-Diyos na puso, na naiwaksi mo na ang marami sa iyong tiwaling disposisyon, at na nakapagbago ka na talaga. Halimbawa, dati, kung mapipili kang gumanap ng isang tungkulin na nangangailangan ng kaunting paghihirap ng katawan, baka dalawang gabi mo iyong iiyakan. Ngunit ngayon ay nakapagpapasakop ka na matapos lamang lumuha nang kaunti. Naging mas madali nang magpasakop, at hindi ka na natatakot sa paghihirap. Paano nagkaroon ng pagpapasakop na ito? Nagkaroon nito mula sa pagbuo ng normal na kaugnayan sa Diyos, at mula sa unti-unting pagtanggap sa pagpupungos ng Diyos, pati na sa pagtanggap sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Matapos makuha ang resultang ito, ang mga personal mong pagnanais, plano, layunin, at ambisyon ay hindi na gaanong kapansin-pansin, at hindi mo na isinasaalang-alang ang personal na pakinabang at kawalan. Dati ginagawa mong pangalawa, pangatlo, o pang-apat na prayoridad ang mga bagay na ito, ngunit hindi na mahalaga ang mga ito ngayon; hindi mo na isinasaalang-alang ang alinman sa mga ito. Tumindi na ang pagnanais mong magpasakop sa Diyos, at unti-unti mong nasasabing, “Ayos lang sa akin kung anuman ang ibigay sa akin ng Diyos at kung anuman ang nais Niyang bawiin,” na hindi lamang mga walang kabuluhang salita ang mga ito. Tulad nga ng sinabi ni Job, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” nasasabi mo na rin ito ngayon. Ngunit taglay mo ba ang tayog ni Job? (Hindi.) Maglalakas-loob ka bang magdasal sa Diyos na subukin ka Niya gaya ng ginawa Niya kay Job? Hindi; hindi mo taglay ang pananampalataya o ang tayog para dito. Kapag iniisip mo si Job na puno ng mga bukol, kinakayod ang kanyang mga langib gamit ang isang piraso ng palayok, natatakot at nanginginig ka, iniisip mong, “Siguradong masakit iyon. Huwag sana mangyari sa akin iyon kahit kailan. Hindi ko iyon makakayanan. Hindi ko taglay ang ganoong uri ng pananampalataya.” Hindi ba’t ganito nga? Kaya huwag mong akuin ang bagay na wala kang pananampalataya na panindigan. Huwag kang mainip sa mga resulta at huwag mong isiping may tayog ka. Hayaan mong ihatid ka ng iyong mga paa nang matatag ang mga hakbang, matuto kang tulutang likas na umusad ang mga bagay-bagay, at palalimin mo ang iyong karanasan nang paunti-unti. Kapag tunay mong nauunawaan ang katotohanan, malinaw mong makikita ang mga tiwaling bagay na umiiral sa loob mo, at madali mong mabibitiwan ang mga personal mong kaisipan, intensyon, plano, at layunin. Lalong magiging normal ang kaugnayan mo sa Diyos. Pangunahing nakasalalay ang pagiging normal ng kaugnayan mo sa Kanya sa kung kaya mo bang isagawa ang katotohanan upang magtamo ng pagpapasakop sa Diyos. Tungkol naman sa pagpapasakop, ang ibig sabihin nito ay tuwiran at ganap na pagsunod, pagtanggap, at pagsasagawa, nang walang anumang pagsisiyasat o pakikipagdebate. Ang pagsisiyasat ay hindi pagsunod. At paano naman ang pakikipagdebate? Lalong hindi. Kung sasabihin mong, “Gusto ng Diyos na gawin ko ito sa ganitong paraan, ngunit kahit ganoon, gagawin ko pa rin ito sa aking paraan,” ayos lang ba iyon? (Hindi.) Masahol pa ito sa hindi ayos; hindi ito pagpapasakop. Kailangan mong malaman ang mga praktikal na pagpapamalas ng pagpapasakop, at kung hindi mo kayang isakatuparan ang mga iyon, huwag mong sabihing isa kang taong nagpapasakop sa Diyos. Sa halip, magsalita ka ayon sa antas na iyong nakamit; magsalita ka ng mga obhetibong katunayan. Huwag kang magsalita nang eksaherado at lalo namang huwag kang magsinungaling. Kung mayroon kang hindi maarok, sabihin mo lang na hindi mo ito nauunawaan, at pagkatapos ay hanapin mo ang katotohanan upang maunawaan mo ito; palagi namang magkakaroon ng oras para talakayin mo ito kalaunan. May ilang tao na malinaw namang hindi ito kayang gawin pero mayabang pa ring magsalita, nagsasabing nagpapasakop sila sa Diyos. Hindi ba’t mapagmataas ito at hindi makatwiran? Isa itong bagay na hilig sabihin ng mga taong hindi naghahangad at hindi nakauunawa sa katotohanan. Kapag nakikita nilang tinalikdan ng isang tao ang pamilya nito at gumagawa ito upang gampanan ang tungkulin nito, sinasabi nila, “Tingnan ninyo kung gaano kamahal ng taong iyon ang Diyos.” Mga salita ito ng isang hangal, at ganap siyang walang anumang pagkaunawa sa katotohanan. Nangangahas ba kayong maghayag na kayo ay taong nagpapasakop at nagmamahal sa Diyos ngayon? (Hindi.) Kung gayon ay may kaunti kayong kamalayan sa inyong sarili. Palaging sinasabi ng mga mapagmataas at hindi makatwirang hangal na nagmamahal at nagpapasakop sila sa Diyos, at kapag nagsasakripisyo sila nang kahit kaunti o nagtitiis ng kung anong maliit na paghihirap, iniisip nila: “Ginantimpalaan ba ako ng Diyos? Napagpala ba ang aking pamilya? Makapapasok ba ang aking mga anak sa kolehiyong gusto nila? May pag-asa bang tumaas ang posisyon at suweldo ng asawa ko? May anumang napala ba ako sa mga tungkuling tinupad ko sa nakaraang dalawang taong ito? Napagpala ba ako? Makakukuha ba ako ng korona?” Ang palaging pagpaplano para sa mga bagay na ito—isa ba itong pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, ano ang inyong pagkaunawa sa paghahangad sa katotohanan? (Upang hangarin ang katotohanan, kailangan naming matukoy ang aming mga tiwaling disposisyon, maghangad ng pagbabago sa aming mga disposisyon, at mamuhay na tulad ng isang tunay na tao.) Sa katunayan, wala ka nang ibang kailangang suriin, at hindi ito kailangang maging masyadong komplikado; obserbahan mo lang kung, sa panahon ng pagganap mo sa iyong tungkulin, nagkaroon ka ba ng anumang pagpapasakop at katapatan, kung ginawa mo ba ito nang buong puso at lakas mo, at kung kumilos ka ba alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Malinaw na matutukoy ng mga pamantayang ito kung isa ka bang taong naghahangad sa katotohanan. Kung ang isang tao ay labis na nagsisikap sa pagganap sa kanyang tungkulin ngunit nilalabanan niya at hindi gustong isagawa ang katotohanan, hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. May ilang taong palaging nagsasalita tungkol sa lahat ng bagay na ginagawa nila para sa iglesia, kung gaano kalaki ang naging mga ambag nila sa sambahayan ng Diyos. Nagsasalita pa rin sila tungkol sa mga ito kahit matapos nilang sumampalataya sa Diyos nang ilang taon—mga tao ba itong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kaawa-awa ang mga taong tulad nito! Napakababa ng kanilang mga tayog, at kailanman ay hindi sila lumalago. Wala silang buhay. Bakit ba labis pa ring nagsisikap ang mga taong walang buhay? (Upang makatanggap ng mga pagpapala.) Tama. Pinamamahalaan sila ng mga personal nilang ambisyon at pagnanais. Kung hindi nila hinahangad ang katotohanan, kailanman ay hindi nila mabibitiwan ang mga bagay na ito. Alam ninyo, dumadalo rin sila sa mga sermon at nakikinig sa ibang magbahagi tungkol sa katotohanan sa mga pagtitipon, kaya bakit hindi sila makaunawa? Araw-araw, iniisip-isip nila, “Paano ba ako mas makapakikinig, mas makapagbabasa, mas makaaalala, at pagkatapos ay mas makapagsasalita kapag gumagawa ako? Kapag nagkagayon ay nakagawa na ako ng mabubuting gawa at matatandaan na ako ng Diyos, at makatatanggap ako ng mga pagpapala.” Sa huli, ginagawa ang lahat ng ito upang makatanggap ng mga pagpapala. At naniniwala ang taong ito na magiging makatwiran ang pagtanggap ng mga pagpapala. Sa sandaling ang isang taong naghahangad sa katotohanan ay makaunawa at makapagtamo ng katotohanan, hindi na siya naghahangad ng mga pagpapala; naniniwala siyang hindi makatwiran ang paggawa niyon. Ano ang mga pagpapalang matatanggap mo kung hindi man lang nagbago ang tiwaling disposisyon mo at kung wala kang anumang pagpapasakop sa Diyos? Sino ang magbibigay sa iyo ng mga pagpapala? Paano ba nagkakaroon ng mga pagpapala? (Ipinagkakaloob ng Diyos ang mga iyon.) At kung hindi Niya ibibigay sa iyo ang mga iyon, maaagaw mo ba mismo ang mga iyon mula sa Kanya? (Hindi.) May ilang tao pa ngang nagnanais na sapilitang kuhanin ang mga iyon; hindi ba’t kahangalan ito? Karamihan sa mga tao ay naniniwalang masyado silang mautak, ngunit hindi sila handang higit na hanapin ang katotohanan sa pagganap sa kanilang mga tungkulin at kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Paano sila makatatanggap ng mga pagpapala ng Diyos nang ganito? Sa labis na pagkamautak nila ay nakasasama na ito sa kanila!

Agosto 28, 2018