Sa Paghahanap Lamang ng mga Katotohanang Prinsipyo Magagampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin (Ikalawang Bahagi)

Dapat harapin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin at ang Diyos nang may matapat na puso. Kapag ginawa nila iyon, sila ay magiging mga taong may takot sa Diyos. Anong klase ng saloobin sa Diyos mayroon ang mga taong may matapat na puso? Kahit papaano man lang, mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso, isang pusong nagpapasakop sa Diyos sa lahat ng bagay, hindi sila nagtatanong tungkol sa mga pagpapala o kasawian, wala silang binabanggit na mga kondisyon, ipinauubaya nila ang kanilang mga sarili sa ilalim ng pamamatnugot ng Diyos—ito ang mga taong may matapat na puso. Iyong mga palaging nagdududa sa Diyos, palaging nagsisiyasat sa Kanya, palaging sinusubukang makipagtawaran sa Kanya—sila ba ay mga taong may matapat na puso? (Hindi.) Ano ang nananahan sa loob ng puso ng gayong mga tao? Panlilinlang at kabuktutan; palagi silang nagsisiyasat. At ano ang sinisiyasat nila? (Ang saloobin ng Diyos sa mga tao.) Palagi nilang sinisiyasat ang saloobin ng Diyos sa mga tao. Anong problema ito? At bakit nila ito sinisiyasat? Dahil may kaugnayan ito sa mga pangunahin nilang interes. Sa kanilang puso, iniisip nila, “Ginawa ng Diyos ang mga pangyayaring ito para sa akin, idinulot Niya na mangyari ito sa akin. Bakit Niya ginawa iyon? Hindi pa ito nangyayari sa ibang tao—bakit kailangan pang sa akin ito mangyari? At ano ang magiging mga bunga nito pagkatapos?” Ito ang mga bagay na sinisiyasat nila, sinisiyasat nila ang kanilang mga pakinabang at kawalan, mga pagpapala at kasawian. At habang sinisiyasat nila ang mga bagay na ito, naisasagawa ba nila ang katotohanan? Nakapagpapasakop ba sila sa Diyos? Hindi. At ano ang kalikasan ng mga bagay na likha ng mga pagninilay ng kanilang mga puso? Ang lahat ng bagay na ito, likas na, dala ng pagsasaalang-alang sa sarili nilang mga interes, ang lahat ng ito ay para sa sarili nilang mga kapakanan. Anumang tungkulin ang kanilang ginagampanan, sinisiyasat muna ng mga taong ito: “Magdurusa ba ako kapag ginampanan ko ang tungkuling ito? Kakailanganin ko bang magtrabaho at magbiyahe sa labas nang madalas? Makakakain at makapagpapahinga ba ako nang regular? Kakailanganin ko bang laging gumising nang maaga? Anong uri ng mga tao ang makikilala ko? Madalas ba akong makakatagpo ng mga walang pananampalataya? Medyo mapanganib ngayon ang mundo sa labas, kung lagi kong kakailanganing magtrabaho at magbiyahe sa labas, ano ang gagawin ko kung maaaresto ako ng malaking pulang dragon?” Bagaman mukhang tinatanggap nila ang kanilang mga tungkulin, may panlilinlang sa kanilang mga puso, lagi nilang sinisiyasat ang mga bagay na ito. Sa katunayan, sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa mga bagay na ito ay isinasaalang-alang nila ang sarili nilang mga inaasam at kapalaran, hindi nila iniisip ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. At ano ang kahihinatnan kapag isinasaalang-alang lamang ng mga tao ang sarili nilang mga inaasam, kapalaran, at interes? Hindi madali para sa kanila na magpasakop sa Diyos, at gustuhin man nila, hindi nila iyon magawa. Laging sinisiyasat ng mga taong masyadong nagpapahalaga sa sarili nilang mga inaasam, kapalaran, at interes kung kapaki-pakinabang ba ang gawain ng Diyos sa kanilang mga inaasam, sa kanilang mga tadhana, at sa pagkakamit nila ng mga pagpapala. Sa huli, ano ang kinalalabasan ng kanilang pagsisiyasat? Ang tanging ginagawa nila ay maghimagsik at lumaban sa Diyos. Kahit kapag ipinipilit nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin, ginagawa nila iyon nang pabasta-basta, nang may negatibong pakiramdam; sa kanilang mga puso, isip sila nang isip kung paano magsasamantala, at hindi malulugi. Gayon ang mga motibo nila kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, at dito, sinusubukan nilang makipagtawaran sa Diyos. Anong disposisyon ito? Ito ay panlilinlang, ito ay isang buktot na disposisyon. Hindi na ito isang pangkaraniwang tiwaling disposisyon, lumala na ito sa kabuktutan. At kapag may ganitong uri ng buktot na disposisyon sa puso ng isang tao, isa itong pakikipaglaban sa Diyos! Dapat malinaw sa inyo ang problemang ito. Kung palaging sinusuri ng mga tao ang Diyos at sinusubukang makipagtawaran kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, magagampanan ba nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin? Hinding-hindi. Hindi nila sinasamba ang Diyos nang taos-puso, at nang may katapatan, wala silang matapat na puso, nagmamasid sila habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, palaging nagpipigil—at ano ang bunga? Hindi gumagawa ang Diyos sa kanila, at naguguluhan at nalilito sila, hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, at kumikilos sila alinsunod sa sarili nilang mga kagustuhan, at palagi silang nagugulo. At bakit palagi silang nagugulo? Dahil kulang na kulang sa kalinawan ang kanilang mga puso, at kapag may mga bagay na nangyayari sa kanila, hindi nila pinagninilayan ang kanilang mga sarili, o hinahanap ang katotohanan para makakita ng isang resolusyon, at ipinipilit nilang gawin ang mga bagay-bagay kung paano nila naisin, alinsunod sa sarili nilang mga kagustuhan—ang resulta nito ay palagi silang nagugulo kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Kailanman ay hindi nila iniisip ang gawain ng iglesia, ni ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, palagi silang nagbabalak para sa sarili nilang kapakanan, palagi silang nagpaplano para sa sarili nilang mga interes, dangal, at katayuan, at hindi lang nila hindi nagagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, naaantala at naaapektuhan pa nila ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t pagkaligaw ito ng landas at pagpapabaya sa kanilang mga tungkulin? Kung palaging nagpaplano ang isang tao para sa sarili niyang mga interes at mga pagkakataon kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, at hindi iniisip ang gawain ng iglesia o ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi ito paggawa ng tungkulin. Ito ay oportunismo, paggawa ito ng mga bagay para sa sarili niyang pakinabang at para makapagtamo ng mga pagpapala para sa kanyang sarili. Sa ganitong paraan, nagbabago ang kalikasan sa likod ng pagganap niya sa kanyang tungkulin. Tungkol lamang ito sa pakikipagtawaran sa Diyos, at pagnanais na gamitin ang pagganap sa kanyang tungkulin para makamit ang sarili niyang mga mithiin. Ang ganitong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ay malamang talagang makagambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung maliliit na kawalan lamang ang nadudulot nito sa gawain ng iglesia, may oportunidad pa ring makabawi at maaari pa rin siyang mabigyan ng pagkakataong isagawa ang kanyang tungkulin, sa halip na mapaalis; ngunit kung malalaking kawalan ang idinudulot nito sa gawain ng iglesia at nagsasanhi ito na mapoot ang Diyos at ang mga tao, ibubunyag siya at ititiwalag, nang wala nang pagkakataong gumanap ng kanyang tungkulin. Ang ilang tao ay tinatanggal at tinitiwalag sa ganitong paraan. Bakit sila tinitiwalag? Nalaman na ba ninyo ang ugat na dahilan? Ang ugat na dahilan ay na lagi nilang iniisip ang mapapala nila at mawawala sa kanila, nadadala sila ng sarili nilang mga interes, hindi nila mapaghimagsikan ang laman, at wala talaga silang saloobin na nagpapasakop sa Diyos, kaya may tendensiya silang kumilos nang walang ingat. Naniniwala sila sa Diyos para lamang magtamo ng pakinabang, biyaya, at mga pagpapala, at hinding-hindi para matamo ang katotohanan, kaya nabibigo ang kanilang paniniwala sa Diyos. Ito ang ugat ng problema. Sa palagay ba ninyo ay hindi makatarungan ang ibunyag sila at itiwalag? Ganap itong makatarungan, ito ay lubos na itinatakda ng kanilang kalikasan. Sinumang hindi nagmamahal sa katotohanan o naghahangad ng katotohanan ay mabubunyag at matitiwalag kalaunan. Pero naiiba ito para sa mga taong nagmamahal sa katotohanan. Kapag may nangyayari sa kanila, iniisip muna nila, “Paano ako makakikilos alinsunod sa katotohanan? Paano ako dapat kumilos nang sa gayon ay hindi ko mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ano ang magbibigay-lugod sa Diyos?” Ang isang taong ganito mag-isip ay naghahanap sa katotohanan. Pinatutunayan ng mga kaisipang ito na minamahal niya ang katotohanan. Hindi niya inuunang isipin ang sarili niyang mga interes, bagkus ay isinasaalang-alang niya ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Hindi niya isinasaalang-alang ang sarili niyang kaluguran; isinasaalang-alang niya kung nalulugod ba ang Diyos. Ito ang mga kaisipan at ang mentalidad ng mga taong nagmamahal sa katotohanan, at sila ang mga taong minamahal ng Diyos. Kung, kapag may nangyari sa isang tao, ay kaya niyang magsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, at nasa likod niya ang Diyos na nagsisilbing tagapaggarantiya, malabo siyang makagawa ng mga pagkakamali habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, at magiging madali para sa kanya ang tuparin ito alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Kung ang isang tao ay laging kumikilos ayon sa kanyang sariling inisyatiba, at nagpapakana, nagbabalak, at nagpaplano para sa sarili niyang mga interes, kung hindi niya isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ang mga layunin ng Diyos, at wala siyang kahit kaunting kagustuhang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos—kung kahit na ang pagnanais na gawin ito ay wala siya—ano ang huling kalalabasan nito? Madalas niyang magagambala at magugulo ang gawain ng iglesia. Mapupukaw niya ang galit ng mga hinirang ng Diyos, kasusuklaman at kamumuhian siya ng mga hinirang ng Diyos, at sa malulubhang kaso, mabubunyag at matitiwalag siya. Ang mga taong laging may mga ambisyon at pagnanais ay tiyak na mabibigo at madarapa. Gaya nga ng sinasabi sa kasabihan, “Kung gaano kataas ang lipad, gayon din ang lagapak pagbagsak.” Ano ang tawag dito? Ito ang tinatawag na pagbubunyag. Hindi ba’t karapat-dapat lang ito? Karapat-dapat bang kaawaan ang ganitong uri ng tao? Hindi. Ito ang kahihinatnan sa huli ng lahat ng taong nagpaplano para sa mga personal nilang interes. Sinasabi ng ilang tao: “Pero madalas akong magplano para sa mga personal kong interes. Bakit hindi pa ito nangyayari sa akin?” Iyon ay dahil hindi mo pa naapektuhan ang gawain ng iglesia, kaya hindi ka sineseryoso ng Diyos. Hindi ka sineseryoso ng Diyos—isa ba itong mabuti o masamang bagay? (Isang masamang bagay.) Bakit ninyo nasabi iyan? (Kung magpapatuloy ako nang ganito, hindi ko matatamo ang gawain ng Banal na Espiritu.) Tama iyan. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan at hindi niya nararanasan ang gawain ng Diyos, hindi gagawa sa kanya ang Banal na Espiritu. Totoong-totoo ito para sa mga taong hindi dinidisiplina ng Diyos anuman ang masasamang bagay na ginagawa nila; tapos na talaga ang lahat para sa kanila. Talagang ayaw ng Diyos sa mga taong ito; isinasantabi Niya sila. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, wala kang buhay. Tulad ito ng mga taong laging naghahangad ng kasikatan, kapakinabangan, at katayuan, na hindi naghahangad sa katotohanan, na kailanman ay hindi mo nakikitang nagsasagawa ng katotohanan—mayroon bang anumang paglago sa buhay ang mga taong tulad nito? Dahil hindi sila nagsasagawa ng katotohanan, hindi sila magkakaroon ng paglago sa buhay, gaano man karaming taon silang sumampalataya sa Diyos. May ilang taong pareho pa rin ang sinasabi ngayon sa sinasabi nila tatlong taon na ang nakalilipas, binibigkas pa rin ang parehong mga salita at doktrina. Tapos na ang mga taong iyon. Walang paglagong makikita sa kanilang mga tayog o pagkakilala sa sarili. Nananatiling walang ipinagbago ang pananampalataya nila sa Diyos, at wala ni katiting na pagbabago sa kanilang mga disposisyon sa buhay. Nadagdagan ang mga mali nilang pagkaunawa sa Diyos, at lalong lumubha ang kanilang mga tiwaling disposisyong lumalaban sa Diyos. Hindi ba’t mas mapanganib ito? Mas mapanganib nga ito, at tiyak na matitiwalag sila.

Karaniwan, kapag nakararanas kayo ng mga bagay na may kaugnayan sa inyong tungkulin o sa inyong mga tiwaling disposisyon, natutuklasan ba ninyo ang mga suliraning umiiral sa inyo sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa sarili? (Medyo natutuklasan ko na ang mga iyon ngayon. Kapag ginagawa ko ang aking tungkulin, palagi kong ninanais na ako ang mangasiwa at masunod, at sinusubukan kong magpasikat upang tumaas ang tingin sa akin ng ibang tao. Ngunit matapos itong ipaalam sa akin ng aking mga kapatid, pinagnilayan ko ang aking sarili at nagkamit ako ng kaunting kaalaman sa aking mapagmataas na kalikasan.) Natutukoy na ninyo ang inyong pagmamataas—paano naman ang inyong pagpapasakop sa Diyos, nadagdagan ba iyon? Nadagdagan ba ang inyong layunin at pagnanais na magpasakop? Nadagdagan ba ang inyong pananampalataya sa Diyos? (Nadagdagan nang kaunti ang mga iyon.) Hindi maaaring gumanap ng tungkulin nang hindi hinahanap ang katotohanan; kapag nahaharap sa mga problema, kailangan ninyong gamitin ang katotohanan upang lutasin ang mga iyon. Kung palagi ninyong gagampanan ang inyong tungkulin alinsunod sa sarili ninyong kalooban at mga satanikong pilosopiya, bukod sa mabibigo na kayong lutasin ang problema ng mga pagbubunyag ninyo ng katiwalian, hindi pa madaragdagan ang inyong pananampalataya sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, at pagmamahal sa Diyos. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan at hindi mo ginagamit ang katotohanan upang lutasin ang iyong mga problema, kailanman ay hindi lalago ang iyong buhay at hindi mo kailanman malulutas ang problema ng iyong katiwalian. Ano ang mga tiwaling disposisyong inyong naipapakita kapag ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin ngayon? Ano ang mga natitirang karumihan ng tao? Kailangan ay madalas ninyong pagnilayan ang inyong sarili upang matuklasan ang mga suliraning ito. Hindi matutukoy ang mga iyon kung walang pagsusuri sa sarili. Kung minsan, kapag naririnig mo ang ibang taong nagtatalakay sa kanilang pagkakilala sa sarili ay saka mo lamang nadaramang ganoon ka rin. Kung hindi mo maririnig ang ibang taong naglalantad sa kanilang mga kalagayan, hindi mo matutuklasan ang sarili mong mga problema. Maraming taong handang makinig sa mga patotoo ng iba na batay sa karanasan dahil mismo sa napakikinabangan nila ito at may natatamo sila rito. Habang mas mabuti mong sinusuri at habang mas masusi mong nakikilala ang sarili mong mga tiwaling disposisyon at sarili mong mga layunin at intensyon, mas mabibitiwan mo ang mga iyon, at lalong titibay ang iyong pananampalataya sa pagsasagawa sa katotohanan. Habang mas tumitibay ang iyong pananampalataya sa pagsasagawa sa katotohanan, mas dumadali para sa iyong isagawa ang katotohanan. Kapag madalas mong isinasagawa ang katotohanan, magagampanan mo ang iyong tungkulin nang may higit na kadalisayan at kasapatan. Ito ang proseso ng paglago sa buhay; ang mga ito ang mga bunga ng pagninilay sa sarili at pagkakilala sa sarili. May ilang taong nag-iisip na dahil ilang taon na silang nakikinig sa mga sermon at marami na silang salita at doktrinang naunawaan ay wala na silang tiwaling disposisyon, na para bang hindi na nila kinakailangang magnilay sa sarili at magtamo ng pagkakilala sa sarili. Palagi nilang pinaniniwalaang mga bagong mananampalataya lamang ang dapat na tumuon sa mga bagay na ito, at na ang pagsampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon at pagtataglay ng maraming mabuting pag-uugali ay nangangahulugang nagbago na sila, at wala na silang tiwaling disposisyon. Isa itong maling-maling ideya. Kung sa palagay mo ay nagbago ka na, gaano karami sa katotohanan ang kaya mong isagawa? Gaano karaming tunay na patotoong batay sa karanasan ang mayroon ka? Kaya mo bang talakayin ang mga iyon? Kaya mo bang magpatotoo sa Diyos sa harap ng iba? Kung hindi mo ito kayang talakayin, pinatutunayan niyon na wala kang patotoong batay sa karanasan at wala kang katotohanang realidad. Kung gayon ay tunay na kayang nakapagbago ang isang taong tulad mo? Isa ka bang taong tunay nang nagsisi? Hindi ito maiiwasang pag-alinlanganan ng isang tao. Paano kaya magkakaroon ng buhay pagpasok ang isang taong kailanman ay hindi nagninilay sa sarili o sumusubok na magtamo ng pagkakilala sa sarili? Paano kaya magbabahagi ng tunay na patotoong batay sa karanasan ang isang taong kailanman ay hindi nagtatalakay tungkol sa pagkakilala sa sarili? Imposible ang mga bagay na ito. Kung naniniwala ang isang taong nagbago na talaga siya at hindi na niya kailangang kilalanin ang kanyang sarili, masasabing mapagpaimbabaw ang taong ito. May ilang taong iniraraos lang ang pagganap sa kanilang mga tungkulin, naniniwalang katanggap-tanggap na ang gumawa lang nang sapat, na kapag tila puwede na sa panlabas ay nangangahulugang pasok na sa pamantayan ang kanilang mga tungkulin. Ang paraang ito ng paggawa sa mga bagay-bagay ay pabasta-basta, hindi ba? Tunay bang nagpapasakop sa Diyos ang ganitong tao? Ginagampanan ng ganitong uri ng tao ang kanyang tungkulin nang walang anumang katotohanang prinsipyo, kontento nang magsakatuparan lamang ng mga gawain at magpakapagod, at pagkatapos, iniisip niyang pasok na sa pamantayan ang kanyang tungkulin. Ang totoo, isa lamang siyang katanggap-tanggap na trabahador, hindi niya ginagampanan nang sapat ang kanyang tungkulin. Ang mga taong kontento na sa sapat lamang na pagtatrabaho ay hindi kailanman magtatamo ng katotohanan, o magtatamo ng pagbabago sa disposisyon. Ang sinumang hindi gumaganap sa kanyang tungkulin alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, na hindi naghahanap sa mga katotohanang prinsipyo, na palaging kumikilos alinsunod sa kanyang sariling kalooban, ay nagtatrabaho at nagpapakapagod lamang. Nasa anong yugto na ba kayo ngayon? (Nasa yugto pa rin ako ng pagtatrabaho.) Kadalasan ay nagtatrabaho kayo; kung minsan, napagsusumikapan ninyo ang katotohanan kapag ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin at nakapagpapasakop kayo nang kaunti, ngunit madalas ba kayong ganito? (Hindi, hindi madalas.) Ang layon ng paghahangad sa katotohanan ay ang malutas ang isyung ito. Kailangan ninyong pagsikapang lalo pang gampanan ang inyong tungkulin, at bawasan nang bawasan ang pagtatrabaho lang, pagsikapang gawing pagganap sa inyong tungkulin ang lahat ng inyong pagtatrabaho. Ano ang pagkakaiba ng pagtatrabaho sa pagganap sa isang tungkulin? Ginagawa ng isang taong nagtatrabaho ang anumang naisin niya, iniisip na ayos lang ito basta’t hindi niya nilalabanan ang Diyos o sinasalungat ang disposisyon ng Diyos, iniisip na katanggap-tanggap ito basta’t nakararaos naman siya at walang sinumang nagsisiyasat dito. Hindi siya interesado sa pagtatamo ng pagkakilala sa sarili, pagiging isang matapat na tao, paggawa sa mga bagay nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, o pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, at lalong hindi siya interesado sa pagpasok sa katotohanang realidad. Hindi siya interesado sa alinman sa mga bagay na ito. Ito ang pagtatrabaho. Ang pagtatrabaho ay walang-humpay na pagpapakapagod, pagpapakapagod ito na parang isang alipin, paggawa mula umaga hanggang gabi, ganitong uri ito ng pagpapakapagod. Kung tatanungin mo ang isang trabahador kung bakit siya kayod-kalabaw sa lahat ng taong ito, tutugon siya, “Upang makatanggap ng mga pagpapala!” Kung tatanungin mo kung, matapos sumampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon ay nagbago na ba talaga ang mga tiwali niyang disposisyon, kung nakatanggap ba siya ng anumang pagpapatunay sa pag-iral ng Diyos, kung nakapagtamo ba siya ng anumang tunay na kaalaman at karanasan sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Lumikha, hindi siya nakapagtamo ng alinman sa mga bagay na ito, at hindi siya makapagsasalita tungkol sa alinman sa mga ito. Hindi siya nakapasok o umunlad sa alinman sa iba’t ibang tagapagpahiwatig na may kinalaman sa paglago sa buhay at pagbabago sa disposisyon. Patuloy lang siyang nagtatrabaho nang hindi nauunawaan kung ano ba ang pagbabago sa disposisyon. May ilang tao na ilang taon nang nagtatrabaho nang hindi man lang nagbabago. Madalas pa rin silang nagiging negatibo, nagrereklamo, at nagpapakita ng kanilang mga tiwaling disposisyon kapag nahaharap sila sa mga paghihirap. Kapag pinupungusan sila, bumabaling sila sa pakikipagtalo at pakikipagdebate, hindi matanggap ang kahit kaunting katotohanan at talagang hindi nagpapasakop sa Diyos. Sa huli, napagbabawalan silang gumanap sa kanilang mga tungkulin. May ilang taong nakasisira sa gawain kapag gumaganap sila sa kanilang mga tungkulin pero hindi sila tumatanggap ng pamumuna, sa halip, walang-kahihiyan nilang sinasabi na wala silang nagawang mali at hindi man lang sila nagsisisi. At sa wakas, kapag binawi ng sambahayan ng Diyos ang kanilang mga tungkulin at pinaalis sila, umiiyak at nagrereklamo silang umaalis sa lugar ng kanilang tungkulin. Sa ganitong paraan sila natitiwalag. Ito ang paraan kung saan lubusang nabubunyag ng mga tungkulin ang mga tao. Kadalasan, ang mga tao ay magaling magsalita at malakas sumigaw ng mga salawikain, ngunit bakit kapag gumaganap sila ng tungkulin ay hindi sila kumikilos bilang mga tao bagkus ay nagiging mga diyablo? Ito ay dahil ang mga taong walang pagkatao ay mga diyablo saanman sila pumunta; at kung hindi nila tatanggapin ang katotohanan, hindi sila makapaninindigan kahit saan. May ilang taong madalas ay pabasta-basta kung gumanap sa kanilang mga tungkulin, at sinusubukan nilang makipagtalo at mangatwiran kapag pinupungusan sila. Matapos mapungusan nang paulit-ulit, nakararamdam sila ng kaunting pagnanais na magsisi, kaya nagsisimula silang gumamit ng mga pamamaraan ng pagpipigil sa sarili. Gayunman, sa huli, hindi nila mapigilan ang kanilang sarili, at kahit pa maaaring manumpa sila at sumpain nila ang kanilang sarili, wala itong maitutulong, at hindi pa rin nila malulutas ang problema ng pagiging pabasta-basta nila, ni ang problema ng pakikipagtalo at pakikipagdebate nila. Pagkatapos kasuklaman at punahin ng lahat kalaunan ang taong ito ay saka lamang siya napipilitang aminin sa wakas na, “May mga tiwaling disposisyon nga ako. Gusto kong magsisi ngunit hindi ko ito magawa. Kapag ginagawa ko ang aking tungkulin, palagi kong isinasaalang-alang ang sarili kong mga interes, ang sarili kong dangal at reputasyon, na nagdudulot sa aking madalas na maghimagsik laban sa Diyos. Gusto kong isagawa ang katotohanan, ngunit hindi ko mabitiwan ang mga layunin at pagnanais ko; hindi ko mapaghimagsikan ang mga iyon. Palagi kong ninanais na gawin ang mga bagay-bagay alinsunod sa sarili kong kalooban, bumubuo ako ng mga pakana upang makaiwas sa gawain, at ninanasa kong maglibang at magsaya. Hindi ko kayang tumanggap ng pagpupungos at palagi kong sinusubukang makipagtalo upang makatakas dito. Sa tingin ko ay sapat nang nagpakapagod at nagtiis ako ng mga paghihirap, kaya bumabaling ako sa pakikipagtalo at pakikipagdebate kapag sinusubukan akong pungusan ninuman, hindi kumbinsido sa aking puso. Napakahirap ko talagang pangasiwaan! Paano ko ba dapat hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problemang ito?” Sinisimulan nilang pagnilayan ang mga bagay na ito. Ibig sabihin nito ay may kaunti silang pagkaunawa sa kung paano dapat kumilos ang mga tao, pati na rin kaunting katwiran. Kung sa isang punto ay simulang asikasuhin ng isang trabahador ang nararapat niyang gawain at pagtuunan niyang baguhin ang kanyang disposisyon, at matanto niyang siya man ay may mga tiwaling disposisyon, na siya man ay mapagmataas at walang kakayahang magpasakop sa Diyos, at na hindi siya pwedeng magpatuloy nang ganito—kapag sinimulan niyang pag-isipan at subukang intindihin ang mga bagay na ito, kapag kaya niyang hanapin ang katotohanan upang harapin ang mga problemang kanyang natutuklasan—hindi ba’t kung gayon ay masisimulan na niyang baguhin ang kanyang landas? Kung sisimulan niyang baguhin ang kanyang landas, may pag-asa siyang magbago. Ngunit kung kailanman ay hindi niya nilalayong hangarin ang katotohanan, kung wala siyang pagnanais na pagsumikapan ang katotohanan at ang alam lamang niya ay magpakapagod at gumawa, naniniwalang ang pagtapos sa kasalukuyan niyang gawain ay pagsasakatuparan na sa kanyang gawain at pagtapos na sa atas ng Diyos—kung naniniwala siyang ang pagsisikap ay nangangahulugang nagawa na niya ang kanyang tungkulin, nang hindi niya kailanman isinasaalang-alang kung ano ba ang mga hinihingi ng Diyos o kung ano ba ang katotohanan, o kung isa ba siyang taong nagpapasakop sa Diyos, at hindi siya kailanman sumusubok na alamin ang alinman sa mga bagay na ito—kung ganito niya harapin ang kanyang tungkulin, makapagtatamo ba siya ng kaligtasan? Hindi. Hindi siya nakatahak sa landas ng kaligtasan, hindi siya nakatapak sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at hindi siya nakabuo ng kaugnayan sa Diyos. Nagpapakapagod at nagtatrabaho pa rin lamang siya sa sambahayan ng Diyos. Binabantayan at pinoprotektahan din ng Diyos ang gayong mga tao kapag nagtatrabaho sila sa Kanyang sambahayan, ngunit hindi Niya nilalayong iligtas sila. Hindi sila pinupungusan, hinahatulan, kinakastigo, sinusubok, o pinipino ng Diyos, tinutulutan lamang Niya na magtamo sila ng ilang pagpapala sa buhay na ito, at hanggang doon na lamang. Kapag alam ng mga taong ito na magnilay at kilalanin ang kanilang sarili, at alam nila ang kahalagahan ng pagsasagawa sa katotohanan, ibig sabihin niyon ay naunawaan na nila ang mga sermon na kanilang napakinggan at nakakuha na sila sa wakas ng kaunting resulta. Pagkatapos ay iniisip nila, “Nakatutuwa ang manampalataya sa Diyos. Talagang nababago ng Kanyang mga salita ang mga tao! Ang pinakamahalagang bagay para sa akin ngayon ay ang hangaring matamo ang katotohanan. Kung hindi ko pagtutuunan ang pagkilala sa aking sarili o iwawaksi ang aking mga tiwaling disposisyon, at mananatili akong kontento nang magtrabaho lamang, wala akong anumang matatamo.” Kaya, magsisimulang magnilay-nilay ang taong ito: “Ano-anong tiwaling disposisyon ang taglay ko? Paano ko malalaman ang mga iyon? Paano ko ba talaga dapat lutasin ang mga tiwaling disposisyong ito?” Natutukoy ng pagninilay-nilay nila sa mga bagay na ito ang pag-unawa sa katotohanan at pagbabago sa disposisyon, at pagkatapos ay nagkakaroon ng pag-asa na maligtas sila. Kung kaya ng isang taong pagnilayan at kilalanin ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang tungkulin, kung kaya niyang hanapin ang katotohanan, pagsikapang tuparin ang mga hinihingi ng Diyos, at lutasin ang sarili niyang mga tiwaling disposisyon, nasa tamang landas na siya ng pananampalataya sa Diyos. Sa palaging pagninilay sa mga bagay na ito at pag-abot sa katotohanan, matatanggap niya ang kaliwanagan, pagtanglaw, at patnubay ng Diyos. Sa ganitong paraan, matatanggap ng taong ito ang pagpupungos ng Diyos, at agad na kasunod niyon, maaari na itong mahatulan at makastigo, masubok at mapino. Sisimulan na ng Diyos ang gawain Niya sa taong ito, na dadalisay at babago rito.

Sinasabi ng ilang tao: “Maraming taon na akong sumasampalataya sa Diyos at gumaganap sa aking tungkulin, ngunit kailanman ay hindi pa ako napungusan, at hindi pa ako nakatatanggap ng anumang kaliwanagan o pagtanglaw, at lalong hindi pa ako sumasailalim sa mga pagsubok at pagpipino.” Nararanasan ba ng isang taong tulad nito ang gawain ng Diyos? Kung nagagawa talaga niyang danasin at isagawa ang mga salita ng Diyos, paanong hindi pa siya nabibigyang-liwanag o natatanglawan? Kung madalas siyang nagpapakita ng kanyang katiwalian, tiyak na pupungusan siya. Kung hindi siya nagsisisi matapos mapungusan, talagang wala siyang anumang pagkatao, at siya ay taong dapat na matiwalag. Sinasabi ng ilang tao: “Madalas akong nakararanas ng pagpupungos, at madalas akong makatanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos, at magtamo ng bagong liwanag.” Ano ang nangyayari dito? (Inaakay sila ng Diyos.) Sinasabi ng iba pang tao: “Bakit hindi ako tulad ng ibang taong ang lahat ng bagay ay umuusad nang maayos para sa kanila? Palagi nilang taglay ang mga pagpapala ng Diyos at nabubuhay silang parang mga sanggol na nasa duyan, na hindi kinakailangang magtiis ng anumang pagsubok. Bakit ba palagi akong sinusubok at pinipino?” Mabuti o masamang bagay ba kapag palagi kang sinusubok at pinipino? (Mabuting bagay ito.) Isa itong mabuting bagay, hindi isang masamang bagay. Ano ang layon ng Diyos sa pagsubok at pagpipino sa mga tao? (Ang bigyang-daan silang malaman ang mga tiwaling disposisyon nila.) Hindi ito ginagawa ng Diyos upang pahirapan o pasakitan ang mga tao; ginagawa Niya ito upang bigyang-daan ang mga taong malaman ang mga tiwaling disposisyon nila at makita nang malinaw ang diwa at tunay na mukha ng kanilang katiwalian, at nang sa gayon ay mabitiwan nila ang kanilang mga layunin at intensyon at magtamo sila ng pagpapasakop sa Kanya. Kung magkagayon ay hindi na sila nagtatrabaho kundi gumaganap na sa kanilang mga tungkulin. Kapag taimtim at pormal mong ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha, nagiging normal ang kaugnayan mo sa Diyos, na bumabago sa dati mong hindi normal na kaugnayan sa Kanya. Kung ang kaugnayan ninyo ng Diyos ay tulad ng sa isang empleyado at sa kanyang amo, hindi ka makatatanggap ng kaligtasan. Kung tinatanggap mo ang atas ng Diyos, kayang sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at seryosong panagutan ang pagganap nang mabuti sa iyong tungkulin, magiging normal ang kaugnayan mo sa Diyos. Magiging isa kang nilikha, makapagpapasakop ka sa mga pagsasaayos ng Lumikha, at sa iyong puso, matatanggap mo ang Diyos bilang ang Tagapagligtas, at magiging pakay ka ng Kanyang pagliligtas. Mapupunta sa antas na ito ang kaugnayan mo sa Kanya. Ngunit kung palagi ka na lamang nagtatrabaho, kung ang anumang atas na ipagkatiwala sa iyo ng Diyos ay palagi mong ginagampanan nang may pabasta-bastang saloobin, nang hindi tinatanggap ang mga katotohanang prinsipyo at nang walang tunay na pagpapasakop, kung ang alam mo lamang ay magpakapagod at gumawa, kung iniraraos mo lang ang paggawa ng mga bagay-bagay, isa ka nga talagang trabahador. Dahil ang mga taong trabahador ay hindi tumatanggap sa katotohanan, at hindi sila kailanman sumasailalim sa kahit kaunting pagbabago, ang kaugnayan nila sa Diyos ay magpakailanmang gaya ng sa mga empleyado at sa kanilang amo. Kailanman ay hindi sila tunay na magpapasakop sa Diyos, at hindi sila kikilalanin ng Diyos bilang mga mananampalataya o mga taong pagmamay-ari Niya. Ito ang kahihinatnan ng pananampalataya nila sa Diyos nang hindi naghahangad sa katotohanan; ipinapasya ito ng landas na kanilang tinatahak. Kung nais mong mapabuti ang kaugnayan mo sa Diyos, ano ang dapat mong gawin? (Tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan.) Tama iyan. Kailangan mong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Ano ang dapat na maging una mong hakbang? (Kailangan kong maunawaan kung paano gagampanan ang aking tungkulin.) Kailangang gumanap ng tungkulin ang mga mananampalataya ng Diyos—ito ang hinihingi ng Diyos. Ang pagsunod sa Diyos ay tumutukoy sa pagganap sa tungkulin ng isang tao; ang mga taong sumasampalataya sa Diyos nang hindi gumaganap ng mga tungkulin ay hindi sumusunod sa Diyos. Kung nais mong sumunod sa Diyos, kailangan mong gampanan nang mabuti ang iyong tungkulin. Ano ang aspekto ng katotohanan na dapat na unang maisagawa kapag gumaganap ng tungkulin? (Ang katotohanan ng pagpapasakop.) Tama iyan. Sinasabi ng ilang tao: “Ito na ang tungkulin ko ngayon. Kailangan kong mag-aral nang mabuti at medyo magtagumpay na matuto ng Ingles, at pagkatapos ay kumuha ng pagsusulit sa TOEFL o magkaroon ng Ph.D. sa loob ng dalawang taon. Pagkatapos ay mamumukod-tangi ako sa mundo ng mga walang pananampalataya, o maaaring makagawa ng mabuti sa sambahayan ng Diyos at sa hinaharap ay maging isang lider.” Hindi ba’t nagpaplano lang ang mga taong iyon para sa sarili nilang kapakanan? (Oo.) Ang palaging pagpaplano at pagsasaayos ng isang tao alang-alang sa sarili niyang laman, ang pagsasaayos niya hindi lamang ng mga bagay na may kinalaman sa buhay niya kundi pati na rin para pagkatapos niyang mamatay—ito ang mentalidad ng isang walang pananampalataya. Normal para sa mga walang pananampalataya na igugol ang kanilang mga araw na ganito ang pag-iisip dahil hindi nila kinikilala ang pag-iral ng Diyos, kaya naiisip lamang nila ang kanilang laman, at isinasaalang-alang lamang nila ang kanilang kaligtasan, gaya ng mga hayop. Gayunpaman, ang mga taong sumasampalataya sa Diyos ay nagbabasa ng Kanyang mga salita araw-araw at nakauunawa sa katotohanan, kaya dapat alam nila ang kabuluhan ng pagganap sa isang tungkulin at ang dahilan nito. Kailangang maging malinaw sa kanila ang mga bagay na ito, tuwirang may kaugnayan ang mga ito sa landas na tinatahak ng isang tao sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Kung paano dapat magpasakop ang isang tao sa gawain ng Diyos at danasin ang mga salita ng Diyos upang maunawaan ang katotohanan at matamo ang pagbabago sa disposisyon, kung aling mga aspeto ng katotohanan ang kailangang matamo upang magawa niya nang maayos ang kanyang tungkulin at makapagpasakop siya sa Diyos, at kung paano dapat tanggapin ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos upang malinis ang kanilang mga tiwaling disposisyon—lalo nang kinakailangan nilang maunawaan ang katotohanan hinggil sa mga bagay na ito. Ito ang landas na dapat tahakin ng isang tao sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Magagawa lamang nang maayos ng isang tao ang kanyang tungkulin at matatanggap ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan sa ganitong paraan. Nais ng Diyos na iligtas at gawing perpekto ang mga taong naghahangad sa katotohanan sa ganitong paraan. Sa pamamagitan ng pagkumpleto sa Kanyang gawain ng pagliligtas, nais ng Diyos na magkamit ng ilang gayong tao. Kung ang iniisip lamang ng isang tao ay kung paano aasenso, kung paano magiging isang prominenteng lider, at kung ilang tao ang kanyang pamamahalaan, at kung ilang siyudad ang maaari niyang pamahalaan sa kalaunan, mga ambisyon at pagnanais ang mga ito. Ang taong ito ay kauri ng mga anticristo—nagsasabwatan ang lahat ng anticristo upang makamit ang mga bagay na ito. Matuwid ba na magsabwatan upang makamit ang mga bagay na ito? (Hindi.) Yamang alam naman nilang hindi ito matuwid, kaya ba nilang bitiwan ang mga iyon? (Hindi iyon magiging madali.) Sa mga pangkaraniwang sitwasyon, kumikilos ang mga tao alinsunod sa sarili nilang mga layunin upang makamit ang kanilang mga mithiin. Sa lahat ng iyong ginagawa, kumikilos ka ba upang makamit ang sarili mong mga mithiin, o pinagninilayan mo ba ang iyong sarili, hinahanap ang katotohanan, pinaghihimagsikan ang iyong mga mithiin at pakana, at pagkatapos ay pinipiling tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan? Ano ba talaga ang tamang landas? (Ang palaging paghihimagsik sa aking sarili at pagkilos alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos.) Anong uri ng paghahangad ng isang tao ang may kakayahang magkamit nito? Tanging ang isang taong may mabuting puso at matapat at matuwid na puso ang makapagkakamit nito. Hindi ito makakamit ng mga mapanlinlang, mapagmatigas, at masasamang tao na hindi nagmamahal sa katotohanan. Yamang nalalaman nilang ang landas na kanilang tinatahak ay hindi ang tamang landas—na ito ang maling landas ni Pablo—at na talagang hindi sila makatatanggap ng kaligtasan, bakit hindi nila tinatahak ang tamang landas? Dahil hindi nila makontrol ang kanilang sarili. Ganap itong ipinapasya ng kanilang kalikasan. Tulad ito ng dalawang taong pareho ang kakayahan, na sumampalataya sa Diyos sa parehong dami ng taon, nakinig sa parehong mga sermon, at gumanap sa parehong mga tungkulin, ngunit magkaibang landas ang tinatahak. Ilang taon lang ang itinatagal bago sila maghiwalay ng landas at ang isa ay matitiwalag habang ang isa ay mapananatili. Ang isa ay may matapat at matuwid na puso, nagmamahal sa katotohanan, at tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kahit pa may sumubok na iligaw ang taong ito at tumukso sa kanyang tumahak sa landas ng kasamaan, susunod ba siya? Hindi. Tiyak na tatanggihan niya ang taong iyon. Nagagawa niyang hanapin ang katotohanan, kumilos alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, at gumaling nang gumaling sa pagganap sa kanyang tungkulin. Subalit iyong isa pang tao ay medyo masama at mapanlinlang. Naghahangad siya ng katayuan at napakataas ng kanyang mga ambisyon. Kahit paano pa magbahagi sa kanya ang isang tao tungkol sa katotohanan, hindi niya isusuko ang paghahangad niya sa katayuan. Ito ang problema sa kanyang kalikasan. At ano ang magiging wakas ng taong ito na hindi tumatanggap sa katotohanan at hindi kailanman kayang isuko ang katayuan? Matitiwalag siya. Malinaw na magkaiba ang kahihinatnan ng dalawang taong ito. Ang taong matapat sa kanyang puso at naghahangad sa katotohanan ay parami nang parami ang nauunawaan sa katotohanan, at nang may higit na kalinawan, unti-unti siyang umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ang taong hindi naghahangad sa katotohanan ay may kakayahan lamang na umunawa ng doktrina, at hindi niya ito maisagawa. Bakit hindi niya ito maisagawa? Masyadong mataas ang kanyang mga ambisyon at pagnanais, at hindi niya mabitiwan ang mga iyon. Sa lahat ng kanyang ginagawa, inuuna niya ang sarili niyang mga interes, ambisyon, pagnanais, kasikatan, pakinabang, at katayuan. Puno siya ng mga bagay na ito, at natatangay siya ng mga iyon. Kapag may nangyayari sa kanya, una niyang binibigyang-lugod ang kanyang laman at sariling mga pagnanais. Sa lahat ng bagay ay kumikilos siya alinsunod sa sarili niyang mga pagnanais, hinahabol ang mithiing ito at isinasantabi ang katotohanan. Bilang resulta, hindi niya nagagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin at nakasisira siya sa gawain, at sa wakas, natitiwalag siya. Hindi ba’t ang mga ito mismo ang mga taong tinitiwalag ng sambahayan ng Diyos? Kung gayon, wala na ba silang pag-asa? Kung tunay silang makapagsisisi, maiiwasan nila ang matiwalag, at magkakaroon ng pag-asa na maligtas sila. Ngunit kung mananatiling mapagmatigas ang kanilang puso at matindi nilang panghahawakan ang kanilang mga pagnanais, na parang isang mabangis na asong kumakapit sa isang buto, wala na talagang pag-asang makatanggap sila ng kaligtasan. Hindi matatamo ng mga tao ang katotohanan kung hindi nila tatahakin ang tamang landas! Tanging ang landas ng paghahangad sa katotohanan ang tamang landas. Matatamo lamang ng isang tao ang katotohanan sa pamamagitan ng pagtahak dito. Magkakaroon lamang ang isang tao ng pag-asang magtamo ng pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan.

Ang puso ng mga taong mapanlinlang at buktot ay nag-uumapaw sa pansariling mga ambisyon, plano, at pakana. Madali bang isantabi ang mga bagay na ito? (Hindi.) Ano ang dapat mong gawin kung nais mo pa ring magampanan nang maayos ang iyong tungkulin pero hindi mo maisantabi ang mga bagay na ito? May landas dito: Dapat maging malinaw sa iyo ang kalikasan ng ginagawa mo. Kung may kinalaman ang isang bagay sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at mahalagang-mahalaga ito, kung gayon ay hindi mo ito dapat balewalain, hindi ka dapat makagawa ng mga pagkakamali, hindi mo dapat pinsalain ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, o guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ito ang prinsipyong dapat mong sundin sa pagganap sa iyong tungkulin. Kung nais mong maiwasang mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kailangan mo munang isantabi ang iyong mga ambisyon at pagnanais; dapat makompromiso ang iyong mga interes kahit papaano, dapat isantabi ang mga ito, at mas mabuting dumanas ka ng kaunting paghihirap kaysa malabag mo ang disposisyon ng Diyos, na siyang kasukdulan nito. Kung hindi mo gagawin nang maayos ang gawain ng iglesia upang masunod ang walang kakuwenta-kuwenta mong mga ambisyon at kapalaluan, ano ang kahihinatnan mo sa huli? Papalitan ka, at maaaring itiwalag ka. Napagalit mo ang disposisyon ng Diyos, at maaaring wala ka nang pagkakataon pang maligtas. May limitasyon sa dami ng mga pagkakataong ibinibigay ng Diyos sa mga tao. Gaano ba karaming pagkakataon ang natatanggap ng mga tao upang masubok ng Diyos? Natutukoy ito batay sa kanilang diwa. Kung sinusulit mo ang mga pagkakataong ibinibigay sa iyo, kung kaya mong bitiwan ang iyong pagpapahalaga sa sarili at banidad, at unahin ang maayos na paggawa sa gawain ng iglesia, may tama kang pag-iisip. Kailangan ay matuwid ang iyong puso, hindi humihilig sa kaliwa ni sa kanan. Kapag mayroon kang mga hindi tamang layunin, kailangan mong magdasal agad at itama ang mga iyon. Dapat mong protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa mga kritikal na sandali at isakatuparan ang iyong mga gawain. Ang isang taong gumagawa nito ay isang tamang tao. Kung paminsan-minsan, matapos mong maisakatuparan ang isang bagay, ay nagmamadali kang magsabing, “Ako ang gumawa nito,” para lamang bigyang-lugod ang iyong banidad, ayos lang iyon. Pahihintulutan ito ng Diyos. Kahit paano ka pa mag-isip, yamang natapos mo ang gawain, tatandaan Niya ito. Hindi ba’t patas ito? Dahil isa nga itong bagay na naisakatuparan mo nang may puso at katapatan; naghimagsik ka laban sa sarili mong laman at sarili mong ambisyon, tinupad mo ang iyong tungkulin, at tinapos mo ang atas ng Diyos nang hindi tinutulutang mapinsala ang mga interes ng Kanyang sambahayan. Napapanatag ang puso ng Diyos, at kasabay niyon, napapanatag at nagagalak ang iyong puso. Isa itong kaligayahang hindi mabibili ng pera; nakamit mo ito gamit ang iyong sinseridad. Ito ang resulta ng paghahangad sa katotohanan. Kung, pagkatapos nito, ay ipagyayabang mong, “Uy, alam ba ninyong lahat na ako ang gumawa nito?” Hindi tututol ang Diyos. Ngunit, sa mga kritikal na sandali, kailangan mong itaguyod ang batayang pamantayan. Hindi mo pwedeng pukawin ang poot ng Diyos o labagin ang Kanyang disposisyon. Kung kaya mo itong sundin, sinisigurong sa bawat kritikal na sandali ay kakapit ka sa lifeline na iyon, at sinasamantala mo ang pagkakataon upang tuparin ang iyong tungkulin, magkakaroon ng pag-asa na maligtas ka. Kung sa mga karaniwang sitwasyon ay maingat ka, ngunit pagdating sa mga bagay na may kaugnayan sa mga katotohanang prinsipyo—sa mga kritikal na sandali kung saan kailangan mong kumilos nang desidido at matalino—ay hindi mo nirerendahan ang iyong mga ambisyon at pagnanais bagkus ay kumikilos ka kung paano mo naisin, na nakagugulo sa gawain ng iglesia at nabibigong itaguyod ang pinakabatayang pamantayan, mapapagalit nito ang disposisyon ng Diyos. Hindi ba’t karapat-dapat itong maparusahan? Kahit papaano man lang, kailangan ay hindi mo malabag ang disposisyon ng Diyos; ito ang batayang pamantayan. Kailangan mong malaman kung ano ang batayang pamantayan ng Diyos at kung ano ang batayang pamantayang dapat mong itaguyod. Kung itataguyod mo ang batayang pamantayang ito sa mahahalagang sandali, at pagkatapos mong tuparin ang iyong tungkulin ay hindi mo idudulot na tanggihan, itaboy ka ng Diyos bagkus ay tandaan at tanggapin ka Niya, isa itong mabuting gawa. Hindi tumutuon ang Diyos sa kung ano ang iniisip mo, sa kung gaano ka man kakampante sa iyong sarili o gaano mo man ipinagmamalaki ang iyong mga tagumpay; hindi Siya interesado sa mga bagay na ito at hindi ka Niya seseryosohin. Ang natitira na lang ay ang usapin ng sarili mong pagbabago. Dahil kaya mong sunggaban ang lifeline sa lahat ng sitwasyon, kumilos alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, manatiling matapat at bigyang-lugod ang puso ng Diyos sa mahahalagang pagkakataon, at itaguyod ang iyong batayang pamantayan, ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nitong may saloobin ka ng pagpapasakop sa Diyos. Sa isang antas, masasabing bahagya mo nang nabigyang-lugod ang Diyos. Ganito ang pagtingin ng Diyos dito. Ang Diyos ay matuwid, hindi ba? (Oo.) Samakatuwid, tanging ang mga taong nagsasagawa sa ganitong paraan ang matatalinong tao. Huwag mong isiping, “Sa pagkakataong ito ay hindi ko masyadong nagampanan nang mabuti ang aking tungkulin upang mabigyang-lugod ang Diyos. May kaunti pa ring kakulangan. Hindi ba Niya ito tatanggapin?” Hindi iyon hahanapan ng mali ng Diyos. Oobserbahan lamang Niya kung nagkaroon ka ba ng batayang pamantayan habang ginagawa mo ang gawaing ito. Basta’t hindi ka lumagpas sa batayang pamantayan at natapos mo ang gawain, tatandaan Niya ito. Kung kaya mong palaging hanapin ang mga katotohanang prinsipyo anumang tungkulin ang iyong ginagampanan o anumang bagay ang iyong ginagawa, at kahit sa masyadong mahihirap na sitwasyon ay hindi ka lumalagpas sa batayang pamantayan, maprinsipyo ang paraan ng paggawa mo sa mga bagay-bagay at ang paraan ng pagganap mo sa iyong tungkulin. Masasabing pasok talaga sa pamantayan ang pagtupad mo sa tungkulin.