Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 3 (Ikaapat na Bahagi)

May apat na kondisyon para matanggap ang pagkastigo at paghatol ng Diyos: hustong pagganap sa tungkulin, pagkakaroon ng mentalidad ng pagpapasakop, pagiging matapat, at pagkakaroon ng isang nagsisising puso. Tandaan ninyo ang apat na kondisyong ito at ikumpara ninyo ang mga sarili ninyo sa mga ito kapag nahaharap kayo sa mga sitwasyon. Kung ang isang sitwasyon ay kinasasangkutan ng pagpapasakop, isagawa ninyo ang pagpapasakop. Hinihingi ng salita ng Diyos sa mga tao na magkaroon ng mapagpasakop na saloobin; kung ikukumpara mo ang sarili mo sa mga salita ng Diyos at makikita mong may malaking pagkakaiba, ano ang dapat mong gawin? Gawin mo ang sinasabi ng Diyos, sumunod ka sa mga salita ng Diyos nang hindi nagsusuri o nakikipagtalo. Kung susubukan mong makipagtalo, masusuklam ang Diyos sa iyo. Anong gagawin mo kapag nasuklam ang Diyos sa iyo? May isang pamamaraang makakaayos nito, iyon ay ang baguhin mo agad ang landas mo. Huwag mong saktan ang puso ng Diyos dahil sa isang maliit na usapin at pagkatapos ay patuloy na saktan ang puso ng Diyos at balewalain Siya. Walang halaga ang mga tao; kung babalewalain mo ang Diyos, hindi ka na Niya gugustuhin pa. Anong gagawin mo kapag binalewala ka ng Diyos at ayaw na Niya sa iyo? Sabihin mo, “Magbabago ako ng landas. Huwag Mo akong abandonahin, O Diyos, hindi ko kakayanin kung wala Ka.” Pero walang silbi ang pagsasabi lang nito. Hindi kailangan ng Diyos ang pambobola mo; titingnan Niya ang saloobin mo, ang pagsasagawa mo, ang landas na tatahakin mo pagkatapos nito, at ang pagganap mo. Huwag mong akalaing ordinaryong tao ang Diyos, na maaantig mo gamit ang ilang pambobola; hindi ganoon ang Diyos, tinitingnan Niya ang saloobin mo. Kapag nagbago ka na ng landas, nakikita ng Diyos na mula sa pagiging mapagmatigas ay naging mapagpasakop ka na, at kaya mo nang tanggapin ang katotohanan, hindi ka na nakikipagtalo sa Diyos. Nagbago na ang pagiging mapagmatigas mo, kilala mo na kung sino ka, at nakikilala mo na ang Diyos mo; kasunod na kasunod nito, magsisimula nang magsakatuparan ng ilang gawain ang Diyos sa iyo. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko pa naramdaman na may nilalayong gawing anuman ang Diyos.” Huwag kang magtiwala sa mga damdamin mo. Tumpak ba ang mga damdamin mo? Napakarami nang ginawa ang Diyos sa iyo—may naramdaman ka bang kahit na ano roon? Naramdaman mo ba nang nasaktan ang puso ng Diyos? Wala kang nalaman—siguro ay masaya ka pa nga sa ibang bagay. Kaya huwag mong bigyang kahulugan ang mga damdamin ng Diyos batay sa sarili mong mga damdamin, at huwag mong sukatin ang mga damdamin ng Diyos sa pamamagitan ng sarili mong mga damdamin; hindi ito uubra. Kung binabalewala ka ng Diyos, at wala kang nararamdaman, at wala kang natatanggap na kaliwanagan o pagtanggap, anong dapat mong gawin? Tandaan mo ang isang bagay na ito: Dapat mong patuloy na tuparin ang mga responsabilidad at tungkuling dapat tuparin ng isang nilikha, at dapat ka pa ring magsalita nang matapat gaya ng nararapat mong gawin. Huwag ka nang bumalik sa dati mong mga kasinungalingan dahil lang sa binabalewala ka ng Diyos o ayaw ka na ng Diyos, huwag ka nang magsalita ngayon na gaya noong dati; kung gagawin mo ito, tapos ka na talaga. Ito ay pakikipagtalo at pagsalungat sa Diyos. Dapat mong panatilihin ang tungkulin mo, at dapat kang magpasakop gaya ng nararapat. Ano ang pakinabang dito? Kapag nakita ng Diyos na nagbago ka na ng landas, lalambot ang puso Niya, at unti-unting mawawala ang poot at galit Niya sa iyo. Hindi ba’t ang pagkawala ng poot ng Diyos ay isang mabuting tanda para sa iyo? Ibig sabihin nito ay dumating na ang pagbabago mo. Kapag tumigil ka na sa pamumuhay batay sa mga damdamin, tumigil na sa pagtatangkang obserbahan ang mga ekspresyon ng Diyos, at tumigil na sa magagarbong paghingi sa Diyos para ipaalam ang Kanyang posisyon, kundi sa halip ay nabubuhay ka na ayon sa mga salitang binigkas ng Diyos, ayon sa mga tungkulin at prinsipyo ng pagsasagawa na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at ayon sa landas na sinabi ng Diyos na isagawa at tahakin mo; kapag nabubuhay ka na ayon sa lahat ng ito, at paano ka man tratuhin ng Diyos o bigyang pansin ka man Niya o hindi, ay ipinagpapatuloy mo ang dapat mong gawin—aaprubahan ka na ng Diyos. Bakit ka Niya aaprubahan? Dahil anuman ang gawin sa iyo ng Diyos, binibigyang-pansin ka man Niya o hindi, pinagkakalooban ka man Niya o hindi ng biyaya, mga pagpapala, pagtanglaw, kaliwanagan, pangangalaga, o proteksyon, at gaano mo man nararamdaman ito, nakakasunod ka pa rin sa Kanya hanggang sa wakas. Matibay mong pinanghawakan ang posisyon na dapat panghawakan ng isang nilikha nang hindi nagbabago; itinuring mo ang mga salita ng Diyos bilang layon at direksyon ng buhay mo, at itinuring mo ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan at bilang ang pinakamatataas na salita ng karunungan sa iyong buhay. Ano ang diwa ng gayong pag-uugali? Ito ay ang pagtanggap sa iyong puso na ang Lumikha ang buhay mo, na Siya ang Diyos mo. Sa ganitong paraan, panatag ang Diyos, at ikaw ay nagiging isang normal na taong namumuhay sa presensiya ng Diyos; ang taong gaya nito ay nagtataglay ng mga pangunahing kondisyon para sa pagbabago sa disposisyon. Batay rito, maituturing bang pagbabago sa disposisyon ang pagkaunawa at mga pagbabagong nakamit ng mga tao? Malayo pa ang mga ito. Samakatwid, dapat mong taglayin ang pagtanggap sa pagkakakilanlan ng Lumikha, at dapat ka ring magkaroon ng responsableng saloobin sa sarili mong tungkulin. Dagdag pa rito, kailangan mong magkaroon ng saloobin na makakatanggap at makakapagpasakop sa katotohanan. Pagkatapos mong magtaglay ng mga katangiang ito, sisimulan na sa iyo ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang pagliligtas ay magsisimula na sa puntong ito. Sinasabi ng ilang tao: “Kung taglay namin ang mga katangiang ito, ibig sabihin ba nito ay nagbago na ang aming disposisyon? Kung malaki na ang ipinagbago, ano pa ang hahatulan at kakastiguhin ng Diyos?” Ano ang hinahatulan at kinakastigo ng Diyos? Ito ay ang kalikasang diwa ng mga tao, na siyang ang kanilang tiwaling disposisyon. Kung taglay ng isang tao ang apat na kondisyong ito at matutugunan niya ang mga iyon, aling aspekto ng kanyang tiwaling disposisyon ang ganap nang nagbago? Wala sa mga iyon. Mayroon lamang bahagyang pagbabago sa pag-uugali, pero hindi pa sapat iyon. Wala pang naging mahalagang pagbabago. Ibig sabihin, bago simulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol at pagkastigo sa iyo, palaging magiging panlabas lang at mababaw ang pagkakakilala mo sa iyong sarili. Hindi nito mapapantayan ang iyong tiwaling diwa; malayo ito roon, malaki talaga ang agwat nito. Samakatwid, bago simulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol at pagkastigo, gaano ka man kabuti, kataos-puso, kamasunurin sa panuntunan sa akala mo, o gaano man kamapagpasakop sa tingin mo ang saloobin mo, dapat mong malaman ang isang bagay: Hindi pa pormal na nagsisimulang magbago ang disposisyon mo. Ang mga paraan mo ng pagsasagawa at ang mga diskarte mo ay nagpapahiwatig lamang ng pagbabago sa pag-uugali, at bumubuo sa pangunahing pagkatao na dapat taglayin ng isang taong ililigtas ng Diyos. Ang pagiging matapat, ang pagpapasakop, ang abilidad na magbago ng landas, ang katapatan—ito ang mga bagay na dapat umiiral sa pagkatao ng isang tao. Siyempre, kasama rin dito ang konsensiya at katwiran; dapat taglay mo ang mga katangiang ito bago isakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol at pagkastigo. Kapag ang isang tao ay mayroon na ng apat na kondisyong ito—hustong pagganap sa tungkulin, isang mapagpasakop na mentalidad, pagiging matapat, at isang nagsisising puso—sisimulan na ng Diyos sa taong iyon ang Kanyang gawain ng paghatol at pagkastigo.

Ngayon, dapat ay may ilang konsepto na kayo sa inyong isipan sa kung paano partikular na isinasakatuparan ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo sa mga tao. Halimbawa, pagdating sa kabuktutan, madalas na sinusubok ng mga tao ang Diyos, hindi maipaliwanag ang kagustuhan nilang siyasatin Siya, at nagkakaroon sila ng mga paghihinala, pagdududa, at katanungan tungkol sa mga salita ng Diyos. Naghahaka-haka sila sa kung ano ba talaga ang saloobin ng Diyos sa mga tao, gusto nila palaging malaman ito. Hindi ba’t buktot ito? Kasalukuyan bang alam ng mga tao kung alin sa kanilang mga kalagayan o pag-uugali ang nagpapakita ng ganitong uri ng disposisyon? Hindi iyon malinaw sa mga tao. Sa panahon ng paghatol at pagkastigo sa iyo, gagawin ng Diyos na magtapat ka at ilantad mo ang sarili mo at ang iba’t ibang kalagayan mo para magkamit ka ng kalinawan sa mga iyon sa puso mo. Siyempre, kapag inilalantad mo ang sarili mo, maaaring hindi ka labis na mahiya; kahit papaano man lang, ipaaalam nito sa iyo kung bakit ka hinahatulan at kinakastigo ng Diyos. Makikita mo na ang mga salita ng paghatol ng Diyos at ang paglalantad Niya ay totoo, na ganap na kukumbinsi at magpapakita sa iyo na tumpak ang lahat ng iyon. Pagkatapos, magiging malinaw sa iyo na ang lahat ng ito ay umiiral sa iyo; hindi iyon mga pag-uugali o panandaliang mga pagbubunyag lang, kundi ang mismong disposisyon mo. Kasunod nito, sa panahong isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol at pagkastigo, patuloy kang ibubunyag at pupungusan dahil sa tiwaling disposisyon mo, na magdudulot sa iyo na magdusa at magtiis ng pagpipino. Halimbawa, ang paghihinala sa Diyos ay isang pagpapahayag ng kabuktutan. Madalas na pinaghihinalaan ng mga tao ang Diyos pero hindi nila kailanman napagtatanto na buktot ang paghihinala; kailangang lutasin ang isyung ito. Kapag hinahatulan at kinakastigo ka ng Diyos, kung pinaghihinalaan mo ang Diyos, ipaaalam Niya sa iyo na buktot ito. Namumuhay ka sa isang buktot na disposisyon, gamit ang buktot na disposisyong iyon para tratuhin ang Diyos na sinasampalatayaan mo, para makipagkompetensiya sa Diyos mo, at para paghinalaan ang Diyos mo—at makakaramdam ng pighati ang puso mo. Ayaw mong gawin ito, pero hindi mo ito mapigilan. Dahil mayroon ka ng tiwaling disposisyong ito, magsasaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para pinuhin ka, na magtutulak sa iyo na abandonahin mo ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, lohikal na pag-iisip, at mga kaisipan at ideya nang hindi mo namamalayan. Sa puntong iyon, magdurusa ka; ito ang totoong pagpipino, at dahil sa tiwaling disposisyong ito kaya ka pinipino. Paano nagsisimula ang pagpipino? Kung sa tingin mo ay hindi ito isang tiwaling disposisyon, kung naniniwala kang wala kang mga gayong pagpapamalas o kalagayan, at hindi ka ganoong uri ng tao, at kung sa tingin mo ay hindi nananahan sa loob mo ang aspektong ito ng tiwaling disposisyon, kapag hinatulan ka ng Diyos, mapipino ka ba? (Hindi.) Kapag inamin mong nagpakita ka ng tiwaling disposisyon, at alam mong hinatulan ka ng Diyos, at maitutugma mo sa Kanyang paghatol ang tiwaling disposisyon mo, pero binibigyang-katwiran mo pa rin ang tiwaling disposisyong iyon at namumuhay ka pa rin doon, hindi makawala—doon nagsisimula ang pagpipino. Alam mong kinaaayawan at kinasusuklaman ng Diyos ang tiwaling disposisyon mo, at malayo ka pa sa pagtugon sa mga hinihingi ng Diyos; alam na alam mong mali ka at tama ang Diyos, pero hindi mo maisagawa ang katotohanan, ni masundan ang daan ng Diyos—nararamdaman mo na ang pasakit sa sandaling iyon. Ngayon ba ay mayroon na kayong gayong pasakit? (Wala.) Kung gayon, kahit papaano man lang ay hindi pa kayo nagtiis ng pagpipino pagdating sa inyong tiwaling disposisyon; nakaranas lamang kayo ng kaunting pasakit sa pagsaway at pagdidisiplina kapag nagkakamali o sumasalangsang kayo, pero hinding-hindi pa ito pagpipino. Ipagpalagay natin na kaya ninyong pumasok sa gayong buhay, tahakin ang gayong landas, at sinasabi ninyo: “Hindi ko na pinagdurusahan ang mga pagmamahal o katayuan, pero talagang nagtitiis ako ng pagpipino. Napagtanto kong hindi talaga ako kaayon ng Diyos, malalim ang ugat ng tiwaling disposisyon ko, at hindi ko ito maalis. Bahala na ang Diyos na pinuhin at ibunyag ako.” Kung namumuhay ka sa gayong kalagayan, nasa landas ka ng pagliligtas. Sa pagsasabi nito ngayon, maaaring panabikan at asamin ninyong lahat ang pagdating ng araw na iyon, pero hindi Ko alam kung ilan sa inyo ang talagang sapat na mapagpapalang matamasa ang gayong pagtrato. Ito ay isang napakabuting bagay at isang napakalaking pagpapala. Hindi madali ang maligtas. Kung talagang pinahahalagahan ka ng Lumikha, pinipili Niya, at tinutulutan Niyang maging tagasunod Niya, unang hakbang pa lang iyon ng pagliligtas. Kung pinahahalagahan ka ng Lumikha at sinasabi Niyang kwalipikado kang tanggapin ang paghatol at pagkastigo Niya, pangalawang hakbang pa lamang iyon. Kung makakalabas ka sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, kung maaabot mo ang isang kalagayan kung saan nagbabago ang disposisyon mo, at nagiging kaayon ka na ng Lumikha, tinatahak ang landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, iyon ang huling kalalabasan. Ngayon, sino kaya sa inyo ang pagpapalain na makaabot sa araw na iyon, ang pagpapalain na makatanggap ng gayong pagliligtas? Makikilatis ba ito mula sa anyo ng isang tao? Mula sa kakayahan ng isang tao? Mula sa antas ng edukasyon ng isang tao? (Hindi.) Matutukoy ba ito mula sa kung anong mga tungkulin ang ginagampanan ng isang tao ngayon? O sa pamilyang kinalakihan ng isang tao? Wala sa mga bagay na ito ang makapagbubunyag dito. Sinasabi ng ilang tao, “Tatlong henerasyon nang nananampalataya sa Panginoon ang aking pamilya; nananampalataya na ako noong nasa sinapupunan pa ako ng nanay ko, kaya siguradong maliligtas ako.” Kahangalan ang pananalitang ito at labis na kamangmangan; hindi tinitingnan ng Diyos ang mga gayong bagay. Ilang henerasyon nang nananampalataya sa Diyos ang mga Pariseo, at ano na ang nangyari sa kanila ngayon? Ayaw nga ng Diyos na maging tagasunod Niya sila; sila ay ganap nang tiniwalag; wala silang kinalaman sa gawain ng pagliligtas ng Diyos at walang parte rito.

Kung matatanggap ba o hindi ng isang tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay direktang may kinalaman sa pangunahing isyu ng pagbabago sa disposisyon. Gayumpaman, madalas na maraming kuru-kuro ang mga tao sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Kinakailangan na madalas na pagbahaginan ang katotohanan ayon sa mga salita ng Diyos para lutasin ang mga isyung ito. Ito ang pinakakinakailangan. Bakit hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao? Hanggang sa anong antas na naging tiwali ang sangkatauhan? Anong mga isyu ang nilalayong lutasin ng paghatol at pagkastigo, at anong mga kinalalabasan ang nakakamit ng mga ito? Anong mga pamantayan ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? Kung ang mga katotohanang ito ay hindi nauunawaan, hindi madaling tanggapin ng isang tao ang paghatol at pagkastigo; madali siyang makakabuo ng mga kuru-kuro sa Diyos, pati na rin ng paghihimagsik at paglaban, at maaari pa nga niyang lapastanganin ang Diyos at kalabanin ang Diyos. Paano inililigtas ng Diyos ang mga tao? Sino ang makakatanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos? Sino ang makatatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan at pagpeperpekto? Sino ang ititiwalag ng gawain ng Diyos sa mga huling araw? Kung malinaw na pinagbabahaginan ang mga katotohanang ito, hindi ba’t malulutas ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa paghatol at pagkastigo? Kahit papaano man lang, parang malulutas na rin ang mga iyon—ang anumang natitirang mga isyu ay malulutas lamang sa pamamagitan ng karanasan mismo ng taong iyon; natural na malulutas ang mga iyon kapag naunawaan na ang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao: “Pinatawad na ang aming mga kasalanan, kaya bakit pa namin kailangang maranasan ang paghatol at pagkastigo?” Ang mapatawad sa mga kasalanan ay biyaya ng Diyos; ginagawa nitong kwalipikado ang mga taong makalapit sa Diyos. Gayumpaman, ang paghatol at pagkastigo ay naglalayong ganap na iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at sa impluwensiya ni Satanas; ang pagiging napatawad na sa mga kasalanan at ang paghatol at pagkastigo ay hindi magkasalungat. Sa Kapanahunan ng Biyaya, tinutubos ng Diyos ang mga tao at pinatatawad ang kanilang mga kasalanan; sa Kapanahunan ng Kaharian, hinahatulan ng Diyos ang mga tao at dinadalisay ang tiwaling disposisyon nila. Dalawang yugto ng gawain ng Diyos ang mga ito. Maraming katawa-tawang tao sa relihiyon ang palaging may mga kuru-kuro sa paghatol at pagkastigo; mahigpit nilang pinanghahawakan ang pariralang “paggawang matuwid sa pamamagitan ng pananalig kapag pinatawad na ang mga kasalanan,” at ganap silang tumatangging tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Dapat bang makipagtalo sa mga gayong tao? Kung may makaharap kayong gayong mga tao, at kung kaya nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, puwede ninyong ibahagi sa kanila ang katotohanan at basahin ang mga salita ng Diyos sa kanila. Kung ganap nilang tatanggihan ang katotohanan, hindi na kailangang mag-abala pa kayo sa kanila; siguradong hindi sila ang mga tatanggap ng pagliligtas ng Diyos. Inililigtas lamang ng Diyos ang mga kayang tanggapin ang Kanyang mga salita at ang katotohanan; para sa mga talagang hindi kayang tanggapin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, talagang hindi sila ililigtas ng Diyos. Ang mga kayang tanggapin ang katotohanan ay madaling malulutas ang kanilang mga kuru-kuro, gaano man karami ang mayroon sila; kailangan lamang nilang basahin pa ang mga salita ng Diyos at hanapin pa ang katotohanan. Ang mga taong kayang tanggapin ang katotohanan ay ang mga may pagkatao at may konsensiya at katwiran. Bago tanggapin ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, makakabuo sila ng maraming kuru-kuro at maraming maling kaisipan, pati na rin ilang negatibong kalagayan. Ang pinakakaraniwang negatibong kalagayan ay, “Ginugol ko na ang sarili ko para sa Diyos at ginampanan ang aking mga tungkulin; dapat akong protektahan at pagpalain ng Diyos sa lahat ng bagay. Bakit may mga dumating na kalamidad sa akin?” Ito ang pinakakaraniwang kalagayan. Mayroon pang isang klase ng kalagayan: Kapag nakita niya ang iba na namumuhay sa magagandang kalagayan at nasisiyahan, samantalang siya ay nabubuhay sa kagipitan at kahirapan, nagrereklamo siya sa pagiging hindi matuwid ng Diyos. Puwede pa ngang nakikita niya ang iba na nagkakamit ng mas magagandang resulta sa pagganap nila ng kanilang tungkulin, at naiinggit at nagiging negatibo siya. Negatibo rin siya kung nagkakasundo at nagkakaisa ang ibang mga pamilya, kung mas mataas ang kakayahan ng iba kaysa sa kanya, kung nakakapagod ang tungkulin niya, o kung hindi nangyayari ang gusto niya. Sa madaling salita, sa anumang sitwasyong hindi naaayon sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon, nagiging negatibo siya. Kung ang taong ito ay may ilang kakayahan at kayang tanggapin ang katotohanan, dapat siyang tulungan. Basta’t nauunawaan niya ang katotohanan, madaling malulutas ang isyu ng pagiging negatibo niya. Kung hindi niya hahanapin ang katotohanan at mananatili siyang negatibo, na laging nagkikimkim ng mga kuru-kuro sa Diyos, isasantabi siya ng Diyos at babalewalain siya, dahil ang Banal na Espiritu ay hindi gumagawa ng mga walang kuwentang gawain. Masyadong matigas ang ulo ng mga gayong tao, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, palagi silang may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at palaging may mga pansariling hinihingi; sobrang wala itong katinuan at dahil dito ay hindi sila tinatablan ng katwiran. Nauunawaan nila ang katotohanan pero hindi nila ito tinatanggap. Hindi ba’t para itong sadyang pagkakasala? Kaya, hindi sila pinapansin ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Madalas akong negatibo, at binabalewala ako ng Diyos. Ibig sabihin nito ay hindi ako minamahal ng Diyos!” Katawa-tawa ang gayong pahayag. Alam mo ba kung sino ang minamahal ng Diyos? Alam mo ba kung paano naipamamalas ang pagmamahal ng Diyos? Alam mo ba kung sino ang hindi minamahal ng Diyos at kung sino ang dinidisiplina ng Diyos? May mga prinsipyo ang pagmamahal ng Diyos; hindi ito katulad ng iniisip ng mga tao, na palaging pagtitiis sa mga tao at pagpapakita ng awa at biyaya sa mga tao, na pagliligtas sa lahat maging sino man sila, na pagpapatawad sa lahat anumang kasalanan ang nagawa nila, at sa huli ay pagdadala sa lahat sa kaharian ng Diyos nang walang eksepsyon. Hindi ba’t mga kuru-kuro at imahinasyon lamang ito ng mga tao? Kung nagkagayon, hindi na kailangan pa ng Diyos na gawin ang gawain ng paghatol. May mga prinsipyo kung paano pinakikitunguhan ng Diyos ang mga taong madalas na negatibo. Kapag palaging negatibo ang mga tao, may problema rito. Napakarami nang sinabi ng Diyos, nagpahayag na Siya ng napakaraming katotohanan, at kung tunay na nananampalataya sa Diyos ang isang tao, pagkatapos niyang mabasa ang mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, lalong mababawasan ang mga negatibong bagay na nasa kanya. Kung lagi na lang negatibo ang mga tao, tiyak na hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, kaya naman sa sandaling may makaharap silang taliwas sa sarili nilang mga kuru-kuro, magiging negatibo sila. Bakit hindi nila hinahanap ang katotohanan sa mga salita ng Diyos? Bakit hindi nila tinatanggap ang katotohanan? Siguradong ito ay dahil mayroon silang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at higit pa rito, hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan. Kaya papansinin pa rin ba sila ng Diyos kapag ganito ang pagharap nila sa katotohanan? Hindi ba tinatablan ng katwiran ang gayong mga tao? Ano ang saloobin ng Diyos sa mga hindi tinatablan ng katwiran? Isinasantabi Niya sila at hindi sila pinapansin. Maniwala ka sa anumang paraan mo gusto; maniwala ka man o hindi, ikaw ang bahala; kung tunay kang naniniwala at naghahangad ng katotohanan, makakamit mo ang katotohanan; kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi mo ito matatamo. Tinatrato ng Diyos ang bawat tao nang patas. Kung wala kang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan, kung wala kang saloobin ng pagpapasakop, kung hindi ka nagsisikap na matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, bahala ka nang maniwala paano mo man naisin; gayundin, kung mas gugustuhin mong umalis, maaari mo itong gawin kaagad. Kung hindi mo nais na gawin ang iyong tungkulin, hindi ka pipilitin ng sambahayan ng Diyos; maaari kang pumunta saan mo man gusto. Hindi hinihimok ng Diyos ang gayong mga tao na manatili. Iyon ang Kanyang saloobin. Malinaw na isa kang nilikha, pero kailanman ay ayaw mong maging isang nilikha. Palagi mong gustong maging ang arkanghel, hindi ka handang magpasakop sa Diyos, at palagi mong ninanais na maging kapantay ng Diyos. Ito ay walang pakundangang paglaban sa Diyos; ito ay isang bagay na sumasalungat sa disposisyon ng Diyos. Halata naman na isa ka lang ordinaryong tao, pero palagi kang humihingi ng espesyal na pagtrato, na magkaroon ng katayuan at maging kilala, gusto mong maging mas magaling sa iba sa lahat ng paraan, makatanggap ng malalaking pagpapala, at malampasan ang lahat. Nagpapakita ito ng kawalan ng katwiran. Ano ang tingin ng Diyos sa mga taong walang katwiran? Ano ang pagtitimbang sa kanila ng Diyos? Hindi tinatablan ng katwiran ang gayong mga tao. Sinasabi ng ilan: “Kung sasabihin Mong hindi ako tinatablan ng katwiran, hindi na ako magtatrabaho pa!” Sino bang nagsabi sa iyong magtrabaho ka? Kung ayaw mong gawin iyon, hindi ka pipilitin ng Diyos; bilisan mo at umalis ka na—hindi ka pananatilihin ng sambahayan ng Diyos. Kahit na handa ka pang magtrabaho, may mga hinihingi ang sambahayan ng Diyos. Kung mas mababa sa pamantayan ang pagtatrabaho mo at ang pagganap mo sa tungkulin ay nagdadala ng masyadong maraming gulo sa sambahayan ng Diyos, na mas nakakapinsala pa kaysa nakakabuti, siguradong ititiwalag ka ng sambahayan ng Diyos; kahit na gusto mo pang magtrabaho, aayawan ka ng sambahayan ng Diyos. Kung handang magtrabaho ang mga tao, kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan, at tanggapin ang pagpupungos, kwalipikado silang manatili sa sambahayan ng Diyos. Kung kaya nilang hangarin ang katotohanan, tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at maliligtas at mapeperpekto sila, isa itong napakalaking pagpapala. Huwag mong isiping nagmamakaawa ang Diyos sa iyo at na kailangan Niyang hatulan at kastiguhin ka; hindi magmamakaawa ang Diyos sa iyo. Pinipili ng Diyos ang mga taong ililigtas at gagawing perpekto, mayroon Siyang iniisip na partikular na target, at may mga prinsipyo; hindi lahat ng nananampalataya sa Diyos ay makakamit ang pagliligtas Niya—marami ang tinawag, datapuwa’t kakaunti ang hinirang. Kailangan mong matugunan ang ilan sa mga pamantayan ng Diyos—pagganap nang husto sa tungkulin mo, pagkakaroon ng mapagpasakop na mentalidad, pagiging matapat, at pagtataglay ng nagsisising puso—at saka lamang pormal na sisimulan ng Diyos na hatulan at kastiguhin ka, dalisayin ka at gawin kang perpekto. Sinasabi ng ilan: “Ang pagdanas ng paghatol at pagkastigo ay nangangahulugan ng pagdurusa!” Bagama’t totoong magdurusa ka, kailangan mong maging kwalipikado para doon. Kung hindi ka kwalipikado, ni hindi ka angkop na magdusa! Sa tingin mo ba ay ganoon lang kasimple ang gawain ng Diyos at ang pagpeperpekto Niya sa mga tao? Ang mga tumatangging tanggapin ang paghatol at pagkastigo, o ang tinatakasan ang paghatol at pagkastigo, sa huli ay pananagutin sila sa kanilang mga kilos. Sinuman ang isang tao o anuman ang saloobin niya sa Diyos, kung ang saloobing ito ay hindi naaayon sa hinihingi ng Diyos, hindi makikialam ang Diyos at hahayaan lang siya. Ang mga salita ng Diyos ay naririyang lahat; kung kaya mong gawin ang sinasabi Niya, gawin mo iyon. Kung handa kang gawin iyon, gawin mo. Kung ayaw mong gawin iyon o hindi mo kayang gawin iyon, hindi ka pipilitin ng Diyos. Sa tingin mo ba ay magmamakaawa ang Diyos sa iyo? Sa tingin mo ba ay didisiplinahin ka ng Diyos? Sigurado, hinding-hindi iyon gagawin ng Diyos. Sasabihin ng Diyos: “Kung ayaw mong tanggapin ang katotohanan, kung tutol ka sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, walang problema. Natamasa mo naman na ang ilang biyaya, kaya magmadali kang bumalik sa mundo, bilisan mo at umalis ka na; hindi ka pipilitin. Hindi ka kwalipikadong tamasahin ang mga pagpapala ng kaharian ng langit, at hindi mo matatamo ang mga iyon kahit na hilingin mo pa.” Ano ang ibig sabihin na hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao na tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo? Ibig sabihin nito ay na kung hindi tinatanggap ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, hindi nagdidisiplina, nangangastigo, nagpapaalaala, ni nanghihikayat ang Diyos; hindi magkakaroon ng kaliwanagan o pagtanglaw mula sa Banal na Espiritu. Sa panlabas, mukhang maginhawang namumuhay ang mga taong ito. Hindi sila dinidisiplina dahil sa pabasta-basta nilang pagganap sa kanilang tungkulin, ni dahil sa negatibo nilang kapabayaan sa gawain, ni dahil sa basta-basta nilang paghusga sa Diyos. Kahit sa maling pagkaunawa sa Diyos, pagrereklamo tungkol sa Diyos, at paglaban sa Diyos, wala silang nararamdaman sa puso nila, hanggang sa makagawa sila ng malaking kasamaan tulad ng pagnanakaw o maling paggamit sa mga handog, pero wala pa rin silang kamalayan. Ang mga taong gumagawa ng gayong napakasasamang bagay ay nagpapatuloy sa loob ng maraming taon nang hindi pinagninilayan ang kanilang mga sarili, nang wala ni katiting na pagsisisi, nang walang anumang premonisyon kung ano ba ang magiging kaparusahan o kalalabasan. Ang isang normal na tao ay dapat magkaroon ng kahit anong uri ng premonisyon, pero wala siyang ganoon dahil walang anumang ginagawa ang Diyos sa kanya. Ang kawalang aksyon ng Diyos ay isang klase ng saloobin. Ano ang kinakatawan nito? Naiisip ba ninyo kung ano ang iniisip ng Diyos sa puso Niya? Lubusan na Niyang sinukuan ang gayong mga tao. Bakit sinusukuan ng Diyos ang gayong mga tao? Kinamumuhian Niya ang gayong mga tao; mas makabuluhan pa sa kanila ang isang balahibo, ang isang langgam, hindi sila kabanggit-banggit, at napagpasyahan na ang kalalabasan nila. Isang araw, kapag sinabi ng gayong tao na, “Gusto kong maging isang nilikha ng diyos, tinatanggap kita bilang aking panginoon, aking diyos,” gugustuhin ba siya ng Diyos? Hindi. Sinasabi ng ilan, “Pinagsisisihan ko iyon, bumabalik na ako ngayon.” Masyado na bang huli para sa kanila? Huling-huli na. Dahil ang kalikasan nila ay sa diyablo at hindi na kailanman magbabago, hindi inililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Gaano man sila magsisi, gaano man sila kaawa-awang mag-iiyak, kaya ba nilang magbago? Kaya ba talaga nilang magsisi? Hinding-hindi. Kaya, hinahangad mo man o hindi ang katotohanan, basta’t tunay kang nananampalataya sa Diyos, dapat mong maunawaan ang mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos. Hinding-hindi puwede na may mga balak ka sa mga handog sa Diyos; kahit ang pag-isipang nakawin o gamitin ang mga iyon ay hindi katanggap-tanggap. Sa sandaling gawin mo iyon, magdadala ka ng matinding kalamidad, na makakaapekto sa kalalabasan mo. Kapag natukoy na ang kalalabasan mo, wala nang saysay na alalahanin mo ang sinabi ng Diyos o ang mga hinihingi ng Diyos, at na manghinayang—masyado nang huli ang lahat. Sa ngayon, hindi pa natatapos ang gawain ng Diyos, pero ang kalalabasan ng ilang tao ay natukoy na. Hindi pa inilahad ng Diyos ang bagay na ito, ni sinabi kaninuman. Iniisip pa rin ng mga taong ito na ayos naman sila, nagsasayang pa rin sila ng oras nila. Kahit na malapit na ang kamatayan, ganap pa rin silang walang kamalay-malay; isang pangkat sila ng mga taong naguguluhan at walang silbi.

Magpapatuloy Ako sa dalawa pang kaso. Tinalakay sa unang kaso ang isang lalaki, samantalang ang dalawang pangunahing tauhan naman sa mga kasong ito ay dalawang babaeng lider. Kapag narinig ang katawagang ito, agad na mauunawaan ng isang tao na ang mga katayuan nila ay hindi mababa, pero, ang mga taong may gayong katayuan ay puwede pa ring makagawa ng malalaking kasamaan. Ang isa sa mga babaeng ito ay may mga kasunduan sa isang walang pananampalataya na ang negosyo ay nasa bingit na ng pagbagsak dahil sa kakulangan sa kapital. Dahil naglilingkod ang babaeng ito bilang lider sa iglesia at may kontrol siya sa pananalapi, nanghiram sa kanya ng pera ang walang pananampalataya. Mag-isang nagpasya ang babaeng ito na ipautang ang daan-daang libong yuan, nang hindi kumokonsulta sa Itaas. Ang pera ng mga tao ay puwedeng ipautang, pero ang pera ng Diyos ay isang handog at ang sinumang nakikialam sa handog sa Diyos ay dapat na parusahan. Pribado niyang nilustay ang mga handog, at hindi ito maliit na halaga. Kasunod ng paglulustay na ito, umaksyon ang iglesia laban sa kanya, hininging magtrabaho siya para maibalik ang pera. Ganito ito pinamahalaan ng iglesia; isa itong pamamaraan ng tao. Naibalik niya ang pera at sa panlabas ay mukha siyang may disenteng saloobin. Ipinahihiwatig ba nito na nagbago na siya? (Hindi.) Ang mga kilos niya ay napakamapangahas, katulad ng isang walang ingat na hangal, ipinakikita nito ang disposisyon niya at saloobin niya sa Diyos. Magagawa kayang dalisay na maunawaan ng gayong tao ang katotohanan? Magagawa kaya niyang kumilos nang may katwiran? Nangahas siyang pakialaman ang mga handog sa Diyos, na ituring ito na sarili niyang pera. Dahil walang tagubilin ang Diyos kung paano ilaan ang mga pondo, o pahayag na hindi ito dapat pakialaman, ang babaeng ito ay walang mga prinsipyo ni mga limitasyon sa puso niya. Naniwala siya na bilang isang lider, may karapatan siyang kontrolin ang perang ito, at nangahas siyang lustayin ito. Pagkatapos ng paglulustay, paano ito pinamahalaan ng Diyos? Wala ngang kinailangang gawin ang Diyos; pinarusahan na ng iglesia ang babae. Dahil lamang sa daan-daang libong yuan na ito ay natukoy na ang kalalabasan niya: Tinanggal at isinantabi na siya ng Diyos magpakailanman. Bakit ito gagawin ng Diyos? Kinakatawan nito ang poot ng Diyos; siyempre, isang aspekto rin ito ng disposisyon ng Diyos. Hindi pinahihintulutan ng Diyos ang pagkakasala; kung sinasalungat mo ang disposisyon ng Diyos, lumagpas ka na sa limitasyon mo. Nakasaad ba ito sa mga atas administratibo? (Oo.) Malinaw sa mga hinirang na tao ng Diyos ang bagay na ito: Ang paglustay sa mga handog ay isang pagkakasala laban sa disposisyon ng Diyos. Nang lustayin ng babaeng ito ang handog, nanghimasok ba ang Diyos? Hindi nanghimasok ang Diyos, hindi Niya pinigilan ang babae, at wala Siyang sinabing kahit na ano; ni hindi pinigilan, sinaway, o binalaan ng Diyos ang babaeng ito noong kumikilos ito—basta naipautang na lang ang pera. Tuwang-tuwa siya sa sarili niya bago naisiwalat ang isyu, at napamahalaan siya ng iglesia. Nagsimula siyang umiyak at humagulgol, at agad siyang nagsimulang magtrabaho para maibalik ang pera. Ang totoo, ang pera ba ang inaalala ng Diyos? Hindi; ang inaalala ng Diyos ay hindi ang pera, kundi ang saloobing ipinakita ng babaeng ito sa Diyos sa bagay na ito. Ito ang inaalala ng Diyos. Ang pagsalungat sa disposisyon ng Diyos dahil sa pera—hindi ba’t ang nararapat doon ay kamatayan? Ang tawag dito ay pagtatamo ng kung anong nararapat sa iyo! Kung medyo negatibo o mahina ka, o minsan ay hindi ka dalisay habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, o minsan ay nasa posisyon ka na may katayuan at nagpapasasa ka sa mga pakinabang nito, nakikita ito ng Diyos bilang pagpapakita ng isang tiwaling disposisyon. Pero kapag pinakialaman mo ang mga handog sa Diyos nang hindi ka kumukonsulta sa Kanya, o ginamit mo ito nang mali nang walang pahintulot Niya, anong klaseng problema iyon? Ito ay pagnanakaw sa mga handog. At anong klaseng disposisyon ang ipinahihiwatig nito? Iyon ay disposisyon ng arkanghel, disposisyon ni Satanas. Hindi ba’t pagkakanulo ang pagnanakaw sa mga handog sa Diyos? (Pagkakanulo iyon.) Ano ang ginawa ni Satanas na itinuring ng Diyos na pagkakanulo? (Hinangad nitong maging Diyos.) Tungkol naman sa babaeng tinatalakay natin, gusto niyang kontrolin ang mga handog sa Diyos. Ano ang akala niya sa sarili niya? (Akala niyang siya ang Diyos.) Mismo, nakita niya ang sarili niya bilang Diyos, at doon siya nagkamali. Kaya natin sinasabing sinalungat niya ang disposisyon ng Diyos. Seryoso ba ang kalikasan nito? (Oo.) Tumpak ba ang paglalarawan natin? (Tumpak ito.) Wala na siyang kalalabasan. Wala siyang kalalabasan—mukhang ganoon na nga. Pagdating naman sa pakahulugan ng Diyos, pagdating sa mga kaparusahang mararanasan niya kalaunan, mga usapin ito sa hinaharap. Ito ang istorya ng unang babae. Talagang mapangahas siya, kaya niyang linlangin ang mga nasa itaas at ibaba niya, walang ingat siyang kumilos nang walang pagsasaalang-alang sa mga kahihinatnan, kapwa siya mangmang at walang pakundangan. Nagtaglay ba siya ng ni katiting na pagpapasakop o pagnanais na maghanap? (Hindi.) Gusto niyang kontrolin ang mga handog sa Diyos, ang mga pag-aari ng Diyos, nang walang pahintulot ninuman at nang hindi tinatalakay o ibinabahagi ang usapin kaninuman. Sinarili niyang pamahalaan ang bagay na ito, at ito ang mga kinahinatnan. Maaaring sabihin ng ilan: “Ang paggalaw lang ba sa mga handog sa Diyos ay pagsalungat na sa disposisyon Niya?” Ganoon ba iyon? Hindi. May mga prinsipyo ang iglesia sa paglalaan sa mga handog sa Diyos, at kung kikilos ka ayon sa mga prinsipyong iyon, hindi manghihimasok ang Diyos. Kung may mga prinsipyo ka na pero hindi mo sinusunod ang mga iyon, kundi iginigiit mong kumilos nang walang ingat at gawin ang mga bagay-bagay sa sarili mong pamamaraan, at mag-isang pamahalaan ang mga bagay na ito, sinasalungat mo ang disposisyon ng Diyos. Iyan ang istorya ng unang babae.

Ang istorya tungkol sa ikalawang babaeng lider ay may kinalaman din sa mga handog. Ganito ang nangyari: Bumili ang iglesia ng isang bahay para maging sambahan, na nangangailangang ayusin. Kasama sa pagpapaayos sa bahay ang pagdidisenyo at pagbili ng mga materyales, na kailangan ng pera. Dahil gawain ito ng sambahayan ng Diyos, na kinasasangkutan ng pamamahala ng Diyos, ang perang nagagastos ay natural na mula sa sambahayan ng Diyos, at ito ay handog sa Diyos. Makatwiran, lehitimo at wastong ginagamit ang perang ito ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Nang panahong iyon, lider ang babaeng ito at siya ang responsable para sa proyektong ito. Isang bagong mananampalataya, na hindi kilala ninuman, ang pinili niya para tingnan at pangasiwaan ang proyekto. Ang lalaking ito ay katulad ng isang walang pananampalataya. Kalaunan, nakipagsabwatan iyong babae sa walang pananampalatayang ito, at bumili ng maraming mamahaling bagay at nagsayang ng maraming pera. Hindi ba’t pagtangay ito ng pera ng sambahayan ng Diyos? Panggagantso at pagwawaldas ito sa mga handog sa Diyos! Malaki ang kinita ng walang pananampalatayang ito mula rito. May kinalaman ba ito sa babaeng lider? (Oo.) Ginawa niyang madali ito, dahil pinayagan niyang gawin ng walang pananampalataya ang gayong mga bagay. Nang may nakatuklas sa isyung ito at gusto itong iulat, mariin niyang hinadlangan at pinagbantaan ito. Ipinagkanulo niya ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pininsala ang mga interes na ito at nagdulot din ng malaking pagkawala ng mga handog. Nang panahong ito, pinagsabihan ba siya ng Diyos? (Hindi.) Wala siyang kamalay-malay. Paano natin masasabing hindi niya alam? May ilang katunayang nagpapatunay nito; malinaw niyang nakita kung ano ang pinaplanong gawin niyong walang pananampalataya mula pa noong umpisa pero hindi niya ito pinigilan, sa halip ay pinagbigyan at tahimik niya itong sinang-ayunan, patuloy na gumagasta. Bilang resulta, lumaki ang gastos, at hindi pulido ang kinalabasang trabaho. Malinaw niya itong nakita pero patuloy pa rin siyang naglagak ng pera. Kumilos ba ang Diyos nang oras na ito? Hindi. Ano ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao sa usaping ito? Iniisip ng mga tao na dapat ay responsable ang Diyos sa pera Niya at dapat ay pinigilan Niya ang babae. Kuru-kuro ito ng tao, pero hindi kumilos ang Diyos nang ganito. Pagkatapos ng pagpapaayos at ng imbestigasyon, natuklasan ng sambahayan ng Diyos na marami sa mga handog ang nawala. Ano ang dapat gawin sa babaeng ito? Walang ginawa ang Diyos; ang iglesia na ang umasikaso sa kanya, at nagsimulang bayaran ng isa pang babae ang pera. Ano ang kalikasan ng mga kilos niya? Bilang isang lider, hindi lamang siya naging iresponsable at nabigong suriin ang paggastos sa mga handog kundi nakipagsabwatan pa siya sa tagalabas para linlangin ang sambahayan ng Diyos at nakawin ang mga handog sa Diyos. Mas malala pa ang kasong ito kaysa sa nauna. Kung gayon, sa mga mata ng Diyos, ano ang kalalabasan ng gayong tao? Pagkalipol; kung parurusahan ba siya o hindi ay usapin na para sa hinaharap. Maaaring isang araw ay ilagay ng Diyos ang gayong tao sa tirahan ng masasamang espiritu at ng maruruming demonyo, lilipulin sa buhay na ito ang pisikal na katawan ng babaeng ito, at durumihan at lalapastanganin ng maruruming demonyo at masasamang espiritu ang kaluluwa niya; tungkol naman sa susunod na buhay, napakalayo na niyon para pag-usapan pa. Ito ang kalalabasan. Bakit pinamamahalaan ng Diyos ang gayong tao sa ganitong paraan? Dahil sinalungat nito ang disposisyon ng Diyos. Dahil nasalungat nito ang disposisyon ng Diyos, magagawa pa rin ba siyang mahalin ng Diyos? Wala nang natitirang pagmamahal, ni awa, ni mapagmahal na kabaitan—poot na lamang. Kapag binabanggit ang mga pagkilos niya, kinamumuhian at kinasusuklaman siya ng Diyos. Bakit siya kinasusuklaman ng Diyos hanggang sa antas na ito? Dahil sadya siyang gumawa ng mga kasalanan kahit na alam niya ang totoong daan. Bukod sa wala nang handog para sa kasalanan para sa kanya, kailangan pa niyang harapin ang kaparusahan ng poot ng Diyos. Walang kalalabasan, destinasyon, o pagkakataong maligtas—wala siya ni isa sa mga ito. Ito ang ibig sabihin ng pagsalungat sa disposisyon ng Diyos; ito ang nangyayari kapag sinalungat ng isang tao ang disposisyon ng Diyos.

Sabihin ninyo sa Akin, madali bang salungatin ang disposisyon ng Diyos? Sa realidad, walang ganoon karaming pagkakataon, ni ganoon karaming sitwasyon kung saan puwedeng mangyari ito. Kakaunti lang ang mga pagkakataon, maliit ang posibilidad; pero bakit nagagawa pa rin ng mga taong salungatin ang disposisyon ng Diyos kahit na may gayong kakaunting pagkakataon at mababang posibilidad? Parehong mahigit dalawampung taon nang nananampalataya sa Diyos ang dalawang babaeng ito, nakapakinig sila ng mga sermon sa loob ng maraming taon, at matagal silang nakapaglingkod bilang mga lider at manggagawa. Bakit kaya nilang gumawa ng gayong mga seryosong kamalian? Mula sa perspektiba ng pagkatao, wala silang pagkatao, konsensiya, at pagkamakatwiran; mula sa perspektiba ng kanilang pananalig sa Diyos, hindi sila nagtaglay ng tunay na pananalig, wala ang Diyos sa mga puso nila. Paano naipamalas ang kawalan ng Diyos sa kanilang mga puso? Sa kanilang mga kilos, walang pagkaramdam ng takot, walang pamantayan; hindi nila isinaalang-alang na, “Anong mangyayari sa akin pagkatapos ko itong gawin? May mga magiging epekto kaya ito? Maaaring hindi ito alam ng mga tao, pero anong mangyayari kung alam ng Diyos? Dapat kong akuin ang responsabilidad sa bagay na ito, dahil may kinalaman ito sa kalalabasan ko.” Hindi nila pinag-isipan ang mga bagay na ito—hindi ba’t problema iyon? Kung hindi nila pinag-isipan ang mga ito, may konsensiya o katwiran ba sila? (Wala.) Kaya, nagawa nilang salungatin ang disposisyon ng Diyos, nagawa nilang makagawa ng gayon kalalaking kamalian. Kung ang isang tao ay may normal na pag-iisip ng tao, magkakaroon siya ng ganitong mentalidad; kapag may nangungutang ng pera, pag-iisipan niya: “Mangungutang ng pera? Pera ito ng Diyos. Kung ipauutang ko ang pera ng Diyos para lang makakuha ng sandaling respeto, paano kung hindi nila ito mabayaran? Paano ko ibabalik ang perang ito? Kahit kaya ko pa, anong klaseng pag-uugali ang ipautang ang perang ito? Puwede bang basta-bastang pakialaman ang pera ng Diyos? Hindi ito puwedeng basta-basta na lang pakialaman; kung pakikialaman ko ito, ano ang magiging kalikasan ng pagkilos na ito?” Isasaalang-alang niya ang mga bagay na ito, at hindi ipauutang ang pera nang basta-basta dahil lamang may nakiusap. Kung hindi niya isinasaalang-alang ito, o kahit pa ginagawa niya iyon pero hindi niya isinaalang-alang ang mga kahihinatnan, ano ang sinasabi niyon tungkol sa pananaw niya sa Diyos? Paano siya nananampalataya? Hindi talaga niya kinikilala ang pag-iral ng Diyos, na nakakakilabot! Dahil hindi niya kinikilala ang pag-iral ng Diyos, hindi niya kinikilala na itatakda ng Diyos ang kanyang kalalabasan, at hindi niya kinikilala na pagbabayarin siya ng Diyos; hindi siya natatakot dito, hindi siya naniniwala sa kabayaran. Sa pangkalahatan, kung may limampu hanggang animnapung porsiyento ng pananampalataya ang isang tao, maingat siyang kikilos at magpapakita siya ng pagpipigil. Kung may tatlumpung porsiyento siyang pananampalataya, maaaring medyo napipigilan din siya, pero kapag nagkaroon ng pagkakataon ay matatangay rin siya nito; o, kung ang mga pagkakataon ay kakaunti o hindi pa hinog, magagawa niyang medyo pigilan at limitahan ang sarili niya. Gayunman, ang mga taong walang anumang sangkap ng pananampalataya ay mangangahas na gawin ang lahat ng uri ng masasamang bagay, walang ingat silang kikilos nang walang pagsasaalang-alang sa mga kahihinatnan; katulad ito ng isang hayop. Sa panlabas, mukha itong tao, pero ang ginagawa nito ay hindi ang dapat gawin ng mga tao; kahit papaano, masasabing mga hayop ang mga ito, at mas malala pa rito, maaaring maruruming demonyo at masasamang espiritu ang mga ito na dumating upang gambalain at guluhin ang gawain ng Diyos, mga bihasa sa pagsabotahe sa gawain ng Diyos. Tumpak ba ang pag-uuri ng Diyos sa gayong mga tao? (Oo.) Ito ay lubos na tumpak; walang mali sa ginagawa ng Diyos, ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay eksakto. Bukod pa rito, ang mga pagkilos ng Diyos, ang mga pagtatakda ng Diyos sa mga kalalabasan ng mga tao ay hindi batay sa panandaliang pagganap. Dalawampung taon nang nananampalataya sa Diyos ang dalawang babaeng ito pero sa kung paanong paraan ay nauwi pa rin sila sa puntong ito, na itinatakda na sa ganitong paraan ang kalalabasan nila. Paano ito nangyari? Hindi ito isang bagay na nangyari nang magdamagan lang. Mula sa perspektiba ng kanilang paghahangad sa pananalig at sa landas na kanilang pinili, hindi sila mga taong hinangad ang katotohanan; isang aspekto iyon. Ang isa pa ay na wala silang kahit na anong interes sa katotohanan. Kung mayroon lang sana silang kahit na katiting na interes, magbabago sana ang pagkatao nila. At anong ihahatid sa kanila ng gayong pagbabago sa pagkatao? Mangangahulugan iyon na kikilos sila nang may pagpipigil at susunod sa mga limitasyon, magkakaroon sila ng mga pamantayan sa pagsusuri, at titimbangin nila ang mga bagay nang may katwiran at pag-iisip ng isang normal na tao. Kung nakita nila na ang paggawa sa isang bagay ay hindi angkop, iiwas na sila. Gayumpaman, hindi kailanman hinangad ng dalawang babaeng ito ang katotohanan; wala sila kahit nitong pangunahing limitasyon at paraan ng pag-iisip. Lakas-loob silang gumawa ng anumang bagay, at ang mismong kalikasang ito ang naghatid sa kanila sa kanilang pagkawasak, hanggang sa kamatayan pa nga nila. Ito ang dahilan kung bakit ang paglalakbay ng kanilang pananampalataya sa Diyos ay nagtapos sa gayong paraan.

Pagkatapos ninyong marinig ang dalawang kasong ito, anong mga naiisip ninyo? Sinasabi ng ilang tao: “Marami akong napulot ngayong araw. Natamo ko ang pinakamataas na katotohanan, na huwag galawin ang mga gamit ng Diyos; ni huwag iyong isipin, huwag pakialaman ang mga iyon. Kung pakikialaman mo iyon, wala iyong maidudulot na mabuti.” Ganito nga ba talaga? Ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Ang mahalaga ay hindi kung pinakikialaman mo ba ang mga gamit ng Diyos, kundi kung ano ang saloobin mo sa Diyos sa iyong puso. Kung natatakot ka sa Diyos at may pakiramdam ka ng pangamba sa Kanya, totoo kang naniniwala sa pag-iral Niya, at totoo mong isinasaalang-alang ang iyong kalalabasan, may mga bagay na hindi mo gagawin, ni hindi mo nga iisipin ang mga iyon. Kaya, hindi ka sasailalim sa ganitong uri ng tukso; hinding-hindi iyon mangyayari sa iyo. Kapaki-pakinabang ba ang sindak? Walang silbi ang pagkasindak. Ano ang ginawa ng Diyos habang ginagawa ng dalawang babaeng ito ang mga bagay na iyon? Hinayaan ng Diyos na mangyari ang mga bagay-bagay, inilagay Niya ang dalawang diyablong ito—ang dalawang hindi taong ito na ang puso ay hindi man lang natatakot sa Diyos—sa tukso ni Satanas, para ganap silang mabunyag at malipol. Hindi ba’t ito ang saloobin ng Diyos? Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at hindi ito dapat balewalain! Ginagamit ng mga tao ang mga paraan ng tao sa pamamahala sa iba at pagpapataw ng kabayaran sa iba, ginagantihan ng kasamaan ang kasamaan. Pero hindi iyon ginagawa ng Diyos; ang Diyos ay may sarili Niyang pamantayan, mga prinsipyo, at mga pamamaraan. Kapag nagpapataw ng kabayaran ang Diyos sa isang tao, ginagawa Niya ito nang walang nararamdaman ang taong iyon; wala itong kamalay-malay, pero sa mga mata ng Diyos, nalutas na ang isyu. Ilang taon kalaunan, ang mga susunod na pagdurusa ay unti-unting sasapit. Pagkatapos tanggalan ng Diyos ang taong iyon ng biyaya, mga pagpapala, kaliwanagan, pagtanglaw at ng lahat ng pagtrato na ibinibigay ng Diyos sa isang normal na tao, ito ay lubusan nang hindi tao; sa mga mata ng Diyos, hindi na ito isang nilikha kundi isang hayop, ito ay ibang-iba na talaga. Sinasabi ng Diyos, “pinasisikat Niya ang Kanyang araw sa masasama at sa mabubuti.” Mabubuti o masasamang tao ba ang mga ito? Parehong hindi. Sa mga mata ng Diyos, sa mga talaan Niya, tinanggal na ang mga ganitong uri ng tao; wala na sila, hindi sila mga tao. Ano ang kahulugan ng hindi tao? (Mga halimaw, mga hayop na nakadamit ng tao.) Siguro ay naiinggit pa sa mga ito ang iba, sinasabing, “Nagtatrabaho at kumikita sila sa labas, namumuhay kasama ng walang pananampalataya; mas maginhawa ang buhay nila kaysa sa pagdurusa sa iglesia, sa pagganap ng tungkulin mula bukang-liwayway hanggang takipsilim.” Sinasabi Ko sa iyo, hindi pa dumarating ang mga araw ng pagdurusa nila. Kung kinaiinggitan mo sila, malaya kang gayahin sila; hindi naghihigpit ang sambahayan ng Diyos. Ang pagdurusa ay hindi limitado sa pisikal na pasakit mula sa karamdaman; kung ang pagdurusa sa loob ng isang tao ay umabot na sa isang antas, hindi ito maipapaliwanag, gaya ng mga dagok sa isipan ng isang tao, lalo na kapag isinailalim sa parusa ng Diyos—mas malala pa ito sa kamatayan, mas masakit ito; isa itong uri ng paghihirap ng isipan. Nauwi ang dalawang babaeng ito sa ganoong sitwasyon dahil sinalungat nila ang disposisyon ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga walang ingat na kilos. Sa mga kuru-kuro ng mga tao, para bang anumang pagkakamali ang nagagawa ng mga tao o anuman ang ginagawa nila, basta’t magagawa nilang bumalik sa Diyos para magtapat at magsisi ay mapapatawad sila ng Diyos; mapatutunayan nito na napakalawak ng pagmamahal ng Diyos, na talagang minamahal Niya ang sangkatauhan. Ito ay kuru-kuro ng tao, at ipinapakita nito na ang pagkaunawa ng mga tao sa Diyos ay puno ng napakaraming imahinasyon at napakaraming kalooban ng tao. Kung nalilimitahan ng mga kuru-kuro ng tao ang Diyos, ang mga pagkilos ng Diyos ay magiging walang prinsipyo at hindi magkakaroon ang Diyos ng anumang disposisyon; hindi umiiral ang gayong Diyos. Dahil nga ang Diyos ay tunay na umiiral, buhay at masigla, at hindi maikakaila at tunay na tunay, kung kaya’t may iba’t iba Siyang pagpapamalas. Nakikita ang mga pagpapamalas na ito sa Kanyang iba’t ibang gawa at saloobin sa mga tao, at ang mga iyon ay katibayan ng Kanyang tunay na pag-iral. Sinasabi ng ilan: “Ang mga taong ito mismo ay walang kamalay-malay kapag pinamamahalaan sila, kaya paano natin makikita ang pag-iral ng Diyos?” Ang mga kaso pa lang na binanggit Ko ay tinutulutan nang makita ng mga tao ang saloobin at disposisyon ng Diyos, at tinutulutan din nitong makita ng mga tao ang mga prinsipyo ng Diyos sa paggawa ng mga bagay at pamamahala sa mga tao. Hindi ba’t katibayan ito ng totoong pag-iral ng Diyos? (Oo.) Kung hindi umiiral ang Diyos na ito, kung talagang hangin lamang Siya, anumang gawin Niya ay walang magiging mga prinsipyo o hangganan; ito ay hindi mapapansin, hindi mahahawakan, hungkag, hindi isinasakatuparan sa buhay ng mga tao, at walang halaga sa mga buhay at pagkilos ng mga tao, at sa anumang mga pagpapamalas ng mga iyon. Magiging teorya, argumento, hungkag na salita lamang ito. Dahil nga umiiral ang Diyos na ito kung kaya’t tinutulutan ng marami Niyang ginagawa na makita ng mga tao ang Kanyang saloobin.

Ang pangunahing bahagi ng iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao sa gawain ng Diyos ay natalakay na sa ating pagbabahaginan. Ano ang pangunahing bahaging pinagtuunan? Tungkol iyon sa iba’t ibang kuru-kuro, imahinasyon, at ideya ng mga tao sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, pati na rin sa kanilang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa kung ano ang bumubuo sa pagbabago ng disposisyon. Bukod pa rito, marami ring imahinasyon ang mga tao tungkol sa mga prinsipyong nasa likod ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos at sa mga pamantayan na hinihingi ng Diyos sa mga tao. Para sa mga tao, sa pangkalahatan ay magulo at hindi malinaw ang mga konseptong ito. Ano ang kinakatawan ng kawalang ito ng linaw? Ibig sabihin nito ay hindi pa rin nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, ni nauunawaan ang mga katotohanang sangkot sa gawaing ginagawa ng Diyos sa kanila. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan ngayon, may balangkas na ba kayo ng kahulugan ng paghatol at pagkastigo, pati na rin ng mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Oo.) Gamit ang pagkaunawang ito, ano na ang dapat ninyong sunod na gawin? Unang-una, dapat ninyong kilalanin na may gayong mga pamantayan ang Diyos. Nababago-bago ba ang mga pamantayang ito? Puwede bang mas mataas o mas mababa ang mga iyon kaysa sa kung ano talaga ang mga iyon? (Hindi.) Bakit hindi? Mula sa Kapanahunan ng Biyaya hanggang sa ngayon, makikita natin sa mga ginawang perpekto ng Diyos na mahigpit at maliwanag ang mga pamantayang ito; hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang mga iyon. Hindi Niya binago ang mga iyon dalawang libong taon na ang nakalilipas, at hindi Niya binago ang mga iyon hanggang sa ngayon. Mas maraming tao nga lang ngayon ang ginagawang perpekto dahil marami nang sinabi ang Diyos. Dati, gumawa lamang Siya sa maliit na antas at hindi Niya tuwirang sinabi sa mga tao ang mas maraming katotohanan. Ngayon, mas marami na Siyang sinabing katotohanan sa mga tao at ipinaalam Niya sa kanila ang mas marami sa Kanyang mga layunin, at ipinahayag na ng Diyos ang lahat ng pamantayang hinihingi Niya at ang mga katotohanan na dapat malaman ng mga tao. Kasabay nito, kasama ring gumagawa sa mga tao sa ganitong paraan ang Espiritu ng Diyos. Ang pinagsamang dalawang aspektong ito ay nagpapatunay na sa panahong ito, nilalayon ng Diyos na gawing perpekto ang mas maraming tao—isang grupo ito ng mga tao, hindi lamang isa o dalawang tao. Kung pagbabatayan ang impormasyong ito, karamihan ba sa inyo ay may pag-asang magawang perpekto? Sinasabi ng ilan na hindi sila sigurado, pero kahit na hindi tayo sigurado, subukan natin; mas mabuti nang mabigo kaysa magmakaawa ngayon. Anong uri ng pag-uugali ang magmakaawa sa sandaling ito? Ito ay duwag, walang halaga, walang kakayahan, at kasuklam-suklam na pag-uugali, ipinahihiya nito ang Diyos. Huwag kayong maging mga duwag! Ang mga kondisyon at pamantayan para magawang perpekto ay malinaw at tuwiran nang sinabi sa mga tao; ang natitira na lamang ay kung paano isasagawa at paano makikipagtulungan sa gawain ng Diyos. Gaano karaming beses ka mang mabigo sa panahong ito, basta’t hindi mo sinasalungat ang disposisyon ng Diyos, hindi ka dapat panghinaan ng loob o sumuko; magpatuloy ka lang magsumikap. Sinasabi ng ilan na mahina ang kakayahan nila. Hindi ba’t alam ng Diyos na mahina ang kakayahan nila? Ang pag-amin nila na mahina ang kakayahan nila ay mabuti na sa mga mata ng Diyos dahil mapagmataas at mapagmagaling ang tiwaling sangkatauhan, at sobrang kakaunti ang umaaming mahina ang kakayahan nila. Ang pagtanggap dito ay isang mabuting bagay, isang mabuting pagpapahayag. Sinasabi ng ilan ang tungkol sa mga karanasan nila, napagtatanto nilang mahina at masama ang pagkatao nila. Bakit ang iba ay walang ganitong pagkatanto? Ang pagtanggap sa mahina mong pagkatao, sa masama mong pagkatao, ay nagpapahiwatig na naunawaan mo ang mga salita ng Diyos at iniugnay mo ang mga iyon sa sarili mo; ipinakikita nito na may pananalig ka sa gawain ng pagliligtas ng Diyos, na mayroon kang determinasyon at kahandaang mapalugod ang Diyos—kahit papaano, nagawa mong aminin ang totoong pahayag na ito. Sino sa mga walang pananampalataya ang nagsasabing masama sila ngayon? Kahit kapag masama sila, sinasabi nilang mabuti sila; sinasabi nila na ang masasama nilang gawa ay dakila at mabubuting gawa at mabuting pag-uugali, na hayagang binabaluktot ang tama at mali. Kaya, anumang mga dagok ang kaharapin mo, anuman ang mga kabiguan o pagkatisod, kailangan mong magawang makita na may pag-asa sa hinaharap. Sino ang nasa harap? Ito ay ang Diyos! Sa paggabay at pag-akay ng mga salita ng Diyos, matatahak ng mga tao ang tamang landas.

Ngayon, tatlong kaso ang napagbahaginan, na nililinaw ang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao sa gawain ng Diyos. Naunawaan ba ninyong lahat kung ano ang ipinababatid nito? (Oo.) Ang kakayahan ninyong umunawa ay nagpapakita na may taglay kayong kakayahan at pang-unawa para tanggapin ang katotohanan—may pag-asa na maunawaan at matamo ninyo ang katotohanan. Bakit hindi kayang ipaliwanag nang malinaw ang mga katotohanang ito sa loob lang ng isa o dalawang oras, o dalawa o tatlong oras? Ito ay dahil dapat munang ilatag ang maraming pangunahing nilalaman para mapag-usapan ang mga susunod na detalye. Kung hindi muna maglalatag ng kaunting batayan, hindi ninyo masusundan ang susunod na nilalaman. Kung magsasalita Ako nang maikli nang walang anumang pangunahing nilalaman, mahihirapan kayong makasunod. Kaya nagsasalita Ako tungkol sa ilang halimbawa, pagkatapos ay tinatalakay Ko ang mga iyon nang kapwa mula sa positibo at negatibong perspektiba para tulungan kayong maunawaan at makilatis, malaman kung ano ba mismo ang nangyayari sa mga usaping ito, at kung paano dapat dalisay na maunawaan ang mga iyon. Kung makakamit ninyo ito, hindi masasayang ang pagsasalita Ko. Mula sa sandaling magsimula kang magkaroon ng ilang konsepto sa mga katotohanang ito pagkatapos mong marinig ang mga iyon, hanggang sa puntong may masusi ka nang pagkaunawa, kung saan nababatid mo mula sa kaibuturan ng puso mo kung bakit sinasabi ng Diyos ang mga bagay na ito, kung aling bahagi ng tiwaling disposisyon mo ang nasasangkot sa mga katotohanang ito na sinabi ng Diyos, at kung bakit gustong sabihin sa iyo ng Diyos ang mga bagay na ito, isang partikular na yugto ang kinakailangan para maabot ang antas na ito ng pagkaunawa. Kailangan mong iugnay ang mga katotohanang ito sa sarili mong tiwaling disposisyon, pananalita, pag-uugali, mga kaisipan, at ideya—ibig sabihin, gamitin mo ang mga iyon sa aktwal mong sitwasyon—at, nang hindi mo namamalayan, unti-unti mo nang mauunawaan at maaarok ang mga katotohanang ito. Kung hindi mo ihahambing ang mga iyon sa kaso mo mismo, kundi sa halip ay magtatala ka ngayon, babalik-aralan at sasauluhin mo ang mga iyon bukas, at pagkatapos ay ipapahayag mo ang mga iyon sa mga hindi pa kailanman narinig ang mga iyon, baka akalain mong natamo mo na ang mga iyon, pero sa totoo lang ay hindi pa. Mula sa araw na kaya mong maglitanya ng mga doktrina, ang mga katotohanang ito ay hindi na mga katotohanan para sa iyo, at nagiging mahirap na para sa iyo na maarok ang katotohanan, na para bang ganap nang naglaho ang katotohanan. Kapag ang katotohanan ay naging doktrina na lamang sa iyo, nagiging mahirap para dito na magbunga ng mga epekto sa iyo. Kailangan mong gawing realidad mo mismo ang katotohanan, unti-unting ipatupad ang praktikal na aspekto ng bawat katotohanan sa iyo mismo sa pamamagitan ng paghahanap at pagbabahaginan, at sa huli ay maunawaan kung aling mga kalagayan ang kasama sa katotohanang ito, at kung ano ang sinasaklaw nito, para maunawaan mo ang mga kahulugang nasa likod ng pagsasabi ng Diyos sa mga salitang ito. Ito ang simula ng pagkaunawa sa katotohanan. Ano ang nauunawaan ninyo ngayon? (Mga doktrina.) Kapag una pa lang nakakaugnay ng mga tao ang katotohanan, ang nauunawaan nila ay isang uri ng doktrina. Gayumpaman, hindi simple ang pag-unawa sa doktrina; nangangailangan din ito ng kaunting kakayahan at abilidad na makaintindi. Kinakailangan din nito na magkaroon ka ng isang tahimik at nakatuong puso, para makapakinig ka sa mga sermon nang may buong atensyon. Natuklasan Ko na may ilang tao na kapag nakikinig sila sa mga sermon, iniisip nila na, “Ang sinasabi Mo ay walang halaga, ayaw kong makinig. Gusto kong makinig sa mga sermon, hindi sa mga pangyayari.” Naniniwala sila na tungkol sa tama at mali ang sinasabi Ko. Dahil may ganito silang pananaw, hindi nila matanggap ang naririnig nila; inaantok sila, hindi sila makaunawa, at hindi makasunod. Ang gayong mga tao ay walang abilidad na maunawaan ang katotohanan; wala silang kakayahan. Ang ilan na tinatawag ang mga sarili nilang espirituwal ay ayaw makinig, kapag naririnig nila Akong nagkukuwento ng mga istorya. Umiinom sila ng tubig o humihikab, at laging hindi mapakali. Iniisip nila, “Ang mga istoryang ikinukuwento Mo ay tungkol sa mga bagay sa labas; masyado itong mababaw, hindi ko ito matanggap. Dapat Kang mas magsalita tungkol sa espirituwal na mundo; aakma iyon sa panlasa ko.” Ito mismo ang saloobin ng ilang tao. Kapag naging lider na sila sa loob ng maraming taon, gusto nilang pag-usapan ang matatayog na sermon, malalaking teorya, at mga salita ng ikatlong langit; habang mas nagsasalita sila, mas nagiging masigasig sila. Pero kapag pag-uusapan namin ang mga usapin sa iglesia, mga praktikal na karanasan, o lalo na ang paghimay sa takbo ng isip ng tao, mababaw at nakakatamad palagi ang tingin nila rito. Anong klaseng disposisyon ito? Ang mga tao bang ito ay may katotohanang realidad? Kaya bang malutas ng gayong mga tao ang mga tunay na problema sa gawain nila? Gusto ba ninyo ang gayong mga tao? Hindi puwedeng ihiwalay mula sa realidad ang pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Ang mga tao bang walang interes sa realidad ay kayang mahalin ang katotohanan? Sa tingin Ko ay hindi; tutol ang gayong mga tao sa katotohanan, at napakadelikado niyon.

Nobyembre 8, 2018