Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 3 (Ikatlong Bahagi)
Nasaang yugto na ang buhay pagpasok ninyo ngayon? Nalaman mo nang mali ang mga pananaw mo, pero umaasa ka pa rin sa mga pananaw mo para mabuhay, at ginagamit mo ang mga iyon para sukatin ang gawain ng Diyos. Ginagamit mo ang mga kaisipan at pananaw mo para husgahan ang mga sitwasyong inilalatag ng Diyos para sa iyo, at tinatrato mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng iyong mga iniisip at pananaw. Naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Hindi ba’t kakatwa ito? Katiting na doktrina lamang ang nauunawaan ng mga tao, pero gusto nilang timbangin ang mga kilos ng Diyos. Hindi ba’t sobrang kayabangan ito? Tinatanggap mo lang ngayon na mabuti at tama ang mga salita ng Diyos, at, kung titingnan ang panlabas mong pag-uugali, hindi mo ginagawa ang mga bagay na halata namang sumasalungat sa katotohanan, lalo nang hindi mo ginagawa ang mga bagay na humuhusga sa gawain ng Diyos. Nagagawa mo ring magpasakop sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Mula sa pagiging isang walang pananampalataya ay nagiging isa kang tagasunod ng Diyos na may asal ng isang banal. Mula sa pagiging isang taong malinaw na namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, at ayon sa mga konsepto, kautusan at kaalaman ni Satanas, ay nagiging isa kang taong matapos marinig ang mga salita ng Diyos, ay nadarama na katotohanan ang mga iyon, tinatanggap ang mga iyon, at hinahangad ang katotohanan, at nagiging isa kang tao na kayang yakapin ang mga salita ng Diyos bilang kanyang buhay. Ganoong uri iyon ng proseso—wala nang iba. Sa panahong ito, ang pag-uugali at mga paraan mo ng paggawa sa mga bagay-bagay ay siguradong daraan sa ilang pagbabago. Para sa Diyos, kahit gaano ka pa magbago, ang naipapamalas mo ay mga pagbabago lang sa iyong pag-uugali at mga pamamaraan, mga pagbabago sa iyong mga pinakatatagong pagnanais at adhikain. Ito ay walang iba kundi mga pagbabago sa iyong mga kaisipan at pananaw. Maaaring sa ngayon ay kaya mong ihandog sa Diyos ang buhay mo kapag nag-ipon ka ng lakas at may bugso ka ng damdamin, pero hindi ka ganap na makapagpasakop sa Diyos sa isang bagay na talagang hindi mo nagugustuhan. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon. Siguro, dahil sa mabuting puso mo ay nagagawa mong ialay sa Diyos ang iyong buhay at lahat-lahat, at sabihing, “Handa ako at gusto kong ibigay ang buhay ko para sa Diyos. Sa buhay na ito ay wala akong mga pinanghihinayangan at mga inirereklamo! Tinalikuran ko na ang pag-aasawa, ang mga makamundong inaasam, ang lahat ng kaluwalhatian at kayamanan, at tinatanggap ko ang mga sitwasyong ito na inilatag ng Diyos. Kaya kong tiisin ang lahat ng panunuya at paninirang-puri ng mundo.” Pero sa sandaling ilatag ng Diyos ang isang sitwasyon na hindi tugma sa mga kuru-kuro mo, kaya mong sumalungat at tumutol sa Kanya at lumaban sa Kanya. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon. Posible ring kaya mong ialay ang iyong buhay para sa Diyos at talikuran ang mga taong pinakamamahal mo, o ang bagay na pinakamamahal mo, na pinakahindi kayang mawala ng puso mo—pero kapag tinawag ka para magsalita sa Diyos mula sa puso, at maging isang matapat na tao, nahihirapan ka at hindi mo ito magawa. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon. Gayunman, siguro ay hindi ka nagnanasa ng kaginhawahan ng laman sa buhay na ito, ni kumakain ng masasarap na pagkain o nagsusuot ng magagarang kasuotan, araw-araw ay nagpapakapagod ka sa gawain at inuubos mo ang lakas mo sa iyong tungkulin. Matitiis mo ang lahat ng klase ng pasakit na idinudulot sa iyo ng laman, pero, kung hindi umaayon sa iyong mga kuru-kuro ang mga pagsasaayos ng Diyos, hindi ka makaunawa, at nagkakaroon ka ng mga hinaing laban sa Diyos at maling pagkaunawa sa Kanya. Unti-unting nagiging abnormal ang relasyon mo sa Diyos. Palagi kang lumalaban at naghihimagsik, hindi mo magawang lubos na makapagpasakop sa Diyos. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon. Handa kang ialay ang buhay mo para sa Diyos, kung gayon bakit hindi ka makapagsabi ng isang tapat na salita sa Kanya? Handa kang isantabi ang lahat ng bagay na walang kinalaman sa iyo, kung gayon bakit hindi mo magawang maging tapat na lang sa atas na ibinigay sa iyo ng Diyos? Handa kang ialay ang buhay mo para sa Diyos, kung gayon bakit hindi mo mapagnilayan ang sarili mo kapag umaasa ka sa mga damdamin mo upang gawin ang mga bagay-bagay at itaguyod ang relasyon mo sa iba? Bakit hindi ka makapagpasyang itaguyod ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ganito ba ang isang taong namumuhay sa harap ng Diyos? Gumawa ka na ng panata sa Diyos na gugugulin mo ang sarili mo para sa Kanya nang buong buhay mo at tatanggapin mo ang anumang pagdurusang makaharap mo, kung gayon bakit sa minsanang pagkatanggal mo sa tungkulin mo ay nalulugmok ka na nang labis sa pagiging negatibo na hindi ka na makabangon sa loob ng napakaraming araw? Bakit puno ng paglaban, hinaing, maling pagkaunawa, at pagiging negatibo ang puso mo? Ano ang nangyayari? Ipinapakita nito na ang pinakamamahal ng puso mo ay ang katayuan, at may kinalaman ito sa “nakapagpapabagsak na kahinaan” mo. Kaya, kapag tinanggal ka, bumabagsak ka at hindi ka na makabangon. Sapat na ito para patunayan na bagaman nagbago na ang pag-uugali mo, ang buhay disposisyon mo ay hindi pa nagbabago. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon.
Karamihan ng tao ngayon ay nagpapakita ng ilang mabuting pag-uugali, pero iilan-ilan lang ang naghahanap sa katotohanan o tumatanggap dito, at halos walang may totoong pagpapasakop. Mula sa perspektibang ito, maraming tao ang dumaranas lamang ng mga pagbabago sa pag-uugali at pagbabago sa kanilang mga iniisip at pananaw; handa at may adhikain silang tumanggap at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at wala silang hinanakit sa kanilang puso. Sabihin ninyo sa Akin, naranasan na ba ng mga taong ito ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. (Hindi pa.) Sa kasamaang-palad, ang mga patotoong batay sa karanasan na ibinahagi ninyo dati ay hindi kinasasangkutan ng paghatol at pagkastigo ng Diyos; malayo ang mga iyon sa mga hinihingi ng Diyos. Hangga’t hindi mo pa nararanasan ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, hindi pa nagsisimulang magbago ang disposisyon mo. Kung hindi pa nagsisimulang magbago ang disposisyon mo, ang mga pagbabagong nakikita mo ay mga pagbabago lamang sa pag-uugali. Ang gayong mga pagbabago sa pag-uugali ay dahil sa iyong pakikipagtulungan, ang isang dahilan ng mga iyon ay ang iyong mabuting pagkatao, at mga epekto iyon ng gawain ng Diyos. Iniisip mo ba talaga na hanggang dito lang gagawa ang Diyos para iligtas ang mga tao? (Hindi.) Kung ganoon ano ang susunod na gagawin ng Diyos? Ano ang pangunahing gawaing ginagawa ng Diyos kapag inililigtas Niya ang mga tao? (Ang paghatol at pagkastigo.) Ang pangunahing pamamaraang ginagamit ng Diyos para iligtas ang mga tao ay ang paghatol at pagkastigo. Pero sa kasamaang-palad, halos wala pang sinuman ang nagawang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Samakatwid, ang gawain ng pagliligtas ng Diyos sa mga tao, ng pagpeperpekto sa kanila, at pagbabago sa kanilang mga disposisyon ay hindi pa opisyal na nagsisimula. Bakit hindi pa ito opisyal na nagsisimula? Dahil ang gawaing ito ng Diyos ay hindi pa puwedeng isagawa sa mga tao. Bakit hindi pa ito puwedeng isagawa? Dahil sa kasalukuyang kalagayan, tayog, at kayang gawin ng mga tao, malayo pa rin sila sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos, kaya hindi maituloy ng Diyos ang Kanyang gawain. Nangangahulugan ba iyong titigil na ang Diyos sa Kanyang gawain? Hindi, naghihintay ang Diyos. Ano pa ang ginagawa Niya habang naghihintay? Pinadadalisay Niya ang iglesia, nililinis ito mula sa mga gumagambala at gumugulo, mga anticristo, masasamang espiritu, masasamang tao, mga hindi mananampalataya, mga hindi tunay na nananampalataya sa Kanya, at mga ni hindi kayang magtrabaho. Tinatawag itong paglilinis ng taniman; tinatawag din itong pagtatahip. Ang paglilinis ba ng taniman ang pangunahing gawain ng Diyos sa panahong ito? Hindi, sa panahong ito, patuloy na gagawa ang Diyos sa inyo sa pamamagitan ng pag-uudyok ng mga salita, pagdidilig, pag-aalaga, pagpupungos, pagtutuwid, at pagdidisiplina sa inyo. Hanggang sa anong antas? Kapag lamang nagtataglay na ang mga tao ng mga pangunahing kondisyon para tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay saka sisimulan ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ngayon sabihin ninyo sa Akin, batay sa inyong mga haka-haka at paghusga, ano-anong mga kondisyon ang dapat matugunan ng mga tao bago simulan ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo? Makikita mo na ginagawa ng Diyos ang lahat sa takdang oras nito. Hindi Siya gumagawa nang basta-basta. Ang Kanyang gawain ng pamamahala ay sumusunod sa planong ginawa Niya, at ginagawa Niya ang lahat sa paisa-isang hakbang, hindi basta-basta. At ano naman ang mga hakbang na iyon? Ang bawat hakbang ng gawain na ginagawa ng Diyos sa mga tao ay kailangang umepekto, at kapag nakikita Niya na umeepekto iyon, ginagawa Niya ang sunod na hakbang ng gawain. Alam ng Diyos kung paano maaaring umepekto ang Kanyang gawain, kung ano ang kailangan Niyang sabihin at gawin. Ginagawa Niya ang Kanyang gawain ayon sa pangangailangan ng mga tao, hindi nang basta-basta. Anuman ang gawain na magiging epektibo sa mga tao, ginagawa iyon ng Diyos, at anumang walang kinalaman sa pagiging epektibo, siguradong hindi iyon ginagawa ng Diyos. Halimbawa, kapag kailangan ng mga negatibong materyal sa pagtuturo kung saan maaaring magkaroon ng pagkakilala ang mga taong hinirang ng Diyos, maglilitawan sa iglesia ang mga huwad na cristo, anticristo, masasamang espiritu, masasamang tao, at mga nanggugulo at nanggagambala, kung saan maaaring magkaroon ng pagkakilala ang iba. Kung nauunawaan ng mga taong hinirang ng Diyos ang katotohanan at natutukoy nila ang gayong mga tao, nakagawa na ng serbisyo ang mga taong iyon, at wala nang halaga ang pag-iral nila. Sa panahong iyon, kikilos ang mga taong hinirang ng Diyos para ilantad at iulat sila, at agad silang aalisin ng iglesia. Ang buong gawain ng Diyos ay may mga hakbang, at lahat ng hakbang na iyon ay isinaayos ng Diyos batay sa kinakailangan ng tao sa kanyang buhay at kanyang tayog. Ano ang talagang kailangan ng mga tao, at bakit nagpapakita sa iglesia ang mga anticristo at masasamang tao? Sa pangkalahatan, ang mga tao ay nalilito sa mga usaping ito at hindi nila nauunawaan kung ano ang nangyayari sa mga usaping ito. Dahil hindi nauunawaan ng ilang tao ang gawain ng Diyos, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro, at nagrereklamo pa nga, sinasabing, “Paanong nakikita ang mga anticristo sa iglesia ng Diyos? Bakit hindi ito tinutugunan ng Diyos?” Kapag lamang nabasa na nila ang mga salita ng Diyos na nagsasabi na ang mga pangyayaring ito ay nilalayon para matuto ng mga aral ang mga tao at para magkaroon sila ng pagkilatis ay saka sila maliliwanagan at saka nila mauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sa simula, walang pagkilatis ang mga tao sa masasamang tao. Kapag pinatatalsik ng iglesia ang mga gayong tao, nagkakaroon ng mga kuru-kuro ang mga tao; iniisip nilang ang mga pinatalsik ay marami nang naihandog at kaya ng mga iyon na magtiis ng paghihirap, at iniisip nilang hindi dapat pinatalsik ang mga taong iyon. Pagkatapos ay lumalaban na sila sa ginawa ng Diyos. Pero pagkatapos makaranas nang kaunti, nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at nagkakaroon sila ng abilidad na matukoy ang masasamang tao. Ngayon, kapag pinapatalsik ang isang masamang tao, hindi na sila nagkakaroon ng mga kuru-kuro o lumalaban. Kapag nakakita sila uli ng isang masamang tao na gumagawa ng masasamang gawa, kaya na nilang makilala ito, at nagtutulungan ang lahat para iulat ang taong iyon at paalisin iyon bago pa makagawa ng malaking pinsala. Pagkatapos noon, ang masasamang taong ito ay wala nang katayuan sa sambahayan ng Diyos. Paano ito nakakamit? Paano nagkaroon ng ganitong pagkilatis ang mga tao? Ito ay gawa ng Diyos. Kung wala ang gawain ng Diyos, hindi mauunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito. May pagkakasunod-sunod ang gawain ng Diyos, at ang mga hakbang ng pagkakasunod-sunod na ito ay natutukoy batay sa mga hinihingi ng buhay ng tao. Pero hindi malinaw sa mga tao mismo kung ano ba ang talagang kailangan nila, magugulo ang isip nila. Kaya, maipagpapatuloy lamang ng Diyos ang gawain Niya, magsasaayos Siya ng maraming aral para matutuhan ng mga tao, na nagbibigay kakayahan sa kanilang pumasok sa katotohanang realidad at makamit ang mga resultang hinihingi Niya. Nauunawaan man o hindi ng mga tao, walang sawang ipinagpapatuloy ng Diyos ang Kanyang gawain—ito ang pagmamahal ng Diyos. Katulad lang ito ng kung paano pinupungusan ng Diyos ang isang tao: Kung magkamali ito, pupungusan ito ng Diyos; kung magkamali na naman ito, pupungusan Niya itong muli. Kung mabunyag na naman ito, pupungusan itong muli ng Diyos. Matiyagang gumagawa ang Diyos hanggang sa ang taong ito ay tunay na magkamit ng pagkaunawa, hindi na maging manhid, at maging kasingsensitibo na ng isang taong nakahawak ng isang may kuryenteng kable kapag nahaharap na naman sa mga kaparehong sitwasyon, hindi na nagkakamali. Pagkatapos, sapat na iyon, at titigil na ang Diyos sa Kanyang gawain. Kapag naharap ka na naman sa mga bagay na ito at kaya mo nang pamahalaan ang mga ito nang mag-isa at nang naaayon sa mga prinsipyo, hindi na kailangan pang mag-alala ng Diyos. Pinatutunayan nito na naunawaan mo na ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ng Diyos, nayakap mo na ang mga iyon sa iyong puso, at naging buhay mo na ang mga iyon. Sa puntong iyon, titigil na ang Diyos sa Kanyang gawain. Ito ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, at pagkatapos mong maranasan ang mga iyon, makikita mo ang diwa at karunungan ng Diyos; hindi ito maikakaila at 100 porsiyento itong sigurado.
Kasasabi lamang ngayon na ang mga hakbang ng gawain ng Diyos ay may kinalaman sa pagbabago sa disposisyon ng mga tao. Ang gawain ng Diyos ay hindi ang tulutan ang mga tao na sumailalim sa bahagyang pagbabago sa pag-uugali, maunawaan ang ilang panuntunan, at magkaroon ng kaunting wangis ng tao, at pagkatapos ay ideklara iyon na isa nang malaking tagumpay. Kung ganoon iyon, natapos na sana ang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Ano ba ang gusto ng Diyos? (Ang pagbabago sa disposisyon ng mga tao.) Tama, ang pagbabago sa disposisyon ang dapat taglayin ng mga taong totoong naligtas. Ang gusto ng Diyos ay hindi lamang pagbabago sa ugali ng mga tao, kundi higit pa rito, ang pagbabago sa kanilang disposisyon; ito ang pamantayan sa pagiging naligtas. Kababanggit lamang din ngayon sa ilang pagbabago sa pag-uugali, tulad ng kakayahang talikuran ang mga bagay-bagay at ibigay ang buhay para sa Diyos—malinaw na mga pagbabago sa pag-uugali ang mga ito. Pero kung walang katapatan ang isang tao sa mga atas ng Diyos, kung nakakakilos pa rin siya nang pabasta-basta, at may panlilinlang pa rin, ang ibig sabihin nito ay wala pang pagbabago sa disposisyon. Ang mga tao ngayon ay kapuri-puri lamang sa kanilang pag-uugali; mukhang mas napapantayan nila ang kilos ng isang banal, umaasal sila nang mas may pagkatao, at mayroon silang kaunting dignidad at integridad. Gayumpaman, gaano man nagpapakita ng mabuting pag-uugali ang isang tao, kung wala naman itong kinalaman sa pagsasagawa sa katotohanan, at hindi ito isinasabuhay mula sa kanilang konsensiya, katwiran, at normal na pagkatao, wala itong kinalaman sa pagbabago sa disposisyon at hindi ito ang gusto ng Diyos. Kung titingnan ito nang ganito, pagdating sa kasalukuyan ninyong pag-uugali, gaano man kayo sumunod sa mga panuntunan, gaano man kayo kamasunurin, gaano man ninyo maaaring ibigay ang buhay ninyo, o gaano man kalaki ang mga adhikain ninyo, nagawa ba ninyong makuntento ang Diyos? Natugunan na ba ninyo ang mga hinihingi ng Diyos? (Hindi.) Napakatataas ba ng hinihingi ng Diyos? Iniisip ng ilang tao, “Masyado nang masunurin ang mga tao ngayon, paanong hindi pa rin nila natutugunan ang mga hinihingi ng Diyos?” Ano sa tingin ninyo, ang pagsunod bang ito ay pagpapasakop? (Hindi.) Tama iyan. Ang pagsunod na ito ngayon ay pagkakaroon lamang ng kaunting pagkamakatwiran, at lahat ng iyon ay resulta ng pagdidisiplina ng Diyos. Ang lahat ng iyon ay epektong nakamit ng pagdidisiplina ng Diyos; pagkatapos lamang ng masinsinang pagsasalita ng Diyos ng napakaraming salita saka namulat ang konsensiya ng mga tao, na napukaw ang pagkadama ng konsensiya ng mga tao, at na nagsimula silang magsabuhay ng kaunting wangis ng pagkatao, na magkaroon ng ilang panuntunan sa paggawa ng mga bagay-bagay, na matutong magtanong sa anumang ginagawa nila, at makaramdam ng kaunting pagsaway kapag kumikilos sila nang laban sa mga prinsipyo. Sa madaling salita, hindi natutugunan ng mga pagbabago sa pag-uugali ang mga kondisyon para matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos; hindi gusto ng Diyos ang pagbabago sa pag-uugali ng mga tao. Kung gayon, ano ang gusto ng Diyos? Ang gusto Niya ay ang pagbabago sa disposisyon nila. At ano nga ba ang mga pagpapamalas ng pagbabago sa disposisyon? Hanggang sa anong antas ba sila dapat magbago sa iba’t ibang aspekto para maging kwalipikado sila sa paghatol at pagkastigo ng Diyos? Dapat silang magbago hanggang sa antas na makikita ng Diyos ang pagganap ng taong ito sa lahat ng aspekto—kayang-kaya ng taong ito na gampanan nang husto ang kanyang mga tungkulin, at kaya niyang tanggapin ang pagpupungos, kaya niyang hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, kaya niyang sumunod sa Diyos kapag nahaharap sa mga kapighatian at pagsubok, at kaya talaga niyang tanggapin ang anumang sinasabi ng Diyos at magpasakop dito; kahit pa hindi siya pangasiwaan ng iba, at maharap siya sa mga tukso, kaya niyang pigiling gumawa ng masasamang bagay, at hindi gumawa ng kahit kaunting kasamaan. Sa mga mata ng Diyos, pasok sa pamantayan ang mga gayong tao; kwalipikado silang pormal na makatanggap ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, na siyang karagdagang hakbang sa gawain ng pagliligtas at pagpeperpekto sa kanila ng Diyos. Anong klaseng palatandaan, anong klaseng pamantayan, ang mayroon dito—alam ba ninyo? (Ang naisip ko ay, sa pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos, unti-unting mababawi ng isang tao ang kanyang konsensiya at katwiran at, kasama ng ilang pagbabago sa kanyang pag-uugali, sa kalaunan ay magagawa niyang gampanan nang tapat ang kanyang mga tungkulin. Pagkatapos ay baka simulan nang gawin ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo sa taong iyon.) Sumasang-ayon ba kayong lahat sa pahayag na ito? (Oo.) Mabuti, pero isang kondisyon lamang ito. Bago isakatuparan ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo sa isang tao, susuriin ng Diyos ang taong ito. Paano Niya ito sinusuri? May ilang pamantayan ang Diyos. Una, pinagmamasdan Niya ang saloobin nito sa Kanyang mga atas; na ang ibig sabihin, kung ano ang saloobin ng taong ito sa mga tungkuling dapat niyang gampanan, kung buong puso ba nitong magagampanan ang kanyang mga tungkulin, sa abot ng kanyang makakaya, at nang may katapatan. Sa madaling salita, pinagmamasdan ng Diyos kung matutugunan ba ng mga tao ang pamantayan sa hustong pagganap sa tungkulin—ito ang unang aspekto. Direkta itong may kinalaman sa buhay ng pananampalataya sa Diyos at sa pang-araw-araw na gawaing ginagawa ng mga tao. Bakit inilalatag ng Diyos ang aspektong ito bilang isang kondisyon, bilang isang pamantayan sa pagsusuri? Ano ang dahilan sa likod nito—alam ba ninyo? Kapag ipinagkakatiwala ng Diyos ang isang gawain sa isang tao, napakahalaga ng saloobin ng taong iyon—ganito Niya sinusuri ang isang tao. Ipinagkatiwala ng Diyos ang gawaing ito sa taong ito; paano ito tatratuhin ng isang taong may konsensiya kumpara sa isang taong walang konsensiya? Paano ito tatratuhin ng isang taong may katwiran kumpara sa isang taong walang katwiran? May pagkakaiba sa pagitan ng mga ito. Ang konsensiya at pagkamakatwiran ay mga katangiang dapat taglayin ng pagkatao ng isang tao. Bukod pa rito, ang pagkakaroon lamang ng kaunting pagkadama ng konsensiya o kaunting pagkamakatwiran ay hindi sapat. Kung mababawi ng mga tao ang konsensiya at pagkamakatwiran nila, may wangis na ba sila ng mga tao? Naabot na ba nila ang katotohanang realidad? Hindi, hindi pa iyon sapat; pinagmamasdan din ng Diyos ang landas na tinatahak ng mga tao sa panahon ng pagganap nila sa kanilang tungkulin. Anong klaseng landas na tinatahak ng mga tao ang makatutugon sa hinihinging pamantayan ng Diyos? Una, ang hindi gumawa ng masama at ang magpasakop habang gumaganap ng tungkulin ang pinakamababang pamantayan. Kung kaya ng isang tao na gumawa ng kasamaan, wala nang pag-asa ang taong ito; hindi siya ang klase ng taong gustong iligtas ng Diyos. Dagdag pa rito, sa pagtrato sa mga atas ng Diyos, maliban pa sa pamamahala sa mga iyon nang may konsensiya at pagkamakatwiran, may mas malaking pangangailangan na hanapin ang katotohanan at unawain ang mga layunin ng Diyos. Kahit na ano pa ang sitwasyon, naaayon man o hindi sa iyong mga kuru-kuro o imahinasyon ang bagay na kinakaharap mo, dapat mong panatilihin ang saloobin ng pagpapasakop. Sa puntong ito, ang ninanais ng Diyos ay ang mapagpasakop mong saloobin. Kung tinatanggap mo lang na katotohanan at tama ang lahat ng salita ng Diyos, nagpapasakop na saloobin na ba iyon? Hinding-hindi. Ano ang praktikal na panig ng isang nagpapasakop na saloobin? Ganito iyon: Dapat mong magawang tanggapin ang mga salita ng Diyos. Bagama’t mababaw ang buhay pagpasok mo, at hindi sapat ang tayog mo, at kulang pa sa lalim ang kaalaman mo sa praktikal na panig ng katotohanan, nagagawa mo pa ring sumunod sa Diyos at magpasakop sa Kanya—iyon ang saloobin ng pagpapasakop. Bago mo makamit ang ganap na pagpapasakop, dapat ka munang magkaroon ng isang saloobin ng pagpapasakop, ibig sabihin, dapat mong tanggapin ang mga salita ng Diyos, paniwalaang tama ang mga iyon, tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan at ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at magawang itaguyod ang mga iyon bilang mga patakaran kahit pa wala kang maayos na pagkaarok sa mga prinsipyo. Iyon ay isang uri ng saloobin ng pagpapasakop. Dahil hindi pa nagbabago ang disposisyon mo ngayon, kung gusto mong makamit ang tunay na pagpapasakop sa Diyos, dapat ka munang magkaroon ng mentalidad ng pagpapasakop at maghangad na magpasakop, at sabihing, “Magpapasakop ako anuman ang gawin ng Diyos. Wala akong masyadong nauunawaang katotohanan, pero alam ko na kapag sinabi sa akin ng Diyos kung anong gagawin, gagawin ko ito.” Nakikita ito ng Diyos bilang isang saloobin ng pagpapasakop. Sinasabi ng ilang tao, “Paano kung mali ako sa pagpapasakop sa Diyos?” Magagawa bang magkamali ng Diyos? Ang Diyos ay katotohanan at katwiran. Hindi nagkakamali ang Diyos; marami lang talagang ginagawa ang Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao. Dapat mong sabihin, “Sumasang-ayon man o hindi sa aking mga kuru-kuro ang ginagawa ng Diyos, tutuon lamang ako sa pakikinig, pagpapasakop, pagtanggap, at pagsunod sa Diyos. Ito ang dapat kong gawin bilang isang nilikha.” Kahit pa may mga taong hinuhusgahan ka bilang taong pikit-matang nagpapasakop, hindi ka dapat mag-alala. Nakasisiguro ang puso mo na ang Diyos ay katotohanan, at na dapat kang magpasakop. Tama ito, at iyon ang klase ng mentalidad na dapat mayroon ang isang tao sa kanyang pagpapasakop. Tanging ang mga taong nagtataglay ng gayong mentalidad ang makapagkakamit sa katotohanan. Kung wala kang mentalidad na tulad nito, kundi sinasabi mong, “Hindi ako nagpaparaya kapag iniinis ako ng iba. Walang makapanloloko sa akin. Masyado akong matalino at hindi ako mapapasakop sa anumang bagay! Anumang kaharapin ko, kailangan ko itong tingnan at suriin. Kapag lamang naaayon ito sa mga pananaw ko, at matatanggap ko ito, saka ako magpapasakop”—saloobin ba iyon ng pagpapasakop? Hindi iyon saloobin ng pagpapasakop; kawalan iyon ng mapagpasakop na mentalidad, kawalan ng layunin sa puso ng isang tao na magpasakop. Kung sinasabi mong, “Kahit na diyos pa ito, kailangan ko pa ring tingnan ito. Kahit pa mga hari at reyna ay ganoon din ang pagtrato ko. Ang sinasabi mo sa akin ay walang saysay. Totoong isa akong nilikha, pero hindi ako hangal—kaya huwag mo akong tratuhin na para bang ganoon ako,” kung gayon ay tapos ka na; wala ka ng mga kondisyon para matanggap ang katotohanan. Walang anumang pagkamakatwiran ang gayong mga tao. Wala silang taglay na normal na pagkatao, kung gayon hindi ba’t sila ay halimaw? Kung walang pagkamakatwiran, paano makakamit ng isang tao ang pagpapasakop? Para makamit ang pagpapasakop, dapat munang magkaroon ang isang tao ng mapagpasakop na mentalidad. Kapag mayroong mentalidad ng pagpapasakop ay saka lamang masasabing may pagkamakatwiran ang isang tao. Kung wala siyang mentalidad ng pagpapasakop, wala siyang anumang pagkamakatwiran. Ang mga tao ay mga nilikha; paano nila malinaw na makikita ang Lumikha? Sa loob ng 6,000 taon ay hindi pa nagawang maunawaan ng buong sangkatauhan ang isa sa mga ideya ng Diyos, kaya paanong sa isang iglap ay mauunawaan ng mga tao kung ano ang ginagawa ng Diyos? Hindi mo ito kayang maunawaan. Maraming bagay ang ginagawa na ng Diyos sa loob ng libu-libong taon, at ang ibinunyag na ng Diyos sa sangkatauhan, pero kung hindi Niya ito ipinaliwanag sa mga tao, hindi pa rin nila mauunawaan. Siguro ay literal mong nauunawaan ngayon ang mga salita Niya, pero kakaunti lang ang talagang mauunawaan mo paglipas ng dalawampung taon. Ganito kalaki ang agwat sa pagitan ng mga tao at ng mga hinihingi ng Diyos. Dahil dito, dapat magtaglay ng pagkamakatwiran at ng mentalidad ng pagpapasakop ang mga tao. Mga langgam at uod lamang ang mga tao, pero hinihiling nilang makita nang malinaw ang Lumikha. Lubha itong hindi makatwiran. Palaging nagrereklamo ang ilang tao na hindi sinasabi ng Diyos sa kanila ang mga hiwaga Niya, at hindi direktang ipinaliliwanag ang katotohanan, palaging pinaghahanap ang mga tao. Pero ang pagsasabi ng mga ganitong bagay ay hindi tama, at hindi makatwiran. Gaano karami sa lahat ng salitang ito na sinabi sa iyo ng Diyos ang nauunawaan mo? Gaano karaming salita ng Diyos ang kaya mong isagawa? Ang gawain ng Diyos ay palaging nangyayari nang hakbang-hakbang. Kung noong 2,000 taon na ang nakakalipas ay sinabi na ng Diyos sa mga tao ang tungkol sa gawain Niya sa mga huling araw, mauunawaan kaya nila? Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Panginoong Jesus ay naging wangis ng makasalanang laman, at naging handog para sa kasalanan para sa buong sangkatauhan. Kung sa panahong iyon ay sasabihin Niya ito sa mga tao, sinong makakaunawa? At ngayon, nauunawaan ng mga taong katulad ninyo ang ilang konseptuwal na teorya, pero pagdating sa mga katotohanang tulad ng tunay na disposisyon ng Diyos, ang layunin ng Diyos sa pagmamahal sa sangkatauhan, at ang pinagmulan at plano sa likod ng mga bagay na ginawa ng Diyos nang panahong iyon, hindi iyon magagawang maunawaan ng mga tao kailanman. Ito ang hiwaga ng katotohanan; ito ang diwa ng Diyos. Paano ito malinaw na makikita ng mga tao? Lubos na hindi makatwiran na hilingin mong makita nang malinaw ang Lumikha. Masyado kang mapagmataas at masyadong mataas ang tingin mo sa mga abilidad mo. Hindi dapat hilingin ng mga tao na makita nang malinaw ang Diyos. Mabuti na nga kung mauunawaan nila ang ilan sa katotohanan. Pagdating naman sa iyo, sapat nang tagumpay ang maunawaan mo ang kaunting katotohanan. Samakatwid, makatwiran bang magkaroon ng mentalidad ng pagpapasakop? Ganap na makatwirang bagay ang gawin ito. Ang mentalidad at saloobin ng pagpapasakop ang pinakamababang dapat taglayin ng bawat nilikha.
Ang pagkakamit ng sapat at tapat na pagganap sa tungkulin ng isang tao, at pagtataglay ng mentalidad ng pagpapasakop—gaano katagal ito inaabot? Nangangailangan ba ito ng partikular na dami ng mga taon? Walang takdang haba ng panahon, at nakadepende ito sa paghahangad ng isang tao, sa adhikain niya, sa antas ng pag-asam niya sa katotohanan. Nakadepende rin ito sa kanyang likas na konsensiya, katwiran, kakayahan, at kabatiran. Kapag nagkamit na ng saloobin ng pagpapasakop, agad-agad pagkatapos niyon, magkakaroon na ng higit pang mga pagbabago sa pananalita, mga kilos, at pag-uugali ng isang tao. Ano ang mga pagbabagong ito? Sa mga mata ng Diyos, sa kabuuan ay isa ka nang matapat na tao ngayon. Ano ang ibig sabihin ng sa kabuuan ay isa ka nang matapat na tao? Ibig sabihin ay nabawasan na ang aspekto ng sadyang pagsisinungaling sa iyong pananalita at pag-uugali; walumpung porsiyento ng sinasabi mo ay totoo. Minsan, dahil sa kawalan ng kahihiyan, mga sitwasyon, o iba pang kadahilanan, hindi sinasadyang nakakapagsinungaling ka, at hindi ka komportable na para bang nakalulon ka ng patay na langaw; hindi ka mapalagay sa loob ng ilang araw. Inaamin mo ang pagkakamali mo at nagsisisi ka sa Diyos, at pagkatapos, ay may mga pagbabago—pakaunti na nang pakaunti ang mga kasinungalingan mo, at bumubuti na ang kalagayan mo. Sa mga mata ng Diyos, sa kabuuan ay isa ka nang matapat na tao. Sinasabi ng ilang tao, “Kung sa kabuuan ay matapat na ang isang tao, hindi ba’t nagbago na ang disposisyon niya?” Ganoon ba iyon? Hindi, pagbabago lang iyon sa pag-uugali. Sa mga mata ng Diyos, ang magawang maging isang matapat na tao ay kinasasangkutan ng higit pa sa pagbabago lamang sa asal at pag-uugali; kinasasangkutan din ito ng napakahahalagang pagbabago sa mentalidad at mga pananaw ng isang tao sa mga usapin. Wala na siyang layuning magsinungaling o manlinlang, at ganap na wala nang pagkukunwari o panlilinlang sa sinasabi at ginagawa niya. Nagiging mas totoo na ang mga salita at gawa niya, at dumarami na ang matatapat na salita. Halimbawa, kapag tinanong ka kung may nagawa ka, kahit pa ang pag-amin dito ay magdudulot na masampal o maparusahan ka, masasabi mo pa rin ang katotohanan. Kahit pa ang pag-amin dito ay nangangahulugan ng pagpasan ng malaking responsabilidad, pagharap sa kamatayan o pagkawasak, masasabi mo pa rin ang katotohanan at handa kang isagawa ang katotohanan para mapalugod ang Diyos. Ipinahihiwatig nito na ang saloobin mo sa mga salita ng Diyos ay naging napakatatag na. Kahit kailan pa, ang pagpili sa isa sa mga pamantayan ng pagsasagawang hinihingi ng Diyos ay hindi na naging isyu pa sa iyo; natural mo itong nakakamit at naisasagawa nang hindi napipigilan ng mga panlabas na sitwasyon, ng paggabay ng mga lider at manggagawa, o ng pagkadama ng pagsisiyasat ng Diyos sa tabi mo. Nagagawa mong mag-isa ang mga ito nang walang kahirap-hirap. Dahil hindi ka napipigilan ng mga panlabas na sitwasyon, at hindi dahil sa takot sa pagdidisiplina ng Diyos, ni dahil sa takot sa pang-uusig ng konsensiya mo, at lalong hindi dahil sa takot sa pangungutya o pagbabantay ng iba—hindi dahil sa alinman sa mga ito—kaya mong maagap na suriin ang pag-uugali mo, sukatin ang kawastuhan nito, at timbangin kung nakakasunod ba ito sa katotohanan at kung napapalugod ba nito ang Diyos. Sa puntong iyon, sa kabuuan ay natugunan mo na ang pamantayan ng pagiging isang matapat na tao sa mga mata ng Diyos. Ang pagiging matapat na tao sa kabuuan ay ang ikatlong pangunahing kondisyon para matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos.
Katatapos lamang natin pagbahaginan ang tatlong kondisyon para matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos: Ang una ay ang hustong pagganap ng isang tao sa tungkulin, ang ikalawa ay ang pagkakaroon ng saloobin ng pagpapasakop, at ang ikatlo ay ang pagiging matapat na tao sa kabuuan. Paano sinusuri ang ikatlong kondisyon na ito? Ano ba ang mga pamantayan? (Mas madalang nang sadyang magsinungaling ang isang tao, at mas madalas nang magsabi ng totoo.) Ibig sabihin nito ay kadalasan nang nagagawang sabihin ang totoo; dapat masuri ninyong lahat ang isang ito, tama? Ang pagiging matapat na tao ang ikatlong kondisyon para matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ang ikalawa ay ang pagkakaroon ng isang saloobin ng pagpapasakop, na kinasasangkutan ng ilang detalye, pangunahin na ang hindi pagsisiyasat o pagsusuri sa gawain ng Diyos, kundi pagkakaroon lamang ng isang mapagpasakop na mentalidad. Dagdag pa rito, kasama rin dito ang paghahangad na maging isang matapat na tao, pag-abot sa puntong nababawasan na ang mga kasinungalingan mo, at kadalasan ay kaya mong sabihin ang totoo, at ipahayag ang totoo mong damdamin. Ang pinakamahalagang aspekto rito ay ang subhetibong kooperasyon ng mga tao, na ang ibig sabihin ay aktibong pag-usad, at pagsisikap na abutin ang katotohanan. Ang pagkakaroon ng mapagpasakop na mentalidad ay resultang nakamit sa subhetibong panig; ang magawang maging isang matapat na tao—ang pagiging matapat sa kabuuan—ay isa ring subhetibong bagay, at ang resulta ng masigasig na paghahangad ng isang tao. May isa pang pangunahing kondisyon ang pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Bibigyan Ko muna kayo ng palatandaan, at kung mag-iisip kayo ayon sa sasabihin Ko, maaarok ninyo ito. Mula simula hanggang wakas ng pananampalataya sa Diyos, nakagawa ba ang mga tao ng maraming kamalian sa buhay na ito? Marami na bang pagkilos ng paghihimagsik laban sa Diyos? (Marami na.) Kung gayon ano ang dapat gawin ng isang tao kapag nagkamali siya, o kapag mapaghimagsik siya? (Dapat ay magkaroon siya ng nagsisising puso.) Ang pagkakaroon ng isang nagsisising puso ay tanda na ang isang tao ay may konsensiya at katwiran. Ang pagkakaroon ng konsensiya at katwiran ang pinakamabababang katangiang dapat taglayin ng isang tatanggap sa pagliligtas ng Diyos; hindi matatamo ng mga walang konsensiya at katwiran ang pagliligtas ng Diyos. Kung may isang taong hindi kailanman marunong magsisi matapos magkamali, anong klaseng nilalang ito? Ang isang tao bang hindi kailanman marunong magsisi ay makasusunod sa Diyos hanggang sa wakas? Magkakaroon ba siya ng tunay na pagbabago? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil wala siyang nagsisising puso.) Mismo, at dinadala tayo nito sa panghuling kondisyon: Dapat magkaroon ang isang tao ng nagsisising puso. Habang sumusunod sa Diyos, dahil sa kanilang kahangalan at kamangmangan at dahil sa kanilang iba’t ibang tiwaling disposisyon, madalas ibinubunyag ng mga tao ang kanilang sarili na mapaghimagsik, at minsan ay mali ang pagkaunawa nila o nagrereklamo sila sa Diyos. Nalilihis sila, at ang ilan ay nagkakaroon pa nga ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, nagiging negatibo at pabaya sa kanilang gawain sa loob ng ilang panahon, at nawawalan ng pananalig. Lumilitaw ang mga mapaghimagsik na pag-uugali sa bawat yugto ng buhay ng mga tao. Nasa puso nila ang Diyos at alam nilang Siya ay gumagawa kapag may nangyayari, ngunit hindi nila minsan maintindihan ang katunayang iyon. Bagaman nagagawa nilang magpasakop nang bahagya, sadyang hindi nila ito matanggap sa kaibuturan nila. Ano ang malinaw na nagpapakita na hindi nila ito matanggap sa kaibuturan nila? Ang isang paraan na naipapamalas ito ay, kahit alam nila ang lahat, sadyang hindi nila maisantabi ang kanilang nagawa at humarap sa Diyos upang aminin ang kanilang mga pagkakamali at sabihing, “O Diyos, nagkamali ako. Hindi na uli ako kikilos nang ganoon. Hahanapin ko ang mga layunin Mo at gagawin ang nais Mong gawin ko. Hindi ako nakinig sa Iyo noon; mababa ang tayog ko, naging hangal at ignorante ako, at madalas akong mapaghimagsik. Alam ko na iyon ngayon.” Anong saloobin mayroon ang mga tao kung naaamin nila ang kanilang mga pagkakamali? (Nais nilang magbago.) Kung may konsensiya at katwiran ang mga tao, at nananabik sila sa katotohanan, ngunit hindi nila kailanman alam na magnilay-nilay sa sarili at magbago pagkatapos makagawa ng mga pagkakamali, sa halip ay naniniwalang ang nakaraan ay nakalipas na at nakatitiyak silang hindi sila mali, anong uri ng disposisyon ang ipinakikita nito? Anong uri ng pag-uugali? Ano ang diwa ng gayong pag-uugali? (Ang pagiging mapagmatigas.) Ang gayong mga tao ay mapagmatigas at, kahit anong mangyari, iyon ang landas na kanilang susundan. Hindi gusto ng Diyos ang ganitong mga tao. Ano ang sinabi ni Jonas nang ipahayag niya ang mga salita ng Diyos sa mga taga-Ninive? (“Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak” (Jonas 3:4).) Ano ang reaksyon ng mga taga-Ninive sa mga salitang ito? Nang makita nilang lilipulin sila ng Diyos, nagmadali silang magbihis ng sako at maglagay ng abo, ikumpisal ang kanilang mga kasalanan sa Kanya, at lisanin ang landas ng kasamaan. Ito ang ibig sabihin ng pagsisisi. Kung nagagawa ng taong magsisi, nagbibigay ito sa tao ng napakalaking pagkakataon. Anong pagkakataon iyon? Ito ay ang pagkakataong patuloy na mabuhay. Kung walang totoong pagsisisi, magiging mahirap na sumulong, maging ito man ay sa pagganap mo ng tungkulin o sa paghahangad mo ng kaligtasan. Sa bawat yugto—dinidisiplina o itinutuwid ka man ng Diyos, o kapag pinapaalalahanan ka Niya at pinapayuhan—hangga’t may hidwaang naganap sa pagitan mo at ng Diyos, ngunit hindi ka nagbabago, at patuloy kang kumakapit sa mga sarili mong ideya, pananaw, at saloobin, kahit pa ang mga hakbang mo ay pasulong, ang hidwaan sa pagitan mo at ng Diyos, ang iyong mga maling pagkaunawa sa Kanya, ang iyong mga reklamo at paghihimagsik laban sa Kanya ay hindi naitatama, at ang iyong puso ay hindi nagbabago. Ang Diyos kung gayon, sa Kanyang bahagi, ay ititiwalag ka. Bagama’t hindi mo pa tinatalikuran ang tungkuling hawak mo, at ginagampanan mo pa rin ang iyong tungkulin at may kaunting katapatan ka pa rin sa naiatas ng Diyos, at nakikita ng mga tao na katanggap-tanggap ito, ang alitan sa pagitan mo at ng Diyos ay may permanenteng buhol na. Hindi mo ginamit ang katotohanan para lutasin ito at magtamo ng tunay na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos. Dahil dito, lumalim ang maling pagkaunawa mo sa Diyos, at palagi mong iniisip na mali ang Diyos at hindi makatarungan ang nagiging pagtrato sa iyo. Nangangahulugan itong hindi ka pa nagbabago. Nananaig pa rin ang iyong paghihimagsik, ang iyong mga kuru-kuro, at ang iyong maling pagkaunawa sa Diyos, na nagdudulot sa iyo na magkaroon ng mentalidad ng hindi pagpapasakop, na laging maghimagsik at lumaban sa Diyos. Hindi ba’t ito ang uri ng tao na naghihimagsik sa Diyos, lumalaban sa Diyos, at matigas na tumatangging magsisi? Bakit gayon na lang ang pagpapahalaga ng Diyos sa pagbabago ng mga tao? Anong saloobin ang dapat mayroon ang isang nilikha sa Lumikha? Ang saloobing kumikilala na ang Lumikha ay tama, anuman ang Kanyang gawin. Kung hindi mo ito kikilalanin, na ang Lumikha ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, magiging mga hungkag na salita lamang ang mga ito sa iyo. Kung gayon nga, makakamit mo pa rin ba ang kaligtasan? Hindi. Hindi ka magiging karapat-dapat; hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong katulad mo. May ilang nagsasabi, “Hinihingi ng Diyos na ang mga tao ay magkaroon ng pusong nagsisisi, at alam nila na dapat silang magbago. Pero hindi pa ako nagbabago sa maraming bagay. Mayroon pa ba akong panahong gawin ito?” Oo, may panahon pa. Bukod pa rito, sinasabi ng ilan, “Sa anong mga bagay ko kailangang magbago? Ang mga bagay sa nakaraan ay wala na at nakalimutan na.” Hangga’t ang disposisyon mo ay hindi nagbabago, hangga’t hindi mo nalalaman kung alin sa iyong mga pagkilos ang hindi umaayon sa katotohanan at kung alin ang hindi umaayon sa Diyos, ang buhol sa pagitan mo at ng Diyos ay hindi pa nakakalas; hindi pa nalulutas ang usapin. Nasa kalooban mo ang disposisyong ito; ang ideya, pananaw, at saloobing naghihimagsik sa Diyos ay nasa kalooban mo. Sa sandaling lumitaw ang mga tamang sitwasyon, muling lilitaw ang pananaw mong ito, at sisiklab muli ang hidwaan mo sa Diyos. Samakatwid, hindi mo man maitama ang nakaraan, dapat mong itama ang mga bagay na mangyayari sa hinaharap. Paano maitatama ang mga ito? Dapat kang magbago at isantabi ang iyong mga ideya at intensiyon. Sa sandaling mayroon ka na ng layuning ito, likas na magiging mapagpasakop din ang saloobin mo. Gayumpaman, sa mas partikular na pananalita, tumutukoy ito sa mga taong nagkakaroon ng pagbabago sa kanilang saloobin sa Diyos, ang Lumikha; ito ay pagkilala at pagpapatunay sa katunayang ang Lumikha ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Kung mababago mo ang iyong sarili, ipinapakita nitong kaya mong isantabi ang mga bagay na sa tingin mo ay tama, o ang mga bagay na sama-samang ipinagpapalagay ng sangkatauhan—na tiwali—na tama; at, sa halip, kinikilala mong ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at positibong mga bagay. Kung magkakaroon ka ng ganitong saloobin, pinatutunayan nito ang pagtanggap mo sa pagkakakilanlan ng Lumikha at sa Kanyang diwa. Ganito ang pagtingin ng Diyos sa isyu, at samakatwid ay itinuturing Niyang napakahalaga ng pagbabago ng tao.
May ilan na nagsasabing, “Kung walang nagawang mali ang isang tao, bakit kailangan niyang magbago?” Kahit na wala ka pang nagawang anumang mali sa sandaling ito, kailangan mo munang maunawaan ang katotohanan tungkol sa pagsisisi. Ito ay isang bagay na dapat mong taglayin. Kapag nauunawaan mo na ang katotohanan, matutuklasan mo na hindi tama ang ilang bagay na nagawa mo, at matutuklasan mo ang mga problema na may kinalaman sa mga layunin mo at sa mentalidad mo—na ang ibig sabihin, ang mga problema sa disposisyon mo. Lulutang ang mga ito nang hindi mo namamalayan at ipakikita ng mga ito sa iyo na ang relasyon mo sa Diyos sa katunayan ay hindi simpleng relasyon sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Ang Diyos ay Diyos pa rin, pero isa kang nilikha na hindi nakakatugon sa pamantayan. Sa mga usapin kung saan ang mga tao ay nabigong manatili sa wastong lugar nila, at nabigong tuparin ang dapat nilang gawin—sa madaling salita, kapag nabibigo sila sa kanilang tungkulin—magiging sagabal iyon sa loob nila. Ito ay sobrang praktikal na problema, at problemang kailangang lutasin. Kung gayon paano ito lulutasin? Anong klaseng saloobin ang dapat taglayin ng mga tao? Una sa lahat, dapat maging handa silang magbago. At paano dapat isagawa ang kahandaang ito na magbago? Halimbawa, dalawang taon nang lider ang isang tao, pero dahil mahina ang kakayahan niya ay hindi niya nagagawa nang maayos ang gawain niya, hindi niya makita nang malinaw ang anumang sitwasyon, hindi niya alam kung paano gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, at hindi siya makagawa ng anumang tunay na gawain; kaya, tinanggal siya. Kung, pagkatapos siyang tanggalin, ay nagagawa niyang magpasakop, patuloy niyang ginagampanan ang tungkulin niya, at handa siyang magbago, ano ang dapat niyang gawin? Una sa lahat, dapat niyang maunawaan ito, “Tama ang Diyos na gawin ang ginawa Niya. Napakahina ng kakayahan ko, at napakatagal na akong walang ginawang tunay na gawain at sa halip ay naantala ko lamang ang gawain ng iglesia at ang buhay pagpasok ng mga kapatid. Masuwerte ako na hindi ako agad pinatalsik ng sambahayan ng Diyos. Talagang wala akong kahihiyan, kumapit ako sa posisyon ko sa buong panahong ito at naniwala pa nga na nakagawa ako ng napakadakilang gawain. Talagang hindi ako makatwiran!” Ang makaramdam ng pagkamuhi sa sarili at ng pagsisisi: ito ba ay pagpapahayag ng kahandaang magbago o hindi? Kung nasasabi niya ito, ibig sabihin ay handa siya. Kung sinasabi niya sa puso niya, “Sa tagal ko nang nasa posisyon bilang lider, palagi akong nagpunyagi para sa mga pakinabang ng katayuan; palagi kong ipinangangaral ang doktrina at sinasangkapan ang aking sarili ng doktrina; hindi ako nagsikap para sa buhay pagpasok. Ngayong pinalitan na ako ay saka ko lamang nakita kung gaano ako hindi husto at may kakulangan. Tama ang ginawa ng Diyos, at dapat akong magpasakop. Dati, may katayuan ako, at maayos akong tinrato ng mga kapatid; pinalilibutan nila ako saanman ako pumunta. Ngayon ay wala nang pumapansin sa akin, at tinatalikuran na ako; ito ang kabayaran, ito ang parusang nararapat sa akin. Bukod pa rito, paanong ang isang nilikha ay magkakaroon ng katayuan sa harap ng Diyos? Gaano man kataas ang katayuan ng isang tao, hindi ito ang kalalabasan ni ang destinasyon; binibigyan ako ng atas ng Diyos hindi para makapagyabang ako o makapagsaya sa katayuan ko, kundi para magampanan ko ang aking tungkulin, at dapat ay gawin ko ang anumang makakaya ko. Dapat akong magkaroon ng saloobin ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t maaaring mahirap ang pagpapasakop, dapat akong magpasakop; tama ang Diyos na gawin ang ginagawa Niya, at kahit pa ipagpalagay na mayroon akong libu-libong palusot, wala sa mga iyon ang magiging ang katotohanan. Ang pagpapasakop sa Diyos ang katotohanan!” ito ang mga mismong pagpapahayag ng kahandaang magbago. At kung may isang taong magtataglay ng lahat ng ito, ano kaya ang magiging tingin ng Diyos sa gayong tao? Sasabihin ng Diyos na isa itong taong may konsensiya at katwiran. Mataas ba ang pagtinging ito? Hindi ito sobrang mataas; ang pagkakaroon lamang ng konsensiya at katwiran ay malayo pa sa mga pamantayan ng pagpeperpekto ng Diyos—pero pagdating sa taong ito, hindi na ito maliit na tagumpay. Ang makapagpasakop ay mahalaga. Pagkatapos nito, kung paano hahangarin ng taong ito na mabago ng Diyos ang pananaw Niya sa taong ito ay nakadepende sa daang pinipili nito. Kung hindi pa talaga siya nagsisisi, at dahil wala siyang katayuan, at hindi siya tapat sa kanyang tungkulin at palaging pabaya, ganap na siyang walang pag-asa; ititiwalag na siya. Kung nagkikimkim pa rin siya ng mga hinanaing, nagrereklamo na, “Noong ako ay lider pa, labis akong nagdusa, at kahit na walang merito, may pagsisikap naman. Sinasabi nilang hindi ako gumawa ng tunay na gawain, pero marami akong ginawa. May nakamit man akong resulta o wala, kahit papaano ay hindi naman ako tamad. Dahil lang hindi ako tamad, hindi ako dapat basta-bastang itiwalag ng Diyos. Kahit wala akong katayuan, pinagagawa pa rin sa akin ang ganito at ganyan—hindi ba’t pinaglalaruan ako?”—kung pagkatapos siyang palitan, ay wala na siyang natitirang kasigasigan para gampanan ang anumang tungkulin, may katapatan o pagpapasakop ba rito? Wala siyang katapatan, walang pagpapasakop, at walang kahandaang magbago; wala siya ni isa sa mga ito. Hindi ba’t kaawa-awa ito? Ito ay sobrang kaawa-awa; naging walang saysay ang pananampalataya niya sa loob ng maraming taon. Nakapakinig siya ng maraming sermon sa loob ng napakaraming taon, pero hindi siya nagsagawa ng kahit anong katotohanan, palagi niyang pinangangaralan ng mga salita at doktrina ang iba, pero siya mismo ay walang kayang gawin—ganito ang pananampalataya niya sa Diyos; maraming doktrina ang ipinangaral niya sa iba, pero sa huli, ni hindi niya nga malutas ang sarili niyang mga isyu. Sobrang kaawa-awa ito! At gusto pa rin niyang matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos? Pagkatapos na palitan, nakikipagtalo pa rin siya sa Diyos at nagdurusa ng pagpapahirap, nang hindi man lang nagpapakita ng pagpapasakop. Hindi ba’t pagdurusa ito nang pikit-mata? Walang halaga ang pagdurusa mo! Kung isasantabi natin ang lahat ng iba pa, at titingnan lang natin ang katunayan na nanggalaiti at nakipaghidwaan ka nang alisin ka ng iglesia sa posisyon mo—batay na lamang doon, hindi ka nararapat na maging tao, hindi ka nararapat na maging isang nilikha ng Diyos. Kaya ano ang ipinaglalaban mo? Anumang mga argumento mo ay walang silbi. Napakaraming taon ka nang nananampalataya, pero wala kang kahit katiting na pagpapasakop; nasaan na ang mga bunga ng pananalig mo sa mga nakalipas na taon? Kaawa-awa, kamuhi-muhi, kasuklam-suklam! Binigyan ka ng katayuan at tinrato mo ito na parang isang opisyal na tungkulin; ang pagkakaroon ba ng katayuan ay nangangahulugang nagbago na ang disposisyon mo? Hindi ba’t biyaya lang ito ng Diyos? Biniyayaan ka ng Diyos ng atas na ito, pero itinuring mo ito bilang isang opisyal na tungkulin—hindi ba’t kasuklam-suklam iyon? May mga opisyal ba sa sambahayan ng Diyos? Sa mga banal sa paglipas ng mga kapanahunan, walang mga opisyal. Sa loob ng dalawang libong taon, sinamba ng mga tao si Pablo, pero walang sinumang nagsabing may hinawakang opisyal na titulo si Pablo. Kaya, ang salitang “opisyal” ay hindi mapanghahawakan; hindi ito gantimpala ni atas mula sa Diyos, at kailangan mo itong bitiwan. Kung palagi mong hinahangad na maging opisyal, sasang-ayunan ba ito ng Diyos? Tutulutan ka ba nitong makamit ang kaligtasan? Siguradong hindi. Kasasabi lang natin ngayon na para matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, dapat maging handang magbago ang isang tao. Mahalaga ba ito? (Oo.) Napakaimportanteng magkaroon ng gayong saloobin! Kung gusto mong makabuo ng relasyon ng Tagapagligtas at ng iniligtas sa pagitan mo at ng Lumikha, at gusto mong iligtas ka ng Diyos, dapat mong itama ang posisyon mo, at dapat mong linawin ang lugar at katayuan ng Diyos sa puso mo. Ano ang posisyon mo kung gayon? (Isang nilikha.) Sino ang isang nilikha? Tao ito, hindi halimaw. Sa anumang oras, dapat mong tandaan na isa kang nilikha, isang ordinaryong tao, at hindi mo dapat kalimutan ang nararapat mong lugar. Kapag binibigyan ka ng Diyos ng kaunting biyaya, ng kaunting pagpapala, nakakalimutan mo na kung sino ka. Kapag sa Kanyang kababaang-loob at pagiging tago ay nagbahagi ang Diyos ng mga taos-pusong salita para bigyang-ginhawa ka, itinataas ka Niya; pero gusto mong maging kapantay ng Diyos, at itaas ang sarili mo—anong bagay ang gagawa nito? Gagawin ba ito ng tao? (Hindi.) Hindi kinikilala ng Diyos ang isang nilikhang gaya mo—puwede ka nang tumabi! Kung hindi ka kinikilala ng Diyos, gagawin ka ba Niyang perpekto? Hindi mo natutugunan ang mga kondisyon para magawang perpekto ng Diyos. Hindi ba’t malinaw nang naipahatid ng puntong ito ang pinakabuod ng pagbabahaging ito? Kaya, ang pagiging handa na magbago ng landas ay napakaimportante; ito ay kalagayan ng isipan, at gayundin, ito ay isang saloobin. Ang saloobing ito ay isang mahalagang prinsipyo ng pagsasagawa na dapat taglayin ng isang tao para matanggap niya ang pagliligtas at pagpeperpekto ng Diyos. Huwag mong akalaing napakadakila mo, na napakarangal mo, ni ipagpalagay na lubos kang tama at hindi ka nagkakamali. Hindi ka dakila, maluwalhati, o tama; napakaliit mo, napakababa, isang nilikha sa sangkatauhang ginawang tiwali ni Satanas. Kailangan mong tanggapin ang pagliligtas ng Lumikha. Hindi ka pa naligtas, hindi ka perpekto; dapat mong taglayin ang katwirang ito.