Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 3 (Ikalawang Bahagi)

Iniisip ng ilang tao na, “Kapag ang mga tao ay may mga hindi wastong iniisip o mga kilos na lumalabag sa mga atas administratibo ng Diyos at sumasalungat sa disposisyon ng Diyos, dapat makialam ang Diyos para pigilan sila. Ito ang pagliligtas ng Diyos, ito ang pagmamahal ng Diyos.” Hindi ba’t mga kuru-kuro at imahinasyon ito ng mga tao? Ganito ba ang ginagawa ng Diyos para iligtas ang mga tao? Inililigtas ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan. Kung maliligtas ba ang isang tao ay nakadepende sa kung matatanggap niya ang katotohanan. Bukod pa rito, may isang bagay na itinuturing ng Diyos na mas mahalaga pa, at iyon ay ang konsensiya at pagkatao ng mga tao. Kung, sa loob ng iyong pagkatao, ay walang konsensiya, walang integridad, at walang katwiran—ibig sabihin, kapag may nangyayari sa iyo ay hindi normal na gumagana ang konsensiya at pagkamakatwiran mo, hindi mapigilan at makontrol ng mga ito ang mga kilos mo, hindi maiwasto ng mga ito ang mga layunin at pananaw mo—kung gayon siguradong walang gagawin ang Diyos. Para mabago ka ng Diyos, tinutulutan Niya munang gumana ang konsensiya at pagkamakatwiran mo. Kapag nakaramdam ng pagsaway ang konsensiya mo, magbubulay-bulay ka na, “Mali ang ginagawa ko; ano ang magiging tingin sa akin ng Diyos?” at magdudulot sa iyo ito na mas maghanap pa at magkaroon ng maagap at positibong pagpasok. Gayumpaman, kung ang isang tao ay wala maski nitong unang hakbang na ito, kung wala siyang konsensiya, at wala talagang pagsaway sa puso niya, ano na ang gagawin ng Diyos kapag naharap ang taong ito sa isang bagay? Walang gagawin ang Diyos. Kung gayon, sa anong pundasyon nakabatay ang lahat ng salitang ito na sinasabi ng Diyos, at ang lahat ng hinihingi at katotohanang itinuturo ng Diyos sa mga tao? Nakabase ang mga iyon sa batayang may konsensiya at pagkamakatwiran ang mga tao. Pagdating naman sa taong nabanggit kanina, kung may konsensiya siya at nagtataglay ng isang antas ng pagkamakatwiran, anong mga aksyon sana ang ginawa niya pagkatapos niyang makita ang boteng iyon ng gamot sa ubo? Anong mga pag-uugali sana ang ipinakita niya? Nang maisip niyang, “Ibinigay ito sa diyos, kaya malamang ay mainam ito; sa halip na ipainom ito sa diyos, bakit hindi ko na lang ito inumin?” ano sana ang ginawa niya kung may konsensiya siya? Bubuksan niya ba ang botelya at iinumin ang unang lagok? (Hindi.) Paano mangyayari ang “hindi” na ito? (Mula sa pagkakaroon ng konsensiya.) Dahil nakokontrol siya ng konsensiya niya, maiimpluwensiyahan siya nito, at wala na sanang sunod na nangyari sa usaping ito; hindi na sana siya uminom ng unang lagok. Lubos na mababaligtad ang resulta ng pangyayari, at magiging ibang-iba ang kinalabasan. Gayumpaman, sa kabaligtaran, wala siyang konsensiya o pagkamakatwiran—lubusan siyang wala ng mga iyon—kaya bilang resulta ano ang nangyari? Pagkatapos niyang magkaroon ng mga gayong kaisipan at nang walang pagpipigil mula sa konsensiya niya, walang pakundangan niyang binuksan ang botelya at uminom ng unang lagok. Bukod sa hindi siya nakaramdam ng pagsaway o pagkakonsensiya pagkatapos noon, nasiyahan pa nga siya rito. Akala niya ay nalusutan niya ito: “Tingnan ninyo kung gaano ako kautak, sinamantala ko ang pagkakataon. Mga hangal kayong lahat; hindi ninyo nauunawaan ang mga bagay na ito. Palaging nadadaig ng karanasan ang pagkabata! Walang sinuman sa inyo ang may ganitong ideya, walang sinuman sa inyo ang may lakas ng loob na gawin ito, pero ginawa ko. Ano ba ang pinakamasamang puwedeng mangyari? Nakainom na ako ng unang lagok; sino ba ang makakaalam?” Sa tingin niya ay nakalamang siya, at masaya ang kalooban niya; akala pa nga niya ay pinapaboran siya, na biyaya ito ng Diyos. Sa sandaling gawin niya ang pagkakamaling ito, paulit-ulit na niya itong ginawa, hanggang sa nawalan na siya ng kontrol at ipinagpatuloy niya ito hanggang sa maubos na ang laman ng botelya. Sa buong oras na iyon, hindi man lang nakaramdam ng anumang pang-uusig o pagsaway ang konsensiya niya. Hindi siya kailanman sinabihan ng konsensiya at pagkamakatwiran niya na, “Hindi ito sa iyo; kahit pa hindi ito inumin ng Diyos, kahit na itapon pa ito ng Diyos, o ibigay ito sa aso o pusa, hangga’t hindi sinasabi ng Diyos na para ito sa iyo, hindi mo ito dapat gamitin; hindi ito para tamasahin mo.” Hindi ito sinabi ng konsensiya niya sa kanya dahil wala siyang konsensiya. Ano ba ang taong walang konsensiya? Mga halimaw sila. Ganito kumilos ang mga taong walang konsensiya; ganito kaagad ang naiisip nila sa simula pa lang, at ipinagpapatuloy nila ito hanggang sa huli, nang wala ni katiting na pagsaway mula sa kanilang konsensiya. Maaaring sa ngayon ay matagal nang nakalimutan ng taong ito ang nangyari; o, kung matalas ang memorya niya, maaaring naaalala pa rin niya ito at iniisip niyang tama ang ginawa niya noong oras na iyon. Hindi niya kailanman iniisip na maling gawin iyon, at hindi niya napagtatanto ang bigat at kalikasan ng ginawa niya. Hindi niya iyon mapagtanto. Tumpak ba ang pag-uuri ng Diyos sa gayong mga tao? (Oo.) Kapag inuuri, ibinubunyag, at tinitiwalag ng Diyos ang mga gayong tao, at binibigyan sila ng ganitong uri ng kalalabasan, sa anong mga prinsipyo at sa anong mga batayan Niya sila inuuri? (Batay sa kalikasang diwa nila.) Ang tao bang hindi nakadarama ng konsensiya at walang pagkamakatwiran ay nagtataglay ng mga kondisyon para tanggapin at isagawa ang katotohanan? May ganoon ba siyang diwa? (Wala.) Bakit natin sinasabing wala? Kapag nagsimula siyang ipahayag ang mga pananaw niya sa bagay na ito, sa kaibuturan ng puso niya, nasaan ang diyos niya? Sino ba ang diyos na nasa puso niya? Saan naroroon ang diyos? Nasa puso ba ng taong ito ang Diyos? Masasabi natin nang may kasiguraduhan na wala sa puso ng gayong tao ang Diyos. Ano ba ang implikasyon kapag wala sa puso ng isang tao ang Diyos? (Ang taong ito ay isang hindi mananampalataya.) Tama iyan. Hindi siya isang tunay na mananampalataya sa Diyos; hindi siya isang kapatid; siya ay isa lamang hindi mananampalataya. Anong mga pag-uugali niya ang nagpapakita na siya ay hindi mananampalataya? Dahil wala sa puso niya ang Diyos, lubusan siyang kumikilos at nagsasalita ayon sa sarili niyang mga kapritso, batay sa sarili niyang mga kuru-kuro, imahinasyon, at kagustuhan, nang walang impluwensiya ng konsensiya. Kapag hindi niya nauunawaan ang katotohanan, hindi napupukaw ang konsensiya niya; kumikilos siya batay lamang sa kanyang mga kagustuhan, para lamang sa kanyang personal na kalamangan at kapakinabangan. May lugar ba ang Diyos sa puso niya? Walang-wala. Bakit Ko sinasabi iyon? Dahil ang motibasyon, pinagmulan, direksyon, at maging ang mga pagpapamalas ng mga kilos at salita niya ay naglalayong lahat na matugunan ang mga interes niya; kumikilos at nagsasalita siya batay sa pinaniniwalaan niyang kapaki-pakinabang sa kanya. Lahat ng isinasaalang-alang niya ay nakatuon sa kanyang mga interes at layon, at kumikilos siya nang walang anumang nararamdamang pagsaway at nang walang pagpipigil. Kung huhusgahan siya batay sa pag-uugali niya, ano ang turing niya sa Diyos? (Parang hangin.) Mismo, tumpak iyan. Kung nararamdaman niya ang presensiya ng Diyos, na sinisiyasat ng Diyos ang puso ng tao, na ang Diyos ay nasa tabi ng tao, at patuloy silang sinisiyasat, mawawalan ba ng anumang pagpipigil ang mga kilos niya? Magpapakita ba siya ng gayong walang ingat na kapusukan? Siguradong hindi. May katanungan dito: Talaga bang umiiral ang diyos na sinasampalatayaan niya? (Hindi.) Iyon ang diwa ng isyung ito. Hindi umiiral ang diyos na sinasampalatayaan niya; hangin lang ang diyos niya. Samakatwid, anuman ang sabihin ng bibig niya tungkol sa Diyos, gaano man siya manalangin sa Diyos, kahit pa ilang taon na siyang nananampalataya o anuman ang ginawa niya o gaano man ang isinakripisyo niya, lubusang nailalantad ang kalikasan niya batay sa pananalita at pag-uugali niya, sa saloobin niya sa Diyos, at sa saloobin niya sa lahat ng bagay na may kinalaman sa Diyos. Tinatrato niya ang Diyos na parang hangin; hindi ba’t paglapastangan ito sa Diyos? (Oo.) Bakit itinuturing ito na paglapastangan? Iniisip niya na, “Sinasabi nilang sinisiyasat ng diyos ang puso ng tao—pero nasaan ba ang diyos? Bakit hindi ko pa ito naramdaman? Sinasabi rin nila na parurusahan ng diyos ang pagnanakaw sa mga handog, pero wala pa naman akong nakikitang sinuman na nagdusa ng paghihiganti dahil sa pagnanakaw sa mga handog.” Itinatatwa niya ang pag-iral ng Diyos; ito ay paglapastangan sa Diyos. Sinasabi niya, “Ni hindi nga umiiral ang diyos; paanong ginagawa niya ang anumang gawain? Paanong inililigtas niya ang mga tao? Paanong sinaway niya ang mga tao? Sino na ang pinarusahan niya? Hindi ko pa ito nakitang mangyari kailanman, kaya puwedeng malayang gamitin ang anumang inihandog sa diyos. Kung makita ko iyon ngayon, akin na iyon—ituturing ko itong pagpabor ng diyos sa akin. Ang sinumang makakita nito o makatagpo nito, sa kanya na iyon; siya ang pinaboran ng diyos.” Anong klaseng lohika ito? Ito ang lohika ni Satanas, ng mga magnanakaw; ito ay paglabas ng maladiyablong kalikasan. Ang gayong tao ba ay may tunay na pananalig? (Wala.) Pagkatapos makinig sa napakaraming sermon, naglilitanya siya ng gayon karaming maladiyablong salita; mayroon ba siyang kahit na ano man lang na pundasyon ng katotohanan? (Wala.) Kung gayon ano ang napala niya sa pakikinig sa lahat ng sermong iyon? Hindi pa niya tinatanggap ang mga salita ng Diyos, hindi niya itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, at hindi niya tinatrato ang Diyos bilang Diyos. Ganoon lang iyon.

May ilang taong nananampalataya nga sa kanilang puso na may Diyos at wala silang kahit na katiting na pagdududa sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Pero bagaman ilang taon na silang sumusunod sa Kanya, nagdusa na sila ng ilang paghihirap, at nagbayad na ng kaunting halaga, wala sila ni katiting na pagkaunawa sa Diyos sa kaibuturan ng puso nila. Ang totoo, ang pinananampalatayaan nila ay isang malabong diyos pa rin, isang diyos na nabuo sa imahinasyon nila; ang pakahulugan nila sa Diyos ay isang hangin lamang. Paano tinatrato ng Diyos ang mga taong ito? Binabalewala Niya lang sila. Nagtatanong ang ilan na, “Kung binabalewala sila ng Diyos, bakit sila nananatili sa sambahayan ng Diyos?” Nagtatrabaho sila. Paano ba dapat ikonsepto ang pagtatrabaho? Ang isang taong nagtatrabaho ay walang interes sa katotohanan, o sa halip, napakababa ng kanyang kakayahan kaya hindi niya ito maabot. Itinuturing niya ang Diyos at ang katotohanan bilang isang bagay na hungkag at malabo, pero para magkamit ng mga pagpapala, makakaasa lamang siya sa kaunting pagsisikap bilang kapalit. Bagama’t sa panlabas ay hindi niya tuwirang nilalabanan ang Diyos, isinusumpa ang Diyos, o sinasalungat ang Diyos, ang diwa niya ay kauri pa rin ng kay Satanas—isa na itinatatwa at nilalabanan ang Diyos. Sinumang hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi mabuti, napagpasyahan na ng Diyos sa Kanyang puso na huwag iligtas ang mga gayong tao. Para sa mga hindi nilalayong iligtas ng Diyos, magiging seryoso pa rin ba Siya sa kanila? Sasabihin ba sa kanila ng Diyos na, “Hindi mo nauunawaan ang aspektong ito ng katotohanan, kailangan mong makinig nang mabuti; hindi mo nauunawaan ang aspektong iyon ng katotohanan, kailangang mas magsikap ka pa at pagbulayan ito”? Bukod pa rito, alam ng Diyos na hindi nauunawaan ng mga taong ito ang katotohanan at hindi nila itinuturing ang Diyos na Diyos. Dapat bang magpakita sa kanila ng mga himala at kababalaghan ang Diyos para malaman nila ang pag-iral Niya, o bigyang-liwanag at tanglawan pa Niya sila para malaman nilang may Diyos? Kikilos ba ang Diyos sa ganitong paraan? (Hindi.) May mga prinsipyo ang Diyos sa paggawa ng mga bagay na ito; hindi Siya kumikilos sa ganitong paraan kung kani-kanino lang. Para sa mga kayang tanggapin ang katotohanan, palaging gumagawa ang Diyos. Ano ang saloobin ng Diyos sa mga hindi kayang tanggapin ang katotohanan o hindi magawang abutin ito? (Binabalewala Niya sila.) Ayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, kung binabalewala ng Diyos ang isang tao, ang taong ito ay pagala-gala na parang pulubi. Hindi siya makikita na hinahangad ang katotohanan, ni kakikitaan ng anumang aksyon ng Diyos; nagtatrabaho lamang siya, at hindi niya nauunawaan ang katotohanan. Iyon na ba iyon? Ang katunayan, puwede ring matamasa ng mga taong ito ang ilan sa biyaya at mga pagpapala ng Diyos. Kapag nalagay sila sa mapapanganib na sitwasyon, iingatan din sila ng Diyos. Kapag malubha ang sakit nila, pagagalingin din sila ng Diyos. Maaari ngang bigyan Niya pa sila ng ilang espesyal na talento, o sa ilang espesyal na pagkakataon, maaaring gumawa ng mga mahimalang pagkilos ang Diyos sa kanila, o gumawa ng ilang espesyal na bagay. Ibig sabihin, kung talagang kayang gugulin ng mga taong ito ang sarili nila para sa Diyos at magtrabaho nang maayos nang hindi nagdudulot ng mga kaguluhan, hindi sila didiskriminahin ng Diyos. Ano ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa usaping ito? “Hindi ililigtas ng Diyos ang mga taong ito, kaya gagamitin Niya lang sila kung paano Niya gustuhin at iwawaksi sila kalaunan.” Ganito ba kikilos ang Diyos? Hindi ganito. Huwag ninyong kalimutan kung sino ang Diyos; Siya ay ang Lumikha. Sa buong sangkatauhan, sila man ay mga mananampalataya o walang pananampalataya, mula sa anumang denominasyon o etnisidad, sa mga mata ng Diyos, silang lahat ay mga nilikha Niya. Kaya sinabi ng Panginoong Jesus, “Sapagkat pinasisikat Niya ang Kanyang araw sa masasama at sa mabubuti.” Ang pahayag na ito ay isang prinsipyo kung paano kumikilos ang Diyos—ang Lumikha. Anumang kalalabasan ang sa huli ay ipagkakaloob ng Diyos sa isang tao batay sa diwa nito, o kung ililigtas ba ito o hindi ng Diyos bago ibigay rito ang kalalabasang iyon, anuman ang diwa nito, basta’t magagawa nito ang ilang gawain at makapagtatrabaho ito sa sambahayan ng Diyos at para sa gawain ng Diyos, nananatiling hindi nagbabago ang biyaya ng Diyos; tatratuhin pa rin Niya ito ayon sa Kanyang mga prinsipyo, nang walang anumang pagkiling. Ito ang pagmamahal ng Diyos, ang prinsipyo ng Kanyang mga pagkilos, at ang Kanyang disposisyon. Gayumpaman, ayon sa diwa ng mga taong ito, ang mga pananaw at saloobin nila sa Diyos ay na palagi nilang itinuturing ang Diyos bilang malabo at hindi maliwanag, na para bang umiiral Siya pero hindi rin. Hindi nila makilala ang tunay na pag-iral ng Diyos, ni maranasan ito, at sa huli ay hindi pa rin sila sigurado sa totoong pag-iral ng Diyos. Kaya, sa pagturing sa kanila, ang magagawa lang ng Diyos ay ang dapat Niyang gawin, ang bigyan sila ng kaunting biyaya, bigyan sila ng ilang pagpapala at proteksyon sa buhay na ito, hayaan silang madama ang init ng sambahayan ng Diyos, at na matamasa ang biyaya, habag, at mapagmahal na kabaitan ng Diyos. At iyon na iyon—iyon na lahat ang pagpapalang matatanggap nila sa buhay na ito. Sinasabi ng ilang tao: “Dahil masyado namang mapagparaya ang Diyos at natatamasa rin nila ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos, hindi ba’t mas mabuti kung ituloy na lang iyon at hayaan na lang silang matanggap din ang pagliligtas ng Diyos?” Iyon ay isang kuru-kuro ng tao, hindi kumikilos ang Diyos nang ganoon. Bakit hindi? Mailalagay mo ba ang Diyos sa puso ng isang tao na wala namang puwang para sa Diyos sa puso niya? Hindi. Kahit gaano pa karaming katotohanan ang ibahagi mo sa kanya o gaano pa karaming salita ang sabihin mo, walang saysay iyon; hindi niya mababago ang mga kuru-kuro at imahinasyon niya sa Diyos. Samakatwid, ang magagawa lamang ng Diyos para sa ganitong uri ng tao ay ang magbigay ng kaunting biyaya, mga pagpapala, pangangalaga, at proteksyon. May ilan na nagsasabing: “Dahil matatamasa naman nila ang biyaya ng Diyos, kung mas bibigyang-liwanag at tatanglawan pa sila ng Diyos, hindi ba’t makikilala nila ang totoong pag-iral ng Diyos?” Kaya bang maunawaan ng mga gayong tao ang katotohanan? Kaya ba nilang isagawa ang katotohanan? (Hindi.) Kung hindi nila kayang isagawa ang katotohanan, itinatakda na sila nito bilang mga hindi maaaring mailigtas. Samakatwid, hindi na gagawa pa ang Diyos ng walang saysay o walang silbing gawain. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi tama iyon. Minsan nahaharap din sila sa pagdidisiplina o nagkakaroon din sila ng kaunting kaliwanagan mula sa Diyos at nagkakamit ng kaunting katotohanan mula sa Kanya.” Ito ay may kinalaman na naman sa gawain ng Diyos. Ano ang dapat taglayin ng mga gustong iligtas ng Diyos para iligtas sila ng Diyos, para maging layon sila ng Kanyang pagliligtas? Dapat maunawaan ito ng mga tao. Alam din ito ng Diyos; hindi Niya inililigtas ang kahit sino na lang. Kahit pa magpakita ang Diyos ng ilang himala, kababalaghan, at kapangyarihan para kilalanin Siya ng mga tao, puwede bang maligtas ang mga taong ito? Hindi ganoon ang nangyayari. May mga pamantayan ang Diyos sa pagliligtas sa mga tao; dapat may tunay na pananalig ang isang tao at mahal din niya ang katotohanan. Kaya, ang gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao na kinasasangkutan ng paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ay may mga pamantayan din. Sinasabi ng ilang tao: “Madalas kaming nahaharap sa paghatol at pagkastigo. Ang pagharap ba sa paghatol at pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino ay tanda na ililigtas kami ng Diyos?” Ganoon ba iyon? (Hindi.) Paano ka nakakasiguro na hindi? Dahil hindi natutugunan ng ilang tao ang mga kondisyon para mailigtas ng Diyos, magpapataw pa rin ba ang Diyos ng paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino sa kanila? Dito nagkakaroon ng katanungan tungkol sa kung kanino ipinapataw ng Diyos ang Kanyang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino; kinasasangkutan din ito ng mga maling pagkakaunawa ng mga tao. Sabihin ninyo sa Akin, matatanggap ba ng isang tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos kung hindi man lang nito alam kung sino ang Diyos, kung nasaan ang Diyos, o kung umiiral nga ba ang Diyos? Ang isang tao ba na itinuturing ang Diyos bilang hangin lang ay matatanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos? Matatanggap ba ng isang tao ang mga pagsubok at pagpipino ng Diyos kung ang puso nito ay lubusang walang Diyos? Siguradong hindi. Kung gayon, ano ang maaaring makaharap sa ilang pagkakataon ng gayong mga tao? (Pagdidisiplina.) Tama iyan, pagdidisiplina. Ang mga nagtuturing sa Diyos bilang hangin lamang, na pangunahing hindi kinikilala o pinaniniwalaan ang pag-iral ng Diyos, ay siguradong hindi matatanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos o ang mga pagsubok at pagpipino Niya. Maaaring sabihin na ang mga taong may gayong diwa at gayong mga pag-uugali ay hindi ang mga layon ng pagliligtas ng Diyos. Hindi nila matatanggap ang pagliligtas ng Diyos, pero hindi sa hindi sila ililigtas ng Diyos—pinagpasyahan na ito ng kalikasang diwa nila na tutol sa katotohanan at kinamumuhian ang katotohanan. Wala silang wastong saloobin ng pagmamahal at pagtanggap sa katotohanan, kaya hindi nila natutugunan ang mga kondisyon para maligtas. Kung gayon paano sila tinatrato ng Diyos kapag pinapasok nila ang sambahayan ng Diyos para mag-asam ng mga pagpapala? Bukod sa pagtutustos ng kaunting pagpapala, biyaya, at pangangalaga at proteksyon, ano ang mga pamamaraang ginagamit ng Diyos para tuparin ang papel Niya bilang ang Lumikha? Nagbibigay ng mga paalala, babala, at panghihikayat ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Kasunod nito, pinupungusan, sinasaway, at dinidisiplina Niya sila; doon na nagtatapos ang gawaing ginagawa ng Diyos sa kanila, lahat ng iyon ay nasa saklaw na ito. Ano ang epekto ng mga pagkilos na ito ng Diyos sa mga tao? Tinutulutan sila nitong masunuring sumunod sa mga pagbabawal, umasal nang disente habang nagtatrabaho sa sambahayan ng Diyos, nang hindi nagdudulot ng mga pagkakagulo o gumagawa ng masama. Ang ginagawa ba ng Diyos ay magsasanhi na matapat na tuparin ng mga tao ang kanilang tungkulin? (Hindi.) Bakit hindi? Ang biyaya, mga pagpapala, pangangalaga, at proteksyong natatanggap ng mga tao—pati na ang mga pagpapaalala ng mga salita ng Diyos, ang pagpupungos, pagtutuwid, at pagdidisiplina, at iba pa—ay maghahatid ba ng pagbabago sa kanilang disposisyon? (Hindi.) Hindi makapaghahatid ng pagbabago ang mga iyon sa disposisyon nila, kung gayon anong epekto ang nakakamit ng paggawa ng Diyos sa kanila? Ginagawa sila nitong medyo nalilimitahan sa kanilang pag-uugali, tinutulungan silang sumunod sa mga panuntunan, at ginagawa silang magkaroon ng kaunting wangis ng tao sa panlabas. Bukod pa rito, ginagawa sila nitong maging medyo masunurin; may pag-aatubili nilang tatanggapin ang pagpupungos alang-alang sa biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at magagawa nila ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga regulasyon at atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, at iyon na lahat iyon. Ang pagkamit ba sa lahat ng ito ay nangangahulugang isinasagawa nila ang katotohanan? Malayo pa rin sila roon, dahil ang ginagawa nila ay pangunahing naaayon lamang sa mga prinsipyo sa mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, pati na rin sa ilang mahihigpit na alituntunin. Pagbabago lang ito sa pag-uugali, wala nang iba. Kung gayon puwede bang sabihin ng isang tao na, dahil nabago naman ng mga taong ito ang pag-uugali nila, mas makabubuti pa ngang hayaan silang baguhin pati na rin ang disposisyon nila? (Hindi nila kayang gawin iyon.) Hindi nila kayang gawin iyon, hindi nila makakamit iyon—ito ang isang dahilan. At ano ang pinakapangunahing dahilan? Iyon ay na wala talaga sa puso nila ang Diyos; hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos. Kaya, para sa mga gayong tao, mauunawaan ba nila ang mga salita ng Diyos? Kaya ng ilan sa kanila, at sinasabi nila, “Mabuti ang mga salita ng Diyos, pero sa kasamaang-palad, hindi ko maisagawa ang mga iyon. Ang pagsasagawa sa mga iyon ay mas masakit pa kaysa sa operasyon sa puso.” Kapag nakokompromiso ang mga pansariling interes nila, o kapag kailangan nilang kumilos nang labag sa kalooban nila, nakakaramdam sila ng labis na pagkalito at hindi sila makasunod. Kahit na pagurin pa nila nang husto ang sarili nila, hindi talaga nila maisagawa ang mga salita ng Diyos. Dagdag pa rito, hindi nila kailanman kinikilala o tinatanggap ang katunayan na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Hindi nila matanggap ito; hindi nila maunawaan kung bakit ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Halimbawa, kapag sinasabi ng Diyos sa mga tao na maging matapat sila, sinasabi nila, “Sige, magiging matapat akong tao kung sinasabi Mo, pero bakit itinuturing na katotohanan ang pagiging matapat na tao?” Hindi nila alam at hindi nila matanggap ito. Kapag sinasabi ng Diyos na dapat magpasakop ang mga tao sa Kanya, kinukuwestiyon nila na, “Kikita ba kami sa pagpapasakop sa Diyos? Nagkakaloob ba ng mga pagpapala ang Diyos para sa pagpapasakop sa Kanya? Mababago ba nito ang destinasyon ng isang tao?” Hindi nila iniisip na katotohanan ang anumang sinasabi o ginagawa ng Diyos. Wala silang ideya kung ano ang kabuluhan ng mga salita at hinihingi ng Diyos sa tao at hindi nila makilatis kung anong mga kilos ang tama at naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Lahat ng nagmumula sa Diyos—ang pagkakakilanlan ng Diyos, ang diwa ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga hinihingi ng Diyos—ang lahat ng ito, sa pananaw nila, ay hindi matutukoy bilang mga pag-aari at pagiging Diyos ng Diyos. Hindi nila alam na ang Diyos ay ang Lumikha; hindi nila nauunawaan kung ano ang Lumikha, o kung ano ang Diyos. Hindi ba’t problema ito? Pero ganito mismo ang pag-uugali ng ilang tao. Sinasabi ng iba: “Hindi tama iyan. Kung may ganito silang mga kaisipan at pananaw, paanong handa pa rin nilang gampanan ang mga tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos?” Ang salitang “handa” rito ay dapat na nasa panipi. Paano ito dapat ipaliwanag? Sa isang banda, ginagampanan nila ang mga tungkulin nila dahil napipilitan sila dahil sa sitwasyon o dahil sa pangangailangan nila para sa mga pagpapala; sa kabilang banda, sa tingin nila ay wala na silang magagawa pa kundi ang sumunod na lang muna nang may pag-aatubili, ang gumanap ng ilang tungkulin at gumugol ng kaunting lakas. Sa puso nila, naniniwala silang ito ang dapat nilang gawin, pero dahil wala silang interes sa katotohanan, makagugugol lamang sila ng lakas at makagaganap ng mga tungkulin kapalit ng mga pagpapala ng Diyos. Kung may ganitong klase ng pag-iisip, matatanggap ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Hindi nga nila nauunawaan kung ano ang katotohanan, paano pa nila tatanggapin ito?

Ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay para tapusin ang kapanahunang ito. Kung maliligtas ba o hindi ang isang tao ay kritikal na nakadepende sa kung matatanggap ba niya ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at kung matatanggap ba niya ang katotohanan. Kinikilala ng ilang tao na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, pero hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Para sa kanila, ang tanggapin ang katotohanan ay parang ang magkaroon ng heart transplant; ganito kahirap sa kanila ito. Kung ganito tinatrato ng ganitong uri ng tao ang katotohanan, tumatangging tanggapin ito anuman ang mangyari, hindi ang Diyos ang Siyang dapat na sisihin sa hindi pagliligtas sa kanila—sila lang ang masisisi sa hindi pagtanggap sa katotohanan; wala silang ganitong pagpapala. Ang pagliligtas ng Diyos sa mga tao mula sa impluwensiya ni Satanas ay hindi kasingsimple ng iniisip ng mga tao. Sa isang banda, ang mga sumasampalataya sa Diyos ay dapat na tanggapin ang pagtutuwid at pagpupungos sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos; ito ay isang yugto. Sa kabilang banda, dapat din nilang tanggapin ang paghatol at pagkastigo, ang mga pagsubok at ang pagpipino ng Diyos. Ang paghatol at pagkastigo ay isang yugto; ang mga pagsubok at ang pagpipino ay isa pa. Atubiling matatanggap ng ilang tao ang pagpupungos, sa pag-aakalang nagawa na nilang magpasakop, at pagkatapos ay hindi na sila umuusad at hindi na nila pinagsisikapan ang katotohanan. Partikular na minamahal ng iba ang katotohanan at natitiis nila ang anumang pasakit para matamo ang katotohanan. Hindi lamang nila natitiis ang pagtutuwid ng mga salita ng Diyos kundi kaya pa nilang pumasok sa yugto ng pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Pakiramdam nila, ang pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos ay pagtataas ng Diyos, pagmamahal ng Diyos, at isang maluwalhating bagay: hindi nila kinatatakutan ang pagdurusa. Pagkatapos maranasan ang paghatol at pagkastigo, kaya ring tanggapin ng mga taong ito ang mga pagsubok at ang pagpipino at hinahangad pa rin nila ang katotohanan. Gaano man katindi ang mga pagsubok at pagpipino, nakikita pa rin nila ang pagmamahal ng Diyos, at naihahandog nila ang kanilang sarili para mapalugod ang Diyos. Gaano man sila pungusan, hindi nila ito itinuturing na paghihirap; sa halip, nadarama nilang higit pa ngang pagmamahal ito mula sa Diyos. Matapos maranasan ang mas marami pang mga pagsubok at pagpipino, nakakamit nila sa wakas ang ganap na pagdadalisay at pagpeperpekto. Ito ang maranasan ang gawain ng Diyos sa pinakamataas na yugto. Ngayon sabihin ninyo sa Akin, may pagkakaiba ba sa pagitan ng mga nananampalataya sa Diyos at nararanasan lamang ang iisang yugto ng pagtutuwid ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at ng mga nararanasan ang dalawang yugto—ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, pati na rin ang mga pagsubok at pagpipino? Siguradong may pagkakaiba. Para sa ilang tao, tumitigil na ang Diyos pagkatapos ng pagtutuwid sa kanila, bahala na ang sarili nilang pagpapasya at kamalayan sa iba pa. Kung hindi nila tatanggapin ang katotohanan at hindi nila pipiliin ang tamang landas, ano ang ipinahihiwatig nito? Maaaring sabihin na walang paraan ang Diyos na iligtas ang mga gayong tao. May ilang taong madalas na nagsasalita tungkol sa pagdurusa sa gawain, pagdurusa sa mga inaasahan, pagdurusa sa bahay, pagdurusa sa kapareha, pagdurusa sa pagmamahal—para sa kanila, ang lahat ay pagdurusa, at ano ang huling resulta? (Wala itong kinalaman sa katotohanan.) Tama iyan, wala itong kinalaman sa katotohanan at walang kinalaman sa gawain ng Diyos. Ang ginagawa mo lang sa sitwasyong ito ay ang magdusa nang walang patutunguhan; nahihirapan ka lang at nagpapalipas ng panahon, nang walang anumang proseso ng pananalangin sa Diyos o paghahanap sa katotohanan. Hindi iyon ang klase ng “pagdurusa” na nasasangkot sa pagpipino, dahil hindi ito gawain ng Diyos at wala itong kinalaman sa Kanya. Ikaw lang ang nagdurusa, hindi ka dumaraan sa pagpipino ng Diyos. Pero iniisip mo pa rin na ang Diyos ang nagpipino sa iyo; masyado ka lang optimistiko. Nangangarap ka lang! Hindi ka nga kwalipikadong pinuhin ng Diyos. Hindi ka pa nga dumaraan sa yugto ng pagkastigo at paghatol, pero umaasa kang isasailalim ka ng Diyos sa mga pagsubok at pagpipino? Ni posible ba iyon? Hindi ba’t pangangarap lang iyon nang gising? Matitiis ba ng mga ordinaryong tao ang mga pagsubok at pagpipino? Ito ba ay isang bagay na matatanggap ng ordinaryong tao? Ito ba ay isang bagay na ipinagkakaloob ng Diyos sa ordinaryong tao? Hinding-hindi. Pagkatapos ituwid ng Diyos ang isang tao, kung ang taong iyon, dahil sa kanyang mayabang na disposisyon, sa kanyang pagiging mapagmatigas, panlilinlang, kabuktutan, o anumang iba pang disposisyon, ay hinahatulan, dinidisiplina, o tahasang itinutuwid ng Diyos sa isa o maraming usapin, na nagpapabatid sa kanya kung bakit siya dinidisiplina ng Diyos—at, dahil dito, nagkakaroon siya ng isang tunay na pagkaunawa sa Diyos at sa kanyang sarili, sumasailalim sa tunay na pagbabago ang disposisyon niya, pagkatapos ay unti-unti niyang nakakamit ang tunay na pagpapasakop sa katotohanan—sa ganitong proseso lamang hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao. Sa anong batayan ginagampanan ng Diyos ang gawaing ito? May isang kondisyon: Ang taong tumatanggap ng gayong gawain ay dapat na magampanan nang sapat ang kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Ang kasapatang ito ay nangangailangan lamang ng dalawang bagay: pagpapasakop at katapatan. Una, kailangang may konsensiya at katwiran ang taong ito; ang mga taong may konsensiya at katwiran lang ang makatutugon sa mga kondisyon para matanggap ang katotohanan. Kapag ang mga gayong tao na may konsensiya at katwiran ay natatanggap ang pagtutuwid ng Diyos, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan at magpasakop. Pagkatapos lamang nito saka magpapatuloy ang Diyos sa gawain ng paghatol at pagkastigo. Iyon ang pagkakasunod-sunod ng gawain ng Diyos. Gayumpaman, kung may isang tao sa sambahayan ng Diyos na hindi kailanman kayang gampanan nang tapat ang kanyang tungkulin, hindi nagpapakita ni katiting na pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at nabibigong gampanan nang sapat ang kanyang mga tungkulin, kapag naharap siya sa mga kagipitan, kapag nabunyag o pinungusan siya, ang nararanasan lamang niya ay ang pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos. Hindi siya isinasailalim sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, lalo na sa mga pagsubok at pagpipino. Sa madaling salita, talagang hindi siya kasama sa gawain ng Diyos ng pagpeperpekto sa mga tao.

Ang nilalaman na katatapos lamang natin pagbahaginan ay tungkol sa gawain ng pagliligtas at pagpeperpekto ng Diyos sa mga tao, sa mga pamamaraan at pakay ng gawain ng Diyos, pati na rin sa kung aling mga tao ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol at pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino. Tinalakay rin nito ang antas ng buhay pagpasok ng mga tao kapag napasasailalim sa gawaing ito ng Diyos, at ang uri ng diwa at mga kondisyong dapat taglay man lang ng mga tao para matanggap nila ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ano ang mga kuru-kuro ng tao rito? Iniisip ng mga tao na, “Basta’t sumusunod ang isang tao sa Diyos, basta’t tinanggap niya ang hakbang na ito ng gawain ng Diyos, nakatakda siyang mapasailalim sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Pagkatapos darating din agad ang mga pagsubok at pagpipino mula sa Diyos. Samakatwid, madalas tayong nahaharap sa mga pagsubok, pagpipino, at pagpupungos, at napagkakaitan tayo ng pamilya, mga pagmamahal, katayuan, at mga inaasahan. Kasunod nito, patuloy tayong nagdurusa pagdating sa ating mga damdamin, katayuan, at inaasahan.” Tumpak ba ang mga pahayag na ito? (Hindi.) Kayang baguhin ng mga tao ang isang salita mula sa mga salita ng Diyos at gawin itong isang espirituwal na salita na kanilang pinaniniwalaan—bakit ganoon? Ang katunayan, ang pagdurusa nila ay pawang paghihirap lamang, pagpapalipas lang ito ng oras; wala itong anumang kabuluhan. Subalit itinuturing nila ito bilang mga pagsubok at pagpipino, sinasabing mga pagpipino ito ng Diyos. Napakaseryosong pagkakamali nito; ito ay isang bagay na puwersahang ipinapataw ng mga tao sa Diyos, at hinding-hindi nito kinakatawan ang mga layunin ng Diyos. Hindi ba’t maling pagkakaunawa ito sa Diyos? Talagang maling pagkakaunawa ito. At paano ba nabubuo ang maling pagkakaunawang tulad nito? Dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, nakakabuo sila ng mga gayong maling pagkakaunawa batay sa mga imahinasyon nila. Kasunod nito, walang pakundangan nilang ipinalalaganap at ikinakalat ang mga iyon saanman, na kalaunan ay humahantong sa iba’t ibang pahayag tungkol sa “pagdurusa.” Kaya, madalas Kong naririnig na sinasabi ng ilang tao na, “May isang taong pinalitan at pagkatapos ay naging negatibo; siya ay ‘nagdurusa sa katayuan’!” Ang pagdurusa sa katayuan ay hindi pagdanas ng mga pagsubok at pagpipino; ito ay ang pagkawala lamang ng katayuan ng isang tao, pagdurusa ng emosyonal na kabiguan, at paghihirap ng kalooban habang nabibigo. Dahil magkaiba ang tinatawag ng tao na “pagdurusa” at ang tinatawag ng Diyos na pagpipino, ano ba talaga ang tinutukoy ng tunay na pagpipino? Una sa lahat, unawain ninyo na ginagampanan ng Diyos ang maraming gawaing paghahanda bago isailalim ang mga tao sa mga pagsubok at pagpipino. Isa na roon ay pumipili Siya ng mga tao; humihirang Siya ng mga tamang tao. Kanina tinalakay na natin kung anong uri ng tao ang maituturing na tama sa mga mata ng Diyos at kung aling mga kondisyon ang dapat nilang matugunan: Una, dapat man lang ay may konsensiya at katwiran sila sa kanilang pagkatao. Pangalawa, dapat ay magampanan nila nang husto ang kanilang mga tungkulin, magampanan ang mga iyon nang may katapatan at pagpapasakop. Pagkatapos, kailangan nilang sumailalim sa ilang taon ng pagpupungos, pagdidisiplina, at pagtutuwid. Maaaring hindi gaanong malinaw sa inyo kung ano ang ibig sabihin ng pagdidisiplina at pagtutuwid, dahil maaaring hindi masyadong maliwanag para sa inyo ang mga konsepto. Maaaring tila hindi madaling maunawaan at abstrak ang mga iyon para sa mga tao. Pero pagdating sa pagpupungos, iyon ay isang bagay na maririnig at madarama ng mga tao; mayroong partikular na lengguwahe at tiyak na tonong sangkot dito, kaya alam ng mga tao ang nangyayari. Kapag ang isang tao ay may nagawang mali, sumasalungat sa mga prinsipyo, kumikilos nang walang ingat, o mag-isang nagpapasya nang nakakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos o sa gawain ng iglesia, at siya ay pinupungusan, ito ang ibig sabihin ng mapungusan. Ano naman kung gayon ang pagtutuwid at pagdidisiplina? Halimbawa, kung may isang taong hindi angkop na maging isang lider ng grupo at hindi tapat, at gumagawa ng mga bagay na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo o patakaran ng iglesia, at dahil doon ay pinalitan siya, pagtutuwid ba iyon? Iyon ay isang uri nga ng pagtutuwid. Mukha man silang pinangangasiwaan ng iglesia sa panlabas o pinapalitan ng ilang lider, sa mga mata ng Diyos, ito ay paggawa Niya at bahagi ng gawain Niya; isa itong uri ng pagtutuwid. Gayundin, kapag nasa mabuting kalagayan ang mga tao, karaniwan ay puno sila ng liwanag at kaya nilang magkaroon ng mga bagong kabatiran; gayumpaman, kapag nasisira ang gawain nila dahil sa ilang kalagayan o partikular na kadahilanan at sila ay nabubunyag, hindi ba’t isang uri ito ng pagtutuwid? Isang uri din ito ng pagtutuwid. Maituturing ba ang mga ito na paghatol at pagkastigo? Sa puntong ito, hindi pa ito maituturing na paghatol at pagkastigo, kaya siguradong hindi ito maituturing na mga pagpipino at pagsubok. Mga pagtutuwid lamang ito na natanggap habang ginagampanan ng isang tao ang mga tungkulin niya. Ang mga pagpapamalas ng pagtutuwid ay kinapapalooban minsan ng pagkakasakit o paulit-ulit na pagkakamali sa gawain, o pagkalito ng isang tao sa mga bagay kung saan dati naman siyang mahusay at hindi niya pagkaalam kung ano ang gagawin. Pawang pagtutuwid ito. Siyempre, minsan dumarating ang pagtutuwid sa pamamagitan ng mga palatandaan mula sa taong nasa paligid o sa pamamagitan ng kung ano ang ibinubunyag ng isang pangyayari na ipinapahiya ang isang tao, na nagdudulot sa kanya na malalim na suriin ang kanyang sarili at magnilay. Pagtutuwid din ito. Mabuting bagay ba o masamang bagay ang pagtanggap sa pagtutuwid ng Diyos? (Mabuting bagay ito.) Sa teoretikal na pananalita, mabuting bagay ito. Kaya man itong tanggapin o hindi ng mga tao, ito ay isang mabuting bagay, dahil kahit papaano ay pinatutunayan nito na inaako ng Diyos ang responsabilidad para sa iyo, na hindi ka iniwan ng Diyos, at na gumagawa ang Diyos sa iyo, na inuudyukan at ginagabayan ka Niya. Ang katunayan na gumagawa ang Diyos sa iyo ay nagpapatunay na walang balak ang Diyos na sukuan ka. Ang isang implikasyon nito ay na maaaring magpatuloy ang Diyos na ituwid at disiplinahin ka, o, kung ang pagganap mo ay maayos at nasa tamang landas ka, isasailalim ka Niya sa paghatol at pagkastigo. Pero huwag muna tayong masyadong lumayo; sa ngayon, itutuwid at didisiplinahin ka ng Diyos nang maraming beses. Pagkatapos, dahil hinahangad mo ang katotohanan, dahil may pagpapasakop ka, at dahil tamang tao ka, isasailalim ka ng Diyos sa paghatol at pagkastigo; ito ang unang hakbang. Karamihan ng tao ay naranasan na ang mapungusan lang; ang mga baguhan lamang ang hindi pa nakararanas nito. Kadalasan, kumikilos ang mga tao batay sa mga nadarama ng kanilang konsensiya, nararamdaman nila ang pagsaway ng kalooban, nadarama nilang inuudyukan sila ng mga salita ng Diyos sa kanilang mga tenga o puso na, “Hindi ko dapat gawin ito, mapaghimagsik ito”; ito ay pag-uudyok, panghihikayat, at pagbababala sa kanila ng mga salita ng Diyos. May iba’t ibang uri ng pagpupungos na nararanasan ang mga tao: Puwede itong manggaling sa mga lider at manggagawa, sa mga kapatid, sa nasa Itaas, at maging direkta na mula sa Diyos. Naranasan na ito ng maraming tao, pero mas kakaunti ang nakaranas ng pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos. Ano ang ipinahihiwatig ng mas kakaunti rito? Ipinahihiwatig nito na mas maraming tao ang malayong makatanggap ng paghatol at pagkastigo ng Diyos—at paano naman ang mga pagsubok at pagpipino ng Diyos? Lalo nang mas malayo sila rito; lalo nang mas malaki ang agwat, lalo nang mas malayo ang distansiya. Dati, inakala ng mga tao na: “Hinatulan at kinastigo ako ng Diyos, nilagyan ako ng singaw sa bibig ko,” “Hinatulan at kinastigo ako ng Diyos, nagkamali ako, may nasabi akong mali, at sumakit ang ulo ko nang ilang araw; ngayon ay nauunawaan ko na kung ano ang paghatol at pagkastigo ng Diyos”—hindi ba’t mga maling pagkakaunawa ito? Ang ganitong uri ng maling pagkaunawa sa Diyos ang pinakakaraniwan; karamihan ng tao ay nauunawaan nang mali ang Diyos sa ganitong paraan. Ang maling pagkaunawang ito ay nagbubunga rin ng ilang negatibong epekto, ipinararamdam sa mga tao na ang pagsasabi ng isang maling salita ay magreresulta sa pagdidisiplina ng Diyos. Ito ay ganap na maling pagkaunawa sa Diyos, at ganap na hindi naaayon sa ginagawa ng Diyos. Kung may gayong mga maling pagkaunawa sa Diyos, matutugunan ba sa huli ng isang tao ang mga hinihingi ng Diyos? Siguradong hindi niya iyon magagawa.

Ngayon, karamihan ng tao ay naranasan na ang pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos, naranasan na ang mapungusan, at nakatanggap na ng pag-uudyok at panghihikayat mula sa mga salita ng Diyos, pero iyon lang. Narito ang tanong: Bakit hindi pa nararanasan ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos kahit na matapos silang makaranas hanggang sa hakbang na ito? Bakit hindi maituturing ang pagpupungos, ang pag-uudyok ng mga salita ng Diyos, o ang pagdidisiplina at pagtutuwid bilang paghatol at pagkastigo? Mula sa perspektiba ng pag-uudyok ng mga salita ng Diyos, ng pagpupungos, at ng pagtutuwid at pagdidisiplina na naranasan ng mga tao, ano ba ang resultang nakamit? (Nagkamit sila ng mga pagpipigil sa kanilang panlabas na pag-uugali.) May ilang pagbabagong nangyari sa kanilang pag-uugali, pero nagpapahiwatig ba ito ng pagbabago sa disposisyon? (Hindi.) Hindi ito kumakatawan sa pagbabago sa disposisyon. Sinasabi ng ilang tao: “Napakaraming taon na kaming nananampalataya sa Diyos at nakarinig na kami ng napakaraming sermon, pero hindi pa rin nagbabago ang mga disposisyon namin. Hindi ba’t naagrabyado kami? Kaunti lang ang naging pagbabago sa pag-uugali namin; hindi ba’t labis na kaawa-awa ito? Kailan ba kami sisimulang iligtas ng Diyos? Kailan namin matatanggap ang kaligtasan?” Kaya talakayin natin kung anong mga pakinabang at pagbabago na ang nangyari sa mga dumanas ng iba’t ibang aspektong ito ng gawain ng Diyos. Ngayon-ngayon lang ay may nagbanggit ng tungkol sa mga pagbabago sa pag-uugali; isa itong pangkalahatang pahayag. Sa mas partikular na pananalita, nang unang dumating sa iglesia at magpasan ng kanilang mga tungkulin ang mga tao, hindi pa sila napupungusan, at matinik sila tulad ng kaktus, gusto nilang sila ang may huling pasya sa mga bagay-bagay. Iniisip nila: “Ngayong nananampalataya na ako sa Diyos, mayroon na akong mga karapatan at kalayaan sa iglesia, kaya kikilos ako batay sa kung ano sa tingin ko ay tama.” Kalaunan, kapag dumaan na sila sa pagpupungos at pagdidisiplina, at kapag nabasa na nila ang mga salita ng Diyos, nakapakinig na sila sa mga sermon, at narinig na nila ang pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, hindi na sila naglalakas-loob na umasal nang ganito. Ang totoo, hindi pa sila ganap na sumusunod; nagkamit lang sila ng kaunting pagkaunawa at nakakaunawa lang sila ng ilang doktrina. Kapag nagsasabi ang iba ng mga bagay na umaayon sa katotohanan, kinikilala nila ang pagiging tama ng mga bagay na ito, at hindi man nila naiintindihang mabuti ang mga bagay na iyon, natatanggap nila ang mga ito. Hindi ba’t mas sumusunod na sila kaysa noon? Ang kakayahan nilang tanggapin ang mga bagay na ito ay nagpapakita na ang kanilang pag-uugali ay sumailalim sa ilang pagbabago. Paano nagkaroon ng mga pagbabagong ito? Ang mga ito ay lumitaw dahil sa payo at pag-udyok, at dahil na rin sa pag-alo, ng mga salita ng Diyos. Kung minsan, ang gayong mga tao ay nangangailangan ng ilang disiplina, ilang pagpupungos, pati na rin ng ilang pagbabahaginan sa mga prinsipyo, sinasabi sa kanilang ang isang bagay ay dapat gawin sa isang partikular na paraan at hindi maaaring gawin sa ibang paraan. Iniisip nila: “Kailangan ko itong tanggapin. Nakalantad na roon ang katotohanan; sino ang mangangahas na tumutol doon?” Sa sambahayan ng Diyos, ang Diyos ay dakila, ang katotohanan ay dakila, at ang katotohanan ay naghahari; sa pamamagitan ng teoretikal na pundasyong ito, ang ilang tao ay namulat na at naunawaan na kung ano ba ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pananalig sa Diyos. Gawin nating halimbawa ang isang taong noong una ay mabangis at talipandas, ganap na hindi napipigilan, at walang alam sa mga patakaran, sa pananampalataya sa Diyos, sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia, at sa mga prinsipyo sa pagganap ng tungkulin ng isang tao: Kapag ang gayong tao—na walang nalalaman—ay dumating sa sambahayan ng Diyos nang may kabaitan at sigasig, punong-puno ng mga “dakilang” hangarin at inaasam, at doon ay hinimok at pinayuhan, diniligan at pinakain, at pinungusan ng mga salita ng Diyos, at kinastigo at dinisiplina nang paulit-ulit, ilang pagbabago ang paunti-unting magaganap sa pagkatao ng taong iyon. Ano ang mga pagbabagong iyon? May mauunawaan siya sa mga prinsipyo ng pag-asal ng tao, at malalaman niya na noon ay wala pala siyang wangis ng tao; noon, siya ay mabangis, mapagmataas, masuwayin, at galit; nagsalita siya na hindi gaya ng isang aktuwal na tao at kumilos siya nang walang mga patakaran, at hindi niya alam hanapin ang katotohanan; inakala niya na ang pagkakaroon ng pananalig sa Diyos ay paggawa lamang ng anumang hinihingi ng Diyos at pagpunta sa kung saan man sabihin ng Diyos; na ibig sabihin, nagtaglay siya ng mabangis na kasiglahan, at sa buong panahong iyon ay naniwalang ito ay katapatan at pagmamahal sa Diyos. Ngayon, itinatatwa ng taong ito ang lahat ng bagay na iyon at alam niyang ang mga iyon ay mga bunga ng imahinasyon ng tao, mabuting pag-uugali lamang, at ang iba ay nagmumula pa nga kay Satanas. Dapat pakinggan ng mga mananampalataya ng Diyos ang mga salita ng Diyos at ituring ang katotohanan bilang ang pinakamahalaga sa lahat, at hayaan ang katotohanan na magkaroon ng kapangyarihan sa lahat ng bagay. Sa madaling sabi, sa teorya ay naunawaan at kinilala na ng lahat ng tao, at tinanggap na nila sa kaibuturan ng kanilang puso, na ang mga salitang ito na binigkas ng Diyos ay tama—na ang mga ito ang katotohanan, ang realidad ng mga positibong bagay—gaano man kalalim na nakaugat ang mga salitang ito sa kanilang mga puso at gaano man kalaki ang ginampanang tungkulin ng mga salitang ito. Paglaon, pagkatapos sumailalim sa isang antas ng hindi nakikitang pagtutuwid at disiplina, ilang sukat ng tunay na pananalig ang lumilitaw sa kanilang kamalayan. Mula sa kanilang dating malabong guni-guni tungkol sa Diyos hanggang sa pakiramdam na mayroon sila ngayon—na mayroong Diyos, at na Siya ay labis na praktikal—sa sandaling magkaroon ng ganitong damdamin ang mga tao sa kanilang pananalig sa Diyos, ang kanilang mga saloobin at pananaw, mga paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay, at pamantayang moral, pati na rin ang kanilang mga paraan ng pag-iisip, ay unti-unting magsisimulang magbago. Halimbawa, hinihingi ng Diyos na maging tapat ang mga tao. Kahit na kaya mo pa ring magsinungaling at maging mapanlinlang, alam mo sa kaibuturan mo na mali ang panlilinlang, at na ang pagsisinungaling at panlilinlang sa Diyos ay isang kasalanan, isang buktot na disposisyon—pero hindi mo mapigilan ang sarili mo. Halimbawa, ipagpalagay nating sa kasalukuyan ay may mapagmataas ka pa ring disposisyon. Minsan ay hindi mo mapigilan ang sarili mo, madalas mong ipinapakita ang disposisyong ito, at madalas kang naghihimagsik laban sa Diyos, gusto mo palaging mangibabaw at kumilos nang mag-isa, na ikaw ang magpasya. Pero alam mo rin na ito ay isang tiwaling disposisyon, at kaya mong manalangin sa Diyos tungkol dito. Kahit na walang kapansin-pansing pagbabago, nagsimula nang magbago nang paunti-unti ang pag-uugali mo. Kahit na hindi ka dumaan sa paghatol at pagkastigo, at bagama’t hindi pa nagbago ang disposisyon mo, unti-unting nililiwanagan ng katotohanan at ng mga salita ng Diyos ang kaibuturan ng puso mo, habang ginagabayan at binabago rin ang iyong pag-uugali, na ginagawa kang mamuhay nang mas katulad ng isang tao, unti-unting iminumulat ang konsensiya mo. Kung may ginagawa kang nagkakanulo sa iyong konsensiya, mararamdaman mong hindi mapalagay ang puso mo. Kapag tinatalakay ang bagay na iyon ay may nadarama ka; hindi ka na kasingmanhid ng dati, nagsisisi ka na, at handa ka nang ituwid ang sarili mo. Kahit pa hindi mo agad mabago ang disposisyon mo tungkol dito, kapag nakakanti nito ang kalagayan mo, mamamalayan mo na may ganito kang kalagayan; may kamalayan ka na sa loob mo, at binabago ng kamalayang ito ang pag-uugali mo. Ang gayong pagbabago ay pagbabago lamang sa pag-uugali. Bagama’t nangyayari ito at patuloy itong nangyayari, hindi ito kumakatawan sa pagbabago sa disposisyon; hinding-hindi ito pagbabago sa disposisyon. Maaaring hindi mapalagay ang ilang tao matapos nilang marinig ito, at sabihin nilang, “Malaking pagbabago na iyon pero hindi pa rin ito pagbabago sa disposisyon? Kung ganoon ano ba ang pagbabago sa disposisyon? Ano-ano bang pagbabago ang kasama sa pagbabago ng disposisyon?” Isantabi muna natin iyon sa ngayon; ipagpatuloy nating talakayin ang mga pagbabago na nakamit na ng mga tao, na mga epekto at resulta ng mga salita ng Diyos at ng lahat ng ginawa Niya sa mga tao. Nagsisikap ang mga tao na mabago ang mga iniisip at pananaw nila na hindi naaayon sa katotohanan. Kapag naharap sila sa mga usapin, magkakaroon sila ng kamalayan; ikukumpara nila ang usapin sa katotohanan, sasabihing, “Hindi naaayon ang usaping ito sa katotohanan, pero hindi ko pa mabitawan ang pananaw ko, naroroon pa rin ito.” Namalayan at natutuhan mo lang na ang pananaw mo ay hindi naaayon sa mga salita ng Diyos; mapatutunayan ba nito na nagbago na o na nabitawan mo na ang pananaw mo? Hindi. Hindi pa nagbabago at hindi pa nabibitawan ang pananaw mo, na nagpapatunay na nananatiling buo pa rin ang tiwaling disposisyon mo at hindi pa ito nagsisimulang magbago; tinanggap pa lamang ng kamalayan mo, ng kaibuturan ng puso mo, ang mga salita ng Diyos at itinuring ang mga iyon bilang ang katotohanan. Pero teoretikal at personal na kahilingan lamang ito—hindi mo pa nagiging buhay at realidad ang mga salita ng Diyos. Kapag naging realidad mo na ang mga salita ng Diyos, bibitiwan mo na ang mga pananaw mo, at tatratuhin mo ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay, pati na rin ang lahat ng nangyayari sa paligid mo, gamit ang mga pananaw ng mga salita ng Diyos.