Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 3 (Unang Bahagi)

Ipagpapatuloy natin ngayong pagbahaginan ang tungkol sa isyu ng mga kuru-kuro. Dalawang beses na nating napagbahaginan ang isyung ito dati, at muli natin itong pagbabahaginan ngayon para tapusin na ang paksang ito. Tungkol sa ibinahagi dati, dapat kayong mag-usap-usap, at pagkatapos ay pagnilayan at danasin ninyo ang mga ito nang paunti-unti. Hindi lubusang mauunawaan ang mga paksang ito nang isa o dalawang araw lang; unti-unti lamang mauunawaan ang mga ito sa pamamagitan ng pagdanas at pagdama sa mga ito sa buhay. Ang maibibigay ninyo ngayon na batay lamang sa inyong memorya ay ang nakabisado lang ninyo. Kinakailangan sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ang karanasan; magkakaroon lang ng tunay na pagkaunawa at pagpapahalaga ang isang tao pagkatapos niyang dumanas ng karanasan sa totoong buhay nang ilang panahon. Ang mga kuru-kuro ng mga tao ay pangunahing binubuo ng kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at sa Kanyang gawain. Pinakanaaapektuhan ng dalawang klase ng mga kuru-kurong ito ang paghahangad ng mga tao, kung ano ang pananaw nila sa mga bagay, ang pagkaunawa at saloobin nila sa Diyos, at lalo na ang landas na tinatahak nila sa pananampalataya sa Diyos, pati na rin ang direksyon at mga layong pinipili nila sa kanilang mga buhay. Mula sa dalawang pagbabahaginan natin dati, eksakto na ba ninyong matutukoy kung ano ang ibig sabihin ng mga kuru-kuro? Isang klase ng kuru-kuro ang mga imahinasyon tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Pangunahing naipamamalas ang mga imahinasyong ito sa ilang panlabas na pag-uugali sa pananalita at asal ng mga tao, pati na rin sa mga detalye ng buhay nila, tulad ng pagkain, pananamit, tirahan, at transportasyon. Ito ang pinakamababang antas. Sa susunod na antas, may ilang imahinasyon tungkol sa paghahangad ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos at sa landas na tinatahak niya sa paggawa niyon, pati na rin sa mga hinihingi, imahinasyon, at maling pagkaunawa ng mga tao na kinasasangkutan ng gawain ng Diyos. Ano ang kasama sa mga maling pagkaunawang ito? Bakit tinatawag na maling pagkaunawa ang mga ito? Kapag sinabi nating maling pagkaunawa, siguradong hindi ito isang wastong kaisipan. Sa halip, isang bagay itong hindi tumutugma sa mga katunayan, salungat sa katotohanan, at hindi naaayon at taliwas din sa gawain at disposisyon ng Diyos; o isang bagay na may kalooban ng tao at na nabuo mula sa mga kuru-kuro, imahinasyon, at kaalaman ng mga tao, na walang anumang kinalaman sa Diyos Mismo o sa gawain ng Diyos. Kapag umuusbong ang mga ganitong uri ng mga kuru-kuro, imahinasyon, maling pagkaunawa, at hinihingi, ang ibig sabihin nito ay umabot na sa sukdulan ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos at sa gawain ng Diyos. Sa puntong ito, ano na ang nangyayari sa relasyon ng mga tao at ng Diyos? (May nabubuong hadlang sa pagitan nila.) Mayroong hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos; seryosong isyu ba ito? (Oo.) Kapag nabuo ang ganitong hadlang, ang ibig sabihin nito ay napakalala na ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao. Kapag may nabubuong hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, ang ibig sabihin nito ay dismayado ang mga tao sa ilang bagay na ginawa ng Diyos, ayaw na nilang magtiwala sa Diyos, tratuhin ang Diyos bilang Diyos, o magpasakop sa Diyos. Nagsisimula na silang magduda sa pagiging matuwid at sa disposisyon ng Diyos. Anong mga pagpapamalas ang agad na kasunod nito? (Ang paglaban.) Kung hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan, hindi lamang lumilikha ng hadlang sa mga puso nila ang maling pagkaunawang ito kundi agad din itong nauuwi sa paglaban—paglaban sa katotohanan, sa mga salita ng Diyos, at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Nadidismaya sila sa ginawa ng Diyos, sinasabing, “Hindi naaangkop ang ginagawa Mo; hindi ko aprubado ni sinasang-ayunan ito!” Ang mensaheng ipinahihiwatig nito ay, “Hindi ko kayang magpasakop; ito ang pasya ko. Gusto kong magpahayag ng pagtutol, gusto kong magpahayag ng opinyon na naiiba sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at sa mga hinihingi ng Diyos.” Anong klaseng pag-uugali ito? (Naghihinaing sila.) Umuusbong ang hinaing at pagsalungat kasunod ng paglaban; ito ay paglala. Kapag ang tiwaling disposisyon ng isang tao ang namuno, ang isang kuru-kuro ay makakalikha ng isang hadlang at ng mga hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Kapag hindi kaagad ito nalutas sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, lumalaki ang hadlang, nagiging isang makapal na pader. Hindi mo na nakikita ang Diyos o ang tunay na pag-iral Niya, lalo na ang banal Niyang diwa. Nagsisimula ka nang magduda kung totoo bang Diyos ang nagkatawang-taong Diyos, nawawalan ka na ng interes sa pagkain at pag-inom sa salita ng Diyos, at ayaw mo nang manalangin sa Diyos. Sa ganitong paraan, palayo na nang palayo ang relasyon mo sa Diyos. Bakit nakapagpapakita ng ganoong pag-uugali ang mga tao? Dahil pakiramdam nila, nasaktan ang puso nila, napinsala ang dignidad nila, at napahiya ang pagkatao nila nang dahil sa ginawa ng Diyos. Ganito nga ba talaga? (Hindi.) Ano ba talaga ang nangyayari, kung gayon? (Ito ay dahil hindi pa natutugunan ang mga pagnanais ng mga tao, at dahil naapektuhan ng sitwasyong nakaharap nila ang kanilang mga sariling interes.) Ito ay dahil may tiwaling disposisyon ang mga tao; kapag hindi kaagad natugunan ang magagarbong pagnanais nila, lumalaban sila sa Diyos at sobra silang nadidismaya na gumawa ang Diyos sa paraang hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi nila kinikilala, ni tinatanggap man, na ang ginagawa ng Diyos ay katotohanan at pagmamahal, at na ito ay para iligtas ang mga tao. Bumubuo sila ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa ginawa ng Diyos, na ang ibig sabihin, ang tiwaling disposisyon nila ang may kontrol. Pagkatapos umusbong ng mga hadlang na ito, ano ang mga pagpapamalas ng lahat ng klase ng tiwaling disposisyon na ipinapakita ng mga tao kapag namumuhay sila nang ayon sa mga kuru-kuro? Hindi sila naghahanap, naghihintay, o nagpapasakop, lalo nang hindi sila natatakot sa Diyos o nagsisisi. Nagsisiyasat at nanghuhusga muna sila, pagkatapos ay kumokondena sila, at panghuli ay lumalaban na. Hindi ba’t ang mga pag-uugaling ito ang mismong kabaligtaran ng mga positibong pagpapamalas tulad ng paghahanap, paghihintay, pagpapasakop, pagtanggap, at pagsisisi? (Oo.) Kung gayon, ang mga pag-uugaling ito ay mga kabaligtarang lahat. Pagpapakita ang mga iyon ng isang tiwaling disposisyon; ang kanilang tiwaling disposisyon ang kumokontrol sa kanilang mga aksyon at naiisip, pati na rin sa kanilang saloobin, mga layunin, at mga pananaw pagdating sa paghusga sa mga tao, pangyayari, at bagay. Kapag nagsisiyasat, nagsusuri, nanghuhusga, kumokondena, at lumalaban ang mga tao, ano ang susunod nilang magiging hakbang? (Pagsalungat.) Kasunod nga ay pagsalungat. Ano ang ilang pagpapamalas ng pagsalungat? (Ang pagiging negatibo, ang pagbitaw ng tao sa kanyang mga tungkulin.) Isa nga ang pagiging negatibo; negatibo nilang pinababayaan ang gawain, at binibitawan nila ang kanilang mga tungkulin. Ano pa? (Ang pagpapalaganap ng mga kuru-kuro.) (Ang paghusga.) Ang mga paghusga, ang pagpapalaganap ng mga kuru-kuro, ang lahat ng ito ay ilang pagpapamalas ng pagtutol at pagsalungat sa Diyos. Ano pa? (Maaari nilang ipagkanulo ang Diyos, at ipagkanulo ang tunay na daan.) Iyan ang pinakaseryoso sa lahat; kapag umabot na sa puntong ito ang isang tao, ganap nang lumalabas ang mala-diyablong kalikasan niya, na lubusang itinatatwa at ipinagkakanulo ang Diyos, at maaari niyang talikdan ang Diyos anumang sandali.

Sa ngayon, ano ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga pag-uugaling tumututol at sumasalungat sa Diyos? (Ang pagpapabaya sa gawain sa isang negatibong paraan, ang pagsuko ng isang tao sa kanyang mga tungkulin.) (Ang paghusga sa Diyos.) Ang paghusga sa Diyos at sa Kanyang gawain. (Pagkatapos ay ang pagpapalaganap ng mga kuru-kuro, at sa huli, ang pagkakanulo sa Diyos.) Tingnan natin nang mas detalyado. May pagrereklamo bang sangkot sa pagpapalaganap ng mga kuru-kuro? (Oo.) Minsan, may halong pagrereklamo ang pagpapalaganap ng kuru-kuro, tulad ng, “Hindi matuwid ang ginagawa ng diyos,” “Nananampalataya ako sa diyos, hindi sa mga tao,” at “Naniniwala akong matuwid ang diyos.” May mga natatagong reklamo sa mga salitang ito. Malalalang pag-uugali lahat ang pagpapabaya sa isang negatibong paraan, ang pagpapalaganap ng mga kuru-kuro, at ang paghusga sa Diyos, subalit ang pinakamalala ay ang pagkakanulo. Ang apat na ito ay kitang-kita, malala, at may kalikasang tuwirang lumalaban sa Diyos. Ano ang ilang partikular na pagpapamalas na nasa mga pag-uugaling ito ang naiisip ninyo, ang nakita na ninyo, o ang nagawa pa nga ninyo mismo? (Nariyan din ang pag-udyok; para magpahayag ng pagkadismaya sa Diyos, inuudyukan ng ilan ang iba pa na salungatin ang Diyos.) Isa itong pagpapamalas ng pagpapalaganap ng mga kuru-kuro. Mayroon bang mga tao na mukhang mapagpasakop, pero kapag nananalangin sila ay sinasabi nila na, “Hayaan ang Diyos na ibunyag ito; tama ang ginagawa ko, mabubunyag din naman ang lahat kalaunan; alam kong matuwid ang Diyos”? Maaaring mukhang tama pakinggan ang mga salitang ito, sigurado pa ngang may katwiran, pero nagtatago ang mga ito ng pagsuway at pagkadismaya sa Diyos. Isa itong pagsalungat ng isipan, ito ay negatibong pagpapabaya at negatibong pagsalungat. May iba pa bang aspekto? (Sa kaso ng negatibong pagpapabaya, naririyan din ang pagkakalugmok sa kalungkutan at pagsuko sa kabiguan, ang paniniwalang ganito na lang talaga sila, na ganito lang talaga ang kalikasan nila; iniisip nila na walang makakapagligtas sa kanila, kaya kung gusto silang wasakin ng Diyos, magkaganoon na lang.) Isa itong uri ng tahimik na pagsalungat; negatibo ang talagang kalagayan nila, iniisip nilang hindi mauunawaan ang mga aksyon ng Diyos at hindi talaga maaarok ng mga tao ang mga iyon, kaya anuman ang gustong gawin ng Diyos, hayaan nating gawin Niya iyon. Sa panlabas, tila ba nagpasakop sila sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, pero ang totoo, sa kaibuturan ng puso nila, labis nilang nilalabanan ang mga pagsasaayos ng Diyos, at talagang dismayado at sumusuway sila. Kinilala na nila na gawa ito ng Diyos at hindi na sila humihingi pa; kung ganoon, bakit sinasabing isa itong sentimyento ng pagsalungat? Bakit inilalarawan ito sa ganitong paraan? Sa katunayan, sa kamalayan nila, ayaw din nilang kondenahin ito, ayaw nilang magpasya na nagsasabing, “Mali ang ginawa ng Diyos; hindi ko ito tinatanggap. Makakapagpasakop ako sa ibang bagay na ginawa ng Diyos, pero hindi rito. Anu’t anuman, dahil dito ay magiging pabaya na lang ako sa gawain ko sa isang negatibong paraan.” Sa kanilang natatagong kamalayan, hindi ganito ang kalagayan nila, wala silang ganitong kamalayan; sa puso nila, medyo masuwayin, dismayado, o galit lang sila. Maaaring kondenahin pa nga ng ilang tao na mali ang mga aksyon ng Diyos, subalit sa kaibuturan ng kanilang puso, sa mga subhetibo nilang pagnanais, ayaw naman talaga nilang kondenahin ang Diyos sa kanilang kamalayan, dahil, sa huli, ang sinasampalatayaan nila ay ang Diyos. Kaya bakit sasabihin na pagsalungat ang pag-uugaling ito, na negatibong pagpapabaya ito, at na may mga elemento ito ng pagiging negatibo? Isang uri mismo ng paglaban at pagsalungat ang pagiging negatibo, at may ilan itong pagpapamalas. Una, kapag nagkakaroon ang mga tao ng mga kalagayan gaya ng pagkalugmok sa kalungkutan at pagpapabaya sa isang negatibong paraan, namamalayan ba nila sa puso nila na mali ang mga kalagayang ito? (Oo.) Maaaring mamalayan ito ng lahat, maliban na lang ng mga taong dalawa o tatlong taon pa lang nananampalataya at bihirang makinig sa mga sermon; hindi nila nauunawaan ang mga bagay na ito. Subalit hangga’t ang isang tao ay tatlong taon na o higit pang nananampalataya sa Diyos, madalas na nakikinig sa mga sermon, at nauunawaan ang katotohanan, maaari siyang magkaroon ng ganitong kamalayan. Kapag napagtanto ng mga tao na mali ang gayong mga kalagayan, ano ang dapat nilang gawin para maiwasan ang pagiging mapagsalungat? Una, kailangan nilang maghanap. Hanapin ang ano? Hanapin kung bakit pinatnugot ng Diyos ang mga bagay-bagay nang ganito, kung bakit nangyari sa kanila ang gayong mga sitwasyon, kung ano ang mga layunin ng Diyos, at kung ano ang dapat nilang gawin. Positibo ang mga ito, ang mga pagpapamalas na ito ang dapat taglay ng mga tao. Ano pa? (Ang tumanggap, magpasakop, at bumitaw sa sariling mga ideya.) Madali bang bumitaw sa sarili mong mga ideya? (Hindi.) Kung akala mo ay tama ka, hindi mo mabibitawan ang mga iyon. Para maabot mo ang punto kung saan makakabitaw ka na, may mga hakbang na kailangang gawin. Anong mga pagsasagawa ang pinakaangkop at akma para dito? (Ang pananalangin.) Kung binubuo lamang ng ilang hungkag na pangungusap ang iyong panalangin, at ginagawa mo lang ito nang pabasta-basta, hindi malulutas ang problema. Nagdarasal ka na, “O Diyos, gusto kong magpasakop; pakiusap isaayos at patnugutan Mo ang mga sitwasyon ko para makapagpasakop ako. Kung hindi pa rin ako makapagpasakop, ituwid Mo ako.” Mababago ba ng pagbigkas mo ng ilang walang lamang pangungusap gaya nito ang maling kalagayan mo? Hindi nito mababago iyon kahit kaunti. Kailangan mo ng pamamaraan ng pagsasagawa para magdulot ng pagbabago. Kung gayon, paano ka makapagsasagawa para mabago mo ang mga bagay-bagay? (Dapat aktibong hanapin ng isang tao ang mga layunin ng Diyos, aminin niya sa sarili niya na tama ang Diyos at mali siya, at magawa niyang tanggihan ang sarili niya.) Ito ang dalawang pamamaraan ng pagsasagawa: ang aktibong paghahanap sa mga layunin ng Diyos, at ang pag-amin sa sarili na tama ang Diyos at mali siya. Parehong maganda ang mga pamamaraang ito, parehong nagsasabi ang mga ito ng mga wastong bagay, pero isa ang napakapraktikal. Alin dito ang praktikal? Alin ang walang lamang pananalita? (Ang aktibong paghahanap sa mga layunin ng Diyos ang praktikal.) Kadalasan, hindi direktang sasabihin sa iyo ng Diyos ang mga layunin Niya. Bukod pa rito, hindi Siya biglang magbibigay ng pagkaunawa sa iyo. Hindi ka rin Niya aakayin na makain at mainom mo ang mismong nauugnay na mga salita ng Diyos na dapat mong maunawaan. Masyadong hindi makatotohanan para sa mga tao ang mga pamamaraang ito. Kung gayon, maaari bang maging epektibo sa inyo ang paraang ito ng aktibong paghahanap sa mga layunin ng Diyos? Ang epektibong pamamaraan ang pinakamagandang pamamaraan; ito ang pinakamakatotohanan at pinakapraktikal na pamamaraan. Ang hindi epektibong pamamaraan, kahit gaano pa ito kagandang pakinggan, ay teoretikal at hanggang salita lamang at wala itong nagiging resulta. Kaya alin dito ang praktikal? (Ang pangalawa, ang pag-amin na ang Diyos ang katotohanan at na mali ka.) Tama, ang aminin mo ang iyong mga pagkakamali—ito ay pagkakaroon ng katwiran. Sinasabi ng ilang tao na hindi nila napagtatanto na mali sila. Kung ganito, dapat ay maging makatwiran ka at magawa mong bitiwan at tanggihan ang iyong sarili. Sinasabi ng ilang tao, “Iniisip ko dati na tama ako, at ganoon pa rin naman ang iniisip ko ngayon. Bukod dito, aprubado at sinasang-ayunan ako ng maraming tao, at wala akong nadaramang kahit anong pagsaway sa puso ko. Saka, tama naman ang layunin ko, kaya paano ako magiging mali?” Maraming dahilan ang pumipigil sa iyong bitawan at tanggihan ang iyong sarili. Ano ang dapat mong gawin kung ganoon? Kahit ano pang katwiran mo sa pag-aakala mong tama ka, kung sumasalungat ang “tamang” ito sa Diyos at tumataliwas sa katotohanan, mali ka talaga. Kahit gaano pa kamapagpasakop ang saloobin mo, kahit gaano ka pa nananalangin sa puso mo sa Diyos, o kahit na binibigkas mo pa ang pag-amin mo na mali ka pero sa kaibuturan mo naman ay nakikipaglaban ka pa rin sa Diyos at namumuhay ka sa kalagayan ng pagiging negatibo, pagsalungat pa rin sa Diyos ang diwa nito. Pinatutunayan nito na hindi mo pa rin napagtatanto na mali ka; hindi mo tinatanggap ang katunayang mali ka. Kapag nagkakaroon ng mga maling pagkaunawa at kuru-kuro sa Diyos ang mga tao, dapat muna nilang kilalanin na ang Diyos ang katotohanan at na hindi taglay ng mga tao ang katotohanan, at na siguradong sila ang mali. Isa ba itong uri ng pormalidad? (Hindi.) Kung magkakaroon ka lang ng ganitong pagsasagawa bilang pormalidad, sa panlabas, malalaman mo ba ang mga kamalian mo? Hindi kailanman. Nangangailangan ng ilang hakbang para makilala mo ang iyong sarili. Una, dapat mong tukuyin kung ang mga aksyon mo ba ay naaayon sa katotohanan at sa mga prinsipyo. Huwag mo munang tingnan ang mga intensyon mo; may mga pagkakataong tama ang mga intensyon mo pero mali ang mga prinsipyong isinasagawa mo. Madalas bang nangyayari ang ganitong uri ng sitwasyon? (Oo.) Bakit Ko sinasabing mali ang mga prinsipyo ng pagsasagawa mo? Maaaring naghanap ka, subalit marahil ay wala kang anumang pagkaunawa sa kung ano ba ang mga prinsipyo; marahil ay hindi ka talaga naghanap, at ibinatay mo lamang ang mga aksyon mo sa mabubuting layunin at kasigasigan mo, at sa iyong mga imahinasyon at karanasan, at bilang resulta ay nagkamali ka. Maiisip mo ba ito? Hindi mo mahuhulaan na mangyayari ito, at nagkamali ka—at hindi ba’t nabunyag ka na kung gayon? Kung patuloy kang makikipaglaban sa Diyos pagkatapos mong mabunyag, nasaan ang mali rito? (Nasa hindi pagkilala na tama ang Diyos, at nasa pagpupumilit na tama ako.) Sa ganoong paraan ka nagkamali. Ang pinakamalaking pagkakamali mo ay hindi na may nagawa kang mali at nalabag mo ang mga prinsipyo, na nagdulot ng kawalan o iba pang mga kahihinatnan, kundi na may nagawa kang pagkakamali, pero ipinipilit mo pa rin ang pangangatwiran mo, kaya hindi mo maamin ang pagkakamali mo; sinasalungat mo pa rin ang Diyos batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo, tinatanggihan mo ang gawain Niya at ang mga katotohanang ipinahayag Niya—ito ang pinakamalaki at pinakamatinding pagkakamali mo. Bakit sinasabing ang ganoong kalagayan ng isang tao ay pagsalungat sa Diyos? (Dahil hindi niya kinikilala na mali ang ginagawa niya.) Kinikilala man o hindi ng mga tao na ang lahat ng ginagawa ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan ay tama, at kung ano ang kabuluhan ng mga iyon, kung hindi muna nila kayang kilalanin na sila mismo ang mali, ang kalagayan nila ay pagsalungat sa Diyos. Ano ang dapat gawin para maitama ang kalagayang ito? Una, dapat tanggihan ng isang tao ang sarili niya. Hindi masyadong praktikal para sa mga tao ang kasasabi lang natin tungkol sa pangangailangang hanapin muna ang mga layunin ng Diyos. Sinasabi ng ilan, “Kung hindi ito masyadong praktikal, ibig sabihin ba niyon ay hindi kinakailangan ang paghahanap? Hindi na kailangang hanapin pa ang ilang bagay na puwedeng hanapin at maunawaan—puwede ko nang laktawan ang hakbang na iyon.” Uubra ba ito? (Hindi.) Maliligtas pa ba ang taong kumikilos sa ganitong paraan? Medyo baluktot ang pagkaunawa ng ganitong mga tao. Medyo malayo ang paghahanap sa mga layunin ng Diyos at hindi ito kaagad makakamit; para mas mapabilis, mas makatotohanan na bitiwan muna ng tao ang kanyang sarili, nang alam niya na ang kanyang mga aksyon ay mali at hindi naaayon sa katotohanan, at pagkatapos ay hanapin niya ang mga katotohanang prinsipyo. Ito ang mga hakbang. Maaaring tila simple lang ang mga ito, pero maraming mahirap sa pagsasagawa ng mga ito, dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, pati na rin lahat ng klase ng imahinasyon at hinihingi, at may mga pagnanais din sila, na nakakagulo lahat sa pagtanggi at pagbitaw ng mga tao sa kanilang mga sarili. Hindi madaling gawin ang mga ito. Hindi na natin tatalakayin nang mas malalim ang paksang ito; ituloy na nating talakayin ang isyu ng mga kuru-kuro, na tinalakay natin sa huling dalawang pagbabahaginan natin.

Ngayon-ngayon lang, ang pangunahing pinagtutuunan ng pagbabahaginan natin ay kung paano maaaring humantong sa mga maling pagkaunawa sa Diyos ang mga kuru-kuro, na bumubuo naman ng hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at nagdudulot ang hadlang na ito na magkaroon sila ng paglaban sa Diyos. Ano ang kalikasan ng paglabang ito? (Ang pagsalungat.) Ito ay ang pagsalungat, paghihimagsik. Samakatwid, kapag nagkakaroon ang mga tao ng pagsalungat sa Diyos at pagtutol sa Kanya, hindi ito isang bagay na nangyayari agad; may mga pinag-ugatan ito. Katulad ito ng kapag biglang natuklasan ng isang tao na nagkasakit siya, at na napakalala ng sakit na iyon; nagtataka siya kung paanong mabilis na lumala ang lagay niya. Ang katunayan, matagal nang nasa katawan niya ang sakit na ito at may mga ugat na—hindi ito nakuha noong araw na naging halata ito; sa halip, iyon lang ang araw na natuklasan niya ito. Ano ang ibig Kong sabihin sa pagsasabi nito? Ang abilidad bang maghimagsik sa Diyos, sumalungat sa Kanya, at tumutol sa Kanya ay isang bagay na mahuhulaan ng lahat kapag nagsisimula pa lang silang manampalataya sa Diyos? Siguradong hindi. Ito ba ang panimulang layunin sa pananampalataya sa Diyos ng bawat tao na kalaunan ay tumututol at sumasalungat sa Kanya? May nakapagsabi na ba kailanman na, “Hindi ako nananampalataya sa Diyos para sa mga pagpapala; gusto ko lang talagang tumutol sa Diyos at sumalungat pagkatapos ko Siyang makita, nang sa gayon ay maging tanyag at kilala ako, at para maging sulit ang buhay ko”? Mayroon bang sinumang nagkaroon ng ganoong mga plano kahit kailan? (Wala.) Walang sinumang nagplano nang ganito kahit kailan, maski ang pinakahangal, pinakaestupido, o pinakamasamang tao. Gusto ng lahat ng tao na manampalataya nang tapat sa Diyos, na maging mabuti, na makinig sa mga salita ng Diyos at na gawin ang lahat ng hinihingi sa kanila ng Diyos. Bagama’t hindi nila kayang matamo ang ganap na pagpapasakop sa Diyos, kahit papaano ay matutugunan nila ang pinakamabababang hinihingi ng Diyos at mapalulugod nila ang Diyos sa abot ng makakaya nila. Ang gandang kahilingan niyon—bakit sila humantong sa pagtutol at pagsalungat sa Diyos? Ayaw mismo ng mga tao at sila mismo ay hindi alam kung paano ito nangyari. Pagdating sa pagtutol at pagsalungat sa Diyos, malungkot at masama ang loob nila, iniisip na, “Paano ito nagagawa ng mga tao? Kahit pa umasal ang ibang tao nang ganito, hindi ako dapat umasal nang ganito!” Katulad lang ito ng sinabi ni Pedro na: “Kung ang lahat ay magdaramdam sa Iyo, ako kailan ma’y hindi magdaramdam” (Mateo 26:33). Mula sa puso ang mga salitang sinabi ni Pedro, subalit hindi kayang tuparin ng pag-uugali niya ang mga kahilingan at hangarin niya. Ang kahinaan ng tao ay isang bagay na hindi inaasahan ng mga tao mismo. Kapag talagang nangyari sa kanila ang isang sitwasyon, nalalantad ang katiwalian nila. Kayang kontrolin at diktahan ng kalikasang diwa at ng tiwaling disposisyon ng isang tao ang kanyang pag-iisip at pag-uugali. Maaaring umusbong ang iba’t ibang kuru-kuro dahil sa tiwaling disposisyon, pati na rin ang iba’t ibang pagnanais at hinihingi, na humahantong sa lahat ng uri ng mapaghimagsik na pag-uugali. Direkta nitong naaapektuhan ang relasyon ng isang tao sa Diyos at direkta nitong naiimpluwensiyahan ang kanyang buhay pagpasok at pagbabago ng disposisyon. Hindi ito ang mga layunin ng mga tao nang magsimula silang manampalataya sa Diyos, ni ang handa at inaasam na gawin ng mga tao sa puso nila. Ang mga kahihinatnang ito ay dahil sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos. Kapag hindi nalutas ang mga kuru-kurong ito, maaaring maging problema lahat ang inaasahan, kapalaran, at destinasyon ng isang tao.

Para malutas ang mga maling pagkaunawa ng isang tao sa Diyos, kailangan niyang lutasin ang kanyang mga kuru-kuro sa Diyos at sa gawain, diwa, at disposisyon ng Diyos. Para malutas ang mga kuru-kurong ito, dapat munang maunawaan, malaman, at makilala ng isang tao ang mga ito. Kaya ano ba mismo ang mga kuru-kurong ito? Ibinabalik tayo nito sa pangunahing paksa. Dapat tayong magsimula sa ilang praktikal na halimbawa para tugunan ang mga kuru-kuro at pagpapamalas na ito ng mga tao, na gagawing malinaw ang mga layunin ng Diyos sa mga sitwasyong ito, na magbibigay-daan na makita ng mga tao, sa kaibuturan ng puso ng Diyos, kung ano ang disposisyon at diwa Niya at kung paano Niya pinakikitunguhan ang mga tao, pati na rin kung ano ang iniisip ng mga tao sa kung paano dapat sila pakitunguhan ng Diyos, at na magbibigay-daan na matukoy, mabigyang-linaw, at maihambing nila ang dalawang huling perspektibang ito, na maaaring magdulot ng pagkaunawa at pagtanggap sa paraan na pinakikitunguhan at pinamumunuan ng Diyos ang mga tao, at ng pagkaunawa at pagtanggap sa diwa at disposisyon ng Diyos. Kapag may malinaw nang pagkaunawa ang mga tao sa paraan ng pamumuno ng Diyos sa mga tao at sa Kanyang gawain, hindi na sila bubuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Mawawala na rin ang hadlang sa pagitan ng Diyos at ng mga tao, at hindi na uusbong sa mga puso nila ang kalagayan ng pagsalungat at pagtutol na nakadirekta sa Diyos. Maaaring direktang lutasin ang mga isyung ito ng paghihimagsik at paglaban sa Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahaginan ng katotohanan. Kahit na anong aspekto pa ng mga kuru-kuro ang tinutugunan, dapat itong magsimula sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahaginan ng katotohanan. Dapat iugnay ang lahat ng bagay sa katotohanan, lahat ay may kinalaman sa katotohanan. Kung gayon ano-ano ang mga kuru-kurong ito ng mga tao? Simulan natin sa pagtalakay sa gawain ng Diyos, gamit ang ilang partikular na halimbawa para linawin ang mga prinsipyo sa likod ng gawain ng Diyos, at ang mga prinsipyo at pamamaraan kung paano pinakikitunguhan at pinamumunuan ng Diyos ang mga tao. Maaaring talakayin ng isang halimbawa ang pamamaraan ng gawain ng Diyos; maaari din nitong talakayin ang pamamaraan kung paano inuuri ng Diyos ang isang tao at ang pagtatakda Niya sa kahihinatnan nito; o maaari nitong talakayin ang disposisyon at diwa ng Diyos. Para linawin ang mga puntong ito, kung magsasalita tayo sa isang hungkag na paraan tungkol sa kung ano ang Diyos, kung ano ang ginawa ng Diyos at kung paano Niya pinakitunguhan ang mga tao sa loob ng anim na libong taon Niya ng paggawa—sa tingin ba ninyo ay magiging angkop iyon? Madali lang ba ninyong tatanggapin iyon? O kung pinag-usapan natin, halimbawa, ang tungkol sa kung paano gumagawa ang Diyos sa loob ng anim na libong taon, at sa ikalawang yugto ng Kanyang gawain, ay gumawa Siya sa Judea; at tinalakay natin kung paano pinakitunguhan ng Diyos ang mga Hudyo noon, at kung paano natin makikita ang disposisyon ng Diyos mula rito—magiging madali na bang maunawaan iyon? (Hindi.) Halimbawa, kung pinag-usapan natin kung paano pinamumunuan ng Diyos ang mundong ito: kung paano Niya pinakikitunguhan ang mga tao mula sa iba’t ibang etnisidad, kung ano ang iniisip ng Diyos, kung paano Niya itinatakda ang mga teritoryo nila, at kung bakit Niya sila hinahati sa iba’t ibang lokasyon—partikular na, kung bakit nasa hindi gaanong magagandang lugar ang ilang mabubuting tao, samantalang nasa mas maaayos na lugar ang ilang masasamang tao, at kung anong mga prinsipyo ang ginagamit ng Diyos sa pagtatalaga sa mga bagay sa ganitong paraan, at nakita natin ang mga pamamaraan ng Diyos sa pamamahala sa sangkatauhan mula sa paksang ito—magiging madali na bang maunawaan ito? (Hindi.) Hindi ba’t medyo may kalayuan ang mga paksang ito mula sa pagbabago ng disposisyon at buhay pagpasok sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao? Hindi ba’t medyo abstrakto ang mga ito? (Oo.) Bakit natin sinasabing malayo at abstrakto ang mga iyon? Dahil sa totoong buhay, kung may pagkaunawa lang tayo sa mga katotohanan na may kinalaman sa mga pangitain, gaya ng mga detalye kung paano pinamamahalaan at ginagabayan ng Diyos ang sangkatauhan, tila medyo malayo iyon sa mga problemang kinakaharap natin sa araw-araw na buhay, at wala iyong gaanong kinalaman. Para tugunan ang mga problema sa totoong buhay, kailangan nating magsimula sa mga halimbawang naririnig, nakikita, at nadarama ninyo sa inyong buhay, at palawakin ninyo mula roon ang pananaw ninyo. Kahit anong mga istorya ang ikuwento Ko, o kahit aling mga tao at pangyayari ang sangkot sa mga istoryang ito—kahit pa may kinalaman ang mga iyon sa mga bagay na ginawa mo dati—ang pinakaepekto ng mga istoryang ito ay ang matulungan kang maunawaan ang mga katotohanang may kinalaman sa paksang tinatalakay ngayon. May silbi ang bawat naikuwentong istorya, at may kinalaman ito sa pagpapahalagang nais ipabatid nito at sa katotohanang ipinapahayag nito.

Simulan na natin ang kuwento. Ito ang Unang Kaso. Matagal nang panahon ang nakalilipas, nagpadala ng isang bote ng gamot sa ubo ang isang iglesia, at nagpaliwanag na: “Laging nagsasalita at nangangaral sa atin ang Diyos, at inuubo Siya minsan kapag masyadong nagsasalita. Para maging mas maayos ang pangangaral ng Diyos at mabawasan ang pag-ubo Niya, nagpadala kami ng gamot sa ubo.” Noong dumating na ang bote, nakita ito ng isang lalaki at sinabi niya, “Sinasabing gamot ito sa ubo, pero sino ang nakakaalam kung ano talaga ang ginagamot nito. Hindi natin ito puwedeng basta ibigay na lang sa diyos para inumin—baka makasama pa ito. Gamot ito; lahat ng gamot ay may kaunting lason. Baka may masasamang epekto ito kapag ininom!” Inisip ng mga nakarinig sa kanya na, “Nagmamalasakit lang siya. Sige, huwag na natin itong ibigay sa Diyos.” Noong panahong iyon, hindi Ko kailangan iyon, kaya inisip Kong itabi muna ito para sa susunod, at ganoon na nga lang ang nangyari. Pero doon na ba nagtatapos ang kuwento? Hindi, ang kuwento tungkol sa gamot na ito ay nagsimula noong araw na iyon. Isang araw, may nakatuklas na iniinom ng mismong lalaking ito ang gamot sa ubo, at nang matuklasan iyon, kalahati na lang ang natitira. Madali nang hulaan kung ano ang sumunod na nangyari; inubos ito ng taong iyon. Iyon na ang kuwento. Pag-isipan ninyo kung ano ang kinalaman nito sa mga kuru-kurong tinatalakay natin ngayon. Una sa lahat, sabihin ninyo sa Akin: Nagulat ba kayo sa kuwento, napukaw ba kayo? (Oo.) Anong mga naiisip ninyo nang marinig ninyo ito? Anong pumukaw sa inyo? Sa pangkalahatan, iisipin ng mga napukaw na, “Naku po, inihandog ito sa Diyos; paano ito nagawang inumin ng isang tao?” Iyon ang unang pumukaw sa kanila. Ang ikalawang bagay ay, “Ininom niya ito nang ininom. Hindi ako makapaniwalang inubos niya iyong lahat!” Bukod sa pagkakapukaw, ano pa ang naiisip ninyo? Tungkol sa ginawa ng taong ito—ang lahat ng inugali niya; ibig sabihin, sa bawat pangyayari sa buong kuwentong ito—isinasaalang-alang ba ninyo kung ano ang magiging reaksyon ng Diyos? Ano ang gagawin ng Diyos? Ano ang dapat gawin ng Diyos? Paano dapat tratuhin ng Diyos ang gayong tao? At hindi ba’t dito nagsisimulang umusbong ang mga kuru-kuro ng tao? Isantabi muna natin ang nilalaman ng kung ano ang pumukaw sa inyo, at pag-usapan natin kung may pakinabang ba mismo ang karanasang ito ng pagkapukaw. Sa pagkapukaw, nakadarama lang ng pagkabalisa sa kanilang konsensiya ang mga tao, pero hindi sila makapagsalita nang malinaw tungkol dito. Kasunod nito, maaaring may umusbong na pagkondena at paninising nakadirekta sa taong nasa kuwentong ito na nag-uugat sa mga etika, moralidad, mga teolohikal na teorya, o mga salita at doktrina, subalit hindi katotohanan ang mga bagay na ito. Kung gusto nating marating ang katotohanan, ang mga nabuong kuru-kuro ng tao tungkol sa pangyayari mismo, o sa mga kahilingan tungkol sa kung ano ang dapat gawin ng Diyos—ang mga isyung ito ang kailangang lutasin. Sa kuwentong ito, napakahalaga ng mga kuru-kuro at kaisipan ng mga tao tungkol sa kung ano ang dapat gawin ng Diyos sa gayong sitwasyon. Huwag ka lang tumuon sa iyong emosyonal na reaksyon; hindi malulutas ng pagkainis mo ang iyong pagiging mapaghimagsik. Kung isang araw ay may masumpungan kang isang bagay sa mga handog sa Diyos na gustong-gusto o kailangan mo, at talagang natutukso ka, maaaring kunin mo rin iyon; hindi ka maiinis sa ganoong sitwasyon kahit kaunti. Dahil lamang sa konsensiya mo kung kaya’t nainis ka ngayon, resulta lang ito ng pamantayan ng moralidad ng pagkatao; hindi iyon dahil sa katotohanan. Kapag kaya mong lutasin ang mga kuru-kurong umuusbong sa sitwasyong ito, mauunawaan mo ang katotohanan sa sitwasyong ito. Malulutas mo ang anumang kuru-kuro at maling pagkakaunawa mo sa Diyos sa gayong mga bagay, at sa ganitong klaseng mga sitwasyon, mauunawaan mo ang katotohanan at may makakamit ka. Kaya ngayon, isipin mo kung anong klase ng mga kuru-kuro ang maaaring mabuo ng mga tao sa sitwasyong ito. Alin sa mga kuru-kurong ito ang maaaring magsanhi sa iyo na maling maunawaan ang Diyos, na makabuo ng hadlang sa pagitan mo at ng Diyos, o na salungatin mo pa nga Siya? Ito dapat ang pinagbabahaginan natin. Sabihin ninyo sa Akin, nang maganap ang pangyayaring ito, may naramdaman bang pagsaway sa konsensiya niya ang lalaking ito? (Wala.) Paano mo masasabing wala siyang naramdamang pagsaway? (Inubos niya ang gamot sa ubo.) Madali lang ito analisahin, hindi ba? Mula sa unang pag-inom hanggang sa huli, hindi siya nagpakita ng pagpipigil at hindi siya huminto. Kung tumikim lang siya at tumigil na, maituturing iyon na pagsaway sa sarili, dahil huminto siya, pinigilan niya ang sarili niya at hindi na siya nagpatuloy pa. Pero hindi ganito ang ginawa ng lalaking ito; ininom niya ang lahat ng laman ng bote. Kung mayroon pa nga, magpapatuloy pa siya sa pag-inom. Ipinakikita nito na wala siyang naramdamang pagsaway sa konsensiya niya; ito ay pagtingin dito sa perspektiba ng tao. Ngayon, ano ang tingin ng Diyos sa bagay na ito? Ito ang dapat ninyong maunawaan. Mula sa kung paano pinakikitunguhan ng Diyos ang sitwasyong ito, kung paano Niya sinusuri at tinutukoy ito, makikita ninyo ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng Diyos, at matutukoy rin ninyo ang mga prinsipyo at pamamaraan ng pagkilos ng Diyos. Kasabay nito, maaaring ibunyag din nito ang ilang kuru-kuro ng tao, na magtutulak sa mga tao na sabihing, “Ganito pala ang saloobin ng Diyos sa mga tao; ganito pala pinangangasiwaan ng Diyos ang mga tao. Hindi ako nag-isip sa ganitong paraan dati.” Ang katunayang hindi ka nag-isip sa ganitong paraan dati ay nagbubunyag sa hadlang sa pagitan mo at ng Diyos, at na maaari kang magkaroon ng mga maling pagkaunawa sa Diyos, at na mayroon kang mga kuru-kuro sa kung paano gumawa at kumilos ang Diyos patungkol dito. Ano ang ginawa ng Diyos nang maharap Siya sa sitwasyong ito? Sinabi ng lalaking iyon na, “Gamot ito; may kaunting lason ang lahat ng gamot. Hindi natin puwedeng hayaan ang Diyos na inumin ito; baka may masasamang epekto ito.” Ano ang intensyon, ang pakay sa likod ng kanyang mga salita? Totoo ba o hindi ang mga salitang iyon? Hindi totoo ang mga iyon; mapanlinlang, mali, at hindi tapat ang mga iyon. Naging malinaw kung ano ang nangyayari sa puso niya dahil sa mga sumunod na aksyon niya at sa kung ano ang ipinakita niya. May ginawa ba ang Diyos sa mga maling salita at aksyon ng lalaking ito? (Wala.) Paano natin nalaman na walang ginawa ang Diyos? Nang sabihin ng lalaking ito ang mga salitang iyon, hindi siya tapat; huwad siya. Nanunuod lang ang Diyos, hindi gumagawa ng positibong gawain ng paggabay ni ng negatibong gawain ng pagsaway. Minsan nakakaramdam ang mga tao ng pagsaway sa kanilang konsensiya—iyon ay paggawa ng Diyos. Nakaramdam ba ng pagsaway ang lalaking ito nang oras na iyon? (Hindi.) Hindi lamang siya hindi nakaramdam ng pagsaway, nagsalita pa siya nang may pagmamalaki. Hindi siya sinaway ng Diyos; nanunuod lang ang Diyos. Bakit nanunuod ang Diyos? Nanunuod ba Siya para makita kung paano lalabas ang mga katunayan? (Hindi.) Hindi naman ganoon. Sa sandaling naharap ang isang tao sa isang sitwasyon, bago pa siya magpasya kung ano ang gagawin niya o bumuo ng mga katunayan, nauunawaan ba siya ng Diyos? (Oo.) Hindi lang panlabas ng taong ito ang nauunawaan ng Diyos kundi pati na rin ang kaibuturan ng puso nito—kung ang puso ba nito ay mabuti o masama, tunay o huwad, kung ano ba ang tunay nitong saloobin sa Diyos, kung nasa puso ba nito ang Diyos, kung may tunay ba itong pananalig—alam na ng Diyos ang mga ito; may matibay Siyang ebidensya, at lagi Siyang nagmamasid. Ano ang ginawa ng Diyos matapos itong sabihin ng lalaki? Una, hindi siya sinaway ng Diyos; ikalawa, hindi siya binigyang-liwanag ng Diyos o ipinaalam sa kanya na isa itong handog, na hindi ito dapat hawakan nang walang ingat ng mga tao. Kailangan bang tuwirang sabihan ng Diyos ang mga tao para malaman nila ito? (Hindi.) Dapat ay may ganito nang kamalayan sa normal na pagkatao. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi lang talaga alam ng ibang tao. Hindi Mo ba sasabihin sa kanila? Hindi ba’t malalaman nila kung sasabihin Mo na lang sa kanila? Kapag hindi iyon alam ng isang tao, ligtas siya sa pagkakasala—sa ngayon, hindi nila alam; kung alam lang nila, hindi nila magagawa ang pagkakamaling ito, hindi ba? Hindi ba’t pagprotekta ito sa kanila?” Kumilos ba ang Diyos nang ganito? (Hindi.) Bakit hindi kumilos ang Diyos nang ganito? Sa isang banda, dapat alam ng lalaking iyon ang konsepto na “handog ito sa Diyos, hindi ito puwedeng hawakan ng mga tao.” Sa kabilang banda, kung hindi niya ito alam, bakit hindi sa kanya sinabi ng Diyos? Bakit hindi ipinaalam ng Diyos sa kanya para pigilan siyang gawin ang gayong bagay at pigilan siyang maharap sa gayong mga kahihinatnan? Hindi ba’t mas maipapakita ang katapatan ng Diyos sa pagliligtas sa mga tao kung sinabi Niya ito sa lalaki? Hindi ba’t mas maipapakita nito ang pag-ibig ng Diyos? Kung ganoon bakit hindi ito ginawa ng Diyos? (Gusto siyang ibunyag ng Diyos.) Oo, gusto siyang ibunyag ng Diyos. Kapag nahaharap ka sa mga sitwasyon, hindi aksidente na nahaharap ka sa mga iyon. Ang isang partikular na sitwasyon ay maaaring maging kaligtasan mo, o maaaring maging pagkawasak mo. Sa mga pagkakataong iyon, nanunuod ang Diyos, nananatiling tahimik, hindi namamatnugot ng anumang sitwasyon para udyukan ka, ni nagbibigay-liwanag sa iyo sa pamamagitan ng mga salitang tulad ng, “Hindi mo dapat gawin ito; magiging matindi ang mga kahihinatnan niyan,” o “Walang katwiran at pagkatao ang gawin ito sa ganitong paraan.” Walang gayong kamalayan ang mga tao. Sa isang banda, ang kawalan ng gayong kamalayan ay dahil hindi sila inudyukan ng Diyos nang sandaling iyon—hindi kumilos ang Diyos. Sa kabilang banda, kung may konsensiya ang isang tao at mayroon siyang kaunting pagkatao, kikilos ba ang Diyos sa ganoong pundasyon? (Oo.) Tama iyan. Magkakaloob ang Diyos ng gayong biyaya sa kanya. Pero bakit binalewala ng Diyos ang partikular na sitwasyong ito? Ang isang dahilan ay dahil walang konsensiya at katwiran, walang dignidad, walang integridad, at walang normal na pagkatao ang lalaking ito. Hindi niya hinangad ang mga ito; wala ang Diyos sa puso niya at hindi siya tunay na mananampalataya sa Diyos. Kaya, ginusto ng Diyos na ibunyag siya sa pamamagitan ng sitwasyong ito. Minsan ang pagbubunyag ng Diyos sa isang tao ay isang uri ng pagliligtas, at minsan naman ay hindi—sinasadya ng Diyos na kumilos nang ganito. Kung isang tao kang may konsensiya at katwiran, nagiging isang pagsubok at uri ng pagliligtas ang pagbubunyag sa iyo ng Diyos. Subalit kung wala kang konsensiya at katwiran, ang pagbubunyag sa iyo ng Diyos ay mangangahulugan ng pagkatiwalag at pagkawasak. Kaya, kung titingnan ito ngayon, ano ang ibig sabihin ng pagbubunyag ng Diyos sa lalaking ito? Ang ibig sabihin nito ay pagkatiwalag; hindi ito pagpapala kundi sumpa. Sinasabi ng ilang tao, “Nakagawa siya ng napakalaking pagkakamali, at kahiya-hiya talaga iyon. Mula noong palihim niyang ininom ang gamot sa ubo, hindi ba’t kaya ng Diyos na magsaayos ng ilang sitwasyon para mapigilan siya para hindi na siya magkamali at nang sa gayon ay hindi na siya kailangang itiwalag?” Ito ba ang ginawa ng Diyos? (Hindi.) Paano kumilos ang Diyos? (Hinayaan Niyang mangyari ang sitwasyong iyon.) Hinahayaan ng Diyos na mangyari ang mga bagay-bagay—isa ito sa Kanyang mga prinsipyo. Nang buksan ng lalaking ito ang bote ng gamot sa ubo, may pagkakaiba ba sa kalikasan nang una siyang uminom at sa huli? (Wala.) Bakit walang pagkakaiba? (Sadyang ganoong klase siya ng tao sa diwa.) Lubusang ibinunyag ng sitwasyong ito ang pagkatao, paghahangad, at pananalig niya.

Noong kapanahunan ng Lumang Tipan, ipinagpalit ni Esau ang karapatan niya bilang panganay para sa isang mangkok ng pulang sopas. Hindi niya alam kung ano ang importante at may halaga: “Ano ba ang malaking isyu sa karapatan bilang panganay? Kung ipagpapalit ko ito, wala naman itong idudulot na pagbabago; buhay pa rin naman ako, hindi ba?” Ito ang inakala niya sa puso niya. Para bang makatotohanan ang pagharap niya sa problemang ito, subalit ang naiwala niya ay ang pagpapala ng Diyos, at matindi ang mga kahihinatnan niyon. Ngayon, sa iglesia, ay maraming tao na hindi hinahangad ang katotohanan. Hindi nila sineseryoso ang mga pangako at pagpapala ng Diyos. Hindi ba’t pareho ang kalikasan nito at ng pagkawala ng isang tao ng karapatan niya bilang panganay? Hindi ba’t mas seryoso pa nga ito? Dahil ang pagliligtas ng Diyos sa mga tao ay minsanang pagkakataon; kapag pinalampas ng isang tao ang pagkakataong ito, tapos na iyon. Mayroon pa ngang isang taong tiniwalag sa huli dahil lang sa isang bote ng gamot sa ubo, isang bagay na pinagpalit niya para sa pagkawasak; talagang hindi ito maarok! Bagaman, sa totoo lang, wala naman talagang di-maaarok dito. Bakit Ko sinasabi iyon? Maaaring tila maliit na bagay ang pangyayaring ito. Kung nangyari ang ganito sa mga tao, hindi ito ituturing na malaking bagay. Katulad ng paggawa ng krimen, gaya ng pagnanakaw o pananakit sa iba, ang pinakamagagawa lang sa iyo ay ang parusahan ka pagkatapos mong mamatay at pagkatapos ay ipanganak kang muli bilang tao sa ilang siklo ng reinkarnasyon. Hindi ito masyadong mahalaga. Pero ang sitwasyon bang sinasabi Ko ngayon ay kasingsimple lang nito? (Hindi.) Bakit natin sinasabing hindi ito simple? Bakit nararapat pag-usapan ang sitwasyong ito? Simulan natin sa boteng ito ng gamot sa ubo. Ang katunayan, hindi naman malaki ang halaga ng boteng ito ng gamot sa ubo, subalit kapag inihandog na ito sa Diyos, nagbabago na ang diwa nito; naging handog na ito. Sinasabi ng ilang tao, “Idineklara nang banal ang mga handog; hindi sa mga tao ang mga handog; hindi dapat hawakan ng mga tao ang mga handog.” Tama rin na sabihin ito. Ano ba ang handog? Ang handog ay isang bagay na iniaalay ng isang tao sa Diyos; ano man ito, tinutukoy na handog ang mga ganoong bagay. Dahil sa Diyos ang mga iyon, hindi na sa tao ang mga iyon. Anumang ilaan sa Diyos—pera man o materyal na mga bagay, at kung anuman ang halaga nito—ay lubos na pagmamay-ari ng Diyos, at wala na sa kamay ng tao, ni hindi rin para gamitin niya. Paano maaaring maunawaan ang mga handog sa Diyos? Pag-aari ng Diyos ang mga iyon, Siya lamang ang maaaring mamahala ng mga iyon, at bago makuha ang Kanyang pagsang-ayon, walang sinuman ang maaaring gumalaw sa mga bagay na iyon o magplano ng gagawin para sa mga iyon. May mga nagsasabi, “Kung walang ginagamit ang Diyos, bakit hindi tayo pinapayagang gamitin ito? Kung masisira ito pagkaraan ng ilang panahon, hindi ba iyon nakakahiya?” Hindi, kahit magkagayon; ito ay isang prinsipyo. Ang mga handog ay mga bagay na pag-aari ng Diyos, hindi sa tao; malaki o maliit, may halaga man o wala ang mga ito, sa sandaling ilaan ang mga ito ng tao sa Diyos, nagbago na ang diwa nito, gusto man o ayaw ng Diyos sa mga ito. Sa sandaling ang isang bagay ay naging handog, kabilang na ito sa mga pag-aari ng Lumikha at nasa Kanya nang pamamahala. Ano ang kabilang sa paraan ng pagtrato ng isang tao sa mga handog? Kabilang dito ang saloobin sa Diyos ng isang tao. Kung ang saloobin ng isang tao sa Diyos ay kinabibilangan ng kawalang-galang at paghamak, at pagpapabaya, kung gayon ang saloobin ng taong iyon sa lahat ng bagay na pag-aari ng Diyos ay tiyak na magiging ganoon din. Mayroong ilang nagsasabi, “May ilang handog na walang sinumang nag-uusisa. Hindi ba’t nangangahulugan iyon na ang mga ito ay pag-aari ng kung sino ang may hawak ng mga ito? Kung meron mang nakakaalam nito o wala, ito ay ‘pagmamay-ari ng nakahanap’; ang sinumang makakakuha sa mga bagay na iyon ay siyang may-ari ng mga ito.” Ano ang palagay mo sa ganoong pananaw? Malinaw na malinaw, ito ay hindi tama. Ano ang saloobin ng Diyos sa mga handog? Anuman ang ihandog sa Diyos, tanggapin man Niya ito o hindi, sa sandaling ang isang bagay ay itinalaga bilang isang handog, ang sinumang tao na may iba pang pagnanasa rito ay maaaring humantong sa “pag-apak sa isang pasabog.” Ano ang ibig sabihin nito? (Nangangahulugan ito na sinasalungat mo ang disposisyon ng Diyos.) Tama iyan. Alam ninyong lahat ang konseptong ito, pero bakit hindi ninyo nakikilala ang diwa ng bagay na ito? Kaya, ano ang sinasabi ng bagay na ito sa mga tao? Sinasabi nito sa kanila na walang pinalalampas na mga pagkakasala ng tao ang disposisyon ng Diyos, at na hindi sila dapat nakikialam sa Kanyang mga bagay. Halimbawa, ang mga handog sa Diyos—kung aangkinin ng isang tao ang mga ito, o sasayangin at wawaldasin niya ang mga ito, malamang na masasalungat niya ang disposisyon ng Diyos at maparurusahan siya. Gayumpaman, ang galit ng Diyos ay may mga sariling prinsipyo; hindi ito katulad ng inaakala ng mga tao, kabilang na ang paghampas ng Diyos sa sinumang nagkakamali. Sa halip, napupukaw ang galit ng Diyos kapag may sumasalungat sa Diyos sa mahahalaga at importanteng bagay. Lalo na pagdating sa pagtrato sa pagkakatawang-tao ng Diyos at sa mga handog sa Diyos, dapat magpakita ng pag-iingat at magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso ang mga tao; sa ganitong paraan lamang nila matitiyak na hindi nila sasalungatin ang disposisyon ng Diyos.

May pananalig ang ilang tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos at kaya nilang gugulin ang sarili nila at magbayad ng halaga, na ginagampanan nang maayos ang lahat ng aspekto maliban sa isa. Matapos makita ng isang tao ang kasaganaan ng sambahayan ng Diyos, at malaman na hindi lamang salapi ang inihahandog ng mga hinirang ng Diyos kundi pati na rin pagkain, damit, at iba’t ibang gamot, kasama na ang iba pang mga bagay, iniisip ng gayong tao na, “Maraming inihahandog sa Diyos ang mga hinirang ng Diyos, at hindi kayang gamitin lahat iyon ng Diyos nang mag-isa. Bagama’t kailangan ang ilan sa mga iyon sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, hindi pa rin magagamit ang lahat ng iyon. Paano dapat pangasiwaan ang mga bagay na iyon? Dapat sigurong may bahagi ang mga lider at manggagawa sa ilan sa mga iyon.” Nababalisa at nababahala siya sa isyung ito, nakakaramdam siya ng “pasanin” sa loob niya, at nagsisimula siyang mag-isip-isip na, “Dahil ako na ang namamahala sa mga ito, dapat kong gamitin ang ilan dito. Kung hindi, hindi ba’t masasayang lang ang lahat ng handog na ito kapag winasak na ang mundo? Makatarungan lang na ipamahagi ang mga iyon sa mga lider at manggagawa. Pantay-pantay ang lahat sa sambahayan ng Diyos; dahil ibinigay na namin ang sarili namin sa Diyos, sa amin rin ang mga bagay na sa Diyos, at ang sa amin ay sa Diyos din. Hindi naman malaking isyu kung tamasahin ko ang ilang handog sa Diyos; parte naman ito ng pagpapala ng Diyos. Mabuti pa ngang gamitin ko ang ilan dito.” Dahil sa ganoong mga kaisipan, natutukso siya. Unti-unting tumitindi ang pagnanais niya at nagsisimula na siyang mag-imbot sa mga handog, nagsisimula na siyang kumuha ng mga bagay-bagay nang walang pagkaramdam ng pagsaway sa puso niya. Iniisip niyang wala namang makakaalam, at inaalo niya ang sarili niya sa pagsasabing, “Ginugol ko na ang sarili ko para sa Diyos; hindi naman malaking bagay kapag tinamasa ko ang ilang handog. Kahit pa malaman ng Diyos, patatawarin Niya ako. Basta tatamasahin ko ang ilan ngayon.” Bilang resulta, sisimulan na niyang nakawin ang mga handog, na sumasalungat sa disposisyon ng Diyos. Sa panlabas, nakakaisip siya ng maraming palusot para sa kanyang sarili, tulad ng, “Masisira lang ang mga ito pagtagal-tagal kapag hindi ito nakain! Hindi naman magagamit ng Diyos ang lahat ng ito, at kung ipamamahagi nang pantay-pantay ang mga ito, napakaraming tao at hindi sapat para mabigyan ang lahat. Bakit hindi na lang ako ang mamahala? Bukod pa roon, paano kung hindi magagastos ang lahat ng perang ito bago magwakas ang mundo? Dapat kumuha ng bahagi ang bawat isa, na nagpapakita rin ng pag-ibig at biyaya ng Diyos! Kahit na hindi ito sinabi ng Diyos, at walang gayong prinsipyo, bakit hindi tayo maging maagap? Ito ay pagkilos nang ayon sa mga prinsipyo!” Marami siyang binubuong dahilan na magagandang pakinggan at pagkatapos ay nagsisimula siyang umaksyon. Subalit kapag nagsimula na siya, nagkakagulo na, at pawala na nang pawala ang pagsaway sa puso niya. Maaari pa nga niyang madama na may katwiran naman ito, iniisip na, “Kung hindi ito kailangan ng Diyos, dapat kong gamitin ito. Hindi naman totoong problema ito.” Dito na nagkakaproblema. Ano sa tingin ninyo, malaking problema ba ito o hindi? Seryoso ba ito? (Oo.) Bakit natin sinasabing seryoso ito? Nararapat bang pagbahaginan ang isyung ito? (Oo.) Bakit ito nararapat pagbahaginan? (Kinasasangkutan ito ng disposisyon ng Diyos at may kinalaman din ito sa kalalabasan at destinasyon ng tao.) Mahalaga ang isyung ito, malala ang kalikasan nito. Ngayon, sa anong bagay Ko kayo dapat bigyang-babala? Huwag na huwag ninyong tanggapin ang ideya ng pagkuha sa mga handog. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi tama iyon; ang mga inihandog ng mga kapatid ay para sa sambahayan ng Diyos, para sa iglesia. Kaya iyon ay pag-aari ng lahat.” Tama ba ang pahayag na ito? Paano nabubuo ang ganoong pahayag? Nabubuo ang teoryang tulad nito mula sa kasakiman ng tao. Ano pa ang sangkot sa isyung ito? Mayroong isang bagay na hindi pa natin natatalakay—ano iyon? Iniisip ng ilan, “Isang malaking pamilya ang sambahayan ng Diyos. Para maipakita ang maayos na pamilya, mayroon dapat pag-ibig at pagpaparaya; dapat paghatian ng lahat ang pagkain, inumin, at mga yaman, at dapat na pantay-pantay na ipamahagi ang lahat ng iyon. Halimbawa, dapat may damit ang lahat, at dapat itong pantay-pantay na ipamahagi at matamasa. Hindi nagtatangi ang Diyos; kung may isang taong hindi makabili kahit medyas man lang at kung may ilang sobrang pares ang Diyos, dapat Siyang magbigay ng tulong sa kanila. Higit pa rito, galing sa mga kapatid ang mga handog sa Diyos; sobra-sobra na ang taglay ng Diyos, hindi ba’t dapat ipamahagi ang ilan sa mga iyon sa mga dukha? Hindi ba’t maipapakita nito ang pag-ibig ng Diyos?” Ganito ba mag-isip ang mga tao? Hindi ba’t mga kuru-kuro ng tao ang mga ito? Puwersahang inaangkin ng mga tao ang ari-arian ng Diyos habang maganda nila itong binabansagan na biyaya ng Diyos, mga pagpapala ng Diyos, at dakilang pag-ibig ng Diyos. Palagi nilang gustong pantay na makipaghatian sa Diyos, gustong pantay-pantay na hatiin ang lahat ng bagay, palaging isinusulong ang egalitaryanismo. Iniisip nilang simbolo ito ng unibersal na pagkakaisa, ng pagkakasundo ng tao, at isang kasiya-siyang pag-iral, at itinuturing nila ito na isang kalagayan na dapat na ipamalas. Hindi ba’t mga kuru-kuro ito ng tao? Lalo na sa sambahayan ng Diyos, iniisip nila na wala dapat magutom. Kung may nagugutom, dapat gamitin ng Diyos ang mga handog sa Kanya para makatulong; hindi dapat ito balewalain ng Diyos. Hindi ba’t ang “dapat” na ito na pinaniniwalaan ng mga tao ay isang klase ng kuru-kuro? Hindi ba’t isa itong paghingi ng tao sa Diyos? Pagkatapos manampalataya sa Diyos, sinasabi ng ilang tao na, “Napakaraming taon na akong nananampalataya sa Diyos pero wala pa akong nakamit; mahirap pa rin ang pamilya ko. Hindi dapat ito mangyari; dapat maging mabait ang Diyos sa akin, dapat Niya akong pagpalain para mas maluwalhati ko Siya.” Dahil mahirap ang pamilya mo, hindi mo hinahangad ang katotohanan; umaasa kang mabago ang mahirap mong kalagayan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, at ginagamit mo ang pagluluwalhati sa Diyos bilang dahilan para makipagtawaran sa Kanya. Mga kuru-kuro at imahinasyon ito ng tao; magagarbong pagnanais iyon ng tao. Hindi ba’t isang uri ng pakikipagtawaran sa Diyos ang pananampalataya sa Diyos nang may gayong mga motibo? May konsensiya at katwiran ba ang mga nakikipagtawaran sa Diyos? Nagpapasakop ba sa Diyos ang mga taong iyon? Siguradong hindi. Walang konsensiya at katwiran ang mga taong ito, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, itinataboy sila ng Diyos, at sila ay mga walang katwirang tao na hindi makakamit ang pagliligtas ng Diyos.