Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 2 (Ikatlong Bahagi)

Hindi pa natin natatapos suriin ang huling bahagi ng kuwentong “Kanino Ako Aasa?” na katatalakay lang natin. Sa sandaling magsimulang manampalataya ang isang tao sa Diyos, lumalapit siya sa Diyos para manalangin, hanapin ang mga layunin ng Diyos, tanggapin ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos, tanggapin ang gabay ng Diyos, at makinig sa bawat salitang galing mismo sa bibig ng Diyos. Sa panahong ito, gumagamit ang Diyos ng malilinaw na salita para sabihin sa mga tao ang Kanyang mga layunin at ang lahat ng kailangan nilang maunawaan. Hindi gusto ng Diyos na maunawaan mo ang mga doktrina at salita, ni hindi rin Niya gustong matuto ka ng teolohiya. Hindi ginagamit ng Diyos ang mga salitang ito para turuan kang magkaroon ng magandang asal, o maging mabuting tao, o maging isang taong may mga pananabik at ambisyon—hindi gusto ng Diyos na maging ganoong tao ka. Gusto ng Diyos na gamitin ang Kanyang mga salita para ipaunawa sa iyo kung saan nagmumula ang mga tao, kung paano sila dapat mamuhay, at kung anong uri ng daan ang dapat nilang sundan. Gayumpaman, pagkatapos na marinig ang mga salitang ito, hindi iyon pinag-iisipan ng mga tao, at matibay pa rin nilang pinanghahawakan ang kanilang mga pananaw, at ang kanilang mga kagustuhan, at pinanghahawakan pa nga nila ang kanilang mga prinsipyo sa pag-uugali. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao: “Ipinanganak akong may kagustuhang maging isang mabuting tao, at sa palagay ko naman ay hindi ako masyadong nalalayo sa pagiging isang mabuting tao. Wala akong ginagawang masama, hindi ako nananakit o nanloloko ng mga tao o nananamantala, at naging mas mabuting tao pa nga ako simula nang manampalataya ako sa Diyos. Nagsasabi ako palagi ng totoo, tunay ang pakikitungo ko sa iba, at sinusunod ko ang Diyos at ang mga pagsasaayos ng iglesia kapag ginagampanan ko ang aking tungkulin—hindi pa ba sapat iyon?” Marami bang may ganitong klaseng pag-iisip? Matutupad ba talaga ng mga mananampalataya ang mga hinihingi ng Diyos kung aasa sila sa ganitong paraan ng pag-iisip? Maraming katotohanan ang hinihingi ng Diyos na maunawaan ng mga tao, at maraming aralin ang hinihingi Niyang matutuhan nila. Sa partikular, ang mga katotohanan tungkol sa mga pangitain ang mga katotohanang dapat taglayin ng mga nananampalataya sa Diyos at ang mga bagay na nagtatatag ng pundasyon. Kung hindi man lang nila naiintindihan ang mga katotohanang ito, makakamit ba nila ang kaligtasan? Kung aasa lamang sila sa mga imahinasyon at masaya na sila sa sarili nila, pero hindi naman nila hinahangad ang katotohanan, kwalipikado pa rin ba silang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos o ang Kanyang mga pagsubok at pagpipino? Makakamit ba nila ang paglilinis ng Diyos at magagawa ba Niya silang perpekto? (Hindi.) Siguradong hindi. Maaaring lampas sa kalahati o higit pa nga ang bilang ng mga tao sa iglesia na hindi hinahangad ang katotohanan. Kung isasaalang-alang ninyo ang sitwasyong ito, mag-iisip ba kayo ng tulad nito: “Napakarami nang sinabi ang Diyos, subalit hindi pa rin nakakaunawa ang mga tao, kaya bakit hindi binibigyang-liwanag ng Diyos ang mga mangmang at hangal na tao? Bakit hindi lalong magsalita ang Diyos, gumawa pa ng gawain, at pagsikapan pa sila? Bakit hindi sila antigin at disiplinahin ng Banal na Espiritu para ang mga mangmang na ito ay hindi na maging mangmang pa, at ang mga hangal ay hindi na maging hangal pa? Bakit hindi ito ginagawa ng Diyos?” Mali ito. Hindi pa ba sapat ang sinabi ng Diyos? Maraming tao ang nagsasabi na masyadong maraming sinasabi ang Diyos, na nagsasalita Siya nang napakadetalyado, at paulit-ulit pa nga Siya masyado. Kung gayon, may nakakaalam ba kung bakit kailangang magsalita ng Diyos sa ganitong paraan? Ito ay dahil masyadong mapagmatigas at mapaghimagsik ang mga tao, hindi nila kailanman tinatanggap ang mga salita ng Diyos at hindi nila pinagsisikapan ang katotohanan—hindi pipilitin ng Diyos ang ganitong uri ng mga tao. Kung hindi tinatanggap ng mga tao ang mga salita ng Diyos, paano sila pakikitunguhan ng Diyos? Hindi kailanman gumagawa ang Diyos ng anumang bagay nang sapilitan, ito ang paraan kung paano Siya gumagawa. Napakarami nang sinabi ang Diyos na hindi na nga iyon mabasang lahat ng mga tao, kaya paano Niya mapipilit ang mga tao? Bakit hindi maunawaan ng mga tao ang mga masinsinang layunin ng Diyos? Ang bida sa kuwento, na nakaranas ng habambuhay na pasakit, ay nagbasa rin ng mga salita ng Diyos at nakinig sa mga sermon ng Diyos, at ginugol pa nga niya ang lahat ng oras niya para gumanap ng kanyang tungkulin sa iglesia, pero sa huli, hindi niya naunawaan kung sino ba talaga ang maaasahan niya, o kung paano nabuo ang kahilingan niya at kung magkakatotoo ba ito o hindi—malamang ay may problema sa kasong iyon. Sa katunayan, sa pananaw ng Diyos, napakasimpleng problema nito. Kailangan mo lang magbago ng direksyon at magtungo sa direksyong ibinigay sa iyo ng Diyos at sa landas na sinabi sa iyo ng Diyos, at manampalataya, tumanggap, magpasakop, at magsagawa sa matatag na paraan, nang walang anumang pagdududa o pag-aalinlangan. Subalit hindi ito magawa ng mga tao. Matibay nilang pinanghahawakan ang kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon at inaasam, at ang mga kahibangang nakatago sa kanilang mga puso. Itinuturing pa nga nila ang mga ito na kanilang huling makakapitang pag-asa, o mas malala pa rito, itinuturing nila ito bilang pundasyon na maaasahan nila para sa pag-iral nila, samantalang isinasantabi at binabalewala nila ang mga salita ng Diyos at ang direksyong ibinigay Niya sa kanila. Paano nga ba ito hinaharap ng Diyos? Kung hindi mo kinikilala at tinatanggap ang mabubuting bagay na ibinibigay sa iyo, inaalis ng Diyos ang mga iyon. Ano ang nakakamit ng isang tao kapag inalis ang mga ito? Wala. Kaya naman, sa kaibuturan ng kanyang puso, hindi na alam ng bidang ito ang mga sagot sa mga tanong na, “Ang Diyos ba talaga ang Siyang maaasahan ko? Sino ba talaga ang maaasahan ko? Sino ang maaasahan ko para mabuhay, para magkamit ng mga pagpapala, at para makamit ang aking destinasyon sa hinaharap?” Lalo na siyang nalito sa mga tanong na ito. Sa huli, ano ang panghihinayang na nanatili sa kaibuturan ng kanyang puso? Iyon ay na wala siyang maaasahan, wala siyang mapagkakatiwalaan. Ang saklap at miserable ng kanyang buhay! Nalilito na siya sa kung ano ang kabuluhan ng mga pagsasaayos ng Lumikha para sa mga tao sa buhay na ito, hindi niya alam. Pagkatapos niyang dumaan sa ganoong karanasan sa buhay, at tumanda na siya nang hindi pa rin niya maunawaan ang lahat ng iyon, at hindi siya makapagbigay ng tumpak na kongklusyon, o makahanap ng tumpak na direksyon at layon sa buhay—nang hindi niya nakamit ang alinman sa mga ito, ano na ang ginawa ng Diyos dito? Tinuldukan na ng Diyos ang buhay ng taong ito. Nagawa na ng Diyos ang lahat ng puwedeng gawin. Nagsaayos ang Diyos ng mga kapaligiran, binigyang-liwanag at ginabayan Niya ang bidang ito, at binigyan pa nga Niya ito ng motibasyon para magpatuloy mabuhay noong ito ay nasa labis na pasakit o noong naharap ito sa mahihirap na sitwasyon. Binigyang-daan siya ng Diyos na mabuhay hanggang sa puntong ito nang may lubos na pagmamahal at suporta. At ano ang layunin nito? Para magbago siya. Ano ang layunin ng pagbabago ng isang tao? Ang maunawaan na wala kang maaasahang sinuman, at na hindi ka dapat umasa kaninuman, at na hindi mo dapat subukang lumikha ng isang masayang buhay nang mag-isa, at na hindi ka dapat magkaroon ng anumang kahilingan, at na, maliban sa Lumikha, walang sinumang makapamamatnugot o makakakontrol sa iyong tadhana, maging ikaw man. Anong dapat mong piliin? Lumapit ka sa Lumikha nang walang anumang pagrereklamo o hinihingi, makinig ka sa Kanyang sinasabi, at sundan mo ang Kanyang daan. Maging ito man ay pasakit o karamdaman, bahagi ito ng buhay ng tao na kailangang maranasan. Kung malapit nang tuldukan ng Diyos ang buhay ng isang tao at hindi pa rin nito nauunawaan ang lahat ng ito, ano pa ang ginagawa ng Diyos? Wala na Siyang ginagawa, nagpapahiwatig din ito na sinukuan na ng Diyos ang taong ito. Bakit wala nang ginagawa ang Diyos? Dahil lagi nang namuhay ang taong ito sa sarili niyang mga kuru-kuro, at namuhay sa sarili niyang mga pagnanais at pinupursige, at tinrato niya ang lahat ng ipinatnugot ng Diyos nang may mapagmatigas at sutil na saloobin, at nang may mapagmagaling at mapagkompitensiyang saloobin. Samakatwid, kapag malapit nang magwakas ang buhay ng isang tao at dinaanan na niya ang bawat yugto ng mga kapaligiran o prosesong ito na inilatag ng Diyos, subalit ang kanyang pagkakilala sa Lumikha ay hindi man lang nagbago, at wala siyang kahit na anong pagkaunawa sa kapalaran ng buhay ng tao, malinaw na kung ano ang kahihinatnan ng buhay niya, at hindi na makikialam o gagawa ng anuman ang Lumikha. Sa ganitong paraan gumagawa ang Diyos.

Anong mga kuru-kuro at imahinasyon ang umuusbong sa mga tao dahil sa paraan ng paggawa ng Diyos? Kapag nakikita ng ilang tao na itinitiwalag ng Diyos ang iba, umuusbong sa kanila ang mga kuru-kuro at sinasabi nila: “Dumanas na ang taong ito ng sobrang pasakit sa buhay, hindi ba naaawa sa kanya ang Lumikha?” Ano ang kinakatawan ng pagkaawa? (Ang pagbibigay ng biyaya.) Matutukoy ba ng pagbibigay ng biyaya kung ano ang tadhana ng tao? Mababago ba nito ang kanyang tadhana? Mababago ba nito ang kanyang mga pananaw? (Hindi.) Samakatwid, gaano man karaming pagpapala, biyaya, at materyal na kasiyahan ang ipagkaloob ng Lumikha sa isang tao, kung hindi naman makapag-uudyok o makatutulong ang mga ito sa taong iyon na maunawaan ang mga layunin ng Diyos, o tahakin ang tamang landas sa buhay, at sa huli ay tahakin ang landas na itinuturo ng Diyos sa mga tao, at maunawaan ang lahat ng bagay na nararanasan ng mga tao sa kanilang buhay, mawawalan ng saysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa kanya, at malinaw na tutuldukan na ang yugto ng buhay kung kailan nananampalataya ang taong iyon sa Diyos. Anu-anong mga kuru-kuro ang kadalasang umuusbong sa mga tao? “Mapagparaya at mapagpasensiya ang Diyos, at makapangyarihan at malawak ang pag-ibig Niya. Bakit hindi Niya magawang mahalin ang ganitong tao?” Paano naipamamalas ang pag-ibig ng Diyos? Talaga bang mahal ng Diyos ang taong iyon o hindi? May naging resulta na ba sa taong iyon ang pag-ibig ng Diyos? Paano naipamamalas ang pag-ibig ng Diyos kapag wala namang mga resulta? Paano naipamamalas ang disposisyon ng Diyos? Paano isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain? Ang katunayan, bago pa man gumawa ng anuman ang Diyos, hinirang na Niya ang taong iyon, gumawa na Siya rito, at pinag-isipan na Niya ang paunang pagtatakda sa buong buhay nito at ang pamamatnugot dito ayon sa Kanyang paraan. Ang mga layunin ng Diyos ang nasa likod ng lahat ng ito. Hindi ba’t pag-ibig ito ng Diyos? (Oo.) Ito ay pag-ibig na ng Diyos. Habang dumaraan ang taong iyon sa bawat proseso ng kanyang buhay, pinapakitaan siya ng Diyos ng habag at malasakit, pinoprotektahan siya, binibigyan ng motibasyon, at ipinaglalatag ng ilang kapaligiran, patuloy siyang pinoprotektahan sa pagkumpleto niya ng kanyang misyon sa buhay. Sa panahon ng prosesong ito, gaano man siya kapilit, katigas ang ulo, kamapagmataas, o kamapagmatigas, patuloy siyang tinutulungan ng Diyos na maayos na mapagdaanan ang kanyang buhay ayon sa paraan ng Diyos, nang may pagmamahal at kadakilaan ng Lumikha, at responsabilidad ng Diyos. Gaano man karaming panganib at tukso ang kaharapin niya sa buhay, o kahit ilang beses siyang maging desperado at gustuhing magpakamatay, ginagabayan siya ng Diyos sa buhay na ito ayon sa paraan ng Diyos. Kung wala ang paggabay ng Diyos, tiyak na hindi magiging maayos ang takbo ng kanyang buhay, dahil malulugmok lang siya sa lahat ng uri ng pang-aakit, tukso, o panganib. Kaya, lahat ng ito ay pag-ibig ng Diyos. Sa kanilang mga kuru-kuro, iniisip ng mga tao na ang pag-ibig ng Diyos ay dapat na walang ganoong pasakit, mga kapighatian, at mga bagay na salungat sa kanilang damdamin. Ang katunayan, patuloy na binibigyan ng Diyos ang mga tao ng awa, biyaya, at mga pagpapala sa isang mapagmahal at mapagparayang paraan. Sa huli, ipinapahayag din Niya ang katotohanan nang may matinding pasensiya at pagmamahal, para maunawaan ng mga tao ang katotohanan at makamit ang buhay. Gumagamit Siya ng iba’t ibang kaparaanan para magkamit ng mga resulta, ginagabayan Niya ang mga tao sa bawat hakbang para maunawaan nila ang buhay ng tao at malaman nila kung paano mamuhay nang may kabuluhan. Ano ang layunin ng Diyos sa paggawa ng Kanyang gawain sa ganitong paraan? Sa mas mababaw na pananalita, ang layunin Niya ay ang maiwaksi ng mga tao ang lahat ng pasakit na sumasapit sa buhay nila, pati na rin ang lahat ng pasakit na sila mismo ang nagdudulot; sa mas malalim namang pananalita, ang layunin ng Diyos ay ang gawing masaya ang buhay ng mga tao, ang mamuhay sila bilang mga normal na tao, mga tunay na tao, at ang mamuhay sila sa ilalim ng patnubay ng Lumikha. Gayumpaman, may kalayaan ang lahat. Nilikha ng Diyos ang malayang pagpapasya at ang kakayahang mag-isip para sa mga tao. Kalaunan, tinanggap ng mga tao ang maraming bagay mula sa mundo at lipunang ito, tulad ng kaalaman, tradisyonal na kultura, kalakaran sa lipunan, ang itinuturo ng pamilya, at iba pa. Palagi nang kinasusuklaman ng Diyos ang mga bagay na nagmumula kay Satanas, at isinisiwalat Niya ang mga iyon para malaman ng mga tao ang pagiging katawa-tawa at mapagpaimbabaw ng mga ito, at ang ganap na pagiging di-kaayon nito sa katotohanan. Gayumpaman, hindi kailanman ibinubukod o inilalayo ng Diyos ang mga tao sa mga satanikong bagay na ito. Sa halip, hinahayaan Niyang maranasan at makilatis ng mga tao kung ano ba ang mga iyon, at mula roon ay magkakamit sila ng mga tamang karanasan sa buhay at tamang pagkaunawa. Kapag tapos na ang buong proseso at nagawa na ng Diyos ang lahat ng dapat Niyang gawin, nakakamit ng tao kung ano ang kaya niyang makamit. Kaya sa huling yugtong ito, anong mga kuru-kuro ang umuusbong sa mga tao? Iyon ay na inabandona ng Diyos ang isang tao, na nagpaparamdam sa mga tao na walang pagsasaalang-alang ang Diyos sa kanilang mga damdamin. Sa puntong iyon, nadarama ng mga tao na ang kaunting pag-asang nailagak ng taong iyon sa Diyos ay nawasak na, at sa tingin ng mga tao ay medyo malupit ito. Kapag naramdaman ng mga tao ang ganitong kalupitan, nalalantad din ang kanilang mga kuru-kuro. Gusto mong maging mabuting tao at tulungan ang taong iyon na maligtas. Makakatulong ba ito? Napakaraming taon nang nananampalataya sa Diyos ang taong iyon nang hindi man lang hinahangad ang katotohanan at wala siyang nakamit na kahit na ano. Gusto mo siyang kaawaan at tulungan, pero kaya mo ba siyang tustusan ng katotohanan? Kaya mo ba siyang pagkalooban ng buhay? Sadyang hindi mo magagawa iyon, kaya bakit ka may mga kuru-kuro sa Diyos? Patas at makatwiran sa lahat ang gawaing isinasakatuparan ng Diyos. Kung hindi nila personal na tinatanggap ang katotohanan at hindi sila nagpapasakop sa gawain ng Diyos, paano mo mairereklamo na hindi sila inililigtas ng Diyos? Tiyak na may ilang kuru-kuro ang mga tao rito. Nagkakaroon ang mga tao ng napakaraming kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos, tulad ng: “Dahil napakarami nang ginawa ang Diyos, bakit hindi pa Niya isakatuparan nang ganap ang huling yugtong ito? Parang hindi ito ang gustong gawin ng Diyos, ni ang dapat gawin ng Diyos. Dahil gumawa na ang Diyos ng gayon kadakilang gawain, dapat Niyang hayaang maligtas ang lahat ng nananampalataya sa Kanya. Ang gayong tagumpay lamang ang magiging perpektong resulta ng gawain ng Diyos. Bakit itiniwalag ng Diyos ang taong ito? Salungat ito sa pag-ibig at awa ng Diyos para sa mga tao, at malamang na hindi ito maunawaan ng mga tao! Bakit sa ganitong paraan gagawin ng Diyos ang mga bagay-bagay? Hindi ba’t medyo walang pagsasaalang-alang ito sa damdamin ng mga tao?” Ganito lang talaga ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Danasin na lang ninyo ito at balang-araw ay mauunawaan rin ninyo.

Ang katatalakay lang natin ngayon ay may kinalaman sa ilang kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Ang ilan doon ay mga imahinasyon ng mga tao, at ang ilan ay mga hinihingi ng mga tao sa Diyos, na ang ibig sabihin, iniisip ng mga tao na dapat gawin ng Diyos ang ganito at ganyan. Kapag hindi umaayon ang gawain ng Diyos sa iyong mga kuru-kuro at sumasalungat ito sa iyong mga hinihingi o imahinasyon, madidismaya at malulungkot ka, at iisipin mo na “Hindi kita diyos, hindi magiging kagaya mo ang diyos ko.” Kung ang Diyos ay hindi mo Diyos, sino na ang diyos mo? Kapag hindi nalutas ang mga ito, madalas namumuhay ang mga tao sa mga kalagayan at kuru-kurong ito, at madalas nilang ginagamit sa isipan nila ang mga kuru-kuro at hinihinging ito para sukatin ang gawain ng Diyos, para husgahan kung ginagawa ba nila nang tama o mali ang mga bagay-bagay, at para husgahan kung tama ba ang landas na kanilang tinatahak—magdudulot ito ng kaguluhan. Tinatahak mo ang isang landas na walang kinalaman sa mga hinihingi ng Diyos, kaya kahit pa mukhang sumusunod ka sa Diyos at mukhang nakikinig ka sa Kanyang mga sermon at Kanyang mga salita, magbubunga ba ito sa huli ng pagkakamit ng kaligtasan? Hindi. Samakatwid, upang makamit ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, hindi ibig sabihin na sa pamamagitan ng pagtanggap sa gawain ng Diyos at pagpasok sa buhay iglesia ay makasisigurado ka nang nasa loob ka ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at kasama ka sa mga ililigtas at gagawing perpekto ng Diyos, at na nangangahulugan itong naligtas ka na, o siguradong maliligtas ka. Hindi ganoon. Mga kuru-kuro at imahinasyon lamang ito ng tao, at pangangatwiran at paghusga ng tao.

Lagumin ninyo—anong mga kuru-kuro ng tao ang nasasangkot sa kuwentong ito na kasasabi Ko lang sa inyo? Kapag nalagom na ninyo ang mga ito, basahin ninyo ang mga ito. (O Diyos, nalagom namin ang apat na kuru-kuro: Una, nadarama ng mga tao na kung mayroon silang kahilingan at mga hangarin na makatwiran at hindi naman labis, dapat tuparin ng Diyos ang mga iyon. Pangalawa, nadarama ng mga tao na kung nagbayad ang Diyos ng napakalaking halaga para gumawa sa kanila pero hindi pa rin sila nakauunawa, dapat gumawa ang Diyos ng ilang kahima-himalang gawain upang agad silang maliwanagan at maipaalam sa kanila ang tamang landas sa buhay, sa halip na pahirapan sila ng napakaraming pagsubok sa buhay, at hayaan silang mangapa nang sila lang at personal na danasin at harapin ang mga bagay-bagay. Pangatlo, may mga kuru-kuro ang mga tao tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa tingin nila, kung nagbayad ang Diyos ng napakalaking halaga para gumawa sa kanila, may maibunga dapat ito sa huli, at iyon ay na dapat silang makamit ng Diyos. Pang-apat, mayroong mentalidad ng pag-asa sa suwerte sa likod ng pananampalataya ng mga tao sa Diyos.) Mayroon pa ba? Sino ang makakapagsabi sa Akin? (Ang isa pang kuru-kuro ay na dahil maraming taon nang gumagawa ang Diyos at nakagawa na Siya ng gayon kalaking gawain, dapat na makapagkamit Siya ng mas marami pang tao, at kung kakaunting tao lamang ang makakamit Niya, hindi ito gawain ng Diyos.) Limang kuru-kuro na iyan. Mayroon pa ba? (May naisip akong isa, iyon ay na kapag may ilang espesyal na karanasan ang mga tao, tulad ng pagkaaresto at pag-uusig, at sa prosesong ito ay may ilan silang tunay na pakikipag-ugnayan sa Diyos at tunay na patotoo, itinuturing nila ito bilang isang uri ng kapital at iniisip nila na dahil mayroon silang ganoong patotoong batay sa karanasan, makukuha na nila ang pagsang-ayon ng Diyos at sa gayon ay mas malaki na ang tsansa nilang maligtas.) (Gayundin, iniisip ng mga tao na kung mas malaki ang kanilang gawain at mas malaki ang halagang ibinabayad nila, mas makukuha nila ang pagsang-ayon ng Diyos at mas malamang na maligtas sila.) Sa madaling salita, iniisip ng mga tao na ang mga tsansa nilang makuha ang pagsang-ayon ng Diyos ay nakabatay sa kung gaano kalaki ang halagang ibinabayad nila, at dapat na proporsiyonal ang dalawang iyon, sa halip na magkabaligtad o walang relasyon, at dapat na magkaugnay ang mga iyon—isa itong kuru-kuro. Pito na iyan. Ano pa? (May isa pang aspekto, iyon ay na iniisip ng mga tao na kung gusto ng Diyos na maunawaan nila ang katotohanan, maaari Niya silang bigyang-liwanag para maipaunawa ito sa kanila, at hindi Niya dapat subukin, pagkaitan, o pahirapan ang mga tao, dahil mahal ng Diyos ang mga tao, at hindi pagmamahal ang pahirapan sila.) Isa itong kuru-kuro tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Ano pang ibang kuru-kuro ang mayroon? (Iniisip ng mga tao na mas mabuti kung makakamit ng Diyos ang lahat. Mapapahiya si Satanas at makakamit din ng Diyos ang sangkatauhan. Ngunit ang katunayan, isa itong makasarili at kasuklam-suklam na paraan ng pag-iisip ng mga tao, at para ito sa kanilang sariling kapakanan.) Mayroon silang perpektong imahinasyon tungkol sa mga resulta ng gawain ng Diyos. Isa itong kuru-kuro. Bukod sa makasarili at kasuklam-suklam na mithiing iyon ng mga tao, naniniwala sila na dapat may simula at wakas ang lahat ng ginagawang ito ng Diyos, at dapat perpekto ang kinalabasan, at naaayon sa kanilang mga ninanais, at naaayon sa kanilang mga imahinasyon, at naaayon sa kanilang paghahangad sa magagandang bagay. Gayumpaman, kapag natapos na ang gawain ng Diyos, ang mga katotohanan ay madalas na hindi naaayon sa mga imahinasyon ng mga tao, at maaaring hindi kasingperpekto ng iniisip ng mga tao ang kalalabasan ng lahat ng ito. Siyempre, ayaw makita ng mga tao na kakaunting tao lang ang matitira kapag natapos na ang gawain ng Diyos, tulad noong Kapanahunan ng Kautusan, kung kailan kakaunti lamang ang mga mananampalatayang tulad ni Job na natakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Sa tingin ng mga tao, hindi dapat ganito ang mga resulta ng gawain ng Diyos, dahil makapangyarihan sa lahat ang Diyos, at ganito ang pakahulugan nila sa pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos. Ang kahulugang ito mismo ng pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos ay isang kuru-kuro, isang konsepto ng paghingi na maging perpekto na nasa imahinasyon ng mga tao, at walang kinalaman sa kung ano ang gustong gawin ng Diyos at sa mga prinsipyo kung paano ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain. Ano pang ibang mga kuru-kuro ang mayroon? (Kapag nananampalataya ang mga tao sa Diyos, hindi nila pinagninilayan ang landas na kanilang tinatahak, ni kung paano nila maiwawaksi ang katiwalian at makakamit ang kaligtasan. Sa halip, iniisip nila na makapangyarihan sa lahat ang Diyos at na kung sasabihin ng Diyos na mapagbabago Niya ang mga tao ay magbabago sila.) Sinasabi ng Diyos sa mga tao kung paano magbago, pero hindi isinasagawa ng mga tao ang Kanyang mga salita, at hindi nila binabago ang mga sarili nila, at lagi pa nga nilang gustong umiwas sa gusot at ang Diyos na ang magbago sa kanila. Isa itong uri ng hungkag na imahinasyon at kuru-kuro. Mayroon pa ba? (Iniisip ng mga tao na ang taong nagdusa na nang husto at dumanas ng maraming pagsubok ay dapat na magkaroon ng magandang kalalabasan sa huli, at hindi sila dapat sukuan ng Diyos. Sa huli, kapag hindi nakamit ng Diyos ang taong ito at gusto Niyang sukuan na lang ito, titingnan ng mga tao ang lahat ng bagay na ito na ginawa ng Diyos mula sa perspektiba ng isang “mabuting tao,” at madarama nilang ang mga pagkilos ng Diyos ay masyadong walang pagsasaalang-alang sa kanilang mga damdamin at masyadong malupit.) Ano ang problema rito? Inilarawan lamang ninyo ang ilang bagay at pagkakaunawa ninyong batay sa inyong pandama, nang hindi binabanggit na ito ay problemang may kinalaman sa mga kuru-kuro. Ano ang pangunahing kuru-kuro ng mga tao rito? Iniisip ng mga tao na inililigtas ng Diyos ang isang tao batay sa kung gaano ito kaawa-awa at kung gaano ito nagdusa. Iniisip ng mga tao na kapag sa wakas ay napagpasyahan na ng Diyos ang kalalabasan ng taong ito, dapat Niyang ipakita ang Kanyang mahabaging puso, at ang Kanyang kagandahang-loob, pagpaparaya, pagmamahal, at awa, dahil nagdusa na nang labis ang taong ito at sobrang kaawa-awa ang buhay nito. Nauunawaan man o hindi ng taong iyon ang katotohanan, at gaano man ito nagpapasakop sa Diyos, iniisip ng mga tao na hindi dapat isaalang-alang ng Diyos ang mga iyon, kundi dapat Niyang isaalang-alang kung gaano kahabag-habag ang taong iyon, at isaalang-alang na nagdusa na ito ng labis na pasakit, at isaalang-alang na matibay itong kumakapit sa pangarap nito, at gawin itong eksepsyon at payagan itong maligtas—isa itong kuru-kuro ng mga tao. Maraming “mga dapat” ang mga tao at ginagamit nila ang lahat ng “mga dapat” na ito upang tukuyin kung ano ang dapat gawin ng Diyos at upang bigyang-kahulugan ang mga aksyon ng Diyos. Kapag ibinubunyag ng mga katunayan na hindi ginawa ng Diyos ang mga bagay sa ganitong paraan, umuusbong ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at umuusbong sa mga tao ang maling pagkaunawa sa Diyos. Kung gayon, maling pagkaunawa lang ba? Umuusbong din mula rito ang pagiging mapaghimagsik ng mga tao. Ito ang mga kasawian at kahihinatnan na idinudulot ng mga kuru-kuro sa mga tao.

Ang mga kuru-kuro ang pinagtutuunan ng tinatalakay natin. Sa pamamagitan ng kuwentong katatapos lang nating pag-usapan, makikita ng mga tao na gumamit ang bida ng maraming kuru-kuro para sukatin ang lahat ng bagay na pinatnugot ng Diyos, at bilang resulta ng lahat ng nangyari sa bida at ng paraan ng pakikitungo ng Diyos sa kanya, nakakabuo ang mga tao ng maraming kaisipan at hinihingi sa Diyos—na pawang mga kuru-kuro. Sabihin ninyo sa Akin, anong iba pang mga kuru-kuro mayroon ang mga tao? (Iniisip ng mga tao na dahil gumawa na ang Diyos ng gayon kalaking gawain, dapat ay magkamit Siya ng mas maraming tao. Subalit sinasabi ng Diyos na kung kaunti lamang ang makakamit Niyang tao, iyon lang lahat ang makakamit Niya, kaya sa tingin ng mga tao ay ayaw ng Diyos na magkamit ng gayon karaming tao, at kaya tumitigil na lang sila sa paghahangad.) Naaapektuhan ng mga kuru-kuro ang paghahangad ng mga tao. Kailangan itong iwasto. Hindi naman sa ayaw ng Diyos na magkamit ng ganoon karaming tao, gusto Niya naman iyon. May katanungan dito. Kapag tinukoy na ng Diyos sa huli ang kahihinatnan ng mga tao, sa anong batayan sasabihin ng Diyos na hindi na Siya gagawa sa kanila, at sa halip ay susukuan na Niya sila? May pamantayan ang Diyos dito, na isa ring prinsipyo at pangunahing punto. Kung may mga kuru-kuro ka sa pamantayan, prinsipyo, o pangunahing puntong ito, o hindi mo ito nakikita nang malinaw, uusbong sa iyo ang ilang di-pagkakatugma o imahinasyon tungkol sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Masyadong pinagsikapan ng Diyos ang bidang ito pero hindi siya nagbago at hindi niya binitiwan ang kahilingan niya, kundi mas kumapit pa nga siya rito, at hindi siya lumapit sa Diyos, kaya sinukuan siya ng Diyos.” Ito ba ang pangunahing dahilan kaya siya sinukuan ng Diyos? (Hindi.) Kung ganoon, ano ang pangunahing dahilan? Sa bandang huli ng kuwentong ito, nang tumanda na ang bida, bagama’t nagbago na ang anyo niya, at tumanda na siya sa paglipas ng mga taon, at nagbago na ang mga panahon, ang hindi nagbago ay ang kahilingan niya, at ang halos malalabong kahibangan niya. Ano ang dahilan ng patuloy na pagkapit niya sa ganoong kahilingan? (Ang kanyang mapagmatigas at mapaghimagsik na disposisyon.) Tama iyan, ang katunayang hindi niya minahal ang katotohanan, hindi niya hinangad ang katotohanan, hindi niya tinanggap ang mga salita ng Diyos, at hindi niya isinagawa ang katotohanan ang siyang nagdulot ng ganitong resulta. Ang mga tiwaling disposisyon niya ng kayabangan, pagiging mapagmatigas, at katigasan ng ulo ang nagsanhing panghawakan niya ang mga kahilingan at mithiin niya, at ang pumigil sa kanyang bitiwan ang mga mithiin niya. Ano ang dahilan nito? Dahil ito sa mga tiwaling disposisyon niya. Kaya, sa tuwing makikita ng Diyos na malapit nang magwakas ang buhay ng isang tao, pero mapagmatigas, mapagmataas, at sutil pa rin ang disposisyon nito, ano ang ibig sabihin nito? Sa takbo ng gawain ng Diyos, bagama’t sa panlabas ay tila sumusunod sa Diyos ang taong ito at ginagampanan niya ang tungkulin niya, hindi niya isinasagawa at nararanasan ang mga salita ng Diyos sa lahat ng ginagawa niya, at sa diwa nito ay wala talaga siyang buhay pagpasok. Kung gayon, talaga bang tumatanggap at nagpapasakop sa gawain ng Diyos ang mga ganitong tao? (Hindi.) Oo nga. Sa huli ay nagreresulta ito sa pag-abandona sa kanila ng Diyos. Nagpatuloy sila sa landas nang buong buhay nila, at bagama’t noong buhay sila ay lumapit sila sa Diyos at naunawaan nilang ang Lumikha ang siyang pumatnugot sa lahat ng ito, at ang Lumikha ang nagsasaayos ng tadhana ng mga tao, sa panahong sumunod sila sa Diyos at nakinig sila sa mga salita ng Diyos, hindi kailanman nagbago ang mapagmatigas, mapagmataas, at sutil nilang disposisyon, maging sa pinakawakas, kaya kitang-kita ang resultang ito. Ito ang huling pamantayan ng Diyos—ang prinsipyo ng Diyos—para sukuan ang isang tao. Anuman ang mga pananaw ng mga tao, o anumang pagsusuri ang gawin nila tungkol sa prinsipyo at pamantayang ito ng Diyos, hindi maiimpluwensiyahan ng mga tao ang Diyos at gagawin Niya ang anumang dapat Niyang gawin. Kung hindi ka nakikipag-ugnayan sa taong ito at hindi mo nauunawaan ang pinakatatagong diwa ng taong ito at ang disposisyon niya, kundi isinasaalang-alang mo lamang ang anyo niya, hindi mo kailanman mauunawaan ang prinsipyo at ugat ng mga pagkilos ng Diyos, at huhusgahan mo ang mga pagkilos ng Diyos at ang paghatol Niya sa taong ito. Tatanungin Ko kayo, bakit magkakaloob ang Diyos ng gayong pagtrato sa ganitong kaawa-awang tao, na dumanas ng lahat ng klase ng pasakit sa buhay, na dumanas ng paghihirap nang buong buhay niya? Bakit siya susukuan ng Diyos? Ayaw makita ninuman ang resultang ito, pero totoo talaga ito at nangyayari. Anong dahilan kung bakit siya tinatrato nang ganito ng Diyos? Kung gumawa ang Diyos sa taong ito nang sampung taon pa, magbabago ba siya, kung ang pagbabatayan ay ang paghahangad, disposisyon at ang landas na tinatahak niya? (Hindi.) Kung gumawa sa kanya ang Diyos nang 50 taon pa at hinayaan siya ng Diyos na mabuhay nang medyo mas matagal pa, magbabago kaya siya? (Hindi.) Bakit hindi siya magbabago? (Dahil itinakda na ng kalikasang diwa niya na isa siyang taong hindi maghahangad sa katotohanan, kaya kahit gaano karaming taon pa siyang manampalataya sa Diyos, hindi na siya magbabago.) Sino ang makapagsasabi nito sa mas partikular na paraan? (Mali ang landas na tinatahak niya, hindi iyon landas ng paghahangad sa katotohanan. Ibig sabihin, gaano karaming taon man siyang manampalataya sa Diyos, magiging walang saysay iyon. Kahit pa manampalataya siya sa Diyos sa loob ng 10 o 20 pang taon, hindi magbabago ang landas na tinatahak niya at ang direksyon ng buhay niya.) Ganoon talaga iyon. May mga kuru-kuro at imahinasyon siya. Hindi niya hinahangad ang katotohanan, o ang pagkaunawa sa katotohanan, o ang pagpasok sa katotohanan. Ang hinahangad lamang niya ay ang magmukha siyang patuloy na sumusunod, pero lubusang walang pagbabago sa diwa niya. Sampu o dalawampung taon na siyang nananampalataya sa Diyos nang hindi hinahangad ang katotohanan, o 30 o 50 taon pa nga pero hindi pa rin niya hinahangad ang katotohanan, at hindi kailanman nagbabago ang inihahayag at ipinamumuhay niya. Itinatakda ito ng kalikasang diwa niya, at ito lang talaga ang uri ng disposisyon niya. Hindi ito nagbago kailanman, at ang mga kuru-kuro at imahinasyon niya sa Diyos ay hindi kailanman nagbago. Kung gayon, may mga prinsipyo ba ang Diyos sa pakikitungo sa ganitong tao? Oo naman. Palaging nagkukunwari ang mga tao na mabuti sila, inaakalang mapagparaya at dakila sila. Pero ang pagpaparaya mo ba ay kasingdakila ng sa Diyos? Ang pag-ibig mo ba ay kasingdakila ng sa Diyos? (Hindi.) Kaya ano nga ba ang pagpaparaya ng Diyos? Paano mo masasabing mapagparaya at mapagmahal ang Diyos? Gumagamit ang Diyos ng iba’t ibang paraan na kapaki-pakinabang sa mga tao para dalhin sila sa harapan Niya, para magawa silang pakinggan at maunawaan ang Kanyang mga salita, at para magawa silang tahakin ang buhay at magsagawa sa paraang hinihingi Niya. Subalit hindi tumatanggap ang taong iyon, kundi matibay itong kumakapit sa sarili nitong mga pananaw hanggang sa pinakawakas. Kapag nagkagayon, sinusukuan na lang ba ng Diyos ang taong ito sa panahon ng pagdanas nito sa buhay? (Hindi.) Hindi sumusuko ang Diyos. Sa bawat yugto ng buhay ng taong ito, sa lahat ng ginagawa ng Diyos para dito at sa bawat hinihingi ng Diyos na maranasan nito, seryosong inaako ng Diyos ang responsabilidad hanggang sa pinakawakas. Ano ang layunin ng Diyos sa pag-ako sa responsabilidad hanggang sa pinakawakas? Ito ay ang makakita ng magandang resulta, ang makakita ng resulta na kasiya-siya at katanggap-tanggap sa taong iyon, para matamasa nito ang tunay na kaligayahang hinihiling nito—ito ang pagpaparaya ng Diyos. Subalit ano ang resultang nakikita ng Diyos sa huli? Nakikita ba ng Diyos ang resultang gusto Niyang makita sa huli? (Hindi.) Hindi Niya ito nakikita, wala nang pag-asang natatanaw. Ano ang kahulugan kapag wala nang nakikitang pag-asa ang Diyos? Ibig sabihin ay wala nang maaasahan pa ang Diyos sa taong ito. Sa pantaong pananalita, dismayado Siya. Kung may kaunti pang pag-asa, hindi susuko ang Diyos. Ito ang pagpaparaya at pagmamahal ng Diyos. Praktikal na nagpaparaya at nagmamahal sa mga tao ang Diyos, sa halip na nagsasabi lang ng mga hungkag na salita. Sa huli, ang nakikita lang ng Diyos sa taong ito ay na hindi nagbago ang tiwaling disposisyon nito, matigas pa rin ang ulo nito, at nananatili pa rin sa kaibuturan ng puso nito ang kahilingan nito. Bagama’t gusto ng taong ito na pagpalain siya, kapag lumalapit siya sa Diyos, wala naman siyang binibitiwan. Sa halip, habambuhay niyang pinanghahawakan, at kinakapitan, at mahigpit na sinusunggaban ang mumunting hiling niyang ito. Sa panlabas, ipinagkakatiwala ng taong ito ang sarili niya sa Diyos, at ibinibigay niya ang buhay niya at ang lahat ng kamag-anak niya sa Diyos. Pero ano ang realidad? Gusto niyang siya mismo ang mangasiwa, na siya ang mangasiwa sa mga taong nakapaligid sa kanya, ang mangasiwa sa kanyang mga kamag-anak, at ang mangasiwa sa kanyang sarili, at dagdag pa rito, gusto niyang umasa sila sa isa’t isa—hindi talaga niya ipinagkakatiwala ang lahat ng ito sa Diyos. Kahit saan mo pa ito tingnan, ang landas na tinatahak ng taong ito ay hindi pagsunod sa Diyos, ni sadyang pagtugon sa mga hinihingi ng Diyos. Hindi talaga niya tinatahak ang landas ng pagsunod sa Diyos. Napakarami na niyang pinagdusahan at naranasang pambihirang bagay sa buhay, pero hindi pa rin ito nakapagsanhing abandonahin niya ang maganda at masayang imahe ng buhay na pinapangarap niya, ni magnilay sa anumang paraan. Anong klaseng tao ito? Masyadong mapagmatigas ang mga ganitong tao. Kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan at hindi nila susundan ang tamang landas sa buhay, ito na ang pangwakas na resulta. Sa huli, ang ginawa ng Diyos ay ang lahat na ng puwede Niyang gawin. Lumampas na ito sa mga imahinasyon ng mga tao at higit na sa maaabot nila. Sobra na ang ibinigay ng Diyos sa mga tao. Batay sa katiwalian ng mga tao, sa disposisyon nila, at sa saloobin nila sa Diyos, hindi sila karapat-dapat sa mga bagay na ito, at hindi sila karapat-dapat sa mga pagpapalang ito. Pero sumusuko ba ang Diyos? Maraming ginagawa ang Diyos bago Siya sumuko. Walang tigil na ipinagkakaloob ng Diyos ang pag-ibig, awa, biyaya at mga pagpapala Niya sa mga tao. Pero pagkatapos nilang matanggap ang mga ito mula sa Diyos, ano ang saloobing isinusukli nila? Umiiwas at lumalayo pa rin sila sa Diyos, at sa loob-loob nila ay madalas na pinagdududahan ang Diyos, nagbabantay laban sa Kanya, sumasalungat sa Kanya, at sumusuko. Bakit palaging nagnanais ang taong ito na umasa sa iba para maging masaya ang buhay niya? Hindi niya magawang manampalataya sa Diyos. Hindi siya nananampalataya na maaakay ng Diyos ang mga tao papunta sa tamang landas at na mapasasaya sila ng Diyos. Pakiramdam niya lagi ay tama ang sarili niyang landas. Kung natulungan at naakay lang sana siya ng Diyos para matupad niya ang mga mithiin niya ayon sa landas na pinili niya at mga hinihingi niya, tumanggap at nagpasakop sana siya. Gayunpaman, ipinahahayag ng Diyos ang katotohanan para pabalikin ang mga tao sa Kanya, para matanggap nila ang katotohanan at makapamuhay sila ng makabuluhang buhay, subalit taliwas ito sa mga kuru-kuro ng taong iyon. Kaya gusto niyang gawin na lang ang gusto niya at mamuhay ayon sa gusto niya. Iniisip niyang kailangan lang niyang umasa sa sarili niya at sa iba, at na hindi niya makakamit ang mga mithiin niya kung aasa siya sa Diyos. Dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos at kumakapit lang sila sa mga kuru-kuro nila, palayo lang sila nang palayo sa Diyos. Tanging ang mga nakakakita lamang na ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at ang mga nakakakitang ang mga tao ay sukdulang tiwali at nangangailangan ng pagliligtas ng Diyos, at ang mga nakakakitang ang lahat lang ng ginagawa ng Diyos ang katotohanan, at na ang lahat ng iyon ay alang-alang sa pagliligtas sa sangkatauhan mula sa impluwensiya ni Satanas at alang-alang sa pagdadala sa sangkatauhan sa magandang destinasyon—ang mga gayong tao lang ang makatitingala sa Diyos, makaaasa sa Kanya, makasusunod sa Kanya hanggang sa wakas, at ang hindi Siya kailanman iiwan.

Ang katatapos lang nating pagbahaginan ay ang saloobin ng Diyos sa tao, at gayundin ang iba’t ibang paraan na gumagawa ang Diyos sa gitna ng mga tao at sa mga tao. Kung nagkakaroon ng mga kuru-kuro ang mga tao sa mga ito, dapat nilang madalas na suriin, pagnilayan, unawain, at pagkatapos ay baguhin ang sarili nila. Ano ang silbi ng pagbago ng isang tao sa sarili niya? Kung napagtatanto ng mga tao na ang mga ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon, at napagtatanto nila kung paano talaga ginagawa ng Diyos ang mga bagay-bagay, magkakaroon pa rin ba sila ng ilang mas mali at mas baluktot pang kuru-kuro tungkol sa Diyos? Posible pa rin, dahil mapaghimagsik ang mga tao at may mga aktibo silang kaisipan, kaya malamang ay magkakaroon sila ng lahat ng uri ng iba’t ibang kuru-kuro tungkol sa Diyos. Nagpapausbong ang isang kuru-kuro ng isa pa, na nagpapausbong naman ng iba pang mga kuru-kuro, at tuloy-tuloy na lumilitaw ang lahat ng klase ng kuru-kuro. Kasabay ng pagkakaroon nila ng mga kuru-kuro sa Diyos, patuloy ring hindi naiintindihan ng mga tao ang Diyos, at nagninilay sila, at pagkatapos ay patuloy din nilang inuunawa ang katotohanan, at sa ganitong proseso ay unti-unti nilang nakikilala ang Diyos. Ano ang dahilan kung bakit hindi makamit ng mga tao ang pagkakilala sa Diyos? Hindi kasi nila alam kung ano ang mga kuru-kuro, at hindi nila nababatid ang mga kuru-kurong nasa loob nila, ni pinagninilayan ang mga iyon, o binibitiwan ang mga iyon kailanman. Pinagtutuunan lamang nila ang pagkapit sa mga iyon, at hindi sila kailanman nagsisikap na matutuhan o maunawaan kung paano gumagawa ang Diyos, o kung ano ba ang diwa ng gawain ng Diyos. Dahil dito, bukod sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, may isang bagay pang nagiging hadlang sa pagitan ng Diyos at ng tao, na nakakaapekto rin sa kaligtasan ng mga tao. Samakatwid, habang iwinawasto ng mga tao ang mga tiwaling disposisyon nila, kailangan nilang magkamit ng mas pino at detalyadong pagkaunawa sa kung ano ba ang mga kuru-kuro ng tao. Ano ang layunin ng pag-unawa at paglutas sa mga kuru-kuro ng tao? Para bitiwan ba ang mga iyon? Iyon ay para makapasok nang mabilis ang mga tao sa katotohanang realidad, para maunawaan nila kung ano ba talaga ang gusto ng Diyos na pasukin ng mga tao, at maunawaan nila kung paano ginagawa ng Diyos ang mga bagay-bagay. Kung ginawa ng Diyos ang mga bagay-bagay nang ayon sa iniisip mo, magiging epektibo ba ang paggawa ng Diyos sa iyo? Hindi, hindi ito mangyayari. Halimbawa, may ilang bagay na hindi kailanman binibigyang-liwanag ng Diyos sa iyo. Sa halip, nagtatakda Siya ng mga hayagang kondisyon kung paano gagawin ang mga iyon, at kailangan mo lang sundin at gawin ang mga iyon. Subalit palagi kang naghihintay na antigin at bigyang-liwanag ka ng Diyos, at dahil dito, naaantala ng paghihintay na ito ang gawain, hindi mo natutupad nang maayos ang tungkulin mo, at sa huli ay napapalitan ka. Ano ang dahilan nito? (Ang mga kuru-kuro.) Kung pagbabatayan ito, naaapektuhan ba ng mga kuru-kuro ng mga tao ang pagpasok nila? (Oo.) Hanggang sa anong antas ito naaapektuhan ng mga iyon? Sa pinakakaunti, naaapektuhan ng mga iyon ang pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan at ang pagpasok nila sa realidad; sa pinakamalala naman, naaapektuhan ng mga iyon ang tamang pagpili ng mga tao at madali silang naaakay ng mga iyon na tahakin ang maling landas. Malamang na maunawaan nang mali ng mga tao ang Diyos kapag may mga kuru-kuro sila. Halimbawa, pinupungusan, hinahatulan, at kinakastigo ng Diyos ang mga tao para magkamit ng mga positibong resulta, nang sa gayon ay magkamit ng mas mabuting pagkaunawa ang mga tao sa sarili nila at tunay silang magsisi. Gayumpaman, iniisip ng mga tao na sinasadya silang salungatin ng Diyos, at sadyang gusto Niyang ibunyag at itiwalag sila. Ano man ang sinasabi o ginagawa ng Diyos, lagi nilang iniisip ang pinakamasama tungkol sa Kanya, at naniniwala silang hindi sila iniibig ng Diyos, at itinuturing pa nga nilang mga hangal ang mga nagsasagawa ng katotohanan. Ipinapakita ng Diyos sa mga tao ang tamang landas at hinahayaan Niya silang isagawa ang katotohanan at mamuhay sa liwanag, pero sa halip ay mas pinipili nilang mamuhay sa kadiliman nang ayon sa mga satanikong pilosopiya at lohika. Kaya, ang landas na tinatahak nila ay hindi ang landas ng kaligtasan. Kung ipipilit mo ang pagsalungat sa Diyos, hindi ba’t palayo ka na nang palayo sa gawain ng Diyos? Habang palayo ka nang palayo sa landas ng kaligtasan, lubos ka nang ititiwalag. May kasabihan sa Bibliya na: “Ang mangmang ay namamatay sa kakulangan ng karunungan” (Kawikaan 10:21). Seryosong bagay ba ang kamatayan? Sa konteksto ng mga huling araw, ang magtapos ang buhay ay hindi seryosong bagay, subalit ang mamatay ay seryoso. Ang magtapos ang buhay ay hindi nangangahulugang mamatay, samantalang ang mamatay ay talagang nangangahulugang wala nang kalalabasan—ito ay ang maging patay magpakailanman. Dati, sinasabi na maaaring magtapos ang buhay ng mga tao dahil sa kahangalan. Pero sa kasalukuyan, hindi malaking bagay ang kahangalan. Sino ba ang hindi gumagawa ng mga kahangalan? Hindi rin malaking bagay ang magtapos ang buhay, dahil hindi naman ito talaga nangangahulugan na mamatay. Kung ganoon, bakit namamatay ang mga tao? Namamatay ang mga tao dahil sa katigasan ng ulo at kasutilan nila, na mas seryoso pa kaysa magtapos ang buhay dahil sa kahangalan, dahil walang kalalabasan. Bakit Ko sinasabing ang katigasan ng ulo at kasutilan ay maaaring magdulot sa tao na mamatay? May kinalaman ito sa isyu ng landas na tinatahak ng mga tao. Anong uri ba ng disposisyon ang katigasan ng ulo? Ito ay pagiging mapagmatigas. Sobrang nakagugulo ang pagkakaroon ng mapagmatigas na disposisyon. Minsan, hindi nakauunawa ang mga tao at gusto lang nilang gawin ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, samantalang minsan naman ay nakauunawa sila pero gusto pa rin nilang gawin ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, nang hindi sinusunod ang mga hinihingi ng Diyos. Bukod pa rito, isang uri din ng disposisyon ang kasutilan—na ang ibig sabihin ay hindi tinatablan ng katwiran—at kinasasangkutan ito ng pagmamataas at kabangisan. Kapag hindi nagbago ang dalawang disposisyong ito, maaaring magsanhi ito kalaunan na mamatay ang isang tao. Simpleng bagay ba ito? Magagamit ba ninyo ito sa inyong sarili? Dapat maunawaan ninyo kung ano ang maaaring gawin ng mga tao dahil sa mapagmataas at mabagsik na disposisyon. Ang lahat ng ginagawa ng mga tao, kahit na sino pa sila, ay ginagawa sa harap ng Diyos, ng Lumikha, at hahatulan ng Diyos ang mga tao ayon sa Kanyang matuwid na disposisyon. Kaya, para sa mga taong may mapagmataas at mabagsik na disposisyon, ano ang mga kahihinatnan ng mga pinaggagagawa nila? Bakit masasabing hindi na mababawi pa ang mga kahihinatnang ito? Dapat ninyong maintindihang lahat ito, tama? Sige, wala na tayong sasabihin pa tungkol sa mga kuru-kuro na sangkot sa kuwentong ito.

Tungkol naman sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos, may iba pa ba kayong naiisip na hindi pa natin napag-usapan? Iyon lamang bang mga kuru-kurong narinig ninyo ngayon ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos? Kung pag-uusapan natin ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, pagpipino, pagpupungos, at pati na rin ang pagbubunyag at pagpeperpekto sa mga tao, saang nilalaman ito may kaugnayan? Anong klaseng mga tao ang pinupungusan, hinahatulan, at kinakastigo ng Diyos? Anong klaseng mga tao ang humaharap sa mga pagsubok at sa pagpipino? Sa paggawa ng mga trabahong ito at paggamit ng mga paraang ito para gumawa sa mga tao, may prinsipyo at saklaw ang Diyos, na nakabatay sa tayog, paghahangad, at pagkatao ng mga tao, at sa antas na nauunawaan nila ang katotohanan—hindi Ko na ito tatalakayin nang detalyado ngayon. Bilang pagbubuod, pinupungusan at dinidisiplina ng Diyos ang mga tao, hinahatulan at kinakastigo Niya sila, at isinasailalim Niya sila sa mga pagsubok at sa pagpipino—gumagawa ang Diyos sa mga tao ayon sa ilang hakbanging ito. Ang prinsipyo ng gawain ng Diyos sa tao at sa kung anong hakbang ginagawa ang gawain ay nakabatay sa tayog ng isang tao. Marahil tila hungkag para sa inyong lahat ang salitang “tayog”. Pangunahin itong sinusukat batay sa antas na nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, kung normal ba ang relasyon niya at ng Diyos, at nakabatay rin ito sa antas ng pagpapasakop niya sa Diyos. Kung kikilalanin natin ang pagkakaiba batay dito, karamihan ba sa mga tao ngayon ay humarap na sa paghatol, pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino? Para sa ilang tao, marahil ay maaga pa para sa mga hakbanging ito, nakikita nila ang mga iyon pero hindi nila maabot ang mga iyon, samantalang para sa iba naman, medyo nakakatakot na makita iyon. Sa madaling salita, ang mga paraang ito ang mga hakbangin na ginagamit ng Diyos para iligtas ang mga tao at gawin silang perpekto, at itinatakda ng Diyos ang ilang hakbanging ito batay sa tumpak na kahulugan ng lahat ng iba’t ibang aspekto ng isang tao. Walang padalos-dalos sa gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain nang hakbang-hakbang at sa paraang may prinsipyo. Tinitingnan Niya ang paghahangad at pagkatao mo, pati na rin ang kakayahan mong makaunawa, at ang saloobin mo sa pakikitungo mo sa lahat ng uri ng tao, pangyayari at bagay sa pang-araw-araw mong buhay, at iba pa. Batay sa mga ito, itinatakda Niya kung paano gagawa sa mga tao at kung paano sila gagabayan. Kailangan ng Diyos ng panahon para obserbahan ang isang tao. Hindi Siya humahatol nang walang ingat batay sa isa o dalawang bagay—hindi nag-aapura nang ganyan ang Diyos sa bawat bagay na ginagawa Niya sa sinumang tao. Sinasabi ng ilang tao, “Natatakot ako sa paraan na sinubok ng Diyos si Job. Kung talagang mangyayari iyon sa akin, hindi ako makapagpapatotoo sa Diyos. Paano kung talagang ipagkait sa akin ng Diyos ang lahat ng bagay katulad niyon? Anong gagawin ko?” Huwag kang mag-alala, hindi kailanman padalos-dalos na gagawa ang Diyos sa iyo, hindi mo kailangang matakot. Bakit hindi mo kailangang matakot? Bago ka matakot, dapat mo munang kumbinsihin ang sarili mo sa isang katunayan, at isaalang-alang ang tayog mo. Taglay mo ba ang pananalig, pagpapasakop, at pagkatakot ni Job sa Diyos? Taglay mo ba ang antas ng pagkamatapat at ganap na pagsunod ni Job sa daan ng Diyos? Sukatin mo ang mga ito, at kung wala ka naman ng mga ito, makakatiyak ka na hindi ka isasailalim ng Diyos sa mga pagsubok at sa pagpipino, dahil ang tayog mo ay kulang at malayong-malayo. May ilan ding kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao—pati na rin paghihinala, takot, o pag-iwas at pag-iingat—sa mga pagsubok at pagpipino ng Diyos. Kapag nakapagkamit na ng ganap na pagkaunawa ang mga tao sa mga bagay na ito at kung paano gumagawa ang Diyos, unti-unti nang maglalaho ang mga kuru-kuro nila sa gawain ng Diyos, at pagtutuunan na nila ang paghahangad sa katotohanan at ang pagsisikap sa mga salita ng Diyos. Ang layunin Niya sa pagsasabi ng mga salitang ito ay para makamit ang mithiing ito. Sa pagsunod sa Diyos, dapat mong maunawaan kung paano gumagawa at nagliligtas ang Diyos sa mga tao. Kung isa ka talagang taong naghahangad sa katotohanan, humayo ka at gawin mo ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Huwag mong tingnan ang Diyos nang may maling pananaw, at huwag mong gamitin ang makitid mong isip para arukin ang kaisipan ng Diyos. Kailangan mong maunawaan kung ano ba talaga ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, kung ano ba ang mga prinsipyo kung paano pinakikitunguhan ng Diyos ang mga tao, kung hanggang sa anong antas ba gumagawa ang Diyos sa isang tao, at kung ano ba ang pamantayan ng pagsukat ng Diyos. Kapag nauunawaan mo na ang mga ito, ano na ang dapat mong sunod na gawin? Ang gustong makita ng Diyos ay hindi ang bitiwan mo ang paghahangad mo sa katotohanan, at hindi rin Niya gustong makita ang saloobin ng isang taong tinatanggap na na wala na itong pag-asa. Gusto Niyang makita na kapag naunawaan mo na ang lahat ng katunayang ito ay mahahangad mo na ang katotohanan sa mas matatag, matapang at panatag na paraan, na malinaw mong kikilalanin na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos. Kapag narating mo na ang dulo, basta’t naabot mo na ang pamantayang itinakda ng Diyos sa iyo, at nasa landas ka ng kaligtasan, hindi ka susukuan ng Diyos. Hanggang diyan muna sa ngayon ang tungkol sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, pagpipino, at pagpupungos. Napakarami pa ring detalyadong aspekto, at masyado itong marami para malinaw na ipaliwanag sa maikling pag-uusap na ito. Kakailanganing magbigay ng ilang halimbawa kung paano ipinamamalas at ipinapakita ng mga tao ang mga kuru-kurong ito sa pang-araw-araw na buhay, at kakailanganin ding magkuwento ng maiikling istorya at magsama ng ilang simpleng tauhan at takbo ng pangyayari, para maunawaan o maipaliwanag ninyo ang mga kuru-kuro ng mga tao sa pamamagitan ng mga halimbawang ito mula sa totoong buhay, para matanto ninyo na ang mga ito ay mga kuru-kurong salungat sa realidad, at lubusang taliwas sa mga prinsipyo at pamantayan ng Diyos. Ni hindi nga iyon ginagawa ng Diyos, kaya bakit patuloy kang nag-iisip at naghahaka-haka nang walang batayan? Kung palagi kang mamumuhay sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, hindi mo kailanman susundan ang landas ng paghahangad sa katotohanan nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at palagi kang magiging malayo sa mga hinihingi ng Diyos. Kung magpapatuloy ka nang ganito, wala kang magiging landas ng pagsasagawa at lagi kang mapasasailalim sa mga limitasyon. Saan ka man pumunta, laging magkakaroon ng hadlang, at malilito ka kung ano ba ang dapat mong gawin, at walang anuman ang magiging maayos. Bilang resulta, sa huli ay ni hindi ka man lang magiging karapat-dapat tumanggap ng paghatol at pagkastigo ng Diyos. Talagang nakakalungkot iyon!

Pagdating sa pananampalataya sa Diyos, walang naging masigasig sa inyo dati. Ngayon na ang panahon para maging masigasig, dahil kritikal na ang panahong ito! Nauubos na ang oras, kaya huwag ninyong ituring na puwedeng paglaruan ang pananalig sa Diyos. Nagpasya na ang Diyos na gawing ganap at iligtas ang mga tao, at gusto Niyang masinsinang kumpletuhin ang gawaing ito. Paano Niya ito ginagawa nang masinsinan? Sa pamamagitan ng pagsasabi sa mga tao ng lahat ng aspekto ng katotohanan, para malinaw nila itong maunawaan at hindi sila maligaw. Didisiplinahin ka ng Diyos kapag naliligaw ka. Kung madalas kang maligaw papunta sa sarili mong landas, patuloy kang didisiplinahin ng Diyos hanggang sa bumalik ka sa tamang landas. Sa huli, kapag nagawa na ng Diyos ang lahat ng makakaya Niya at hindi mo pa rin natugunan ang mga hinihingi Niya, sino pa ba ang masisisi? Sarili mo lang ang masisisi mo. Sa panahong iyon, wala nang ibang magagawa ang mga tao kundi hampasin ang kanilang dibdib at mapait na tumangis. Ano ba ang pinakamahalagang bagay pagdating sa pag-unawa ng mga tao sa katotohanan? Kailangan nilang tanggapin ang katotohanan at, pagkatapos itong tanggapin, magawang hanapin ang katotohanan at iugnay ito sa pang-araw-araw nilang buhay. Sa ganitong paraan lamang unti-unting matatamo ng mga tao ang tunay na pagkaunawa sa katotohanan. Kapag nakinig ka sa mga sermon at nagkamit ka ng literal na pagkaunawa sa mga iyon, akala mo ay nauunawaan mo na—hindi ito talaga pagkaunawa sa katotohanan. Pagkaunawa lamang ito sa doktrina. Kapag naunawaan mo na iyon habang nakikinig ka, dapat mo itong iugnay sa tunay na buhay sa iyong sariling kalagayan at pagpasok, para makilala mo ang sarili mo at maisagawa mo ang katotohanan. Saka lamang iyon mangangahulugan na pumapasok ka na sa katotohanang realidad. Kung hindi ka magsasagawa sa ganitong paraan, walang kinalaman ang katotohanan sa iyo, walang kinalaman ang mga salita ng Diyos sa iyo, kaya wala ring kinalaman ang Diyos sa iyo. Kung hindi mo isinasagawa ang katotohanan, wala kang makakamit!

Oktubre 11, 2018