Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 1 (Ikaapat na Bahagi)

Ngayon, sa kung paano ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga huling araw, sa kabila ng katunayang lumilikha ng partikular na mga imahinasyon at kuru-kuro ang mga tao tungkol dito, lubos na hindi kayang hadlangan ng mga imahinasyon at kuru-kurong ito ang kanilang pananalig sa Diyos, at hindi basta-bastang sasabihin ng mga tao na hindi sila nananampalataya sa Diyos o na itinatatwa nila ang Diyos. Ano ang penomenang ito? Ito ang resultang nakamit ng mga salita ng Diyos. Nalupig ng mga salita at ng gawain ng Diyos ang mga tao, at kaya na nilang tanggapin si Cristo bilang kanilang Diyos. Sa puntong ito, nakapaglatag na ang mga tao ng isang pundasyon sa tunay na daan, at nakatitiyak sila rito at sigurado sila tungkol dito. Kapag nakamit ang resultang ito, nalutas na ba ang mga maling pagkaunawa ng mga tao tungkol sa Diyos? (Hindi, hindi pa nalutas ang mga ito.) Pinatutunayan ng hindi pagkalutas ng kanilang mga maling pagkaunawa na marami pa rin silang mga imahinasyon, hinihingi, at kuru-kuro tungkol sa nagkatawang-taong laman ng Diyos at tungkol kay Cristo. Maaaring gabayan ng mga kuru-kurong ito ang iyong mga kaisipan, gabayan ang direksiyon at mga layon ng paghahangad mo, at maaari ring makaimpluwensiya ang mga ito nang madalas sa iyong kalagayan. Kapag walang kaugnayan sa iyong mga kuru-kuro ang mga bagay na kinakaharap mo, nagagawa mo pa ring kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at normal na gampanan ang iyong tungkulin. Sa sandaling may bagay na sumasalungat sa iyong mga kuru-kuro, lumalampas sa iyong mga kuru-kuro, at lumilitaw ang mga kontradiksiyon, paano mo lulutasin ito? Hinahayaan mo na lang ba ang iyong mga kuru-kuro, o pinupungos mo ang mga ito, pinipigilan ang mga ito, at naghihimagsik ka laban sa mga ito? Nagkakaroon ng mga kuru-kuro ang ilang tao kapag may mga bagay na nangyayari sa kanila, at bukod sa hindi nila binibitiwan ang kanilang mga kuru-kuro, ipinagkakalat din nila ang kanilang mga kuru-kuro sa iba at naghahanap sila ng mga pagkakataon na maibulalas ang mga ito, para magkaroon din ng mga kuru-kuro ang iba. Nakikipagtalo rin ang ilang tao, sinasabing, “Sinasabi ninyo na makabuluhan ang lahat ng ginagawa ng Diyos, pero sa tingin ko ay walang anumang kabuluhan ang partikular na pangyayaring ito.” Nararapat bang sabihin ito? (Hindi.) Ano ang tamang landas na dapat tahakin? Kapag may mga kuru-kuro ang ilang tao tungkol sa Diyos, mapagtatanto nila na hindi normal ang kanilang ugnayan sa Diyos, na nakabuo sila ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at na magiging lubhang mapanganib ito kung hindi nila lulutasin ang mga iyon, na malamang na salungatin nila ang Diyos, kuwestiyunin ang Diyos, at ipagkanulo pa nga ang Diyos. Pagkatapos ay mananalangin sila sa Diyos at tatalikuran ang kanilang mga kuru-kuro. Una, ikinakaila nila ang sarili nilang maling perspektiba, at pagkatapos ay hinahanap nila ang katotohanan para lutasin ito. Sa paggawa nila nito, madali silang makalalapit para magpasakop sa Diyos. Kung may taong bumubuo ng mga kuru-kuro, pero naniniwala pa rin na tama siya, at kung sa huli ay hindi niya ganap na mabitiwan o malutas ang kanyang mga kuru-kuro, pagdating ng panahon ay makakaimpluwensiya ang mga kuru-kurong ito sa kanyang buhay pagpasok. Sa malulubhang kaso, maaari pa nga silang maghimagsik laban sa Diyos at lumaban sa Kanya, at hindi na kailangang pag-isipan pa ang kahihinatnan nito. Kung isa itong taong naghahangad sa katotohanan, na nakakaunawa na ng ilang katotohanan at paminsan-minsang bumubuo ng mga kuru-kuro tungkol sa mga bagay-bagay, hindi ito isang malaking problema, at hindi magiging malaki ang impluwensiya sa kanya ng kanyang mga kuru-kuro. Dahil mayroon siyang katotohanan sa loob niya, ginagabayan ang kanyang mga kaisipan at pag-uugali, at ginagabayan siya sa paggampan ng kanyang tungkulin, walang magiging epekto ang kanyang mga kuru-kuro sa pagsunod niya sa Diyos. Marahil isang araw ay makikinig siya sa isang sermon o sa isang pagbabahagi at makakaunawa siya, at malulutas ang kanyang mga kuru-kuro. Ang ilang tao ay bumubuo ng mga kuru-kuro tungkol sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at pagkatapos nito ay parang ayaw na nilang gawin ang kanilang mga tungkulin, at hindi nila pinagsisikapang gampanan ang mga ito, lagi silang nasa negatibong kalagayan, at nagkikimkim ang kanilang mga puso ng pagsalungat, kawalang-kasiyahan, at sama ng loob—tama ba ang ganitong pag-uugali? Madaling bagay ba itong lutasin? Halimbawa, ipagpalagay na nating iniisip mong matalino ka, pero sinasabi Kong isa kang hangal at wala kang espirituwal na pang-unawa. Pagkarinig nito, nagagalit ka at tinututulan mo ito, at sinasabi mo sa iyong sarili sa loob ng puso mo, “Walang sinuman ang nangahas kailanman na sabihing wala akong espirituwal na pang-unawa. Ngayon ang unang beses na narinig ko ito at hindi ko ito matatanggap. Mapamumunuan ko ba ang iglesia kung wala akong espirituwal na pang-unawa? Makagagawa ba ako ng ganito karaming gawain?” Umusbong ang isang kontradiksiyon, hindi ba? Ano ang dapat mong gawin? Madali ba para sa mga tao na pagnilayan ang kanilang sarili kapag nangyayari ito sa kanila? Anong uri ng tao ang kayang magnilay sa kanilang sarili? Kayang magnilay sa kanyang sarili ang isang taong tumatanggap sa katotohanan at naghahanap sa katotohanan. Kung isa kang taong nagtataglay ng katwiran, dapat mo munang itatwa ang iyong sarili kapag nangyari ito sa iyo; ang pagtatatwa sa sarili ay nangangahulugan ng pag-amin na hindi taglay ng isang tao ang katotohanan. Kahit na may ilang ideya at perspektiba ka, hindi nangangahulugang tumpak kaagad ang mga ito. Samakatwid, ang isagawa ang pagtatatwa sa sarili sa gayong mga sitwasyon ay ang tamang gawin, hindi ito pagpapababa sa sarili mo. Matapos mong maitatwa ang iyong sarili, makakaramdam ka ng kapayapaan sa puso mo, magiging mas maayos ang iyong pag-uugali, at maitatama ang iyong saloobin. Kapag narinig mong sinasabi ng Diyos na isa kang hangal at na hindi mo nauunawaan ang mga espirituwal na bagay, dapat mong patahimikin ang iyong sarili sa harap ng Diyos at tanggapin ang Kanyang mga salita nang may mapagpasakop na isipan. Kahit na wala ka pang anumang kamalayan o pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, at hindi mo alam kung tama ba o hindi ang mga ito, sa pananampalataya mo, dapat mong kilalanin na: “Ang Diyos ay katotohanan, kaya paanong may masasabing mali ang Diyos?” Kahit na naiiba ang sinabi ng Diyos sa iniisip mo, dapat mong tanggapin ang mga salita ng Diyos nang batay sa pananalig; kahit pa hindi mo nauunawaan ang mga ito, dapat mong tanggapin ang mga ito bilang katotohanan. Kapag ginawa mo ito, garantisado itong tama. Kung hindi tatanggapin ng mga tao ang mga salita ng Diyos kapag hindi nila nauunawaan ang mga ito, lubhang wala sa katwiran iyon, at dapat hiyain ang mga taong iyon sa bagay na ito. Kaya, ang pagpapasakop sa Diyos ay hindi kailanman mali. Hindi ito doktrina, ito ay praktikal, at mula sa karanasan ang mga salitang ito. Pagkatapos, kapag nagagawa mo nang tratuhing bilang katotohanan ang mga salita ng Diyos at tanggapin ang mga ito, dapat kang magsimulang magnilay sa iyong sarili. Sa paggampan ng iyong tungkulin at pakikisalamuha sa iba, matutuklasan mo na bukod sa wala kang espirituwal na pang-unawa, napakahangal mo rin, at marami kang mga kamalian at kakulangan, at matutuklasan mong mayroon kang mabigat na problema. Hindi ba’t mangangahulugan iyon na magagawa mo nang unawain at tanggapin ang mga sinabi ng Diyos? Dapat tanggapin mo ang mga salitang ito, una bilang isang regulasyon, isang depinisyon, o isang konsepto, at pagkatapos sa totoong buhay ay dapat kang mag-isip ng paraan para ikumpara ang sarili mo sa Kanyang mga salita, at para maunawaan at maranasan ang mga ito. Matapos gawin ito nang ilang panahon, magtataglay ka ng isang tumpak na pagsusuri sa iyong sarili. Kapag nangyari iyon, magkakaroon ka pa rin ba ng mga maling pagkaunawa sa Diyos? Tatanggi ka pa rin ba na tanggapin ang pagsusuri sa iyo ng Diyos kung wala namang pagtatalo sa pagitan mo at ng Diyos ukol sa bagay na ito? (Hindi.) Magagawa mong tanggapin ito at hindi ka na magiging mapaghimagsik. Kapag kaya mong tanggapin ang katotohanan at lubusang maunawaan ang mga bagay na ito, magagawa mo nang humakbang pasulong at umusad. Kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, mananatili kang nakatayo sa iisang lugar at hindi ka magkakaroon ng anumang pag-usad. Mahalaga bang tanggapin ang katotohanan? (Oo, mahalaga ito.) Dapat itakwil ng mga tao ang kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at hindi sila dapat magkimkim ng anumang pagkamapanlaban o pagsalungat sa mga bagay na sinasabi ng Diyos—ito lamang ang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan. Nagiging negatibo at mahina ang ilang tao dahil pinapalitan sila. Ayaw nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin at palagi silang pasibo at nagpapakatamad sa gawain. Sa panlabas, para bang dahil ito sa wala silang katayuan at masyado nilang pinahahalagahan ang katayuan, pero ang totoo, hindi ganito ang kaso. Nanghihina at nagiging negatibo sila dahil lang sa hindi tugma sa sarili nilang pagsusuri sa sarili ang pagsusuri ng Diyos sa kanila, o ang pagsusuri ng mga kapatid sa kanila, dahil mas mababa ito kaysa sa kung paano nila sinusuri at nauunawaan ang kanilang sarili. Iyon ang dahilan kung bakit pakiramdam nila ay hindi sila kumbinsido at agrabyado sila, at sa huli ay pinipili nilang maging negatibo at palakontra, at isiping wala silang pag-asa, iniisip na, “Hindi ba’t sinabi Mo na hindi naman ako ganoon kahusay? Kung gayon ipapakita ko sa Iyo, wala akong gagawing kahit ano.” Ang resulta nito ay na lumilikha sila ng mga pagkaantala sa kanilang mga tungkulin, sinasalungat nila ang Diyos, at nahihinto ang sarili nilang buhay pagpasok—isa itong mabigat na kawalan.

Sinasabi ng ilang tao na, “Hindi ko matanggap kapag sinasabi ni cristo na masama ako. Tatanggapin ko ito kung ang diyos sa langit ang nagsabi na may masama tungkol sa akin. Ang diyos na nagkatawang-tao ay may normal na pagkatao, maaaring mali ang kanyang mga paghusga, at hindi maaaring 100 porsiyentong tama ang mga bagay na ginagawa niya. May ilang katanungan tungkol sa kung maaari bang nagkamali siya sa kanyang pagsusuri at pagkondena sa mga tao, o sa kung paano niya sila pinangangasiwaan at paano siya nagsasaayos para sa kanila. Kaya hindi ako natatakot sa kung ano ang sinasabi ni cristo—ang diyos sa lupa—tungkol sa akin, dahil hindi niya maaaring kondenahin ako o pagpasyahan ang aking kalalabasan.” Mayroon bang ganitong mga tao? Tiyak na mayroon. Kapag pinupungusan Ko sila, sinasabi nilang, “Ang diyos sa langit ay matuwid!” Kapag pinangangasiwaan Ko sila, sinasabi nilang, “Sumasampalataya ako sa diyos, hindi sa kung sinong tao!” Ginagamit nila ang mga salitang ito para tahasang tanggihan Ako. At ano ang mga salitang ito? (Ang mga ito ay pagtatatwa sa Diyos.) Tama iyan, ang mga ito ay pagtatatwa at pagkakanulo sa Diyos. Ang ibig sabihin ng mga ito ay, “Hindi ito nakasalalay sa iyo, kundi sa diyos ng langit.” Sa kanilang mga kuru-kuro at sa kanilang pagkaunawa sa Diyos, hindi kailanman mapagtatanto ng mga taong ito kung ano ang ugnayan sa pagitan ng nagkatawang-taong si Cristo at ng Diyos sa langit, sa madaling salita, kung ano ang ugnayan sa pagitan ng laman at ng Espiritu sa langit. Sa paningin nila, ang walang-kabuluhang taong ito na nasa lupa ay palaging magiging isang tao lamang, at kahit gaano karaming katotohanan ang ipinapahayag ng taong ito, kahit gaano karaming sermon ang ipangangaral Niya, tao pa rin Siya; kahit ginagawa Niyang ganap ang ilang tao, at dinadalhan sila ng kaligtasan, mananatili pa rin Siyang nasa lupa, mananatili pa rin Siyang isang tao, at walang kakayahang higitan ang Diyos sa langit. Kaya, naniniwala ang mga taong ito na ang pananalig sa Diyos ay dapat na ang pananalig sa Diyos sa langit; para sa kanila, tanging ang pananampalataya sa Diyos sa langit ang tunay na pananampalataya sa Diyos. Ang mga taong gaya nito ay nananampalataya sa kahit anong paraang gusto nila. Nananampalataya sila sa kahit anong paraan na sila ay masaya, at iniisip nila kung ano ang Diyos sa kahit anong paraang gusto nila. Sinusunod din nila ang sarili nilang imahinasyon pagdating sa nagkatawang-tao na si Cristo: “Kung mas mabait sa akin ang diyos na ito sa lupa, kung sisiguraduhin niyang magiging maayos ang takbo ng mga bagay-bagay para sa akin, igagalang ko siya, at mamahalin siya. Kung hindi siya mabait sa akin, kung may problema siya sa akin, kung hindi maganda ang pakikitungo niya sa akin, at palagi niya akong pinupungusan, kung gayon, hindi siya ang aking diyos; pipiliin kong manampalataya sa diyos sa langit.” Hindi kakaunti ang mga taong may ganitong saloobin. Kabilang din kayo rito, dahil nakasalamuha Ko na ang mga ganitong tao. Kapag maayos ang lahat, napakabait nila sa Akin, at maasikaso sa paglilingkod sa akin, pero kapag pinalitan Ko na sila, lumalaban sila sa Akin. Kaya noong nagpapakita sila ng kabaitan sa Diyos, talaga bang naniwala sila na ito ang Diyos, at Cristo? Hindi: Ang pinupuntirya nila ay ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, ang kanilang bawat galaw ay pagsisipsip lamang dahil sa katayuan at pagkakakilanlan ng Diyos. Sa lahat ng pagkakataon, kinikilala lang nila ang malabong diyos sa langit bilang ang tunay na diyos; kahit gaano karaming katotohanan ang ipinapahayag ng Diyos na ito sa lupa, o kahit gaano pa Siya nakapagpapatibay at kapaki-pakinabang sa tao, ang katunayan na namumuhay lang Siya sa Kanyang normal na pagkatao at may katawang-laman ay nangangahulugang imposibleng Siya ang diyos sa langit, at gaano man nila bolahin, paglingkuran, at igalang ang Diyos na ito sa lupa, sa puso nila ay naniniwala pa rin sila na ang diyos sa langit ang tanging tunay na diyos. Ano ang palagay ninyo sa pananaw na ito? Makatarungan bang sabihin na malalim na umiiral ang gayong pananaw sa puso ng maraming tao, na malalim itong nakabaon sa kanilang isipan. Kasabay ng pagtanggap sa pagtutustos at pagpapastol ni Cristo, inoobserbahan, pinag-aaralan, at kinukuwestiyon din nila si Cristo—habang hinihintay rin ang matuwid na diyos sa langit na pumarito para hatulan ang lahat ng ginawa nila. At bakit nila nais na humatol sa kanila ang diyos sa langit? Dahil gusto nilang sundin ang kanilang mga kagustuhan, kuru-kuro at imahinasyon para bigyang-laya ang kanilang pagnanais na pakikitunguhan sila ng diyos sa langit—ang diyos sa kanilang imahinasyon—nang naaayon sa gusto nila, samantalang hindi iyon gagawin ng Diyos sa lupa; ipinapahayag lamang ng Diyos sa lupa ang katotohanan at sinasalita ang mga katotohanang prinsipyo. At iniisip nilang, “Ang pagmamahal ng diyos sa langit para sa tao ay hindi makasarili, walang kondisyon, at walang limitasyon, samantalang sa sandaling malaman ng diyos sa lupa na may nasabi o nagawa kang mali, ginagamit ka niya bilang isang negatibong halimbawa sa kanyang mga sermon at sinusuri ka niya—kaya dapat maging mas maingat ang mga tao, dapat panatilihin nilang mas nakatago ang kanilang sarili, at hindi nila maaaring ipaalam sa diyos sa lupa kapag may nangyayari.” Sabihin ninyo sa Akin, hindi Ko ba kayang suriin ang mga bagay na itinatago ninyo mula sa Akin? Hindi Ko kailangang suriin ang mga bagay na ginagawa mo; susuriin Ko ang iyong mga disposisyon at kalagayan. Hindi Ko kailangang gamiting halimbawa ang mga bagay na ito na ginagawa mo; makapagbabahagi pa rin Ako sa katotohanan at makapagbibigay ng mga sermon para lutasin ang mga problema tulad ng dati, at kaya Ko pa ring ipaunawa sa mga tao ang katotohanan. Sa puso ng mga hindi mananampalataya, naniniwala silang hindi makakaalam ang laman na ito, ang Diyos na ito, sa mga bagay na hindi nakikita ng Kanyang mga mata, lalong hindi Siya makakaalam sa anumang bagay na may kinalaman sa espirituwal na mundo o sa katotohanan. Naniniwala silang ni hindi Niya nakikita ang mga bagay na kayang gawin ng mga tao kapag pinangingibabawan sila ng kanilang mga tiwaling disposisyon, at na imposibleng maunawaan Niya nang lubos ang tiwaling diwa ng tao—ito ang lohika at pangangatwiran ng mga hindi mananampalataya. Palagi nilang hinaharap si Cristo nang may saloobing nag-aaral, nagkukuwestiyon, at walang pananampalataya pa nga, at ginagamit din nila ang mga pamantayan sa pagsukat ng tao, maging ang kaalamang nauunawaan nila at ang mga bagay na naiisip nila para sukatin si Cristo. Halimbawa, kapag nakikipag-usap sa iba, naniniwala ang ilang tao na hindi alam ng iba kung ano ang kanilang iniisip sa kanilang puso o kung anong uri ng disposisyon ang mayroon sila, at ganito rin sila magsalita sa Akin, tinatrato Ako nang ganito gaya ng pagtrato nila sa isang ordinaryong tao, iniisip na wala Akong alam—hindi ba’t hindi nila nakikilala ang Diyos kapag ganito? Nagsisinungaling sila sa ibang tao at walang problema iyon sa ibang tao, at nagsisinungaling din sila sa Akin nang ganoon, naghahagikgikan at itinuturing Ako bilang kapantay, laging gustong ituring Ako na parang kabarkada nila. Naniniwala silang puwede silang kumilos nang ganoon dahil pamilyar sila sa Akin, at iniisip nilang maaaring wala Akong alam. Hindi ba’t isa itong kuru-kuro ng tao? Isa itong kuru-kuro ng tao, kamangmangan ito ng tao, at sa kamangmangang ito nagtatago ang isang sataniko at buktot na disposisyon; ang buktot na disposisyong ito ang nagsasanhing bumuo ang mga tao ng mga kuru-kuro. Sabihin ninyo sa Akin, kailangan Ko bang mamuhay kasama ang isang tao, at gugulin ang bawat minuto na inoobserbahan ang kanilang mga kaisipan at pananaw, at ganap na unawain ang kanilang pinagmulan, para mailantad o makilatis ang kanilang kalikasan? (Hindi.) Hindi, hindi kailangan, pero hindi ninyo makakamit ito. Kahit na nakikisalamuha kayo sa mga tao at namumuhay nang kasama sila araw-araw, hindi pa rin ninyo nakikilatis ang kanilang kalikasang diwa. Anuman ang mangyari sa inyo, nakikilatis lamang ninyo ang panlabas ng mga bagay-bagay at hindi ang diwa ng mga ito. Maaari lamang kayong magkaroon ng kaunting kakayahang kumilatis ng isang tao kung ganap siyang ibubunyag ng Diyos, pero kung hindi, hindi ninyo siya makikilatis kahit kaibiganin pa ninyo siya nang ilang taon. Kaya Kong makipag-ugnayan sa isang tao nang isa o dalawang araw, at may ilan siyang gagawin at sasabihin, at magpapahayag siya ng mga pananaw, at pagkatapos ay alam Ko na kung anong uri siya ng tao. Ngunit may ilang tao na wala pang anumang nagawa, na hindi Ko pa nakasalamuha o napangasiwaan sa kahit anong bagay, pero malaking palaisipan sila sa Akin, at sa sandaling maharap sila sa isang isyu at magpahayag ng pananaw, nalalantad kaagad ang kanilang kalikasang diwa. Maraming tao ang nagsasabi na, “Nakikilatis Mo ba sila kaagad sa sandaling nabunyag ang kanilang kalikasang diwa? Saan Mo ibinabatay ang kabatirang ito? Bakit hindi namin sila makilatis?” Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo magagawang sukatin ang mga tao, at hindi ka kailanman magkakaroon ng kinakailangang pamantayan para magawa iyon. Kung wala ka ng mga pamantayang iyon, hindi mo makikilatis ang mga tao. Pero Ako, mayroon Ako ng mga pamantayang iyon. Sa isang banda, nauunawaan Ko ang katotohanan, kaya mas matalas at mas mabilis Ako pagdating sa pagsukat sa isang tao, at sa kabilang banda, gumagawa ang Espiritu ng Diyos. Iniisip ng ilang tao na, “Kapag matagal nang nakapamuhay ang mga tao sa mundong ito, nagagawa na nilang kilatisin ang mga bagay-bagay at ang mga tao.” Hindi iyon tunay na kabatiran; ano ang nakikilatis nila? Ang mga uri ng panloloko na umiiral sa lipunang ito, gaya ng mga panloloko sa pulitika, mga panloloko sa negosyo, mga panloloko sa pera, o mga panlolokong may kaugnayan sa pornograpiya. Ang mga bagay na ito ay maiiwasan ng mga taong higit na nakaranas at nakarinig tungkol dito. Ang mga taong bihirang dumanas ng mga bagay na ito ay madalas na malinlang, pero kapag maraming beses na silang naloko, nadaragdagan ang kanilang karanasan, at nakikilatis na nila ang mga ito. Ganito nila nakikilatis ang mga bagay-bagay. Pero pagdating sa katiwalian ng tao, kalikasan, at sa diwa ng tao na ginawang tiwali ni Satanas, kung hindi taglay ng mga tao ang katotohanan, hindi sila kailanman magkakaroon ng karunungang makilatis ang mga bagay na ito, at hindi nila kailanman makikilatis ang mga disposisyon na ibinubunyag ng iba’t ibang uri ng tao sa likod ng isang bagay, o ang pinagmulan ng problema. Kung hindi mo makilatis ang mga bagay na ito, hindi mo malalaman kung paano haharapin ang isyu o ang mga tao, pangyayari, at bagay na may kaugnayan dito—hindi mo mapangangasiwaan ito at hindi ka magkakaroon ng karunungang harapin ito. Iyon ang dahilan kung bakit kapag nahaharap ka sa gayong bagay, lubhang natataranta at nababalisa ka, at nahihirapan kang harapin ito. Kung nauunawaan mo nang malinaw ang katotohanan, makikilatis mo ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang diwa ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Sa pamamagitan ng pagkakilatis sa mga tiwaling disposisyong ibinubunyag nila, malalaman mo ang kanilang diwa, at malalaman mo kung anong uri ng bagay ang mga ito, kung anong uri ng tao sila, malalaman mo kung paano ka mag-iingat laban sa kanila, kung paano sila kikilatisin, at malalaman mo kung paano harapin ang bagay na ito. Hindi ba’t ito ang pinagmumulan ng karunungan? (Ito nga.) Kaya, nakikilatis ni Cristo ang tao at kaya Niyang tustusan ang tao—ano ang pinagmumulan ng lahat ng ito? Kung sasabihin ito sa mga salitang pandoktrina, nanggagaling lahat ito sa Espiritu ng Diyos. Kung sasabihin ito sa mas praktikal na salita, ito ay dahil taglay ni Cristo ang katotohanan na nagmumula sa Diyos. Ganito talaga iyon. Kapag isang araw ay magtataglay kayo ng katotohanang realidad bilang inyong buhay, magkakaroon na kayo ng karunungan at makakakilatis na kayo sa mga tao.

May isa pang aspekto sa mga kuru-kuro ng tao, at iyon ay ang mga kuru-kurong binubuo ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Paano nagkakaroon ng mga kuru-kuro ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos? Ang ilan ay mula sa naarok ng mga tao tungkol sa pananalig, at ang ilan ay mula sa sarili nilang imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Halimbawa, dati-rati ay iniisip ng mga tao na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay tulad ng pagkakaroon ng malaking puting trono sa langit, kung saan nakaupo ang Diyos, hinahatulan ang lahat ng tao. Sa kasalukuyan, alam ninyong lahat na hindi makatotohanan ang gayong mga imahinasyon—imposible ang gayong mga bagay. Anuman ang kaso, maraming imahinasyon ang mga tao tungkol sa gawain, pamamahala, at pagtrato ng Diyos sa tao, at ang karamihan sa mga imahinasyong ito ay mula sa mga kinahihiligan ng mga tao. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil ayaw ng mga tao na mahirapan. Palagi nilang gustong sumunod sa Diyos hanggang sa pinakahuli nang walang-hirap, nagtatamasa ng sapat na biyaya, nagmamana ng Kanyang mga pagpapala, at pagkatapos ay pumasok sa kaharian ng langit. Napakagandang isipin! Ang pinakakaraniwan at labis-labis na ideya na mayroon ang tiwaling sangkatauhan tungkol sa gawain ng Diyos ay ang pagpasok sa kaharian ng langit lulan ng isang palangkin. Bukod dito, kapag nahaharap ang mga tao sa gawain ng Diyos, kadalasan ay hindi nila kayang unawain ito; hindi nila alam ang katotohanang nakapaloob dito, o kung ano ang layunin ng Diyos at ginagawa Niya ang gawaing ito, at kung bakit ganoon ang pakikitungo ng Diyos sa tao. Halimbawa, inilarawan Ko na noong nakaraan ang pagmamahal ng Diyos gamit ang mga salitang “napakalawak” at “napakalaki,” pero sa palagay Ko hindi pa ninyo kailanman naunawaan kung ano ba talaga ang ibig Kong sabihin sa dalawang salitang ito. Ano ang layunin Ko sa paggamit sa dalawang salitang ito? Ito ay para makuha ang atensiyon ng lahat, nang sa gayon ay pagnilayan ninyo ang mga ito. Kung titingnan, tila hungkag ang mga salitang ito. May kahulugan talaga ang mga ito, pero gaano man pag-isipan ng mga tao ang mga ito, ang maiisip lamang nila ay, “Napakalawak—nangangahulugan na walang hangganan gaya ng himpapawid; sinasabi nito na walang hangganan ang puso ng Diyos, walang hanggan ang Kanyang pagmamahal para sa sangkatauhan!” Ang pagmamahal ng Diyos ay hindi ang uri ng pagmamahal na maiisip ng tao sa kanyang imahinasyon. Hindi kayang isipin ng mga tao ang pagmamahal na ito, hindi nila dapat gamitin ang pinag-aralan at kaalaman upang bigyang kahulugan ang salitang ito, sa halip ay dapat silang gumamit ng ibang pamamaraan upang mapahalagahan at maranasan ito. Sa huli, nauunawaan mong tunay na ang pagmamahal ng Diyos ay naiiba sa pagmamahal na sinasabi ng mga tao, na ang tunay na pagmamahal ng Diyos ay hindi katulad ng anupamang pagmamahal, hindi katulad ng pagmamahal na naiintindihan ng buong sangkatauhan. Kaya’t ano ba mismo ang pagmamahal na ito ng Diyos? Paano mo dapat maunawaan ang pagmamahal ng Diyos? Una, hindi mo dapat ito gamitan ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Gawin nating halimbawa ang pagmamahal ng isang ina: Ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang mga anak ay walang pasubali, nagbibigay ito ng labis na proteksiyon at init. Sa ngayon, ang pagmamahal ba ng Diyos sa tao na nararamdaman ninyo ay may parehong antas ng pakiramdam at kahulugan tulad ng pagmamahal ng isang ina? (Oo.) Kung gayon ito ay isang problema—mali ito. Dapat mong makita ang kaibhan ng pagmamahal ng Diyos mula sa pagmamahal ng mga magulang, ng asawang lalaki, asawang babae, o mga anak, ng iyong kamag-anak, mula sa pag-aalala ng mga kaibigan, at makilalang naiiba ang pagmamahal ng Diyos. Ano ba talaga ang pagmamahal ng Diyos? Ang pagmamahal ng Diyos ay walang mga damdamin ng laman at hindi ito naaapektuhan ng pagiging magkadugo. Ito ay pagmamahal na dalisay at simple. Kaya paano dapat maunawaan ng mga tao ang pagmamahal ng Diyos? Bakit tayo naparito upang talakayin ang pagmamahal ng Diyos? Ang pagmamahal ng Diyos ay nakapaloob sa gawain ng Diyos, upang makilala, matanggap, at maranasan ito ng mga tao, at sa huli ay mapagtanto nila na ito ang pagmamahal ng Diyos, at kilalaning ito ang katotohanan, na hindi mga salitang walang laman ang pagmamahal ng Diyos, ni isang uri ng pag-uugali sa bahagi ng Diyos, kundi ang katotohanan. Kapag tinanggap mo ito bilang katotohanan, makikilala mo mula rito ang aspektong ito ng diwa ng Diyos. Kung ituturing mo ito na isang uri ng pag-uugali, mahihirapan kang kilalanin ito. Ano ang ibig sabihin ng “pag-uugali”? Gawin nating halimbawa ang mga ina: Ibinibigay nila ang kanilang kabataan, ang kanilang dugo, ang kanilang pawis at luha upang mapalaki ang kanilang mga anak, at ibinibigay nila sa mga anak ang anumang nais ng mga ito. Gumawa man ng tama o mali ang kanyang anak o anumang landas ang tahakin nito, nagbibigay ang ina nang walang pag-iimbot, tinutugunan niya ang pangangailangan ng kanyang anak, hindi niya kailanman tinuturuan, tinutulungan o ginagabayan ang anak kung paano lumakad sa tamang landas, walang sawa lang na nag-aalaga, nagmamahal at pumoprotekta rito, hanggang sa punto na sa huli ay hindi na masabi ng anak kung ano ang tama at mali. Ito ang pagmamahal ng isang ina o anumang uri ng pagmamahal na nagmumula sa laman, mga damdamin, at mga ugnayan sa laman ng tao. Samantala, ang pagmamahal ng Diyos ay ang mismong kabaligtaran: Kung mahal ka ng Diyos, ipinapahayag Niya ito sa pamamagitan ng madalas na pagtutuwid, pagdidisiplina, at pagpupungos sa iyo. Maaaring lumipas ang iyong mga araw nang hindi komportable, sa gitna ng pagtutuwid at pagdidisiplina, ngunit sa sandaling maranasan mo ito, matutuklasan mong marami kang natutuhan, na mayroon kang kakayahang makakilala at talino pagdating sa pakikipag-ugnayan sa ibang mga tao, at may ilang katotohanan ka na ring nauunawaan. Kung ang pagmamahal ng Diyos ay tulad ng pagmamahal ng ina o ama, tulad ng naiisip mo, kung Siya ay napakaingat sa Kanyang pag-aalaga, at walang pasubali kung magbigay, matatamo mo ba ang mga bagay na ito? Hindi. Kaya, ang pagmamahal ng Diyos na maaarok ng mga tao ay iba sa tunay na pagmamahal ng Diyos na maaari nilang maranasan sa Kanyang gawain; dapat harapin ito ng mga tao nang ayon sa mga salita ng Diyos at hanapin ang katotohanan sa Kanyang mga salita para malaman kung ano ba ang tunay na pagmamahal. Kung hindi nila hinahanap ang katotohanan, paano biglang magkakaroon ng pagkaunawa ang isang tiwaling tao tungkol sa kung ano ba ang pagmamahal ng Diyos, kung ano ba ang layunin ng Kanyang gawain sa tao, at kung saan naroroon ang Kanyang masidhing layunin? Hindi kailanman mauunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito. Ito ang pinakamalamang na maling pagkaunawang mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos, at ito ang aspekto ng diwa ng Diyos na pinakamahirap para sa mga tao na maunawaan. Dapat malalim at personal na maranasan ito ng mga tao at praktikal na makibahagi rito at pahalagahan ito para maunawaan nila ito. Karaniwan, kapag sinabi ng mga tao ang “pagmamahal,” ibig nilang sabihin ay ang ibigay sa isang tao kung ano ang gusto nito, hindi ang bigyan ito ng isang mapait na bagay kapag gusto nito ay isang matamis, o kahit pa kung minsan ay nabigyan ito ng isang bagay na mapait, ito ay para gamutin ang isang karamdaman; sa madaling salita, kinapapalooban ito ng pagiging makasarili, ng mga damdamin, at ng laman ng tao; kinapapalooban ito ng mga layunin at motibasyon. Pero kahit ano pa ang gawin ng Diyos sa iyo, kahit gaano ka pa Niya hinahatulan at kinakastigo, itinutuwid at dinidisiplina, o pinupungusan, kahit magkaroon ka ng maling pagkaunawa sa Kanya, at kahit magreklamo ka tungkol sa Kanya sa iyong puso, patuloy na gagawa sa iyo ang Diyos nang buong tiyaga. Ano ang pinakalayon ng Diyos sa paggawa nito? Ginagamit Niya ang pamamaraang ito para gisingin ka, para isang araw ay maunawaan mo ang mga layunin ng Diyos. Pero kapag nakita ng Diyos ang kahihinatnang ito, ano ang nakamit Niya? Ang totoo, wala Siyang anumang nakamit. At bakit Ko sinasabi ito? Dahil ang lahat ng nasa iyo ay mula sa Diyos. Hindi kailangan ng Diyos na magkamit ng anuman. Ang kailangan lang Niya ay na maayos na sumunod ang mga tao at pumasok alinsunod sa kung ano ang mga hinihingi Niya habang ginagampanan Niya ang Kanyang gawain, ang maisabuhay ang katotohanang realidad sa huli, ang mamuhay nang may wangis ng tao, at hindi na malihis, madaya, at matukso pa ni Satanas, ang magawang maghimagsik laban kay Satanas, ang magpasakop at sumamba sa Diyos, at pagkatapos ay malulugod ang Diyos, at matatapos na ang Kanyang dakilang gawain. Ano ang nakakamit ng Diyos? Nakakamit ka ng Diyos at maaari kang magpuri sa Diyos. Pero ano ba ang halaga sa Diyos ng pagpupuri mo? Hindi ba magiging Diyos ang Diyos kung hindi mo Siya pinuri? Hindi ba magiging makapangyarihan sa lahat ang Diyos kung hindi mo Siya pinuri? Mababago ba ng hindi mo pagpuri sa Diyos ang Kanyang diwa o ang Kanyang katayuan? (Hindi.) Hindi. Masasabi lang na pagmamahal at gawain ito ng Diyos. May ganito bang kahulugan sa pagkaunawa ninyo sa pagmamahal ng Diyos bilang napakalawak at napakalaki? (Wala.) Wala pa sa ganoong punto ang inyong pagkaunawa. Kahit may taong dumurog sa puso ng Diyos, at iniisip ng iba na imposibleng maliligtas sila ng Diyos, ano ang saloobin ng Diyos kapag nagnilay-nilay sila sa kanilang sarili, napagtanto nila ang kamalian ng kanilang mga gawi at nagsisi, at isinantabi ang kasamaan na nasa kanilang mga kamay at tinanggap ang Kanyang pagliligtas? Tinatanggap pa rin silang lahat ng Diyos. Hangga’t tinatahak ng mga tao ang tamang landas, hindi papanagutin ng Diyos ang mga tao sa kanilang mga pagsalangsang. Ito ang pagmamahal ng Diyos. Anong kuru-kuro ng tao ang dapat lunasan dito? Ito ang kuru-kuro patungkol sa kung paano nagmamahal ang Diyos. Dapat iwan ng mga tao ang kanilang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon; dapat nilang hanapin ang katotohanan at unawain ang katotohanan para mabitiwan nila ang kanilang mga kuru-kuro. Madaling iwan ang mga kuru-kuro ng isang tao, pero hindi madaling baguhin nang lubusan ang mga kuru-kuro ng isang tao. Kung mahaharap ka sa parehong isyu sa hinaharap at muling nabubuo ang iyong kuru-kuro, anong uri ng problema iyon? Magpapatunay ito na malalim na nakabaon sa iyo ang kuru-kurong ito. Kahit na sa ilang bagay ay mabibitiwan mo ang mga kuru-kuro sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan, sa iba pang mga bagay, hindi mo mabibitiwan ang mga ito. Maaaring madaling bitiwan ang isang kuru-kuro sa isang isyu, pero hindi madali para sa mga tao na lubusang lutasin ang kanilang mga kuru-kuro. Dapat makaunawa ng maraming katotohanan ang isang tao bago niya lubusang malutas ang kanyang problema tungkol sa mga kuru-kuro. Kinakailangan ng mga tao na hanapin ang katotohanan sa mga isyung nakakaharap nila, praktikal na maranasan at pahalagahan ang pagmamahal ng Diyos, at kinakailangang gumawa ang Diyos ng maraming gawa para makilala Siya ng mga tao. Tanging kapag nakikilala ng mga tao ang Diyos lubusang maaalis ang problema nila ng pagkikimkim ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos.

Ang dapat ninyong suriin ngayon ay ang mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos at kung ano ang mga kuru-kurong ito, at pangunahing ibuod ang iba’t iba mong imahinasyon, salungatan, at hinihingi tungkol sa gawain ng Diyos, sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at kung paano gumagawa ang Diyos. Makakahadlang ang mga bagay na ito sa pagpapasakop mo sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at maaaring magsanhi na magkamali ka ng pagkaunawa at makaramdam ng pagkontra sa lahat ng bagay na ginawa sa iyo ng Diyos. Lubhang seryosong bagay ang gayong mga kuru-kuro at nararapat suriin ang mga ito. Halimbawa, binabasa ng ilang tao ang mga salita ng Diyos na humahatol at kumukondena sa mga tao at bumubuo sila ng mga kuru-kuro at nagsasabing, “Sinasabi ng Diyos na hindi Niya mahal ang mga taong katulad ko, kaya baka hindi Niya ako iligtas.” Hindi ba’t isa itong kuru-kuro? Ano ang ibubunga ng kuru-kurong ito? Kahit ano pang katiwalian ang mayroon ka o kahit anong uri ka pa ng tao, alam mong ayaw ng Diyos sa mga taong naghihimagsik laban sa Kanya, kaya bakit hindi ka nagsisisi? Kung tatanggapin mo ang katotohanan, iwawaksi ang iyong katiwalian at lubos na magpapasakop sa Diyos, hindi ba’t magugustuhan ka ng Diyos? Bakit mo nililimitahan ang Diyos, sinasabing hindi ka Niya ililigtas? Hahadlangan ka ng mga negatibong kaisipang ito para huwag kang sumunod sa Diyos at maranasan ang Kanyang gawain, magiging dahilan ang mga ito para manatili kang walang pag-usad at mawalan ng pag-asa at magiging dahilan pa nga para itakwil mo ang Diyos. Lumilitaw sa ilang iglesia at lumilikha ng kaguluhan ang mga anticristo at masasamang tao, at sa paggawa nito ay nililihis nila ang ilang tao—ito ba ay isang mabuting bagay o isang masamang bagay? Ito ba ay pagmamahal ng Diyos, o ito ba ay paglalaro at pagbubunyag ng Diyos sa mga tao? Hindi mo ito maunawaan, hindi ba? Pinagseserbisyo ng Diyos sa Kanya ang lahat ng bagay upang gawing perpekto at iligtas ang mga nais Niyang iligtas, at ang nakakamit sa huli ng mga tunay na naghahanap sa katotohanan at nagsasagawa ng katotohanan ay ang katotohanan. Gayunman, nagrereklamo ang ilang hindi naghahanap sa katotohanan, at sinasabi nila, “Hindi tama na gumawa ang Diyos sa ganitong paraan. Nagdudulot ito sa akin ng labis na pagdurusa! Muntik na akong mapasama sa mga anticristo. Kung talagang isinaayos ito ng Diyos, bakit Niya hinahayaang mapasama ang mga tao sa mga anticristo?” Anong nangyayari rito? Ang hindi mo pagsunod sa mga anticristo ay nagpapatunay na taglay mo ang proteksyon ng Diyos; kung mapasama ka sa mga anticristo, iyan ay pagkakanulo sa Diyos at hindi ka na gusto ng Diyos. Kaya, mabuti ba o masamang bagay na nagdudulot ng kaguluhan sa iglesia ang mga anticristo at masasamang taong ito? Sa panlabas, tila ito ay isang masamang bagay, ngunit kapag nabunyag ang mga anticristo at masasamang taong ito, lumalago ang pagkilatis mo, sila ay inaalis, at lumalago ang tayog mo. Kapag nakaharap mong muli ang gayong mga tao sa hinaharap, makikilatis mo na sila bago pa man nila maipakita ang tunay nilang kulay, at tatanggihan mo sila. Tutulutan ka nitong matuto ng mga aral at makinabang; malalaman mo kung paano kilatisin ang mga anticristo at hindi ka na malilihis ni Satanas. Kaya, sabihin mo sa Akin, hindi ba’t mabuting bagay ang panggugulo at panlilihis ng mga anticristo sa mga tao? Kapag dumanas sila hanggang sa yugtong ito, saka lamang makikita ng mga tao na hindi kumilos ang Diyos alinsunod sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at na pinahihintulutan ng Diyos ang malaking pulang dragon na walang habas na lumikha ng mga kaguluhan at pinahihintulutan Niya ang mga anticristo na ilihis ang mga hinirang ng Diyos nang sa gayon ay magamit Niya si Satanas sa Kanyang layunin upang gawing perpekto ang Kanyang mga hinirang, at saka pa lamang mauunawaan ng mga tao ang mga mabusising layunin ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na, “Dalawang beses na akong nalihis ng mga anticristo at hindi ko pa rin sila makilatis. Kung darating ang isa pang mas tusong anticristo, malilihis na naman ako.” Kung gayon, hayaan mong mangyari ulit ito nang sa gayon ay maranasan mo ito at matutunan mo ang leksiyon—dapat gawin ng Diyos ang mga bagay sa ganitong paraan para mailigtas Niya ang sangkatauhan mula sa impluwensiya ni Satanas. Dalawang parirala ang magagamit dito para ilarawan kung paano gumagawa ang Diyos, at ang mga ito ay na ang iba’t ibang paraan kung saan gumagawa ang Diyos ay pambihira at lagpas sa imahinasyon ng mga ordinaryong tao. Bakit Ko inilalarawan ang gawain ng Diyos gamit ang dalawang pariralang “pambihira” at “lagpas sa imahinasyon”? Ito ay dahil hindi maunawaan ng tiwaling sangkatauhan ang mga bagay na ito at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, kung paano gumagawa ang Diyos, o ang karunungan ng Diyos sa Kanyang pakikipaglaban kay Satanas—walang maisip ang buong sangkatauhan tungkol sa mga bagay na ito. Kaya paano pa rin nagagawa ng mga tao na magkimkim ng mga ideya at kuru-kuro? Ito ay dahil natututo sila ng kaunting kaalaman, nakakaunawa ng kaunting doktrina, at mayroon silang sarili nilang mga kagustuhan, at kaya bumubuo sila ng mga partikular na kuru-kuro at imahinasyon. Pero pagdating sa mga usapin ng espirituwal na mundo at sa gawaing ginagampanan ng Diyos, hindi man lang nila nauunawaan ang mga bagay na ito. Sa mga huling araw, tuwirang hinaharap ng Lumikha ang buong sangkatauhan at binibigkas ang Kanyang mga salita. Ito ang unang pagkakataong nangyari ito mula nang likhain ang mundo. Ibig sabihin, hinaharap Niya ang buong sangkatauhan at hayagan Siyang gumagawa sa ganitong paraan, isinasapubliko ang Kanyang plano ng pamamahala at pagkatapos ay ipinapatupad ito at isinasakatuparan ito sa gitna ng sangkatauhan—ito ang unang pagkakataon na nangyari ito. Walang alam ang mga tao at mga estranghero sila sa saklaw na ito ng kaisipan ng Diyos, ng diwa ng Diyos, at sa paraan ng paggawa ng Diyos, kaya normal para sa mga tao na magkimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa mga bagay na ito, pero hindi ibig sabihin na umaayon ang mga ito sa katotohanan. Kahit gaano pa kanormal ang mga kuru-kuro ng mga tao, salungat pa rin ang mga ito sa katotohanan, hindi ito nakaalinsunod sa mga salita ng Diyos, at hindi tugma ang mga ito sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi malulutas ang mga kuru-kurong ito sa tamang oras, magiging malaking balakid ang mga ito sa pagdanas ng mga tao sa gawain ng Diyos at sa sarili nilang buhay pagpasok. Kaya, pagdating sa mga kuru-kuro ng tao, gaano man umaayon ang mga ito sa mga imahinasyon at ideya ng mga tao, hangga’t hindi nakaalinsunod ang mga ito sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos, sumasalungat itong lahat sa katotohanan at kumokontra sa Diyos, at hindi kaayon ng Diyos ang mga ito. Kahit gaano pa nakaayon sa mga imahinasyon ng mga tao ang kanilang mga kuru-kuro, dapat laging subukan ng mga tao na kilatisin ang mga ito; talagang hindi nila dapat bulag na lamang na tanggapin ang kanilang mga kuru-kuro. Ano ang dapat tanggapin ng sangkatauhan? Dapat tanggapin ng sangkatauhan ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, at ang lahat ng positibong bagay na galing sa Diyos. Para naman sa mga bagay na nauukol kay Satanas, kahit gaano pa iniisip ng mga tao na mabuti o nakaayon sa sarili nilang mga imahinasyon ang mga bagay na ito, hindi nila dapat tanggapin ang mga ito, sa halip, dapat nilang itakwil ang mga ito. Sa ganitong paraan lamang makakamit ng mga tao ang pagpapasakop sa Diyos at makakatugon sa mga hinihingi ng Lumikha.

Malulutas lamang ang mga kuru-kuro ng mga tao sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos at sa paggamit ng katotohanan; hindi maisasantabi ang mga ito sa pamamagitan ng pangangaral ng doktrina at ng pagbibigay ng panghihikayat—hindi ito ganoon kadali. Walang paninindigan ang mga tao sa mga matuwid na bagay, pero madali silang kumapit sa iba’t ibang kuru-kuro o sa mga buktot, baluktot na bagay, na nahihirapan silang isantabi. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Malaki o maliit man ang mga kuru-kuro ng mga tao, malubha man o hindi, kung wala silang mga tiwaling disposisyon, madaling malulutas ang mga kuru-kurong ito. Sa huli, ang mga kuru-kuro ay isang paraan lamang ng pag-iisip. Pero dahil sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, gaya ng pagmamataas, pagiging mapagmatigas, at maging ang kabuktutan, nagiging mitsa ang mga kuru-kuro na nagsasanhi sa mga tao na makipagtunggali sa Diyos, magkamali ng interpretasyon sa Diyos, at husgahan pa nga ang Diyos. Sino ang patuloy na makakapagpasakop at makapupuri sa Diyos kapag nagkikimkim sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya? Wala. Sa pagkikimkim ng mga kuru-kuro, nakikipagtunggali lang ang mga tao sa Diyos, nagrereklamo sila tungkol sa Kanya, hinuhusgahan nila Siya, at kinokondena pa nga nila Siya. Sapat na ito para ipakita na lumilitaw ang mga kuru-kuro mula sa mga tiwaling disposisyon, ang paglitaw ng mga kuru-kuro ay ang pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at ang lahat ng tiwaling disposisyon na nabubunyag ay naghihimagsik at lumalaban sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao na, “May mga kuru-kuro ako, pero hindi ako lumalaban sa Diyos.” Mapanlinlang ito. Kahit wala silang sabihin, sa puso nila, nakikipagtunggalian pa rin sila, at mapagtunggali ang kanilang pag-uugali. Maaari pa rin bang magpasakop sa katotohanan ang gayong mga tao kapag ganito sila? Imposible ito. Pinamumunuan ng isang tiwaling disposisyon, kumakapit sila sa kanilang mga kuru-kuro—dulot ito ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya, habang nalulutas ang mga kuru-kuro, nalulutas din ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kung nalutas na ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, marami sa mga kaisipan nilang isip-bata, at maging ang mga bagay na naging kuru-kuro na, ay hindi na isyu para sa kanila; mga kaisipan na lamang ang mga ito, at hindi na nakakaapekto sa paggampan mo ng iyong tungkulin, o sa pagpapasakop mo sa Diyos. Magkakaugnay ang mga kuru-kuro at tiwaling disposisyon. Minsan, ang isang kuru-kuro ay nasa puso mo, pero hindi nito pinangungunahan ang mga kilos mo. Kapag hindi ito nakakaapekto sa iyong mga agarang interes, binabalewala mo ito. Gayumpaman, ang pagbalewala rito ay hindi nangangahulugang walang tiwaling disposisyon sa iyong kuru-kuro, at kapag may nangyaring salungat sa iyong kuru-kuro, kumakapit ka rito nang may isang partikular na saloobin, isang saloobing pinangingibabawan ng iyong disposisyon. Maaaring pagiging mapagmatigas ang disposisyong ito, maaaring kayabangan ito, at maaaring kalupitan ito; nagsasanhing magpadalos-dalos ka sa pagsasalita sa Diyos, sinasabing, “Ilang beses nang napatunayan sa akademya ang aking mga pananaw. Pinanghawakan na ito ng mga tao sa loob ng libo-libong taon, kaya bakit hindi ako puwede? Ang mga bagay na sinasabi Mo na salungat sa mga kuru-kuro ng tao ay mali, kaya paanong nasasabi Mo pa rin na katotohanan ang mga ito, na nakahihigit ang mga ito sa lahat? Ang perspektiba ko ang siyang pinakamataas sa buong sangkatauhan!” Ang isang kuru-kuro ay maaaring mauwi sa pagkilos mo nang ganito, at sa gayong pagmamayabang. Ano ang nagsasanhi nito? (Ang mga tiwaling disposisyon.) Tama iyan, dulot ito ng mga tiwaling disposisyon. May direktang ugnayan sa pagitan ng mga kuru-kuro at ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at dapat malutas ang kanilang mga kuru-kuro. Kapag nagawan na ng paraan ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa pananalig sa Diyos, nagiging madali na para sa kanila na magpasakop sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, kaya mas maayos na nilang nagagampanan ang kanilang tungkulin, hindi na sila dumadaan sa mga pasikot-sikot na landas, hindi na sila nanggagambala o nanggugulo, at hindi na sila gumagawa ng anumang bagay na nagdudulot ng kahihiyan sa Diyos. Kapag hindi nagawan ng paraan ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, nagiging madali para sa kanila na gumawa ng mga bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan. Sa mas malulubhang kaso, ang mga kuru-kuro ng mga tao ay maaaring magbunga ng iba’t ibang salungatan sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Pagdating sa mga kuru-kuro, siguradong maling pananaw ang mga ito na salungat sa katotohanan, ganap na kontra sa katotohanan, at maaaring magsanhi ang mga ito na umusbong ang iba’t ibang uri ng mapagtunggaling damdamin tungkol sa Diyos. Nagiging dahilan ang tunggaliang ito para kuwestiyunin mo si Cristo at para hindi mo magawang tanggapin Siya o na magpasakop ka sa Kanya, habang naaapektuhan din nito ang pagtanggap mo sa katotohanan at ang pagpasok mo sa katotohanang realidad. Sa mas malulubha pang kaso, ang iba’t ibang kuru-kuro ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos ay sanhi upang itatwa nila ang gawain ng Diyos, ang mga paraan ng paggawa ng Diyos, at ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos—at kung magkagayon ay wala silang anumang pag-asang maligtas. Sa alinmang aspekto ng Diyos may mga kuru-kuro ang mga tao, sa likod ng mga kuru-kurong ito ay nagtatago ang mga tiwali nilang disposisyon, na maaaring magpalala sa mga tiwaling disposisyon na ito, na nagbibigay sa mga tao ng mas marami pang dahilan para harapin ang gawain ng Diyos, ang Diyos Mismo, at ang disposisyon ng Diyos gamit ang kanilang sariling mga tiwaling disposisyon. At hindi ba’t hinihimok sila nito na labanan ang Diyos gamit ang kanilang mga tiwaling disposisyon? Ito ang bunga sa tao ng mga kuru-kuro.

Bagamat madalas na nating napag-usapan noong nakaraan ang tungkol sa mga kuru-kuro ng tao, hindi tayo kailanman sistematiko at detalyadong nagbahaginan tungkol sa kung anong mga aspekto at usapin ang may mga kuru-kurong kinikimkim ang mga tao, at kung anong uri ng mga kuru-kuro ang binubuo nila. Sa pamamagitan ng punto-por-puntong pagbabahagi at pagsusuri sa ganitong paraan ngayon, binigyan Ko kayo ng malinaw na gabay para alam ninyo kung anong uri ng mga kuru-kuro ang mayroon kayo, at para magkaroon kayo ng landas para lutasin ang mga ito nang isa-isa. Kung isa-isang malulutas ng mga tao ang mga kuru-kurong ito, lalong magiging malinaw sa kanila ang lahat ng aspekto ng katotohanan. Sa ganitong paraan, lalo ring magiging malinaw ang landas nila pasulong, at lalong titibay at magliliwanag ang landas na nilalakaran nila sa kanilang pananalig sa Diyos habang palayo sila nang palayo.

Setyembre 20, 2018