Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao (Unang Bahagi)

Dapat tahakin ng mga nananalig sa Diyos ang landas ng pananampalataya alinsunod sa salita ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi. Dapat umasal ang mga mananampalataya nang alinsunod sa katotohanan. Kung walang katotohanan ang mga tao at isinasabuhay nila ang mga pilosopiya ni Satanas, sa huli ay hindi nila makakamit ang isang positibong resulta o kahihinatnan. Ang salita lang ng Diyos ang walang hanggan, hindi nagbabagong katotohanan. Kung ang isang mananampalataya ay hindi isinasabuhay ang mga salita ng Diyos o umaasal nang alinsunod sa katotohanan, mas bulag pa siya kaysa sa mga tao sa mundo, bulag na bulag na. Maraming taong nakapagkamit ng ilang tagumpay sa isang larangan sa sekular na mundo at naging sikat ang napuno na ang ulo ng katanyagan at kayamanan, at nagsimula nang tumaas ang tingin nila sa kanilang mga sarili. Sa katunayan, ang paghanga, papuri, suporta, at pagkilala na ibinibigay ng ibang tao sa iyo ay mga pansamantalang parangal lang. Hindi kumakatawan ang mga ito sa buhay, ni katiting man ay hindi ito nangangahulugang tinatahak ng isang tao ang tamang landas. Ang mga ito ay pawang mga pansamantalang parangal at kaluwalhatian. Ano ba ang mga kaluwalhatiang ito? Totoo ba ang mga ito o hungkag? (Hungkag.) Parang mga bulalakaw ang mga ito, kumikislap at pagkatapos ay nawawala. Pagkatapos makuha ng mga tao ang gayong mga kaluwalhatian, parangal, palakpak, tagumpay, at papuri, kailangan pa rin nilang bumalik sa tunay na buhay at mamuhay nang kung paano sila dapat mamuhay. Hindi ito makita ng ilang tao at hinihiling nila na manatili sana ang mga bagay na ito sa kanila magpakailanman, na hindi naman makatotohanan. Hinihiling ng mga tao na mabuhay sa ganitong uri ng kapaligiran at atmospera dahil sa pakiramdam na naidudulot ng mga ito; gusto nilang matamasa ang ganitong pakiramdam magpakailanman. Kung hindi nila ito natatamasa, nagsisimula silang tahakin ang maling landas. Gumagamit ang ilan ng iba’t ibang pamamaraan gaya ng paglalasing at pagdodroga para gawing manhid ang kanilang sarili: Ganito tinatrato ng mga taong nabubuhay sa mundo ni Satanas ang katanyagan at kayamanan. Sa sandaling naging sikat ang isang tao at tumanggap ng kaluwalhatian, madali sa kanyang mawala sa kanyang direksiyon, at hindi niya alam kung paano siya dapat kumilos, ni kung ano ang dapat niyang gawin. Lumilipad ang isip niya at hindi siya makapokus—napakamapanganib nito. Nalagay na ba kayo sa ganoong kalagayan o nagpakita na ba kayo ng gayong asal? (Oo.) Ano ang nagsasanhi nito? Ito ay dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon: Napakapalalo nila, napakayayabang, hindi nila madaig ang tukso o papuri, at hindi nila hinahangad ang katotohanan o nauunawaan ito. Inaakala nilang natatangi sila dahil lamang sa isang maliit na tagumpay o kaluwalhatian na natanggap nila; inaakala nilang naging dakilang tao na sila o isang superhero. Inaakala nilang isang krimen ang hindi tingalain ang kanilang mga sarili sa harap ng lahat ng katanyagan, kayamanan at kaluwalhatiang ito. Anumang oras at saanmang lugar, malamang na maging mataas ang tingin sa sarili ng mga taong hindi nakauunawa ng katotohanan. Kapag masyado nang mataas ang tingin nila sa kanilang sarili, madali ba sa kanilang magpakababang muli? (Hindi.) Hindi iniisip ng mga tao na may kaunting katwiran na mataas sila nang walang dahilan. Kapag wala pa silang anumang naaabot, wala pang maiaambag, at wala pang sinumang miyembro ng grupo ang pumapansin sa kanila, hindi nila matignan nang mataas ang sarili nila kahit na gustuhin nila. Maaaring medyo mayabang at narsisistiko sila nang kaunti, o maaaring pakiramdam nila ay medyo may talento sila, at mas mahusay kaysa sa iba, subalit hindi malamang na isipin nilang mataas sila. Sa anong mga pagkakataon nagiging mataas ang tingin ng mga tao sa kanilang sarili? Kapag napupuri sila ng ibang tao dahil sa ilang bagay na kanilang nagawa. Iniisip nilang mas mahusay sila kaysa sa iba, na ordinaryo at hindi magaling ang ibang tao, na sila lamang ang may katayuan, at hindi kapareho ng uri o antas ng ibang tao, na mas mataas sila kaysa sa kanila. Ganito nagiging mataas ang tingin nila sa kanilang sarili. At iniisip nilang tama lang na mataas ang tingin nila sa kanilang sarili. Paano nila naiisip ito? Ang pinaniniwalaan nila ay, “Mayroon akong natatanging lakas, kakayahan, at utak, at handa akong hanapin ang katotohanan. May narating na ako ngayon—naging sikat na ako, at mas mataas na ang aking reputasyon at halaga kaysa sa ibang tao. Kaya naman, tiyak na namumukod-tangi ako sa karamihan, at ako ay tinitingala ng lahat, kaya tama lang na maging mataas ang tingin ko sa sarili ko.” Ito ang laman ng kanilang isipan, kaya naman sa huli ay—normal at maaasahan na—dapat maging mataas ang tingin nila sa kanilang sarili. Naniniwala silang hindi maitatatwa ang pagiging tama at makatwiran nito. Kung hindi magiging mataas ang tingin nila sa kanilang sarili, pakiramdam nila ay mayroong mali, na para bang hindi nila pinahahalagahan ang kanilang sarili, at hindi nila nakakamit ang pagsang-ayon ng ibang tao; kaya iniisip nilang natural lamang na maging mataas ang tingin nila sa kanilang sarili. Ano ba ang mga kahihinatnan ng masyadong pagtingala sa kanilang sarili? (Hindi na magiging maayos ang pakikipagtulungan nila sa iba, at gugustuhin nilang gawin ang mga bagay nang ayon sa gusto nila.) Ito ang isang aspeto ng kanilang pag-uugali. Ano pa? (Hindi na sila mapagkumbaba, hindi na nila hinahangad na sumulong sa larangan ng kanilang gawain, at lubos na silang umaasa sa kung ano na ang kaya nila.) (Ayaw nilang magpasakop sa mga sitwasyon na ayaw nila.) Bakit ayaw nilang magpasakop? Nakakapagpasakop ba sila noon? (Wala silang kakayahan para maging mayabang noon, at nagagawa pa nilang pigilin at supilin ang kanilang sarili, kaya nakakapagpasakop pa sila. Subalit ngayon, pakiramdam nila ay may kakayahan sila at mga kwalipikasyon, at na naiiba sila sa iba, kaya iniisip nilang maididikta nila ang sarili nilang kagustuhan at tumatanggi silang magpasakop.) Pakiramdam nila ay iba na sila mula sa kung sino sila dati, na may katayuan na sila, kilala na sila at na hindi sila dapat madaling magpasakop sa iba. Kung ganoon ang gagawin nila, hindi ito magiging akma sa kanilang katayuan, at hindi sila mabubuhay ayon sa inaasahan sa kanila. Sa tingin nila ay may karapatan silang magsabi ng “hindi” at may karapatan silang tumangging magpasakop sa iba. Ano pa ang ibang pag-uugali na ipinapakita nila? (Kapag ang lagay nila ay maging malala, maaaring maging gaya pa sila ni Pablo, na sinasabing, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8), at magsisimula silang makipagnegosasyon sa Diyos, nalilimutan nilang sila ay nilikha.) Nakakalimutan nila kung sino sila. Mabuti ba sa tingin ninyo na tingalain ng tao ang kanyang sarili? (Hindi.) Kung hindi, bakit mataas ang tingin ng mga tao sa kanilang sarili? (Dahil sa satanikong disposisyon sa loob nila.) Ang pagkakaroon ng satanikong disposisyon ay hindi maiiwasan, at tiyak na ito ang ugat ng problema. Ano pa ang ibang dahilan? Pag-usapan natin ang mga praktikal na kadahilanan. (Sobrang binibigyang-diin ng mga tao ang mga nakamit nila, tinuturing ang mga iyon na buhay mismo. Kaya, lagi silang nalulugod sa kanilang tagumpay, na humahantong sa kalagayan ng pagkakampante na hindi nila natatakasan.) Ito ang pinakapunto ng usapin. Tungkol ito sa hinahangad at minimithi ng tao sa kanilang mga puso, gayundin sa landas na pinipili nilang tahakin. Naniniwala ang maraming tao na may tayog sila hangga’t nagagawa nila ang mga paulit-ulit na gawain at natutupad ang ilang tungkuling nangangailangan ng teknikal na kaalaman. Kapag mas mahusay, pambihira, at magaling ang gawa nila, mas lalo itong nagpapatunay na nagtataglay sila ng realidad, na mahal nila ang Diyos, at na sila ay masunurin sa Kanya. Tinuturing nila ito na kanilang buhay. Kaya naman, tiyak na pahahalagahan nila ito at hahangarin ito bilang mithiin ng buhay nila, pero ang mithiin at direksiyon nila ay mali, gayundin ang landas nila. Higit pa rito, sa pinaka-ugat nito, ang pagkaunawa ng mga tao sa buhay, ang paghahangad sa katotohanan, at kung ano ang ibig sabihin ng mataglay ang katotohanang realidad ay may depekto. Kapag may depekto sa pagkaunawa ng mga tao, ang kaalaman nila at sukdulang pagtatantya nila sa isang bagay ay may depekto rin. Kung ang pagkaunawa mo ay may depekto, ang hinahangad mo ay may depekto rin. Bilang resulta, ang landas na pipiliin mo ay malamang na magkaproblema, at ang direksiyon at mga mithiin mo sa buhay ay magiging may depekto rin.

Alam ng lahat na hindi mabuting bagay para sa tao na maging mataas ang tingin sa kanyang sarili dahil lamang nakapagkamit siya ng ilang resulta sa kanyang tungkulin. Kung gayon, bakit nagiging mataas pa rin ang tingin ng mga tao sa kanilang sarili? Ang isang bahagi nito ay dahil sa kayabangan at kababawan ng tao. May iba pa bang mga dahilan? (Ito ay dahil hindi natatanto ng mga tao na ang Diyos ang naggagabay sa kanila na makamit ang mga resultang ito. Iniisip nilang karapat-dapat sila sa lahat ng papuri, at may taglay silang kakayahan, kaya mataas ang tingin nila sa sarili. Sa totoo lang, kung wala ang gawain ng Diyos, walang magagawang kahit ano ang mga tao, pero hindi nila ito makita.) Tama ang pahayag na ito, at ito rin ang pinakamahalaga sa isyung ito. Kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos at hindi nila taglay ang Banal na Espiritu upang bigyang-liwanag sila, lagi nilang iisipin na kahit na ano ay kaya nila. Kaya kung mayroon silang kakayahan, maaari silang maging mayabang at maging mataas ang tingin sa sarili. Sa pagganap ninyo ng inyong tungkulin, nadarama ba ninyo ang patnubay ng Diyos at ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu? (Oo.) Kung nagagawa ninyong maramdaman ang gawain ng Banal na Espiritu, pero mataas pa rin ang tingin ninyo sa inyong sarili, at iniisip ninyong nagtataglay kayo ng realidad, ano ang nangyayari rito? (Kapag nagbunga na ang pagganap natin ng ating tungkulin, iniisip natin na kalahati ng papuri ay para sa Diyos, at kalahati ay para sa atin. Pinalalaki natin nang walang hangganan ang ating pakikipagtulungan, iniisip natin na wala nang mas hahalaga pa kaysa sa ating naitulong, at na hindi naging posible ang pagbibigay-kaliwanagan ng Diyos kung wala ito.) Kaya bakit nga ba binigyan ka ng kaliwanagan ng Diyos? Mabibigyan din ba ng Diyos ng kaliwanagan ang ibang tao? (Oo.) Kapag binibigyang-liwanag ng Diyos ang isang tao, ito ay dahil sa biyaya ng Diyos. At ano naman ang kaunting naitulong mo? Dapat ka bang purihin para sa bagay na ito, o tungkulin at responsibilidad mo ba ito? (Tungkulin at responsabilidad namin ito.) Kapag kinikilala mong tungkulin at responsabilidad mo ito, wasto ang pag-iisip mo, at hindi mo maiisip na subukang umani ng papuri para dito. Kung lagi mong iniisip na “Kontribusyon ko ito. Magiging posible kaya ang pagbibigay ng Diyos ng kaliwanagan kung wala ang kooperasyon ko? Ang gawaing ito ay nangangailangan ng pakikipagtulungan ng tao; malaki ang bahagi ng ating pakikipagtulungan sa mga naisasakatuparan,” kung gayon ay mali ka. Paano ka makikipagtulungan kung hindi ka naman binigyan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at kung wala namang nagbahagi ng mga katotohanang prinsipyo sa iyo? Hindi mo malalaman kung ano ang hinihingi ng Diyos, ni hindi mo malalaman ang landas ng pagsasagawa. Kahit ginusto mong sundin ang Diyos at makipagtulungan, hindi mo malalaman kung paano. Hindi ba mga salitang walang kabuluhan lamang ang “kooperasyon” mong ito? Kapag walang tunay na pakikipagtulungan, kumikilos ka lang nang ayon sa sarili mong mga ideya—kung ganito ang kaso, tumutugon kaya sa pamantayan ang tungkuling ginagampanan mo? Talagang hindi, na nagpapahiwatig ng kasalukuyang isyu. Ano ang isyu? Anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, nagkakamit man siya ng mga resulta, tumutugon man sa pamantayan ang pagganap niya sa kanyang tungkulin, at nagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay nakasalalay sa mga kilos ng Diyos. Kahit tuparin mo ang iyong mga responsabilidad at tungkulin, kung hindi gumagawa ang Diyos, kung hindi ka binibigyang-liwanag at ginagabayan ng Diyos, hindi mo malalaman ang iyong landasin, ang iyong direksyon, o ang iyong mga mithiin. Ano ang resulta niyan sa huli? Matapos magpagal sa loob ng buong panahong iyon, hindi mo nagawang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, ni hindi mo nakamit ang katotohanan at ang buhay—nauwi lang sa wala ang lahat. Samakatuwid, ang paggawa ng iyong tungkulin na pasado sa pamantayan, na nakapagpapatibay sa iyong mga kapatid, at nagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay lubos na nakasalalay sa Diyos! Maaari lamang gawin ng mga tao ang mga bagay na personal na kaya nilang gawin, na dapat nilang gawin, at na likas silang may kakayahang gawin—wala nang iba. Kung gayon, sa huli, ang pagganap sa iyong mga tungkulin sa epektibong paraan ay nakasalalay sa patnubay ng mga salita ng Diyos at sa kaliwanagan at pamumuno ng Banal na Espiritu; saka mo lamang mauunawaan ang katotohanan, at matatapos ang atas ng Diyos ayon sa landas na ibinigay sa iyo ng Diyos at sa mga prinsipyo na itinakda Niya. Ito ay biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at kung hindi ito nakikita ng mga tao, nabubulagan sila. Kahit na anupamang gawain ang ginagawa ng sambahayan ng Diyos, ano dapat ang maging resulta? Ang isang bahagi nito ay dapat na magpatotoo sa Diyos at magpalaganap ng ebanghelyo ng Diyos, habang ang iba pang bahagi nito ay dapat magpatibay at magbigay ng pakinabang sa mga kapatid. Dapat magkamit ang gawain ng sambahayan ng Diyos ng mga resulta sa parehong bahagi. Sa sambahayan ng Diyos, anumang tungkulin ang ginagampanan mo, magkakamit ka ba ng mga resulta nang walang patnubay ng Diyos? Hinding-hindi. Maaaring sabihin na kung walang patnubay ng Diyos, ang ginagawa mo ay talagang walang silbi. Sa paglipas ng mga taon, habang patuloy ninyong tinutupad ang inyong mga tungkulin, kapag mas lalo ninyong tinutupad ang mga tungkuling ito, mas lalo kayong napapalapit sa mga hinihingi ng Diyos, mas lalo ninyong naiintindihan ang Kanyang mga layunin, at mas lalo ninyong nauunawaan ang mga prinsipyo. Paano nakakamit ang lahat ng ito? (Sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos.) Kung wala ang patnubay ng Diyos at ang pagliliwanag ng Banal na Espiritu, ano ang talagang “maiaambag” ng mga tao? Ang isang bahagi ng kanilang “ambag” ay ang mga imahinasyon ng tao. Minsan, tinutupad ng mga tao ang kanilang mga tungkulin ayon sa kanilang sariling mga imahinasyon, inaakalang sa pamamagitan ng paggawa nang gayon, makapagpapatotoo sila sa Diyos. Gayunpaman, taliwas ang resulta. Ang nagagawa nila ay hindi lamang nabibigong makamit ang inaasam na epekto ng pagpapatotoo sa Diyos, sa halip, mukha itong hindi tunay at hindi praktikal, produkto lamang ito ng mga imahinasyon at gawa-gawa ng tao, na sa huli ay nagbibigay kahihiyan sa Diyos. Ang isa pang bahagi nito ay ang mga haka-haka ng tao. Mahilig ang mga taong kumilos batay sa kanilang mga pansariling haka-haka at naniniwala sila na ang mga haka-haka nila ay nakaayon sa katotohanan. Kapag kumikilos sila nang ayon sa kanilang mga haka-haka, inaakala nilang natatanggap nila ang pagsang-ayon ng iba at niluluwalhati ang Diyos. Bilang resulta, ginagawa nila ang maraming bagay batay sa kanilang mga pansariling haka-haka, at hindi lamang nila nabibigong makamit ang inaasam na epekto ng pagpapatotoo sa Diyos; sa halip, inililigaw nila ang iba na tanggapin ang mga haka-hakang ito bilang katotohanan. Hindi lamang ito pumipigil sa kanila na sumunod sa Diyos, kundi humahantong din ito sa mga maling pagkaunawa, paghihinala, pagkondena, at paglapastangan laban sa Diyos. Ito ang mga kahihinatnan ng pagkilos batay sa mga pansariling haka-haka ng isang tao at ng pagpapakalat ng mga haka-hakang ito. Kapag kulang sa pagkaunawa sa katotohanan ang mga tao, umaasa sila sa mga imahinasyon at haka-haka upang patnubayan ang kanilang mga kilos. Maliban sa mga imahinasyon at haka-haka, ang iba pang aspeto ng kung ano ang “iniaambag” ng tao ay ang pantaong kaalaman. Pagkatapos makakuha ng maraming kaalaman sa iba’t ibang larangan, ginagamit nila ang kaalamang ito upang kilatisin ang mga hinihingi ng Diyos, ipalagay kung ano ang katotohanan, at husgahan mismo kung paano tutuparin ang kanilang tungkulin at isasakatuparan ang mga layunin ng Diyos. Ano ang resulta ng gayong mga kilos? Tiyak na sumasalungat ang mga ito sa mga layunin ng Diyos, dahil sumasalungat at kumokontra sa katotohanan ang pantaong kaalaman. Kapag tinutupad ng mga tao ang kanilang tungkulin batay sa pantaong kaalaman, anong uri ng sitwasyon ang nililikha nito sa iglesia? Mag-iidolo ang mga tao ng kaalaman at ihahambing ang isa’t isa upang malaman kung sino ang mas may alam, kung sino ang mas maraming nabasang aklat, o kung sino ang nagtataglay ng mas mataas na mga akademikong kuwalipikasyon. Ito ang mga klase ng mga bagay na hilig nilang paghambingin. Kapag lumitaw ang gayong sitwasyon sa loob ng iglesia, may kinalaman ba ito sa mga taong ginagamit ang pantaong kaalaman upang maglingkod at magpatotoo sa Diyos? Tiyak na may kinalaman ito. Ano ang mga kahihinatnan ng paggamit ng isang tao sa pantaong kaalaman upang magampaman ang tungkulin at magpatotoo sa Diyos? Humahantong ito sa pagpili sa kaalaman ng tao kaysa sa pagmamahal sa katotohanan, inililihis nito ang mga tao patungo sa landas ng paghahangad sa pantaong kaalaman. Hindi ito wasto at nagsasanhi sa tao na ganap na lumihis mula sa tunay na daan. Ito man ay sa paggamit ng mga imahinasyon, haka-haka, o pantaong kaalaman upang magpatotoo sa Diyos at paglingkuran Siya, wala sa mga pamamaraang ito ang makapagkakamit ng inaasam na resulta ng pagtulong sa mga taong makilala at makasunod sa Diyos. Sa halip, madaling mahahadlangan ng mga ito ang mga tao na bumaling sa Diyos. Kaya, ang paggamit sa mga imahinasyon, haka-haka, o pantaong kaalaman upang magpatotoo sa Diyos ay pawang isang uri ng paglaban sa Diyos. Ginagambala at ginugulo nito ang gawain ng Diyos at hindi Niya sinasang-ayunan ang gayong mga kilos.

Ang mga imahinasyon, haka-haka, at kaalaman ng tao ay pawang mga aspeto ng kinasasakupan ng kaisipan. Ang isang bagay na pinagbabatayan ng mga kilos ng tao ay ang mga kaisipan at pananaw ng isang tao, samantalang ang isa pa ay ang tiwaling disposisyon ng isang tao, na may ginagampanang mahalagang papel. Kung ang mga tao ay hindi nauunawaan ang katotohanan, hindi kilala ang kanilang sarili, hindi tinatanggap ang katotohanan, hindi isinasagawa ang katotohanan, at walang kakayahang magpasakop sa Diyos at sa katotohanan, kung gayon, sa ano nila ibinabatay ang paggawa nila sa kanilang tungkulin? Kumikilos sila batay sa kanilang kayabangan, pagiging mapanlinlang, kasamaan, kalupitan, at pagmamatigas, na pawang mga aspeto ng kanilang tiwaling disposisyon. Ano ang mga kahihinatnan kapag ginawa nila ang kanilang tungkulin batay sa mga tiwaling disposisyong ito? (Hindi magagawa ng mga tao na maayos na makipagtulungan sa iba at magugulo at magagambala rin ang gawain ng iglesia.) Dapat malaman ang mga kahihinatnang ito. Ginagawa ng lahat ang gusto nila, hindi isinasagawa ang katotohanan. Kanya-kanyang gumagawa ang mga tao, kumikilos nang hindi nagkakaisa, at nagsasanhi ng pagkagambala at kaguluhan. Nagiging magulo at walang kaayusan ang isang gawaing puwede sanang maayos na nagawa. Hindi ito naiiba sa kung paano ginagawa ng mga walang pananampalataya ang mga bagay-bagay. Sa kampo ni Satanas, sa lipunan man o sa mga opisyal na mga lupon, ano ang namamayaning atmospera? Ano ang mga popular na pagsasagawa? Dapat kayong magkaroon ng ilang pagkaunawa sa mga ito. Ano ang mga prinsipyo at panuntunan ng kanilang mga kilos? Ang bawat isa ay may sariling batas; nagkakanya-kanya ng landas ang bawat isa. Kumikilos sila ayon sa sarili nilang interes at gumagawa ayon sa pinipili nila. Sinuman ang may awtoridad ang siyang may huling salita. Kahit sandali ay hindi nila iniisip ang iba. Ginagawa nila ang maibigan nila, nagsisikap para sa katanyagan, pakinabang, at katayuan, at ganap na kumikilos ayon sa mga sarili nilang kagustuhan. Sa sandaling tumanggap sila ng kapangyarihan, mabilis nilang ginagamit ang kapangyarihang ito sa iba. Kung napasama mo ang loob nila, nanaisin nilang pahirapan ka, at wala ka nang magagawa kundi ang magbigay sa kanila ng mga regalo. Kasingsama sila ng mga alakdan, handa silang labagin ang mga batas, ang mga regulasyon ng pamahalaan, at gumawa ng mga krimen. Lahat ng ito ay kaya nilang gawin. Ganito kadilim at kasama sa kampo ni Satanas. Ngayon, pumarito ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, upang tulutan ang mga taong tanggapin ang katotohanan, maunawaan ang katotohanan, at makalaya mula sa pang-aalipin at kapangyarihan ni Satanas. Kung hindi ninyo tatanggapin ang katotohanan at isasagawa ang katotohanan, hindi ba’t namumuhay pa rin kayo sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Kung gayon, ano ang pinagkaiba ng kasalukuyang kalagayan ninyo sa diyablong si Satanas? Makikipagkumpetensiya kayo sa paraang katulad ng sa mga hindi mananampalataya. Lalaban kayo sa paraang katulad sa paglaban ng mga hindi mananampalataya. Mula umaga hanggang gabi, kayo ay magpaplano, magpapakana, maiinggit at makikipagtalo. Ano ang ugat ng problemang ito? Ito ay dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at namumuhay ang mga tao ayon sa mga tiwaling disposisyong ito. Ang paghahari ng mga tiwaling disposisyon ay ang paghahari ni Satanas; nananahan ang sangkatauhang ginawang tiwali sa loob ng satanikong disposisyon, at walang eksepsiyon dito. Kaya, hindi mo dapat isipin na masyado kang mabuti, masyadong maamo, o masyadong matapat para makipag-agawan sa kapangyarihan at kapakinabangan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan at hindi inaakay ng Diyos, tiyak na hindi ka isang eksepsyon, at sa anumang paraan, dahil sa iyong katapatan o kabaitan, o dahil sa iyong kabataan, ay hindi mo mapipigilan ang iyong sarili na huwag makipagtunggali para sa kabantugan at pakinabang. Sa katunayan, hahangarin mo rin ang katanyagan, pakinabang, at katayuan hangga’t mayroon kang pagkakataon at pahihintulutan ito ng kalagayan. Ang pagsunggab sa katanyagan at pakinabang ay ang tatak na pag-uugali ng mga taong mayroong masamang kalikasan ni Satanas. Walang eksepsiyon sa sinuman. Lahat ng tiwaling sangkatauhan ay nabubuhay para sa katanyagan, pakinabang at katayuan, at magbabayad sila ng anumang halaga sa kanilang pagpupursige para sa mga ito. Ganito rin sa lahat ng nabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kaya, ang hindi tumatanggap sa katotohanan o nauunawaan ang katotohanan, ang hindi makakilos alinsunod sa mga prinsipyo, ay isang taong nabubuhay sa gitna ng satanikong disposisyon. Dumating na ang satanikong disposisyon upang pangibabawan ang isipan mo at kontrolin ang iyong pag-uugali; ganap ka nang isinailalim ni Satanas sa kanyang kontrol at pang-aalipin, at kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan at tatalikdan si Satanas, hindi ka makatatakas. Ngayon, habang tinutupad mo ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, medyo masunurin ka, medyo matatag ang puso mo, medyo seryoso ka, medyo mayroon kang pagpapahalaga sa responsabilidad, naisasantabi mo ang pag-aalala para sa sarili mong katayuan, madalas ay nagagawa mong pigilan ang pagiging mapagkumpitensiya, nagagawa mong magparaya sa iba, makipagtulungan nang payapa sa iba, at nakapaghahanap at nakapaghihintay kapag nahaharap ka sa mga bagay na hindi mo naiintindihan. Paano mo nakamit ang ganitong saloobin at pag-uugali? Ito ay may direktang kaugnayan sa pagtutustos, paggagabay, at pagdidilig ng Diyos. Lahat ng ito ay resulta ng maraming salita na binigkas ng Diyos. Kung hindi, kahit na ang isang tao ay may mabubuting katangian, hindi niya matutuklasan ang katotohanan o mauunawaan ang katotohanan. Kung hindi pumarito ang Diyos upang ipahayag ang mga katotohanang ito, saan pupunta ang mga tao upang hanapin ang katotohanan? Mula pagkabata, tumatanggap na ang mga tao ng edukasyon at pumapasok sa paaralan sa loob ng maraming taon, pero natutuhan na ba nila ang katotohanan? Hinding-hindi. Hinahangaan ng mga tao ang mga artista at kilalang tao, at pinupuri nila ang mga pangkulturang kaalaman, pero natutuhan na ba nila ang katotohanan? Hindi pa. Kahit na nakapagbasa na sila ng napakaraming aklat, hindi nila natutuhan ang katotohanan. Sa katunayan, wala naman talagang katotohanan sa mundo. Noong pumarito lamang ang Diyos at dinala ang katotohanan at ang daan sa buhay na walang hanggan, at pagkatapos nilang basahin ang salita ng Diyos nang maraming taon, noon lamang nila natuklasan ang katotohanan sa wakas. Noon lamang nila napagtanto ang halaga at importansiya ng katotohanan. Sa puntong ito, nakilala na ng mga tao na sa nakalipas na panahon, ang mga salita, kilos, at pag-uugali nila ay batay sa mga imahinasyon, haka-haka, at pantaong kaalaman. Maliban sa mga bagay na ito, tinutulak sila ng kanilang tiwaling disposisyon. Ang mga haka-haka, pantaong kaalaman, at imahinasyon na pumupuno sa mga puso ng tao ay hindi ang katotohanan. Kaya, malamang na ipamuhay ng mga tao ang iba’t ibang aspeto ng tiwaling disposisyon ni Satanas. Hindi nila kayang isabuhay ang wangis ng tao o makaiwas sa pagsisinungaling kahit na gustuhin pa nila, at mahirap sa kanilang gawin ang kahit iilang mabubuting bagay. Ang mga nabubuhay alinsunod sa disposisyon ni Satanas ay likas na ipinamamalas ang larawan ni Satanas. Ang kanilang mga salita, kilos at ugali ay naimpluwensiyahang lahat ng disposisyon ni Satanas, at walang makakatakas sa kanila mula rito. Kung matatanto ninyo ang puntong ito, kung gayon, sa proseso ng paggawa ninyo ng inyong tungkulin, kung nakapagkakamit man kayo ng ilang resulta, nakapagbibigay ng ilang ambag, nakapagpapakita ng mabuting pag-uugali, o nakararanas ng ilang pagbabago, anong pag-iisip ang dapat mayroon kayo? (Ang pag-iisip na puno ng pasasalamat sa Diyos.) Dapat ninyong pasalamatan ang Diyos. Ang lahat ng kaluwalhatian ay pawang sa Diyos. Ang Diyos ang siyang gumawa nito, at walang anumang dapat ipagmalaki ang mga tao. Bawat tao ay nagtataglay ng iba’t ibang antas ng abilidad. Halimbawa, ang ilang tao ay likas na sensitibo sa ritmo at himig ng musika, habang ang iba naman ay magaling sa pagsasayaw. Ano man ang mga likas na talento ng mga tao, lahat ng iyon ay pinagkaloob ng Diyos, at walang dapat ipagmalaki ang mga tao. Siguradong hindi nila nakuha ang mga likas na talentong ito sa kanilang mga magulang dahil maaaring hindi taglay ng mismong mga magulang ang mga talentong ito, at kahit na taglay ito ng mga magulang, hindi nila maibibigay ang mga talento nila sa mga anak nila; hindi maituturo ng mga magulang ang mga talento sa mga anak nila kung ang mga anak nila ay wala namang likas na kakayahan. Kaya, ang mga talento at kaloob na taglay ng mga tao ay walang kinalaman sa kanilang mga magulang. Siyempre, ang mga talentong ito ay hindi makukuha sa pag-aaral. Ang mga kaloob at kakayahan na taglay ng tao nang ipanganak sila ay ibinigay ng Diyos. Matagal nang paunang itinalaga ng Diyos ang mga ito. Kung ginawa kang hangal ng Diyos, kung gayon ay may katuturan sa iyong kahangalan; kung ginawa ka Niyang matalino, kung gayon ay may katuturan sa iyong katalinuhan. Anumang talento ang ibinibigay ng Diyos sa iyo, anuman ang iyong mga kalakasan, gaano man kataas ang iyong IQ, lahat ng ito ay may layon para sa Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Ang papel na ginagampanan mo sa iyong buhay at ang tungkuling tinutupad mo ay matagal na panahon nang paunang itinalaga ng Diyos. Nakikita ng ilang tao na ang iba ay nagtataglay ng mga kalakasan na wala sa kanila at hindi sila nasisiyahan. Gusto nilang baguhin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng ibayong pag-aaral, ibayong pagtuklas, at pagiging mas masikap. Ngunit may limitasyon ang maaaring matamo ng kanilang sigasig, at hindi nila mahihigitan ang mga may kaloob at kadalubhasaan. Gaano ka man lumaban, wala itong saysay. Inorden ng Diyos kung magiging ano ka, at walang magagawa ang sinuman para baguhin ito. Saan ka man magaling, doon ka dapat magsumikap. Anuman ang tungkuling nababagay sa iyo ay ang tungkulin na dapat mong gampanan. Huwag mong subukang ipilit ang iyong sarili sa mga larangang hindi saklaw ng iyong mga kasanayan at huwag mainggit sa iba. May kanya-kanyang tungkulin ang bawat tao. Huwag mong isiping magagawa mo ang lahat nang mabuti, o na mas perpekto ka o mas mahusay kaysa sa iba, na laging gustong palitan ang iba at ibida ang sarili. Isa itong tiwaling disposisyon. May mga nag-iisip na hindi sila mahusay sa anumang bagay, at na wala talaga silang mga kasanayan. Kung ganoon ang kaso, kailangan mo lamang maging isang taong nakikinig at sumusunod sa isang praktikal na paraan. Gawin mo ang makakaya mo at gawin ito nang maayos, nang buong lakas mo. Sapat na iyon. Malulugod na ang Diyos. Huwag mong isipin palagi na malampasan ang lahat ng tao, na gawin ang lahat ng bagay nang mas magaling kaysa sa iba, at mamukod-tangi sa karamihan sa lahat ng paraan. Anong klaseng disposisyon iyan? (Isang mayabang na disposisyon.) Laging nagtataglay ng mayabang na disposisyon ang mga tao, at kahit nais nilang magsumikap para sa katotohanan at bigyang-kasiyahan ang Diyos, nagkukulang sila. Mas malamang na malihis ng landas kapag kontrolado ng mayabang na disposisyon ang mga tao. Halimbawa, may ilang tao na nais na magpasikat palagi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mabubuting intensyon nila sa halip na ipahayag ang mga hinihingi ng Diyos. Pupurihin ba ng Diyos ang gayong klaseng pagpapahayag ng mabubuting intensyon? Para maisaalang-alang ang kalooban ng Diyos, kailangan mong sundin ang mga hinihingi ng Diyos, at para magampanan ang iyong tungkulin, kailangan mong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos. Ang mga taong nagpapahayag ng mabubuting intensyon ay hindi isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos, kundi sa halip ay palaging sinusubukang gumawa ng mga panibagong panlalansi at bumibigkas ng mabulaklak na mga salita. Hindi hinihingi ng Diyos na isaalang-alang mo Siya sa ganitong paraan. Sinasabi ng ilang tao na ganito sila kapag nakikipagtagisan. Sa anumang anggulo, ang pakikipagtagisan ay isang bagay na negatibo. Isa itong paghahayag—isang pagpapamalas—ng mayabang na disposisyon ni Satanas. Kapag may ganoon kang disposisyon, palagi mong sinisikap na pigilan ang iba, palagi mong sinusubukang maungusan ang iba, palagi mong minamanipula ang iba, palaging sinusubukang may makuha sa mga tao. Labis kang naiinggit, wala kang sinusunod, at palagi mong sinusubukan na mamukod-tangi sa lahat. Magiging problema ito; ganito kumilos si Satanas. Kung talagang nais mong maging isang katanggap-tanggap na nilalang ng Diyos, huwag mo nang hangarin ang iyong sariling mga pangarap. Masama ang subukang maging higit pa at mas mahusay kaysa sa kung ano ka para makamit ang iyong mga pakay. Dapat kang matutong magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, at huwag kang humigit sa kung ano ang nababagay sa posisyon mo; ito lamang ang nagpapakita ng katuturan.