Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maiwawaksi ng Isang Tao ang mga Gapos ng Isang Tiwaling Disposisyon (Ikalawang Bahagi)

Ang paghahangad ba sa katotohanan ay kasing-komplikado o kasing-hirap ng paghahangad sa isang iskolarsip? Sa totoo lang, hindi naman ito ganoon kahirap, depende lang ito sa kung mahal ng isang tao ang katotohanan o hindi. Ang paghahangad sa katotohanan ay hindi likas na mahirap; mas kaunting pagsisikap pa nga ang kailangan nito kaysa sa pag-aaral ng isang espesyal na larangan ng agham—mas madali pa nga ito kaysa sa paghahanap-buhay. Bakit ganoon? Ang realidad ng katotohanan ang dapat isabuhay at taglayin ng mga may normal na pagkatao. Nauugnay ito sa normal na pagkatao ng mga tao, kaya hindi ito nakahiwalay sa kanilang mga iniisip at ideya, sa lahat ng iniisip nila, sa lahat ng kilos at pag-uugali nila sa kanilang pang-araw-araw na buhay, o sa kanilang isipan. Ang katotohanan ay hindi isang teorya, hindi rin ito isang larangan ng akademya, ni isang propesyon. Ang katotohanan ay hindi walang kabuluhan. Ang katotohanan ay malapit na na-uugnay sa normal na pagkatao—ang katotohanan ay ang buhay na dapat taglayin ng isang taong may normal na pagkatao. Magagawa nitong itama ang lahat ng iyong kapintasan, ang iyong masasamang gawi, at ang iyong mga negatibo at maling pag-iisip. Mababago nito ang iyong satanikong disposisyon, maaari itong maging iyong buhay, maaari itong magbigay-daan na taglayin mo ang pagkatao at pagka-makatwiran, magagawa nitong normal ang iyong mga ideya at pag-iisip—magagawa nitong normal ang bawat bahagi mo. Kung magiging buhay mo ang katotohanan, magiging normal ang isinasabuhay mo at ang lahat ng iyong pagpapakita ng pagkatao. Kaya, ang paghahangad at pagsasagawa sa katotohanan ay hindi isang malabo, hindi maaarok na bagay, ni isang bagay na napakahirap. Ngayon, bagamat medyo mahal ninyo ang katotohanan nang kaunti at handa kayong magsumikap na maging mas mabuti, hindi pa kayo nakatuntong man lang sa landas. Ang unang hakbang ay palaging ang pinakamahirap. Hangga’t naisasagawa ninyo ang katotohanan at natitikman ang tamis nito, iisipin ninyo na ang paghahangad sa katotohanan ay isang madaling bagay.

Kung hindi itinuturing ng isang tao na buhay niya ang katotohanan at palagi siyang namumuhay sa isang tiwaling disposisyon, paano iyon naipapamalas? Kapag ang isang tao ay hindi nakamit ang katotohanan, natural na hindi niya maiwaksi ang mga hadlang at gapos ng kanyang satanikong kalikasan. Ang mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag niya ay likas na pagmamataas at kapalaluan, pagsunod sa sariling kagustuhan, pagiging pabasta-basta at walang-ingat, pagsisinungaling at pandaraya, panloloko at panlilinlang, pagnanasa ng katanyagan at mga interes, paghahangad lamang ng pakinabang, at pagkamakasarili at pagiging kasuklam-suklam. Higit pa rito, sa kanyang pakikitungo sa ibang tao, may tendensiya siyang pagdudahan, husgahan, at atakehin ang iba. Palagi siyang nagsasalita at kumikilos batay sa kanyang mga kagustuhan; palagi siyang mayroong mga pansariling intensiyon at pakay, at palagi siyang may paunang mga ideya tungkol sa iba. Palagi siyang nagiging negatibo kapag nahaharap sa mga problema o pagkabigo. Kung minsan, sobra pa siya sa mayabang; minsan, napakanegatibo niya na ipinapahamak niya lang ang kanyang sarili. Palagi siyang nagmamalabis—kung hindi siya nananakot, negatibo siya at sinusubukan niyang magmukhang kaawa-awa. Hindi siya kailanman normal. Ito ang kalagayan ninyo ngayon. Handa kayong magdusa at magbayad ng halaga, at puno kayo ng kapasyahan at determinasyon, pero wala sa inyo ang katotohanang realidad. Kung itinuturing ng isang tao na buhay niya ang katotohanang realidad, paano iyon maipapamalas? Una sa lahat, magagawa niyang magpasakop sa Diyos, at isabuhay ang wangis ng tao; magiging isa siyang matapat na tao, isang taong nagbago ang disposisyon sa buhay. May ilang katangian ang pagbabago sa buhay disposisyon. Ang unang katangian ay ang makapagpasakop sa mga bagay na tama at umaayon sa katotohanan. Sinuman ang nagbibigay ng opinyon, matanda man o bata, nakakasundo mo man sila o hindi, kilala man ninyo sila o hindi, pamilyar man kayo sa kanila o hindi, maganda man ang relasyon ninyo sa kanila o masama, basta’t ang sinasabi nila ay tama, umaayon sa katotohanan, at kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, magagawa mong pakinggan, sundin, at tanggapin ito, nang hindi naiimpluwensiyahan ng iba pang bagay. Ang magawang tumanggap at magpasakop sa mga bagay na tama at umaayon sa katotohanan ang unang katangian. Ang pangalawang katangian ay ang magawang hanapin ang katotohanan kapag may nangyayari; hindi lamang ito tungkol sa magawang tanggapin ang katotohanan, tungkol din ito sa pagsasagawa ng katotohanan, at hindi pagharap sa mga bagay ayon sa sarili mong kagustuhan. Anuman ang mangyari sa iyo, magagawa mong maghanap kapag hindi mo nakikita nang malinaw ang bagay-bagay, at tingnan mo kung paano haharapin ang isyu, at kung paano magsasagawa sa paraang umaayon sa mga katotohanang prinsipyo at tumutugon sa mga hinihingi ng Diyos. Ang pangatlong katangian ay ang pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos anumang isyu ang kinakaharap mo, nagrerebelde ka sa laman para makapag-pasakop sa Diyos. Isasaalang-alang mo ang mga layunin ng Diyos anumang tungkulin ang iyong ginagampanan, at gagampanan mo ang iyong tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Anuman ang mga hinihingi ng Diyos para sa tungkuling ito, kikilos ka ayon sa mga hinihinging iyon habang ginagampanan ito, at kikilos ka para mapalugod ang Diyos. Dapat mong maintindihan ang prinsipyong ito, at gampanan ang iyong tungkulin nang responsable at tapat. Ito ang ibig sabihin ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi mo alam kung paano isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos o paano palugurin ang Diyos sa isang partikular na bagay, kailangan mong maghanap. Dapat ninyong ikumpara ang inyong sarili sa tatlong katangiang ito ng disposisyonal na pagbabago, at alamin kung taglay ninyo ang mga katangiang ito o hindi. Kung may praktikal na karanasan ka at mga landas ng pagsasagawa sa tatlong aspektong ito, mahaharap mo ang bagay-bagay nang may prinsipyo. Anuman ang sumapit sa iyo o anumang problema ang kinakaharap mo, kailangan mong hanapin palagi kung ano ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at kung anong mga detalye ang kabilang sa loob ng bawat katotohanang prinsipyo, at kung paano magsagawa nang hindi nilalabag ang mga prinsipyo. Kapag nalinawan ka na sa mga problemang ito, natural na malalaman mo kung paano isasagawa ang katotohanan.

Kapag maayos ang lahat, tila walang halatang mga tiwaling disposisyong ibinubunyag ang mga tao, at dahil dito, iniisip nila na mabuti sila, na nagbago na sila, at na nasa kanila ang katotohanang realidad. Pero kapag sumasapit sa kanila ang mga tukso o mahahalagang bagay na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, kusang nabubunyag ang kanilang tiwaling disposisyon. Nasasadlak sila sa pagka-negatibo at pag-kalito, hindi alam ang wastong paraan ng pagsasagawa, nababalot ng mga paghihirap. Halimbawa, ang pagiging matapat na tao at pagsasalita ng totoo ay pagsasagawa ng katotohanan. Kapag sinisikap mong magsalita nang tapat, anong mga paghihirap ang kinakaharap mo? Anong mga hadlang ang kinakaharap mo? Aling mga bagay ang pumipigil at gumagapos sa iyo at humahadlang sa iyo na magsalita nang tapat? Ang pagpapahalaga sa sarili, katayuan, banidad, gayundin ang iyong mga damdamin, at mga personal na kagustuhan—lahat ng bagay na ito ay maaaring lumitaw anumang sandali, at pinipigilan ng mga ito ang mga tao sa pagsasagawa ng katotohanan. Ang mga bagay na ito ay mga tiwaling disposisyon. Anuman ang sitwasyon mo, maaaring maging hindi normal ang iyong kalagayan dahil sa mga tiwaling disposisyon, na nagdudulot ng lahat ng uri ng negatibong bagay, pinipigilan at kinokontrol ka sa lahat ng paraan, pinipigilan ka at pinahihirapan kang maisagawa ang katotohanan at mapaglingkuran ang Diyos. Masyado kang mapapagod dahil sa lahat ng ito. Sa panlabas, tila malaya ang mga tao, pero ang totoo, mahigpit silang nakagapos ng kanilang tiwali, na satanikong disposisyon. Wala silang anumang kalayaang pumili, napakahirap para sa kanila na gumawa ng kahit isang hakbang, at namumuhay sila ng nakakapagod na buhay. Kadalasan, kinakailangan pa nilang sikapin nang mabuti na makapagsalita nang tapat o makagawa ng anumang praktikal na bagay. Hindi nila magawang maging maayos sa kanilang mga tungkulin o maging tapat sa Diyos, kahit na gusto nila, at kung nais nilang isagawa ang katotohanan o magpatotoo para sa Diyos, magiging mas mahirap pa ito. Labis na nakakapagod! Hindi ba’t namumuhay sila sa kulungan ng kanilang tiwali, mga satanikong disposisyon? Hindi ba’t namumuhay sila sa ilalim ng madilim na impluwensiya ni Satanas? (Ganoon na nga.) Kung gayon paano ito maiwawaksi ng mga tao? Mayroon bang ibang landas bukod sa pagsasagawa ng katotohanan at pagkamit ng buhay pagpasok? Talagang wala. Maililigtas ba ng kaalaman sa tradisyonal na kultura ang mga tao at mapapalaya ba sila nito mula sa impluwensiya ni Satanas? Paano naman ang pagkaunawa sa kaalaman sa Bibliya? Paano naman ang kakayahang magsalita ng mga espirituwal na doktrina? Hindi, wala sa mga bagay na ito ang makapagliligtas sa mga tao at makapagpapalaya sa kanila mula sa impluwensiya ni Satanas. Sa pamamagitan lamang ng pagtanggap sa gawain ng Diyos at sa lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos malulutas ang problema sa mga tiwaling disposisyon; saka lamang magtatamo ang mga tao ng pagkaunawa sa katotohanan, makakamit ang katotohanan, at magiging malaya sa impluwensiya ni Satanas. Kung nagsisikap ang isang tao na maging isang mabuting tao at hindi gumagawa ng anumang masama, pero hindi niya binabago ang kanyang disposisyon, magiging malaya ba siya sa impluwensiya ni Satanas? Makakamit ba ng isang tao ang katotohanan sa pamamagitan ng pag-aaral ng Tao Te Ching, Budistang kasulatan, o tradisyonal na kultura? Makikilala kaya nila ang Diyos? Malilinis ba ang kanilang tiwaling disposisyon kung kakapit sila sa tradisyonal na kultura at hindi hahangarin ang katotohanan? Makakamit ba nila ang kaligtasan ng Diyos? Ang mga taong gumagawa nito ay niloloko lamang ang kanilang mga sarili, at hindi nila malulutas ang alinman sa kanilang mga problema. Maraming tao ang nananalig sa Diyos sa loob ng maraming taon, pero magulo pa rin ang kanilang pananampalataya. Wala silang interes na hangarin ang katotohanan; kontento na sila sa paggawa lang ng kanilang tungkulin. Iniisip nila na hangga’t hindi sila gumagawa ng masama, o hindi gaanong gumagawa ng masama, at hangga’t gumagawa sila ng higit na kabutihan at mga bagay na kawang-gawa, hangga’t mas marami silang ginagawa para tulungan ang iba nang may pagmamahal, hangga’t hindi sila umaalis sa iglesia o nagkakanulo sa Diyos, mapapalugod niyon ang ibang tao at ang Diyos, at magkakaroon sila ng bahagi sa kaharian ng Diyos. Makatwiran ba ang ideyang ito? Ang pagiging mabuti ba ay makapagwawaksi sa tiwaling disposisyon ng isang tao? Makakamit ba nila ang kaligtasan sa ganitong paraan? Magkakaroon ba sila ng bahagi sa kaharian? Nakikita ninyong lahat, maraming diumano’y “mabubuting tao” sa mundo na nagsasalita ng matatayog na salita—bagama’t sa panlabas, tila hindi sila nakagawa ng anumang malaking kasamaan, ang totoo ay labis silang mapanlinlang at hindi maaasahan. Napakahusay nilang sumunod sa agos, magaling silang magsalita. Sila ay huwad na mabubuting tao at mapagkunwari—nagpapanggap lamang silang mabuti. Ang mga taong walang kinikilingan sa mga usapin ang mga pinakatusong tao sa lahat. Wala silang sinasalungat, mahusay at matatas sila, sa lahat ng sitwasyon ay magaling silang magkunwari na nakikiayon sila, at walang nakakakita sa kanilang mga pagkakamali. Para silang mga buhay na Satanas! Mayroon bang ganitong mga tao sa inyo? (Mayroon.) Hindi ba ninyo naiisip na nakakapagod ang pamumuhay sa ganitong paraan? (Oo, nakakapagod ito.) Kung gayon nakaisip ba kayo ng paraan upang magbago? Paano kayo magbabago? Saan dapat magsimula ang pag-unlad? (Sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan.) Huwag sabihin na “sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan,” o “sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan,” o “sa pamamagitan ng pagpasok sa katotohanang realidad.” Ito ay kahambugan, at hindi maaabot ng tao, kaya tila walang kabuluhan ang mga salitang ito. Sa halip ay kailangan nating magsimula sa mga detalye. (Sa pagiging matapat na tao.) Iyon ay isang kongkretong pagsasagawa. Maging isang matapat na tao, o magtalakay ng higit pang detalye: Maging isang simple at bukas na tao, na walang anumang pinagtatakpan, hindi nagsisinungaling, nagpapakaprangka, at maging isang direktang tao na may pagpapahalaga sa katarungan, na kayang magsalita nang tapat. Kailangan muna itong makamit ng mga tao. Halimbawa, may isang masamang taong gumugulo sa gawain ng iglesia, at pupuntahan ka ng isang lider para mas maunawaan niya ang sitwasyon. Alam mo kung sino ang nanggugulo, pero dahil mayroon kang magandang ugnayan sa taong iyon, at ayaw mong mapasama ang loob niya, magsisinungaling ka at sasabihin mo sa lider na hindi mo alam. Hihingi ng higit pang detalye ang lider, at magpapaligoy-ligoy ka, magdadahilan para pagtakpan ang masamang tao. Hindi ba’t mapanlinlang iyon? Hindi mo sinabi sa lider ang totoong sitwasyon, at sa halip ay inilihim mo ito. Bakit mo gagawin ito? Dahil ayaw mong salungatin ang sinuman. Inuuna mo ang pagpoprotekta sa mga ugnayan sa ibang tao at ang hindi salungatin ang sinuman, at hinuhuli ang pagsasalita nang tapat at pagsasagawa ng katotohanan. Ano ang kumokontrol sa iyo? Kinokontrol ka ng iyong satanikong disposisyon, isinara nito ang bibig mo at pinigilan kang magsalita nang tapat—nagagawa mo lang mamuhay ayon sa iyong satanikong disposisyon. Ano ang isang tiwaling disposisyon? Ang tiwaling disposisyon ay satanikong disposisyon, at ang taong namumuhay ayon sa kanyang tiwaling disposisyon ay isang buhay na Satanas. Palaging may dalang tukso ang kanyang pananalita, palaging paligoy-ligoy, at hindi kailanman direkta; kahit patayin siya sa bugbog, hindi siya magsasalita nang tapat. Ito ang nangyayari kapag nagiging masyadong malubha ang tiwaling disposisyon ng isang tao; tuluyan na siyang nawawalan ng pagkatao at nagiging diyablo. Marami sa inyo ang mas gugustuhing magkasala sa Diyos at lokohin Siya para maprotektahan ang mga ugnayan ninyo sa iba, at ang katayuan at reputasyon na hawak ninyo sa ibang tao. Mahal ba ng isang taong kumikilos nang ganito ang katotohanan? Isa ba siyang taong naghahangad sa katotohanan? Siya ay isang taong mulat na nanloloko sa Diyos, na walang kahit katiting na may-takot-sa-Diyos na puso. Nangangahas siyang dayain ang Diyos; talagang napakalaki ng kanyang ambisyon at pagkasuwail! Karaniwang iniisip pa rin ng gayong mga tao na nagmamahal at natatakot sila sa Diyos, at madalas nilang sinasabi na: “Sa tuwing naiisip ko ang Diyos, naiisip ko kung gaano Siya kalaki, kadakila, at ka-hindi maarok! Mahal ng Diyos ang sangkatauhan, tunay na tunay ang Kanyang pagmamahal!” Maaaring nagsasabi kayo ng magagandang salita, ngunit hindi ninyo ilalantad ang isang masamang tao kapag nakita ninyo siyang ginugulo ang gawain ng iglesia. Mapagpalugod kayo ng tao, pinoprotektahan lang ninyo ang sariling kasikatan, pakinabang, at katayuan, sa halip na protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kapag alam mo ang tunay na kalagayan ng mga pangyayari, hindi ka nagsasalita nang tapat, nagpapaligoy-ligoy ka, pinoprotektahan ang masasamang tao. Kung hihilingin sa iyo na magsalita nang tapat, magiging napakahirap nito para sa iyo. Napakarami mong sinasabi na walang katuturan, para lang maiwasan ang pagsasabi ng totoo! Kapag nagsasalita ka, napakarami mong pasikot-sikot, masyado kang nag-iisip, at namumuhay nang nakakapagod, lahat ng ito ay para protektahan ang sarili mong reputasyon at pagpapahalaga sa sarili! Nalulugod ba ang Diyos sa mga taong kumikilos nang ganito? Pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Kung gusto mong maging malaya sa impluwensiya ni Satanas at makamit ang kaligtasan, kailangan mong tanggapin ang katotohanan. Una ay kailangan mong magsimula sa pagiging isang matapat na tao. Maging prangka, sabihin ang totoo, huwag magpapigil sa iyong mga damdamin, iwaksi ang iyong pagkukunwari at panlalansi, at magsalita at pangasiwaan ang mga bagay nang may prinsipyo—isa itong madali at masayang paraan ng pamumuhay, at makapamumuhay ka sa harap ng Diyos. Kung palagi kang namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya, at palaging umaasa sa mga kasinungalingan at panlilinlang para mairaos ang mga araw mo, mamumuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at mamumuhay ka sa kadiliman. Kung mamumuhay ka sa mundo ni Satanas, mas lalo ka lang magiging mapanlinlang. Napakaraming taon mo nang nananalig sa Diyos, napakinggan mo na ang napakaraming sermon, pero hindi pa nalinis ang iyong tiwaling disposisyon, at ngayon ay namumuhay ka pa rin ayon sa iyong satanikong disposisyon—hindi ka ba nasusuklam dito? Hindi ka ba nahihiya? Gaano man katagal ka nang nananalig sa Diyos, kung katulad ka pa rin ng isang walang pananampalataya, ano pa ang silbi ng pananalig mo sa Diyos? Talaga bang makakamit mo ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos nang ganito? Hindi nagbago ang mga layon mo sa buhay, ni ang mga prinsipyo at pamamaraan mo; ang tanging bagay na mayroon ka na wala sa isang walang pananampalataya ay ang titulong “mananampalataya.” Bagamat kung titingnan ay sinusunod mo ang Diyos, hindi talaga nagbago ang disposisyon mo sa buhay, at hindi mo makakamit ang kaligtasan sa huli. Hindi ba’t umaasa ka lang sa wala? Makakatulong ba sa iyo ang ganitong uri ng pananalig sa Diyos na matamo ang katotohanan at ang buhay? Talagang hindi.

Ngayon ay napagbahaginan natin ang tatlong katangian ng pagbabago sa disposisyon. Ibuod ang tatlong katangiang iyon. (Ang unang katangian ay ang kakayahang tumanggap at magpasakop sa mga bagay-bagay na tama at umaayon sa katotohanan. Ang pangalawang katangian ay ang kakayahang hanapin ang katotohanan at isagawa ito kapag may nangyayari sa iyo, at huwag pangasiwaan ang mga bagay batay sa sarili mong kagustuhan. Ang ikatlong katangian ay ang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, labanan ang laman at kamtin ang pagpapasakop sa Diyos, ano pa man ang mangyari sa iyo.) Dapat kayong magnilay lahat at magbahaginan sa tatlong katangiang ito. Sa inyong totoong buhay, dapat ninyong ihambing ang inyong sarili sa mga ito, at sanayin ang sarili ninyo na magsagawa at pumasok sa mga ito—sa ganoong paraan, makakamit ninyo ang katotohanan at matatamo ang pagbabago sa disposisyon. Ano man ang aspekto ng katotohanan na pinagbabahaginan, magiging madali para sa mga nagmamahal sa katotohanan na tanggapin ito. Ang mga handang isagawa ang katotohanan ay makakamit ang katotohanan, at ang mga nagkakamit sa katotohanan ay magtatamo ng pagbabago sa disposisyon. Yaong mga walang konsensiya o katwiran, na hindi nagmamahal sa katotohanan, ay hindi magagawang tanggapin o isagawa ang katotohanan, kaya hindi nila ito matatamo. Makamit man ng isang tao ang katotohanan o hindi, o makamit ang pagbabago sa disposisyon, ay nakasalalay sa kanyang personal na hangarin.

Agosto 16, 2015