Tanging ang Isang Tao na Maayos na Gumaganap sa Kanyang Tungkulin nang Buong Puso, Isipan, at Kaluluwa ang Nagmamahal sa Diyos (Ikalawang Bahagi)

Bakit sinasabing ang salita ng Diyos ay isang lamparang gumagabay sa mga tao? Ito ay dahil hindi binigkas nang walang kabuluhan ang salita ng Diyos, binigkas ito upang tugunan ang mga tunay na problema ng mga tao. Hindi ito teorya, mabulaklak na retorika, o diskurso. Ang salita ng Diyos ay nakalaan upang gamitin at isagawa mo. Kapag nahaharap ka sa isang sitwasyon kung saan wala kang daan pasulong at hindi mo alam kung ano ang gagawin, maaari mong alalahanin kung paano hinihingi sa iyo ng salita ng Diyos na kumilos. Sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa salita ng Diyos ay makahahanap ka ng daan, mauunawaan mo ang kahulugan ng salita ng Diyos, at pagkatapos ay makapagpapatuloy ka sa pagsasagawa rito alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Pagkatapos itong isagawa ay makatatanggap ka ng pagpapatibay, at matutuklasan mong sa pamamagitan ng kilos na ito, makadarama ka ng kapayapaan at kagalakan sa iyong espiritu, at na mapalalakas din nito ang iba. Sa proseso ng pagsasagawa sa salita ng Diyos, nagtatamo ka ng mga kaliwanagan at karanasan, natututo ka mula sa mga sarili mong karanasan, at nauunawaan mo ang mga partikular na bagay. Ano ang nauunawaan mo? Nauunawaan mo ang layon sa likod ng salita ng Diyos at sa likod ng layunin Niyang tulutan ang mga taong kumilos sa isang partikular na paraan. Kapag natuklasan mo ang mga prinsipyo ng pagsasagawang pinagbabatayan ng lahat ng ito, natutuklasan mo ang pinagmumulan at kabuluhan ng Kanyang mga salita. Ito ang pag-unawa sa katotohanan. Matapos maunawaan ang katotohanan, hindi ka na nalilito, hindi na masyadong ignorante, at hindi na mahina ang loob mo kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay. Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging hindi mahina ang loob? Ibig sabihin nito, kapag nahaharap ka sa mga paghihirap, nahahanap mo ang katotohanan, nalalaman mo kung paano lutasin ang mga iyon, at nalalaman kung paano mismo magpatuloy. Ano ba ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng daan pasulong kapag isinasagawa ang salita ng Diyos? Ibig sabihin nito, nauunawaan mo ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa Kanyang salita, naiintindihan mo ang mga sitwasyong tinutukoy ng Kanyang mga salita, at nalalaman mo kung paano isagawa ang mga iyon. Bakit sinasabing ang salita ng Diyos ang buhay at landas ng mga tao? Ito ay dahil maaaring maging buhay ng mga tao ang salita ng Diyos, at tanging ang Kanyang salita, tanging ang katotohanan, ang makapag-aakay sa mga tao sa tamang landas sa buhay. Ang salita ng Diyos ay tuwiran at madaling maunawaan. Ibinibigay ito upang tulutan ang mga taong madaling maunawaan at matanggap ang katotohanan. Kapag nakikilala at natatanggap ng mga tao ang katotohanan, wala sa loob na namamalayan nilang nasa tamang landas na sila sa buhay. Maaaring mukhang simple o madaling maunawaan ang ilan sa mga salita ng Diyos, ngunit lahat ng iyon ay mga tagubilin kung paano mamuhay, kung paano harapin ang iba’t ibang sitwasyon, at kung paano lutasin ang mga paghihirap. Ito ang katotohanan. Maaari itong maging landas mo, nagbibigay sa iyo ng karunungan, mga prinsipyo, at ng isang landas ng pagsasagawa kapag nahaharap ka sa mga sitwasyon. Kung may landas ka sa pagganap sa iyong tungkulin o sa ibang bagay, kung kaya mong kumilos nang may prinsipyo at unawain ang mga layunin ng Diyos, ibig sabihin ba nito ay nauunawaan mo ang katotohanan? (Oo.) Ibig sabihin nito ay nauunawaan mo ang katotohanan at nauunawaan ang salita ng Diyos. Hindi naman talaga kailangang maunawaan ng mga trabahador ang salita ng Diyos; kailangan lang nilang magsikap. Samakatwid, ang pagtatrabaho ay isang simpleng gawain. May ilang taong ni hindi magaling sa pagtatrabaho, at labis na ipinahihiya ng gayong mga tao ang kanilang sarili! Ano ba ang ibig sabihin ng labis na pagpapahiya sa kanilang sarili? Ibig sabihin nito ay ni hindi nila maasikaso nang maayos ang pagtatrabaho, hindi sila makapagsikap nang maayos, at lagi silang pilyo, laging nagdudulot ng mga panggugulo, at palaging negatibo at tamad. Kailangan ay lagi silang suyuin at subaybayan. Nabibigo ang gayong mga taong tuparin nang kalugod-lugod ang kanilang tungkulin at hindi nila naaabot ang mga pamantayan ng pagiging tao. Ngayon, aling landas ang balak ninyong tahakin? Anong uri ng tao ang plano ninyong maging? Magsisikap ba kayong maging pangkaraniwang trabahador, o magiging mithiin ba ninyong maging isang taong tumutupad sa kanyang tungkulin nang buong puso, kaluluwa, at pag-iisip? (Ang maging isang taong tumutupad sa kanyang tungkulin nang buong puso, kaluluwa, at pag-iisip.) Mabuting bagay at tamang layon iyan. Hindi ninyo ninanais na maging trabahador, hindi ninyo ninanais na magsikap lamang. Kung gayon ay dapat kayong magsikap tungo sa katotohanan! Aling mga katotohanan ang pinakamahalagang maunawaan kapag pinagsisikapan ang katotohanan? Nakasalalay ito sa mga paghihirap na hinaharap ninyo, at napakahalagang matugunan muna ang mga kasalukuyang problema. Sa kasalukuyan, karamihan sa mga tao ay tumutuon sa paghahangad sa katotohanan at pagtupad sa kanilang tungkulin, at napakahalaga ng katotohanan ng pagtupad sa tungkulin ng isang tao. Basta’t kaya ninyong tuparin ang inyong tungkulin alinsunod sa mga prinsipyo, mapapanatag at mapapalagay ang puso ninyo. At kung malalaman din ninyo ang gawain ng Diyos, mararanasan ang Kanyang gawain, at malulutas ang ilan sa mga tiwaling disposisyon ninyo, matitikman ninyo ang tamis ng pagsunod sa Diyos at magiging madali sa inyong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Ang pangunahing usapin sa pagsunod at pagpapasakop sa Diyos ay ang pagtupad nang maayos sa inyong tungkulin. Sinasabi ng salita ng Diyos, “Tuparin ninyo ang inyong tungkulin nang buong puso ninyo, at nang buong pag-iisip ninyo, at nang buong lakas ninyo.” Hindi ba’t ang pahayag na ito ang katotohanan? Kung makukumpirma ninyong ang pahayag na ito ang katotohanan, dapat ninyong pagsikapan ang pagtupad sa inyong tungkulin. Habang mas nauunawaan ninyo ang katotohanan sa pagtupad ng inyong tungkulin, lalong magiging maprinsipyo at epektibo ang pagtupad ninyo rito. Kung kalugod-lugod ninyong tutuparin ang inyong tungkulin, bukod sa mapapanatag at magagalak ang inyong puso ay magkakaroon din kayo ng tunay na pananalig. Ito ang resulta ng pagsunod sa Diyos at pagtupad sa inyong tungkulin. Totoo talaga na lalong nagliliwanag ang landas ng pagsunod sa Diyos habang tinatahak ninyo ito. Samakatwid, ang pagtupad sa inyong tungkulin ang pinakamakabuluhang bagay na dapat ninyong gawin. Kung magsisikap ka tungo sa katotohanan alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, tama ang lugar na pinagsimulan mo. Habang nagsisikap ka sa direksiyong ito, unti-unti kang makakikita ng mga resulta at magkakaroon ng wangis ng tao. Unti-unti, magiging malapit ang kaugnayan mo sa Diyos. Kapag humaharap ka sa mga pagsubok at kapighatian at medyo nagiging negatibo o nanghihina ka, at lumilitaw ang ilang kuru-kuro at maling pagkaunawa, madali mong mahahanap ang katotohanan upang malutas ang mga suliraning iyon, at hindi na magiging malalaking problema ang mga iyon.

Karamihan sa inyo ay nakatira sa mga bansang may demokratikong sistema, hindi tulad ng mga kapatid sa iglesia sa Tsina na dumanas ng pag-uusig at mga paghihirap. Hindi laging mabuting bagay para sa inyo ang pagkakaroon ng maginhawang buhay. Maaaring kailanganin ninyo ng kaunting pagsisikap para mahangad ninyo ang katotohanan, at maaaring medyo mahirap na magtiis ng mga paghihirap at magbayad ng halaga sa pagganap sa inyong tungkulin. May tendensiya ang mga taong lumaki sa ilalim ng demokratiko at malayang sistema na magkaroon ng kahinaan ng pagiging mapagpalayaw sa sarili. Hindi nila tinutulutan ang ibang punahin o sawayin sila. Medyo mas malaya at bukas ang kanilang pag-iisip. Palagi silang humihingi ng personal na espasyo, kalayaan, lagi silang nagnanais na hangarin ang bawat naisin nila, at lagi silang humihingi ng lahat ng uri ng bagay na may kinalaman sa mga kasiyahan ng laman. Kung ayaw ninyong bitiwan ang mga bagay na ito, mahihirapan kayong makawala sa kalagayan at kondisyong nagsisikap lamang nang hindi naghahangad sa katotohanan. Ang palaging pagbibigay-diin sa kalayaan at personal na espasyo ay magdadala ng problema. Kailangan mong magsalita tungkol sa katotohanan, tungkol sa mga salita ng Diyos, at tungkol sa kung ano ang positibo at kung ano ang tamang landas sa buhay. Bagaman magaganda at mga progresibong sistemang panlipunan ang kalayaan, demokrasya, at kasarinlan, ang mga iyon ay hindi ang katotohanan. Mga progresibong ideya at sistema lamang ang mga iyon sa mapanglaw at masamang mundong ito. Mga sistema ang mga iyon na medyo naaangkop sa pag-iral ng tao at na nagtataguyod ng mga karapatang pantao. Ang mga iyon ay hindi talaga ang katotohanan, at kailangan ninyo itong makita nang malinaw. Huwag ninyong isiping, “Ipinanganak ako sa ilalim ng gayong sistemang panlipunan, kaya taglay ko ang mga karapatang ito. Puwede kong isipin, sabihin, at gawin ang anumang naisin ko, at walang maaaring makialam. Karapatang pantao ko ito, ang karapatang ibinigay sa akin ng lipunan at ng aking bansa.” Kung ituturing mo ito bilang kataas-taasang katotohanan, magdadala ito ng problema. Maipakikita ba ng mga kaisipang ito na taglay mo ang katotohanan? Saan ba nanggagaling ang mga bagay na ito? Nanggagaling ang mga ito sa mga tao at nagmumula sa tiwaling pagkatao. Ang mga ito ay hindi ang mga salita ng Diyos, lalong hindi ang katotohanang hinihingi ng Diyos na taglayin ng mga tao. Kung ituturing mo ang ideya ng demokrasya at kalayaan bilang ang katotohanan, at sa sambahayan ng Diyos ay pagtutuunan mo lang ang paghahangad sa kalayaan at tatanggi kang malimitahan, kikilos nang walang-ingat sa pagganap sa iyong mga tungkulin, mahaharap ka sa problema. Magiging bukas ka bang tumanggap sa katotohanan kung may gayon kang mga kaisipan? Madali mo bang maisasagawa ang katotohanan? Tunay ka pa rin bang makasusunod sa Diyos? Ang pagsunod sa Diyos ay nangangailangan ng pag-unawa sa katotohanan, pag-unawa kung paano magpasakop, at pagsailalim sa mga paglilimita ng katotohanan. Hindi ka maaaring kumilos nang mapagmatigas. Kung hinahangad mo ang demokrasya at kalayaan, hindi ka makapapasok sa katotohanang realidad. Hindi ka magiging tagasunod ng Diyos, ni hindi mo maituturing ang iyong sariling isang taong sumusunod kay Cristo. Magdadala ito ng problema sa inyo, at ito ang paghihirap na hinaharap ninyo. Ang mga tao ay may mga partikular na kuru-kuro at imahinasyon, mga partikular na tradisyonal at kultural na perspektiba, at mga ideyang isinusulong sa mga panlipunang kalakaran. Ang mga ito ay likha ng kalagayan at kapaligiran ng lipunan. Kung hindi ninyo makikita ang diwa at kalubhaan ng mga suliraning ito at lagi ninyong ituturing ang pagganap sa mga tungkulin, pananampalataya sa Diyos, at ang atas na ibinigay sa inyo ng Diyos bilang usapin ng mga karapatang pantao at ng kalayaan, kailanman ay hindi ninyo matatahak ang tamang landas at hindi mapapasok ang tamang landas ng pananalig sa Diyos. Nabubuhay ngayon ang mga tao sa Tsina sa ilalim ng kadiliman ng awtoritaryang pamumuno at walang anumang pakiramdam ng pagmamataas. Ipinanganak silang sanay magtiis ng mga paghihirap at kumakayod na parang kalabaw, at hinuhubog ng ganitong uri ng kalagayan at kapaligiran ng lipunan ang kanilang mga kaugalian sa buhay o prinsipyo ng pag-asal. Sa kabilang banda, hindi taglay ng mga taong nakatira sa mga demokratiko at malayang bansa ang gayong mga ideya. Ayaw nilang malimitahan, pakiramdam nila ay mapaniil iyon at ninanais nilang makawala sa anumang pagpipigil o pagkokontrol. Kapag dumarating sila sa sambahayan ng Diyos, gusto pa nga nilang makawala sa mga administratibong sistema, pagsasaayos ng gawain, at mga panuntunan ng iglesia. Ayaw nilang malimitahan. Tumatanggi silang mapungusan ng sinuman at tinatanggihan nila ang lahat ng pamumuna. Ayaw nilang maging mas abala pa nang kaunti sa gawain o magtiis ng kaunting pagod. Magdudulot ito ng problema! Hindi ito ang ugaling dapat taglayin ng isang Kristiyano, hindi rin ito ang ugali ng isang mabuting kawal ni Cristo. Noong kapanahunan ng Biyaya ay laging napag-uusapan ang kagandahang-asal ng mga banal. Akma pa rin ba ito ngayon? Oo! Isa itong positibong bagay na akma sa kahit saan at sa lahat ng pagkakataon. Una, huwag na nating pag-usapan ang wangis na dapat taglayin ng nilikhang sangkatauhan, na siyang pinakapangunahing hinihingi ng Diyos na makamit ng tao. Isipin mo na lang, bilang isang Kristiyano, hindi ba’t dapat mong taglayin ang kagandahang-asal ng isang Kristiyano? Kung hindi, hindi ka karapat-dapat na maging tagasunod ng Diyos, at hindi ka kinikilala ng Diyos. Kung gusto mong sumunod sa Diyos, gusto mo mang maging isang nilikha o isang pangkaraniwang tao lang, kailangan mong mamuhay bilang isang tao. Kailangang maiharap ang puso mo sa Diyos. Maaari mong sabihing, “O Diyos, ganito ko planong sumunod sa Iyo. Ito ang aking determinasyon at layon. Naaayon ba ito sa Iyong layunin?” O marahil ay hindi mo ito direktang sinasabi sa Diyos, ngunit kaya mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, at palihim na maging determinado sa iyong pagpapasya, tinutulutan ang Diyos na obserbahan kung ano ang susunod mong gagawin. Saanmang bansa o panlipunang kapaligiran ka ipinanganak, ngayong sumusunod ka na sa Diyos, hindi ka na nabibilang sa bansang iyon o sa mga taong iyon. Isa ka nang tagasunod ng Diyos, isang mananampalataya ng Diyos, isang miyembro ng sambahayan ng Diyos. Sa lahat ng oras at sa lahat ng paraan, kailangan mong ituring ang iyong sarili bilang isang tao ng sambahayan ng Diyos, isang tagasunod ng Diyos. Dapat mong pagsikapang maging mabuting kawal ni Cristo, sinusukat ang iyong sarili batay sa mga pamantayan ng mga banal. Kung lagi mong sinasabing, “Koreano ako,” “Taiwanese ako,” “Amerikano ako,” “Lahat tayo ay may kanya-kanyang paraan ng pamumuhay,” isa ka pa rin bang tagasunod ng Diyos? Hindi tama ang perspektiba mo; malinaw na nabibilang ito sa mga walang pananampalataya! Hindi mananampalataya ang mga ito! Kung isa kang hindi mananampalataya, bakit tumatambay ka sa sambahayan ng Diyos? Sinusubukan mo bang magkunwaring isang Kristiyano? Hindi puwede ang pagkukunwari dito. Talagang walang saysay ang subukang magmukhang ikaw ay nabibilang. Kung isa kang Kristiyano, kailangan mong tanggapin ang katotohanan at gampanan nang mabuti ang iyong tungkulin. Iyon ang kahulugan ng pagsunod sa Diyos. Kung hindi mo kayang gampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, hindi na mahalaga kung sa aling bansa ka nanggaling; hindi ka kikilalanin ng Diyos. Anuman ang nasyonalidad ng isang tao, ang mga nananampalataya sa Diyos ay kailangang gampanan nang mabuti ang kanilang tungkulin at tanggapin ang katotohanan. Iyon ang kahulugan ng pagsunod sa Diyos. Kung sinasabi mong nananampalataya ka sa Diyos ngunit hindi mo tinatanggap ang katotohanan o ginagampanan ang iyong tungkulin, isa kang hindi mananampalataya, tulad lamang ng mga walang pananampalataya. Hindi ka alinman sa mga iyon. Ang mga taong hindi alinman sa mga iyon ay kailangang alisin agad sa sambahayan ng Diyos, hindi kailangan ang ganitong klase ng tao sa sambahayan ng Diyos. Kung itinuturing mo ang iyong sariling isang tao ng kaharian, kailangan mong abutin ang mga pamantayan ng mga tao ng kaharian. Kung sinasabi mong, “Anong mga tao ng kaharian? Isa akong mamamayan ng isang demokratikong bansa. Mayroon akong dignidad at mga karapatang pantao. Kailangan mong humiling sa akin alinsunod sa mga pamantayan ng isang demokratikong bansa. Kung hindi, walang magiging pag-uusap!” Pasensiya na, ngunit ito ang kaharian ng Diyos, hindi ang kaharian ni Satanas. Ang gusto ng Diyos ay ang mga taong hinirang Niya, ang mga tao ng kaharian. Nauunawaan mo ba? (Oo, nauunawaan ko.) Kung nananampalataya ka sa Diyos at sumusunod sa Kanya, kailangan mong makinig sa Kanyang mga salita. Kung sinasabi mong, “Kaya kong sumunod sa Diyos, ngunit kailangan ko ng kalayaang pumili. Gusto kong pakinggan ang sinasabi ng mga tao, pakinggan ang gusto ko, at sundin ang mga taong gusto ko. Huwag mo akong pakialaman. Inuuna ko ang pagsunod sa mga patakaran at tuntunin ng aking bansa; iyon ang pinakamahalagang bagay. Hindi ko puwedeng unahin ang pagpapasakop sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan. Para sa akin, nauuna ang aking bansa at ang pagiging mamamayan ko nito, at pumapangalawa o pumapangatlo ang katotohanan. Puwede ko itong tanggapin o tanggihan,” kung gayon ay ano ang saloobin ng Diyos sa gayong tao? Puwes, pasensiya na, ngunit kailangan mong lisanin ang sambahayan ng Diyos! Hindi kailangan ng sambahayan ng Diyos ng isang taong tulad mo. Hindi ka sumusunod sa Diyos; hindi ka isang tao ng kaharian ng langit. Isa kang mamamayan ng mundo, at hindi nakikipag-usap ang Diyos sa mga taong tulad mo, ni nagliligtas ng mga taong tulad mo. Ang gayong mga tao ay hindi kayang gumanap sa kanilang mga tungkulin bilang mga nilikha. Dapat ka nang umalis sa lalong madaling panahon, kung mas madali kang aalis, mas mabuti!

May ilang taong sumasamba sa mga tanyag at prominenteng tao. Lagi silang may mga alinlangan sa kung talagang nakapagliligtas ng mga tao ang mga salita ng Diyos, at lagi nilang pinaniniwalaang tanging ang mga tanyag at prominenteng tao ang may impluwensiya at karisma. Lagi nilang iniisip na, “Tingnan mo kung gaano kahanga-hanga ang pinuno ng ating estado! Tingnan mo ang kaningningan, ang pagtatanghal, ang karangyaan ng ating mga pambansang kapulungan! Kahit kaunti kaya ay mapapantayan iyon ng sambahayan ng diyos?” Na nakapagsasalita ka nang gayon ay nagpapakitang isa kang walang pananampalataya. Hindi mo nakikita nang malinaw ang kasamaan ng politika, o ang kapanglawan ng isang bayan, o ang katiwalian ng sangkatauhan. Hindi mo nakikitang ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos, at hindi mo nakikita o nauunawaan kung ano ang mga patotoong batay sa karanasan na ipinakikita ng hinirang na mga tao ng Diyos. Taglay ng sambahayan ng Diyos ang katotohanan at ang napakaraming patotoo, at ang lahat ng mga hinirang ng Diyos ay namumulat at nagbabago, lahat sila ay nagsisimulang maranasan ang gawain ng Diyos at pumasok sa katotohanang realidad. Nakikita mo ba ang maaaring mangyari sa mga tao ng Diyos na nagpapasakop sa Kanya at sumasamba sa Kanya? Higit pa ito sa iyong imahinasyon. Ang lahat ng nasa sambahayan ng Diyos ay isandaang beses, isanlibong beses na mas maganda kaysa sa mundo, at sa hinaharap, patuloy lamang na gaganda at magiging mas regular, at magiging mas perpekto ang lahat ng mayroon ang sambahayan ng Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay unti-unting nakakamit, at ang mga ito ang isasakatuparan ng salita ng Diyos. Ang hinirang na mga tao ng Diyos ay pawang pinili at paunang inorden Niya, kaya tiyak na mas mabuti pa sila kaysa sa mga tao ng mundo. Kung hindi nakikita ng isang tao ang mga katunayang ito, hindi ba’t bulag siya? May ilang taong laging pakiramdam na maganda ang mundo, at sa kaibuturan nila ay sinasamba nila ang mga tanyag at prominenteng tao ng mundo. Hindi ba’t sinasamba nila ang mga diyablo at mga Satanas? Naniniwala ba sa Diyos ang mga tanyag at prominenteng taong ito? Mga tao ba silang nagpapasakop sa Diyos? Mayroon ba silang may-takot-sa-Diyos na puso? Tinatanggap ba nila ang katotohanan? Lahat sila ay mga demonyong lumalaban sa Diyos—talaga bang hindi mo nakikita iyon? Bakit ka nananampalataya sa Diyos, yamang sinasamba mo ang mga tanyag at prominenteng tao ng mundo? Paano mo ba talaga tinitingnan ang lahat ng salitang ipinapahayag ng Diyos? Paano mo tinitingnan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat? May ilang taong bukod sa walang takot sa Diyos—wala rin silang ni katiting na respeto para sa Kanya. Hindi ba’t mga hindi mananampalataya sila? Hindi ba’t dapat na paalisin agad ang gayong mga tao? (Dapat silang paalisin.) At kung hindi sila aalis, ano ang dapat na gawin? Magmadali ka na palayasin sila, paalisin sila. Ang mga hindi mananampalataya ay parang maruruming langaw, masyadong kasuklam-suklam na pagmasdan. Ang sambahayan ng Diyos ay pinaghaharian ng katotohanan at ng Kanyang mga salita, at ginagawa ang mga bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ang gayong mga tao ay dapat na mapaalis. Ayon sa kanilang mga salita ay nananampalataya sila sa Diyos, ngunit sa kanilang puso, hinahamak nila ang sambahayan ng Diyos at kinamumuhian ang Diyos. Payag ba kayong makahalubilo ang gayong mga hindi mananampalataya? (Hindi.) Iyon ang dahilan kung bakit kailangan silang mapaalis agad. Gaano man sila ka-edukado o kagaling, kailangan silang mapaalis. May ilang taong nagtatanong, “Hindi ba’t kawalan iyon ng pagmamahal?” Hindi, pagkilos iyon ayon sa mga prinsipyo. Ano ang ibig sabihin Ko rito? Na gaano man kataas ang tayog mo, gaano man katindi ang determinasyon mong hangarin ang katotohanan o may pananalig ka man sa Diyos, isang bagay ang tiyak: Si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hindi ito magbabago magpakailanman. Ito dapat ang maging saligan mo, ang pinakamatibay na pundasyon ng iyong pananampalataya sa Diyos; dapat mo itong matiyak at hindi pag-alinlanganan sa iyong puso. Kung maging ito ay pag-aalinlanganan mo, hindi ka karapat-dapat na manatili sa sambahayan ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Ang ating bayan ay isang dakilang bayan, at ang ating lahi ay isang marangal na lahi; walang katulad ang dangal ng ating mga kaugalian at kultura. Hindi natin kailangang tanggapin ang katotohanan.” Hindi ba’t tinig iyon ng mga hindi mananampalataya? Tinig iyon ng mga hindi mananampalataya, at kailangang mapaalis ang gayong mga hindi mananampalataya. May ilang taong malimit magbunyag ng tiwaling disposisyon, at kung minsan, walang pakundangan at walang pagpipigil ang kanilang disposisyon, subalit tunay ang kanilang pananalig sa Diyos, at kaya nilang tanggapin ang katotohanan. Kung sasailalim sila sa isang antas ng pagpupungos, makapagsisisi sila. Ang gayong mga tao ay dapat na mabigyan ng pagkakataon. Medyo hangal ang mga tao, o hindi nila nakikita nang malinaw ang mga bagay-bagay, o naililigaw sila, o, sa isang sandali ng kahangalan, maaari silang magsabi ng magulong bagay o umasal sa isang magulong paraan dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Dulot ito ng isang tiwaling disposisyon; dulot ito ng kahangalan, kamangmangan, at ng kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan. Gayunman, ang gayong mga tao ay hindi kauri ng mga hindi mananampalataya. Ang kinakailangan dito ay gamitin ang pakikipagbahaginan sa katotohanan upang malutas ang mga problemang ito. May ilang taong ilang taon nang sumasampalataya sa Diyos na hindi talaga tumatanggap sa katotohanan at hindi nagbago kahit kaunti. Sila ay mga hindi mananampalataya. Hindi sila mga tao ng sambahayan ng Diyos, at hindi sila kinikilala ng Diyos. Ano ang ibig sabihin kapag sinasabi Ko ang mga bagay na ito? Ibig sabihin nito ay sinasabi Kong masipag ninyong hangarin ang katotohanan. Huwag lamang kayong magsikap. Inililigtas ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, sa pamamagitan ng katotohanan. Ang pinakatuwirang paraan ay tulutan kayong maintindihan ang katotohanan at malutas ang mga praktikal na problema habang ginagampanan ang inyong mga tungkulin. Binibigyang-daan kayo nitong isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos. Sa ganitong paraan, mabibigyang-lugod ang Diyos, at mapapanatag ang Kanyang puso. Ano ba ang pinaka-ayaw makita ng Diyos? Marami nang binigkas na salita ang Diyos, marami na Siyang ipinahayag na katotohanan, at malaki na ang inilaan Niyang pagsisikap at malaki na ang ibinayad Niyang halaga para sa inyo. Sa huli, ang nakakamit Niya ay isang grupo ng mga taong nagsisikap lamang, at ang natitira na lamang ay isang grupo ng mga taong nagtatrabaho. Hindi nauunawaan ng mga taong ito ang katotohanan, hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, bagkus ay nagsisikap lamang sila. Bagaman nananatili ang mga taong ito, hindi sila umaayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi sila maituturing na mga tunay na nilikha. Ito ang pinaka-ayaw makita ng Diyos, at wala ito sa orihinal na layunin ng plano ng pamamahala ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan.

Kailangan ay buong puso ninyong tanggapin ang katotohanan at huwag kayong sumunod sa mga kalakaran ng mundo o mamuhay alinsunod sa pilosopiya ni Satanas. Ang pagsunod sa Diyos ay nangangailangan ng pagganap sa inyong tungkulin, at ang pagganap nang mabuti sa inyong tungkulin ay nangangailangan ng pagtanggap sa katotohanan. Napakahalaga nito. Maraming taong ipinagwawalang-bahala ang katotohanan sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Hindi nila isinasagawa ang katotohanan kahit pagkalipas ng maraming taon ng pananalig, at nagpapakita sila ng ganap na kawalan ng interes. Hindi mananampalataya ang mga taong ito at hindi magtatagal ay ititiwalag sila. May ilang taong nabubuhay lamang para sa laman, para sa personal na pakinabang, at pinapagod nila ang kanilang sarili sa mga pakikipag-ugnayan sa mga tao, tinatalikuran ang mga tungkulin nila, hindi sineseryoso ang mga iyon, at hinahangad ang mga kasiyahan ng laman. Hindi ba’t masyado itong makasarili at kasuklam-suklam? Hindi minamahal ng gayong mga tao ang katotohanan, minamahal lang nila ang personal na pakinabang at banidad. Namumula ang kanilang mukha at nagagalit sila dahil sa maliliit na pakinabang, isinusuko ang kanilang integridad at dignidad bilang tao. Hindi ba’t sila ay mangmang at hangal? Ang mga taong tunay na nagmamahal sa katotohanan, anuman ang mga sitwasyong hinaharap nila, ay dapat munang hanapin ang katotohanan sa presensiya ng Diyos. Dapat silang umiwas na makipagtalo o makipagbangayan sa iba. Ang gayong pag-uugali ay kulang sa gulang at walang kabatiran. Kapag nagtitipon-tipon ang maraming tao, lilitaw ang iba’t ibang suliranin dahil maraming uri ng tao at walang katapusan ang mga usapin tungkol sa tama at mali. Ganitong-ganito ang tiwaling sangkatauhan. Kapag kasama ang mga walang pananampalataya, mas malubha pa ang sitwasyon. Ang bawat araw ay puno ng antagonismo at nag-iinit na tensiyon. Ganoon lang talaga kamapanganib ang mundo. Sa loob ng sambahayan ng Diyos, dahil ang lahat ng tao ay nananampalataya sa Diyos, mas kaunti ang masasamang tao at mas kaunti ang mga insidente kung saan nasasamantala ang mga tao. Iilan lang ang pagtatalo at pag-aaway. Kung hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan at lagi ninyong iniisip-isip ang mga bagay na ito, magiging abala at masasangkot ang puso ninyo sa mga iyon, at hindi kayo makalalapit sa Diyos. Kailangan ninyong makawala sa gayong mga kalagayan, at ipinakikita ng gayong pag-uugali ang isang tayog na kulang sa gulang. Ang mga taong may mga tayog na kulang sa gulang ay madalas na tumutuon sa mga bagay na ukol sa laman, sa sarili nilang mga kagustuhan, at sa pagtupad sa mga makasarili nilang pagnanais. Ang resulta, napababayaan nila ang lehitimong gawain ng pagganap sa kanilang mga tungkulin. Ang gayong mga tao ay walang kakayahang pamahalaan nang maayos ang mga bagay-bagay at madalas na nagkakamali, nagpapakita ng kakulangan sa gulang ng mga bata. Kailangan ninyong hangarin ang kahustuhan ng gulang sa buhay. Ano ba ang ibig Kong sabihin sa kahustuhan ng gulang? Ang ibig Kong sabihin ay ang maunawaan ang katotohanan, magkaroon ng tayog ng isang taong nasa hustong gulang, at maabot ang mga hinihingi ng Diyos at matupad ang mga ipinagkatiwala Niyang gawain. Ang ibig Kong sabihin ay ang magkaroon ng kakayahang pasanin ang tungkulin ng isang tao at ang magawang pasanin ang mga pangkalahatang tungkulin, magampanan ang mga tungkulin nang kasinghusay ng iba at makamit ang kayang makamit ng iba, tinutularan ang mga taong mapagpasakop sa Diyos at hinahangad ang katotohanan, ginagawa ang dapat gawin ng mga tao at ginagampanan ang mga tungkuling dapat gampanan ng mga tao, nagsisiyasat at naghahanap tungo sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Ito ang proseso ng pag-unlad sa buhay ng isang tao. Kailangan ninyong hanapin at malaman kung paano siyasatin ang mga bagay-bagay tulad ng kung paano kumilos ang mga normal na tao, at kung paano kumilos ang mga taong nag-aasikaso sa mga wasto nilang tungkulin, pati na kung ano ang mga estilo, pamamaraan, at prinsipyong ginagamit ng ganoong uri ng mga tao habang gumagawa ng mga bagay-bagay. Ang mga taong nasa hustong gulang na ay kailangang harapin nang tama ang kanilang mga responsabilidad. Anuman ang mangyari, kahit pa bumagsak ang langit, kailangan nilang tuparin ang kanilang mga tungkulin at huwag hayaang maantala ang mga wasto nilang tungkulin. Sa kabilang banda, madaling mapukaw ang kuryosidad ng mga bata tungkol sa mga bagay na nangyayari sa paligid nila. Gusto nilang lumabas at makita kung ano ang nangyayari. Maaari silang maapektuhan ng anumang insidente at magambala sila nito mula sa paggawa ng kung ano ang tama. Hindi ba’t kawalan ito ng pananagutan sa kanilang mga responsabilidad? Maaari silang magambala ng pinakamaliit na problema. Maaaring magulo ang kanilang puso ng isang komento mula sa isang tao o maaaring humantong ang isang biro sa mga hindi pagkakaunawaan at bugso ng damdamin na nagdudulot sa kanilang umasal nang negatibo sa loob ng dalawa o tatlong araw, na nakakaantala sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Maaari pa nga nilang ikonsidera ang pagbibitiw at kailangang lagi silang suyuin at himukin ng mga lider at manggagawa, ibinabahagi sa kanila ang mga katotohanan at nangangatwiran sa kanila. Hindi ba’t isa itong tanda ng maliit na tayog at kakulangan sa gulang? Tila hindi kailanman tumatanda ang mga tao, nananatiling kulang sa gulang na parang mga bata—walang-muwang at katawa-tawa. Mababa ang tingin sa kanila, wala silang dignidad at integridad, at hindi nalulugod sa kanila ang Diyos.

Dapat ninyong pagtuunan ang katotohanan—saka lamang kayo magkakaroon ng buhay pagpasok, at kapag mayroon kayong buhay pagpasok, saka lamang kayo makapagtutustos para sa iba at makagagabay sa kanila. Kung natuklasan na ang mga ikinikilos ng iba ay sumasalungat sa katotohanan, dapat natin silang mapagmahal na tulungan upang pagpunyagian ang katotohanan. Kung nagagawa ng iba na isagawa ang katotohanan, at may mga prinsipyo sa kung paano nila ginagawa ang mga bagay-bagay, dapat tayong matuto mula sa kanila at gayahin sila. Ito ang ibig sabihin ng pagmamahalan sa isa’t isa. Ito ang uri ng kapaligirang dapat na mayroon sa loob ng iglesia—ang lahat ay nakatuon sa katotohanan at nagsusumikap na ito ay makamit. Hindi mahalaga kung gaano katanda o kabata ang mga tao, o kung sila man ay matatagal nang mananampalataya o hindi. Ni hindi mahalaga kung mahusay ang kanilang kakayahan o hindi. Ang mga bagay na ito ay walang halaga. Sa harap ng katotohanan, lahat ay pantay-pantay. Ang mga bagay na kailangan mong tingnan ay kung sino ang nagsasalita nang tama at naaayon sa katotohanan, kung sino ang nag-iisip sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung sino ang nagdadala ng pinakamabigat na pasanin sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na nakakaunawa nang mas malinaw sa katotohanan, na may diwa ng pagiging makatarungan, at handang magdusa. Ang gayong mga tao ay dapat suportahan at palakpakan ng kanilang mga kapatid. Ang kapaligirang ito ng katuwiran na nagmumula sa paghahangad na matamo ang katotohanan ang kailangang mamayani sa loob ng iglesia; sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng gawain ng Banal na Espiritu, at pagkakalooban ng Diyos ng mga pagpapala at patnubay. Kung ang kapaligirang namamayani sa loob ng iglesia ay ang pakikipagtsismisan, pagdudulot ng di-kinakailangang problema, pagtatanim ng sama ng loob sa isa’t isa, paninibugho sa isa’t isa, at pakikipagtalo sa isa’t isa, tiyak ngang hindi gagawa sa inyo ang Banal na Espiritu. Ang pakikipag-alitan sa isa’t isa at palihim na awayan, pandaraya, panlilinlang, at pagbabalak ng masama laban sa isa’t isa—ito ay kapaligiran ng kasamaan! Kung ang gayong kapaligiran ang namamayani sa loob ng iglesia, tiyak ngang hindi gagawin ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain. Sa Bibliya, sinabi ng Panginoong Jesus ang mga sumusunod: “Kung pagkasunduan ng dalawa sa inyo sa lupa ang nauukol sa anumang bagay na kanilang hihingin, ay gagawin sa kanila ng Aking Ama na nasa langit. Sapagkat kung saan nagtitipon ang dalawa o tatlo sa Aking pangalan, ay naroroon Ako sa gitna nila” (Mateo 18:19–20). Ito ang salita ng Diyos, ito ang katotohanan. Kapag nagsalita ang Diyos, natutupad ito. Kung sasalungat ka sa layunin ng Diyos at hindi ka susunod sa Kanyang mga salita, lalayo ang Diyos sa iyo. Kung hindi ka nagbabasa ng salita ng Diyos, hindi ka tumatanggap ng pagbubunyag, paghatol, o pagpupungos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at tinatanggihan mo ang tulong ng iyong mga kapatid, lagi kang tumutuon sa mga kapintasan at problema sa iba habang iniisip na ikaw mismo ay hindi ganoon kasama, itinuturing ang sarili mong mas magaling kaysa sa iba, nanganganib ka. Una, hindi gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at mapalalagpas mo ang mga pagpapala ng Diyos. Pangalawa, lalayo rin sa iyo ang iyong mga kapatid, at maiiwan kang walang sinumang katulong, kaya mahihirapan kang makinabang sa suporta nila. Kung wala ang gawain at mga pagpapala ng Diyos, kung wala ang tulong at pakinabang ng iyong mga kapatid, mamamalayan mong nasadlak ka sa mahirap na kalagayan, hindi makausad. Epektibo mo bang magagampanan ang gawain ng iglesia nang umaasa lamang sa kaloob at kasanayan ng tao? Ang lahat ay mawawalan ng saysay, pawang nasayang na pagsisikap. Hindi ba’t mapanganib na umabot sa gayong punto? Gaano katinding paghihirap ang mararanasan ng puso mo? Anu’t ano man, kailangan mong tahakin ang tamang landas, ang landas ng paghahangad sa katotohanan, upang matanggap mo ang mga pagpapala ng Diyos at ang tulong ng iyong mga kapatid. Walang patutunguhan ang pagtahak sa sarili mong landas, at ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay maititiwalag sa huli. Masisimulan ninyo itong mapahalagahan habang unti-unti ninyo itong nararanasan sa paglipas ng panahon. Sa lahat ng pagsisikap ninyo, kailangan ninyong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo hanggang sa maging iisa ang puso at isip ninyo, saka lamang kayo makapagtutulungan nang maayos, tulad lang ng mga hibla ng lubid na sama-samang pinilipit. Kapag mayroong maayos na pagtutulungan, magagampanan ninyo nang mabuti ang inyong mga tungkulin at mabibigyang-lugod ang Diyos.

Setyembre 19, 2017