Tanging ang Isang Tao na Gumaganap sa Kanyang Tungkulin nang Buong Puso, Isipan, at Kaluluwa ang Nagmamahal sa Diyos (Unang Bahagi)
Makikita sa pagganap ng tungkulin ng isang tao kung siya ay tunay na may pananampalataya sa Diyos. Upang matukoy kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan, obserbahan ninyo kung ginagampanan niya ang kanyang tungkulin nang may prinsipyo. Ang ilang tao ay walang anumang prinsipyo kapag gumaganap ng tungkulin nila. Palagi nilang sinusunod ang sarili nilang mga hilig at kumikilos sila nang pabasta-basta. Hindi ba’t pagpapakita ito ng pagiging pabaya at pabasta-basta? Hindi ba’t nililinlang nila ang Diyos? Kahit kailan ba ay naisaalang-alang na ninyo ang mga kahihinatnan ng gayong pag-uugali? Hindi kayo nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos sa pamamagitan ng pagganap ninyo sa tungkulin. Wala kayong pakundangan at hindi kayo epektibo sa lahat ng inyong ginagawa, wala kayong buong-pusong dedikasyon at pagsisikap. Matatamo ba ninyo ang pagsang-ayon ng Diyos sa ganitong paraan? Maraming tao ang gumaganap sa kanilang tungkulin nang may pag-aatubili, at hindi nila kayang magpursige. Hindi nila matiis ang kahit katiting na pagdurusa at lagi nilang nararamdaman na naagrabyado sila nang husto, hindi rin nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga paghihirap. Masusundan ba nila ang Diyos hanggang sa huli sa pagganap ng kanilang tungkulin sa ganitong paraan? Ayos lang ba na maging walang ingat at pabasta-basta sa anumang ginagawa nila? Magiging katanggap-tanggap ba ito sa konsiyensiya? Kahit na sukatin ayon sa mga pamantayan ng tao, hindi katanggap-tanggap ang gayong asal—kaya pwede ba itong maituring na kasiya-siyang pagganap sa tungkulin? Kung gagampanan mo ang tungkulin mo sa ganitong paraan, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan. Hindi magiging kasiya-siya ang pagseserbisyo mo. Kung magkagayon, paano mo makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos? Maraming tao ang takot sa paghihirap kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin, masyado silang tamad at nagnanasa ng kaginhawahan ng katawan. Hindi sila kailanman nagsusumikap na matutunan ang mga kasanayan na pang-espesyalista o mapagnilay-nilayan ang mga katotohanan sa mga salita ng Diyos. Naniniwala sila na ang pagiging pabasta-basta sa ganitong paraan ay nakakabawas ng abala. Hindi nila kailangang magsaliksik pa o humingi ng payo kaninuman. Hindi nila kailangang gamitin ang utak nila o mag-isip nang malalim. Dahil dito ay hindi na nila kailangan pang magsumikap nang husto at hindi na nahihirapan ang kanilang katawan, at nagagawa pa rin nilang matapos ang gawain. At kung iwawasto mo sila, nagiging mapanlaban sila at nakikipagtalo sila: “Hindi ako tamad o walang ginagawa, natapos na ang gawain—bakit naghahanap ka pa ng maipipintas? Hindi ba’t hinahanapan mo lang ako ng mali? Maayos na ang paggawa ko sa ganitong pagganap sa tungkulin ko. Paanong hindi ka pa nasisiyahan?” Tingin ba ninyo ay makakausad pa ang ganitong mga tao? Palagi silang pabasta-basta kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, at palagi silang maraming palusot. Kapag may lumilitaw na mga problema ay ayaw nilang tukuyin ito ng sinuman. Anong klase ng disposisyon ito? Hindi ba’t ito ang disposisyon ni Satanas? Magagampanan ba ng mga tao ang kanilang tungkulin nang katanggap-tanggap kapag gayon ang kanilang disposisyon? Mapapalugod ba nila ang Diyos? Ganito ba ninyo gampanan ang inyong tungkulin? Sa panlabas ay mukhang abala kayo, nakikipagtulungan nang maayos sa iba nang walang anumang pagtatalo. Gayunpaman, wala sa inyo ang nagsusumikap sa inyong tungkulin, pinag-iisipan ito nang matindi, o nag-aabala rito. Wala sa inyo ang nawawalan ng ganang kumain o napupuyat dahil hindi ninyo nagampanan nang mabuti ang inyong tungkulin. Wala sa inyo ang naghahanap sa katotohanan o sumusunod sa mga prinsipyo upang lutasin ang mga problema. Lahat kayo ay nakararaos lamang, pabasta-bastang gumagawa nang wala sa loob. Kakaunti lang sa inyo ang umaako ng tunay na responsabilidad sa inyong tungkulin. Anuman ang mga paghihirap na dumarating, hindi kayo nagtitipon-tipon upang taimtim na magdasal o hindi ninyo hinaharap ang mga problema at nilulutas ang mga iyon nang sama-sama. Walang pagsasaalang-alang para sa kalalabasan. Tinatapos lamang ninyo basta ang isang gawain, pagkatapos ay malalaman ninyo na kailangan itong ulitin. Ang paggawa nang ganito sa inyong tungkulin ay pagkilos lamang nang pabasta-basta at walang kaibahan sa paggawa ng mga hindi mananampalataya sa kanilang mga trabaho. Ito ang saloobin ng isang taong taga-serbisyo. Sa pagtupad sa inyong mga tungkulin sa ganitong paraan, hindi ninyo nararanasan ang gawain ng Diyos, hindi rin ninyo taos-pusong iginugugol ang inyong sarili para sa Diyos. Kung hindi ninyo babaguhin ang pag-iisip na ito, sa huli ay malalantad at mapalalayas lang kayo.
Sa bawat gawaing inyong tinatanggap, sa bawat proyektong inyong natatapos, ano-ano ang mga paghihirap na inyong tinitiis? Kahit kailan ba ay nakaranas na kayo ng mga araw na walang maayos na pagkain, na walang maayos na tulog, mga araw kung saan nagsakripisyo kayo ng pahinga at pagkain? May napagtagumpayan na ba kayong anumang personal na paghihirap? Nakapagbayad na ba kayo ng anumang halaga? May ilang tao na matapos gumanap sa kanilang tungkulin ay hindi na makatulog nang tuloy-tuloy sa magdamag dahil sa sobrang pagod. Bakit hindi sila makatulog? Ito ay dahil pakiramdam nila ay hindi nila taglay ang katotohanang kinakailangan upang magampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at nagiging matrabaho ito para sa kanila. Nababalisa sila, pakiramdam nila, kung hindi nila magagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, nangangahulugan itong hindi nila ito nagampanan nang buong-katapatan. Nababalisa at nauusig sila ng kanilang konsiyensiya. Habang kumakain ang iba, iniisip nila: “Paano ko ito mapagbubuti? Noong huli, nagkamali na naman ako sa aspetong iyon. Hindi ko sinuri nang maayos ang mga bagay-bagay. Ano ang dapat kong gawin tungkol dito? Hindi lamang ito usapin ng pagtitiis sa pagwawasto; tungkol ito sa hindi ko pagtupad sa mga responsabilidad ko.” Nakikita nilang nasisiyahan ang iba sa pagkain, ngunit sila mismo ay walang ganang kumain. Laging abala ang kanilang isipan sa kung paano magagampanan nang mabuti ang kanilang tungkulin. Hindi ba’t pagsasapuso ito sa kanilang tungkulin? Hindi ba’t pagsusumikap ito? (Oo.) Kahit kailan ba ay nagsikap na kayo nang ganoon? Kung wala ka ni katiting na pagpapahalaga sa responsabilidad, kung kaya mong gumawa ng mga maling bagay o kumilos nang pabasta-basta nang hindi ka inuusig ng iyong konsiyensiya, nang walang anumang kamalayan, paano ka makapagsasalita tungkol sa debosyon? Hindi mo talaga iyon magagawa. Kung ipinagkatiwala sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang isang tungkuling gahol na sa oras at kailangan nang matapos sa lalong madaling panahon, paano mo ito isasakatuparan? Kung iniraraos mo lang ang gawain nang hindi nag-iisip, nang hindi nagsasaliksik, nang hindi naghahanap ng pagbabahagi mula sa mga taong maraming kaalaman; kung nagpapalipas ka lamang ng oras, anong uri ng saloobin ang dala mo sa iyong tungkulin? Inaayunan mo lang ang mga bagay-bagay ngunit hindi ito taimtim sa iyong puso. Ano ba ang ibig sabihin ng hanggang salita lang? Ibig sabihin nito ay masarap pakinggan ang sinasabi mo, ngunit pakitang-tao lamang ito; binibigyan nito ang mga tao ng maling impresyon o sadyang inililigaw sila upang isipin nilang nagdurusa ka, na napakaingat at napakasipag mo, gayong sa realidad, ni hindi mo talaga ito pinag-isipan. Kung tunay mo itong pag-iisipan, kung isasapuso mo ito, kung tunay na dedikado ka sa iyong tungkulin, dapat kang kumilos. Paano ka dapat kumilos? Kailangan mong magpakaabala, magsaliksik, o magbasa pa tungkol sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. O dapat kang kumonsulta sa mga taong maraming kaalaman na dalubhasa sa larangang iyon. Kung minsan, sa labis na pagkaabala mo ay mawawalan ka na ng oras para kumain, ngunit habang abala ka, hindi mo pa rin dapat kalimutang magdasal at umasa sa Diyos. Sa sandaling nakahanap ka na ng landas pasulong at medyo naunawaan mo na ang mga prinsipyo, oras na para magsimulang gumawa. Makalipas ang ilang araw ay makagagawa ka ng bagay na pasok sa pamantayan, at magiging tagumpay iyon. Kung hindi mo ito pagsusumikapan nang ganoon at sa halip ay haharapin ito nang may pabasta-bastang saloobin, maaaring may magawa ka pagkalipas ng ilang araw, ngunit ano ang magiging kalidad nito? Sa panlabas ay maaaring magmukha itong katanggap-tanggap, nang walang kapansin-pansing kapintasan. Ngunit hindi ito magiging isang obra maestra. Hindi ito magiging isang bagay na metikulosong nilikha, kundi isang gawaing hindi pulido. Kung magpapasa ka ng isang bagay na natapos mo sa isang pabaya at pabasta-bastang paraan, kailanman ba ay maituturing itong katanggap-tanggap? Sa huli, kakailanganin mo lang itong ulitin, at hindi ba’t maaantala lamang niyon ang mga bagay-bagay?
May ilang taong gumagawa ng mga bagay-bagay sa isang bara-barang paraan. Hindi nila isinasapuso ang anumang bagay; pabasta-basta ang saloobin nila. Ang gayong mga tao ay may masamang mentalidad. Nakararamdam ba ng anumang pananagutan ang isang taong may masamang mentalidad? (Hindi.) Sa kabaligtaran, ang isang tao bang walang pagpapahalaga sa responsabilidad ay malamang na magkaroon ng maganda o masamang mentalidad? (Masama.) Ang isang iresponsableng tao ay isang taong may masamang mentalidad! Hinaharap niya ang lahat ng bagay nang may pabasta-bastang saloobin, nang hindi ninanais na umako ng responsabilidad o magbayad ng anumang uri ng halaga upang makakuha ng mga resulta. Maituturing bang katanggap-tanggap ang pagganap sa iyong tungkulin nang may ganoong uri ng saloobin? (Hindi ito katanggap-tanggap.) May mga hinihingi at pamantayan ba para sa katanggap-tanggap na pagganap sa iyong tungkulin pagdating sa oras? May mga hinihingi o pamantayan ba sa pagganap sa iyong tungkulin, pagdating sa iyong saloobin? Sinasabi ng ilang tao: “May mga pamantayan ako. Ang una ay huwag pagurin ang sarili ko, ang pangalawa ay huwag magpagutom, at ang pangatlo ay huwag ipahamak ang sarili. Kung hindi pa dumarating ang iba, hindi ako maaaring dumating nang maaga; hindi ako ang mauuna roon. Kung ginagampanan pa ng iba ang kanilang tungkulin, iisipin ko kung paano ko matatapos ang mga bagay-bagay at paano ako makapagpapahinga. Hindi ako magtitiis ng anumang paghihirap na hindi tinitiis ng iba, at magdurusa lamang ako nang kapantay ng kaya ng iba. Kung may bagay na ginagawa ng lahat, gagawin ko rin ito. Ngunit kung wala silang anumang ginagawa, wala rin akong gagawin.” Anong uri ng mga pamantayan ang mga ito? (Masasamang pamantayan.) Sinasabi ng ilang tao: “Kung masama ang lagay ng loob ko, ipagpapaliban ko muna ang tungkulin ko. Babawasan ko ang oras ng trabaho ko at kapag kailangan ang tulong ko, hindi ko kailangang maging masyadong maagap. Pagkatapos, kapag mas maganda na ang lagay ng loob ko, magiging mas tutok na ako.” Paano naman ang mga pamantayang ito? (Hindi ito maganda; nakasalalay ang kanilang gawain sa lagay ng kanilang loob.) At may iba namang nagsasabing: “Kung tatratuhin ako nang mabuti ng lahat at gagawin ang gusto ko kapag ginagampanan ko ang aking tungkulin, at kung walang sinumang magtatabas at magwawasto sa akin kahit pa magkamali ako, ayos lang iyon, at gugugol ako ng mga pitumpung porsiyento ng pagsisikap. Ngunit kung may pupuna sa akin o tutukoy ng aking mga kamalian, mawawalan na ako ng ganang gampanan nang maayos ang aking tungkulin, at magtatago na lang ako.” Ano ang palagay ninyo sa saloobing ito? (Masama ito.) May ilan ding nagsasabing, “Walang sinumang makapagdidikta sa akin ng kahit na ano pagdating sa pagganap sa aking tungkulin. Kusang-loob ko lang itong gagawin. May dignidad ako sa sarili ko, at kung patuloy akong pipilitin ng sinuman na gampanan ang aking tungkulin, gumigiit ng kahusayan sa gawain, hindi ko ito susundin. Kung lagi nilang sinasabing sumasalungat ako sa mga prinsipyo, binibigyan lang nila ako ng mga problema at pinahihirapan ako. Kung patuloy nilang gagamitin ang mga katotohanang prinsipyo ng sambahayan ng Diyos upang diktahan ako, mapipigilan ako ng mababa kong tayog na magawa ang mga iyon. Ibibigay ko ang lahat ko upang magawa ang kaya ko, pero huwag ninyo akong pilitin kapag higit sa kakayahan ko ang isang bagay. Kung gagawin ninyo iyon, susuko at aalis na lang ako, at babalik ako kapag tumigil na kayo sa pamimilit sa akin.” Kumusta ang saloobing iyon? (Masama.) Wala sa mga saloobing ito ang mabuti—malinaw at alam iyon ng lahat. Kung gayon ay paano ninyong lahat ginagampanan ang inyong mga tungkulin? Nagpapakita ba kayo ng alinman sa mga pag-uugaling ito? Kayo ay walang pagpipigil, mapagmatigas, mapagmataas at mapagmatuwid, ayaw makinig sa kahit na kanino, kumikilos lang nang pabasta-basta. Hindi seryoso ang saloobin ninyo sa anumang bagay. Umaasta kayong mataas kapag may katiting kayong talento at kapag may anumang maliit na bagay na hindi umaayon sa kagustuhan ninyo, nagmamaktol at nagtatampo kayo, at ayaw na ninyong magtrabaho. Palagi ninyong pinag-iisipang isuko ang pagganap sa inyong tungkulin. Kahit kailan ba ay kumilos na kayo nang ganito? (Oo.) Kapag kumikilos nga kayo nang ganito, nagbabahaginan ba kayo sa isa’t isa at sumusubok na lutasin ang mga suliraning ito? Nagagampanan ba nang mabuti ng mga tao ang kanilang tungkulin kapag may mga ganoong suliranin? Nagagampanan ba nila ang kanilang tungkulin nang pasok sa pamantayan at nabibigyang-lugod ba nila ang Diyos? Malinaw na hindi nila ito nagagawa.
Anumang uri ng tiwaling disposisyon ang nakikita mula sa isang tao habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, isa itong praktikal na problema, at masisira nito ang kanyang epektibong pagganap sa tungkuling iyon. Kailangan niyang hanapin ang katotohanan at lutasin ito agad. Kung mananatiling hindi nalulutas ang gayong mga praktikal na problema, hindi mawawala nang kusa ang mga iyon; lalala ang mga iyon sa paglipas ng panahon. Ano ang ibig sabihin ng “lalala” ang mga iyon? Ibig sabihin nito, kung mananatiling hindi nalulutas ang mga tiwaling disposisyong ito, makahahadlang ang mga ito sa iyong kalagayan, at makahahadlang ang mga ito sa ibang tao. Sa paglipas ng panahon, mahahadlangan ka ng mga problemang ito sa pagganap nang mabuti sa iyong tungkulin, sa pag-unawa at pagsasagawa sa katotohanan, at sa paglapit sa Diyos. Hindi ito isang maliit na isyu, kundi isang malubhang problema. At sa paglipas ng panahon mula roon, ang mga hinaing at hinanakit sa iyong puso, ang iyong mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos, at ang iyong mga pagkiling laban sa iba, pati na ang iyong paglayo sa iba, ay lalago sa loob mo. Tiyak na dadalhin ka nito sa isang maling landas. Walang magagawa ang mga bagay na ito kundi guluhin ang puso ng isang tao, at gawing negatibo ang isang tao, at hikayatin ang isang taong layuan ang Diyos. Bakit ganito? Ito ay dahil ang mga bagay na tulad ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa ng mga tao ay pawang mga negatibong bagay, pawang mga lason ni Satanas. Kung maiipon ang mga iyon sa puso ng isang tao sa mahabang panahon, sisirain ng mga iyon ang pananampalataya ng taong iyon, at sasairin ng mga iyon ang kanyang kasigasigan at katapatan. At kapag walang pananampalataya o kasigasigan, hindi ba’t sa paglipas ng panahon ay nababawasan ang lakas ng isang tao sa pagganap sa kanyang tungkulin? Kapag hindi nararamdaman ng isang tao ang kapayapaan at kagalakan ng pagsampalataya sa Diyos, at hindi niya nararamdaman ang pagpapala at patnubay ng Diyos sa pagganap ng kanyang tungkulin, hindi siya makakukuha ng lakas mula sa mga iyon, at makokontrol siya ng mga negatibong bagay na tulad ng mga kuru-kuro, maling pagkaunawa, hinaing, at pagiging negatibo. Kapag nasa ganitong mga kalagayan ang isang tao, wala siyang magagawa kundi igugol ang kanyang sarili sa pagganap sa kanyang tungkulin, kumapit at magtiis, gawin ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng determinasyon—ngunit hindi hinahanap ang katotohanan upang lutasin ito. Hindi makikita ng isang tao ang patnubay ng Diyos o ang Kanyang mga pagpapala sa ganitong paraan. At ano ang agad na kasunod niyon? Paano man niya gampanan ang kanyang tungkulin, hindi niya mahanap ang mga prinsipyo nito. Kumikilos lang siya kung paano niya naisin, nang paunti nang paunti ang kanyang katiyakan, at nawawalan siya ng lakas na gampanan ang kanyang tungkulin. Sinasabi ng ilang tao, “Noong kasisimula ko pa lang gumanap sa aking tungkulin, labis na naaantig at nabibigyang-liwanag ang pakiramdam ko, at pakiramdam ko ay kasama ko ang Diyos. Nagagalak ang puso ko; nakikita ng mga mata ko ang lahat ng bagay at nagagawa ko ang lahat ng bagay nang may kaginhawahan. Ngunit pagkalipas ng ilang panahon, napakalayo na ng puso ko sa Diyos, wala nang panalangin sa aking puso, at hindi ko na maramdaman ang Diyos.” Ano ang nangyayari dito? May karamdaman sa puso ang taong ito. At ano ang karamdamang iyon? Ito ang mga tiwaling disposisyon sa loob niya na nagpapamalas at nagdudulot ng mga kaguluhan. Kung mananatiling hindi nalulutas ang mga tiwaling disposisyong ito, palaging may lilitaw na mga problema sa pagganap ng kanyang tungklin, at kapag lumubha ang mga iyon, magagambala at magugulo ng mga iyon ang gawain ng iglesia. Kung nais ng isang taong makamit ang kalugod-lugod na pagganap sa kanyang tungkulin, kailangan niyang hanapin nang madalas ang katotohanan at lutasin ang kanyang tiwaling disposisyon, at pagsikapan ang paglutas sa kanyang tiwaling disposisyon, kailangan niyang makapagdusa at makapagbayad ng halaga, hanggang sa malutas na niya ang kanyang tiwaling disposisyon. Pagkatapos ay magagampanan na niya nang walang hadlang at walang balakid ang kanyang tungkulin. May ilang taong hindi kayang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya lamang nilang pigilan ang kanilang sarili gamit ang kabutihan at kasigasigan, gamit ang determinasyon ng tao; mapipigilan lamang nila ang mga panandaliang pagpapakita ng kanilang tiwaling disposisyon. Ngunit malulutas ba nila ang ugat ng problema ng isang tiwaling disposisyon? Kung hindi hahanapin ng isang tao ang katotohanan, imposible siyang magkaroon ng paraang lutasin ang isang tiwaling disposisyon, at kung namumuhay ang isang tao sa isang tiwaling disposisyon, imposible siyang magkaroon ng paraang isagawa ang katotohanan, at imposibleng magkaroon ng kalugod-lugod na pagganap sa tungkulin.
Tunay bang mabuting tao ang isang likas na mapagpalugod ng mga tao? Anong uri ng tao ang tinitingnan ng Diyos bilang tunay na mabuting tao na nagtataglay ng katotohanan? Una sa lahat, kailangan niyang maunawaan ang kalooban ng Diyos at maintindihan ang katotohanan. Ikalawa, kailangan niyang maisagawa ang katotohanan, base sa pagkaunawa rito. Nalulutas niya ang mga bagay-bagay sa loob niya na hindi umaayon sa katotohanan—ang mga kuru-kuro at imahinasyon niya, ang masasamang opinyon niya sa iba at mga maling pagkaunawa niya sa ibang tao at sa Diyos—sa sandaling matuklasan niya ang mga iyon. At kapag namumuhay siya sa masasama o mga negatibong kalagayan, nababago niya kaagad ang kanyang sarili; hindi siya kumakapit sa mga tiwaling bagay na ito. Ibig sabihin, sa sandaling natutuklasan ng taong ito na mayroon siyang suliranin, nagagawa niyang lumapit sa Diyos upang maghanap ng solusyon, at nagagawang panatilihin ang isang normal na kaugnayan sa Kanya. Maaaring mahina at mapaghimagsik ang gayong tao, at maaaring ibunyag ang lahat ng uri ng tiwaling disposisyon gaya ng pagmamataas, pagmamagaling, kabuktutan, at panlilinlang. Gayunman, sa sandaling pinagnilayan niya ang kanyang sarili at nagkamalay sa mga bagay na ito, malulutas niya ang mga ito nang nasa oras at makapagbabago. Anong uri ng tao ito? Isa itong taong nagmamahal sa katotohanan at isinasagawa ang katotohanan. Paano tinitingnan ang gayong tao sa mga mata ng Diyos? Sa paningin ng Diyos, ito ay isang mabuting tao. May ilang tao na laging kumakapit sa mga dati nilang kuru-kuro, mapagmatigas na pinanghahawakan ang mga personal nilang pagkiling at maling pagkaunawa. Lagi nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin nang may negatibong saloobin, alam na alam nilang mali sila ngunit ipinagpipilitan pa rin ang kanilang mga ideya. Kahit kapag naiwawasto, mapanlaban at depensibo sila, nagsasabing, “Ganito lang talaga ako gumawa ng mga bagay-bagay. Hindi ko bibitiwan ang sarili kong gawi. Sa palagay ko ay hindi patas ang pangangasiwa rito ng sambahayan ng Diyos kaya hindi ko lulutasin ang isyung ito. Kahit na magsalita ka tungkol sa pagiging patas, hindi ko ito tatanggapin. Ang mga salita mo ay hindi ang katotohanan! Sinasabi mong hindi wasto ang saloobin ko sa pagganap sa aking tungkulin, ngunit wala akong nagawang anumang kasamaan. Sinasabi mong nagiging pabasta-basta ako sa pagganap sa aking tungkulin. Kung gayon ay ano ang dapat kong gawin para hindi maging pabasta-basta? Sapat na ang paggawa sa tungkulin ko nang ganito. Kung hindi nalulugod ang Diyos sa pagganap ko sa aking tungkulin sa ganitong paraan, hindi patas ang Diyos, at huwad din ang pagiging matuwid Niya.” Ito ba ang uri ng taong tumatanggap sa katotohanan? Ganito ba ang saloobin ng isang taong tumatanggap sa katotohanan? Ano ang pagkakaiba ng isang taong nagsasalita nang ganito sa isang hindi mananampalataya? Paano tinitingnan ng Diyos ang gayong tao? Ano ang saloobin ng Diyos? (Nasusuklam Siya.) Hindi ba’t isa itong taong matigas ang ulo at rebelde? Bagaman may mga katiwalian ka, hindi inaalala ng Diyos ang mga iyon. Hindi ka tinatanggihan o kinokondena ng Diyos dahil sa isa kang tiwaling tao. Kundi ito ay dahil alam na alam mo na ang katotohanan, ngunit sadya ka pa ring lumalaban at nagrerebelde rito. Ang saloobin mo ang ikinalulungkot ng Diyos, ikinasusuklam, at ikinamumuhi Niya. Ito ang saloobin ng Diyos. Ang gayong tao ay hindi isang mabuting tao sa mga mata ng Diyos o sa mga mata ng iba.
Kung sumasampalataya kayo sa Diyos at nagnanais na matamo ang Kanyang pagliligtas, kailangan ninyong gampanan nang mabuti ang inyong tungkulin. Una, sa panahon ng pagtupad sa inyong tungkulin, kailangan ninyong magkaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad at ibigay ang lahat ng makakaya ninyo. Kapag nakikita ka ng Diyos bilang isang mabuting tao, nasa kalagitnaan ka na. Kung, habang ginagampanan ang iyong tungkulin, nagagawa mong hangarin ang katotohanan, at kahit gaano pa karaming tiwaling disposisyon ang nalalantad o kahit gaano karaming paghihirap ang iyong hinaharap, kaya mo pa ring hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga iyon; at kung may saloobin ka ng pagtanggap at pagsunod kapag tinatabasan at iwinawasto ka, hindi talaga matitinag ang pag-asa mong matamo ang pagliligtas ng Diyos. Ang makita ng Diyos bilang isang taong naghahangad sa katotohanan ay isang mataas na pamantayan na maaaring hindi mo pa rin naaabot. Wala kang determinasyon at tayog, at masyadong mahina ang iyong pananampalataya. Kaya, simulan mo sa pamamagitan ng pagtutulot sa mga kapatid sa paligid mo na makita ka bilang isang mabuting tao, bilang isang taong tama, na medyo nagmamahal sa mga positibong bagay, na nagmamahal sa katarungan at katuwiran, at na medyo matuwid. Kapag nakagagawa ka ng mga pagkakamali, itinatama mo ang mga iyon. Kapag natutukoy mo ang iyong rebeldeng kalagayan, mabilis mo itong nababago. Kapag natutuklasan mo ang iyong tiwaling disposisyon, agad mong hinahanap ang katotohanan at nakikipagbahaginan ka sa iba. Sa sandaling magkaroon ka ng pagkaunawa, makapagsisisi ka na. Sa pamamagitan ng paghahangad sa ganitong paraan, tiyak na makauusad ka. Una, hayaan mong makita ka ng iyong mga kapatid bilang isang mabuting tao, bilang isang taong tama, isang taong may buhay pagpasok. Pagkatapos, paunti-unti, pagsikapan mong maging isang taong nagmamahal sa katotohanan at naghahangad sa katotohanan. Sa pamamagitan ng pagsasagawa rito ay magiging mas madaling makapasok, at magiging mas praktikal para sa iyong humiling ng gayon sa iyong sarili. Una sa lahat, kailangan mong mahikayat ang iyong mga kapatid na kilalanin ka bilang isang mabuting tao. Anu-ano ang mga pamantayan sa pagiging isang mabuting tao? Una, kailangan mong tingnan ang katuparan ng iyong tungkulin. Ilang pamantayan at kinakailangan ang dapat na maabot sa pagganap sa iyong tungkulin? Kailangan mong maging masipag, responsable, handang magtiis ng paghihirap, handang magbayad ng halaga, at maging metikuloso kapag pinangangasiwaan ang mga usapin, hindi kumikilos nang pabasta-basta. Sa isang bahagyang mas mataas na antas, kailangan mong mahanap ang mga tamang prinsipyo sa bawat bagay at kumilos alinsunod sa mga prinsipyong ito. Sinuman ang nagsasalita, kahit na isang kapatid na pinaka-hindi mo hinahangaan ang nagpapahayag ng isang prinsipyong tama at naaayon sa katotohanan, dapat mo itong pakinggan, subukang tanggapin, at subukang talikdan ang sarili mong mga opinyon at kuru-kuro. Ano ang tingin mo sa saloobing ito? (Mabuti ito.) Madaling pag-usapan ang pangangailangang gampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, madali itong sabihin; ngunit mahirap na aktuwal na gampanan ang tungkulin ng isang tao nang pasok sa pamantayan. Hinihingi nito sa iyong magbayad ng halaga at isuko ang mga partikular na bagay. Ano ang dapat mong ibigay? Sa pinakapangunahing antas, kailangan mong maglaan ng kaunting panahon at lakas. Araw-araw, dapat kang gumugol ng mas mahabang panahon at gumugol ng mas maraming lakas kaysa sa ibang tao. Dapat kang magpatuloy nang medyo mas matagal at gumugol ng medyo mas maraming pagsisikap. Kung nais mong magkaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad at gampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, kailangan ay lagi mong pag-isipan kung paano tuparin nang maayos ang iyong tungkulin. Kailangan mong isaalang-alang kung ano ang mga katotohanang kailangan mong isangkap sa iyong sarili at kung anong uri ng mga problema ang dapat mong tugunan. Pagkatapos ay hanapin mo ang katotohanan sa pamamagitan ng panalangin, ipahayag ang mga mithiin mo sa Diyos, at taimtim na magsumamo sa Diyos, hilingin sa Kanyang bigyang-liwanag at patnubayan ka. Habang nagpapahinga ang iba sa gabi, dapat kang gumugol ng mas mahabang panahon sa pagninilay-nilay sa mga naging problema habang tinutupad mo ang iyong tungkulin sa araw na iyon at kung ano ang katiwaliang iyong naihayag. Dapat mong pagnilay-nilayan ang mga bagay na ito, at saka ka lamang magpahinga matapos kang makaisip ng daan pasulong, nang sa gayon ay maging makabuluhan at hindi masayang ang araw na iyon. Kung hindi mo pag-iisipan kung paano lulutasin ang mga problemang ito, hindi ka makakakain o makatutulog nang maayos. Ito ang pagdurusa, ito ang halagang ibabayad mo. Kakailanganin mong magtiis ng mas maraming paghihirap at magbayad ng mas malaking halaga kaysa sa iba, at maglaan ng mas maraming panahon at lakas sa pagsisikap para sa katotohanan. Isa ba itong praktikal na halagang dapat ibayad? (Oo.) Nakapagbayad ka na ba ng gayong halaga dati? May ilang sister na mahilig magbihis, gumugugol ng hindi bababa sa isa o dalawang oras kada araw sa kanilang kolorete at iba’t ibang ayos ng buhok. Kailanman ay wala silang anumang isinasakripisyo sa pagpapakasasa sa mga pisikal nilang kagustuhan, laging nagpapakita ng maningning at magandang anyo at walang kapintasan kung manamit. Ngunit pagdating sa pagtupad ng kanilang tungkulin, kailanman ay hindi nila ito sineseryoso at pinagsisikapan. Saan nasasalamin ang kawalan nila ng pagsisikap? Ito ay nasa kawalan ng sinseridad at pagbibigay ng atensyon sa pagganap sa kanilang tungkulin. Kahit na paminsan-minsan ay nagpupuyat sila, ito ay dahil lamang sa nagpupuyat ang lahat, hindi dahil sa gusto nila, o dahil mayroon silang mga hindi natapos na gawain at hindi sila makaalis. Ngunit sila mismo ay hindi kailanman naglaan ng anumang karagdagang panahon o lakas, hindi kailanman nagbayad ng anumang karagdagang halaga, at hindi kailanman nagtiis ng anumang paghihirap sa pagganap sa kanilang tungkulin. Bagaman ginagampanan nila ang kanilang tungkulin kasama ng lahat, iginugugol ang parehong haba ng oras, hindi sila nagkakaroon ng anumang kapaki-pakinabang na resulta. Ang lahat ng ito ay dahil lamang sa pagiging pabasta-basta at paggawa nang wala sa loob, subalit medyo miserable pa rin ang kalooban nila. Ano ang tingin ninyo sa saloobing ito? Naaayon ba sa katotohanan ang pagganap sa inyong tungkulin nang may ganitong uri ng saloobin? Talagang hindi. Paano ninyo karaniwang ginagawa ang pagtupad sa inyong tungkulin? Kailanman ba ay sineryoso na ninyo ito? Dahil nalalamang wala kayong gayong determinasyon o dedikasyon, dahil nalalamang umaasa lamang ang inyong pagganap sa tungkulin sa lakas ng loob at pagpipigil sa sarili, at napagtatantong may mali sa sitwasyong ito, may nagawa na ba kayong anumang pagbabago? Ano ang dapat gawin upang maitama ito? Una, kailangan ninyong magbayad ng halaga. Kung minsan, nangangahulugan ito ng pagpupuyat, at sa ibang pagkakataon, nangangahulugan ito ng paggising nang maaga. Ito ang pagdurusa ng laman. Dagdag pa rito, dapat kang maglaan ng mas maraming pag-iisip at lakas, mas mag-isip, mas magnilay, at mas lumapit sa Diyos upang magdasal at maghanap sa Kanya, inilalaan ang iyong panahon at lakas sa Diyos, iginugugol ang iyong sarili para sa Diyos, iginugugol ang panahon at lakas na iyon sa pagganap ng iyong tungkulin, sa pagsasakatuparan sa atas na ibinigay ng Diyos sa iyo, at sa paghahangad sa katotohanan. Hindi ba’t ito ang halagang kailangang mabayaran habang ginagampanan ang iyong tungkulin? (Oo.)
Ano ang pinakakulang sa inyo sa pagtupad ng inyong tungkulin? Sinabi ng Diyos, “At iibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo, at ng buong lakas mo” (Marcos 12:30). Iginugol lamang ninyo ang inyong lakas, ngunit hindi ang inyong puso, kaluluwa, at pag-iisip—hindi ninyo nakamit ang tatlong aspetong ito. Ang alam lamang ninyo ay gumugol ng lakas sa pagtupad ng inyong tungkulin. Sa mga mata ng Diyos, anong uri ng tao ito? (Isang tagapagserbisyo.) Payag ba kayong maging mga tagapagserbisyo? (Hindi.) Kahit ayaw ninyong maging mga tagapagserbisyo, nagseserbisyo pa rin kayo, at walang-sawa ninyo itong ginagawa. Ito ang landas na inyong tinatahak. Hindi ba’t may kontradiksyon na ayaw ninyong maging tagapagserbisyo, subalit kusang-loob kayong nagseserbisyo? Paano ito nangyari? Ito ay dahil maling landas ang tinatahak ng mga tao. Ang landas na iyong pinipili ang nagtatakda ng pinakamithiin mo at ng bungang nakukuha mo. Kung pipiliin mo ang landas ng pagseserbisyo, ang magiging pinakaresulta ay ang maging tagapagserbisyo. Dahil lagi mong ninanais na makatanggap ng mga pagpapala sa pamamagitan ng pagsisikap, at ayaw mong hanapin ang katotohanan at harapin ang mga bagay-bagay alinsunod sa prinsipyo sa pagtupad ng iyong tungkulin, upang matupad nang kalugod-lugod ang iyong tungkulin; dahil ayaw mong mahalin ang Diyos nang buong puso, kaluluwa, at pag-iisip sa pagtupad mo ng iyong tungkulin, at kontento ka na sa paggugol lamang ng lakas, ang resulta ay nagiging tagapagserbisyo ka. Walang kontradiksyon dito. Gayunpaman, umuusbong talaga ang mga kontradiksyon sa puso ng mga tagapagserbisyo. Ano ang mga kontradiksyong iyon? Ayaw ng mga taong maging tagapagserbisyo, subalit ayaw rin nilang hangarin ang katotohanan o hangarin ang pagmamahal sa Diyos. Nagnanais pa rin sila ng mga pagpapala. Kung maririnig nilang mga tagapagserbisyo sila, hindi nila gusto iyon, iniisip na, “Hindi ba’t sinusubukan nila akong hamakin at maliitin? Hindi ba’t isa itong uri ng negatibong panghuhusga? Nagsikap na ako nang husto at sobra-sobra na ang ibinuhos kong lakas. Paano naman kaya ako naging isang tagapagserbisyo?” Ngunit tama ito. Hindi ka talaga nagsasagawa ng anumang katotohanan; kontento ka na sa pagsusumikap lamang, at dahil doon ay isa kang tagapagserbisyo. Huwag mong isipin na ang pagtupad sa iyong tungkulin ay tungkol lamang sa pagsusumikap nang kaunti. Hindi mo magagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin kung hindi mo iyon gagawin nang buong puso. Ang pagkilos nang buong puso ay nangangahulugan ng pagbibigay ng iyong buong puso, kaluluwa at pag-iisip. Kailangan mong maabot ang pamantayang ito. “At iibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo, at ng buong lakas mo.” Ang pahayag na ito ay buong-buong magagamit sa pagtupad ng tungkulin. Kung isa kang tunay na mananampalataya ng Diyos, dapat mong gampanan nang mabuti ang iyong tungkulin nang buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas. Sa gayon, sa mga mata ng Diyos ay maituturing kang isang mabuting tao. Paano dapat sukatin ang isang taong mabuti sa mga mata ng Diyos? Mula sa anong perspektiba siya dapat masuri? (Mula sa perspektiba ng pagganap sa mga tungkulin.) Dapat muna siyang masuri mula sa perspektiba ng kanyang pagganap sa tungkulin, mula sa kanyang saloobin at perspektiba sa pagganap ng kanyang tungkulin, sa kanyang hangarin at layon, kung taglay niya ang mga katotohanang prinsipyo sa pagganap ng kanyang tungkulin at kung ano ang mga resultang nakakamit niya sa pamamagitan ng pagharap sa mga bagay-bagay. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga aspetong ito, matutukoy natin kung minamahal ng isang tao ang katotohanan, hinahangad ang katotohanan, at kung isa siyang matapat na tao sa mga mata ng Diyos, isang taong minamahal ng Diyos. Ang mga ito ang mga pinakatuwirang prinsipyo at pamantayan sa pagsusuri sa isang tao. Nauunawaan ba ninyo ito? Taglay ba ninyo ang determinasyong hangarin ang katotohanan at maging mga tao ng Diyos? Huwag kayong makontento na lang sa pagsisikap upang matupad ang inyong tungkulin; dapat kayong magsikap para sa katotohanan at para maabot ang mga hinihingi ng Diyos. Ito lamang ang naaayon sa kalooban ng Diyos. Kung kontento na kayo sa pagsusumikap lang, masyadong mababa ang pamantayan ng hinihinging ito. Ang pagtupad sa mga tungkulin ng isang tao ay hindi tungkol sa paggawa ng mga simpleng gawain na matatapos sa kaunting pagsisikap. Ang mga gawaing nangangailangan ng teknikal na kasanayan ay hindi magagawa nang mabuti nang wala ang kinakailangang kasanayan. Partikular na nangangailangan ang mga tungkulin sa loob ng sambahayan ng Diyos ng pagpapatotoo sa Diyos at hindi ito magagawa kung hindi kayo nagtataglay ng katotohanan. Kung hindi ninyo tutuparin ang inyong tungkulin nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ninyo makakamit ang mga hinahangad na resulta sa pagpapatotoo sa Diyos. Samakatuwid, upang magampanan nang mabuti ang kanilang mga tungkulin, kailangang maunawaan ng mga tao ang katotohanan at maintindihan ang mga prinsipyo. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan bagkus ay ninanais lamang na magsikap nang kaunti upang makuha ang mga pagpapala ng Diyos, ang gayong pag-iisip ay hindi mapaninindigan. Kung hindi mo ginagampanan nang kalugod-lugod ang iyong tungkulin, hindi gagamitin ng Diyos ang isang taong tulad mo. Palalayasin ka ng Diyos, dahil ang pamantayan para sa pagliligtas ng Diyos sa mga tao ay ang matupad nila nang kalugod-lugod ang kanilang mga tungkulin, at hindi magserbisyo lamang. Kung ikaw, bilang isang tagapagserbisyo, ay nakararamdam ng anumang pagkabagabag sa iyong puso tungkol dito, ang totoo, nalulungkot at nagdadalamhati rin ang Diyos para sa iyo. Wala ka talagang anumang pagkaunawa sa puso ng Diyos. Magbabayad ba ang Diyos ng gayon kalaking halaga upang magligtas ng isang grupo ng mga tagapagserbisyo? Talagang hindi. Ninanais ng Diyos na gawing perpekto ang isang grupo ng mga taong nakakikilala sa Kanya at naaayon sa Kanyang kalooban. Nagtataglay ba ang mga tagapagserbisyo ng katotohanan at buhay? Kapaki-pakinabang ba para sa Diyos na magligtas ng mga tagapagserbisyo? Isa ba itong tanda ng pagtatamo ng Diyos ng kaluwalhatian? Ang pagseserbisyo lamang ba ay isang patotoo para sa Diyos? Ang pagiging tagapagserbisyo ay hindi katumbas ng pagpapatotoo sa Diyos. Hindi iyon ang landas na dapat tahakin ng mga tao. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Handa akong magserbisyo para sa Diyos. Gaano man karaming pagsisikap ang kinakailangan, handa akong ibigay ang lahat ng iyon. Ibibigay ko ang isandaang porsiyento sa halip na walumpung porsiyento. Naibigay ko na ang buong makakaya ko, bagaman maaaring wala akong kakayahan at pagkaunawa sa katotohanan. Nababatid ng Diyos ang aking puso, at dapat Niya akong purihin, hindi ba?” Naaayon ba ang pahayag na ito sa mga hinihingi ng Diyos? Pinupuri ng Diyos ang mga taong kalugod-lugod na tumutupad sa kanilang tungkulin, ang mga taong gumaganap sa kanilang tungkulin nang buong puso, pag-iisip, kaluluwa, at lakas. Kung gumugugol ka lamang ng lakas nang hindi ito isinasapuso, hindi mo natupad ang iyong tungkulin nang buong puso. Maisasagawa mo ba ang katotohanan nang hindi buo ang iyong puso? Mapamamahalaan mo ba ang mga gawain nang may prinsipyo? Kung gugugol ka lamang ng lakas nang hindi buo ang iyong puso, maaari ka lamang maging tagapagserbisyo. Makukuha ba ng mga tagapagserbisyo ang pagsang-ayon ng Diyos? Imposible iyon. Ano ang hinihingi ng salita ng Diyos para sa pagtupad ng tungkulin? (“At iibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo, at ng buong lakas mo.”) Tumutukoy ito sa katotohanan, sa mga katotohanang prinsipyo, at sa mga prinsipyo ng pagsasagawa. Anu-ano ang mga prinsipyo ng pagsasagawa? Kung ano ang dapat mong gawin sa iyong buhay, kung ano ang dapat mong gawin sa pagganap sa iyong tungkulin, ang iyong landas ng pagsasagawa, pati na ang direksyon at layon ng iyong buhay. Itatak mo ang mga salitang “ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo, at ng buong lakas mo” bilang iyong alituntuning pamatnubay. Sa anumang ginagawa mo, gamitin mo ang mga salitang ito upang suriin ang iyong sarili. Itanong mo sa iyong sarili, “Alin sa mga ito ang nakamit ko na? Alin ang hindi ko pa nakakamit? Ano ang panloob kong kalagayan? Mayroon bang anumang pagsuway? Anumang pagkamakasarili? Nakikipagtawaran o nakikipagnegosasyon ba ako sa Diyos? Nagiging matigas ba ang ulo ko? Mayroon bang anumang elemento ng pagiging negatibo o pagpapabaya sa kalooban ko? Kumikilos ba ako nang pabasta-basta?” Kapag itinatak mo ang mga salitang “ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo, at ng buong lakas mo” sa iyong puso, inaalala mo ang mga salitang ito ng Diyos, ang mga salitang ito ng katotohanan, sa iyong puso. Ano ang layon ng pagsasapuso sa mga iyon? Ito ay hindi para bigkasin ang mga iyon upang marinig ng iba, kundi para itama ang sarili mong kalagayan, ayusin ang iyong pag-uugali, at para gabayan ang bawat kilos mo. Halimbawa, kung may bagay na hindi mo alam gawin, isaalang-alang mo agad kung ano ang sinasabi ng salita ng Diyos at isipin mong, “Sinabi ng Diyos na gawin ko ito nang buong puso, kaya paano ko ito magagawa nang buong puso? May ibang mas nakauunawa rito kaysa sa akin, kaya dapat akong magtanong at makipagbahaginan sa kanya.” Pagkatapos makipagbahaginan, magdasal ka at siyasatin mo ang sarili mo upang makita kung mayroon kang anumang maling hangarin. Kung wala kang anumang personal na mithiin o pagkamakasarili, at nakatitiyak kang ganap na naaayon sa katotohanan ang paggawa nito, at naisasagawa mo ang katotohanan, mapapanatag ang puso mo, ipinahihiwatig nito na kumilos ka nang buong puso, sa abot ng iyong makakaya. Upang matamo ang buong pusong pagsasagawa, kailangan mong hanapin ang katotohanan sa iyong puso, pagnilayan ang mga salita ng Diyos, magdasal sa Diyos, at makipagniig sa Kanya. Isa itong usapin ng puso. Kapag lumalapit ang puso mo sa Diyos, lagi mong pinag-iisipan at pinagsisikapan ang katotohanan, isa kang taong nabubuhay sa harapan ng Diyos. Sa sandaling gawin mo nang buong puso ang isang bagay, likas na susunod dito ang paggawa rito nang buong pag-iisip mo, buong kaluluwa mo, at buong lakas mo. Magiging realidad mo ang mga salitang “ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo, at ng buong lakas mo.”