Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos (Unang Bahagi)

Hinihingi ng Diyos na ituring Siya ng mga tao bilang Diyos dahil lubha nang nagawang tiwali ang sangkatauhan, at hindi Siya itinuturing ng mga tao bilang Diyos, sa halip ay bilang isang tao. Ano ang problema sa mga taong palaging humihingi sa Diyos? At ano ang problema sa palagi nilang pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos? Ano ang nakapaloob sa kalikasan ng tao? Natuklasan Kong, anuman ang mangyari sa kanila, o anuman ang kanilang pinagdaraanan, palaging pinoprotektahan ng mga tao ang kanilang sariling mga interes at inaalala ang sariling katawan, at palagi silang naghahanap ng mga katwiran o dahilang mapakikinabangan nila. Kahit kaunti ay hindi nila hinahanap o tinatanggap ang katotohanan, at lahat ng kanilang ginagawa ay upang maipagtanggol ang kanilang katawan at magpakana para sa kanilang mga hangarin. Humihingi silang lahat ng biyaya sa Diyos, nagnanais na makamit ang anumang bentaheng kaya nilang makamit. Bakit masyadong maraming hinihingi ang mga tao sa Diyos? Pinatutunayan nito na likas na sakim ang mga tao, at sa harap ng Diyos, wala man lang silang taglay na anumang katinuan. Sa lahat ng ginagawa ng mga tao—sila man ay nagdarasal o nagbabahaginan o nangangaral—ang kanilang mga paghahangad, kaisipan, at minimithi, ang lahat ng bagay na ito ay paghingi sa Diyos at pagtatangkang humingi ng mga bagay sa Kanya, ginagawa ang lahat ng ito ng mga tao sa pag-asang may makamit mula sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao na “ito ang kalikasan ng tao,” na tama naman! Dagdag pa rito, ang sobra-sobrang paghingi ng mga tao sa Diyos at pagkakaroon nila ng labis-labis na pagnanais ay nagpapatunay na talagang walang konsiyensiya at katinuan ang mga tao. Lahat sila ay nanghihingi ng mga bagay para sa sarili nilang kapakanan, o sinusubukan nilang makipagtalo at maghanap ng dahilan para sa kanilang sarili—ginagawa nila ang lahat ng ito para sa kanilang sarili. Sa maraming bagay, makikitang ang ginagawa ng mga tao ay talagang walang katinuan, na ganap na patunay na ang satanikong lohika na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba” ay naging kalikasan na ng tao. Anong problema ang ipinapakita ng mga taong masyadong maraming hinihingi sa Diyos? Ipinapakita nito na ang mga tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas sa isang tiyak na punto, at sa kanilang pananalig sa Diyos, hindi nila talaga Siya itinuturing na Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Kung hindi namin itinuring ang Diyos bilang Diyos, bakit nananalig pa rin kami sa Kanya? Kung hindi namin Siya itinuring bilang Diyos, makasusunod pa rin ba kami sa Kanya hanggang ngayon? Matitiis ba namin ang lahat ng pagdurusang ito?” Sa panlabas, nananalig ka sa Diyos, at nagagawa mong sumunod sa Kanya, ngunit sa iyong saloobin sa Kanya, at sa iyong mga pananaw sa maraming bagay, hindi mo talaga itinuturing ang Diyos bilang ang Lumikha. Kung itinuturing mo ang Diyos bilang Diyos, kung itinuturing mo ang Diyos bilang ang Lumikha, dapat kang tumayo sa iyong posisyon bilang isang nilalang, at magiging imposible para sa iyo na humingi pa ng kahit ano sa Diyos, o magkaroon ng anumang labis-labis na hangarin. Sa halip, sa iyong puso, magagawa mong tunay na magpasakop, at magagawa mong ganap na manalig sa Diyos alinsunod sa Kanyang mga hinihingi, at sumunod sa lahat ng Kanyang gawain.

Nang magsimulang masaksihan ang pagkakatawang-tao, nagreklamo ang lahat ng tao: “O Diyos, hindi Mo kami binigyang-liwanag bago Ka nagkatawang-tao para maihanda namin ang aming isip. Kung naihanda namin ang aming isip, matatanggap Ka namin sa halip na magrebelde at lumaban. Hindi ba’t Ikaw ay makapangyarihan sa lahat? Nagrerebelde at lumalaban kami sa Iyo dahil nagawa kaming tiwali ni Satanas at hindi namin maiwasang gawin ito. Wala Ka bang magagawa upang mapigilan kaming lumaban, at tulutan kaming makadaan nang walang kahirap-hirap?” Hindi ba’t ito ang iniisip ng mga tao? Naglatag din ang maraming tao ng mga kondisyon, sinasabing: “Wala kaming magagawa sa aming pagrerebelde at paglaban. Ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay lubos na hindi tugma sa aming mga kuru-kuro. Kung ang katawang-tao ng Diyos ay mas matangkad nang kaunti, o may pambihirang anyo, o mayaman sa kaalaman at mahusay magsalita, o nakapagpapakita kapag gusto Niya at nakakagawa ng mga palatandaan at kababalaghan, o kung nagpakita ang Diyos at gumawa nang nasa katawang-tao alinsunod sa mas maraming imahinasyon ng mga tao, hindi namin lalabanan ang Diyos.” Maraming tao ang humingi ng mga ito noong panahong iyon, ngunit hindi kumilos ang Diyos alinsunod sa mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao. Sa kabaligtaran, Siya ay lumaban at kumilos nang ganap na taliwas sa mga kuru-kuro ng tao. Ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito na ang mga kuru-kuro at hinihingi ng tao ay hindi makatwirang nakagugulo. Ang ilang tao ay naging mga lider ng iglesia ngunit hindi gumawa ng anumang totoong gawain, at inabala lang ang sarili sa ilang panlabas na gawain. Nang iwasto at tabasan Ko ang mga taong ito, na nagsabi lang Ako ng kaunting salita ng pagsaway, nalungkot sila sa loob-loob nila, umiyak sila nang husto at naging negatibo. Sinabi nila sa kanilang sarili, “Hindi ba’t maawain at mapagmahal ang Diyos? Labis ang aking pagdurusa, bakit hindi Siya magsabi ng ilang magagandang salitang magpapagaan ng loob ko? Bakit hindi Siya magkaloob kahit isang salita ng pagpapala sa akin?” Ganito humingi ang mga tao sa Diyos, at puno sila ng sarili nilang mga pangangatwiran. Pakiramdam ng ilang tao ay mayroon silang kapital dahil matagumpay nilang naipalaganap ang ebanghelyo sa maraming iba pang tao, kaya pagkatapos makagawa ng pagkakamali at maiwasto, nangatwiran sila: “Matagumpay kong naipalaganap ang ebanghelyo sa napakaraming tao nang walang gantimpala, at ngayon ay tinabasan at iwinasto ako nang ganito. Labis akong nagdusa, at sa huli, iwinasto pa rin ako. Bakit walang pakialam ang Diyos sa nararamdaman ko?” Nasa puso ba ng mga taong ganito mag-isip ang katotohanan? Makatwiran ba ang mga hinihinging ito? Kung pagagaanin Ko ang loob ng isang tao pagkatapos Ko siyang iwasto, iisipin niya, “Mabuti ang Diyos, hindi ko akalaing pagagaanin Niya ang loob ko.” Ngunit, kung iwawasto Ko ang ibang tao, at partikular na masama ang loob ng taong iyon, at hindi Ko pinagaan ang loob niya, iisipin ng taong iyon na, “Bakit pinagagaan ng Diyos ang loob ng iba pagkatapos silang iwasto, ngunit hindi Niya pinagagaan ang loob ko? Hindi patas ang Diyos sa akin,” at magkakaroon ng mga kuru-kuro sa kanyang puso. Nagkikimkim ang mga tao ng maraming hindi makatwirang hinihingi, imahinasyon, at hangarin sa kanilang puso na sa isang tiyak na panahon, at sa tamang kapaligiran, ay sasabog. Dahil wala sa kaisipan, ideya, o hinihingi na inihayag ng tao ang tugma sa Diyos, at puno ng mga satanikong bagay ang kalikasan ng tao: Lahat ng kanyang ginagawa ay para sa kanyang sarili, makasarili at sakim siya, labis-labis ang kanyang pagnanasa, at napakarumi at lubhang tiwali niya.

Palaging humihingi ang mga tao sa Diyos, anuman ang sitwasyon. Ano ang problema sa ganito? Ang ilang tao ay mananalangin sa Diyos kapag nagtatamasa sila ng kaginhawahan, nagsasabi, “O Diyos, protektahan Mo ako, hayaan Mong mamuhay ako sa ganitong kalagayan sa lahat ng oras.” Ang mga tao ay mayroon ding mga hinihingi kapag hindi sila nasisiyahan o sila ay nalulumbay: “Diyos ko, bakit hindi Mo ako pakitaan ng kabaitan? Bakit hindi Mo ako bigyan ng kaliwanagan? Bakit napakabuti ng mga bagay para sa ibang tao, ngunit napakasama para sa akin?” Kapag nahaharap sa paghihirap, mariing hinihingi ng mga tao na baguhin ng Diyos ang kanilang kapaligiran; kapag maayos ang lagay ng mga bagay, nagiging mas labis ang mga hinihingi ng mga tao. Kapag may nakukuha ang mga tao, mas nag-iimbot sila, at kapag hindi nila ito nakukuha, lubha nilang ninanais na makuha ito. Ano ang gustong makuha ng mga tao? Gusto nilang makuha ang mga bagay na gusto nila, at kung ano ang hinihingi ng mga interes ng kanilang katawan. Samakatuwid, wala sa mga hinihingi ng tao ang makatwiran o nararapat. Nang magbigay Ako ng ilang magagamit na damit o bagay sa ilang mahihirap na pamilya, hindi nasiyahan ang ilang tao na makita ito. Naisip nila, “Bakit palaging sila ang binabantayan ng Diyos ngunit hindi ako? Ang Diyos ay hindi patas!” Noong panahong iyon, hindi ito isinapuso ng iba, at naisip nila, “Dahil na sa biyaya ng Diyos kaya natatahak ko ang landas ng pananalig sa Kanya, at nasusundan ito hanggang ngayon. Hindi ko dapat hangarin ang mga materyal na bagay na iyon.” Ngunit matapos itong pag-isipan, nakaramdam sila ng pagkabalisa. Nang madama nilang hindi nila madaig ang pakiramdam na iyon, nagdasal sila nang nagdasal, at pansamantalang huminto sa pag-iisip, ngunit ang mga bagay na iyon ay nasa puso pa rin nila—gaano man nila iyon timbangin, hindi pa rin maganda ang pakiramdam ng kanilang puso, at naisip nila sa sarili: “Nasaan ang pagiging matuwid ng Diyos? Bakit hindi ko ito makita? Hindi pinangangasiwaan nang patas o makatwiran ng Diyos ang alinman sa mga panlabas na gawaing ito, kaya saan naipapamalas ang Kanyang pagiging matuwid?” Pagkatapos ay nagbago ang loob at isip nila, “Ang pagiging matuwid ay hindi katulad ng pagiging patas o pagiging makatwiran, at hindi dapat pagsamahin ang mga ito,” ngunit balisa pa rin sila at hindi magawang hayaan na lang ang bagay na ito. Ang mga tao ay labis na nag-aalala sa kaunting materyal na interes, mas maganda sana kung magagawa nilang mag-alala nang ganito tungkol sa katotohanan. Ano’t anuman, bahagi ng kanilang kalikasan ang palaging paghingi sa Diyos sa puso nila, at ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay nagmamahal lahat sa mga materyal na pakinabang. Sa kabuuan, lahat ng hinihingi at binabalak ng mga tao—ang paghingi ng ganito at ganoon mula sa Diyos, ang pagbabalak dito at doon—ay hindi tugma sa katotohanan, at salungat sa mga kinakailangan at kalooban ng Diyos. Wala sa kanila ang mahal ng Diyos, lahat sila ay kinasusuklaman at kinamumuhian Niya. Ang mga hinihingi ng mga tao sa Diyos, lahat ng kanilang hinahangad, at ang mga landas na kanilang tinatahak ay pawang walang kinalaman sa katotohanan. Iniisip ng ilang tao, “Maraming taon na akong nagtatrabaho para sa iglesia—kung may sakit ako, dapat akong pagalingin at pagpalain ng Diyos.” Sa partikular, ang mga nananalig sa Diyos sa mahabang panahon ay humihingi ng higit pa sa Kanya; ang mga maikling panahon pa lamang nananalig ay nakadarama na hindi sila karapat-dapat, ngunit pagkaraan ng ilang panahon, magsisimula silang makaramdam na sila ay may karapatan. Ganito talaga ang mga tao; ito ang kalikasan ng tao, at walang tao ang hindi kabilang dito. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako kailanman humingi nang labis sa Diyos dahil ako ay nilikha, at hindi ako karapat-dapat na humingi ng anuman sa Kanya.” Huwag agad sabihin iyon, panahon ang magbubunyag ng lahat. Ang kalikasan at layunin ng mga tao ay malalantad at lalabas balang araw. Hindi humihingi ang mga tao sa Diyos dahil hindi nila iniisip na ito ay kinakailangan, o nasa tamang panahon, o dahil napakarami na nilang hiningi sa Diyos, ngunit hindi lang nila napagtatanto na ito ay paghingi. Sa madaling salita, may ganitong uri ng kalikasan ang mga tao, kaya imposibleng hindi nila ito maibunyag. Sa tamang mga sitwasyon o pagkakataon, ito ay likas na mabubunyag. Bakit pagbabahaginan ito ngayon? Ito ay upang ipaunawa sa mga tao kung ano ang nasa sarili nilang kalikasan. Huwag mong isipin na ang pananalig sa Diyos sa loob nang ilang taon, o paggawa ng ilang araw na gawain para sa iglesia, ay nangangahulugan na gumugol, naglaan, o nagdusa ka na nang husto para sa Kanya at karapat-dapat kang makakuha ng ilang bagay, tulad ng pagtamasa sa mga materyal na bagay, pagtustos sa katawan, o higit na paggalang at pagpapahalaga ng ibang tao, o para kausapin ka nang malumanay ng Diyos, o para mas magmalasakit Siya sa iyo, at para madalas na magtanong kung kumakain at nagbibihis ka ba nang maayos, kung kumusta ang pisikal mong pangangatawan, at iba pa. Lumilitaw nang hindi sinasadya sa mga tao ang mga bagay na ito kapag mahabang panahon na silang gumugol para sa Diyos, at naiisip nila na karapat-dapat silang humingi ng anuman sa Kanya. Kapag maikling panahon pa lamang silang gumugugol para sa Diyos, iniisip nila na wala silang karapatan, at hindi sila nangangahas na humingi sa Diyos. Ngunit sa paglipas ng panahon, iisipin nila na mayroon silang kapital at magsisimulang lumabas ang kanilang mga hinihingi, at ang mga aspetong ito ng kanilang kalikasan ay malalantad. Hindi ba’t ganito ang mga tao? Bakit hindi pinag-iisipan ng mga tao kung tama bang humingi nang ganito sa Diyos? Karapat-dapat ka ba para sa mga bagay na ito? Ipinangako ba ng Diyos ang mga ito sa iyo? Kung hindi mo pag-aari ang isang bagay, ngunit pilit mo itong hinihingi, ito ay salungat sa katotohanan, at ganap na nagmumula sa iyong satanikong kalikasan. Paano kumilos ang arkanghel sa simula? Binigyan ito ng napakataas na posisyon, binigyan nang sobra-sobra, kaya naisip nito na karapat-dapat ito sa anumang naisin nito at sa anumang nakuha nito, hanggang sa wakas ay umabot sa puntong sinabi nitong, “Gusto kong maging kapantay ng Diyos!” Kaya naman nananalig sa Diyos ang mga tao nang may napakaraming hinihingi, napakagagarbong pagnanasa. Kung hindi nila susuriin ang kanilang sarili, at hindi mapagtatanto ang kalubhaan ng problema, isang araw ay sasabihin nila, “Bumaba ka, Diyos. Ako mismo ay maaaring maging halos Diyos na,” o, “Diyos, isusuot ko ang anumang isinusuot Mo, kakainin ko ang anumang kinakain Mo.” Ang mga taong naabot na ang antas na ito ay tinatrato na ang Diyos bilang isang tao. Bagamat berbal na kinikilala ng mga tao na ang Diyos na nagkatawang-tao ay ang Diyos Mismo, mga paimbabaw na salita lamang ang lahat ng ito. Sa totoo, ang puso nila ay walang kahit katiting na pagpapasakop o takot sa Diyos. Gusto pa nga ng ilang tao na maging Diyos, at magkakaroon ng problema kung ang kanilang mga ambisyon at pagnanasa ay lumaki sa ganitong antas. Malamang na may darating na kapahamakan sa kanila, at kahit na sila ay patalsikin sa iglesia, parurusahan pa rin sila ng Diyos.

Dapat ituring ng mga nananalig sa Diyos ang Diyos bilang Diyos, at sa paggawa lamang nito sila tunay na nananalig sa Diyos. Hindi lang nila dapat kilalanin ang posisyon ng Diyos, dapat din silang magkaroon ng tunay na pagkaunawa at takot sa diwa at disposisyon ng Diyos, at maging ganap na masunurin. Narito ang ilang paraan upang maisagawa ito: Una, panatilihin ang kabanalan at isang matapat na saloobin kapag nakikipag-ugnayan sa Diyos, nang walang anumang kuru-kuro o imahinasyon, at magtaglay ng isang masunuring puso. Pangalawa, ilagay ang mga layunin sa likod ng lahat ng iyong sinasabi, bawat tanong na iyong itinatanong, at lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos upang suriin ang mga ito at manalangin. Sa pamamagitan ng pag-alam kung paano magsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at nang may batayan sa salita ng Diyos, saka mo lang mapapasok ang katotohanang realidad. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan, hindi ka lamang hindi makapapasok sa katotohanang realidad, kundi makaiipon ka rin ng parami nang paraming kuru-kuro, at magdudulot iyon ng problema. Kapag itinuturing mo ang Diyos bilang isang tao, ang Diyos na iyong pinaniniwalaan kung gayon ay isang malabong Diyos sa langit; ganap mong itatanggi ang pagkakatawang-tao, at hindi mo na kikilalanin ang praktikal na Diyos sa iyong puso. Sa panahong ito, ikaw ay magiging isang anticristo at mahuhulog sa kadiliman. Habang mas marami kang pangangatwiran, mas marami kang hihingin sa Diyos, at mas marami kang magiging kuru-kuro tungkol sa Kanya, na maglalagay sa iyo sa mas malaking panganib. Habang mas marami kang hinihingi sa Diyos, mas pinatutunayan nitong hindi mo talaga tinatrato ang Diyos bilang Diyos. Kung palagi kang nagkikimkim ng mga hinihingi sa Diyos sa iyong puso, kung gayon, sa paglipas ng panahon, malamang na ituturing mo ang iyong sarili bilang Diyos, at magpapatotoo ka para sa iyong sarili kapag gumagawa ka sa iglesia, sasabihin mo pang, “Hindi ba’t nagpapatotoo ang Diyos para sa Kanyang sarili? Bakit hindi ko maaaring gawin iyon?” Dahil hindi mo naiintindihan ang gawain ng Diyos, magkakaroon ka ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, at hindi ka magkakaroon ng pusong may takot sa Diyos. Magbabago ang tono ng iyong boses, magiging mayabang ang iyong disposisyon, at sa huli, unti-unti mong dadakilain at patototohanan ang sarili mo. Ito ang proseso ng paglubog ng tao, at ito ay ganap na dala ng hindi niya paghahangad sa katotohanan. Ang lahat ng tumatahak sa landas ng mga anticristo ay dinadakila at pinatototohanan ang kanilang sarili, itinataguyod ang kanilang sarili at ipinangangalandakan ang kanilang sarili kahit saan, at wala talagang pakialam sa Diyos. Naranasan na ba ninyo ang mga bagay na ito na sinasabi Ko? Maraming tao ang patuloy na nagpapatotoo para sa kanilang sarili, nagsasalita tungkol sa kung paano nila pinagdurusahan ang ganito at ganoon, kung paano sila gumagawa, kung paano sila pinahahalagahan ng Diyos, at ipinagkakatiwala sa kanila ang ganoong gawain, at kung ano sila, na sadyang gumagamit ng mga partikular na tono habang nagsasalita, at nagpapakita ng ilang partikular na asal, hanggang sa kalaunan ay malamang na may ilang taong magsisimulang isipin na sila ay Diyos. Matagal nang tinalikuran ng Banal na Espiritu ang mga umabot sa antas na ito, at bagamat hindi pa sila napapaalis o naititiwalag, at sa halip ay pinanatili upang magserbisyo, napagpasyahan na ang kanilang kapalaran at hinihintay na lamang nila ang kanilang kaparusahan. Nangyari na ito sa ilang lugar. Nakita ng isang bagong mananampalataya na ang isang sister ay nagsalita at mukhang marangal, at napagkamalan niya itong Diyos. Nang oras na para umalis, ang bagong mananampalatayang ito ay kumapit sa hita ng sister at sumigaw, “O Diyos! Huwag kang umalis! O Diyos! Masasabik ako sa Iyo!” Malinaw sa sister na hindi siya Diyos, ngunit hindi niya ito itinanggi o itinama. May katwiran ba ang gayong tao? (Wala.) Wala talaga siyang katwiran, at tiyak na hindi siya mabuti! Ang ilang tao ay nalilito at mangmang, at tinatrato ang isang taong ganoon bilang Diyos—ito ay sadyang kakila-kilabot na bagay! At ang kumapit, nang umiiyak, sa kanyang hita ay sadyang napakamangmang na wala nang lunas! Kung naituturing mo bilang Diyos ang isang tiwaling tao na kay Satanas, sa paanong paraan ka nananalig sa Diyos? Hindi ba iyan pananalig kay Satanas? Gaano kaya kalito ang isang tao para tratuhin niya ang isang tao na parang Diyos? Kung nananalig ka sa Diyos, ngunit hindi mo kayang tanggapin o hangarin ang katotohanan, malamang na malilinlang ka ng iba, at manganganib kang gumawa ng mga kahangalan at maliligaw. Tunay na nasa panganib ang mga hangal at mangmang na tao, kaya nilang gumawa ng lahat ng uri ng kahangalan.

Palaging humihingi ang mga tao sa Diyos, ipinagagawa sa Kanya ang ganito o ganoon ayon sa kanilang mga sariling kuru-kuro. Hinihiling mo sa Diyos na iligtas ka, kaawaan ka, mahalin ka, pakitaan ka ng biyaya—lahat ayon sa iyong mga ideya. Sa paggawa nito, ginagamit mo ang iyong mga sariling ideya at pamamaraan para humingi sa Diyos, at para mapasunod mo ang Diyos. Ano ang problema rito? Ito ba ay pananalig sa Diyos? Ang iyong pinaniniwalaan ay ang iyong sarili lamang. Wala ang Diyos sa iyong puso, ni anumang katotohanan. May isang taong binilhan Ako ng isang pares ng sapatos dala ng kabaitan, ngunit hindi ito kasya, kaya gusto Kong ibalik ang mga ito. Pero naisip Ko, kung ibabalik Ko ang mga ito, baka magkamali siya ng pagkaunawa, kaya ibinigay Ko ang mga ito sa ibang sister para isuot nito. Hindi niya ito matanggap nang malaman niya, at sinabing: “Alam Mo ba kung gaano karaming pagsisikap at pera ang aking ginugol, at kung gaano kalayo ang aking nilakbay upang bilhin ang mga ito? Madali Mong ibinigay ang mga ito, sa tingin Mo ba ganoon kadali para sa akin na kumita ng pera? Ibalik Mo ang mga ito kung ayaw Mong isuot ang mga ito—paano Mo nagawang ibigay ang mga ito sa iba?” Sabi Ko: “Hindi kita inatasang bilhan Ako ng sapatos. Binili at ibinigay mo sa Akin ang mga ito, ngunit hindi nagkasya ang mga ito kaya ipinamigay Ko ang mga ito para maisuot ng iba. Problema ba iyon? Kung ibabalik Ko sa iyo ang mga ito, hindi ba’t magiging negatibo at mahina ka, at magkakamali ka ng pagkaunawa sa Akin? Hindi ba Ako maaaring gumawa ng mga makatwirang pagsasaayos?” Angkop ba para sa mga tao na tratuhin Ako nang ganito? Tila may mga layunin at hinihingi pa rin ang mga tao kahit kapag may inihahandog sila sa Diyos. Ito ba ay isang taong nakakaunawa sa katotohanan? Kapag may inihandog ka sa Diyos, hindi na ito sa iyo, sa Kanya na ito. Magagawa ng Diyos ang anumang naisin Niya rito, at paano man Niya ito pangasiwaan ay Kanyang desisyon. Dapat magkaroon ang mga tao ng kaunting katinuan, matutong magpasakop, at hindi palaging makialam sa mga gawain ng Diyos. May katuturan ba ang palaging pakikipagtalo sa Diyos? Kapag bumibili ang mga tao ng mga bagay para sa Akin, tila puno sila ng lubos na kabaitan at pagmamahal sa Diyos, ngunit pagkatapos ay hihingin nila na dapat Ko silang magustuhan, at magrereklamo kung hindi. Higit pa rito, hindi tama kung hindi Ko gagamitin ang mga ito, gumagawa ang mga tao ng mga paghihigpit tungkol sa kung kanino Ko maaaring ibigay ang mga ito, at hindi Ako pinahihintulutan na gawin ito o iyon. Sinusuri at pinagninilayan nang ganito ng mga tao ang Diyos buong araw, iniisip na, “Bakit hindi kayang bigyang-kasiyahan ng Diyos ang mga pagnanasa ng tao?” Ganap na walang katinuan ang mga tao, lubos silang wala sa katwiran! Nalaman Kong sinasabi ng lahat ng tao, “Dapat mahalin ko nang husto ang Diyos, at suklian ang Kanyang pagmamahal,” ngunit wala silang kahit katiting na pagkaunawa sa kanilang puso kung ano ang ibig sabihin ng mahalin ang Diyos. Ang puso ng mga tao ay puno ng kanilang mga tiwaling disposisyon, kaya paano magkakaroon ng pagmamahal? Hindi ba’t ang pag-uusap tungkol sa pagmamahal at pagsunod sa Diyos ay walang iba kundi walang kabuluhang salita, kung ang mga tao ay napakatiwali na wala man lang silang pakiramdam ng isang normal na tao? Ang tanging mga bagay na nasa loob ng mga tao ay mga kuru-kuro at imahinasyon, sama ng loob, labis na pagnanasa, at ang kanilang mga hindi makatwirang hinihingi. Sadyang walang pagmamahal o pagsunod sa kalooban nila. Para sa mga tao, ang pagmamahal ay isa lamang mithiing dapat hangarin, isa lamang hinihingi ng Diyos. Ilan sa kanila ang nakagawa nito? Ilan ang may tunay na patotoong batay sa karanasan?

Ngayon na handa na kayong hangarin ang katotohanan at magsikap na baguhin ang inyong mga disposisyon, paano mo dapat pagnilayan ang iyong sarili kapag humihingi ka sa Diyos? Ang mga hinihingi mo ba ay naaayon sa katotohanan? Ano dapat ang iyong saloobin sa Diyos? Napag-isipan mo na ba ang mga tanong na ito? Nagiging mapagmataas ang ilang tao matapos pamunuan ang ilang iglesia, na iniisip nilang hindi makakaya ng sambahayan ng Diyos kung wala sila, at na karapat-dapat silang bigyan ng espesyal na pagtrato. May satanikong kalikasan ang mga tao, at kapag mas mataas ang posisyon ng isang tao, mas lumalaki ang kanyang hinihingi sa Diyos; kapag mas nauunawaan ng isang tao ang mga doktrina, mas nagiging tago at taksil ang mga hinihingi niya. Hindi man nila sabihin ang mga ito nang malakas, ngunit nakatago ang mga ito sa kanilang puso. Hindi ito madaling matuklasan ng ibang tao, ngunit sino ang nakaaalam kung kailan maaaring sumambulat ang mga reklamo at pagtutol sa loob ng isang tao? Nangangahulugan iyon ng higit pang kaguluhan, at malamang na malalabag nito ang disposisyon ng Diyos. Bakit mas nalalagay sa panganib ang mga lider ng relihiyon at mga sikat na tao na mga anticristo? Kapag mas mataas ang posisyon ng isang tao, mas lumalaki ang kanyang mga ambisyon; kapag mas naiintindihan ng isang tao ang mga doktrina, mas nagiging mapagmataas ang kanyang disposisyon. Kaya naman, mapanganib na manalig sa Diyos ngunit hinahangad ang katayuan sa halip na ang katotohanan. Nagpahayag ng napakaraming katotohanan ang Diyos, at inilantad at pinalayas Niya mula sa Kanyang sambahayan ang lahat ng hindi nagmamahal sa katotohanan, lalo na ang mga nasa relihiyosong grupo. Nakikita ba ninyo ang pangangailangan sa paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga tao? Kapag talagang naiintindihan ng mga tao ang katotohanan at mayroon silang pagpasok sa buhay, makikita nila ang realidad ng kanilang sariling katiwalian, at mararamdamang magiging mapanganib para sa kanila na hindi hangarin ang katotohanan. Sa ngayon, hindi talaga nauunawaan ng mga tao ang kanilang sariling kalikasan, at kung mayroon man silang kaunting mababaw na pagkaunawa, tungkol lamang ito sa mga doktrina, at hindi nila nakamit ang katotohanan. Samakatuwid, hindi nila iniisip na sila ay nasa panganib, ni hindi nila alam kung paano matakot, o mag-alala tungkol sa kanilang sarili. Ang ilang bagong mananampalataya ay nangangahas na magsabi at gumawa ng anumang bagay, ngunit ang mga nakaranas ng paghatol at pagkastigo ay naiiba. Medyo taglay nila ang isang pusong may takot sa Diyos, at kahit na nagkikimkim sila ng ilang kuru-kuro, hindi sila nangangahas sabihin ang mga ito, at alam nilang manalangin agad: “O Diyos, nagkasala ako sa Iyo….” Ang ilang bagong mananampalataya ay malakas ang loob na magsalita ng mga salita ng kalapastanganan nang hindi man lang nag-iisip, sinasabing “Nagdurusa ang Diyos? Pinagdurusahan ang ano? Kumakain at nagbibihis nang maayos, pinatutuloy sa bahay ng mga tao sa kung saan-saan—hindi iyon pagdurusa! Ngunit wala akong pakialam sa mga bagay na iyon. Nananalig ako sa Espiritu ng Diyos, hindi sa isang tao.” Naglalakas-loob silang itanggi ang pagkakatawang-tao. Ang mga taong ito ay may gayong kapangahasan. Wala talaga silang pusong may takot sa Diyos, hindi sila natatakot sa kahit ano, nangangahas silang magsabi ng kahit ano, at lahat sila ay may mala-demonyo at mala-hayop na kalikasan. Kung ang Itaas ay may maganda-gandang impresyon o opinyon tungkol sa isang tao, sinasabi ng ilang tao, “Ito ay isang sikat at pinapaborang tao sa iglesia, na tinatanggap nang mabuti sa sambahayan ng Diyos.” Naiintindihan ba ng ganitong uri ng tao ang katotohanan? Hindi kahit kaunti. Ang paraan niya ng pagtingin sa mga bagay-bagay ay ganap na inilantad na ang lahat ng nasa kanyang puso ay sa mundo pa rin. Ito ay isang ganap na sekular na pananaw at kagustuhan. Magkakaroon ba ng anumang epekto sa mga ganitong tao ang pananalig sa Diyos at pagbabasa ng Kanyang mga salita? Hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, at ang kanilang paraan ng pagtingin sa mga bagay ay katulad ng sa mga hindi mananampalataya. Sila ay talagang mga walang pananampalataya.