Ang Landas ng Paglutas sa Isang Tiwaling Disposisyon (Ikalawang Bahagi)
Kumusta ang inyong karanasan sa pagiging tapat na tao ngayon? Nagkamit ba kayo ng ilang resulta? (Minsan, naisasakatuparan kong maging matapat, ngunit minsan ay nakalilimutan ko.) Makalilimutan ba ninyong isagawa ang katotohanan? Kung nakalilimutan ninyo ito, anong uri ng problema ang inilalarawan niyan? Mahal ba ninyo ang katotohanan o hindi? Kung hindi ninyo mahal ang katotohanan, mahihirapan kayong pumasok sa katotohanang realidad. Dapat ninyong seryosohin ang pagsasagawa sa katotohanan at pagsasagawa sa pagiging isang tapat na tao. Dapat madalas ninyong pag-isipan kung paano maging isang tapat na tao at kung ano ang katuturan na dapat ninyong taglayin. Hinihiling ng Diyos na maging tapat ang mga tao, at dapat nilang hangarin ang katapatan bilang isang napakahalagang bagay. Dapat maging malinaw sa kanila at maunawaan nila kung anong mga katotohanan ang kailangan nilang taglayin at kung anong mga realidad ang kailangan nilang pasukin upang maging tapat na mga indibiduwal at maisabuhay ang wangis ni Pedro, at dapat silang makahanap ng landas ng pagsasagawa. Saka lamang sila magkakaroon ng pag-asa na maging isang tapat na tao at isang taong mahal ng Diyos. Kung hinahamak mo ang mga tapat na tao, iyong mga nagsasalita nang tapat, lalo na ang mga taong kayang tanggapin at hangarin ang katotohanan, kung palagi kang may panghahamak sa gayong mga tao, kung gayon ay hindi ka nga isang positibong karakter at kabilang ka sa kategorya ng masasamang indibiduwal. Kung minamaliit mo ang mga taong tapat na gumaganap ng kanilang mga tungkulin at yaong mga handang magbayad ng halaga upang isagawa ang katotohanan, kung gayon ay naging isang negatibong karakter ka nga, at tiyak na hindi isang positibong karakter. Ang tanong kung ang isang indibiduwal ba ay magkakamit ng kaligtasan ay nauugnay sa kung sila ay isang positibong karakter o hindi. Ang pangunahing dahilan sa pagtukoy kung isang positibong karakter ang isang tao ay nakasalalay sa kanilang mga mithiin at sa mga kagustuhan na mayroon sa kanilang puso. Dapat mong makilala ang pagkakaiba ng positibo at negatibong mga bagay, makapagtalaga ng malinaw na limitasyon, pumanig sa tama, at manindigan sa panig ng Diyos at ng katotohanan. Kung kaya mong gawin ito, magiging ganap na normal ang pag-iisip mo at magiging isa kang tao na may konsiyensiya at katwiran. Kung palagi mong minamaliit iyong mga naghahangad sa katotohanan, handang magbayad ng halaga, at taos-pusong ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos, kung gayon ay nasa panig ka nga ni Satanas at isang negatibong karakter. Ang ilang tao ay mapanghamak sa mga tapat na indibiduwal at minamaliit sila. Laging mataas ang tingin nila sa mga taong magaling magsalita, mapagmanipula, at bihasa sa panlilinlang ng iba gamit ang mga mabulaklak na salita, gayundin ang mga nangangaral ng matatayog na sermon mula sa itaas. Kung iyon ang sitwasyon mo, hindi mo magagawang maging isang tapat na tao. Sa halip, gagayahin mo ang mga Pariseo at hindi mo magagawang simulan ang tamang landas ng paghahangad ng katotohanan. Mapapabilang ka sa kategorya ng mapagkunwaring mga Pariseo. Hinahangad ng mga tao ang gusto at ninanais nila. Ano ang kasalukuyan ninyong ninanais sa inyong mga puso? Natatakot Ako na kahit sa inyo ay hindi malinaw kung ano ang inyong gusto. Ang pinagtutuunan ninyo ng pag-ibig at poot ay hindi malinaw na natutukoy at hindi ninyo alam kung sa anong bagay ba ninyo naihanay ang inyong sarili kay Satanas. Minsan, ang mga salita ninyo ay maaaring umaayon sa katotohanan, ngunit sa sandaling kumilos kayo, lumilihis kayo sa katotohanan. Ipinapakita nito na kung wala ang katotohanan, hindi kayo makatatayo nang matatag at patuloy na mag-uurong-sulong, minsan ay hahakbang pasulong at minsan ay paatras. Pagkatapos ninyong makinig sa mga sermon, tila nauunawaan ninyo ang katotohanan, at handa kayong tahakin ang tamang landas. Gayunpaman, pagkatapos ng ilang panahon, namamayani ang kadiliman sa loob ninyo at muli kayong lumilihis ng landas. Kaya bang piliin ng mga gayong tao ang tamang landas? Kahit na mapili nila ito, hindi sila makaapak dito dahil nasa abnormal silang kalagayan. Hindi talaga sila nakauunawa ng anumang katotohanan at sila ay mga litong indibiduwal na maghapong pagala-gala habang tulala. Maaaring sabihin nila na gusto nila ang mabubuting tao, ngunit sa tuwing nakararanas sila ng anumang isyu, minamaliit nila ang mga ito. Maaaring sinasabi nilang gusto nilang maging tapat, ngunit kapag may nangyari sa kanila, mapanlinlang silang aasal. Sinusunod nila ang sinumang namumuno sa kanila, mabuti man o masama—magagawa bang perpekto ng Diyos ang gayong mga tao? Talagang hindi, dahil kulang sila sa mahahalagang kinakailangan. Ang sinumang nangmamaliit ng mabubuting tao, tapat na mga indibiduwal, yaong masigasig na gumaganap sa kanilang mga tungkulin, at yaong mga naghahangad ng katotohanan at handang magbayad at magdusa para dito, ay hindi mabubuting tao mismo. Wala sila ni katiting na konsiyensiya at katwiran at hindi magkakamit ng kaligtasan. Ang mga taong may mababait na puso at pagmamahal sa katotohanan ay gusto ang mga positibong bagay at nasisiyahan sa pakikipag-ugnayan sa mga positibong tao, na nagdudulot sa kanila ng maraming pakinabang. Sa kabilang banda, yaong mga walang pagmamahal sa mga positibong bagay o positibong indibiduwal ay hindi makakamit ang katotohanan kahit na naniniwala sila sa Diyos. Dahil ito sa ang kanilang mga puso ay hindi nagmamahal sa katotohanan, at hindi nila ito hahangarin. Kahit gustuhin man nila, hindi nila magagawang makamit ang katotohanan.
Katatapos Ko lang magbahagi tungkol sa dalawang paksa: mga damdamin, at mga haka-haka at imahinasyon. May isa pa—ang pagkamainitin ng ulo—na isa ring pagpapamalas ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lahat ng tiwaling tao ay mainitin ang ulo. Anong mga pag-uugali ang nagpapakita ng pagkamainitin ng ulo? May mga elemento ba ng damdamin at emosyon na nakapaloob sa pagkamainitin ng ulo? Paano naman ang pagmamataas at pagmamatuwid? Kasama ang lahat ng elementong ito sa pagkamainitin ng ulo—nauugnay ang lahat ng ito sa disposisyon ng isang tao. Paano naman ang, “ngipin sa ngipin, mata sa mata”—isa ba itong halimbawa ng pagkamainitin ng ulo? “Kung hindi ka mabait sa akin, magiging salbahe ako sa iyo,” at “Ito ang karma mo,”—mga halimbawa ba ang mga ito ng pagkamainitin ng ulo? (Oo.) Ano pang mga halimbawa ang naiisip ninyo? (“Hindi ako aatake maliban na lang kung inatake ako; kung inatake ako, siguradong gaganti ako ng atake.”) Ang lahat ng ito ay mga halimbawa ng pagkamainitin ng ulo. Hindi lang basta umiinit ang ulo ng mga tao kapag sila ay galit, madalas din silang nagpapakita ng init ng ulo kahit hindi sila galit. Halimbawa, namumuhay ang mga tao sa kanilang mga satanikong disposisyon, at madalas na gustong sumbatan yaong mga nagsasalita sa paraang hindi kasiya-siya sa kanila o kumikilos sa paraang hindi katanggap-tanggap sa kanila, at gustong maghiganti roon sa mga kumikilos sa paraang hindi mabuti sa kanila. Hindi ba ito pagkamainitin ng ulo? (Oo.) Ano pang mga halimbawa ng pagkamainitin ng ulo ang naiisip ninyo? (Pagsasalita o panunumbat sa iba mula sa posisyon ng katayuan.) Kapag ang isang tao ay gumagamit ng kalamangan na ibinigay sa kanya ng kanyang katayuan para gawin ang anuman nais niya, o para ibunton ang galit niya sa iba sa pamamagitan ng panunumbat, mga anyo rin ito ng pagkamainitin ng ulo. Sa katunayan, madalas na naghahayag ng pagkamainitin ng ulo ang mga tao. Karamihan sa mga sitwasyon kung saan hindi naaayon sa katotohanan ang mga salita at kilos ng mga tao ay lumilitaw dahil sa kanilang pagkamakasarili, mga pagnanais, hinanakit, poot, at galit—ang lahat ng bagay na ito ay nagmumula sa pagkamainitin ng ulo. Ang mga paghahayag ng pagkamainitin ng ulo ay hindi lamang nagmumula sa poot, galit, o paghihiganti, at malawak ang sinasaklaw nito, ngunit hindi natin pag-uusapan ang mga detalye ngayon. Mainitin ang ulo ng lahat ng taong tiwali at ang pagkamainitin ng ulo na ito ay nagmumula sa kanilang mga satanikong disposisyon; ang pagkamainitin ng ulo ay hindi naaayon sa katwiran ng normal na katauhan, lalong hindi ito naaayon sa katotohanan, kaya ang pagkilos ayon sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao ay pagkamainitin ng ulo. Ang pagganti ba ng masama laban sa masama ay hindi isang anyo ng pagkamainitin ng ulo? (Oo, isang anyo ito.) Paano naman ang pagganti ng mabuti sa masama? Pagkamainitin din ito ng ulo. Paano naman iyong galit na galit ka na tumatayo na ang mga balahibo mo? Pagkamaintin din ito ng ulo. Ang pagkamainitin ng ulo ay pagtugon lamang sa mga hindi makatwirang isyung nakahaharap mo, na iniisip na, “Kahit ano pa ang maging sitwasyon, ilalabas ko lang ang mga personal kong hinaing ngayon. Anuman ang mga kahihinatnan, o ang mga prinsipyo, o kung kanino man nakadirekta ang aking poot, kailangan kong magpalamig muna”—ito ay pagkamainitin ng ulo. Sa huling pagsusuri, ano nga ba talaga ang pagkamainitin ng ulo? Isa itong tiwaling disposisyon, isang satanikong disposisyon, at kawalan ng pagkamakatwiran. Isang uri ng pagkamabangis ang pagkamainitin ng ulo, ang diwa nito ay isang pagbukal ng kalikasang mabangis, at wala itong kahit na katiting na kahulugan ng normal na pagkatao. Ang pagpapakita ng kawalang-katwiran ay kinapapalooban ng pagkawala ng talino at pagpipigil sa sarili ng isang tao, at kawalan ng kakayahang pigilin at kontrolin ang sarili. Pagkamainitin ito ng ulo.
Para mabago ang disposisyon mo, ang pinakapangunahing bagay na dapat mong magawa ay makilala ang mga paraan kung saan ang mga tiwali mong disposisyon ay unang-unang nagpapamalas ng mga sarili nito sa tanglaw ng mga salita ng Diyos, at mamalayan mo kung ano ang iniisip mo at kung ano ang kalagayan mo sa tuwing ibinubunyag mo ang iyong mga tiwaling disposisyon. Sa maraming pagkakataon, ang bawat kalagayan na lumilitaw sa isang tao ay nangyayari dahil sa isang tiwaling disposisyon—sa ilang pagkakataon, maaaring magdulot ng maraming iba’t ibang kalagayan sa iba’t ibang sitwasyon ang isang tiwaling disposisyon. Dapat mong matukoy ang lahat ng ito. Hindi sapat na magkaroon ka lang ng kaunting pag-unawa mula sa iyong pagkakaintindi, kailangan mo ring makapagsuri at malaman ang ugat ng problema mo, sa anong mga pagkakataon nabubunyag ang mga tiwali mong disposisyon, at anong uri ng problema ito. Matapos maunawaan nang malinaw ang lahat ng ito, malalaman mo ang naaangkop na paraan ng pagsasagawa. Maisasagawa mo ba ang isang bagay dahil lang sa alam mo kung paano mo ito dapat isagawa? (Hindi.) Bakit ganoon? Dahil mayroon kang mga tiwaling disposisyon. Kung ang isang tiwaling disposisyon ay humahadlang sa isang tao sa pagsasagawa ng katotohanan, dapat niyang hanapin ang katotohanan, tanggapin ang pagpupungos ng Diyos, tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at lutasin ang kanyang tiwaling disposisyon. Kung gagawin niya ang mga bagay na ito, magiging madali para sa kanya na isagawa ang katotohanan. Ang kakayahan bang magsagawa ng katotohanan ay nagpapahiwatig na nakamit na ng isang tao ang pagbabago? Hindi ganoon. Hindi nangangahulugang hindi na uli lilitaw ang isang tiwaling disposisyon dahil lamang sa nalutas na ito ng isang tao sa isang bagay. Patuloy itong lilitaw, gagambalain at hahadlangan ang pagsasagawa ng katotohanan ng taong iyon, at sa mga ganitong sitwasyon, kakailanganin pa rin nilang hanapin ang katotohanan upang malutas ang tiwaling disposisyong ito. Maaaring malutas ng isang tao ang isang tiwaling disposisyon sa isang bagay, ngunit makalipas ang ilang panahon, posibleng may panibagong tiwaling disposisyon na lumabas sa ibang sitwasyon, at humadlang sa pagsasagawa nila ng katotohanan. Ano ang isyu rito? Ipinahihiwatig nito na ang mga tiwaling disposisyon ay malalim ang pinag-uugatan sa tao, at na kailangan pa rin nilang hanapin ang katotohanan at hanapin sa mga salita ng Diyos ang mga kasagutan sa kanilang mga problema. Sa pamamagitan lamang ng paulit-ulit na paglutas sa kanilang mga tiwaling disposisyon unti-unting magsisimulang humupa ang mga disposisyong ito. Walang tiwaling disposisyon ang malulutas nang isahan—hindi iyon ganoon—kailangan mo munang maunawaan ang katotohanan at matutong kumilala. Dapat mong tanungin ang iyong sarili: “Nasa isang maling kalagayan ako ngayon, paano ito lumitaw? Bakit lilitaw ang ganitong kalagayan sa loob ko? Paano inilalantad ng mga salita ng Diyos ang kalagayang ito? Anong tiwaling disposisyon ang nagdulot ng ganitong kalagayan?” Dapat mong pagnilayan ang mga tanong na ito upang magkaroon ng pag-unawa, at malinaw na mabatid ang mga ito. Kapag naunawaan mo na ang mga tiwali mong disposisyon, magagawa mong talikuran ang mga ito. Sa ganitong paraan, unti-unting malulutas ang mga hadlang sa pagsasagawa mo ng katotohanan at magiging mas madali para sa iyo na isabuhay ang katotohanan. Ang pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan ay nangangahulugan ng patuloy na paglutas ng iyong mga tiwaling disposisyon sa ganitong paraan. Unti-unting lalawak at magbubukas ang landas ng pagsasagawa ng katotohanan at mababawasan ang mga hadlang dito; magkakaroon ka ng kakayahang isagawa ang lahat ng iba’t ibang aspekto ng katotohanan, at paunti nang paunti ang ibinubunyag mong mga tiwaling disposisyon. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na ganap at lubusan mo nang naalis sa iyo ang mga tiwaling disposisyon. Posible na makapagbunyag ka pa rin ng kaunting tiwaling disposisyon sa mga espesyal na sitwasyon, ngunit hindi ka na mapipigilan ng mga ito sa pagsasagawa ng katotohanan. Ito ay pagbabago sa isang mabuting direksyon. Mahaba ang landas ng pagpasok sa buhay, na ibig sabihin, mahaba ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Sa totoo nating buhay, makikita nating lahat kung paanong ang isang uri ng tiwaling disposisyon ay maaaring humantong sa iba’t ibang kalagayan sa iba’t ibang sitwasyon. Kahit na sa panlabas ay parang tama o mali, positibo o negatibo at salungat ang mga kalagayang ito, maaaring kontrolin ng lahat ng ito ang isang tao sa loob ng ilang panahon, impluwensyahan ang paraan ng kanyang pagsasalita at pagkilos, at apektuhan ang kanyang mga pananaw sa mga bagay-bagay, at kung paano niya tinatrato ang mga tao. Kung gayon, paano lumilitaw ang mga kalagayang ito? Sa realidad, lumilitaw ang lahat ng ito dahil sa satanikong kalikasan ng mga tao at mga tiwaling disposisyon. Sa panlabas, mukhang naiimpluwensiyahan ng mga kalagayan ang mga tao, ngunit, sa totoo lang, ang mga tiwaling disposisyon nila ang kumokontrol sa kanila. Dahil dito, namumuhay ang lahat ng tao ayon sa kanilang panloob na satanikong kalikasan at mga tiwaling disposisyon, na nag-aakay sa kanila na lumabag sa katotohanan at lumaban sa Diyos. Kung hindi mo gagamitin ang katotohanan para lutasin ang mga tiwali mong disposisyon at baligtarin ang mga mali mong kalagayan, hindi mo magagawang makawala sa mga hadlang at tanikala ng sataniko mong disposisyon. Halimbawa, sabihin natin na isa kang lider, at may isang tao sa iglesia na angkop para sa isang partikular na tungkulin, ngunit ayaw mo siyang gamitin dahil minamaliit mo siya. Alam mo na hindi ito patas na paraan ng pagtrato sa mga tao, kaya paano mo dapat lutasin ang problemang ito? Dapat mong pag-isipan: “Bakit ganito ang inaasal ko? Bakit ba hindi ako patas sa kanya? Ano ba itong nag-iimpluwensya sa akin?” Wala ba itong laman na mga tiyak na detalye? Ano ang problema rito, sa ayaw mong tratuhin nang patas ang taong ito? Dahil ito sa iyong mga pagkiling, mga kagustuhan, at mga hindi gusto. May mapagmataas na disposisyon ang mga tao, kaya ang mga bagay na ito ay maaaring lumitaw sa loob nila. Kaya walang duda na dahil ito sa mapagmataas mong disposisyon. Ang mapagmataas mong disposisyon ay naging dahilan upang lumitaw ang mga kalagayang ito sa loob mo: minamaliit mo ang taong ito sa iyong puso, ayaw mong magbanggit ng anumang mabuti tungkol sa kanya, o suriin siya sa isang patas at makatarungang paraan, at ayaw mo siyang piliin para sa isang tungkulin kahit na angkop siya para dito—lahat ito ay mga kahihinatnan na dulot ng mapagmataas mong disposisyon. May mapagmataas na mga disposisyon ang mga tao, kaya’t nagkikimkim sila ng kadiliman sa kanilang mga puso, liko ang paningin nila, at may kinikilingan sa kanilang mga pananaw sa mga isyu. Dapat malutas ang mga problemang ito sa pamamagitan ng pagninilay at pagkilala sa sarili. Kung may malinaw kang pananaw at pagkaunawa sa mga tiwali mong kalagayan at tiwaling disposisyon, at kaya mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga ito, at kaya mong itrato ang mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo, magagawa mong baligtarin ang mga pagkiling at maling pananaw mo sa mga tao, at matututong itrato nang patas ang mga tao. Kung gayon, paano mo babaligtarin ang mga ito? Dapat kang lumapit sa Diyos upang manalangin at hanapin ang katotohanan, unawain ang diwa ng mga problemang ito, at matamo ang pag-unawa sa kalooban ng Diyos. Dapat magkaroon ka ng kahandaang makipagtulungan at talikuran ang iyong sarili. Dapat mong sabihin sa sarili mo: “Hindi na magiging ganito ang asal ko sa susunod. Maaaring medyo kulang ang kakayahan niya, ngunit kailangan ko siyang itrato kung paano siya dapat itrato. Kung angkop siya sa pagtupad sa tungkuling ito, dapat ko siyang italaga rito. Kung may maganda akong relasyon sa iba, ngunit hindi sila angkop sa tungkulin, hindi ko sila gagamitin. Sa halip ay siya ang gagamitin ko.” Hindi ba nabaligtad ang kalagayang ito? Hindi ba ito isang paraan ng pagsasagawa? Isang paraan ito ng pagsasagawa. Ngayon paano ka nakapagsagawa sa ganitong paraan? Kung hindi ka nakipagtulungan, at hindi tinalikuran ang mga pansarili mong intensyon, makakamit mo kaya ang resultang ito? Tiyak na hindi. Kaya naman, mahalaga ang pagtutulungan ng mga tao. Dapat kang tunay na makipagtulungan—ibig sabihin, dapat kang magsikap tungo sa katotohanan, at magsikap sa mga hinihingi ng Diyos. Kung hindi mo pipiliin na kumilos sa ganitong paraan, kung hindi ka magsusumikap patungo sa katotohanan, hindi ka nakikipagtulungan kung gayon. Ang tunay na pakikipagtulungan ay lubos na pagpapasakop sa katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng saloobin at pagpapasya na magpasakop sa katotohanan na maaari mong talikuran ang iyong mga personal na intensyon, mga kagustuhan, at pangangatwiran. Sa ganitong paraan, maaaring baligtarin ang mali mong kalagayan. Ang pagtrato nang patas sa mga tao ay nangangahulugan na kaya mong tumanggap at magpasakop kapag may ibang nagsasalita ng tama at naaayon sa katotohanan, anuman ang sitwasyon ng taong iyon. Kung palagi kang may mga pagkiling sa isang tao, at minamaliit mo siya, at ayaw mong makipag-usap nang madalas sa kanya kahit na ginamit mo na siya, minamaliit mo pa rin siya sa iyong puso, nang hindi ganap na nababaligtad ang kalagayan mo, nagpapakita ito na nasa loob mo pa rin ang bulok na ugat ng iyong tiwaling disposisyon. Ang isang maliit at walang halagang kalagayan ay maaaring magdulot sa iyo ng labis-labis na pagdurusa—problema ba ito sa disposisyon mo? Problema ito sa kalikasang diwa ng tao. Dapat mong baligtarin ang maling kalagayang ito. Hindi mo dapat limitahan ang taong ito dahil lang sa nalaman mong may ilan siyang kahinaan—sigurado namang mayroon din siyang ilang kagalingan at kalakasan, at dapat kang lalong makipagbahaginan sa kanya at subukang magkaroon nang mas malalim na pag-unawa sa kanya. Kapag nakita mo ang kanyang mga kalakasan at natuklasan na akma ang mga ito para sa nasabing tungkulin, unti-unti mong makikita ang pagiging kasuklam-suklam mo at ang pagiging kahiya-hiya mo, at mapagtatanto na ang pagtatalaga sa kanya sa tungkuling ito at pagtrato sa kanya sa ganitong paraan ay patas at naaayon sa katotohanan. Pagkatapos, mas mapapalagay ang loob mo. Kapag binanggit ang taong ito, mapapalagay ang konsiyensiya mo, na hindi mo binigo ang Diyos, at na isinagawa mo ang katotohanan. Habang tumatagal, magbabago ang pananaw mo sa taong ito. Paano nakakamit ang lahat ng ito? Ang Diyos ang gumagawa nito—paunti-unting gumagawa sa loob mo ang katotohanan, at binabago at binabaligtad nito ang iyong kalagayan. Subalit ito ay simula pa lamang. Kung muli kang mahaharap sa parehong isyu, walang katiyakan na magagamit mo rin ang parehong pamamaraan na ginamit mo sa naunang tao upang ayusin ito. Maaari kang makaranas ng iba at samot-saring kapaligiran, tao, sitwasyon, o maaari kang subukan ng mga bagay kung gaano kalaki ang iyong pagmamahal sa katotohanan, at subukan ang iyong pagpapasya na talikuran ang iyong mga sariling tiwaling disposisyon at ang iyong sariling kalooban. Ito ay mga pagsubok ng Diyos. Kapag, sa lahat ng iyong pakikitungo sa ibang tao, maging sino man sila, at mabuti man o masama ang inyong relasyon, malapit man sila sa iyo o hindi, sumisipsip man sila sa iyo o hindi, at anuman ang kanilang kakayahan, magagawa mong tratuhin sila nang patas at tumpak, lubos na magbabago ang iyong kalagayan. Kapag ang paraan ng iyong pagtrato sa iba ay hindi nakabatay sa iyong mga haka-haka, sa iyong mga damdamin, o sa pagiging mainitin ng iyong dugo, nakamit mo na nga ang aspetong ito ng katotohanan. Wala ka pa roon. Ang lahat ng iba’t ibang tiwaling disposisyon sa loob mo ay kinokontrol pa rin ang iyong pag-uugali, kinokontrol ang paraan mo ng pag-iisip at ang iyong isipan. Naging kalikasan mo na ang mga bagay na ito sa loob mo, na kumokontrol sa iyo, at hindi mo pa nagiging buhay ang katotohanan. May kaunti ka lang na mabuting pag-uugali, ngunit sa likod ng mabuting pag-uugaling ito, ang lahat ng iba’t ibang kalagayan at kaisipan na inihahayag mo at kinikimkim mo sa loob ng iyong puso ay nagmumula sa iyong mga tiwaling disposisyon, at kinakalaban ang katotohanan. Kapag ang lahat ng kalagayan at kaisipan mong ito ay naging makatwiran at umayon sa mga prinsipyo at sa katotohanan, hindi na makokontrol ng mga tiwaling disposisyon mo ang mga kaisipan o ang pag-uugali mo—kung gayon nga, tunay nang nagbago ang disposisyon mo. Hindi mo na kakailanganing talikuran ang mga tiwaling disposisyon mo o pigilan ang iyong sarili. Magagawa mo nang direktang kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Maniniwala kang ito ang dapat mong gawin at iisipin mo na hindi naman talaga mahirap ang pagsasagawa ng katotohanan. Kapag nangyari na ito, nagiging buhay mo na ang katotohanan. Wala pa kayong lahat doon—kailangan pa rin ninyong ipagpatuloy ang paghahangad ninyo sa loob ng ilang panahon. Hindi sapat na kaunting doktrina lamang ang nauunawaan at mayroong kaunting sigasig; napakaliit pa ng tayog ninyo. Dapat ninyong maranasan ang mga salita ng Diyos, isagawa ang katotohanan, at magsalita tungkol sa inyong patotoong batay sa karanasan at sa inyong tunay na pag-unawa—at magkakaroon ka ng realidad. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng tunay na tayog. Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang kakayahang magbigay ng patotoo—masyado pa ring mababaw ang kanilang karanasan, at dapat magbasa pa sila nang mas maraming salita ng Diyos, makinig pa sa mas maraming sermon, at mag-aral pa nang mas maraming himno. Matapos maranasan ang maraming bagay, magkakamit sila ng tunay na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, at madarama na napakapraktikal ng mga salita ng Diyos, kayang-kayang magsilbi bilang buhay ng isang tao, na kayang-kaya nitong ipasabuhay sa mga tao ang tunay na wangis ng tao, at na magagamit ang mga ito bilang tugon sa lahat ng uri ng mga tukso ni Satanas. Tanging ang mga taong nagkamit ng ganitong pag-unawa ang may tayog at tunay na naging mga tao ng Diyos. Maraming tao ang hindi makapagbahagi ng katotohanan o makapagkuwento tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Dahil ito sa hindi pa nila nagiging buhay ang katotohanan, at, bilang resulta, nabubuhay sila sa kapagod-pagod at kaawa-awang mga buhay, nabubuhay sila sa lahat ng uri ng kapangitan, at ang kanilang buhay ay kalunos-lunos. Ano ang naidudulot ng mga tiwaling disposisyon sa mga tao? Nagdadala ang mga ito ng pagdurusa, poot, sama ng loob, pagkanegatibo, pati na pagmamataas, pagmamatuwid, mga kasinungalingan, pandaraya, panlilinlang, at ang paniniwala na ang isang tao ay nakahihigit sa lahat. Kung minsan, nagiging sanhi ang mga ito para ang mga tao ay sumuko sa kawalan ng pag-asa, magsalita nang may maling pangangatwiran, at lumaban. Sa ibang pagkakataon, inaakay ng mga ito ang mga tao na isipin kung gaano sila kaawa-awa, at kung gaano sila nag-iisa at hindi sinusuportahan, at magpakita ng isang kahabag-habag at malungkot na wangis. Naniniwala sa Diyos ang mga tao sa loob ng maraming taon, ngunit hindi pa rin nila nauunawaan ang katotohanan, nagsasalita lamang sila ng walang katuturan, at sinasabi nila na sila ay nag-iisa at hindi sinusuportahan. Ang Diyos ang katotohanan, Siya ang suporta ng tao, ngunit hindi umaasa sa Kanya ang mga tao, lumalayo sila sa Kanya, sumusunod sila kay Satanas, at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya. Hindi ba napakagulo ng mga taong ganito? Ganitong lahat ang mga taong hindi naghahangad ng katotohanan. Yaong mga nakauunawa sa katotohanan ay palapit nang palapit sa Diyos—kung hindi mo nauunawaan at wala kang natamo kahit katiting na katotohanan, kung gayon napakalayo mo sa Diyos, at maaaring hindi ka magkaroon kahit na isang normal na relasyon sa Diyos. Kung nauunawaan mo ang katotohanan at kayang isagawa ang katotohanan, at ang katotohanan ay ang naging buhay sa loob mo, kung gayon, nasa iyong puso ang Diyos. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan at nabigong makamit ito, at hindi mo rin kayang isagawa ang katotohanan, kung gayon hindi mo Diyos ang Diyos at hindi Siya naninirahan sa loob mo. Kung hindi mo maestro ang katotohanan, at hindi ito ang nagdidikta ng lahat ng bagay tungkol sa iyo, katumbas ito ng hindi pagdidikta ng Diyos ng lahat ng tungkol sa iyo. Ibig sabihin, hindi mo ibinigay ang sarili mo sa Diyos, at ikaw pa rin ang namamahala sa iyong buhay. Kung ikaw ang namamahala sa iyong buhay, sino talaga ang namamahala? Ito ay ang mga tiwaling disposisyon mo; hindi ang katotohanan ang namamahala. Kapag hindi mo na kailangang pag-isipang mabuti ang mga salita mo, kilos, pag-uugali, pangangasiwa sa mga bagay, ang pagtupad mo sa iyong tungkulin, ang paraan ng pagtrato mo sa mga tao, at maging ang pang-araw-araw mong buhay, kung ano ang iyong kinakain, at kung paano ka manamit, kapag kaya mong pangasiwaan ang lahat ng mga gawain mo ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon ay namumuhay ka nang may tunay na wangis ng tao at nakamit mo na ang katotohanan.
Sa ngayon, isang bagay na napakahalaga ang pagsasagawa ng katotohanan at mangmang at hangal ang sinumang hindi nagsasagawa nito. Yaong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan ay walang kakayahang maranasan ang gawain ng Diyos—iniisip nila na kailangan mo lamang maniwala sa Diyos upang matamo ang mga pagpapala, at hindi na kailangang isagawa ang katotohanan at magbayad ng halaga. Maraming ganitong uri ng tao sa mundo ng relihiyon. Sa loob ng sambahayan ng Diyos, alam ng karamihan kung paano isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain at inililigtas ang sangkatauhan, at ang mga layunin at kinakailangan ng Diyos para sa mga tao. Paunti nang paunti ang mga tao sa loob ng sambahayan ng Diyos na hindi nagsasagawa ng katotohanan. Sa ngayon, lahat kayo ay nakauunawa pagdating sa doktrina na matatamo lamang ninyo ang disposisyonal na pagbabago at makakamit ang kaligtasan sa pamamagitan ng paghahangad at pagsasagawa ng katotohanan, ngunit medyo malabo pa rin kayo pagdating sa landas kung paano isagawa ang katotohanan at pumasok sa katotohanang realidad. Bilang resulta, mabagal ang pagpasok ninyo sa buhay. Ang pagsasagawa ng katotohanan ang susi sa pagpasok sa katotohanang realidad—isang malaking problema ang hindi maisagawa ang katotohanan. Ipinangangaral pa rin ba ninyong lahat ang mga salita at doktrina? (Oo.) Kung gayon, pagkatapos ninyong gawin ito, kaya na ba ninyong isagawa ang mga salita at doktrinang ito? Kung hindi ninyo maisasagawa ang mga ito, nagpapatunay ito na hindi pa rin ninyo nauunawaan ang katotohanan, kundi mga doktrina lamang, at hindi ninyo pa rin tinataglay ang katotohanang realidad. Alam ng ilang tao na dapat silang maging tapat, ngunit hindi sila makawala sa mga gapos ng pagsisinungaling at panlilinlang. Sinasabi ng ilang tao na handa silang magpasakop sa Diyos, ngunit kapag pinungusan sila ay hindi nila kayang magpasakop. Nagsasalita ang ibang tao tungkol sa mga doktrina sa paraang mukhang tama, at nagbibigay ng impresyon na nasa kanila ang katotohanang realidad, ngunit wala silang tunay na kaalaman sa kanilang sarili. Ang ibang tao naman ay naniniwala na napakaespirituwal nila dahil nagagawa nilang magsalita tungkol sa espirituwal na teorya, ngunit hindi nila kayang magkaroon ng tunay na kaalaman sa sarili, at kulang sila ng tunay na pagpapasakop, ito man ay sa kanilang mga tungkulin o sa tuwing nangangasiwa sa mga gawain. Ano ang ugat ng lahat ng isyung ito? Dahil ito sa kawalan nila ng kakayahang tanggapin ang katotohanan. Kung hindi tumatanggap ng katotohanan ang isang mananampalataya sa Diyos, talaga bang naniniwala sila sa Kanya? Kung hindi nila matanggap ang katotohanan, hindi nila malulutas ang alinman sa kanilang mga problema. Tanging yaong mga tumatanggap sa katotohanan ang makapagsasagawa nito at magagawang makilala ang kanilang sarili. Gaano man karaming salita at doktrina ang binibigkas ng isang tao, ang susi ay ang pagsasagawa ng doktrinang iyon, iyan ang pinakamahalaga. Ang mga katotohanang isinasagawa ng isang tao ay ang realidad—kung ang isang tao ay hindi kayang isagawa ang katotohanan, kulang sila sa realidad. Kayang mangaral nang napakalinaw ng ilang tao tungkol sa mga salita at doktrina, ngunit sa totoo lang ay kulang sila sa kalinawan sa maraming katotohanan, hindi nila natutukoy ang ilang bagay, at hindi nila nauunawaan ang mga ito, at napakalimitado ng bilang ng mga katotohanang naisasagawa nila. Bilang resulta, nahihirapan ang gayong mga tao na magsulat ng mga patotoong batay sa karanasan—nakapagsusulat lang sila ng ilang salita at doktrina, nang walang anumang pang-araw-araw na pananalita o praktikal na karanasan. May landas na ba kayo ngayon kung paano dapat lutasin ang isyung ito ng pagbigkas ng mga salita at doktrina? Upang malutas ang isyung ito ng pagbigkas ng mga salita at doktrina, dapat ninyong isagawa ang katotohanan—kapag mas isinasagawa ninyo ang katotohanan, mas nagsisikap kayo sa katotohanan at sa inyong pagsasagawa, mas maraming salita ng karanasan at pagsasagawa ang makukuha ninyo. Kung mas maraming salita ng karanasan at pagsasagawa ang tinataglay ninyo, mas kaunti ang pagbigkas ninyo sa mga salita at doktrina. Paano makakamit ng isang tao ang realidad? Sa proseso ng pagsasagawa ng katotohanan, nagkakaroon ng ilang karanasan ang mga tao at nalalantad sa kanila ang ilang bagay, nagbubunyag sila ng mga tiwaling disposisyon, nagbubunga ng lahat ng uri ng kalagayan, at pagkatapos ay hinahanap nila ang katotohanan, hinihimay ang kanilang iba’t ibang tiwaling kalagayan, at hinahanap ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa. Nauunawaan at naisasagawa nila ang katotohanan. Ito ang totoong karanasan sa buhay. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at ayaw mo itong isagawa, hindi ka dadaan sa prosesong ito, at kung wala ang prosesong ito ay mabibigo kang magkaroon ng pagpasok sa buhay. Kung marami kang mararanasan sa prosesong ito, magkakamit ka ng isang malinaw na pag-unawa sa katotohanan, magkakaroon ka ng kakayahang malinaw na matukoy ang mga tiwaling disposisyon, at mas magiging malinaw ang landas na dapat mong sundin sa pagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi mo pa napagdaanan ang prosesong ito ng pagsasagawa at pagdanas, at mayroon ka lamang literal, doktrinal na pag-unawa at pag-intindi sa mga salita ng Diyos, kung gayon, ang lahat ng ipangangaral mo ay magiging mga doktrina lamang, dahil mayroong pagkakaiba sa literal mong pag-unawa at aktuwal mong karanasan. Paano lumalabas ang mga doktrina? Kapag hindi isinasagawa ng isang tao ang mga salita ng Diyos at walang karanasan sa buhay, kundi nauunawaan lamang, sinusuri, at ipinapaliwanag ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, at saka ipinangangaral ang mga ito, lumilitaw ang mga doktrina. Maaari bang maging realidad ang mga doktrina? Kung hindi mo isinasagawa o nararanasan ang katotohanan, hinding-hindi mo ito mauunawaan. Ang mga simpleng literal na pagpapaliwanag ng katotohanan ay habambuhay na magiging mga doktrina. Gayunpaman, kung isasagawa mo ang katotohanan, mapapansin at mararamdaman mo na itinatakwil mo ang ilan sa iyong katiwalian, humahakbang ka patungo sa iyong kaligtasan, at lumalapit sa mga hinihingi ng Diyos. Magiging praktikal ang kaalaman, mga kaisipan, mga ideya, mga damdamin at iba pang bunga niyon. Paano nakakamit ang realidad? Nakakamit ito sa pamamagitan ng karanasan sa pagsasagawa ng katotohanan; kung hindi isinasagawa ng isang tao ang katotohanan, hinding-hindi siya magkakaroon ng realidad. Marahil sasabihin ng ilang tao, “Hindi ko isinasagawa ang katotohanan, pero nakapangangaral pa rin ako ng mga tunay na sermon.” Maaaring tila tama at ganap na makatotohanan sa iba ang ipinangangaral mo nang sandaling iyon, pero wala pa rin silang daan ng pagsasagawa pagkatapos. Nagpapatunay ito na ang lahat ng nauunawaan mo ay doktrina pa rin. Kung hindi mo isinasagawa ang mga salita ng Diyos at wala kang tunay na karanasan o kaalaman sa katotohanan, kapag ang isang kalagayang hindi mo pa kailanman naisaalang-alang dati ay nangyari sa ibang tao, hindi mo malalaman kung paano ito lulutasin. Kapag bihirang nagsasagawa ng katotohanan ang isang tao, imposible talagang maunawaan nila ito. Sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa pa ng katotohanan nila ito tunay na mauunawaan, at doon lang nila maiintindihan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ng katotohanan. Kung wala kang karanasan ng katotohanan, sadyang mga doktrina lang ang maipangangaral mo. Sasabihan mo ang ibang sumunod sa mga tuntunin gaya lang ng ginagawa mo. Kung walang totoong karanasan sa buhay, hindi mo kailanman maipangangaral ang realidad ng katotohanan. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi katulad ng pag-aaral. Ang pag-aaral ay palaging tungkol sa pagsusumikap sa mga salita at pahayag; ayos lang na magsulat lamang ng mga tala, magsaulo, magsuri, at magsiyasat. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay ang eksaktong kabaligtaran; dapat kang umasa sa praktikal na karanasan upang makamit ang mga resulta ng pag-unawa sa katotohanan at ng pangangasiwa ng mga bagay ayon sa mga prinsipyo. Sinumang handang magsagawa ng katotohanan sa sandaling maunawaan nila ito ay makakawala sa kanilang mga tiwaling disposisyon—kapag mas maraming katotohanan ang kanilang isinasagawa, mas maraming tiwaling disposisyon ang magagawa nilang iwaksi. Yaong mga nakauunawa sa katotohanan ngunit hindi nagsasagawa nito ay hindi kailanman makakawala sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya, ang paghahanap, pag-unawa, at pagsasagawa ng katotohanan ay ang landas sa paglutas ng mga tiwaling disposisyon.
Disyembre 11, 2017