Mga Salita sa Iba Pang Paksa (Sipi 93)

Ano ang inaasahan ng mga hindi nakauunawa sa katotohanan kapag gumagawa sila ng mga bagay? Umaasa sila sa mga pamamaraan ng tao, sa katalinuhan ng tao, at sa munting pagkamalikhain ng tao. Kapag nagawa at natapos na ang mga bagay sa pamamagitan ng mga ito, ang mga tao ay nagiging mayabang. Pakiramdam nila ay mayroon silang puhunan at puwede nilang ipagyabang at ipagmalaki ang kanilang senyoridad. Ang tawag dito ay kawalan ng katwiran. Ang totoo, hindi nila alam kung ang kanilang nagawa ay naaayon ba sa mga layunin ng Diyos o hindi. Hindi sila nakauunawa, wala silang kabatiran. Kaya, kung may mangyari sa kanila, ang gayong mga tao ay mahilig makipagtalo sa maliliit na bagay. Kapag sila ay nakakagawa ng mga pagkakamali sa pagganap nila sa kanilang tungkulin at sila ay pinupungusan, humahanap sila ng mga panlabas na dahilan, sinisisi ang ganito at sinisisi ang ganyan. Sinisisi nila ang mga kaawa-awang kalagayan, sinisisi nila ang kanilang mga sarili dahil hindi nila pinag-isipan nang husto ang mga bagay nang oras na iyon. Naghahanap lamang sila ng mga panlabas na dahilan; hindi nila inaamin na hindi nila nauunawaan ang katotohanan, o na hindi nila naintindihan ang mga katotohanang prinsipyo. Ang kanilang puso ay negatibo at puno ng maling pagkaunawa sa Diyos, at naniniwala sila na ibinunyag sila ng Diyos. Ito ba talaga ang sitwasyon? Sa pagganap nila sa kanilang tungkulin, inihahayag nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Gumagawa sila ng mga bagay nang walang anumang mga prinsipyo at walang anumang kaugnayan sa katotohanan. Kahabag-habag sila. Ang gayong mga tao ay gumaganap sa kanilang tungkulin nang walang pagpapasakop; hindi masasabi na sila ay mayroong anumang katapatan o debosyon, at ang pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan ay lalong labas sa usapan. Palagi silang umaasa sa mga pamamaraan ng tao upang gumawa ng mga bagay, kumikilos at nagsusumikap lang sa panlabas, ngunit sa huli ay bigo pa rin silang maunawaan ang katotohanan. May mga pagbabago ba sa mga disposisyon sa buhay ng mga taong ito? Ang kaugnayan ba nila sa Diyos ay normal? Mayroon bang anumang mabuting pagbabago sa kanilang pagpapasakop at pagkatakot sa Diyos? (Wala.) Walang mabuting pagbabago sa kanilang mga buhay. Walang pagbabago sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Lalo lang silang nagiging mas tuso at mas lihis, gumagamit ng mas mapanlinlang na mga pamamaraan at lalo pa ngang nagiging mayabang. Anuman ang kanilang hinaharap, nabubuhay pa rin sila sa pilosopiya ni Satanas, na paulit-ulit na binubuod ang kanilang mga karanasan at mga aral na natutunan, tinatandaan kung saan sila bumagsak at nabigo, at kung anong mga aral ang dapat nilang matutunan upang maiwasang muling bumagsak at mabigo. Palagi nilang binubuod ang kanilang mga karanasan at mga aral na gaya nito, na ni hindi man lamang hinahanap ang katotohanan. Mawawaksi ba ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon habang siya ay nabubuhay sa pilosopiya ni Satanas? Kung ang kanyang tiwaling disposisyon ay hindi mawawaksi, makakamtan ba niya ang kaligtasan? Ang kabiguang maunawaan ang mga bagay na ito ay mapanganib, na walang paraan para makapasok sa tamang daan ng pananampalataya sa Diyos. Pagkatapos ng napakaraming taon ng pananampalataya sa Diyos sa paraang basta-basta lamang, makakamtan ba niya ang katotohanan? Magiging normal pa ba ang kanyang konsiyensiya at katwiran? Makapamumuhay ba siya nang may normal na pagkatao? (Hindi.) Ang pagbubuod sa mga karanasan at aral gaya nito at pagbabago sa pag-uugali ng isang tao ay maaaring makabawas sa mga pagkakamali, ngunit ito ba ay maibibilang bilang pagsasagawa ng katotohanan? (Hindi.) Ang taong ito ba ay makapapasok sa mga katotohanang realidad? (Hindi.) Mayroon bang puwang sa puso ng gayong tao ang Diyos? (Wala.) Yaong mga kumikilos nang walang pagpapahalaga sa katotohanan, o para sa Diyos, ay mga hindi mananampalataya na hindi kayang magkamit ng kaligtasan ng Diyos! Makikilala ba ninyo ang mga taong gaya nito?

Kapag may ginagawa ang isang tao, ito man ay ginagawa niya bilang pagtupad sa kanyang tungkulin o bilang pagtugon sa mga personal na bagay, bigyan mo ng pansin kung saan nakatuon ang kanyang atensyon. Kung siya ay tumutuon sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, nagpapakita ito na hindi niya minamahal o hinahangad ang katotohanan. Kung ang isang tao ay nagsisikap tungo sa katotohanan kahit ano pa ang mangyari sa kanya, kung palagi niyang inaabot ang katotohanan sa kanyang pagninilay, na nag-iisip: “Ang paggawa ba nito ay nakaayon sa kalooban ng Diyos? Ano ang mga hinihingi ng Diyos? Ang paggawa ba nito ay pagkakasala sa Diyos? Pagkakasala ba ito laban sa Kanyang disposisyon? Ito ba ay makakasakit sa Diyos? Ito ba ay kasusuklaman ng Diyos? Mayroon bang saysay sa paggawa nito? Ito ba ay makaaabala o makagugulo sa gawain ng iglesia? Ito ba ay makasasama sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ito ba ay magdadala ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos? Ito ba ay pagsasagawa ng katotohanan? Ito ba ay paggawa ng masama? Ano ang iisipin ng Diyos tungkol dito?” kung palagi niyang pinag-iisipan nang mabuti ang mga katanungang ito, ito ay tanda ng ano? (Ito ay isang tanda na hinahanap at hinahangad niya ang katotohanan.) Tama iyan. Ito ay isang tanda na hinahanap niya ang katotohanan, at na ang Diyos ay nasa puso niya. Paano hinaharap ng mga tao na walang Diyos sa kanilang puso kung anong nangyayari sa kanila? (Sila ay kumikilos batay sa kanilang sariling katalinuhan at mga kaloob, at wala silang anumang kaugnayan sa Diyos, at ang kanilang mga gawa ay sadyang hinahaluan ng kanilang mga sariling hangarin.) Hindi lamang nila inihahalo ang kanilang mga sariling hangarin, kundi kapag sila ay kumikilos ayon sa kanilang mga sariling hangarin, hindi nila sinusuri o pinagninilayan man lamang ang kanilang mga sarili. Wala silang isinusuko, at matigas ang ulo na ipinipilit na manatili sa kanilang sariling mga pamamaraan. Ginagawa nila ang mga bagay kung paano man nila maibigan, hindi sila nananalangin sa Diyos, at hindi nila hinahanap ang katotohanan. Wala silang kaugnayan sa Diyos. Hindi ba’t madali para sa gayong mga tao na gumawa ng mali at magkasala laban sa disposisyon ng Diyos? Hindi ba’t lubha itong mapanganib? Ano-anong katangian ang ipinakikita ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan sa kanilang buhay sa araw-araw, sa paraan kung paano sila kumikilos at gayundin sa mga disposisyon na kanilang inihahayag? (Kumikilos sila nang padalus-dalos at walang pagpipigil, hinahamak ang iba, lalong higit na mayabang at may masamang pamumuhay, at gumagawa ng mga desisyon na isahang panig lamang.) Pangunahin ay ito ang mga bagay: Sila ay mayabang, may labis na pagtingin sa sarili, walang habas na padalus-dalos, may masamang pamumuhay, at hindi nagpipigil; sila ay kumikilos nang walang katwiran, gumagawa ng mga bagay kung paano nila maibigan, at palaging walang kontrol at lumalabag sa batas. Kung hindi sila napupungusan, inilalabas nila ang kanilang mga pangil. Kapag sila ay nahaharap sa pagpupungos, sila ay negatibo, galit, lumalaban, at suwail, at ang kanilang kalikasang demonyo ay ganap na nalalantad. Kapag ang mga taong ito na hindi naghahangad sa katotohanan ay walang ginagawa o sinasabing anuman, sila ay lumilitaw na parang mga karaniwang tao. Ngunit sa oras na mayroon silang gawing isang bagay, lumilitaw ang kanilang mga tiwaling disposisyon at ito ay malupit at parang hayop. Sa mga salita ng Diyos, paano inilalarawan ang gayong mga tao? (“Ang nakikita sa inyo ay hindi ang kapilyuhan ng mga batang napalayo sa kanilang mga magulang, kundi ang kabangisang lumalabas mula sa mga hayop na hindi abot ng mga latigo ng kanilang mga amo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Pagkaunawa Mo sa Diyos?).) Ang mga disposisyon na inihahayag ng gayong mga tao ay mailalarawan bilang parang hayop, at salat sila sa normal na pagkatao. Kung mayroong gayong mga tao sa isang malaking pagtitipon, makikilala niyo ba sila? (Bahagya.) Yaong mga naghahanap sa katotohanan at yaong mga hindi ay ganap na magkaiba sa kung paano sila kumikilos at kung ano ang kanilang inihahayag. Ang malinaw na mga pagpapamalas ng mga hindi naghahanap sa katotohanan ay ang kawalan ng katwiran, kawalan ng konsiyensya, at pagkilos nang walang pagpapahalaga sa mga katotohanang prinsipyo. Sila ay kumikilos nang walang habas at nang walang ingat, at sila ay mapangahas sa pinakasukdulan. Yaong mga hindi naghahangad sa katotohanan ay parehong kahabag-habag at kasuklam-suklam. Ginagawa nilang hangal ang kanilang mga sarili, na walang dinadalang anumang pakinabang sa ibang tao. Kung wala silang hatid na pakinabang sa iba, kasusuklaman ba sila ng Diyos kung gayon? (Oo.) Sila ba mismo ay mayroong anumang kaalaman ukol dito? (Wala.) Bakit ko sinasabi na sila ay kahabag-habag? Ito ay dahil gayon nga sila ngunit ni hindi nila ito napagtatanto. Wala silang anumang pagkakatulad sa wangis ng tao ngunit iniisip pa rin nila na sila ay maayos, at malakas pa ang loob nilang kumilos nang padalus-dalos. Hindi ba’t iyan ay kahabag-habag? Sa pagkilatis sa mga tao, ang pangunahing bagay ay kilalanin kung sila ay nagsasagawa ng katotohanan o hindi, naghahanap ng katotohanan, at tumatanggap ng katotohanan. Ganito mo sila makikilatis nang wasto, at makikita nang malinaw ang lahat ng mga kategorya ng mga tao.

Kayo ba yaong mga naghahangad sa katotohanan? (Hindi namin ito hinangad noon, ngunit ngayon ay nagsisikap kami para rito.) Sa nakalipas na ilang taon, noong hindi ninyo hinangad ang katotohanan, nagpakita ba kayo ng mga pag-uugali na kababanggit Ko lang? (Oo, nagpakita kami.) Nang nagpakita kayo ng gayong mga pag-uugali, hindi ba nasaktan ang inyong kalooban na kayo ay nabuhay sa kalagayang gaya niyan? (Oo, kami ay nagdurusa, ngunit hindi namin ito napagtanto.) Labis na kahabag-habag na hindi ito mapagtanto! Kapag hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan at wala siyang katotohanang realidad, iyan ang pinakakahabag-habag at katangis-tangis. Ang panghawakan ang mga katotohanang ito, madalas na nakikinig sa mga sermon, ngunit hindi nagkakamit ng anuman at nabubuhay pa rin sa mga gapos ni Satanas, kumikilos at nagsasalita nang walang katwiran, malinaw na salat sa pagkatao—ito ay labis na kahabag-habag! Kaya, ang paghahangad sa katotohanan ay labis ang kahalagahan! Napagtatanto na ninyo ito ngayon, hindi ba? (Oo, napagtatanto namin ito.) Mabuti’t napagtatanto ninyo ito. Ang nakababahala ay kapag walang malasakit at hirap umunawa ang mga tao, at hindi ito mapagtanto. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan at hindi niya ito alam, hindi iyon isang mabigat na problema. Ang higit na nakapag-aalala sa lahat ay iyong napagtatanto ito ng isang tao ngunit hindi pa rin niya hinahangad ang katotohanan, at hindi siya ganap na nagsisisi. Ito ay isang sinasadyang paglabag. Yaong mga lumalabag kahit alam nila at lubos na tumatanggi na tanggapin ang katotohanan, ay mapagmatigas sa kanilang puso at may masamang hangarin, at tutol sa katotohanan. Maaari bang maging mga taong may takot sa Diyos yaong mga mapagmatigas? Kung hindi sila natatakot sa Diyos, makakamtan ba nila ang pagiging kaayon ng Diyos? (Hindi.) Anong mga pag-uugali mayroon ukol sa Diyos yaong mga may mapagmatigas na puso? Sila ay lumalaban, mapaghimagsik, at hindi nagsisisi, at lubos nilang hindi kinikilala na ang Diyos ang katotohanan. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan at sinasalungat nila ang Diyos hanggang sa wakas! Ano ang kahihinatnan ng gayong mga tao? (Sila ay parurusahan ng Diyos at lilipulin.) Hindi inililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Yaon bang 250 na mga pinuno na nabanggit sa Bibliya ay mga mapagmatigas at suwail na tao? Anong nangyari sa kanila sa huli? (Sila ay nilamon ng lupa.) Iyan ang kinalabasan. Gaano man katagal nananampalataya sa Diyos ang isang tao, kung hindi niya alam ang kahalagahan ng paghahangad sa katotohanan, kung hindi niya nauunawaan ang pagiging kasuklam-suklam at ang mga bunga ng pagtutol sa katotohanan, kung gayon, ano ang magiging kahihinatnan niya? Siya ay tiyak na ititiwalag. Ang mga bagong mananampalataya ay hangal at salat sa kaalaman, na hindi pa nila nalalaman kung paano isagawa ang mga tamang tungkulin o ang tamang landas na lalakaran. Iyan ang nakahahabag na aspeto ng mga tao. Kung ikaw ay nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon at kaya mong gawin ang iyong tungkulin, ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan, iyan ay pagtatrabaho lamang. Kung kaya mong gawin ang iyong tungkulin nang may katapatan, handang magtrabaho, hindi gumawa ng masama, at hindi magdudulot ng mga kawalang-kaayusan o mga kaguluhan, kung gayon, kahit na hindi mo pa hinahangad ang katotohanan, dahil kaya mong gawin ang iyong tungkulin nang may katapatan, hindi ka pa rin kokondenahin ng Diyos. Ngunit kung mauunawaan na ng isang tao ang ilan sa mga katotohanan, at mapagtatanto ang kahalagahan ng paghahangad sa katotohanan, ngunit hindi pa rin hinahangad ang katotohanan, kung gayon ang kaligtasan ay hindi magiging madali para sa kanya. Sa pinakamabuti, maaari siyang manatili bilang isang matapat na trabahador. Para sa mga ayaw magtrabaho, nakikipagkompetensiya para sa kapangyarihan at pakinabang, at ginugulo ang buhay at gawain ng iglesia, ang kanilang kahihinatnan ay selyado na. Sila ay nahulog na sa kapahamakan at naghihintay ng kamatayan. Dapat silang maghanda para sa kung ano ang darating!