Mga Salita sa Iba Pang Paksa (Sipi 81)

Ang mga sumusunod sa Diyos ay dapat man lang kayang talikuran ang lahat ng mayroon sila. Minsang sinabi ng Diyos sa Bibliya, “Sinuman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad Ko” (Lucas 14:33). Ano ang ibig sabihin ng pagtanggi o pagtalikod sa lahat ng tinatangkilik? Ang ibig sabihin nito ay na talikuran ang pamilya, talikuran ang trabaho, talikuran ang lahat ng makamundong kaugnayan. Madali ba itong gawin? Napakahirap nito. Kung walang kagustuhang gawin ito, hinding-hindi ito maisasakatuparan. Kapag ang isang tao ay may kagustuhang tumalikod, natural na taglay niya ang kagustuhang magtiis ng paghihirap. Kung hindi kayang magtiis ng paghihirap ang isang tao, hindi niya magagawang talikuran ang anuman, kahit na gustuhin pa niya. May ilan naman na, dahil tinalikuran nila ang kanilang mga pamilya at nilayuan ang kanilang mga mahal sa buhay, ay nangungulila matapos nilang gawin ang kanilang mga tungkulin pagtagal-tagal. Kung talagang hindi nila ito matitiis, maaaring palihim silang umuwi upang sumilip, at pagkatapos ay bumalik para gampanan ang kanilang mga tungkulin. Ang ilan na umalis sa kanilang mga tahanan upang gampanan ang kanilang mga tungkulin ay hindi maiwasang hanap-hanapin ang kanilang mga mahal sa buhay sa Bagong Taon at iba pang mga kapistahan, at kapag ang iba ay natutulog na sa gabi, sila ay palihim na umiiyak. Kapag tapos na sila, nananalangin sila sa Diyos at bumubuti ang kanilang pakiramdam, pagkatapos ay ipinagpapatuloy nilang gawin ang kanilang mga tungkulin. Bagama’t nagawa ng mga taong ito na talikuran ang kanilang mga pamilya, hindi nila kayang magtiis ng matinding sakit. Kung hindi man lang nila maiwawaksi ang kanilang mga damdamin para sa mga relasyong ito ng laman, paano nila magagawang tunay na gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos? Nagagawa ng ilang tao na talikuran ang lahat ng mayroon sila at sundin ang Diyos, tinatalikuran ang kanilang mga trabaho at pamilya—ngunit ano ang kanilang layunin sa paggawa nito? Ang ilang tao ay nagsisikap na makakuha ng biyaya at mga pagpapala, at ang ilan ay tulad ni Pablo, na naghahangad lamang ng korona at gantimpala. Iilan lamang ang mga taong tumatalikod sa lahat ng mayroon sila upang makamit ang katotohanan at buhay, at matamo ang kaligtasan. Alin sa mga paghahangad na ito ang naaayon sa mga layunin ng Diyos? Siyempre, ito ay ang paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng buhay. Ito ay ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos, at ito ang pinakamahalagang bahagi ng pananalig sa Diyos. Makakamit ba ng isang tao ang katotohanan kung hindi niya kayang bitiwan ang mga makamundong bagay o kayamanan? Hinding-hindi. May ilang taong tinalikuran ang lahat ng mayroon sila at ginampanan ang kanilang mga tungkulin, ngunit hindi nila hinahangad ang katotohanan, at palagi silang pabasta-basta sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Matapos nilang sumabay lang sa agos sa loob ng ilang taon, wala silang anumang patotoong batay sa karanasan at wala silang anumang nakamit. Ang mga naghahangad lamang ng katanyagan, pakinabang at katayuan at tumatahak sa landas ng mga anticristo ay lalo nang mas mababa ang kakayahang magkamit ng katotohanan. Maraming tao na ang pananalig sa Diyos ay binubuo ng kaunting pagtupad lamang sa kanilang tungkulin sa mga panahong libre sila. Magiging madali ba para sa ganitong mga tao na makamit ang katotohanan? Para sa Akin, hindi. Ang pagkamit ng katotohanan ay hindi isang simpleng bagay. Kailangang magtiis ng maraming paghihirap at magbayad ng malaking halaga ang isang tao. Sa partikular, dapat maranasan ng isang tao ang mga paghihirap na dala ng paghatol at pagkastigo, ng mga pagsubok at pagpipino, at ng pagpupungos. Ang lahat ng paghihirap na ito ay dapat tiisin. Hindi makakamit ng isang tao ang katotohanan nang hindi pinagtitiisan ang matinding sakit. Ilang beses dapat manalangin sa Diyos at maghangad ng katotohanan sa panahong ito ang isang tao? Gaano karaming luha ng panghihinayang ang dapat mapadaloy ng isang tao para sa Diyos? Gaano karaming salita ng Diyos ang dapat basahin ng isang tao bago siya maliwanagan at matanglawan? Ilang espirituwal na labanan ang dapat pagdaanan ng isang tao bago niya madaig si Satanas? At gaano katagal ang proseso ng pagdanas sa mga bagay na ito? Ilang taon bago sa wakas ay makakamit ng isang tao ang katotohanan at matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos? Tingnan ninyo ang karanasan ni Pedro, at malalaman ninyo. Ang pagliligtas at pagpeperpekto ng Diyos sa tao ay kasingsimple ba ng inaakala ng mga tao? Ang pagtalikod sa lahat ng mayroon ang isang tao ay hindi simpleng bagay. Ano ba talaga ang ibig sabihin ng pagtalikod sa lahat ng mayroon ang isang tao? Ang kabilang sa “lahat ng mayroon ang isang tao” ay higit pa sa mga panlabas na bagay, higit pa sa pamilya, mga mahal sa buhay, at mga kaibigan, at higit pa sa propesyon, suweldo, kayamanan, at mga inaasahan ng isang tao. Bukod sa mga bagay na ito, kabilang dito ang mga bagay na tungkol sa isipan at espiritu: ang kaalaman, pagkatuto, pananaw ng isang tao sa mga bagay-bagay, mga tuntunin sa pamumuhay, mga kagustuhan ng laman ng isang tao, pati na rin ang mga bagay na hinahangad at ninanais makamit ng isang tao, tulad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan. Ang pagtalikod sa lahat ng mayroon ang isang tao ay pangunahing binubuo ng mga ito; lahat ito ay bahagi ng ibig sabihin ng pagtalikod sa lahat ng mayroon ang isang tao. Madaling talikuran ang mga panlabas na bagay nang sabay-sabay. Ngunit ang mga bagay na gusto, hinahangad at itinataguyod ng mga tao sa kaibuturan ng kanilang puso ang pinakamahalaga at pinakainiingatan nila, kinakatawan ng mga ito ang lahat ng mayroon ang isang tao, at ang mga ito ang pinakamahirap talikuran. Ang pangunahing dahilan kung bakit karamihan sa mga tao ngayon ay hindi magawang tumalikod ay dahil hindi nila magawang bitawan ang mga bagay na iyon, dahil ang mga iyon ang kanilang pinakapinahahalagahan at pinakainiingatan. Ang katanyagan, pakinabang, at katayuan, halimbawa, o kaya ay kaluwalhatian at kayamanan, ang pinakamamahal na propesyon ng isang tao o ang pinakamahahalagang bagay—ang mga ito ang lahat ng mayroon ang isang tao, at ito ang mga bagay na pinakamahirap talikuran. May isang manager ng bangko na nanalig sa Diyos. Nakita niya na ang mga salita ng Diyos ay tunay ngang ang katotohanan, at nakita niya na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ang gawain ng pagliligtas sa tao. Ngunit nang magpasya siyang talikuran ang lahat ng mayroon siya at sundin ang Diyos, nahirapan siya sa posisyon niya sa bangko. Sa isang sandali, naisip niya, “Ang posisyon ko sa bangko ay isang mahalagang bagay. Malaki ang bayad dito at maimpluwensya ito,” at sa sumunod na sandali, naisip niya, “Sa pananalig sa Diyos, makakamit ko ang katotohanan at buhay na walang hanggan. Iyon ang mahalaga.” Patuloy ang labanan sa kanyang puso. Sa isang sandali ay gusto niyang maging manager ng bangko, at sa sumunod na sandali, gusto niyang manalig sa Diyos. Sa isang sandali ay gusto niyang panghawakan ang pera, at sa sumunod na sandali, gusto niyang makamit ang katotohanan. Sa isang sandali, hindi niya mabitawan ang kanyang katayuan, at sa sumunod na sandali, gusto niyang makamit ang buhay na walang hanggan. Ang puso niya ay nagpabalik-balik at hindi makapagdesisyon. Napakahalaga para sa kanya ng kanyang katayuan bilang isang manager ng bangko, at hindi niya ito mabitiwan. Sa loob ng hindi mabilang na mga buwan, hinarap niya ang labanang ito sa kanyang puso, hanggang sa wakas, at marahil ay nang may pag-aatubili, siya ay bumitiw sa trabaho. Napakahirap para sa kanya na talikuran ang lahat ng mayroon siya! Bagama’t alam niyang ang kanyang posisyon bilang manager ng bangko ay isang panandaliang bagay na maaaring maglaho na parang buga ng usok, hindi pa rin naging madali para sa kanya ang bumitiw. Ang ilang tao ay mga doktor, o abogado, o mga executive na matataas ang posisyon, at malaki ang kanilang mga kinikita at suweldo. Hindi madaling bitawan ang mga bagay na ito; sino ang nakakaalam kung gaano karaming buwan ang aabutin ng pakikipaglaban nila sa kanilang mga sarili para sila ay makabitaw. Kung ang isang tao ay makikipaglaban nang ilang taon bago niya mabibitawan ang mga bagay na ito, at sa puntong iyon ay natapos na ang gawain ng Diyos, magkakaroon pa ba ito ng saysay? Sa oras na iyon, sakuna na lamang ang maaari niyang kahinatnan, kung saan tatangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin. Ikaw ay makakapasok lamang sa kaharian ng Diyos kung magagawa mong talikuran ang lahat ng pinakamahalaga sa iyo upang sundin ang Diyos at gampanan ang iyong tungkulin, at hangarin ang katotohanan at makamit ang buhay. Ano ang ibig sabihin ng makapasok sa kaharian ng Diyos? Nangangahulugan ito na kaya mong talikuran ang lahat ng mayroon ka at sundin ang Diyos, pakinggan ang Kanyang mga salita, at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, magpasakop sa Kanya sa lahat ng bagay; nangangahulugan ito na Siya ay naging Panginoon at Diyos mo. Sa Diyos, nangangahulugan ito na nakapasok ka sa Kanyang kaharian, at anumang mga sakuna ang dumating sa iyo, tataglayin mo ang Kanyang proteksyon at mananatili kang buhay, at ikaw ay magiging isa sa mga tao ng Kanyang kaharian. Kikilalanin ka ng Diyos bilang Kanyang tagasunod, o kaya ay aalukin ng Kanyang pangako na gagawin ka Niyang perpekto—ngunit bilang unang hakbang mo, dapat kang sumunod kay Cristo. Sa ganitong paraan ka lamang magkakaroon ng gagampanang bahagi sa pagsasanay ng kaharian. Kung hindi ka susunod kay Cristo at nasa labas ka ng kaharian ng Diyos, hindi ka kikilalanin ng Diyos. At kung hindi ka kikilalanin ng Diyos, kahit na nais mong maligtas at makamit ang pangako ng Diyos at ang Kanyang pagpeperpekto, makakamit mo ba ang mga bagay na ito? Hindi. Kung nais mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, dapat ay maging kuwalipikado ka muna na makapasok sa Kanyang kaharian. Kung kaya mong talikuran ang lahat ng mayroon ka para mahangad mo ang katotohanan, kung kaya mong hanapin ang katotohanan sa pagganap mo ng iyong tungkulin, kung kaya mong kumilos ayon sa mga prinsipyo, at kung mayroon kang tunay na patotoong batay sa karanasan, nararapat kang makapasok sa kaharian ng Diyos at makatanggap ng Kanyang pangako. Kung hindi mo kayang talikuran ang lahat ng mayroon ka para sundan ang Diyos, hindi ka kuwalipikadong makapasok man lang sa Kanyang kaharian, at wala kang karapatan sa Kanyang pagpapala at sa Kanyang pangako. Maraming tao ngayon ang tumalikod sa lahat ng mayroon sila at gumaganap ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ngunit hindi nangangahulugang makakamit nila ang katotohanan. Kailangang mahalin ng isang tao ang katotohanan at magawa niya itong tanggapin bago niya ito makakamit. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, hindi niya ito makakamit. Hindi pa kasama ang mga gumaganap ng kanilang tungkulin sa mga oras na libre sila—ang karanasan nila sa gawain ng Diyos ay napakalimitado kung kaya’t magiging mas mahirap para sa kanila na makamit ang katotohanan. Kung hindi ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin o kaya ay hindi niya hinahangad ang katotohanan, mawawalan siya ng kamangha-manghang pagkakataon na makamit ang kaligtasan at pagpeperpekto ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na nananalig sila sa Diyos, ngunit hindi nila ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at hinahangad nila ang mga makamundong bagay. Ito ba ay pagtalikod sa lahat ng mayroon sila? Kung ganito manalig sa Diyos ang isang tao, magagawa ba niyang sundan ang Diyos hanggang sa wakas? Tingnan ninyo ang mga disipulo ng Panginoong Jesus: kabilang sa kanila ay mga mangingisda, magsasaka, at maniningil ng buwis. Noong tinawag sila ng Panginoong Jesus at sinabihan na, “Sundan ninyo Ako,” iniwan nila ang kanilang mga trabaho at sumunod sila sa Panginoon. Hindi nila inisip ang isyu ng kanilang trabaho, o ang problema na kung magkakaroon ba sila ng paraan para patuloy na mabuhay sa mundo pagkatapos, at agad-agad silang sumunod sa Panginoong Jesus. Buong-pusong inalay ni Pedro ang kanyang sarili, tinupad ang atas ng Panginoong Jesus hanggang sa wakas at itinaguyod ang kanyang tungkulin. Sa buong buhay niya, hinangad niya ang pag-ibig ng Diyos, at sa huli, ginawa siyang perpekto ng Diyos. Mayroong ilang tao ngayon na hindi man lang kayang talikuran ang lahat ng mayroon sila, ngunit nais pa rin nilang makapasok sa kaharian. Hindi ba sila nananaginip?

Sa pananalig sa Diyos, hindi sapat na magkaroon lamang ng sigasig. Dapat mong maunawaan ang Kanyang mga layunin, ang Kanyang pamamaraan ng pagpeperpekto ng mga tao, kung sino ang mga taong ginagawa Niyang perpekto, at ang saloobin at pananaw na dapat taglayin ng isang tao tungkol sa pagpeperpekto ng Diyos sa mga tao. Higit pa rito, bilang isang tagasunod ng Diyos, dapat malaman ng isang tao kung gaano kahalaga na sundin ang pamamaraan ng Diyos. May kinalaman ito sa usapin ng kung kaya bang makamit ng isang tao ang katotohanan. Ang pagsunod sa pamamaraan ng Diyos ay nangangahulugan ng pagsasagawa ng katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa ng katotohanan na tunay na makapagpapasakop sa Diyos ang isang tao, kung kaya’t ang pagsasagawa ng katotohanan ay mahalaga sa pagkakamit ng katotohanan. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan o hindi niya alam kung paano ito maisasagawa, wala siyang paraan upang makamit ito. Ito ang dahilan kung bakit ang pinakamahalagang bahagi ng pananalig sa Diyos ay ang pagsasagawa ng katotohanan. Tanging ang mga nagsasagawa ng katotohanan lamang ang magagawang magpasakop sa Diyos, sila lamang ang lubos na makakaunawa sa katotohanan, at ang mga ganap na nakakaunawa ng katotohanan lamang ang nakakakilala sa Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay nakakamit sa pamamagitan ng pagsasagawa ng katotohanan. Gaano man karami ang nananalig sa Diyos, tinitingnan ng Diyos kung sino sa kanila ang sumusunod sa Kanyang pamamaraan, kung sino sa kanila ang nagsasagawa ng katotohanan, at kung sino sa kanila ang tunay na nagpapasakop sa Kanya. Ang mga sumasampalataya sa Diyos ay dapat na nakakaunawa sa katotohanan at nagsasagawa nito upang maging mga tao sila na sumusunod sa Kanyang kalooban at nagpapasakop sa Kanya. Ang mga naghahangad ng katotohanan ay dapat munang maunawaan kung bakit dapat manalig sa Diyos ang mga tao sa kanilang buhay, kung paano ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa tao mula nang pumarito Siya sa lupa, at kung ano ang dapat makamit ng isang tao sa kanyang paghahangad sa katotohanan bago niya makamit ang kaligtasan at bago siya maging nararapat na tumanggap ng pangako ng Diyos at ng Kanyang pagpapala. Sa nakaraan, walang nakakaunawa sa mga katotohanang ito. Nanalig ang lahat sa Diyos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at inakala nila na ang pananalig sa Diyos ay tungkol sa pagtanggap ng mga pagpapala, ng korona, at ng gantimpala. Bilang resulta, silang lahat ay sumalungat sa mga layunin ng Diyos, lumihis mula sa tunay na daan, at tumahak sa landas ng mga anticristo. Samakatuwid, kung nais ng isang tao na maunawaan ang katotohanan, makamit ang katotohanan, at maligtas, dapat niyang maituwid ang mga maling pananaw na ito tungkol sa pananalig sa Diyos na nagmula sa nakaraan. Sa partikular, ang mga relihiyosong kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao at ang kanilang mga teolohikong pananaw ay katawa-tawa; lahat ng ito ay salungat sa katotohanan at mga mapanlinlang na maling paniniwala. Hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga pamamaraang pinaniniwalaan ng mga relihiyosong tao. Kung patuloy na itataguyod ng mga tao ang mga pamamaraang iyon ngayon, at hahangarin ang mga pagpapala, ang korona, at ang gantimpala—kung patuloy silang mananalig sa Diyos nang may ganitong saloobin, makakamit ba nila ang katotohanan at buhay? Hinding-hindi. Ano kung gayon ang pananaw na dapat taglayin ng mga tao sa kanilang pananalig sa Diyos? Dapat kang magsimula sa pag-unawa sa mga layunin ng Diyos at malinaw na pagtingin kung paano Niya inililigtas ang mga tao. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, kundi patuloy kang nananalig sa Diyos ayon sa sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, kung patuloy mong hinahangad ang katanyagan, pakinabang, katayuan, kayamanan, at mga makamundong bagay, kahit pa mapanalunan mo ang buong mundo, magiging sulit ba ito kung sa huli ay buhay mo ang magiging kabayaran? Sinasabi ng ilang tao, “Kapag nagkaroon na ako ng sapat na pera at naging matagumpay na ako sa propesyon ko, kapag natupad ko na ang aking mga ambisyon at nakamit ang aking mga pangarap, lalapit na ako at magiging isang mabuting mananampalataya.” Hinihintay ka ba ng Diyos? Hinihintay ka ba ng gawain ng Diyos? Kung hindi mo kayang bitawan ang mga bagay na iyon ngayon, hindi hinihingi ng Diyos na gawin mo ito nang agad-agad, ngunit dapat kang magsanay na bumitaw. Kung talagang hindi mo kaya, manalangin ka sa Diyos at umasa sa Kanya. Hayaan mong gabayan ka Niya. Higit pa rito, dapat kang makipagtulungan at dapat mong gampanan ang iyong mga tungkulin. Ano ang layunin ng pagtupad sa tungkulin ng isang tao? Sa totoo lang, ito ay itinakda upang maghanda ng mabubuting gawa. Kahit na sa huli ay hindi ka ganap na maging perpekto, dapat ay maghanda ka man lang ng ilang mabubuting gawa, upang pagdating ng oras na gagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at parurusahan ang masasama, maaari mong isalaysay ang mga ito sa Kanya. Isang araw, ang gawain ng Diyos ay magwawakas, at sisimulan Niyang gantimpalaan ang mabubuti at parusahan ang masasama. Ipapalabas niya sa iyo ang mabubuti mong gawa, at kung wala ka nito, ito na ang katapusan mo—tiyak na mapaparusahan ka. Sabihin natin, halimbawa, na humigit-kumulang na sampung taon ka nang nananalig sa Diyos, at ang pinakamahalagang tungkuling ginampanan mo ay ang pagpapalaganap lamang ng ebanghelyo sa mga oras na libre ka at dahil dito ay nakapagdala ka ng ilang bagong mananampalataya. Ni hindi mo alam kung ang mga taong iyon ay magagawa bang manindigan hanggang sa huli. Maisasalaysay mo ba ito sa Diyos? Malamang ay hindi. Dapat mong isaalang-alang kung anong uri ng mga resulta ang maisasalaysay sa Diyos, at kung anong uri ng patotoong batay sa karanasan mo ang dapat mong taglayin upang mabigyang-kasiyahan ang Diyos at kilalanin ka Niya bilang Kanyang tagasunod. Hindi ka dapat makuntento sa pagkilala lamang sa katotohanan ng kasalukuyang pagkakatawang-tao ng Diyos at sa pagtanggap sa Cristo ng mga huling araw sa iyong puso, at wala nang iba pa. Ang gustong makita ng Diyos ay ang tunay mong patotoo na batay sa karanasan mo at ang mga bunga ng pagpapasakop mo sa Kanyang gawain. Ang susubukin ng Diyos sa huli ay kung nakamit mo na ba ang katotohanan at kung mayroon kang buhay. Dapat mong maunawaan ang mga layunin ng Diyos. Kung idinadagdag mo lamang ang iyong pangalan sa mga listahan ng iglesia o ginagampanan mo lamang ang isang tungkulin, ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan, at pagkatapos ng ilang taon ng pananalig sa Diyos ay wala kang patotoo na batay sa karanasan mo, magagawa ka pa rin bang kilalanin ng Diyos? Kung hindi ka kinikilala ng Diyos, nananatili ka sa labas ng Kanyang sambahayan. Kung sinasabi mo lang na nananalig ka sa Diyos ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan, sa huli, ano ang mapapala ng pananalig mo sa Diyos? Ikaw ay mahuhulog nang napakalayo mula sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos! Ang pagkakamit ng katotohanan ay hindi kasingsimple ng inaakala ng mga tao; kailangang tiisin ng isang tao ang maraming pagsubok at paghihirap, at ang labis na pasakit at pagpipino bago niya matamo ang katotohanan at makilala ang Diyos. Kapag nararanasan mo ang ganitong paraan ng gawain ng Diyos, kung hindi mo tatalikuran ang lahat ng mayroon ka para masunod mo Siya, maliligtas ka ba? Mararanasan mo ba ang gawain ng Diyos sa pamamagitan lamang ng pananalig sa Kanya sa kaunting libreng oras na mayroon ka? Paano mo ito mararanasan sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos sa iyong tahanan? Paano mo ito mararanasan sa pamumuhay mo sa mundo sa labas? Samakatuwid, ang pagtalikod sa lahat ng mayroon ang isang tao ay isang kondisyon ng pagsunod sa Diyos. Kung hindi mo magagawang talikuran ang lahat ng mayroon ka, hinding-hindi mo makakamit ang katotohanan, at kung hindi mo makakamit ang katotohanan, hindi ka karapat-dapat na makapasok sa kaharian ng Diyos. Ito ay isang katotohanang hindi mababago ninuman.