Mga Salita sa Pagkilala sa Sarili (Sipi 46)
Sa tiwaling sangkatauhan, ang kalikasang diwa ng mga tao ay pareho, bukod sa muling nagkatawang-taong mga demonyo o mga sinapian ng masasamang espiritu. May ilang taong palaging gustong pag-aralan kung anong mga espiritu ang nasa iba’t ibang uri ng tao, pero hindi ito makatotohanan; ang pagtutok dito ay madaling humantong sa mga paglihis. Ang ilang mga tao ay palaging nararamdaman na may mali sa kanilang espiritu dahil nakaranas sila ng ilang mahiwagang kaganapan, habang iniisip naman ng iba na may problema ang kanilang espiritu dahil hindi nila kayang magbago kailanman. Sa katunayan, may problema man o wala ang espiritu ng isang tao, ang kalikasan ng tao ay pareho—nilalabanan at ipinagkakanulo nito ang Diyos. Ang lawak ng katiwalian ng mga tao ay halos pareho rin, gayundin ang mga pagkakapareho sa kanilang kalikasan. Palaging pinaghihinalaan ng ilang tao na may mali sa kanilang espiritu at nagtataka, “Paanong nagawa ko ang ganoong bagay? Hindi ko lubos maisip! May mali ba sa espiritu ko?” Nagdududa pa nga sila kung sila ba ay hinirang ng Diyos, at dahil dito ay lalo pa silang nagiging negatibo. Ang ilang tao ay nakakaunawa nang dalisay sa mga bagay-bagay at, ano man ang kanilang ginawa, nakatuon lamang ang pansin nila sa paghahanap ng katotohanan at pagninilay-nilay sa kanilang mga sarili nang naaayon sa mga salita ng Diyos: “Paanong nagawa ko ito? Anong disposisyon ang inihayag ko? Anong kalikasan ang kumokontrol dito? Paano ako kikilos alinsunod sa katotohanan?” Sa pagninilay sa iyong sarili nang ganito, madaling maunawaan ang katotohanan at makahanap ng landas ng pagsasagawa, gayundin ang pagkamit ng kaalaman sa sarili. Ang mga pamamaraan at landas ng pagsusuri sa sarili ng lahat ng tao ay magkakaiba; ang ilan ay nakatuon ang pansin sa paghahanap sa katotohanan at pagkakilala sa kanilang sarili, habang ang iba ay palaging nakatuon ang pansin sa mga malabo at hindi makatotohanang bagay, na nagpapahirap sa pagsulong at nagpapadali sa pananatili sa pagiging negatibo. Kailangan mong maunawaan ngayon na anuman ang iyong espiritu, walang sinuman ang makakakita o makahahawak sa mga bagay ng espiritu, kaya ang pagbibigay ng labis na pansin sa bagay na ito ay magiging hadlang lang sa mga bagay-bagay. Ang pangunahing bagay na dapat pagtuunan ng pansin sa sangkatauhan ay ang kalikasang diwa, na nauugnay sa pagkilatis sa mga tao, at kung kaya mong kilatisin ang kalikasang diwa ng mga tao, kung gayon ay kaya mo ring kilatisin ang mga tao mismo. Ang makita nang malinaw kung anu-anong mga bagay ang umiiral sa kalikasang diwa ng isang tao, anong mga tiwaling disposisyon ang maaaring mahayag, at anong mga aspekto ng katotohanan ang kinakailangan para lutasin ang mga ito—ito ang pinakamahalagang bagay na dapat pagtuunan ng pansin kapag nananampalataya sa Diyos. Tanging sa pagdanas lamang ng gawain ng Diyos sa ganitong paraan maaaring makamit ng isang tao ang katotohanan at malinis ang kanyang tiwaling disposisyon. Ngunit paano ba kikilalanin ang sarili? Paano kikilalanin ang sariling kalikasan ng isang tao? Makikita ng isang tao kung ano ang kanyang kalikasang diwa batay sa mga disposisyon na kanyang inihahayag sa pamamagitan ng kanyang mga kilos, kaya ang susi sa pagkilala sa sarili ay ang pagkilala sa sariling tiwaling disposisyon. Sa pamamagitan lamang nito mauunawaan ng isang tao ang kanyang kalikasang diwa, at upang makita ito nang malinaw ay dapat niyang maunawaan nang lubusan ang kanyang sarili. Ang pagkilala sa sarili ay isang malalim na gawain, at ang susi kung maliligtas ba ang isang tao ay kung paano niya nakikilala ang kanyang sarili. Tanging kapag tunay na nakikilala ng isang tao ang kanyang sarili na siya ay tunay na magsisisi, madaling matatanggap ang katotohanan, at makakahakbang sa landas patungo sa kaligtasan. Imposible para sa mga hindi nakakakilala sa kanilang sarili na tanggapin ang katotohanan, lalo pa ang tunay na magsisi. Ang pangunahing isyu, samakatuwid, ay ang maunawaan ang sariling tiwaling disposisyon ng isang tao. Huwag na huwag hangarin ang huwad na espirituwalidad; ang palaging pagtutuon sa kung ano ang espiritu ng isang tao ay madaling mailihis at madaling malinlang o mapinsala ang mga tao. Makatotohanan para sa mga tao na pagtuunan ang pagkakilala sa kanilang sarili, maunawaan ang kanilang tiwaling disposisyon, at makita nang malinaw ang kalikasang diwa ng tao, at ang lahat ng ito ay magiging kapaki-pakinabang sa paglutas sa problema ng tiwaling disposisyon at sa mga taong naghahangad sa katotohanan at nagkakamit ng kaligtasan ng Diyos.
Ang kalikasang diwa ng sangkatauhan, matapos itong gawing tiwali ni Satanas, ay halos pareho, na may maliit na pagkakaiba lamang. Ito ay dahil ang lahat ay may parehong ninuno, namumuhay sa parehong mundo, at nakaranas ng parehong katiwalian. Lahat sila ay may mga bagay na magkapareho. Gayunpaman, kaya ng ilang tao na gumawa ng isang uri ng bagay sa isang kapaligiran, at kaya ng ilang tao na gumawa ng ibang uri ng bagay sa ibang kapaligiran; ang ilang tao ay medyo pino ang asal, dahil may pinag-aralan, at ang ilang tao ay walang modo, dahil walang pinag-aralan; ang ilang tao ay may isang uri ng pananaw sa mga bagay-bagay, ang iba ay may ibang uri ng pananaw sa mga bagay-bagay; ang ilan ay namumuhay sa isang uri ng kapaligirang panlipunan, at ang ilan ay namumuhay sa ibang uri ng kapaligirang panlipunan, at mayroon silang magkakaibang namanang kaugalian at gawi sa pamumuhay. Ang diwa ng mga bagay na inihayag sa kalikasan ng tao, gayunpaman, ay magkapareho ang lahat. Kaya hindi mo na kailangan pang palaging mag-alala sa kung anong uri ng espiritu ang tinataglay mo, o palaging mag-alala kung ito ba ay masamang espiritu. Ito ay isang bagay na hindi kayang abutin ng tao; ang Diyos lamang ang maaaring makaalam nito, at walang maitutulong sa tao na malaman ito kahit pa kaya niya. Walang pakinabang sa palaging pagnanais na himayin o isiping mabuti ang espiritu ng isang tao; ito ay isang bagay na ginagawa ng mga taong pinakamangmang at pinakalito. Huwag mong pagdudahan ang sarili mo kapag nakagawa ka ng mali o sumalangsang ka sa ilang paraan, na sinasabing: “Mayroon bang mali sa espiritu ko? Ito ba ay gawa ng masamang espiritu? Paano ko nagawa ang kakatwang bagay na ito?” Anuman ang gawin mo, dapat mong tingnan ang iyong kalikasan para sa ugat ng problema, at hanapin ang mga katotohanang dapat pasukin ng mga tao. Kung susuriin mo ang iyong espiritu, wala kang mapapala—kahit na malaman mo pa kung anong uri ng espiritu ang mayroon ka sa loob mo, hindi mo pa rin makikilala ang iyong sariling kalikasan, ni malulutas ang iyong mga problema. Samakatuwid, palaging pinag-uusapan ng ilang tao ang tungkol sa kung anong espiritu ang mayroon sila na para bang sila ay napaka-espirituwal o propesyonal, pero sa katunayan ay mas baguhan at hangal pa sila. May ilang tao na nagsasalita nang masyadong espirituwal, iniisip na ang mga salitang sinasabi nila ay napakalalim, at na hindi ito mauunawaan ng mga ordinaryong tao. Sinasabi nila, “Mahalaga na suriin natin kung ano ang ating mga espiritu. Kung wala tayong mga espiritung pantao, kahit na maaaring manampalataya tayo sa Diyos, hindi tayo maliligtas. Huwag nating hayaang magkaroon ng pagtutol ang Diyos sa atin.” May ilang taong nalalason at naililigaw kapag naririnig nila ito, labis nilang nararamdaman na ang mga salitang ito ay makatwiran, at sinisimulan nilang suriin kung anong uri ng espiritu mayroon sila. Dahil nagbibigay sila ng gayong partikular na pansin sa kanilang espiritu, nagiging matatakutin sila, sinusuri ang kanilang espiritu kapag may ginagawang kahit ano, at sa kalaunan ay natutuklasan nila ang isang problema: “Bakit ako sumasalungat sa katotohanan sa lahat ng ginagawa ko? Bakit wala akong kahit katiting na pagkatao o katwiran? Malamang isa akong masamang espiritu.” Sa katunayan, sa pagkakaroon ng masamang kalikasan at walang katotohanan, paano makakagawa ang tao ng anumang alinsunod sa katotohanan? Gaano man kabuti ang kanilang mga kilos, hindi pa rin nila isinasagawa ang katotohanan, at mga mapanlaban pa rin sila sa Diyos. Ang kalikasan ng tao ay masama, at ginawang tiwali at pinroseso ni Satanas; wala talaga silang wangis ng tao, lubos silang naghihimagsik sa Diyos at lumalaban sa Kanya, at napakalayo nila sa Diyos na hindi posibleng gumawa sila ng anumang bagay na umaayon sa mga layunin ng Diyos. Walang bagay na nasa katutubong kalikasan ng tao ang tugma sa Diyos. Ang lahat ng ito ay malinaw.
Palaging sobrang sensitibo ang ilang tao at naglalagay ng malaking kahalagahan sa kung mayroon ba silang espirituwal na pang-unawa, o kung sa anong uri ng espiritu sila nabibilang, habang isinasantabi ang usapin ng pag-unawa sa kanilang kalikasan. Ito ay katulad ng pamumulot ng mga buto ng sesame para lang mawalan ng isang pakwan. Hindi ba’t kahangalan ang sunggaban ang ilusyon habang pinababayaan ang tunay? Sa mga taong ito ng pag-aaral, lubusan mo bang naunawaan ang mga bagay ng espiritu o ang mga bagay ng kaluluwa? Nakita mo ba kung anong tulad ng iyong espiritu? Kung hindi mo susuriin ang mga bagay ng kalikasang diwa sa kaibuturan ng iyong kaluluwa at sa halip ay lagi mong pinag-aaralan ang iyong espiritu, magbubunga ba ng anumang resulta ang iyong pag-aaral? Hindi ba’t ito ay tulad ng isang bulag na nagsisindi ng kandila at sinasayang ang wax? Isinasantabi mo ang iyong mga tunay na paghihirap at hindi mo iniisip kung paano malulutas ang mga ito, palagi kang gumagamit ng mga baluktot na pamamaraan at palaging iniisip kung anong uri ng espiritu mayroon ka, pero malulutas ba nito ang anumang problema? Kung nananalig ka sa Diyos ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi gumagawa ng matapat na gawain pero laging pinag-aaralan ang iyong espiritu, ikaw ang pinakahangal na tao. Ang tunay na matatalinong tao ay mayroong sumusunod na saloobin: “Anuman ang gawin ng Diyos o kung paano Niya ako tratuhin, gaano man kalalim ang aking pagiging tiwali o kung ano ang pagkatao ko, hindi ako matitinag sa determinasyon kong hangarin ang katotohanan at naising kilalanin ang Diyos.” Sa pagkakilala lamang sa Diyos malulutas ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon at maisasagawa ang kanyang tungkulin para tuparin ang mga layunin ng Diyos; ito ang direksyon para sa buhay ng tao, ito ang dapat na ninanais na makamit ng mga tao, at ito ang nag-iisa at natatanging landas sa kaligtasan. Ngayon, ang makatotohanan ay ang paghahangad sa katotohanan, pagkakilala sa sarili mong tiwaling kalikasan, pag-unawa sa katotohanan para maiwaksi ang iyong tiwaling disposisyon, at pagsasagawa ng iyong tungkulin nang maayos para sa kasiyahan ng Diyos. Ang pagpasok sa katotohanang realidad at pagsasabuhay ng wangis ng isang tunay na tao—ito ang makatotohanan. Ang makatotohanan ay ang pagmamahal sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, at pagpapatotoo sa Diyos. Ito ang mga resultang gusto ng Diyos. Walang kabuluhang magsaliksik ng mga bagay na hindi mahahawakan o makikita. Walang kinalaman ang mga ito sa kung ano ang makatotohanan, at wala ring kinalaman ang mga ito sa mga epekto ng gawain ng Diyos. Dahil ikaw ngayon ay umiiral sa isang pisikal na katawan, dapat mong hangarin ang pag-unawa sa katotohanan, na ginagampanan nang maayos ang iyong tungkulin, nagiging isang tapat na tao, at binabago ang iyong disposisyon. Ang lahat ng ito ay mga bagay na maisasakatuparan ng karamihan sa mga tao.
May ilang taong malinaw na nagtataglay ng gawain ng masasamang espiritu at maaaring sinasapian ng mga ito. Maaari bang maligtas ang isang taong gaya nito sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos? Mahirap masabi ito, at depende kung siya ba ay kumikilos nang makatwiran at may normal na kalagayan ng pag-iisip. Ang pinakamahalagang bagay ay kung nauunawaan ba niya o hindi ang katotohanan at naisasagawa ito. Kung hindi niya matutugunan ang pamantayang ito, walang paraan para siya ay maligtas. Ngayon, lahat kayo ay may normal na katwiran, nagsasalita nang normal, at hindi nakaranas ng anumang mahiwaga o abnormal na pangyayari. Kahit na minsan ang inyong mga kalagayan ay medyo abnormal at ang ilan sa inyong mga pamamaraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ay mali, ang lahat ng ito ay mga paghahayag ng kalikasan ng tao. Sa katunayan, pareho lang ito para sa ibang tao—magkakaiba lang ang pinagmulan at ang tiyempo ng kanilang mga paghahayag. Tila ngayon ay mayroon kayong mababang tayog, at matapos mapakinggan ang ibang magsalita tungkol sa mga bagay at pahayag ng espiritu, gumagaya at sumusunod lang kayo, na para bang nauunawaan ninyo mismo nang maayos ang mga bagay ng espiritu at na kayo ay gayon kadakilang tao. Ang Diyos lang ang nakakaalam at nagkokontrol sa mga bagay ng espirituwal na mundo, at sapat na kung nauunawaan ng mga tao ang kahit kaunti sa Kanyang mga salita, kaya paano lubusang mauunawaan ng sinuman ang espirituwal na mundo? Hindi ba’t madaling maligaw sa palaging pag-iisip ng mga ganoong bagay? Ang mga tao ngayon ay lahat mayroong ganitong kalagayan sa kalooban nila. Bagama’t maaaring hindi mo palaging seryosong tinatalakay ang mga bagay na ito, at maaaring hindi ka nanghihina o bumabagsak dahil sa mga ito, maaari ka pa ring pansamantalang maapektuhan ng mga gayong salita ng iba. Kahit na maaaring hindi mo masyadong binibigyan ng pansin ang ganitong uri ng bagay, madali ka pa ring maimpluwensiyahan sa pagtutuon sa mga bagay ng espiritu sa iyong puso, at sakaling dumating ang araw na tunay mong ginagawa ang ilang bagay nang mali, dumanas ng dagok at nadapa, dapat mong pagdudahan ang iyong sarili, na sinasabing: “Mali rin ba ang espiritu ko?” Kadalasang hindi ka nag-aalinlangan, at iniisip na kakatwa ang iba kapag nakikita mo silang lugmok sa pag-aalinlangan. Ngunit kung dumating ang isang araw na pungusan ka, o sasabihin ng ibang taong ikaw ay Satanas, o na ikaw ay masamang espiritu, paniniwalaan mo ito, at tulad nila ay malulugmok ka rin sa pag-aalinlangan, hindi magawang mapalaya ang sarili. Sa katunayan, karamihan ng tao ay madaling magkaroon ng ganitong problema, nakikita ang mga bagay ng espiritu bilang napakahalaga at pinababayaan ang mga bagay tulad ng pag-unawa sa kanilang sariling kalikasan o buhay pagpasok. Ginagawa sila nitong lubusang nakahiwalay sa realidad at ito ay paglihis na batay sa karanasan.
Dapat ninyong lahat na bigyang pansin ang pagkakilala sa inyong sariling kalikasan, at kung aling mga aspekto ng inyong kalikasan ang madaling magbubunsod sa inyong gumawa ng mga maling bagay o maligaw, at dapat ibuod ninyo, batay rito, ang karanasan at mga aral. Partikular na pagdating sa paglilingkod, buhay karanasan, at pagkakilala sa inyong sariling kalikasan, tanging sa unti-unting pagpapalalim ng kaalaman na magagawa ninyong maarok ang inyong sariling kalagayan at lumago sa tamang direksyon. Kung kaya mong taglayin ang mga aspekto ng katotohanang ito, at gawing panloob na buhay mo ang mga ito, magiging mas lalo kang matatag, hindi na gagawa ng mga iresponsable at basta-bastang pahayag tungkol sa mga bagay na hindi mo nauunawaan, magtutuon sa realidad ng iyong mga salita, at magbabahagi tungkol sa mga tunay na bagay. Kapag nagkamit ang mga tao ng mas malalim na kaalaman ng kanilang sariling kalikasan at ng mas malalim na pagkaunawa ng katotohanan, mas magsasalita pa sila ng may pagpapahalaga sa kagandahang-asal, at hindi na magsasalita nang basta-basta. Ang mga taong walang katotohanan ay palaging walang pang-unawa at nangangahas silang sabihin ang kahit na ano; mayroon pa ngang ilang tao na, kapag nagpapalaganap sila ng ebanghelyo, para sa pagpapabalik-loob ng ilan pang tao, ay hindi nag-aalinlangang sumunod sa mga relihiyosong tao at nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos. Wala silang ideya kung ano sila, o ng pang-unawa ng sarili nilang kalikasan, at hindi sila natatakot sa Diyos. May ilang taong naniniwalang hindi ito mahalaga, pero hindi nga ba ito mahalaga? Kapag dumating ang araw na napagtanto nila ang kaseryosohan ng problema, sila ay matatakot. Nakakakilabot na bagay ang magawa ito! Hindi nila nakikita ang diwa ng bagay na ito, at iniisip pa nilang napakatalino nila at na nauunawaan nila ang lahat ng bagay; pero wala silang kamalay-malay na sinasalungat nila ang Diyos at walang kamalay-malay kung paano sila mamamatay. Walang saysay na unawain mo ang lahat ng bagay na may kinalaman sa impiyerno o sa espirituwal na mundo kung hindi mo kilala ang sarili mong kalikasan. Ang susi ngayon ay ang lutasin ang mga problema ng pagkakilala sa sarili at ng pagkilala sa kalikasang diwa ng isang tao. Dapat mong unawain ang bawat isa sa mga kalagayang inihayag ng iyong kalikasan—kung hindi mo magagawa ito, ang anumang iba pang pang-unawa ay walang silbi; ang lahat ng ito ay walang silbi gaano mo man suriin ang iyong sarili para makita kung anong uri ng espiritu o kaluluwa ang mayroon ka. Ang susi ay ang maarok ang iba’t ibang bagay sa iyong kalikasan na talagang umiiral saiyo. Ngayon, anumang espiritu ang nasa iyo, isa ka na ngayong taong may normal na pag-iisip, kaya dapat mong hangarin ang pang-unawa at pagtanggap sa katotohanan. Kung kaya mong unawain ang katotohanan, dapat kang kumilos alinsunod sa katotohanan—ito ang tungkulin ng tao. Ang pag-iisip ng mga bagay ng espiritu ay walang silbi sa iyo, at ito ay walang saysay at walang pakinabang. Sa panahon ngayon, ang mga taong may gawain ng masasamang espiritu ay nabubunyag sa mga iglesia sa lahat ng lugar. May pag-asa pa ang mga taong ito kung mauunawaan nila ang katotohanan, ngunit kung hindi nila mauunawaan o matatanggap ang katotohanan, sila ay mapapaalis lamang. Kung mauunawaan ng isang tao ang katotohanan, ipinapakita nito na mayroon pa rin siyang normal na katwiran, at kung mauunawaan niya ang mas maraming katotohanan, hindi siya magagawang iligaw o kontrolin ni Satanas, at may pag-asang siya ay maliligtas. Kung siya ay sinasapian ng mga demonyo at kadalasan ang kanyang katwiran ay hindi masyadong normal, siya ay ganap nang tapos at kailangan nang paalisin para maiwasan ang problema. Para sa sinumang mayroong medyo normal na katwiran, anumang espiritu ang mayroon siya, hangga’t mayroon siyang kaunting espirituwal na pang-unawa, at kaya niyang unawain at tanggapin ang katotohanan, mayroon siyang pag-asa sa kaligtasan. Bagama’t maaaring walang kakayahan ang taong tanggapin ang katotohanan, kung nakikinig nang mabuti ang isang tao sa mga sermon, nakakaintindi at nakakaunawa kapag nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, at may normal na pag-iisip at hindi kakatwa, may pag-asa siyang makamit ang kaligtasan. Pero natatakot Ako na may mga taong walang espirituwal na pang-unawa o hindi nauunawaan ang mga salita ng tao, at hindi nakakaunawa gaano man magbahagi ng katotohanan sa kanila ang iba; ang mga taong ito ay mapanggulo at hindi kayang magtrabaho kahit bilang mga trabahador. Gayundin, ang mga nananalig sa Diyos ay dapat na nakatuon lamang sa katotohanan at sa kanilang paghahangad nito. Hindi sila dapat patuloy na tumutuon sa pag-uusap, pag-aaral, o pag-unawa tungkol sa espiritu. Ito ay kakatwa at kakutya-kutya. Ang susi ngayon ay kung matatanggap ng isang tao ang katotohanan, mauunawaan ang katotohanan, at makakapasok sa mga realidad. Ito ay susi, pero kung makikilala ng isang tao ang kanyang sarili at mapagninilayan ang kanyang sarili, at kung siya ay isang taong nakakaunawa sa kanyang sariling kalikasan ay ang pinakamahalaga! Walang kabuluhan at lalong walang halaga ang pag-aralan kung ano ang iyong sariling espiritu. Kung lagi mong pinag-aaralan ang mga bagay na tulad ng kung ano ang iyong espiritu, kung anong nangyayari sa iyong kaluluwa, kung anong espiritu mayroon ka, kung mataas na uri o mababang uring espiritu ang mayroon ka, kung mula sa aling espiritu ka muling nagkatawang-tao, kung ilang beses ka nang bumalik dati, kung ano ang iyong magiging kalalabasan sa huli, o kung ano ang naroroon sa hinaharap—ang palaging pag-aaral sa mga bagay na ito ay makakasagabal sa mahahalagang bagay. Kahit na pag-aralan mo pa nang mabuti ang mga ito, kapag dumating ang araw na maunawaan ng iba ang katotohanan at pumasok sa mga realidad, ikaw ay walang kahit ano. Nakasagabal ka sa mahahalagang bagay at ikaw ang nagdala nito sa iyong sarili. Natahak mo ang maling landas at nanalig sa Diyos nang walang kabuluhan. Sino ang sisisihin mo pagkatapos? Walang silbi ang sisihin ang sinuman; ang lahat ng ito ay idinulot ng iyong sariling kamangmangan.