Sa Pananampalataya sa Diyos, Pinakamahalaga ang Pagkakamit ng Katotohanan (Unang Bahagi)

May ilang tao na ilang taon nang nananampalataya sa Diyos pero kumakapit pa rin sa mga kasiyahan ng pagkain, pananamit, at iba pang kasiyahan ng laman. Matutugunan ba ng mga bagay na ito ang mga pangangailangan ng puso ng tao? Ni hindi nga malinaw sa ilang tao na maraming taon nang nananampalataya sa Diyos kung ano ang pinakakinakailangan ng mga tao. May ilang taong nakakikita sa Akin na nagbibigay ng isang bagay sa isang tao at nagsisimulang magmaktol, sinasabing, “Paanong inaalagaan sila ng Diyos at hindi ako? Wala pa akong ganito.” Ang totoo, hindi ka naman nagugutom, at hindi ka nagkukulang sa damit. Nagpapakasakim ka lang; hindi ka marunong makuntento, at mahilig kang makipagkompitensiya para sa mga bagay-bagay. Hindi Ko obligasyon ang pag-aalaga sa inyo. Kailangan mong umasal nang may mga prinsipyo. Huwag na huwag kang makipag-away tungkol sa iyong mga interes o tungkol sa mga kapakinabangan. Ang mga bagay na ito ay panlabas lahat; hindi pamalit ang mga ito para sa pagtatamo mo ng katotohanan at ng buhay. Kahit gaano pa kaayos ang pananamit mo sa panlabas, hungkag pa rin ang puso mo kung hindi mo natamo ang katotohanan. Nauunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito kapag sa salita lamang, pero hindi nila napipigilan ang kanilang sarili kapag nahaharap na talaga sila sa mga iyon. Hindi nila matukoy kung ano talaga ang mga iyon. Maraming tao sa mundong ito na may kayamanan at kapangyarihan, at ano ang uri ng buhay ng mga taong ito? Ito ay pawang pagkain, pag-inom, at paglilibang sa kanilang sarili; pagkain nang marangya sa araw-araw; pag-estima ng mga bisita at paghahandog ng mga regalo; at pagkilos nang walang-ingat. Ganito ang kanilang pamumuhay. Mayroon ba silang mga buhay ng tao? Wala. Ang pinagtutuunan nila ng pansin sa buong maghapon ay paglamon nang walang-kapararakan, pagsusuot ng mga kilalang tatak, pagpapasikat saanman sila pumunta, at paghahari-harian. Ano ang gayong mga tao? Sila ay pagmamay-ari ng mga diyablo at ni Satanas; mga halimaw sila. Kapag nagsawa na ang ilang mayayamang tao sa kanilang mga kasiyahan, nawawalan na sila ng interes na mabuhay at nagpapatiwakal na sila. Maaaring nanawa na sila sa mga kasiyahan ng pagkain, pananamit, at mga libangan, pero bakit sila nagpapatiwakal? Mula rito ay makikita ng isang tao na ang kasikatan at pakinabang, katayuan, kayamanan, pagkain, pananamit, at mga kasiyahan ay hindi talaga ang tunay na kailangan ng mga tao. Hindi ninyo dapat hangarin ang mga bagay na iyon. Kung hihintayin mo munang lumala ka hanggang sa puntong hindi ka na maliligtas bago ka magbago, magiging huli na ang lahat! Kapag nakikita ng isang matalinong tao na nabibigo ang isa pang tao, direkta siyang nakakukuha ng karanasan mula rito, nang hindi nila kinakailangang maranasan ito mismo. Ang isang mangmang na tao, sa kabilang banda, ay maaaring makaranas ng sunud-sunod na kabiguan at hindi pa rin makakuha ng mga aral mula sa mga iyon. Kailangan siyang mapungusan bago siya magsimulang magkaroon ng kaunting kamalayan, subalit sa sandaling iyon, huli na ang lahat. Ang mga tao na masyadong mangmang ay hindi nakapagkakamit ng katotohanan. Tanging ang matatalinong tao na nakararanas ng gawain ng Diyos ang nakapagtatamo ng katotohanan. Ang katunayan ay kailangan ng buong sangkatauhan ang katotohanan, at maliligtas lang sila sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Isa ka man sa mga hinirang ng Diyos o isang Hentil, kailangan mo ang panustos ng katotohanan, at kailangan mo ang pagliligtas ng Diyos. May ilang taong wala talagang pagkatao at hindi tumatanggap ng katotohanan kahit kaunti—ang gayong mga tao ay mga halimaw. Maaaring dumadalo sila sa mga pagtitipon, ngunit ang hinahangad nila sa kanilang mga puso ay mga makasalanang kasiyahan, ang mga kasiyahan ng pagkain, pananamit, at mga libangan, at puno sila ng mga bagay na ito. Hindi talaga nila hinahanap ang katotohanan, at puno ang kanilang mga puso ng mga ateistikong pananaw, at mga ideya tungkol sa teorya ng ebolusyon. Hindi ka nila naririnig kahit paano ka pa magbahagi sa kanila ng katotohanan, at kahit na alam nilang mabuting bagay ang pananampalataya sa Diyos at nakapagpupursigi sila sa kanilang pananampalataya, hindi nila nagagawang tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Iyon ang dahilan kung bakit ang mga tao na walang pagmamahal sa katotohanan ay hindi ang mga tao na inorden ng Diyos para sa Kanyang pagliligtas.

Maraming tao ang kasalukuyang may litong-litong pananampalataya sa Diyos. Hindi nila alam kung ano ang dapat matamo sa pananampalataya sa Diyos; hindi nila nauunawaan kung para saan ang pananampalataya sa Diyos—wala silang ideya. Wala silang kaalam-alam kung para saan dapat mabuhay ang tao, kung batay saan sila dapat mabuhay, o kung paano mabuhay sa makabuluhan at makahulugang paraan. Kung sa puso mo ay hindi ka nakatitiyak kung bakit dapat kang manampalataya sa Diyos, walang kabuluhan o kahulugan ang pag-uusig at pasakit na dinaranas mo para sa iyong pananampalataya sa Diyos. Ano ba mismo ang layong matamo ng mga tao sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa Diyos? Kung ang pananampalataya mo ay hindi para magtamo ng katotohanan at buhay, hindi ba’t mapupuno ka ng pagsisisi kapag natapos na ang gawain ng Diyos at napagpasyahan na ang mga kalalabasan ng mga tao? Noong una kang magpasyang sumunod sa Diyos, isa lamang ba iyong udyok ng sandali, o pinag-isipan mo bang mabuti ang usapin ng pananampalataya sa Diyos at inalam iyon bago ka nagpasya? Para saan ka ba talaga nabubuhay? Ano ang iyong direksyon sa buhay, at anu-ano ang mga layon mo? Taglay mo ba ang determinasyong sumunod sa Diyos hanggang sa dulo at makamtan ang katotohanan sa huli? Masisiguro mo bang hindi ka susuko sa kalagitnaan? Matapat mo bang nagagampanan ang tungkulin mo kahit ano pang mga sitwasyon ang mangyari o ano pang mga kapighatian, pagsubok, paghihirap, o problema ang iyong kaharapin? May ilang tao na ni hindi nagtataglay ng kaunting pananalig o determinasyong ito na maghangad sa katotohanan. Kung gayon ay hindi magiging madali ang paghahangad sa katotohanan. Kapag hindi interesado ang mga tao sa katotohanan, hindi nila nagagampanan nang bukal sa loob ang kanilang tungkulin at hindi nila naigugugol nang taos-puso ang kanilang sarili para sa Diyos. Paano makasusunod sa Diyos hanggang sa huli ang mga taong tulad niyon? Kung tatanungin mo sila, “Bakit ka nananampalataya sa Diyos? Ano ang gusto mong makuha sa pananampalataya sa Diyos? Ano ang landas na dapat mong tahakin?” hindi nila alam at hindi nila ito masasagot. Pinatutunayan nitong hindi sila sumusunod sa Diyos para magtamo ng katotohanan at buhay, bagkus ay naghahanap sila ng pagkakataong magtamo ng mga pagpapala. Paano magagampanan ng ganitong tao ang kanyang tungkulin nang taos-puso? Habang mas nauunawaan ng mga taong tunay na nagmamahal sa katotohanan ang mga ito, lalo silang nagiging masigasig sa pagganap sa kanilang tungkulin. Ang mga tao na hindi nakauunawa sa katotohanan ay madalas na nagiging negatibo kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin. Kung hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan, uurong sila. Naiiba ang mga tao na naghahangad sa katotohanan: Habang mas ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, lalo nilang nauunawaan ang katotohanan, at habang nauunawaan nila ito, naaalis ang kanilang katiwalian. Habang mas nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, lalo niyang nararamdamang mas malaki pa ang natatamo niya sa pagsunod sa Diyos, at nadarama niyang lalong nagliliwanag ang landas ng pagsunod sa Diyos habang mas matagal niya itong sinusundan. Ang mga taong ito ang nakapagkamit ng katotohanan. Kung tunay na nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, magkakaroon sila ng kumpiyansa sa pagsunod sa Diyos at mananatiling tapat hanggang sa huli.

Kapag nahaharap ang ilang tao sa karamdaman at nanganganib ang kanilang mga buhay, hinihiling nila sa Diyos na iligtas sila, at sa sandaling malagpasan na nila ito, nauunawaan nila ang kaunti sa katotohanan. Pero hindi kinakailangang maranasan ng lahat ang pagtawag sa Diyos sa isang buhay-o-kamatayang sitwasyon. Tingnan mo na lang ang mga karanasan ng ilang tao at pakinggan mo ang kanilang pagbabahagi at mga damdamin, at mapakikinabangan mo ito. Kahit na hindi ka pa mismo nagkakaroon ng karanasan, mauunawaan mo ang ilan dito mula sa mga karanasan ng iba. May ilang tao na, kapag nalalapit sila sa kamatayan, pakiramdam nila ay hindi malaki ang kanilang ipinagbago, na kaunti lang ang alam nila tungkol sa Diyos, at na limitado lang ang kanilang nagawa at naigugol para sa Diyos. Pakiramdam nila ay hindi nila hinangad ang katotohanan sa mga taon ng pananalig nila sa Diyos, na kaunting-kaunti ang kanilang natamo at napakalaki ng pagkakautang nila sa Diyos. Kung magkataon ngang mamamatay sila, hindi sila mamamatay nang maluwag sa kanilang loob, dahil hindi na sila magkakaroon ng pagkakataong magsisi. Nang maharap si Job sa mga pagsubok, napuno ng mga sugat ang kanyang katawan; hindi siya naunawaan ng kanyang asawa at tinuya siya, at hindi siya naunawaan ng kanyang mga kaibigan at hinusgahan at kinondena pa nga siya, sa paniniwalang tiyak na may nagawa siyang masama at sinalungat niya ang Diyos na si Jehova. Kinausap nila si Job, sinasabing, “Paano mo ba sinalungat ang Diyos na si Jehova? Sige na at aminin mo na ang iyong mga kasalanan. Matuwid ang Diyos na si Jehova.” Ngunit naunawaan ito ni Job sa kanyang puso at hindi niya nadamang nakagawa siya ng anumang masama. Gayumpaman, masakit para sa kanyang maharap sa gayong pagsubok! Hinangad niya ang kamatayan kaysa sa buhay sa kanyang pagdurusa; sa labis niyang pagdurusa ay inakala niyang sa kamatayan na lang siya makakatakas dito, na kamatayan na ang magiging katapusan nito, gayumpaman, nagawa pa rin niyang purihin ang Diyos sa kanyang puso. Hindi ito isang bagay na maisasakatuparan ng isang pangkaraniwang tao. Karamihan sa mga tao ay hindi nagpupuri sa Diyos kapag sila ay nahihirapan. Humihiling lamang sila sa Kanya, nagsasabing, “Diyos ko, bigyan Mo ako ng isa pang hininga. Bilisan Mo at pagalingin Mo na ulit ako! Gagawin ko ang anumang gusto Mong ipagawa sa akin kapag magaling na ako.” Sinisimulan nilang subukang makipagtawaran. Paano mo dapat danasin ang karamdaman kapag dumarating ito? Dapat kang lumapit sa Diyos at magdasal, maghanap at mag-apuhap sa layunin ng Diyos; dapat mong suriin ang iyong sarili para malaman kung ano ang nagawa mong salungat sa katotohanan, at kung ano ang katiwaliang nasa iyo na hindi pa nalulutas. Hindi malulutas ang iyong tiwaling disposisyon nang hindi ka sumasailalim sa pagdurusa. Sa pagpapatatag lang ng pagdurusa hindi magiging imoral ang mga tao, at makakapamuhay sa harap ng Diyos sa lahat ng oras. Kapag nagdurusa ang isang tao, palagi siyang nagdarasal. Hindi niya naiisip ang mga kasiyahan ng pagkain, pananamit, at iba pang kasiyahan; palagi siyang nagdarasal sa kanyang puso, sinusuri ang kanyang sarili para malaman kung may mali siyang nagawa o kung saan siya maaaring nakasalungat sa katotohanan. Karaniwan, kapag humaharap ka sa isang malubhang karamdaman o kakaibang sakit na nagdudulot sa iyo ng matinding pagdurusa, hindi ito nagkataon lang. May karamdaman ka man o nasa mabuting kalusugan, naroon ang layunin ng Diyos. Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu at maayos ang katawan mo, karaniwan ay kaya mong hanapin ang Diyos, pero tumitigil ka sa paghahanap sa Diyos kapag nagkakasakit at nagdurusa ka, ni hindi mo rin alam kung paano Siya hanapin. Nabubuhay ka sa karamdaman, palaging pinag-iisipan kung ano ang gamutang mas mabilis na makapagpapagaling sa iyo. Naiinggit ka sa mga taong walang sakit sa ganitong mga pagkakataon, at gusto mong mawala ang iyong karamdaman at paghihirap sa lalong madaling panahon. Mga negatibo at mapanlabang emosyon ang mga ito. Kapag nagkakasakit ang mga tao, minsan ay iniisip nilang, “Idinulot ko ba ang karamdamang ito sa pamamagitan ng sarili kong kamangmangan, o layunin ba ito ng Diyos?” Hindi talaga nila ito mapag-isipan. Sa katunayan, normal naman ang ilang karamdaman, ang mga bagay na tulad ng panginginig, pamamaga, o trangkaso. Kapag pinahihirapan ka ng isang matinding karamdaman na biglaang nagpapabagsak sa iyo, na mas gugustuhin mo pang mamatay kaysa magdusa, ang gayong karamdaman ay hindi nagkakataon lang. Nagdarasal ka ba sa Diyos at naghahanap mula sa Kanya kapag nahaharap ka sa karamdaman at pagdurusa? Paano ka ginagabayan at inaakay ng gawain ng Banal na Espiritu? Binibigyang-liwanag at tinatanglawan ka lang ba Niya? Hindi lang iyon ang Kanyang pamamaraan; susubukin at pipinuhin ka rin Niya. Paano sinusubok ng Diyos ang mga tao? Hindi ba’t sinusubok Niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagdudulot ng pagdurusa sa kanila? Kaakibat ng pagdurusa ang pagsubok. Kung hindi dahil sa mga pagsubok, paano magdurusa ang mga tao? At kung walang pagdurusa, paano makapagbabago ang mga tao? Kaakibat ng pagdurusa ang pagsubok—iyon ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung minsan ay binibigyan ng Diyos ang mga tao ng kaunting pagdurusa dahil kung hindi ay hindi nila malalaman ang lugar nila sa sansinukob, at magiging walang-galang sila. Hindi lubos na malulutas ang isang tiwaling disposisyon sa pamamagitan lang ng pagbabahagi sa katotohanan. Maaaring sabihin sa iyo ng iba ang mga problema mo, at maaaring alam mo rin mismo ang mga iyon, pero hindi mo mababago ang mga iyon. Kahit gaano ka pa umasa sa iyong determinasyong pigilan ang iyong sarili, kahit ang pagsampal sa sarili mong mukha, pagbatok sa iyong sarili, pagbangga sa pader, at pagpinsala sa sarili mong laman ay hindi makalulutas sa iyong mga problema. Dahil may satanikong disposisyon sa loob mo na palaging nagpapahirap, nanggugulo, at nagpapaisip sa iyo ng lahat ng uri ng kaisipan at ideya, ang iyong tiwaling disposisyon ay mabubunyag. Kung gayon, ano ang gagawin mo kung hindi mo ito malutas? Kailangan kang pinuhin sa pamamagitan ng karamdaman. May ilang taong sa labis na pagdurusa sa pagpipinong ito ay hindi ito nakakayanan, at nagsisimula silang magdasal at maghanap. Kapag wala kang karamdaman, masyado kang imoral at labis na mapagmataas. Kapag nagkakasakit ka, napipilitan kang sumunod—kaya mo pa rin bang maging labis na mapagmataas sa oras na iyon? Kapag halos wala kang sapat na lakas para magsalita, makapagsesermon ka pa ba sa iba o makapagmamataas? Sa mga pagkakataong tulad niyon, hindi ka humihingi ng mga bagay-bagay; hinihiling mo lang na mawala ang iyong pagdurusa, na hindi iniisip ang anumang pagkain, damit, o kasiyahan. Karamihan sa inyo ay hindi pa iyon nararamdaman, pero mauunawaan ninyo iyon kapag naramdaman na ninyo. Sa ngayon ay may ilang taong nakikipaglaban para sa posisyon, para sa mga kasiyahan ng laman, at para sa mga sarili nilang interes. Ang lahat ng ito ay dahil masyado silang komportable, masyadong kaunti ang kanilang pagdurusa, at sila ay nahahamak. Paghihirap at pagpipino ang nasa hinaharap ng mga taong ito!

Kung minsan, magsasaayos ang Diyos ng ilang sitwasyon para sa iyo, pinupungusan ka sa pamamagitan ng mga tao sa paligid mo at pinagdurusa ka, nagtuturo sa iyo ng mga aral at nagbibigay-daan sa iyo na maunawaan ang katotohanan at makita kung ano talaga ang mga bagay-bagay. Ginagawa na ng Diyos ang gawaing ito ngayon, sa paglalakip ng pagdurusa sa iyong laman para matuto ka ng aral, malutas ang iyong tiwaling disposisyon at matupad ang iyong tungkulin nang maayos. Madalas sabihin ni Pablo na mayroong tinik sa kanyang laman. Ano ang tinik na ito? Isa itong karamdaman, at hindi niya ito matatakasan. Alam na alam niya kung ano ang karamdamang ito, na patungkol ito sa kanyang disposisyon at kalikasan. Kung hindi nanatili sa kanya ang tinik na ito, kung hindi siya sinundan ng karamdamang ito, maaaring, sa anumang lugar at sandali, magtatag siya ng sarili niyang kaharian, ngunit sa karamdamang ito ay hindi siya nagkaroon ng lakas para doon. Samakatwid, kalimitan, ang karamdaman ay isang uri ng “pananggalang na payong” para sa mga tao. Kung wala kang karamdaman, bagkus ay nag-uumapaw sa sigla, malamang na makagawa ka ng kung anong uri ng kasamaan at makapagdulot ng kung anong uri ng problema. Madaling mawala ang katwiran ng mga tao kapag sila ay lubhang mapagmataas at imoral. Pagsisisihan nila kapag nakagawa sila ng kasamaan, pero sa sandaling iyon ay hindi na nila matutulungan ang kanilang sarili. Iyon ang dahilan kung bakit ang pagkakaroon ng kaunting karamdaman ay isang mabuting bagay, isang proteksyon para sa mga tao. Maaaring malutas mo ang lahat ng problema ng ibang tao at maaayos mo ang lahat ng problema sa sarili mong pag-iisip, pero wala kang magagawa kapag hindi ka pa gumagaling sa isang karamdaman. Ang pagkakasakit ay talagang wala sa iyong kontrol. Kung magkakasakit ka at imposible itong magamot, iyon ang pagdurusang dapat mong tiisin. Huwag mong subukang alisin ito; kailangan mo munang magpasakop, magdasal sa Diyos, at hanapin ang mga pagnanais ng Diyos. Sabihin mo: “O Diyos, alam kong ako ay tiwali at masama ang aking kalikasan. Kaya kong gumawa ng mga bagay na mapaghimagsik at mapanlaban sa Iyo, mga bagay na nakasasakit at nagdudulot sa Iyo ng kirot. Nakatutuwang ibinigay Mo sa akin ang karamdamang ito. Dapat akong magpasakop dito. Pakiusap, bigyang-liwanag Mo ako, pahintulutan Mo akong maunawaan kung ano ang layunin Mo, at kung ano ang gusto Mong baguhin at gawing perpekto sa akin. Hiling ko lang na patnubayan Mo ako, para maunawaan ko ang katotohanan at matahak ko ang tamang landas ng buhay.” Kailangan mong maghanap at magdasal. Hindi ka puwedeng maguluhan, sa paniniwalang walang anuman ang pagkakasakit, na hindi maaaring ito ang disiplinang iyong hinaharap dahil sa pagsalungat sa Diyos. Huwag kang padalos-dalos sa paghusga. Kung isa ka talagang taong nasa puso ang Diyos, anuman ang iyong makaharap, huwag mong hayaang makalagpas ito sa iyo. Dapat kang magdasal at maghanap, makiramdam sa pagnanais ng Diyos sa bawat bagay, at matutong magpasakop sa Diyos. Kapag nakikita ng Diyos na kaya mong magpasakop at na mayroon kang pusong nagpapasakop sa Diyos, iibsan Niya ang iyong pagdurusa. Nakakamit ng Diyos ang gayong mga epekto sa pamamagitan ng pagdurusa at pagpipino.

Sa buong kasaysayan, ang mga debotong Kristiyano, alagad, apostol, at propeta ay binato hanggang sa mamatay, kinaladkad ng mga kabayo hanggang sa mamatay, pinagputol-putol, pinakuluan sa mantika, ipinako sa krus…. Namatay sila sa lahat ng uri ng paraan. Ang ibig Kong sabihin dito, huwag mong asahang magiging komportable ka kapag sumunod ka sa Diyos. Huwag mo itong hilingin; huwag kang magkaroon ng labis-labis na kahilingan para dito. Bakit ba sinasabi Kong mali para sa mga tao na humiling sa Diyos? Ito ay dahil ang anumang maliit na kahilingan ay katumbas ng isang labis-labis na kahilingan, at hindi ka dapat magkaroon ng mga ganito. Huwag kang humiling ng mga bagay-bagay, na nagsasabing, “O Diyos, binibihisan Mo ako nang maayos, dahil may dahilan ako para magsuot ng magagandang bagay. O Diyos, ginagawa ko na ang tungkulin ko ngayon, kaya may maganda akong dahilan para hilingin sa Iyong pagpalain at bigyan Mo ako ng mabuting kalusugan.” Kung isang araw ay magkakasakit ka, magiging negatibo ka ba? Titigil ka na ba sa pananampalataya sa Diyos? Gagampanan mo pa rin ba ang tungkulin mo kung hindi ka malusog? Hindi ba’t ang pagganap naman sa tungkulin mo ang dapat na ginagawa mo? Isa itong bokasyong ipinadala ng langit, isang responsabilidad na hindi mabibitiwan. Dapat mong gampanan ang iyong tungkulin, kahit na walang ibang gumagawa niyon. Ito ang determinasyong kailangan mong taglayin. Maraming tao ang nag-iisip na, “Kung kailangan ko pa ring magdusa kapag nananampalataya ako sa Diyos, para saan pa ako sumusunod sa Kanya? Sumusunod ako sa Diyos para magtamasa ng Kanyang mga pagpapala. Kung walang mga pagpapalang tatamasahin, hindi ako susunod sa Kanya!” Hindi ba’t isa itong maling paraan ng pagtingin dito? Nakita na ninyong lahat, sa inyong karanasan sa lahat ng mga taon na ito, na para sa mga taong tunay na naghahangad sa katotohanan, walang makikitang malinaw na mga pagpapala sa kanila na gaya ng iniisip ng mga tao. Ang pagiging masiyahin at walang-iniintindi sa araw-araw, pagkakaroon ng maayos na pananamit, maayos na pag-usad ng lahat ng bagay, at pag-unlad sa mundo—hindi ganito ang mga bagay-bagay para sa kahit kanino. Nagdaraan silang lahat sa buhay araw-araw, humaharap sa sunud-sunod na balakid. Ang ilang tao ay nakararanas ng diskriminasyon at pang-aapi sa mga trabaho nila sa ibang lugar; ang ilang tao ay laging sinusundan ng karamdaman; ang iba pa ay hindi matagumpay sa negosyo, at inaabandona sila ng mga walang pananampalatayang miyembro ng kanilang pamilya. May mga tagumpay at kabiguan sa buhay; kailanman ay hindi ito malaya sa paghihirap. Habang mas hinahangad ng isang tao ang katotohanan, lalo siyang nagdurusa, samantalang ang mga taong hindi talaga naghahangad sa katotohanan ay namumuhay nang komportable. Wala silang mga karamdaman o problema; ang lahat ay maayos na umuusad para sa kanila, at kinaiinggitan sila ng iba. Subalit wala silang ni katiting na buhay pagpasok, at nabubuhay sila na parang mga walang pananampalataya. Hindi maiiwasan ng mga taong taimtim na sumusunod sa Diyos na magdanas ng pag-uusig at paghihirap. At ano ang pinatutunayan nito kapag dumaranas ka ng pag-uusig at paghihirap? Na hindi ka iniwanan ng Diyos, na hindi ka tinalikuran ng Diyos, na lagi kang hawak at hindi binibitiwan ng Diyos. Kung bumitiw nga Siya, at nahulog ka sa bitag ni Satanas, hindi ba’t manganganib ka? Kung araw-araw kang mamumuhay sa kasalanan na naghahanap ng kasikatan at kapakinabangan, naghahangad ng mga kasiyahan, at nalulugmok sa pag-inom, pagsusugal, at kahalayan, tatalikuran ka ng Diyos. Hindi ka na Niya papansinin, at tiyak na matitiwalag ka. Maaari mong makamit ang makamundong kayamanan at katayuan, pero ang totoo, nawala na sa iyo ang pinakamahalagang bagay sa lahat—ang katotohanan, na buhay na walang-hanggan—at ni hindi mo ito alam!

Sinasabi ng ilang tao, “Bakit ba palagi akong dinidisiplina ng Diyos? Bakit napakalusog ng ibang tao samantalang palagi akong may sakit? Bakit ba lagi akong nagdurusa? Bakit napakahirap ng aking pamilya? Bakit hindi kami yumayaman? Bakit kailanman ay hindi ako makapagsuot ng magagandang damit? Bakit nakapagsusuot ang ibang tao ng magagandang damit?” Huwag kang mainggit kung gaano karami ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos ang tinatamasa ng ibang tao. Maaaring ito ay dahil maliit ang mga tayog nila at nauunawaan ng Diyos ang mga kahinaan nila, kaya pinagkakalooban Niya sila ng kaunting biyaya para tamasahin nila, hinahayaan silang maranasan ito nang paunti-unti, para dahan-dahan nilang maunawaan ang Kanyang mga gawa. Para sa iyo, napakahigpit ng mga hinihingi ng Diyos. Ang iyong buhay, gaya ng nakikita ng tao, ay hindi talaga masaya, at palagi kang nagdurusa, subalit nakaunawa ka na ng maraming katotohanan, at dapat mong pasalamatan at papurihan nang labis ang Diyos. Ito ang taong nakaaalam sa mga gawa ng Diyos. Basta’t nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, iyon ang pinakamalaking pagpapala ng Diyos, anuman ang kanyang pinagdurusahan. Ang madalas na madisiplina ng Diyos at ang madalas na maharap sa mga pagsubok, sa gayon ay madalas kang natututo ng mga aral at nakauunawa ng mga katotohanan—nangangahulugan itong sinusundan ka ng pagmamahal ng Diyos. Kung palagi kang imoral at hindi ka pa nadidisiplina, at hindi ka disiplinado, kahit gaano pa katagal magpatuloy ang iyong pagiging imoral, nang walang sinumang nagpupungos sa iyo o nakapapansin sa iyo, tapos ka na. Nangangahulugan itong tinalikuran ka na ng Diyos. May ilang tao na hindi gumaganap ng tungkulin at hindi umaako ng mga responsabilidad. Nabubuhay sila nang maalwan at walang inaalala, nang napakaginhawa. Hindi nila kayang matuto ng anumang aral, at wala silang natatamo. Ito ba ang kaligayahan? Ano kaya ang matatamo nila mula sa sarili nilang kagustuhang maging imoral, mula sa paghahangad nila sa kalayaan at sa mga kasiyahan ng kanilang laman? Nagdurusa at nagpapakapagod ka sa pagganap sa iyong tungkulin, at nagmamalasakit ang lahat sa iyo; kung minsan ay pinupungusan ka nila. Ipinakikita nitong minamahal at pinananagutan ka ng Diyos. Sa maraming bagay, kailangan mong maghanap, at kailangan mong mas magdasal sa Diyos. Pagkatapos ay mauunawaan mo ang Kanyang mga layunin. Anumang tungkulin ang iyong ginagampanan, sa anumang sitwasyon ay hindi ka dapat maging suwail, o imoral, o pabasta-basta, o mapagmatigas sa mga maling pamamaraan mo. Magmadali ka at hanapin mo ang katotohanan kapag may problema ka. Ang maisakatuparan ang iyong tungkulin at mabigyang-lugod ang Diyos ang pinakamahalaga, at likas nang magtatamasa ang iyong puso ng kapayapaan at kasiyahan. Kung masyado kang mapagmatigas o imoral, at hindi ka tumatanggap ng disiplina, at medyo matigas din ang ulo mo, malalagay ka sa panganib. Sa sandaling matiwalag ka na, hindi ka na magkakaroon ng mga pagkakataon, at magiging huli na ang lahat para sa pagsisisi. May ilang taong palaging nagdarasal kapag una silang nagkakasakit, pero sa kalaunan, kapag nakikita nilang hindi sila napagagaling ng kanilang mga panalangin, nalulugmok sila sa kanilang karamdaman, palaging nagrereklamo, at nagsasabi sa kanilang mga puso, “Walang anumang mabuting naidulot sa akin ang pananampalataya sa Diyos. May sakit ako, at ayaw akong pagalingin ng Diyos!” Hindi ito tunay na pananalig. Wala talagang pagpapasakop dito, at ang nagiging resulta nito ay kanilang kamatayan, sa sandaling matapos na sila sa pagrereklamo. Ito ang pagbawi ng Diyos sa kanilang laman at pagpapadala sa kanila sa impiyerno; ito na ang katapusan ng lahat para sa kanila. Wala na silang pagkakataong magtamo ng kaligtasan sa buhay na ito, at kailangan nang mapunta sa impiyerno ang kanilang kaluluwa. Ito ang huling yugto sa gawain ng Diyos ng pagliligtas sa sangkatauhan, at kung matitiwalag ang isang tao, hinding-hindi na siya magkakaroon ng isa pang pagkakataon! Kung mamamatay ka habang ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagliligtas, ang kamatayang ito ay isang kaparusahan, hindi isang pangkaraniwang kamatayan. Ang mga taong namamatay bilang kaparusahan ay wala nang pagkakataong maligtas. Hindi ba’t patuloy na pinarurusahan si Pablo sa Hades? Dalawang libong taon na ang nakalilipas, at naroon pa rin siya, pinarurusahan! Mas masahol pa kung alam mong mali ang ginagawa mo, at mas malala pa ang magiging kaparusahan!

Sinasabi ng ilang tao, “Dati na akong may sakit, lagi akong nagdurusa at nasasaktan. Dati pa man ay may ilan nang nangyayari sa akin, pero kailanman ay hindi ko nadama ang gawain ng Banal na Espiritu.” Tama ito. Kadalasan ay ganito gumawa ang Banal na Espiritu—hindi mo ito mararamdaman. Ito ang pagpipino. Kung minsan ay bibigyang-liwanag at pahihintulutan ka ng Banal na Espiritu na maunawaan ang ilang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabahagi. Kung minsan ay hahayaan ka Niyang mapagtanto ang isang bagay sa pamamagitan ng iyong kapaligiran, at susubukin ka, patatatagin ka, at sasanayin ka sa kapaligirang iyon, na pinalalago ka—ganito gumawa ang Banal na Espiritu. Wala kayong kaalaman nang magdaan kayo sa mga bagay-bagay noon dahil hindi ninyo pinagtuunan ang paghahanap sa katotohanan sa inyong puso. Kapag hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, hindi niya nakikita kung ano talaga ang anumang bagay at palaging baluktot ang kanyang pag-unawa. Katulad lang ito ng kapag nagkakasakit ang isang tao at naniniwalang ito ang pagdidisiplina sa kanya ng Diyos, gayong sa katunayan, ang ilang karamdaman ay gawa ng tao, dulot ng kawalan ng pagkaunawa sa mga panuntunan sa pamumuhay. Kapag kumakain ka nang walang-pagpipigil at hindi mo nauunawaan ang malusog na pamumuhay, nagkakasakit ka sa lahat ng uri ng paraan. Subalit sinasabi mong pagdidisiplina ito ng Diyos, gayong sa katunayan, nangyari ito dahil sa sarili mong kamangmangan. Pero gayunpaman, tao man ang sanhi ng isang karamdaman o ipinagkaloob ito ng Banal na Espiritu, isa itong espesyal na kabutihang mula sa Diyos; layon nitong matuto ka ng aral, at kailangan mong magpasalamat sa Diyos at hindi magreklamo. Ang bawat pagrereklamo mo ay nag-iiwan ng mantsa, at isa iyong kasalanang hindi mabubura! Kapag nagrereklamo ka, gaano katagal ang aabutin para mabago mo ang iyong kalagayan? Kung medyo negatibo ka, maaari kang gumaling pagkalipas ng isang buwan. Kapag nagrereklamo ka at nagpapahayag ng ilang negatibong emosyon, maaaring hindi ka gumaling kahit pagkalipas ng isang taon, at hindi gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Magiging napakahirap para sa iyo kung palagi kang magrereklamo, at lalo ka pang mahihirapang magtamo ng gawain ng Banal na Espiritu. Kailangan na labis na magsikap sa pagdarasal ang isang tao para maitama ang kanyang pag-iisip at matanggap ang ilan sa gawain ng Banal na Espiritu. Hindi madaling bagay ang lubos na mabago ang isang pag-iisip. Magagawa lang ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan at pagtatamo ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Sa katunayan ay may mga pagkakataon sa sarili ninyong karanasan kung kailan natatamo ninyo ang gawain ng Banal na Espiritu. Karamihan sa mga ito ay kapag nahaharap kayo sa pag-uusig at paghihirap o pagkakasakit at pagdurusa. Saka lang kayo masigasig na nagdarasal sa Diyos, humihiling sa Kanyang pagalingin kayo, na bigyan kayo ng pananalig at lakas. Ito lang isang bagay na ito ang pinagdarasal ninyo. Maaaring gusto ninyong mas magdasal pa at hanapin ang layunin ng Diyos, pero hindi ninyo alam kung ano ang sasabihin. Gusto ninyong makipagbahaginan sa Diyos ng ilang salitang mula sa inyong puso, pero wala kayong masabi. Masyadong maliit ang tayog ninyo. Minsan, pahihirapan ka ng Diyos gamit ang mga tao sa paligid mo. Sa mga pagkakataong iyon, wala kang magagawa kundi ang bumalik sa harapan ng Diyos at simulang magnilay-nilay, “Ano ba mismo ang nagawa kong mali? Pakiusap, O Diyos, bigyang-liwanag at pahintulutan Mo akong maunawaan ito. Kung hindi ako bibigyang-liwanag ng Diyos, magpapatuloy lang ako sa pagdarasal. Kung nakapagdasal na ako at hindi ko pa rin ito naunawaan, patuloy akong maghahanap tungkol sa bagay na ito, at maghahanap ako kasama ang isang taong nakauunawa sa katotohanan.” Ito ang ibig sabihin ng pagiging responsable para sa iyong sarili. May ilang taong kailanman ay hindi naghahanap sa katotohanan kapag may mga nangyayari sa kanila. Nakauunawa sila ng ilang salita at doktrina at inaakala na nilang nauunawaan nila ang katotohanan. Nililinlang nila ang kanilang sarili, at kahangalan iyon. Sila ang mga pinakahangal at pinakamangmang na tao, at ang tanging posibleng resulta nito ay mapipinsala at masisira nila ang kanilang sarili, nang hindi talaga nagtatamo ng anumang katotohanan.

Karaniwan ay hindi kayo masyadong nagdarasal, hindi ba? Kapag hindi masyadong nagdarasal ang mga tao, hindi sila masyadong naghahanap, at kung hindi sila masyadong naghahanap, nahihirapan silang maunawaan ang katotohanan, at wala silang pagpapasakop. Kung wala kang saloobin ng paghahanap, paano ka magkakaroon ng pagpapasakop? Paano mo mauunawaan ang mga gawa ng Diyos? Ni hindi mo nga alam kung paano gumagawa sa iyo ang Diyos, ni kung kanino ka dapat magpasakop o kung kaninong mga salita ang dapat mong pakinggan. Imposible ang pagpapasakop para sa iyo. Ang pagpapasakop ay hindi isang malabong bagay. Nangangailangan ito ng isang layunin at isang paglalaanan. Kung ni hindi mo alam kung bakit ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan o kung ano ang Kanyang ginagawa, paano ka magiging mapagpasakop? Nagiging hungkag na salita ang pagpapasakop kapag sinasabi mo ito. Kapag may nangyayari sa iyo, paano ka dapat magdasal, at paano ka dapat maghanap sa pamamagitan ng pagsasabi ng laman ng iyong puso? Ano ang dapat mong hanapin? Kailangang maging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito bago ka magkaroon ng tunay na panalangin. Huwag mong gayahin ang sinasabi ng ibang tao kapag nagdarasal ka, lalong huwag mong gayahin ang mga salita ni Jesus na, “Gawin nawa ang Iyong kalooban.” Huwag mong pikit-matang kopyahin ang mga salitang ito. Ang nasa loob mo ay walang iba kundi kaliwanagan at pagtanglaw, at hindi nito matutumbasan ang pagtutupad sa kalooban ng Diyos. Kapag minsan ay napupungusan ka o nagtitiis ka ng kaunting pagdurusa, huwag mong sabihing ginagawa kang perpekto ng Diyos o na kalooban Niya ito. Maling sabihin ito, at hindi ka dapat magdasal nang ganito. Nasa maling katayuan ka, at hindi gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. May ilang taong ginagaya ang panalangin ni Jesus, nagsasabing, “Gayon man hindi ayon sa pagnanais Ko, kundi ang ayon sa pagnanais Mo.” Nararapat bang ilagay ang iyong sarili sa pantay na katayuan sa Diyos? Si Cristo, mula sa perspektiba ng laman, ay binigkas ang panalanging iyon sa Espiritu sa langit. Nasa magkapantay na katayuan Sila, magkapareho ng katayuan. Iisang Diyos Sila, magkaiba lamang sa perspektiba. Nagdasal si Cristo nang ganoon; kung magdarasal din nang ganoon ang mga tao, ipinapakita nitong wala silang katwiran, at hindi kataka-takang hindi talaga sila binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu! Ang mga salitang iyon na binibigkas mo ay mga salita ng panggagaya, hindi mga salitang binibigkas nang mula sa puso. Ganap na hungkag at hindi praktikal ang mga iyon, na nagpapakitang masyadong maliit ang tayog mo para maunawaan ang mga salita o hinihingi ng Diyos. Paano ka bibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu? Masyadong lito ang mga tao! Kung ni hindi nila ito matukoy, kailanman ay hindi nila mauunawaan ang katotohanan. Huwag kang basta-bastang manggagaya ng iba kapag nagdarasal ka. Kailangan mong magkaroon ng sariling mga pag-iisip at pananaw. Kung mayroon kang hindi maunawaan, kailangan mong hanapin ang katotohanan. Kailangan mong pag-isipan nang madalas kung paano magdasal kapag may iba’t ibang uri ng bagay na nangyayari sa iyo, at kung makahanap ka ng daan pasulong, kailangan mo ring akayin ang iyong mga kapatid na magdasal nang ganoon. Dito nalulugod ang Diyos. Kailangang matutuhan ng lahat kung paano lumapit sa Diyos. Huwag mong subukang pikit-matang harapin ang lahat ng bagay nang mag-isa, at huwag mong ibatay ang ginagawa mo sa iyong mga imahinasyon. Kung sa paggawa niyon, nakagagawa ka ng mga bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan at sumasalungat sa mga layunin ng Diyos, magdudulot iyon ng problema. Kung hihilingin sa iyong pamunuan ang isang iglesia at palagi kang nangangaral ng mga salita at doktrina, pero hindi ka nagbabahagi tungkol sa kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos o kung paano magdasal sa Diyos, naligaw ka na ng landas. Kung palagi kang nangangaral ng mga salita at doktrina at nagtuturo sa mga tao ng hungkag na mga panalangin, kung saan bumibigkas lang sila ng ilang salita mula sa Bibliya at mga salita ng doktrina, hindi magkakaroon ng mga resulta, kahit paano pa sila magdasal. Hindi uunlad ang buhay nila, hindi magiging normal ang relasyon nila sa Diyos, at nangangahulugan itong maililigaw mo rin sila. Anong uri ba ng panalangin ang nagkakamit ng mga resulta? Ito ang bukas-pusong pakikipagbahaginan sa Diyos. Higit sa lahat, kailangang magdasal ang isang tao sa Diyos at maghanap sa katotohanan alinsunod sa Kanyang mga salita at Kanyang mga hinihingi. Hinihingi nito sa isang tao na maging taos-puso. Mahihirapan ang mga taong hindi taos-puso na makamit ito. Anong uri ng mga tao ang binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu? Ang mga taong matalas at pino ang pag-iisip. Kapag binibigyan sila ng Banal na Espiritu ng pagkaramdam o binibigyang-liwanag sila, nararamdaman nilang gawain ito ng Banal na Espiritu, na ang Diyos ang gumagawa nito. O kung minsan, kapag binibigyang-liwanag o sinasaway sila ng Banal na Espiritu, agad nila itong nahahalata at nirerendahan ang kanilang sarili. Ang mga ito ang uri ng taong binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu. Kung ang isang tao ay pabaya at walang espirituwal na pang-unawa, hindi niya mapagtatantong may ipinararamdam sa kanya ang Banal na Espiritu. Hindi niya iniintindi ang gawain ng Banal na Espiritu. Maaari siyang bigyang-liwanag ng Banal na Espiritu nang tatlo o apat na beses, gayumpaman, hindi niya ito tinatanggap, kaya hindi na gagawa sa kanya ang Banal na Espiritu. Bakit ba patuloy na sumasampalataya ang ilang tao, pero hindi nila naaabot ang Diyos o nararamdaman ang paggawa ng Banal na Espiritu, at madilim ang kalooban nila, at sila ay lugmok sa depresyon, at walang lakas? Wala talaga silang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Paano sila magkakaroon ng anumang lakas, gamit ang mga walang-buhay na bagay at doktrinang iyon? Hindi magtatagal ang isang tao sa kasiglahan lang; kailangang maunawaan ng isang tao ang katotohanan para magkaroon ng lakas. Samakatwid, sa pananampalataya sa Diyos, kailangang maging pino ang pag-iisip ng isang tao, at kailangan niyang tumuon sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, sa pagkilala sa kanyang sarili, at sa pag-unawa at pagsasagawa sa katotohanan. Saka lang niya matatamo ang gawain at pangunguna ng Banal na Espiritu. May ilang tao na may kakayahan lang na umintindi sa katotohanan, pero kailanman ay hindi pa nila naobserbahan o naranasan ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa hinaharap, kailangan ninyong pagtuunan ng pansin ang pinakapinong pakiramdam at ang pinakapinong liwanag. Sa tuwing may mangyayari sa inyo, dapat ninyo itong tingnan at tratuhin alinsunod sa katotohanan. Sa ganitong paraan ka unti-unting mapupunta sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Kung titingnan mo ang lahat ng bagay gamit ang iyong makamundong pagtingin; kung susuriin mo ang lahat ng bagay gamit ang doktrina, lohika, at mga patakaran; at kung susuriin at haharapin mo ang lahat ng bagay batay sa pag-iisip ng tao, hindi iyon paghahanap sa katotohanan, at hindi mo makakayang magpasakop sa Diyos. Kahit gaano karaming taon ka nang nanampalataya sa Diyos, mapupunta ka sa labas ng mga salita ng Diyos, magiging tagalabas ka, at hindi mo mauunawaan ang katotohanan. Ngayon ay kailangan na ninyong unti-unting ituon ang inyong pansin sa direksyong ito at magsikap tungo sa katotohanan. Pagkalipas ng ilang taon ng karanasan, lalago nang kaunti ang inyong tayog at mauunawaan ninyo ang ilan sa katotohanan. Huwag mong isiping hindi problema ang mahuli sa pananalig sa Diyos, na makapapasok ka rin sa katotohanang realidad kapag nakapasok ang iba, o na hindi ka kailanman mapag-iiwanan. Hindi ka dapat ganito mag-isip. Kung ganito ka mag-isip, tiyak na mapag-iiwanan ka. Kung huli ka nang sumampalataya sa Diyos, dapat ay lalo ka pang magmadali. Kailangan mong gawin ang lahat ng makakaya mo para makahabol, saka mo lang masasabayan ang mga yapak ng gawain ng Diyos at mapipigilan ang iyong sariling mapag-iwanan at matiwalag.