Mga Salita sa Kung Paano Lumutas ng mga Tiwaling Disposisyon (Sipi 53)
Kapag hindi umaako ng responsabilidad ang mga tao sa kanilang mga tungkulin, kapag ginagawa nila ang mga ito nang pabasta-basta, kapag kumikilos sila na parang mga mapagpalugod ng mga tao, at hindi nila pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, anong disposisyon ito? Ito ay katusuhan, ito ay disposisyon ni Satanas. Ang pinakakapansin-pansing aspekto sa mga pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo ay ang katusuhan. Iniisip ng mga tao na kung hindi sila tuso, malamang na masasaktan nila ang damdamin ng iba at hindi nila mapoprotektahan ang kanilang mga sarili; iniisip nila na kailangan nilang maging sapat na tuso upang hindi makapanakit o makapagpasama ng loob ninuman, nang sa gayon ay mapananatili nilang ligtas ang kanilang mga sarili, mapangangalagaan nila ang kanilang mga kabuhayan at magkakaroon sila ng matatag na katayuan sa ibang mga tao. Ang mga walang pananampalataya ay namumuhay lahat ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Silang lahat ay mga mapagpalugod ng mga tao at hindi nila pinapasama ang loob ng sinuman. Narito ka na sa sambahayan ng Diyos, nabasa mo na ang salita ng Diyos, at nakinig ka na sa mga sermon ng sambahayan ng Diyos, kaya bakit hindi mo maisagawa ang katotohanan, bakit hindi ka makapagsalita mula sa puso, at maging matapat na tao? Bakit lagi kang mapagpalugod ng mga tao? Pinoprotektahan lang ng mga mapagpalugod ng mga tao ang sarili nilang mga interes, at hindi ang mga interes ng iglesia. Kapag may nakikita silang isang taong gumagawa ng masama at pumipinsala sa mga interes ng iglesia, hindi nila ito pinapansin. Mahilig silang maging mapagpalugod ng mga tao, at ayaw nilang makapagpasama ng loob ng sinuman. Iresponsable ito, at ang ganoong uri ng tao ay masyadong tuso at hindi mapagkakatiwalaan. Para maprotektahan ang kanilang sariling banidad at pagpapahalaga sa sarili, at para mapanatili ang kanilang reputasyon at katayuan, masaya ang ilang tao na makatulong sa iba, at na magsakripisyo para sa kanilang mga kaibigan kahit ano pa ang maging kapalit. Pero kapag kailangan nilang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang katotohanan, at ang hustisya, nawawala ang kanilang mabubuting intensyon, ganap nang naglaho ang mga ito. Kapag dapat nilang isagawa ang katotohanan, hindi nila ito isinasagawa ni bahagya. Anong nangyayari? Para maprotektahan ang sarili nilang dignidad at pagpapahalaga sa sarili, magbabayad sila ng anumang halaga at magtitiis ng anumang pagdurusa. Pero kapag kailangan nilang gumawa ng totoong gawain at mag-asikaso ng mga praktikal na bagay, na protektahan ang gawain ng iglesia at ang mga positibong bagay, at protektahan at tustusan ang mga taong hinirang ng Diyos, bakit wala na silang lakas para magbayad ng anumang halaga at magtiis ng anumang pagdurusa? Hindi iyon kapani-paniwala. Ang totoo, mayroon silang isang uri ng disposisyon na tutol sa katotohanan. Bakit Ko sinasabing ang disposisyon nila ay tutol sa katotohanan? Dahil sa tuwing ang isang bagay ay nangangailangan ng pagpapatotoo sa Diyos, pagsasagawa ng katotohanan, pagprotekta sa mga taong hinirang ng Diyos, paglaban sa mga pakana ni Satanas, o pagprotekta sa gawain ng iglesia, tumatakas sila at nagtatago, at hindi sila nakikibahagi sa anumang nararapat na mga bagay. Nasaan ang kanilang kabayanihan at diwa na magtiis ng pagdurusa? Saan nila ginagamit ang mga iyon? Madali itong makita. Kahit pa pagsabihan sila, sabihan na hindi sila dapat maging masyadong makasarili at mababang-uri, at protektahan ang sarili nila, at na dapat nilang protektahan ang gawain ng iglesia, wala talaga silang pakialam. Sinasabi nila sa kanilang sarili, “Hindi ko ginagawa ang mga bagay na iyon, at walang kinalaman ang mga iyon sa akin. Ano ang magandang maidudulot ng pagkilos nang gayon sa aking paghahangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan?” Hindi sila mga taong hinahangad ang katotohanan. Gusto lang nilang maghangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan, at hindi man lang nila ginagawa ang gawaing naipagkatiwala sa kanila ng Diyos. Kaya, kapag kinakailangan sila para gawin ang gawain ng iglesia, pinipili na lang nilang tumakas. Nangangahulugan ito na sa puso nila, ayaw nila sa mga positibong bagay, at hindi sila interesado sa katotohanan. Malinaw itong pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan at nagtataglay ng katotohanang realidad ang kayang tumulong kapag kinakailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos at ng mga taong hinirang ng Diyos, sila lamang ang kayang manindigan, nang buong tapang at nang nakatali sa tungkulin, upang magpatotoo sa Diyos at ibahagi ang katotohanan, inaakay ang hinirang na mga tao ng Diyos papunta sa tamang landas, binibigyang-kakayahan silang makamit ang pagpapasakop sa gawain ng Diyos. Ito lamang ang saloobin ng pagkakaroon ng responsabilidad at pagpapamalas ng pagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa layunin ng Diyos. Kung wala kayong ganitong saloobin at kung pabaya lang kayo sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay at iniisip ninyong, “Gagawin ko ang mga bagay na nasa saklaw ng aking tungkulin ngunit wala na akong pakialam sa iba pa. Kung may itatanong ka sa akin, sasagutin kita—kung maganda ang lagay ng kalooban ko. Kung hindi naman, hindi kita sasagutin. Ito ang saloobin ko,” ito ay isang uri ng tiwaling disposisyon, hindi ba? Ang pagprotekta lamang sa sariling katayuan, reputasyon, at pagpapahalaga sa sarili, at ang pagprotekta lamang sa mga bagay na may kaugnayan sa mga pansariling interes—pagprotekta ba ito sa isang makatarungang layunin? Pagprotekta ba ito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ang nasa likod ng mga hamak at makasariling motibong ito ay ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Ang karamihan sa inyo ay madalas na nagpapakita ng mga ganitong uri ng pagpapamalas, at sa sandaling may makaharap kayong may kaugnayan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, umiiwas kayo sa pamamagitan ng pagsasabing, “Hindi ko nakita,” o “Hindi ko alam,” o “Hindi ko pa nabalitaan.” Talagang hindi mo man alam o nagkukunwari ka lamang, kung naghahayag ka ng ganitong klase ng tiwaling disposisyon kapag nasa mga krikital na sandali, mahirap sabihin kung isa kang taong tunay na nananalig sa Diyos; para sa Akin, isa kang taong nalilito sa kanyang pananalig, o kaya naman ay isang hindi mananampalataya. Walang dudang hindi ka isang taong nagmamahal sa katotohanan.
Maaaring nauunawaan ninyo kung ano ang ibig sabihin ng maging tutol sa katotohanan, pero bakit sinasabi Ko na isang disposisyon ang pagiging tutol sa katotohanan? Walang kinalaman ang isang disposisyon sa mga paminsan-minsan at pansamantalang pagpapamalas, at hindi ibinibilang na problema sa disposisyon ang mga paminsan-minsan at pansamantalang pagpapamalas. Kahit ano pang uri ng tiwaling disposisyon ang mayroon ang isang tao, madalas o lagi pa nga itong mabubunyag sa kanya, at mahahayag ito sa tuwing nasa tamang konteksto ang taong iyon. Samakatuwid, hindi mo maaaring basta-basta na lang ilarawan ang isang problema sa disposisyon batay sa paminsan-minsan at pansamantalang pagpapamalas. Kung gayon, ano ba ang isang disposisyon? May kaugnayan ang mga disposisyon sa mga intensyon at motibasyon, may kaugnayan ang mga ito sa pag-iisip at pananaw ng isang tao. Tila napapakiramdaman mo na pinangingibabawan at iniimpluwensyahan ka ng mga ito, pero ang mga disposisyon ay maaari din namang itago at ikubli, at palabuin ng mabababaw na pangyayari. Sa madaling salita, hangga’t may disposisyon sa loob mo, makikialam ito sa iyo, pipigilan at kokontrolin ka nito, at magiging sanhi ito ng maraming pag-uugali at pagpapamalas sa iyo—iyon ang isang disposisyon. Anong mga pag-uugali, kaisipan, pananaw, at saloobin ang madalas na ibinubunga ng disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan? Isa sa mga pangunahing katangian ng pagiging tutol sa katotohanan na ipinapakita ng mga tao ay ang kawalan ng interes sa mga positibong bagay at sa katotohanan, pati na ang kawalan ng interes, kawalan ng sigla ng puso, at kawalan ng pagnanasang abutin ang katotohanan, at ang pag-iisip na ayos lang ang lahat ng ito pagdating sa anumang bagay na may kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Magbibigay Ako ng simpleng halimbawa. Isang halimbawa ng sentido kumon na madalas pinag-uusapan ng mga tao tungkol sa mabuting kalusugan ay ang kumain ng mas maraming prutas at gulay, kumain ng mas maraming magagaan na pagkain at mas kaunting karne, at lalo na ng pinritong pagkain; positibong gabay ito para sa kalusugan at mabuting pangangatawan ng mga tao. Mauunawaan at matatanggap ng lahat kung ano ang dapat kainin nang mas marami at kung ano ang dapat kainin nang mas kaunti, kaya nakabatay ba ang pagtanggap na ito sa teorya o sa pagsasagawa? (Sa teorya.) Paano ipinapamalas ang teoretikal na pagtanggap? Sa isang uri ng pangunahing pagkilala. Ito ay ang pag-iisip na tama ang pahayag na ito, at na napakaganda ng pahayag na ito, sa pamamagitan ng pagkilatis na batay sa iyong paghusga. Pero may anumang katibayan ka ba para maipakita ang pahayag na ito? May anumang batayan ka ba para paniwalaan ito? Kahit hindi mo pa ito mismo nararanasan, kahit wala namang saligan o batayan para patunayan kung tama ba o mali ang pahayag na ito, at lalo nang kahit walang hinugot na mga aral mula sa mga nakaraang pagkakamali, at kahit walang mga halimbawa sa totoong buhay, basta mo na lang tinanggap ang pananaw na ito—ito ay teoretikal na pagtanggap. Teoretikal o praktikal mo man itong tinatanggap, dapat mo munang kumpirmahin na tama at isang positibong bagay ang pahayag na “kumain ng mas maraming gulay at mas kaunting karne.” Kaya, paano makikita ang disposisyon mo ng pagiging tutol sa katotohanan? Batay sa kung paano mo hinaharap at ginagamit ang pahayag na ito sa iyong buhay; ipinapakita nito ang saloobin mo patungkol sa pahayag na iyon, kung tinanggap mo ba ito nang teoretikal at ayon sa doktrina, o kung isinakatuparan mo ba ito sa totoong buhay at ginawa mo itong realidad mo. Kung tinanggap mo lang ang pahayag na ito nang ayon sa doktrina, pero ang ginagawa mo naman sa totoong buhay ay ganap na sumasalungat sa pahayag na ito, o kung wala kang ipinapakitang praktikal na aplikasyon ng pahayag na ito, gusto mo ba ang pahayag na ito, o tutol ka ba rito? Halimbawa, kapag kumakain ka at nakakakita ka ng ilang berdeng gulay, at naiisip mo na, “Mainam sa kalusugan ng isang tao ang mga berdeng gulay, pero hindi masarap ang mga ito, at mas masarap ang karne, kaya kakain muna ako ng kaunting karne,” at pagkatapos ay karne na lang ang kinain mo at wala kang kinaing berdeng gulay—anong uri ng disposisyon ang ipinapakita nito? Isang disposisyon na hindi tumatanggap ng mga tamang pahayag, na tutol sa mga positibong bagay, at ang gusto lamang ay ang kumain nang ayon sa mga kagustuhan ng laman. Ang ganitong uri ng tao na masiba at sakim sa kalayawan ay tutol, lumalaban, at nasusuklam sa mga positibong bagay, at isa itong uri ng disposisyon. Maaaring tanggapin ng isang tao na medyo tama ang pahayag na ito, pero hindi niya ito magawa mismo, at bagama’t hindi niya ito magawa, sinasabi pa rin niya sa iba na gawin nila ito; matapos sabihin ito nang maraming beses, nagiging isang uri na ng teorya ang pahayag na iyon sa kanya, at wala na itong bisa sa kanya. Alam na alam naman ng taong iyon sa kanyang puso na tamang kumain ng mas maraming gulay at na hindi mabuting kumain ng maraming karne, pero iniisip niya na, “Anuman ang mangyari, hindi ako nawalan, pananamantala ang pagkain ng karne, at hindi ko naman nararamdamang masama ito sa kalusugan.” Ang kasakiman at mga pagnanasa niya ang nagtulak sa kanya na piliin ang isang maling paraan ng pamumuhay, at nagtulak sa kanya na palaging kontrahin ang tamang sentido kumon at ang tamang paraan ng pamumuhay. Mayroon siyang uri ng tiwaling disposisyon na natatakam sa mga pakinabang at kasiyahan ng laman, kaya magiging madali ba para sa kanya na tumanggap ng mga tamang pahayag at positibong bagay? Hinding-hindi ito magiging madali. Hindi ba’t nakokontrol ng kanyang tiwaling disposisyon ang paraan ng kanyang pamumuhay, kung gayon? Isa itong pagbubunyag ng kanyang tiwaling disposisyon, at isa itong pagpapamalas ng kanyang tiwaling disposisyon. Ang hayag na ipinapamalas ay ang mga pag-uugaling ito at ang isang saloobin, pero ang totoo, isang disposisyon ito na kumokontrol sa kanya. Anong disposisyon ito? Ito ay pagiging tutol sa katotohanan. Mahirap matuklasan ang disposisyong ito ng pagiging tutol sa katotohanan; hindi nararamdaman ng sinuman na tutol sila sa katotohanan, pero ang katunayang ilang taon na silang sumampalataya sa Diyos pero hindi pa rin nila alam kung paano isagawa ang katotohanan ay sapat na para ipakita na tutol sila sa katotohanan. Nakikinig ang mga tao sa napakaraming sermon at napakarami nilang binabasang salita ng Diyos, at ang layunin ng Diyos ay ang tanggapin nila ang Kanyang mga salita sa kanilang puso at dalhin ang mga salitang ito sa kanilang totoong buhay para isagawa at gamitin, para maunawaan nila ang katotohanan at maisabuhay ang katotohanan. Mahirap para sa karamihan ng mga tao na makamit ang hinihinging ito, at iyon ang dahilan kung bakit sinasabing may disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan ang karamihan sa mga tao.
Kapag nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, hindi mahirap para sa kanya na isagawa ang katotohanan, at kapag naisasagawa na ng isang tao ang katotohanan, makakapasok na siya sa katotohanang realidad. Ganoon ba talaga kahirap na gawing mga realidad na isinasabuhay ng isang tao ang mga katotohanang nauunawaan niya? Hayaan mong bigyan kita ng halimbawa. Sabihin nang malamig ang panahon at sinubukan mong umalis ng bahay na may pawis pa sa iyong noo, at sinabi ng nanay mong punasin mo muna ang pawis mo bago ka lumabas o kung hindi ay sisipunin ka. Alam mong gusto lang ng nanay mo ang makabubuti para sa iyo, pero hindi mo sineryoso ang payo niya, at binalewala mo ito kahit na nararamdaman mo namang tama ang mungkahi niya. Lumabas ka pa rin nang may pawis sa iyong noo, at paminsan-minsan ay nagkakasipon ka nga matapos lumabas nang ganito, pero patuloy mo pa ring sinuway ang payo niya nang sumunod na pagkakataong lumabas ka ng bahay. Halata namang alam mong tama at para sa ikabubuti mo ang payo niya, at na ang mga motibo at intensyon ng nanay mo ay laging para sa kapakanan mo, pero nagbingi-bingihan ka pa rin at hindi mo ito pinakinggan—hindi ba’t disposisyon ito? Kung hindi ka nagkaroon ng ganitong disposisyon, ano kaya ang pipiliin mong gawin? (Ang makinig.) Malalaman mo ang kahalagahan ng payong ito, at malalaman mo ang ibubunga at sakit na maaari mong pagdusahan mula sa hindi pakikinig dito, at maiintindihan at mauunawaan mo ang kahulugan ng mungkahing ito. Magagawa mong mahigpit na sumunod sa payong ito at laging isakatuparan ito, at pagkatapos, malamang ay hindi ka na sisipunin. Isang halimbawa lang ito. Katulad ito ng pagsampalataya sa Diyos, at pagbabasa at pakikinig sa mga salita ng Diyos, kaya paano ba dapat tratuhin ng mga tao ang mga salita ng Diyos? Ito ang pinakamahalagang tanong. Kung nagsasalita ang isang tao alinsunod sa katotohanan at tama ito, makikinabang ang mga tao sa pagtanggap sa kanyang mga salita. Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at kung magagawa ng mga taong tanggapin ang mga ito, hindi lamang sila makikinabang, tatamuhin pa nila ang buhay. Hindi makita ng maraming tao ang bagay na ito nang malinaw, at lagi silang mapanghamak sa mga salita ng Diyos. Kahit ano pang sabihin ng Diyos, nanghihimok man Siya, sumasaway, nagpapaalala, umaalo, o taos-pusong pinapakiusapan ang mga tao, kahit paano pa Siya magsalita, hindi Niya magising ang kanilang puso. Hindi sila makakilos ayon sa Kanyang mga salita, at matapos mapakinggan ang mga ito, nagbibingi-bingihan lang sila. Isa ito sa mga disposisyon ng tao—pagmamatigas at pagiging tutol sa katotohanan. Kung hindi mo kayang sumunod sa mga salita ng Diyos sa kung paano mo hinaharap ang mga bagay-bagay na sinasabi at iniuutos ng Diyos na gawin mo, hindi mo magagawang baguhin ang disposisyong ito. Kahit gaano ka pa sumang-ayon o magsabi ng amen sa bawat salitang sinasabi ng Diyos, kahit gaano mo pa purihin ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan gamit ang iyong bibig, wala itong silbi; dapat ay magawa mong tanggapin ang mga salita ng Diyos, at dapat ay maisagawa at maranasan mo ang mga salita ng Diyos, at gawin mong buhay mo at realidad mo ang mga salita ng Diyos, iyon lang ang kapaki-pakinabang. Halimbawa, kung magpasyang maging tapat at magsalita nang totoo ang isang taong may mapanlinlang na disposisyon, medyo madali para sa kanya na makamit ito, pero ang pinakamahirap na baguhin ay ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan at pagmamatigas. Kahit ano pa ang sabihin ng Diyos, hindi ito sineseryoso sa kanilang puso ng mga taong may ganitong disposisyon, at kahit ano pa ang maging saloobin ng Diyos, isa man itong pagbababala, pagpapaalala, panghihimok, o taos-pusong pakikiusap, pagpapakita ng mga katunayan o pangangatwiran ng mga bagay-bagay, hindi nito naaantig ang kanilang puso, at mahirap itong iwasto. Mahirap para sa mga tao na makilala ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan, at dapat nilang madalas na hanapin ang katotohanan at pagnilay-nilayan ang sarili nilang mga kalagayan, kung bakit hindi nila matanggap ang katotohanan, at kung bakit hindi nila maisagawa ang mga katotohanang kanilang nauunawaan. Kung lubusan nilang nauunawaan ang problemang ito, malalaman nila ang ibig sabihin ng maging tutol sa katotohanan.
May isang bagay na nakatago sa loob ng disposisyon ng mga tao na nagpapamalas sa saloobin ng hindi pagiging mapanupil ni pagiging alipin. May sarili silang paraan ng pag-iisip at pagpapahayag sa kanilang sarili, at iniisip nila na ito ang pinakaangkop na paraan. Kahit ano pa ang sabihin o gawin ng iba, hindi sila naiimpluwensyahan ng mga ito; pinagpipilitan nilang gawin ang anumang pakiramdam nila ay makakapagpataas ng tingin ng mga tao sa kanila, naniniwalang ito ang tamang gawin; hindi nila tinatanggap ang katotohanan ni bahagya man, hindi nila kayang harapin nang tama ang mga katunayan, at wala silang anumang katotohanang prinsipyo. Anong uri ng disposisyon ito? Ito ang disposisyon ng pagmamataas at pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba at pagiging tutol sa katotohanan. Bingi at bulag sa mga salita at gawa ng Diyos ang mga nabibilang kay Satanas at tutol sa katotohanan, kahit gaano pa magsalita o gumawa ang Diyos. Hindi kailanman tinatrato ni Satanas ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan, binabalewala nito ang mga iyon, hindi nito hinahayaang tanggapin ng mga tao ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, at nililihis din nito ang mga tao para magpasakop sila rito—ganito kinakalaban ni Satanas ang Diyos. Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan para iligtas, gisingin, at dalisayin ang sangkatauhan, at ginagawa naman ni Satanas ang lahat para guluhin at wasakin ang gawain ng Diyos; ang layunin ni Satanas sa panlilihis sa sangkatauhan ay ang gawing tiwali at gambalain ang sangkatauhan, at sa huli ay lamunin at sirain ang sangkatauhan. Halimbawa, binigyan ng Diyos ang sangkatauhan ng iba’t ibang uri ng pagkain, at nilikha rin Niya ang iba’t ibang uri ng butil at gulay, pati na ang lupang angkop para pagtamnan ng mga ito. Hangga’t nagsisikap ng mabuti ang mga tao, magkakaroon sila ng sapat na makakain at magagamit, at sisiguraduhin nitong magkakaroon sila ng masustansyang pagkain. Pero walang kasiyahan ang mga tao at gusto nilang laging yumaman, at nagpupumilit silang manaliksik ng mga pamamaraan ng genetic modification para paramihin ang ani, na sinisira ang aktwal na sustansya ng mga butil, at ginagawang pagkaing hindi organiko ang mga pagkaing organiko. Pagkatapos kainin ng mga tao ang mga bagay na ito, lumilitaw ang iba’t ibang uri ng sakit sa kanilang katawan—hindi ba’t gawa ito ni Satanas? Talagang ginawa nang tiwali ni Satanas ang mga tao sa puntong naging mga buhay na Satanas at buhay na diyablo na silang lahat. Dati-rati, si Satanas at ang masasamang espiritu lamang ang lumalaban sa Diyos, pero ngayon lumalaban na sa Diyos ang buong tiwaling sangkatauhan. Kaya, hindi ba’t mga diyablo at Satanas ang mga tiwaling tao? Hindi ba’t sila ang mga inapo ni Satanas? (Oo.) Ito ang ibinunga nang gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon. Paano mo malalaman at makikilala ang isang satanikong disposisyon? Batay sa mga bagay na hilig gawin ni Satanas, pati na rin sa mga pamamaraan at panlilinlang na ginagamit nito sa paggawa ng mga bagay-bagay, makikita ng isang tao na hindi nito kailanman gusto ang mga positibong bagay, na kasamaan ang gusto nito, at na palagi nitong iniisip na may kakayahan ito at na nakokontrol nito ang lahat ng bagay. Ito ang mapagmataas na kalikasan ni Satanas. Iyon ang dahilan kung bakit walang-prinsipyong itinatatwa, nilalabanan, at sinasalungat ni Satanas ang Diyos. Si Satanas ang kinatawan at pinagmumulan ng lahat ng negatibong bagay at lahat ng masasamang bagay. Kung malinaw mo itong nakikita, mayroon kang pagkakilala sa mga satanikong disposisyon. Hindi isang simpleng bagay para sa mga tao na tanggapin ang katotohanan at isagawa ang katotohanan, dahil silang lahat ay may mga satanikong disposisyon, at lahat sila ay napipigilan at nagagapos ng kanilang mga satanikong disposisyon. Halimbawa, kinikilala ng ilang tao na mabuting maging isang matapat na tao, at naiinggit sila at nagseselos kapag nakikita nilang ang iba ay matapat, nagsasabi ng totoo, at nagsasalita nang simple at bukas ang puso, ngunit kung hihilingin mo sa kanila na sila mismo ay maging matatapat na tao, nahihirapan sila. Sadyang wala silang kakayahang magsalita ng mga tapat na salita at gumawa ng mga tapat na bagay. Hindi ba’t isa itong satanikong disposisyon? Nagsasabi sila ng mga bagay na masarap pakinggan, pero hindi naman nila isinasagawa ang mga ito. Ito ay pagiging tutol sa katotohanan. Ang mga tutol sa katotohanan ay nahihirapang tanggapin ang katotohanan at wala silang paraan para makapasok sa mga katotohanang realidad. Ang pinakanakikitang kalagayan ng mga taong tutol sa katotohanan ay na hindi sila interesado sa katotohanan at sa mga positibong bagay, nasusuklam at namumuhi pa nga sila sa mga ito, at gustong-gusto nilang sumunod sa mga kalakaran. Hindi nila tinatanggap sa kanilang puso ang mga bagay na minamahal ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos na gawin ng mga tao. Sa halip, wala silang pakialam at wala silang interes sa mga ito, at madalas pa ngang kinamumuhian ng ilang tao ang mga pamantayan at prinsipyong hinihingi ng Diyos sa mga tao. Nasusuklam sila sa mga positibong bagay, at palagi silang nakadarama sa puso nila ng paglaban, pagtutol, at labis na pagkasuklam sa mga ito. Ito ang pangunahing pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan. Sa buhay-iglesia, ang pagbabasa ng salita ng Diyos, pagdarasal, pagbabahaginan sa katotohanan, pagganap sa mga tungkulin, at paglutas ng mga problema gamit ang katotohanan ay pawang mga positibong bagay. Kasiya-siya ang mga ito para sa Diyos, pero ang ilang tao ay nasusuklam sa mga positibong bagay na ito, walang pakialam sa mga ito, at walang interes sa mga ito. Ang pinakanakapopoot na bahagi ay na may mapangutya silang saloobin sa mga positibong tao, gaya ng matatapat na tao, mga naghahangad sa katotohanan, mga matapat na gumaganap ng kanilang mga tungkulin, at mga pumoprotekta sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Palagi nilang sinusubukang batikusin at ibukod ang mga taong ito. Kung matuklasan nilang may mga pagkukulang o paghahayag ng katiwalian ang mga ito, sinusunggaban nila ito, gumagawa sila ng malaking gulo tungkol dito, at palagi nilang hinahamak ang mga ito dahil dito. Anong uri ng disposisyon ito? Bakit sila labis na mapanlaban sa mga positibong tao? Bakit nila labis na kinagigiliwan at pinagbibigyan ang masasamang tao, ang mga hindi mananampalataya, at ang mga anticristo, at bakit sila madalas na nagloloko kasama ang gayong mga tao? Pagdating sa mga may kinalaman sa mga negatibo at masasamang bagay, nasasabik at natutuwa sila, pero pagdating sa mga positibong bagay, nagsisimulang lumitaw sa kanilang saloobin ang paglaban; sa partikular, kapag naririnig nilang nagbabahagi ng katotohanan ang mga tao o lumulutas ng mga problema gamit ang katotohanan, may pagtutol at kawalang-kasiyahan sa kanilang puso, at naglalabas sila ng mga hinanakit. Hindi ba’t pagiging tutol sa katotohanan ang disposisyong ito? Hindi ba’t paghahayag ito ng isang tiwaling disposisyon? Maraming taong nananalig sa Diyos ang gustong gumawa ng gawain para sa Kanya at masiglang magpakaabala para sa Kanya, at pagdating sa paggamit ng kanilang mga kaloob at kalakasan, pagbibigay-layaw sa kanilang mga kagustuhan at pagpapakitang-gilas, hindi sila nauubusan ng enerhiya. Pero kung hihilingin mo sa kanila na isagawa ang katotohanan at kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, nawawalan sila ng enerhiya, at nawawalan sila ng sigla. Kapag hindi sila pinapayagang magpakitang-gilas, nawawalan sila ng gana at nasisiraan ng loob. Bakit sila may enerhiya para sa pagpapakitang-gilas? At bakit sila walang enerhiya para sa pagsasagawa ng katotohanan? Ano ang problema rito? Gusto ng lahat ng tao na maging natatangi; nagnanasa silang lahat ng hungkag na kaluwalhatian. Ang lahat ay may hindi maubos-ubos na enerhiya pagdating sa pananalig sa Diyos alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala at gantimpala, kaya bakit sila nawawalan ng gana, bakit sila nasisiraan ng loob pagdating sa pagsasagawa ng katotohanan at paghihimagsik laban sa laman? Bakit ito nangyayari? Pinatutunayan nito na may karumihan ang puso ng mga tao. Nananalig sila sa Diyos para lang magtamo ng mga pagpapala—sa madaling salita, ginagawa nila ito para makapasok sa kaharian ng langit. Kapag walang hahangaring mga pagpapala o pakinabang, nawawalan ng gana at nasisiraan ng loob ang mga tao, at wala silang kasigla-sigla. Ang lahat ng ito ay bunga ng isang tiwaling disposisyon na tutol sa katotohanan. Kapag nakokontrol ng disposisyong ito, ayaw ng mga taong piliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, tinatahak nila ang sarili nilang daan, at pinipili nila ang maling landas—alam na alam naman nilang maling hangarin ang katanyagan, pakinabang, at katayuan pero hindi pa rin nila kayang mabuhay nang wala ang mga ito o na isantabi ang mga ito, at hinahangad pa rin nila ang mga ito, tinatahak ang landas ni Satanas. Sa ganitong sitwasyon, hindi ang Diyos ang sinusunod nila, kundi si Satanas. Ang lahat ng ginagawa nila ay pagseserbisyo kay Satanas, at sila ay mga alipin ni Satanas.
Madali bang baguhin ang tiwaling disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan? Ang pagiging tutol sa katotohanan ay isang katangian ng malalim na katiwalian ng sangkatauhan, at ito ang pinakamahirap baguhin. Dahil makakamit lamang ang isang pagbabago sa disposisyon sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan. Hindi madaling matatanggap ng isang taong tutol sa katotohanan ang katotohanan, tulad ng kung paanong tinatanggihan ng isang taong mamamatay na sa sakit ang pagkain. Lubhang mapanganib ito, at hindi madaling maililigtas ang isang taong tutol sa katotohanan, kahit pa sumasampalataya siya sa Diyos. Kung ilang taon nang sinasampalatayaan ng isang tao ang Diyos pero hindi niya alam kung ano ang katotohanan, at kung ano ang mga positibong bagay, at ni hindi malinaw sa kanya ang mithiin sa buhay na paghahangad sa katotohanan para makamit ang kaligtasan, hindi ba’t isa itong taong bulag na naligaw ng landas? Samakatuwid, ginagawang imposible ng pagiging tutol sa katotohanan na tanggapin ang katotohanan, at ang ganitong uri ng tiwaling disposisyon ay hindi madaling baguhin. Ang mga nagmamahal sa katotohanan ang mga taong nagagawang piliing tanggapin ang katotohanan at tahakin ang tamang landas, at madaling mababago ng mga taong gaya nito ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Kung may disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan ang isang tao, pero inaasam pa rin niya sa kanyang puso na iligtas siya ng Diyos, saan siya dapat magsimula? Saan magsisimula para mas maging madali ito? Ano ang pinakamabilis na ruta? (Pagkatapos maunawaan kung ano ba ang mga positibong bagay, at kung ano ba ang mga prinsipyo, dapat niyang gamitin ang mga prinsipyo at pamantayan bilang kanyang sukatan habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, at kung may isang bagay na sumasalungat sa mga prinsipyo at hindi ito alinsunod sa mga layunin ng Diyos, dapat niyang panghawakan ang mga prinsipyo at huwag gawin ito.) Dapat muna niyang maintindihang mabuti ang mga prinsipyo ng bawat katotohanan—napakahalaga nito. Ano ang susunod? (Kapag nagbubunyag siya ng kalagayan na tutol sa katotohanan, at sangkot dito ang kanyang tungkulin at ang mga prinsipyo, dapat siyang maghimagsik laban sa laman at dapat siyang magsagawa ayon sa mga prinsipyo.) Tama iyan, dapat mayroon siyang landas, at dapat malinaw ang mithiin at ang landas na iyon. Sa ngayon, ang napakahalagang bagay ay na hindi alam ng karamihan ng mga tao kung aling aspekto ng kanilang disposisyon ang nabubunyag sa kung anong konteksto at sa kung anong oras, at sa kung paanong paraan ito nabubunyag. Kung alam nila ang lahat ng iyon, hindi ba’t magiging madali para sa kanila na magbago? Kung ngayon titingnan, talagang sangkot sa iba’t ibang uri ng pag-iisip o saloobin ng mga tao ang mga disposisyon; kung wala ang pangingibabaw ng iba’t ibang disposisyon, kung wala ang panghahamon o pamiminsala ng kanilang mga tiwaling disposisyon, magiging madali sana para sa mga tao na itama ang mga mali nilang kaisipan. Halimbawa, ipagpalagay nang sinasabi sa iyo ng nanay mong punasin mo muna ang pawis mo bago ka lumabas ng bahay. Kung masunurin at uliran kang anak, habang napapakiramdaman mo ang mabuting intensyon ng iyong nanay, maiintindihan mo rin ang kawastuhan ng payong ito, at malalaman mo rin ang kapakinabangan nito, at masasang-ayunan at matatanggap mo ito. Kung wala kang tiwaling disposisyon na sumusumpong at pumipigil sa iyo, magiging madali para sa iyo na tanggapin ang mungkahing ito. Bagama’t napakasimple ng payo na ito at madali itong isakatuparan, at alam mo namang tama ito, dahil may disposisyon kang tutol sa katotohanan at nagmamatigas, maaaring humantong ito na sadya mo itong suwayin, at masasaktan mo ang damdamin ng iyong nanay dahil dito at mag-aalala siya tungkol sa iyo at magdurusa, iyon ang ibubunga nito. Sa madaling salita, kung paano harapin ng isang tao ang mga bagay na nangyayari sa kanya—kung paano hinaharap ng isang tao ang mga positibong bagay, at kung paanong palagi ring nakikipaglaban at nakikipagbaka ang isang tao sa kanyang mga tiwaling disposisyon—nirerepresenta nito ang kanyang paninindigan na hangarin ang katotohanan. Kung may ganito kang paninindigan at handa kang iwaksi ang tiwali mong disposisyon, tanggapin ang katotohanan, gawing buhay mo ang salita ng Diyos, at mamuhay nang may wangis ng tao, makapagbabago ka. Kung gaano katindi ang paninindigan mong hangarin ang katotohanan, magiging ganoon din katindi ang pagbabago mo.
Sa anong bagay ba pangunahing tumutukoy ang kaligtasan? Pangunahin itong tumutukoy sa pagbabago sa disposisyon. Tanging kapag nabago na ang disposisyon ng isang tao ay saka lamang niya maiwawaksi ang impluwensya ni Satanas at saka siya maililigtas. Samakatuwid, sa panig ng mga sumasampalataya sa Diyos, isang malaking isyu ang pagbabago sa disposisyon. Kapag nagbago na ang disposisyon ng isang tao, isasabuhay niya ang wangis ng tao at ganap niyang matatamo ang kaligtasan. Posible na ang isang tao ay maaaring hindi gaanong kaakit-akit tingnan, may-kaloob, o talentado, maaaring pautal-utal siya at hindi siya mahusay magsalita, o magandang manamit, at maaaring napakaordinaryo niyang tingnan sa panlabas, pero may kakayahan naman siyang hanapin ang katotohanan kapag may nangyayari sa kanya, sa halip na kumilos ayon sa sarili niyang kalooban o magpakana para sa sarili niyang kapakanan, at kapag inuutusan siya ng Diyos na gumanap ng tungkulin, nagagawa niyang magpasakop sa Kanya at tapusin kung ano ang ipinagkatiwala Niya sa kanya. Sa palagay ninyo, anong uri ng tao ito? Bagamat sa panlabas ay hindi siya kaakit-akit o kaaya-ayang tingnan, may puso siyang may takot at nagpapasakop sa Diyos, at sa bagay na ito nabubunyag ang kanyang mga kalakasan. Kapag nakita ito ng mga tao, sasabihin nila, “May matatag na disposisyon ang taong ito, at kapag may mga nangyayari, kaya niyang maghanap nang tahimik sa harapan ng Diyos nang hindi nagiging padalus-dalos o gumagawa ng kahangalan o katangahan. Mayroon siyang seryoso at responsableng saloobin; masunurin siya at kaya niyang ialay nang husto ang kanyang sarili para tapat na tuparin ang kanyang tungkulin.” May pagpipigil ang taong ito sa kung paano siya magsalita at kumilos, mayroon siyang normal na katinuan, at batay sa isinasabuhay niya at sa disposiyong ipinapakita niya, mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Kung mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso, may mga prinsipyo ba sa kanyang mga kilos? Siguradong hinahanap niya ang mga prinsipyo at hindi siya walang-ingat na gumagawa ng mga maling gawain. Ito ang resultang makakamit sa huli ng pagsasagawa sa katotohanan at ng paghahangad ng pagbabago sa disposisyon. Sukat at tumpak ang kanyang pananalita, hindi siya walang-ingat kung magsalita, kumikilos siya sa paraang nakakapanatag ng kalooban at katiwa-tiwala, at taglay niya ang mga realidad ng pagpapasakop sa Diyos at ng paglayo sa kasamaan. Makikita ang lahat ng pagpapamalas na ito sa taong ito. Isa itong taong nakapasok na sa katotohanang realidad, at nagbago na ang disposisyon. Hindi mapepeke ang mga bagay na ito. Ang disposisyon ng isang tao ay ang kanyang buhay; anuman ang disposisyong mayroon ang isang tao, iyon ang magiging pag-uugali niya. Ang pag-uugali at mga pagpapamalas ng mga tao ay kinokontrol ng kanilang mga disposisyon, at ang mga palaging ipinapahayag ng mga tao ay ang mga pagbubunyag ng kanilang disposisyon, hindi ang kanilang karakter. Ang makilala ang mga problema sa disposisyon at pagbubunyag ng iba’t ibang tiwaling disposisyon, at pagkatapos ay lutasin ang mga ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, ay ang pinakapangunahing bagay na dapat makamit ng isang tao sa paghahangad niya ng pagbabago sa disposisyon.