Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 8 (Ikatlong Bahagi)

Nilinaw natin ang isyu kung paano tratuhin nang tama ang mga hilig at libangan; ngayon, ano ba talaga ang tinutukoy ng pagbitiw? Hindi natin pinupuna o kinokondena ang mga hilig at libangan, sa halip ay sinusuri natin ang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais na itinatatag ng mga tao gamit ang mga hilig at libangan bilang kanilang pundasyon at kapital. Dahil dito, ang mga paghahangad, mithiin, at pagnanais na ito ang talagang dapat bitiwan. Nagbahaginan tayo kanina tungkol sa pagpapahintulot sa iyong mga hilig at libangan na gumanap ng positibong papel at magdulot ng positibong epekto—ito ay isang aktibong paraan ng pagsasagawa sa pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao. Sa isa pang aspeto, hindi dapat itaguyod ng mga tao ang sarili nilang mga mithiin at pagnanais dahil lang sa mayroon silang mga hilig at libangan—ito ay mas praktikal na paraan ng pagbitiw. Sa madaling salita, ang isang aspeto ay ang gamitin nang maayos ang iyong mga hilig at libangan, samantalang ang isa pang aspeto ay, hindi mo dapat itaguyod ang mga mithiin at pagnanais na itinatag dahil lang sa mga sarili mong hilig at libangan, ibig sabihin, huwag hangarin ang mga layong mayroon ka nang dahil lang sa iyong mga hilig at libangan. Kaya, paano mo matutukoy kung normal mong ginagamit ang mga hilig at libangan, at hindi mo itinataguyod ang mga mithiin at pagnanais? Kung mayroon kang hilig o libangan, at ginagamit mo ito nang tama sa iyong gawain, sa pagganap ng iyong tungkulin, at sa sarili mong pang-araw-araw na buhay, kung ang layon ng paghahangad mo ay hindi para magpakitang-gilas o magyabang, talagang hindi para mas sumikat ka o makamit ang pagpapahalaga, papuri, at paghanga ng iba, at lalong hindi para magkaroon ang mga tao ng puwang sa puso nila para sa iyo nang dahil sa iyong mga hilig at libangan, at sa gayon ay sang-ayunan at sundin ka, kung gayon ay naisakatuparan mo na ang isang positibo, tama, angkop, at makatwirang paggamit ng iyong mga hilig at libangan, na naaayon sa normal na pagkatao at sa kalooban ng Diyos, at ginagamit mo ang mga ito alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Subalit kung, habang ginagamit ang iyong mga hilig at libangan ay pinipilit mo ang iba na hangaan at tanggapin ka, kalakip ang matatag na layon na magpakitang-gilas, kung walang prinsipyo, walang kahihiyan, at pilit mong itinutulak ang iba na makinig sa iyo at tanggapin ka, tinutugunan ang banidad na nakukuha mo mula sa pagpapakitang-gilas ng iyong mga hilig at libangan, walang pakialam sa nararamdaman ng iba, sa huli ay ginagamit ang iyong mga hilig at libangan bilang kapital para kontrolin ang iba, magkamit ng puwang sa puso nila, at maging tanyag sa mga tao, at kung sa huli ay natamo mo ang kasikatan at pakinabang bilang resulta ng sarili mong mga hilig at libangan, kung gayon, hindi ito isang marapat na paggamit ng mga hilig at libangan, ni isang normal na paggamit ng iyong mga hilig at libangan. Ang gayong mga kilos ay dapat kondenahin, dapat itong makilala at tanggihan ng iba, at siyempre dapat din itong bitiwan ng mga tao. Kapag gumagamit ka ng mga oportunidad para gampanan ang iyong mga tungkulin, o kung ginagamit mo ang pagiging isang lider, isang taong nangangasiwa, o isang taong may pambihirang talento, upang ipakita sa iba na mayroon kang ilang partikular na talento at kasanayan, at ipakita sa kanila na nakahihigit ang iyong mga hilig at abilidad sa kanila, hindi angkop ang ganitong paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay. Ito ay paggamit sa iyong mga hilig at libangan para maging tanyag sa mga tao at matugunan ang sarili mong mga ambisyosong pagnanais. Sa tumpak na salita, ang proseso o paraan ng pagkilos na ito ay katumbas ng pagsasamantala sa iyong mga hilig at libangan at sa paghanga ng mga tao sa mga ito upang maisakatuparan mo ang iyong mga paghahangad, mithiin, at pagnanais. Ito ang dapat mong bitiwan. Sinasabi ng ilang tao, “Matapos marinig ito, hindi ko pa rin alam kung paano bumitiw.” Sa totoo lang, madali lang ba ang pagbitiw? Kapag nagtataglay ka ng ilang di-pangkaraniwang hilig at libangan, kung wala kang ginagawa, mananatili sa loob ng iyong pagkatao ang mga hilig at libangang ito at walang anumang kinalaman sa kung anong landas ang tatahakin mo. Gayunpaman, kung palagi mong ipinagyayabang ang iyong mga hilig at libangan, sinusubukang maging sikat sa mga tao o maging mas tanyag, makilala ng mas maraming tao, at makaakit ng higit pang atensiyon, ang proseso at paraan ng pakilos na ito ay hindi mga simpleng paraan ng paggawa sa mga bagay. Kapag pinagsama-sama ang lahat ng kilos at pag-uugaling ito, binubuo ng mga ito ang landas na tinatahak ng isang tao. Ano ang landas na ito? Ito ay ang pagtatangkang maisakatuparan ang mga mithiin at pagnanais ng isang tao sa loob ng sambahayan ng Diyos, hangarin ang paghanga ng iba, at matugunan ang kanilang sariling mga ambisyon at pagnanais. Sa sandaling simulan mo ang ganitong uri ng paghahangad, ang landas na tinatahak mo ay magiging isang landas na walang balikan, isang landas na hahantong sa pagkawasak. Hindi ba’t kailangan mong magbago kaagad, baliktarin ang mga kilos na ito, at bitiwan ang mga kilos, ambisyon at pagnanais na ito? Maaaring sinasabi ng ilan, “Hindi ko pa rin alam kung paano bumitiw.” Kung gayon, huwag mong gawin ito. Ano ang ibig sabihin ng “huwag mong gawin ito”? Ibig sabihin nito ay dapat itago mo ang iyong mga hilig at libangan at subukan sa abot ng iyong makakaya na huwag ipakitang-gilas ang mga ito. Maaaring tinatanong ng ilan, “Pero kung kinakailangan ito sa pagtupad ng mga tungkulin ko, dapat ko bang ipakita ang mga ito?” Kapag dapat mong ipakita, kapag kailangan mong ipakita ang mga ito, dapat mong ipakita ito—iyon ang tamang oras para dito. Gayunpaman, kung kasalukuyan kang nasa landas ng paghahangad sa iyong mga mithiin at pagnanais, huwag mong ihayag ang mga ito. Kapag natutukso kang ipangalandakan ang mga ito, dapat kang manalangin sa Diyos, gumawa ng matatag na pagpapasya, pigilan ang mga pagnanais na ito, at kasabay nito, tanggapin mo ang pagsisiyasat at pagdidisiplina ng Diyos, kontrolin ang puso mo at pigilan ang iyong mga ambisyon at pagnanais, upang maglaho ang mga ito, at hinding-hindi hahayaang maging realidad ang mga ito—mabuting bagay ba ito? (Oo.) Madali bang gawin ito? Hindi ito madali, hindi ba? Mayroon bang sinumang may kaunting talento ngunit ayaw ipangalandakan ito? Lalo na ang mga may espesyal na kasanayan. Ang ilang tao ay marunong magluto at maghanda ng mga pagkain, at gusto nilang magpasikat saanman sila magpunta, tinatawag pa nga ang sarili nila na “Tofu Beauty” o “Reyna ng Pansit.” Nararapat bang ipakitang-gilas ang maliliit na kasanayang ito? Kung magtataglay sila ng mga pambihirang kaloob, magiging gaano kaya sila kayabang? Walang dudang hahantong sila sa isang landas na walang balikan. Siyempre, bukod sa mga taong tumatahak sa maling landas, o sa isang landas na walang balikan, dahil sa kanilang mga hilig at libangan, karamihan sa kanila ay madalas na nagkakaroon ng mga aktibong kaisipan dala ng kanilang mga hilig at libangan habang nananampalataya sa Diyos. Habang nananampalataya sa Diyos at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, walang tigil nilang pinag-iisipan ang mga mithiin at pagnanais na itinatag nila, o maaaring patuloy nilang pinaaalalahanan ang kanilang sarili sa mga hindi pa nila natutupad na mga mithiin at pagnanais, palaging sinasabi sa kanilang sarili sa puso nila na mayroon pa rin sila nitong mga mithiin at pagnanais na hindi pa kailanman natutupad. Bagamat hindi sila kailanman nagbayad ng anumang partikular na halaga o gumamit ng anumang partikular na pagsasagawa sa mga bagay na ito, nag-ugat na nang malalim sa puso nila ang mga mithiin at pagnanais na ito, at hindi nila kailanman binitiwan ang mga ito.

Kanina, nagbahaginan tayo at sinuri natin na ang paghahangad na maisakatuparan ang mga mithiin at pagnanais, pati ang pagsunod sa landas ng mundong ito, ay isang landas na walang balikan, isang daan na humahantong sa pagkawasak. Ito at ang paghahangad sa katotohanan ay parang dalawang linyang paralelo, hinding-hindi magkakaroon ng punto kung saan magsasalubong ang mga linyang ito, at siyempre hindi rin kailanman magsasalubong ang mga ito. Kung nananampalataya ka sa Diyos at nais mong hangarin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan, dapat ganap mong bitiwan ang anumang mga mithiin at pagnanais na dati mong pinanghahawakan sa iyong puso. Huwag panatilihin o pahalagahan ang mga ito; dapat iwaksi ang mga ito. Ang paghahangad na maisakatuparan ang iyong mga mithiin at pagnanais at ang paghahangad sa katotohanan ay parang mga landas ng langis at tubig. Kung mayroon kang mga mithiin at pagnanais at nais mong matupad ang mga ito, hindi mo magagawang hangarin ang katotohanan. Kung, sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan at sa napakaraming taon ng karanasan, nais mong magpasya na hangarin ang katotohanan sa makatwirang paraan, dapat mong talikuran ang iyong mga dating mithiin at pagnanais, ganap na alisin ang mga ito mula sa iyong kamalayan o sa kaibuturan ng iyong kaluluwa. Kung nais mong hangarin ang katotohanan, kung gayon, hinding-hindi matutupad ang iyong mga mithiin at pagnanais. Sa halip, gagambalain ng mga ito ang paghahangad mo sa katotohanan at ang pagpasok mo sa katotohanang realidad, habang hinihila ka pababa at ginagawang nakapapagod at mahirap ang iyong landas sa paghahangad sa katotohanan. Dahil alam mong hindi mo maisasakatuparan ang iyong mga mithiin at pagnanais, mas mabuting lubayan mo ang mga ito, at ganap na bitiwan ang mga ito, huwag mo nang isipin ang mga ito, at huwag kumapit sa anumang ilusyon tungkol sa mga ito. Kung sasabihin mong, “Hindi pa rin ako gaanong interesado sa landas ng paghahangad sa katotohanan at pagkamit ng kaligtasan. Hindi ko pa rin alam kung kaya kong hangarin ang katotohanan, kung ako ba ay isang tagahangad sa katotohanan. Hindi pa rin malinaw sa akin ang landas na ito ng pagkamit ng kaligtasan, bagkus ay mayroon akong napakakongkretong landas sa paghahangad ng mga makamundong mithiin at pagnanais, at isang napakakongkretong plano at estratehiya.” Kung ganito ang kaso, maaari mong bitiwan ang landas ng paghahangad sa katotohanan at pagtupad sa iyong mga tungkulin para maisakatuparan ang iyong mga mithiin at pagnanais. Siyempre, kung hindi ka sigurado kung hahangarin mo ba ang iyong mga sariling mithiin at pagnanais, o ang katotohanan, ang payo Ko sa iyo ay manatiling kalmado nang ilang panahon. Marahil ay manatili ka ng isa o dalawa pang taon sa sambahayan ng Diyos: Kung mas lalo kang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, mas maraming kapaligiran ang mararanasan mo, mas mahihinog ang iyong perspektiba at pamamaraan sa kung paano mo tinitingnan ang mga bagay, bubuti ang iyong lagay ng loob at kalagayan, na walang dudang magiging isang napakalaking pagpapala para sa iyo. Marahil pagkatapos ng ilang taon, mauunawaan mo na ang ilang partikular na katotohanan, magkakaroon ka ng masusing kabatiran sa mundo at sangkatauhan, pagkatapos ay ganap mo nang mabibitiwan ang iyong mga mithiin at pagnanais at magiging handa kang sundan ang Diyos hangga’t nabubuhay ka, tinatanggap ang Kanyang mga pangangasiwa. Gaano man kabigat ang mga paghihirap na maaari mong kaharapin sa sambahayan ng Diyos, makapagpapatuloy ka sa pagtupad sa iyong mga tungkulin at pagkumpleto sa iyong misyon. At higit sa lahat, matatag mong malulutas at mapagpapasyahan na talikuran ang iyong mga dating mithiin at pagnanais, tinutulutan kang mahangad ang katotohanan sa makatwirang paraan nang walang pag-aalinlangan. Gayunpaman, kung hindi ka makatitiyak ngayon at nais mong suriing muli sa loob ng isa o dalawang taon kung magagawa mong hangarin ang katotohanan, hindi ka pipilitin ng sambahayan ng Diyos, o sasabihing, “Magulo ang isip mo at hindi ka matatag.” Pagkatapos ng isa o dalawang taon, habang nagbabasa ka ng mas maraming salita ng Diyos, nakikinig ng mas maraming sermon, nakauunawa ng kaunting katotohanan, at nagiging hinog ang iyong pagkatao, magbabago ang iyong perspektiba sa kung paano mo tinitingnan ang mga bagay, ang pananaw mo sa buhay, at ang pananaw mo sa mundo. Sa panahong iyon, ang mga pasya mo ay magiging medyo mas tumpak kaysa sa ngayon, o, kung gagamit tayo ng isang parirala mula sa mga hindi mananampalataya, sa panahong iyon ay malalaman mo na kung ano ang iyong kailangan, aling landas ang dapat mong tahakin, at kung anong uri ng tao ka dapat. Ito ay isang aspeto. Ipagpalagay na tunay kang hindi interesado sa pananampalataya sa Diyos at na ginagawa mo lamang ito dahil ipinresenta ng iyong mga magulang o katrabaho ang ebanghelyo, at tinanggap mo naman para hindi ka mapahiya o para maging magalang; atubili kang dumadalo sa mga pagtitipon at tumutupad sa iyong mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, habang iniisip na hindi masama ang mga kapatid sa iglesia at, kahit papaano, hindi sila nang-aapi ng mga tao, at ang sambahayan ng Diyos ay isang lugar na may katwiran, kung saan may awtoridad ang katotohanan, at kung saan hindi sinisiil ang mga tao o inaapi ng iba ang mga ito, at nararamdaman mo na ang sambahayan ng Diyos ay mas maganda kaysa sa mundo ng mga hindi mananampalataya; subalit hindi mo kailanman nabitiwan o nabago ang iyong mga mithiin at pagnanais, at sa kabaligtaran, ang mga dati mo nang pinanghahawakan na mga mithiin at pagnanais ay lumalakas at mas nagiging malinaw sa kaibuturan ng iyong puso, isip, at kaluluwa; at habang nagiging mas malinaw ang mga ito, nakikita mo na, pagdating sa pananalig sa Diyos, ang katotohanang pinagbabahaginan, gayundin ang mga pang-araw-araw na salita, kilos, at paraan ng pamumuhay, atbp., ay lalong nagiging nakayayamot at walang kabuluhan; hindi ka na komportable, at nagiging malabong mahangad ang katotohanan, wala kang anumang interes sa paghahangad sa katotohanan, at walang magagandang opinyon sa isipan mo tungkol sa pagtahak sa tamang landas sa buhay, kung paano umasal nang tama, o kung ano ang bumubuo sa mga positibong bagay; kung ganito kang tao, sinasabi Ko na sa iyo, magmadali ka at hangarin mo na ang sarili mong mga mithiin at pagnanais! Mayroong lugar para sa iyo sa mundong ito, isang lugar sa gitna ng masalimuot at magulong agos ng kasamaan. Walang duda na maisasakatuparan mo ang iyong mga mithiin at pagnanais gaya ng iyong inaasam at matatamo mo ang mga bagay na iyong ninanais. Hindi ka angkop na manatili sa sambahayan ng Diyos, hindi ito ang ideyal na lugar para sa iyo, at tiyak naman na ang landas ng paghahangad sa katotohanan ay hindi ang gusto mong tahakin, at lalong hindi ito ang kailangan mo. Samantalahin mo na ngayon, habang nabubuo na ang iyong mga mithiin at pagnanais, at habang bata ka pa at mayroon ka pang lakas o mga mapagkukunan na magsikap sa mundo, magmadali ka at umalis ka na sa sambahayan ng Diyos, isakatuparan mo ang iyong mga mithiin at pagnanais. Hindi ka pipigilan ng sambahayan ng Diyos. Huwag mong hintayin ang araw na mawalan ka ng pag-asang makatanggap ng mga pagpapala at wala kang masasabi tungkol sa patotoong batay sa karanasan, kapag hindi mo natapos tuparin nang tama ang iyong mga tungkulin at sa wakas ay nagising ka sa edad na limampu, animnapu, pitumpu, o walumpu, na nagnanais hangarin ang katotohanan—kung gayon, magiging huli na ang lahat. Kung ayaw mong manatili sa sambahayan ng Diyos, mailalagay mo ang iyong sarili sa kapahamakan. Para sa mga taong katulad mo, hindi na kailangang sumalungat sa iyong kagustuhan at bitiwan ang iyong mga paghahangad, mithiin, at pagnanais. Dahil ang pangunahing batayan ng tinalakay Ko tungkol sa pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao ay na isa kang taong naghahangad sa katotohanan o bagamat sa ngayon ay magsisimula ka pa lang na maghangad sa katotohanan, nagpasya ka na sa puso mo na maging isang taong naghahangad sa katotohanan, at hindi ka aalis sa sambahayan ng Diyos matamo mo man ang kaligtasan o hindi, mabuhay ka man o mamatay. Ang ganitong mga tao ang tinutukoy Ko. Siyempre, dapat Akong magdagdag ng disclaimer: Habang nagbabahagi Ako ngayon tungkol sa paksa ng “pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao,” ito ay nasa konteksto na handang hangarin ng mga tao ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan. Ito ay partikular na tumutukoy sa mga taong handang hangarin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan. Bukod sa kanila, ang mga walang pakialam sa landas, direksiyon, pagiging handa, o kapasyahang hangarin ang katotohanan at pagkamit sa kaligtasan, ay hindi kailangang makinig sa paksa ngayong araw. Ito ang disclaimer na idinagdag Ko; kinakailangan ito, hindi ba? (Oo.) Binibigyan natin ng kalayaan ang mga tao, hindi natin pinipilit ang sinuman. Anumang katotohanang prinsipyo, anumang pagtuturo, pagtutustos, suporta, o tulong ay ibinibigay sa mga tao batay sa katwiran at sa kondisyon na handa sila. Kung hindi ka handang makinig, maaari mong takpan ang iyong mga tainga at huwag pakinggan o tanggapin ito, o maaari ka ring umalis—parehong katanggap-tanggap ang mga iyon. Ang pagbabahaginan sa katotohanan sa sambahayan ng Diyos ay hindi ipinipilit na ipatanggap sa sinuman. Pinagkakalooban ng Diyos ng kalayaan ang mga tao at hindi pinipilit ang sinuman. Sabihin mo sa Akin, mabuting bagay ba ito? (Oo.) Kailangan pa bang pilitin sila? (Hindi.) Hindi na kailangang mamilit. Ang katotohanan ay nagdadala ng buhay, buhay na walang hanggan. Kung handa kang tumanggap sa katotohanan, at sumasang-ayon at nagpapasakop ka rito, kung gayon ay matatanggap mo ito. Kung hindi ka sumasang-ayon rito, bagkus ay tinatanggihan at nilalabanan mo ito, hindi mo ito makakamit. Makamit mo man ito o hindi, dapat mong tanggapin ang mga kahihinatnan. Hindi ba’t ganito ang kaso? (Oo.)

Ang dahilan kung bakit tayo nagbabahaginan tungkol sa kung bakit kailangang bitiwan ang ilang bagay habang naghahangad sa katotohanan ay dahil ang paghahangad sa katotohanan at pagkamit ng kaligtasan ay katulad ng kapag lumalahok ang isang tao sa isang marathon. Ang mga kalahok sa isang marathon ay hindi nangangailangan ng di-pangkaraniwang pisikal na lakas o ng mga pambihirang kasanayan, ngunit kinakailangan nilang magtaglay ng tibay at tiyaga, at kinakailangang mayroon silang pananalig, pati na rin ng determinasyon na magtiyaga. Siyempre, sa proseso ng paglahok sa isang marathon, bukod sa mga espirituwal na elementong ito, kinakailangan din ng mga tao na unti-unting bitiwan ang ilang pasanin upang marating nila ang kanilang destinasyon nang mas madali, mas malaya, o sa paraang mas naaayon sa kanilang mga kagustuhan. Ang marathon, bilang isang palakasan, ay walang pakialam sa ranggo ng pag-abot ng mga kalahok sa kanilang destinasyon; sa halip, isinasaalang-alang lamang nito ang pagganap ng mga indibidwal sa panahon ng marathon, ang kanilang pagpupursige, pagtitiis, at lahat ng pinagdaraanan nila habang nasa marathon. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Pagdating sa pananampalataya sa Diyos, ang paghahangad sa katotohanan at pagkamit ng kaligtasan sa huli ay katulad ng isang marathon; nangangailangan ito ng napakahabang proseso, at sa prosesong ito, kinakailangan din na bitiwan ang maraming bagay na walang kaugnayan sa paghahangad sa katotohanan. Ang mga bagay na ito ay hindi lamang basta-bastang walang kaugnayan sa katotohanan, kundi higit pa roon, maaaring hadlangan ng mga ito ang iyong paghahangad sa katotohanan. Dahil dito, sa proseso ng pagbitiw at paglutas sa mga bagay na ito, maaaring hindi maiiwasang makaranas ang isang tao ng kaunting pasakit at kakailanganin niyang talikuran ang ilang bagay at gumawa ng mga tamang pasya. Sa paghahangad sa katotohanan, kinakailangang bitiwan ng mga tao ang maraming bagay dahil ang mga bagay na ito ay lumilihis mula sa landas ng paghahangad sa katotohanan at sumasalungat sa mga tamang layon at direksyon sa buhay na pinapasundan ng Diyos sa mga tao. Ang anumang bagay na sumasalungat sa katotohanan at humahadlang sa isang tao na mahangad ang katotohanan at matahak ang tamang landas sa buhay ay isang negatibong bagay, lahat ito ay para lang hangarin ang kasikatan at pakinabang, o upang magkamit ng mga resulta gaya ng maraming ari-arian at pera. Ang landas na ito ng paghahangad na maisakatuparan ang sariling mga mithiin at pagnanais ay umaasa sa mga abilidad ng mga tao, gayundin sa kanilang kaalaman, sa kanilang mga maling kaisipan at pananaw, at sa kanilang iba’t ibang makamundong pilosopiya, pamamaraan, panlalansi, at pakana. Habang mas hinahangad ng isang tao na maisakatuparan ang sarili niyang mga mithiin at pagnanais, lalo siyang nalalayo sa katotohanan, sa mga salita ng Diyos, at sa tamang landas na itinuro ng Diyos para sa kanya. Ang tinatawag na mga mithiin at pagnanais sa puso ng isang tao, sa totoo lang, ay mga walang kabuluhang bagay, hindi ka matuturuan ng mga ito kung paano umasal, kung paano sumamba at makaunawa sa Diyos, o kung paano magpasakop sa Diyos, sa kalooban ng Diyos, at sa Kataas-taasang Kapangyarihan, bukod sa iba pang mga positibong bagay na tulad nito. Kapag naghangad ka ng iyong mga mithiin at pagnanais, hindi ka magkakamit ng alinman sa mga positibo at mahalagang bagay na ito na naaayon sa katotohanan. Anumang landas sa buhay na nakatuon sa mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao ay may parehong pangunahing layon, diwa, at kalikasan—lahat ito ay sumasalungat sa katotohanan. Gayunpaman, ang landas ng paghahangad sa katotohanan ay naiiba. Gagabayan nito nang wasto ang iyong landas sa buhay—medyo malawak ang pagkakasabing ito. Sa mas partikular na salita, ilalantad nito ang iyong mga mali at hindi tuwid na kaisipan at pananaw sa kung paano mo tinatrato ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Kasabay nito, ito ay magbibigay-alam sa iyo, gagabay sa iyo, magtutustos at magtuturo sa iyo ng mga tama at tumpak na kaisipan at pananaw. Siyempre, sasabihin din nito sa iyo kung anong uri ng mga kaisipan at pananaw ang dapat mayroon ka habang tinitingnan mo ang mga tao at bagay, habang umaasal ka, at kumikilos. Sinasabi sa iyo ng landas na ito ng paghahangad sa katotohanan kung paano umasal, kung paano mamuhay sa loob ng mga hangganan ng normal na pagkatao at umasal ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa pinakamababa, hindi ka dapat bumaba kaysa sa pamantayan ng konsiyensiya at katwiran—dapat kang mamuhay katulad ng isang tao at bilang isang tao. Bukod dito, mas partikular na ipinapaalam sa iyo ng landas na ito ang tungkol sa mga kaisipan, pananaw, perspektiba, at paninindigan na dapat mong taglayin habang tinitingnan mo ang bawat usapin at ginagawa ang bawat bagay. Ang mga wastong kaisipan, pananaw, perspektiba, at paninindigang ito ay ang mga tamang pamantayan at prinsipyo rin ng pag-asal at pagkilos na dapat itaguyod ng isang tao. Kapag nakamit o nakapasok ang isang tao sa realidad ng pagtingin sa mga tao at mga bagay, pag-asal, at ganap na pagkilos ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan, ang taong iyon ay naligtas na. Sa sandaling maligtas ang isang tao at makamit niya ang katotohanan, tuluyan nang magbabago ang kanyang pananaw sa mga bagay-bagay, ganap na umaayon sa mga salita ng Diyos at alinsunod sa Diyos. Kapag naabot na ang yugtong ito, hindi na magrerebelde ang isang tao laban sa Diyos, at hindi na siya kakastiguhin o hahatulan ng Diyos, at hindi na rin siya kamumuhian ng Diyos. Ito ay dahil hindi na kaaway ng Diyos ang taong ito, hindi na siya kumokontra sa Diyos, at ang Diyos ay tunay at nararapat nang naging ang Lumikha sa Kanyang mga nilalang. Nagbalik na ang mga tao sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, at tinatamasa ng Diyos ang pagsamba, pagpapasakop, at pagkatakot na dapat ihandog ng mga tao sa Kanya. Natural na nagiging maayos ang lahat. Ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos ay para sa sangkatauhan, at ang sangkatauhan naman, ay namamahala sa lahat ng bagay sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng pamamahala ng sangkatauhan, lahat ay sumusunod sa mga panuntunan at batas na itinakda ng Diyos, umuusad at patuloy na sumusulong sa maayos na paraan. Tinatamasa ng sangkatauhan ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, at ang lahat ng bagay ay umiiral sa maayos na paraan sa ilalim ng pamamahala ng sangkatauhan. Ang lahat ng bagay ay para sa sangkatauhan, at ang sangkatauhan ay para sa lahat ng bagay. Ang lahat ng ito ay matiwasay at maayos, lahat ito ay nagmumula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan. Isa talaga itong napakagandang bagay. Ito ang isa sa mga pinakapangunahing kahulugan ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at pagnanais. Kita mo, kahit bitiwan mo ngayon ang iyong mga pansamantalang mithiin at pagnanais, sa huli, ang makakamit mo ay ang katotohanan, ito ay buhay, ito ang pinakamahalagang bagay. Kung ikukumpara sa mga walang kwentang mithiin at pagnanais na binitiwan mo, mas mahalaga ang mga ito nang ilang libo o sampung libong beses. Talagang walang kapantay ang mga ito. Hindi ba? (Oo.) Siyempre, isang bagay ang dapat linawin: Dapat maunawaan ng mga tao na ang paghahangad sa mga mithiin at pagnanais ay hindi ka kailanman matuturuan kung paano umasal. Mula sa araw na isinilang ka, sinabi sa iyo ng mga magulang mo, “Dapat kang matutong magsinungaling, matutong protektahan ang sarili mo, at huwag hayaan ang iba na apihin ka. Kapag may nang-aapi sa iyo, dapat kang maging malakas, huwag maging mahina, huwag mong hayaang isipin ng iba na madali kang api-apihin. Higit pa rito, dapat kang magkaroon ng kaalaman at palakasin mo ang iyong sarili, para makapanindigan ka sa lipunan. Dapat mong hangarin ang kasikatan at pakinabang, ang mga babae ay dapat nakapagsasarili, at dapat pasanin ng mga lalaki ang bigat ng mundo.” Mula sa murang edad, tinuruan ka ng mga magulang mo sa ganitong paraan, na para bang tinuturuan ka nila kung paano umasal; ngunit sa katunayan, nagsusumikap sila, ginagawa ang anumang kailangan, at tila itinataya pa nga ang kanilang buhay para itulak ka sa mundong ito, sa masamang agos na ito, para maging mangmang ka sa kung ano ang positibo at kung ano ang negatibo, mangmang sa kung paano makilala ang kaibahan ng katarungan at kasamaan, kung paano matukoy ang mga positibo at negatibong bagay. Kasabay nito, tinuruan ka rin ng iyong mga magulang, “Gawin mo anuman ang kinakailangan, huwag masyadong maging magalang sa iba. Ang pagpaparaya sa iba ay kalupitan sa iyong sarili.” Tinuturuan ka nila nang ganito mula pa noong una kang matutong makaintindi ng mga bagay-bagay, at pagkatapos, sa paaralan, at sa lipunan, ganoon din ang mga bagay na itinuturo sa iyo ng lahat. Hindi nila ito itinuturo sa iyo para umasal ka bilang isang tao, kundi upang ikaw ay maging isang demonyo, magsinungaling, gumawa ng kasamaan, at mamatay. Pagkatapos mong manampalataya sa Diyos, saka mo lang malalaman na dapat ang isang tao ay umasal bilang isang matapat na tao at magsabi ng katotohanan at mga katunayan. Nag-iipon ka ng lakas ng loob at sa wakas ay nakapagsasalita ng katotohanan, pinanghahawakan mo ang iyong konsiyensiya at mga moral na hangganan upang ipahayag ito nang isang beses, ngunit itinataboy ka ng lipunan, sinisisi ng iyong pamilya, kinukutya pa nga ng iyong mga kaibigan, at sa huli, ano ang nangyayari? Malakas ang dagok sa iyo, hindi mo makayanan ito, at hindi mo na alam kung paano umasal. Pakiramdam mo na ang pag-asal bilang isang tao ay napakahirap, ang pagiging isang demonyo ay mas madali. Maging isang demonyo ka na lang at sundin ang masamang agos ng lipunang ito—walang sasabihin ang sinuman. Walang sinuman sa buong sangkatauhan ang magtuturo sa iyo kung paano umasal. Pagkatapos mong manampalataya sa Diyos, naririnig mo na ang bawat salitang sinasalita ng Diyos at ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para turuan ka kung paano umasal, kung paano isagawa ang katotohanan upang ikaw ay maging isang tunay na tao. Sa mga salita lamang ng Diyos mo mahahanap ang tamang sagot sa kung ano ang tunay na buhay ng tao. Dahil dito, kung paano tingnan ang mga tao at bagay, at kung paano umasal at kumilos ay dapat na ganap na nakabatay sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Ito ang tinatawag na pagkilos katulad ng isang tao. Kapag nauunawaan mo ang batayan ng pag-asal ayon sa mga salita ng Diyos, at nauunawaan mo at nakapapasok ka sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon, malalaman mo kung paano umasal, at magiging isa kang tunay na tao. Ito ang pundasyon ng pag-asal, at tanging ang gayong buhay ng tao ang may halaga, tanging sila lamang ang karapat-dapat mabuhay at hindi dapat mamatay. Sa kabaligtaran, ang mga kumikilos na parang mga demonyo, ang mga naglalakad na bangkay na nakasuot ng balat ng tao, ang mga taong iyon ay hindi karapat-dapat na mabuhay. Bakit? Dahil ang lahat ng nilikha ng Diyos ay inihahanda para sa sangkatauhan, para sa mga nilikha ng Diyos, at hindi para sa kauri ng demonyo. Kung gayon, bakit nananatili pa ring buhay ang mga taong iyon hanggang ngayon? Hindi ba’t nakikibahagi sila sa kapakinabangan ng mga taong nilalayong iligtas ng Diyos? Kung hindi dahil sa gawain ng pagliligtas ng Diyos sa yugtong ito, na ginagamit ang mga diyablo at si Satanas upang magserbisyo, hinahayaan ang mga hinirang ng Diyos na makilala ang mga negatibong bagay, at naaarok ang diwa ng mga diyablo, matagal na sana silang nilipol ng Diyos, dahil ang mga taong ito ay hindi karapat-dapat na magtamasa sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, at kanilang nilulustay at sinisira ang mga bagay na ginawa ng Diyos. Ano sa palagay mo ang mararamdaman ng Diyos kapag nakita Niya ito? Magiging maganda ba ang lagay ng Kanyang loob? (Hindi.) Samakatuwid, apurahang nais ng Diyos na iligtas ang isang grupo ng mga tao na may normal na pagkatao at mga tunay na tao, at turuan ang mga ito kung paano umasal. Kapag nagtamo ng kaligtasan ang mga taong ito, naging karapat-dapat na manatili at hindi mawasak—kung gayon, matutupad na ang dakilang gawain ng Diyos. Ibig sabihin, hindi mahalaga kung ang mga bagay na ito ay nasa tumpak at tamang antas, kapag ang mga alituntunin nila sa pananatiling buhay, ang kanilang mga pananaw sa buhay, ang mga landas na tinatahak nila, pati na ang kanilang mga paghahangad, at ang mga saloobin nila sa pagtrato nila sa Diyos, sa katotohanan, at sa mga positibong bagay, ay hindi naman sumasalungat sa katotohanan, at tiyak na hindi umaabot sa puntong nilalabag ang disposisyon ng Diyos, kapag hindi mawawasak ang mga taong ito, dahil nagagawa nilang magpasakop sa Diyos sa isang batayang paraan—kung gayon ay matutupad na ang dakilang gawain ng Diyos. Ano ang ibig sabihin kapag natupad ang dakilang gawaing ito? Nangangahulugan ito na ang mga iniligtas ng Diyos ay maaaring umiral magpakailanman, mabubuhay magpakailanman. Kumbaga sa wika ng tao, nangangahulugan ito na ang sangkatauhang ito ay magkakaroon ng mga kahalili, magkakaroon ng mga kahalili ang mga ninuno ng mga tao na nilikha ng Diyos, at magkakaroon ng mga tao na may kakayahang mamahala sa lahat ng bagay. Pagkatapos, mapapanatag ang Diyos, magpapahinga Siya, at hindi na Niya kailangang alalahanin pa ang mga bagay-bagay. Ang lahat ng bagay ay may kani-kanilang mga panuntunan at batas, na itinatag na ng Diyos, at hindi na kailangang alalahanin ng Diyos ang mga ito, bigyan ang mga ito ng ideya, o proyekto. Ang lahat ng bagay ay umiiral sa loob ng kani-kanilang mga panuntunan at batas, ang kailangan lang gawin ng mga tao ay panatilihin at pamahalaan ang mga ito. Sa ganitong lahi ng mga tao, sa palagay mo ba ay kakailanganin pang mag-alala ng Diyos? Kakailanganin pa ba Niyang maging abala? Ang Diyos ay magpapahinga, at kapag nagpahinga Siya, darating na ang oras para maisakatuparan ang Kanyang dakilang gawain. Siyempre, ito rin ang magiging panahon para magdiwang ang mga tao—ibig sabihin, sa wakas ay makakamit nila ang kaligtasan sa pundasyon ng landas ng paghahangad sa katotohanan, hindi na sinusuway ang Diyos, bagkus ay umaayon sa kalooban ng Diyos. Ang mga tao ay makakamit na ng Diyos, at hindi na nila kailangang matikman ang kamatayan—pagkatapos ay matatanggap na nila ang kaligtasan. Hindi ba’t karapat-dapat na ipagdiwang ang bagay na ito? (Oo.) Ngayon, sapagkat magkakaroon ng mga napakalaking pakinabang, at alam mo na ang mga ito ang mga layunin ng Diyos, hindi ba’t nararapat lang na bitiwan ng mga tao ang maliliit na mithiin at hangarin na pinanghawakan nila noon? (Oo.) Naaangkop lang ito sa anumang paraan mo tingnan. Kaya, sapagkat naaangkop ito, hindi ba’t dapat bumitiw ka? (Oo.) Sa teorya, alam ng lahat na dapat silang bumitiw, ngunit paano ba ito mismong ginagawa? Sa totoo lang, napakasimple lang nito. Nangangahulugan ito na hindi ka na gagawa ng anumang aksiyon, magbubuhos ng anumang pagsisikap, o magbabayad ng anumang halaga para sa iyong mga mithiin at pagnanais. Hindi mo na hahayaan ang mga ito na mamalagi sa isipan mo o hindi ka na gagawa ng anumang sakripisyo para sa mga ito. Sa halip, babalik ka sa Diyos, bibitiwan ang iyong mga pansariling pagnanais at mithiin, titigil sa pagkahumaling sa mga ito, at titigil pa nga na mangarap tungkol sa mga ito kapag nananaginip ka. Sa halip, sa iyong puso ay unti-unti mong ililipat ang iyong direksiyon at kagustuhan patungo sa landas ng paghahangad sa katotohanan at pagkamit ng kaligtasan. Araw-araw, lahat ng iyong gagawin, ang mga kaisipan, lakas, at halagang ibabayad mo, ay lahat gagawin para sa paghahangad sa katotohanan at pagkamit ng kaligtasan—ganito ka unti-unting bibitiw.

Tungkol sa pagbabahaginan ngayong araw sa paksang “pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao,” naiintindihan ba ang naging pagbabahagi Ko tungkol dito? Alam mo ba kung paano bumitiw? Maaaring sinasabi ng ilang tao, “Naku, matagal na akong bumitiw bago Mo pa man ito binanggit.” Ngunit hindi talaga iyon totoo. Sa katunayan, sa pamamagitan lamang ng proseso ng paghahangad sa katotohanan na unti-unting makikita ng mga tao ang masamang takbo ng mundo at unti-unti ring makikilala at mabibitiwan ang landas ng paghahangad sa kasikatan at pakinabang na tinatahak ng mga hindi mananampalataya. Kung hindi mo pa nahangad ang katotohanan, at basta mo lang iniisip ang tungkol sa pagbitiw sa loob ng iyong puso, hindi talaga iyon katulad ng totoong pagbitiw. Ang paghahanda mong bumitiw at ang tunay mong pagbitiw ay dalawang magkahiwalay na bagay—may kaibahan pa rin ang mga ito. Samakatuwid, ang pinakamahalaga ay ang simulang hangarin ang katotohanan, at hindi iyon dapat magbago kahit kailan—iyon ang pinakamahalaga. Sa sandaling simulan mong hangarin ang katotohanan, nagiging mas madali ang pagbitiw sa mga mithiin at pagnanais. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan ngunit sinasabi mo, “Gusto ko talagang bitiwan ang mga mithiin at pagnanais na ito. Ayaw kong makulayan sa malawak na timba ng pantina o magiling sa gilingan ng karne,” at kung gusto mo pa ring manatiling buhay, sinasabi Ko sa iyo na hindi iyon posibleng mangyari. Imposible, hindi iyon magiging ganoon kapabor sa iyo! Kung ayaw mong hangarin ang katotohanan pero gusto mo pa ring bitiwan ang mga mithiin at pagnanais, imposible iyon. Ang lahat ng normal na tao ay may mga mithiin at pagnanais, lalo na ang may mga kaunting kaloob o talento. Mayroon bang tao na masayang nag-iisa at kusang-loob na tumatalikod sa pamumuhay ng isang ordinaryong buhay? Walang taong ganito. Lahat ay gustong mamukod-tangi, may mapatunayan sa kanilang sarili, magkaroon ng partikular na awra, at gawing mas komportable ang kanilang buhay. Kung nais mong bitiwan ang mga pansariling mithiin at pagnanais, kamtin ang kaligtasan, at isabuhay ang isang makabuluhang buhay, dapat mong tanggapin ang katotohanan, hangarin ang katotohanan, at magpasakop ka sa gawain ng Diyos—sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng pag-asa. Ang pakikinig sa mga salita ng Diyos at pagsunod sa Diyos ang tanging paraan. Samakatuwid, sa kabila ng lahat ng malinaw na pagbabago, may isang bagay na hindi nagbabago—ang paghahangad sa katotohanan. Ito ang pinakamahalagang paksa, hindi ba? (Oo.) Sige, tapusin na natin dito ang pagbabahaginan ngayong araw tungkol sa ating paksa. Paalam na!

Disyembre 17, 2022

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.