Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 6 (Ikatlong Bahagi)
Paano dapat magsagawa ang mga taong may mga kaloob at talento upang maiwasan ang pakiramdam ng napipigilan? Madali ba itong gawin? (Madali lang ito.) Kaya, paano ninyo malulutas ang mga negatibong emosyon ng napipigilan na nagmumula sa hindi paggamit sa inyong kadalubhasaan? Unang-una, kailangan mong maunawaan kung ano ang mga teknikal na kasanayan, o anumang uri ng mga talento at kadalubhasaan, ang pinag-aaralan at pinagkakadalubhasaan ng mga tao—ang mga ito ba ang buhay mismo? (Hindi.) Maaari bang maklasipika ang mga ito bilang mga positibong bagay? (Hindi.) Hindi makaklasipika bilang mga positibong bagay ang mga ito; ang pinakamainam nang klasipikasyon ay na isang uri ng kasangkapan ang mga ito. Sa lipunan at sa sekular na mundo, ang mga ito ay mga abilidad na nagbibigay-daan lamang sa mga tao na makapagtustos nang sapat para sa kanilang sarili at mapanatili ang kanilang kaligtasan. Ngunit sa mga mata ng sambahayan ng Diyos, nakakuha ka lang ng isang uri ng teknikal na kasanayan; ito ay isang uri lamang ng kaalaman, ito ay isang uri ng simple at purong kaalaman. Tiyak na hindi ito nagpapahiwatig ng pagiging marangal o pagiging aba ng isang tao—hindi masasabing mas marangal kaysa sa iba ang isang tao dahil lamang sa nagtataglay siya ng isang partikular na kadalubhasaan o kasanayan. Kaya, paano makikita ang pagiging marangal o aba ng isang tao? Sa pamamagitan ng pagtingin sa kanilang pagkatao, kanilang mga hinahangad, at sa landas na kanilang tinatahak. Ang mga teknikal na kasanayan o kadalubhasaan ay maaari lamang kumatawan sa kung anong partikular na kasanayan o kaalaman ang nakamit mo, gaano kalalim o kababaw ang iyong pagkaunawa rito, at kung anong antas ng kahusayan ang natamo mo rito. Ang mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan ay maaari lamang talakayin sa usapin ng kahusayan, dami, lalim, at kung ang isang tao ay lubos na bihasa sa larangang iyon, o may mababaw lang na kaalaman tungkol dito. Hindi ito maaaring gamitin para suriin ang kalidad ng pagkatao ng isang tao, ang kanilang mga hinahangad, o ang landas na kanilang tinatahak. Ang mga ito ay isang uri lamang ng kaalaman o kasangkapan. Ang kaalaman o kasangkapang ito ay maaaring magbigay-daan sa iyo na gumanap ng ilang nauugnay na gampanin, o gawin kang mas mahusay sa isang partikular na gawain, ngunit nagbibigay lang ito sa iyo ng seguridad sa trabaho at ng isang garantisadong kabuhayan. Iyon lang. Paano man tingnan ng lipunan ang iyong mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan, ano’t anuman, ganito tinitingnan ng sambahayan ng Diyos ang mga ito. Hindi kailanman magiging iba ang pagturing ng sambahayan ng Diyos sa isang tao, hindi gagawa ng mga eksepsiyon para itaas ang ranggo nito, o malibre siya sa anumang pagtatabas o pagwawasto, o anumang uri ng pagkastigo o paghatol, dahil lamang sa nagtataglay siya ng espesyal na uri ng kasanayan. Anumang teknikal na kasanayan o kadalubhasaan ang maaaring taglay ng isang tao, umiiral pa rin ang kanyang tiwaling disposisyon, at siya ay tiwaling tao pa rin. Ang mga kaloob, talento, at teknikal na kasanayan ng isang tao ay hiwalay at walang kaugnayan sa tiwaling disposisyon ng isang tao, at wala rin itong kinalaman sa pagkatao o katangian ng isang tao. Ang ilang indibidwal ay bahagyang may mas mahusay na kakayahan, mataas na katalinuhan, o matalas na isip at pang-unawa, na nagbibigay-daan sa kanila na matuto ng medyo mas malalim na kaalaman kapag nag-aaral ng ilang teknikal na kasanayan. Nagkakamit sila ng medyo mas malalaking tagumpay at resulta, at nagtatamo ng higit pang tagumpay at resulta kapag gumaganap ng trabahong kinabibilangan ng propesyong ito. Sa lipunan, maaaring magdulot ito sa kanila ng medyo mas malaki at mas mataas na kita, at bahagyang mas mataas na katayuan, mataas na ranggo, o katanyagan sa loob ng kanilang larangan. Iyon lamang. Gayunpaman, wala sa mga ito ang nagpapahiwatig sa landas na kanilang nilalakaran, sa kanilang mga hinahangad, o sa kanilang saloobin sa buhay at pag-iral. Ang mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan ay mga bagay na purong nasa larangan ng kaalaman, at walang kinalaman ang mga ito sa mga iniisip, pananaw, o perspektiba at paninindigan ng isang tao sa anumang bagay. Hindi konektado ang mga ito sa mga bagay na ito sa anumang paraan. Siyempre, ang mga ideyang itinataguyod sa ilang larangan ng kaalaman ay mga maling pananampalataya at maling paniniwala na inililigaw ang mga tao mula sa pag-unawa sa katotohanan at pagkilala sa mga positibong bagay. Ibang usapin pa iyon. Dito, ang tinutukoy natin ay purong kaalaman at mga teknikal na kasanayan, na hindi nagbibigay ng anumang positibo o aktibong suporta at pagtutuwid sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao o sa normal na pagkatao. Wala ring kakayahan ang mga ito na pigilan o paghigpitan ang tiwaling disposisyon ng isang tao. Iyon ang kalikasan niya. Kung ang isang tao ay nasa larangan man ng panitikan, musika, o anumang aspeto ng sining, sa agham, aghambuhay, o chemistry, o sa disenyo, arkitektura, komersiyo, o maging sa craftsmanship, anuman ang larangan, ang kalikasan ng kanilang teknikal na kaalaman ay ganito—ito ang diwa nito. Sa tingin ba ninyo ay tumpak ang pagkakasabi Ko? (Oo.) Nasaang larangan ka man o kung aling mga teknikal na kasanayan man ang pinag-aaralan mo, o kung may taglay kang likas na kadalubhasaan, hindi nito ipinahihiwatig ang iyong pagiging marangal o aba. Halimbawa, ang mga nasa larangan ng negosyo at ekonomiya sa lipunan, lalo na ang mga elitista, ay pinaniniwalaan ng ilang tao na may marangal na karakter, at dahil ang mga propesyon at kaalamang natutunan nila ay tinitingala ng tao, at kumikita sila ng malaki, mataas ang katayuan nila sa lipunan. Gayunpaman, hindi umiiral sa sambahayan ng Diyos ang gayong opinyon, at hindi sila susuriin ng sambahayan ng Diyos sa ganitong paraan. Sapagkat ang mga prinsipyo at pamantayang ginagamit ng mga tao para suriin ang bagay na ito ay hindi ang katotohanan, kundi ang mga pagkaunawa ng tao, na nabibilang sa kaalaman ng tao. Ang gayong mga pananaw ay hindi mapaninindigan sa sambahayan ng Diyos. Upang magbigay ng isa pang halimbawa, ang ilang tao ay mangingisda, tindera sa kalye, o manggagawa sa lipunan; itinuturing silang mababa ang katayuan at walang sinuman ang humahanga sa kanila. Gayunpaman, sa sambahayan ng Diyos, ang lahat ng hinirang ng Diyos ay pantay-pantay. Sa harap ng katotohanan, lahat ay pantay-pantay, at walang pagkakaiba sa pagitan ng marangal o abang tao. Hindi ka ituturing na marangal dahil sa may mataas kang katayuan o nabibilang ka sa isang marangal na propesyon sa lipunan, at hindi ka rin ituturing na aba dahil sa gumaganap ka ng isang trabaho na may mababang katayuan sa lipunan. Samakatuwid, sa sambahayan ng Diyos at sa mga mata ng Diyos, itinuturing man na mataas o mababa ang iyong identidad, halaga, at katayuan ay walang anumang kinalaman sa iyong mga propesyonal na abilidad, teknikal na kahusayan, o sa kadalubhasaang taglay mo. Sinasabi ng ilan, “Dati akong komander, heneral, at marshal sa hukbo.” Sinasabi Ko sa kanila, “Tumabi ka.” Bakit kailangan mong tumabi? Sapagkat masyadong malubha ang iyong satanikong disposisyon, at nasusuklam Akong tingnan ka. Una, gumugol ng ilang oras sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, magkamit ng pag-unawa sa ilang katotohanan, at isabuhay ang kaunting wangis ng tao, at pagkatapos, kapag bumalik ka na, matatanggap ka na ng lahat. Sa sambahayan ng Diyos, hindi ka pahahalagahan dahil sa nakibahagi ka sa isang uri ng gawain sa lipunan na itinuturing na marangal ng mga tao, at hindi ka rin mamaliitin dahil sa minsan kang nagkaroon ng mababang katayuan sa lipunan. Ang mga pamantayan at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pagsusuri ng mga tao ay batay lamang sa mga pamantayan ng katotohanan. Kaya, ano ang mga pamantayan ng katotohanan? May mga partikular na aspeto sa mga pamantayang ito: Una, ang mga tao ay sinusuri batay sa kalidad ng kanilang pagkatao, kung sila ay may konsiyensiya at katwiran, mabuting puso, at pagpapahalaga sa katarungan; pangalawa, ang mga tao ay sinusuri batay sa kung minamahal nila o hindi ang katotohanan, at kung anong landas ang tinatahak nila—kung hinahangad nila ang katotohanan, minamahal ang mga positibong bagay, at minamahal ang pagiging patas at matuwid ng Diyos, o kung hindi nila hinahangad ang katotohanan, nayayamot sa katotohanan at sa mga positibong bagay, palaging may mga pansariling pagsusumikap, at iba pa. Samakatuwid, mayroon ka mang mga teknikal na kasanayan o kadalubhasaan, o kung wala kang anumang propesyonal na kasanayan o kadalubhasaan, sa sambahayan ng Diyos, tatratuhin ka pa rin nang patas. Ganito ang ginagawa sa sambahayan ng Diyos noon pa man, ipinagpapatuloy ito hanggang ngayon, at ipagpapatuloy pa rin sa hinaharap. Ang mga prinsipyo at pamantayang ito ay hinding-hindi magbabago. Kaya, ang kailangang magbago ay ang mga taong nakakaramdam na napipigilan sila dahil sa hindi nila nagagamit ang kanilang kadalubhasaan. Kung tunay kang naniniwala na matuwid ang Diyos, na ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos, at na mayroong katarungan at katuwiran sa sambahayan ng Diyos, kung gayon, hinihiling Ko sa iyong magmadali at bitiwan ang iyong mga maling pananaw at opinyon ukol sa mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan. Huwag isipin na nagiging mas mataas ka na dahil lang sa pagkakaroon mo ng ilang kaloob o kaunting kadalubhasaan. Bagamat maaaring nagtataglay ka ng mga teknikal na kasanayan o kadalubhasaan na wala sa iba, hindi naiiba sa kanila ang iyong pagkatao at tiwaling disposisyon. Sa mga mata ng Diyos, isa ka lang ordinaryong tao, at walang espesyal sa iyo. Maaaring sabihin mo na, “Dati akong opisyal na may mataas na ranggo,” pwes, isa ka pa ring ordinaryong tao. Maaaring sabihin mo na, “Dati akong nakagagawa ng magagandang bagay,” pwes, isa ka pa ring ordinaryong tao. Maaaring sabihin mo na, “Dati akong bayani,” ngunit anong uri ka man ng bayani o kilalang tao noon, wala itong silbi. Sa perspektiba ng Diyos, isa ka pa ring ordinaryong tao. Ito ay isang aspeto ng katotohanan at ng mga prinsipyo na dapat maunawaan ng mga tao tungkol sa mga teknikal na kasanayan at ilang uri ng kadalubhasaan. Ang isa pang aspeto—kung paano pangasiwaan ang mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaang ito—ay isang partikular na landas ng pagsasagawa na dapat maunawaan ng mga tao. Una sa lahat, kailangang maging malinaw sa iyong kaisipan at kamalayan na anuman ang mga propesyonal na kasanayan o kadalubhasaang taglay mo, hindi ka pumaparito sa sambahayan ng Diyos para gumanap ng isang trabaho, para ipakita ang iyong halaga, para kumita ng suweldo, o para maghanapbuhay. Naririto ka upang tuparin ang iyong tungkulin. Ang tanging identidad mo sa sambahayan ng Diyos ay bilang isang kapatid, sa madaling salita, isang nilikha sa mga mata ng Diyos. Wala kang pangalawang identidad. Ang isang nilikha sa mga mata ng Diyos ay hindi isang hayop, gulay, o diyablo. Ito ay isang tao, at bilang isang tao, dapat mong tuparin ang iyong tungkulin. Ang pagtupad sa iyong tungkulin bilang isang tao ay ang pinakapangunahing layon na dapat mayroon ka sa pagparito sa sambahayan ng Diyos, at ang pinakapangunahing pananaw na dapat mong taglayin. Dapat mong sabihin na, “Ako ay isang tao. Isa akong taong may normal na pagkatao, konsiyensiya, at katwiran. Dapat kong tuparin ang tungkulin ko.” Ito ang kaisipan at pananaw na dapat munang taglayin ng mga tao, sa usapin ng teorya. Sunod ay kung paano mo dapat tuparin ang iyong tungkulin: Dapat ka bang makinig sa iyong sarili o sa Diyos? (Makinig sa Diyos.) Tama iyan, at bakit ka dapat makinig sa Diyos? Sa prinsipyo at teorya, alam ng mga tao na dapat silang makinig sa Diyos, na ang Diyos ang katotohanan, at na ang Diyos ang may huling kapasyahan. Ito ang pananaw na dapat taglay ng isang tao sa usapin ng teorya. Ang totoo, tinutupad mo ang tungkuling ito hindi para sa iyong sarili, hindi para sa iyong pamilya, hindi para sa iyong pang-araw-araw na pag-iral, at hindi rin para sa pansarili mong propesyon o mga pagsusumikap, kundi, para ito sa gawain ng Diyos, para sa pamamahala ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Wala itong kinalaman sa mga personal mong usapin. Kailangan mong maunawaan at taglayin ang pananaw na ito. Pagkatapos mong taglayin ang pananaw na ito, sunod ay dapat mong maunawaan na sapagkat ang pagtupad sa iyong tungkulin ay hindi para sa kapakanan ng iyong sarili, kundi para sa kapakanan ng gawain ng Diyos, kailangan mong magdasal at maghanap sa Diyos kung paano mo dapat tuparin ang tungkuling ito, at kung ano ang mga prinsipyo at hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Gawin mo ang iyong tungkulin sa anumang paraang sinasabi sa iyo ng Diyos, ginagawa ang anumang ipagawa Niya sa iyo, nang walang anumang sinasabi tungkol dito, nang walang pag-aatubili o pagtanggi. Ito ay tiyak. Dahil ito ang sambahayan ng Diyos, tama at nararapat lamang na gampanan ng mga tao ang mga tungkuling dapat nilang gampanan dito. Ngunit hindi ito ginagawa ng mga tao para sa kanilang sarili, para sa kanilang pang-araw-araw na pag-iral, buhay, pamilya, o propesyon. Kung gayon, para saan nila ito ginagawa? Para sa gawain ng Diyos, at para sa pamamahala ng Diyos. Anuman ang partikular na propesyon o uri ng gawain ang sangkot dito, ito man ay kasingliit ng isang bantas o ng estilo ng pag-format, o kasinghalaga ng isang partikular na bagay sa trabaho, lahat ito ay nasa saklaw ng gawain ng Diyos. Samakatuwid, kung mayroon kang katwiran, dapat mo munang tanungin ang iyong sarili, “Paano ko dapat isakatuparan ang gawaing ito? Ano ang mga hinihingi ng Diyos? Anong mga prinsipyo ang isinusulong ng sambahayan ng Diyos?” Pagkatapos, isa-isang ilista ang mga nauugnay na prinsipyo at kumilos nang mahigpit na alinsunod sa bawat tuntunin at prinsipyo. Hangga’t naaayon ito sa mga prinsipyo at hindi lumalampas sa saklaw ng mga ito, lahat ng gagawin mo ay magiging angkop, at ituturing at ikaklasipika ito ng Diyos bilang pagtupad mo sa iyong tungkulin. Hindi ba’t isa itong bagay na dapat maunawaan ng mga tao? (Oo.) Kung nauunawaan mo ito, hindi ka dapat laging nag-iisip-isip kung paano mo gustong gawin ang mga bagay-bagay o kung ano ang gusto mong gawin. Ang pag-iisip at pagkilos sa ganitong paraan ay wala sa katwiran. Dapat bang gawin ang mga bagay na wala sa katwiran? Hindi, hindi dapat gawin ang mga ito. Kung nais mong gawin ang mga ito, ano ang dapat mong gawin tungkol dito? (Talikdan ang aking sarili.) Dapat mong talikdan at isuko ang iyong sarili, at unahin ang iyong tungkulin at ang mga hinihingi at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Kung hindi ka mapalagay, at pinagbibigyan mo ang iyong mga hilig at libangan sa iyong libreng oras, kung gayon, hindi manghihimasok ang sambahayan ng Diyos dito. Ito ay isang aspeto ng kung ano ang dapat mong maunawaan—kung ano ang iyong tungkulin at kung paano mo ito dapat tuparin. Ang isa pang aspeto ay nauukol sa isyu ng propesyonal na kadalubhasaan at kasanayan ng mga tao. Paano mo dapat harapin ang usapin ng mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan? Kung kinakailangan ng sambahayan ng Diyos na gamitin mo ang iyong propesyonal na kadalubhasaan at mga kasanayan kung saan ikaw ay mahusay o na kabisado mo na, ano ang dapat magiging saloobin mo? Dapat mong gamitin ang mga ito nang walang pag-aalinlangan, tulutan ang mga ito na gawin ang silbi ng mga ito at ipakita ang halaga ng mga ito sa iyong tungkulin hangga’t maaari. Hindi mo dapat hayaang masayang ang mga ito; dahil pwede mong gamitin ang mga ito, naiintindihan mo ang mga ito, at naging dalubhasa ka na sa mga ito, dapat mong ipagamit ang mga ito. Ano ang prinsipyo ng paggamit sa mga ito? Iyon ay, anuman ang kailangan ng sambahayan ng Diyos, gaano man karami ang kailangan nito, at hanggang saan man ito nangangailangan, ginagamit mo ang mga kasanayang ito sa paraang may pagtitimpi at pag-iingat. Gamitin ang iyong mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan sa iyong mga tungkulin, tulutan ang mga ito na gampanan ang silbi ng mga ito, at bigyang-daan kang makapagkamit ng mas magagandang resulta sa iyong tungkulin. Sa ganitong paraan, hindi ba’t magkakaroon ng dahilan ang pag-aaral mo sa iyong mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan? Hindi ba’t magkakaroon ng halaga ang mga ito? Hindi ba’t makapagbibigay ka ng kontribusyon? (Oo.) Handa ka bang mag-ambag sa ganitong paraan? (Oo.) Magandang bagay iyan. Tungkol naman sa mga kasanayan at kadalubhasaan na walang silbi sa sambahayan ng Diyos, sadyang hindi hinihingi o hinihikayat ng sambahayan ng Diyos ang mga ito, at ang mga nagtataglay ng mga gayong kasanayan o kadalubhasaan ay hindi dapat basta-bastang gamitin ang mga ito. Paano mo dapat unawain ang bagay na ito? (Sa pamamagitan ng pagtalikod sa mga kasanayang iyon.) Mismo, ang pinakasimpleng diskarte ay ang talikdan ang mga ito, ang kumilos na parang hindi mo kailanman natutunan ang mga ito. Sabihin mo sa Akin, kung kusang-loob mong bibitiwan ang mga ito, lilitaw pa rin ba ang mga ito at guguluhin ka kapag nasa proseso ka ng pagtupad sa iyong tungkulin? Hindi na. Hindi ba’t ikaw na ang magpapasya rito? Ang mga ito ay kaunting kaalaman lamang. Gaano kalaking problema, gaano kalubhang epekto ang maidudulot ng mga ito? Ituring mo na lang ang mga ito na parang hindi mo pa kailanman natutunan ang mga ito, na parang hindi mo taglay ang mga ito, at pagkatapos, hindi ba’t matatapos na ang usaping ito? Dapat mong pangasiwaan nang tama ang bagay na ito. Kung isa itong bagay na hindi hinihingi ng sambahayan ng Diyos na gawin mo, huwag patuloy na magpumilit sa pagpapakitang-gilas sa iyong mga kasanayan para magpasikat, para tugunan ang sarili mong mga interes, o ipakita sa lahat na may ilan kang nalalaman. Mali iyon. Hindi ito ang pagganap sa iyong tungkulin at hindi ito gugunitain. Hayaan mong sabihin Ko sa iyo, bukod sa hindi ito gugunitain, kokondenahin din ito, dahil hindi mo tinutupad ang iyong tungkulin, pansariling pagsusumikap ang inaasikaso mo, at napakaseryoso niyon! Bakit ito seryoso? Dahil, sa kalikasan nito, isa itong paggambala at panggugulo! Paulit-ulit nang sinabi sa iyo ng sambahayan ng Diyos na hindi mo dapat gawin ang mga bagay sa gayong paraan, o gawin ang mga bagay na iyon, o gamitin ang gayong uri ng pamamaraan, pero hindi ka nakikinig. Patuloy mong ginagawa ang mga ito, patuloy kang tumatangging bumitiw, at nagpupumilit ka. Hindi ba’t panggugulo iyon? Hindi ba’t sinasadya iyon? Alam na alam mong hindi kailangan ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay na ito, ngunit sinasadya mong patuloy na gawin ang mga ito. Hindi ba’t nasisiyahan ka lang na magpakitang-gilas? Kung ang mga ginagawa mong video o programa ay pinapahiya ang Diyos, kung gayon, magiging napakalubha ng mga kahihinatnan, at magiging malaki ang paglabag mo. Nauunawaan mo ito, hindi ba? (Oo.) Samakatuwid, para sa mga bagay na personal mong tinatamasa at sa mga propesyonal na kasanayang taglay mo—kung gusto mo ang mga ito, kung interesado ka sa mga ito, kung pinahahalagahan mo ang mga ito, gawin mo ang mga ito nang pribado sa iyong bahay. Ayos lang iyon. Ngunit huwag mong hayagang ipakita ang mga ito. Kung nais mong hayagang ipakita ang isang bagay, dapat mong magawa ito nang may mataas na kalidad, at hindi ipahiya ang Diyos o siraan ang Kanyang sambahayan. Hindi lang ito tungkol sa kung nagtataglay ka ng kabatiran o kung gaano ka kahusay sa ilang propesyonal na kasanayan. Hindi ito ganoon kasimple. Mayroong batayan ang mga prinsipyo at pamantayan na hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa bawat gawain ninyo, gayundin sa direksyon at mga layuning gumagabay sa inyong gawain sa bawat yugto. Lahat ito ay upang mapangalagaan ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi para gambalain, guluhin, siraan, o wasakin ang gawain at mga interes ng sambahayan Niya. Kung hindi makakasabay ang inyong personal na kakayahan, kabatiran, karanasan, at panlasa sa mga ito, o hindi maaabot ang pamantayan ng mga ito, kung gayon, makipagbahaginan ka nang pribado, at humingi ka ng patnubay at tulong sa mga nakauunawa at nagagawang makipagsabayan sa mga ito. Huwag lumaban, huwag palaging magkimkim ng mga negatibong emosyon dahil lamang hindi kayo pinapayagang gumawa ng ilang bagay. Ang ilan ninyong diskarte ay sadyang hindi sapat. Bakit Ko sinasabing hindi kayo sapat? Dahil masyado nang baluktot ang inyong mga kaisipan at pananaw. Bukod sa hindi sapat at hindi kasiya-siya ang inyong panlasa, kabatiran, paghusga, at karanasan, nagkikimkim din kayo ng maraming lumang kuru-kurong panrelihiyon. Masyadong marami at malalim na nakaugat ang inyong mga kuru-kurong panrelihiyon, at maging ang ilang kabataan na nasa edad bente ay mayroon nang marami-raming lumang kaisipan at kuru-kuro. Bagamat kayo ay mga tao sa modernong panahon, na nag-aaral ng mga modernong teknikal na kasanayan, at nagtataglay ng partikular na propesyonal na kaalaman, dahil hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan, ang inyong mga perspektiba, pananaw, at paninindigan hinggil sa iba’t ibang bagay at ang mga kaisipang taglay ninyo ay lahat luma na. Kaya, gaano man karaming propesyonal na kasanayan ang natututunan ninyo, nananatiling luma ang inyong mga kaisipan. Kailangan mong maunawaan ang problemang ito, at ang totoong sitwasyong ito. Kaya, dapat mong bitiwan iyong mga bagay na hinihingi sa inyo ng sambahayan ng Diyos na alisin, ipagbawal, o na hindi kayo pinahihintulutang gamitin. Kailangan mong matutong sumunod. Kung hindi mo nauunawaan ang mga dahilan sa likod nito, kahit papaano, dapat kang magkaroon ng sapat na dahilan upang matutong sumunod, at kumilos muna batay sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Huwag lumaban, matuto munang magpasakop.
Matapos magbahaginan tungkol sa tamang saloobin na dapat mayroon ang mga tao sa mga propesyonal na kasanayang taglay nila, ano pa ang dapat mong maunawaan? Sa proseso ng pagtupad sa iyong tungkulin, kung mabigo ka dahil sa hindi mabuting paggamit ng ilang teknikal na kasanayan o kadalubhasaan, na nagreresulta sa mga pagkagambala at kawalan sa gawain ng iglesia, at kung maharap ka sa pagtatabas at pagwawasto, ano ang dapat mong gawin? Madali lamang ito. Agad na magbago at magsisi, at bibigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng pagkakataon na itama ang iyong mga pagkakamali. Dahil walang taong perpekto, lahat ay nagkakamali at may mga pagkakataong nalilito sila. Ang mga pagkakamali ay hindi nakakabahala, ang nakakabahala ay kung patuloy mong gagawin ang mga parehong pagkakamali nang paulit-ulit, tuloy-tuloy na ginagawa ang mga parehong pagkakamali at hindi nagbabago hanggang sa umabot ka sa puntong wala ka nang magagawa. Kung napagtatanto mo ang mga pagkakamali mo, itama mo ang mga ito. Hindi naman iyon napakahirap, hindi ba? Lahat ng tao ay nagkakamali, kaya walang sinuman ang dapat mangutya ng iba. Kung kaya mong aminin ang iyong mga pagkakamali pagkatapos magawa ang mga ito, kung matututo ka ng mga aral, at makapagbabago, kung gayon, makakausad ka. Higit pa rito, kung ang problema ay dahil sa kawalan ng kahusayan sa gawain mo, maaari kang magpatuloy sa pag-aaral at magpakadalubhasa sa mga kinakailangang kasanayan, at malulutas ang problema. Kung masisiguro mo na hindi mo mauulit ang pagkakamaling iyon sa hinaharap, hindi ba’t iyon na ang wakas nito? Napakasimpleng bagay nito! Hindi mo na kailangang makaramdam na napipigilan ka dahil lang sa palagi kang nagkakamali dulot ng maling paggamit ng iyong mga propesyonal na kasanayan, at nahaharap ka sa pagtatabas at pagwawasto. Bakit ka pa nakakaramdam na napipigilan? Bakit napakarupok mo? Anuman ang sitwasyon o kapaligiran sa trabaho, nagkakamali ang mga tao paminsan-minsan, at may mga aspeto kung saan nagkukulang ang kanilang mga kalidad, kabatiran, at perspektiba. Normal lang ito, at kailangan mong matutunan kung paano ito harapin nang tama. Ano’t anuman, kahit ano pa ang pagsasagawa mo, dapat mong harapin ito nang tama at kusa. Huwag manlumo o makaramdam ng pagkanegatibo o pagpipigil kapag nakaranas ng kaunting paghihirap, at huwag masadlak sa mga negatibong emosyon. Hindi kailangan ang lahat ng iyon, huwag nang palakihin ang usaping ito. Ang dapat mong gawin ay agad na pagnilay-nilayan ang iyong sarili, at tukuyin kung may isyu sa iyong mga propesyonal na kasanayan o problema sa iyong mga layunin. Suriin kung mayroong anumang karumihan sa iyong mga kilos o kung ang ilang kuru-kuro ang may kasalanan. Pagnilayan ang lahat ng aspeto. Kung ito ay isang problema ng kawalan ng kahusayan, maaari kang magpatuloy sa pag-aaral, maghanap ng taong tutulong sa iyo na tumuklas ng mga solusyon, o kumonsulta sa mga tao na nasa parehong larangan. Kung may kalakip na ilang maling layunin, na kinasasangkutan ng isang problema na maaaring malutas gamit ang katotohanan, maaari kang lumapit sa mga lider ng iglesia o sa isang taong nakakaunawa sa katotohanan para ikonsulta ito at makipagbahaginan dito. Makipag-usap sa kanila tungkol sa kalagayan mo at hayaan silang tulungan kang lutasin ito. Kung isa itong isyu na may kinalaman ang mga kuru-kuro, sa sandaling masuri at mapagtanto mo ang mga ito, maaari mong himayin at unawain ang mga ito, pagkatapos ay iwasan at talikuran ang mga ito. Hindi ba’t iyon lang naman iyon? Ang bagong araw ay may dalang bagong pag-asa, sisikat muli ang araw bukas, at kailangan mong magpatuloy sa buhay. Dahil nabubuhay ka, dahil isa kang tao, dapat patuloy mong gampanan ang iyong tungkulin. Hangga’t buhay ka at may mga kaisipan, dapat mong pagsikapang tuparin ang iyong tungkulin at tapusin ito. Ito ay isang layon na hindi dapat magbago sa buong buhay ng isang tao. Kailan ka man makaranas ng paghihirap, anuman ang mga paghihirap na mararanasan mo, anuman ang kakaharapin mo, hindi ka dapat makaramdam na napipigilan ka. Kung napipigilan ka, hindi ka makakakilos at masisiraan ka ng loob. Anong uri ng mga tao ang laging nakakaramdam na napipigilan sila? Ang mga mahina at hangal ay madalas na napipigilan. Ngunit hindi ka walang puso o walang isip, kaya saan ka napipigilan? Hindi lang talaga normal na nagagamit ang iyong mga teknikal na kasanayan o kadalubhasaan sa kasalukuyan. Ano ang ibig sabihin ng magamit nang normal? Nangangahulugan ito ng paggawa ng kung ano ang hinihingi sa iyo ng sambahayan ng Diyos at paggamit ng iyong mga natutunang teknikal na kasanayan upang matugunan ang mga hinihinging pamantayan ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t sapat na iyon? Hindi ba’t iyon ang tinatawag nating normal na paggamit? Hindi ka pinagbabawalan ng sambahayan ng Diyos na gamitin ang iyong mga abilidad. Nais lamang nitong gamitin mo ang mga ito nang may layon, nang may pagtitimpi, mga pamantayan, at mga prinsipyo, sa halip na gamitin ang mga ito nang walang ingat. Bukod doon, hindi nakikialam ang sambahayan ng Diyos sa mga bagay na walang kinalaman sa pagtupad sa iyong mga tungkulin o sa iyong personal na buhay. Tanging sa mga usapin ng pagtupad sa iyong mga tungkulin mayroong mahigpit na mga panuntunan at mga hinihinging pamantayan ang sambahayan ng Diyos. Kaya, pagdating sa pangangasiwa sa iyong mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan, hindi nakagapos ang iyong mga kamay at paa, at hindi kinokontrol ang mga iniisip mo. Malaya kang mag-isip, ang iyong mga kamay at paa ay malaya, at ang iyong puso ay malaya rin. Kaya lang, kapag umuusbong sa iyo ang mga negatibong emosyon, pinipili mong umatras, manlumo, tumanggi, at lumaban. Ngunit kung pipiliin mong harapin ang mga bagay-bagay nang positibo, makinig nang mabuti, at sundin ang mga prinsipyo, panuntunan, at mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, hindi ka mawawalan ng landas na tatahakin o ng mga bagay na dapat gawin. Hindi ka isang inutil na tao, isang mahina, o isang hangal. Binigyan ka ng Diyos ng malayang kalooban, normal na pag-iisip, at normal na pagkatao. Kaya, mayroon kang tungkulin na dapat tuparin, at dapat mong tuparin ang sarili mong tungkulin. Higit pa rito, mayroon kang mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan, kaya, sa sambahayan ng Diyos, isa kang kapaki-pakinabang na tao. Kung magagamit mo ang iyong kadalubhasaan gaya ng nararapat sa ilang aspeto ng gawain sa sambahayan ng Diyos na may kinalaman sa mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan, mahahanap mo ang iyong posisyon at matutupad ang tungkulin ng isang nilikha. Hangga’t naninindigan ka sa iyong posisyon, tinutupad ang iyong tungkulin, at ginagawa ang iyong trabaho nang maayos, hindi ka isang walang kwentang tao kundi isang taong may silbi. Kung kaya mong tuparin ang iyong tungkulin, magkaroon ng mga iniisip, at gumawa nang mahusay, anumang mga paghihirap ang kinakaharap mo, hindi ka dapat makaramdam na napipigilan ka, hindi ka dapat umatras, ni hindi ka dapat tumanggi o umiwas. Ngayon, sa sandaling ito, ang dapat mong gawin ay huwag magpakalunod sa iyong sariling mga negatibong emosyon upang magawa mong makaahon. Hindi ka dapat magreklamo tulad ng isang naghihinakit na babae tungkol sa pagiging hindi patas ng sambahayan ng Diyos, tungkol sa pangmamaliit sa iyo ng mga kapatid, o tungkol sa hindi pagpapahalaga sa iyo o pagbibigay sa iyo ng mga oportunidad ng sambahayan ng Diyos. Sa katunayan, binigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng mga oportunidad at ipinagkatiwala sa iyo ang tungkuling dapat mong tuparin, ngunit hindi mo ito pinangasiwaan nang maayos. Sinunod mo pa rin ang mga sarili mong mga pasya at mga hinihingi, hindi ka nakinig nang mabuti sa mga salita ng Diyos o nagbigay-pansin sa mga prinsipyong sinabi sa iyo ng sambahayan ng Diyos tungkol sa gawain mo. Masyadong matigas ang ulo mo. Kaya, kung nakakulong ka man sa negatibong emosyon ng pagpipigil, hindi ito kasalanan ng sinuman. Hindi sa pinabayaan ka ng sambahayan ng Diyos, lalong hindi dahil sa hindi ka tinatanggap dito. Ito ay dahil hindi mo pa ganap na nagamit ang iyong mga abilidad sa pagtupad sa iyong tungkulin. Hindi mo napangasiwaan o nagamit nang tama ang iyong teknikal na propesyon at kadalubhasaan. Hindi mo hinarap ang bagay na ito nang makatwiran, kundi sinalungat mo ito nang pabigla-bigla at nang may mga negatibong emosyon. Ito ang pagkakamali mo. Kung bibitiwan mo ang iyong mga negatibong emosyon at lalabas ka sa kalagayang ito ng pagpipigil, mapagtatanto mo na maraming gampanin ang magagawa mo at maraming gampanin ang kinakailangan mong gawin. Kung makalalabas ka sa mga negatibong emosyong ito at makahaharap sa iyong tungkulin nang may positibong saloobin, makikita mo na ang daan sa unahan ay maliwanag, hindi madilim. Walang humaharang sa iyong paningin, at walang humahadlang sa iyong mga yapak. Sadyang ayaw mo lang sumulong. Ang mga kagustuhan, pagnanais, at personal mong plano ang nakahadlang sa iyong mga hakbang. Isantabi mo ang mga bagay na ito, bitiwan ang mga ito, matutong makibagay sa kapaligiran ng gawain sa sambahayan ng Diyos, maging bukas sa tulong at suportang ibinibigay sa iyo ng mga kapatid mo, at sa pamamaraan ng pagtupad sa iyong tungkulin at paggawa sa sambahayan ng Diyos. Paunti-unting bitiwan ang iyong mga kagustuhan, pagnanais, at hindi makatotohanan at hindi praktikal na mga ideya. Unti-unti, natural kang makalalabas sa mga negatibong emosyong ito ng pagpipigil. Ang isa pang bagay na dapat mong maunawaan ay gaano man kahusay ang iyong mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan, hindi ito kumakatawan sa buhay mo. Hindi ito kumakatawan sa iyong pagkahinog sa buhay o na ikaw ay nakatanggap na ng kaligtasan. Kung ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos sa normal at masunuring paraan ayon sa mga katotohanang prinsipyo, gamit ang iyong mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan, kung gayon, maayos kang gumagawa rito at tunay kang miyembro ng sambahayan ng Diyos. Gayunpaman, palagi mong ipinangangalandakan ang pagtupad sa iyong tungkulin, sinasamantala ang pagkakataon sa pagtupad ng iyong tungkulin, sinasamantala ang mga oportunidad na ibinibigay ng sambahayan ng Diyos, at sinusunod ang mga kagustuhan, ambisyon at hangarin mo upang lubos na magamit ang iyong sariling kadalubhasaan, ginagamit ito para hangarin ang sarili mong propesyon at mga pansariling pagsusumikap, at bilang resulta, sa huli ay wala ka nang magawa at pakiramdam mo ay napipigilan ka. Sino ang nagsanhi ng pagpipigil na ito? Ikaw mismo ang nagsanhi nito. Kung patuloy mong hahangarin ang mga pansarili mong pagsusumikap habang tinutupad ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, hindi iyon gagana rito, dahil hindi ito ang tamang lugar para doon. Mula sa simula hanggang sa wakas, ang tinatalakay sa sambahayan ng Diyos ay ang katotohanan, ito ang mga hinihingi ng Diyos at ang Kanyang mga salita. Bukod sa mga ito, wala nang dapat pag-usapan pa. Samakatuwid, anuman ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao sa anumang aspeto ng kanilang gawain o propesyon, o sa anumang espesyal na pagsasaayos sa gawain, ang mga ito ay hindi nakatuon sa sinumang partikular na indibidwal, at ang mga ito ay hindi para supilin ang sinuman o pawiin ang sigasig o pagpapahalaga sa sarili ng sinuman. Ang mga ito ay para lamang sa kapakanan ng gawain ng Diyos, upang makapagpatotoo sa Diyos, maipalaganap ang Kanyang salita, at magdala ng mas maraming tao sa Kanyang presensya. Syempre, ang mga ito ay para din sa bawat isa sa inyo na naririto para tumahak sa lalong madaling panahon sa landas ng paghahangad ng katotohanan at para pumasok sa realidad ng katotohanan. Nauunawaan ba ninyo? Kung ang mga halimbawang binanggit ngayon ay tumutukoy sa ilang indibiduwal, huwag masiraan ng loob. Kung sumasang-ayon ka sa sinasabi Ko, tanggapin mo ito. Kung hindi ka sumasang-ayon at napipigilan ka pa rin, kung gayon, magpatuloy ka sa iyong pagpipigil. Tingnan natin kung hanggang saan maaaring makaramdam ng pagpipigil ang mga gayong tao, at kung hanggang kailan sila makatatagal sa sambahayan ng Diyos habang dala-dala ang mga gayong negatibong emosyon, nang hindi naghahangad sa katotohanan o nagbabago.
Kung hindi nila bibitiwan ang pagpipigil, ang mga namumuhay sa negatibong damdaming ito ay mahaharap sa isa pang desbentaha: Sa sandaling mabigyan sila ng oportunidad, mabilis silang kumikilos at gumagawa, sila na ang nangangasiwa at binabalewala nila ang lahat ng hinihingi, panuntunan, at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, kumikilos nang walang ingat at ganap na nagpapakasasa sa sarili nilang mga hangarin. Sa sandaling kumilos sila, magiging napakalubha ng mga kahihinatnan. Sa mas maliit na antas, maaaring makapagdulot sila ng mga kawalan sa pananalapi sa sambahayan ng Diyos, o sa isang mas malaking antas, maaari nilang magambala ang gawain ng iglesia. Kung iiwasan ng mga lider at superbisor na iyon ang kanilang responsabilidad at mabibigo silang lutasin ang mga problema, maaapektuhan din nito ang gawain ng pagpapalawig ng ebanghelyo ng sambahayan ng Diyos, na kinapapalooban ng paglaban sa Diyos. Kung nangyayari ang mga ganitong insidente at kahihinatnan sa mga taong ito, darating na ang kanilang katapusan. Sa halip na hulaan ang kanilang kinabukasan, mas mabuting maaga palang ay bitiwan na nila ang pagpipigil at baguhin ang mga saloobin at opinyon na patuloy nilang pinanghahawakan sa masyadong pagpapahalaga at pagbibigay ng importansya sa mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan. Mahalaga para sa kanila na baligtarin ang kanilang mga pananaw at huwag masyadong panghawakan ang mga ito. Ang dahilan ng hindi masyadong paghawak sa mga ito ay hindi dahil sa hindi sila gaanong mahalaga sa sambahayan ng Diyos sa simula o dahil sa Aking paghatol o negatibong opinyon sa mga bagay na ito. Ito ay dahil ang mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan ay isang uri ng kasangkapan. Hindi nito kinakatawan ang katotohanan o buhay. Kapag lumipas na ang langit at ang lupa, maglalaho rin ang anumang teknikal na kasanayan at kadalubhasaan, samantalang ang mga positibong bagay at katotohanan na nakuha ng mga tao ay hindi lamang hindi maglalaho, hinding-hindi rin mawawala ang mga ito. Gaano man kalalim, kahusay, o kakatangi-tangi ang mga teknikal na kasanayan o ang espesyal na kadalubhasaan na taglay mo, hindi nito mababago ang sangkatauhan o ang mundo, hindi rin nito mababago ang kahit isang maliit na kaisipan o pananaw na mayroon ang mga tao. Ang mga bagay na ito ay hindi man lang makapagbabago sa isang maliit na kaisipan o pananaw, lalo na sa tiwaling disposisyon ng mga tao, na lalong hindi nila kayang baguhin. Hindi mababago ng mga ito ang sangkatauhan, ni mababago ang mundo. Hindi matutukoy ng mga ito ang kasalukuyan ng sangkatauhan, ang paparating nilang mga araw, o ang kanilang hinaharap, at tiyak na hindi matutukoy ng mga ito ang kapalaran ng sangkatauhan. Iyon talaga ang totoo. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, maghintay ka lang at tingnan mo ang mangyayari. Kung hindi ka naniniwala sa Aking mga salita, at patuloy mong pinahahalagahan ang mga bagay tulad ng kaalaman, mga teknikal na kasanayan, at kadalubhasaan, tingnan mo kung sino ang maaantala kapag pinahalagahan mo ang mga ito hanggang sa huli at tingnan mo kung ano ang makakamit mo mula sa mga ito. Ang ilang tao ay may mataas na kasanayan at kaalaman sa teknolohiya ng computer, nahihigitan nila ang karaniwang tao at sila ang mahusay sa larangang ito. Sila ay mga technician na marami nang karanasan, umaasta bilang nakatataas saanman sila pumunta at ipinapahayag nila na, “Napakahusay ko sa computer, isa akong computer engineer!” Kung patuloy kang aasta nang ganito, tingnan natin kung gaano talaga kalayo ang mararating mo at kung saan ka hahantong. Dapat mong iwaksi ang titulong ito at muling tukuyin ang iyong sarili. Isa kang ordinaryong tao. Dapat mong maunawaan na ang mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan ay nagmumula sa mga tao. Limitado ang mga ito sa kakayahan ng pag-iisip at mga kaisipan ng mga tao, pinupuno lamang ang mga neuron sa utak ng mga tao, nag-iiwan ng mga impresyon at bakas sa kanilang mga alaala. Gayunpaman, walang positibong epekto ang mga ito sa disposisyon sa buhay ng isang tao, o sa kanyang landas sa hinaharap. Hindi nagbibigay ng mga totoong pakinabang ang mga ito. Kung patuloy kang kakapit sa mga natutunan mong teknikal na kasanayan o kadalubhasaan, at ayaw mong bitiwan ang mga ito, palagi mong iniisip na mahalaga at kaibig-ibig ang mga ito, naniniwala na sa pagkakaroon ng mga ito ay nakatataas ka, na mas magaling ka kaysa sa iba, na karapat-dapat ka sa karangalan, kung gayon, sinasabi Kong hangal ka. Ang mga bagay na iyon ay lubos na walang halaga! Umaasa Ako na masusubukan mong bitiwan ang mga ito, palayain ang iyong sarili mula sa titulong technician o propesyonal, lumabas sa limitasyon ng teknikal at propesyonal na mga larangan, at matutong sabihin at gawin ang lahat, at tratuhin ang lahat ng tao at lahat ng bagay sa makatwirang paraan. Huwag magpalayaw sa mga hindi praktikal at hindi makatotohanang ideya. Sa halip, dapat kang manatiling makatotohanan, makatwiran, at praktikal. Dapat kang matutong magsalita nang matapat, taos-puso, at makatotohanan, na naghihikayat ng mga tamang kaisipan at pananaw, perspektiba, at paninindigan sa mga tao at bagay-bagay. Ito ay pundamental. Ibig sabihin ay binitiwan at inalis mo ang mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan na pinanghawakan mo sa puso mo nang maraming taon at na naninirahan sa puso at isipan mo, at na maaari mong matutunan ang mga pundamental na bagay tulad ng kung paano umasal, paano magsalita, paano tingnan ang mga tao at bagay-bagay, at kung paano tuparin ang iyong tungkulin ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos. Ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa mga landas na tinatahak ng mga tao, sa kanilang pag-iral, at sa kanilang kinabukasan. Ang mga bagay na ito na may kaugnayan sa mga landas na tinatahak ng mga tao at sa kanilang kinabukasan ay makapagbabago sa iyong kapalaran, makapagtutukoy sa iyong kapalaran, at makaliligtas sa iyo. Sa kabilang banda, hindi mababago ng mga teknikal na kasanayan at kadalubhasaan ang iyong kapalaran o kinabukasan. Hindi matutukoy ng mga ito ang anumang bagay. Kung gagamitin mo ang mga kasanayan at kadalubhasaang ito para magtrabaho sa lipunan, maaari lamang itong makatulong sa iyo na maghanapbuhay o mapabuti ang buhay mo kahit papaano. Ngunit hayaan mong sabihin Ko sa iyo, kapag pumasok ka sa sambahayan ng Diyos, hindi nito matutukoy ang anumang bagay. Sa halip, maaari pang maging balakid ang mga ito sa pagtupad ng iyong tungkulin at hadlangan ka sa pagiging ordinaryo at normal na tao. Samakatuwid, anuman ang mangyari, kailangan mo munang magkaroon ng tamang pagkaunawa at perspektiba tungkol dito. Huwag mong isipin na isa kang espesyal na talento o paniwalaan na sa sambahayan ng Diyos, ikaw ay pambihira, nakatataas sa iba, o mas espesyal kaysa sa kanila. Hindi ka espesyal sa anumang paraan, partikular na sa paningin Ko. Bukod sa pagkakaroon ng ilang espesyal na abilidad o kaalaman at mga kasanayan na wala ang iba, hindi ka naiiba sa sinuman. Ang iyong mga salita, kilos at asal, at ang iyong mga kaisipan at pananaw ay puno ng mga lason ni Satanas, puspos ng mga mali at negatibong kaisipan at pananaw. Maraming bagay ang kailangan mong baguhin, maraming bagay ang kailangan mong ibahin. Kung nananatili kang nakakulong sa isang kalagayan ng pagkakampante, pagkakontento sa sarili, at paghanga sa sarili, kung gayon, masyado kang hangal at bilib sa iyong sarili. Kahit na minsan kang nakagawa ng ilang kontribusyon sa sambahayan ng Diyos dahil sa iyong mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan, hindi sulit na patuloy mong pahalagahan ang mga bagay na ito. Walang propesyonal na kasanayan o kadalubhasaan ang karapat-dapat paglaanan ng iyong buong buhay, maging ang ilagay sa panganib ang iyong kinabukasan at magandang destinasyon para pahalagahan, itaguyod, protektahan, at panghawakan ang mga ito, umaabot sa puntong mabubuhay at mamamatay para sa mga ito. Siyempre, hindi mo rin dapat hayaang maapektuhan ng pag-iral ng mga ito ang iyong mga kaisipan at emosyon sa anumang aspeto, at lalong hindi ka dapat makaramdam na napipigilan ka dahil sa mga ito, dahil nawala ang mga ito sa iyo o walang nakakapansin sa mga ito. Iyon ay magiging isang hangal at hindi makatwirang pagharap dito. Sa direktang pagkasabi, parang mga piraso ng damit ang mga ito, na maaaring itapon o pulutin at isuot anumang oras. Walang kapansin-pansin sa mga ito. Isusuot mo ang mga ito kapag kailangan mo, at maaari mong hubarin at itapon ang mga ito kapag hindi mo na kailangan. Dapat ay wala kang pakialam sa mga ito; iyon ang saloobin at pananaw na dapat mayroon ka ukol sa anumang piraso ng kaalaman, kasanayan, o kadalubhasaan. Hindi mo dapat pahalagahan o ituring na sarili mong buhay ang mga ito, na nakakahanap ka ng kagalakan o kaligayahan dahil sa mga ito, o nabubuhay at namamatay para sa mga ito. Hindi na kailangan iyon. Dapat mong tratuhin ang mga ito nang makatwiran. Siyempre, kung makukulong ka sa mga negatibong emosyon ng pagpipigil dahil sa mga ito, na nakaaapekto sa pagtupad mo sa mga tungkulin at sa pinakamahalagang bagay sa buhay mo na ang hangarin ang katotohanan, iyon ang mas lalong hindi katanggap-tanggap. Dahil ang mga ito ay isang kasangkapan lamang na maaari mong gamitin o itapon anumang oras, hindi dapat pukawin ng mga ito ang anumang pagkagiliw o damdamin sa loob mo. Kaya, paano man tratuhin ng sambahayan ng Diyos ang mga propesyonal na kasanayan o kadalubhasaang natutunan mo, kung sumasang-ayon man ang sambahayan ng Diyos sa mga ito o hinihiling sa iyo na bitiwan ang mga ito, o kinokondena at pinupuna pa nga ang mga ito, hindi ka dapat magkaroon ng sarili mong mga opinyon. Dapat mong tanggapin ang usapin mula sa Diyos, harapin at tratuhin ito nang makatwiran, nang may mga tamang posisyon at perspektiba. Kung ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang mga kasanayan mo ngunit nakikitang kulang ang mga ito, maaari kang matuto at pagbutihin mo ang mga ito. Kung hindi ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang mga ito, dapat mong bitiwan ang mga ito nang walang pag-aalinlangan, nang walang anumang alalahanin at anumang paghihirap—ganoon lang kasimple. Ang katunayan na walang silbi ang iyong mga propesyonal na kasanayan at kadalubhasaan sa sambahayan ng Diyos ay hindi personal na nakadirekta sa iyo, hindi rin nito inaalis ang iyong karapatang tuparin ang iyong tungkulin. Kung mabigo kang tuparin ang iyong tungkulin, ito ay dahil sa sarili mong pagsuway. Kung sasabihin mong, “Minamaliit ako ng sambahayan ng Diyos, pati na rin ang aking mga talento at ang kaalamang natamo ko, at hindi ako nito tinatrato bilang isang indibidwal na may talento. Kaya, hindi ko na gagampanan ang tungkulin ko!” Personal mong desisyon iyon na hindi gampanan ang iyong tungkulin; hindi iyon dahil sa ipinagkait sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang oportunidad o inalis ang iyong karapatang gampanan ito. Kung mabibigo kang tuparin ang iyong tungkulin, katumbas ito ng pagsuko mo sa iyong pagkakataon na mailigtas. Dahil inuuna mo ang pagpapanatili sa iyong mga propesyonal na kasanayan, kadalubhasaan, at personal na dignidad, tinatalikuran mo ang pagtupad sa iyong tungkulin at ang pag-asa na makatanggap ng kaligtasan. Sabihin mo sa Akin, makatwiran ba ito o hindi makatwiran? (Hindi makatwiran.) Ito ba ay hangal o matalino? (Hangal.) Kaya, mayroon bang landas para sa kung ano ang dapat mong piliin? (Oo.) Mayroong landas. Kung gayon, nararamdaman mo pa rin bang napipigilan ka? (Hindi na.) Hindi ka na napipigilan, tama? Ang mga indibidwal na may mga emosyon na napipigilan at iyong mga walang emosyon na napipigilan ay ganap na may magkakaibang saloobin sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, at ganap na magkakaibang paraan sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ang mga taong napipigilan ay hindi kailanman magiging masaya, hinding-hindi sila makakaramdam ng kapayapaan o kagalakan, at hindi nila mararanasan ang kasiyahan at kaginhawahan na dulot ng pagtupad sa kanilang mga tungkulin. Siyempre, pagkatapos makalaya mula sa negatibong emosyong ito ng pagpipigil, makakaramdam ang mga tao ng kaligayahan, kaginhawahan, at kasiyahan sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin sa loob ng sambahayan ng Diyos. Pagkatapos nito, dapat magsikap ang ilang tao sa kanilang paghahangad sa katotohanan—magiging maliwanag ang kinabukasan para sa mga taong tulad nito. Gayunpaman, kung palagi mong nararamdamang napipigilan ka at hindi mo hinahanap ang katotohanan para palayain ang iyong sarili, kung gayon, magpatuloy ka sa iyong pagpipigil at tingnan kung gaano katagal ka makapagtitiis. Kung mananatili ka sa ganitong kalagayan ng pagpipigil, magiging mapanglaw ang iyong hinaharap, napakadilim, kaya wala kang anumang makita, at walang magiging landas sa unahan. Mamumuhay ka sa bawat araw nang nalilito, magiging napakamangmang mo! Sa katunayan, hindi mahalaga ang usaping ito, isang maliit na bagay lamang ito, ngunit hindi makawala ang mga tao mula rito, hindi mabitiwan o mabago ito. Kung mababago nila ito, ang kanilang mentalidad at ang mga hangarin ng kanilang puso, pati na ang kanilang mga hinahangad, ay magiging iba. Sige na, tatapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan ngayong araw. Umaasa Ako na makalalaya na kayo mula sa negatibong emosyon ng pagpipigil sa lalong madaling panahon!
Nobyembre 19, 2022