Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 4 (Unang Bahagi)

Yamang maraming taon na kayong nananalig sa Diyos, naramdaman na ba ninyo ang patuloy na pagbabago ng mga tao at bagay sa paligid ninyo, at ng sitwasyon sa mundo sa labas? Partikular na sa mga nakaraang taon, nakakita ba kayo ng malalaking pagbabago? (Oo.) Nakita ninyo ito. At nagkaroon ba kayo ng anumang kongklusyon tungkol dito? (Ang gawain ng Diyos ay malapit nang matapos.) Tama iyan, ang gawain ng Diyos ay malapit na ngang matapos, at ang mga tao, pangyayari, bagay, at kapaligiran sa paligid ninyo ay palaging nagbabago. Halimbawa, may sampung tao sa grupong ito dati, ngayon ay may walong tao na lang. Ano ang nangyari sa dalawang nawala? Iyong isa ay pinaalis, at iyong isa naman ay pinalitan sa kanyang tungkulin. Ang lahat ng uri ng tao sa iglesia ay patuloy na sumasailalim sa pagbabago at patuloy na nailalantad. Sa simula, tila sobrang masigla ang iba, ngunit pagkatapos ng ilang panahon, bigla silang nanghihina at nagiging sobrang negatibo at hindi na sila makapagpatuloy. Ang kanilang sigla, ang nag-aapoy nilang enerhiya, at ang diumano’y katapatan na mayroon sila noong una ay nawala nang lahat, ang kanilang determinasyon na tiisin ang hirap ay nawala na, wala na talaga silang interes sa pananalig sa Diyos, at bigla na lang silang nagmimistulang ganap na ibang tao, at walang nakakaalam kung bakit. Ang mga kapaligiran ay patuloy rin na nagbabago. Anu-ano ang mga pagbabago na nangyayari sa kapaligiran ng mga tao? Sa ilang lugar, ang kapaligiran ay malupit at ang pang-uusig ay malubha, kaya ang mga tao ay hindi na makapagtipon-tipon o hindi na nila magawang makipag-ugnayan sa kanilang mga kapatid; sa ilang lugar, ang kapaligiran ay medyo mas maayos at mas ligtas; sa ibang lugar, ang kapaligiran para sa pagganap ng tungkulin at ang mga kondisyon ng pamumuhay ay medyo mas paborable, payapa, at maayos kaysa dati, at ang mga tao roon ay mas mabuti kaysa sa mga dating naroon; silang lahat ay tapat na gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos, mas maraming tao ang handang magtiis ng hirap at magbayad ng halaga, umuusad nang mas maayos ang lahat ng proyekto sa gawain, mas mabilis ang pag-usad ng trabaho, at ang mga nakikitang resulta at epekto ay mas optimistiko at kasiya-siya. Bukod pa rito, patuloy na pinapabuti ang mga plano, mga anyo, at mga gawi at pamamaraan sa pagsasagawa ng mga proyekto sa gawain. Sa madaling salita, kahit nakakakita ang mga tao ng lahat ng uri ng mali at negatibong tao, pangyayari, at bagay na patuloy na lumilitaw, siyempre ay mayroon din namang lahat ng uri ng mabuti, tama, at positibong tao, pangyayari, at bagay na patuloy na lumilitaw. Kapag ang mga tao ay namumuhay sa gayong panlipunang kapaligiran, na may iba’t ibang positibo at negatibong bagay na patuloy na nagsasalitan at nagbabago sa paligid nila, ang totoo, ang mga nakikinabang sa huli ay iyong mga matinding nag-aasam sa Diyos, naghahangad sa katotohanan, at nananabik sa katotohanan. Sila ang mga nananabik sa liwanag at katarungan, habang ang mga hindi naghahangad sa katotohanan, ang mga nagpapakalulong sa bisyo at tutol sa katotohanan ay inilalantad, itinitiwalag, at tinatalikdan kaugnay ng iba’t ibang tao, pangyayari, bagay, at kapaligiran. Sa paglalantad ng lahat ng iba’t ibang kapaligiran, tao, at pangyayaring ito, at sa patuloy na paglitaw ng mga bagong kapaligiran, tao, at pangyayari, ano ang layunin ng Diyos? Yamang maraming taon na kayong nananalig sa Diyos, mayroon ba kayong pagkaunawa rito? Kahit papaano, nararamdaman ba ninyo na ang Diyos ang nangangasiwa sa lahat ng ito, at na ang Diyos ang palaging gumagabay sa mga bagay na ito? (Oo.) Ang layunin at kahulugan ng Diyos sa paggawa ng lahat ng ito ay upang mabigyang-kakayahan ang mga sumusunod sa Kanya na matuto ng mga aral, lumago sa kabatiran at karanasan, at nang sa gayon ay unti-unti na silang pumasok sa katotohanang realidad. Natamo na ba ninyo ito? Gaano man kaabala ang mga tao sa kanilang gawain, o gaano man kapaborable o kalupit ang kanilang kapaligiran, ang layunin nila sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang hangarin ang katotohanan nang walang pagbabago. Hindi dapat makalimutan ng mga tao na hangarin ang katotohanan dahil abala sila sa kanilang gawain, abala sa mga bagay-bagay, o dahil nais nilang iwasan ang kanilang malupit na kapaligiran, o hindi nila dapat makalimutan na ang lahat ng sitwasyong ito ay isinaayos ng Diyos, o makalimutan na ang layunin ng Diyos ay na matuto sila ng mga aral sa iba’t ibang sitwasyong ito, na malaman nila kung paano makilatis ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, na maunawaan nila ang katotohanan, na lumago sila sa kabatiran, at na makilala nila ang Diyos. Dapat lahat kayo ay gumawa ng taimtim na pagbubuod kung natamo na ba ninyo ang mga bagay na ito.

Naging lubhang abala ang gawain sa iglesia sa mga nagdaang taon, kaya ang paglilipat at pagbabago ng tungkulin, pati na rin ang pagbubunyag, pagtitiwalag, at pagpapaalis ng mga miyembro sa bawat grupo ay medyo naging madalas. Sa proseso ng pagpapatupad sa gawaing ito, ang paglilipat ng mga miyembro ng grupo ay partikular na naging madalas at malawak. Gayunpaman, gaano man karami ang nagiging paglilipat o gaano man nagbabago ang mga bagay-bagay, ang determinasyon ng mga tunay na nananalig at nag-aasam sa Diyos na hangarin ang katotohanan ay hindi nagbabago, ang kanilang pagnanais na makamtan ang kaligtasan ay hindi nagbabago, ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay hindi kumukupas, at palaging nasa mabuting direksyon ang kanilang pag-unlad at patuloy silang nagpupursige sa pagganap ng kanilang mga tungkulin hanggang ngayon. Mayroong mga taong mas higit pang mahusay kaysa rito, na sa pamamagitan ng palaging pagkakalipat sa tungkulin, natatagpuan nila ang tamang lugar para sa kanila, at natututunan nila kung paano hanapin ang mga prinsipyo sa kanilang tungkulin. Gayunpaman, ang mga hindi naghahangad sa katotohanan, ang mga walang pagmamahal sa mga positibong bagay at tutol sa katotohanan, ay hindi gumaganap nang mahusay. May ilang taong kasalukuyang pinipilit ang kanilang sarili na ipagpatuloy ang pagganap sa kanilang mga tungkulin, samantalang ang totoo, ang kalagayan ng kanilang kalooban ay magulong-magulo na, at sila ay lugmok na sa depresyon at pagkanegatibo. Gayunpaman, hindi pa rin sila umaalis sa iglesia, at tila ba nananalig sila sa Diyos at patuloy pa rin nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, ngunit ang totoo, nagbago na ang kanilang mga puso, at iniwan at tinalikdan na nila ang Diyos. Ang ilan ay nagpapakasal at bumabalik sa kanilang tahanan upang mamuhay ng kanilang buhay, sinasabing, “Hindi ko pwedeng sayangin ang aking kabataan. Minsan lang tayo maging bata, at hinding-hindi ko pwedeng sayangin ang aking kabataan! Naniniwala ako sa puso ko na may Diyos, ngunit hindi ako pwedeng maging kasing-inosente ninyo, na isinasakripisyo ang inyong kabataan para sa paghahangad sa katotohanan. Dapat akong mag-asawa at mamuhay ng aking buhay. Maiksi lang ang buhay, at ilang taon lang tayo nagiging bata. Sa isang kisapmata lang ay nagtatapos na ang buhay. Sadyang hindi ko pwedeng sayangin ang aking kabataan dito. Bago pa mawala ang aking kabataan, pwede akong maging malaya at magpakasaya sa buhay sa loob ng ilang taon.” Ang ilang tao ay patuloy na hinahangad ang kanilang pangarap na yumaman; ang ilan ay patuloy na hinahangad ang isang opisyal na propesyon at ang makamtan ang kanilang pangarap na maging opisyal o burukrata; ang ilan ay hinahangad ang kasaganaan ng pagkakaroon ng mga anak, kaya nag-aasawa sila ng babaeng makapagbibigay sa kanila ng mga anak na lalaki; ang ilang tao ay tinutugis dahil sa kanilang pananalig sa Diyos, inuusig sila ng ilang taon hanggang sa manghina sila at magkasakit, at pagkatapos ay tinatalikdan nila ang kanilang mga tungkulin at bumabalik sila sa kanilang tahanan upang doon ipamuhay ang kanilang natitirang oras sa mundo. Magkakaiba ang sitwasyon ng bawat isa. May mga kusang umaalis at pinapatanggal sa listahan ang kanilang pangalan, may mga hindi mananampalataya na pinapaalis, at may mga gumagawa ng lahat ng uri ng kasamaan at sila ay pinapatalsik. Ano ang nasa kaibuturan ng lahat ng tao na ito? Ano ang kanilang diwa? Malinaw na ba ninyong nakita ito? Lubos ka bang naaantig tuwing naririnig mo ang mga kwento ng mga taong ito? Maaaring isipin mo, “Paano sila nagkaganito? Paano sila bumagsak nang ganito? Hindi sila ganito dati, kahanga-hanga sila noon, kaya paano sila nagbago nang ganoon kabilis?” Ang mga bagay na ito ay hindi kayang maunawaan kahit gaano karaming beses mo itong pag-isipan. Pag-iisipan mo ito nang ilang panahon at iisipin mong, “Ang taong ito ay hindi nagmamahal sa mga positibong bagay; siya ay isang hindi mananampalataya.” Makalipas ang ilang panahon, ang mga bagay na ginagawa ng mga taong ito, ang kanilang pagganap, ugali, ang ilang mga salita at pahayag nila, at ang kanilang mga hinahangad ay naglalaho sa isip mo o sa kamalayan ng mga tao, at pagkatapos ay nakakalimutan mo na ang mga bagay na ito, at unti-unti ay nawawala na ang iyong mga damdamin sa kanila. Kapag ang gayong mga tao, pangyayari, o bagay ay muling lumitaw, iisipin mong muli, “Grabe naman ito! Paano nila ito nagawa? Hindi naman sila ganito dati. Hindi ko talaga ito maunawaan.” Nararamdaman mong muli ang mga bagay na gaya ng dati at ganoon pa rin ang pagkaunawa mo. Sabihin mo sa Akin, nakakapanghinayang ba kapag ang mga taong ito ay inilalantad at itinitiwalag? (Hindi.) Hindi ba kayo nangungulila sa mga taong ito? (Hindi.) Hindi mo ba ipinagtatanggol ang mga taong ito? (Hindi.) Kung gayon ay malamang na napakalupit ninyo. Bakit labis kayong walang simpatiya? Umalis na sila sa iglesia; bakit hindi mo sila ipinagtatanggol, at bakit wala kang simpatiya o habag para sa kanila? Bakit hindi kayo naaawa sa kanila? Sadya bang wala kayong simpatiya? Malupit ba kayo? (Hindi.) Sabihin ninyo sa Akin, naaangkop ba itong paraan ng pakikitungo ng sambahayan ng Diyos sa gayong mga tao? (Oo.) Bakit ito naaangkop? Sabihin ninyo sa Akin. (Ang mga taong ito ay maraming taon nang nananalig sa Diyos at narinig na nila ang napakaraming katotohanan, kaya ang gayong asal nila ngayon at ang pagkakanulo at pag-iwan nila sa Diyos ay nagpapakita na sila ay hindi mananampalataya, na hindi sila karapat-dapat sa aming awa at hindi karapat-dapat sa aming pangungulila.) Kaya, nang magsimula silang manalig sa Diyos, puno sila ng sigla, iniwan nila ang kanilang tahanan, trabaho, at madalas silang nag-aalay at umaako ng mga peligrosong trabaho para sa sambahayan ng Diyos. Paano mo man sila tingnan, silang lahat ay tapat na iginugol ang kanilang sarili para sa Diyos. Kaya bakit nagbago na sila ngayon? Dahil ba ayaw sa kanila ng Diyos at ginamit sila ng Diyos sa simula pa lang? (Hindi.) Patas at pantay-pantay ang pagtrato ng Diyos sa lahat at binibigyan Niya ng oportunidad ang lahat. Silang lahat ay namuhay ng buhay iglesia, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at namuhay nang tinutustusan, dinidiligan, at pinapastol ng Diyos, kaya bakit sila lubhang nagbago? Batay sa kanilang ugali noong una silang magsimulang manalig sa Diyos at sa kanilang ugali noong kanilang iniwan ang iglesia, para bang sila ay dalawang magkaibang tao. Idinulot ba ng Diyos na mawalan sila ng pag-asa? Idinulot ba ng sambahayan ng Diyos o ng mga gawa ng Diyos na labis silang madismaya? Nasaktan ba ng Diyos, ng mga salitang ipinapahayag ng Diyos, o ng gawaing ginagawa ng Diyos ang kanilang dignidad? (Hindi.) Kung gayon ay ano ang dahilan? Sino ang makapagpapaliwanag nito? (Sa tingin ko, ang mga taong ito ay nanalig sa Diyos dahil sila ay pinangingibabawan ng kanilang pag-aasam para sa mga pagpapala. Nanalig lamang sila sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala. Sa sandaling nakita nilang wala silang pag-asa na makatanggap ng mga pagpapala, iniwan na nila ang Diyos.) Hindi ba’t mayroon nang pagpapala sa mismong harapan nila? Hindi pa panahon para tumigil sila sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, kaya bakit ba sila nagmamadali? Bakit hindi man lang nila maunawaan ito? (Diyos ko, sa tingin ko, nang unang manalig ang mga taong ito sa Diyos, umasa sila sa kanilang kasiglahan at mabuting layunin, at nagawa nilang gawin ang ilang bagay, ngunit ngayon ay mas lalong seryosong tinatrato ng sambahayan ng Diyos ang lahat ng gawain nito. Hinihingi nito sa mga tao na gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ngunit hindi tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan, kumikilos sila nang walang ingat at ginagawa nila ang anumang naisin nila kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, at madalas silang pinupungusan. Kaya lalo nilang nadarama na hindi nila pwedeng iraos lang ang mga bagay-bagay nang ganoon, hanggang sa wakas ay umalis na sila sa sambahayan ng Diyos. Sa tingin ko ay isang dahilan ito.) Hindi sila pwedeng magpatuloy nang iniraraos lang ang mga bagay-bagay—totoo ba ang pahayag na ito? (Oo.) Hindi sila pwedeng magpatuloy nang iniraraos lang ang mga bagay-bagay—ito ay sinasabi para sa mga taong iniraraos lang ang mga bagay-bagay. May mga taong nagsisimulang manalig sa Diyos na hindi lang iniraraos ang mga bagay-bagay, na lubos na taimtim, na labis na sineseryoso ang usaping ito, kaya bakit hindi sila nagpapatuloy? (Dahil, sa kanilang likas na katangian, ang mga taong ito ay hindi nagmamahal sa katotohanan. Nanalig sila sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala. Nakikita nila na ang sambahayan ng Diyos ay palaging nagsasalita tungkol sa katotohanan, at tutol at mapanlaban sila sa katotohanan, at lalo silang umaayaw na dumalo sa mga pagtitipon at makinig sa mga sermon, at dito sila nalalantad.) Ito ay isang uri ng sitwasyon, at maraming tao ang ganito. Mayroon ding mga taong palaging walang ingat sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, na hindi kailanman nagtatrabaho nang maayos o hindi kailanman inaako ang responsabilidad sa anumang tungkulin na kanilang ginagawa. Hindi dahil sa wala silang kakayahan o hindi sila sapat na mahusay para sa gawain, kundi dahil sa hindi sila masunurin at hindi nila ginagawa ang mga bagay-bagay nang ayon sa kung ano ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Palagi nilang ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa kung paano nila ito gustong gawin, hanggang sa wakas ay nagsasanhi sila ng pagkagambala at kaguluhan dahil sa kanilang kawalan ng ingat at paggawa ng anumang naisin nila. Hindi sila nagsisisi paano man sila pinupungusan, kaya sa huli ay ipinapadala sila palayo. Ang mga taong ito na ipinapadala sa malayo ay may kasuklam-suklam na disposisyon at may mapagmataas na pagkatao. Saan man sila magpunta, gusto nilang sila ang may huling salita, hinahamak nila ang lahat, at kumikilos sila na parang malulupit na pinuno, hanggang sa wakas ay tinatanggal sila. Pagkatapos mapalitan at maitiwalag ang ilang tao, nararamdaman nilang wala nang maayos na nangyayari sa kanila saanman sila magpunta, at wala nang nagpapahalaga o pumapansin sa kanila. Wala nang tumitingala sa kanila, hindi na pwedeng sila ang may huling salita, hindi na nila nakukuha ang gusto nila, at wala na silang pag-asa na magkaroon ng anumang katayuan, at lalong wala na silang pag-asang makapagkamit ng mga pagpapala. Nararamdaman nilang wala na silang pag-asang patuloy na iraos lang ang mga bagay-bagay sa iglesia, wala na silang interes dito, kaya pinipili na lang nilang umalis—maraming tao ang ganito.

Mayroon ding ilang tao na ang dahilan ng kanilang pag-alis ay katulad ng sa karamihan ng mga itinitiwalag. Kahit gaano katagal nang nananalig ang mga taong ito sa Diyos, ang kanilang personal na nararanasan at nakikita sa sambahayan ng Diyos ay na ang pagtitipon sa sambahayan ng Diyos ay tungkol sa palaging pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahaginan tungkol sa katotohanan; pag-uusap tungkol sa pagkilala sa sarili, pagsasagawa sa katotohanan, pagtanggap sa paghatol at pagkastigo, pagtanggap sa pagpupungos, at pagganap ng tungkulin ayon sa mga katotohanang prinsipyo; pag-uusap tungkol sa pagbabago ng disposisyon at pagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao. Ang nilalaman ng gawaing ginagawa ng Diyos—ito man ay pinagbabahaginan sa buhay iglesia o ito man ay isang paksang tinatalakay sa mga sermon at pagbabahaginang ibinibigay ng nasa Itaas—ay pawang katotohanan, pawang mga salita ng Diyos, at pawang positibo. Gayunpaman, hindi man lang tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan. Nagsimula silang manalig sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala at upang makinabang. Kung titingnan ang kanilang kalikasang diwa, bukod sa hindi nila minamahal ang mga positibong bagay o ang katotohanan, ang mas malubha pa, labis silang nasusuklam at mapanlaban sa mga positibong bagay at sa katotohanan. Kaya habang mas nagbabahagi ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan, habang mas tinatalakay nito ang pagsasagawa sa katotohanan, habang mas tinatalakay nito ang paghahangad sa katotohanan at paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, mas lalong hindi mapakali at lalong nasusuklam ang kalooban ng mga taong ito, at mas lalong ayaw nilang makinig. Sabihin ninyo sa Akin, ano ba ang gustong marinig ng mga taong ito? Alam ba ninyo? (Gusto nilang marinig ang mga paksa tungkol sa mga hantungan at pagtanggap ng mga pagpapala, at na umaabot na sa panibagong antas ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo.) Ito ang ilang bagay na gusto nilang marinig. Gusto rin nilang sumigaw ng mga sawikain, mangaral ng doktrina, at pag-usapan ang teolohiya, teorya, at mga misteryo. Paminsan-minsan ay tinatalakay nila kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos, kung kailan sasapit ang malalaking sakuna, kung ano ang kahahantungan ng sangkatauhan sa hinaharap, kung paano unti-unting malilipol ang masasamang puwersa pagdating ng mga sakuna, kung paano gagawin ng Diyos ang ilang tanda at kababalaghan, at kung paano patuloy na lalawak at lalago ang puwersa at saklaw ng sambahayan ng Diyos, at kung paano rin sila magyayabang at magpapakitang-gilas. Dagdag pa rito, ang pinakamahalaga sa kanila ay ang palaging maitaas ang ranggo nila at magamit sila sa sambahayan ng Diyos. Sa ganitong paraan, magagawa nilang iraos ang mga bagay-bagay sa sambahayan ng Diyos sa loob ng ilang panahon, ngunit habang iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay, wala sa anumang gawain ng Diyos o ng sambahayan ng Diyos ang ayon sa nais nila, at lahat ng kanilang naririnig at nakikita ay mga usapin na may kinalaman sa katotohanan. Kaya naman, sa kanilang puso, lubos silang tutol sa buhay iglesia; wala na silang interes dito, hindi na sila mapakali, hindi makapirmi, at nahihirapan ang loob nila dahil dito. May mga taong nakakahanap ng palusot, ng katwiran, at ng dahilan at nakakahanap sila ng paraan para umalis sa iglesia, sinasabing, “Gagawa ako ng masamang gawain, magbubulalas ng pagkanegatibo, at gagawa ng hindi maganda. Pagkatapos ay paaalisin ako ng iglesia at ititiwalag ako, kaya magiging ganap na makatwiran ang pag-alis ko sa iglesia.” Pagkatapos ay mayroong mga nagbabalik ng kanilang mga aklat ng mga salita ng Diyos at nag-iimpake ng kanilang mga gamit kapag nag-aayos ng kanilang mga permit para makapasok sa ibang bansa, nang hindi man lang namamaalam. Ang mga taong ito ay parang mga maton o mga babaeng mababa ang lipad, at hindi nila ginagawa ang mga bagay-bagay sa paraang ginagawa ng normal na tao. Ang iniisip at sinasabi ng mararangal na babae at mga normal na tao kapag kasama ang ibang tao ay ang mga seryosong usapin tungkol sa kung paano mamuhay. Kung paano mamuhay nang maayos, kung paanong ang buong pamilya ay mapapakain nang maayos, mapagsusuot ng disenteng damit, at magkakaroon ng magandang lugar na matitirhan, kung paano palalakihin ang kanilang mga anak, at kung paano mapapasunod ang kanilang mga anak sa tamang landas—ito ang mga bagay na iniisip nila. Gayunpaman, iyong mga maton at mga babaeng mababa ang lipad ay hindi kailanman iniisip ang mga bagay na ito. Kung tatalakayin mo ang mga wastong bagay na ito sa kanila, sila ay maiinis, mamumuhi, at lalayo sa iyo. Kaya, ano ba ang iniisip nila? Palagi ba nilang iniisip ang pagkain, pag-inom, at pagsasaya? (Oo.) Palagi nilang iniisip ang pagkain, pag-inom, at pagsasaya, at ang malalaswang bagay. Kapag nakikipag-usap sila sa mga normal na tao tungkol sa mga bagay na ito, hindi tumutugon ang mga normal na tao; ang mga normal na tao ay hindi tulad nila, hindi pareho ang wika nila sa mga ito, at hindi pareho ang pag-iisip nila sa mga ito. Ang mga bagay na tinatalakay ng mga normal na tao ay wala sa kanilang puso, hindi nila ito matiis, at ayaw nila itong pakinggan. Iniisip nila na ang mamuhay sa ganoong paraan ay isang malaking pang-aagrabyado sa kanilang sarili at pamumuhay nang nakagapos at walang kalayaan. Iniisip nila na ang palaging pananamit nang maganda upang mabighani ang kabilang kasarian ay isang pamumuhay na nakasasabik at walang alalahanin—para sa kanila, ito ang perpektong buhay! Ang mga taong ito na umaalis sa iglesia ay naiinggit sa pamumuhay ng mga walang pananampalataya, naiinggit sa mga kasiyahan ng kasalanan, at iniisip nila na ang paggugol ng kanilang mga araw at ang pamumuhay sa paraan na gaya ng sa mga walang pananampalataya ay ang tanging paraan para mamuhay nang nakasasabik at masaya, at ang tanging paraan ng pamumuhay na hindi nila mabibigo ang kanilang sarili. Ang mga hindi mananampalatayang ito, tulad ng mga maton at mga babaeng mababa ang lipad, ay walang normal na pagkatao at hindi sila normal na tao. Kung hihilingin mo sa kanila na gumawa ng isang bagay na positibo, tututol sila nang labis, dahil sa kanilang kaibuturan at sa kanilang kalikasang diwa, hindi nila minamahal ang mga positibong bagay at tutol sila sa katotohanan. Ano ang mga bagay na kanilang ginagawa? Ano ang kanilang ginagawa sa iglesia, kasama ang mga kapatid, at sa panahon ng pagganap ng kanilang mga tungkulin? Ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang walang ingat, binabanggit nila ang mga teorya na kahanga-hangang pakinggan, palagi silang sumisigaw ng mga sawikain ngunit wala naman talagang ginagawa—ito ang kanilang normal na pag-uugali. Hindi nila ibinibigay ang lahat ng kanilang makakaya sa pagganap ng kanilang tungkulin, palagi silang walang ingat at pabasta-basta sa paggawa, ginagawa ang mga bagay-bagay para lang makita ito ng iba, habang nakikipagkompetensya rin para sa prestihiyo at pakinabang mula sa ibang tao. Ang masasamang taong ito ay nagdudulot din ng pagdurusa at pagsupil sa ibang tao, at kung saan naroroon ang masasamang tao, walang kapayapaan at pahinga—mayroon lamang kaguluhan. Kapag masasamang tao ang namumuno, maliban sa mabagal ang pag-usad ng gawain, napaparalisa rin ito; kapag masasamang tao ang namumuno sa isang iglesia, naaapi ang mabubuting tao, nagiging sobrang magulo ang iglesia, ang pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos ay nagiging malamlam, at sila ay nagiging negatibo at mahina. Kung saan naroroon ang masasamang tao, sila ay gumaganap ng nakagugulo at nakapipinsalang papel. Ang pinakamalinaw na pagpapamalas ng masasamang tao ay ang kanilang pag-ayaw na gampanan ang kanilang mga tungkulin. Kahit pa gampanan nila ang kanilang mga tungkulin, ginagawa nila ito nang walang ingat at hindi nila ito sineseryoso kailanman, at ginugulo din nila ang pagganap ng ibang tao sa kanilang tungkulin. May isa pang punto na dapat banggitin, at ito ay na ang masasamang tao ay hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos kailanman, hindi nananalangin kailanman, hindi kailanman nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan kasama ang iba, at ni hindi pa nga nila binuksan kailanman ang kanilang mga aklat ng mga salita ng Diyos. May ilang taong nagbibigay ng magaganda ngunit mapanlinlang na argumento para sa masasamang tao, sinasabing, “Kahit hindi pa nila binasa ang mga salita ng Diyos, nakikinig pa rin naman sila sa mga sermon.” Pero nauunawaan ba nila ang mga ito? Hindi talaga sila nakikinig nang taimtim, hindi sila nanonood ng mga video at pelikula na ginawa ng sambahayan ng Diyos, hindi sila nakikinig sa mga himno, hindi sila nakikinig sa mga patotoong batay sa karanasan, at hindi sila nakikinig sa mga recording ng mga sermon. Sa mga pagtitipon, inaantok sila, at may ilan pang inaaliw ang kanilang sarili gamit ang kanilang telepono at nanonood ng mga programang panlibangan at mayroon ding ilan na nanonood ng malalaswang palabas. Wala sa kanilang ginagawa sa buong araw ang may kinalaman sa pananalig sa Diyos o paghahangad sa katotohanan. Habang nagiging mas detalyado ang pagbabahaginan ng sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan, ang kanilang pagkasuklam sa katotohanan at sa mga positibong bagay ay lalong nahahalata. Hindi sila mapakali, at sa loob ng limitadong oras na kaya nilang tiisin, hindi nila nakikita ang magandang hantungan, magandang wakas, at sa malalaking sakuna na matagal na nilang hinihintay, at naghihintay sila sa mga ito nang walang saysay. At walang saysay silang naghihintay sa mga bagay na ito, kaya hindi ba’t magulo ang kanilang puso? (Oo.) Anong klase ng kaguluhan? Hindi ba’t palagi silang nagkakalkula sa kanilang puso? Hindi sila kailanman handang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at ibigay ang lahat ng kanilang makakaya sa pagganap ng kanilang mga tungkulin anumang oras at saanmang lugar. Ano ang kanilang mentalidad? Handa sila, anumang oras at saanmang lugar, na iempake ang kanilang mga gamit at umalis. Matagal na silang handang umalis anumang oras, na magpaalam sa iglesia at sa mga kapatid, na ganap na lumisan at putulin ang lahat ng ugnayan. Sa oras ng kanilang pag-alis, narating na ang dulo ng limitadong oras na kaya nilang tiisin. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.)

Pagkatapos silang mapalitan o maitiwalag, may ilang tao, na anuman ang dahilan, ay kaya pa ring magpatuloy sa pagganap ng kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya. May ilan na hindi talaga naghahanap sa katotohanan, kaya nagpapasya silang hindi na gampanan ang kanilang tungkulin. Habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, nagpapakita na sila ng pagkasuklam at kawalan ng pasensya rito, palaging nais na makatakas sa buhay iglesia at hindi na gampanan ang kanilang tungkulin. Dahil hindi interesado ang mga taong ito sa katotohanan, hindi sila nasisiyahan sa buhay iglesia, at ayaw nilang gampanan ang kanilang tungkulin. Inaasam lamang nila ang pagdating ng araw ng Diyos, upang makatanggap sila ng mga pagpapala; hindi nila magawang ituloy na iraos lang ang mga bagay-bagay gaya ng ginagawa nila sa kasalukuyan, nakikita nilang palaki na nang palaki ang mga sakuna, at iniisip nila na kung hindi sila maghahangad ng mga kasiyahan ng laman ngayon, mawawalan na sila ng pagkakataong gawin ito. Kaya nililisan nila ang iglesia nang hindi man lang ito nililingon, nang walang anumang pag-aatubili. Mula sa puntong iyon, sila ay nawawala sa malawak na karagatan ng mga tao at wala nang sinuman sa iglesia ang nakakabalita tungkol sa kanila—ganito inilalantad at itinitiwalag ang mga hindi mananampalataya. Habang ang sambahayan ng Diyos ay mas nagbabahagi tungkol sa katotohanan at hinihingi sa mga taong isagawa ang katotohanan at pumasok sa realidad, mas lalo silang nakakaramdam ng pagkasuklam, at ayaw na ayaw nila itong marinig. Maliban sa hindi nila tinatanggap ang mga bagay na ito, tinututulan pa nila ang mga ito. Lubos nilang naiintindihan ang sitwasyon: Alam nilang ang mga taong tulad nila ay walang lugar sa sambahayan ng Diyos, na hindi sila tunay na gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos sa kanilang pananampalataya, na hindi nila ibinibigay ang lahat ng kanilang makakaya sa pagganap ng kanilang tungkulin, na palagi silang walang ingat sa kanilang tungkulin, at na nakakaramdam sila ng matinding pagkasuklam at poot sa katotohanan; alam din nila na, sa malao’t madali, sila ay ititiwalag, na ito ang tiyak na kalalabasan. Matagal na nilang inihanda ang kanilang mga plano, iniisip na, “Anuman ang mangyari, siguradong hindi tatanggap ng mga pagpapala ang taong tulad ko, kaya pinakamainam na umalis na ako ngayon, tamasahin ang buhay sa mundo sa loob ng ilang taon, mamuhay nang maganda sa loob ng ilang taon at huwag biguin ang aking sarili.” Hindi ba’t nagpaplano sila nang ganito? (Oo.) Nang may gayong mga layunin at plano, magagampanan ba nang mabuti ng mga tao ang kanilang tungkulin? Hindi nila magagawa ito. Kaya naman, kahit gaano katagal nang nananalig ang mga taong ito sa Diyos, wala silang nararamdamang pag-aalinlangan na lisanin ang Diyos, ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, ang mga kapatid, o ang buhay iglesia. Isang araw ay sinasabi nilang aalis sila, at kinabukasan ay nakadamit na sila gaya ng isang walang pananampalataya, nakasuot nang magarbo at may makapal na kolorete sa mukha, agad-agad na nagdadamit, nagsasalita, at kumikilos tulad ng isang walang pananampalataya; kakaiba ang kanilang kasuotan, at kakaiba sila sa iyong paningin, ngunit wala silang kamalayan sa hitsura nila sa paningin mo. Paano sila nagbago nang ganoon kabilis? (Dahil matagal na nilang inihanda ang kanilang mga plano, at ito ang likas na katangian nila.) Tama iyan. Matagal na nilang inihanda ang kanilang mga plano; hindi lang nila biglaang naisip ang mga plano na ito sa loob lamang ng ilang araw bago sila umalis, sa halip, matagal na nilang napagpasyahang gawin ito. Matagal na silang nagpapakana at nagpaplano kung paano sila kakain, iinom, at magsasaya, kung paano sila aasal, at kung paano sila mamumuhay. Hindi nila gusto ang buhay iglesia, o ang pagganap ng kanilang tungkulin, o ang pagbabahaginan sa katotohanan, at mas lalong ayaw nila ang pakikinig sa mga sermon at pagdalo sa mga pagtitipon araw-araw. Yamot na yamot na sila sa ganitong buhay iglesia, at kung hindi lang para sa pagtanggap ng mga pagpapala at pagkakaroon ng magandang hantungan at pagtakas sa malalaking sakuna, hindi nila kakayaning magpatuloy nang kahit isang araw—ito ang kanilang tunay na mukha. Kaya paano ninyo dapat pangasiwaan ang gayong mga tao kapag nakasalamuha ninyo silang muli? Makikiusap ba kayo sa kanila gamit ang malumanay na mga salita, o aalukin ba ninyo sila ng higit pang suporta at pagtulong? O malulungkot ba kayo sa kanilang pag-alis at gagamitin ba ninyo ang inyong pagmamahal upang subukan silang baguhin? Paano kayo dapat lumapit sa kanila? (Dapat namin silang paalisin kaagad at papuntahin sa mundo ng mga walang pananampalataya.) Tama, sabihan silang bumalik na sa mundo at huwag nang mag-abala pa sa kanila. Sasabihin mo sa kanila, “Pag-isipan mo ito nang mabuti, upang hindi mo pagsisihan ang iyong desisyon kalaunan.” Sasabihin nila, “Pinag-isipan ko na ito nang mabuti, at anuman ang paghihirap na kaharapin ko sa hinaharap, hindi ako babalik at hindi ako magsisisi.” Sasabihin mo, “Sige, umalis ka na kung gayon. Walang pumipigil sa iyo. Hiling naming lahat na mapabuti ka at umaasa kaming maisasakatuparan mo ang iyong mga mithiin at matutupad mo ang mga pangarap na ninanais mo. Umaasa rin kami na sa araw na makikita mong naililigtas ang ibang tao ay wala kang mararamdamang inggit o pagsisisi. Paalam na.” Hindi ba’t napakaangkop na sabihin ito sa kanila? (Oo, napakaangkop nga nito.) Kaya, pagdating sa mga ganitong tao, ang isang aspekto ay na dapat mong malinaw na makita ang kanilang kalikasang diwa, habang ang isa pang aspekto ay na dapat mo silang lapitan sa angkop na paraan. Kung sila ay mga hindi mananampalataya, walang pananampalataya, ngunit handa silang magtrabaho at kaya nilang maging masunurin at magpasakop, kahit hindi nila hinahangad ang katotohanan, huwag mo silang abalahin at huwag mo silang paalisin. Sa halip, pahintulutan mo silang magpatuloy sa pagtatrabaho, at kung matutulungan mo sila, tulungan mo sila. Kung kahit magtrabaho ay ayaw nila, at magsimula silang maging walang ingat at gumawa ng masasamang bagay, nagawa na natin ang lahat ng nararapat. Kung gusto nilang umalis, hayaan mo silang umalis, at huwag kang mangulila sa kanila kapag wala na sila. Nasa punto na silang dapat na silang umalis, at ang gayong mga tao ay hindi karapat-dapat sa iyong awa, sapagkat sila ay mga hindi mananampalataya. Ang pinakakaawa-awa ay na may ilang tao na sobrang hangal, na palaging may personal na damdamin para sa mga pinapaalis, na laging nangungulila sa mga ito, nagsasalita para sa mga ito, nagtatanggol sa mga ito, at umiiyak at nagdarasal at nagmamakaawa pa nga para sa kanila. Ano ang opinyon ninyo sa ginagawa ng mga taong ito? (Napakahangal ng kanilang ginagawa.) Bakit ito kahangalan? (Ang mga umaalis ay mga walang pananalig, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, at hindi talaga karapat-dapat na ipagdasal sila o na mangulila sa kanila. Ang mga nararapat lamang iyakan at ipanalangin ng iba ay ang mga binibigyan ng Diyos ng mga oportunidad at ang may pag-asa na mailigtas. Kung ang isang tao ay ipinagdarasal ang isang walang pananalig o ang isang diyablo, napakahangal at napakaignorante niya.) Ang isang aspekto ay na hindi sila tunay na nananalig na may Diyos—sila ay mga walang pananalig; ang isa pang aspekto ay na ang kalikasang diwa ng mga taong ito ay sa mga hindi nananalig. Ano ang ipinahihiwatig dito? Ito ay na hindi sila tunay na tao, sa halip, ang kanilang kalikasang diwa ay sa isang diyablo, kay Satanas, at na ang mga taong ito ay laban sa Diyos. Ito ang kalagayan ng kanilang kalikasang diwa. Ngunit may isa pang aspekto, at iyon ay na pumipili ang Diyos ng mga tao, hindi ng mga diyablo. Kaya, sabihin mo sa Akin, ang mga diyablong ito ba ang mga hinirang ng Diyos, at sila ba ay pinili ng Diyos? (Hindi.) Hindi sila ang mga hinirang ng Diyos, kaya kung palagi kang may emosyonal na ugnayan sa mga taong ito at malungkot ka kapag sila ay umaalis, hindi ba’t nagiging hangal ka kung gayon? Hindi ba’t nilalabanan mo ang Diyos kung gayon? Kung wala kang malalim na damdamin para sa tunay na mga kapatid subalit may malalim kang damdamin para sa mga diyablong ito, ano ka kung gayon? Sa pinakamababa, ikaw ay naguguluhan, hindi mo tinitingnan ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ka pa umaasal ayon sa tamang pananaw, at hindi mo pinapangasiwaan ang mga usapin nang may prinsipyo. Ikaw ay isang taong naguguluhan. Kung mayroon kang damdamin para sa isa sa mga diyablong ito, iisipin mo, “Pero napakabuti niyang tao at maganda ang samahan namin! Magkasundo kami at labis niya akong tinutulungan! Kapag mahina ako, pinapanatag niya ang kalooban ko, at kapag nagkakamali ako, mapagparaya at mapagpasensya siya sa akin. Labis siyang mapagmahal!” Sa iyo lang siya ganito, kaya ano ka? Hindi ba’t ikaw ay isang karaniwang tiwaling tao lamang? At paano itinuturing ng taong iyon ang katotohanan, ang Diyos, at ang tungkuling ipinagkakatiwala sa kanya ng sambahayan ng Diyos? Bakit hindi mo tinitingnan ang mga bagay mula sa mga perspektibang ito? Tumpak bang tingnan ang mga bagay mula sa perspektiba ng iyong mga personal na interes, gamit ang iyong mga mata at damdamin? (Hindi.) Maliwanag na hindi ito tama! At dahil ito ay hindi isang tumpak na paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay, dapat mo itong bitiwan at baguhin mo ang iyong perspektiba at pananaw sa pagtingin sa taong iyon. Dapat mong subukang harapin at pangasiwaan ang taong iyon nang batay sa mga salita ng Diyos—ito ang pananaw na dapat gamitin ng mga hinirang ng Diyos at ang saloobing dapat nilang taglayin. Huwag maging hangal! Iniisip mo bang mabait ka dahil naaawa ka sa iba? Napakahangal mo, wala kang anumang prinsipyo. Hindi mo tinatrato ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos; pumapanig ka kay Satanas at nakikisimpatya kay Satanas at sa mga diyablo. Ang iyong simpatya ay hindi para sa mga hinirang ng Diyos o sa mga nais iligtas ng Diyos, at hindi ito para sa tunay na mga kapatid.

Ang mga taong ito na hindi mananampalataya ay hindi kailanman handang gampanan ang kanilang tungkulin at palagi nila itong ginagampanan sa anumang nais nilang paraan. Paano ka man magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila ito tinatanggap, at kahit pa nauunawaan nila ang kaunting katotohanan, hindi nila ito isinasagawa. May isa pa silang ipinapakitang pangunahing pagpapamalas—ano iyon? Ito ay na palagi silang walang ingat sa pagganap ng kanilang tungkulin, palagi silang walang ingat, at matigas ang kanilang pagtanggi na magsisi. Sila ay napakamaingat, masigasig, at mahigpit sa kanilang sariling mga usapin, at hindi man lang sila nangangahas na pabayaan ang mga ito. Maingat nilang pinag-isipan ang kanilang pagkain at pananamit, ang kanilang katayuan, reputasyon, respeto sa sarili, kasiyahan ng laman, ang kanilang mga sakit, ang kanilang kinabukasan, mga inaasam, pagreretiro, at kahit ang mga usaping may kinalaman sa kanilang sariling kamatayan—naihanda na nila ang lahat. Ngunit pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa pagganap ng kanilang tungkulin, sila ay lubos na hindi maingat, lalo nang hindi nila hinahangad ang katotohanan. May ilang tao na inaantok at nakakatulog tuwing dumadalo sa isang pagtitipon, at nakakaramdam pa nga sila ng pagkasuklam kapag naririnig nila ang Aking tinig. Labis silang hindi mapalagay, hindi sila mapakali, nag-iinat sila ng katawan at humihikab, kinakamot ang kanilang tainga at hinihimas ang kanilang pisngi. Umaasal sila na parang mga hayop. May ilang taong nagsasabi, “Matagal ang mga sermon sa mga pagtitipon, at may mga taong hindi mapakali kapag ganoon na katagal.” Ang totoo, kung minsan ay kasisimula pa lang ng pagtitipon ay hindi na sila mapakali, at nakararamdam sila ng pagkasuklam habang nakikinig. Kaya hindi sila kailanman nakikinig sa mga sermon o nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sa sandaling may marinig silang nagbabahagi tungkol sa katotohanan, nakakaramdam sila ng pagkasuklam, at sawa na silang makakita ng mga taong nakikinig nang buong-buo ang atensiyon. Ano ang kalikasang diwa ng gayong mga tao? Balat ng tao ang suot nila; sa panlabas ay tao sila, ngunit kung babalatan mo sila, sila ay mga diyablo, hindi tao. Nais ng Diyos na marami ang maligtas, na maligtas ang mga may pagkatao; ayaw Niyang maligtas ang mga diyablo. Hindi inililigtas ng Diyos ang mga diyablo! Dapat lagi mong tandaan ito at huwag mo itong kalimutan! Hindi ka dapat makipag-ugnayan sa sinumang nagsusuot ng balat ng tao ngunit ang kalikasan at diwa ay sa isang diyablo. Kung hindi mo pa napuputol ang lahat ng ugnayan mo sa gayong tao, at sinusubukan mong paligayahin at purihin sila, magiging katatawanan ka ni Satanas, at kasusuklaman ka ng Diyos at sasabihin Niyang, “Isa kang bulag na hangal, hindi mo maunawaan ang sinuman!” Hindi inililigtas ng Diyos ang mga diyablo, nauunawaan mo ba? (Oo.) Hindi inililigtas ng Diyos ang mga diyablo, hindi rin Niya pinipili ang mga diyablo. Ang mga diyablo ay hindi kailanman kayang mahalin ang katotohanan, o hangarin ang katotohanan, lalong hindi nila kayang magpasakop sa Diyos—hindi sila kailanman makapagpapasakop sa Diyos. Nananalig sila sa Diyos hindi dahil minamahal nila ang Kanyang pagiging matuwid at patas, at hindi upang hangarin nila ang pagkamit sa kaligtasan. Nagpapahayag sila ng pagkasuklam at pagkamuhi sa takot ni Job sa Diyos at sa kanyang pagtalikod sa kasamaan, at sa kanilang puso ay nakakaramdam sila ng matinding pagkasuklam at paglaban sa usapin ng paghahangad sa katotohanan. Kung hindi kayo naniniwala sa Akin, tingnan na lang ninyo ang mga nasa paligid ninyo na pinaalis at inilantad, at tingnan kung ano ang nananalaytay sa kanilang dugo, kung ano ang kanilang pinag-uusapan kapag walang nakikinig, kung ano ang pinahahalagahan nila, kung ano ang kanilang saloobin sa sarili nilang buhay, kaligtasan, at sa mga tao, pangyayari, at bagay-bagay sa kanilang paligid, pati na rin kung ano ang kanilang sinasabi at ang mga opinyon na kanilang ipinapahayag. Mula sa lahat ng pagpapahayag at pagpapakita ng damdamin na ito, malinaw mong makikita kung ano talaga sila, kung bakit nila nagawang lumisan, at kung bakit sila gustong paalisin ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ito ay isang aral na karapat-dapat matutunan? (Oo, karapat-dapat nga ito.) At ano ang aral na natutunan mo? Ano ang iyong naintindihan? (Natutunan namin kung paano maging mapanuri at naintindihan namin na, sa kaibuturan ng mga taong ito, hindi nila minamahal ang katotohanan at tutol sila sa katotohanan. Iniraraos lamang nila ang mga bagay-bagay sa sambahayan ng Diyos, at sa malao’t madali ay palalayasin sila.) Kung ganito mo nakikita ang mga bagay-bagay, ipinapakita nito na natutunan mo na ang aral.

Nakikita mo ba kung paanong tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan ang mga diyablo at si Satanas sa espirituwal na mundo? Nakikita mo ba kung paano nilalabanan at nilalapastangan ng mga diyablo at ni Satanas ang Diyos? Nakikita mo ba kung anong mga salita, kasabihan at pamamaraan ang ginagamit ng mga diyablo at ni Satanas para atakihin ang Diyos? Nakikita mo ba kung ano ang hinahayaan ng Diyos na gawin ng mga diyablo at ni Satanas, kung paano nila ito ginagawa, at kung ano ang kanilang saloobin? (Hindi.) Hindi mo nakikita ang mga bagay na ito. Kaya, ang anumang sinasabi ng Diyos ay isang imahinasyon o larawan lamang sa iyong puso; hindi ito katunayan. Dahil hindi mo pa mismo nakikita ito, ang magagawa mo lamang ay ang umasa sa iyong imahinasyon at isipin ang ganoong eksena o isipin ang isang klase ng gawa. Ngunit, kapag nakatagpo mo itong mga buhay na diyablo at mga Satanas na may suot na balat ng tao, para ka na ring nalantad sa pananalita at mga kilos ng mga diyablo at mga Satanas, pati na rin sa mga katunayan at ebidensya ng kanilang panghuhusga, pag-atake, paglaban, at paglalapastangan sa Diyos—makikita mo nang napakalinaw ang kanilang disposisyon na tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan. Itong mga diyablo at mga Satanas na may suot na balat ng tao ay inaatake ang Diyos sa paraang katulad ng pag-atake sa Diyos ng mga diyablo at mga Satanas sa espirituwal na mundo; ganap na magkatulad ang mga ito, ang tanging pagkakaiba lang ay ang mga diyablo at mga Satanas na may suot na balat ng tao ay gumagamit ng iba’t ibang anyo upang atakihin ang Diyos—ngunit nananatiling magkatulad ang diwa ng mga ito. Nagsusuot sila ng balat ng tao at nagiging tao, ngunit hinuhusgahan, inaatake, nilalabanan, at nilalapastangan pa rin nila ang Diyos. Ang paraan ng mga diyablo at mga Satanas na ito na nasa laman at ng mga hindi mananampalataya sa paghusga, pag-atake, at paglaban sa Diyos, at kung paano nila pinababagsak ang Kanyang gawain at ginugulo ang gawain ng iglesia ay katulad na katulad sa paraan ng kung paano ginagawa ng mga diyablo at mga Satanas sa espirituwal na mundo ang lahat ng bagay na ito. Kaya, kapag nakikita mo kung paano lumalaban sa Diyos ang mga diyablo at mga Satanas sa mundo, nakikita mo kung paano lumalaban sa Diyos ang mga diyablo at mga Satanas sa espirituwal na mundo—walang-walang pagkakaiba ang mga ito. Pareho ang pinagmulan ng mga ito at nagtataglay ang mga ito ng parehong kalikasang diwa, at kaya gumagawa sila ng parehong mga bagay. Anuman ang kanilang maging anyo, pare-pareho ang ginagawa nilang lahat. Samakatuwid, ang mga diyablo at ang mga Satanas na ito na may suot na balat ng tao ay lumalaban sa Diyos at umaatake sa Diyos, at nagpapakita ng matinding pagkasuklam at paglaban sa katotohanan, dahil sa kanilang kalikasan, at dahil hindi nila ito mapigilan. Bakit Ko sinasabing hindi nila ito mapigilan? Mukha silang tao, namumuhay kasama ang ibang tao, kumakain nang tatlong beses sa isang araw, nag-aaral ng edukasyon at kaalaman ng tao, may parehong mga kasanayan sa buhay at paraan ng pamumuhay na mayroon ang ibang tao; ngunit ang espiritu sa loob nila ay hindi katulad ng nasa ibang tao, gayundin ang kanilang diwa. Kaya, ang diwa, ugat, at pinagmulan ng mga pananaw na kanilang pinanghahawakan at ng mga bagay na kaya nilang gawin ang nagtatakda sa kung ano ang mga taong ito. Kung inaatake at nilalapastangan nila ang Diyos, sila ay mga diyablo, at hindi sila mga tao. Kapag suot ang balat ng tao, kahit gaano pa kaganda sa pandinig o kahit tama ang mga sinasabi nila, ang kanilang kalikasang diwa ay sa mga diyablo. Ang mga diyablo ay maaaring magsabi ng mga bagay na magandang pakinggan upang ilihis ang mga tao, ngunit hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, lalong hindi nila ito isinasagawa—lubos itong totoo. Tingnan mo ang masasamang tao at ang mga anticristo at ang mga lumalaban at nagtataksil sa Diyos—hindi ba’t ganito silang uri ng tao? Lahat sila ay kayang magsabi ng mga bagay na magandang pakinggan, ngunit hindi nila kayang gumawa ng anumang praktikal na bagay. Maaari silang magpakita ng kaunting respeto at magsabi ng mga bagay na magandang pakinggan sa mga taong may katayuan at kapangyarihan, lalo na sa kanilang mga nakatataas, ngunit kapag humaharap sila sa Diyos, ni hindi sila nagpapakita ng kahit na kaunting paggalang sa Diyos na nagkatawang tao. Kung hihilingin mo sa kanilang asikasuhin ang isang bagay para sa Diyos, ayaw na ayaw nilang gawin ito, at kahit pa gawin nila ito, gagawin nila ito nang walang pag-iingat. Bakit nila nagagawang tratuhin ang Diyos sa ganitong paraan? Ang katotohanan ba ang bumigo sa kanila? Binigo ba sila ng Diyos? Nakipag-ugnayan na ba sa kanila ang Diyos dati? Ang sagot sa mga tanong na ito ay hindi, at ni hindi pa nga sila nakakatagpo ng Diyos. Kaya paanong nangyaring ang mga taong ito ay nagkikimkim ng ganitong saloobin sa Diyos at sa katotohanan? May isang dahilan lamang, at ito ay na ang kanilang kalikasang diwa ay likas na salungat sa Diyos. Kaya hindi nila mapigilang hamakin at lapastanganin ang Diyos, at kasuklaman, husgahan, at atakihin ang Diyos sa kanilang puso, nagagawa pa nga nila ito nang walang anumang pagsasaalang-alang sa moralidad—ito ay itinatakda ng kanilang kalikasang diwa. Ginagawa nila ang mga bagay na ito nang halos walang kahirap-hirap, ang mga salita ay kusang lumalabas sa kanilang bibig, nang walang pagsasaalang-alang, nang hindi na pinag-iisipan, ang mga bagay na ito ay natural na lang na lumalabas. Kaya nilang magpakita ng respeto sa ibang tao, sa mga taong may katayuan at sa mga karaniwang tao, ngunit lubos silang nasusuklam sa Diyos at sa katotohanan. Ano sila? (Mga diyablo.) Tama iyan, mga diyablo sila, hindi mga tao, anuman ang kanilang edad. Sinasabi ng ilan, “Baka lang bata pa sila at hindi pa nila naiintindihan ang mga bagay-bagay.” Iniisip mong bata pa sila at hindi pa nila naiintindihan ang mga bagay-bagay, pero kapag lumalabas sila sa mundo at sa lipunan at nakakakita sila ng mas matanda sa kanila, palaging may respeto ang pagtawag nila sa mga ito. Tanging kapag nakikita nila ang Diyos na hindi nila tinatawag ang Diyos nang may respeto, sa halip ay sinasabi nilang, “Hoy,” o “Uy, Ikaw,” o “Ikaw” lang. Hindi nila tinatawag nang may respeto ang Diyos. Alam nilang igalang ang matatanda at alagaan ang mga bata sa lipunan, at sila ay sibilisado at magalang. Subalit, kapag humaharap sila sa Diyos, hindi nila nagagawa ang mga bagay na ito at hindi nila naiintindihan kung paano Siya igagalang. Kaya, ano sila? (Mga diyablo.) Mga diyablo sila, tipikal na mga diyablo! Nagagawa nilang magpakita ng respeto at maging magalang sa mga prestihiyosong tao sa lipunan, sa mga taong may katayuan, sa mga hinahangaan nila, at maging sa mga taong mapapakinabangan nila; pero kapag humaharap sila sa Diyos, wala man lang silang ipinapakitang respeto o paggalang, sa halip ay agad nilang nilalabanan ang Diyos, kinasusuklaman Siya nang hayagan, at pinapakitunguhan Siya nang may mapanghamak na saloobin. Ano sila? Mga diyablo sila, tipikal na mga diyablo! Ang mga hindi mananampalatayang ito, itong mga taong pinapasok ang sambahayan ng Diyos at pagkatapos ay pinapaalis at itinitiwalag, lahat sila ay ganitong uri ng tao, isang daang porsiyento ang katiyakan nito. Nilalabanan at hinahamak nila ang Diyos sa ganitong paraan, at pagdating sa tungkulin na hinihingi ng Diyos na gawin ng mga tao, mas lalong hindi nila ito binibigyang-pansin. Anuman ang kanilang katayuan sa lipunan, gaano man sila kaedukado, o anuman ang kanilang edad o kasarian, ganoon pa rin ang kanilang kalikasang diwa. Kapag nasa mundo sila at nakatagpo sila ng isang opisyal na hinihingi sa kanilang gawin ang isang bagay, agad-agad silang yumuyukod at sumusunod. Masaya at handa silang maging alipin ng opisyal at susubukan nilang purihin ito sa pinakamahusay na paraang maiisip nila. Kung makamayan sila o mayakap ng isang kilalang personalidad o ng isang pangulo, nakakaramdam sila ng karangalan, at marahil ay buong buhay na nilang hindi huhugasan ang kanilang kamay o hindi papalitan ang kanilang damit. Pakiramdam nila ay mas mataas at mas dakila kaysa sa Diyos ang mga kilalang personalidad at mga dakilang taong ito, at kaya sa kanilang puso ay nagagawa nilang masuklam sa Diyos. Anuman ang sabihin ng Diyos o anumang gawain ang gawin Niya, hindi iniisip ng mga taong ito na karapat-dapat itong banggitin. Maliban sa hindi nila ito itinuturing na karapat-dapat banggitin, palagi rin nilang nais na ibahin at baguhin ang mga salita ng Diyos at baguhin ang kahulugan ng mga ito, idagdag ang kanilang pansariling pakahulugan sa mga ito, gawing ganap na naaayon sa kanilang iniisip ang mga ito—lahat sila ay mga taong may problema sa kanilang kalikasang diwa. Sabihin mo sa Akin, tama bang hayaan ang mga taong ito na mula sa mga diyablo, o ang mga taong ito na may kalikasang diwa ng mga diyablo, na manatili sa sambahayan ng Diyos? (Hindi ito tama.) Hindi ito tama. Hindi sila katulad ng mga hinirang ng Diyos: ang mga hinirang ng Diyos ay nabibilang sa Diyos, samantalang ang mga taong ito ay nabibilang sa mga diyablo at kay Satanas.

Anong uri ng mga tao ang dapat magtipon-tipon para matawag silang isang iglesia? Anong klaseng mga tao ang hinahanap sa sambahayan ng Diyos, at sa anong uri ng mga tao nabibilang ang sambahayan ng Diyos? Sabihin mo sa Akin. (Sa mga taong tunay na nananalig sa Diyos at naghahangad sa katotohanan.) Medyo mahigpit masyado ito. Para sa Akin, ang pinakamababang limitasyon at pamantayan ay sila ay dapat na mga taong handang magtrabaho. Maaaring wala silang pagmamahal sa katotohanan ngunit hindi iyon nangangahulugan na tutol sila sa katotohanan, ginagawa nila ang pinapagawa sa kanila ng sambahayan ng Diyos nang walang tanong-tanong, at sila ay masunurin at kayang magpasakop. Pagdating sa mga kondisyon para sa paghahangad sa katotohanan, maaaring isipin ng ilang tao na kulang sila sa kakayahan, na hindi sila nasisiyahan sa paggawa nito at hindi sila gaanong interesado. Maaari nilang isipin na katanggap-tanggap na makinig sa sermon paminsan-minsan, at kung minsan ay nakakatulog sila habang nakikinig ng sermon, at paggising nila ay napapaisip sila, “Ano nga ba iyong pinakikinggan ko kanina? Nakalimutan ko na. Mas mabuti pang magtrabaho na ako. Sapat nang gawin ko lang ang aking trabaho.” Hindi sila magulo o nanggagambala, at masipag nilang ginagawa ang anumang gawaing isinaayos para sa kanila. Sila ay tila tunay na matapat at para silang matatandang kabayong pangtrabaho—sabihin lang sa kanila ng kanilang amo na magtrabaho, at kung ito man ay pagpapatakbo ng gilingan, paghila ng araro, pagtatrabaho sa sakahan, o paghila ng kariton, palagi silang tila tunay na matapat at kaya nilang tapusin ang mga gawain nang walang anumang idinudulot na problema. Ano ba ang iniisip nila? “Sinabi sa akin na ako ay isang trabahador, kaya magtatrabaho ako. Wala akong halaga, isa lamang akong mababang tao. Sa pamamagitan ng pagtatrabaho para sa Diyos, itinataas Niya ako, at hindi ako nakakaramdam ng anumang pang-aagrabyado.” Makikita mo na ito ang kanilang saloobin. Kaya ang ganitong mga tao ay dapat na manatili sa sambahayan ng Diyos. Kahit pa mayroon silang ilang kapintasan, pagkukulang, at masasamang gawi, o maaari mang sila ay kulang sa kakayahan o sila ay hangal, kaya Kong tiisin at tanggapin ang lahat ng taong ito; hindi ito problema, at binibigyan Ko ng mga oportunidad ang mga taong ito. Anong mga oportunidad? Binibigyan Ko ba sila ng oportunidad na magtrabaho o magkamit ng kaligtasan? Pareho, siyempre. Bilang mga nilalang, handa silang magtrabaho para sa Diyos, magtrabaho sa sambahayan ng Diyos, at karapatan nilang gawin ito. Dagdag pa rito, dahil ito ang kanilang nais, dapat silang mabigyan ng pagkakataon na makamit ang kaligtasan. Ngunit mayroong mga nagsasabi, “Pero hindi nila hinahangad na makamit ang kaligtasan!” Kung hindi nila hinahangad na makamit ang kaligtasan, personal na nilang usapin iyon, pero kahit papaano man lang, ang mga taong ito ay maaaring mabigyan ng espesyal na pabor at oportunidad na makamit ang kaligtasan, at may tsansa silang mailigtas. Ano ang ibig Kong sabihin sa “may tsansa sila”? Ang ibig Kong sabihin, kulang ang kanilang kakayahan, medyo hangal sila, at hindi nila kayang umako ng napakalaki o napakahalagang gawain sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, sa halip ay pangkaraniwang gawain lamang ang nagagawa nila, ang papel nila sa sambahayan ng Diyos ay hindi napakahalaga, hindi sila umaako ng anumang mahalagang trabaho habang pinapalawak ng Diyos ang Kanyang gawain, at wala silang malaking ambag; gayunpaman, dahil sa kanilang pagnanais na maging handang magtrabaho para sa Diyos, binibigyan sila ng espesyal na pabor at binibigyan ng pagkakataon na maligtas—ito ang espesyal na pabor na ibinibigay sa kanila. Nagbibigay ang Diyos ng maraming oportunidad sa bawat tao. Patas ba ang pagtrato ng Diyos sa mga tao? (Oo.) Sapagkat gaano man sila kahina, gaano man kaliit ang kanilang kakayahan, gaano man sila kahangal, sila ay mga miyembro ng ordinaryo at tiwaling sangkatauhan; hindi lang nila aktibong hinahangad ang katotohanan, ngunit bilang tao ay tama pa rin naman sila. Sa huli, nakakamit man nila o hindi ang katotohanan o ang kaligtasan, pinapakitaan pa rin sila ng Diyos ng kabutihan at binibigyan ng espesyal na pabor, sapagkat sila ay ganap na naiiba sa mga hindi mananampalataya at sa mga diyablo na sumasalungat sa Diyos, at iba ang kanilang diwa. Ang mga taong iyon ay mga diyablo at mga kaaway ng Diyos, samantalang sila, bagamat hinahangad lamang nilang magtrabaho at kontento na sila sa pagtatrabaho, ay hindi lumalaban sa Diyos sa kanilang puso. Hindi nila kailanman aktibong aatakihin ang Diyos, huhusgahan ang Diyos, o lalapastanganin ang Diyos, at nagtataglay sila ng positibo at tamang saloobin sa Diyos, ibig sabihin, handa silang magtrabaho para sa Diyos, makakamit man nila ang kaligtasan o hindi. Mayroon ding ilan na medyo mas mainam kaysa rito, at sa panahon ng pagtatrabaho nila, nagagawa nilang isagawa ang ilang katotohanan sa abot ng kanilang makakaya, aktibo at positibo nilang hinahangad ang ilang katotohanang prinsipyo, at nagsusumikap sila na hindi masalungat ang mga prinsipyo. Ito ang taglay nilang pagnanais at saloobin, at kaya nagiging mabuti sa kanila ang Diyos. Hindi sila tinatrato ng Diyos nang hindi makatarungan, hindi lang Niya sila sinusukuan, at lagi Niya silang binibigyan ng mga oportunidad. Sa oras na ang gawain ng Diyos ay magwakas, kung nakamit nila ang pagpapasakop sa Diyos at makakaalpas sila sa impluwensya ni Satanas, aakayin sila ng Diyos papunta sa kaharian—ito ang hantungan na dapat marating nila. Nais ng Diyos na iligtas ang mga taong ito at hindi Niya sila susukuan; hinggil naman sa kung paano ito gagawin ng Diyos at kung paano Niya tutuparin ang mga salitang ito, isang araw ay malalaman mo. Ano ang saloobin ng Diyos sa mga diyablo at sa mga Satanas? (Tutol Siya sa mga ito.) Ang Kanyang saloobin ay na tutol Siya sa mga ito. Malinaw na tutol Siya sa mga ito. Ginagamit ng Diyos ang mga diyablo at mga Satanas para magserbisyo sa tamang oras at lugar, sa tamang sitwasyon, at sa tamang mga bagay, at kapag nakapagserbisyo na ang mga ito, itinataboy nang walang anumang pagsasaalang-alang ang mga ito. Ang kalikasang diwa ng mga ito na hindi naghahangad sa katotohanan at na tutol sa katotohanan ay laging inilalantad sa lahat ng uri ng sitwasyon. Ang Diyos ay hindi nagiging mabuti sa mga ito, sapagkat lubos na namumuhi ang Diyos sa mga ito at labis na nasusuklam sa mga ito. Ngunit ang mga hangal na taong ito na may mahinang kakayahan, na ang ilan pa nga ay maaaring naguguluhan, ay handang magtrabaho para sa Diyos, at mayroon silang saloobin at determinasyon ng “pagnanais na makapagtrabaho para sa Diyos at hindi ito kailanman pinagsisisihan.” Kaya naman, sa pang-araw-araw na buhay, palaging patatawarin ng Diyos ang kanilang kahangalan at titiisin ang kanilang kahinaan, poprotektahan at babantayan din sila ng Diyos. Ano ang ibig Kong sabihin kapag sinabi Kong poprotektahan at babantayan sila ng Diyos? Ang ibig Kong sabihin ay bibigyang-liwanag sila ng Diyos tungkol sa mga literal na kahulugan ng ilang katotohanang naiintindihan nila at tutulutan silang maunawaan ang mga katotohanang naiintindihan nila; kasama nila ang Diyos, na gagawad ng kapayapaan at kasiyahan sa kanila, at kapag nakatagpo sila ng tukso, magsasaayos ang Diyos ng angkop na mga kapaligiran para sa kanila upang maprotektahan sila mula sa tukso. Ano ang mga pangunahing tukso? Maraming tukso: Pag-aasawa, hindi tamang relasyon sa pagitan ng mga lalaki at mga babae, pera, katayuan, kasikatan at pakinabang, reputasyon, pati na rin ang magandang trabaho at magandang kita, at iba pa—lahat ng ito ay tukso. At sa ano pang ibang paraan pinoprotektahan ng Diyos ang mga tao? Ginagamot Niya ang iyong karamdaman upang hindi ka magdusa, pinoprotektahan ka Niya mula sa mga bitag at pag-atake ng masasamang tao, at iba pa. Dagdag pa rito, kapag nahaharap ka sa ilang paghihirap o sa mga bagay na tila mapaminsala, magsasaayos ang Diyos ng ilang tao, pangyayari, at bagay upang protektahan ka mula sa mga kalamidad at paghihirap na ito, na nagbibigay-daan sa iyo na makapagtrabaho nang maayos para sa Diyos sa Kanyang sambahayan gaya ng iyong ninanais hanggang sa wakas—hindi ba’t isa itong magandang bagay? (Oo, maganda nga ito.) Kaya, para maging maayos ang takbo ng lahat ng bagay at para ang lahat ng bagay ay mangyari ayon sa iyong nais, saan ito dapat manggaling? (Sa proteksyon ng Diyos.) Tama, ito ay nagmumula sa proteksyon ng Diyos, sa pagbabantay ng Diyos sa iyo, at mula sa kabutihan ng Diyos. Ngunit ang mga taong sa mga diyablo ay hindi mapigilang gumawa ng mga bagay na mala-diyablo. Gumagawa sila ng mga pagkakamali sa lahat ng kanilang ginagawa, at lahat sila ay mayroong masasamang layunin. Normal sa kanila na madalas na mahulog sa tukso; ito ang mismong kailangan nila, parang isang malaking bato na biglang bumagsak mula sa langit, tumama sa kanilang ulo, dumurog sa kanila, at pagkatapos ay namatay na sila. Ang mga taong handang magtrabaho para sa Diyos ay mahaharap din sa mga bagay na ito, ngunit dahil sa milagrosong proteksyon ng Diyos, hindi sasapit sa kanila ang sakunang ito, dadaanan lang sila nito, at sa kanilang puso ay sasabihin nila, “Pinoprotektahan ako ng Diyos, hindi ko pa oras na mamatay!” Pinapanatili kang buhay ng Diyos dahil kapaki-pakinabang ka pa sa Kanya. Ibinigay sa iyo ng Diyos ang iyong buhay, at dahil handa kang magtrabaho para sa Kanya at ialay ang iyong sarili sa Kanya, bakit ka hindi poprotektahan ng Diyos? Tiyak na poprotektahan ka ng Diyos. Marami bang hinihingi ang Diyos sa mga tao? (Hindi.) Ang mga taong ito na handang magtrabaho para sa Diyos ay wala namang masyadong talento at hindi naman ganoon kahusay ang kanilang kakayahan; limitado ang kanilang pagkaarok sa katotohanan, hanggang sa puntong maaari lang nilang maunawaan ang ilang salita at doktrina at matutong magsalita nang katulad sa ibang tao. Gayunpaman, sadyang hindi lang talaga nila maarok ang mga katotohanang prinsipyo, ni maabot ang paghahangad sa katotohanan o pagkamit sa kaligtasan. Ang kanilang pagpapasakop sa Diyos ay kinasasangkutan lamang ng pagtupad sa ipinag-uutos sa kanila ng sambahayan ng Diyos, at imposibleng magpasakop sila sa katotohanan, iyon na iyon. Kaya naman, dahil sila ay mga ordinaryong tiwaling tao lamang, at dahil handa silang magtrabaho para sa Diyos, hindi sila itinataboy ng Diyos. Samakatuwid, ang mga taong pinapaalis ay tiyak na hindi mabuti. Kung talagang mabuti kayong tao, kung talagang kayo ay mga taong pinili ng Diyos, kung talagang mayroon kang saloobing nagpapasakop sa Diyos, mayroong pagnanais at saloobing maging handang magtrabaho para sa Diyos at hindi ito pagsisisihan kailanman, tiyak na hinding-hindi ka itataboy ng Diyos, sa halip, papakitaan ka Niya ng kabutihan. Ito ay magiging isang pagpapala para sa iyo, at nais ng Diyos ng ganitong mga tao. Nais ng Diyos ng ganitong mga tao—hindi nila hinahangad ang katotohanan at hindi nila nauunawaan ang katotohanan dahil kapos ang kanilang kakayahan, ngunit handa silang magtrabaho para sa Diyos. Ang iba pang uri ng tao na nais ng Diyos ay ang mga nagnanais na hangarin ang katotohanan, ang mga nagmamahal sa katotohanan, ang mga nagmamahal sa pagiging patas at pagiging matuwid at sa mga positibong bagay, ang mga nagnanais magpasakop sa katotohanan, at ang mga taong, sa sandaling maintindihan at maunawaan nila ang katotohanan, sa sandaling matutunan at maarok nila ang katotohanan, ay nagagawa nang sumunod, magpasakop, at magsagawa nang ayon sa katotohanan. Dagdag pa rito, ang mga taong ito ay may determinasyong hangarin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan, at hindi nila kailanman pinagdudahan ang Diyos. Ang mga taong ito, siyempre, ang mga minamahal ng Diyos at nais Niyang iligtas. Ngunit maaabot mo ba ang pamantayang ito? At ano ang gagawin mo kung hindi mo ito maabot? Kahit papaano man lang, ang iyong saloobin sa Diyos at sa katotohanan ay hindi dapat sa mga diyablo at kay Satanas, kahit papaano man lang ay dapat na malapit ka sa pamantayan ng pagsang-ayon ng Diyos at handa kang magtrabaho para sa Diyos. Kung palagi kang sumasalungat sa Diyos, kumikilos nang hindi katugma ng Diyos, at kung palagi mong inaatake at nilalapastangan ang Diyos sa iyong puso, malalagay ka sa isang magulo at mapanganib na sitwasyon. Dapat maging malinaw sa iyong puso kung anong saloobin ang iyong pinanghahawakan patungkol sa Diyos, at dapat mong iklasipika ang iyong sarili batay sa iba’t ibang uri ng tao na Aking tinatalakay rito.