Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 21 (Ikatlong Bahagi)

Tungkol sa usapin ng paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan, bukod sa iba’t ibang puwersang nakahaharap ng mga tao sa kanilang mga buhay, mayroon ding iba’t ibang puwersang malimit na lumilitaw sa lipunan: Dapat ding layuan ng isang tao ang mga ito. Sa buhay man o sa trabaho, iwasan mong magkaroon ng anumang kaugnayan o interaksyon sa kanila. Pangasiwaan mo ang sarili mong buhay at trabaho, at kasabay niyon, huwag kang masindak sa nakatatakot na anyo ng mga puwersang ito. Habang tinatanggihan at nilalayuan sila sa iyong puso, gumamit ka ng karunungan sa pangangasiwa sa iyong ugnayan sa kanila at lumayo ka sa kanila. Ito ang dapat mong gawin. Maging malinaw sa iyong puso na ginagawa mo lamang ang trabahong ito para makakain kang muli, para sa iyong kabuhayan. Simple lang ang layon mo, ang magkaroon ng pagkain at damit, hindi ang makipaglaban sa kanila para sa anumang partikular na resulta. Kahit pa pagsalitaan ka nila o magsalita sila nang malupit; kahit pa nasa isang bansa ka kung saan sumasailalim sa pag-uusig ang mga paniniwala sa relihiyon, kung saan inuusig ang Kristiyanismo, at may ilang taong kumukutya sa iyong pananampalataya, nagbibigay ng mga sarkastikong komento, o nagpapakalat ng mga sabi-sabi tungkol dito, makapagtitiis ka lamang. Protektahan mo ang iyong sarili, manatili kang mahinahon sa harap ng Diyos, magdasal ka nang madalas sa Kanya, regular kang lumapit sa presensya Niya, at huwag mong hayaang masindak ka sa panlabas na kabuktutan o kabangisan ng mga puwersang ito. Maliban sa pagsasagawa ng pagkilatis sa kanila sa kaibuturan ng iyong puso, kailangan mo ring magpakalayo-layo sa kanila. Ingatan mo ang iyong mga salita, maging maingat ka sa iyong paghakbang, magpanatili ka ng payapang pag-iral kasama nila at gumamit ka ng karunungan sa iyong mga transaksyon sa kanila. Hindi ba’t ang mga ito ang mga prinsipyo ng pagsasagawang dapat mong sundin? (Oo.) Siyempre, gusto mo mang layuan sila, tanggihan sila, o kasuklaman pa sila sa iyong puso, dapat kang maging matalino tungkol sa panlabas mong itsura. Hindi mo dapat hayaang maramdaman o makita nila ito. Maging malinaw sa iyong puso na nagtatrabaho ka lang para maghanapbuhay, at huling opsyon ang pamumuhay kasama nila. Una, subukan mong lumayo sa kanila. Kapag sama-sama silang nakikibahagi sa anumang ilegal na gawi, dapat kang lumayo at umiwas sa kanila, at huwag kang magkaroon ng anumang bahagi sa mga krimen nila. Kasabay niyon, protektahan mo ang iyong sarili, at huwag mong hayaang masadlak ka sa alanganing sitwasyon na pinagtutulungang atakihin at idiin. Madali ba itong maisakatuparan? Maaaring maging mahirap ito para sa ilang bata at walang muwang na tao kapag una silang pumasok sa masalimuot na kapaligirang panlipunang ito. O marahil ay may ilang taong walang mga katangian o kakayahang makibagay, at hindi masyadong bihasa sa pangangasiwa ng mga pakikipag-ugnayan sa mga tao, na nakadaragdag ng kaunting hirap dito. Ngunit ano’t ano man, isang bagay ang malinaw: Sapat na para sa iyong gamitin ang sarili mong mga abilidad upang tapusin ang gawain ng kasalukuyang trabaho. Huwag mong pasamain ang loob ng sinuman; huwag kang maging masyadong mapaghanap sa sinumang walang pananampalataya, mga moral na limitasyon, konsensiya, at katwiran. Huwag na dahil sa isang salita o insidente ay mangangaral ka sa kanila ng matataas na prinsipyo o magsasalita tungkol sa mga usaping tulad ng pananampalataya sa Diyos, kung paano umasal, o sa konsensiya at likas na pagkatao. Hindi ito kinakailangan; ibigay mo na lang ang mabuting payo mo sa mga taong nakauunawa. Ni huwag kang gumamit ng pananalita ng tao sa mga taong walang pinagkaiba sa mga hayop, lalong huwag kang magsalita tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa katotohanan. Isa itong hangal na hakbang. Kung makapangyarihang puwersa sila, sa paraan ng pagharap mo sa kanila, habang nilalayuan at tinatanggihan sila sa iyong puso, sa panlabas, dapat kang magpanatili ng isang magiliw at maayos na pag-uugali sa kanila. Pagsikapan mong makamit ang resulta ng pagtustos ng pagkain at damit sa sarili mong kabuhayan—sapat na iyon. Sa gayong kasalimuot na kapaligiran ng pamumuhay kung saan nagkakaugnay-ugnay ang iba’t ibang puwersa, hindi kinakailangan ng Diyos na makibahagi ka sa anumang bagay upang patunayang isa kang taong sumusunod sa Diyos, naghahangad sa katotohanan, o isang mabuti at matapat na tao. Sa halip, gusto Niyang magpakatimtiman kang gaya ng mga kalapati at magpakatalinong gaya ng mga ahas, sa bawat sandali ay humarap ka sa Diyos, payapain mo ang iyong sarili sa harapan Niya at magdasal ka, hayaan mong protektahan ka ng Diyos, at isakatuparan mo ang layunin ng pagprotekta sa iyong sarili. Ano ang partikular na resultang dapat mong makamit? Ito dapat ay ang maiwasang madaya ng masasamang tao, maiwasang masangkot sa iba’t ibang puwersa, at hindi maging puntirya ng pang-aabuso nila, sangkalan nila, taong pinagdidiskitahan nila, o tampulan ng mga panunukso nila. Kapag natuklasan nilang sumasampalataya ka sa Diyos, pagtatawanan ka nila at sasabihing, “Tingnan ninyo, isa siyang relihiyosong mananampalataya,” o “Nakikita ninyo ang relihiyosong taong iyon, ganito o ganyan ang Diyos niya; nagdarasal na naman siya sa Diyos niya, at sinasabi niyang ang perang kinikita niya ay ibinigay ng Diyos sa kanya.” Samakatuwid, huwag kang makipag-usap sa kanila tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa pananampalataya. Huwag mo silang bigyan ng anumang mapanghahawakan laban sa iyo. Hindi mo kailangang ilaan ang anuman sa iyong lakas sa pakikihalubilo sa kanila, pagpapanatili ng ugnayan sa kanila, panghihikayat sa kanilang sabihin kung gaano ka kagaling, kung gaano ka kabuting tao, o upang makuha ang pagsang-ayon nila. Hindi mo kailangan ang mga bagay na ito. Asikasuhin mo ang opisyal na gawain sa isang maprinsipyong paraan; isa kang karaniwang empleyado, isa lamang miyembro ng industriya. Hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na ipalaganap mo sa kanila ang Kanyang mga salita, na magbahagi ka sa kanila tungkol sa Kanyang katotohanan. Hinihingi Niya sa iyong dumistansya sa kanila, protektahan mo ang iyong sarili, huwag kang mabitag sa kumunoy nila o sa anumang tukso, at lalong huwag kang masangkot sa iba’t ibang pagtatalo, sa kaguluhang gawa nila, sa kanilang mga pakana at patibong, o sa mga komplikadong sitwasyon. Sa lahat ng oras ay dapat kang magkaroon ng kamalayan sa iyong layunin sa propesyong ito: Hindi ito tungkol sa pagsulong, pag-akyat sa tuktok, pagiging isang mayamang tao, o pangangalandakan sa iyong halaga sa lipunan. Hindi ito tungkol sa paggawa ng anumang bagay upang mapahanga ang iyong mga lider o nakatataas sa iyo. Ang layunin mo ay ang maghanapbuhay, magtrabaho, makatagal sa mundo at lipunang ito, at pagkatapos ay magkaroon ng oras at mga kondisyon upang gampanan ang iyong tungkulin, hangarin ang katotohanan, at matamo ang kaligtasan. Samakatuwid, sa anumang lugar ng trabaho, hindi mo kailangang magsumikap para sa mga pagkakataon para sa pagsulong, karagdagang edukasyon, pag-aaral sa ibang bansa, sa mataas na opinyon ng mga nakatataas sa iyo, o maging sa atensyon ng mga nakatataas na lider. Hindi mo kailangan ang alinman doon. Kung pinipilit mong mabuhay, mapanatili ang iyong kabuhayan, maisasantabi ang mga bagay na iyon sa iyong buhay. Kailangan mo lamang protektahan ang iyong sarili sa saklaw ng iyong propesyon—sapat na iyon. Hindi marami ang ipinagagawa sa iyo ng Diyos. Ang prinsipyong dapat mong sundin ay ang lumayo sa iba’t ibang puwersa, iwasang ilagay ang iyong sarili sa nakasisirang sistema o sirain ang iyong sarili sa isang medyo simpleng kapaligiran kung saan mapananatili mo ang iyong kabuhayan. Isa itong hangal na hakbang. Malinaw na kaya mong panatilihin ang iyong kabuhayan sa pamamagitan ng mga pinakasimpleng pamamaraan sa trabaho, gayunman ay madalas kang handang sumali sa mga pagtatalo, pumasok o makibahagi sa mga usaping walang kaugnayan sa iyong propesyon at kabuhayan, na bilang resulta ay nagdudulot sa iyong masadlak sa iba’t ibang masalimuot na usaping pantao, sa mga masalimuot na pagkakaugnay-ugnay at alitan ng iba’t ibang puwersa ng lipunan. Kaya hindi mo masisisi ang Diyos sa pagsasaayos ng iyong mga sitwasyon; sarili mo lang ang masisisi mo, ikaw mismo ang may kagagawan ng iyong pagbagsak. Madalas mong sabihing masyado kang abala at pagod sa trabaho, at na wala kang oras para sa pakikipagtipon at paggampan sa iyong tungkulin. Anuman ang mga dahilan, kung malalagay ka sa gayong mga sitwasyon, hindi magtatagal ay ititiwalag ka ng sambahayan ng Diyos. Maglalaho ang pag-asa mong maligtas. Iyon ang landas na ikaw mismo ang tumahak, ang landas na iyong pinili, at ito ang resultang matatanggap mo sa huli. Kung sa iyong kapaligiran ay nagsasagawa ka alinsunod sa mga prinsipyong ibinahagi ng Diyos, pinoprotektahan mo nang mabuti ang iyong sarili, at kaya mong humarap sa Diyos nang payapa ang puso, kung gayon, kahit habang binabalanse mo ang trabaho at ang paggampan sa iyong tungkulin, magkakaroon ka pa rin ng pagkakataong maligtas. Ngunit ang paunang kondisyon para dito ay kailangan mong dumistansya sa iba’t ibang puwersa sa lipunan, payapain ang iyong puso, at kasabay niyon, sa saklaw ng iyong mga kakayahan at limitadong pag-aari, magawa mong gampanan ang iyong tungkulin at tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Sa ganoong paraan, kahit gaano pa kahirap ang kapaligiran ng iyong pamilya, o gaano kalimitado ang iyong sariling pag-aari, sa ilalim ng pag-iingat, mga pagpapala, at patnubay ng Diyos, sa huli ay paunti-unti kang uusad sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Lalong titibay ang pag-asa mong maligtas. Marahil dala ng mga pansarili mong paghahangad, pagsisikap, at pagsasakripisyo, sa huli ay magtatamo ka ng kaligtasan. Gayunpaman, maaaring sumuko sa kalagitnaan ang ilan. Nakikita nilang masyadong nakababato ang buhay na ito, na ibinukod na sila ng mundo, na nag-iisa at wala silang kasama sa buhay, at pakiramdam nila ay wala silang magawa kung hindi sila masasangkot sa iba’t ibang pagtatalo, at na hindi nila mahanap ang sarili nilang halaga o makita ang kanilang halaga at ang kanilang kinabukasan. Kaya, tinatalikuran nila ang mga prinsipyong hinihingi ng Diyos sa kanila, pinipiling hindi mapag-isa o manahimik, bagkus ay magmukhang kabilang sa iba’t ibang puwersa sa lipunan. Kumokontra sila sa bawat maliit na detalye, sumasali sa mga pakikibaka at ugnayan, at nakikipag-away at nakikipaglaban kasama nila. Nahuhulog sila sa iba’t ibang pagtatalo, nadaramang naging kumpleto, mahalaga, at masaya ang kanilang buhay—hindi na sila malungkot. Ano ba ang pinili ng gayong mga tao? Pinili na nila ang landas ng pagpapabaya sa kanilang mga tungkulin at hindi paghahangad sa katotohanan. Ito na ang katapusan: Kapag dumating na sa puntong ito ng daan, wala nang anumang pag-asa para sa kaligtasan. Hindi ba’t totoo iyon? Maraming tao na, kahit matapos marinig ang mga salitang ito, ay nasisiyahan sa mga ito at hindi masyadong nahihirapang isagawa ang mga ito. Gayunpaman, matapos isagawa ang mga ito sa loob ng ilang panahon, iniisip nilang, “Hindi ba’t masyadong nakapapagod ang pamumuhay nang ganito? Madalas, ang tingin sa akin ng mga tao ay kakaiba, wala akong mga kaibigan, walang mga kasama; masyado itong malungkot, masyadong hiwalay, at nakababato ang pang-araw-araw kong buhay. Pakiramdam ko ay hindi talaga maganda o masaya ang buhay na ito.” Pagkatapos ay muli silang bumabalik sa dati nilang buhay, at natitiwalag ang gayong mga tao. Naglalaho ang pag-asa nilang maligtas. Hindi nila kayang tiisin ang kalungkutan, ni matagalan ang hirap ng makutya at maibukod dahil sa pamumuhay nang alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos sa gitna ng grupong ito ng mga tao. Sa halip, nasisiyahan silang mamuhay sa gitna ng iba’t ibang puwersang naglalaban-laban, at sumasama sila sa iba’t ibang puwersa, nasasangkot sa mga iyon, nakikipag-away sa mga iyon, at nakikipaglaban sa mga iyon. Masasabing ang gayong mga tao ay hindi nabibilang sa mga taong hinirang ng Diyos. Kahit pa nasiyahan sila pagkatapos marinig ang mga sermong ito, pinili pa rin nilang sumama sa iba’t ibang puwersa ng lipunan sa halip na lumayo sa mga iyon. Siyempre pa, ang gayong mga tao ay talagang hindi mga taong nilalayong maligtas. Gayunpaman, kung pipiliin mo ang landas ng paglayo sa iba’t ibang puwersa sa lipunan, at sa ilalim ng kondisyon ng pagpapanatili sa iyong kabuhayan ay gagampanan mo ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, kahit papaano, batay sa pasyang ito, may pag-asa kang maligtas. Taglay mo ang mga pangunahing paunang kinakailangan; dahil dito, umiiral ang pag-asang ito para sa kaligtasan.

Dati, may taga-iglesia na sa isang paraan ay nakakilala ng isang puting tao na ang tatay ay miyembro ng parlamento. Ang totoo, hindi ganoon kagandang katungkulan ang pagiging isang miyembro ng parlamento, ngunit pakiramdam ng taong ito ay isang malaking karangalan ang makau-kausap ang anak ng isang miyembro ng parlamento sa ibang bansa. Akala niya ay isa siyang taong may katayuan. Kalaunan, ipinasyal niya ang anak na ito ng miyembro ng parlamento, ipinakikilala ito sa sinumang makita nila, sinasabing, “Ito ang anak ng miyembro ng parlamento.” Itinanong Ko, “Ang anak ng miyembro ng parlamento? Anong antas ng miyembro ng parlamento ang kanyang tatay? Ano ang magagawa niya para sa iyo?” Sumagot siya, “Miyembro ng parlamento ang tatay niya!” Sabi Ko naman, “May kinalaman ba sa iyo ang pagiging miyembro ng parlamento ng tatay niya? Hindi ka naman miyembro ng parlamento, kaya bakit nagpapasikat ka?” Labis ang pagmamalaki ng taong iyon. Dahil lang sa nagkaroon siya ng koneksyon sa anak ng miyembro ng parlamento, kumikilos na siya nang may labis na pagtingin sa sarili saanman siya pumunta, at hindi niya pinapansin ang mga pamilyar na mukha kapag nakikita niya ang mga ito sa daan. Nagtanong ang mga tao, “Bakit hindi mo kami binabati?” Tumugon siya, “Kasama kong maglakad ang anak ng miyembro ng parlamento!” Aakalain mo ba kung gaano siya kabanidoso? Isa ba itong walang pananampalataya o hindi? (Isang walang pananampalataya.) Ano ang pinakakahihinatnan ng gayong tao sa sambahayan ng Diyos? (Ititiwalag siya.) Dapat na mapaalis ang taong ito sa iglesia, dahil isa siyang walang pananampalataya at isang oportunista. Kung sinuman ang mukhang may posisyon at puwersa, dinidikitan niya ang taong iyon, at kung makikita niyang may puwersa sa sambahayan ng Diyos, didikit siya rito. Ang resulta, matapos manatili sa sambahayan ng Diyos sa loob ng ilang panahon, napagtatanto niyang imposible siyang kumita rito, kaya naghahanap siya ng trabaho sa paghahatid ng takeout. Ngunit hindi masyadong kagalang-galang ang pakiramdam niya sa trabahong iyon, at kalaunan ay nagpapalakas siya sa anak ng miyembro ng parlamento, iniisip na may katayuan na siya ngayon at hindi na niya kailangang maghatid ng takeout. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t kalokohan ito? Hindi ba’t may bahagi ng mga taong katulad nito sa iglesia? (Oo.) May ilang taong nagmamalaki dahil lamang sa may kakilala silang taong may posisyon o puwersa. Akala nila ay may halaga sila at naiiba sa lahat. May ilang taong may maliit na opisyal na posisyon at kaunting puwersang kalakip nito, subalit naniniwala silang naiiba na sila sa karamihan sa iglesia at dapat ay sa kanila ang huling pasya. Hindi ba’t mga walang pananampalataya ang mga taong ito? (Oo.) Pagkatapos ay may mga taong walang tunay na impluwensya, ngunit palagi silang nagyayabang, nagsasabing, “Kilala ko ang presidente!” o, “Kilala ko ang kaibigan ng pinsan ng sekretarya ng presidente!” Nakita mo, nagkakaroon sila ng gayon kagugulong kaugnayan at may lakas pa rin sila ng loob na magsabi ng gayong mga bagay. Bakit ba napakakapal ng mukha nila? Sa sobrang gulo ng kanilang kwento, walang nakaaalam kung ano talaga ang sinasabi nila, at labis na walang pakialam ang iba para makinig, dahil wala silang pakialam sa ganitong mga bagay. Ang mga taong ito lang ang nagtuturing sa mga bagay na ito bilang pinakamahalaga, pinakamakabuluhan, at pinakakahanga-hanga. Madalas sabihin ng ilang tao na may kakilala silang mga kalihim, direktor, o matataas na opisyal. Umaabot pa nga ang ilang tao sa pagsasabing, “May mga kakilala akong tao sa magkabilang panig, sa lipunang sumusunod sa batas at sa masasamang-loob; napakadali kong tinatahak ang parehong landas na parang nasa patag na lupa.” Maaaring sabihin ng iba, “Kilala ko ang hipag ng pinuno ng lalawigan.” At may mga taong nagsasabing, “Kilala ko ang kaibigan sa simbahan ng nanay ng alkalde.” Ginagamit nila ang mga ito bilang karapatang magyabang. Ano ba ang silbi ng pagkakilala sa mga taong ito? Matutulungan ka ba nilang magkamit ng kahit na ano? Kahit pa isa kang alkalde, direktor, gobernador ng probinsya, o kahit pa nanay o tatay ng gobernador, mayroon bang anumang aplikasyon sa iglesia ang katayuan mo? (Wala.) Hindi ba’t bahagi ng sangkatauhan ang mga alkalde, gobernador, at mga tulad nito? Maaari ba silang maging mas dakila sa Diyos? Hindi ba’t kasuklam-suklam ang katunayang pinahahalagahan ng mga walang pananampalatayang ito ang gayong mga puwersa? (Kasuklam-suklam ito.) Sinasabi pa ng ilang tao na kilala nila ang hepe ng kapulisan, at sinasabi ng iba, “Dati akong pulis ng pamayanan at hepe ng presinto sa lokal na istasyon,” habang sinasabi ng iba, “Dati akong direktor ng tanggapan at nagsusuot ng pulang tali sa braso.” Ano ang nararamdaman ninyo kapag naririnig ninyo silang magkwento tungkol sa mga diumano’y puwersang ito? Sa labis na kahangalan ng ilang walang pananampalataya, ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan at mga mananampalataya sa pangalan lamang, ay hindi nila alam kung totoo ang sinasabi ng mga taong iyon o hindi, kaya tinatanggap nilang totoo ang mga iyon at mataas ang pagtingin nila sa mga ito. Ngunit para sa mga taong naghahangad sa katotohanan, ano ang palagay nila sa kanilang mga puso kapag naririnig nila ang mga bagay na ito? Ano ang pagsusuri nila sa mga taong iyon? Sa unang tingin ay nahahalata nilang walang pananampalataya ang mga ito, na ang sinasabi lang ng mga ito ay tungkol sa iba’t ibang puwersa at bagay sa mundo, at na pumasok ang mga ito sa sambahayan ng Diyos upang ipangalandakan ang mga bagay na ito. Huwag mo nang banggitin ang katunayang malalayong kamag-anak ng kung sinong opisyal o sikat na tao ang kakilala nila; kahit pa sila mismo ang ganoon, sa sambahayan ng Diyos, wala silang halaga, walang halaga ang kanilang mga titulo at posisyon, kaya’t ano ang ipinangangalandakan nila? Tinataglay ba nila ang katotohanan? Ginagawa ba nila ang kanilang tungkulin alinsunod sa mga prinsipyo? Wala silang halaga, subalit may lakas pa sila ng loob na magpasikat! Hindi ba’t kawalanghiyaan ito? Hindi ba’t kasuklam-suklam ito? (Ganoon nga.) Gaano ito kasuklam-suklam? Ipagyayabang pa nila ang pagkakaroon ng mga koneksyon sa magkabilang panig ng batas—hangal ba ang mga taong nagyayabang tungkol dito? Hindi ba’t hangal sila? (Oo.) Hindi man lamang sila natatakot na masangkot sa gulo. Ang pakikipag-ugnayan sa magkabilang panig ng batas: Hindi ba’t sanggano ang taong tulad nito? Ang mga sanggano at mandurugas ay hindi pinahahalagahan sa sambahayan ng Diyos; nabibilang sila sa mga walang pananampalataya at dapat na matiwalag! Subalit ginagamit pa rin nila ito bilang karapatang magyabang. Hindi ba’t kahangalan ito? Isa ba itong bagay na dapat ipagmalaki? Ipinagyayabang pa nga nila ito! May ilang taong nagsusuot ng malalaking kadenang ginto sa kanilang mga pulso at, kapag nalalasing, ipinangangalandakan ang mga iyon sa mga tao, sinasabing, “Ang mga ninuno ko ay mga magnanakaw sa mga libingan, at naipasa ang mga kasanayan nilang ito sa aking pamilya sa loob ng maraming henerasyon. Tingnan mo itong malaking kadena sa aking pulso, nakita ko ito sa kung anong magarbong libingan isang dis-oras ng gabi noong ganito at ganyang petsa at kinuha ko ito para sa akin. Ano ang masasabi mo? Nakabibilib, ano?” Naririnig ito ng ilang tao at isinusuplong sila, at naaaresto sila nang hindi nila nalalaman kung ano ang batas na kanilang nalabag. Tinatanong sila ng mga tao, “Galing ba sa panahong ito ang gintong kadena sa pulso mo? Isa itong artepakto!” Hangal nilang idinidiin ang kanilang sarili. Huwag kang pikit-matang magyabang tungkol sa mga bagay na kailanman ay hindi nangyari; pag-ingatan mong hindi matawag ang atensyon ng mga pulis at masangkot sa gulo. Madaling masangkot sa gulo sa pagyayabang tungkol sa mga bagay-bagay; kung maglalaro ka ng apoy, malamang na mapapaso ka, at hahantong ka sa pagsira mo sa iyong sarili—sarili mong kagagawan iyon. Ni hindi mo nga alam kung ano ang sasabihin, hindi mo ito mawari—hindi ba’t kahangalan ito? (Oo.) Kung ipagyayabang mo ang tungkol sa pagkain ng dalawampung tinapay sa isang upuan, ayos lang iyon; hindi ito isang usapin ng paglabag sa prinsipyo. Kadalasan, iisipin lang ng mga taong hangal ka at hindi ka nila seseryosohin, ngunit hindi naman ito labag sa batas. Ang prinsipyo ng paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan, sa diwa, ay tungkol sa pangangailangang magkaroon ng karunungan sa bawat sulok ng lipunan at sa anumang grupong iyong kalalagyan. Katulad ito ng sinabi ng Diyos noong Kapanahunan ng Biyaya, “Mangagpakatalino nga kayong gaya ng mga ahas, at mangagpakatimtimang gaya ng mga kalapati” (Mateo 10:16). Protektahan mong mabuti ang iyong sarili; basta’t kaya mong panatilihin ang iyong kabuhayan, sapat na iyon. Huwag ka nang sumubok o magkaroon ng mga kahibangan tungkol sa pagsasamantala sa mga puwersa ng lipunan upang mapatunayan ang iyong sarili sa lipunan, maging bahagi nila, makuha ang kanilang pagkilala at pagtanggap. Mga hangal na ideya at imoral na kaisipan ang mga ito. Dapat na maitama ang mga perspektiba ng mga tao. Anuman ang kapaligiran o pamayanang panlipunan ang kalalagyan nila, kung susundin nila ang daan ng Diyos, hahantong ito sa pagtanggi sa kanila ng lipunan o ng sangkatauhan. Ngunit hangga’t binibigyan ka ng Diyos ng buhay, hindi ka maiiwang walang paraan upang umiral. Kailangan mong magkaroon ng ganoong uri ng pagtitiwala. Hindi nakasalalay ang buhay ng mga tao sa iba’t ibang puwersa upang masiguro ang kanilang kaligtasan, kabuhayan, kinabukasan, o ang lahat ng kanilang pagmamay-ari. Umaasa sila sa isang salita mula sa Diyos, sa Kanyang pag-ordena, patnubay, at proteksyon—kailangan mong taglayin ang pagtitiwalang ito. Samakatuwid, upang umiral sa lipunan, ang dapat na saligang pamamaraan ng iyong pag-iral ay pumili ka ng propesyon upang mapanatili ang iyong kabuhayan, sa halip na umasa sa anumang uri ng puwersa. Ang pag-asa sa isang propesyon upang masuportahan ang sarili: Ang prinsipyong ito ay na ang mga tao, sa ilalim ng patnubay at pag-ordena ng Diyos, ay nagtatamasa ng lahat ng bagay na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos, pati na ng mga materyal na ari-arian at pera—hindi umaasa sa mga limos o pamimigay mula sa iba’t ibang puwersa ng lipunan upang matugunan ang sarili nilang kabuhayan. Ang mga materyal na bagay at perang iyong inaasahan sa araw-araw na ikaw ay umiiral, katulad lang ng iyong hininga, ay nagmumulang lahat sa Diyos, at ipinagkaloob Niya, at walang makababawi sa ipinagkaloob ng Diyos sa iyo. Ang mga materyal na bagay, ang anumang bagay na panlabas sa iyong katawan, tulad ng iyong hininga, ay hindi ibinigay sa iyo sa pamamagitan ng pagbibigay-limos ng sinuman, at siyempre, walang makababawi sa mga iyon. Kung ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang mga iyon, walang makababawi sa mga iyon. Makikita natin ang katunayang ito sa mga karanasan ni Job, at dapat kang magkaroon ng pagtitiwalang ito. Sa tunay na pagtitiwalang ito, magkakaroon ka ng saligang batayan at motibasyong itaguyod ang prinsipyo ng paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan. Pagkatapos, sa saligang ito, mapapayapa ang iyong katawan at isipan sa harapan ng Diyos, makahaharap ka sa Kanya at maiaalay mo ang iyong katawan, isipan, at espiritu, matutupad mo ang iyong tungkulin, mahahangad mo ang katotohanan, at matatamo mo ang magandang resulta ng kaligtasan. Dapat mong taglayin ang kaalamang ito at maunawaan ang mga katotohanang ito. Samakatuwid, bagama’t maaaring mukhang madali ang mga katagang “lumayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan,” kapag nahaharap sa mga bagay ay kailangan mong timbangin ang iyong mga desisyon batay sa iba’t ibang prinsipyo at tunay na sitwasyon. Sa madaling salita, ang pinakamithiin ay hindi lamang lumayo at kumawala sa mga iyon, kundi gamitin ang pamamaraan at landas ng pagsasagawa ng paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan upang makamit ang pagiging payapa sa harapan ng Diyos, ialay ang iyong katawan at isipan sa Kanya, at humarap sa Diyos, tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan at sa huli ay makamit ang pag-asang maligtas at ang katuparan ng iyong mga pagnanais. Dahil dito, upang makamit ang panghuling kaligtasang ito, kailangan mong sundin ang prinsipyo ng paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan. Isa itong kinakailangang landas, isa sa mga napakahalagang landas sa pagkakamit ng kaligtasan. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.) Malinaw nang napagbahaginan ang prinsipyo ng paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan. Mayroon pa bang hindi malinaw sa inyo tungkol sa prinsipyong ito? Pagdating sa mga partikular na pambihirang sitwasyon, alam ba ninyo kung paano haharapin ang mga iyon? Kung ang pagsali sa isang partikular na puwersa ay isa lamang pormalidad o pangangailangan sa isang partikular na propesyon, nakalalabag ba ito sa prinsipyo ng paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan? Kung isa lamang itong pangangailangan o pormalidad sa loob ng iyong propesyon, katanggap-tanggap ito. Ang mga puwersang ating pinag-uusapan ay walang kaugnayan dito at sa mabababaw na organisasyon o grupo; ang tinatalakay natin dito ay mga puwersa. Ano ba ang tinutukoy ng “mga puwersa”? Tinutukoy nito ang mga awtoridad, kalakasan sa mga grupo, at ang kalakasang ginagamit ng mga ito sa pagkilos o pagwawala pa nga sa lipunan, hindi ba’t ganoon nga? (Oo.) Kung naunawaan na ninyo ang prinsipyong ito ng pagsasagawa, dumako na tayo sa pagbabahaginan tungkol sa kasunod na prinsipyo.

Ang pang-apat na prinsipyo ay lumayo sa politika. Isang sensitibong paksa ang politika. Tatlumpung taon ang nakalilipas, ang pagtalakay sa mga partikular na ganito at ganyang lider, mga polisiya, o kasalukuyang pamamalakad na pampulitika, kahit sa loob ng iglesia, ay makatatanggap ng pamumuna mula sa ilang tao. Marami ang maghahanap ng dahilan para umalis sa sandaling mabanggit ang politika, at hindi mangangahas na talakayin ang gayong mga paksa at sasabihing, “Ang pagbanggit sa politika ay nangangahulugang laban ka sa partido at sa bayan; isa kang kontra-rebolusyonaryo at maaaresto ka. Kung hindi lang dahil sa mga kapatiran, isusuplong kita.” Noon, masyadong sensitibo ang mga tao tungkol sa politika. Ganito pa rin ba ito ngayon? Kung matatalakay o mailalantad ang politika sa loob ng iglesia, kung mahahayag ang malaking pulang dragon at si Satanas, o mababanggit ang mga paksang tila politikal, ganito pa rin ba ang saloobin ng karamihan sa mga tao? Hindi ba’t nagkaroon ng kaunting pagbabago? (Oo.) Sa mga nakaraang pagtitipon, kapag napag-uusapan natin ang mga bagay na tulad ng kung aling demonyo ang lumalaban sa Diyos o nang-uusig sa mga Kristiyano, may ilang taong uubo, na para bang may nakabara sa kanilang mga lalamunan, at lalabas sila upang tumikhim. Pagkalipas ng ilang sandali, makikinig sila nang kaunti at iisiping, “Ay, tapos na ang kontra-rebolusyonaryong usapan,” at babalik na sila. Ngunit nang bumalik sila at nalaman nilang tinatalakay mo pa rin ito, uubo na naman sila at lalabas. Napaisip Ako, bakit ba ubo sila nang ubo? Tinatalakay namin kung paano kilatisin si Satanas, at inihahayag namin ang diwa at kasuklam-suklam na mukha nito. Isa ba itong politikal na talakayan? (Hindi.) May ilang hangal na tao, mga diumano’y espirituwal na taong walang espirituwal na pag-unawa, na mariing kumokontra sa mga paksang ito. Hindi nila matukoy ang pagkakaiba ng katotohanan sa aktuwal na pagkasangkot sa politika o maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng Partido Komunista sa “mga kontra-rebolusyonaryo.” Mga mangmang sila, nakondisyon ang pag-iisip nila ng Partido Komunista, at takot silang sila mismo ay maituring na “mga kontra-rebolusyonaryo.” Hindi sila nangangahas na talakayin o banggitin ang paksa ng paglalantad sa malaking pulang dragon. Pakikibahagi ba sa politika ang paglalantad sa malaking pulang dragon? Kontra-rebolusyonaryo ba ang paghihimagsik laban sa malaking pulang dragon? (Hindi, hindi ito kontra-rebolusyonaryo.) Sa ngayon, naglalakas-loob kayong sabihing hindi, ngunit maglalakas-loob ba kayong sabihin ang parehong bagay sa Tsina? Ang mga tao bang sumusunod sa Diyos ay mga politikal na kriminal na kumikilos laban sa partido at sa estado? (Hindi.) Bakit sinasabi mong hindi? Ano ba ang isang politikal na kriminal? Nakibahagi ka na ba sa politika? (Hindi.) Kung hindi ka nakibahagi sa politika, paano ka naging isang politikal na kriminal? (Ang malaking pulang dragon ang nagbibigay ng bansag na iyon.) Kung nakikibahagi ka sa pagnanakaw, isa kang magnanakaw. Kung nakikibahagi ka sa pagpatay, isa kang mamamatay-tao. Kung nakikibahagi ka sa panghoholdap, isa kang holdaper. Sa anong mga batayan ba napatutunayan ang mga kasong ito? Napatutunayan ang mga kasong ito kapag nagsagawa ka ng mga ganitong kriminal na gawain, at nagiging salarin ka sa kriminal na gawing iyon. Ngunit kung hindi ka nakibahagi, walang kinalaman sa iyo ang krimen at ang kasong ito. Kung hindi mo sinusunod si Satanas o ang partido, kung nilalabanan mo ang Partido Komunista, nilalabanan ang malaking pulang dragon, at kinapopootan ang malaking pulang dragon, at kung sumusunod ka sa Diyos, nakikibahagi ka ba sa politika? (Hindi.) Kung gayon, kung hahatulan ka nila ng pagiging isang kontra-rebolusyonaryo o isang politikal na kriminal, matibay ba ang kasong iyon? (Hindi, hindi ito matibay.) Hindi ito matibay; katawa-tawa ito. Katulad ito ng isang magsasakang walang propesyon, na nagsasaka lang sa maliit na lupain, nag-aani ng mga pananim, at pumupunta sa palengke para ibenta ang mga iyon. Pagkatapos, makikita siya ng isang taong may pulang tsapa sa manggas at sasabihing, “Hoy, may lisensya ka ba sa pagtatrabaho? May sertipiko ka ba ng kalusugan?” Sasabihin ng magsasaka, “Saan ba ako kukuha ng lisensya sa pagtatrabaho? Wala akong propesyon, hindi ako nagtatrabaho, bakit ko kakailanganin ng lisensya sa pagtatrabaho?” Walang posisyon o propesyon ang magsasaka, subalit hinihingan siya ng lisensya sa pagtatrabaho para lang makapagbenta—hindi ba’t katawa-tawa iyon? Kapag sumasampalataya ka sa Diyos at sumusunod sa Kanya, pararatangan ka ng malaking pulang dragon na nakikibahagi ka sa politika. Aling artikulo ba ng pambansang saligang batas ang tinulungan mong balangkasin? Aling politikal na kilusan ba ang tinulungan mong planuhin? Anong antas ng opisyal ka ba sa gobyerno? Nakibahagi ka ba sa panloob na sigalot sa anumang antas ng pamahalaan? Sa aling mga pulong ng pambansang kongreso o kumperensiya ng estado ka ba nakibahagi? (Wala.) Ni wala kang pahintulot na makakuha ng impormasyon, lalo pa ang makibahagi sa politika, subalit sa huli ay nahatulan ka pa bilang isang politikal na kriminal—hindi ba’t isa itong gawa-gawang kaso? Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t katawa-tawa ang bansang ito? (Oo, ganoon na nga.) Hangal pa rin ang ilang tao. Iniisip nilang, “Hay naku, isang malaking kahihiyan sa mga mananampalataya ng Diyos ang mahatulan bilang isang politikal na kriminal o kontra-rebolusyonaryo!” Hindi ba’t kahangalan iyon? May ilang tao pa ngang matapos mahatulan bilang mga kontra-rebolusyonaryo o politikal na kriminal dahil sa pagsampalataya sa Diyos at masentensyahan ng 15 hanggang 20 taon sa bilangguan, sa kanilang paglaya, pakiramdam nila ay isa itong kahiya-hiyang bagay. Iniisip nilang wala na silang mukhang maihaharap kahit na kanino, pati na sa mga kaklase, kaibigan, at pamilya. Lalo na kapag sinisisi at pinagbubulungan sila ng mga tao kapag nakatalikod sila, pakiramdam nila ay may nagawa silang kahiya-hiya. Hindi ba’t katawa-tawa iyon? (Oo.) Tinatanggihan ka ng panahong ito, at inuusig ka ng malaking pulang dragon—makatarungan ba sila? Kung titindig ang buong sangkatauhan upang usigin ka, nangangahulugan ba iyong ang katotohanan ay hindi na ang katotohanan? Ang katotohanan ay palaging ang katotohanan, kahit na gaano pa karaming tao ang tumindig upang labanan ito. Mananatiling hindi nagbabago ang diwa ng katotohanan, katulad ng pananatiling hindi nagbabago ng masamang diwa ni Satanas. Kahit pa walang kumikilala o tumatanggap sa katotohanan, katotohanan pa rin ito, at hindi magbabago ang katunayang ito. Kung ang buong sangkatauhan ay titindig laban sa Diyos at hindi tatanggapin ang Kanyang mga salita, ipakikita nitong masama pa rin ang sangkatauhan. Hindi maaaring maging katuwiran ang puwersa ng kasamaan ni Satanas dahil lamang sa maraming tao o malalaking puwersa ang nasa likod nito. Ang isang kasinungalingang inulit nang sampung libong beses ay nagiging katotohanan; iyon ang kabulaanan ni Satanas, ang lohika ni Satanas, hindi ang katotohanan. Kung ang mga mananampalataya ay makararanas ng pagtanggi mula sa buong mundo, at ng pag-uusig at paninirang-puri mula sa malaking pulang dragon, dapat ba silang mahiya? (Hindi.) Hindi sila dapat mahiya. Kapag nakaranas ka ng pag-uusig alang-alang sa pagiging matuwid, pinatutunayan nitong tunay na masama ang mundong ito, at kinukumpirma nito ang mga salita ng Diyos: Ang buong mundo ay napapailalim sa kapangyarihan ng diyablo. Kapag inuusig ka alang-alang sa katuwiran, kahit gaano pa kawasto ang iyong landas at kamakatarungan ang iyong mga kilos, walang titindig at pupuri sa iyo. Sa halip, sa anumang buktot na transaksyong ginagawa ng mga tao sa mundong ito, basta’t itataguyod at isusulong nila ang mga iyon, kapag iniharap ang mga iyon sa publiko, nagiging mga positibong bagay na ang mga iyon. Ang mga taong iyon ang masasamang tao; pawang buktot na pandaraya ang mga gawa nila.

Ipagpatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa usaping ito ng paglayo sa politika. Ano ba ang politika? Kailangan mong malaman kung ano ang politika bago mo maunawaan kung paano didistansya rito. Ano nga ba ang politika? Sa pinakapangunahing antas, nakapaloob dito ang isang pagnanais na humawak ng katungkulan at magkaroon ng propesyon bilang isang opisyal. Ito ay isang aspekto ng politika. Ang ibig sabihin ng politika ay paghawak ng katungkulan at pagkakaroon ng propesyon bilang isang opisyal. Mula sa matataas hanggang sa mabababang opisyal, mula sa mga pinuno ng maliliit na departamento at mga hepe ng seksyon sa mga ahensya ng gobyerno, hanggang sa mga kalihim ng sangay ng partido at mga kalihim ng komite ng partido, hanggang sa mga direktor, pinuno ng kawanihan, kalihim, at mga pinuno sa iba’t ibang antas—ang lahat ng ito ay napapailalim sa kategorya ng politika. Ano ba ang tinutukoy ng politika? Ang pinakatuwirang paraan ng paglalarawan dito ay puwersa at awtoridad ito, isa itong simbolo para sa isang uri ng awtoridad sa lipunan. Isa itong aspekto ng politika. Ano pa ang napapailalim sa politika? (O, Diyos, hindi ba’t ang politika ay tungkol din sa pagsisikap na agawin, patatagin, o palakasin ang politikal na kapangyarihan ng estado?) Ang mga alitan ng mga tauhan at labanan para sa kapangyarihan ay nabibilang lahat sa politika. Ano pa ba ang iba? Ang mga pakana, diskarte, at pamamaraang ginagamit sa mga labanang ito, pati na rin ang iba’t ibang halalan, kampanya, at pagsisikap para sa publisidad na may kaugnayan sa politika at kapangyarihan—ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng politika. Ito ang pinakatuwirang pagkaunawa sa politika na mayroon tayo. Ang pakikipaglapit sa organisasyon at sa partido, at pagsusumikap para sa pag-unlad—hindi ba’t ito ang politika para sa mga karaniwang tao? Tinatawag nila itong “Isang maliit na taong nakakakita sa buong sitwasyon.” Nakita mo na, bagaman mababa ang kanilang posisyon, malawak ang kanilang perspektiba. Kaya nakikipaglapit sila sa organisasyon at sa partido, nagsusumikap para sa pag-unlad. Nagsisimula sila sa pagsapi sa Liga ng Kabataang Komunista, pagkatapos ay sa Partido Komunista. Unti-unti silang lumalapit sa partido, nakikinig sa mga tagubilin ng partido, sumusunod sa mga gabay na patakaran nito, at direksyon. Mahigpit nilang sinusunod ang mga alituntuning isinasaad ng partido, ipinatutupad ang mga iyon at lubos na tinataglay ang mga katangian ng isang miyembro ng partido. Nagsasalita at kumikilos sila para sa partido, pinoprotektahan nila ang mga interes ng partido, ang pamamahala, katayuan, at reputasyon nito sa mga isipan ng mga tao. Pinoprotektahan nila ang lahat ng bagay para sa partido. Hindi ba’t bahagi ang lahat ng ito ng politika? (Oo.) Pinoprotektahan mo ang organisasyon, ang organisasyong iyon ay ang partido. Alinmang politikal na partido ito o alinmang organisasyong binuo ng partido, sa sandaling magsimula kang makibahagi, nakikibahagi ka na sa politika. Nakibahagi na ba ang sinuman sa inyo? (Hindi.) Kung gayon ay makatitiyak ka; hindi ka isang politikal na kriminal, wala ka ring mga kwalipikasyon upang tawagin ang iyong sariling isang politikal na kriminal. Kahit papaano man lang, kakailanganin ng isang politikal na kriminal na pumunta sa ibang bansa at magtatag ng organisasyon o grupo ukol sa mga karapatang pantao, magsagawa ng iba’t ibang aktibidad ukol sa karapatang pantao, lumaban sa mga polisiya at pamamahala ng kasalukuyang pamahalaan, pati na sa iba’t ibang hakbang na ginagawa ng pamahalaan. Bukod pa rito, kailangan nilang magtatag ng mga patakaran, sistema, panuntunan, at ng isang saligang batas, pati na ng iba’t ibang probisyong dapat sundin ng mga miyembro ng organisasyon. Dapat itong maging organisado at disiplinado, na may mga lider sa itaas at mga nagtatrabahong miyembro sa ibaba, bumubuo ng isang ganap at sistematikong estruktura ng organisasyon mula sa itaas hanggang sa ibaba. Saka lamang ito matatawag na isang politikal na grupo, at tanging ang mga aktibidad na isinasagawa sa loob ng politikal na grupong ito ang maituturing na pakikibahagi sa politika. Nakibahagi na ba rito ang sinuman sa inyo? Kung hindi, may anumang layunin ba kayong makibahagi, o plano ba ninyong sumapi sa isang politikal na partido at kahit papaano ay humawak ng posisyong tulad ng isang mambabatas o isang tagapayo? Mayroon bang sinumang tumutugma sa paglalarawang ito? Kung may gayon kang mga plano, ibig sabihin nito ay sangkot ka na sa politika; kahit na hindi ka pa nakikibahagi, may layunin ka nang gawin iyon. Ngunit kung wala kang gayong layunin, napakaganda niyon. Ang pakikibahagi ba sa pagboto sa halalan bilang isang mamamayan ay maituturing na pagkasangkot sa politika? Kung ang sistema ng isang bansa ay nakabatay sa kalayaan at demokrasya, at may karapatang bumoto ang mga mamamayan, maituturing bang pakikibahagi sa politika ang pagboto para sa kandidatong si ganito at ganyan? (Hindi.) Hindi, polisiya at sistema ito ng bansang iyon, kung saan may karapatang bumoto ang mga tao. Hindi ito maituturing na pakikibahagi sa politika. Ipinahahayag mo lamang ang sarili mong kagustuhan sa pamamagitan ng pagpili ng isang partikular na tao, ngunit hindi ka nasasangkot sa labanan nila para sa politikal na kapangyarihan. Walang politikal na aktibidad ang may kaugnayan sa iyo. Bumoboto ka lang para kay ganito at ganyan bilang isang mamamayan ng bansang iyon. Ang kilos na ito ay isa lamang tuwirang pagsasagawa ng mga karapatan mo bilang mamamayan at hindi isang uri ng politikal na aktibidad o gawi.